Sa nakaraang aralin, natutunan natin ang tungkol sa hindi makasarili at walang kondisyong pag-ibig. Atin ring natutunan na mayroong limang magkakaibang paraan (wika) na kung saan ang pag-ibig ay maaaring ipadama. May mga taong karaniwang nauunawaan at naipapadama ang pag-ibig gamit ang isa o dalawa mula sa limang paraan.
Tinalakay natin ang mga salita ng pag-ayon at natuklasan natin ang mga praktikal na mga pamamaraan upang maipadama ang ating pag-ibig sa miyembro ng ating pamilya. Sa araling ito, matututunan natin ang iba pang apat na wika ng pag-ibig, at pagkatapos ay magkakaroon tayo ng mga partikular na mga pagsasabuhay nito sa ating pagpapakita ng pag-ibig sa ating mga anak.
Wika ng Pag-ibig 2: Kalidad na Oras
Ang mga taong ang pangunahing wika ng pag-ibig ay nasa kalidad ng oras ay higit na nakadarama ng pagmamahal kapag ang kanilang mga mahal sa buhay ay nagbibigay ng panahon upang sila’y makasama. Ang oras o panahon na ito ay maingat na inilalaan upang higit na makapagbigay ng pansin sa isa’t isa. Ito ay oras ng pagsasaya at pagsasama.
Ang pagbibigay ng panahon ay hindi dapat na nagkataon o natitirang oras. Kung ikaw ay nasiksik sa isang trapik o kaya’y naghihintay sa isang pila, dapat mong gamitin ng maayos ang oras sa sandaling iyon. Subalit hindi pa rin matatagpuan sa mga ito ang kalidad na oras na may layunin at pagsasama. Ang iyong asawa o ang iyong anak ay maaaring magpagawa ng isang proyekto kasama ka; ito ay mahalaga, subalit ang oras na ito ay hindi pa rin makatutugon sa kanilang pangangailangan ng kalidad na oras kasama ka.
Ang pag-uusap na walang abala ay mainam na anyo ng isang kalidad na oras. Sa ganitong uri ng pag-uusap, bawat isa ay buong pansing nakikinig sa isa’t isa. Inaalis ng bawat isa ang anumang sagabal o isturbo gaya ng anumang mensahe o tawag sa telepono upang magawang makapokus sa isa’t isa at sa pinag-uusapan.
Narito ang ilang mga paraan upang maipakita mo na ikaw ay nakikinig ng mabuti:
1. Panatilihing Nakatingin sa Kausap.
2. Aktibong makinig. Tumugon sa sinasabi ng kausap. Huwag mong isipin kung ano ang susunod mong sasabihin. Sa halip, magbigay ka ng panahon na unawain ang iniisip at sinasabi ng kausap mo. Maaari mong tiyakin na nauunawaan mo ang kanyang sinasabi sa pamamagitan ng, “Kung tama ang pagkaintindi ko sa iyo, tila nararamdaman mong…”
3. Huwag mabilis na sumabat. Minsa’y iniisip ng tagapakinig na nauunawaan niya ang ideyang napapakinggan at dahil rito’y mabilis na sasabat upang ibigay ang kanyang opinyon. Ngunit para sa nagsasalita, hindi ka nagbibigay ng panahon para talagang unawain ang kanyang sinasabi.
4. Makinig sa damdamin, hindi lamang sa kung ano ang sinasabi. Kapag sinisikap nating unawain ang pananaw ng isang tao, ipinapakita natin na sila’y mahalaga. Kapag nakikinig tayo ng may puso, ipinapadama natin na ang kanilang mga opinyon at nararamdaman ay mahalaga sa atin; na sila mismo ay mahalaga para sa atin!
Ang pinakamainam na pagbibigay ng oras ay yaong wala kang ginagawang anuman kundi ang makipag-usap sa isa’t isa, bagamat may ilan ring ibang paraan ng pagsasama na mahalaga. Sa araw-araw ay pwedeng maglaan ng oras na magkakasama ang pamilya habang kumakain, na maaaring gawin rito ang isang makabuluhang pag-uusap habang sila’y kumakain.
Ang pagbabasa ng kwento sa mga maliit na bata, pakikipaglaro sa kanila, o kaya’y ang paggawa ng isang nakalilibang na bagay ay ilan sa mga paraan upang magkaroon ng kalidad na oras sa pamilya. Ang pagsasagawa ng isang proyekto o isang malikhaing bagay na hindi para sa paaralan, trabaho, o simbahan ay isa ring paraan ng pagbibigay ng kalidad na oras.
Kapag ang isang kapamilya ay malayo sa tahanan, ang kalidad na oras ay pwedeng magawa sa pamamagitan ng pag-uusap sa telepono.
Ang kalidad na oras ay inilaan, walang disturbo, at hindi nagmamadaling panahon para makapokus sa isa’t isa at masiyahan sa inyong pagsasama-sama. Isang mainam na bagay na laging maglaan ng kalidad na oras para sa asawa at mga anak sa araw-araw.
Kung ang Panahon ay Hindi Mailaan
Kung ang asawa o magulang ay namumuno sa isang ministeryo, madalas na mahirap na makapaglaan ng panahon para sa pamilya. Tuloy, madalas na maramdaman ng mga anak ng pastor na sinuman ay maaaring tumawag sa pansin ng kanilang ama, at siya naman ay laging abala upang makapagbigay ng oras sa kanila. Sa ganitong lagay, tila ang panahon sa pamilya ay naisasakripisyo para sa kapakanan ng ministeryo.
Ang abala ay hindi maiiwasan sa isang taong nasa ministerio, gayunma’y dapat ka pa ring magsikap na maglaan ng panahon para sa iyong pamilya. Kapag gagawin mo ito, mas lalo nilang mauunawaan ang iyong mga regular na tungkulin at maging yaong mga karagdagang bagay na biglang dumarating.
Ang isang tao na ang pangunahing wika ng pag-ibig ay nasa kalidad ng oras ay nakadarama na hindi siya lubos na mahal kung kinakapos siya ng makabuluhang panahon kasama ang kanyang pamilya. Mas higit siyang nasasaktan kapag ang kalidad na oras ay hindi binibigyang prayoridad at kapag ang plano para sa kalidad na oras ay naipagpapaliban dahilan sa mga isturbong dumating. Mahirap para sa ganitong tao na makita ang kanyang pamilya na abala at hindi makapagbigay ng panahon sa kanya. Pakiramdam niya ay hindi siya ganoon kahalaga kapag hindi nakikinig ng mabuti ang mga miyembro ng kanyang pamilya.
Kapag hindi mo nabibigyan ng atensyon ang iyong asawa o anak, maaaring hindi nila madama ang pag-ibig na mayroon ka para sa kanila, bagamat may mga ginagawa kang bagay para sa kanila. Maaaring ang ama ng tahanan ay nagtratrabaho ng masikap para sa kanyang pamilya, ngunit maaaring maramdam ng asawang babae na siya’y hindi mahal kung hindi siya makapagbigay ng panahon para sa kanya.
May isang bata na pumunta sa kanyang ama upang ibahagi ang kwento na kanyang narinig. Ang ama ay nagbabasa ng aklat, saglit na huminto, ngunit mayamaya ay agad na bumalik sa pagbabasa ng kanyang libro habang ang kanyang anak ay nasa gitna ng pagkwe-kwento. Sa paglipas ng panahon, hindi nakalimutan ng batang iyon ang kanyang naramdaman sa sandaling iyon.
► Ano ang dapat na maging itsura ng kalidad na oras para sa iyong pamilya? Ano ang mga kahirapan na dapat mong pagtagumpayan upang magkaroon ka ng makabuluhan panahon kasama ang iyong mga mahal sa buhay?
Wika ng Pag-ibig 3: Mga Regalo
Ang mga tao na ang pangunahing wika ng pag-ibig ay ang tumanggap ng mga regalo ay higit na nakadarama ng pagmamahal kapag binibigyan sila ng mga bagay na nagpapakita na sila’y iniisip nila.
Ang mga regalong nagdudulot sa iba na maramdamang sila’y minamahal ay yaong mga regalong nagpapakitang naalala sila. Ang mga regalong ito ay pinili sapagkat sila’y nasa isipan ng magbibigay. Hindi ito kinakailangang praktikal o pangangailangan. Ang regalong ibinibigay ng pag-ibig ay hindi yaong mga bagay na hindi kailangan ng nagbibigay. Sa halip, ang mga regalo ay dapat na maingat na pinipili ng nagbibigay.
Ang regalong nagpapadama ng pag-ibig sa isang tao ay hindi kinakailangang mahal. Maaring ito ay isang bagay na panandalian lang gaya ng espesyal na pagkain o kendi; o kaya’y maaaring isang pangmatagalang bagay na magpapaalala ng relasyon niya sa nagbigay. Para sa mga taong ang pangunahing wika ng pag-ibig ay pagtanggap ng regalo, madalas na ang araw ng kaarawan, anibersaryo, at holiday ay mahalagang mga sandali sa kanila. Mahalaga para sa mga miyembro ng pamilya na alalahanin ang mga araw na ito na mayroon espesyal na regalo para sa minamahal. Ang hindi tumanggap ng regalo sa mga ganitong araw ay masakit sa kalooban para sa kanila.
Ang pagbibigay ng regalo ay hindi dapat na limitado lang kapag may espesyal na araw; ito ay dapat na maging bahagi ng buhay. Ang asawa o anak na ang pangunahing wika ng pag-ibig ay pagtanggap ng mga regalo ay dapat na ugaliing maghanap ng mga regalong makakatulong sa kanilang mahal sa buhay na madamang siya’y minamahal.
Ang asawang babae na ang pangunahing wika ng pag-ibig ay pagtanggap ng regalo ay maaaring makaramdam ng kulang na pagmamahal kung ang regalo ay dulot lang ng pangangailangan o kaya’y dahil sa nagtitipid. Halimbawa, kailangan ng babae ng bagong walis at binilhan naman siya ng kanyang asawa. Gayunma’y kahit na maganda na mayroon siyang bagong walis, ang regalo na iyon ay hindi makakatulong para maramdaman niya na siya ay minamahal.
Ang mga regalo ay nagiging mahalaga kung ang mga ito ay nagpapakita na nauunawaan at minamahal siya ng nagbigay. Dagdag pa, sila ay mahalaga kung hindi bunsod ng pangangailangan lang. Ang regalo ay nagiging mahalaga kapag tinataglay nito ang panahon, pag-iisip, pagsisikap, at halaga na ibinigay ng nagbigay.
Ang mga batang ang pangunahing wika ng pag-ibig ay ang tumanggap ng regalo ay higit na nakadarama ng pagmamahal kapag binibilhan sila ng kanilang ama ng ice cream kaysa sa ang bayaran lang ang mga gastusin nila sa paaralan, bagamat ang mga ito ay higit na mahalaga at malaki. Sa halip na hingin sa iyong pamilya na pasalamatan ka sa mga bagay na karaniwan mong ginawa, maghanap ka ng mga paraang makagagawa ka ng mga bagay na espesyal sa kanila.
May mga taong hinahayaan ang kanilang mga asawa at mga anak na parang namamalimos sa lahat ng bagay. Ang isang tao na matipid at madalang bumili ng mga bagay para sa kanyang sarili ay maaaring mahirap na bumili at magbigay ng mga regalong tingin niya’y hindi kinakailangan. Dahil rito, hindi niya sinasanay ang mga miyembro ng kanyang pamilya sa pagtanggap ng mga regalo. Subalit kung siya ay mayroong asawa o anak na kung saan ang pagtanggap ng regalo ay mahalaga, dapat na sikapin niyang baguhin ang kanyang nakasanayan. Dapat na niyang subukan na makita ang mga regalo sa paraang nakikita nila – bilang mahalaga at nararapat. Kapag magbibigay ng regalo, ibigay ito ng libre at may kagalakan!
► Dapat basahin ng mag-aaral ang 2 Corinto 9:6-9 para sa grupo. Sa talatang ito, pinapakiusapan ni Pablo ang mga mananampalataya sa Corinto na masaganang magbigay sa mga kapatirang nasa pangangailangan. Mula sa mga talatang ito, magbigay ng apat o limang motibasyon para sa pagbibigay. Sa paanong paraan na ang mga prinsipyo sa mga talatang ito ay maisasagawa sa pagbibigay sa ating pamilya?
► Anong lugar mayroon ang pagbibigay ng regalo sa inyong pamilya? May mga naranasan ka bang mga kahirapan na ipahayag ang iyong pagmamahal sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga regalo? Ano ang mga kahirapang iyon at paano mo sila pinagtagumpayan?
Wika ng Pag-ibig 4: Mga Gawa ng Paglilingkod
Ang mga taong ang pangunahing wika ng pag-ibig ay nasa gawa ng pagsiserbisyo ay higit na nakadarama ng pagmamahal kapag may ginagawa para sa kanila ang ibang tao.
Ang mga gawa ng serbisyo ay tumutugon sa mga praktikal na pangangailangan. Ang mga bagay na ito ay maaaring mga bagay na hindi magawa ng isang tao para sa kanyang sarili. Ang pagbibigay ng serbisyo ay maaaring isang simpleng kilos ng pagbibigay ng maiinom. Ito’y maaaring pangangalaga sa maysakit. Ito’y maaring pagtulong sa oras ng pangangailangan.
Sa ilang mga pamilya, mayroong mahabang panahon na maaaring ilaan para sa isang miyembro ng pamilya na nangangailangan ng palagian at personal na pangangalaga. At dahil sa pag-ibig at sigasig ng pamilya para sa taong iyon, patuloy silang gumagawa ng maraming paglilingkod. Bagamat maraming oras ang naiuukol sa gawa ng serbisyo, dapat alalahanin ng miyembro ng pamilya na maaari rin nilang ipadama ang kanilang pag-ibig sa iba pang makabuluhang paraan, lalo kung ang pangunahing wika ng pag-ibig ay hindi nasa gawa ng serbisyo.
May ilang mga gawa ng pagsiserbisyo na karaniwang gawain lamang at maaaring hindi mapansin o ipagwalang bahala. Maraming mga kababaihan na ipinapadama ang kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng kanilang araw-araw ng pagluluto at paglilinis ng bahay. Ang lalaki ay naghahanap-buhay ng para sa pamilya. Kung ikaw ay naglilingkod na sa iyong pamilya sa pamamagitan ng mga bagay na ito, maaari ka pa ring maghanap ng mga espesyal na paraan ng pagsi-serbisyo para sa mga miyembro ng iyong pamilya alinsunod sa pangunahing wika ng pag-ibig na ito.
Kapag ang babae ay walang interés sa kahit maliit na pangangailangan ng kanyang asawa, bigo siyang ipahayag ang ganitong uri ng pag-ibig. Marahil iniisip niya, “Kaya niya namang kumuha ng baso ng tubig para sa kanyang sarili.” Subalit, kung ang babae mismo ang kukuha ng baso ng tubig para sa kanya, ito’y kapahayagan na ng pag-ibig.
Gayundin naman, ang asawang lalaki ay dapat na magpakita ng konsiderasyon. Kapag binibigyan niya ang kanyang asawa ng bakasyon mula sa mga gawaing karaniwang ginagawa niya, at gagawin niya ang mga ito para sa kanya, ito ay pagpapakita ng paggalang sa kanyang ginagampanang gawain at ipinapakita na ang kanyang mga gawain ay mahirap rin at mahalaga.
Maaring maramdaman ng asawang lalaki na ang trabaho niya ay sapat at ang mga gawaing bahay ay para ng lahat sa kanyang asawa. Maaari ring isipin ng lalaki na ang babae ay dapat na maging masinop sa kanyang mga gawain. At kung ipinapalagay ng lalaki na ang mga gawaing bahay ay magpapababa ng kanyang dangal, nagpapakita lang ito na minamaliit niya ang mga kababaihan at nababagay lang sa kaunti at madaling gawain. Subalit ang mga babae ay hindi mababa kaysa sa mga lalaki at ang mga gawain sa bahay ay hindi mababang uri ng gawain kumpara sa mga trabahong ginagawa sa labas.
Sa kabilang banda, maaari ring maramdaman ng isang lalaki na para bang gumagawa siya ng tungkulin ng isang alipin (na mababa kaysa sa kanyang asawa) kapag siya’y tumutulong sa mga gawaing-bahay, subalit hindi ito totoo. Kung magkukusa siyang tumulong, ipinapakita niya ang halaga ng gawain at ang halaga ng taong kanyang tinutulungan. Ang serbisyo niya ay nagbibigay ng paggalang sa taong karaniwang gumagawa ng gayong gawain at ipinapakita niya ang pasasalamat sa kanya. Sa ganitong paraan, hindi siya titingnan ng kanyang asawa na isang alipin, kundi isang kagalang-galang na asawa.
Kung ang mga tao ay alangan at nagmamaktol na tumutulong, nagpapahiwatig lang ito na napipilitan lang silang tumulong. Ang kanilang mga gawa ng pagsi-serbisyo ay hindi nagpapadama ng pag-ibig. Subalit kung gagawa sila ng mga gawa ng pagsiserbisyo na masaya at masigasig, nagpapakita ito ng kanilang pagkukusa at pagpapasya na maglingkod sapagkat hindi sila pinilit na gawin iyon. Ang ganitong masayang paglilingkod ay malinaw na nagpapahayag ng kanilang pag-ibig. Naghahatid rin ito ng paggalang mula sa kanilang mga mahal sa buhay.
► Kailan mahirap para sa iyo na paglingkuran ang iyong pamilya? Paanong ang paglilingkod bilang ekspresyon ng pag-ibig ay bumabago ng iyong pananaw?
Wika ng Pag-ibig 5: Pisikal na Pagpapadama
Ang mga taong ang pangunahing wika ng pag-ibig ay nasa pagbibigay ng pisikal na pagpapadama ay higit na nakadarama ng pagmamahal kung sila ay niyayakap o hinahaplos ng mga miyembro ng pamilya.
May iba’t ibang paraan upang ipakita ang pagmamahal sa pamamagitan pisikal na pagpapadama. Ilan sa mga ito ay angkop sa ilang mga relasyon at lugar subalit may mga hindi angkop sa ibang relasyon. Narito ang ilang mga halimbawa:
Pagyakap sa isa’t isa
Paglalagay ng bisig sa likod o balikat ng isang tao
Paglalapat ng iyong mga kamay sa balikat ng isang tao
Pagtapik sa likod o balikat
Magkatabing maupo
Paghahawak kamay
Paghalik sa isa’t-isa
Pagbibigay ng masahe sa likod
Pagkarga sa isang bata
Paglapat ng kamay sa buhok ng isang bata
Pagbibigay ng malambing at banayad na pangangalaga kapag may sakit ang isang tao o kapag may ibang nararamdamang sakit
Ang pisikal na pagpapadama ay maaari ring maging makabuluhan lalo kung ang isang ay may pinagdaraanang mahirap na kalagayan. Sa oras ng kalungkutan, kasakitan, pag-iisa, o depresyon, ang isang yakap ay maaring maging makabuluhan sa isang taong ang pangunahing wika ng pag-ibig ay nasa pisikal na pagpapadama kaysa sa maraming mga salita at gawa ng paglilingkod.
Para sa isang tao na ang pangunahing wika ng pag-ibig ay pisikal na pagpapadama, mahalagang patuloy mong ipakita ang iyong pag-ibig sa pisikal na paraan, kung maaari ay kahit na sila ay maysakit. Ang isang ama sa Lukas 15:20 ay yumakap at humalik sa kanyang nagsisising anak, bagamat ito ay madumi, mabantot, at hindi kaaya-aya sa anumang paraan.
Ang wika ng pag-ibig ng pisikal na pagpapadama ay hindi laging tungkol sa pagtatalik. Ang pagtatalik ay bahagi ng pisikal na pagpapadama. Ang hangaring humawak at hawakan ay maaaring maghatid at maipahayag sa pagtatalik, subalit ang gawain ng pagtatalik ay hindi sapat para sa taong ang pangunahing wika ng pag-ibig ay pisikal na pagpapadama.
Ang hangaring makadama ng pagmamahal sa pamamagitan ng pisikal na pagpapadama ay maaaring magtangay sa isang tao na mahulog sa tukso ng imoral na pakikipagtalik. Napakahalaga kung gayon para sa mga magulang na maibigay sa kanilang mga anak ang sapat, nararapat, angkop, at hindi mahalay na pisikal na pagpapadama upang ang kanilang pisikal na pagdamang kinakailangan ay matugunan. Ang batang nakadarama ng pag-ibig ay may mataas na lakas na paglabanan ang tukso.
Mga Kasalanan ng Pisikal na Pagpapadama
Sila na ang pangunahing wika ng pag-ibig ay pisikal na pagpapadama ay madalas na masaktan ng magaspang na pag-uugali. Ang paluin ang isang tao bunsod ng galit (Galacia 5:20), sampalin ang isang tao upang ipahiya siya (Mateo 5:39), o kaya’y ang hampasin ang isang tao gamit ang pang-aabuso ng kapangyarihan (Mateo 24:48-49) ay masama. Dahilan sa mga talatang ito, alam natin na walang karapatan ang mga magulang na saktan ang kanilang mga anak, kahit na sila’y galit o asar. Sinasabi rin ng Diyos na masama para sa mga anak na saktan ang kanilang mga magulang (Éxodo 21:15).
Ang angkop at maingat na pisikal na disiplina sa mga anak na ibinibigay ng mga magulang sa diwa ng kahinahunan (Colosas 3:21), at para sa layunin ng pagtutuwid at pagtuturo sa katuwiran ay hindi masama. Sa halip, ito ang hinihingi ng Diyos sa mga magulang upang matulungan silang sagipin ang kaluluwa ng kanilang mga anak (Kawikaan 13:24; Kawikaan 19:18, Kawikaan 29:15, Hebreo 12:5-7).
Lahat ng abuso at immoralidad na sekswal, pati na ang insesto ay (Levitico 20:11-12, 14) masama.
Pagtukoy sa Iyong Pangunahing Wika ng Pag-ibig
Hindi lahat ng mga tao ay may kamalayan sa kanilang pangunahing wika ng pag-ibig. Maaaring hindi nila masyadong napapansin ang mga paraan na madalas nilang ipadama ang kanilang pagmamahal sa iba. Maaaring hindi rin nila namamalayan ang ginagawa ng iba upang ipadama sa kanila na sila’y minamahal. Magbigay ng sandali na pag-isipan ang iyong nalalaman tungkol sa limang wika ng pag-ibig.
► Sa anong wika ng pag-ibig mo karaniwan at madalas na ipinapadama ang iyong pagmamahal sa iba?
► Ano ang iyong pangunahin at sekondaryong mga wika ng pag-ibig? Kung sakaling nahihirapan ka na malaman kung anong pagpapadama ng pag-ibig ang malapit sa puso mo, narito ang ilang mga katanungan na tutulong sa iyo:
Ano ang halimbawa ng mga bagay na nagpapasaya sa iyo?
Ano ang mga paborito mong alaala?
Ano ang madalas mong inirereklamo (kahit na hindi mo sinasabi)?
Ano ang sa pakiramdam mong masakit para sa iyo?
Ang Limang Wika ng Pag-ibig at ang mga Bata
Lahat ng tao ay laging nangangailangan na makadama ng limang wika ng pag-ibig, subalit ito ay mas higit na kailangan ng mga bata. Upang sila’y magkaroon ng timbang at malusog na emosyon, kailangan silang laging sabihan at pagpakitaan ng kanilang mga magulang ng pag-ibig na walang hinihinging kapalit. Kapag ipinapakita ng mga magulang ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga anak sa iba’t ibang pamamaraan sa araw-araw, ito ay parang katulad ng banayad na ulan sa uhaw na puso ng kanilang mga anak.
Huwag mong ipalagay na alam at nadarama ng mga anak mo na sila’y iyong minamahal. Dapat na lagi mong ipinapakita ang iyong pagmamahal ayon sa kanilang pangunahing wika ng pag-ibig at sa iba pang wika nito.
Pagtuklas sa Pangunahing Wika ng Pag-ibig ng isang Bata
Sina Gary Chapman at Ross Campbell ay nagbigay ng mga ideya kung paano mo matutuklasan ang pangunahing wika ng pag-ibig ng isang bata:[1]
1. Masdan mo kung paano ipinapadama ng iyong anak ang kanyang pagmamahal sa iyo.
2. Masdan mo kung paano ipinapadama ng iyong anak ang kanyang pagmamahal sa ibang tao.
3. Pakinggan mo ang madalas na kahilingan ng iyong anak.
4. Pansinin mo ang madalas na reklamo ng iyong anak.
5. Bigyan mo ng pagpipilian ang iyong anak sa pagitan ng dalawang bagay.
Maaaring hindi possible na matukoy ang pangunahing wika ng pag-ibig ng isang bata na wala pang limang taong gulang.
Espesyal na Paunawa tungkol sa mga Wika ng Pag-ibig ng mga Bata
Hindi na nating detalyadong tatalakayin rito ang tungkol sa limang wika ng pag-ibig sapagkat tinalakay na natin ito sa mga nakaraang aralin. Sa halip, magbibigay lamang tayo ng ilang puntos ng espesyal na implikasyon at aplikasyon ng pagpapakita ng pag-ibig sa mga bata.
Mga Salita ng Pag-ayon
Hindi madaling magbigay ng mga salita ng pag-ayon kapag ang isang tao ay hindi mo nakikitang hindi gumagawa ng mabuti at di nagsisikap. Subalit kung mayroon kang makitang sigasig o matatagpuang bagay na pwede mong purihin, ito ay magpapasigla sa iyong mga anak, at maaaring sa pamamagitan nito ay lumago sila.
Kalidad na Oras
Lubhang kapaki-pakinabang para sa pamilya na kumakaing sama-sama at magkaroon ng pagbisita sa mga gayong sandali.
Sa mga pamilyang may maraming mga anak, madaling makaligtaan ang kalidad na oras para sa isang bata. Subalit, ang pagbibigay ng panahon upang gumawa ng espesyal na bagay para sa bawat bata ay makakatulong sa kanilang maramdaman na sila’y minamahal. Ang inyong oras sa isa’t isa ay isa ring pagkakataon upang ibahagi ang kanilang personal na saloobin na maaaring alangan nilang sabihin sa harapan ng kanilang mga kapatid o iba pang miyembro ng pamilya.
Madalas, ang mga bata ay biglang hihingi ng kalidad na oras na kasama ang kanilang mga magulang. Minsan, kapag nasa higaan na, ang isang bata ang magbubukas ng kanyang saloobin at nais pag-usapan ang isang bagay na laman ng kanilang puso. Napakahalaga para sa mga magulang na magbigay ng panahon sa kanilang mga anak sa mga sandaling ito. Sa maraming pagkakataon, ang mga bata ay may pinagdadaanang espiritual na bagay, at sa pamamagitan ng pribadong pakikipag-usap sa kanilang magulang, sila ay naghahanap ng espirituwal na gabay. Sa pagkakataong ito, ang mga magulang ay nagkakaroon ng pagkakataon na akayin ang kanilang mga anak kay Jesus.
Sa iyong kalidad na oras kasama ang iyong mga anak, matuto kang magtanong ng mga bukas na katanungan na tutulong sa iyo upang maunawaan ang kanilang iniisip at nararamdaman. Ang mga bukas na katanungan ay yaong mga tanong na hindi masasagot ng “Oo” o “Hindi.” Ang mga bukas na katanungan ay walang mga partikular na sagot. Ang mga bukas na katanungan ay karaniwang nagsisimula sa “Bakit…” “Paano…” o “Ano…” Ang bukas na pag-uusap ay naglalaman ng mga kataga na gaya ng “Ikwento mo nga sa akin ang tungkol sa ganito…” o “Ano sa palagay mo ang tungkol sa bagay na ito…”
Habang sumasagot ang iyong anak sa iyong mga tanong, tiyakin mong pinapakinggan mong mabuti ang kanyang mga sagot at tumutugon ka ng nararapat. May mga kalagayan na kung saan ay kakailanganin mong magbigay ng mga karagdagang tanong. Minsan naman, may mga pagkakataon na nais mong linawin ang kanilang mga sinabi upang mas higit mong maunawaan. Minsan, kailangan mong sang-ayunan sila sa kanilang mga sinasabi at nararamdaman. Napakahalaga sa tagpong ito na hindi maramdaman ng bata na sila’y iyong binubusisi, kundi dapat na ang pag-uusap ay natural lang. Ang iyong pansin ay makakatulong sa bata na maramdaman siya’y napapakinggan, pinapahalagahan, at minamahal.
Ang pakikinig na mabuti sa kuwento ng iyong batang anak ay nagpapakita ng iyong pag-ibig sa paraang makabuluhan sa kanya. Ang pagbibigay rin ng panahon na kwentuhan sila o magbasa ng mga libro sa kanila ay isa ring magandang paraan ng pagbibigay ng kalidad na panahon sa kanila.
Ang pakikipaglarong kasama nila o makasama sila sa paggawa ng isang kakatwang proyekto ay ilan rin sa mga paraan para magkaroon ka ng kalidad na oras sa kanila.
May mga magulang na hindi makapaglaan ng oras sa kanilang mga anak. At para matugunan ang kakulangan na ito, bumibili sila ng mga regalo sa bata. Subalit hindi mapapalitan ng mga regalo ang kalidad na oras. Ang mga bata ay nangangailangan ng kalidad na oras mula sa kanilang mga magulang, anuman ang kanilang pangunahing wika ng pag-ibig. Walang bilang ng regalo ang pwedeng maging kapalit sa oras na ibinibigay mo sa iyong mga anak.
Mga Regalo
Maraming mga magulang ang madalang bumili ng laruan at kasiya-siyang aklat sapagkat ang mga ito ay parang hindi kinakailangan. Subalit ang mga ito ay makakatulong sa paglago ng isang bata, hindi lamang kapahayagan ng ating pagmamahal sa kanila.
Mga Gawa ng Paglilingkod
Narito ang ilang sa mga ideya ng pagpapakita ng paglilingkod sa iyong anak:
Ipaghanda sila ng paborito nilang pagkain sa araw ng kanilang kaarawan.
Alagaan sila ng mabuti kapag sila’y maysakit.
Tulungan ang iyong anak sa kanyang proyekto sa paaralan.
Gumawa kayong magkasama ng anak mo ng anumang gawaing bahay at ipahayag mo ang pasasalamat sa kanyang naitutulong.
Gumawa ng bagay na mabuti na kasama ang iyong anak sa isang taong hindi ninyo kasambahay.
Pisikal na Pagpapadama
Lahat ng mga sanggol at bata ay dapat na makaranas ng pag-ibig sa pamamagitan ng pisikal na pagpapadama. Ang mga sanggol ay may mga praktikal na pangangailangan na gaya ng pagpapakain at pagpalit ng kanilang diaper, subalit kailangan rin nila ang hawakan, kargahin, haplusin, at halikan. Ang ganitong banayad na pisikal na pagpapadama ay pagpapakita ng iyong pagmamahal sa kanila na napakahalaga sa kanilang emosyunal at mental na kalusugan.
Ang isang ama na nakikipaglaro ng sunggab-suggaban sa kanyang mga anak ay nagpapakita ng pagmamahal. Ang laro na ito ay hindi dapat na nakasasakit, may natatalo, walang kontrol, o nakakapikon.
Mga Pangmatagalang Epekto ng mga Ginagawa at Sinasabi ng Magulang
Dapat na sundin ng mga magulang ang halimbawa ng Diyos sa kanilang pakikitungo sa kanilang mga anak. Ang Diyos ay laging nakatuon sa kanyang mga anak sa diwa ng perpekto, mapagbigay, at walang kondisyong pagmamahal. Siya ay nagtutuwid, nagtuturo, dinidisiplina ang kanyang mga anak ng dahil sa kanyang pag-ibig para sa kanila (Hebreo 12:5-7). Nasa konteksto ng ugnayan ng ama at anak na ang Diyos ay naghahangad na ang mga mananampalataya ay matulad sa kanya (Hebreo 12:10-11).
Hindi marapat na ang pag-ibig ng magulang para sa kanilang mga anak ay nakabatay sa kanilang pag-uugali. Siyempre, ang pagbibigay gantimpala sa mabuti at pagdidisiplina sa masamang asal ay bahagi ng pagsasanay sa anak, subalit ang pagpapadama ng pag-ibig ay hindi dapat na ibigay o ipagkait ng dahil sa kanilang ugali.
Kapag palaging nararanasan ng isang bata ang walang kondisyong pag-ibig ng kanyang mga magulang, mauunawaan niya rin ng mabuti at pagtitiwalaan ang pag-ibig ng Diyos sa kanya. Subalit, napakahirap para sa mga batang inabuso o pinabayaan na maunawaan at magtiwala sa pagmamahal ng Diyos Amang nasa langit, kahit na sila ay lumaki na.
Ang pagkaunawa ng mga bata sa kanilang mga sarili – lalo na sa lagay ng kanilang halaga bilang indibidwal – ay madalas na magmula sa kanilang napapakinggan at naiisip mula sa iba. Ang ginagawa at sinasabi ng kanilang mga magulang ay may malaking impluwensya, subalit ang mga kamag-anak at mga kaibigan ay mayroong malaking hatid rin sa kanilang buhay. Natatanggap man ng mga bata ang pagpapadama ng pag-ibig na ayon sa kanilang kinakailangan, ang kanilang imahe sa sarili ay nahuhubog ayon sa kanilang nararanasan. Kapag ang pag-ibig ay naipagkakait sa isang bata o kaya’y kapag siya’y nakaranas ng abusong pandamdamin at pisikal, sinisira nito ang kanyang pananaw sa halaga ng kanyang sarili na nakakaapekto sa kanyang buong buhay.
Ang mga salita ng magulang ay nakakaimpluwensya sa pagkakaunawa ng mga bata sa kanilang mga sarili. Halimbawa:
Mga salitang Pag-ayon: “Natutuwa ako ng lubos ng dahil sa iyong pagsusumikap! Alam kong magagawa mo iyan!” Ang ganitong mga salita ay nagpapakita sa mga bata na ang kanilang pagsusumikap ay mahalaga at naniniwala kang magagawa nilang makamit ang kanilang pinapangarap.
Mga salitang mapanira: “Napakatamad mo. Hindi kita maasahan sa anumang bagay!” Ang pananalitang ito ay maghahatid sa bata na maniwala na wala na siyang pag-asang magbago; na wala na siyang dahilan para magbago pa o makakuha ang paggalang sapagkat sumuko ka na sa kanya. Pakiramdam ng bata ay nilayuan mo na siya.
Mga salitang nakapagpapatibay: “Ayos lang iyan. Lahat tayo ay nakagagawa ng pagkakamali, ngunit tinuturuan tayo nito na gumawa ng maayos sa susunod.” Ang mga salitang ito ay nagtuturo sa mga bata na ayos lang magkamali—ang pag-ibig mo sa kanila ay hindi nakabatay sa kanilang perpektong paggawa. Ipinapakita rin dito sa mga bata na dapat nilang asamin na lumago; na mayroong dahilan upang laging magpatuloy.
Mga salitang mapanira: “Napakatanga mo. Lagi kang nagkakamali.” Ang pananalitang ito ay maghahatid sa bata na maniwala na walang kwenta ang patuloy na sumubok. Ipinapahayag nito na ang kanilang halaga ay nakadepende sa kanilang perpektong gawa; at dahil sila’y nagkamali, nawawalan sila ng halaga. At dahil rito’y hindi na sila karapat-dapat na mahalin…ng kanilang magulang o ninuman.
Ang pagkakaunawa ng bata sa kanyang sarili ay hinuhubog ng pag-ibig na ipinapahayag o kaya’y ipinagkakait sa kanya. Ang kanyang kakayahan na makipag-ugnayan sa iba sa maayos na pamamaraan ay pinapalago o kaya’y pinipilay ng lagay ng kanyang relasyon sa kanyang mga magulang. Ang batang pinalaki sa pagmamahal ay marunong magmahal sa iba sa paraang hindi makasarili at walang hinihinging kapalit. Siya’y parang may bukal ng pag-ibig sa kanyang puso na pinagsasalukan ng kanyang pagmamahal.
Ang tunay na pag-ibig ay parang pampaningas sa emosyon ng mga bata, kung paanong ganito rin sa mga matatanda.
Mga Pakinabang ng Pinuspos na Emosyon
Maraming pakinabang sa mga bata na ang damdamin pinuspos ng pagmamahal. Kapag nalalaman ng mga bata na sila’y minamahal, sila’y nagkakaroon ng lakas at tibay na harapin ang mga hamon at lumalaking maayos.
Ang mga batang alam na tunay silang minamahal ay matibay ang emosyon. Sa pamamagitan nito, nahahanda nilang tanggapin ang disiplina, pagtutuwid, at gabay na mula sa kanilang mga magulang. Mas nakakaya rin nilang tanggihan ang mga tukso na dulot ng barkada sapagkat nauunawaan nila ang kanilang pagkatao at hindi nila kinakailangang patunayan ang sarili sa iba.
Ang babae na naglalandi sa piling ng mga lalak ay kumikilos na gayon sapagkat natatakot siyang hindi magustuhan o hindi mapansin. Samantala, ang babae naman na mahiyahin sa harapan ng mga lalaki ay maaaring takot na hindi rin siya magustuhan kung sakaling ipakita niya ang kanyang tunay na personalidad. Subalit ang mga anak na babae na tumatanggap ng mga papuri at pangangalaga mula sa kanilang mga magulang ay higit na may kakayahang makipag-ugnayan sa mga kalalakihan sa maayos na paraan na hindi kinakailangang naglalandi o nahihiya. Panatag sila sa kanilang pagkatao ng dahil sa pag-ibig na ibinigay ng kanilang ama.
Ang tunay at walang kondisyong pag-ibig ng mga magulang na ipinapahayag sa limang wika ng pag-ibig ay mag-iingat sa kanilang mga anak sa iba’t ibang uri ng kapahamakan. Ang mga batang lubos na minamahal ay hindi maghahanap ng pag-ibig at kapanatagan mula sa iba na maaaring makasakit sa kanila.
Sa kalahat-lahatan, maraming pakinabang na naibibigay ang damdaming pinuspos ng pagmamahal sa buhay ng isang bata:
Tamang pagkakaunawa ng halaga ng kanilang pagkatao at ang pinagmumulan nito.
Tamang pagkakaunawa sa kung ano ang pagsusumikap, mga pagkakamali, paglago, at walang kondisyong pag-ibig.
Kakayahang matutuhang mahalin ang iba.
Lakas at tibay na harapin ang mga hamon at maayos na paglago.
Emosyonal na katiyakan.
Kakayahan na tumanggap ng disiplina, pagtutuwid, at gabay.
Kakayahan na tanggihan ang mga masasamang impluwensya ng barkada
Hindi madaling samantalahin sa kanyang mga haharaping relasyon sa hinaharap.
► Ano ang iba pang mga paraan na nakita mo na ang mga bata ay nakinabang ng dahil sa lubos na pagmamahal?
Mga Kalugihan ng Damdaming Kulang sa Pagmamahal
Ang mga batang kulang sa pagmamahal ay maaaring tumanggi sa gabay sapagkat kapos sila ng motibasyon na bigyang lugod ang kanilang mga magulang. Kapag hindi puspos ang damdamin ng pagmamahal, maraming mga bata ang magiging mahina at walang matapat na ugnayan sa kanilang mga magulang.
Ang mga batang salat ang damdamin sa pagmamahal ay higit na bukas sa gawa ng pang-aabuso kumpara sa mga batang pinalaki sa pagmamahal ng mga miyembro ng pamilya. Sapagkat hindi nila maramdaman na sila’y minamahal, maaari silang maghanap ng pagmamahal mula sa mga taong nais silang gamitin o saktan.
[1]Dr. Gary Chapman and Dr. Ross Campbell, The Five Love Languages of Children, (Northfield Publishing, Chicago, 1997), 101-103.
Mga Katangian ng Matibay na Pamilya
Sa mga araling ito, natutunan natin ang limang wika ng pag-ibig. Bagamat ang bawat isa ay may isa o dalawang pangunahing wika ng pag-ibig, bawat tao ay kailangang palagiang mahalin alinsunod sa limang wika ng pag-ibig. Ang malusog na pamilya ay yaong bawat kasapi nito ay may layunin na pangalagaan ang relasyon sa isa’t isa sa pamamagitan ng araw-araw na pagbibigay ng mga salitang pag-ayon, kalidad na oras, paglilingkod, at pisikal na pagpapadama. Ang pagbibigay ng mga regalo sa isa’t isa ay maaaring hindi pang-araw-araw na gawain, subalit ito ay mahalagang bahagi pa rin ng isang malusog na relasyon sa pamilya.
► Paanong ang pag-ibig ay madalas na ipinapadama sa inyong pamilya? Ang pag-ibig ba ay naipapadama sa limang wika ng pag-ibig? Gaano kadalas na ang pag-ibig ay naipapadama sa isa’t isa?
Isang 25-taong pangkalahatang pag-aaral sa 14,000 mga pamilya ang nagpapakita na marami sa malusog, matagumpay, at maayos na mga pamilya mula sa iba’t ibang lahi at kultura ay may anim na parehas na mga katangian.[1] Ilan sa mga katangiang ito ay tuwirang nakaugnay sa iba’t ibang wika ng pag-ibig, na tila nagbibigay diin sa kahalagahan ng iba’t ibang pagpapadama ng pag-ibig. Nagbigay sina Stinnett at Beam ng anim na katangian at inilarawan ang bawat isa:
1. Panata sa Isa’t isa. Ang mga miyembro ng isang matibay na pamilya ay may dedikasyon sa pagpapabuti ng kapakanan at kaligayahan ng bawat isa. Mahalaga sa kanila ang pagkakaisa ng pamilya.
2. Pagpapahalaga at pagmamahalan. Ang mga miyembro ng isang matibay na pamilya ay madalas na nagpapakita ng pagmamahalan sa isa’t isa. Nadarama nila na ang kanilang pamilya ay mabuti.
3. Positibong komunikasyon. Ang mga miyembro ng mabuting pamilya ay mayroong kakayahan ng mabuting komunikasyon at gumugugol ng malaking oras sa pag-uusap ng isa’t isa.
4. Panahon sa isa’t isa. Ang malakas na pamilya ay may kalidad na panahon na buong lugod na ibinibigay para sa bawat isa.
5. Kalusugang espirituwal. Pumupunta man ang isang pamilya sa simbahan o hindi, ang isang matibay na pamilya ay may malakas na kamalayan sa isang dakilang kabutihan o kapangyarihan sa buhay na ito. Ang paniniwalang ito ang nagbibigay sa kanila ng lakas at layunin.
6. Kakayahan na harapin ang mga hamon at krisis ng buhay. Ang miyembro ng isang malakas na pamilya ay nagagawang tingnan ang mga hamon at krisis bilang pagkakataon para lumago.
[1]Dr. Nick & Nancy Stinnett at Joe & Alice Beam, Fantastic Families: 6 Proven Steps to Building a Strong Family, (Brentwood, TN: Howard Books, 2008)
Personal na Aplikasyon
Marami tayong isinaalang-alang sa dalawang aralin na ito. Nagsimula tayo sa pagtalakay ng tunay na pag-ibig, at matapos nito ay pinag-aralan natin ang limang wika ng pag-ibig na madalas na ipinapahayag. Natutunan rin natin na ang damdamin ay dapat na punuin ng pagmamahal at maging ang pangangailangan ng miyembro ng ating pamilya na maranasan ang ating pag-ibig ayon sa kanilang pangunahing wika ng pag-ibig. Tinalakay rin natin kung paanong ang pagkakaiba ng personalidad sa loob ng pamilya ay maaaring magpalago sa isa’t isa sa pag-ibig.
Matapos ito, sinuri natin ng mabuti ang limang wika ng pag-ibig at inalam ang halimbawa para sa bawat isa, maging ang mga pinsalang naidudulot sa bawat isa kung ito ay naaabuso o napapabayaan. Natutunan rin natin kung paanong ang mga bata ay nakikinabang sa pagkakaroon ng isang kaloobang pinuspos ng pagmamahal at kung paanong ang isang tao ay nahihirapan kung ang sisidlan ng kanyang damdamin ay kulang sa pag-ibig. Pinag-usapan rin natin sa detalyadong paraan kung paano natin maipapahayag ang pag-ibig sa ating mga anak. Matapos ito, nalaman natin kung paanong ang gawa ng limang wika ng pag-ibig ay nakaugnay sa anim na pangunahing katangian ng isang matibay at malusog na pamilya.
At sa ating pagtatapos sa mga araling ito, tatalakayin natin ang iyong mga personal na responsabilidad – kung ano ang magagawa mo at ang dapat mong gawin sa mga bagay na iyong natutunan.
(1) Tungkulin mo na mahalin ang iyong pamilya.
Dapat na maging kusa kang magbago sa anumang paraan na kinakailangan na hindi mo hinihintay ang mga miyembro ng iyong pamilya na mahalin ka. Ang tunay na pag-ibig ay hindi naghihintay na ipakita muna ng ibang tao na minamahal ka nila. Ito ay nagpapadama ng pag-ibig kahit na ang isang tao ay tila hindi karapat-dapat, sapagkat ang pag-ibig ay hindi nakabatay sa pagiging karapat-dapat ng tumatanggap.
(2) Tungkulin mong gawin ang lahat ng iyong makakaya para maipakita ang iyong pag-ibig sa mga paraang makabuluhan sa iyong pamilya.
Maaaring higit kang magsikap sa pagpapakita ng pag-ibig sa ilang wika ng pag-ibig na hindi karaniwan para sa iyo. Sa simula, ilang sa mga paraan ng pagpapadama ng pag-ibig ay parang kakaiba at kakatwa para sa iyo.
Matutong mapansin ang mga pagkakataon na kung saan maipapakita mo ang pagmamahal sa mga miyembro ng iyong pamilya. Laging maging listo sa pangangailangan ng iyong pamilya. Narito ang ilang sa mga halimbawa para sa bawat wika ng pag-ibig:
Mga salitang Pag-ayon: Isipin, “_____ ay maaaring nakadama ng kawalang katiyakan sa bagay na kanyang sinabi. Subalit tama siya sa kanyang sinabi. Kinakailangan kong magsalita ng bagay na magpapatibay sa kanya.”
Kalidad na Oras: Itanong, “Gusto mo bang pag-usapan natin ang bagay na iyon?” Pagkatapos ay huminto ka sa iyong ginagawa, ibigay mo ang iyong buong atensyon, at ipakitang ikaw ay talagang nakikinig.
Mga Regalo: Habang ibinibigay mo ang regalo, sabihin mo, “Nakita ko ito at naisip kita.”
Mga Gawa ng Paglilingkod: Bigla kang sumulpot sa kanyang harapan at itanong, “Maaari ko bang kunin ang bagay na iyan para sa iyo?” o kaya, “Pwede ba kitang tulungan sa gawain na iyan?”
Pisikal na Pagpapadama: Puntahan mo sila at sabihin, “Parang kailangan mo ng yakap,” habang binabalot mo sila sa iyong mga bisig.
(3) Tungkulin mo ang lagay ng iyong damdamin.
Nilikha ka ng Diyos na mangailangan ng isang malusog at maayos na relasyon sa iyong kapwa. Subalit kapag ito ay hindi nangyayari, ang Diyos pa rin ang siyang iyong pinakabukal ng kasiyahan. Hindi ang iyong pamilya ang may ganap na pananagutan sa lagay ng iyong damdamin. Ang pagmamahal ng Diyos para sa iyo ay perpekto bagamat walang ibang nagnanais sa iyo. Magagawa niyang punan ang anumang kakulangan na iyong nararamdaman habang ikaw ay namamalagi sa kanyang pag-ibig (Juan 15:9-11).
Maaaring ang pamilya mo ay mabigong maipadama ang pagmamahal sa iyo sa paraang nais mo. Marahil ay wala silang kamalayan sa iyong pangunahing wika ng pag-ibig at sa iyong emosyonal na mga pangangailangan. Marahil ay kulang sila ng motibasyon na maipakita sa iyo ang pag-ibig na iyong inaasam. Maaari mong maipaalam sa kanila ang paraan ng pag-ibig na gusto mong madama, subalit hindi mo sila mapipilit na gawin iyon.
Marahil ang pamilya mo ay may ibang paraan ng pagpapadama ng pag-ibig sa iyo. Kaya habang lumalago ka sa pagkaunawa ng mga wika ng pag-ibig, maaari mo ring maunawaan ang wika ng pag-ibig na ginagamit ng iyong pamilya. At bagamat hindi mo maaaring mabago ang kanilang pamamaraan, subalit maaari mong tanggapin ang kanilang paraan ng pagpapadama ng pag-ibig at tumugon ka ng may pasasalamat sa kanila.
Panalangin
Ama naming nasa langit,
Salamat sa pamilyang ibinigay mo sa akin. Tulungan mo ako na pahalagahan ang bawat isa sa kanila sa paraang nararapat, at pangalagaan ang mabuting relasyon namin sa isa’t isa.
Maraming salamat sa pagkakataon na maaari kong isipin ang mga pamamaraan na maipapadama ko ang aking pag-ibig sa aking pamilya. Tulungan mo akong tularan si Jesus: na magbigay ng aking panahon, damdamin, at lakas, at tinatangkilik upang pagpalain at palakasin ang aking pamilya. Tulungan mo akong magkaroon ng pakumbabang puso upang magawa kong unahin ang pangangailangan ng iba kaysa aking pangangailangan. Tulungan mo rin akong maging mapagmasid sa mga pagkakataon na maaari kong maipadama ang aking pag-ibig sa bawat miyembro ng aking pamilya.
Ipinakita mo sa akin ang tunay na pag-ibig. Inaasahan mo akong maipadama ang pag-ibig na ito sa aking pamilya kung paanong ipinadama mo ito sa akin. Aking pasya na mahalin ng walang kondisyon ang aking asawa at mga anak. Nawa’y bigyan mo ako ng biyaya at habag sa maraming bagay na nagkukulang ako. Tulungan mo akong mahalin sila gaya ng nararapat kong gawin.
Amen
Mga Takdang Aralin
(1) Pag-isipan mo ang maaaring pangunahing wika ng pag-ibig ng iyong asawa at ng iyong mga anak. Ilista mo ang pangalan ng miyembro ng iyong pamilya. Pagkatapos ay ibigay mo ang isa o dalawang pangunahing wika ng pag-ibig ng bawat isa.
(2) Anong pagpapadama ng pag-ibig ang sa tingin mo’y mangangailangan ng higit na pagsusumikap mula sa iyo? Tandaan mo ang mga ito. Magsulat rin ng mga ideya na kung saan ay magsisimula at magkukusa kang magpadama ng pag-ibig sa iyong pamilya sa pamamagitan ng mga pamamaraang iyon.
(3) Suriin mo ang iyong kultura, lalo ang grupong iyong kinabibilangan. Ilista mo ang limang wika ng pag-ibig. Sa iyong kultura, paano naipapakita ang bawat wika ng pag-ibig na ito? Mayroon ba sa lima ang madalas na di mapansin? Ano ang mga partikular na pamamaraan ang ginagawa ng mga tao sa iyong grupong kinabibilangan para maipahayag nila ang pag-ibig ayon sa kamalayan ng iyong kultura? Magsulat ng ilang mga talata bilang sagot sa mga katanungang ito.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.