Sinusubukan nina Stephen at Sarah na alamin kung nasa kalooban ng Diyos ang pag-aasawa para sa kanila. Alam ni Sarah na kung ikakasal siya kay Stephen—na isang misyonaryo—magbabago ang kanyang buhay sa maraming paraan. Lilipat siya sa ibang bansa, mag-aaral ng ibang wika, at mag-a-adjust sa ibang kultura. Alam niya na iiwanan niya ang mga bagay na pamilyar at komportable. Makakaranas siya ng paghihirap at sakripisyo. Ang pag-aasawa ay hindi lamang pangako ng pag-ibig sa kanyang asawa kundi gawain na rin ng pananampalataya at pag-ibig kay Jesus.
Paglipas ng panahon, napagtanto nina Stephen at Sarah na hindi sila magkasundo, at hindi sila dapat magpakasal. Nadismaya si Sarah. Ipinagdasal niya ang kanyang pagkadismaya. Nagdasal siya na tulungan siyang maging makabuluhan para sa Diyos sa panahon na ito ng kanyang buhay. Habang siya'y nagdarasal, napagtanto niya na ang pagsuko sa kalooban ng Diyos ay gawain din ng pananampalataya at pag-ibig kay Jesus katulad ng pagpapakasal.
Pagiging Single
Sa kursong ito, aaralin natin ang disenyo ng Diyos para sa pag-aasawa. Mula sa kasulatan, matutunan natin ang mga layunin ng Diyos para sa pag-aasawa. Tatalakayin natin ang mga tagubilin ng Diyos para sa pag-aasawa at mga praktikal na paraan para patatagin ang ating mga mag-asawa. Nakikita natin ang kabutihan ng plano ng Diyos para sa pag-aasawa.
Ang pag-aasawa ay kalooban ng Diyos para sa karamihan ng tao. Ngunit maraming tao ang namumuhay bilang mga single adult bago magpakasal. Minsan, matagal na panahon silang single. May mga tao na nakakaranas ng isa pang yugto ng pagiging single pagkatapos mamatay ng kanilang asawa o pagkatapos ng diborsyo. May mga taong hindi kailanman nag-aasawa.
Maaaring hindi mag-asawa ang isang tao dahil sa isa o higit pa sa mga dahilang ito:
Mas gusto nila ang mga kapakinabangan ng pagiging single kaysa sa pag-aasawa.
Inaalala nila ang pag-aasawa dahil wala pa silang nakikitang magandang relasyon ng mag-asawa.
Sila ay kasalukuyang nakatuon sa mga layunin tulad ng edukasyon o career.
Hindi nila nararamdaman ang pangangailangang emosyonal o pisikal para mag-asawa.
Hindi sila nagkaroon ng pagkakataon para sa isang maayos na pag-aasawa.
Dahil malaki ang epekto ng mga desisyon ng taong single sa relasyon nila Diyos at sa iba, ang aral na ito ay nakatuon sa buhay ng isang hindi nag-asawa na mananampalataya.
Ang Sinabi ni Jesus at ni Pablo Tungkol sa Pagiging Single
Itinanong ng mga Pariseo kay Jesus ang tungkol sa diborsyo. Pagkatapos marinig ang sagot ni Jesus, ang kanyang mga disipulo ay naging kumbinsido na mas mabuti nang huwag mag-asawa (Mateo 19:10). Si Jesus, na hindi nag-asawa at hindi nakipagtalik sa kanyang buong buhay dito sa lupa, ay sumagot na karamihan ng tao ay kailangang mag-asawa at iilan lamang ang biniyayaan ng kakayahan na tanggapin ang mahabang panahon ng pag-iisa (Mateo 19:11-12).
Ang apostol Pablo—na maaaring hindi nag-asawa o nabalo—ay may parehong payo para sa mga hindi wala pang asawa na mananampalataya sa Corinto. Dahil sa tukso sa sekswal na imoralidad, karamihan ng tao ay dapat mag-asawa (1 Corinto 7:2, 8-9). Alam ni Pablo na nilikha ng Diyos ang sekswal na relasyon sap ag-aasawa bilang isang mabuting regalo
(1 Corinto 7:7, 1 Timoteo 4:1-5, Hebreo 13:4). Sinabi niya na ang gawaing sekswal ay hindi dapat maganap sa labas ng pag-aasawa (1 Tesalonica 4:3-4).
Inilarawan ni Pablo ang isang kapakinabangan ng buhay na walang asawa. Ang mga hindi nag-asawa na mananampalataya ay maaaring maglaan ng kanilang oras, lakas, at pagsusumikap sa pagpapasaya sa Panginoon at paglilingkod sa ministeryo (1 Corinto
7:32-35).
Hindi nag-asawa si Pablo (1 Corinto 9:5). Pinili niyang manatiling hindi nag-asawa upang makapagpokus sa misyonaryong gawain na itinakda sa kanya ng Diyos. Itinuring niyang biyaya ang pagiging single (1 Corinto 7:7-8). Naranasan niya ang maraming hirap sa kanyang ministri (2 Corinto 11:23-28). Mas madali niyang naharap ang mga pagsubok na ito dahil wala siyang responsibilidad sa asawa o mga anak (1 Timoteo 5:8).
Bagamat natuklasan ni Pablo na ang pagiging single ay isang biyaya para sa kanyang ministeryo, may mga paraan din na makikinabang ang ministeryo kapag may asawa.
► Paano mo nakita bilang biyaya sa ministeryo ang pagiging single? Paano mo nakita ang pag-aasawa bilang biyaya para sa ministeryo?
Sinabi ni Pablo na dapat tandaan ng mga tao ang ilang bagay sa pagpapasya kung dapat silang mag-asawa o hindi:
Ang kanilang personal na kakayahan o kawalan ng kakayahan na mabuhay nang hindi nakikipagtalik (1 Corinto 7:9, 36-37).
Kasalukuyang mga mahirap na kalagayan, tulad ng pag-uusig (1 Corinto 7:26).
Ang mga responsibilidad sa pag-aasawa (1 Corinto 7:27-28, 32-35).
Ang Mga Tamang Responsibilidad
Wala sa pagiging single o pag-aasawa ang mas mabuti o mas espirituwal kaysa sa isa pa. May mga natatanging tukso, kahirapan, pagpapala, at pagkakataon sa bawat isa. Ang bawat isa ay angkop sa iba't ibang panahon at para sa iba't ibang tao.
Sa kalaunan, ang personal na kasiyahan at pagiging ganap ay dapat magmula sa relasyon ng isang tao sa Diyos, kahit na may asawa siya o wala (Awit 73:25, Awit 107:8-9). Bukod dito, lahat ng mananampalataya—may asawa o wala—ay dapat mag-focus sa kawalang-hanggan dahil maikli lang ang buhay, at ang kawalang-hanggan ay tiyak (1 Corinto 7:31).
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Mateo 6:26-33 para sa grupo.
Sa siping ito, ipinaliwanag ni Jesus na ang prinsipyo at prayoridad ng mundo ay lubos na iba sa mga mananampalataya. Ang pinakamataas na layunin ng mananampalataya ay makilahok sa kaharian ng Diyos. Ang unang prayoridad ng mananampalataya ay mabuhay nang may katuwiran sa tulong ng biyaya ng Diyos. Ipinapangako ng Diyos na ibibigay niya ang mga pangunahing pisikal at materyal na pangangailangan ng Kanyang mga anak kapag sinusunod nila ang mga salita ni Jesus sa Mateo 6:33.
Kailan dapat mag-asawa ang isang Kristiyanong lalaki? Kapag ang pag-aasawa ay makakatulong sa kanya na mas mahusay na maglingkod sa kaharian ng Diyos. Kapag ang pag-aasawa ay makakatulong sa kanya na magkaroon ng mas makabuluhan at matagumpay na buhay ng katuwiran.
Kailan dapat manatiling single ang isang Kristiyanong lalaki? Kapag ang paghahangad na mag-asawa o ang mismong pag-aasawa ay makakasira sa kanyang papel sa kaharian ng Diyos. Kapag maaari siyang maging mas mabunga sa usaping espirituwal bilang isang single na tao. Kapag kaya niyang maging espirituwal na matagumpay at mapanatili ang moral na kalinisan nang wala ang sekswal na relasyong nakukuha sa pag-aasawa.
► Kung ikaw ay single, tumigil nang sandali para magmuni-muni sa sarili.
Ikaw ba'y namumuhay nang sumusunod sa Salita ng Diyos?
Ano ang ibinigay sa iyo ng Diyos na tungkulin sa Kanyang kaharian ngayon?
Ano sa palagay mo ang itinawag sa iyo ng Diyos na gawin sa iyong buhay, sa pangmatagalan?
Sa tingin mo ba'y mapapabuti o masisira ng pag-aasawa ang iyong relasyon sa Diyos at ang iyong gawain para sa Diyos sa mundo?
Ang pagtanggap sa mga prayoridad ng Diyos ay tumutulong sa mga hindi nag-asawa na mananampalataya na magpasya kung dapat ba nilang hangarin ang pag-aasawa o hindi. Hinuhubog din nito ang ating pang-unawa kung ano ang dapat nating hanapin sa potensyal na kabiyak. Ang bawat mananampalataya na nagnanais mag-asawa ay dapat humanap ng taong inuuna ang Diyos, namumuhay ng tapat sa Salita ng Diyos, at nagsusumikap na palaganapin ang kaharian ng Diyos.
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang Efeso 4:17-24 at 1 Juan 2:15-17 para sa grupo.
Ang mga tao sa mundo ay namumuhay para sa kanilang sarili. Pinipili nilang gawin ang mga bagay na nais ng kanilang mga katawan at isipan (Efeso 2:3), at handa silang lumabag sa Salita ng Diyos. Madalas na ginagawa ng mga makasalanan kung ano ang masarap sa pakiramdam, pinakamadali, o nagtutuon ng pansin ng iba sa kanila. Ang prayoridad nila ay mapasaya ang sarili. Maaari silang magbuo ng romantikong relasyon sa isang tao dahil sa pisikal na pagkaakit sa taong iyon. Maaari rin silang magkaroon ng relasyon sa isang tao dahil nasasabik sila kapag kasama nila ang taong iyon.
Maaaring ayaw mag-commit ng mga taong makasarili sa relasyong nagbibigay ng relasyon sa pag-aasawa. Maaaring handa silang magkaroon ng sekswal na relasyon nang hindi nagpapakasal kahit na ipinagbabawal ng Diyos ang ganitong mga relasyon (1 Corinto 6:9-11).
Ang mga taong makasarili na nag-asawa ay maaaring sukuan ang kanilang asawa kapag naging mahirap na ang kanilang relasyon. Maaaring magdiborsiyo sila at mag-move on sa ibang relasyon. May mas magandang nakalaan ang Diyos para sa mga taong susunod sa mga tagubilin ng Kanyang Salita (Awit 19:8, 11, Deuteronomio 6:24).
Tinatawagan tayo ni Jesus na pasayahin ang Diyos sa lahat ng bagay (Mateo 16:24,
2 Corinto 5:9, Colosas 1:10). Dahil tayo ay mga tagasunod ni Cristo, ang prayoridad ng ating mga indibidwal na buhay ay dapat ang kaharian ng Diyos at pagiging katuwiran. Bukod dito, dapat ang prayoridad sa pagtahak natin sa pag-aasawa ay ang kaharian ng Diyos at katuwiran. Dapat nating pagpugayan ang Diyos sa ating mga dahilan ng pag-aasawa at sa paraan ng pagtugis natin dito. Dapat makinig tayo kay Jesus tungkol sa Kanyang mga prinsipyo at sundin ang Kanyang itinuturing na tama at mabuti. Tapos, dapat nating bigyan ng karangalan ang Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga inaasahan sa atin bilang mag-aasawa.
May Panahon Para sa Bawat Bagay
Ang maagang bahagi ng pagiging adult ay ang pinakamainam na panahon para sa karamihan upang planuhing mag-asawa (Kawikaan 5:18, Malakias 2:15, Tito 2:4). Ang kabataang adult ay dapat nasanay at handa na para sa buhay. Dapat mature na ang isang lalaki o babae, may kakayahan na umako ng responsibilidad at gumawa ng mga matalinong desisyon (1 Timoteo 4:12). Sa pinakamainam na sitwasyon, handa na ang mga kabataan adult para sa mga responsibilidad ng pag-aasawa at pagpapalaki ng anak. Ang kanilang mga katawan ay handa na rin sa panganganak, at karamihan ng mga kaso, matitindi ang seskwal na pagnanasa nila at pangangailangan para sa sekswal na relasyon sa kanilang asawa.
Sa maraming kultura ngayon, karaniwang nangyayari na inaantala ng mga kabataang adult ang kasal hanggang matapos nila ang mas mataas na edukasyon o magtagumpay sa kanilang career. Ang ibang kabataang adult ay hindi interesadong mag-asawa dahil gusto nilang mabuhay nang walang responsibilidad.
Maraming kabataang adult ang may buhay ba puno ng sekswal na imoralidad bago mag-asawa. Malalakas ang kanilang pagnanasang sekswal. Sa usapin ng emosyon, naghahanap sila ng malapit na makakasama. Gayunpaman, ayaw nilang mag-commit sa pag-aasawa at sa pag-aalaga ng pamilya dahil sa kanilang mga layunin sa buhay o sa kawalan nila ng kahandaang magkaroon ng responsibilidad.
Ang mga kabataang Kristiyano na nagpapaliban ng pag-aasawa ay dapat nilang ikonsidera ng mabuti ang kanilang mga prayoridad. Dapat nilang siguruhing namumuhay sila ng maka-Diyos at malinis na buhay at sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ang iba ay dapat ikonsidera ang kahalagahan na ibinibigay ng Diyos sa pag-aasawa at pagpapalaki ng maka-Diyos na mga anak.
Mga Magkasintahan na Nagsasama Ngunit Hindi Kasal
Minsan, may lalaki at babaeng nagsasama sa masungid na relasyon, ngunit nagpapaliban ng pagpapakasal. Maaaring committed sila sa isa’t isa, ngunit hindi pa sila nagpapakasal. May iba't ibang dahilan ang mga tao para dito:
1. Minsan, ang mga kultural na inaasahan ng magara at mamahaling kasal ang pumipigil sa mahihirap na magkasintahan na magkaroon ng nararapat na kasal.
2. Minsan, ayaw magpakasal ng magkasintahan dahil sa takot na masisira ang kanilang pagsasama. Baka iniisip nila na mas magaan ang paghihiwalay kung sila ay hindi kasal. Baka ini-expect nila na mas tatatag ang kanilang relasyon habang sila ay nagsasama.
Inilaan ng Diyos ang sekswal na relasyon para sa pag-aasaw (Hebreo 13:4). Ang magkasintahan na nagsasama ngunit hindi kasal ay lumalabag sa Salita ng Diyos. Ang kanilang relasyong sekswal ay hindi magiging nararapat, sapagkat kulang sila ng permanente at eksklusibong pangako sa isa't isa at kulang ng sinumpaang tiwala sa isa’t isa.
Hindi dapat sundin ng mga mananampalataya ang halimbawa ng mga hindi mananampalataya, kundi dapat ay sundin nila ang Salita ng Diyos. Dapat itaguyod ng simbahan ang mga inaasahan ng Diyos para sa moralidad at mag-alok sila ng praktikal na suporta upang tulungan ang mga magkasintahan na sundin ang banal na plano para sa pag-aasawa. Halimbawa, kapag hindi kayang magkaroon ng magarang kasal ang magkasintahan, dapat suportahan sila ng pamilya ng simbahan sa kanilang simpleng kasal. Makakatulong ito sa mga magkasintahan na sumunod sa pamantayan ng Diyos para sa moralidad sa pamamagitan ng pagpapakasal. Makakatulong din ito sa magkasintahan para hindi simulan ang kanilang pag-aasawa nang may utang. Dapat tandaan ng mga Kristiyano na mas mahalaga ang kasal kaysa sa seremonyang kasal mismo, pero kailangang gumawa ng tiyak na pangako sa kasal.
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang Roma 12:2 at Pilipos 2:15-16 para sa grupo. Talakayin kung paano mababago ng commitment ng mga mananampalataya ang sa kultura sa paligid nila.
Malusog na Pagiging Single
Usapin ng Pagpapasakop
[1]Bawat anak ng Diyos ay dapat mag-alay ng kanilang mga nais kay Jesus. Si Jesus ang Panginoon. Sa buong buhay, susubukan ang bawat mananampalataya sa kanilang debosyon kay Jesus bilang kanilang Panginoon. Magkakaroon ng paghihirap… o hindi mangyayari ang isang magandang bagay na nais natin… at itatanong ni Jesus sa atin, ang kanyang mga tagasunod, “Ako ba ang inyong Panginoon? May tiwala ba kayo sa aking kabutihan? Maniniwala ba kayo na may perpektong plano ako? Susundin n'yo ba ako? I-aalay n'yo ba ang inyong sarili sa akin? Susunod ba kayo sa ginagawa ko? Luluwalhatiin n'yo ba ako dito?”
May mga single na masaya nang manatiling single. Pero ang mga nagnanais na mag-asawa at hindi pa nakakahanap ng mabuting pagkakataon para magpakasal ay dapat mapagkumbabang tanggapin ang pinili ng Diyos na hindi sila pinagkalooban ng kasal.
Ang mga Kristiyanong lalaki at babae… ay nauunawaan na kung gusto ng Diyos na sila'y mag-asawa, ipapakita Niya ito sa Kanyang sariling perpektong panahon at paraan. Pero dapat lagi siyang una, at dapat siyang [lubos na pagkatiwalaan].[2]
Ang Diyos ay mapagkakatiwalaan at mabuti. May gawain siyang nais gawin sa puso at buhay ng mga hindi kasal na mananampalataya. Palaging pinapayagan ng Diyos ang pinakamabuti para sa Kanyang mga anak, at higit sa lahat, ang magdadala ng pinakamaraming kaluwalhatian kay Jesus. Sa lahat ng bagay, sinisikap ng Diyos na tayo ay maging katulad ni Jesus sa ating pag-uugali (Roma 8:28-29), at upang tayo ay magkaroon ng kakayahang sambahin si Jesus sa tamang paraan nang walang-hanggan (1 Pedro
1:6-7).
Ang Diyos ay lubos na may kakayahang maglaan ng maka-Diyos na asawa para sa isa sa Kanyang mga anak. Maaari Niyang tulungan ang isang Kristiyanong lalaki na makahanap ng maka-Diyos na asawa, habang naghahanap ang lalaki ng respetadong babae na naglilingkod sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang buhay (Kawikaan 18:22, Kawikaan 19:14, Kawikaan 31:10).
Ang walang asawa na babae na namumuhay para kay Cristo ay kayang magtiwala sa Diyos na tutugunan Niya ang kanyang mga pangangailangan sa pinakamabuting paraan, maglaan man ang Diyos ng lalaking magpapakasal sa kanya o hindi. Maaari siyang mabuhay nang kumpleto at mabunga sa aspetong espiritwal dahil sa pag-aalaga at katapatan ng Diyos.
Kung pinili ng Diyos na maging single siya, makikita niya ang Diyos bilang perpektong magmahal, tagapagbigay, tagapagtanggol, at lider. Maaaring maging asawa ng kanyang puso si Jesus (Isaias 54:5), at maaari niyang mahalin, igalang, maaari siyang magpailalim, at sundan Siya, sa halip na ang kanyang asawang tao.
Kung pipiliin ng Diyos na mag-asawa siya, tuturuan siya ng kanyang panahon bilang single na magtiwala sa Diyos (na nag-iisang perpektong magmahal, magbigay, magtanggol, at lider), kahit inaaral niya pang mahalin, igalang, at sumunod sa hindi perpektong asawang tao.
Lahat ng mananampalataya ay dapat makita ang kanilang ganap na kasiyahan kay Cristo, hindi sa isang kasamang tao. Kahit pa gusto ng isang tao na mag-asawa, ang mahabang panahon ng pag-iisa ay nagbibigay ng pagkakataon na tiyakin na talagang nasisiyahan siya kay Jesus. Ang pag-iisa ay nagbibigay ng pagkakataon na patunayan na si Jesus ay sapat (Filipos 4:11-13).
Ang katunayan na nilikha ng Diyos ang pag-aasawa, at dapat ituring natin itong banal na institusyon, ay malinaw sa buong Kasulatan… Hindi maganda na mag-isa si Adan, pero iyon ba ay dahil hindi sapat ang Diyos upang punan ang mga pangangailangan ni Adan? Siyempre, hindi! Ayon sa Biblia, nilikha ng Diyos si Eva dahil kinailangan ni Adan ng katuwang, isang kasama upang gawin ang gawain sa lupa na ibinigay sa kanya ng Diyos. Oo, maraming pagpapala at benepisyo ang dumating kay Adan at Eva sa kanilang pagsasama, ngunit ang kanilang pag-aasawa ay hindi para palitan ang puwesto ng Diyos. Siya pa rin ang Diyos, at siya pa rin dapat ang kanilang una at pangunahing minamahal at sinasamba.[4]
Maaaring matutunan ng isang tao na mas maranasan ang pagmamahal ng Diyos kapag wala siyang asawa o pamilya na nagbibigay ng pisikal at emosyonal na pag-aaruga. Ang mga Kasulatan tulad ng Awit 73:25-26 ay mga pampalakas ng loob sa mga panahon ng pagsubok sa emosyon at pisikal na tukso:
Anong mayroon ako sa langit kundi ikaw? at liban sa iyo'y wala akong anumang ninanasa sa lupa. Ang aking laman at ang aking puso ay maaaring manghina, ngunit ang Diyos ang lakas ng aking puso at bahagi ko magpakailanman.
Tulad ng isinulat ni Leslie Ludy,
Si David, ang salmista, ay maraming nakasamang kababaihan sa kanyang buhay. Ngunit ang masugid na relasyon ni David sa Diyos ang nagdadala sa kanya ng ganap na kasiyahan na ipinakikita ng mga bersikulong ito.[5]
Makikita ng single o hindi kasal na mananampalataya na si Jesus ay sapat; ang relasyon sa Diyos ay nakakapagbigay ng kasiyahan.
Mga Oportunidad para sa Paglilingkod
[6]Kapag ang mga walang asawa na mananampalataya ay nakahanap ng kasiyahan sa Diyos, ginagawa niyang oportunidad ang kanilang pagiging single o walang asawa upang maglingkod sa iba. Sa halip na magpokus sa kanilang sariling pangangailangan at hindi makuntento, maaari nilang matutunan na pansinin at tugunan ang mga pangangailangan ng iba. Ang pagtulong sa iba ay isa sa mga pinakamahusay na paraan upang maging makabuluhan at masaya ang buhay. Ang karakter na mabubuo sa panahong ito ng buhay ay makakatulong sa kanila na magbunga nang mabuti sa kanilang buhay.
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang Mga Taga-Filipos 2:3-4 at Tito 3:8, 14 para sa grupo.
Tulad ng nabanggit kanina, nagbibigay ang iba't ibang sitwasyon sa buhay ng mga natatanging oportunidad. Sa bawat yugto ng buhay, mayroong mga bagay na maaaring gawin ang isang tao, at may iba naman na hindi. Gumawa ang isang dalaga ng listahan ng mga bagay na kaya niyang gawin dahil siya ay single. Magkakaiba ang mga bagay na ilalagay ng ibang mga single na lalaki at babae sa kanilang mga listahan.
Dahil ako ay isang single na dalaga, mas madali para sa aking:
Bisitahin ang matatanda at maglaan ng oras sa kanila.
Magluto at magbigay ng pagkain sa mga walang tirahan.
Gumawa ng masusing pag-aaral ng Biblia at maghanda ng mga aralin sa Biblia para sa mga bata.
Maglingkod sa mga babae at batang babae sa aking tahanan.
Manalangin ng tuloy-tuloy para ipagdasal ang iba.
Mag-aral ng bagong kasanayan.
Magsulat ng mga liham at cards of encouragement.
Magboluntaryo na tumulong sa ibang tao sa kanilang mga proyekto.
Agad na i-adjust ang aking iskedyul kapag biglang may espesyal na pangangailangan o kaganapan.
Bawat isa ay may mga natatanging oportunidad o responsibilidad dahil sa kanilang sitwasyon sa buhay. Ang listahan ng isang ina na may mga batang anak ay maaaring maglaman ng mga halimbawa ng mga bagay na itinuturo niya sa kanyang mga anak o mga paraan kung paano niya sila tinuturuan. Dahil siya ang kanilang ina, binigyan siya ng Diyos ng oportunidad at responsibilidad na maglingkod sa mga paraang ito. (Sa hulihan ng araling ito, gagawa ka ng sarili mong personal na listahan.)
Pakikipagkaibigan o Pakikisama
Mahalagang bumuo ng malulusog na relasyon sa iba ang mga wala pang asawa. Tulad ng natalakay sa mga naunang aralin, nilikha ng Diyos ang mga tao para sa mga relasyon sa kanya at sa ibang tao.
Ang mga taong single ay nangangailangan ng mga relasyon sa mga taong kanilang mapaglilingkuran—maaaring mga bata, kabataan, o matatanda.
Kailangan ng mga single ng mga mas nakakatanda at may karanasang guro para sa payo at pananagutan.
Kailangan ng mga single ng mga kaibigan na nasa parehong yugto ng buhay, para palakasin ang loob ng bawat isa sa Panginoon at magkasama-sama.
Ang mga single ay kailangang makipagkaibigan sa mga mag-asawa at pamilya. Maraming mutual na pagpapala sa ganitong mga pagkakaibigan.
Ang pagkakaroon ng iba't ibang uri ng relasyon sa iba ay nagbibigay ng maraming oportunidad sa isang single na tao para maglingkod. Ang mga kaibigan ay nagbibigay ng emosyonal at espirituwal na suporta na kailangan ng single na tao. Ang mga kaibigan ay tumutulong na mapunan ang kanilang pangangailangan para sa pamilya, lalo na kung sila ay malayo sa kanilang sariling pamilya.
May dalawang babala na dapat isama:
1. Ang isang tao na wala pang asawa ay dapat mag-ingat at hindi magbukas ng mga hindi matalino o imoral na relasyon dahil sa mga emosyonal at pisikal na pangangailangan.
2. Ang isang taong wala pang asawa ay dapat unahin ang relasyon sa Diyos kaysa sa anumang relasyong pantao.
Laman ng Isipan
Dapat sikapin ng lahat ng mananampalataya na mapanatiling dalisay ang laman ng kanilang isipan sa tulong ng biyaya ng Diyos (Kawikaan 4:23). Ang Awit 19:14 ay isang dasal, na humihiling sa Diyos na tulungan tayo na maging maingat na mamuhay para sa kanya sa ating mga salita at sa ating mga iniisip. Ang dasal na ito ay nagpapaalala sa atin na may pananagutan tayo sa Diyos para sa ating mga iniisip at pananalita na may layunin.
Mayroon tayong mga pagpipilian tungkol sa mga bagay na ipinapasok natin sa ating mga isipan (Filipos 4:8): kung ano ang ating pinanonood, pinakikinggan, o binabasa. Kung nais nating parangalan ang Diyos, kailangan nating pumili ng mga pagkain para sa isipan na malinis at mas maglalapit sa atin sa kanya at tutulong sa atin na sundin siya (Roma 12:2, Roma 13:14).
Ang mga tagasunod ni Cristo ay hindi dapat matuwa sa mga kasalanan ng iba (Awit 101:3, 1 Corinto 15:33). Ang kasiyahan sa panonood ng imoral na asal ay paglahok sa kasalanan ng iba (Roma 1:32). Dahil sa panonood at pakikinig, masasanay ang mananampalataya sa kasalanan at magiging sanhi ito ng pagkawala ng pokus sa pagpapasaya sa Panginoon (Kawikaan 13:20). Binibigyang-diin ng Salita ng Diyos ang pangangailangan na ating dakilain ang Panginoon sa lahat ng oras (Kawikaan 23:17) at kamuhian ang masama tulad ng ginagawa ng Diyos (Kawikaan 8:13). Kapag natatakot tayo sa Panginoon at nilalayo ang ating sarili sa kasamaan, tayo ay pinagpapala (Awit 111:10).
Kapag tayo'y sumuway sa mga tagubilin ng Diyos sa kung ano ang ilalagay natin sa ating mga isipan at sa anong bagay tayo tutuon, kinakailangan nating aminin ang ating kasalanan at itigil ang mga bagay na iyon. Kahit sa mga pagkakataong maaaring aksidenteng narinig o nakita natin ang isang masamang bagay, kinakailangan nating sadyain na palitan ang mga isiping iyon ng mga mabubuti at banal na kaisipan.
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang Awit 19:14, Awit 1:1-2, Mga Taga-Filipos 4:6-8, at Mga Taga-Efeso 5:25-27 para sa grupo.
Ang mga talata mula sa Mga Taga-Filipos ay nagpapahayag na nais ng Diyos na protektahan ang ating mga puso at isipan, ngunit kinakailangan nating makipagtulungan sa Kanya sa pamamagitan ng intensyonal na pag-iisip sa mga tamang bagay. Ang pagninilay-nilay sa kasulatan ay napakahalaga para sa malusog at malinis na pamumuhay sa pag-iisip. Sinasabi sa atin ng Mga Taga-Efeso na ang Salita ng Diyos ang naglilinis sa atin. Tiyak na kasama rito ang ating mga isipan at kaisipan.
► Anong mga gawain ang tumutulong sa iyo na magkaroon ng pamumuhay na nagbibigay-pugay sa Diyos sa iyong pag-iisip? Anong iba pang mga talata ang nakatulong sa iyo sa nilalaman ng isip mo?
Pagiging Single at Sekswalidad
Kung hiwalay mong inaaral ang araling ito sa buong kurso, pakibasa rin ang Aralin 4 kung saan tinalakay ang sekswal na kalinisan at mga isyu ng moralidad.
[1]“Ang pagkakontento ay ang kasiyahan na nagmumula sa kaalaman na kontrolado ng Diyos ang mga nangyayari sa akin at ibinibigay niya sa akin ang pinakamabuti para sa akin.”
- Phil Brown
[2]Hango kay Leslie Ludy, Sacred Singleness (Eugene, OR: Harvest House Publishers, 2009), 24.
“Ako’y Iyo, Panginoon.
Ito ang aking pagkakakilanlan,
ang aking tawag,
ang aking kaligtasan,
ang aking kaginhawaan,
ang aking layunin,
ang aking kaligayahan, at
ang aking gantimpala.
Kailangan kita.
Ikaw ay sapat.
Ikaw ang pumupuno sa akin.
Ikaw ang aking pinagmulan.
Ikaw ang kumukumpleto sa akin.”
[5]Leslie Ludy, Sacred Singleness, (Eugene, OR: Harvest House Publishers, 2009), 67. Ang tinutukoy ni Leslie Ludy ay Awit 16:11, Awit 73:25, at Awit 107:9.
[6]“Kung single ka, tandaan na hindi ka tinatawag na mag-aksaya
ng iyong oras at kalayaan
sa mga bagay na nakatuon lamang sa iyong sarili, kundi
upang maglingkod sa simbahan at sa mundo.”
- Hango kay Paul Lamicela
Konklusyon
Ang pagiging single ay nagbibigay ng pagkakataoon sa mga mananampalatayang wala pang asawa ng mga espesyal na oportunidad upang umunlad ang kanilang relasyon kay Cristo at matutong maglingkod sa iba. Dapat hanapin ng mga walang asawa ang kanilang kasiyahan kay Cristo habang bumubuo sila ang malulusog na relasyon sa ibang tao. Dapat gamitin nila ang mga oportunidad ng kanilang pagiging single para sa kaluwalhatian ng Diyos at para sa kabutihan ng kanyang kaharian. Tinutulungan ng mga prayoridad ng Diyos ang mga mananampalataya na gumawa ng mabubuting desisyon tungkol sa posibilidad ng pag-aasawa.
Para sa Talakayan ng Grupo
► Pangalanan at talakayin ang ilang prayoridad na dapat gumabay sa mga desisyon tungkol sa mga taon ng pagiging single, ang desisyon na mag-asawa, at ang paghahangad na maikasal.
► Paanong mas mahusay na makapaglingkod ang inyong simbahan sa mga miyembrong single?
► Paano kakaibiganin ng inyong pamilya ang isang taong single?
► Kung ikaw ay single, paano ka makakatulong sa iyong pamilyang simbahan? Paano ka magiging biyaya sa iba, sa iba't ibang edad at yugto ng buhay?
► Anong mga ideya sa araling ito ang bago sa iyo?
► Ano ang nais mong dapat pa sanang pinag-usapan sa araling ito?
► Talakayin kung paano naaangkop ang mga konsepto sa araling ito sa iba't ibang yugto ng buhay.
Panalangin
Ama naming nasa langit,
Salamat sa iyong katapatan sa amin sa lahat ng yugto ng buhay. Salamat sa mga halimbawa ng mga taong namumuhay sa inyong presensya at para sa inyong kaluwalhatian sa mga panahong sila ay wala pang asawa.
Tulungan ninyo kaming isuko sa inyo nang buo ang aming buong buhay. Tulungan ninyo kaming hanapin at matagpuan ang kasiyahan sa aming relasyon sa inyo. Tulungan ninyo kaming gamitin ang mga oportunidad na ibinigay ninyo sa amin sa aming kasalukuyang yugto ng buhay.
Bigyan ninyo kami ng kakayahan na laging purihin kayo sa aming mga desisyon, aming mga iniisip, aming mga relasyon sa iba, at aming paglilingkod. Gawin ninyo kaming mabunga para sa inyong kaluwalhatian.
Amen
Mga Takdang Aralin
(1) Isipin ang isang sitwasyon kung saan hiniling sa iyo ni Jesus na sumuko sa kanyang plano. Sa hindi bababa sa dalawang talata, ilarawan ang pangyayari at ang iyong tugon dito. (Maaaring kasalukuyang sitwasyon ito o bagay na nangyari sa iyong nakaraan.) Paano nasubok ang iyong pananampalataya? Paano ka ginabayan ng Panginoon? Nagtiwala ka ba sa Kanyang plano? Ano ang sinabi mo sa Kanya? Ano ang naging itsura ng iyong pagsunod sa sitwasyong ito?
(2) Anu-anong oportunidad ang mayroon ka dahil sa iyong estado sibil, kasarian, o kalagayan sa buhay? Sa ngayon, huwag isipin ang mga bagay na hindi mo magagawa. Sa halip, maglaan ng ilang minuto upang ilista ang mga bagay na kaya mong gawin dahil sa pinaglagyan ng Diyos sa iyo ngayon. Isulat, “Dahil ako ay ______, may oportunidad akong…”
(3) Basahin at pagnilayan ang bawat isa sa mga kasulatan sa ibaba, na binanggit sa huling bahagi ng araling ito. Humingi ng tulong sa Diyos na ipakita sa iyo ang anumang kailangan mong baguhin, upang maging dalisay at kalugod-lugod sa kanya ang iyong pag-iisip. Isulat ang isang panalangin ng pagsisisi at pangako ng pagsunod.
Awit 1:1-2
Awit 19:14
Awit 101:3
Awit 111:10
Kawikaan 4:23
Kawikaan 8:13
Kawikaan 13:20
Kawikaan 23:17
Roma 1:32
Roma 12:2
Roma 13:14
1 Corinto 15:33
Taga-Filipos 4:6-8
(4) Pumili ng tatlong talata mula sa Takdang Aralin 3 na iyong isasaulo. Sa simula ng susunod na klase, isulat o bigkasin ang mga talatang ito ayon sa memorya.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.