Sina Mark at Mary ay nakatira sa bansang India. Mga ilang taon na rin silang kasal at walang mga anak, subalit may biglang oportunidad na ibinigay sa kanila. Isa sa kamag-anak ni Mary ay nanganak ng dalawang kambal na babae ngunit wala silang kakayahan na alagaan ang kambal. Masayang tinanggap nina Mark at Mary ang mga sanggol, ngunit humarap sila ng mga di inaaasahang bagay. Ang mga sanggol ay maagang naipanganak at ang timbang ay mababa. Hindi alam ng dalawa ang kanilang gagawin at walang maitulong na maayos ang kanilang mga kaibigan kung paano nila mapapangalagaan ang mga munting sanggol. Madalas silang mapuyat sa kakabantay sa mga bata, gayunma’y lumaki paring kaaya-aya at malusog ang mga ito.
Isang Sanggol
Paglaki ng Sanggol sa panahon ng Pagbubuntis
► Dapat basahin ng mag-aaral ang Awit 139:13-18 para sa grupo.
Sinasabi sa atin sa talatang ito na kilala na tayo ng Diyos sa oras pa lang na tayo ay nasa sinapupunan ng ating ina, at bago pa lang na ang ating katawan ay nabuo (talatang 16). Kilala ka na ng Diyos at mayroon na siyang plano para sa iyo bago ka pa lang isilang.
Sa sandaling ang semilya ng isang lalaki ay nai-ugnay sa sinapupunan ng babae, nabubuo ang bata. Sa sandaling iyon, isang bagong buhay – bagong pagkatao – ang umiiral! Lahat ng impormasyong genitika hinggil sa bagong tao na ito ay matatagpuang lahat sa iisa at bagong cell. Sa loob ng 24-oras matapos ang gayong pagdadalantao, ang cell na iyon ay mahahati sa dalawa. Bawat isa sa mga ito ay patuloy na mahahati at darami. Sa loob ng isang linggo, ang sanggol sa sinapupunan ay magtataglay na ng maraming cells at maiuugnay na sa sinapupunan ng kanyang ina kung saan patuloy siyang lumalaki at nahuhubog. Bawat cell ay naglalaman ng “code” na bumubugo sa pagkatao (DNA) ng sanggol. Sinusundan ng mga cells ang tuntunin na nakapaloob sa code na ito para sa paghubog ng bawat sangkap sa katawan ng sanggol.
Sa ika-3 linggo, ang spinal cord at utak ng sanggol ay nagsisimula ng mabuo. At sa pagpasok ng ika-4 na linggo ng pagdadalantao, ang mga mata ng bata ay nagsisimula na ring mabuo; ang puso ay nagsisimula na ring tumibok, at ang mga bisig ng sanggol ay nabubuo. Sa ika-12 linggo ng pagdadalantao, ang mahahalagang sangkap ng katawan ng sanggol ay buo na.
Sa ika-14 na linggo ng pagdadalantao, ang natatanging fingerprints ng sanggol ay buo na rin. At sa ika-16 hanggang ika-24 na linggo, mararamdaman na ng ina ang pagkilos ng kanyang anak sa kanyang sinapupunan. At sa loob ng 26-28 na linggo, ang baga ng bata ay buo na rin at nagagawa na ring huminga. Ang sanggol ay may .9 na kilo na ang bigat sa tagpong ito. Ang mga sanggol ay karaniwang ipinapanganak sa ika-38-40 na linggo ng pagdadalantao. Bawat sanggol ay kahanga-hanga at espesyal na nilalang ng ating Diyos na Manlilikha.
► Dapat na basahin ng mag-aaral ang Ecclesiastes 11:5 para sa grupo.
Tunay na isang mahimalang bagay kung paano nililikha, hinuhubog, at pinapalaki ng Diyos ang isang sanggol sa sinapupunan ng kanyang ina. Hindi magagawa ng tao na lubos na maunawaan ang lahat ng mga pinagdadaanang proseso at ang lahat ng mga kinakailangan sa paghubog na ito. Gayunpaman, saanmang kontinente, lipunan, at kultura, ang paglaki at pagkahubog ng sanggol sa sinapupunan ay dumaraan sa parehas na proseso. Ang disenyo ng Manlilikha ay tunay na perpekto!
► Dapat basahin ng mag-aaral ang Job 10:8-12 para sa grupo.
Sa mga talatang ito, gumamit si Job ng mga paglalarawan na tumutukoy sa pagdadalantao at paglaki ng bata sa sinapupunan ng kanyang ina. Sinabi sa atin ni Job na ang Diyos na Manlilikha ang tagapagbigay ng buhay.
Ang Halaga ng Pagiging Nilikha ayon sa Wangis ng Diyos
Sinasabi sa atin sa Genesis 1:26-27 at Genesis 9:6 na ang tao ay nilikha ng ayon sa wangis ng Diyos. Ang buhay ng tao ay sagrado. At dahil rito, kasalanan ang pagpatay sa sinumang tao (Genesis 9:5, Exodo 20:13).
Sa Ezekiel 16:20-21, 36, 38, mariing sinasabi ng Diyos na siya ay laban sa mga taong winawakasan ang buhay ng isang bata. Binabalaan niya ang mga Israelita laban sa paghahandog ng kanilang mga sanggol sa mga diyus-diyusan at ipinahayag ang matinding parusa laban rito.
Sa Isaias 46:3-4, ipinahayag ng Diyos ang kanyang pagmamalasakit sa sangkatauhan sa bawat yugto ng kanyang pagkahubog at paglaki. Ang sabi niya:
“Inyong dinggin ako, O sambahayan ni Jacob, at lahat na nalabi sa sambahayan ni Israel, na kinalong ko mula sa iyong pagsilang, na dinala mula sa sinapupunan; at hanggang sa katandaan mo ay ako siya, at hanggang sa magkauban ay dadalhin kita. Ginawa kita at aking dadalhin ka. Aking dadalhin at ililigtas ka.”
Isang napakagandang pangako!
Lahat ng tao ay may halaga, maging ang mga hindi naisilang na mga sanggol; ang mga may kapansanan, silang may mga espesyal na pangangailangan, at ang mga matatanda. Ang halaga ng isang tao ay hindi nakadepende sa kanyang kayang gawin o kaya’y sa kung makakaya ba niyang mabuhay ng mag-isa. Bawat tao ay may halaga sapagkat ang bawat isa ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos.
Sinasabi sa atin ng Biblia na ang bawat bata ay mahalaga sa paningin ng Diyos simula ng sila ay ipinaglihi (Awit 139:13-18). Dahil rito, nalalaman natin na tayo ay isa ng tao sa simula pa lang ng paglilihi. Kaya’t ang kapasyahang wakasan ang pagdadalantao sa pamamagitan ng aborsiyon ay pagpatay sa isang tao.
Mayroong apat na pangunahing paraan na magagawa ang mga tagasunod ni Cristo upang protektahan ang buhay ng mga hindi pa naisisilang na sanggol at upang makapag-ministeryo sa mga ina.
1. Dapat na impluwensiyahan nila ang kanilang mga gobyerno at mga mambabatas sa pagsasagawa ng mga batas at sa pagpapatupad ng mga paraan na mag-iingat sa buhay ng mga sanggol na hindi pa isinisilang.
2. Dapat na magbigay sila ng mga praktikal na hakbang na tutulong sa mga nagdadalantao na maramdaman na hindi opsyon ang pagpapalaglag ng bata; sa halip, dapat na protektahan nila ang kanilang mga dinadalang sanggol.
3. Dapat na pangalagaan nila ang mga batang hindi ginustong ipagbuntis.
4. Dapat na maghandog sila ng biyaya at espirituwal na tulong sa mga kababaihan na nahihirapan ang kalooban ng dahil sa nakaraang pagpapalaglag ng bata.
Pangangalaga sa Hindi pa Naisisilang na Sanggol
Mahalagang maunawaan na ang batang dinadala ng isang ina sa kanyang sinapupunan ay may patutunguhang walang hanggan. Ang taong-sanggol na iyon sa kanyang sinapupunan ay iiral magpakailanman. At dahil rito, dapat na pangalagaan ng isang magulang ang kanilang mga anak sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay: pisikal, mental, sosyal/emosyunal, at espirituwal.
► Dapat basahin ng mag-aaral ang Mateo 18:2, 10 para sa grupo.
Ang pag-uugali ng isang tao ay maaaring makaapekto sa kalusugan ng kanyang anak na hindi pa naisisilang at minsa’y maaaring makahadlang sa kanya na maging ama ng bata. Ang alkohol, cocaine, o paninigarilyo ay maaaring makasira sa kanyang semilya at magpapalaki ng posibilidad upang siya’y maging baog (na dahil rito’y magiging imposible ang pagbubuntis ng kanyang asawa) o kaya’y makunan ang isang babae (pagkamatay ng sanggol sa sinapupunan).
Ang isang buntis na gumagamit ng mga di kanais-nais na bagay, gaya ng droga (mungkahi man ng manggagamot o ilegal), nakalalasing na inumin, o sigarilyo, ay maaaring permanenteng makapinsala sa kanyang sanggol. Ang mga substansiyang ito ay pumipigil sa maayos na paglaki at paghubog ng isang sanggol at magdudulot sa sanggol na magkaroon ng problema sa pisikal at mental.[1]
Ang isa sa pinakamahalagang sandali at yugto sa paglaki ng sanggol sa sinapupunan ay ang paghubog ng mga organ at tissue nito na partikular na nangyayari sa pagitan ng 3-4 mga linggo ng pagdadalantao. Sa ganitong yugto, madalas na maraming mga kababaihan ay hindi nila alam na sila pala ay buntis.
► Dapat basahin ng mag-aaral ang 1 Corinto 10:31 para sa grupo.
Bagamat hindi ganap na makokontrol ng ina ang kalusugan ng sanggol na nasa kanyang sinapupunan, dapat pa rin niyang gawin ang lahat ng kanyang makakaya upang magkaroon ng maayos na nutrisyon at umiwas sa mga mapanganib na substansiya. Sinabi ng Diyos na ang mga bata ay mahalaga sa kanyang paningin at dapat natin siyang luwalhatiin sa pamamagitan ng maayos na trato sa mga bata.
Isang trahedya na ang sanggol ay hindi naisisilang sa kabuwanan ng kanyang kapanganakan. Karaniwan, ang kamatayan ng isang di pa naisisilang na sanggol ay hindi dahil sa kagagawan ng kanyang ina. Ang ganitong sandali ay malaking kawalan sa magulang ng sanggol, kaya dapat sikapin ng mga mananampalataya na makapagbigay sila ng kaaliwan sa mga magulang.
Kapanganakan
Bagamat maraming mga kultural na pagkakaiba ang nakapaligid sa oras ng panganganak, marami pa ring pagkakatulad sa karanasan ang mga kababaihan sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa Genesis 3:16, sinabi ng Diyos, “Pararamihin ko ang paghihirap mo sa iyong paglilihi; manganganak kang may paghihirap…”
Maraming siglo na ang lumipas at totoo pa ring nangyayari ang salitang ito ng Diyos sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang epekto ng unang pagkakasala nina Adan at Eba ay patuloy pa ring nararamdaman sa proseso ng panganganak. Maging si Maria na ina ni Jesus ay hindi nakatakas sa sakit ng panganganak (Lukas 2:6-7).
[1]Greg Cook & Joan Cook, The World of Children, 3rd ed. (Pearson Education, 2013), 85.
Maagang Yugto ng Pagkabata
Paglagong Pisikal
Nahuhubog ang pisikal na mga sangkap ng isang bata sa mga inaasahang mga antas. Una munang magagawa ng isang bata na igalaw-galaw ang kanyang ulo, matapos ito, magagawa na niyang maupo, gumapang, at maglakad. Kapag ang anuman sa mga kakayahang ito ay hindi nangyayari sa mga inaasahang yugto, ang magulang ay nababahala. At sa patuloy na paglaki ng bata, inaasahan natin silang makitang tumatalon, naglalambitin, at tumatakbo, lalo sa edad na 4-5. Sila’y lumalago mula sa sanggol na umiinom lamang ng gatas patungo sa batang nakakakain na ng mga matitigas na pagkain. Ang ganitong paglaki at paglago ng isang bata ay ikinagagalak makita ng mga miyembro ng pamilya.
Paglagong Mental
Ang mga caregiver ay nakikinig sa unang iyak ng isang kasisilang na sanggol at inaasahan na ang isang bata ay makakagawa ng mga masasayang tunog kapag ito ay nasa ikalawang buwan na. Sunod nito ay magagawang pabulain ng bata ang kanyang bibig at magagawang ulitin ang mga tunog na kanyang naririnig. Tuwang-tuwa rin ang mga magulang na kapag ikaanim na buwan ng bata ay nagagawa na nitong sambitin ang salitang “Mama” o “Papa.” Ang mga bata ay karaniwang nakapagsasalita ng mga kataga kapag sila’y isang taon na at nakapagsalita na rin ng buong pangungusap sa kanilang ikalawang taon.
Napapahanga rin tayo ng mga bata tungkol sa mga bagay na kaya nilang tandaan. Napakarami rin nilang itinatanong. Lagi nilang naaalala ang iyong ipinangako na gumawa ng isang espesyal na bagay para sa kanila. Ang ganitong mental na paglago ay nagaganap sapagkat ito’y disenyo ng Diyos. Subalit higit na nakakatulong sa paglago ng bata ang pangangalaga na ibinibigay ng mga magulang at ng iba pang mga tagapangalaga.
Sosyal at Emosyunal na Paglago
Kailangan ng mga bata ang kanilang mga magulang upang sila’y lumaking malusog at magkaroon ng maayos na paglagong pisikal. Subalit, dagdag na kailangan rin nila ang pagpapalakas ng loob upang mahubog at lumakas ang kanilang sosyal at emosyunal na pangangailangan. Dapat na intensyunal ang pangangalaga na ibigay ng mga magulang, guro, at iba pang tagapangalaga upang makamit ng mga bata ang paglagong ito.
Kapag gagawin ng mga magulang ang mga bagay na naitala sa ibaba, matutulungan nila ang kanilang mga anak na lumagong malakas sa sosyal at emosyunal.
► Basahin mo ang talaan na ito. Basahin mo ng dalawang ulit. Sa tabi ng isang aytem na tingin mo ay nagagawa mo na ng mabuti, isulat mo ang partikular na halimbawa kung paano mo ito ginagawa. Lagyan mo ng tsek ang mga aytem na hindi mo pa nagagawa. Sa tabi ng mga ito ay magsulat ka ng mga paraan na iyong sisimulang gawin. Kung ikaw ay hindi pa isang magulang, maaari kang pumili ng mga aytem mula sa talaang ito na kung saan maaari mong isagawa sa mga anak ng iyong kamag-anak o sa mga batang malapit sa iyong pamilya.
Mga Paraan na Matutulungan Mo ang Iyong mga Anak na Lumago[1]
(1) Sa pamamagitan ng pangangalaga sa iyong sarili
Ayusin mo ng mabuti ang iyong mga personal na kaabalahan.
Pamahalaan mo ng mabuti ang pinagkukunang suplay ng pamilya.
Magbahagi ng suporta sa ibang mga magulang.
Humingi at tumanggap ng suporta mula sa iba kung kinakailangan.
Alamin mo ang iyong mga personal na kakayahan at husay sa pagmamagulang.
Magkaroon ng malinaw na layunin sa pagpapalaki ng iyong anak.
(2) Sa pamamagitan ng pagiging maunawain
Suriin mo at unawaing mabuti ang iyong mga anak at ang kanilang paglago.
Alamin mo kung paano ini-impluwensyahan at tinutugunan ng mga bata ang mga bagay na nangyayari sa kanilang paligid.
(3) Sa pamamagitan ng pagbibigay ng gabay
Maging halimbawa ng maayos at kahali-halinang pag-uugali.
Maglagay at panatilihin ang mga makatuwirang limitasyon.
Bigyan ang mga bata ng pagkakataon na magkaroon ng responsibilidad. (Ang mga pagkakataon na ito ay dapat na ayon sa kanilang antas ng paglago.)
Turuan sila ng mga pamamaraan sa paglutas ng problema.
Masdan ng mabuti ang kanilang mga ginagawa.
Bantayan ang kanilang pakikipag-usap at karanasang napupulot sa paligid kasama ng ibang mga bata at matatanda.
(4) Sa pamamagitan ng pangangalaga
Ipadama ang pagmamahal at awa.
Linangin ang paggalang sa sarili at pagkakaroon ng pag-asa.
Makinig at magmasid sa damdamin at mga ideya ng mga bata.
Turuan silang magpakabait.
Ibigay sa kanila ang maayos na nutrisyon, tahanan, damit, kalusugan, at iba pang mahahalagang pangangailangan ng bata.
Ipagdiwang ang mga kasiyahan sa buhay kasama ang mga bata.
Tulungan ang mga bata na magkaroon ng koneksyon sa kasaysayan ng iyong pamilya at sa kultura ng inyong lahi.
(5) Sa pamamagitan ng pagbibigay ng motibasyon
Turuan ang mga bata ng tungkol sa kanilang mga sarili, tungkol sa ibang tao, at tungkol sa lipunang nakapaligid sa kanila.
Pukawin mo sa kanila ang pagsusuri, imahinasyon, at ang paghahanap sa kaalaman.
Bumuo ng kaaya-ayang lugar para sa pag-aaral.
Tulungan ang mga bata na iproseso at isaayos ang mga natutuhang impormasyon.
(6) Sa pamamagitan ng pagtatanggol
Maghanap, gamitin, at magkaroon ng komunidad na kapaki-pakinabang sa iyong anak at sa iba pang mga bata.
Pukawin ang hangarin na magkaroon ng panlipunang pagbabago na tutulong sa mga bata na magkaroon ng kaaya-ayang kapaligiran at pamilya.
Bumuo ng mga pakikipag-relasyon na kasama ang iyong pamilya, mga kaibigan, at mga grupo sa komunidad.
Espirituwal na Paglago
Sapagkat tayo ay nilikha ng Diyos na may espirituwal na buhay (Genesis 2:7), dapat nating turuan ang ating mga anak tungkol sa pananampalataya at gabayan sila na mamuhay na may relasyon sa Diyos.
► Dapat basahin ng mag-aaral ang Awit 78:5-8 at Deuteronomio 6:4-9 para sa grupo. Sa paanong paraan mo sinusunod ang mga kautusan ng Diyos at itinuturo ito sa iyong pamilya? Ano ang ilang mga bahagi na kinakailangan mong lumago?
Dapat nating seryosohin ang utos ng Diyos tungkol sa pagtuturo sa ating pamilya. Dahil kung hindi, mabibigo tayong sumunod sa Diyos at ang ating mga anak ay susuway rin sa Diyos.
Mayroong iba’t ibang pamamaraan ng pagtuturo sa mga bata: ilan rito ay ang pagbabasa ng Biblia, pag-awit ng mga awitin tungkol kay Jesus, pagsasaulo ng talata, pananalangin, pagsasagawa ng mga tanong at sagot, at pagkakaroon ng araw-araw na pag-uusap. Ang pakikilahok sa gawain sa simbahan ay mahalaga rin para sa buong pamilya.
Minsan, may mga magulang na kakargahin ang kanilang mga anak habang sila ay pinapatulog; na umaawit sa kanila ng mga awit na tungkol sa pananampalataya at pag-ibig ni Jesus para sa kanila. Ang pananampalataya ng mga bata ay lumalakas kapag nakakarinig sila ng tungkol sa pagibig at katapatan ng Diyos kaalinsabay sa pagkalinga ng kanilang magulang.
[1]Hango kay Charles A. Smith, et al., National Extension Parent Education Model. (Manhattan, Kansas: Kansas Cooperative Extension Service, 1994). Kinuha mula sa https://www.k-state.edu/wwparent/nepem/nepem.pdf noong Hulyo 31, 2023.
Konklusyon
Kaibigan, kung ikaw ay isang magulang, ang isang araw mo ay parang matagal. Ito ay puno ng kaabalahan; ito ay nakakapagod; ito ay hindi mo pag-aari. Gayunpaman, sa gitna ng maririnig mong iyakan, mga natatapong mga gatas, mababahong mga diaper, at tila walang katapusang gawain sa bahay, subukan mo pa ring huminto at pagbulayan ang iyong layunin. Iyong tandaan na ginagawa mo ang pangangalaga para sa isang nilalang na minamahal ng Diyos; na sa kanyang walang hanggang panukala ay ipinagkatiwala niya sa iyo ang batang ito. Hindi nais ng Diyos na magkaroon ka ng perpektong tahanan, isang magarang budget, masasarap na pagkain, o mamahaling mga damit para sa iyong mga anak. Ang kanyang hinihingi ay ito:
“Iibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, at ng iyong buong lakas. Ang mga salitang ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay ilalagay mo sa iyong puso; at iyong ituturo nang buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasabihin sa kanila kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, kapag ikaw ay lumalakad sa daan, at kapag ikaw ay nahihiga, at kapag ikaw ay bumabangon” (Deuteronomio 6:5-7).
Para sa Talakayan ng Grupo
► Anong aspeto ng pangangalaga sa bata ang madalas na nakakaligtaan sa iyong komunidad?
► Anong mga hamon ang kinakaharap ng mga pamilya? Bakit mahirap para sa kanila na ibigay ang pangangalaga sa bata na tinatalakay sa araling ito?
► Paano matutulungan ng mga mananampalataya ang mga babaeng nagdadalantao at ang kanilang sanggol sa sinapupunan?
► Anong mga paraan ang pwedeng magawa ng mga Kristiyanong pamilya upang sama-sama nilang mapagpala ang buhay ng mga maliliit na bata at ang kanilang mga ina?
► Paano makakabuo ng isang gawain ang simbahan na mangangalaga sa pangangailangan ng mga maliliit na bata?
Panalangin
Ama naming nasa langit,
Sinasamba ka namin bilang aming kahanga-hangang Manlilikha. Hinubog mo kami sa loob ng sinapupunan ng aming mga ina at pinangalagaan mo kami sa buong araw ng aming mga buhay. Nalalaman mo ang lahat ng bagay patungkol sa amin, kahit noong hindi pa kami isinisilang.
Tulungan mo kaming gawin ang mga bagay na pwede naming gawin upang protektahan ang mga walang kalaban-laban na mga tao, lalo’t silang nasa loob pa ng sinapupunan ng kanilang mga ina. Pagpalain mo silang nagmiministeryo sa kalagayan ng mga babaeng nagdadalang-tao.
Salamat na ipinagkatiwala mo sa amin ang pribilehiyo at responsibilidad ng pagkakaroon at pagpapalaki ng mga anak. Habang iyong hinuhubog at pinapalaki ang aming mga anak, tulungan mo kaming maging mapagmatyag at masikap sa pangangalaga at pagsasanay sa kanila.
Nais naming maging masunurin sa iyo sa pagpapalaki ng aming mga anak. Tulungan mong makita ka sa amin ng aming mga anak. Tulungan mo kami na turuan ang aming mga anak na ibigin at sundin ka.
Amen
Mga Takdang Aralin
(1) Basahin ang 2 Timoteo 1:3-5; 1 Corinto 4:17; Filipos 2:19-23. Magsulat ng mga maikling sagot sa mga tanong na ito:
Sino ang dalawang babae na nabanggit at ano ang kanilang papel na ginagampanan sa loob ng pamilya?
Anong impluwensya ang naibigay nila kay Timoteo?
Anong impluwensya ang naibigay nila sa buhay ng sinaunang Iglesia?
(2) Magbalik-aral sa mga talatang iyong sinaulo sa kursong ito: Deuteronomio 6:4-9, Roma 6:11-14, Colosas 3:5-7 at ang mga talatang iyong pinili para sa pagsasaulo sa Aralin 5, Takdang Aralin 4. Paanong nangungusap ang mga talatang ito sa iyo habang pinag-aaralan mo?
(3) Isaulo ang Awit 78:4-8. Sa pagpapasimula ng inyong klase sa susunod, isulat o isaulo ang talata gamit ang memorya.
(4) Partikular na ipanalangin mo ang bawat miyembro ng iyong pamilya na may personal na pangangailangan. Ipanalangin mo rin ang iyong sarili. Anong uri ng pagiging miyembro ng isang pamilya ang panawagan sa iyo ng Diyos?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.