Jonathan Edwards, Ang Huwaran ng Pamana sa Pamilya
Si Jonathan Edwards ay iginagalang na pastor at theologo na nabuhay noong taong 1700. Siya at ang kanyang asawa na si Sarah ay may labing-isang mga anak. Si Sarah ay isang mabuting ina at asawa, at nagpamana ng matinding impluwensya sa paghubog ng katangian ng kanyang mga anak. Si Jonathan mismo ay isa ring dedikado at masigasig na ama. Ayon sa kwento, “bawat gabi kapag nasa bahay si Mr. Edwards, gumugugol siya ng oras ng pakikipag-usap sa kanyang pamilya at mananalangin ng pagpapala para sa bawat isa sa kanila.”[1]
Ang tagapagturo na si A.E. Winship ay gumawa ng pananaliksik noong huling bahagi ng taong 1800 tungkol sa pamanang iniwan nina Jonathan at Sarah Edwards. Sa kanyang pananaliksik ay inalam niya ang naging kalagayan ng lahi ng mag-asawa paglipas ng 150 taon matapos ang kamatayan ni Jonathan. Natuklasan niya ang mga sumusunod na pamana ng mga Edwards:
1 bise-presidente ng Estados Unidos
1 dean ng paaralan ng batas
1 dean ng paaralan ng medisina
3 senador sa Estados Unidos
3 gobernador
3 mayor
13 presidente ng kolehiyo
30 na mga hukom
60 na mga doktor
65 na mga propesor
75 na mga opisyales ng militar
80 na mga pampublikong opisyales
100 mga abogado
100 mga pastor o tagapamuno sa simbahan
285 na mga nagtapos sa kolehiyo
Paano naging posible ang ganitong mabungang pamana? Ano ang ibinigay ng mag-asawang Edwards sa kanilang labing-isang mga anak na namunga ng lahing kilala sa kanilang integridad, responsibilidad, pamumuno, at paglilingkod sa bayan? Walang duda na si Jonathan ay isang makaDiyos at masigasig na ama na nagbigay ng matapat na halimbawa para sa kanyang mga anak.
Ipinapakita sa atin ng Biblia na ang mga kapasyahang gagawin ng mga magulang ay makakaapekto sa relasyon sa Diyos ng kanilang mga anak sa susunod na henerasyon.
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang Deuteronomio 5:9-10 at Deuteronomio 7:9 para sa grupo.
Anuman ang kapasyahang ginawa ng isang magulang, bawat isa ay may pagkakataon na paglingkuran ang Panginoon at maging makaDiyos na magulang para sa kanilang mga anak. Ikaw at ang iyong lahi ay maaaring matapat na maglingkod sa Panginoon at maranasan ang kanyang pagpapala at biyaya. Kaya handa ka ba na maging isang magulang na maglilingkod ng matapat sa Diyos at pangungunahan ang iyong mga anak sa pagkakilala sa kanya?
Noong unang makipag-usap ang Diyos kay Jacob, hindi sinabi ng Diyos, “Ako ang Diyos ng sansinukob,” o kaya’y “Ako ang Diyos na lumikha ng langit at lupa,” bagamat ang mga pangungusap na ito ay totoo. Sa halip, sinabi ng Diyos, “Ako ang Panginoon, ang Diyos ni Abraham na iyong ama, at ang Diyos ni Isaac” (Genesis 28:13). Sa madaling salita, hindi nagsimula ang relasyon ni Jacob sa Diyos na walang nakaraang kaalaman tungkol sa kanya. Kilala niya ang Diyos ng dahil sa turo ng kanyang ama at lolo.
Si Abraham ang nagpasimula ng tradisyon ng pagsamba sa Diyos. Dahil sa kanya ay marami pang iba ang sumampalataya sa Diyos, maging noong hindi pa sila nagkakaroon ng personal pakikipagtagpo sa Panginoon. Nang ang lingkod ni Abraham na si Eliezer ay nanalangin, ito ay tumawag sa PANGINOON, na Diyos ni Abraham (Genesis 24:12).
At sa paglipas ng mga panahon, ang Diyos ay nakilala sa bansag na, “Ang Diyos nina Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob” (Exodo 3:15 bilang isang halimbawa). Sa sumunod na henerasyon, si Jose ay kumapit sa mga pangako ng Diyos na ginawa niya kina Abraham, Isaac, at Jacob (Genesis 50:24). Umasa rin si Jose na magiging tapat ang kanyang sambahayan sa Diyos dulot na rin ng katapatan ng Diyos sa nakaraang henerasyon.
► Alinsunod sa kapahayagan ng Diyos tungkol sa kanyang sarili, ano ang mga bagay na ating matututunan tungkol sa paraan na nakikilala ng mga tao ang Diyos?
Ang mga tao ay hindi karaniwang nagkakaroon ng relasyon sa Diyos sa pamamagitan lamang ng pakikinig ng mga katuruan tungkol sa Diyos. Sa halip, karaniwang nakikilala ng mga tao ang Diyos sa pamamagitan ng pagmamasid sa buhay ng mga taong may relasyon sa Diyos. Ang pinakamatinding espirituwal na impluwensya ay nagmumula sa mga magulang na masigasig sa Diyos.
Narito ang ilan sa mga mahahalaga at personal na katanungan na pwedeng isaalang-alang: Ano ang natututunan ng iyong mga anak tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pagtingin sa iyong buhay? Ang mga anak mo ba ay nagnanais na maging tapat sa Diyos sapagkat nakikita nila ang iyong relasyon sa Diyos?
Ang Responsibilidad ng Magulang
Ang Diyos ay nagbigay ng malaking responsibilidad sa mga magulang. “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at kapag tumanda na siya ay hindi niya ito tatalikuran” (Kawikaan 22:6).
Ang magulang ay dapat na may layunin sa pagtuturo ng kanyang mga anak na sumunod sa Diyos. Dapat na maunawaan ng mga magulang ang kanilang responsibilidad na gabayan ang kanilang mga anak.
Ang responsibilidad na turuan ang mga anak ay unang pananagutan ng magulang at hindi ng lipunan, paaralan, at simbahan. Dapat tiyakin ng magulang na ang kanyang mga anak ay mapapabilang sa simbahan, subalit hindi niya dapat isipin na ang simbahan ang siyang magtuturo at sasanay sa kanyang mga anak.
► Dapat basahin ng mag-aaral ang Efeso 6:1-4 para sa grupo. Ano ang dapat gawin ng mga ama ng tahanan?
Ang pagtuturo sa bata ay hindi lamang tungkulin ng ina. Ang ama ay may malaking responsibilidad sa espirituwal na proteksyon ng kanyang pamilya.
Ang mga magulang ay may seryosong pananagutan na habambuhay na sanayin ang kanilang mga anak. Ang habambuhay na pagsasanay na ito ay walang kinalaman sa paghahanap ng trabaho; ito ay tungkol sa pagsasanay na mamuhay ng matuwid sa harapan ng Diyos. Hindi dapat hayaan ng mga magulang na sundan ng kanilang mga anak ang yapak ng kasalanan at asahang sa bandang huli ay magiging mananampalataya naman sila.
Binababalaan tayo ng Biblia na huwag matuto mula sa maling pilosopiya ng sanlibutan.
► Dapat na basahin ng mag-aaral ang Colosas 2:8 para sa grupo.
Ang talatang ito ay may babala sa atin na maaari tayong malugi ng dahil sa paniniwala sa maling pilosopiya at pagtanggap ng mga maling gawi sa buhay. Maaaring agawin ng sanlibutan ang ating mga anak mula sa atin sa pamamagitan ng pagsunod sa kamunduhan sa halip na pagsunod kay Cristo.
Higit na mainam kung ang buong edukasyon na matatanggap ng iyong mga anak ay mula sa Kristyanong guro at magulang. Ngunit sa mga lugar na walang Kristiyanong paaralan, dapat tiyakin pa rin ng mga magulang na natututunan ng kanilang mga anak ang tamang pananaw sa buhay. Ang sekular na edukasyon ay nagtuturo ng ateismo, ebolusyon, at humanismo. At dahil sa ang mga bata ay madaling matangay ng mga maling turo (Efeso 4:14), dapat na ingatan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Ang mga pastor ay dapat na matutong mangaral ng doktrina na mag-iingat sa mga tao mula sa maling pilosopiya. Ang mga pastor at guro ay dapat na magbigay ng mga impormasyon na magpapatibay ng pamilya sa pagkatuto sa katotohanan.
Maagang Gulang ng Pagsasanay sa Bata
► Mayroong nagsulat ng libro na pinamagatan sa Ingles na Children Are Wet Cement. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin nito?
Dapat maunawaan ng mga magulang na ang mga bata ay natututo ng mga bagay-bagay at kung ano ang mahalaga sa buhay habang sila’y nasa murang gulang pa lang. Ang karakter ay nahuhubog sa pagkabata pa lang.
Marami sa mga pagdidisipulo na dapat gawin ay bago pa lang marating ng isang bata ang pagiging binatilyo o dalagita. Kaya bago nila marating ang ganitong edad, dapat na patimuin sa kanilang kalooban ang biblikal na kaalaman, mabuting katangian, personal, sosyal, at espirituwal na mga gawi.
Maging bago marating ng isang bata ang ikalimang taon, natututunan na niya ang mga pangunahing bagay tungkol sa pakikitungo at kung anong pag-uugali ang magbibigay sa kanya ng magandang resulta. Alam niya kung ano ang pagiging patas; kung ang gantimpala at parusa ay karaniwang nagaganap ayon sa iyong gawa. Alam niya kung siya’y tunay na minamahal. Alam niya kung pinapahalagahan ng iba ang kanyang nararamdaman. Alam niya kung siya’y pinapatawad kapag nakagawa ng pagkakamali at kasalanan. Alam niya rin kung pwede niyang pagkatiwalaan ang mga nasa awtoridad; kung sila’y nagmamalasakit sa kanya at tumutupad sa kanilang mga pangako.
Ang mga bata ay natututo sa pamamagitan ng mga salita at ikinikilos ng kanilang mga magulang, kahit na hindi sila tinuturuan ng kanilang mga magulang (Efeso 5:1). Ang halimbawang ipinapakita ng mga nakatatanda ay nagbibigay sa kanila ng konsepto tungkol sa buhay. Ang mga bata ay natututo kung ano ang pinakamahalaga sa pamamagitan ng nakikita nila sa mga nakatatanda. Sila’y natututo sa pakikitungo, kung paano tumugon sa sitwasyon, at kung paano tuparin ang kanilang mga tungkulin sa pamamagitan ng kanilang mga nakikita sa mga nakatatanda. Ang ganitong uri ng edukasyon ay kaagad na nagsisimula sa oras na ipinanganak ang isang bata.
Minsan, iniisip ng mga magulang na tinuturuan lamang nila ang kanilang mga anak sa tuwing nagpapaliwanag sila ng dapat nilang gawin. Subalit ang isang magulang ay nagtuturo rin sa tuwing siya’y pinagmamasdan ng kanyang anak.
Ang isang bata ay nagmamasid sa nakatatanda at natututo kung paano tumugon sa mga hindi kaaya-ayang sandali. Natututo siya kung paano makitungo sa taong hindi kakilala. Natututo siya kung paano pakitunguhan ang mga mahihirap. Natututo siya kung paano tumanggap ng kritisismo. Natututo siya kung paano tumugon sa pangangailangan ng iba. Kaya nga, ang mga magulang ay laging nagtuturo kahit na palagay nila ay hindi nila ito ginagawa.
Kapag ang isang bata ay laging pinupuna, natututo siyang itago ang kanyang mga pagkakamali, gumagawa siya ng mga pagdadahilan, at maninisi sa iba. At kapag siya ay tumanda na, siya ay magiging mapanghusga, mapagpaimbabaw, at malihim. Kapag lagi siyang may nakikitang pag-aaway sa bahay, siya ay magiging mahiyahin o kaya’y agresibo. Kapag siya ay kukutyain mismo ng mga miyembro ng pamilya, ilalayo niya ang sarili sa pakikipag-usap at magiging bagsakan ng panunukso ng iba. Kapag lagi siyang ipinapahiya ng kanyang magulang, kikimkimin niya ang mga pagkakamali at hindi makadarama ng pagtanggap sa Diyos. At kapag hindi niya magawa ang mga tuntuning hinihingi ng kanyang mga magulang, maghihimagsik siya at maghahanap ng mga kasamahan na pampalit sa kanyang pamilya.
Kung ang mga tao ay matiyaga sa kanya, siya ay magiging matiyaga rin sa iba. Kapag pinapalakas ang kanyang kalooban, matututo siyang magsumikap. Kapag tumatanggap siya ng papuri, nararamdaman niya na siya ay mahalaga at matututo rin na magbigay ng papuri sa iba. Kapag nakikita niya ang katarungan, siya’y magiging patas rin sa pakikitungo sa iba.
Kapag mismong ang mga magulang ang bumabali ng kanilang mga tuntunin, iisipin ng bata na kapag malaki na siya ay pwede niya na ring baliin ang isang tuntunin. Kapag ang isang magulang ay hindi mabuti sa iba, paglaki ng bata ay magiging ganun rin siya. Kapag iniisip ng magulang na ang problema at pangangailangan ng mga bata ay hindi mahalaga, iisipin ng bata na paglaki niya ay hindi niya rin papansinin ang pangangailangan ng iba.
Ang mga magulang ay dapat na magpatuloy sa pagpapakita ng kanilang pagpapasakop sa Diyos. Dapat malaman ng mga bata na ang kanilang mga magulang ay sumusunod sa Salita ng Diyos. Kapag ipinapakita ng magulang na ang kanyang kalooban ang siyang higit na mahalaga kaysa sa awtoridad ng Diyos, gagayahin rin siya ng kanyang mga anak. Gayundin naman, dapat na ipaliwanag ng magulang ang mga dahilan para sa isang desisyon at ang mga bagay-bagay na isinaalang-alang para ito’y gawin. Magtuturo ito sa bata kung paano gumawa ng desisyon.
Alam rin ng mga bata kung nakikipaglaro sa kanila ang kanilang mga magulang. Dapat na matutunan nila ang pagiging patas, konsiderasyon, at pagtugon sa pangangailangan ng iba. Ang mga laro ay humuhubog sa mga kakayahan ng bata. Ang mga pampamilyang laro ay naglalayong magturo, magbigay ng personal na paglago at kasiyahan sa pakikipag-relasyon sa bawat miyembro ng pamilya. Ang kompetisyon sa laro ng pamilya ay pwedeng gawin ngunit hindi para sa layuning pangibabawan ang iba. Ang tanong na dapat isaalang-alang kapag naglalaro ang pamilya ay, “Masaya ba ang lahat sa laro na ito?” Kung ang panalo lamang ang siyang nasisiyahan sa laro, may mali sa layunin ng laro. Kapag nagagalit at nagkakapikunan sa oras ng laro, hindi nagiging maganda ang layunin ng paglalaro.
Ipinapakita ng mga magulang ang pagpapahalaga sa kanilang mga anak kung nagbibigay sila ng panahon sa mga gawain ng bata. At dahil rito, dapat na may panahon ang magulang sa pagtulong sa bata na gawin ang kanyang mga gawain sa paaralan, o kaya’y ang ayusin ang kanilang mga laruan, pagbibigay sa kanila ng lugar sa tahanan, pakikinig sa kanilang mga kwento at pagbibiro, at ang aliwin sila kapag hindi maganda ang kanilang pakiramdam.
Dapat ring makilala ng mga magulang ang guro ng kanilang mga anak sa paaralan. Dapat na dumalo sila sa mga itinakdang pagtitipon at marinig ang napapansin ng mga guro tungkol sa kanilang anak. Kung maaari, maganda kung ang mag-asawa ang siyang parehas na pupunta. Kapag ang ama ay hindi pupunta, parang ipinapakita niya na may mga bagay pang mas mahalaga kaysa sa kanyang anak. Dapat na magtanong ang mga magulang sa mga guro tungkol sa grado at sa mga bagay-bagay na nangyayari sa paaralan. Higit na magagawa ng mga guro ang pinakamainam para sa bata at maiingatan sila mula sa anumang pagmamaltrato kung ang mga magulang nila ay nagpapakita ng interes.
May pagkakakilanlang mabuti sa isa’t isa ang mga taong sama-samang namumuhay bilang pamilya. Nalalaman nila ang pangangailangan at kahinaan ng bawat isa. Nagagawa nilang ibigin ang isa’t isa ng higit kaninuman sa buong mundo. Subalit kung hindi nila iibigin ang isa’t isa, magagawa nilang saktan ang isa’t isa ng higit sa magagawa ninuman. At may iba na masahol ang trato sa mga miyembro ng kanilang pamilya kumpara sa pagtrato sa mga hindi nila kakilala. Ang tahanan ng Kristyano ay dapat na lugar na ang pasensya, pagpapatawad, kalinga, at kabaitan ay nakikita.
Pagtatrabaho ng Bata
[1]Ang isang bata ay nangangailangan ng oras para maglaro at maglibang araw-araw. Ang bata ay nangangailangan ng oras upang magpahinga, gamitin ang kanyang imahinasyon, magbasa ng aklat, maglaro sa pamamagitan ng pagbubuo ng isang bagay, at masiyahan sa magandang kapaligiran. Sa isang kalagayan na ang mga miyembro ng pamilya ay kailangang magtrabaho ng sama-sama upang may makain, makakabuting ang mga bata ay makibahagi sa trabaho ng pamilya. Gayunma’y dapat tandaan ng mga magulang na kailangan rin nilang linangin ang iba pang kaugalian.
Ang mahabang oras ng pagtatrabaho ay mahirap para sa isang bata hindi lamang dahil sa pisikal na lakas na hinihingi nito, kundi ang hinihinging trabaho sa bata ay madalas na paulit-ulit at walang pagbabago. Ang kinakailangan ng bata ay gawaing nangangailangan ng imahinasyon. Nakakalungkot kung ang isang bata ay nagtatrabaho ng sobra at ang tanging pahinga lamang niya ay ang kumain at matulog upang makapagtrabaho ulit.
May ilang mga pamilya na hirap na hirap sa pananalapi at iniisip nila na kailangan nila ng dagdag na kita sa pamamagitan ng pagtatrabaho ng kanilang mga batang anak. Subalit, kung mabibigo silang paaralin ang kanilang mga anak, hindi magbabago ang kanilang kalagayan. Kung ang isang bata ay nagtratrabaho sa halip na nag-aral, maaaring habambuhay siyang manatili sa gayong mababang kalagayan. Marami sa mga magagandang uri ng trabaho at oportunidad ay hindi niya makakamit.
May ilang mga tao na kaya namang paaralin ang kanilang mga anak subalit pinili nilang pagtrabahuhin ang kanilang mga anak ng mahabang oras sa bukirin, sa mga gawaing bahay, at sa mga kalsada; at alam nilang hindi nakapag-aaral ang kanilang mga anak. Ang mga Kristiyano ay dapat na sama-samang mag-isip ng mga magagandang kaparaanan para sa kani-kanilang mga pamilya.
Magiging kasiya-siya sa mga bata ang pagtatrabaho kung nadarama nilang mayroon silang nakakamit. Magagawa rin nilang magtrabaho ng may kasiyahan kasama ang kanilang mga magulang kung nakakarinig sila ng mga pampalakas ng kalooban. Ngunit ang mga magulang ay dapat na makatuwiran sa mga ipinapagawa nila sa kanilang mga anak. At dapat na magbigay sila ng mga positibong komento upang mapasigla ang kanilang mga anak sa pagkatuto at paglago.
Makakabuti na ang mga bata ay mayroong pang-araw-araw na tungkulin upang maturuan silang maging maaasahan at masinop sa kanilang mga ginagawa. Magandang sinasabi ng magulang ang mga magagandang katangian na nakikita nila sa kanilang mga anak, gaya ng, pagkukusa, pagiging maingat, at masikap. Dapat ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mga prinsipyo ng maayos na pagtratrabaho ayon sa Salita ng Diyos.
Makakabuti rin para sa mga bata na magkaroon sila ng pagkakataon na kumita ng pera at matutong gugulin ito sa maayos na paraan. Sa pamamagitan nito’y matututuhan nila ang halaga ng kanilang trabaho at kung paano gamitin sa kapakipakinabang na paraan ang nakamit nilang pera. Ang batang nagkaroon ng pera ng dahil sa pinaghirapang trabaho ay hindi gagastos ng para lang sa kendi; sa halip, maaari siyang bumili ng isang bagay na mapapanatili niya ng matagal. Kaya nga, dapat turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak kung paano gugulin ang kanilang pera sa maingat at maayos na paraan.
Makakabuti rin na ang mga bata at kabataan ay matuto sa ibat ibang uri ng trabaho upang masanay ang kanilang mga kakayahan. Isang magandang pagkakataon kung ang isang kabataan ay makapagtrabaho kasama ang iba’t ibang mga taong may iba’t ibang kakayahan.
► Anong uri ng pagtatrabaho ng mga bata ang umiiral sa iyong lipunan? Ano ang dapat gawin ng mga magulang? Ano ang dapat gawin ng simbahan?
[1]“Kung ang isang tao ay wala ng habag para sa mga bata, natapos na ang kanyang kapakinabangan sa balat ng lupa.”
- George MacDonald
Pagpapalaki sa Bata na may Makabuluhang Layunin
Tungkulin ng mga magulang na hubugin ang karakter ng kanilang mga anak. Ang mag-asawa na sina Matt at Mary Friedeman ay may itinalang mga katangian na nais nilang makitang nahuhubog sa kanilang mga anak. Matapos na gawin ang talaan, sinuri nila ito ng mabuti at gumawa ng askyong-plano na tutulong sa kanilang mga anak na mahubog ang bawat katangian. Ang proseso ay hindi dapat madaliin. Ang mga katangiang ito ay hindi kaagad-agad na nakikita. Kaya’t ang mga magulang ay dapat na magpatuloy at magkaroon ng layunin sa bawat pag-usad ng mga taon sa pagpapalaki sa kanilang mga anak. Ang talaan ng mga katangiang ito sa ibaba ay ilan sa mga katangian na ibinigay ng mga Friedemans.[1] Ilang mga katangian rin ay idinagdag sa talaan na ito.
Kategorya
Mga katangiang dapat taglayin sa edad na 18
Espirituwalidad
Maunawaang dinadala nila ang wangis ng Diyos na may walang hanggang halaga
Maunawaang sila’y makasalanan na nangangailangan ng Tagapagligtas
Italaga ang kanilang sarili kay Cristo
Magkaroon ng araw-araw na debosyon
Isabuhay ang kanilang mga espirituwal na kaloob
Maging handa sa Kristiyanong paglilingkod
Maging dalisay ang sekswalidad hanggang sila ay mag-asawa
Kaalaman sa Biblia
Maunawaan ang mga saligang doktrinang Kristiyano
Makapagsaulo ng mga mahahalagang talata (300 mga talata)
Alamin ang mga kwento sa Biblia
Alamin ang mga aklat sa Biblia
Alamin ang Sampung Utos at ang Sermon sa Bundok
Makita ang ebanghelikal na paksa ng kasalanan at kaligtasan sa buong kasaysayan ng Biblia
Magkaroon ng biblikal na pananaw sa buhay
Matutong ipagtanggol ang kanilang pananampalataya
Magawang sagutin ang mga malalaking katanungan sa buhay ayon sa biblikal na pananaw
Maunawaan ang pagiging bukod-tangi ng Kristiyanismo kumpara sa ibang relihiyon at kulto sa mundo
Kaisipan (Edukasyon)
Makapag-aral ng Edukasyon na nakatuon sa pagiging Kristiyano
Magkaroon ng disiplina sa pagbabasa o kaya’y sa pakikinig ng mga katuruang nasa podcast at video
Pumasok ng kolehiyo o anumang pagsasanay sa trabaho na ayon sa kanilang kaloob at panawagan
Karakter
Magkaroon ng pagpipigil sa sarili
Maging mapagpakumbaba—kayang humingi ng paumanhin
Nagpapakita ng paggalang sa awtoridad
Nagsasalita ng may kabutihan
Marunong sa paggamit ng oras – disiplinado sa paggamit ng kanilang social media at iba pang paraan ng kaaliwan
Pera at Serbisyo
Maunawaan ang pagmamalasakit ng Diyos para sa mga mahihirap
Sinasabuhay ang pagbibigay at paglilingkod sa mga mahihirap
Sinasabuhay ang pag-iikapu at pag-iimpok
Alam kung paano gawin ang pagba-badget
Ibinahagi ni Matt Friedeman ang ginawa nilang mag-asawa matapos na buoin ang talaang ito ng mga katangian.
Nang mabuo na namin ang talaan [ng mga katangian] sa isang piraso ng papel, gumuhit kami ng linya sa gitna ng papel at itinanong sa aming mga sarili, “Ngayon ay ano ang dapat naming gawin [ang aming tungkulin para mahubog ang mga katangian na ito sa aming mga anak]?” Sa kaliwang bahagi ng papel ay inilagay namin ang [aming] mga tungkulin bilang magulang.[2]
Kung ito ay nagpapakita ng napakaraming responsibilidad, alalahanin na tayo ay binigyan ng Diyos ng 16-18 mga taon para sa pagdidisipulo sa ating mga anak. Mahalaga kung gayon na:
1. Magkaroon ng plano sa pagdidisipulo.
2. Magtatag ng mga rituwal sa pamilya na gaya ng sabay-sabay na paghahapunan at ilang minuto ng istrakturang pagtuturo/pagsasanay.
3. Gawin ang pagdidisipulo bilang karaniwang bahagi ng pang-araw-araw na buhay; gamitin ang iba’t ibang pagkakataon upang makapagturo at magsanay.
4. Patuloy na gamitin ang Salita ng Diyos para sa pananalangin sa iyong mga anak.
5. Huwag kang sumuko, kahit na ikaw ay nabigo.
► Pumili ka ng ilang aytem mula sa tsart sa itaas at ilarawan ang pwedeng gawin ng mga magulang para sa layuning makamit ang mga hangaring ito.
[1]Matt Friedeman, Discipleship in the Home, (Wilmore: Francis Asbury Society, 2010), 31-33.
[2]Matt Friedeman, Discipleship in the Home, (Wilmore: Francis Asbury Society, 2010), 33.
Ang Gampanin ng Kalooban ng Tao
► Minsan, may mga taong nagsasabi, “Ang aking mga karanasan ang siyang humubog ng aking pagkatao ngayon.” Gaya ito ng isang pangungusap na, “Ang tao ay produkto ng kanyang kapaligiran.” Ang mga pangungusap ba na ito ay tama?
Ang tao ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos. Ang mga tao ay gumagawa ng kanilang sariling mga pagpapasya at hindi kinokontrol ng anumang pakiramdam at kapaligiran. Sa buong Biblia, tinatawag ng Diyos ang mga tao na piliin ang tama at iwaksi ang masama.[1] Hinahatulan ng Diyos ang mga tao ayon sa kanilang mga kapasyahan.
Ang ating karanasan at kapaligiran ay nakaka-impluwensya sa atin, subalit hindi nila tayo kontrolado sapagkat tayo’y mga nilalang ayon sa wangis ng Diyos; may kalayaan tayong pumili. Nangangahulugan ito na ang isang bata ay maaaring gumawa ng pagpapasya na iba sa tahanan at kapaligiran na kanyang kinalakihan. Ang isang batang nagmula sa isang paganong tahanan na kung saan ang makasalanang pamumuhay ay karaniwan lang ay maaaring magsisi at mamuhay ng para sa Diyos. Gayundin naman, ang isang batang lumaki sa isang Kristiyanong tahanan ay maaaring magpasya na sumuway sa Diyos.
Bagamat ang tao ay gumagawa ng kanyang sariling mga pagpapasya, siya ay hindi ganap na malaya. Sinasabi sa atin ng Biblia na tayo ay ipinanganak na may makasalanang kalikasan (Awit 51:5, Awit 58:3). Ang tao ay likas na masuwayin sa awtoridad; pinipili niya ang sariling patutunguhan, madaling matangay ng tukso, nanloloko sa iba, at makasarili (Efeso 2:1-3). Ang mga bata ay hindi parang latang walang laman na naghihintay lang na iyong yayain tungo sa isang direksyon. Sa halip, ang mga bata ay mabilis na naghahanap ng mga paraan para maisagawa ang kanilang sariling kagustuhan kahit na kailanganin pa nilang magsinungaling at sumuway. Dagdag pa rito, alam natin na ginagawa ni Satanas ang lahat ng paraan upang sila’y linlangin at tuksuhin (Efeso 2:2, Pahayag 12:9).
Dapat maunawaan ng mga magulang na ang pagtuturo ay hindi sapat upang magawang sundin at ipamuhay ng isang bata ang tama. Mayroong nangyayaring espirituwal na pakikipaglaban (Galacia 5:17). Dahil rito, kailangang ipanalangin ng mga magulang ang impluwensya at gabay ng Espiritu Santo sa buhay ng kanilang mga anak. Dapat umasa sa Diyos ang mga magulang para sa karunungan at lakas na maging mabuting espirituwal na halimbawa. Sila ay dapat na maging masigasig sa panalangin para sa pagsisisi at espirituwal na pagsilang ng kanilang mga anak sa maagang gulang pa lamang.
Kahit na ang isang bata ay naakay na sa Panginoon, hindi dapat umasa ang magulang na ang kanilang mga anak ay kikilos na parang isang matanda na sa pananampalataya. May mga pagkakataon na ang kanyang ugali at damdamin ay hindi alinsunod sa kanyang relasyon sa Panginoon. May mga pagkakataon na siya ay matatangay ng tukso. Subalit hanggang ang isang bata ay mayroong hangarin na gawin ang mabuti, hindi dapat panghinain ng magulang ang loob ng kanyang anak ng dahil sa kabiguang mamuhay bilang isang Kristiyano. Sa halip, dapat na pasiglahin ng magulang ang loob ng kanyang anak at purihin ang mga mabubuting asal nito at laging paalalahanan na tumawag sa Diyos upang tulungan siya sa kanyang mga kahinaan.
Bagamat ang bawat tao ay isinilang na may pagnanasang magkasala, bawat tao rin ay mayroong pangangailangan sa Diyos. Ang Banal na Espiritu ay nagsasalita sa bawat tao at nagbibigay sa kanila ng hangaring magkaroon ng maayos na relasyon sa Panginoon. Gayundin naman, alam natin na tinutulungan tayo ng Diyos kapag itinuturo natin sa ating mga anak ang Kanyang mga salita. Ang Banal na Espiritu ay katulad ng isang tagapagtanggol na nananahan sa kalooban ng isang bata; Siya ang nagpapatibay ng katotohanan at nagbibigay sa kanya ng hangaring magkaroon ng relasyon sa Diyos.
Ang pamilya ay dapat na araw-araw na nagtitipon para sa pagbabasa ng Biblia, diskusyon, at panalangin. Ang mga magulang at mga anak ay dapat na magkakasama sa sandaling ito. Ang ama ang siyang dapat na manguna, ngunit maaari niyang hilingin sa isang miyembro ng pamilya na magbasa ng Biblia at ang lahat ay makibahagi sa iba’t ibang paraan.
Ang oras ng debosyon ay hindi kinakailangang may sinusundang parehas na programa. Ang mga sandaling ito ay maaaring gawin sa iba’t ibang paraan; maaaring isali rito ang mga kwento sa Biblia, kwento sa kasaysayan ng Iglesia at pagmimisyon, pagtalakay ng mga katanungan sa paraang maituturo ang mga doktrinang Kristiyano, pagbabasa ng mga babasahing Kristiyano, mga awitin, pagsasaulo ng Biblia, drama, at iba pang pamamaraan ng pananalangin.
Halimbawa ng aktibidad sa oras ng debosyon: Pumili ng isang kwento sa Biblia at hilingin ang mga miiyembro ng pamilya na isadula ang kwento.
Dapat na magbigay ng panahon ang pastor na turuan ang kanyang simbahan tungkol sa debosyon ng pamilya. Dapat alalahanin ng mga magulang na binigyan sila ng Diyos ng responsibilidad na ituro ang Salita ng Diyos sa kanilang mga anak (Deuteronomio 6:5-7).
Para sa Talakayan ng Grupo
► Ano ang ilan sa mga konsepto sa araling ito na bago sa iyong pandinig? Paano mo plinaplano na isabuhay ang mga katotohanan na iyong natutunan?
► Ano ang pwedeng gawin ng simbahan upang mapalakas ang mga pamilya at tulungan ang mga magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak?
► Paano pwedeng magtulungan ang mga tao sa simbahan na tulungan ang mga magulang sa hamon na palakihin ang kanilang mga anak na sumunod kay Cristo?
► Ano ang ilang mga halimbawa ng gawain na pwedeng isagawa ng isang pamilya sa araw-araw?
Panalangin
Ama naming nasa langit,
Salamat na dinisenyo mo ang pamilya at ibinigay sa mga tao ang mahalagang tungkulin ng pagmamagulang.
Tulungan mo kami na ibigin ang aming mga anak na gaya ng pag-ibig mo sa kanila. Tulungan mo kami na laging tandaan na sila’y nilikha mo upang makilala ka at paglingkuran.
Pagkalooban Mo kami ng pag-ibig, pasensya, at pang-unawa na siyang aming kinakailangan upang sanayin at impluwensiyahan ang aming mga anak na sumunod sa iyo.
Tulungan mo ang mga mananampalataya sa aming mga simbahan na sanayin ang kani-kanilang mga pamilya, kabataan, at mga bata na maging malakas sa pananampalataya at pagsunod sa iyo.
Amen
Mga Takdang Aralin
(1) Pag-aralan ang mga sumusunod na mga talata. Gamitin ang mga talatang ito na magsulat ng tatlong pahina na pagpapaliwanag hinggil sa responsibilidad ng mga magulang:
Genesis 18:17-19
Deuteronomio 6:4-9
Awit 78:1-8
Colosas 3:21
Efeso 6:4
1 Timoteo 3:4-5, 12
2 Timoteo 3:14-17
Mateo 18:5-6
(2) Ikaw man ay magulang o hindi, pumili ka ng limang katangian mula sa talaan na ibinigay sa araling ito. Isulat ang tatlong praktikal na mga pamamaraan na tutulong sa iyong mga anak na marating at magawa ang limang katangian na iyong pinili.
(3) Kung ikaw ay isang magulang, isulat mo ang plano at ang iyong dedikasyon na magkaroon ng araw-araw na debosyon kasama ng iyong mga anak. Hilingin mo ang isang taong pinagkakatiwalaan mo na bantayan at kumustahin ka sa pagsasagawa ng kapasyahang ito.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.