Noong si Marcus ay bata pa, tinuruan siya ng kanyang magulang na maging mahusay sa pagtratrabaho. Lagi siyang masaya kapag mayroon siyang pagkakataon na magtrabaho at kumita ng pera. Lagi siyang handa na gawin ang anumang trabaho na ipinapagawa sa kanya. Bilang isang kabataan, naranasan niyang maglinis ng bakuran, maghatid ng mga diyaryo ng balita, at mag-ayos ng mga bisikleta. Naging interesado si Marcus na maging isang negosyante subalit alam niyang tinatawag siya ng Diyos sa ministeryo. Nag-aral si Marcus sa isang paaralan ng Biblia. At para bayaran ang kanyang mga gastusin sa paaralan, nagtrabaho siya ng paglilinis sa mga opisina, nagtrabaho sa mga kainan, at naglinis ng mga bakuran. Nang siya ay makapagtapos, nagsimula siya ng ministerio, subalit minsa’y matatagpuan siyang nagpipintura ng mga bahay at nag-aayos ng mga sirang gusali sapagkat walang sumusuporta sa kanya sa ministerio. Lagi siyang nagsusumikap na maging prayoridad ang kanyang responsibilidad sa ministeryo at personal na paglago kaysa sa paghahanap ng salapi, kahit na mayroong siyang asawa at mga anak na sinusuportahan. Subalit sa paglipas ng panahon, nagawa na siyang suportahang lubos ng kanyang ministeryo.
Maturidad at Karakter
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang 1 Timoteo 4:12 at Panaghoy 3:27 para sa grupo.
Ang 1 Timoteo ay isinulat para sa isang kabataan na may tungkulin ng pamamahala sa mga simbahan. Sa 1 Timoteo 4:12 ay mababasa natin na inaasahan ng Diyos ang mga mananampalatayang kabataan na maging huwaran sa kanilang karakter at ugali. Dapat nilang maging prayoridad na maging matatag sa Kristiyanong doktrina. Dapat nilang ipakita ang kadalisayan at di-makasariling pagmamahal sa lahat ng pakikitungo sa kapwa. Ang kanilang ugali at pananalita ay dapat na magbigay ng karangalan at kaluwalhatian sa Diyos.
Ang mga mananampalatayang kabataan ay dapat na mamuhay ng maingat at makabuluhang buhay. Hindi nila dapat aksayahin ang kalakasan na kaloob sa kanila ng Diyos sa ganitong yugto ng buhay. Hindi nila dapat aksayahin ang mga dumarating na oportunidad para matuto, hasain ang mga kakayahan, paglingkuran ang iba, at pagtanggap ng responsibilidad. Ang mga taon ng pagbibinata at pagdadalaga at ang pagpasok sa hustong gulang ay hindi dapat na gugulin sa makasariling mga ambisyon. Ang mga ito ang siyang pinakamainam na mga taon sa buhay para sa paglago at paglilingkod. Dito’y magagawa ng Diyos na tulungan ang mga mananampalatayang kabataan na matutuhan ang pagpipigil sa sarili upang sila’y lumago para sa kanya.[1]
[1]Para sa higit pang kaalaman sa paksang ito, tingnan ang Aralin 12 ng Espirituwal na Paghubog, na matatagpuan sa Shepherds Global Classroom.
Trabaho
Mga Pananaw sa Trabaho
Sa ibang mga kultura, karaniwang makikita na may mga taong nakatambay at wala masyadong ginagawa, bagamat sila ay bata pa at malusog. Bagamat sila’y may mga pangangailangan at responsibilidad sa iba, wala naman silang motibasyon para magtrabaho. Madalas nilang sabihin na sila ay magtatrabaho kung maayos ang sahod. Wala silang gana na magtrabaho ng mababa ang kita o kaya’y magkaroon ng trabahong mababa ang tingin sa lipunan. Wala silang gana na magtrabaho para paunlarin ang kanilang kapaligiran kung wala rin lang naman silang mataas na pakinabang.
Minsan, may mga taong nasasabik na magkaroon ng trabaho. Marahil ay nabubuhay sila sa isang bansa na mababa ang porsyento ng mga may maayos na trabaho. Ikinatutuwa nilang isuot ang uniporme ng kanilang kumpanya at ipinagmamalaki ang kalagayan sa lipunan ng kanilang trabaho. Subalit kahit na nasisiyahan sila sa katatayuan na mayroon sila, wala naman silang pagpapahalaga na maglingkod ng maayos para sa kanilang employer at kustomer. Ipinagmamalaki nilang bahagi sila ng kumpanya, subalit hindi nila nauunawaan kung bakit sila tinanggap sa gayong trabaho.
Kabaligtaran sa mga taong ayaw magtrabaho, nariyan naman ang mga taong masyadong nakatuon sa kanilang mga karera sa buhay o sa pagkamal ng salapi. Marahil ay napunta sila sa isang trabaho na di hamak na mataas ang sahod kumpara sa pasahod ng kanilang sariling bansa. At dahil rito, nais nilang magtrabaho ng magtrabaho at mag-ipon ng maraming pera hangga’t makakaya nila. Bunga nito’y nakakalimutan nila ang ilang mahalagang bahagi sa kanilang buhay, gaya ng, pagpapalago ng kanilang relasyon sa Diyos at sa kanilang pamilya.
Maaaring gawin ng mga tao sa isang lipunan ang mga bagay na nabanggit, subalit ang mga mananampalataya ay hindi nila dapat tularan ang mga bagay na karaniwang ginagawa sa kanilang kultura. Sa halip, dapat nilang hanapin kung ano ang sinasabi ng Diyos at sundin siya. Ang Biblia ay maraming sinasabi tungkol sa trabaho, kasipagan, at produktibong buhay.[1]
Ang Pinagmulan ng Trabaho
Ang Diyos ay malikhain (Awit 104:24). Ang Diyos ay produktibo (Awit 104). Ang Diyos ay laging nagtatrabaho; Siya ay may malasakit sa buhay ng bawat indibidwal at sa mga nangyayari sa bawat panig ng sanlibutann sa buong kasaysayan (Juan 5:17). Nilikha ng Diyos ang tao, nilikha niya ang mga ito ayon sa kanyang wangis bilang repleksyon ng kanyang sarili. Kaya nais rin niyang ang mga tao ay maging malikhain at produktibong tagapamahala ng kanyang mga nilikha. Binigyan ng Diyos ang sangkatauhan ng kapamahalaan sa mga hayop sa lupa, dagat, at himpapawid (Genesis 1:26). Ginawa niya ang tao na tagapamahala at katiwala ng kanyang mga likas na yaman sa daigdig (Genesis 1:28-30).
Ang trabaho ay bahagi ng disenyo ng Diyos sa buhay ng tao. Mula pa lamang sa pasimula, binigyan na ng Diyos ang tao ng malaking responsibilidad. Bawat isa sa atin ay mananagot o magsusulit sa kanyang harapan kung matapat ba nating ginawa ang trabahong ipinagkatiwala niya sa atin.
Mga Prinsipyo na mula sa aklat ng Kawikaan
Ang aklat ng Kawikaan ay espesyal na isinulat para sa mga kabataan, upang sila’y turuan na mag-isip at mamuhay ng maayos. Maraming sinasabi ang aklat ng Kawikaan tungkol sa pagtatrabaho.
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang bawat talata para sa grupo.
Kawikaan 6:6-11, Kawikaan 10:5. Ang mga langgam ay kakikitaan ng magandang halimbawa.
Sila ay masigasig na nagtatrabaho kahit na walang pumipilit sa kanila na ito’y gawin. Walang sinuman ang nagsasabi sa kanila kung ano dapat nilang gawin o paano nila ito dapat gawin. Gayunma’y, produktibo silang nilalang. Mula sa mga langgam ay matutunan natin na hindi tayo dapat pilitin na magtrabaho. Dapat nating gustuhin na magtrabaho sapagkat ito ang pamamaraan ng pagtugon ng Diyos sa ating mga pangangailangan.
Sila’y nagtatrabaho kapag oras ng pagtatrabaho. Mayroong oras ng pagtratrabaho at mayroon ring oras para sa iba pang mga aktibidad sa buhay at para sa pamamahinga. Maaaring makatulong sa atin ang tanong na, “Ano ba ang dapat na ginagawa ko na sa oras na ito?”
Sila’y nagtatrabaho habang may pagkakataon pang magtrabaho. Nagbabago ang panahon at ang oportunidad upang makamit ang isang pinagkukunan ng suplay ay lumilipas. Ang ating mga oportunidad ay biglang dumarating at bigla ring naglalaho. Kaya’t dapat na gamitin natin ang oportunidad na mayroon tayo ngayon, sapagkat kung hindi ay masasayang lang natin ito.
Sila ay nagtatrabaho upang magkaroon ng pagkaing kinakailangan. Hindi dapat matulog at maglibang-libang kapag oras ng pagtatrabaho. Kapag tayo ay tatamad-tamad, sa halip na maging abala sa paggawa ng mabuti, ang ating pangangailangan sa kinabukasan ay hindi matutugunan. Dapat tayong magtrabaho ngayon upang matugunan ang pangangailangan ng kinabukasan.
Kawikaan 19:15, Kawikaan 20:4, Kawikaan 12:24. Isinaayos ng Diyos ang sanlibutan sa paraang ang ating mga kapasyahan ay mayroong tunay na ibubunga at kahihinatnan (Galacia 6:7).
Kung magpapatuloy ang ating katawan sa katamaran, magiging mahina tayo sa pisikal. Kung magpapatuloy ang ating isipan sa katamaran, bababa ang ating kakayahan na matuto, mag-isip, at gumawa ng mga maayos na kapasyahan.
Kapag tumatanggi tayong magtrabaho bagamat tayo ay may kakayahan, sinasabi ng Diyos na hindi tayo nararapat na pakainin (Basahin ang 2 Tesalonika 3:6-12).
Kung tayo ay masipag, gagantimpalaan tayo ng Diyos ng higit pang mga oportunidad at malaking mga responsibilidad.
Ang Diyos ay naglagay ng pangkalahatang konsekwensya o bunga para sa ating mga kapasyahan. Wala tayong kakayahan na piliin ang gusto nating kahihinatnan o bunga, subalit magagawa nating piliin ang dapat nating gawin.
Kawikaan 14:23, Kawikaan 20:6. May mga taong ang palagay sa sarili ay matalino, subalit ayaw namang magtrabaho. Sila’y nangangarap at nagsasalita kung paano dapat gawin ang mga bagay-bagay, ngunit sila mismo ay wala namang ginagawa. Subalit nais ng Diyos na mayroon tayong tunay na ginagawa; hindi yung puro salita lang tayo tungkol rito. Nais ng Diyos na tumanggap tayo ng responsibilidad at maging tapat na isakatuparan ang bagay na ating sinabing gawin.
Kawikaan 15:19. Minsan, may mga taong tamad tungkol sa kung paano nila gagawin ang isang bagay. Pinipili nila ang madali at mabilis na paraan, kahit na ito ay walang maayos na ibubunga. Marahil ay may ginagawa silang paraan na hindi magastos, ngunit ang kanilang ginagawa ay di naman magtatagal. Maaring ang kanilang paraan ay hindi masyadong nakakapagod, subalit ang produktong matatapos ay may mababang kalidad. At marahil, gumagawa sila ng isang bagay sapagkat natangay sila ng sinasabi ng ibang tao, sa halip na magkaroon ng pagkukusang gawin ang tama at magtrabaho kahit na maraming hamon na haharapin.
► Anong mga halimbawa ang iyong naiisip na kung saan ang mga tao ay nagpapakita ng katamaran sa kanilang mga pamamaraan ng pagsasagawa ng isang bagay?
Ang kawikaan na ito ay nagtuturo sa atin na kung tayo ay magiging tamad sa pamamaraan ng pagsasagawa ng isang bagay, ito ay lilikha ng mga problema para sa atin at sa ibang tao. Subalit kung gagawin natin ang nararapat, tayo ay gagantimpalaan ng maayos na resulta. Kaya dapat na maging maingat at masinop tayo sa ating mga ginagawa ngayon, upang tayo ay masiyahan sa magiging magandang resulta nito.
► Anong mga halimbawa ang iyong naiisip na kung saan ang katamaran ay naghatid ng hirap at kaguluhan? Anong mga halimbawa ang iyong naiisip na kung saan ang katapatan at kasipagan ay nagkaroon ng mga magandang resulta?
Kawikaan 12:11, Kawikaan 21:20, Kawikaan 28:19. Mga kabataan, hindi kayo binigyan ng Diyos ng lakas at kalusugan upang aksayahin n’yo lamang sa walang kabuluhang mga hangarin. Pinagkatiwalaan ka niya na maging mabuting katiwala ng iyong mga pisikal at mental na kakayahan. Pinagkalooban ka niya ng mga oportunidad upang paglingkuran siya. Ang pagiging matapat na katiwala ay nangangailangan na ikaw ay dapat na mayroong pagpipigil sa sarili. Hindi mo dapat pagbigyan ang bawat malayaw na pagnanasa. Sa halip, dapat mong i-pokus ang iyong lakas, pinagkukunan ng yaman, at oras para sa pagtupad ng mga adhikain ng Diyos.
Inaasahan ng Diyos na tutustusan mo ang pangangailangan ng iyong sarili, ng iyong pamilya (1 Timoteo 5:8), at ng mga taong karapat-dapat sa iyong tulong, lalo silang wala ng inaasahang mahal sa buhay na tutulong sa kanila (1 Timoteo 5:3-16, Efeso 4:28, Santiago 1:27, Santiago 2:15-16).
Sinasabi sa 1 Tesalonika 4:11-12,
…Naisin ninyong mamuhay nang tahimik, gawin ang inyong sariling gawain, at kayo’y magpagal ng inyong sariling mga kamay, gaya ng aming ipinagbilin sa inyo; upang kayo’y igalang ng mga nasa labas, at huwag maging palaasa sa sinuman.
Ito ang kalooban ng Diyos para sa mga mananampalataya.
► Anong uri ng mga gawain ang dapat na kusang ginagawa ng mga mananampalataya? Mahalaga ba ang katatayuan? Kung mahalaga man, sa anong paraan o hanggang sa anong kalagayan?
Ngayon ay maglalatag tayo ng paksa sa pagtatrabaho na may kinalaman sa pananalapi o pinansiyal. Katatapos lang nating talakayin ang napakahalagang mga dahilan kung bakit nais ng Diyos na tayo ay magtrabaho; kasama na rito ang pagtustos sa ating mga pangangailangan at maging ang mga pangangailangan ng iba. Ang trabaho ay ang karaniwang pamamaraan ng Diyos upang ipagkaloob ang ating mga pangunahing pangangailangan—gaya ng pagkain at damit (1 Timoteo 6:8). Sa maraming mga lugar, ang mga tao ay magkakaroon ng pera sa pamamagitan ng pagtatrabaho, at ang kinita nilang pera ay ginugugol naman nila sa mga materyal na pangangailangan. Sa ibang mga lugar, ang mga tao ay binabayaran sa pamamagitan ng pagkain, pag-aari, at serbisyo sa halip na pera. Anuman ang paraan ng pagbayad, ang Diyos ay nagkakaloob pa rin sa tao ng kanyang mga pangangailangan sa pamamagitan ng trabaho.
[1]Para sa higit pang kaalaman sa paksang ito, tingnan ang Aralin 3 ng Praktikal na Pamumuhay Kristiyano na matatagpuan sa Shepherds Global Classroom.
Pinansiyal
Maraming mga talata sa Biblia ang nagtuturo tungkol sa pananalapi. Ang paraan ng ating pag-iisip at paggamit sa pera ay may malaking epekto sa ating relasyon sa Diyos at kapwa-tao. At sapagkat ito ay mahalaga, nais ng Diyos na tayo ay magkaroon ng maayos na pag-unawa tungkol sa pera at sa paggamit nito.[1]
Mga Prinsipyo na mula sa aklat ng Kawikaan
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang bawat talata para sa grupo.
Ano ang pinagmumulan ng ating seguridad?
1. Ang Diyos ang siyang ganap na tagapagtustos sa matuwid (Kawikaan 10:3).
2. Hindi tayo dapat umibig at magtiwala sa mga kayamanan, sapagkat ang mga ito ay may limitadong kapangyarihan at may katapusan (Kawikaan 11:4, 28).
► Anong mga kaisipan, pag-uugali, at mga kilos ang nagpapakita ng pagtitiwala sa Diyos bilang tagapagtustos at seguridad ng isang tao?
Maraming mga bagay ang higit na mahalaga kaysa sa kayamanan; ang ilang halimbawa ay:
1. Pagkakaroon ng maayos na relasyon sa kapwa (Kawikaan 15:17).
2. Pagkakaroon ng kaalaman at karunungan (Kawikaan 8:10-11).
3. Pagkakaroon ng takot sa Diyos at pagkakaroon ng matuwid na relasyon sa kanya (Kawikaan 15:16).
4. Pagkakaroon ng karangalan ng dahil sa mabuting katangian (Kawikaan 11:16).
5. Pagiging matapat, totoo, at mabait (Kawikaan 19:22).
► Ano sa mga ito ang higit na mapanghamon sa iyo ng dahil sa iyong sitwasyon?
Mga prinsipyo ng maayos na pamamahala ng salapi:
1. Magkaroon ng pera sa pamamagitan ng masipag at matapat na pagtratrabaho (Kawikaan 10:4).
2. Matiyagang mag-impok ng pera (Kawikaan 13:11).
3. Parangalan ang Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng unang bahagi ng iyong bunga (Kawikaan 3:9-10).
4. Maging mapagbigay sa mga mahihirap (Kawikaan 11:24-25, Kawikaan 14:21, Kawikaan 19:17, Kawikaan 21:13).
► Alin sa mga ito ang mahirap para sa iyong gawin?
Mga babala laban sa maling paggamit ng salapi:
1. Huwag suwayin ang Salita ng Diyos ng dahil lang sa pagkakataon na makapagkamal ng pera (Kawikaan 10:2, Kawikaan 15:27).
2. Huwag gumawa ng mabilis at walang ingat na desisyon (Kawikaan 21:5).
3. Huwag mangakong babayaran ang pagkakautang ng iba (Kawikaan 6:1-5; Kawikaan 17:18).
► Alin sa mga prinsipyong ito ang higit na nakakaligtaan sa iyong kultura?
[1]Para sa higit pang kaalaman tungkol sa paksang ito, tingnan ang Aralin 9, Praktikal na Pamumuhay Kristiyano na matatagpuan sa Shepherds Global Classroom.
Malalapit na mga Kaibigan
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang Kawikaan 13:20 at 1 Corinto 15:33 para sa grupo.
Ang mga malalapit na kaibigan ang isa sa pinakamalakas na impluwensya sa buhay ng isang kabataan. Ang mga tao ay karaniwang nagiging malapit na magkaibigan kapag sila ay may parehas na pinapahalagahan. Subalit ang pakikipagkaibigan ay bumabago rin sa isang tao, sa ikabubuti man niya o ikasasama. Ang pagkakaroon ng malapit na pakikipagkaibigan sa isang tao sa paglipas ng panahon ay iimpluwensiyahan ka. Aapektuhan nito ang iyong mga pananaw, pilosopiya, prayoridad, pag-uugali, kapasyahan, at karakter. Iimpluwensiyahan ka ng halimbawang ipinapakita ng malapit mong kaibigan, maging sa pamamagitan ng kanilang pagsang-ayon at di-pagsang-ayon sa iyong mga kapasyahan gamit ang kanilang mga mapanghikayat na mga pananalita.
► Dapat isulat ng bawat mag-aaral ang pangalan ng 1-5 na mga partikular na tao bilang sagot sa bawat katanungan:
Kanino ako pumupunta para humingi ng aprubal at pagsang-ayon?
Sino ang aking kinakausap tungkol sa mga suliranin ng aking buhay?
Kaninong payo ang aking hinahanap kapag ako ay may desisyong dapat gawin?
Kaninong pag-uugali ang nakakaimpluwensya sa akin?
Kaninong pilosopiya ang aking ibinabahagi?
Isipin mo ang mga taong isinulat mo. Ano ang kanilang katangian? Ano ang kanilang pag-uugali? Ano ang kanilang mga pananalita? Kapag susundan mo ba ang kanilangbuhay, ikaw ba ay sumusunod kay Cristo? (1 Corinto 11:1). Sila ba ay mga taong nagtataglay ng ganitong mga katangian:
Sila ay may takot sa Panginoon (Deuteronomio 10:12, 20, Awit 112:1).
Sila ay hinuhubog ng Salita ng Diyos (Juan 17:14-17).
Kanilang ginawang pinakamataas na prayoridad ang pagbibigay lugod at pagsunod sa Panginoon sa lahat ng bagay (2 Corinto 5:9-10).
Iniimpluwensiyahan ka ba nila na magkaroon ng malapit at masunuring ugnayan sa Diyos? Sinasabi ba nila sa iyo kung ano ang totoo (kung ano ang ayon sa Salita ng Diyos), o sinasabi nila sa iyo ang mga bagay na gusto mo lang pakinggan? Pinapalakas ba nila ang loob mo na gawin ang pakiramdam mo’y gusto mong gawin, o pinapalakas ka nila na gawin kung ano ang tama sa paningin ng Diyos kahit na ito ay mahirap?
Minsan ay mayroon isang kabataan na nagtataglay ng impluwensya. Tinitingala siya ng ibang mga kabataan para sa aprubal ng kanilang pag-uugali. Kapag siya ay may sinasabing panunuya o di kaaya-ayang pananalita, tinitingnan siya ng ibang mga kabataan upang masdan kung siya ba ay ngingiti. Kung sila ay may ginawang bagay na mapaghimagsik, titingnan nila kung kikindatan ba niya sila upang ipakita ang kanyang pagsang-ayon. Nais nilang bigyang lugod siya. Subalit wala man lang isa sa kanila na nag-isip at isinaalang-alang ang ganitong mga katanungan: Bakit ko gusto ang kanyang papuri? Siya ba ang taong dapat bigyan ko ng lugod? Ang kanya bang karakter at pag-uugali ay magandang halimbawa para sa akin?
Kailangan ang pagsisikap upang isaalang-alang mga mga isyung ito. Ang mga mananampalataya ay dapat na mapuno ng layunin sa pagpili ng kanilang magiging malapit na mga kaibigan at higanteng impluwensiya sa buhay. Siyempre, nais ng Diyos na impluwensiyahan ng kanyang mga anak ang mga taong hindi pa malago sa espirituwal o sila na hindi pa mananampalataya. Gayunpaman, ang mga taong ito ay hindi karapat-dapat na ating maging mga malalapit na kaibigan, tagapayo, at impluwensya sa buhay. Hindi natin dapat hinahanap ang kanilang aprubal.
► Dapat basahin ng mag-aaral ang Awit 101 para sa grupo.
Ang Salmo na ito ay isinulat ni Haring David. Siya ay may takot sa Panginoon. Itinalaga niya ang sarili sa Panginoon na mamuhay ng may katapatan o integridad. Alam niya na ang mga taong hinayaan niya na umimpluwensya sa kanyang buhay ay maaaring makatulong sa pagtupad ng kanyang panata o dili kaya’y magiging hadlang upang ito’y isakatuparan. At dahil rito, matibay niyang ipinasya na piliin lamang ang mga matapat at mga makaDiyos na taong iimpluwensya sa kanyang buhay.
Tayo ay hindi kagaya ni David na isang hari at wala tayong awtoridad o responsibilidad na maparusahan ang mga masasamang tao, gaya mismo ng panata ni David. Subalit maaari nating tularan ang halimbawa ni David sa ibang pamamaraan. Sa madaling salita, dapat nating italaga ang ating buhay sa pamumuhay ng may katapatan. Dapat na maging matibay tayo sa kapasyahang ang pipiliin lamang natin na maging mga malapit na kaibigan at impluwensya ay sila na makaDiyos.
Paggawa ng mga Desisyon
Ang maagang yugto ng pagiging adulto o nasa hustong gulang ay panahon ng paggawa ng maraming desisyon; ilan sa mga ito ay may habambuhay (o kaya’y walang hanggan) na bunga o konsekwensya.[1] Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga katanungan na dapat nating tandaan kapag isinasaalang-alang ang ating mga pagpipilian:
Ang aksyon ba na ito ay alinsunod sa nais ng Diyos na mangyari sa aking pagkatao? Madalas sabihin ng ating lipunan na, “Magpakatotoo ka.” “Maging totoo ka sa sarili.” “Sundan mo ang sinasabi ng iyong puso.” Subalit tayo ay tinawag na maging totoo kay Cristo, hindi sa ating mga sarili. Ang totoo niyan, sinasabi sa atin ng Panginoon na magpahayag ng “huwag” sa ating mga sariling pagnanasa na salungat sa ugali ng pagsunod sa kanya (Mateo 16:24-26). Tinawag tayo ng Diyos upang mamuhay ng ayon sa kanyang batayan ng katuwiran. At ayon sa Diyos, ang mga taong kanyang pagpapalain ay sila na may takot at pagsunod sa kanya sa lahat bagay (Awit 15, Awit 112, Mateo 5:3-11). Kaya habang matapat tayong sumusunod sa kanya, tayo ay nagiging bayan na ayon sa kanyang kalooban.
Paanong makakaapekto ang aksyon na ito sa aking reputasyon? Sa bawat kapasyahan na ating gagawin, itinatatag natin ang ating reputasyon (Kawikaan 20:11). Totoo na dapat nating pahalagahan ng lubos ang pagtingin sa atin ng Diyos. Subalit kung tayo ay nakikilala bilang mga taong may integridad, naiimpluwensiyahan natin ang iba tungkol sa katuwiran at tayo nagiging kapani-paniwalang mga saksi para kay Cristo. Sinasabi sa atin sa Kawikaan 22:1 na dapat nating maging prayoridad ang pagkakaroon ng magandang reputasyon kaysa sa pagkakaroon ng materyal na kayamanan.
Ano ang ibubunga ng kapasyahang ito? Ipinapakita sa atin ng Kawikaan 22:3 na dapat nating paghandaan ang kinabukasan sa pamamagitan ng mga mabuting kapasyahan sa kasalukuyan. Kapag pag-iisipan natin ang ating mga pagpipilian, dapat nating isaalang-alang ang maaaring ibunga ng bawat isa sa mga ito. Paano maaapektuhan ng ating kapasyahan ang ating buhay at ang buhay ng ibang tao?
Sinasabi sa atin sa Kawikaan 4:23 na ang ating mga kapasyahan at pag-uugali ay nagmumula sa motibasyon ng ating puso. Kung nais nating magkaroon ng mga mabubuting kapasyahan na nakakalugod sa Diyos, dapat nating tiyakin na tayo ay tapat sa kanya (Deuteronomio 6:2, 5-6, Deuteronomio 13:4).
[1]Para sa higit pang kaalaman sa paksang ito, tingnan ang Aralin 5 ng Praktikal na Pamumuhay Kristiyano na matatagpuan sa Shepherds Global Classroom.
Pisikal na Kalusugan
Responsibilidad ng mga kabataan na gumawa ng mga personal na kapasyahan, gaya ng mga bagay na may kaugnayan sa kanilang kinakain, aktibidad at oras ng ehersisyo, at oras ng pagtulog. Ang pagpipigil sa sarili ay mahalaga sa lahat ng bahaging ito (1 Corinto 9:27). Dapat tandaan ng mga mananampalataya na ang kanilang mga katawan ay templo ng Banal na Espiritu at tayo ay tinubos ng dugo ni Cristo (1 Corinto 6:19-20). At sapagkat tayo ay mga lingkod ng Diyos, dapat nating pangalagaan ang ating mga katawan at disiplinahin ang ating mga sarili upang makagawa tayo ng mga mabubuting kapasyahan sa lahat ng mga gawaing ito, upang maiukol rin natin ang pinakamainam para sa Diyos.[1]
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang 1 Corinto 6:12-13, 19-20, at 1 Corinto 10:31 para sa grupo.
Isipin mo ang uri at dami ng mga pagkaing kinain mo ng nakaraang linggo. Marahil ay marami kang pagkain at marami kang pagpipilian sa mga ito. O marahil ay kakaunti lamang ang iyong pagkain, at kakaunti rin ang pagpipilian sa mga ito. Mapa-anupaman, ang pagkain at pag-inom ay dapat na makapagbigay ng luwalhati sa Diyos. Kung sakaling posible na maimbitahan mo si Jesus na makisalo sa iyong hapag-kainan, pipiliin mo pa rin ba ang uri at dami ng mga pagkain na karaniwan mong kinakain? Maaaring kakatwa ang tanong na ito, gayunma’y maaaring magsilbi itong paalala sa atin na maging maingat, mapagpasalamat, at mapagpigil habang tayo ay kumakain.
Ang pagtulog ay isa pang bahagi na dapat magpakita ng pagpipigil sa sarili ang isang mananampalataya. Hindi tayo dapat maging tamad at matulog ng sobra (Kawikaan
6:10-11, Kawikaan 20:13), gayunpaman, dinisenyo ng Diyos ang ating katawan na magkaroon ng palagiang sapat na pahinga (Awit 3:5). Ang isang matanda o nasa hustong gulang ay karaniwang nangangailangan ng 6-8 oras na tulog sa bawat gabi.
Sinasabi sa Ecclesiastes 5:12 na ang pagtulog ay pagpapala para sa mga taong masipag sa pagtratrabaho. Sinasabi sa Kawikaan 3:24 at Awit 4:8 na ang Diyos ay nagbibigay ng mahimbing na tulog sa kanyang mga anak. Ito ang uri ng pagtulog na nagpapaginhawa sa ating mga katawan. Kapag taglay natin ang kapayapaan ng Diyos, tayo ay napapalaya mula sa mga kabalisahan at alalahanin na dumating sa isang araw, sapagkat nalalaman natin na ang Diyos ay tapat na nagbabantay sa kanyang mga anak. Ang payapang tulog ay nagpapasigla ng katawan at isipan at inihahanda tayo para sa susunod na mga aktibidad at ministeryo.
Ang Kawikaan 3:24 ay matatagpuan sa isang bahagi ng aklat ng Kawikaan na naglalaman ng mga tuntunin para sa buhay na puno ng karunungan, pang-unawa, at mabuting pagpapasya. Kaya kung nais mong magkaroon ng mahimbing na tulog, kinakailangan mo na magkaroon ng mga matatalinong kapasyahan sa ibang bahagi ng iyong buhay, kasama na rito ang oras na ginugugol mo sa panonood ng telebisyon o pelikula, pagtingin sa internet, paggamit ng cellphone, at oras ng pakikipagkwentuhan sa mga kaibigan.
Ang pagtulog ay maaaring maapektuhan ng mga uri at dami ng pagkain na kinakain mo sa buong araw, ng oras na binibigay mo sa ehersisyo, kung paano mo hinaharap ang mga di-kanais-nais na mga sitwasyon, o kung paano mo ginugugol ang iyong pera. Ang ating pagtulog ay magiging mapayapa kung ang ating relasyon sa ating kapwa ay puspos ng mga katangian na bunga ng Espiritu na sinasabi sa Galacia 5:22-23.
► Magbigay ng oras para basahin ang mga talatang nabanggit sa itaas. Suriin mo ang iyong pagtulog gamit ang mga prinsipyo na matatagpuan sa mga talatang ito. Ibinibigay mo ba sa katawan mo ang sapat na pahinga na kanyang kinakailangan upang makagawa ng maayos ayon sa ninanais ng Diyos? Pansinin mo ang konteksto ng mga talata sa Awit: isinulat ito ni David sa nakakapagod at nakakabahalang mga sitwason, subalit nakapagbigay pa rin siya ng patotoo sa katapatan ng Diyos na tumutulong sa kanyang katawan na magkaroon ng maayos na tulog.
[1]Para sa higit pang kaalaman tungkol sa paksang ito, tingnan ang Aralin 13 ng Praktikal na Pamumuhay Kristiyano na matatagpuan sa Shepherds Global Classroom.
Pagharap sa Stress
Ayon sa disenyo ng Diyos, ang mga taon ng isang kabataan ay puno ng maraming mga responsabilidad at alalahanin na nangangailangan ng atensyon at naghahatid ng stress (Panaghoy 3:27). Sa ganitong yugto, ang isang tao ay maaaring nagsusumikap na makapagtapos sa pag-aaral at magkaroon ng degree, magsimula ng negosyo, at pumasok sa isa o maraming trabaho. Marami ring bahagi ng pakikipag-relasyon sa buhay ng isang kabataan na kinakailangang pagtuunan ng pansin. Ang mga kinakailangang pinansiyal, pamasahe, at tirahan ay tumatawag ng atensyon, ngunit nagdudulot ng stress.
Ang stress ay binigyang kahulugan na, “pisikal at emosyonal na tugon sa mga pangyayari na nagbabanta o humahamon sa atin.”[1] Pag-isipan mo kung paano mo tinitingnan ang mga pangyayari sa buhay mo. Paano ka nag-iisip sa mga sitwasyon na nararanasan mo?
Kapag ang isang bagay ay nasa panghinaharap pa, paano mo ito pinag-iisipan? Anong mga emosyon ang hinahayaan mo na maramdaman hinggil sa mga posibilidad na pwedeng mangyari? Anong pananaw ang umiimpluwensya sa iyo na harapin ang isang sitwasyon? Ano ang uri ng iyong pagkatao at personalidad (Kawikaan 15:15)?
Ang iyong pananaw, pagkatao, at personalidad ay makakaapektong lahat sa paraan ng pagtugon mo sa mga sitwasyon sa buhay at sa antas ng stress na iyong mararanasan. Bagamat ang stress ay likas na bahagi ng buhay, ngunit kung paano mo ito harapin ay isang personal na bagay. Ang kabalisahan ay madalas maghatid ng sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, sakit, pagtaas ng presyon ng dugo, ulcer, at iba pang mga mental, emosyonal, at pisikal na mga kapansanan (Kawikaan 12:25). Ang hindi magandang tugon sa stress ay makakahadlang ng malaki sa iyong paglilingkod kay Cristo. At dahil rito, hindi nakapagtataka na ang Salita ng Diyos ay nagsasabi sa atin na huwag tayong mabalisa.
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang Mateo 6:34, 1 Pedro 5:7, at Awit 105:4 para sa grupo.
Kapag tayo ay humaharap sa mga mabibigat na pangyayari, dapat nating piliin na magtiwala at umasa sa Diyos na walang anumang limitasyon. Perpekto ang Diyos sa kanyang lakas, karunungan, at kabutihan. Perpekto ang kanyang pagmamalasakit sa kanyang mga anak. Nais niyang maunawaan natin ang ating pananangan sa kanya; na dalhin natin sa kanyang harapan ang bawat alalahanin, at hingin ang kanyang lakas. Kapag gagawin natin ito, bibigyan niya tayo ng kapayapaan, kapahingahan, at lahat ng ating kinakailangan. Habag ang isang ay nasa kanyang kabataan, dapat niyang matutuhan at panatilihin ang pananahimik sa harapan ng Diyos at maghintay sa kanyang pangunguna (Awit 46:10, Panaghoy 3:25-27).
▶ Itala mo ang mga nakaka-stress na mga sitwasyon na iyong kasalukuyang nararanasan. Ano ang iyong dapat na maging tugon ayon sa sinasabi ng Salita ng Diyos?
[1]Robert S. Feldman, Discovering the Lifespan, 2nd ed. (Upper Saddle River, NJ: Pearson, 2012), 317.
Para sa Talakayan ng Grupo
▶ Sa araling ito, anong mga ideya o mga prinsipyo ang bago sa pandinig mo? Anong iba pang mga biblikal na prinsipyo ang naisip mo na nakaugnay sa mga bahaging ito ng buhay ng isang kabataan?
▶ Paanong ang iyong personal na buhay ay maaapektuhan ng iyong napag-aralan sa araling ito?
▶ Sa iyong simbahan, alin sa mga paksang ito ang higit na kailangan na ituro sa inyong mga kabataan?
▶ Paano mo maiimpluwensyahan ang mga kilala mong kabataang Kristiyano na mag-isip at kumilos ng biblikal sa mga bahaging ito ng buhay?
Panalangin
Ama naming nasa langit,
Salamat na ang iyong Salita ay nagtuturo sa amin kung paano mamuhay sa bawat yugto ng buhay. Salamat na inihahanda mo kami na mamuhay ng mabunga at produktibo sa mga taon ng aming kabataan.
Tulungan mo kaming luwalhatiin ka sa pamamagitan ng pagiging matapat na katiwala ng aming lakas, mga pinagkukunan, at oportunidad na ibinibigay mo sa amin. Tulungan mo kaming maging mga makaDiyos na impluwensya sa aming kapwa at pumili ng mga makaDiyos na kaibigan at tagapayo.
Nawa’y gumawa kami ng maayos na kapasyahan at luwalhatiin ka namin sa aming mga katawan, isipan, at espíritu.
Amen
Mga Takdang Aralin
(1) Sa 1 Timoteo 4:12, tinuruan ni Pablo si Timoteo na maging halimbawa sa mga partikular na aspeto. Sa iyong pagsusulat, bigyang kahulugan ang bawat aspetong ito. Pagkatapos ay ilarawan mo kung paanong ang bawat isa sa mga ito ay maipapamuhay ng isang kabataan. Magbigay ng kahit isang halimbawa para sa bawat isa.
(2) Pumili ng isa mula sa mga paksa sa araling ito:
Maturidad at karakter
Trabaho
Pinansiyal
Malalapit na mga Kaibigan
Paggawa ng mga desisyon
Pisikal na Kalusugan
Stress
Magsulat ng kahit tatlong talata tungkol sa iyong napiling paksa:
Buoin ang mga biblikal na prinsipyo na may kaugnayan sa paksang ito.
Ipaliwanag ang ilang mga positibong maibubunga ng pagsunod sa mga prinsipyong ito.
Ilarawan ang ilang mga negatibong maibubunga kapag ang mga prinsipyong ito ay ipinagwalang-bahala.
Kapag isusulat mo ang mga positibo at negatibong mga bunga, tiyakin mong isinaalang-alang mo rin ang mga epekto ng isang kapasyahan sa iba’t ibang mga tao: sa kanyang sarili, pamilya, komunidad, at simbahan.
Print Course
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.