Dr.Robertson McQuilkin ay naglingkod bilang isang misyonaryo sa Japan nang 12 taon. Pagkatapos, naging pangulo siya ng Columbia International University. Nakilala siya bilang isang manunulat, tagapagsalita, at edukador. Ang kanyang asawang si Muriel ay nagkaroon ng sakit sa utak na nakakaapekto sa kakayahan ng isang tao na mag-isip, magkaalala, at makipag-ugnyan. Nang lumala ang sakit hanggang sa kondisyon na kailangan na ni Muriel ng tuluy-tuloy na pangangalaga, nagbitiw si Dr. McQuilkin sa pagkapangulo ng unibersidad upang alagaan ang kanyang asawa. Sinabi niya na tinutupad niya ang pangako na ibinigay niya sa asawa niya noong sila ay ikasal. Naniniwala siya na mas mahalaga ang pag-aalaga sa kanyang asawa kaysa sa pagtutuloy sa posisyon ng pangulo ng unibersidad.
Ang Pagtatag ng Diyos sa Pag-aasawa
Ang pag-aasawa ay itinatag ng Diyos para sa unang lalaki at babae na kanyang nilikha. Ang pag-aasawa ay dinisenyo ng Diyos upang maging angkop sa pangangailangan ng mga tao. Ang lahat ito ay dinisenyo ng Diyos upang tumugma sa kalikasan ng tao. Sa lahat ng bagay na dinidisenyo ng Diyos at sa lahat ng kanyang hinihiling, lagi niyang hangad ang pimakamakabubuti para sa atin (Deutoronomio 6:24). Layon at alam ng Diyos na ang kanyang plano para sa pag-aasawa ay magbibigay ng pinakamahusay na emosyonal, relasyonal, at espirituwal na kagalingan para sa bawat mag-asawa.
Sinabi ng Diyos na sa pag-aasawa, iiwan ng lalaki at babae ang kanilang mga magulang para magsama. Dinadala ng pag-aasawa ang dalawang tao sa pagkakaibigan at pagsasama na mas matibay at mas malapit kaysa sa anumang iba pang relasyong pantao. Ang pag-aasawa ay hindi lamang dalawang tao sa isang limitadong pagsasama. Ang kanilang mga buhay ay pinag-isa upang sila ay maging iisang tao. Hindi nito binubura ang kanilang indibidwal na personalidad, kundi isa itong espesyal na pagkakaisa.
Biblikal na Pag-aasawa
Ang Biblikal na pag-aasawa ay napakagandang bagay. Ngunit ang mga magkasintahan na nais maranasan ang kagandahan at kabutihan nito ay dapat suriin ang itinuturo ng mga Banal na Kasulatan tungkol dito, at pagkatapos ay sikaping sumunod sa kanilang natutunan. Kailangan ng pagsisikap at sakripisyo ang nakasisiyang pag-aasawa.
Ang Biblikal na Pag-aasawa ay para sa Pakikipagkapwa
Sa aklat ng Genesis, inilalarawan ang paglikha ng Diyos ng pag-aasawa. Bawat bahagi ng paglalarawan ay nagbibigay ng karangalan sa pag-aasawa.
At sinabi ng Panginoong Diyos, “Hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa; siya’y igagawa ko ng isang katuwang na nababagay sa kanya” (Genesis 2:18).
Tulad ng relasyon ng Diyos Ama, Anak, at Banal na Espiritu, nilikha tayo ng Diyos upang makisalamuha. Tayo ay nilikha para sa pakikipag-usap. Tayo ay nilikha para sa pagpapalagayang-loob at pakikipagkapwa. Sinabi ng Diyos na hindi maganda ang nag-iisa!
Kinuha ng Diyos ang isang tadyang mula sa lalaki at ginawa itong magandang babae, isang tao—na nilikha din sa imahe ng Diyos, na kapareho ng halaga, ngunit magkaiba ang disenyo—na nagkumpleto sa lalaki. Siya “ay dinala na may espesyal na karangalan sa lalaki bilang huli at pinakaperpektong gawa ng Lumikha.”[1]
Ang pag-aasawa ay dapat maging isang masayang pagsasama.
Nang sinabi ni Adan, “Sa wakas, ito’y buto ng aking mga buto” (Genesis 2:23), ipinahayag niya ang paggalang at kasiyahan. Hindi sinabi ni Adan na, “Sa wakas, isang alipin! Ngayon may maglalaba na, magluluto ng pagkain, magmamasahe sa likod, at gagawa ng mga gawain ko!” Hindi, sinabi ni Adan, “Sa wakas, isang katuwang na kukumpleto sa akin!”
Ang pag-aasawa ay dapat pag-iisa ng magkapantay.
…isang katuwang na nababagay sa kanya (Genesis 2:18).
Dinisenyo ng Diyos ang babae upang perpektong bumagay sa at makumpleto ang lalaki.
Ipinapaalala ni Matthew Henry sa atin na, “Ang babae ay ginawa mula sa isang tadyang na kinuha mula sa tagiliran ni Adan; hindi gawa mula sa kanyang ulo upang pamunuan siya, o mula sa kanyang paa upang apakan niya, kundi mula sa kanyang tagiliran upang maging kapantay niya, sa ilalim ng kanyang braso upang protektahan, at malapit sa kanyang puso upang mahalin.”[2] Ang babae ay hindi mas mababa o mas mataas sa lalaki, kundi katulad niya.
Ang pag-aasawa ay dapat maging isang tipan ng pagkakaisa.
Kaya't iniiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, at pumipisan sa kanyang asawa; at sila'y nagiging isang laman. (Genesis 2:24)
Ang matitibay na pag-aasawa ay hindi umaasa sa tuluy-tuloy na romantikong damdamin (ang mga damdamin ay nagbabago), o kaligayahan, (bagaman nagdadala ng kasiyahan ang magandang pag-aasawa), o personal na kasiyahan (bagaman nakakapagbigay ng kasiyahan ang matibay na pag-aasawa). Ang mga kamangha-manghang benepisyo ng pag-aasawa ay hindi nagiging sanhi ng matibay na pag-aasawa; ito ay bunga ng matibay na pag-aasawa. Ang pag-aasawa ay itinatatag sa hindi matitibag na pundasyon ng tipan—isang lalaki at isang babae na may tapat na pangako sa isa't-isa sa panghabambuhay.
Ang pag-aasawa ay dapat maging relasyong bukas, may tiwala, at tumatanggap—”Ang lalaki at ang kanyang asawa ay kapwa hubad, ngunit sila’y hindi nahihiya” (Genesis 2:25). Dahil hindi pa nadudungisan ng kasalanan ang pagkadalisay ng unang mag-asawa, ang kanilang pag-aasawa ay walang panghuhusga, hindi nahihiya, at walang takot. Sa Bagong Tipan, sinasabi sa atin na, “Maging marangal sa lahat ang pag-aasawa, at huwag dungisan ang higaan” (Hebreo 13:4).
Ang isang matatag na relasyong mag-asawa ay hindi umiiral kung may kawalan ng katiyakan, kawalan ng tiwala, pagdududa, o takot, kung saan ang mga mag-asawa ay hindi tiyak sa pangako ng isa't-isa sa pagsasama. Ang matatag na relasyong mag-asawa ay nangangailangan ng pangakong nagwawakas lamang kapag namatay na ang isa sa mag-asawa (Roma 7:1-2).
Intensyon ng Diyos na ang pag-aasawa ay maging isang panghabambuhay na kasunduan sa pagitan ng lalaki at babae (Mateo 19:3-6). Sinabi ni Pablo na ang mga mananampalataya ay hindi matatali kapag humiwalay sa kanila ang kanilang mga asawang hindi mananampalataya (1 Corinto 7:15), ngunit hindi dapat humiwalay ang isang mananampalataya sa asawang hindi mananampalataya (1 Corinto 7:12-14, 16). Noong una, isinulat na ni Pablo na ito ay sinabi ng Panginoon: hindi dapat umalis/humiwalay ang mga mananampalataya sa kanilang mga asawa, ngunit kung gagawin nila ito, hindi sila dapat mag-asawa ulit (1 Corinto 7:10-11, Mateo 5:31-32, Mateo 19:9).
Ang pag-ibig ng kasunduan ay ang pagbibigay ng sarili, pagkakaroon ng respeto, at pagpapaganda kahit na ang relasyon ay mahirap (1 Corinto 13). Ang mabuway na pangako ay lumilikha ng pansamantalang pagsusumikap, emosyonal na pagkakahiwalay, paglayo, at tukso.
Ang lalaki ay nagpapakita ng pag-ibig ng kasunduan kapag hindi niya isinusuko ang kanyang asawa kahit na ito ay hindi tumutugon o hindi nagpapakita ng respeto o may karamdaman. Ang babae ay nagpapakita ng pag-ibig ng kasunduan kapag pinipili niyang igalang at sundin ang kanyang asawa, alang-alang kay Cristo, kahit na hindi siya minamahal ng kanyang asawa.
Naaani ng pagmamahal ng lalaki ang respeto ng babae, at naaani ng respeto ng babae ang pagmamahal ng lalaki. At patuloy silang lumalago!
► Anu-anong mga problema ang nagiging bunga kapag ang mga tao ay nag-asawa habang iniisip na pwede pa nilang baguhin ang kanilang desisyon sa hinaharap kapag hindi sila naging masaya sa kanilang relasyong mag-asawa? Ano ang kaibahan na nagagawa ng buong pangako kapag ang isang tao ay naniniwala na permanente ang kanyang pag-aasawa?
Ang Biblikal na Pag-aasawa ay ang Lugar para sa Sekswal na Kasiyahan at Pagpaparami.
Ginawa ng Diyos ang pakikipagtalik na ganap na nakasisiya at lubos na makapangyarihan. Ito ay gawaing may layuning magdala ng pagkakaisa sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na aspeto. Ang malusog na sex life ay hindi lamang nakapagbibigay-sigla at nagdadala ng pagkakaisa, ito rin ay nagpapalusog sa relasyon ng mag-asawa. Para sa mga nagnanais sumunod sa etikang sekswal na itinatag ng Biblia, ang pakikipagtalik ay isang biyayang ibinigay ng Diyos upang lubos na tamasahin sa loob ng pag-aasawa.[3]
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang 1 Corinto 7:1-5 at Hebreo 13:4 para sa grupo.
Sinasabi sa atin ng mga berso sa 1 Corinto na isang layunin ng pag-aasawa ang mapunan ang mga sekswal na pagnanasa. Ibinigay na ng mag-asawang lalaki at babae ang mga sarili nila sa isa’t-isa at isinuko ang kanilang pag-aari sa sarili nilang mga katawan. Ibig sabihin nito, hindi dapat asahan ng may asawa na makikipagtalik lang siya sa tuwing gusto niya, kundi dapat ding tumugon sa mga pagnanasa ng kanyang asawa. Hindi sinasabi ng mga berso na maaaring ipilit ng isang tao ang kasiyahan nang labag sa kagustuhan ng asawa niya. Sa halip, sinasabi ng mga berso na dapat tumugon sa mga pangangailangan ng isa't isa.
Sinasabi sa atin ng siping ito na hindi dapat ipagkait ng mga mag-asawa ang pribilehiyong ito sa isa't-isa. Lehitimo ang maikli o pansamantalang pag-iwal sa pagtatalik kasabay ng pag-aayun, pero ang mahabang paghihiwalay ay magdudulot ng tukso dahil sa hindi natutugunang pagnanasa. Minsan, pinipili ng mga mag-asawa na maghiwalay nang ilang buwan o mas matagal pa dahil magtatrabaho o mag-aaral ang isa sa malayong lugar. Bago gawin ang ganitong desisyon, dapat nilang isipin kung ang ganitong plano ay naaayon sa plano ng Diyos. Maaaring magdulot ng problema ang mahabang paghihiwalay.
May mga taong mas pinipili ang pamumuhay na walang anak, ngunit itinuturo ng Biblia na ikinagagalak ng Diyos kapag ang mga magulang ay may mga maka-Diyos na anak (Malakias 2:15). Mahalaga ring tandaan na hindi lamang pag-aanak ang gusto ng Diyos, kundi ang magkaroon ng mga anak na maka-Diyos. Tinatawag ng Diyos ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak na sumunod kay Cristo.
Ang Biblikal na Pag-aasawa ay para kay Cristo
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang 1 Pedro 3:1-7 at Efeso 5:22-33 para sa grupo. Dapat hayaang nakabukas ng grupo ang mga siping ito para sa pagsusuri sa buong talakayang ito.
Sa Efeso 5:30-32, ipinakikita ng Banal na Espiritu ang mas malalim na kahulugan ng pag-aasawa, na nakatago hanggang dumating si Jesus. Ang pag-aasawa ay isang larawan sa mundo—isang salamin—ng relasyon sa pagitan ni Jesu-Cristo at ng kanyang iglesya.
Sinimulan ni Pablo ang bahaging ito sa pamamagitan ng paanyaya sa mga mananampalataya na mapuno ng Espiritu (Efeso 5:18). Sa kontekstong ito, inaalok niya ang sumusunod na tagubilin ukol sa pag-aasawa.
Ang nobyang puno ng Banal na Espiritu ay magpapasakop sa kanyang asawang lalaki (ang kanyang “ulo”) sa Panginoon, sa parehong paraan na nagpapasakop ang mga mananampalataya kay Jesus (Efeso 5:24, 32; tingnan din ang 1 Pedro 3:1). Sa ganitong paraan niya maipapakita ang respeto kay Jesus at sa kanyang asawa. Ang babae ay inaasahang tatanggapin ang pamumuno ng kanyang asawa kahit hindi ito mananampalataya. Kung gagawin niya ito, mas may posibilidad na maging mananampalataya ang kanyang hindi nananampalatayang asawa.
Mahalaga para sa bawat babaeng may asawa na isipin ang Diyos sa kanyang pagpapasakop. Ito'y para sa kanya at alang-alang sa kanya na sumusunod ang babae, at hindi lamang sa kanyang asawa. Nakatutok siya kay Jesus, na natatanging walang kasalanan. Ang kusang pagpapasakop ng babae sa kanyang asawa ay isang akto ng pagsamba kay Jesus.
Ang Biblikal na pagpapasakop, katulad ng pag-ibig, ay hindi puwedeng pilitin. Ang Biblikal na pagpapasakop ay isang regalo na iniaalay ng mga babae sa kanilang mga asawa alang-alang kay Cristo (Efeso 5:33). Ang pagpapasakop sa lahat ng bagay ay isang akto ng pagsamba kay Jesus.[4]
Ang pagpapasakop ng isang asawang-babae sa kanyang asawa ay isang akto ng paggalang (Efeso 5:33) sa lalaki, bilang bahagi ng buhay na puno ng Banal Espiritu Santo (Efeso 5:18-21). Ang karangalang ito na nagmumula sa isang malumanay at tahimik na espiritu ay napakahalaga sa paningin ng Diyos (1 Pedro 3:4).
Ang lalaking puno ng Banal Espiritu ay mamahalin ang kanyang asawa tulad ng pagmamahal ni Jesus sa kanyang iglesya (Efeso 5:25). Dapat niyang mahalin ang kanyang asawa tulad ng sarili niyang katawan (Efeso 5:28-29). Dapat niyang ipakita ang parehong pag-aalay ng sarili na puno ng Espiritu Santo na ipinakita ni Jesus sa kanyang iglesya nang ibigay niya ang kanyang sarili para sa dito. Ito ang kanyang akto ng pagpapasakop sa Diyos (Efeso 5:21). Ayon sa isang komentarista:
Tulad ng pag-aalay niya (Jesus) ng kanyang sarili para magdusa sa krus upang iligtas ang iglesya, dapat handa rin tayong pagkaitan ang ating mga sarili at tiisin ang [hirap at kahirapan], upang maitaguyod natin ang kaligayahan ng asawa. Tungkulin ng lalaki na [magsikap] para sa suportahan siya; ibigay ang mga pangangailangan niya; pagkaitan ang sarili niya ng pahinga at kaginhawaan, kung kinakailangan, upang alagaan siya kapag may sakit; unahan siya kapag may panganib; ipagtanggol siya kung siya ay nasa [mapanganib na sitwasyon]; tiisin siya kapag siya ay nagiging mainitin ang ulo; yakapin siya kapag tinutulak ka niya palayo; manalangin kasama siya kapag siya ay may espiritual na problema; at handang mamatay upang iligtas siya. Bakit hindi? Kung lulubog ang barkong sinasakyan nila, at may iisang piraso ng kahoy na maaaring magligtas sa kanila, hindi ba't dapat niyang ilagay ang asawa niya roon, at tiyaking ligtas ito, at lahat ng panganib ay nasa kanya? Pero hindi lang iyon… dapat maramdaman ng lalaki na dapat maging isa niyang malaking layunin sa buhay na hangarin ang kaligtasan ng kanyang asawa. Dapat niyang ibigay sa asawa niya ang lahat ng mga pangangailangan nito para sa kanyang kaluluwa… At dapat siyang maging halimbawa; dapat payuhan niya ang kanyang asawa kung kinakailangan; at gawing madali ang landas ng kaligtasan para sa kanyang asawa. Kung nasa lalaki ang Espiritu at pagkakait sa sarili ng Tagapagligtas, gagawin niya ang lahat ng sakripisyo para maitaguyod ang kaligtasan ng kanyang pamilya.[5]
Dapat hangarin ng lalaki ang kadalisayan ng kanyang asawa katulad ng pagpapadalisay ni Cristo sa kanyang nobya, ang iglesya (Efeso 5:26-27).
Sinasabi sa 1 Pedro 3:7, na dapat maging maunawain ang mga lalaki sa kanilang asawa, na ibig sabihin ay gagawin niya ang kanyang makakaya upang maunawaan ito. Dapat niyang pag-aralan ang kanyang asawa upang maunawaan ang mga pangangailangan nito. Ang babae ang tinatawag na “marupok na sisidlan” sa bersong ito. Kinakailangang unawain ng lalaki ang kanyang asawa. Dapat niya itong protektahan, hindi lamang mula sa pisikal na panganib kundi mula rin sa mga alalahanin at emosyonal na stress.
Ang lalaki ang magbibigay ng lahat ng paraan na kinakailangan para sa pag-usbong ng kanyang asawa: katapatan, walang kondisyong pagmamahal, pang-unawa, panalangin, payo, pagtuturo, at kabutihan.
Kapag tinatrato ng lalaki ang kanyang asawa nang may ganitong pagmamahal, siya ay masusuklian ng kaligayahan. Sinasabi ni Pablo, “Ang umiibig sa kanyang sariling asawa ay umiibig sa kanyang sarili” (Efeso 5:28). Ang mga asawang nagmamahal sa kanilang mga asawa sa paraang ito na nag-aalay ng sarili ay higit na masusuklian ng Panginoon, at malamang ng respeto, pagmamahal, at katapatan ng kanyang asawa.
► Ano ang mga partikular na bagay na dapat gawin ng isang lalaki upang makapagbigay ng espirituwal na suporta sa kanyang asawa?
Mahalagang tandaan kung paano ibinigay ang mga utos sa mga bersong ito. Ang lalaki ay hindi sinabihang ipilit ang awtoridad sa kanyang asawa. Sinasabihan ang babae na sundin ang kanyang asawa, ngunit hindi sinasabi sa lalaki na pilitin itong sumunod sa kanya. Sinasabi sa lalaki na mahalin ang kanyang asawa at magsakripisyo kung kinakailangan upang alagaan ito. Gayundin, hindi sinasabi sa babae na humingi ng pag-aalaga mula sa kanyang asawa; sinasabi sa kanya na respetuhin ang asawa.
Ang prayoridad ng lalaki ay hindi ang panatilihin ang kanyang awtoridad kundi ang magbigay ng mapagmahal ng pag-aaruga. Ang prayoridad ng babae ay hindi ang himingi ng pag-aaruga para sa kanyang sarili kundi respetuhin ang kanyang asawa.
Nagbabala si Apostol Pedro sa lalaki na mahahadlangan ang kanyang mga panalangin kung hindi niya maayos na aalagaan ang kanyang asawa. Mula sa mga salita ni Pablo at Pedro, nakikita natin na ang lalaking hindi nag-aaruga ng asawa tulad ng nararapat ay hindi umiibig sa Diyos sa paraang nararapat. Ang babaeng hindi nirerespeto ang kanyang asawa ay hindi nirerespeto ang Diyos sa paraang nararapat. Ang ating pag-uugali sa relasyong mag-asawa ay inaapektuhan ang ating relasyon sa Diyos.
[4]Para sa mas malalim na pag-aaral ng paksa ng biblikal na pagpapasakop, tingnan ang Aralin 10 ng Spiritual Formation, na makukuha sa Shepherds Global Classroom.
Dinisenyo ng Diyos ang pag-aasawa na maging permanente. Sa kasal, ang isang lalaki at babae ay nangangako na maging tapat sa isa't isa habang pareho silang buhay.
Sa Bibliya, naitala ang mga salita ni Jesus tungkol sa kasal, na binanggit sa isang usapan nila ng mga Pariseo.
►Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Mateo 19:3-8 para sa grupo.
Sinabi ni Jesus na gusto ng Diyos na maging permanente ang kasal. Sinabi niya na ang diborsyo ay itinatag para sa mga taong hindi sumusunod sa Diyos.
Maraming dahilan kung bakit dinisenyo ng Diyos na maging permanente ang kasal, ang ilan ay binanggit natin sa nakaraang bahagi. Isa pang dahilan kung bakit dapat permanente ang kasal ay para sa kapakanan ng mga anak. Ang pagsunod sa plano ng Diyos para sa kasal ay lumilikha ng pinakamahusay na kalagayan sa pagpapalaki ng mga anak. Habang iginagalang ng mga magulang ang Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang mga prinsipyo sa kanilang kasal at pamilya, makakapagpalaki sila ng mga anak na maka-Diyos (Malakias 2:15).
Dinisenyo ng Diyos ang buhay ng tao sa paraang ang mga anak ay tumatagal nang ilang taon bago sila maging matanda. Sa panahong ito, ang mga bata ay umaasa sa kanilang mga magulang para sa proteksyon, pangangailangan, at pagtuturo. Naiiba ito sa mga hayop na lumalaki at nagiging matatanda sa loob ng isa o dalawang taon lamang. Kailangan ng mga tao ng mas maraming panahon upang magkaroon ng mature na pagkatao. Dinisenyo ng Diyos ang pamilya bilang paraan ng pagpapalaki ng mga anak. Marami sa mga problema sa lipunan ay nagmumula sa kakulangan ng mga pamilya na may mga magulang na puno ng pananampalataya.
Sa kasal, kailangang mangako ang mga tao na ibibigay nila ang kanilang buhay sa isa't isa. Bawat kultura ay may mga anyo at seremonya upang ipakita na ang kasal o pag-aasawa ay isang seryosong pangako. Ang seremonya ay paraan para ipahayag ng lalaki at babae sa publiko na sila ay gumagawa ng pangakong ito para sa habambuhay na pagsasama.
Karamihan ng mga pamahalaan ay nagpapanatili ng mga rekord ng mga kasal. Ang mga batas tungkol sa kasal ay nakakaapekto sa pag-aari ng ari-arian, pangangalaga ng mga anak, at mana.
Narito ang isang halimbawa ng mga wedding vow na ginamit sa maraming kasal:
Tinatanggap kita bilang aking legal na asawa, para yakapin at pag-ingatan, mula sa araw na ito hanggang sa hinaharap, sa hirap at ginhawa, sa kalusugan o karamdaman, upang mahalin at pakaingatan, hanggang kamatayan, alinsunod sa banal na kautusan ng Diyos; at ipinapangako ko ang aking sarili sa iyo.
Hindi palaging magiging pareho ang romantikong damdamin sa buong panahon. Hindi maaaring maging batayan ng kasal ang mga personal na damdamin na maaaring mag-iba-iba. Ang panata sa kasal ay nangangahulugan na ang isang lalaki at babae ay nangangako na maging tapat sa isa't isa habang pareho silang nabubuhay, at ang pangakong iyon ay hindi nakadepende sa anumang kondisyon.
Dahil sa pagkapermanente ng pag-aasawa, hindi dapat magsabi ang mga Kristiyano ng mga pahayag na nagpapahiwatig na handa silang tapusin ang kanilang pagiging mag-asawa dahil sa mga problema sa relasyon. Hindi dapat sabihin ng isang tao na, “Sana hindi kita pinakasalan,” o “Baka dapat maghiwalay na tayo.” Minsan ang mga pahayag na ito ay paraan upang manipulahin ang asawa na nagpapakitang nagmamalasakit siya para sa kanilang kasal. Iniisip ng isang tao na maaaring mas pagsumikapan ng asawa niya na mapasaya siya dahil sa marahas na pahayag na iyon, pero bihirang mangyari ito. Sa halip, ipinagtatanggol ng asawa ang sarili niya sa pamamagitan ng pagsasabing, “Sige, pwede tayong maghiwalay kung gusto mo.” Sa gayon, pareho nilang ipinaaabot na handa silang tapusin ang kanilang kasal dahil sa sarili nilang mga kagustuhan, at mas lumalala pa ang kanilang relasyon.
► Bakit nagsisimula ang pag-aasawa sa mga panata at hindi lamang sa simpleng pahayag ng pagmamahalan?
► May gusto bang magbahagi tungkol sa kung paano siya ay pumasok sa pag-aasawa habang inaasahan ang mga benepisyo, pero hindi nauunawaan ang kinakailangang kaseryosohan?
Pag-aasawa bilang Kristiyanong Pagsasama o Pagtutulungan
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 2 Mga Taga-Corinto 6:14-18 para sa grupo.
Ipinapahayag ng mga bersikulong ito na ang commitment ng isang mananampalataya ay napipigilan kapag siya ay labis na malapit o konektado sa mga hindi nananampalataya. Katulad ng hindi puwedeng magsamba ang isang mananampalataya kasama ang isang taong sumasamba kay Satanas, hindi rin niya puwedeng sundin ang pamumuhay at prayoridad ng mga hindi nananampalataya. Maaaring umangkop ang babala sa iba't ibang uri ng mga relasyon, kasama na rito ang mga business partnership.
Ang pag-aasawa ay ang pinakamalapit na pagsasama ng tao. Hindi dapat pag-isipan man lang ng isang mananampalataya na pakasalan ang isang hindi committed na mananampalataya (1 Corinto 7:39). Ang isang mananampalataya na kasal sa isang hindi mananampalataya ay makakaranas ng maraming kalungkutan at hadlang sa pag-aalaga ng mga anak at sa paggawa ng mga desisyon sa pamumuhay.
Kung parehong mananampalataya ang mag-asawa pero nagmumula sila sa magkaibang simbahan, kinakailangan nilang tiyakin na sila ay magkasundo sa mahahalagang usaping espirituwal. Dapat planuhin nila na maging bahagi ng parehong lokal na simbahan pagkatapos silang magpakasal.
Mga Paraan para Palakasin ng Mag-asawa ang Kanilang Pagsasama
(1) Dapat nilang ipagdiwang ang orihinal na disenyo ng Diyos at maunawaan ang kanilang natatanging mga papel sa loob ng pagiging mag-asawa.
Dapat tandaan ng lalaki na ang kanyang asawa ay isang biyayang mula sa Diyos, isang kaagapay na kumukumpleto sa kanya. Kailangan niyang isuko ang kanyang buhay para sa kaligtasan nito at sa espirituwal, emosyonal, at pisikal na kapakanan nito. Kailangan niyang piliin na ipagpasalamat ito at mahalin ito kahit sa panahong hindi ito karapat-dapat, habang nauunawaan na tanging ang Diyos lamang ang makakapagpabago ng mga bagay na kailangang baguhin dito. Pupurihin ng Diyos ang kanyang pagsunod at pananampalataya.
Dapat kilalanin ng babae ang pagpili ng Diyos sa kanyang asawa bilang kanyang pinuno, pakitaan ito ng respeto sa abot ng kanyang makakaya, at igalang ang pamumuno nito. Kailangan niyang piliing magpasakop at respetuhin kahit na nagkukulang ito at sa panahong hindi ito karapat-dapat, at magdasal na sana ay baguhin ng Diyos ang mga bagay na kailangang baguhin dito. Pupurihin ng Diyos ang kanyang pagsunod at pananampalataya.
(2) Dapat magbuo ang mga mag-asawa ng tunay na espirituwal at pisikal na pagkakaugnay.
Dapat nilang pagsikapang kilalanin ang isa't isa nang walang takot, pamumuna, pagkukumpara sa iba, pang-aabuso, makasariling pagnanasa, o pang-aalipusta. Kailangan nilang mabuhay habang nagiging bukas at may integridad sa harap ng Diyos at ng isa't isa.
(3) Ang mga mag-asawa ay dapat sundin ang halimbawa ng biyaya ng Diyos kapag sila'y nagkukulang na tularan ito.
Nang si Adan at Eva ay nagkasala at nakaramdam ng kahihiyan at pagsisisi, ipinakita ng Diyos ang kanyang kapangyarihan sa pagtutuwid ng kanilang mga pagkukulang. Inialay ng Diyos ang isang hayop upang gawan ng kasuotan sina Adan at Eva para takpan ang kanilang kahubaran (Genesis 3:21). Ang mapagmahal na gawaing ito ng Diyos ay isang larawan ng biyaya ng Diyos at pangako ng Diyos ng kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo. Pinahihintulutan tayo ni Cristo na mapatawad at maibalik. Sa pamamagitan ni Cristo, ang mga mag-asawa ay maaaring bumalik sa pagkakaroon ng intimacy nang walang kahihiyan kahit pa sila'y nagkulang.
Konklusyon
Ang pag-aasawa ay nilikha ng Diyos, hindi ng tao. Kaya kailangan nating lumapit sa Diyos para sa gabay, hindi sa mundo o kultura. Siya lamang ang nakakaalam kung paano gawing matibay, tatagal, at makabuluhan ang ating mga kasal. Ngunit hindi tayo magiging asawang nararapat kapag wala ang Banal na Espiritu!
Para sa Talakayan ng Grupo
► Ano ang isang katotohanan tungkol sa pag-aasawa na tila nakakalimutan ng maraming tao?
► Ipaliwanag ang mga prinsipyong dapat ituro ng simbahan upang mapatatag ang mga kasal at pag-aasawa. Anong pang-unawa ang partikular na kulang sa inyong paligid?
Panalangin
Ama naming nasa langit,
Salamat sa pagkakaloob mo sa amin ng kahanga-hangang biyaya ng pag-aasawa. Salamat sa magandang paraan ng pagdinisenyo mo dito. Tulungan mo kaming magbigay ng kinakailangang commitment upang maranasan namin ang pag-aasawa ayon sa iyong plano.
Tulungan mo kaming ipakita ang pagmamahal na katulad ng pagmamahalan ni Cristo at ng simbahan.
Tulungan mo kaming higitan ang mga pagpapalagay ng aming kultura sa paggalang sa isa't isa.
Salamat sa gawain ng Banal na Espiritu na lumilikha ng masaya at matibay na mga relasyon.
Amen
Mga Takdang Aralin
(1) Pumili ng dalawang prinsipyong bago sa iyo mula sa aralin na ito. Magsulat ng isang talata na nagpapaliwanag sa bawat prinsipyo gamit ang iyong sariling mga salita.
(2) Maghanda ng maikling presentasyon ukol sa isa sa mga paksa sa ibaba. (Magtatalaga ang lider ng klase ng paksa sa bawat mag-aaral.) Ibahagi ang presentasyon sa simula ng susunod na oras ng klase.
Ang disenyo ng Diyos sa pagkakaisa sa pag-aasawa
Mga layunin ng pag-aasawa sa Biblia
Mga tungkuling ibinigay ng Diyos sa pag-aasawa at ang kahalagahan ng pagiging punong-puno ng Espiritu upang matupad ang mga tungkuling iyon
Ang pagkapermanente ng pag-aasawa
(3) Kung wala ka pang asawa ngunit plano mong mag-asawa sa hinaharap, magsulat ng dalawang talata na nagpapahayag ng iyong pangako na susundin ang mga alituntunin ng Diyos para sa iyong pag-aasawa. Kung ikaw ay may asawa na, magsulat ng dalawang talata ng pangakong susundin ang ang mga alituntunin ng Diyos sa iyong pag-aasawa.
Paggalang sa mga Kababaihan
Bago magpatuloy sa Aralin 4, dapat pag-aralan at talakayin ng klase ang Apendiks A. Ito ay isang maikling diskusyon tungkol sa paggalang sa mga kababaihan, isang mahalagang paksa na may kaugnayan sa kasal at pamilya.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.