Lesson 14: Pagiging Magulang sa mga Nagbibinata at Nagdadalaga
23 min read
by Stephen Gibson
Mga Layunin ng Aralin
Sa katapusan ng araling ito, magagawa ng mag-aaral na:
(1) Maunawaan ang prayoridad ng Diyos para sa mga nagbibinata at nagdadalaga.
(2) Tanggapin ang responsibilidad na impluwensiyahan at sanayin ang mga nagbibinata at nagdadalaga na maging handa sa pagharap sa buhay bilang nasa sapat na gulang.
(3) Maging masigasig na linangin ang isang malusog at produktibong relasyon sa mga anak na nagbibinata at nagdadalaga.
(4) Maging handa na sumunod sa mga biblikal na prinsipyo kapag humaharap sa hamon ng pakikitungo sa mga anak na nagbibinata at nagdadalaga.
Bawat gabi, laging nagbibigay ng panahon si Martha para sa pananalangin at pagbabasa ng Biblia kasama ang kanyang dalawang anak. Magbabasa siya ng ilang mga talata at saglit na hihinto upang ituro kung paano ito maisasabuhay. Nang ang kanyang mga anak ay naging mga kabataan na, pinapabasa at pinagpapaliwanag pa rin niya ang mga ito ng mga talata sa Biblia. Ang kanilang mga paliwanag ay maayos sapagkat natuto sila sa halimbawang ipinakita ng kanilang ina. Nagagawa nilang ipaliwanag ang mga prinsipyo sa buhay na natutunan nila sa kanilang nanay.
Ang Yugto ng Pagbibinata at Pagdadalaga
Bawat lipunan ay mayroong katawagan para sa yugto na nasa gitna ng pagiging bata at matanda o hustong gulang. Ito ang yugto na ang isang binatilyo o dalagita ay nagsisimulang magkaroon ng mga pangmatandang interes, gaya ng sekswalidad, bagamat wala pa silang kakayahan na pumasan ng responsibilidad. Sa ibang mga bansa, ang isang tao ay nasa legal at hustong gulang kapag siya ay 18 taong gulang na. Sa mga bansang iyon, ang mga kabataang wala pang 18 taong gulang ay hindi pa pwedeng mag-asawa, o maglingkod sa militar, o gumawa ng mga legal na kasunduan ng walang pahintulot ng kanilang mga magulang.
Ang edad ng pagbibinata at pagdadalaga ay hindi pare-parehas sa iba’t ibang lugar. Sa ibang lipunan, ang isang tao ay maaari ng mamuhay bilang nasa hustong gulang kung siya’y nasa edad na 18, o kaya’y kapag natutunan na niyang magtrabaho na gaya ng mga matatanda. Samantala, sa ibang lipunan, ang isang itinuturing na kabataan ay maaari pa ring umasa sa kanyang mga magulang kahit na lampas na siya sa edad na 18, o kapag may tinatapos pa siyang pag-aaral.
►Ano ang katagang ginagamit sa inyong lipunan upang ilarawan ang mga kabataan sa pagitan ng pagiging bata at matanda?
►Ano ang isang taong nasa hustong-gulang?
May isang kahulugan ang hustong-gulang na parehas na ginagamit sa mga tao at hayop; ito ay: ang isang nilalang na narating ang pisikal na maturidad. Subalit, ang pagiging hustong-gulang ng isang tao ay higit pa sa pisikal na paglaki o maturidad. Maaaring ang isang kabataan ay may laki at lakas ng isang matanda ngunit hindi pa rin handa na tumanggap ng mga responsibilidad.
► Ano ang mga katangian ng isang huston-gulang maliban sa pisikal na maturidad?
Sa pangkalahatan, ang isang tao na nasa hustong-gulang ay may kakayahang pangunahan ang sarili at tumanggap ng mga responsabilidad na may kaakibat na kapasyahan. Gayunpaman, ang kahulugan na ito ay hindi eksakto at tumpak sapagkat ang mga antas ng personal na responsibiidad ay may mga pagkakaiba. Bawat tao na hindi ganap na nahiwalay sa kanyang lipunan ay nasa impluwensya ng ibang mga tao; at maging ang mga nasa hustong-gulang ay hindi laging malaya sa kanilang mga desisyon. Subalit, ang pagiging nasa hustong-gulang ay karaniwang tinutukoy na isang kalagayan ng pananagutan at pagsasagawa ng responsableng desisyon para sa sarili. Ang layunin ng mga magulang kung gayon ay ang ihanda ang kanilang mga binatilyo at dalagitang mga anak sa ganitong yugto ng responsibilidad.
Ikinuwento ni Jesus ang tungkol sa isang anak na humingi ng kanyang mana mula sa kanyang nabubuhay pa na ama (Lukas 15:11-32). Kinuha ng anak ang kanyang mana at nilustay ito sa walang kapararakang pamumuhay. Ito ay isang halimbawa ng isang tao na katatapos pa lamang sa yugto ng pagiging binatilyo subalit hindi pa rin handa sa pagsasagawa ng isang marunong na pagpapasya. Napakaraming mga kabataan ang nakakaranas ng mga gulong-hatid ng kanilang mga maling desisyon sapagkat hindi sila lumaking maayos bago nila natanggap ang kalayaan at pananagutan ng pagiging isang nasa hustong-gulang.
Ang Salita ng Diyos ay nagtataglay ng maraming karunungan para sa mga binatilyo at dalagita na nasa isang mahalagang yugto ng paglaki at paglago bilang tao.
Pisikal at Mental na Paglago
► Dapat basahin ng mag-aaral ang Lukas 2:40, 52 para sa grupo.
Si Jesus ay dumaan sa pagbibinata at lumago sa kaisipan at pangangatawan. Sa pagitan ng dalawang talang ito ay mababasa ang pangyayari tungkol sa pagbisita ni Jesus sa Templo upang makipag-usap sa mga guro roon. Hindi lamang siya lumaki sa pisikal, kundi nakadama rin ng personal na kalayaan. Handa siyang magbahagi ng mga ideya sa iba, hindi lamang sa kanyang pamilya at mga kaibigan.
Namangha sina Maria at Jose sa pakikipag-usap ni Jesus sa mga guro. Ngunit sinabi ni Maria kay Jesus na siya at si Jose ay labis na nabalisa sa loob ng tatlong araw sa kakahanap sa kanya (Lukas 2:46-48). Ngunit sinabi ni Jesus na hindi sila dapat nabalisa sapagkat pinasimulan niya ang gawain ng kanyang Ama (Lukas 2:49). Bilang isang binatilyo, nakadama si Jesus ng likas na hangarin na simulan ang pasyon ng kanyang buhay. Subalit, bumalik pa rin siya sa kanyang tahanan at nagpasakop sa awtoridad ng kanyang mga magulang sa loob ng mga taon ng pagiging isang kabataan (Lukas 2:51).
Sa yugto ng maagang pagbibinata o pagdadalaga, ang katawan ng isang bata ay dumaraan sa mga pagbabago na magiging kahawig ng isang nasa hustong-gulang. Ang bata ay maaaring mabilis na tumangkad. May mga tutubo na buhok sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at may pagbabago sa kanyang boses. Dapat tiyakin ng mga magulang na maunawaan ng kanilang anak na ang mga pagbabagong ito ay normal. Plinano ng Diyos ang normal na paglaking pisikal at paglagong mental ng isang tao.
Ang pagkakaroon ng maayos na relasyon sa iyong anak ay makakatulong upang madama niya ang bukas na pakikipag-ugnayan sa iyo sa bahaging ito ng kanyang buhay. Ang isang bata na hindi nakadarama ng bukas na pakikipag-ugnayan sa kanyang magulang ay magkakaroon ng mga itinatagong takot at maghahanap ng mga impormasyong mula sa kanyang mga kaibigan o sa internet.
Emosyonal na Paglago
Ang yugto ng pagbibinata at pagdadalaga ay hindi lamang pagpapatuloy ng buhay ng isang bata. Isang maling kaisipan ng magulang na maaari nilang ipagpatuloy ang gabay at pagtuturo sa isang binatilyo o dalagita sa paraang ginawa nila noong siya ay bata pa. Ang isipan at interes ng isang binatilyo o dalagita ay nag-iiba. Siya ay mayroong hangarin na magkaroon ng kalayaan, tagumpay, at paggalang na katulad ng nasa isang hustong-gulang. Ikinadidismaya ng isang binatilyo o dalagita na sila’y tratuhin na gaya ng isang bata.
Sa buong Biblia, mayroong mga halimbawang makikita tungkol sa mga kabataan na gumagawa ng isang marunong na desisyon, na gaya ng ginawa ni Jesus; o kaya’y halimbawa ng maling kapasyahan na gaya ng ating natunghayan sa kwento ni Jesus (Lukas 15:11-32). Dapat maunawaan ng magulang kung paano lumalago ang emosyon ng kanilang binatilyo o dalagitang anak. Layunin ng magulang na tulungan ang kanilang mga binatilyo at dalagita na mahubog ang kontrol sa sarili sa lahat ng bahagi ng buhay, gaya ng sa emosyon, upang hindi na nila kailanganin ang pangunguna ng kanilang magulang.
▶ Basahin ang Efeso 6:1-4. Anong mga partikular na tuntunin ang makukuha natin mula sa talatang ito?
Inaasahang ang mga anak ay dapat na sumunod sa kanilang mga magulang. Ngunit ito’y nagpapahiwatig na ang ama at ina ay may ginagawang kooperasyon. Ang talatang ito ay malinaw na nagpapakita na dapat sundin ng mga anak ang kanilang mga magulang bilang pagsunod rin sa Diyos. Ang mga magulang na hindi tinuturuan ang kanilang mga anak na sumunod ay nabibigong ihanda sila sa pagsunod sa Diyos. Ang pagpapahintulot sa mga anak na magrebelde sa magulang ay paghahanda ng kanilang kalooban namagrebelde rin sa Diyos.
Ang talatang ito ay nagbibigay ng espesyal na tuntunin para sa mga ama. Ang mga ama ay dapat na magbigay ng disiplina na hindi makakapanghina ng loob ng mga bata na gawin ang tama. Ang palo at pagtutuwid ay kinakailangan; at hindi ito ikinasisiya agad ng anak, subalit dapat laging ginagawa ito ng isang ama sa diwa ng pagmamahal. Ito ay nangangahulugan na dapat maunawaan ng isang ama ang emosyonal na paglago ng kanyang batang anak.
Ang isang ama ay hindi lamang dapat na magbigay ng pagtutuwid, kundi ng espirituwal na pangangalaga at katuruan na mula sa Panginoon. Hindi natin mahuhubog ang ating mga anak kung pupuntiryahin lamang natin ang kanilang mga pagkakamali. Sa halip, dapat na unawain at palakasin ang loob ng ating mga anak. Dapat nating gamitin ang katotohanan ng Diyos at di lamang ang ating mga sariling patakaran. Dapat nating ipakita na tayo man ay namumuhay na may pagsunod sa Diyos.
Kapag natutunan ng isang bata ang paggalang at pagsunod noong sila ay nasa murang edad pa lamang, mas madali rin silang sanayin kapag sila ay nagdadalaga o nagbibinata na! Ang relasyon na nabuo ng magulang sa kanilang mga batang anak ay makakatulong sa yugto ng pagbabagong pisikal, emosyonal, at espirituwal kapag sila ay naging mga binatilyo at dalagita na. Walang tuntunin para maging madali ang pagiging magulang, subalit ang maagang pagbuo ng relasyon sa mga anak ay makakatulong upang magkaroon ng bukas na komunikasyon sa buong yugto ng kanilang pagbibinata at pagdadalaga.
Inaasam ng mga magulang na makinig ang kanilang mga anak, subalit makakabuting makinig muna ang mga magulang. Pakiusap, para sa inyo at sa kanilang kapakanan – isantabi muna ang inyong cellphone, libro, trabaho o anumang bagay na ginagawa at ibigay ang inyong atensyon kapag kailangan nilang magsalita. Makinig ng mabuti sa kanila, na para bang wala ng ibang mahalaga kundi sila. Makinig at huwag munang punain ang kanilang mga pagkakamali hangga’t hindi mo nauunawaan ng husto ang kanilang gustong sabihin. Dapat nilang maramdaman na talagang pinapahalagahan mo sila pati ang kanilang pananaw at iginagalang sila bilang isang tao. At kahit hindi nila magustuhan ang iyong payo, mas lalo nilang pag-iisipan ito sapagkat ikaw ay tunay na nakikinig sa kanila.
Maaaring mahirap makinig sa isang binatilyo o dalagita kapag nagpapahayag ng pagkadismaya, galit o paglayo. Dapat tandaan na sa ganitong edad, hindi pa masyadong nauunawaan ng isang binatilyo o dalagita ang kanilang nararamdaman. Minsan, nasasabi nila ang mga bagay-bagay sapagkat apektado ang kanilang emosyon dahil sa kanilang mga sitwasyon, relasyon, at pangangatawan. Lahat ng ito ay maaaring makaapekto sa damdamin ng isang binatilyo at dalagita: kapaguran sa paaralan, pangamba na di tanggapin ng mga kaibigan, alalahanin tungkol sa mga pisikal na pagbabago, hinanakit sapagkat hindi maramdaman na siya’y pinapahalagahan at iginagalang, epektong ginagawa ng kanilang hormones, at kapaguran na dulot ng hindi maayos na tulog.
Espirituwal na Paglago
▶ Basahin ang Ecclesiastes 11:9-12:1, 13. Paano mo ipapaliwanag ang mga utos sa talatang ito sa isang binatilyo o dalagita?
Maaaring tanggapin ng mundo ang mga walang ingat at imoral na pag-uugali ng kabataan. Subalit ang mga talatang ito ay nangungusap na dapat tandaan ng mga kabataan na sila’y may pananagutan sa Diyos sa lahat ng kanilang ginagawa. Ang Diyos ang kanilang hukom.
Ang pagtuturo ng Salita ng Diyos para sa iba’t ibang mga aktibidad ng buhay ay mahalaga pa rin sa ganitong yugto ng buhay (Deuteronomio 6:6-7). Gayunpaman, higit na nagiging mahirap ang pagtuturo sa ganitong yugto sapagkat ang mga binatilyo at dalagita ay abala sa iba’t-iba pang mga aktibidad na labas ng kanilang pamilya. Mayroon silang mga sariling interes, mga aktibidad sa paaralan, mga laro, at nagugustuhang grupo ng mga kaibigan. Hindi nila laging kasama ang kanilang mga magulang, pero lagi nilang kasama ang Diyos. Kaya dapat na matapat ang mga magulang sa pananalangin para sa kanila. Dapat na humingi ang mga magulang ng karunungan sa Diyos para sa espesyal na pakikipag-usap sa kanila. Napakahalaga para sa magulang na manatiling nakikipag-ugnayan at may kamalayan sa iba’t ibang aspeto ng buhay ng kanilang mga binatilyo at dalagita.
▶ Sama-samang basahin ang 1 Tesalonika 2:11-12. Ano ang responsibilidad na ibinigay ng Diyos sa mga ama ng tahanan para sa kanilang relasyon sa kanilang mga lumalaking anak?
Bilang mga magulang, huwag ipagpalagay na maayos ang lahat sapagkat wala kang nakikitang problema. Dapat mong asahan na ang iyong binatilyo o dalagita ay tiyak na haharap sa mga tukso at makakaranas ng kahinaan! Bigyan sila ng pananagutan sa kanilang paggamit ng pinansiyal, paggugol ng oras, mga kapasyahan sa buhay, at ang sekswal na kadalisayan. Humingi ka ng karunungan at payo mula sa iba. Makinig sa mga guro at iba pang nagpapahayag ng kanilang pagmamalasakit sa kanila. At kahit hindi ka sumasang-ayon sa opinyon ng iba tungkol sa iyong anak, dapat ka pa ring makinig at unawain ang mga pangangailangan ng iyong anak.
Ipanalangin mo ang iyong binatilyo at dalagitang anak. Sabihin mo sa kanila na ipinapanalangin mo sila. Hayaan mong marinig nila na sila ay iyong ipinapanalangin. Sabihin sa kanila ang mga ipinapanalangin mong partikular na bagay sa buhay nila. Halimbawa, maaari mong sabihin, “Ipinagdarasal kong magutom at mauhaw ka sa katuwiran (Mateo 5:6); na ikaw ay mananabik sa Diyos gaya ng isang uhaw na usa na naghahanap ng tubig (Awit 42:1). Hinihiling ko sa Diyos na puspusin ka niya ng Kanyang Espiritu (Efeso 5:18) upang magawa mo siyang mahalin ng buong puso, isip, at isipan at ang mahalin mo rin ang iyong kapwa [ang iyong mga kapatid] na gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili (Mateo 22:37-39).”
▶ Ano ang iba pang talata sa Biblia na magagamit mo sa panalangin para sa iyong binatilyo o dalagitang anak?
Panghuli, sa espirituwal na paglalakbay na ito kasama ang iyong anak na binatilyo o dalagita, gamitin mo ang Salita ng Diyos sa kanila:
Maging halimbawa ka: Laging kang maglaan ng personal na oras sa pag-aaral ng Biblia. Ibahagi sa iyong anak na binatilyo o dalagita ang mga bagay na itinuturo sa iyo ng Diyos at kung paano mo ito isinasabuhay. At kahit na sila ay tila walang masiglang pagtugon na ipinapakita sa iyo, o kaya’y hindi sila nakikipag-usap, sila’y nakikinig pa rin at tiyak na kikilusan ng Salita ng Diyos!
Bilang pamilya ay sama-sama kayong magsaulo ng mga talata sa Biblia habang kayo ay nasa hapag-kainan o kaya’y bago matulog.
Basahin ninyo at pag-usapan ang bawat talata sa aklat ng Kawikaan. Ang Kawikaan ay isang napakagandang aklat na magagamit para sa maikling sandali ng debosyon. Ito’y naglalaman ng mga praktikal na karunungan para sa araw-araw na buhay. Ito ay nagbibigay ng pagkakataon para sa mayamang talakayan at naghahatid ng makabuluhang impluwensya.
Ang mga tuntunin, prinsipyo, at mga halimbawa sa buong Biblia ay magagamit sa lahat ng yugto ng buhay. Kaya pag-aralan ninyo ang lahat sa Salita ng Diyos kasama ang inyong mga anak.
Panlipunang Paglago
Ang Lukas 2:52 ay naglalarawan sa paglago ni Jesus bilang isang binatilyo at sinasabi nito na si Jesus ay lumago rin sa pakikitungo sa kapwa. Ang Diyos ay interesado sa ating mga pakikipagrelasyon. Dinisenyo niya tayo upang magkaroon ng pakikitungo at pakikipag-ugnayan sa isa’t isa.
Maliban sa mga miyembro ng ating pamilya, tayo rin ay naiimpluwensiyahan ng ating mga kaklase, kapit-bahay, ka-grupo sa simbahan, kamanggagawa, mga guro, mga namumuno, at ng media. Ang barkada ang karaniwang pinaka maimpluwensya, ito’y sa mabuti man o masama. Kaya ang mga magulang na Kristiyano ay dapat na maging mapagbantay sa panlipunang pakikipag-ugnayan ng kanilang mga batang anak at kabataan.
Habang ang iyong binatilyo o dalagitang anak ay patungo sa hustong-gulang, maingat at may panalanging isaalang-alang ang mga bagay na kaya nilang panagutan. Halimbawa, sa inyong computer sa bahay at sa kanilang mga cellphones, gumamit kayo ng mga password at mga app na makakatulong upang maprotektahan sila mula sa mga masamang nilalaman. Maglagay rin ng limitasyong oras sa paggamit ng kanilang mga device. Bantayan ang website na kanilang pinupuntahan, maging ang mga palabas na pinapanood, mga programa sa telebisyon, at mga social media platform. Kung paanong hindi mo hahayaan ang iyong binatilyo o dalagita na makisalamuha sa ilang tao sa inyong komunidad, gayundin naman na huwag mo silang hayaan na makipag-ugnayan sa mga taong hindi nila kilala at di mapagkakatiwalaan sa kanilang mga electronic device.
▶ Hindi sapat na protektahan lang ang iyong mga kabataang anak. Sa yugto ng pagbibinata at pagdadalaga, inihahanda mo rin sila sa pagtanggap ng responsibilidad na gumawa ng matalinong desisyon na kalugod-lugod sa Diyos at mag-iingat ng kanilang kaluluwa. Ano ang ilang mga paraan na matuturuan mo ang iyong anak na binatilyo o dalagita tungkol sa responsableng paggamit ng teknolohiya at panlipunang pakikipag-ugnayan?
Ang mga kabataan ay madalas na lumilikha ng mga grupo na kinabibilangan ng mga kaibigang madalas nilang kasama. Dito ay natutunan nilang magbahagi ng kanilang mga interes, gaya ng parehas na kinawiwilihan. Nagkakaroon rin sila ng magkakaparehong ugali pagdating sa simbahan, sa kanilang mga magulang, paaralan, at iba pang institusyon. Dahil rito, madalas na nagugulat ang mga magulang tungkol sa pagbabago ng ugali ng kanilang anak na binatilyo o dalagita. Ang mga kabataan kasi ay madalas na mayroong mga hindi inaasahang komento, kritisismo, at mga bokabularyo na kanilang natututunan mula sa kanilang mga kaibigan. Ang grupo ng kanilang mga kaibigan ang siyang nagsisilbing panibagong pamilya nila, at tinatanggap sila ng mga ito. Ang isang binatilyo o dalagita ay madaling maakay sa alternatibong pamilya kung ang kanyang sariling pamilya ay hindi nagpapadama ng pagpapahalaga, pagkilala, at pagtanggap sa kanya.
Madalas na nahihirapan ang isang magulang na ilayo ang kanyang binatilyo o dalagitang anak mula sa impluwensya ng isang kinabibilangang grupo. Kapag pinupuna ng magulang ang grupo o ang isang indibidwal na kabahagi rito, gusto silang ipagtanggol ng kanyang anak sapagkat nadarama niyang hindi sila nauunawaan ng kanyang magulang. Sa ganitong kalagayan, maaaring matulungan ng magulang ang kanilang mga binatilyo at dalagitang anak sa pamamagitan ng pagpapadama ng pagkalinga, interes, at pagmamahal. At kapag natutugunan ng magulang ang emosyonal na pangangailangan ng kanyang binatilyo o dalagitang anak, hindi sila maghahanap ng pagmamahal mula sa grupo ng kanilang mga kaibigan.
▶ Paano magtutulungan ang mga magulang ng iba’t ibang pamilya upang matulungan ang kanilang mga nagbibinata at nagdadalagang mga anak?
▶ Paano matutulungan ng inyong simbahan ang mga magulang ng mga kabataan sa kanilang paghubog sa mga kabataan na magkaroon ng maayos na pamumuhay sa lipunan na nakalulugod sa Diyos?
Mga Hamon ng Pagbabago tungo sa Hustong-Gulang
Ang isang bata ay hindi kaagad nagiging matanda. Ang bata ay daraan sa panahon ng transisyon na nagtatagal ng ilang taon.
Sa lahat ng aklat sa Biblia, ang aklat ng Kawikaan ang siyang partikular na isinulat para sa mga kabataan. Sa aklat na ito ay tinuruan ni Haring Solomon ang kanyang anak tungkol sa maayos na pananaw sa buhay. Itinuro ni Solomon sa kanyang anak ang lahat ng bahagi ng buhay at ang gantimpalang hatid ng pagpili sa kalooban ng Diyos at ang panganib na hatid ng pagsuway sa Diyos.
Ang mga paniniwalang hinubog at ang mga kapasyahang ginagawa sa yugto ng pagkabata, pagbibinata at pagdadalaga ay napakahalaga sa buhay ng isang tao. At sa ating pagsasaalang-alang sa mga kaakibat na hamon ng mga pagbabagong tungo sa hustong-gulang, aalamin rin natin kung paanong ang Salita ng Diyos ay makakatulong sa atin upang mapagtagumpayan ang mga hamon na nagaganap sa yugto ng pagbibinata at pagdadalaga ng ating mga anak.
Hamon 1: Sinusuri ng isang nagbibinata o nagdadalaga ang lahat ng mga bagay na itinuro sa kanya at pipili ng kanyang paniniwalaan.
Nais ng isang binatilyo at dalagita na malinaw sa kanyang isip ang mga bagay na kanyang pinaniniwalaan, kaya sinusuri niya at pinag-aaralan ang mga bagay na kanyang natutunan. May posibilidad na hindi niya tatanggapin ang mga turo ng kanyang mga magulang. Natatakot ang mga magulang sa ganitong pangyayari. Kapag hindi maunawaan ng magulang ang mga isyu na isinasaalang-alang ng kanilang anak, maaari nilang tratuhin ang kanilang anak na isang bata at pipiliting tanggapin ang kanilang paniniwala na walang pagtatanong. Ngunit ipapadama nito sa binatilyo o dalagitang anak na hindi talaga siya binibigyan ng pagkakataon na mag-isip para sa kanyang sarili.
Kaya dapat na matiyagang ipaliwanag ng magulang ang mga dahilan ng kanilang paniniwala at bigyan ang kanilang anak ng pagkakataon na makipag-usap sa ibang tao na makakatulong sa pagpapaunawa sa kanila.
▶ Sama-samang basahin ang Kawikaan 23:22-23.
Sa mga talatang ito, sinasabihan ng Diyos ang mga kabataan na piliing makinig sa payo ng kanilang mga magulang. Ang pagpapasyang ito ay hindi magagawa ng magulang para sa kanilang binatilyo o dalagitang anak, subalit magagawa nilang bumuo ng maayos na relasyon sa kanila. Kapag ang magulang ay magkakaroon ng bukas at magalang na komunikasyon sa kanilang mga anak, lalakas ang loob ng kanilang binatilyo at dalagitang anak na piliin ang ganitong kapasyahan na sinasaad sa talata.
Hamon 2: Ang mga binatilyo at dalagita ay nagsisimulang tumanggap ng responsibilidad ng pagpapasya.
Nagsisimulang maunawaan ng isang binatilyo at dalagita kung paano magdesisyon at nadarama niyang kaya niya itong gawin. Subalit nililimitahan ng kanyang mga magulang at ng ibang tao ang mga bagay na maaari niyang pagpasyahan. At dahil rito, natutukso siyang magrebelde sa kanilang awtoridad sapagkat tingin niya’y hindi nila nauunawaan ang kanyang kakayahan. At kung siya ay magrebelde, mas lalong paghihigpit ang karaniwang tugon ng mga magulang.
Ang magulang ay dapat na magtatag ng magandang pundasyon sa maagang yugto ng buhay ng kanilang mga anak. Dito’y maaari nilang ipaalam ang kanilang mga inaasahan na para sa ikabubuti ng kanilang mga anak, kung paanong ang Diyos ay nagbibigay rin ng disiplina para sa ating ikabubuti (Hebreo 12:9-10). Sa pamamagitan nito’y maaaring ipakita ng mga magulang na sila’y nagbibigay ng mga tuntunin na hindi bunsod ng pansariling kapakanan bilang magulang.
Ikalawa, maaaring magbigay ng paunti-unting responsibilidad ang magulang sa kanilang mga batang anak bilang paghahanda para sa malaking pananagutan at kapasyahan. Matutulungan nito ang mga kabataan na maging responsable, patunayan na sila’y mapagkakatiwalaan, at maihanda sa buhay ng isang nasa hustong-gulang.
Responsibilidad ng mga magulang sa Diyos na magtalaga ng mga limitasyon para sa kanilang mga binatilyo at dalagitang anak (1 Timoteo 3:4). Subalit ang ganitong edad ng mga kabataan ay dapat na maging paghahanda para sa yugto ng hustong-gulang na kung saan ay magiging ganap na silang responsable sa Diyos para sa kanilang mga kapasyahan. Kaya dapat na ihanda ng mga magulang ang kanilang mga anak sa ganitong susunod na yugto ng buhay. Ang aklat ng Kawikaan ay isinulat ng isang ama na nakikiusap sa kanyang anak na gumawa ng mga matalinong desisyon. Bilang isang magulang, alam ni Solomon na hindi niya magagawa ang pagpapasya para sa kanyang anak; gayunma’y maaari niyang ipakita na magandang piliin ang isang tama at marunong na kapasyahan.
Hamon 3: Ang binatilyo at dalagita ay wala pang maturidad o paglago na gaya ng isang nasa hustong-gulang.
Maaaring hindi nakikita ng mga binatilyo at dalagita ang mga panganib na pinangangambahan ng kanilang mga magulang. Madalas ipalagay ng mga binatilyo at dalagita na magagawa nilang isakatuparan ang kanilang mga layunin at maiiwasan ang mga panganib. Tuloy, madalas silang madismaya sa kawalang tiwala ng kanilang mga magulang sa kanilang mga kakayahan at kaunawaan.
Ipinapakita sa aklat ng Kawikaan na mahalaga para sa magulang na hindi lamang nila sinasabi sa kanilang mga binatilyo at dalagitang anak ang mga bagay tungkol sa kung ano ang mabuti at masama; o kaya’y basta lang maglagay ng mga limitasyon. Bagkus, mahalaga rin na nakikipag-usap sila sa kanilang mga anak tungkol sa magiging mga bunga ng kanilang kapasyahan. Ang pakikinig sa ganitong payo ng magulang ay makakatulong sa mga kabataan na mag-isip ng maayos at maingat.
▶ Sama-samang basahin ang 1 Pedro 5:5.
Ang pinakamatalinong magagawa ng isang kabataan ay ang magpasakop sa awtoridad ng kanyang makaDiyos na magulang at makinig sa kanilang matalinong payo. Gaya ng sinasabi sa 1 Pedro 5:5, ang isang kabataan na gumagawa nito ay pinagpapala ng Diyos.
Hamon 4: Ang isang binatilyo o dalagita ay may mga kagustuhang katulad ng sa isang nasa hustong-gulang, subalit wala pa siyang pribilehiyo para sa mga ito.
Ang mga nasa hustong-gulang ay mayroon ng mga oportunidad at pribilehiyo na gaya ng pag-aasawa, pagkakaroon ng ari-arian, pamumuno, at kalayaan na gumawa ng mga desisyon. Ngunit dahil ang mga binatilyo at dalagita ay wala pang pribilehiyo na isakatuparan ang mga ito, sila ay nadidismaya sapagkat mayroon silang likas na pagnanasa para sa mga ito. Gayunma’y ang kanilang pagnanasa ay magdudulot ng malaking tukso. Subalit ipinapakita sa 2 Timoteo 2:22 ang maaaring gawin ng isang kabataan sa ganitong kalagayan.
▶ Sama-samang basahin ang 2 Timoteo 2:22.
Ang Diyos ay may kaloob na biyaya sa mga kabataan na nais sumunod sa Kanya. Tinutulungan sila na magpasakop sa awtoridad at tanggihan ang kanilang mga kagustuhan na labas sa Kanyang kalooban at itinakdang panahon. Tutulungan ng Diyos ang mga binatilyo at dalagita na baguhin ang kanilang mga pagnanasa; na ang mga ito’y maging motibasyon na maghahanda sa kanila sa buhay ng isang nasa hustong-gulang. Ito’y gagawin ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapalago ng kanilang unawa, karakter, at kakayahan.
Hamon 5: Ang mga binatilyo at dalagita ay madalas na makakita ng mga kamalian sa iba at sila’y nadidismaya sa mga ito.
Sa maraming pagkakataon, ang mga binatilyo at dalagita ay nadidismaya sa mga tao na dapat sana’y maging mga mabuting halimbawa at huwarang espirituwal na mga pinuno. Kapag ito ay nangyayari, ang mga binatilyo at dalagita ay naaalangan na magtiwala sa sinuman. Dahil rito, napakahalaga para sa iyo na isang pinuno ng simbahan at bilang isang magulang na mamuhay ng matapat at makaDiyos. Ang kakitaan ka ng mga bagay na salungat sa iyong patotoo bilang isang Kristiyano ay magdudulot sa mga kabataan na gugulin ang kanilang buhay sa walang hanggang impiyerno. Sa Mateo 18:6, bagamat si Jesus ay nagsasalita tungkol sa mga bata at hindi sa mga binatilyo at dalagita, ang talatang ito ay kapakipakinabang pa rin sa ating usapin rito.
▶ Sama-samang basahin ang Mateo 18:6.
Ang isang Kristiyanong kabataan ay maaaring maging halimbawa ng kabanalan, kahit na wala siyang nakikitang halimbawa mula sa iba. Sa Lumang Tipan, si Samuel ay naging halimbawa para rito. Si Samuel ay lumaki sa pamilya ng isang saserdote na may mga anak na tiwali at walang takot sa Diyos sa lahat ng kanilang mga ginagawa. Gayunma’y nagpasya si Samuel kahit sa kanyang murang gulang pa lang na mamuhay ng para sa Diyos (1 Samuel 1:20; 1 Samuel 2:11-18, 22-26). Kahit na siya ay isa pa lang na bata o kabataan, siya ay namuhay ng banal (1 Samuel 3:19, 21).
▶ Sama-samang basahin ang 1 Timoteo 4:12.
Hamon 6: Ang mga binatilyo at dalagita ay nasasabik na humarap sa maraming mga desisyon at oportunidad.
Ang mundo ay tinitingnan ng mga binatilyo at dalagita na puno ng maraming oportunidad. Ngunit maaari silang malito sa direksyon na dapat tahakin sa buhay. At maaari silang makatanggap ng mga nagsasalungatang payo mula sa iba’t ibang mga tao.
Sa isip nila, dapat ibigay ang kailangan nila para maisakatuparan ang isang oportunidad. Ngunit sa ganitong yugto, mahalaga na ang mga binatilyo at dalagita ay matutong maging matapat sa pagsasagawa ng mga maliliit na bagay. Dapat silang magtiwala sa Diyos na magbubukas pa ng malaking oportunidad para sa kanila ayon sa kanyang itinakdang panahon.
▶ Sama-samang basahin ang Lukas 16:10.
Mahalaga rin para sa mga binatilyo at dalagita na piliing makinig sa mga makaDiyos na payo.
▶ Sama-samang basahin ang Kawikaan 11:14.
Matutuklasan ng mga kabataan na mayroong pagpapala at kalayaan sa pagsunod sa makaDiyos na payo.
Para sa Talakayan ng Grupo
► Anong mga ideya sa araling ito ang higit na kapaki-pakinabang sa iyo? Paano nila maaapektuhan ang iyong sarili, pamilya, komunidad, o simbahan?
► Kung ikaw ay isa ng magulang ng isang binatilyo o dalagitang anak, anong payo ang iyong maibabahagi para sa paglinang at pagbuo ng isang bukas at magalang na relasyon sa iyong anak sa ganitong yugto ng kanilang buhay? Maging tapat sa mga pagkakamaling iyong nagawa.
► Anong mga praktikal na bagay ang iyong magagawa upang tulungan ang iyong kabataang anak na matutong mag-isip at gumawa ng matalinong pagpapasya?
► Paano mo nalalaman bilang isang magulang kung kailan daragdagan ang mga pribilehiyo at responsibilidad ng iyong batang anak?
► Buorin ang mga pangunahing responsibilidad ng magulang at ang mga pangunahing responsibilidad ng anak sa yugto ng pagbibinata at pagdadalaga.
► Anong mga bahagi ng buhay na kung saan ang isang ama ay dapat na magbigay ng lakas ng loob, babala, at gabay para sa kanyang lumalaking mga anak?
Panalangin
Ama naming nasa langit,
Salamat po na pinagkatiwalaan mo kami na palakihin ang aming mga anak tungo sa kanilang hustong-gulang. Ang responsibilidad na ito ay masalimuot sa maraming aspeto, at dapat na humingi kami ng unawa na galing sa iyo.
Sa iyong Salita, nakita namin ang aming responsibilidad na turuan ang aming mga anak ng karunungan, pagpipigil sa sarili, at pagsunod sa iyo. Humihingi kami ng kapatawaran sa maraming pagkakataon na nabigo kaming matuon sa prayoridad ng aming relasyon sa aming mga binatilyo at dalagitang mga anak.
Sa aming pagbabasa at pagsasabuhay ng iyong Salita, bigyan mo kami ng kinakailangang karunungan para matugunan ang pangangailangan ng aming mga anak. Aming pinakamimithing adhikain na sila’y matapat na sumunod sa iyo habambuhay.
Amen
Mga Takdang Aralin
(1) Maghanap ng tatlong talata o kabanata sa Biblia na magagamit mo para ipanalangin ang mga binatilyo at dalagita sa iyong pamilya o silang nasa ilalim ng iyong impluwensya. Maghanap ng mga talata na maiuugnay sa…
Kanilang espirituwal na pangangailangan
Paghubog ng kanilang karakter
Mga bagay o taong umiimpluwensya sa kanila
Mga kaparaanan na kinakailangan upang sila’y lumago at mahubog.
Isulat ang mga talata sa lugar na madalas mong makikita ang mga ito. Simulang gamitin ang mga talatang ito sa iyong araw-araw na pananalangin sa iyong mga kabataan.
(2) Pumili ng dalawang tanong mula sa pagtalakay ng grupo na nasa hulihan ng aralin. Sumulat ng isang talata bilang tugon sa bawat isa.
(3) Pumili ng mga talata na babasahin:
Kawikaan 4-5
Kawikaan 6
Kawikaan 23
Kawikaan 24
Habang binabasa mo ito, isaalang-alang ang mga sumusunod na tanong. Mula sa mga talatang ito…
Ano ang mga prayoridad na dapat mayroon sa isang magulang ng isang binatilyo o dalagita?
Ano ang mga prayoridad na dapat mayroon sa isang binatilyo o dalagita?
Ano ang mga pag-uugali na dapat mayroon sa magulang ng isang binatilyo o dalagita?
Ano ang mga pag-uugali na dapat mayroon sa isang binatilyo o dalagita?
Ano ang dapat gawin ng magulang ng isang binatilyo o dalagita?
Ano ang dapat gawin ng isang binatilyo o dalagita?
Anong mga bahagi ng buhay ang dapat na pinag-uusapan ng magulang at ng kanyang anak na binatilyo o dalagita?
Gumawa ng listahan ng mga pangungusap na nagbubuod sa mensahe ng mga talata para sa magulang ng isang binatilyo o dalagita. Gumawa rin ng listahan ng mga pangungusap na nagbubuod sa mensahe ng mga talata para sa anak na binatilyo o dalagita.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.