Sa katapusan ng araling ito, magagawa ng mag-aaral na:
(1) Mapagtanto at mapahalagahan ang relasyon na nais ng Diyos sa atin.
(2) Maunawaan at mapahalagahan ang imahe ng Diyos sa bawat tao.
(3) Mapagtanto na may pananagutan tayo sa Diyos sa bawat pinipili nating gawin sa ating mga relasyon.
(4) Malaman na ang Biblia ang ating manwal para sa mga relasyong maka-Diyos, at dapat nating tularan ang Diyos sa ating mga relasyon.
Relasyon sa Diyos
Sa kasulatan, natutunan natin na ang Diyos ay isang personal na Diyos, na may mga relasyon at pakikipag-ugnayan sa iba (mga Hebreo 1:1-2). Ipinapakita ng banal na kasulatan na may walang hanggang relasyon ang Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo sa isa’t-isa.[1]
Nilikha ng Diyos ang kalangitan, ang lupa, ang karagatan, at lahat ng nasa kanila (Exodo 20:11). Ipinapakita ng Awit 8:3-8 na ang sangkatauhan ay ang kanyang pinakamahusay at pinakamahalagang nilikha. Nilikha ng Diyos ang mga tao bilang mga nakikipag-ugnayang nilalang, tulad Niya. Sa buong kasulatan, inaanyayahan ng Diyos ang mga tao sa relasyong nagbibigay-buhay na kasama siya.[2]
Napakagandang maunawaan na nais magkaroon ng Diyos, ang Lumikha ng sansinukob, ng relasyon sa iyo at sa akin!
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Genesis 3:8-9 para sa grupo.
Huminto nang sandali, ipikit ang iyong mga mata, at isipin ang eksena na kakabasa mo lang. Gamitin ang iyong imahinasyon upang bigyang buhay ang mga berso. Nakatayo sa pinakamagandang hardin sa malamig na parte ng araw, damhin ang masarap na simoy ng hangin sa iyong mukha. Pakinggan ang mga tunog ng yapak ng Diyos at dinggin ang tahimik na tugon ng kanyang dalawang minamahal na nilalang; pagkatapos ay nagsalita ang Dyios, “Nasaan kayo?”
Kaya mo bang isipin kung paano ang sandaling iyon, na tinatawag ng Diyos ang kanyang mga nilalang para makasama sila? Huminto ng sandali at isipin ang puso ng Diyos. Ninanais-- at inaasam ng Diyos—na makasama sina Adam at Eva, sa iyo, at sa akin!
Kahit na nahiwalay tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating pagsuway sa kanya (Isaias 59:2), hangad pa rin ng Diyos na magkaroon ng relasyon sa bawat buhay na tao. Ipinapakita ng Lukas 19:10 sa atin na hinahanap niya ang bawat nangagkasala. Ang Diyos ay patuloy na nagtatanong, “Nasaan kayo?” Dahil si Jesus ay namatay para sa atin, maaari tayong bumalik sa pakikipagrelasyon sa kanya (Efeso 2:13, 19). Ikaw at ako ay nilikha para makipagrelasyon sa Diyos.
[1]Halimbawa, ang mga kaksulatan na ito ay nagpapakita ng relasyon ng Ama at Anak, at ng Banal na Espiritu: Juan 17:22-24; Juan 14:16, 26; at Juan 15:26. Bagaman hindi ipinapahayag mga bersong iyon ang pagiging walang-hanggan ng Banal na Espiritu, alam natin mula sa ibang mga berso, tulad ng Hebreo 9:14, na siya rin ay walang-hanggan.
[2]Halimbawa, tingnan ang Isaias 55:3, Juan 1:12-13, Juan 3:36, Juan 17:3, 2 Corinto 6:16-18, 1 Juan 1:3, Pahayag 3:20.
Disenyo ng Ating Maylikha
Ang mga hindi naniniwala sa mapagmahal at may layunung paglikha ng Diyos ay ay nahihirapang lumikha ng kanilang sariling pagkakakilanlan at layunin. Imposibleng maunawaan nang wasto ang sangkatauhan kapag walang relasyon sa Diyos. Ang isang tao na namumuhay ayon sa payo ng karaniwang kaalaman—ang pagtutok sa kaligayahan na nakasalig sa tao—ay hindi talaga mauunawaan ang buhay.
Upang tunay na maunawaan ang ating pagkakakilanlan (kung sino tayo), ang ating layunin (kung bakit tayo nabubuhay), at kung paano tayo idinisenyo, dapat nating malaman ang layunin ng ating Maylikha, na matatagpuan sa Banal na Biblia. Itinatag ng Diyos ang ating pagkakakilanlan; hindi ito isang bagay na iniimbento natin. Nilikha niya tayo nang may layunin at sadyang idinisenyo tayo. Sa sandaling maunawaan natin ang kanyang plano para sa ating buhay at mga relasyon, doon lamang tayo nagiging yung tao ayon sa kanyang pagkalikha sa atin at maaari nating matupad ang kanyang layunin sa ating buhay.
Ang pagkakalikha sa imahe ng Diyos ay nangangahulugang ang mga tao ay sinadyang likhain para sa relasyon. Kung paanong nakikipag-ugnayan ang Diyos, ganoon din niya nilikha ang mga tao bilang mga nilalang na nakikipag-ugnayan. Nilikha ng Diyos ang kaluluwa, espiritu, at katawan ng bawat tao para sa relasyon sa Diyos at sa iba.
Ang Ating Gabay para sa mga Relasyong Pantao
Ang katotohanan na nilikha ng Diyos ang mga tao para sa relasyon ay nagpapahiwatig na may mga alituntunin siya at mga gabay para sa ating mga relasyon. Tulad ng isang tagagawa ng produkto na sumusulat ng manual ng produkto na nagpapaliwanag sa disenyo ng produkto at kung paano ito gamitin. Ganoon din ang dahilan kung bakit ibinigay sa atin ng Diyos ang Kanyang Salita, ang Biblia, na nagpapaliwanag ng ating disenyo at kung paano magpapatuloy nang maayos ang ating mga buhay at mga relasyon.
Malinaw na inilalarawan ng Biblia ang mga gampanin na itinalaga ng Diyos para sa mga relasyon ng mga tao. Tinatalakay nito ang mga gampanin at relasyon ng mga mag-asawa; mga ama, ina, at anak; mga magkakapatid; mga lolo at lola; mga magkakaibigan; mga magkaaway; mga magkapitbahay; mga pamahalaan at mamamayan; at mga amo at empleyado. Itinuturo sa atin ng mga prinsipyo ng Salita ng Diyos ang kanyang disenyo para sa atin, anuman ang ating kalagayan o kapaligiran. Itinuturo sa atin ng Biblia ang kalooban ng Diyos para sa bawat yugto ng buhay natin.
Ang mga lipunan at kultura ng tao ay nagpapakita ng disenyo ng Diyos, bagama’t hindi perpekto. Ang mga kultura ay naglalarawan ng normal na asal ng tao para sa lahat ng relasyon at sitwasyon. Bawat kultura ay may sariling paraan ng pagpapalaki ng mga anak at pangangalaga sa pagsasama ng mag-asawa. Nagpapakita ang mga kultura ng malaking pagkakaiba-iba sa mga tradisyon, kalikasan, genetika, at mahahalagang pangyayari, ngunit ang bawat kultura ay may iisang pangunahing moralidad. Halimbawa, ang bawat kultura ay may sariling pamamaraan ng kasal. Gayunpaman, ang lahat ng asal ay dapat suriin sa pamamagitan ng mga alituntunin ng Biblia, hindi sa mga pamantayan ng kultura. Ang Biblia ang ating otoridad; hindi ang kultura (Roma 12:2).
Ang mga gawain ng kultura ay hindi kailangang walang pinapanigan, at hindi natin dapat asahan na sila ay ganoon (Efeso 2:2). Ang mga kultura ay binuo ng mga taong makasalanan at na lumaki ng may mga maling pagnanasa at pagiging makasarili. Maaring magkaroon ang isang lipunan ng kaunting kaalaman tungkol sa katotohanang biblikal, ngunit walang lipunan ang palaging sumusunod sa pamantayan ng Diyos sa tama at mali. Walang nagiging matuwid dahil sa kultura. Tanging ang Biblia lamang ang perpektong nagpapakita sa atin ng pamantayan ng Diyos (Awit 19:7-11).
Kapag bumisita ka sa bansang Libya at napansin mong nagmamaneho ang mga Libyano nang walang pangamba para sa kaligtasan, maaaring isipin mo, “Iyan ay bahagi lang ng kanilang kultura; ang kanilang paraan ng pagmamaneho ay tanggap nila.” Totoo na naging kultura na nila ang ganoong paraan ng pagmamaneho. Gayunpaman, ang Libya ang may pinakamataas na bilang ng namamatay sa aksidente sa kalsada sa buong mundo. Dalawang beses na mas mataas ang porsiyento ng namamatay sa Libya kaysa sa bansang pangalawa na may pinakamataas na porsiyento ng namamatay sa aksidente sa kalsada sa buong mundo. Maliwanag na ang kanilang kultura ay hindi nakabuo ng mabuting paraan ng pagmamaneho.
Alam ng Diyos kung paano dapat mamuhay ang tao at ibinigay sa atin ang mga tuntunin. Hindi dapat tayo mag-eksperimento at tumuklas lamang. Hindi lang natin dapat gawin ang mga bagay na tila nagbibigay sa atin ng mga nais natin. Hindi lang natin dapat abutin ang naiisip nating masayang buhay. Dapat nating sundín ang disenyo ng Diyos para sa mga relasyon.
Ang maganda, makabubuti sa atin ang pagsunod sa mga utos ng Diyos. Ibinigay ng Diyos ang mga utos dahil mahal Niya tayo (Deuteronomio 6:24). Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ito, nararanasan natin ang magagandang bunga at naliligtas tayo mula sa maraming masamang kahihinatnan. Alam ng ating Manlilikha kung ano ang pinakamabuti para sa atin, at kapag sinusunod natin ang kanyang plano, tayo ay pinagpapala.
Pananagutan sa Diyos sa mga Relasyon
► Paano nakakaapekto ang ating asal sa ibang tao sa ating relasyon sa Diyos?
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang bawat isa sa mga sumusunod na talata para sa grupo. Talakayin nang mabilis ang mga hinihingi ng Diyos sa mga relasyon ng tao, at kung paano nakakaapekto ang pagsunod sa ating relasyon sa Diyos. Paano makakaapekto sa ating relasyon sa Diyos ang hindi pagsunod sa mga utos ng Diyos?
Ang Ating mga Relasyon sa Iba at Ang Ating Relasyon sa Diyos
Kasulatan Talata
Indibidwal/ Gampanin
Ang Hinihingi ng Diyos sa Relasyon Ng Tao
Epekto sa Relasyon sa Diyos
1 Pedro 3:7
Asawang lalaki
Maging maunawain at bigyang karangalan ang asawa.
Gawin ninyo ito upang walang maging sagabal sa inyong mga panalangin.
Efeso
5:22, 24, 33;
1 Pedro 3:1-6
Asawang Babae
Maging masunurin sa asawa.
Sa ganitong paraan nagpapasakop ang asawa sa Diyos.
Pinahahalagahan ng Diyos ang pag-uugali at asal na ito sa kanya.
Colosas 3:20
Anak
Sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang.
Ito ay kinalulugdan ng Panginoon.
Mateo 6:12-15
Lahat ng tao
Patawarin ang mga nagkakasala sa atin.
Kaya tayong patawarin ng Diyos.
Roma 13:1-5
Lahat ng tao
Sumunod sa mga awtoridad sa lupa.
Ganito natin susundin ang Diyos.
1 Pedro 3:18-20
Alipin
Magtiyagang tiisin ang hindi makatarungang pagtrato.
Pinapanigan ng Diyos ang alipin.
Tayo ay mga moral na nilalang, na nangangahulugang naiintindihan natin na ang ibang aksyon ay mali at ang iba ay tama, at tayo ay may pananagutan sa Diyos sa ating mga desisyon. Nagbibibagay ito sa atin ng malaking potensyal at responsibilidad. Naaapektuhan ng ating mga desisyon ang ating relasyon sa Diyos. Hindi lamang praktikal na usapin ang pagsunod sa utos ng Diyos tungkol sa mga relasyon kung paano tayo magiging masaya at magkakaroon ng pinakamagandang buhay. Tayo ay may pananagutan sa Diyos sa ating mga desisyon at ating mga pag-uugali sa mga relasyon (Roma 14:10, 12).
Tinatawag tayo ng Diyos na tratuhin ang iba nang makatarungan at kumilos nang may pagmamahal at awa (Micah 6:8). Ang problema ay, dahil sa kasalanan ni Adan, lahat ng kanyang inapo ay ipinanganak na makasalanan (Roma 5:12, 19). Dahil dito, hindi tayo tuluy-tuloy na makakilos nang may pagmamahal, awa at sa makatarungang paraan (Roma 7:15-24). Ngunit binabago tayo ng biyaya ng Diyos sa sandaling tayo ay naipanganak muli. Ang Banal na Espiritu ang nagbibigay sa atin ng kakayahan na gawin ang mga utos ng Diyos (Roma 8:3-4).
Halaga ng Bawat Tao
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang Isaias 44:24, Awit 139:13-16, Genesis 9:6, at Santiago 3:9 para sa grupo. Ano ang sinasabi ng kasulatan na ito sa atin tungkol sa halaga ng bawat buhay? Ano ang nagbibigay halaga sa isang tao?
Upang magkaroon ng magandang relasyon sa iba, kailangan nating pahalagahan ang ibang tao tulad ng pagpapahalaga ng Diyos sa kanila. Ang bawat tao ay nilikha sa imahe ng Diyos at siya ay mahalaga dahil dito. Ang bawat indibidwal ay natatanging nilalang ng Diyos, lalaki man o babae, malusog o may sakit, buo o baldado, bata o matanda, mayaman o mahirap (Mga Kawikaan 14:31), isinilang na o nasa sinapupunan pa ng kanyang ina; anuman ang kulay ng kanilang balat; at anuman ang kanilang mental o pisikal na kakayahan o limitasyon (Exodo 4:11).
May mga kultura kung saan ang mga matatanda ay nakakalimutan, ang mga babae ay itinuturing na hindi kasinghalaga ng mga lalaki, o ang mga bata ay itinuturing na abala. Sa ibang kultura, ang mga baldado ay itinuturing na sumpa at itinatago o tinatanggihan sa lipunan. Sa buong mundo, karaniwan ang rasismo: Itinuturing ng isang tribo o pangkat etniko ang sarili na mataas sa iba at tinatrato ang iba na kahiya-hiya. Ang bawat kilos na ito ay nagpapababa ng halaga ng mga tao, na siyang pinakamahalaga sa lahat ng nilikha ng Diyos. Para magkaroon ng maganda at nakakapagbigay lugod sa Diyos na mga relasyon, dapat nating isipin na lahat ng tao ay nasa kanila ang imahe ng Diyos.
Nilikha para sa Diyos, Nilikha para sa Ibang Tao
Sinasabi sa atin ng Pahayag 4:11 na nilikha ng Diyos ang lahat para sa kanyang sarili. Tiyak na kabilang dito ang sangkatauhan. Tayo ay nilikha ng Diyos para sa Diyos. Lahat ng ating ginagawa, ay gagawin natin para sa kaluwalhatian ng Diyos (1 Corinto 10:31, 1 Pedro 2:12). Nilikha din tayo para sa kapakanan ng ibang tao.
Nilikha tayo upang makipagtulungan sa ibang tao para maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos. Ang pag-aasawa ay isa sa mga halimbawa ng disenyo ng Diyos para sa mga tao na dapat magtulungan. Pagkatapos na pagkatapos na nilikha ng Diyos ang unang tao, sinabi ng Diyos, “Hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa; siya'y igagawa ko ng isang katuwang na nababagay sa kanya” (Genesis 2:18). Ang babae ay katulad ng lalaki sa mahahalagang paraan, ngunit iba rin sa ibang mahahalagang paraan. Sa kanilang pagsasama, maipatutupad nila ang mga layunin ng Diyos para sa kanilang buhay. Ibinigay sila ng Diyos—sa isa’t-isa—para sa gawain na kanilang gagampanan (Genesis 1:26-28).
Ang simbahan ay isa pang halimbawa ng disenyo ng Diyos na dapat magtulungan ang mga tao. Ginamit ni Apostol Pablo ang ilustrasyon ng mga bahagi ng katawan (1 Corinto 12:12-26). Hindi dapat isipin ng isang tao na matutupad niya ang layunin ng Diyos nang mag-isa o hindi niya kailangan ang ibang tao para matupad niya ang layunin ng Diyos. Ang pag-aasawa at ang simbahan ay dalawa lamang sa maraming halimbawa ng disenyo ng Diyos na dapat magtulungan ang mga tao.
Tayo ay nilikha upang maglingkod sa ibang tao (Galacia 5:13-14). Tayo ay nilikha upang magkaroon ng mapagmahal na relasyon sa iba, kung saan ibinibigay natin ang ating mga sarili para matulungan ang iba.
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang Mga Kawikaan 17:17, Galacia 6:2, at Filipos 2:4 para sa grupo.
Tayo ay nilikha para sa Diyos at para sa ibang tao. Ang bawat utos ng Diyos sa atin sa kanyang Salita ay may kaugnayan sa ating pakikipagrelasyon sa Kanya, sa ating pakikipagrelasyon sa iba, o para sa parehong relasyon. Sa katunayan, sinabi ni Jesus na maibubuod ang lahat na utos ng Diyos sa atin sa mga utos na mahalin ang Diyos nang buong puso at ang ibang tao tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili.
► Dapat basahin ng mag-aaral ang Mateo 22:36-39 para sa grupo.
Nilikha tayo para sa Diyos, at nilikha tayo para sa ibang tao; ang mga katotohanang ito ay konektado. Isa sa mga pangunahing paraan kung saan pinupuri natin ang Diyos at sinasalamin ang kanyang imahe ay sa ating pakikisalamuha sa iba. Ang karakter at mga aksyon ng Diyos ay nag-oobliga sa atin na maging katulad niya (1 Pedro 1:16, Mateo 5:48). Lahat ng tao ay nilikha sa imahe ng Diyos, ngunit sinasalamin natin ang kalikasan at katangian ng Diyos kapag kumikilos tayo tulad ng pagkilos Niya.
Kapag ang isang tao ay nagpapakita ng awa sa mga nangangailangan, ang kanyang habag ay katulad ng habag ng Diyos, at ang kanyang pagbibigay ng awa ay pagtulad sa gawain ng Diyos. Ito ay totoo kahit na ang nagpapakita ng awa ay mananampalataya o hindi mananampalataya. Gayunpaman, mas mabuting tularan natin ang Diyos kung tayo ay nakipagkasundo na sa kanya at kumikilos ang kanyang Espiritu sa atin.
► Dapat basahin ng mag-aaral ang 2 Pedro 1:2-11 para sa grupo.
Ipinapaliwanag ng siping ito ang kamanga-manghang plano ng Diyos para sa bawat tagasunod ni Cristo. Matututunan natin sa siping ito na:
1. Sa kanyang kaluwalhatian at kabutihan, tinawag tayo ni Jesus at binigyan niya tayo ng magagandang pangako (berso 3-4).
2. Sa pamamagitan ng mga pangakong ito, tayo na nakakakilala kay Cristo ay maaaring magkaroon ng banal na kalikasan ng Diyos (berso 4).
3. Sa pamamagitan ng pakikipagrelasyon sa Diyos Ama at kay Jesus, nasa atin ang lahat ng kailangan natin para sa buhay at kabanalan (berso 3).
4. Dahil sa mga bagay na ito, maaari tayong mamuhay na katulad ng pamumuhay ni Jesus at tulad ng pagtawag sa atin ng Diyos na mamuhay (berso 5-8).
► Paano ba natin maaaring mailarawan ang karakter at kalikasan ng Diyos sa ating pakikipagrelasyon?
► Dapat basahin ng mag-aaral ang 2 Corinto 4:4 para sa grupo. Sino ang perpektong larawan ng Diyos?
► Dapat basahin ng mag-aaral ang 2 Corinto 3:18 para sa grupo.
Binabago ng Banal na Espiritu ang mga mananampalataya upang mas lalong maihayag ang kaluwalhatian ng Panginoon. Sa ating pagmamasid kay Jesus, tayo ay nagiging mas katulad Niya sa mga pag-uugali at asal. Ito ang kagandahan ng ebanghelyo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos Ama, ni Jesus, at ng Banal na Espiritu, maaari nating maisalamin at tularan ang katangian ng Diyos.
Sa ating pakikipagrelasyon sa iba, tinatawagan tayo ng Diyos na tularan siya (Efeso 5:1). Tulad ng isang bata na pinanonood at tinutularan ang kanyang mga magulang o nakakatandang kapatid, dapat nating tingnan ang halimbawa ni Jesus at pagkatapos ay tularan ang kanyang pag-uugali, pananaw, at mga kilos habang nakikitungo tayo sa iba (Filipos 2:5-7, Efeso 5:2).
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang mga sumusunod na sipi para sa grupo. Tandaan ang (1) Karakter o gawain ng Diyos at (2) inaasahan ng Diyos sa atin. (Nakasulat na ang tala para sa unang dalawang sipi bilang halimbawa. Sa pagtatapos ng araling ito, ang Takdang-aralin 2 ay pagpapatuloy ng pag-aaral na ito.)
Paano Sinasalamin ng Mga Relasyon ng Tao Ang Kaluwalhatian ng Diyos
Kasulatan
Ano ang Ginagawa ng Diyos/ Ano Ang Ginawa ni Cristo
Ang Ating Kilos na Sumasalamin sa Diyos
Filipos 2:3-8
Isinuko ang kanyang mga karapatan.
Naging tagapaglingkod.
Naging ganap na mapagkumbaba at masunurin.
Isuko ang ating mga karapatan.
Ingatan ang interes ng iba.
Maging mapagkumbaba.
Juan 13:3-5, 12-15
Naglingkod sa kanyang mga disipulo, tumugon sa praktikal na pangangailangan.
Maglingkod sa ibang mananampalataya.
Efeso 4:32-5:2
Walang ni isa sa atin ang likas na nagpapakita ng pag-ibig ng Diyos dahil tayo ay ipinanganak na likas na makasarili. Ibinibigay ng Diyos ang biyaya para maibalik tayo sa kanyang disenyo para sa atin. Maaaring makatulong ang mapagkumbabang dasal ng pagsuko sa pagbabagong ito ng isang tao.
Konklusyon
Ibinubunyag ng Biblia na mapagmahal na dinisenyo ng Diyos ang mga tao para sa pakikipagrelasyon: sa pakikipagrelasyon sa Kanya at sa pakikipagrelasyon sa iba.
Dahil ang Diyos ang Lumikha ng mga tao at tagapagdisenyo ng mga relasyon, kailangan nating:
1. Maunawaan ang kanyang pananaw sa ating pakikipagrelasyon sa mga tao.
2. Mapagtanto ang ating pananagutan sa kanya para sa mga desisyong ginagawa natin sa mga relasyon.
3. Tanggapin at sundin ang kanyang plano para sa ating mga relasyon.
Ang kurso ng pag-aaral na ito ay makakatulong sa iyo para magawa ang mga bagay na ito at maghahanda sa iyo para turuan ang iba tungkol sa kalooban ng Diyos para sa mga relasyon ng tao.
Para sa Talakayan ng Grupo
► Bakit hindi sapat ang kultura bilang gabay para sa mga relasyon ng tao?
► Aling konsepto sa araling ito ang bago sa iyo? Bakit ito mahalaga? Paano makakatulong ang pag-unawa dito sa iyong mga relasyon? Paano ito makakaapekto sa iyong ministeryo?
► Paano ang inaasahan mong paglago dahil sa pag-aaral ng kurso na ito?
Panalangin
Ama naming nasa langit,
Salamat po na nilikha ninyo ako ayon sa inyong imahe nang may layunin para sa aking buhay.
Salamat sa pagdisenyo sa akin upang magkaroon ng ugnayan sa iyo sa at pagbibigay ng posibilidad para dito sa pamamagitan ng pagkamatay ni Jesus para sa aking mga kasalanan.
Salamat sa kayamanan ng iyong Salita, na nagtuturo sa amin kung paano makipag-ugnayan sa iyo at kung paano ka luluwalhatiin sa aking relasyon sa ibang tao.
Sa pamamagitan ng iyong Salita at ng iyong Espiritu, turuan mo akong yakapin ang buhay na inihanda mo para sa akin.
Tulungan mo akong makita ka sa akin ng mga tao sa paligid ko, upang ang iba ay makilala ka.
Amen
Mga Takdang Aralin
(1) Ipaliwanag kung paano nagbibigay ng halaga sa bawat tao ang katotohanang nilikha ang tao sa imahe ng Diyos, at kung paano nawawala ang halaga ng tao dahil sa hindi paniniwala rito.
(2) Basahin ang bawat sumusunod na talata ng kasulatan. Tandaan ang (1) katangian o gawain ng Diyos at (2) ang mga inaasahan ng Diyos sa atin.
Paano Sinasalamin ng Mga Relasyon ng Tao Ang Kaluwalhatian ng Diyos.
Kasulatan
Ano ang Ginagawa ng Diyos/ Ano ang Ginawa ni Cristo
Ang Ating Kilos na Sumasalamin sa Diyos
Awit 68:5;
Santiago 1:27
2 Pedro 3:9,
Tito 3:1-5
Mateo 5:43-48,
1 Tesalonica 5:14-15
Juan 13:1, 34,
1 Juan 4:7-8, 11-12
(3) Tingnan ang tsart sa Takdang-aralin 2, at iyong nasa hulian ng aralin, suriin ng sandali ang iyong buhay:
Nakikita ba sa iyo ang imahe ng Diyos sa paraang nagbibigay-parangal at kaluwalhatian sa Kanya?
Mayroon bang anumang pagsuway na kailangang aminin upang ang iyong buhay ay mas malinis at mas makapangyarihang umakma sa layunin ng Diyos para sa iyong buhay?
Anong hakbang ang nais ng Diyos na gawin mo upang maging mas katulad ka ni Jesus?
Sumulat ng isang talatang panalangin bilang tugon sa pag-aaral na ito. (Hindi mo kailangang ibahagi ang isinulat mong ito sa pinuno ng klase, subalit maaaring i-ulat na ginawa mo ang takdang-aralin).
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.