Pinalaki si Ruth sa isang Kristiyanong pamilya sa India. Isang araw, ikinuwento sa kanya ng kanyang pamilya ang isang binatang mangangaral na si Samuel na nangangailangan ng asawa. Ikinuwento din nila kay Samuel ang tungkol sa kanya. Sinabi ni Ruth na hindi siya interesado na makilala ito. Isang araw, pag-uwi niya sa gabi, natagpuan niyang naghihintay si Samuel doon nang ilang oras upang makilala siya. Hindi siya masaya na makita ito, ngunit umupo siya para kausapin ito. Sinabi ni Samuel, “Isa akong guro sa Bible institute. Hindi malaki ang sinasahod ko. Madalas akong maglakbay upang magpangaral ng ebanghelyo sa mahihirap na lugar, at kung minsan ay natutulog ako sa labas, sa lapag. Handa ka bang magdusa na kasama ako?” Napaluha si Ruth habang ito'y nagsasalita dahil naramdaman niyang sinasabi ng Diyos na ito ang taong dapat niyang pakasalan. Pagkatapos ng usapang iyon, madalang silang nagkita, at hindi kailanman nag-isa, hanggang magpakasal. Ngayon, maraming taon na silang naglilingkod sa ministeryo nang magkasama.
Ang Pagpili ng Asawa
Maingat na Pumili!
Sinabi ni Jesus na ang pag-aasawa ay isang panghabambuhay na pangako, ayon sa disenyo ng Diyos (Mateo 19:6-8). Hindi mo lamang pinakakasalan ang isang tao para sa kasalukuyan. Pinakakasalan mo ang isang tao na makakasama mo sa buhay hanggang sa mamatay ang isa sa inyo (Roma 7:2). Pumili nang mabuti!
Hindi lamang ninyo pagsasaluhan ang magagandang panahon at kaligayahan ng buhay. Pagsasaluhan din ninyo ang mga pagsubok, pighati, krisis, at trahedya ng buhay. Hindi ninyo alam kung anong uri ng kalungkutan ang inyong mararanasan. Maraming biyaya na makukuha mula sa pag-aasawa ng mabuti at maka-Diyos na kabiyak sa panahon ng kahirapan. Pero mas mahirap ang mga panahong iyon kung ang asawa mo ay hindi matibay sa Panginoon. Ikakasal ka sa taong makakasama mo sa natitirang bahagi ng iyong buhay—anuman ang kalagayan. Maingat na pumili ng asawa!
[1]Pakakasalan mo ang isang tao na makakasama mo sa pagbuo ng pamilya. Pumipili ka ng magiging magulang ng iyong mga anak at ng lolo o lola ng iyong mga apo. Pumipili ka ng tao na ang espirituwal na buhay ay magiging malaking impluwensya sa mga espirituwal na buhay ng iyong mga anak. Pumipili ka ng taong ang kanyang ugali, kaugalian, at asal ay susundan ng iyong mga anak (Efeso 5:1). Pumipili ka ng taong huhubog at magtuturo sa iyong mga anak sa pamamagitan ng halimbawa at salita (Kawikaan 23:26). Pumili ng taong mag-aalaga at magmamahal sa iyong mga anak, taong magdadala at magdidisiplina sa kanila nang may pag-iingat, kasigasigan, at pagmamahal. Pinipili mo ang taong magkakaroon ng epekto sa mga susunod na henerasyon—sa paraang mabuti o masama. Pumili nang mabuti!
► Dapat basahin ng mga estudyante ang Kawikaan 14:1, Kawikaan 24:3-4, at Kawikaan 31:10-12, 30 para sa grupo.
Ang iyong pagpili ng mapapangasawa ay ang pangalawang pinakamahalagang desisyon na gagawin mo sa buhay; ang una ay ang pagpili na sundin si Jesus bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas. Babaguhin ng iyong desisyon ang takbo ng iyong buhay, at makakaapekto din ito sa maraming ibang tao. Ang matalinong pagpili ay magbibigay-biyaya sa iyo at sa maraming ibang tao. Ang di-pinag-isipang pagpili ay magdudulot ng pinsala sa iyo at sa maraming ibang tao. Pumili nang may panalangin!
Walang perpektong tao sa mundo. Mayroon kang mga problema, kahinaan, at kabiguan. Ang iyong asawa ay hindi rin magiging perpekto at mananatili ring hindi perpekto sa buong buhay. Kaya huwag humanap ng perpektong asawa. Sa halip, maghanap ng asawang lubos na nagmamahal sa Diyos nang walang pasubali. Maghanap ng taong mapagkumbaba na aaminin at itatama ang mga pagkukulang at kabiguan. Ang ganitong asawang ay magiging pagpapala sa iyo, at maaari kayong magsuportahan at magtulungan sa mga larangan ng kahinaan.
► Dapat basahin ng mga estudyante ang Kawikaan 11:14, Kawikaan 12:15, Kawikaan 13:18, at Kawikaan 23:22 para sa grupo.
Pumili nang mabuti. Pumili para sa habambuhay. Humingi ng payo mula sa mga taong maka-Diyos at sa iyong mga magulang. Makinig sa kanilang babala. Huwag magpadala sa emosyon. Huwag maging pabaya sa iyong desisyon.
Huwag Mag-asawa ng Di-Mananampalataya
Isa sa pinakamahahalagang bagay para sa Diyos ay ang pag-aasawa lamang ng kanyang mga tao ng mga kapwa mananampalataya. Nararapat ito dahil ang relasyon ng isang tao sa Diyos ay ang pinakamahalagang bagay sa lahat ng buhay at walang hanggan. Ang pag-aasawa—ang pinakamalapit na relasyon ng tao—ay nakakaapekto sa relasyon ng isang tao sa Diyos. Mas mahirap para sa isang mananampalataya na panatilihing malapit at maingat ang relasyon sa Diyos habang may asawang di-nananampalataya.
Bukod dito, ang kawalan ng pananampalataya ng isang magulang ay nakakaimpluwensiya sa mga anak laban kay Cristo. Sa mga pamilya kung saan may isang magulang na hindi mananampalataya, napakabihira na lahat ng anak ay maglilingkod sa Panginoon. Gusto ng Diyos na paglingkuran natin siya, at sinasabi sa atin ng Diyos na palakihin ang ating mga anak para maglingkod sa Kanya (Genesis 18:19; Deuteronomio 6:2, 7; Malakias 2:15).
Sa Lumang Tipan, hindi pinapayagan ang mga Israelita na mag-asawa ng sinuman sa labas ng kanilang pananampalataya.[2] Alam ng Diyos na ang pag-aasawa sa mga hindi mananampalataya ay magiging dahilan para sumamba ang mga tao sa ibang mga diyos, na sisira sa kanilang relasyon sa nag-iisang totoong Diyos! Ipinapakita sa Lumang Tipan na iyon nga ang nangyari sa Israel.[3]
Hanggang sa kasalukuyan, dapat mag-asawa lang ang mga mananampalataya sa mga kapwa mananampalataya. Huwag itong ikompromiso. Huwag tumanggap ng romantikong relasyon sa isang hindi mananampalataya.
► Dapat basahin ng mga estudyante ang 2 Corinto 6:14-18 at 1 Corinto 7:39 para sa grupo.
Kapag Hindi Manampalataya ang Iyong Asawa
Hindi gusto ng Diyos na mag-asawa ang isang mananampalataya ng hindi mananampalataya. Iyan ay tiyak. Ngunit kapag ang isa sa mag-asawang di mananampalayata ay lumapit kay Cristo para sa kaligtasan, dapat siyang manatiling sa kanyang hindi mananampalatayang asawa, maliban na lang kung ang asawang ito ay tumanggi na manatili sa kanya (1 Corinto 7:12-16). Sa ilang kaso, nakukumbinsi ang mga hindi mananampalatayang asawa para sa kaligtasan dahil sa pananampalataya ng kanilang Kristiyanong asawa (1 Corinto 7:14, 16; 1 Pedro 3:1-2). Ngunit ang mga Kristiyanong binata o dalaga ay hindi dapat kailanman isiping mag-asawa ng hindi mananampalataya.
Mga Katangian na Dapat Isaalang-alang sa Potensiyal na Magiging Asawa
Sa paghahanda para sa pag-aasawa, dapat linangin ng mga indibidwal ang mga katangian ng pagkatao na makakatulong sa kanila na maging mabuting asawa. Habang naghahanap sila ng taong pakakasalan, dapat silang maghanap ng taong nagpapabuti rin sa mga katangiang ito.
[4]1. Mag-asawa ng taong ang relasyon kay Cristo ay magbibigay-inspirasyon sa sarili mong relasyon kay Cristo at magiging sanhi ng iyong espirituwal na paglago (2 Pedro 1:5-9, 2 Pedro 3:18).
2. Mag-asawa ng taong may mabuting karakter o pag-uugali. Iniuutos ng Efeso 5:33 sa mga babae na respetuhin ang kanilang mga asawa anuman ang kanilang karakter, ngunit mas madaling gawin ito kung kasal sila sa mga lalaking karapat-dapat respetuhin. Kasama sa mabuting karakter ang mga gawi tulad ng pagpapatawad, pagkakaroon ng kontrol sa sarili, pagiging mapagkumbaba, pagiging masipag at responsable, at pagkakaroon ng espiritung matuturuan. Ang taong iyong papakasalan ay hindi perpekto ngunit dapat ay nagpapaunlad sa mga gawing ito.
Mataas ang mga pamantayan ng Diyos para sa mga lider ng simbahan at kanilang mga asawa (1 Timoteo 3:2-4, 8-9, 11-12; Tito 1:6-8). Kung ang isang lider ng simbahan ay kasal sa isang asawang may masamang karakter, lubos na nagiging sagabal ito sa ministeryo.
3. Mag-asawa ng taong nagbubuo ng reputasyon para sa pagkadalisay at mabuting asal (Timoteo 2:9-10, 1 Timoteo 3:7, 2 Timoteo 2:19, Tito 1:15, Tito 2:4‑5).
4. Mag-asawa ng taong natututong mag-isip ayon sa Biblia (Awit 119:66). Kapag kumakaharap sa tukso, takot, maling asal o maling motibasyon, natututo silang tandaan, paniwalaan, at sundin ang Salita ng Diyos (Kawikaan 4:4-6, Josue 1:7-8). Kapag kumakaharap sa pangangailangan, panganib, paghihirap, o anumang uri ng problema, natututo silang mag-pokus sa Diyos at humanap ng tulong na kailangan nila sa Kanyang Salita (Awit 119:50, 92, 114).
5. Mag-asawa ng taong magiging mabuting ama o ina sa iyong mga anak: isang taong magtuturo sa kanila ng mga paraan ng Diyos at mamumuhay bilang matapat na Kristiyano sa harap nila (Kawikaan 6:20-23, Efeso 6:4, 2 Timoteo 1:5, 2 Timoteo 3:14-15).
6. Mag-asawa ng taong nagpasyang impluwensiyahan ng mga makaDiyos na kaibigan at guro (Awit 119:63, 2 Timoteo 2:22).
7. Mag-asawa ng taong sumusunod sa awtoridad. Marapat sa isang lalaki na maghanap ng maamong babae na magiging kanyang asawa (Efeso 5:22). Gayundin, ang isang babae ay dapat mag-asawa ng taong sumusunod sa Diyos at sa mga taong inilagay ng Diyos bilang awtoridad sa kanya sa simbahan, sa kanyang trabaho, at sa pamahalaan (Roma 13:1, Efeso 6:5-8, Hebreo 13:17, 1 Pedro 5:5). Kapag sumusunod ang lalaki sa Diyos, mapoprotektahan at mabibiyayaan ang asawang babae.
► Sa mga nabanggit na katangian, alin ang tila pinakamahalaga para sa iyo? Anong mga halimbawa ang iyong nakita na nagpapakita ng kahalagahan ng mga katangiang ito?
[1]“Hindi mo pinili na ipanganak sa iyong pamilya; ngunit ikaw ay may karapatan na pumili kung sino ang iyong papakasalan upang buuin ang iyong susunod na pamilya.”
- Gary Thomas Ang Banal na Paghahanap
[4]Ang isang lalaki at babae ay hindi dapat pumayag na magpakasal hanggang tapat nila parehong masasabing, “Mas makakapaglingkod ako sa Panginoon kapag asawa kita, kaysa kapag single pa ako.”
Mga Pag-aasawa na Itinakda ng Mga Magulang
Sa maraming kultura, normal para sa mga magulang na itakda ang pag-aasawa ng kanilang mga anak. Halimbawa, sa isang malaking bansa, ang mga magulang ay naghahanap ng posibleng asawa para sa kanilang anak at kinakausap nila ang mga magulang ng isa't isa. Karaniwang iniaayos nila ang pagkikita ng anak na lalaki at babae. Maaaring magkita ang mga kabataan nang isang beses, o maaaring dalawa o tatlong beses, bago gumawa ng desisyon kung magpapakasal sila. Maaaring payagan ang mga anak na pumili kung tatanggapin nila ang taong pinili ng mga magulang, ngunit hindi sila magkakaroon ng sapat na panahon para makilala ang isa't isa nang lubusan.
Ang mga magulang na Kristiyano sa mga kultura na ito ay dapat sundin ang mga paniniwala ng Biblia habang naghahanap ng mga posibleng mapapangasawa para sa kanilang mga anak. Dapat nilang hanapin ang mga taong may takot sa Diyos, may karunungan, at may karanasan para sa kanilang mga anak. Dapat nilang hanapin ang mga indibidwal na inuuna ang Diyos sa kanilang buhay. Dapat mas pinaiiral ng mga magulang ang mga bagay na ito kaysa sa edukasyon, propesyon, katayuan sa lipunan, o antas ng yaman ng isang tao.
Mga Kasal na Independyenteng Itinakda
Karunungan para sa mga Magulang ng mga May Edad na Anak na Pumipili ng Mapapangasawa
Sa ilang lipunan at kultura, kabilang na ang mga nasa Europa at Hilagang Amerika, karaniwan para sa mga kabataang nasa hustong gulang na pumili ng kanilang mga mapapangasawa nang walang masyadong gabay mula sa mga magulang.
Maaaring madama ng mga Kristiyanong magulang sa mga kulturang ito na maliit ang impluwensya nila sa desisyong mag-asawa ang kanilang nasa hustong gulang na anak. Maaaring maramdaman nila na hindi sila dapat tumutol kahit hindi sila sang-ayon sa taong iniisip ng anak nilang pakasalan. Maaaring mangamba sila na magdulot ang kritisismo ng problema sa relasyon nila ng kanilang anak at ng magiging manugang nila.
Kahit na hindi ang mga Kristiyanong magulang ang nagtatakda ng mapapangasawa ng kanilang mga anak, dapat pa rin nilang impluwensiyahan ang pagpili ng kanilang mga anak ng mapapangasawa. Dapat pag-usapan ng mga magulang at mga anak ang mga bagay na ito habang bata pa sila. Dapat sadya nilang hubugin ang pag-iisip at mga pinahahalagahan ng kanilang mga anak (Deuteronomio 6:5-9). Paano mo ito gagawin bilang magulang?
1. Maging mabuting halimbawa ng asawang maka-Diyos at magulang. Maliban kung sinusunod mo ang mga prinsipyo ng Diyos sa iyong sariling buhay, walang saysay ang iyong mga itinuturo sa iyong mga anak. Kung hindi tugma ang iyong halimbawa sa iyong sinasabi, mas makikinig ang iyong mga anak sa iyong halimbawa kaysa sa iyong mga salita.
2. Bigyang-diin ang mga pamantayan ng Diyos para sa layunin ng buhay, layunin at kahulugan ngpag-aasawa, at kung ano ang dapat hanapin sa isang mapapangasawa (Awit 34:11-12). Kapag pinanood, pinakikinggan, binabasa, o tinitingnan natin ang mga nakasanayan ng mundo, itinuturo natin sa ating mga anak na ang mundo ay ang ating huwaran, sa halip na ang Salita ng Diyos. Sa halip na gawin ito, dapat nating pagyamanin ang mga pagnanasang maka-Diyos sa ating mga anak sa pamamagitan ng pagdadala ng kanilang pansin sa mga taong sumusunod sa mabubuting plano ng Diyos. Dapat nating ipakita ang mabubuting bunga na tinatamasa ng mga taong ito dahil sa kanilang pagsunod sa Diyos.
3. Turuan ang inyong mga anak na mas mahalaga ang karakter kaysa sa anumang iba pang bagay kapag pumipili ng mapapangasawa. Mula sa kanilang pagkabata, turuan ang inyong mga anak na pagmasdan at pahalagahan ang mabuting karakter ng iba, kaysa sa magagandang katawan o personalidad. Turuan silang pansinin kung ang kanilang mga kasamahan ay responsable o tamad, masunurin o rebelde, tapat o mapanlinlang. Turuan silang mag-alala para sa kanilang sariling karakter kaysa sa kanilang itsura.
Kung gusto ng mga magulang na kilalanin sila ng kanilang mga anak kapag pumipili ng kanilang makakasama sa buhay bilang mga kabataang nasa hustong gulang, dapat ituro nila sa kanilang mga maliliit na anak na matalino ang pakikinig sa ama at ina! (Kawikaan 1:8). Ang pagbibinata o pagdadalaga, o pagtanda ay masyado nang huli para ituro ito; dapat ituro ito ng mga magulang habang maliliit pa ang kanilang mga anak (Kawikaan
4:3-9). Ang pakikinig sa mga maka-Diyos na magulang ay paraan ng Diyos upang maprotektahan at pagpalain ang mga anak.
Tulad ng natalakay sa Aralin 4, tungkulin ng mga magulang sa Diyos na tulungan ang maliliit nilang anak na magkaroon ng mga relasyon na may moral na kalinisan. Upang gawin ito, dapat mayroon na kayong maayos at bukas na relasyon ng iyong anak, kung saan handa silang managot sa iyo at tinatanggap nila ang iyong payo. Ang uri ng relasyong ito ay nabubuo sa mga unang taon ng pagkabata habang mahinahon mong tinuturuan, sinasanay, pinamumunuan, at dinidisiplina ang iyong maliliit na anak araw-araw.
Karunungan para sa Kabataang Pumipili ng Mapapangasawa
May karunungan ang Diyos para sa mga kabataang mananampalataya na kinakailangan magdesisyon ukol sa kanilang sariling pag-aasawa. Narito ang ilang matalinong payo para gumawa ng mabubuting desisyon:
(1) Tanggihan ang mga hindi biblikal na opsyon.
Halimbawa, alam natin na hindi kalooban ng Diyos na ang mga Kristiyano ay mag-asawa ng mga hindi mananampalataya, kaya't hindi dapat natin iniisip man lang na magkaroon ng romantikong relasyon sa hindi mananampalataya.
(2) Manalangin para sa karunungan (Kawikaan 2; Santiago 3:13, 17).
Kapag hinahanap natin ang pang-unawa ng Diyos nang buong puso, siya'y natutuwa na bigyan tayo ng karunungan. Matatagpuan ang karunungan sa maingat na pag-aaral at pagsunod sa Salita ng Diyos. Binibigyan din tayo ng Diyos ng karunungan sa pamamagitan ng payo ng mga taong may takot sa Diyos. Ang pagtanggap sa karunungan ng Diyos ay nagbibigay-proteksyon sa atin laban sa kasalanan at sa peligro. Ang kanyang karunungan ay nagbibigay sa atin ng biyaya at nagbibigay sa atin ng pagkakataon na masaksihan ang pinakamabuting plano ng Diyos para sa ating buhay. Higit sa lahat, kapag tayo'y gumagawa ng matalinong desisyon, niluluwalhati natin ang ating Ama sa langit.
(3) Sundin ang patnubay ng Banal na Espiritu (Awit 119:133, Kawikaan 3:5-7, Jeremias 10:23).
Hindi tayo dadalhin ng Banal na Espiritu sa paglabag sa Salita ng Diyos. Sa halip, taimtim niyang ipinapaalala ito sa atin (Juan 14:26, Juan 16:13-14). Siya'y nagbabantay sa mga masunurin na anak ng Diyos laban sa kasalanan at sila'y ginagantimpalaan ng buhay at kapayapaan (Roma 8:5-6, 13-14; Galacia 5:16, 22-25). Maaaring hindi mo palaging alam ang mga detalye ng kalooban ng Diyos sa bawat sitwasyon, ngunit dapat mong sundin ang mga bagay na tiyak mong alam. Alam mong nais ng Diyos na maging tapat ka sa aspetong espiritwal at moral. Alam mong nais niya na iwasan mo ang ilang bagay at sundin mo ang ibang bagay. Gawin ang alam mong tama habang ikaw ay nananalangin para sa patnubay ng Diyos.
(4) Maingat na pakinggan ang payo ng mga taong may takot sa Diyos.
Ang mga kabataang may mga magulang na may takot sa Diyos ay dapat hanapin ang kanilang karunungan. Dapat silang maging bukas at tapat sa kanilang mga magulang tungkol sa kanilang mga iniisip ukol sa pag-aasawa. Dapat nilang pagtuunan nang mabuti ang anumang alalahanin na mayroon ang kanilang mga magulang. Binigyan sila ng Diyos ng mga magulang upang makatulong sa pagprotekta sa kanila laban sa kasamaan at bigyan sila ng kabutihan. Hindi dapat sayangin ng mga kabataang ito ang pagkakataon na mabiyayaan sa mga paraang ito.
Maraming Kristiyanong kabataan ang walang nakukuhang payo mula sa mas matandang miyembro ng pamilya na may takot sa Diyos. Dapat silang humingi ng payo mula sa mga taong kilalang may takot sa Diyos, na nakapagpapakita ng kakayahan na gumawa ng matatalinong desisyon na may magagandang resulta.
Gayunpaman, hindi dapat balewalain ng mga kabataang ito ang payo mula sa kanilang mga magulang, kahit pa hindi naglilingkod sa Panginoon ang kanilang mga magulang. Maaaring may mga pagkakataon na kinakailangan ng isang kabataan na labagin ang kagustuhan ng kanilang magulang na hindi Kristiyano upang sumunod sa Diyos, ngunit hindi ito dapat gawin upang magrebelde (1 Samuel 15:23) o mambastos (Exodo 20:12). Sa kabila ng antas ng pagiging tapat ng mga magulang sa Diyos, kaya ng Diyos na palambutin ang kanilang mga puso upang bigyan nila ng basbas ang kasal ng kanilang anak. Ang pananalangin at paghihintay sa Diyos na baguhin ang puso ng kanilang mga magulang ay susubok at magpapalakas sa pananampalataya ng anak na ito.
► Talakayin ang mga prinsipyo o halimbawa mula sa kasulatan tungkol sa pakikisangkot ng magulang sa desisyon ukol sa kasal. Ano ang dapat gawin ng mga magulang upang impluwensyahan ang proseso ng pagpili ng asawa? Ano ang dapat na pakikitungo ng Kristiyanong nasa hustong gulang sa kanilang mga magulang sa pagdedesisyon ukol sa kasal?
Ang Pagkakaibigan ng Magkasintahan Bago ang Kasal
Kung posible ang yugto ng panliligaw, pinakamabuti kung ang isang lalaki at babae ay makakapaglaan ng oras sa isa't isa sa iba't ibang sitwasyon. Pinahihintulutan sila nitong malaman kung paano kumilos, makisalamuha, tumutugon sa mga di-inaasahang sitwasyon, at humaharap sa mahihirap sa kalagayan ang isa't isa. Ang panahong ito na magkasama ay makakatulong sa kanila na maunawaan kung sila ay magiging magkasundo bilang mag-asawa.
Panatang Manatiling Malinis
► Dapat basahin ng mga estudyante ang 1 Tesalonica 4:1-8 at 2 Timoteo 2:19-22 para sa grupo.
Mapagmahal na nilalang ng Diyos ang mga lalaki at babae na may mga pagnanasa at kakayahan para sa pisikal at emosyonal na ugnayan. Dahil sa mga pagnanasang ito, ang mga magkaibigan na nagpaplano para sa posibleng pag-aasawa ay dapat layuning maging maingat sa kanilang relasyon sa isa't isa. Layunin ng Diyos na matupad ang mga pagnanasang ito sa loob ng isang eksklusibo at panghabam-buhay na kasunduan ng pag-aasawa.
[1]Kung hindi sasadyaing magsumikap ng isang lalaki at babae na maging maingat at malinis, malamang na sumuway sila sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tukso sa oras ng pagsubok. Ang pagsuway sa mga hinihingi ng Diyos para sa moral na kalinisan ay nakasasakit sa maraming paraan at nakakaapekto sa maraming tao, hindi lamang sa mismong lalaki at babae. Ang pagsuway ay nagdudulot ng pagsisisi, pagkaalipin, pagkakakonsensiya, kahihiyan, takot, pagdududa, at pagkasira ng mga relasyon.
Maraming pagpapala para sa mga sumusunod sa plano ng Diyos para sa kalinisan. Ang mga nagbibigay-pugay sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod ay maaaring makaranas ng lahat ng mabubuting bagay na inilaan niya para sa kanila. Sa halip na mga bunga ng pagsuway, sila ay magkakaroon ng kasiyahan at kapayapaan. Sila ay magtitiwala sa isa't isa. Sila ay magkakaroon ng malusog na relasyon sa Panginoon at sa isa't isa.
Ang mga pagpapala na ito ay malakas na motibasyon para sundin ang plano ng Diyos para sa kalinisan. Gayunpaman, ang pinakamalaking motibasyon ng mga mananampalataya para sa pagiging maingat sa larangang ito ay ang kanilang pagnanais na magdala ng karangalan sa Panginoong Jesus sa bawat bahagi ng buhay. Dapat magtanong ang isang magkasintahan, “Paano namin pinakamahusay na mapaparangalan ang Diyos sa aming relasyon? Paano namin pinakamabibigyan ng kaluwalhatian si Jesus?”
[2] Upang maiwasan ang mga hindi kaaya-aya na gawain, ang magkasintahan ay dapat mag-ingat tungkol sa anumang pag-usbong ng pisikal na kontak. Dapat nilang iwasan ang pagkakasama nang matagal na sila lang sa mga lugar kung saan nararamdaman nila na walang ibang makakaalam sa ginagawa nila. Natutukso ang mga magkasintahan kapag naging mas importante na ang pisikal na kontak sa kanilang relasyon kaysa sa komunikasyon. Maaaring mawalan sila ng kakayahan na harapin nang maayos ang mga usaping espirituwal at sa relasyon dahil ang kanilang isip at puso ay napapangibabawan ng pisikal na pagnanasa. Sa simula ng relasyon, magdesisyon kayo nang magkasama kung ano ang mga konkretong bagay na inyong gagawin (at hindi gagawin) sa inyong relasyon bago kayo magpakasal. Ang inyong plano ay dapat protektahan ang bawat isa laban sa kasalanan, tulungan kayong mahalin ang inyong magiging asawa, at magbigay kaluwalhatian sa Diyos. I-commit ninyo ang inyong mga sarili sa inyong plano. Managot kayo sa mga tagapayong may takot sa Diyos at makinig kayo sa kanilang payo at babala. Maglaan kayo ng oras kasama ang mga kaibigan at kamag-anak na may takot sa Diyos.
Mga Aktibidad na Nagtataguyod ng Pag-unlad
Ang panliligaw ay panahon ng pagkikilanlan, ngunit ito rin ay dapat panahon ng pag-unlad. Narito ang ilang ideya para sa mga aktibidad na maaaring gawin ng magkasintahan nang magkasama:
Gumawa ng mga proyekto sa trabaho.
Matuto ng kasanayan na bago sa inyong dalawa.
Magbasa at talakayin ang magagandang aklat.
Aralin o isaulo ang parehong mga teksto mula sa Biblia, pagkatapos ay talakayin ito.
Magplano at magsagawa ng mga gawain sa ministeryo nang magkasama.
Magbantay ng mga bata nang magkasama.
Maglaan ng oras sa pamilya ng isa't isa.
Ang mga aktibidad na ito ay:
Makakatulong sa lalaki at babae na magkakilala.
Tutulong sa kanila na malaman kung sila ay bagay silang magkasama.
Dadagdagan ang kanilang kakayahan na maayos na makipagkomunika sa isa't isa.
Tutulong sa kanila na umunlad.
► Alin sa mga alituntunin at ideyang ito para sa panliligaw ang bago sa iyo? Paano dapat ipatupad ng mga mananampalataya sa iyong konteksto ang mga alituntunin ng Biblia para sa kalinisan at pagpupugay sa Diyos sa mga relasyon bago ang kasal?
Mga Paksang Dapat Talakayin Bago ang Kasal
Sa mga kultura kung saan nagkakakilala ang magkasintahan bilang bahagi ng proseso ng paggawa ng desisyon, may mga importanteng usapin na dapat pag-usapan bago ang kasal.
Sa ilang kultura, ang mga kaayusan para sa kasal ay hindi nagpapahintulot sa masinsinang usapan bago ang kasal. Ang pinakamainam, ang mga magulang ay nagbibigay ng impormasyon upang siguraduhing bagay ang kabataang magkasintahan.
Sa mga kaso kung saan ang mga magpapakasal ay hindi gaanong kilala ang isa't isa, pinag-uusapan nila ang mga isyung ito pagkatapos ng kasal, ngunit hindi dapat maimpluwensiyahan ng mga isyung ito ang kanilang desisyon, sapagkat sila ay nangako na sa isa't isa at sa Panginoon.
Kapag mas magkatulad ang mga paniniwala, background, kultura, mga layunin sa buhay, at mga prinsipyo ng isang lalaki at babae, mas nagkakasundo sila bilang mag-asawa. Kung maaari, ang magkasintahan na nag-iisip na magpakasal ay dapat maglaan ng oras upang pag-usapan:
Ang kanilang mga layunin sa buhay
Ang mga prinsipyong mahalaga para sa kanilang dalawa
Ang kanilang sariling kabataan at ang paraan kung paano sila pinalaki
Ang kanilang relasyon sa kanilang mga magulang at iba pang kamag-anak
Ang kanilang personal na mga paniniwala at mga gawain ng pananampalataya, tulad ng personal na mga gawain sa espirituwalidad, pagdalo sa simbahan, at mga gawaing paglilingkod at ministeryo
Ang kanilang pang-unawa at mga paniniwala hinggil sa mga detalye ng pagpapalaki ng mga anak, kabilang ang pagtuturo, pagsasanay, pagdidisiplina sa mga anak, at pagtuturo sa kanila na kilalanin at sundin si Cristo
Ang kanilang pananaw sa pera, kasama na ang paggastos, pag-iipon, at pamumuhay sa mga panahon ng kahirapan
Anumang mga problema sa kalusugan o kapansanang pisikal o mental na mayroon sila, at mga problema sa kalusugan na karaniwan sa kanilang mga pamilya
Sa bahaging ito ng relasyon, dapat ninyong pag-usapan ang mahihirap at komplikadong paksa ng buhay. Kapag nangako na kayo sa Diyos at sa isa't isa, kasal na kayo sa hirap at ginhawa. Sa kasal, ang babae at lalaking mag-asawa ay pinagsasaluhan ang kanilang buong pagkatao, kaya't mahalaga ang tapat na komunikasyon bago ang kasal. Dapat mas nagiging bukas at malalim ang mga pag-uusap. Kung ang taong plano mong pakasalan ay hindi handa na pag-usapan ang mahahalagang bagay na ito, iyon ay isang malubhang babala.
Bago ang kanilang kasal, dapat pag-usapan ng magkasintahan ang kanilang mga paniniwala, inaasahan, at pagnanasa tungkol sa seksuwal na relasyon sa loob ng kasal. Ang pag-uusap tungkol sa seks nang masyadong maaga sa relasyon ay maaaring magdulot ng di-kinakailangang tukso, pero mahalaga itong pag-usapan bago ang kasal.
Nakakatulong para sa lalaki at babae na mag-aasawa:
Na magging magkatulad sa aspetong intelektuwal.
Na magkaroon ng magkaparehong inaasahan para sa buhay mag-asawa.
Na magkaroon ng magkatulad na mga paniniwalang doktrinal at mga kasanayang espirituwal.
Na magkaroon ng magkatulad na mga prinsipyo at gawi sa paggamit ng pera at oras.
Na magkaroon ng magkatulad na pang-unawa sa mga detalye ng buhay at sa pagpapalaki ng mga anak.
Mga Palatandaan ng Panganib sa Panliligaw
Inilista ni John Drescher ang walong problema na maaaring maging dahilan para pag-isipan ng isang lalaki o babae na tapusin ang pagliligawan:[3]
1. Madalas kayong magtalo ng iyong kaibigan.
2. Iniiwasan mong pag-usapan ang mga sensitibong paksa dahil natatakot kang masaktan ang damdamin ng kaibigan mo. Kung iniisip mo, “Mas mabuti sigurong hindi ko na lang sabihin ito” – ito ay isang palatandaan ng panganib. Ang pag-aasawa ay nangangahulugan na kailangan ninyong pag-usapan ang maraming bagay nang may tiwala at pagmamahal.
3. Ang inyong relasyon ay nagiging mas pisikal. Kapag mas marami kayong ginagawang pisikal bilang hindi pa kasal na magkasintahan, mas kaunti ang inyong matutunan sa pakikipag-usap gamit ang mga salita, tono ng boses, ekspresyon ng mukha, at body language. Ang mas madalas na pagyayakapan at mas madalang na pag-uusap ay maaaring totoong palatandaan ng panganib.
4. Nararamdaman mo na nananatili ka lang sa relasyon dahil sa kung anong uri ng takot. Halimbawa, “Gusto kong tapusin ang relasyon, pero ayokong makadismaya ng ibang tao.”
5. Hindi kayang tanggapin ng iyong kaibigan ang konstruktibong puna. Kapag nagkakamali ang iyong kaibigan, hindi ba siya handang humingi ng tawad? Nakasisira iyon ngayon, at mas makakasira iyon sa hinaharap, kung ikakasal kayo sa isa't isa.
6. May mga magulang o malalapit na kaibigan na tutol sa inyong relasyon at sa inyong posibleng kasal. Ito ay tiyak na palatandaan ng panganib at dapat mong pag-isipang tapusin ang relasyon. Totoo na hindi mo lang pakakasalan ang isang tao, kundi pati ang kanilang pamilya na magkakaroon ng malaking epekto sa kaligtasan at tagumpay ng inyong pag-aasawa.
7. Ang iyong kaibigan ay labis na seloso o mapagsuspetsa. Halimbawa, kung kinukwestyunin ng iyong kaibigan ang iyong salita, o sa ibang paraan ay hindi siya nagtitiwala sa iyo, ito ay isang palatandaan ng panganib. Ang kawalan ng tiwala ay makakasira sa anumang relasyong mag-asawa. Kaya't tapusin na ang relasyon habang maaari kung ang iyong kaibigan ay labis na seloso o hindi nagtitiwala.
8. Mayroon kang hindi magandang pakiramdam ukol sa relasyon; lalo na kapag magkasama kayo ng iyong kaibigan. Mayroon kang naiisip o nadarama na, “May mali.” Bigyan mo ng pansin ang kawalan ng kapayapaan sa loob mo!
[1]Ang pagsunod sa Diyos ay ang pagtitiwala na alam niya at nais niya ang pinakamabuti para sa iyo.
(Tingnan ang Kawikaan 3.)
[2]Ang iyong pagpipigil ngayon
ay isang regalo sa iyong magiging asawa sa hinaharap.
Mararamdaman ng iyong asawa na siya ay protektado at pinahahalagahan dahil sa iyong desisyon na sumunod sa Diyos.
Mararamdaman ng iyong asawa na labis mo siyang minamahal.
[3]Hango mula kay John Drescher, For Better, For Worse: A Premarital Checklist, (Morgantown, PA: Masthof Press, 1999), 30-31.
Konklusyon
Kawikaan 24:3-4, “Sa pamamagitan ng karunungan ay naitatayo ang bahay; at naitatatag sa pamamagitan ng kaunawaan. Napupuno ang mga silid sa pamamagitan ng kaalaman, ng lahat ng mahahalaga at kaaya-ayang kayamanan.”
Ang pagpili ng asawa ay isa sa pinakamahalagang desisyon na maaaring gawin ng isang tao. Nagagalak ang Diyos na tulungan ang kanyang mga anak na gumawa ng matatalinong desisyon habang iniisip at kinikilala ng mga ito ang mga posibleng mapapangasawa.
Para sa Talakayan ng Grupo
► Anong konsepto sa araling ito ang bago para sa iyo? Bakit ito mahalaga? Paano ka nito matutulungan sa iyong mga relasyon? Paano maaapektuhan ng pagkaunawa dito ang iyong pakikisama sa iba?
Panalangin
Ama naming nasa langit,
Salamat sa paggabay sa amin at pagtutustos sa amin. Salamat sa mga prinsipyong ibinigay mo sa amin sa iyong Salita na tumutulong sa amin na gumawa ng matatalinong desisyon ukol sa mga mahahalagang pagpapasya sa buhay.
Tulungan mo kaming isaisip ang mga prayoridad mo sa pagpili ng asawa. Tulungan mo kaming maging mga lalaki at babae na nais mo. Tulungan mo kaming maging mapagpakumbaba at makinig sa payo ng mga taong may takot sa Diyos.
Nais naming mamuhay nang banal, makabuluhan, at nagpaparangal sa iyo.
Amen
Mga Takdang Aralin
(1) Pumili ng bahagi ng araling ito na ituturo sa iyong konteksto ng ministeryo. Maaari mo itong ituro sa isang indibidwal o grupo ng mga kabataan. Sabihin mo sa lider ng inyong klase kapag natapos mo na ang pagtuturo sa labas ng klase.
(2) Sa pamamagitan ng pagsusulat, ilarawan ang mga katangian ng relasyon ng isang maka-Diyos na lalaki at babae sa inyong kultura, na nag-iisip na mag-asawa o may planong mag-asawa.
(3) May asawa ka man o wala, balikan ang listahan ng mga katangian na dapat hanapin sa isang magiging asawa. Basahin ang bawat sangguniang kasulatang ibinigay. Hilingin sa Diyos na ipakita sa iyo kung paano ka dapat umunlad.
(4) Kung ikaw ay single pa at may planong mag-asawa sa hinaharap, gumawa ng listahan na naglalarawan kung ano ang hinahanap mo sa isang asawa. Hindi mo kailangang ibahagi ito sa lider ng inyong klase, ngunit ipaalam lamang sa kanya na natapos mo ang takdang araling ito.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.