Lumaki si Christopher sa isang pamilyang Asian-American sa Estados Unidos. Mula noong teenager siya, nararamdaman niyang mas nagkakagusto siya sa mga lalaki kaysa sa mga babae. Ikinabahala at ikinahiya ng kanyang mga magulang ang interes ng kanilang anak. Bilang kabataang adult, siya ay nagkaroon ng sunud-sunod na mga relasyon sa mga lalaki. Inasam niyang makakita ng tunay na pag-ibig at commitment, pero nabigo ang bawat relasyon. Nagsimula siyang magkaroon ng mga imoral na relasyon sa maraming lalaki. Nagbago ang lahat para kay Christopher nang maging mananampalataya ang kanyang ina at ipinakita sa kanya ang pagmamahal at pagtanggap na hindi niya naranasan noon. Napagtanto niya na ang kanyang pangunahing pagkakakilanlan ay bilang isang tao sa imahe ng Diyos. Nagsisi siya at ipinailalim ang lahat ng aspeto ng kanyang buhay sa Diyos. Natagpuan niya ang kaligayahan at layunin sa kanyang relasyon sa Diyos.
Nagkasalang Kalikasan ng Tao at Mga Makasalanang Pagnanasa
Nang nilkha ng Diyos sina Adan at Eva, ginawa niya silang perpekto sa bawat aspeto, walang depekto o kakulangan (Genesis 1:31). Ninais lamang ng kanilang kalikasan ang tama at mabuti. Ang kanilang isip at katawan ay gumana sa paraang perpekto. Tapos pinili ni Adan na sumuway sa utos ng Diyos. Nang gawin niya ito, nagkaroon ng karumihan ang kalikasan ng tao (Roma 8:20-23). Naapektuhan ang katawan at isip ng tao. Kahit ang pinakamalakas at pinakamatalinong tao ay naapektuhan ng mga resulta ng kasalanan. Permanenteng sinira ng kasalanan ang dating perpekto. Walang sinuman sa mga Nilikha ang lubusang maghihilom hanggang sa bumalik si Cristo (1 Corinto 15).
Sa mga pinsalang nangyari sa ating kalikasan bilang tao at mga katawan, hindi natin dapat asahan na ang likas na mga pagnanais ng ating katawan ay palaging tama at nasa balanse. Ang katotohanan ay marami sa ating mga pagnanais ay wala nang balanse. Likas na ninanais ng mga tao ang mali. Natunghayan ni Jesus ang likas na pagiging makasalanan ng sangkatauhan nang ilista niya ang iba't ibang uri ng kasalanan na nagmumula sa puso (Marcos 7:21-22).
Sa araling ito, tatalakayin natin ang mga isyu ng sekswalidad. Sa lahat ng pagnanais ng tao, ang pagnanasang sekswal ang maaaring maging pinakamalakas.
Ang maling sekswal na pagnanasa ay tila natural sa isang taong nakakaramdam nito. Maaari niyang isipin na hindi siya dapat sisihin kung isasabuhay niya ang kanyang mga pagnanasa. Gayunpaman, dapat pigilan ng lahat ng tao ang kanilang likas na mga kagustuhan upang gawin ang tama. Maaaring mayroong natural na pagnanais ang isang tao na magsinungaling o magnakaw, o maging marahas, tamad, o mainipin. Hindi kasalanan ng mga tao kapag isinilang silang may depekto, ngunit nagiging guilty ang mga tao kapag sinusunod nila ang kanilang likas na mga pagnanasa at nagkakasala.
Minsan, ang pagkakaabuso noong kabataan o iba pang mga kalagayan sa kapaligiran ay nagiging sanhi para mahirapan ang isang tao sa mga impluwensiyang homosekswal o iba pang maling sekswal na pagnanasa. Gayunpaman, hindi dapat ituring na iba ang mga maling sekswal na pagnanasa sa iba pang mga makasalanang pagnanasa. Kailangan ng tao ang parehong biyaya para sa kaligtasan at paglilinis mula sa Diyos, anuman ang mga sanhi ng mga ito.
Hindi na dapat ikagulat ang katotohanan na tila normal na sa ibang tao ang mga maling pagnanasa. Sa pangkalahatan, ang kasalanan ay tila normal at natural sa taong may pagnanais para sa kasalanan.
Tayo ay likas na mga anak ng poot (Efeso 2:3). Ibig sabihin, tayo ay likas na makasalanan, at isinusumpa natin ang ating mga sarili sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kasalanan na natural sa atin. Ang katotohanan na isinilang ang isang tao bilang partikular na makasalanan ay hindi nangangahulugan na ito ay dapat sundin, kahit pa ito'y tila normal para sa kanya.
► Bakit hindi natin dapat sundin ang lahat ng ating likas na pagnanasa?
Sinasabi sa atin ng Biblia na tayo ay tinawag na maging katulad ni Cristo (Roma 8:29). Dapat nating isuot ang Panginoong Jesu-Cristo. Ang mga pagnanasa ng ating katawan ay hindi dapat maging batayan ng buhay. Sa halip, kailangan nating isuko ang mga maling kagustuhan sa awtoridad ng Diyos (Roma 13:14).
► Ano ang itsura ng pagsusuko ng ating mga maling kagustuhan sa awtoridad ng Diyos?
Ang iyong mga pagnanasang sekswal ay dapat isuko sa iyong pangunahing layunin, na magbigay-luwalhati sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapakita ng imahe ng Diyos. Ang buhay na sumusunod kay Cristo ay isang buhay na tugma sa imahe ng Diyos na mayroon ka.
Pagkakakilanlan ng Tao
Tamang Pag-unawa sa Pagkakakilanlan ng Tao
Maraming tao ang maling naniniwala na maaaring pagkatiwalaan ang kanilang kalikasan bilang tao na magdadala sa kanila sa tamang landas. Tila makatwiran sa kanila na ang mga pagnanasa na nagmumula sa sarili nilang kalikasan ang magdadala sa kanila ng kasiyahan. Hindi nila maintindihan na hindi mapagkakatiwalaan ang kanilang kalikasan dahil ito ay nasira ng kasalanan. Ang mga natural na pagnanasa ng isang tao ay hindi magdadala sa kanya ng kasiyahan dahil sira na ang kanyang mga pagnanasa. Gayundin, hindi rin dadalhin ang isang tao ng mga natural niyang pagnanasa, bukod sa Diyos, para gawin ang tama sa moralidad.
Maraming naniniwala na dapat nilang sundin ang sarili nilang mga pagnanasa at emosyon upang lumikha ng sariling layunin sa buhay. Naniniwala sila na mahalagang magkaroon ng personal na pagkakakilanlan na hindi nakabatay o limitado sa anumang awtoridad o moral na mga pangangailangan. Iniisip nila na dapat magpasya ang mga indibidwal kung ano ang tama at mahalaga para sa kanilang sarili. Pinagkakatiwalaan nila ang kanilang sariling kalikasan para dalhin sila sa tamang landas. Hindi sila pabor sa mga institusyon o mga patakarang naglilimita sa kanilang kilos. Ang korap na kalikasan ng tao ang nagiging pamantayan para sa etika na kapalit ng Salita ng Diyos.
Dahil ang sekswalidad ay isang makapangyarihang bahagi ng kalikasan ng tao, itinuturing ng maraming tao na ang mga pagnanasang sekswal ay sentro ng kanilang pagkakakilanlan. Iniisip nila na kinakailangan nilang sundin ang kanilang mga pagnanasang sekswal upang tunay na maging kanilang sarili. Iniisip ng mga tao na ang sekswalidad ay hindi lamang ang kanilang mga nais o ginagawa, ito ay kung sino sila. Ginagawa nila itong kanilang pagkakakilanlan.
Taliwas sa pananaw ng mundo, sinasabi sa atin ng Biblia na tayo ay nilikha sa imahe ng Diyos, dinisenyo para sa mga layunin ng pakikipagrelasyon sa Diyos. Ito ang ating tunay na pagkakakilanlan bilang mga tao.
Walang anuman sa ating buhay sa lupa ang makapagbibigay sa atin ng ating pangwakas at tunay na pagkakakilanlan. Ang mga katangian ng ating buhay sa lupa ay iyong mga kalagayan na nararanasan natin sa kasalukuyan. Hindi iyon ang bumubuo ng pagkatao natin. Ang ating lahi, katayuan sa lipunan, o kalagayan sa ekonomiya ay hindi ang ating pagkakakilanlan, iyon ang ating kalagayan. Maaaring doktor ang isang tao, isang artista sa entablado, o isang lider ng bansa, ngunit ang taong iyon ay nakatayo sa harap ng Diyos bilang nilalang ng Diyos sa imahe ng Diyos, at ang pagkakakilanlan na iyon ang pinakamahalaga.
Ang ating sekswalidad ay isang makapangyarihang bahagi ng ating kalagayan. Mayroon tayong mga sekswal na hilig, pagnanais, at pagkadismaya. Ngunit hindi ang mga bagay na ito ang ating pagkakakilanlan; ito ay bahagi ng ating kalagayan.
Ipinanganak tayong likas na makasalanan dahil ang kasalanan ni Adan ay naghiwalay sa sangkatauhan mula sa Diyos (Roma 5:18). Ngunit kahit ang ating pagkamakasalanan ay hindi ang ating pagkakakilanlan; ito ay ang ating kalagayan, at ito'y maaaring baguhin sa pamamagitan ng biyaya at kapangyarihan ng Diyos (Roma 5:19).
► Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pagkakakilanlan ng isang tao at ng kalagayan ng isang tao?
Pagkakakilanlan ng Tao at Personal na Etika
Ang pagkakakilanlan ay mahalaga dahil ibinabatay ng isang tao ang kanyang etika sa kanyang pagkakakilanlan. Ang etika ay ang mga prinsipyong tumutukoy sa tama o maling kilos. Kung iniisip ng isang tao na ang kanyang seksuwalidad ang kanyang pagkakakilanlan, maniniwala siya na tamang sundin ang kanyang mga seksuwal na pagnanasa.
Minsan, sinasabi ng isang tao na, “Ganito ako ipinanganak; natural sa akin na gawin ito; kaya hindi ito mali para sa akin.” Ngunit itinuturo ng Biblia na tayong lahat ay ipinanganak na likas na makasalanan (Roma 5:12, Efeso 2:3). Hindi tama para sa atin na sundin ang ating makasalanang kalikasan dahil ito'y tila natural sa atin.
Ang ating makasalanang kalikasan ay hindi ang tunay nating pagkakakilanlan. Ang ating makasalanang kalikasan ay ang ating kalagayan. Ang ating seksuwalidad ay hindi ang ating pagkakakilanlan. Sa halip, ang pagkakakilanlan natin ay mga nilalang na ginawa sa imahe ng Diyos. Kung tatanggapin natin ang katotohanang ito, mauunawaan natin na ang Diyos ang nagtatakda kung ano ang tama at mali, at tayo ay may pananagutan sa kanya. Ang ating pagkakakilanlan ay tumutulong sa atin na maunawaan ang tamang pamantayan ng banal na pag-uugali.
► Paano nakakaapekto ang pag-unawa ng isang tao sa kanyang pagkakakilanlan sa kanyang etika?
Tamang Pag-unawa sa Kasarian
Pamilyar tayo sa katotohanan na ang mga tao at maraming hayop ay nahahati sa lalaki at babae. Maaaring ipagpalagay din natin na ang Diyos ay lalaki o babae, pero mali iyon. Ang Diyos ay isang nilalang na may kalikasan na mas makapangyarihan kaysa sa kasarian, na umiral bago pa man umiral ang kasarian. Ang parehong kasarian ng tao ay nagmula sa imahe ng Diyos (Genesis 1:27). Ang parehong kasarian ng tao ay mga pagpapahayag ng imahe ng Diyos.
Ang larawan ng Diyos ay hindi lamang isang bahagi ng kalikasan ng tao. Ang larawan ng Diyos ay hindi lamang ilang partikular na katangian na ibinigay sa atin tulad ng kakayahang magmahal, pagpapahalaga sa kagandahan, at pag-unawa sa tama at mali. Ang buong kalikasan ng tao ay pagpapakita ng imahe ng Diyos. Walang iba kundi ang imahe ng Diyos ang maaaring ituring na esensya ng ating pagkatao. Pangunahin tayong mga nilalang sa imahe ng Diyos. Walang bahagi ng ating kalagayang pantao ang dapat payagang maging pangunahing pagkakakilanlan o batayan ng ating etika.
Ang pagpili ng Diyos ng kasarian para sa bawat tao ay bahagi ng kanyang plano kung paano ipapakita ng taong iyon ang imahe ng Diyos. May mga taong tumatanggi na tanggapin ang kasariang ibinigay ng Diyos sa kanila. Maaaring subukan nilang mabuhay bilang tao na kabaligtaran ang kasarian. May mga tao pa ngang sinusubukang baguhin ang kanilang pisikal na katawan sa pamamagitan ng pagpapaopera. Ito ay isang malupit na pinsala sa likha ng Diyos, sapagkat hindi mababago ng isang tao ang kasarian sa pamamagitan ng pagbabago ng pisikal na katawan. Bawat tao ay lalaki o babae sa kabuuan ng kanilang kalikasan - hindi lamang sa pisikal. Nais ng Diyos na tayo'y magbigay kaluwalhatian sa kanya at ipakita ang kanyang imahe sa kasarian na ibinigay niya sa bawat isa sa atin.
Pamantayang Moral ng Diyos
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Hebreo 13:4 para sa grupo.
Sinasabi sa atin ng bersikulong ito na ang pag-asawaay dapat lubusang igalang. Ang kasalanang sekswal ay pag-aalipusta sa kasal. Huhusgahan ng Diyos ang sekswal na imoralidad.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1 Corinto 6:18 para sa grupo.
Kasama sa mga kasalanang sekswal ang mga malilibog na pantasya, pakikiapid, pangangalunya, incest, panggagahasa, pangmomolestiya ng bata, gawaing homoseksuwal, at paggamit ng pornograpiya.
Malilibog na pantasya: Kusang pag-iisip ng gawaing sekswal kasama ng sinuman na hindi ang iyong asawa.
Pakikiapid: Gawaing sekswal sa pagitan ng mga taong hindi kasal.
Pangangalunya: Gawaing sekswal na kasama ang isang taong kasal sa ibang tao.
Incest: Gawaing sekswal kasama ang isang malapit na kamag-anak na hindi ang iyong asawa.
Panggagahasa: Sekswal na pang-aabuso, pamimilit sa isang tao na makipag-sex nang labag sa kanyang kagustuhan.
Pang-aabuso ng Bata: Gawaing sekswal kasama ang isang tao na wala pa sa sapat na gulang o kakayahan upang gumawa ng naturang desisyon o kontrolin ang mga pagnanasang sekswal.
Gawaing Homoseksuwal: Gawaing sekswal sa pagitan ng mga magkakaparehong kasarian.
Pornograpiya: Mga sulatin, larawan, at video na idinisenyo upang magdulot ng mga reaksyong sekswal sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagkahubad o gawaing sekswal.
Lahat ng ito ay paglabag sa relasyon ng mag-asawa.
Tandaan—bawat kagustuhang humihikayat sa atin sa laman ay pagsasamantala sa pangangailangan na mas maibibigay ng Diyos. Ang tanging konteksto para sa makadiyos na seks ay seks sa pagitan ng mag-asawa. Ang bawal na seks ay… agad na nakasisiya, pero ito'y isang bagay na magdudulot ng lason sa ating espiritwal na kagustuhan hanggang tayo'y maghangad ng bagay na sa huli ay makakasira sa atin. Ang bawal na seks ay walang ibang magagawa kundi bawasan pa ang ating sensitibidad sa kabanalan, katuwiran, at presensya ng Diyos sa ating buhay.[1]
Sa maraming sipi, nagbabala ang Kawikaan na ang imoralidad sa sekswalidad ay sumisira sa buhay ng isang tao at humahantong sa kamatayan (Kawikaan 2:16-19 at Kawikaan
6:24-29, 32-33 bilang halimbawa).
Isinulat ni Robertson McQuilkin na
[Ang layunin ng Diyos para sa sekswalidad ng tao] ay nilalabag sa isipan nang halos kasinglala ng paglabag ng aktuwal na gawain. Hindi Niya lamang nilikha ang lalaki at babae; nilikha Niya sila para sa isa't isa sa isang malapit, at permanenteng ugnayang mag-asawa, isang pagkakaisa na sinasalamin ang Kanyang sariling kalikasan. Para makamit ang mataas na layuning ito, ang pagiging malapit sa isa’t isa ay dapat eksklusibo at ang pangako ay dapat permanente, kung hindi, hindi ito pagkakaisa. Ang katapatan ay lalong mahalaga sa isipan. Ang eksklusibong intimacy, permanenteng commitment, at tiwala sa isa't isa ay unang nilalabag sa isipan.[2]
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang 1 Corinto 6:9-11, 15-20 at Mateo 5:27-30 para sa grupo.
Bawat lipunan ay may mga kultural na pananaw ukol sa mga relasyon sa pagitan ng mga lalaki at babae. Ang mga kultural na pananaw na ito ay may mas mababang pamantayan kaysa sa pamantayan ng biblikal na moralidad. Maraming kultura ang may mga tuntunin lamang na kinakailangan para pagpapanatili ng kaayusan ng lipunan. Tinatanggap nila ang mga sekswal na kasalanan kung ito'y maingat na pamamahalaan upang maiwasan ang masasamang kahihinatnan o eskandalo. Ang biblikal na pamantayan ng moralidad ay naiiba.
Nakakalungkot na sinusunod ng ilang simbahan ang moralidad ng kanilang kultura kaysa sa moralidad ng Biblia. Pinarurusahan nila ang mga taong nagkasala nang lantaran at walang ingat, ngunit hinahayaan nila ang mga parehong kasalanan ng mga taong mas maingat na itinago ang kanilang kasalanan o nakontrol ang mga bunga nito.
Sinasabi sa atin ng mga bersikulong ito na ang mga taong gumagawa ng mga kasalanang ito ay hindi mga mananampalataya at hindi makakarating sa langit. Ang ilan sa mga mananampalataya sa Corinto ay nakagawa ng mga kasalanang ito sa nakaraan, ngunit sila'y nailigtas mula sa mga iyon.
Anumang doktrina na pumapayag sa alinman sa mga kasalanang ito para sa taong nagpapahayag na siya'y mananampalataya ay isang huwad na doktrina. Kung sinasabi ng isang tao na tagasunod siya ni Cristo ngunit gumagawa ng mga sekswal na kasalanan, inuutusan ng Kasulatan ang iglesia na alisin siya sa iglesia at huwag ituring na mananampalataya (1 Corinto 5:11-13).
Ang mga lider ng simbahan ay dapat magbigay ng mabuting halimbawa sa kanilang pag-uugali. Kapag pinapayagan ng isang simbahan ang mga lider sa pagsamba na magdamit nang hindi maayos o pinapayagan ang mga sensuwal na uri ng sayaw sa simbahan, ito'y nagpapahiwatig na normal lang ang mga maling pagnanasang sekswal. Nagpapahiwatig ito na ang kasalanang sekswal ay hindi malubha.
Maaaring ipahiwatig ng estilo ng pananamit ng isang lipunan na ang isang tao ay hindi maayos na nakadamit kung hindi nagpapakita ng katawan para sa sekswal na pang-aakit. Minsan, ang mga miyembro ng simbahan ay nahuhulog sa pagkakamaling ito, lalo na sa mga espesyal na okasyon. Iniisip nila na hindi sila maayos na nakadamit maliban kung sinusunod nila ang uso sa lipunan. Dapat ituro ng simbahan na mali ito. Hindi dapat gustuhin ng isang mananampalataya na magdulot ng maling pagnanasa sa iba. Sinasabi sa 1 Timoteo 2:9-10 na ang mga mananampalataya ay dapat magdamit at kumilos nang naaayon sa paraan na alam ng sinumang nakakita sa kanila na sila'y namumuhay nang maingat at dalisay at hindi handa na magkasala o manukso ng iba para magkasala.
[1]Gary Thomas, Sacred Marriage (Grand Rapids, MI: Zondervan, 2000), 210.
[2]Robertson McQuilkin, An Introduction to Biblical Ethics, 2nd ed. (Wheaton, IL: Tyndale House Publishers, Inc., 1995), 216.
Pornograpiya
Ang pornograpiya ay mga sulatin, larawan, o mga video na idinisenyo upang magdulot ng mga sekswal na reaksyon sa pamamagitan ng pagpapakita ng paghuhubad o gawaing sekswal.
Pinapadali ng internet ang access sa pornograpiya sa buong mundo. Maraming mas matandang pastor at lider ang hindi nakaranas ng parehong mga tukso dahil wala pa noong internet noong kanilang kabataan. Maaaring hindi nila gaanong nauunawaan ang kinakaharap ng mas batang henerasyon. Ngunit dapat turuan ang mga tao na gamitin ang mga prinsipyong biblikal sa kanilang mga pinipiling libangan.
Mali ang pornograpiya sapagkat ito ay idinisenyo upang udyukan ang isang tao na mag-isip ng mga gawain ng pakikiapid, pangangalunya, at maraming uri ng sekswal na kabuktutan. Ito'y kaakit-akit sa taong may mga makasalanang pagnanasa. Inaanyayahan at pinahihintulutan ng pornograpiya ang isang tao na lumahok sa mga imoral na gawain na kinukundena ng Diyos. Sinabi ni Jesus na kasalanan ang pagpili na isipin ang mga bagay na ito (Mateo 5:28).
Mali rin ang pornograpiya dahil ito ay nagpapababa ng halaga ng mga tao at relasyon. Ibinababa nito ang seks sa isang makasariling aktibidad. Tinatrato nito ang mga tao na parang mga bagay na magagamit para sa personal na kaligayahan sa halip na pahalagahan ang mga tao bilang nilalang sa imahe ng Diyos, na idinisenyo para sa malulusog na relasyon.
Ang pornograpiya ay nakakaadik. Ang pornograpiya, tulad ng kasalanan sa pangkalahatan, ay nakabibihag (Juan 8:24, 2 Pedro 2:19). Ang taong gumagamit ng pornograpiya ay nakakaramdam ng matinding pangangailangan para dito. Halos hindi niya maisip ang mabuhay nang walang ito. Sa kanya, tila magiging walang saysay at hindi nakakatuwa ang buhay kapag wala ang mga imahinasyon na nakukuha niya mula sa pornograpiya. Tulad ng iba pang adiksyon, ang lalamunin ka ng pagnanasa, at magsisimulang isakripisyo ng gumagamit ang mga magagandang bagay sa kanyang buhay.
[1]Ang pornograpiya ay lumalala. Kailangan ng gumagamit ang materyal na mas mahalay at bulgar. Magsisimula siyang masiyahan sa mga imahinasyon na dating ikinasusuklam at ikinakabahala niya.
Ang pornograpiya ay nakakasira. Nababawasan ang kakayahan ng gumagamit na masiyahan sa normal na relasyon. Ang kanyang mga pagnanasa ay nagiging sobrang hindi natural, na hindi na siya masiyahan kahit kailan. Nagiging insensitibo siya sa pagmamalupit sa iba at handang pagdusahin ang iba para sa kanyang kaligayahan.
Mga Ilang Epekto ng Pornograpiya
Ang pag-iisip sa mga aksyong ipinakikita sa pornograpiya ay nakakaapekto sa isipan at katawan ng mga manonood na parang sila mismo ang gumagawa ng mga aksyong ito.
Nagpapakita ang pornograpiya ng mga hindi makatotohanang sitwasyon na nagiging sanhi para magkaroon ang utak ng mas malalakas na tugon sa kasiyahan kumpara sa anumang natural na pakikipagtatalik.[2] Ang utak ay umaangkop sa hindi makatotohanang mataas na antas ng kemikal ng kaligayahan. Dahil dito, patuloy na naghahanap ang utak ng mas maraming pornograpiya, at mas mahalay na pornograpiya para mapanatili ang kaligayahan ng mga manonood. Ang mga pagbabago sa kemikal sa utak ay maaaring humantong sa kawalan ng kakayahan ng isang tao na magkaroon o tamasahin ang natural at totoong sekswal na karanasan. Ang bahagi ng utak na nagpapahintulot sa atin na magdesisyon ay nasisira din dahil sa sobrang dami ng kemikal ng kaligayahan.
Dinisenyo ng Diyos ang mga karanasang sekswal para pagtibayin ang mga relasyon. Pinag-iisa sa emosyon at pinagtitibay ang relasyon ng mag-asawa ang hormone na lumalabas sa utak kapag nakikipagtalik. Ito ay kahanga-hangang biyaya sa loob ng pag-aasawa. Gayunpaman, ang panonood ng pornograpiya ay emosyonal na nagtatali sa manonood sa mismong pornograpiya.
Ang pagkakakonsensya at kahihiyan dahil sa paggamit ng pornograpiya ay naghihiwalay sa mga tao, at pumipigil sa kanilang makakonekta sa ibang tao sa malulusog na relasyon. Sinisira din nito ang tiwala sa loob ng relasyong mag-asawa.
Dahil nagdudulot ito ng hindi balanseng kemikal sa utak, ang paggamit ng pornograpiya ay maaaring magdulot ng mental depression para sa tagapanood.
Ang mga eksena na ipinakikita sa pornograpiya ay maaring humantong sa karahasan at pang-aabuso sa mga totoong relasyong sekswal.
Dapat balaan ng mga Pastor at magulang ang mga kabataan tungkol sa panganib ng pornograpiya. Hindi dapat bigyan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng walang limitasyong access sa internet kapag wala pa itong sapat na maturity upang labanan ang tukso. Ang sinumang natutukso na gumamit ng pornograpiya ay dapat sabihin ang mga tagumpay o kabiguan sa isang mapagkakatiwalaan at maka-Diyos na tao. Ang mga regular na checkup sa isang mas may karanasang mananampalataya ay makakatulong sa taong nahihirapang mapanatili ang kanilang pangako sa pagkadalisay at patuloy na magtagumpay.
► Anu-anong pamamaraan ang mairerekomenda mo sa mga tao upang matulungan silang protektahan ang kanilang sarili mula sa adiksyon sa pornograpiya? Paano makakatulong ang simbahan?
“Gusto ni Satanas na 'nakawin, patayin, at sirain' (Juan 10:10) ang iyong sekswal na kasiyahan, at pornograpiya ang kanyang piniling kasangkapan. Ang pornograpiya ay nangangako ng sekswal na kasiyahan, ngunit sa totoo lang, inaalis nito ang kakayahan natin na tamasahin ‘yong totoo.”
-Ang Laban para sa Kalayaan
[2]Lahat ng impormasyon sa talata na ito at sa susunod na apat na talata ay kinuha mula sa https://thefreedomfight.org, isang inirerekomendang resource na nakabatay sa Bibliya para sa mga nagnanais na lumaya mula sa pagkaadik sa paggamit ng pornograpiya.
Pang-aabuso sa mga Bata/Panggagahasa
Ang pang-aabuso sa mga bata ay pagkakaroon ng gawaing sekswal kasama ng isang bata. Ito ay baluktot na uri ng seks. Ito ay masama sa maraming dahilan, kabilang ang:
Ito'y labag sa mabubuting intensiyon ng Diyos para sa sekswalidad sa loob ng kasunduan ng pag-aasawa (Hebreo 13:4).
Inaalis nito ang pagkainosente ng bata – may karanasan na ang bata sa mga bagay na hindi pa nila dapat malaman.
Inaalisan nito ng virginity ang bata (1 Tesalonica 4:3-7).
Nagbibigay ito sa bata ng maling damdamin ng pagkakasala; ang bata ay nasa maling gawain ngunit wala siyang magawa o hindi siya pinapayagang tumanggi.
Dahil dito, napipilitan ang bata na gumawa ng mga desisyon tungkol sa sekswalidad na wala pa siyang sapat na maturity na gawin.
Dahil dito, mas malamang na pumili ang bata ng imoral na asal sa hinaharap dahil pakiramdam nila ay marumi o wala silang halaga (Mateo 18:6).
Pinapatindi nito ang tukso para sa bata na makisangkot sa baluktot o mapang-abusong gawain sa hinaharap.
Inaabuso nito ang mga taong madaling pagsamantalahan at hindi kayang ipagtanggol ang kanilang sarili.
Nakakapinsala ito sa nilikha sa imahe ng Diyos, na walang katapusan ang halaga (Genesis 1:27).
Minsan, ang pang-aabuso sa mga bata ay nangyayari sa mga pamilya at sa mga kaibigan. Maaaring hindi ito maisip dahil ang mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan ay pinagkakatiwalaan, at natatakot ang bata na sabihin sa kahit na sino ang nangyari.
Ang panggagahasa ay pisikal na pamumuwersa sa isang tao (bata man o matanda) na gumawa ng sekswal na gawain nang wala ang kanilang pahintulot. Ang panggagahasa ay masama dahil sa maraming parehong dahilan na ang pang-aabuso sa mga bata ay masama (Deuteronomio 22:25-27).
Isa pang uri ng pang-aabusong sekswal ang sex trafficking. Sa buong mundo, mga bata at kabataan ay kinikidnap ng mga hindi nila kakilala o ibinebenta ng kanilang mga kapamilya at ginagamit para sa prostitusyon o sa paggawa ng pornograpiya. Minsan, ang mga pamilyang mahihirap ay hindi nagagawang protektahan ang kanilang mga anak mula sa masamang negosyong ito dahil sa kanilang desperasyon sa pera. Mayroong kumikita, ngunit ang mga bata ay hindi lamang pisikal na nasasaktan, kundi lubos na nasasaktan sa kanilang pag-iisip at damdamin. Ito ay makasalanang pagsasamantala sa mahihirap at madaling pagsamantalahang tao na huhusgahan ng Diyos (Kawikaan 14:31).
Ang mga kasalanang ito laban sa mga bata ay labis na ikinalulungkot ng Diyos (Mateo 18:10-14, Awit 146:7-9). Ang mga gumagawa ng mga kasalanang ito ay hindi makakaligtas sa parusa (1 Tesalonica 4:6, Ezekiel 7:8-9). Ang mga mananampalataya ay dapat magkaroon din ng pagmamahal at habag na nasa puso ng Diyos at sikaping ipagtanggol, iligtas, at pagalingin ang mga naaapi (Kawikaan 24:11-12, Job 29:12-16, Awit 72:12-14).
Pagpaparaos
Ang pagpaparaos o masturbation ay ang pag-stimulate sa sariling ari para sa sekswal na kaligayahan o upang maibsan ang sekswal na tensyon.
Hindi lantarang kinukundena ng Biblia ang pagpaparaos bilang imoral. Gayunpaman, ang pagpaparaos ay maaaring humantong sa mga makamundong pag-iisip, paggamit ng pornograpiya, at pakikiapid, na lahat ay mga kasalanan (Mateo 5:27-28, Mateo 15:19-20).
Hindi rin matalino ang pagpaparaos o masturbation dahil nakakaadik ito: mas madalas mo itong gawin, mas mararamdaman mong kailangan mo itong gawin.
Minsan, ang di-mapigilang pagpaparaos o masturbation ay nakaugat sa mas malalim na usapin, tulad ng mga problemang emosyonal o relasyonal, o mga nakaraang sekswal na pang-aabuso.
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang 1 Corinto 6:12-13, 18-20 at 1 Tesalonica 4:1-8 para sa grupo.
Dinisenyo ng Diyos ang pisikal na pagkakaisa sa pag-aasawa upang tulungan ang emosyonal at espirituwal na pag-kakaisa ng mag-asawa (1 Corinto 6:16-20, Malachi 2:15).
Marami… ang nag-aakala na ang pagpaparos o masturbation ay makakatulong sa kanila na malampasan ang pagiging single hanggang sila ay magpakasal. Pero hindi nila naiisip na kapag nakasanayan nila itong gawin, maaari nitong sirain ang kagandahan at tamis ng pakikipagtalik sa iyong asawa sa hinaharap.
Ang pagpaparaos ay nagbibigay ng karanasan sa sekswalidad nang wala ang mahalagang layunin ng seks: ang pag-iisa ng dalawang tao upang maging iisang laman, sa paraang pisikal at emosyonal… Hindi dapat gamitin ang pagpaparaos o masturbation bilang kapalit ng malusog at normal na gawaing sekswal sa pag-aasawa.[1]
Ano ang dapat gawin ng isang taong wala pang asawa kung ang problema nila sa buhay ay pagpaparaos o masturbation? Kahit ang isang tao ay nagpaparaos lamang upang maibsan ang sekswal na tensyon, pinakamainam pa ring iwasan ito, dahil sa mga tuksong kaakibat nito at dahil hindi natutupad ng pagpaparaos ang mga layunin ng Diyos para sa sekswalidad.
Kung mayroong anumang uri ng imoralidad sa kanilang buhay, dapat nila itong aminin at iwasan. Dapat regular at madalas silang magbigay ng ulat tungkol sa kanilang mga tagumpay at kabiguan sa isang maka-Diyos at mas matandang tagapayo na magdarasal at magbibigay ng payo para sa kanila.
Kung ang pagpaparaos ay bunga ng mga emosyonal o relasyonal na problema o mga naranasang sekswal na pang-aabuso, angkop ang humingi ng counseling mula sa isang propesyonal na Kristiyanong counselor.
[1]Dr. Tim Clinton and Dr. Diane Langberg, The Quick-Reference Guide to Counseling Women, (Grand Rapids, MI: Baker Books, 2011), 185.
Ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Gawaing Homosekswal
Dinisenyo ng Diyos ang kasal upang maging panghabang-buhay at nakatuon na relasyon sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Nakita ng Diyos na kailangan ni Adam ng katuwang (Genesis 2:18). Ang salitang katuwang ay nangangahulugang taong katumbas ng isa pa, na nagiging katulong sa pamamagitan ng pagiging magkaiba sa makabuluhang paraan. Nilikha ng Diyos ang isang babae at hindi isa pang lalaki na maging katuwang ni Adan (Genesis 2:22). Ang pagtatapos ng kuwento ng paglikha ay nagbibigay ng pangkalahatang prinsipyo ng pag-aasawa para sa lahat ng tao – sa pag-aasawa, ang isang lalaki at isang babae ay naging isa sa isang natatanging paraan (Genesis 2:24).
Nagsalita si Jesus tungkol sa disenyo ng Diyos para sa pag-aasawa (Mateo 19:4-6). Tinukoy niya ang sipi sa Genesis at sinabi na ang isang lalaki at babae ay nagsasama upang maging isa sa isang natatangi at permanenteng relasyon.
Maraming pahayag si Apostol Pablo tungkol sa pag-aasawa. Sinabi niya na ang kasal ay isang ilustrasyon na nagtuturo sa atin tungkol sa relasyon sa pagitan ni Cristo at ng iglesia (Efeso 5:22-33). Sa buong sipi ng Efeso, nagpahayag siya tungkol sa relasyon sa pagitan ng mga lalaki at kanilang mga asawa. Binalikan niya ang pahayag mula sa Genesis at Mateo tungkol sa espesyal na relasyon sa pagitan ng isang lalaki at ng kanyang asawa (Efeso 5:31). Maliwanag sa siping ito na ang pag-aasawa ay relasyon sa pagitan ng isang lalaki at isang babae.
Sa aklat ng Levitico, ibinibigay ang mga detalyadong aplikasyon ng batas ng Diyos sa Israel. Ipinapahayag nito na ang pakikipagsiping ng isang lalaki sa isa pang lalaki tulad ng sa isang babae ay kasuklam-suklam na bagay (Leviticus 18:22). Ang parusa para sa gawaing homoseksuwal ay kamatayan para sa parehong kalahok, dahil pareho silang gumawa ng kasuklam-suklam na bagay (Levitico 20:13).
Minsan, sinasabi ng ibang tao na hindi na naaangkop ang Levitico sa mga modernong tao. Totoo na may ilang utos sa Levitico na may seremonyal na kahulugan. Gayunpaman, ang mga utos sa Levitico 18-20 ay nagbabawal din ng iba pang mga sekswal na kababalaghan tulad ng pakikipagtalik sa malalapit na kamag-anak, pakikipagtalik sa mga hayop, at prostitusyon ng anak na babae. Ipinagbabawal ng iba pang mga utos sa mga kabanatang ito ang pag-aalay ng anak, pagnanakaw, pagsamba sa mga idolo, pang-aabuso sa mga bingi o bulag, pang-aapi sa mahihirap, pang-aapi sa mga dayuhan, at paggamit ng mga pekeng na timbangan. Maliwanag na ang mga utos na ito ay mga aplikasyon ng mga pamantayan ng Diyos sa moralidad at katarungan na naaangkop sa lahat ng tao sa lahat ng lugar para sa lahat ng panahon.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 1:18-32 para sa grupo.
Ang siping ito ay nagsisimula sa pahayag na ang hatol ng Diyos ay darating sa lahat ng taong malinaw na sumusuway sa Diyos. Sinasabi ng siping ito na matapos talikuran ng mga tao ang kaalaman tungkol sa iisang totoong Diyos, ang Lumikha, sila ay nagiging idolatrous, at sumasamba ng mga bagay. Ang kanilang pagtanggi sa katotohanan ay humantong sa mga sekswal na kasalanan, at umabot sa punto ng gawaing homoseksuwal. Sinasabi ng sipi na ang pagtatalik sa pagitan ng mga taong may parehong kasarian ay labag sa natural na kalagayan. May ilang nagsasabi na ang siping ito ay tumutukoy sa panggagahasang homoseksuwal, ngunit sinasabi ng sipi na ang mga tao ay magkasamang gumawa ng mga maling bagay at tinanggap ang hatol para dito, kaya tinutukoy nito ang kusang-loob na paglahok sa gawaing iyon. Binabanggit ng sipi ang maraming uri ng kasalanan at inilalarawan ang ugali ng pagsuway laban sa Diyos.
Ipinailalim ng Apostol Pablo ang gawaing homoseksuwal sa iba pang mga kasalanan na kinukundena ng Diyos (1 Corinto 6:9-10, 1 Timoteo 1:9-10).
Ang Mga Responsibilidad ng Simbahan
May ilang simbahan na nahihirapang makahanap ng paraan upang ipakita ang pagmamahal sa mga taong nasa pagkakasala sa sekswalidad. May mga simbahan na pinapalampas ang iba't ibang anyo ng kasalanang sekswal bilang normal, natural, at hindi maiiwasan.
► Ano ang ilang responsibilidad ng simbahan tungkol sa mga usapin sa sekswal na moralidad?
Pagtuturo at Pagmamahal sa Katuwiran
Minsan, ang simbahan ay tila hindi masyadong nababahala sa mga uri ng sekswal na imoralidad na iniisip nilang hindi gaanong nakasasama at hindi gaanong mahalay. Halimbawa, maaaring inaakala nila na maraming kabataang hindi pa kasal ang magkakaroon ng mga gawaing sekswal sa halip na turuan sila na magtagumpay laban sa tukso. Dapat itaguyod ng mga mananampalataya ang pamantayan ng Diyos para sa banal na pamumuhay at ireserba ang gawaing sekswal para sa kanilang magiging asawa.
Ang mensahe ng simbahan ay dapat katulad ng mga pahayag sa Biblia. Huhusgahan ng Diyos ang mga taong nagkakaroon ng gawaing sekswal sa labas ng pag-aasawa (Hebreo 13:4). Hindi dapat hangaan ng mga mananampalataya ang isang tao para sa imoral na gawaing sekswal. Hindi dapat magbiro ang mga tagasunod ni Cristo tungkol sa sekswal na imoralidad. Itinuturo ng mundo na ang sekswal na kasalanan ay dapat maingat na pangalagaan upang maiwasan ang pagbubuntis at sakit, ngunit mas mahalaga ang mensahe ng simbahan. Dapat ituro ng simbahan na ang sekswal na kasalanan ay nagdudulot ng kalungkutan, nakakasira ng mga pamilya, mas matinding tukso at kawalan ng kasiyahan, at pagkakakonsensiya.
Pagpapakalat ng Ebanghelyo
Dapat mahalin ng simbahan ang lahat ng makasalanan at mag-alok ng biyaya at pagpapatawad ni Cristo.
Hindi kasalanan ang makaranas ng tukso; kahit si Cristo ay natukso, subalit walang kasalanan (Hebreo 4:15). Hindi dapat iparamdam ng simbahan kinukundena at walang pag-asa ang isang tao dahil sa mga tukso, kahit ang mga tuksong gumawa ng mahahalay na gawaing sekswal. Hindi pare-pareho ang maling pagnanasa para sa lahat, ngunit ang lahat ay ipinanganak na likas na makasalanan at may mga espiritwal na kahinaan na nagdudulot ng mga maling pagnanasa.
Maaaring maramdaman ng isang pastor na hindi siya espesyal na sinanay para tulungan ang isang tao na may mga maling pagnanasa, ngunit maaari niyang payuhan at tulungan ang isang tao na may ganitong problema tulad ng isang tao na may ibang kasalanan. (Ang dalawang huling bahagi ng araling ito ay nag-aalok ng karagdagang espesyal na payo para tulungan ang mga mananampalataya na magtagumpay laban sa tukso ng kahalayan.)
► Paano dapat tumugon ang simbahan kapag nakagawa ang kasamahan sa simbahan ng sekswal na imoralidad?
Pagpapanumbalik sa Makasalanan
Nakasaad sa Galacia 6:1 na dapat subukan ng iglesia na ibalik sa dating kalagayan ang isang miyembro na nagkasala. Ito ay hindi nangangahulugan na dapat panatilihin ang isang tao sa isang posisyon sa ministeryo o agad na tanggapin ulit sa isang posisyon sa ministeryo matapos niyang magkasala. Ang pagbabalik-loob ay nangangahulugan na tanggapin siya ulit sa kapatiran at pag-aalaga ng iglesia. Kung tunay na nagsisisi ang miyembro, pinapatawad siya ng Diyos at ng iglesia. Ang iglesia ay dapat magbigay ng espiritwal na pananagutan upang tulungan siyang mapanatili ang tagumpay at maging matatag sa aspetong espirituwal. Habang ang isang naibalik na mananampalataya ay namumuhay na may pananagutan, maaari niyang unti-untiing ibalik ang tiwala ng kanyang pamilya sa pananampalataya.
Kapag ang isang dalagang hindi kasal ay nabuntis, hindi siya dapat tanggalin ng iglesia sa pagkakapatiran at pag-aalaga ng iglesia nang hindi sinisikap ang espirituwal na pagbabalik-loob. Kung siya ay nagsisisi at nagpapailalim sa espirituwal na pananagutan, mapapatawad siya. Hindi mas masama ang kanyang kasalanan kaysa sa kasalanan ng lalaki na kasangkot. Minsan, ang babae ay tinatrato nang masama dahil nakikita nang husto ang mga bunga ng kanyang kasalanan.
Sa ilang lugar, may mga iglesia na iba ang pagtrato sa bata dahil isinilang ito sa labas ng pag-aasawa, pero mali iyon dahil hindi kasalanan ng bata iyon. Ang pagmamahal at pagtanggap ng iglesia sa bata ay hindi nangangahulugan na pinapalampas nila ang kasalanan.
Pagprotekta sa mga Madaling Pagsamantalahan
Sa ilang lipunan, ang mga magulang na nahihiya dahil sa pagbubuntis ng kanilang anak na hindi pa kasal ay natutuksong patayin ang sanggol sa sinapupunan upang iligtas ang reputasyon ng kanilang pamilya. Ngunit walang makatarungang dahilan para sa pagpatay (Exodo 20:13). Bawat sanggol sa sinapupunan ay nilikha sa imahe ng Diyos (Genesis 9:6, Awit 139:13-14). Ang sanggol ng dalaga ay dapat protektahan, mahalin, at alagaan.
Pagbibigay ng mga Alternatibo sa Kahirapan
Ang simbahan ay isang pamilya ng pananampalataya. Hindi sapat na kundenahin ng simbahan ang mga kasalanan. Dapat alagaan ng simbahan ang kanyang mga miyembro. Halimbawa, ang isang tao na sinusuportahan sa usaping pinansyal sa pamamagitan ng masasamang gawain ay maaaring mangailangan ng tulong upang magkaroon ng alternatibong pinansyal na suporta.
Halimbawa, ilang babae ang dumadalo sa isang malaking simbahan at kumakanta sa choir. Mahirap ang kanilang mga pamilya. May mga imoral na relasyon ang mga babae sa mga lalaki upang kumita ng pera at makatulong sa kanilang mga pamilya. Ano ang dapat gawin ng simbahan sa ganitong sitwasyon?
► Ano ang dapat gawin ng inyong simbahan upang tulungan ang mga tao na iwanan ang mga makasalanan nilang pamumuhay?
Tulong para sa Lumalaban ng Tukso
Napag-usapan natin ang mga mahihirap na paksa sa araling ito. Malamang na marami sa mga nagbabasa ng aralin ay nahirapan sa ilan sa mga isyung ito. May ilang mambabasa na mga lider ng simbahan na kailangang malaman kung paano magpayo sa iba pang mga mananampalataya na nahaharap sa mga tukso.
Anuman ang uri ng tukso, may mga tiyak na kilos at pamamaraan ng pag-iisip na makakatulong para magtagumpay ang isang mananampalataya.
Ang tagasunod ni Cristo ay matutulungan sa pamamagitan ng:
1. Pagiging ganap na matapat sa iyong relasyon kay Cristo (Mateo 16:24-27). Ang tukso sa imoral na seks, katulad ng lahat ng tukso, ay pagsalakay ni Satanas sa iyong kaluluwa (1 Pedro 2:11). Gusto niya lamang magnakaw, pumatay, at manira (Juan 10:10). Kailangan mong lumayo at iligtas ang iyong buhay (2 Timoteo 2:22).
2. Magkaroon ng tiwala na si Jesus ay nagmamalasakit (Awit 139:1-3, 1 Pedro 5:6-10). Siya ay nagmamalasakit sa iyong pananampalataya, iyong mga pangangailangan sa katawan, at sa iyong pagkadalisay. Sa kanyang pagiging tao, matagumpay niyang nalampasan ang mga pisikal at mental na tukso na ating kinakaharap, at nasa kanya ang biyayang kailangan natin upang maging matagumpay (Hebreo 4:14-16).
3. Hindi paniniwala sa mga kasinungalingan ng demonyo (Juan 8:44). Maaaring sabihin ng demonyo sa iyo, “Walang malasakit si Jesus, dahil kung mayroon, inalis na niya sana ang libog na labis na nakakabahala sa iyo.” Sinasabi sa 1 Pedro 5:7-8 na may pakialam si Jesus, at ang demonyo ang gustong manira sa atin. Maaaring maling akusahan ka ng demonyo na makasalanan dahil sa pagkakaroon ng mga sekswal na pagnanasa (Apocalipsis 12:10).
4. Pagtuon kay Jesus mismo at pagpuri sa kanyang katauhan (Awit 105:3-4). Gusto ng demonyo na sirain ang iyong pananampalataya at relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng pagsubok na ito (Juan 10:10). Ngunit ang layunin ni Jesus para sa pagsubok na ito ay patatagin ang iyong pananampalataya, at magiging mas magaling kang magbigay ng kaluwalhatian sa kanya (1 Pedro 1:5-9). Kapag tumuon ka sa pagsamba kay Jesus, sasamahan at tutulungan ka niya (Awit 46:1).
5. Pagmumuni-muni sa Salita ng Diyos (Awit 119:9). Ang pagbabasa, pakikinig, at pagmumuni-muni sa Salita ng Diyos ay makakatulong sa iyo na manatiling matagumpay sa panahon ng tukso. Noong natukso si Jesus, ginamit niya ang kasulatan upang magtagumpay (Mateo 4). Dapat ganoon din ang gawin natin.
6. Pasasalamat kay Jesus para sa iyong mga sekswal na pagnanasa, kahit habang nagdarasal para sa tatag para malabanan ang tukso (2 Corinto
12:7-9). Maaari kang magpasalamat para sa iyong likas na mga pagnanasa, sapagkat bahagi iyon ng disenyo ng Diyos sa iyong pagkatao at napipilitan ka dahil dito na umasa kay Jesus at humingi ng kanyang lakas. Ang iyong kahinaan ay nagbibigay ng pagkakataon na mag-mature habang nakakasama siya.
7. Ang pagkakaroon ng pananagutan sa isang ganap at maka-Diyos na tao (Galacia 6:2). Malaki ang maitutulong ng pagiging bukas at tapat sa isang tao (magkaparehong kasarian) na mas malayo na sa kanilang paglalakbay sa pananampalataya. Maipagdadasal ka nila at mabibigyan ka nila ng payo. Ang pakikipag-usap sa kanila tungkol sa iyong mga problema ay makakatulong sa iyo na mapanatili ang pagkadalisay at tatag ng iyong pananampalataya.
8. Paglilingkod sa iba at pagtuon sa kanilang mga pangangailangan (Filipos 2:3-5). Labanan ang labis na pag-aalala sa iyong mga pangangailangan at pagnanasa sa pamamagitan ng paglilingkod sa ibang tao.
9. Pagpapakasal sa tamang tao sa oras ng Diyos (Kawikaan 5:15, 18-19). (Tatalakayin sa mga susunod na aralin kung paano maging matalino sa pagdedesisyon pagdating sa pag-aasawa.)
► Alin sa mga ideya na ito ang bago sa iyo? Alin dito ang naging makabuluhan sa iyong buhay?
► Ano pang mga ugali o mga kaisipan ang nakatulong sa iyo?
Moral na Pagkadalisay bago ang Kasal o Pag-aasawa
Ang mga kabataang ay nahaharap sa matitinding tukso bago sila ikasal. Mahalaga na tandaan nila na kailangan nila ng makakasama sa buhay na magiging tapat.[1] Hindi nila dapat isiping makipagrelasyon sa isang tao na nagnanais ng pansamantalang kaligayahan nang walang kasal. Hindi nila dapat isiping magkaroon ng relasyon sa isang tao na hindi tapat na mananampalataya (1 Corinto 7:39). Dapat isaalang-alang lamang nila ang isang tao na magiging tapat na asawa at mabuting magulang.
Ang isang kabataang naghahangad ng magandang pagsasama sa pag-aasawa ay dapat maging tapat at tapat na tagasunod ni Cristo upang mabighani ang nararapat na tao (Kawikaan 3:4-8). Nagpapakita ang isang tao ng mabuting karakter sa tamang asal at disenteng pananamit (1 Timoteo 2:9-10). Ang mga taong walang-ingat sa kanilang asal kasama ng mga taong may ibang kasarian ay nagpapahiwatig na handa silang magkaroon ng relasyon na nakabatay sa maling mga pagnanasa (1 Tesalonica 4:1-7). Ang isang tao na nagsusuot ng damit na nagdudulot ng maling pagnanasa ay nakakaakit ng tao na gusto ng kaligayahan nang walang commitment (Kawikaan 7).
Ibinigay ng Diyos ang mga magulang, pastor, at iba pang mga Kristiyanong lider upang magbigay ng patnubay sa asal, pananamit, at pagpili ng relasyon. Kapag sumusunod ang mga kabataan sa mga lider na ito bilang pagsunod sa Diyos, magkakaroon sila ng pinakamalalaking pagpapala ng Diyos at magiging protektado sila mula sa maraming panganib at tukso.
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang 1 Pedro 5:5 at Hebreo 13:17 para sa grupo.
Responsibilidad ng mga anak at mga kabataan na magpailalim sa karunungan at pamumuno ng kanilang mga magulang at mga espirituwal na awtoridad. Responsibilidad ng mga lider na ito na tulungan ang mga kabataan na maging matagumpay laban sa tukso.
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang Roma 13:14 at 1 Corinto 10:13 para sa grupo.
Hindi pinapayagan ng Diyos na matukso ang mga mananampalataya nang higit sa kaya nilang labanan at takasan kung handa sila. Responsibilidad ng mga kabataan na takbuhan ang tukso (2 Timoteo 2:22). Gayunpaman, dapat pigilan ng mga magulang na makaranas ang kanilang mga anak ng mga hindi kinakailangang tukso sa abot ng kanilang makakaya. Mayroong hindi bababa sa tatlong paraan kung paano ito ginagawa ng mga magulang:
1. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng partikular na mga tagubilin tungkol sa kung ano ang dapat at hindi dapat gawin ng mga bata, sino ang dapat nilang makasama, at saan sila dapat pumunta (Efeso 6:1-4). Hindi dapat payagan ng mga magulang na mapunta ang kanilang mga anak sa mga sitwasyon kung saan hindi sapat ang kanilang maturity para maprotektahan sila laban sa tukso. Halimbawa, kung magkasama ang isang binata at isang dalaga na sila lang sa pribadong lugar, malamang na matukso silang gumawa ng mali.
2. Sa pamamagitan ng pagtitiyak na may pananagutan ang kanilang mga anak sa mga larangan ng tukso. Dapat magdasal ang isang magulang kasama ang mga kabataang iyon at magtanong tungkol sa buhay nila. Ang epekto ng pananagutan ay magdedepende sa tatag ng relasyon sa pagitan ng magulang at anak. Kung hindi tiwala ang anak sa magulang na maging mapagmahal, bukas, at sumusuporta, hindi ito magiging handa na aminin ang anumang pagkukulang.
3. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng biblikal na payo sa kabataan. Dapat tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na matutunan ang pag-iisip sa mga sitwasyon habang isinasaalang-alang ang mga prinsipyong biblikal (Kawikaan 4:1-9, Kawikaan 7:1, 4-5). Dapat nilang pag-usapan kasama ng mga kabataan ang mga panganib na kanilang nakikita. Dapat tulungan nila ang kanilang mga anak na isipin ang mga iba't ibang pagpapasya na kanilang gagawin. Maaari nilang tulungan ang kanilang mga anak na mag-isip nang maaga kung paano iiwasan ang tukso at kung ano ang gagawin kapag sila'y nahaharap sa mga tukso.
Ang simbahan ay dapat magkaroon ng pagkakaiba mula sa kultura nito kapag ipinagtatanggol nito ang moralidad ng Biblia. Para sa maraming kultura, hindi malubha ang sekswal na kasalanan. Inaasahan nila na ang mga hindi pa kasal na kabataan ay magkakaroon ng sekswal na relasyon bago magpakasal. Dapat hindi hayaan ng simbahan ang kasalanan. Hindi dapat ipagpalagay ng simbahan na normal ang kasalanang sekswal sa mga kabataan. Sinasabi ng Diyos na ang mga imoral ay walang bahagi sa kaharian ni Cristo (Efeso 5:5).
► Paano makakatulong ang simbahan sa mga kabataang nahihirapan sa mga tukso ng mundo?
► Dapat basahin ng mga mag-aaral ang Efeso 5:3-7 at Hebreo 13:4 para sa grupo.
Ang panahon ng pagkakaroon ng relasyon bago ang kasal ay hindi panahon para magsimula ng sekswal na relasyon. Ito'y panahon kung saan dapat tiyakin ng lalaki at babae na pareho sila ng espirituwal at biblikal na prayoridad. Ito ang panahon kung kailan nagkakaroon sila ng pang-unawa sa isa't isa, na nagpapahintulot sa kanilang sapat na magtiwala sa isa't isa, upang gumawa ng permanenteng pangako sa isa't isa. Kapag hindi nila kayang magtiwala sa pagkatao ng bawat isa, dapat nilang tapusin ang relasyon at hindi ituloy ang kasal.
Sa ilang lipunan, inaantala ng mga tao ang kasal dahil inaasahan ng kanilang kultura na ang kasal ay dapat maging masalimuot at mamahaling seremonya. Madalas, ang mga magkasintahan ay nagsasama nang ilang taon at may mga anak na habang inaantala ang kasal. Para sa ilang magkasintahan, ang gastusin sa pagpapakasal ay nagbubunga ng matagal na problemang pinansiyal dahil inuubos nila ang lahat sa kasal at maaari pa silang mangutang. Ang simbahan ay dapat maging komunidad ng pananampalataya na nagbibigay ng ibang modelo ng kasal. Ang Kristiyanong kasal ay para sa lalaki at babaeng tapat sa isa't isa at sa Diyos, at hindi dapat mangailangan ng malalaking gastusin na mag-aantala ng kasal o makakasama sa kinabukasan ng magkasintahan.
► Anu-ano ang mga paraan kung paano dapat naiiba ang Kristiyanong kasal mula sa mga nakaugaliang kasal sa lipunan?
[1]Tingnan ang Kawikaan 31:11-12, 1 Timoteo 3:11-12, Malachi 2:14-16, at Kawikaan 2:16-17.
Pagtuturo sa mga Bata ng Layunin ng Diyos at mga Alituntunin para sa Seks
Nakakakita at naririnig ng mga bata na nababanggit ang seks. Naririnig nila ang mga opinyon ng mga tao ukol sa tama at mali. Sa kalaunan, magkakaroon ang mga bata ang mga sekswal na damdamin, pagnanasa, at tukso, kaya napakahalaga para sa mga Kristiyanong magulang na ipaliwanag ang mga sinasabi ng Diyos ukol sa gawaing sekswal. Hindi dapat malaman ng mga bata ang mga detalye tungkol sa gawaing sekswal, sapagkat wala pa silang sapat na gulang para mag-asawa, at ang kaalamang iyon ay magdudulot ng hindi kinakailangang tukso sa kanila.
Kailangang malaman ng mga bata ang plano ng Diyos at ang kanilang responsibilidad na sundin siya. Kailangan nilang malaman na haharap sila sa tukso. Kailangan silang maging handa na sundin ang Diyos at kontrolin ang kanilang sariling mga sekswal na pagnanasa hanggang sila'y mag-asawa.
Ang sumusunod na materyal ay makakatulong sa pagtuturo sa mga bata ng Kristiyanong pananaw ukol sa sekswalidad nang hindi binabanggit ang mga detalye ng sekswal na gawain. Ito ay isinulat sa simpleng paraan, katulad ng paraan ng pakikipag-usap mo sa mga bata.
Pakikipag-usap sa Bata
► Basahin ang Genesis 2:7, 18-24 kasama ang bata.
Sinasabi ng siping ito sa atin kung paano nilikha ng Diyos ang unang lalaki at unang babae at inilagay sila sa espesyal na relasyon.
Itinatag ng Diyos ang kasal bilang espesyal na relasyon sa pagitan ng isang lalaki at babae. May espesyal na pagmamahalan ang mag-asawa para sa isa't isa. Bahagi ng kanilang relasyon ang espesyal na kaligayahan na nararamdaman nila kapag pinag-iisa nila ang mga katawan nila nang pribado sa gawain na tinatawag na pakikipagtalik o seks. Dinisenyo ng Diyos ang seks upang magbigay kaligayahan sa mag-asawa at minsan ay magdulot ng pagbubuntis sa babae.
Dahil ang seks ay nagbibigay ng espesyal na kaligayahan, may likas na pagnanasa ang lalaki at babae na makita at hipuin ang katawan ng isa't isa at mag-enjoy sa atensyon ng isa't isa.
Sa Biblia, sinasabi ng Diyos sa atin na ang seks ay mabuti at tama para sa mag-asawa. Ngunit sinasabi rin ng Diyos na maling-mali ang seks para sa mga taong hindi kasal. Binigyan tayo ng Diyos ng mga alituntunin ukol sa gawaing sekswal para sa hindi bababa sa apat na dahilan:
(1) Ang kaligayahan sa seks ay dinisenyo para sa mag-asawa.
Dinisenyo ng Diyos ang seks bilang espesyal na bahagi ng relasyong mag-asawa. Bagama’t posibleng maligayahan ang sinumang lalaki at babae sa paraang ito, pinakaespesyal ang kaligayahan kapag mag-asawa, sapagkat ang bawat isa ay ibinibigay ang buong sarili sa asawa nila lamang. Para sa mga taong hindi kasal, walang ganoong kahulugan ang seks, at hindi sila magkakaroon ng buong relasyon na nilalayon ng Diyos. Kung kaya, ang isang tao na masyado pang bata para mag-asawa ay hindi dapat makipag-seks. Hindi dapat makipag-seks ang mga tao hanggang hindi nila ginagawa ang pangako sa kasal at naidaos ang pampublikong seremonya ng kasal. Dapat makipag-seks lang ang isang tao sa asawa niya.
(2) Matindi ang mga pagnanasang sekswal.
Hindi mali ang magkaroon ng mga pagnanasang sekswal, sapagkat nilikha iyon ng Diyos. Ngunit mali na sadyang palakasin ang pagnanasa na gumawa ng bagay na hindi gusto ng Diyos. Dahil dito:
Maliban sa mag-asawa, hindi dapat gumawa ang isang tao ng mga bagay na nagpapalakas ng mga pagnanasang sekswal, tulad ng sadyaing tingnan o isipin ang katawan ng ibang tao.
Maliban sa kasal, hindi dapat hawakan ng isang tao ang ibang tao sa paraang magpapalakas ng mga pagnanasang sekswal ng alinman sa kanila.
Hindi dapat piliin ng isang tao na isipin ang paggawa ng masasamang bagay.
Hindi dapat tumingin ang isang tao ng mga larawan o video para ma-enjoy ang paggawa ng ibang tao ng masasamang bagay.
Hindi dapat manamit ang isang tao sa paraang maaaring maging dahilan para gustuhin ng iba na gumawa ng masasamang bagay o isipin ang paggawa ng masasamang bagay.
Hindi dapat umasal o magsalita ang isang tao na para bang gusto niyang gumawa ng masasamang bagay.
(3) Hindi tayo maaaring gabayan ng ating mga pagnanasa.
Ang mga hayop ay kontrolado ng kanilang mga damdamin at pagnanasa. Hindi tayo mga hayop; tayo ay mga tao na nilikha sa imahe ng Diyos. Dahil dito, kailangan nating pag-isipan kung ano ang dapat nating gawin, at pagkatapos ay pumili ng mga tamang desisyon. Hindi tayo dapat kontrolin ng ating mga damdamin at pagnanasa. Minsan, tamang gawin ang nais natin; minsan hindi. Hindi maaaring sabihin ng ating mga pagnanasa kung kailan tama ang pakikipagtalik. Sa halip na sundin ang ating mga damdamin, kailangan nating sundin ang mga utos ng Diyos mula sa Biblia, sa tulong ng Espiritu ng Diyos.
(4) Minsan, nakakabuo ng sanggol ang pakikipagtalik.
Dinisenyo ng Diyos na ang mga sanggol ay manggagaling sa relasyong nagmamahalan. Dinisensyo niya na kailangan ng mga bata ng maraming taon para lumaki sa isang pamilya na nagmamahal at nag-aalaga sa kanila. Ang isang sanggol na may ina at amang hindi kasal ay kadalasang walang parehong ina at ama na mag-aalaga sa kanya hanggang tumanda.
Kapag naunawaan ang apat na katotohanang nabanggit, ang mga taong nagnanais na pasayahin ang Diyos at magkaroon ng pinakamabuting buhay ay susunod sa mga utos ng Diyos. Magtatatag sila ng maingat na mga kaugalian upang makatulong sa kanilang labanan ang tukso na labagin ang kagustuhan ng Diyos.
Pananalangin ng Bata
Mahal na Diyos,
Salamat po sa paggawa ninyo sa akin bilang (lalaki o babae). Salamat sa inyong espesyal at mabuting plano para sa pag-aasawa. Tulungan po ninyo akong mahalin at sundan kayo sa buong buhay ko. Nakikita ninyo ang lahat ng ginagawa ko, at alam ninyo ang lahat ng iniisip ko. Tulungan po ninyo akong laging sundin ang inyong mga utos sa buhay. Gusto ko pong mapasaya kayo sa mga iniisip at mga ginagawa ko. Tulungan po ninyo akong maging mabuting halimbawa sa aking mga kaibigan upang sila'y sumunod sa inyo. Sa tamang panahon, kapag malaki na ako, tulungan po ninyo akong maging ang asawa na nais ninyo. Mahal ko po kayo o Diyos!
Amen
Panalangin
Ama naming nasa langit,
Salamat sa paglikha sa amin ayon sa inyong imahe, at sa pagbibigay ng layunin at kahulugan sa aming buhay. Salamat sa paglikha ng kasarian upang maipakita namin ang inyong imahe.
Salamat sa inyong mabuting disenyo at layunin para sa sekswalidad ng tao sa pag-aasawa.
Nagsisisi kami sa mga paraan na nilabag namin ang inyong Salita. Mangyaring hugasan, patawarin, at pabanalin ninyo kami sa pangalan ni Jesus (1 Corinto 6:11). Palayain ninyo kami mula sa pagkaalipin sa kasalanan (Roma 6:6-7). Inihahandog namin ang aming mga katawan sa inyo, at nangangako kaming gagawin ang tama sa inyong mga mata (Roma 6:13-14).
Tulungan ninyo kaming matuto ng mga kaugalian ng matuwid na pag-iisip at pag-uugali
(1 Timoteo 4:7, Awit 23:3). Nawa'y ang aming mga iniisip at gawain ay palaging kalugod-lugod sa Inyong paningin (Awit 19:14). Salamat sa pangako ninyong bibigyan kami ng tagumpay sa bawat pagkakataon ng tukso (1 Corinto 10:13).
Amen
Mga Takdang Aralin
(1) Basahin ang Galatians 5:16-6:9 habang iniisip ang mga paksang tinalakay sa araling ito. Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa pagsusulat:
Ano ang pagkakaiba ng mga pagnanasa ng laman (5:16) at ng mga gawa ng laman (5:19)?
Ano ang dalawang bagay na ipinapangako sa mga taong gumagawa ng mga gawa ng laman (5:19-21, 6:7-8)?
Paano magkakaroon ng lakas ang isang mananampalataya na huwag sundin ang mga ninanais ng laman (5:16, 22-23, 25)?
Ano ang ilang katotohanan na dapat tandaan ng mga mananampalataya sa mga panahon ng tukso na makakatulong sa kanila na magtagumpay? (Itala ang hindi bababa sa apat mula sa siping ito.)
Ano ang mga bagay na ipinapayo sa mga mananampalataya na gawin sa siping ito? (Itala ang hindi bababa sa apat mula sa teksto na ito.)
Ano ang mga responsibilidad ng mga mananampalataya sa isa't isa (6:1-2, 6)?
(2) Basahin ang Romans 6:1-23. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:
Ano ang mga bagay na sinasabi ng siping ito na totoo sa bawat mananampalataya? (Maglista ng 6-8 bagay.)
Anu-anong pagpapasya ang kinakailangang gawin ng mga mananampalataya dahil sa mga katotohanan tungkol sa kanila? (Maglista ng 6-8 bagay.)
Bakit maaaring asahan ng isang mananampalataya na magtatagumpay sa oras ng tukso ng pagkakasala? (Magsulat ng isang talata.)
(3) Basahin ang Romans 8:1-14. Sumulat ng isang panalangin batay sa mga katotohanang itinatampok sa siping ito.
(4) Isaulo ang Romans 6:11-14 at Colossians 3:5-7. Sa simula ng susunod na klase, isulat o bigkasin ang mga siping ito mula sa alaala.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.