Si Busaba ay isinilang sa Asya. Masaya siyang nagpakasal sa isang negosyante at inaasahan nilang magkakaroon sila ng isang masayang pagsasama. Subalit lumipas ang maraming taon, si Busaba ay wala pa ring mga anak. Ayon sa doctor, hindi na raw magkakaanak si Busaba. Ang kanyang asawa ay nalungkot at nagalit. Nagpasya itong hiwalayan si Busaba at nag-asawa ng ibang babae. Ngayon, si Busaba ay matanda na. Nakatira siyang nag-iisa sa isang maliit na bahay at walang sinumang kamag-anak na nangangalaga sa kanya. Dahil siya ay isang Budista, umaasa siya na sa kanyang susunod na buhay, siya ay magkakaroon ng anak at magtatapos ang kanyang kahihiyan.
► Kung ikaw ay pastor sa komunidad ni Busaba, ano ang sasabihin mo sa kanya? Ano ang mensahe ng Kristiyano para kay Busaba?
Sa araling ito, tatalakayin natin ang biblikal na pananaw hinggil sa isyu ng kawalang anak.
Mga Anak at ang Programa ng Pagpapala ng Diyos
Pagkatapos na nilikha ng Diyos ang lalaki at babae, kaagad na sinabi niya sa kanila na magkaroon ng mga anak, maging mabunga, at paramihin ang populasyon sa daigdig (Genesis 1:28).
Sa Lumang Tipan, ang Diyos ay minsa’y nangangako ng pagpapala hindi lamang sa isang indibidwal kundi sa henerasyon ng isang pamilya. Halimbawa, nangako ang Diyos ng pagpapala kay Abraham na bagamat hindi personal na matatanggap ni Abraham subalit makakamit naman ng kanyang lahi. Nangako ang Diyos na ang henerasyon ni Abraham ay magiging kasindami ng buhangin sa karagatan. Ang kanyang anak na si Isaac ay mahimalang ipinaglihi. Ang kanyang pamilya ay lumago ng lumago sa bawat henerasyon at nakita sa pagdami nito ang pagtupad ng Diyos sa kanyang pangako.
Sa Éxodo 23:25-27, sinabi ng Diyos na pagpapalain niya ang Israel habang nilalakbay nila ang isang bagong lupain. Nangako ang Diyos na pagpapalain niya ang kanilang mga pagkain, aalisin ang kanilang mga karamdaman, hindi pahihintulutan ang pagkabaog, at lulupigin ang kanilang mga kaaway. Ang mga pangakong ito ay nakasalig sa pagsunod ng Israel. Ipinaunawa ng Diyos ang kanyang mga kahilingan (gaya ng mababasa sa Éxodo 23:32). Ang mga pangako at tipan ay ginawa ng Diyos para sa bayan at hindi sa mga indibidwal. Ang bawat indibidwal ay maaapektuhan ng pangkalahatang pagsunod o di pagsunod ng bayan. Halimbawa, ang isang tao ay maaaring magkasakit o kaya’y ang isang babae ay hindi magkaanak, hindi ito nangangahulugan na ito’y dulot ng kanilang sariling kasalanan kundi dahil sa ang bayan ay hindi tapat sa Diyos. Sa madaling salita, ang paghihirap ng isang babaeng baog ay hindi dahil sa sarili niyang kasalanan.
Ang Deuteronomio 7:12-15 ay naglalaman ng mga pangakong para sa bayan ng Israel. Magkakaroon ng kasaganahan, walang karamdaman, at walang pagkabaog na mangyayari sa mga tao at hayop. Sinasabi sa talatang 12 na ang mga Israelita ay tatanggap ng mga pagpapala kung susunod sila sa Diyos na gumawa ng tipan sa kanilang mga ninuno. Ang isang tao sa Israel ay maaaring maging mahirap o baog, kung ang bayan ay hindi magiging tapat sa Diyos.
Ang mga anak ay mahalaga sa plano ng Diyos para sa kanyang bayan. Sa ibang bahagi ng kursong ito, pinag-usapan natin kung paanong dapat pahalagahan ang mga anak sapagkat sila’y nilikha ayon sa wangis ng Diyos. Bawat bata ay dapat na pakitunguhan ng may pagmamahal at pagkalinga. Subalit, minsan, iniisip ng mga tao na ang mga bata ay mahalaga sapagkat sila ang magpapatibay ng pamilya sa hinaharap. Minsan, pinapahalagahan ng isang ama ang kanyang mga anak sapagkat sila’y pagpapatuloy ng kanyang identidad. At dapat nating alalahanin na ang Diyos ay nagbibigay ng mga anak para sa kanyang sariling layunin (Malakias 2:15).
► Dapat na basahing malakas at magkakasama ng grupo ang Awit 127:3-5.
Ang talatang ito sa Biblia ay nagsasabi na ang mga anak ay pagpapalang galing sa Diyos. Sila ay tulad ng isang pamana na pinagpapala ng Diyos. Sila’y gantimpala na mula sa Diyos. Sila ang magiging proteksyon at seguridad ng pamilya sa hinaharap.
Ang dalawang pagpapala na madalas ay magkasabay na sinasambit sa Biblia ay ang mahabang buhay at mga apo. Si Job ay pinagpala sapagkat siya ay mayroong sampung mga anak at nabuhay ng matagal upang makita ang apat na henerasyon (Job 42:13, 16). Ang pagpapala sa Awit 128:6 ay ang kaloob na makita ang iyong mga inapo.
Pinagpala ng Diyos ang pamilya ni Jonadad sa pamamagitan ng pangakong hindi mawawalan ng lalaking mangunguna sa susunod na henerasyon ng kanyang pamilya (Jeremias 35:19). Nangako rin ang Diyos sa pamilya ni Haring David na laging magkakaroon ng lalaking mauupo sa kanyang trono (2 Samuel 7:16).
Dito ay makikita natin na ang pagpapala ng Diyos sa isang pamilya ay karaniwang kinapapalooban ng mga anak, at ang mga anak ay ang pamamaraan upang ang pagpapala ng Diyos ay maipamana sa susunod na henerasyon.
Isang Biblikal na Pag-unawa sa Kawalan ng Anak
Ang kawalang ng mga anak sa ilang pagkakataon ay nangangahulugan ng sumpa ng Diyos sa isang pamilya. Ang Biblia ay nagpapakita sa atin ng mga kalagayan na kung saan sinumpa ng Diyos ng pagkabaog ang mga pamilya. Halimbawa, sapagkat nakagawa ng mali si Haring Abimelek, pinahinto ng Diyos ang sinapupunan ng lahat ng mga kababaihang nasa kanyang sambahayan hangga’t hindi naitutuwid ang pagkakamali (Genesis 20:18). Walang kasalanan ang mga kababaihan, subalit naranasan nila ang bunga ng kasalanan ng hari.
Matapos na magkasala sina Adan at Eba, sinabi ng Diyos na ang sanlibutan ay maaapektuhan ng kanilang pagkakasala. Nakapaloob sa sumpa ang pagkakaroon ng mahirap na mga pakikipagrelasyon, sakit at kalungkutan sa panganganak, mahirap na trabaho, pagtanggi ng lupa na mamunga ng masagana, at sa bandang huli ay kamatayan (Genesis 3:14-19). Bawat tao mula pa lang kay Adan ay dumaranas ng sumpa simula ng sila ay isilang, o bago pa lang nila magawa ang kanilang mga personal na kasalanan. Maging si Jesus na walang bahid ng kasalanan, ay dumating sa mundong ito na taglay ang katawang nagtiis rin ng mga kahirapan sa mundo. Kaya hindi natin dapat isipin na ang paghihirap ng bawat isang tao ay dahilan ng kanyang sariling kasalanan. Ang mga problemang ito, kasama na ang problema ng panganganak, ay bunga ng unang pagkakasala ni Adan.
Maliban sa orihinal na kasalanan ni Adan, tayo rin ay naapektuhan ng mga kasalanan ng ating mga ninuno, sapagkat ang kanilang mga kasalanan ay bumuo ng isang lipunan na kung saan isinilang tayo. Tayo ay naaapektuhan ng mga kasalanan ng ating pamilya, komunidad, at bansa. May mga mananampalataya sa iba’t ibang panig ng mundo na nagtitiis ng mga kalagayan dulot ng walang kontrol na lipunan. Gayundin naman, ang isang pamilya ay maaaring dumanas ng kahirapan ng dahil sa kahirapan na namamayani sa kanilang lugar na salat sa kalayaan at oportunidad. Dagdag pa, ang isang bata ay maaaring isilang na mayroong pisikal na kapansanan, bagamat hindi siya gumawa ng anumang pagpapasya na magkasala (Juan 9:1-3).
Ang Diyos ay hindi nagpapasyang magbigay ng mga anak sa mga dahilang madali nating maunawaan. Minsan, may mga taong namumuhay ng walang kabuluhan at nagpapakasasa sa kasalanan subalit napakarami nilang mga anak. Gayunma’y hindi nila pinalalaki ang bawat isa sa kanila sa paraang nakalulugod sa Diyos (Awit 17:14). Minsan naman, may mga matapat na Kristyano na hindi napagkakalooban ng mga anak. At sa ganitong kalagayan, huwag nating isipin na ang partikular na kasalanan ang siyang dahilan ng kanilang pagkabaog.
Alam natin na ang Diyos ay may kakayahan na pumasok sa ating kalagayan na may hatid na kagalingan at pagpapala, anuman ang oras na kanyang piliin. Subalit karaniwan, madalas na makikita nating nagtitiis ang mga mananampalataya sa mundong ito. Tayo ay naghihintay ng may pananampalataya sa araw na ganap na babaguhin ng Diyos ang sangnilikha (Roma 8:18-23).
Hindi makatarungan na sisihin ang isang babae ng dahil sa pagiging baog, na para bang ang kanyang kasalanan ang dahilan ng sumpa. Gayundin naman, kapag ang isang hindi naisilang na sanggol ay namatay bago pa lang ipanganak, ang kamatayan iyon ay hindi dahil sa anumang ginawa ng kanyang ina. Maraming indibidwal ang dumaranas ng kahirapan ng dahil sa kasalanan ni Adan, ng pagkakasala ng iba, at ng dahil sa lagay ng sanlibutan. At sapagkat ang lahat ay nagkasala, ang sangkatauhan ay nakikibahagi sa kasalanan ng sanlibutan, bagamat bawat indibidwal ay naghihirap sa iba’t ibang pamamaraan.
Mga Himala ng Diyos
Ipinakita ni Jesus ang pag-ibig ng Diyos nang siya ay nagpagaling at gumawa ng iba pang mga himala. Sa buong naitalang kasaysayan sa Biblia, mababasa natin ang napakaraming mga halimbawa ng himala ng Diyos sa kanyang bayan.
Nais ng Diyos na mamuhay tayo ng masaya at walang paghihirap sa isang napakagandang mundo (Genesis 1:28, 31, 1 Timoteo 6:17). Subalit kanyang prayoridad muna ngayon ang iligtas tayo sa ating mga kasalanan upang magkaroon tayo ng walang hanggang relasyon sa kanya. Ang kaligtasan ng mga makasalanan ay nangangailangan ng panahon sapagkat ang mga tao ay dapat na magsisi at manampalataya. Kung aalisin na ngayon ng Diyos ang lahat ng kahirapan, iilan lamang mga tao ang magsisisi sa kanilang mga kasalanan sapagkat hindi nila nauunawaan ang kasamaan ng kasalanan. Kaya sa kasalukuyan, ang pangkalahatang kahirapan ay dapat munang magpatuloy habang ang ebanghelyo ay ipinapangaral sa iba’t ibang panig ng mundo. Hindi tayo dapat umasa sa mga himala na siyang laging lulutas ng ating mga problema at mag-aalis ng ating mga kahirapan, bagamat ang Diyos ay pakaminsang gumagawa ng himala para sa atin. Sa bandang huli, lahat ng kahirapan ay magtatapos para sa lahat ng mga taong may relasyon sa Diyos. Subalit sa kasalukuyan, ang Diyos ay nakikidalamhati ngayon sa ating mga kahirapan (Juan 11:35) at nagbibigay sa atin ng kaaliwan sa maraming bagay (2 Corinto 1:3-7).
Isa sa mga himala ng Diyos ay ang gawing ina ng maraming anak ang isang babaeng baog (Awit 113:9).
Ang Biblia ay may naitalang anim na pagkakataon na kung saan ang Diyos ay nagbigay ng anak sa isang babaeng baog. Bagamat ilang ulit na ginawa ng Diyos ang himalang ito sa iba’t ibang pagkakataon, ang anim na pagkakataon ay naitala sapagkat ang mga anak na isisilang ay mahalaga sa kasaysayan. Si Isaac ay isinilang ni Sarah (Genesis 21:1-3). Sina Jacob at Esau ay isinilang ni Rebeka (Genesis 25:21, 25-26). Si Jose ay isinilang ni Rachel (Genesis 30:22-24). Si Samson ay isinilang ng asawa ni Manoah (Hukom 13:2-3, 24). Si Samuel ay isinilang ni Ana (1 Samuel 1:20). Si Juan ay isinilang ni Elizabeth (Lukas 1:13, 57).
Sa bawat anim na pagkakataong ito, ang mag-asawa ay nakaranas ng kalungkutan sapagkat ang asawa ay hindi magka-anak. Ngunit sa mga naitalang ito, wala tayong mababasa na sinisisi ng Diyos ang babae sapagkat hindi siya magkaanak. Walang ibinibigay ng pagpapahiwatig ang Biblia na ang Diyos ay nagalit sa mga mag-asawa. Sinasabi sa Lukas 1:5-7 na sina Zacharias at Elizabeth ay mga matuwid sa harapan ng Diyos, sumusunod sa mga tuntunin ng Diyos, gayunma’y wala silang anak hanggang sa sila ay tumanda. Wala tayong mababasa sa anim na mga talatang ito na ang mga mag-asawa ay humingi ng kapatawaran sa Diyos habang humihingi sila ng himala. Walang binabanggit ang Diyos hinggil sa dahilan ng kanilang di pagkakaroon ng anak. Kaya nga, ang mga talatang ito ay nagpapakita sa atin na hindi natin dapat husgahan ang mga taong walang anak.
Makakabuti para sa atin na hingin ang pagpapala ng Diyos hinggil sa pagkakaroon ng mga anak, subalit sa bandang huli, dapat nating tanggapin ang kapasyahan ng Diyos. Hindi natin dapat isipin na laging kalooban ng Diyos na magkaloob ng anak sa bawat pagkakataon, kung paanong hindi siya nagbibigay ng kagalingan sa bawat kaso ng karamdaman o nag-aalis na bawat uri ng paghihirap.
Si Apóstol Pablo ay nanalangin ng tatlong ulit tungkol sa isang bagay na tinatawag niyang tinik sa laman (2 Corinto 12:8-10). Hindi natin alam kung ano ang partikular n problema na kanyang nararanasan, ngunit ito ay parang may kinalaman sa katawan. Iyon ay isang bagay na hiniling niya sa Diyos na alisin, kaya humingi siya ng himala. Subalit sinabi sa kanya ng Diyos na sa halip na alisin ang tinik, bibigyan siya ng biyaya para sa kahinaang iyon. Sinabi Pablo na ang gayong partikular na kahinaan ay maghahatid ng kaluwalhatian sa Diyos sapagkat tutulong ito sa pagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos. Kaya sinabi ni Pablo na magagalak siya sa kanyang mga kahinaan sapagkat nagbibigay ito ng pagkakataon upang maluwalhati ang Diyos.
Si Apóstol Pablo ay dakilang bayani ng pananampalataya, subalit hindi niya laging natatanggap ang mga himala na kanyang inaasam. Sa halip, tinanggap niya ang kalooban ng Diyos. At bagamat karaniwan nating inaasam ang himala ng pagpapala ng Diyos, subalit matuto nating tanggapin ang kapasyahan ng Diyos. Minsan, siya ay higit na napaparangalan kapag kumikilos siya sa ating mga kahinaan.
► Magbigay ng pagkakataon na kung saan ang Diyos ay nagpakita ng pagmamalasakit sa iyong buhay na hindi kinakailangang gumawa ng himala na iyong inaasahan.
Mga Kultural na Tugon sa Kawalan ng Anak
Ang mga kultura ay hindi pare-parehas sa kanilang pagpapahalaga sa mga anak. Sa ibang mga bansa, nais ng mga pamilya na magkaroon ng maraming mga anak. Ang mga anak ay makakatulong sa trabahong susuporta sa pamilya. Ang mga kaanak, kasama ang mga pinsan at mga tiyuhin at iba pa katuwang sa pangangalaga at pag-iingat sa mga miyembro ng isang malaking pamilya. Bawat asawang babae sa ganitong malaking pamilya ay nais mag-ambag ng mga bagong miyembro sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga anak. Ang lalaki na may maraming anak, lalo na kung mga lalaki ang anak, ay mahalaga sa ganitong malaking pamilya. Dito’y pinapangalagaan ng mabuti ang mga matatandang miyembro.
Sa ibang mga bansa, maraming pamilya ang naninirahan sa mga lungsod at bayan. Sila ay sinusuportahan ng trabaho ng mag-asawa. Sa lungsod, ang mga bata ay hindi masyadong nakakatulong sa pamilya. Magastos ang pangangalaga at pagpapa-aral sa kanila. At sa paglipas ng panahon, ang mga pamilyang nakatira sa lungsod ay nagkakaroon lamang ng kaunting mga anak. Karaniwang isa o dalawang anak lamang ang mayroon sa ganitong mga pamilya.
Ang kahalagahan ng mga anak ay masyadong malakas sa ibang kultura na ang mag-asawa ay kinakailangang magkaroon ng mga anak kung nais nilang igalang at pahalagahan sa lipunan. Isang kasawian para sa babae na wala siyang anak. Dagdag pa, ang babaeng walang asawa ay nakakaramdam ng hiya sapagkat hindi siya magkaroon ng anak at hindi pinili upang maging asawa ng iba.
Sa ibang kultura, ang mga pamilya ay nais magkaroon ng maraming anak na lalaki upang mayroong magtaguyod sa kinabukasan ng pamilya. Ang mga anak na babae ay hindi masyadong pinapahalagahan. Minsan nga, ang mga sanggol na babae ay pinapalaglag. Kaya sa ganitong mga bansa, ipinagbabawal ng pamahalaan na alamin ang kasarian ng bata habang nasa sinapupunan pa lang upang maiwasan ang pagpapalaglag kung sakaling malamang babae pala ang ipinagdadalang-tao. Subalit alam natin sa Biblia na ang mga anak na babae ay mayroon ring karangalan at pantay na halaga katulad ng mga lalaki, sapagkat sila man ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos (Genesis 1:27). Ang pamilyang Kristiyano kung gayon ay dapat na magbigay ng pantay na pagpapahalaga sa mga anak na lalaki at babae, anuman ang kulturang kanilang kinalalagyan.
Kapag ang isang pamilya ay may mataas na pagtingin sa mga maayos na anak, maaari nilang tanggihan ang mga sanggol na may mental at pisikal na kapansanan. Sa ibang mga bansa, may mga bata na nasa bahay-ampunan sapagkat hindi sila gusto ng kanilang mga magulang. Ngunit ang ganitong trato sa mga bata ay hindi tama sapagkat sila ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin, anuman ang kanilang kakayahan o kapansanan.
Sa ibang mga kultura, ang pagkakaroon ng maraming asawa ay nakabatay sa halaga ng mga anak. Ang isang lalaki ay maaaring naisin na paramihin ang kanyang mga anak sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maraming asawa. Subalit sinasabi sa atin ng Biblia na ang plano ng Diyos para sa lalaki ay ang magkaroon lamang ng isang asawa (Genesis
2:22-24, 1 Timoteo 3:2).
May pagkakataon sa Lumang Tipan na ibinigay ng asawang babae ang kanyang aliping babae sa kanyang asawa upang magkaroon ng anak sa pamamagitan nito. Naiaangat ang antas ng baog ng babae sa pamamagitan ng anak ng kanyang alipin. Ang mga asawa ni Jacob na sina Rachel at Lea ay nagbigay ng kanya-kanyang mga alipin na babae kay Jacob upang maingat ang kanilang mga antas sa pamamagitan ng maraming anak.
Ngunit ang paggamit ng mga aliping babae upang magkaroon ng maraming anak ay naghahatid ng komplikadong relasyon. Ibinigay ni Sarai si Agar kay Abraham sa paniniwalang maitataas ang kanyang kalagayan kung si Agar ay manganganak (Genesis 16:2-6). Subalit nang magdalang-tao si Agar, nagkaroon siya ng mataas na tingin sa sarili. Dahil rito, pinarusahan siya ni Sarai upang ipakita ang kanyang kapamahalaan sa kanya.
Si Leila ay ipinanganak sa Kanlurang bahagi ng Afrika. Paglipas ng tatlong taon matapos siyang ikasal, wala pa rin siyang anak. Sa kultura ni Leila, ang pag-ampon ng bata ay hindi nag-aalis ng kahihiyan ng isang baog na babae. Ngunit isang araw, nakakita siya sa isang barrio ng isang buntis at plinanong bibilhin ang bata. Ngunit nagsuot si Leila ng isang bagay na kung saan ay lalabas na parang buntis siya. Sa loob ng maraming buwan ay ganito ang ginawa niya. At nang dumating na ang sandali na ang sanggol ay ipapanganak na, nagkunwari rin si Leila na pumunta sa isang hospital para roon ay manganak. Pagkatapos nito ay umuwi siya na kasama na ang sanggol na binili niya mula sa isang buntis sa isang barrio.
Kapag nais lang ng isang pamilya na magkaroon ng mga anak para sa kapakinabangan ng pamilya, nabibigo silang pahalagahan ang mga anak bilang mga nilalang na ayon sa wangis ng Diyos. Maaari nilang tanggihan ang isang bata na may kapansanan. Maaari nilang tanggihan ang isang anak na babae sapagkat ang nais nilang anak na lalaki. Ginagawa rin nilang kahiyahiya at walang kwenta ang kalagayan ng babaeng baog. Lahat ng mga pag-uugali at gawaing ito ay makasarili at mali. Iniinsulto natin ang Manlilikha kapag ganito ang ating trato sa mga indibidwal (Éxodo 4:11, Kawikaan 14:31).
Si Henry VIII ang siyang hari ng England mula 1509-1547. Matindi ang kanyang pangngailangan para sa anak na lalaki. Dahil ang kanyang asawa ay nanganak ng babae, nakipagdiborsyo siya rito at nag-asawa ng panibago. Subalit nang ang kanyang ikalawang asawa ay nabigo ring manganak ng lalaki, inakusahan niya ito ng pagtataksil at iniutos na parusahan ng kamatayan.
Ang siyensiya ng medisina ay nagtuturo sa atin na ang semilya ng lalaki ang siyang nagdidikta ng magiging kasarian ng kanyang anak. Ang katawan ng babae ay walang kinalaman kung magiging lalaki o babae ang anak. Gayunpaman, maraming lalaki ang nagagalit sa kanilang mga asawa sapagkat hindi sila mapagkalooban ng mga anak na lalaki.
Si Joseph at ang kanyang asawa ay mayroon ng dalawang anak na babae. Nang ang asawa ni Joseph ay manganak sa ikatlong pagkakataon, umasa siyang magkakaroon na ng anak na lalaki. Subalit ang ikatlong anak ay babae pa rin. Nagalit si Joseph at tumangging pumunta sa hospital upang bisitahin ang kanyang asawa at bayaran ang mga gastusin.
Sa Job 24, si Job ay nagbigay ng mahabang listahan ng masamang gawi ng tao. Isa sa masamang gawi na nabanggit ay tungkol sa masamang trato sa babaeng baog (Job 24:21). Ang Diyos ay hindi nalulugod kapag trinatrato natin ng masama ang babaeng hindi magkaanak.
► Paano pinapahalagahan ng iyong kultura ang mga anak? Ano ang ilan sa mga dahilan kung bakit nais ng mga tao na magkaroon ng mga anak?
► Anong mga kawalang katarungan ang nangyayari dahilan sa mga kaugalian sa iyong kultura?
Anong Sinasabi ng Diyos
Sa anim na kalagayan na naitala sa Biblia na ang Diyos ay nagbigay ng anak sa babaeng hindi magkaanak, walang paninisi mula sa Diyos na mababasa tungkol sa baog na kalagayan ng mag-asawa. Ang totoo niyan, ang mag-asawa ay pininli upang maging magulang ng isang espesyal na anak. Sina Zacharias at Elizabeth ay tinawag na matuwid (Lukas 1:5-6). Kaya hindi natin dapat ipagpalagay na ang babae ay isang baog sapagkat hindi siya nakalulugod sa Diyos.
Sinasabi sa Job 24:21 na ang hindi maayos na pakikitungo sa isang babaeng hindi magkaanak ay gawain ng isang masamang tao. Hindi hinuhusgahan at minamaltrato ng Diyos ang babaeng baog, at ganyan rin ang dapat nating pag-uugali.
Sa Isaias 56:4-5, ang Diyos ay nagsasalita sa lalaking hindi napagkalooban ng mga anak. Sinabi ng Diyos na kung ang taong ito ay susunod at mamumuhay ng ayon sa kanyang tipan, siya ay magkakaroon ng katatayuan at reputasyon na higit pa sa lalaking may maraming anak na lalaki at babae.
Tinawag ni Apóstol Pablo ang kanyang sarili na ama ni Timoteo (1 Timoteo 1:2), Tito (Tito 1:4), at Onesimus (Filemon 10). Tinawag rin niya ang sarili na ama ng mga mananampalataya sa Corinto (1 Corinto 4:15). Hindi siya ang kanilang ama sa laman, kundi sa espirituwal. Ang pagiging espirituwal na ama ay higit na mahalaga.
Sa Mateo 12:46-50, mababasa natin na habang nagtuturo si Jesus ay dumating ang kanyang ina at mga kapatid upang makita siya. Tinanong ni Jesus ang mga nakikinig sa kanya, “Sino ang aking ina at mga kapatid?” Sinabi niya na ang mga taong gumagawa ng kalooban ng Diyos ang kanyang mga kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina. Siyempre, alam natin na nagmamalasakit si Jesus sa kanyang pamilya; maging noong siya ay nasa krus ay tiniyak niya ang magiging kalagayan ng kanyang ina (Juan 19:26-27). Subalit sinasabi rito ni Jesus na higit na mahalaga ang espirituwal na pamilya kaysa pisikal na pamilya.
Ang pamilya ng pananampalataya ay hindi nagsisilbing pamalit sa biolohikal na pamilya. Gayunma’y ang kalagayan ng isang tao sa pamilya ng pananampalataya ay naglalagay sa kanya sa isang mahalagang identidad. Ang katagang kapatid na ginagamit natin sa simbahan ay nagpapakita ng kahalagahan ng relasyon sa pamilya ng pananampalataya (Colosas 1:2).
Si Debora ay isang babaeng propeta na naglingkod bilang hukom ng Israel (Hukom 4:4). Pinangunahan niya ang bayan sa digmaan at kalayaan mula sa kamay ng mapang-aping bansa. Sa Hukom 5:7, tinawag ni Debora ang sarili na ina ng Israel. Walang nabanggit ang Biblia na si Debora ay mayroong mga sariling anak, subalit siya’y tinawag na ina ng Israel ng dahil sa kanyang pangangalaga at pamumuno sa bayan.
Ayon kay Apóstol Pedro, ang mga babaeng sumusunod sa halimbawa ni Sarah ay maituturing na mga babaeng anak ni Sarah. Isipin mo ang napakataas na antas na ibinigay kay Sarah sa pangungusap na iyan! Ang kalagayang ito ay batay sa halimbawa ng kanyang pananampalataya at pagsunod, hindi sa kanyang papel na ginampanan bilang ina ni Isaac.
Lahat ng mga taong naligtas sa pamamagitan ng biyaya ay tinawag na mga anak ni Abraham (Galacia 3:7). Si Abraham ay pinagkalooban ng mataas na parangal bilang ama ng milyo-milyong mga mananampalataya. Mula sa halimbawa nina Abraham at Sarah ay makikita natin na mataas na pinahahalagahan ng Diyos ang espirituwal na pagmamagulang.
Inilarawan naman ni Apóstol Pablo ang pakinabang ng isang taong walang asawa. Ang taong walang asawa ay maaaring matuon sa pagbibigay lugod sa Diyos at di nadidisturbo ng maraming mga pananagutan (1 Corinto 7:32-35). At kahit na ang taong walang asawa ay walang anak, sinabi ni Pablo na ito ay nagiging mainam na kalagayan kung magagawa ng isang ng tao na mamuhay ng dalisay. Gamit ang mga pangungusap na ito, masasabi natin na ang hindi pag-aasawa ay kalooban ng Diyos para sa ibang tao.
Gaya ng pagiging walang asawa, mayroon ring pakinabang ang di pagkakaroon ng mga anak. Kung paanong ang Diyos ay may espesyal na pagkakataon na ibinibigay para sa mga walang asawa, mayroon rin siyang oportunidad na ibinibigay sa mga mag-asawang walang anak. Bagamat hindi nila pinili na walang anak, maaari nilang ilaan ang mga sarili sa gawain ng Panginoon.
Sa anumang kalagayan, wala mang asawa, at walang anak, maaari nating pagtiwalaan ang pagkilos ng Diyos na maghatid ng espirituwal na pakinabang sa ating buhay at sa buhay ng ibang tao (Roma 8:28).
Napakaraming mga bata ang walang mapag-arugang mga magulang. Walang magkakaloob ng kanilang mga pangangailangan malibang may mga tao sa loob ng pamilya ng pananampalataya na magsisikap na ipadama ang pag-ibig sa kanila.
Tayo ay tinawag upang italaga ang ating mga katawan bilang mga alay sa Diyos; na mamuhay ng may pagtatalaga sa Kanya (Roma 12:1).
Paglalagom na mga Puntos
1. Ang mga anak ay biyayang galing sa Diyos at mabuting hingiin ito ng mag-asawa.
2. Maling ipagpalagay na laging kalooban ng Diyos na mahimalang magbigay ng anak sa mag-asawa. Hindi niya laging kapasyahan na magbigay ng mga anak, kung paanong hindi siya laging gumagawa ng himala sa anumang uri ng pangangailangan.
3. Maling sisihin ang babae o ang mag-asawa kapag wala silang anak. Ang kalagayan ng tao ay naapektuhan ng kasalanan ni Adan, ng kasalanan ng ating mga ninuno, at ng kasalanan ng lipunan.
4. Dapat nating pantay na pahalagahan ang mga anak na lalaki at babae sapagkat sila ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos.
5. Ang isang tao ay maaaring maging espirituwal na ama o ina na magbibigay ng impluwensya sa maraming henerasyon kahit na siya’y walang bioholohikal na anak.
6. Ang Diyos ay nagbibigay ng espesyal na oportunidad ng ministerio sa mga walang asawa at walang anak.
7. Dapat nating italaga ang ating mga sarili sa Diyos at luwalhatiin siya sa anumang kalagayan na kanyang pinili para sa atin.
Ang Ministeryo ng Pastor
Nakakalungkot na may mga simbahan na sinundan ang dikta ng kanilang kultura sa halip na ang sinasabi ng Salita ng Diyos, pagdating sa isyu ng di pagkakaroon ng anak.
Dapat na turuan ng pastor ang kanyang nasasakupan na tingnan ang kawalan ng anak ayon mismo sa pananaw ng Biblia, alinsunod na rin sa tinalakay natin sa naunang bahagi ng araling ito.
Kung ang isang pastor ay mananalangin para sa mag-asawa na wala pang anak, hindi dapat ilagay ng pastor ang pasanin sa sinuman sa mag-asawa. Noong pinagaling ni Jesus ang isang maysakit o ibinangon ang isang patay, ang taong pinagaling o muling binuhay ay walang sariling pananampalataya na nag-udyok na mangyari ang himala. Kung ang pastor ay lubos na nananalig na ang Diyos ay may gagawing himala, hayaang siya ang magtiwala at huwag sisihin ang mag-asawa sa kawalan ng pagtitiwala.
Sa Roma 12:15, sinasabi sa atin na tayo ay dapat na matutong tumangis kasama ng mga tumatangis. Dapat na may kamalayan ang pastor sa paghihirap na nararamdaman ng kanyang kongregasyon. Dapat siyang gumawa ng unang hakbang upang aliwin at palakasin ang loob ng mga mag-asawang hindi magkaroon ng anak o kaya’y namatayan ng anak. Sa mag-asawang tumatangis dulot ng kamatayan ng hindi pa naisisilang na sanggol, dapat tandaan na bawat isa sa kanila ay nagdadalamhati bagamat sa magkaibang paraan. Hindi dapat hintayin ng pastor na lumapit sa kanya ang mag-asawang nagdadalamhati upang humingi ng payo. Dapat ring turuan ng pastor ang kongregasyon na maging matulungin sa mga kapatid na nangangailangan ng kaaliwan.
Dapat na pangunahan ng pastor ang kanyang kongregasyon sa pagbubuo ng mga relasyon at sa pangangalaga sa mga mag-asawa o indibidwal na walang mga anak. Dapat silang tratuhin ng bawat miyebro ng pamilya ng pananampalataya bilang mga magulang o kaya’y mga lolo at lola. Dapat ipadama sa kanila ang pag-ibig sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng panahon at sa pagtulong sa kanilang mga praktikal na pangangailangan.
Dapat na tulungan ng pastor ang mga walang asawa at mga walang anak na magkaroon ng pamamaraan na makapaglingkod at mapagpala ang simbahan at komunidad. Dapat na pahalagahan ng pastor ang kahalagahan ng bawat isang miyembro ng pamilya ng pananampalataya.
Para sa Talakayan ng Grupo
► Paano tinitingnan ng mga tao sa iyong kultura ang pagkakaroon ng mga anak? Paano nila tinitingnan ang kawalan ng anak?
► Paano tinitingnan ng mga mananampalataya sa iyong kultura ang pagkakaroon ng mga anak? Paano tinitingnan ng mga mananampalataya sa iyong kultura ang kawalan ng anak?
► Paanong ang pananaw mo tungkol sa di pagkakaroon ng anak ay nagbago o kaya’y hinamon ng pag-aaral gamit ang mga talatang tinalakay sa araling ito?
► Mayroon bang mag-asawa sa inyong simbahan na dumaraan sa hirap ng kawalan ng anak? Kung mayroon, paano nakakatulong ang inyong simbahan at paano ito nagbibigay ng kapanatagan na marinig ang kanilang mga kahirapan?
Panalangin
Ama naming nasa langit,
Salamat sa pamilya ng mga Kristiyano. Maraming salamat sa mga mag-asawang babae at lalaki na nabubuhay para sa iyo at para sa ikasusulong ng iyong kaharian.
Ipinapanalangin namin ang mga mag-asawang nahihirapan magkaroon ng anak. Dalangin namin na aliwin mo sila at palakasin ang kanilang mga puso. Tulungan mong malaman nila na ang pag-ibig mo para sa kanila ay matatag, kahit na sila ay hindi magkaroon ng anak.
Kung kalooban mo na sila’y magkaroon ng sariling mga anak, nagtitiwala kaming mangyayari ang bagay na iyan ayon sa iyong minarapat na panahon. At bigyan mo man sila ng anak o hindi, tulungan mo silang maging mga espirituwal na ama at ina sa iba.
Tulungan mo ang bawat mananampalataya na pahalagahan ang bawat tao bilang nilikha ayon sa iyong wangis.
Amen
Mga Takdang Aralin
(1) Magsulat ng dalawang pahina na kung saan:
Inilalarawan mo ang pananaw ng iyong lipunan tungkol sa pagkakaroon ng mga anak at kawalan ng anak.
Pinapaliwanag mo ang katuruan ng Biblia tungkol sa mga anak.
Pinapaliwanag mo ang katuruan ng Biblia tungkol sa kawalan ng anak.
Pinapaliwanag mo kung bakit hindi dapat sisihin ang mag-asawa sa kanilang baog na kalagayan.
(2) Palakasin ang loob ng mga hindi magkaroon ng anak.
Opsyon 1: Ilarawan mo sa pamamagitan ng iyong pagsusulat kung paano mo maipapakita ang iyong habag at malasakit sa taong dumaraan sa kalungkutan ng hindi pagkakaroon ng anak. Maging partikular sa pagsasabi ng mga bagay na iyong gagawin o sasabihin na magiging pagpapala sa iyong kapatid kay Cristo.
Opsyon 2: Magsulat ng maikling pangungusap ng pagpapalakas loob sa kakilala mong dumaraan sa kalungkutan ng hindi pagkakaroon ng anak. Sikapin mong unawain ang kanilang pinagdaraanan. Hayaan mong madama nila na ikaw ay nagmamalasakit. Sabihin mong ipapanalangin mo sila. Kapag binigyan mo sila ng maikling sulat ng pagpapalakas-loob, maging handa ka rin na makinig at ipadama ang iyong pagmamalasakit sa kanila sa nararapat na paraan.
Kontrol sa Pagbubuntis
Bago magpatuloy sa Aralin 11, dapat na gawin ng klase ang pag-aralan at talakayin ang Apendiks B. Ito ay diskusyon hinggil sa pagkontrol sa pagbubuntis, isang mahalagang paksa na nakaugnay sa pag-aasawa at pagpapamilya.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.