Ang Roma 6 ay tungkol sa pagliligtas mula sa kapangyarihan ng kasalanan. Upang maunawaan ang pagsisisi at tagumpay, dapat nating maunawaan kung ano ang kasalanan.
► Ano ang kasalanan?
Karaniwang nagsasalita ang Biblia tungkol sa mga gawang kasalanan bilang mga sinasadyang kilos (1 Juan 3:4-9, Santiago 4:17). Kapag ang isang tao ay sinadya at sadyang pinili na sumuway sa Diyos, iyon ay sinasadyang kasalanan.
Ang mga hindi alam o di-sinasadyang paglabag sa ganap na kautusan ng Diyos ay hindi sumisira sa ating relasyon sa Diyos hindi katulad ng nagpapatuloy at sinasadyang kasalanan. Habang lumalakad tayo sa liwanag (namumuhay ayon sa katotohanan na alam natin), tayo ay nililinis mula sa lahat ng kasalanan (1 Juan 1:7) at hindi dapat matakot na ang mga paglabag na hindi natin nalalaman ay maghihiwalay sa atin sa Diyos.
Ang talata na ito ay pangunahing nagpapahayag patungkol sa kasalanang sinasadya, na sumisira sa pananampalataya at sumisira sa relasyon ng isang tao sa Diyos.
Ang ika-4 nabahagi ng Roma (Roma 6-8) ay tungkol sa pagpapabanal sa mga pinawalang-sala.
Hanggang sa puntong ito, ipinapaliwanag ni Pablo ang tungkol sa itinalagang katuwiran . Ito ay katuwiran na ibinibigay sa mananampalataya bilang kapalit ng kanyang mga nakaraang kasalanan. Ngayon ay inilalarawan naman niya ang ipinagkaloob na katuwiran. Ang ipinagkaloob na katuwiran ay ibinibigay din sa pamamagitan ng biyaya sa sandali ng pagbibigay-katwiran at nangangahulugan na ang mananampalataya ay nagiging tunay na matuwid sa pamamagitan ng pagiging malaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan at tinulungan ng Banal na Espiritu upang mamuhay ng isang banal na buhay. Samakatuwid, ang mananampalataya ay hindi lamang ibinibilang na banal, ngunit siya ay ginawang banal; ito ay tinatawag na pagpapabanal.
Sa aralingito, pag-aaralan natin ang Roma 6, na tungkol sa tagumpay laban sa kasalanan.
Pangunahing Punto ng Kabanata 6
Ang mananampalataya ay malaya mula sa pagkaalipin sa kasalanan at dapat piliin na mamuhay ng may katagumpayan sa kasalanan at may pagsunod sa Diyos. Kung hindi, siya’y babalik sa ilalim ng kontrol ng kasalanan.
Buod ng Kabanata 6
Ang Roma 6 ay ang tugon ni Pablo sa isang maling ideya na mayroon ang maraming tao: Ang maling ideya ay dahil sa biyaya, ang mga mananampalataya ay hindi kailangang mamuhay sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Ang pagkakamaling ito ay batay sa maling pagkaunawa sa biyaya. Tumugon si Pablo sa pagkakamaling ito sa pamamagitan ng pagtatanong at pagsagot sa dalawang hypothetical na tanong (6:1, 15).
Kapag binasa ng ilang tao ang 5:20, nangangatuwiran sila na dapat tayong magpatuloy sa kasalanan, upang tayo ay magkaroon ng higit na biyaya (6:1). Tila iniisip nila na dahil ang ating mga kasalanan ay napalitan ng bagong katuwiran, hindi mahalaga kung patuloy tayong magkasala.
May isa pang dahilan kung bakit iniisip ng ilang tao na ang mga mananampalataya ay hindi kailangang mamuhay sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Tayo ay tinatanggap sa pamamagitan ng biyaya at hindi sa pamamagitan ng ating mga aksyon. Iyan ang dahilan kung bakit nagkakamali sila sa pag-iisip na hindi mahalaga kung ano ang ginagawa natin (6:15).
Mariing tinanggihan ni Pablo ang pangangatwiran ng parehong hypothetical na mga tanong. Siya ay tumugon sa isang paliwanag kung bakit ang tagumpay laban sa kasalanan ay napakahalaga.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 6 para sa grupo.
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo
(6:1) Itinanong dito ng apostol ang maaaring itanong ng sinuman pagkatapos na marinig na ang biyaya ay masmasagana kaysa sa kasalanan. Maaaring isipin ng sinuman na ang kasalanan ay aktuwal na mabuti sa mga resulta nito dahil gumagawa ito ng daan para sa mashigit na biyaya. Ang ideyang ito ay nagsasabing tayo ay malayang mamuhay nang walang ingat sa kasalanan.
(6:2) Tumugon ang apostol sa tanong, na iyon ay talagang kasuklam-suklam. Ipinaliwanag niya pagkatapos na hindi maaaring magpatuloy tayong namumuhay sa kasalanan, dahil tayo ay mga patay na sa kasalanan.
(6:3-5) Hindi tayo nagpapatuloy sa kasalanan dahil kaisa tayo ni Kristo sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Gaya ng ipinaliwanag sa Roma 5:15-19, naisagawa ni Jesus ang gawain ng kaligtasan para sa ating lahat. Sa pamamagitan ng pananampalataya tayo ay nakaugnay sa kanya, upang ang paglingap ng Diyos ay makaabot sa atin gaya ng kay Kristo.
Si Hesus ay minsan lamang namatay sa kasalanan, at pagkatapos ay nabubuhay para sa Diyos. Ang kamatayan ni Hesus ay para sa ating kasalanan at hindi para sa kanyang sarili, subali’t ang punto ay: ang usapin tungkol sa kasalanan ay tapos na. Sa pamamagitan ng pananampalataya, tayo ay namatay na at muling nabuhay na kasama niya; upang tayo man ay tapos na sa kasalanan.
Ang bautismo ay muling pagsasadula sa kamatayan at muling pagkabuhay, na sumisimbolo ng ating pakiki-isa.
(6:6) Ang lumangpagkatao ay kumakatawan sa makasalanang buhay bago ang pagbabalik-loob. (Ang isang seksiyon sa araling ito ay nagpapaliwanag ng konsepto ng dating pagkatao) Ang buhay na makasalanan ay lubusan nang natapos, upang tayo ay hindi na maging alipin ng kasalanan.
Pansinin ang mga salitang ginamit sa talatang ito tungkol sa kung ano ang nangyari sa kasalanan: ito ay namatay, ipinako, at nawasak. Ang mga talata ay nagpapahayag ng lubusang tagumpay laban sa kasalanan.
(6:7-11) Ang binibigyang-diin sa mga talatang ito ay: ang kontrol ng kasalanan ay natapos na sa mananampalataya. Ang paglalarawan ay kamatayan. Ang isang taong patay ay ligtas na sa kasalanan, at tayo ay dapat magkaroon ng espirituwal na karanasan na tulad sa kamatayan.
Pagkatapos ng muling pagkabuhay, hindi na muling namatay si Hesus at hindi nagpatuloy na patay. Natapos siya sa kamatayan. Dapat tayong lubusang mamatay sa kasalanan at matapos na dito at maging malaya mula sa kasalanan. Ang kamatayan sa kasalanan ay dapat tapusin, at pagkatapos ay mabubuhay para sa Diyos.
Ang pakikipagkaisa ng Kristiyano sa kamatayan ni Kristo sa kasalanan, sa kanyang pagkalibing, at sumunod na pagkabuhay na muli na inilarawan ni Pablo sa Roma 6:1-23 ay nagpapalaya sa Kristiyano mula sa kapangyarihan at pagkaalipin sa kasalanan. Siya ay ipinahayagna patay na sa kasalanan (Roma 6:2) at pinalaya na mula rito (Roma 6:7). Ang maging patay sa kasalanan ay hindi na nasa ilalim ng kapangyarihan o kontrol ng kasalanan. Sa pamamagitan ng pananampalataya, ang isang mananampalataya ay dapat ariin ang kaniyang sarili bilang patay sa kasalanan, subali’t buhay sa Diyos kay Kristo Hesus (Roma 6:11). Nangangahulugan ito na dapat ilagay sa personal na karanasan ng isang Kristiano kung ano ang idinideklara ng Diyos na totoo tungkol sa kanya. Hindi na niya dapat hayaan ang kasalanan na maghari sa kanyang mortal na katawan (Roma 6:12), o kaya’y gamitin ang alinmang bahagi ng kanyang katawan bilang instrumento ng kawalang-katwiran (Roma 6:13a). Sa halip, dapat niyang ihandog ang kanyang sarili bilang handog na buhay, banal at katanggap-tanggap sa Diyos (Roma 12:1), at gamitin ang kanyang katawan bilang instrumento ng katuwiran (Roma 6:13, 19).[1]
Sa Roma 6:11, ang isinaalang-alang ay isang termino sa pagtutuos. Ito ay upang patunayan kung ano ang totoo. Ito ay hindi isang pahayag ng pagkukunwari. Hindi sinasabi ng apostol sa mga mananampalataya na magsabi ng isang bagay na hindi totoo. Dapat mapagtanto ng mananampalataya na siya ay lubusan nang nailigtas mula sa kasalanan na parang siya ay patay na, at dapat niyang piliin na mamuhay sa ganap na kalayaan mula sa kapangyarihan ng kasalanan.
► Ano ang ibig-sabihin ng isinaalang-alang ang iyong sarili bilang patay na sa kasalanan?
Ang natitira pang bahagi ng kabanatang ito ay nagpapaliwanag ng ibang dahilan kung bakit mahalaga ang tagumpay laban sa kasalanan. Hindi tayo mga alipin ng kasalanan, kundi mga alipin ng Diyos. Hindi ka maaaring magsilbi sa dalawa. Nang ikaw ay alipin pa ng kasalanan, wala kang ginawang may katuwiran (6:20). Ngayon ikaw ay malaya na sa kasalanan at alipin na ng Diyos; samakatuwid, ikaw ay nabubuhay na sa kabanalan (6:22).
(6:12-13) Dito nakakikita natin ang paghahambing. Kung wala tayong tagumpay laban sa kasalanan, paghaharian tayo ng kasalanan. Ang mga mananampalataya ay hindi kontrolado ng mga pagnanasang makasalanan. Ang paggamit ng iyong katawan upang gumawa ng mali ay pagpapasakop nito sa awtoridad ng kasalanan. Sa halip, ang iyong katawan ay pag-aari ng Diyos at dapat gamitin para sa kanya.
(6:14) Ang ibig sabihin ng pagiging nasa ilalim ng kautusan ay umaasa sa pagsunod sa kautusan para sa pagtanggap ng Diyos. Ang taong iyon ay walang biyayang nakapagliligtas at, sagayun, hahatulan batay sa mga gawa. Dahil walang sinumang walang biyaya ang maaaring magtagumpay sa kasalanan, ang mapasailalim sa kautusan ay nangangahulugan na mahatulan at nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan. Ang ibig sabihin ng pagiging nasa ilalim ng biyaya ay umasa sa biyaya para sa pagtanggap ng Diyos. Ang taong nasa ilalim ng biyaya ay wala sa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan. Ang pagiging nasa ilalim ng kautusan o nasa ilalim ng biyaya ay hindi tumutukoy sa pagiging nasa Lumang Tipan o nasa Bagong Tipan.
► Hilingan ang mga mag-aaral na muling ipaliwanag sa kanilang sariling salita kung ano ang ibigsabihin ng pagiging nasa ilalim ng kautusan.
(6:15) Dito nagtanong ang apostol ng tanong na maaaring itanong ng isang tao matapos niyang marinig na tayo ay wala na sa ilalim ng kautusan: “Maaari ba tayong magkasala, dahil wala na tayo sa ilalim ng kautusan?” Ang tao ay nag-iisip na kung ang pagtanggap sa atin sa harap ng Diyos ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng ating pagsunod, sagayun hindi na kinakailangan ang pagsunod. Matibay ang sagot ni Pablo sa tanong na ito.
Hindi direktang ipinaliwanag ni Pablo kung bakit hindi awtomatikong tinatakpan ng biyaya ang nagpapatuloy na kasalanan. Sa halip, ipinaliwanag niya na ang isang tao ay hindi maaaring maging alipin ng Diyos kung siya ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan.
(6:16) Imposibleng maglingkod sa Diyos at sa kasalanan dahil alipin ka ng iyong sinusunod. Kung susundin mo ang kasalanan, ang kasalanan ang iyong panginoon, ibig sabihin ay hindi ang Diyos ang iyong panginoon. Tulad ng sinabi ni Apostol Pedro, na kung ano man ang nananaig sa isang tao ay nagdadala sa kanya sa pagkakaalipin (2 Pedro 2:19). Hindi ka maaaring magpasakop sa kasalanan nang hindi nagiging alipin ng kasalanan.
(6:17-18) Iniligtas na ang mga mananampalataya mula sa kapangyarihan ng kasalanan at ngayo’y naglilingkod nang makatwiran. Naranasan nila ang pagliligtas na ito sa pamamagitan ng pagsunod sa ebanghelyo. Muli, ipinahayag na upang makapalingkod sa katwiran kinakailangan na sila’y mailigtas muna sa kasalanan.
Ang buong kabanata ay nagpapakita ng malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng pagkatali sa kasalanan at pamumuhay sa tagumpay. Walang anumang implikasyon na posible para sa isang mananampalataya na nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan o para sa isang makasalanan na maging matuwid habang patuloy na nagkakasala. Magiging mahirap humanap ng paraan kaya’t masasabi iyon ni Pablo nang mas malinaw.
(6:19) Sinabi niya na kanyang ipinaliliwanag ito gamit ang mga salitang madaling maunawaan ng tao upang mas maunawaan nila ito. Dati silang nagpapasakop sa kasalanan, na humantong sa mas malalim na pagkakasala. Ngayon, dapat silang maging matuwid sa kanilang mga kilos, na kinakailangan para sa kabanalan. Ang isang tao ay hindi nagiging banal sa pamamagitan lamang ng paggawa ng tama, ngunit hindi rin siya maituturing na banal kung hindi niya ginagawa ang tama.
► Paano mo ipapaliwanag na imposible ang maglingkod sa Diyos at mamuhay sa kasalanan nang sabay?
(6:21-23) Walang ibinubungang mabuti ang kasalanan subalit natural na nagwawakas sa kamatayan; ang kamatayan ay ang kabayan sa kasalanan. Hindi kinikita ng mananampalataya ang buhay na walanghanggan, dahil hindi niya kayang kitain yun; tinatanggap niya iyon bilang isang kaloob na biyaya.
[1]Ang talatang ito ay isinulat ni Dr. Allan Brown.
Ang Batayan ng Personal na Katiyakan ng Kaligtasan
Iniisip ng ilan na kapag tinanggap na ng isang tao si Kristo, ang kanyang kaligtasan ay sigurado na kahit na ang kanyang pamumuhay ay salungat sa kanyang sinasabi.[1] Kahit na ang inaangkin na kaligtasan ay hindi naisalin sa pagbabago ng buhay; kahit na walang bunga ng pagsisisi at pagbabagong-loob na makikita; at kahit tumatanggi siyang maging tunay na disipulo ni Jesus, maaari niyang huwad na angkinin ang kaligtasan. Ito ay isang nakamamatay na panlilinlang at sinasalungat ng maraming kasulatan.
Tayo'y lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang mga puso ay winisikang malinis mula sa isang masamang budhi at nahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig (Hebreo 10:22).
Na sa kapangyarihan ng Diyos ay iniingatansa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasan na nakahandang ipahayag sa huling panahon (1 Pedro 1:5).
Mula sa mga talatang ito nalaman natin na ang biblikal na katiyakan ng kaligtasan ay depende sa pananampalataya:
Ang katiyakan ng kaligtasan ay nakasalalay sa pananampalataya na nakakaunawa - “lubos na katiyakan.” Ang katiyakan ay nagsisimula sa isang malinaw na pagkaunawa sa ebanghelyo (1 Corinto 15:3-4). Ito ang “lubos na katiyakan ng pagkakaunawa” na binanggit sa Colosas 2:2. Ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng biyaya lamang, sa pamamagitan ng pananampalataya sa kamatayan ni Kristo na siyang kabayaran at kapalit sa ating kasalanann (Efeso 2:8-9). Ang kinakailangan sa kaligtasan ay hindi ang pagiging perpeto at walang kasalanan (walang sinumang makakatugon) o makakaramdam na siya ay ligtas sa lahat ng panahon, kundi ang nagpapatuloy na pagtitiwala sa ginawa ni Kristo at sa natapos na gawa ng pagtubos kahit pa tayo ay nagkukulang. Ang sigasig sa katapatan ay susunod sa tunay na pananampalatayang nakapagliligtas.
Ang katiyakan ng kaligtasan ay depende sa matapat na pananampalataya – “isang pusong tunay”. Ang isang sinserong nagbalik-loob ay isang taong may pusong “nilinis na mula sa masamang budhi” (Hebreo 10:22) Ang pagkadama ng pagkakasala at kahihiyan ay inalis na at napalitan na ng kapayapaan at pag-ibig. Ang sinserong nagbalik-loob ay siya na ang katawan ay “hinugasan na ng dalisay na tubig” dahil ang mga lumang bagay ay lumipas na at ang lahat ng bagay ay ginawa nang bago (2 Corinto 5:17). Ang isang sinserong nagbalik-loob ay isang tao na kinikilala at naghahayag ng kanyang mga kamalian at kasalanan upang mapatawad at mapalaya mula sa mga ito (Mateo 6:12, Santiago 5:16).
Ang katiyakan ay nakakundisyon sa buhay na pananampalataya –“iningatan ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya”. Ang ideya ay kapareho ng pagtatanggol sa isang kaharian o kuta. Ang banal na kapangyarihan ng Diyos ay nagsasanggalang, nag-iingat, at sa wakas ay nagdadala sa atin sa tagumpay. Ang kapangyarihan ng nakapaglilinis na dugo ni Kristo at ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay na ating tinatanggap sa pamamagitan ng pananampalataya ang siyang nagpepreserba sa ating mga kaluluwa hanggang sa buhay na walang hanggan. Ang tanging tunay na pananampalatayang nakapagliligtas ay ang pananampalatayang nagtitiis; pananampalatayang nananatiling nagtitiwala kay Kristo at sa kanyang natapos na gawain sa krus. Ang pananampalataya ay hindi isang gawa, kundi ito ay isang kundisyon para sa kaligtasan. Ganito ang sinabi ng sumulat ng Hebreo: “Kung walang pananampalataya imposible na malugod Siya” (Hebreo 11:6).
Maraming mga tao ang naniniwala na ang pagdadagdag na anumang kinakailangan sa kaligtasan ay legalismo, subali’t si Hesus at ang bawat manunulat ng Bagong Tipan ay malinaw na nagturo ng kahalagahan ng nagpapatuloy na pananampalataya.
Kungkayo'ymananatili sa aking salita, tunay ngang kayo'y mga alagad ko (Juan 8:31).
Kung kayo'y nagpapatuloy na matatag at matibay sa pananampalataya, at hindi nakikilos sa pag-asa sa ebanghelyo na inyong narinig… (Colosas 1:23).
Ngunit ang aking matuwid na lingkod ay mabubuhay sa pananampalataya. Ngunit kung siya'y tumalikod, ang aking kaluluwa ay hindi malulugod sa kanya (Hebreo 10:38).
Na iniingatan ang pananampalataya at ang mabuting budhi. Sa pamamagitan ng pagtatakuwil sa budhi, ang ibang tao ay nakaranas ng pagkawasak ng barko sa kanilang pananampalataya (I Timothy 1:19).
Sa paglalarawan sa katiyakan ng kaligtasan, sinabi ni John Wesley,
Ang aking aliw ay nananatili, hindi sa anupamang opinyon, na ang isang mananampalataya ay maaari, o hindi mapapalayo, hindi sa pag-alaala ng anumang nagawa sa akin sa nakalipas; kundi kung ano ang sa ngayon, sa aking kaalaman sa kasalukuyan sa Diyos kay Kristo, ipinagkasundo ako sa kanyang sarili; sa aking ngayon na namamangha sa liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Kristo Hesus; lumalakad sa liwanag dahil siya ay nasa liwanag, at nakikipag-ugnayan sa Ama at sa Anak. Ang aking aliw ay sa pamamagitan ng biyaya na maaari akong sumampalataya sa Panginoong Hesu Kristo, at sa Espiritu na nagpapatotoo sa aking Espiritu na ako ay anak ng Diyos.[2]
► Mula sa mga konsepto sa seksiyon sa unahan, paano mo ipapaliwanag na ang isang Kristiyano ay maaaring magkaroon ng katiyakan ng kaligtasan batay sa isang buhay na pananampalataya?
Ang salitang dating pagkatao ay ginamit ng tatlong beses sa Kasulatan. Lahat ng tatlong beses ay ginamit ni Pablo. Sa paghahambing sa tatlong pagkakataong ito sa iba’t ibang konteksto, maaari nating makita kung ano ang kahulugan ng salita.
Colosas 3:9
Sinasabi ng Colosas 3:9-10a, “Huwag kayong magsinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ang mga gawa nito, at kayo'y nagbihis na ng bagong pagkatao,” Sinabi ni Pablo na hinubad na ng mga mananampalatayang ito ang dating pagkatao. Hindi niya ibigsabihin na sila’y lubusan nang banal, dahil ang karamihan sa Colosas 3 ay naghihikayat sa kanila na magpakabanal.
Nauna rito sinabi niya sa mga mananampalataya sa Colosas na, “Ay hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas... Ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas... sapagkat kayo'y namatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Diyos” (Colosas 3:1-3) Nagpatuloy pasiya at sinabi, “Patayin ninyo ang anumang makalupa na nasa inyo: pakikiapid, karumihan, masamang pita…” (3:5). Ang (3:6) ay nagsasabi na ang kasalanan ay magdudulot ng paghatol ng Diyos, at ang 3:7 ay nagsasabi na ginawa ito ng mga mananampalataya noong dati. Hiniling ni Pablo na huwag nilang pahintulutan ang gayong mga bagay sa kanilang buhay. Ito ay ipinahihiwatig ng pahayag na dapat nilang talikuran ang lahat ng gayong bagay.
Pagkatapos sinabi niya sa kanila na hubarin ang ilan pangbagay: galit, poot, masamang pag-iisip, panlalait, at maruming pananalita at iba pa (3:8). Dahil ang mga ito ay hindi tumutugma sa buhay ni Kristo.
Pagkatapos ay dumating tayo sa pahayag na dapat nilang gawin ang lahat ng ito dahil hinubad na nila ang dating pagkatao kasama na ang kanyang mga ginagawa.
Tinawag niya sila na magpatuloy sa kanilang pananampalatayang Kristiyano sa pamamagitan ng pagsasalarawan ng mga banal na katangian (3:12), pagkatapos ay hinikayat silang maging katulad ni Kristo sa kanilang mga pakikipag-ugnayan (3:13), pagkatapos, sinabihan sila na isuot ang pag-ibig, na nagbubuklod sa lahat sa perpektong pagkakaisa (3:14).
Tila malinaw na sa kontekstong ito ang lumang pagkato ay isang bagay na inalis na sa oras ng pagbabalik-loob. Dahil ginawa na nila iyon, naniniwala si Pablo na maaari na silang sumulong sa lubos na kabanalan.
Efeso 4:22
Ang talata na ito ay kasama sa sipi na katulad ng nasa Colosas. Sa 4:17-19, inilarawan niya ang paraan ng pamumuhay ng hindi mananampalataya; pagkatapos sa 4:20 inihambing ito sa buhay ng isang mananampalataya. Ang 4:21-24 ay naglalarawan kung ano ang ibig-sabihin ng “natutuhan ko si Kristo” (4:20) at ang marinig siya at tinuruan niya (4:21). Kabilang sa mga bagay na ito ang paghuhubad sa dating pagkatao at pagsusuot ng bagong pagkatao. Ito ay bahagi nang nangyari nang sila ay nagbalik-loob.
Ang sipi sa Efeso ay sumusunod sa huwaran na katulad ng sa Colosas 4. Pagkatapos ng pangungusap na ang paghuhubad ng dating pagkatao ay bahagi ng ebanghelyo na kanila nang natutuhan, ang unang utos ni Pablo ay ang pag-aalis ng pagsisinungaling. Nagpatuloy pa siya na binabanggit ang pagkagalit, masamang pananalita, at malisya. Sinabi niya sa kanila na maging mabait at mapagpatawad. Ang lahat ng mga bagay na ito ay binanggit rin sa Colosas pagkatapos ng pangungusap na ang dating pagkatao ay inialis na.
Ang dating pagkatao ay hindi isang bagay na kinakailangan pang alisin ng mananampalataya, kundi isang bagay na hinubad na nang magbaglik-loob. Hindi pa sila lubusang banal, at hinikayat sila ni Pablo sa lubusang kabanalan sa kanilang buhay na magiging katulad nang sila’y magsimula noong alisin nila ang dating pagkatao.
Roma 6:6
Sa sipi na ito, gumawa si Pablo ng malaking paghahambing sa pagitan ng isang hindi mananampalataya at ng isang mananampalataya. Ang pangunahing punto ng kabanata ay pagbibigay katiyakan sa pagkakaroon ng tagumpay laban sa kasalanan ng isang taga-sunod ni Hesus. Ang isang dahilan na ibinigay niya upang patunayan na ang mananampalataya ay mabubuhay nang matagumpay laban sa kasalanan ay ang dating pagkatao ay ipinako sa krus. “Nalalaman natin na ang ating dating pagkatao ay kasama niyang ipinako sa krus, upang ang katawang makasalanan ay mawalan ng bisa, at upang tayo'y hindi na magpaalipin pa sa kasalanan.” Malinaw na sinasabi niya na ang mananampalataya ay maaaring maging malaya sa kasalanan dahil sa isang bagay na natapos na sa oras ng pagbabalik-loob.
Konklusyon
Kaya’t ano nga ang kahulugan ng salitang dating pagkatao? Ang dating pagkatao ay ang buhay na makasalanan na nakasentro sa sarili na iniiwan ng isang tao sa oras ng kanyang pagbabalik-loob.
Ang bagong nagbalik-loob ay nagtataglay pa rin ng mga gawain at kaugalian na masnatutulad sa lumang katauhan kaysa sa bago. Kaya nga’t sinabi ni Pablo sa mga mananampalataya na gumawa pa ng mas higit na pagbabago sa kanilang mga buhay na magiging kaangkop sa kanilang pagtanggi sa lumang katauhan. Sinasabi niya, “Dahil iniwan ninyo ang dating buhay ng kasalanan, kailangan ninyong itigil ang anumang pag-uugali na hindi angkop sa bagong buhay ng katuwiran.”
Ang Ipinagkaloob ni Hesus Para sa Ating Pagpapaging-banal
Sa Roma 6:1-10 sinabi sa atin ang tungkol sa ginawa ni Hesus para sa ating personal na pagpapaging-banal.[1] Kapag tayo’y ipinanganak na muli, tayo ay inilagay na kay Kristo. Ang lahat ng natupad niya sa kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay ay naging sa atin sa pamamagitan niya. Ang ibig-sabihin nito, kay Kristo mayroon tayong mapagkukunan para sa lubos na tagumpay laban sa kasalanan.
Dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo, anumang nangyari sa kanya ay nangyari sa akin. Nang siya’y mamatay, ako’y namatay. Nang siya’y muling mabuhay, ako’y kasama niyang muling na buhay. Dahil sa ating buhay na pakikipag-isa kay Kristo, ang mananampalataya ay may lubusang bagong relasyon sa kasalanan. Ngayon tayo’y patay na sa kasalanan. Patay na tayo kapwa sa mga gawa ng kasalanan gayun din sa prinsipyo ng kasalanan. Ito ang ating kalagayang relasyon sa kasalanan.
Dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo, ngayon ay lumalakad tayo sa pagiging bago ng buhay dahil nakikibahagi tayo sa kanyang muling pagkabuhay.
Dahil sa ating pakikipag-isa kay Kristo, ang kanyang pagkapako ay nagiging aking pagkapako. Dahil ang kanyang kamatayan ay lumupig sa kapangyarihan ng kasalanan, hindi na tayo hawak ng kasalanan sa ating buhay.
Ano ang kahulugan ng “ituring?” (Roma 6:11). Sa sitwasyong ito, ito ay isang salitang ginagamit sa bookkeeping. Nangangahulugan ito na isaalang-alang kung ano ang naroon. Ang salitang Griego ay ginamit nang 11 beses sa Bagong Tipan, bagama’t sa ibang talata, ito ay isinalin saibang salita. Dito ay tumutukoy ito sa “paglalaan sa pamamagitan ng pananampalataya ng kalayaan mula sa kasalanan at pagkakaisa sa Diyos na ibinigay sa pagbabayad-sala at muling pagkabuhay ni Kristo.”[2] Ang pandiwa ay nagpapahiwatig na tayo ay dapat maniwala sa kung ano ang totoo na: tayo ay patay na sa kasalanan.
Ano ang dapat kong gawin upang patunayan ang katotohanan na ako ay patay na sa kasalanan at buhay sa Diyos kay Cristo Hesus? Sa pamamagitan ng pananampalataya, tinanggap ko ang Salita ng Diyos bilang Katotohanan para sa aking puso. Idinedeklara ko sa awtoridad ng di-nagkakamali at walang kamaliang Salita na ako ay pinalaya na mula sa lahat ng kasalanan at lubusang nabubuhay sa Diyos kay Kristo Hesus na aking Panginoon.
Bilang isang boluntaryong alipin ng pag-ibig kay Hesu-Kristo, kusang-loob mong iniiwan ang mga kaugalian at mga kilos na mga katangian ng lumang buhay. Ang lubusang pagsuko kay Hesus ay isang kagalakan! At bilang resulta ng ating relasyon kay Kristo, tayo’y mayroong buhay na walang hanggan.
Konklusyon:
Nakita natin na pribilehiyo natin na binili ng dugo ang magkaroon ng ganap na kalayaan mula sa pagkontrol ng kapangyarihan ng kasalanan. Ngunit higit pa riyan, iniutos ng Diyos na tayo ay maging mapagtagumpay.
[3]Marahil hindi mo pa napagtatanto ang katotohanang ito noon. Iniligtas ka ng Diyos at ikaw ay lumalakad sa isang bagong buhay; subali’t nakikita mo na ang kasalanan ay patuloy pa ring lumilitaw sa iyong buhay. Hindi mo rin ito gusto! Subali’t may bagay sa iyong kalooban ang nagnanais na masunod ang kanyang sariling paraan. Kung ito ang nangyayari, sundan mo ang iniuutos ni Pablo na isaalang-alang ang iyong sarili na ituring na patay na sa kasalanan (6:11) at ipagtiwala ang iyong sarili sa Diyos (6:13).
Bigyan mo siya ng ganap na kontrol! Kung gagawin mo ito, ipinangako niya na bibigyan ka niya ng kakayahang mamuhay nang malaya mula sa kapangyarihang kumokontrol ng kasalanan. Paniwalaan mo ang sinasabi ng Diyos at angkinin sa pamamagitan ng pananampalataya ang iyong kalayaan mula sa kasalanan.
► Ano ang ibig-sabihin ng pakikipag-isa kay Kristo? Ano ang aasahan mo sa iyong buhay dahil ikaw ay nakipag-isa kay Kristo?
[1]Ang bahaging ito ay isinulat ni Dr. Allan Brown.
[2]W.T. Purkiser, Exploring Christian Holiness, (Vol.ume 1), (Kansas City, Beacon Hill Press), 138
“Habang pinag-aaralan natin ang Roma 6-8 matutuklasan natin na ang mga kondisyon ng pamumuhay ng normal na buhay Kristiyano ay nahahati sa apat na bbahagi.
Sila ay
(1) pag-alam, (2) pagpapatotoo,
(3) pagpapakita ng ating sarili sa Diyos, at (4) paglakad sa Espiritu, at sila ay itinakda sa ganoong kaayusan.”
- Watchman Nee, The Normal Christian Life
Paano Ipamumuhay ang Buhay na Matagumpay
Napag-isipan mo na ba kung talagang posible na mamuhay sa tagumpay laban sa kasalanan? Ipinangako ng Diyos ang biyayang nagbibigay ng kakayahan na higit pa kaysa sa ating kahinaan sa tukso:
Walang tuksong dumating sa inyo na hindi karaniwan sa tao, subalit tapat ang Diyos, na hindi niya ipahihintulot na kayo'y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay naglalaan ng pag-iwas upang ito'y inyong makayang tiisin
(1 Corinto 10:13).
Sinasabi sa atin ng talatang ito ang ilang mahahalagang bagay:
1. Ang bawat pagsubok ay karaniwan sa sangkatauhan. Dumating ito dahil sa ating pagiging tao at nakatuon sa ilang kahinaan ng tao. Ibig-sabihin ang mga paghihirap na pinagdaraanan mo ay hindi lamang ikaw ang nakakaranas.
2. Sinasabi nito na nalalaman ng Diyos ang ating mga limitasyon. Nauunawaan niya kung hanggang saan ang kaya nating tiisin. Hindi natin tunay na nalalaman kung hanggang saan ang kaya nating tiisin, subalit alam ito ng Diyos.
3. Nililimitahan ng Diyos ang mga pagsubok na dumarating sa atin dahil nais niya na mamuhay tayo nang matagumpay. May mga tao na nag-aakala na ang mga pagsubok ay kadalasan ay higit sa ating makakaya dahil tayo ay tao. Inaakala nila na ang tuloy-tuloy na tagumpay ay imposible, subalit ayon sa talatang ito, hindi iyon totoo.
4. Ipinagkakaloob ng Diyos ang kinakailangan natin upang mamuhay nang matagumpay. Nagkakaloob siya ng paraan upang makatakas.
Kaya’t isang konklusyon na makukuha natin sa talatang ito ay: Nilalayon ng Diyos na mamuhay tayo nang matagumpay. Ang biyaya para sa matagumpay na pamumuhay ay ibinibigay bilang tugon sa pananampalataya.
Sapagkat ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay dumadaig sa sanlibutan at ito ang tagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya (1 Juan 5:4).
Mapalad ang taong nagtitiis ng pagsubok, sapagkat kapag siya ay subok na, siya'y tatanggap ng putong ng buhay, na ipinangako ng Panginoon sa mga nagmamahal sa kanya (Santiago 1:12).
Kung nauunawaan natin kung paano nangyayari na ang mga mananampalataya ay natalo ng tukso, marahil mauunawaan din natin kung paano iyon napipigilan. Ang isang taong nahulog sa tukso, ay karaniwang hinayaan na ang sarili na dumaan sa isang proseso.
Ang proseso ay inilarawan sa Santiago 1:14-15: “Ngunit ang bawat tao ay natutukso ng sarili niyang pagnanasa, kapag siya ay nahila at naakit nito; at kapag ang pagnanasang iyon ay naipaglihi, ito ay nanganganak ng kasalanan…”
Naobserbahan ni John Wesley ang mga hakbang patungo sa sinasadyang kasalanan ay katulad ng sumusunod.
1. Mayroong pagtukso (mula sa mundo, sa katawan, o sa demonyo).
2. Binibigyang babala ng Espiritu ang mananampalataya na maging mapagbantay.
3. Nagbibigay ng pansin ang tao sa tukso at lumalakas ang pang-akit nito. (Dito nagagawa ng tao ang kanyang unang pagkakamali sa prosesong ito.)
4. Nagdadalamhati ang Espiritu, humihina ang pananampalataya ng tao, at ang kanyang pag-ibig sa Diyos ay nanlalamig.
5. Malakas na tumututol ang Espiritu.
6. Tumalikod ang tao sa masakit na tinig ng Espiritu at nakikinig sa mapang-akit na tinig ng manunukso.
7. Nagsisimula ang masasamang pagnanasa at pinupuno nito ang kanyang puso; naglalaho ang pananampalataya at pag-ibig; handa na siyang gumawa ng panlabas na kasalanan.
Hindi natin dapat akalain na ang karanasan ng bawat tao ay sumusunod sa ganitong pagkakasunod-sunod. Kung minsan ang tao ay tila bigla na lamang nagkakasala, at tila hindi na dumadaan sa prosesong ito.
Dahil lumalakas ang kapangyarihan ng tukso habang hawak niya ang ating atensiyon, ang mananampalatayang seryoso sa pagpapanatili ng tagumpay laban sa kasalanan ay dapat maging matatag upang agad niyang magawa na tanggihan ang tukso. Ang taong nakakikilala ng tukso upang magkasala subali’t nag-aatubili na tanggihan ito ay naglalagay sa kanyang sarili sa masmalaking panganib. Sa pag-aatubili, ipinapakita niya na ang kanyang puso ay hindi lubos na nagnanais na bigyang-lugod ang Diyos.
Ang tukso ay isang hamon sa ating pananampalataya, dahil ang tukso ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na pagdudahan na ang pagsunod sa Diyos ang pinakamabuting gawin sa sandalingiyon.
► Kung ang isang mananampalataya ay tila hindi makayanang mamuhay nang matagumpay laban sa kasalanan, ano kayaang dahilan?
Ito ay marahil dahil sa isa o higit pa sa mga sumusunod na suliranin.
1. Hindi niya nakikita na kailangan niyang sumunod sa Diyos.
2. Hindi niya nakikita o pinaniniwalaan ang pangako ng Diyos na biyayang nagbibigay–lakas.
3. Hindi siya dumidepende sa biyayang nagbibigay kakayahan mula sa Diyos sa halip na sa sariling kalakasan.
4. Naglilingkod siya sa Diyos kung kailan lamang niya nais sumunod, sa halip na lubos, at walangkundisyong pagsunod.
5. Hindi pa niya sinisikap sa pamamagitan ng biyaya na magkaroon ng isang tanging pagnanais na gawin ang kalooban ng Diyos (Filipos 3:13-15).
6. Hindi siya nagpapanatili ng mga espirituwal na disiplina at gawain na magpapanatili ng matibay sa kanyang pananampalataya—pagpapatatag ng kanyang relasyon sa Diyos.
7. Hindi siya nagpapanatili ng espirituwal na pananagutan sa isang lokal na iglesya.
8. Hindi siya regular na nagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos.
9. Hindi siya nagkaroon ng sensitivity sa tinig ng Banal na Espiritu sa kanyang buhay.
May tatlong lalaking nagnanais na pumasok na tsuper sa isang kumpanya. Ang una, sa pagnanais na magpakitang-gilas sa magiging amo niya ang nagsabi, “Ako’y sobrang mahusay na drayber na kaya kong magmaneho nang napakabilis na ilang piye lamang ang layo sa bangin ngunit hindi mo kailangangmag-alala.” Ang ikalawa, na ayaw magpatalo sa una, ang nagsabi, “Kaya kong magmaneho nang napakabilis, at ilang pulgada lamang ang layo sa bangin nang hindi nahuhulog dito.” Ang ikatlong aplikante, na medyonag-atubili, ang nagsabi sa magiging amo niya, “Hindi ko ilalagay sa panganib ang iyong buhay sa paglapit sa isang bangin.” Sa palagay mo, sino sa tatlo ang natanggap sa trabaho?
Hindi natin dapat sikaping makita kung gaano kalapit tayo makalalapit sa tukso. Nais ng Diyos na bigyan tayo ng pansariling mga gabay panuntunan na siyang magbabantay sa atin sa ating mga kahinaan. Dapat nating malaman kung ano ang mapanganib, halimbawa ang ilang klase ng libangan, at lumayo at umiwas sa mga ito.
Kung hindi na pananatili ng isang mananampalataya ang kanyang relasyon sa Diyos, dapat siyang magsisi agad at magbalik-loob sa pamamagitan ng ating tagapamagitan na si Kristo Hesus (1 Juan 2:1-2). Hindi na siya dapat maghintay sa isang pagkakataon sa hinaharap kung kailan iniisip niyang masmagagawa niya ito. Kung ninanais niyang manumbalik, ibibigay sa kanya ng Banal na Espiritu ang pagnanais na iyon at aakayin siya pabalik sa kanyang relasyon sa Diyos. Kung tunay ang kanyang pagsisisi, agad siyang mapanunumbalik.
Ginawa na ng Diyos ang walang kapantay na alay para sa ating kaligtasan, ang sakripisyo ni Jesus. Hindi niya hahayaan na masayang ang alay na iyon sa pamamagitan ng hindi pagbibigay sa atin ng biyayang kailangan natin upang magpatuloy.
Limang Katotohanan na Dapat Malaman at Angkinin
Ang tagumpay laban sa mga gawa ng kasalanan ay ang normal na karanasan ng isang Kristiyano dahil siya ay pinalaya na mula sa pagiging alipin ng kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan, pagkalibing, at muling pagkabuhay ni Hesus.[1] Ang kasalanang nagpapatuloy ay resulta ng kawalang-kaalaman tungkol sa biyaya ng Diyos, ang kabiguang manatiling nakaugnay kay Kristo, ang kabiguang magpatuloy na isaalang-alang ang sarili na patay na sa kasalanan at buhay sa Diyos, at ang kabiguan na lubos at pagpasyahang iharap ang inyong sarili sa Diyos bilang instrumento ng pagiging matuwid.
Ang bawat tunay na mananampalataya ay nagnanais na maranasan ang tagumpay laban sa kasalanan. Ito ay dahil sa napakamahal na halagang ibinayad ni Hesus upang iligtas tayo mula sa kasalanan. Ito ay dahil sa nakawawasak na likas ng kasalanan. Ang sagot ni Pablo sa mga nangangatwiran na “dahil masagana ang biyaya para sa kasalanan, bakit hindi pwedeng magpatuloy sa pagkakasala?” ay napakalakas. “Hindi dapat iyon!” ang sagot niya (Roma 6:1-2). Kapag ang isang tao ay nagkaroon ng di-maingat na pagharap sa sakit ng kasalanan dahil lamang ang Diyos ay nagbigay na ng lunas dito ay magiging katulad lamang ito ng hindi pagiging maingat tungkol sa HIV/AIDS, o kanser dahil lamang sa may nadiskubre nang gamot. Ang gamot ay hindi mag-iiwas sa sinuman mula sa panahon ng sakit at karamdaman. Hindi rin nito maiiwasan ang mga peklat. Walang sinuman na nasa wastongpag-iisip ang magsasabi na, “Sana magkasakit tayo upang matanggap natin ang lunas para doon.” Walang sinumang nagising sa kakila-kilabot sa kasalanan, sa pagkakasala ng kasalanan sa isang banal na Diyos, at sa kakila-kilabot na halagang ibinayad para sa lunas ng kasalanan ang magsasabi, “Magkasala na tayo dahil tatakpan naman ito ng biyaya!”
Ang karanasan ng kalayaan mula sa kasalanan ng isang Kristiyano ay depende sa kanyang kaalaman (Roma 6:3, 6, 9) at paggamit ng mgakatotohanangito:
(1) Bilang isang makasalanang tao ako ay namatay.
Ang lumangpagkatao, ang lumang makasalanang pagkatao natin noon, ay espirituwal na namatay na kasama ni Hesus sa krus at inilibing na kasama niya sa kanyang libingan. Dahil ang isang taong patay ay hindi na maaaring maglingkod bilang isang alipin, ang pagiging panginoon ng kasalanan sa atin ay na putol na. Ang kamataya nito ay naganap na. Ang kamatayan ng ating lumang makasalanang buhay ay nangyari sa sandaling tayo’y sumampalataya sa kamatayan ni Kristo para sa atin, magsisi sa ating mga kasalanan, at tanggapin ang kanyang kaloob na buhay na walang hanggan.
Pansinin ang mga pangungusap na ito mula sa Roma 6:
“…Tayong mga namatay na sa pagkakasala, paano nga tayong mabubuhay pa roon?” (6:2).
“…Tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Hesus ay mga nabautismuhan tungo sa kanyang kamatayan?” (6:3).
“Tayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo tungo sa kamatayan…” (6:4).
“Sapagkat kung tayo'y naging kasama niya na katulad ng kanyang kamatayan…” (6:5).
“Nalalaman natin na ang ating dating pagkatao ay kasama niyang ipinako sa krus, upang ang katawang makasalanan ay mawalan ng bisa, at upang tayo'y hindi na magpaalipin pa sa kasalanan;” (6:6).
“Sapagkat ang namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan” (6:7).
Ang suliranin sa napakaraming mananampalataya sa kasalukuyan ay namumuhay sila nang masmababa kaysa sa kanilang maaaring magawa. Maraming mananampalataya ang naka-kundisyon na tanggapin ang kabiguan bilang normal. Iniisip nila na ang isang matagumpay na buhay Kristiyano ay hindi posible at asahan ang nagpapatuloy na kasalanan. Ang ibang mga mananampalataya naman ay nag-iisip na walang pagpaparaya sa kabiguan ng tao. Ang katuruang ito ay nakasisira rin sa pananampalataya at nag-akay sa marami sa kabiguan o pagkukunwari. Binigyang-linaw ni Pablo na nasa atin ang tagumpay sa pamamagitan ng pakikibahagi sa tagumpay ni Kristo sa krus.
(2) Binuhay akong muli ng Diyos kasama si Hesus upang maging isang bagong tao.
Nilupig ni Hesus ang lahat ng kasalanan sa pamamagitan ng kanyang muling pagkabuhay. Ang muling pagkabuhay na ito ang ating pinagsasaluhan sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa pamamagitan ng pananampalataya, wala nang kapangyarihan ang kasalanan upang tayo’y ibagsak, pahiyain, sugatan o kaya’y patayin tayo. Tayo ay espirituwal na muling binuhay kasama ni Kristo sa bagong matagumpay na buhay.
“…kung paanong si Cristo ay muling nabuhay mula sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, gayundin naman tayo'y makakalakad sa panibagong buhay” (6:4).
“…ay magkakagayon din naman tayo sa kanyang muling pagkabuhay” (6:5).
“Nalalaman nating si Cristo na nabuhay mula sa mga patay ay hindi na mamamatay; ang kamatayan ay wala nang paghahari sa kanya” (6:9).
“Sapagkat ang kamatayan na ikinamatay niya ay kanyang ikinamatay sa kasalanan nang minsanan; ngunit ang buhay na kanyang ikinabubuhay ay kanyang ikinabubuhay sa Diyos” (6:10).
“Gayundin naman kayo, ituring ninyong kayo'y tunay na mga patay na sa kasalanan, ngunit mga nabubuhay sa Diyos kay Cristo Hesus” (6:11).
“…kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Diyos, na tulad sa mga buháy mula sa mga patay…” (6:13).
(3) Ako’y espirituwal na nakipagkaisa na kay Hesus.
Hindi lamang ipinako na ang dating pagkatao kasama ni Kristo, at hindi lamang natanggap ko na ang isang bagong buhay na katulad ng sa kanya; kundi, ako ay nananahan sa kanya at siya sa akin! (tingnan rin ang Galacia 2:20 at Juan 14-16.) Ito ay ipinangako ni Hesus sa bawat tagasunod: na pinili ng Diyos na manirahan sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Ang pagkakaisa at pananahan na ito ang dahilan kung paano nagiging posible ang tagumpay sa mga kasalanan at pamumuhay nang may kabanalan. Ito ang paraan na nagiging posible para sa mga mananampalataya na tanggapin at mamuhay nang puro, mapagmahal, maawain, mabait, mapagpatawad at banal na buhay ni Hesus.
“Sapagkat kung tayo'y naging kasama niya na katulad ng kanyang kamatayan, ay magkakagayon din naman tayo sa kanyang muling pagkabuhay” (6:5).
“…ang ating dating pagkatao ay kasama niyang ipinako sa krus…” (6:6).
“Subalit kung tayo'y namatay na kasama ni Cristo, sumasampalataya tayo na mabubuhay ding kasama niya” (6:8).
Itinuro ni Hesus sa kanyang mga disipulo ang tungkol sa pagkakaisang ito sa Juan 15. Espirituwal na pakikipag-isa kay Kristo ay mahalaga sa ating tagumpay sa buhay Kristiyano!
(4) Dapat kong taglayin sa pamamagitan ng pananampalataya ang tagumpay na ibinigay ng Diyos sa atin.
Gayundin naman kayo, ituring ninyong kayo'y tunay na mga patay na sa kasalanan, ngunit mga nabubuhay sa Diyos kay Cristo Hesus (6:11).
Ang isaalang-alang ay ibilang na ito ay totoo upang iyong maranasan ito sa iyong sariling buhay.
Narito ang isang ilustrasyon mula sa Lumang Tipan na makakatulong. Maaalala natin na hindi lamang ipinangako ng Diyos sa mga Israelita ang Lupang Pangako, kundi ibinigay na iyon sa kanila matagal na panahon bago paman nila tunay na nakamit iyon. Sa loob ng 40 taon na sila ay nagpagala-gala sa ilang, nabubuhay nang masmababa sa kanilang makakaya, dahil sila ay natakot at nabigong sumampalataya sa Diyos. Subali’t minahal sila ng Diyos at inakay sila patungo sa kanilang mana.
Mababasa natin sa Josue 1:3, “Bawat dakong tuntungan ng talampakan ng inyong paa ay naibigay ko na sa inyo, gaya ng sinabi ko kay Moises.” Ilang talata pagkatapos noon ay nag-utos ang Diyos, “Kayo'y pumasok sa gitna ng kampo at ipag-utos sa mga tao, na sinasabi, ‘Maghanda kayo ng baon sapagkat sa loob ng tatlong araw ay tatawid kayo sa Jordang ito, upang pumasok at angkinin ang lupainna ibinibigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos’” (Josue 1:11).
Sa pamamagitan ng pananampalataya, kailangang angkinin ng bayan ng Diyos ang lupaing ibinigay ng Diyos. Bagaman ang tagumpay laban sa mga taong naninirahan sa Canaan ay ibinigay na, at sa tunay na kahulugan ay natapos na, mararanasan lamang ng Israel ang tagumpay na ito sa pamamagitan ng pananampalatayang may pagsunod. Ang mga mananampalataya sa Bagong Tipan ay nagtatagumpay rin sa parehong paraan; sa pagsasa-alang-alang, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa tagumpay na ipinagkaloob ni Kristo Hesus para sa atin at pag-aangkin sa mga pangako.
(5) Dapat kong iharap ang aking katawan sa Diyos.
Kaya't huwag ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang masunod ang mga pagnanasa nito. At huwag din ninyong ihandog ang mga bahagi ng inyong katawan sa kasalanan bilang kasangkapan ng kasamaan tungo sa kasalanan, kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Diyos, na tulad sa mga buháy mula sa mga patay, at ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid tungo sa Diyos (Roma 6:12-13).
► Ang ilan sa mga mag-aaral ay dapat ipaliwanag ang kahalagahan ng limang katotohanan sa naunang artikulo.
Siya na hindi ipinagkait ang kanyang sariling Anak, kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit naman hindi ibibigay sa atin nang walang bayad ang lahat ng mga bagay? (Roma 8:32).
Ngayon sa kanya na may kakayahang mag-ingat sa inyo mula sa pagkatisod, at sa inyo'y makapaghaharap na walang kapintasan sa harapan ng kanyang kaluwalhatian na may malaking kagalakan, sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon, sumakanya nawa ang kaluwalhatian, ang karangalan, ang kapangyarihan at ang kapamahalaan, bago pa ang lahat ng panahon, at ngayon at magpakailanman. Amen (Judas 24-25).
Aralin 6 Mga Katanungan Pagbabalik-Aral
(1) Bakit mahalaga na maunawaan kung ano ang kasalanan?
(2) Ano ang kahulugan ng sinasadyang kasalanan?
(3) Ano ang maling ideya o katuruan ang tinutugunan ni Pablo sa Roma 6?
(4) Ano ang ibigsabihin ng maging patay sa kasalanan?
(5) Ano ang ibigsabihin ng maging nasa ilalim ng biyaya?
(6) Ano ang ibigsabihin ng maging nasa ilalim ng kautusan?
(7) Bakit imposible na paglingkuran pareho ang Diyos at ang kasalanan?
(8) Ano ang kahulugan ng terminong dating pagkatao?
Aralin 6 Takdang-aralin:
(1) Sumulat ng isang pahina na nagpapaliwanag na posible ang tagumpay laban sa kasalanan para sa mananampalataya. Isama dito ang kahulugan ng sinasadyang kasalanan, at ipaliwanag kung bakit ang kahulugan ng kasalanan ay mahalaga. Tumugon sa mga pagtutol ng mga tao sa posibilidad ng tagumpay laban sa kasalanan.
(2) Ipaalaala rin sa mga mag-aaral na kailangan nilang tapusin ang kanilang tatlong presentasyon ng sermon o aralin.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.