Sa panahon ni Pablo, ang Roma ang pinakamalaking lunsod sa mundo, na may higit sa isang milyong mamamayan.[1] Mayroong halu-halong grupong etniko, lengguwahe, at relihiyon. Ang karamihan sa mga tao ay mga alipin.
Ang Mga Unang Misyonero sa Roma
Hindi natin nalalaman kung sino ang pinaka unang nagdala ng ebanghelyo sa Roma. Sa araw ng Pentekostes, may mga Hudyo mula sa Roma (Mga Gawa 2:10). Ang mga nagbalik-loob ay tiyak na dinala ang mensahe ng ebanghelyo pabalik sa Roma. Ang kanilang pagpapahayag na ang Mesiyas ay dumating na ay maaaring lumikha ng labis na tuwa at kontrobersiya. Ang ebanghelyo ay maaaring lumaganap nang mas mabilis sa mga Hentil nanoon ay rumirespeto na sa Judaismo.
Isang Iglesyang Hentil
Bagaman ang mga Hudyo ay tinukoy sa ilang parte ng liham, karamihan sa miyembro ng iglesya sa Roma ay mga Hentil. Tinawag sila ni Pablo na Hentil (1:13-15) at sinabi na dahil siya’y may pagkakautang kapwa sa mga Griego at mga barbaro, siya ay handang mangaral sa mga taga-Roma. Gayunman, ang impluwensiyang Hudyo sa iglesya sa Roma ay malakas, dahil ang mga unang mananampalataya doon ay mga Hudyo. Posible na hindi gaanong malinaw na naipaliwanag ang ebanghelyo sa paraang ipinapakita sa mga mananampalataya ang kanilang kalayaan mula sa batas ng Judaismo.
[1]Bruce Wilkinson & Kenneth Boa, Talk through the New Testament, 375.
Dahil ang layunin ni Pablo ay isulong ang gawaing pangmisyon, natural na lalabas ang tanong na, “Talaga bang kinakailangan ng lahat ang pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya?” Tutal, may mga bagay na hindi kinakailangan ng lahat ng tao. Hindi nangangailangang dalhan ng yelo ang mga tao sa Arctic, o kaya’y ng buhangin ang mga naninirahan sa disyerto.
May mag-iisip na marahil ang pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya ay hindi isang bagay na kinakailangan ng lahat ng tao sa mundo; marahil ang ilang tao ay nakapamuhay na ng matuwid at katanggap-tanggap sa Diyos. Ang Bahagi 2 ng liham (1:18-3:20) ay isinulat upang ipakita na ang lahat ng tao ay nangangailangan ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya at, samakatuwid, kinakailangan nila ang mensahe tungkol dito.
Pangunahing Punto ng 1:18-3:20
Ang lahat ng tao sa mundo ay lumabag sa mga hinihingi ng Diyos at nasa ilalim ng paghatol. Walang sinumang maliligtas batay sa pagtupad sa mga hinihingi ng Diyos dahil ang bawat isang tao ay lumabag na sa mga ito.
Buod ng 1:18-3:20
Sa una, inilarawan ni Pablo ang kalagayan ng mga paganong Hentil na hindi nagtataglay ng nahayag na Salita ng Diyos at ipinapakita na tinanggihan nila ang kaalaman tungkol sa Diyos na ipinakita niya sa kanila sa sangnilikha. Pagkatapos, inilarawan niya ang kalagayan ng mga Israelita, na nagtataglay ng nasusulat na Salita ng Diyos subali’t hindi nila tinupad. Nagwakas siya sa paglalarawan ng pangkalahatang pagiging makasalanan ng mundo. Ang pagwawakas ay ang buong mundo ay may sala sa harap ng Diyos. Ang ebanghelyo ay kinakailangan dahil walang sinumang maliligtas sa pamamagitan ng kanyang sariling katuwiran.
Para sa mga araling ito, ang Bahagi 2 (1:18-3:20) ay hahatiin sa tatlong talata. Sa araling ito, pag-aaralan natin ang Talata 1 (1:18-32).
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 2, Talata 1
1:18 ay ang talata ng paglipat sa pagitan ng talatang ito at ng sinundang talata.
Pangunahing Punto ng 1:18-32
Ang mga Hentil ay may kaalaman tungkol sa Diyos, subalit tinanggihan iyon at bumaling sa mga diyos-diyosan, kayat lubusan silang naging kaawa-awa.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1:18-32 para sa grupo.
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo
(1:18) Binigyan sila ng Diyos ng kaalaman tungkol sa kaniya. Hindi nila tinanggap ang katotohanan. Ipinahihiwatig nito na sila’y nagtataglay ng katotohanan, na ipinaliliwanag ng sumusunod na talata. Ang kanilang kahatulan ay dahil tinanggihan nila ang katotohanang taglay na nila. “Ang pagiging makasalanan ay naglalarawan sa paglabag sa panrelihiyong usapin at nakikita iyon bilang pagsamba sa diyos-diyosan, ang pagsamba sa nilikha sa halip na ang Manlilikha (1:19-23). Ang kalikuan ay nangangahulugan ng moral na kabuktutan at inilalarawan sa pamamagitan ng imoralidad at kasamaan (1:24-32).”[1]
Ang katotohanan na kanilang sinupil ay tinukoy sa 1:20. Kabilang dito ang kaalaman sa awtoridad ng Diyos sa kanila. Ang kanilang paraan ng pamumuhay ay nagpapakita na tinatanggihan nila ang awtoridad ng Diyos. Sa kabaligtaran, ang pamumuhay ng isang Kristiyano ay nagpapakita ng pagpapasakop sa awtoridad ng Diyos, kapwa sa kanyang ginagawa at sa kanyang mga hindi ginagawa.
[1]Adapted from William Greathouse, “Romans”, in Beacon Bible Commentary, Vol VIII. (Kansas City: Beacon Hill Press, 1968) 50
Mga Klase ng Kapahayagan- Espesyal at Pangkalahatan
► Ano ang ilang paraan na nahahayag ang katotohanan ng Diyos sa lahat ng tao?
Dahil ipinahayag ng Diyos ang katotohanan sa maraming pamamaraan, pinag-uusapan natin ang dalawang kategorya: pangkalahatang kapahayagan at espesyal na kapahayagan. Tinukoy ni Pablo ang dalawang ito sa aklat ng Roma, bagaman hindi gamit ang mga salitang ito.
Ang pangkalahatang kapahayagan ay kung ano ang nauunawaan natin tungkol sa Diyos sa ating pagtingin sa kanyang nilikha. Nakikita natin ang kahanga-hangang katalinuhan at kapangyarihan ng Diyos sa disenyo ng sanlibutan.
Nakakakita tayo ng kahalagahan tungkol sa Diyos sa paraan ng pagdisenyo niya sa tao. Ang katotohanan na tayo’y nakapangangatwiran, napapansin natin ang kagandahan, at nasasabi natin ang pagkakaiba ng tama at mali (bagaman hindi laging tama) ay nagpapakita sa atin na ang ating Manlilikha ay nagtataglay dapat ng mas mataas na antas ng mga katangiang iyon. Alam natin na ang Diyos ay nakakapag-iisip at may kakayahang magpahayag, dahil taglay natin ang mga kakayahang iyon. (Tingnan ang Awit 19:1-4 at 94:9.)
Dahil ang pangkalahatang kapahayagan ay nagpapakita sa atin na ang Diyos ay nakapagsasalita, napagtatanto natin na maaaring magkaroon ng espesyal na rebelasyon. Ang Diyos ay may persona[1] at may kakayahang makipag-usap sa kanyang mga nilikha na may kakayahang mag-isip. Nakatutulong ito upang mapagtanto natin na maaaring magkaroon ng mga mensahe mula sa Diyos at maging ang isang aklat mula sa Diyos.
Sa pangkalahatang kapahayagan, kahit na wala ang kasulatan, nalalaman ng tao na mayroong Diyos, na dapat nila siyang sundin, at siya’y sinuway na nila (Roma 1:20). Subali’t hindi sinasabi sa atin ng pagkalahatang kapahayagan kung paano tayo magkakaroon ng tamang relasyon sa Diyos. Ipinapakita ng pangkalahatang kapahayagan ang pangangailangan natin ng espesyal na kapahayagan, dahil ipinapakita nito na ang mga tao ay makasalanan at walang maidadahilan sa harap ng kanilang Manlilikha.
Ang Pangkalahatang Pahayag ay nagpapakita sa atin na ang sangkatauhan ay nahulog at nagkasala. Ipinapaliwanag ng Espesyal na Pahayag kung bakit ang sangkatauhan ay nasa ganoong kalagayan. Ang Espesyal na Pahayag ay ang katotohanang ipinahayag sa inspirasyon ng Bibliya at sa pagkakatawang-tao ni Kristo. Ang Espesyal na Pahayag ay naglalarawan sa katangian ng Diyos, nagpapaliwanag ng Pagkahulog at kasalanan, at nagpapakita kung paano tayo maaaring makipagkasundo sa Diyos.
[1]Hindi natin sinasabi na ang Diyos ay isang tao; kundi Siya ay may persona—may kakayahang mag-isip, may kalooban at nakikipag-usap—sa halip na isa lang impersonal na lakas.
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 2, Talata 1
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo (Patuloy)
► Ano ang sinasabi sa atin ng espesyal nakapahayagan nang higit sa ating nalalaman mula sa pangkalahatang kapahayagan?
(1:19) Sa pagmamasid sa sannilikha nakikita natin ang katotohanan tungkol sa Diyos. Maging ang mga pilosopong Griego ay kumilala na tunay na mayroong isang uri ng banal na pag-iisip na siyang nagkokontrol sa sanlibutan. Ang isang espesyal na mahalagang bahagi ng sannilikha ay ang kalikasan ng tao. Makikita natin ang katotohanan tungkol sa pag-iral at kalikasan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-oobserba na ang tao ay may moral na kamulatan patungkol sa tama at mali. (Tingnan ang 1:32.)
► Ano ang mauunawaan natin tungkol sa Diyos kapag tinitingnan natin ang tao?
(1:20) Mula sa sannilikha nalalaman ng tao na sila ay nilikha at ang Diyos ay may walanghanggang kapangyarihan at awtoridad sa kanila. Ito ay sapat na kaalaman upang mawalan ng maidadahilan para sa kanilang pagtanggi sa Diyos. Sila ay pantay na hahatulan dahil sa kanilang mga kasalanan. Alam nila na sila ay nagkasala ng pagrerebelde.[1] Ang katotohanan na nalalaman nila ang mga bagay na ito tungkol sa Diyos at sa kanilang sarili ay nagdudulot upang wala na silang maidadahilan.
Ang katarungan ng Diyos ay nagsasabi na kailangang maipakita na ang kasalanan ay ayon sa kagustuhan bago ito parusahan. Kinakailangan rin na ang kaalamang taglay nila ay sapat sa kanila upang sana ay mas pinili nila ang mas mabuti Kung imposible para sa kanila na piliing gumawa ng iba, hindi maaari na wala silang dahilan. Nandito ang Diyos na nagpapaliwanag sa kanyang sarili.[2]
Halos lahat ng kultura sa mundo ay may palagay na mayroong makapangyarihang Diyos na lumikha sa mundo. Karaniwan sumasamba sila sa ibang hindi pangkaraniwang kapangyarihan sa halip na ang Diyos dahil alam nila na sila ay nahihiwalay mula sa makapangyarihang Diyos. Hindi sinikap ni Pablo na patunayan ang pag-iral ng Diyos, subali’t itinuro niya na ang pag-iral at awtoridad ng Diyos ay nalalaman sa bawat kultura. Ang kaalamang ito ang nag-aakay sa pakiramdam ng pagiging makasalanan.
May mga limitasyon sa pangkalahatang kapahayagan. Ang kaalaman tungkol kay Kristo at ang ebanghelyo ay hindi inihayag maliban sa pamamagitan ng espesyal na kapahayagan. Gayundin, ang mundo’y hindi tumpak ang pagsasalarawan sa Diyos, dahil ito ay nasa ilalim ng sumpa ng kasalanan at hindi lubos na ipinapakita ang orihinal na disenyo nito. Ang sannilikha ay katulad ng isang magandang larawang nakapinta na may maputik na marka ng tapak. Nasira na ito, subali’t ang ilan sa orihinal na ganda nito ay nananatili pa rin, na nagpapakita ng ilang bagay tungkol sa pintor.
(1:21-22) Ang Diyos ay karapat-dapat na bigyang karangalan ng tao bilang Diyos (sambahin) at pasalamatan (purihin). Subali’t tinutulan nila ang kanyang awtoridad sa halip na maging mapagpasalamat sa mga tinanggap nila mula sa kanya. Nais nilang sila’y maging diyos, na kinukuha ang karangalan para sa lahat ng mayroon sila. Ang pag-angkin ng ganung indipendiyenteng pagiging diyos ay kahangalan.
Naging madilim ang kanilang mga puso. Ang puso ang kumakatawan sa kalooban at katapatan ng isang tao. Ang liwanag ay kumakatawan sa katotohanan. Dahil tinanggihan nila ang katotohanan, nawala ang kanilang kakayahan na makita iyon. Nawala ang kanilang pag-unawa sa mga espirituwal at mga bagay na pangwalang-hanggan, kung kaya’t hindi rin nila nauunawaan nang tumpak ang materyal na mundo.
(1:23, 25) Ang pinagtutuunan nila ng pansin ang kanilang mga sarili at ang materyal na mundo at ang pagtanggi sa Manlilikha ay nag-akay sa kanila upang gumawa ng mga diyos-diyosan na nagpatunay sa kanilang bumagsak na kalikasan. Inilipat nila sa mga nilalang ang luwalhati na para lang sa Diyos. Upang iwasan ang responsibilidad nila sa Manlilikha, itinatanggi nila ang kanyang pag-iral at pinarangalan ang nilalang. Ang ugali na ito ang batayan ng modernong ebolusyon at humanismo. Kung ginawa ng tao ang kanilang sarili, sagayun maaari rin nilang itakda ang kanilang sariling layunin, pinahahalagahan at moralidad.
Ang diwa ng pagsamba sa diyos-diyosan ay ang maglingkod at sumamba sa isang bagay na nilikha ng Diyos. Ang paglingkuran ang isang bagay ay pagbibigay dito ng pangunahing pwesto sa iyong buhay at ang pagsasaayos ng buhay ayon sa prayoridad na iyon. Ang pagsamba sa isang bagay ay ang pagbibigay dito ng pagtitiwala at karangalan [3]na tanging sa Diyos lamang dapat ibigay. Ang idolatriya ay nagbibigay ng pag-asa na makukuha mo ang kasiyahan mula sa mga bagay na nilikha sa halip na sa Manlilikha na siyang tanging tunay na makapagbibigay nito. Ang modernong materyalismo ay pagsamba sa diyos-diyosan. Ang isang tao ay hindi maaaring magparangal sa materyal na mga bagay nang hindi binabawasan ang kanyang pagsamba sa Diyos.
► Paano tumugon ang mga Hentil sa kaalaman nila tungkol sa Diyos?
(1:24) Ang talatang ito ay nagpapakilalasa tema napinalawak sa 1:26-27. Ang idolatriyang pag-ibig ay natural na nagbubunga ng imoralidad, kabilang ang kasalanang seksuwal. Ang kasalanang seksuwal ay ginagawang prayoridad ang pisikal na pagnanasa ngunit nilalapastangan nito ang katawan dahil ang katawan ay dapat na banal at tapat sa paglilingkod sa Diyos.
(1:26-27) Ang imoralidad ay ang natural na resulta ng pagluwalhati sa sarili at hinahayaang maghari ang makasariling mga pagnanasa. Kapag nanaig ang mga pagnanasa, sila ay nagiging baluktot. Hindi niya kayang mahalin nang maayos ang sinuman o ikatuwa ang anuman nang maayos malibang minamahal niya nang lubusan ang Diyos. Ipinakikilala ng 1:24 ang paksang ito at ipinapakita ang ugnayan sa pagitan ng imoralidad at pagtanggi sa Diyos.
Ang lahat ng kasalanan ay isang kabuktutan ng isang mabuting bagay na ginawa ng Diyos; ang seksuwal na kabuktutan ay mas halata lamang kaysa sa ilang kasalanan. Habang lumalayo ang tao sa daan ng Diyos, ang tao ay mas nagiging brutal, malupit, at baluktot. May mga tao na nag-iisip na mayroong mga simpleng kultura na namumuhay nang mas mabuting buhay dahil hindi sila napinsala ng sibilisasyon. Ang katotohanan ay karamihan sa mga taong kabilang sa mga ganitong mga kultura ay nabubuhay sa takot sa kamatayan at sa supernatural; nagsasagawa sila ng malulupit na kaugalian; at pinagdudusahan ang mga resulta ng isang baluktot, makasalanang paraan ng pamumuhay.
Nilikha ang tao upang gumanap bilang taong may relasyon sa Diyos. Kung siya ay hiwalay sa Diyos, hindi siya tunay na magiging kung ano ang layunin ng Diyos sa sangkatauhan. Nagkukulang siya maging sa kanyang sariling mga ninanais. Ang mga gampanin ng pagiging lalaki at babae ay nagiging mahirap abutin para sa isang taong walang Diyos. Ang seksuwal na kabuktutan ay ang pinakalantad na sukdulan, subali’t ang bawat tao ay apektado ng pagkawala ng tunay na pagkatao sa iba’t-ibang paraan. Ang pagtanggi sa Diyos bilang Diyos ay katumbas ng pagtanggi sa tao bilang tao. Ang pagtangging sambahin ang Diyos ay katumbas ng pagtanggi sa iyong sariling pagiging tao.
Kabalintunaan, ang mga sumasamba sa mga nilikhang bagay ay nauwi sa pagbaluktot maging sa mga nilalang, laban sa kung ano ang natural. Kung pinahihintulutan ng mga tao ang kanilang sarili na pamunuan ng kanilang mga likas na pagnanasa, ang mga pagnanasang iyon ay may sukdulan, hindi likas na anyo.
Ito ay kabalintunaan na kung ang isang tao ay iginagalang ang mga ppagnanasa ng katawan ng higit sa Diyos ay sa huli ay ituturing niya ang katawan nang walang paggalang. Ang mga bahagi ng katawan na sinasamba ng mga tao sa kasalanang seksuwal ay ang mga bahaging binanggit nila kapag gusto nilang magsabi ng malaswa at nakakainsulto.
Karaniwanan, ang mga babae ay hindi kasing bilis ng mga lalaki na mahulog sa seksuwal na imoralidad at pagkabaluktot. Natural sa kanila ang pagnanais na protektahan ang pagiging buo ng pamilya. Ang mga kababaihan ay gumagawa ng malaking kasamaan na nagpapakita na ang kahalayan ng kanilang lipunan ay ganap.
► Ano ang ilan sa mga anyo ng kabaluktutan ang karaniwan sa inyong lipunan?
Ang makasalanang kalagayan na kanilang pinasok ay nararapat na nararapat sa kanila. Ang kalagayan ng pagiging makasalanan ay isang angkop na parusa para sa kasalanan, na nagdudulot ng pagdurusa at kahihiyan habang ito’y lumalago, mga pagnanasang hindi nasisiyahan, at mga bunga ng kahalayan.
“Kung ang ugat ng kasalanan ng tao ay religious perversity, ang bunga ay moral corruption”
-William Greathouse, Commentary on Romans
Ang Tugon ng Kristiyano sa Kasalanang Homosekswal
Walang katibayan na kinikilala ng Bibliya ang bisa ng “mapagmahal, nakatuong homosexual (o lesbian) na relasyon.”[1] Kung ganito ang sitwasyon, inaasahan nating makakahanap tayo ng katuruan sa buong banal na kasulatan tulad ng ginagawa sa lahat ng iba pang anyo ng relasyon ng tao (hal. mag-asawa, magulang at anak, mamamayan at pamahalaan). Sa halip, walang isa mangtalata ang nagpapahiwatig ng posibilidad ng gayung pag-uugnayan ay nagiging katanggap-tanggap sa mata ng Diyos.
Hindi ang pagtukso, pakiramdam ng pagmamahal at pagkaakit sa pagitan ng dalawang tao, o ang hamon sa ating mga kaluluwaang ipinagbabawal ng Kasulatan. Sa katotohanan, sinasabi ng Diyos sa atin na siya ay malapit sa mga nagdurusa, sa naguguluhan, at sa tinutukso. Nangyayari ang kasalanan kapag ang mga kaisipang may pagnanasa ay pinanatili sa isipan (Santiago 1:15) o nakisama tayo sa mga kaugaliang nasa labas ng disenyo ng Diyos.
Ang angkop na tugon sa homosekswalidad mula sa iglesya ay dapat may mahabagin na pag-ibig, mabanayad na katotohanan, at ang tunay na kababaang loob. Ang pagmamahal sa iba ay nangangahulugang pag-aalaga sa kanila at pagbahagi sa kanila ng pag-ibig ni Kristo tumalikodman sila o hindi sa kanilang kasalanan. Ang pagmamahal sa iba ay nangangahulugan na titingnan mo sila ayon sa mga mata ni Kristo, kung paanong tinitingnan niya (at patuloy na tinitingnan) tayo sa ating mga kasalanan. Madalas, ang ating kaugnayan sa ibang tao ang nagsisimulang gumabay sa taong iyon patungo sa isang nakapagliligtas na ugnayan kay Kristo. Kaya naman, ito’y gawain ng Banal na Espiritu, na karaniwang kumikilos sa loob ng isang lokal na iglesya, upang papanumbalikin sa pagiging buo.
Gayunman, ang pagmamahal sa isang tao ay nangangahulugan rin ng pagsasalita ng katotohanan, kahit pa ito’y tanggapin nang may pagkagalit o pagwawalang-bahala. Ang pagbabahagi ng Salita ng Diyos ay maaaring makapagligtas sa isang lalaki o babae mula sa habambuhay ng mga maling desisyon, pagkalito, kasalanan at pagdurusa. Hindi lahat ay handang tumanggap ng mga utos ng Bibliya. Ang pasensya at kahinahunan ay dapat gumabay sa ating mga talakayan tungkol sa katotohanan. Dapat tayong makinig nang may bukas na puso at gumamit ng banal na kasulatan nang may pagmamahal at pag-unawa. Dapat nating ipakita ang ating tunay na pangangalaga sa tao, upang pahalagahan nila ang ating sinasabi.
Ang tunay na kababaang loob ay mahalaga sa mensaheng Kristiyano. Ang kapakumbabaan ay nagmumula sa pakikipag-usap at oras sa Diyos; pagkilala, pagtatapat at pagtalikod sa ating sariling kasalanan; at pagyakap sa malalim na pag-ibig ng Diyos na ipinahayag sa krus. Dapat nating hayaan ang pagmamahal at pakikiramay na maging motibo natin kaysa sa takot, galit, at poot.
(1:28) Dahil tinanggihan nila ang Diyos sa kanilang pag-iisip gayundin sa kanilang paraan ng pamumuhay, ang kanilang paraan ng pag-iisip at pilosopiya sa buhay ay naging kasing baluktot ng kanilang pagkilos. May isang laro sa mga salita sa Griego na nagpapakita na dahil tinanggihan nila ang Diyos, iniwan sila ng Diyos sa isang isipang itinatanggi ng Diyos –ibigsabihin, tumigil na sa pag-impluwensya. Binigyan ng Diyos ang tao ng malayang kalooban at hinayaan itong gumawa sa sarili. Pagkatapos ng ilang panahon, hinahayaan ng Diyos ang mga lubusang tumanggi sa kanya upang maging malaya sa kanyang impluwensya. Ang kanilang kaisipan sa gayun ay sumusunod sa daan ng kasalanan nang hindi hinahadlangan ng Diyos.
Ang mga pangungusap na iniwan na sila ng Diyos at ibinigay na sila ng Diyos (1:24, 26, at 28) ay nagpapahiwatig na ang mga taong ito ay nasa kundisyong walang pag-asa at gumawa ng mga pagpiling hindi na nila mababaligtad (ihambing sa 2 Tesalonica 2:10-12).
Ang isipan at pag-iisip ng mga tao ay negatibong naaapektuhan ng kasamaan. Ang kasamaan ay humahadlang sa mga tao kapag kailangan nilang gumawa ng moral na mga desisyon. Nagiging sanhi ito upang bigyang dahilan ng mga tao ang kanilang mga makasalanang pagnanasa at pagkilos.
► Ano ang ilang halimbawa ng hindi makatwirang pagdadahilan na ibinibigay ng mga tao para sa kanilang mga kasalanan?
(1:29-31) Sa mga talatang ito, nakikita natin ang isang listahan ng mga matitinding kasalanan. Hinahadlangan ng kultura at ng pamahalaan ang mga tendensiyang ito, subali’t ang mga ito’y nananatili sa puso ng makasalanang tao. Kung aalisin ang mga paghadlang ng kultura at pamahalaan, maraming tao ang madaling magiging mga malupit.
Ang mga kasalanan at paglalarawan sa mga makasalanan na nakalista dito ay hindi lahat ganap na naiiba sa isa't isa. Narito ang ilan sa mga pangunahing ideya na ipinahiwatig ng bawat isa.
Kalikuan – isang pangkalahatang salita na maaaring tumukoy sa lahat ng uri ng kasamaan.
Kahalayan – kahit anong uri ng sekswal na kasalanan.[2]
Kasamaan – isa ring pangkalahatang salita para sa maling gawain at masamang ugali.
Kasakiman – madalas gamitin ang salitang ito sa mga sulat sa Griyego para ilarawan ang pagiging gahaman. Inilalarawan nito ang isang tao na inuuna ang kanyang sarili, na binabalewala ang kapakanan ng ibang tao. Kasama dito ang maling paggamit sa posisyon ng kapangyarihan para kumita.
Pagkamuhi – kasamaan ng kalooban at ugali na gustong gumawa ng masama.
Puno ng Inggit – kagustuhan sa kung ano meron ang ibang tao, at naiinis sa mga taong may magagandang bagay.
Pagpaslang – ang ilegal, sinadyang pagpatay ng kapwa, bunga ng matinding galit o poot.
Pag-aaway – mahilig makipagtalo, marahil ay mula sa inggitan.
Pandaraya – panloloko, pagbibigay ng patibong upang malinlang ang iba.
Katusuhan – galit sa kapwa, handang manakit kahit walang dahilan.
Mahihilig sa Tsismis – palihim na naninira ng kapwa.
Mapanirang-puri – sinisira ang pangalan ng ibang tao sa pamamagitan ng pagsasabi ng masama o huwad na mga bagay tungkol sa kanila.
Mga Napopoot sa Diyos – Nakikita nila ang Diyos bilang isang kaaway dahil alam nilang hinahatulan sila ng kanyang mga utos.
Mga Walang-pakundangan – Ang mga taong ito ay mayabang at malupit. Kung mahina siya, gusto niyang insultuhin ang dapat igalang. Kung makapangyarihan siya, malupit siya sa iba at labis na naghihiganti sa mga taong hindi nagpapakita ng respeto na kanyang ninanais.
Mga Palalo – Ang kayabangan ay ang may mataas na pagtingin sa sarili . Ito ang ugat ng lahat ng kasalanan dahil ito ang nag-uudyok sa tao na pamunuan ang kaniyang sariling buhay bilang pagsuway sa kaniyang Maylalang.
Mga Mapagmataas – itinataas ang sarili. Ang mga ganitong tao ay makasarili. Kung titingnan ang iba pang mga katangian dito, itinataas nila ang kanilang mga sarili ng may panlilinlang, gamit ang ibang tao at sat upang makapinsala sa iba.
Mga Manggagawa ng Masasamang Bagay – Sila ay tuso sa pag-iisip ng masama at mga nakakasamang bagay.
Mga Suwail sa Mga Magulang – ang pagkawasak ng pamilya ay ang resulta ng kasalanan at humahantong sa higit pang pagkakawatak-watak ng lipunan. Ang makasalanang pag-uugali ay maagang lumilitaw sa isang bata na nagrerebelde laban sa unang awtoridad na kanyang nakikilala.
Mga Hangal – walang kamalayan sa mga pagpapahalagang moral. Ang taong ito ay hindi nahihikayat sa pamamagitan ng pangangatwiran batay sa moralidad. Hindi ito kakulangan sa katalinuhan, kundi ang baluktot na asal na siyang resulta ng isang masamang puso.
Mga Hindi Tapat sa Kanilang Mga Pangako – hindi mapagtitiwalaan. Tinalikuran na ang moralidad at awtoridad, pagkamuhi sa ganap na katotohanan na hindi maaaring baluktutin para sa kanila, at laging inuuna ang sarili, sumisira sa kanilang mga pangako.
Hindi Mapagmahal – kabaligtaran ng pagkakaroon likas na pag-aalaga at pagmamahal . Kaya nilang iwan ang pamilya para lamang masunod ang kagustuhan nila. Ang pinakapangunahing likas na pag-ibig ay maaaring mabaluktot. Maaari nilang abusuhin ang mga taong nakadepende sa kanilang pag-aalaga.
Mga Walang Awa – walang malasakit. Maaari nilang pagmasdan ang pagdurusa nang walang habag. Hindi sila lilihis mula sa masamang landasin sa pamamagitan lamang ng paghihirap na kanilang makikita sa ibang tao na magiging sanhi ng kanilang maling kilos. Hindi sila naaantig sa magsisisi sa pamamagitan ng paghihirap na kanilang makikita na naging sanhi ng kanilang mga maling gawain.
(1:32) Nalalaman nila na mali ang mga bagay na ito. Ang mga pagano ay hindi matapat sa pagsunod kahitpasakatotohanang taglay nila. Nalalaman nila na sila’y nasa ilalim ng paghatol. Gayunman, hindi lamang nila sinusunod ang kasalanan, kundi sinasang-ayunan panila ang kasalanan ng iba. Ang moralidad ng lipunan ay sobrang bumababa na at ang nagiging bagong pamantayan ng ugali ay nagpapahintulot na ng imoralidad.
Ang isang tao na lubusang tumatanggap sa kasalanan ay nagpapatunay na siya ay isang makasalanan at nagpapatunay din sa iba bilang mga makasalanan. Siya ay nalilibang ng mga kasalanan ng iba. Pinalakpakan ng mga tao ang patayan at pagtutunggali sa mga arena sa Roma. Maraming tao sa modernong panahon ang natutuwa sa panonood ng mga karahasan at mga gawaing sekswal na immoralidad. Humahanga sila sa mga taong nagiging mahusay sa dami ng kasalanang kaya nilang gawin.
“Mahirap matanto ang lubos na sira na idinudulot ng kasalanan sa personalidad ng isang tao. Lampas pa sa kahinaan ng kalooban na siyang bumigay at pagtawag ng mga napukaw na emosyon, naroon ang kaisipan na pinahina at pinapaging alipin ng pagnanasa. Tinuruan itong magbigay ng mga pagdadahilan sa halip na ibigay ang tunay na pangangatwiran. Nagpapasya muna, at pagkatapos ay saka mag-iisip. Nagbibigay ito ng pagdadahilan, sa halip na mga dahilan. Kung minsan nagsasabi ito ng mga katotohanan subalit hindi sa lahat ng pagkakataon. Hindi ito mapagkakatiwalaan… ipinagpalit niya ang katotohanan sa kasinungalingan, ang Diyos para sa pagsamba sa diyos-diyosan, katalinuhan sa kamangmangan…”
-Wilbur Dayton
[2]Ang ilang manuskritong Griego ang hindi nagtataglay ng salitang ito sa listahang ito..
[3]Maraming manuskritong Griego ay hindi isinama ang salitang ito sa kanilang listahan.
Ganito Ba Ang Bawat Makasalanan Hindi Pa Nagbabalik-loob?
Hindi bawat tao ay aktibong nakagawana ng lahat ng kasalanang ito. Gayunman, ang bumagsak na sangkatauhan ay may pasibilidad na makagawa ng lahat ng mga kasalanang ito, at bawat tao ay maaaring nagawana ang alinman sa mga kasalanang ito kung sila ay nasa iba’t-ibang pagkakataon.
Si Seneca ay isang Romanong pilosopo at opisyal ng pamahalaan na nabuhay sa panahon ni Pablo. Hindi siya isang Kristiyano at hindi pamilyar sa Biblia, subali’t naobserbahan niya na ang posibilidad na magkasala ay nasa bawat isang tao. Sinabi niya, “Ang lahat ng bisyo ay umiiral sa lahat ng tao, subali’t hindi lahat ng bisyo ay malinaw na nalalantad sa bawat tao.”[1] Makikita natin na ang paglalarawan ni Pablo sa makasalanang hindi pa nagbabalik-loob ay maaaring mailapat sa lahat ng panahon at lahat ng kultura.
Ang pamahalaan at mga pamantayan ng lipunan ay nakakapigil sa karamihan sa tendensiyang masama ng mga indibidwal. Maraming tao ang nagtatago sa kanilang mga puso at isipan ng mga makasalanang pagnanasa na hindi nila lantarang ipinakikita dahil nais nila ang pagtanggap ng iba. Ang mga tao ay may lihim na tendensiya tungo sa kasalanang nakalista sa talatang ito at nagkasala na ng mga kasalanang ito sa kanilang puso.
[1]Quoted by F.F. Bruce, The Epistle to the Romans, in Tyndale Bible Commentaries (Grand Rapids: Wm. B. Eerdmans Pub. Co., 1963), 87.
Aplikasyon ng Talata
Ang talatang ito ay pangunahing isang paglalarawan ng mga tao sa mga lipunang hindi pa nakaririnig ng ebanghelyo. Tinatanggihan nila ang kaalaman tungkol sa Diyos na nahahayag sa sannilikha at sa kanilang mga budhi. Pagkatapos, nakatagpo sila ng ibang bagay na kanilang sinamba na nagpahintulot sa kanila na ipagpatuloy ang mga pagnanasa ng kanilang makasalanang kalikasan, at ang kanilang mga pagnanais ay naging baluktot. Ipinapaliwanag ng talatang ito kung bakit kailangan ng mga taong ito ang ebanghelyo.
Mahalaga ang talata sa bawat isa, dahil inililista nito ang iba’t-ibang kasalanan at lahat ng kasalanan ay kinamumuhian ng Diyos. Ito rin ay isang babala na ang lahat ng kasalanan ay may tendensiya na akayin ang makasalanan sa mas matinding kabuktutan. Ang mga taong nakarinig ng ebanghelyo at tumanggi rito ay nanganganib na dumaan sa parehong proseso ng pagkawala ng kanilang pag-unawa sa tama at mali.
Ipinapaliwanag ng talata ang kalagayang nakikita natin sa ating sariling mga lipunan, bagaman naipangaral na roon ang ebanghelyo. Ang mga kultura ay nakakahanap ng paraan upang gawing katanggap-tanggap ang mga kasalanan, at hindi pinapansin ang mga pamantayan ng Diyos.
Isang Patotoo
Si Shmagi ay ipinanganak sa bansang Georgia, sa Silangang Europa. Ang mga magulang ni Shmagi ay mga ateista, at hindi siya nagsisimba noong bata pa siya. Ang ibig sabihin ng kaniyang pangalan ay “mabilis na magalit”, at ang pangalan ay angkop sa kaniyang ugali. Madalas siyang masangkot sa gulo noong siya ay binata. Matapos mahatulan ng mga krimen, ipinadala siya sa bilangguan sa Russia sa loob ng dalawang taon. Pinalaya siya at ibinalik sa Georgia sa panahon ng pag-aalsa ng Georgia laban sa Russia.
Ang atay ni Shmagi ay napinsala nang husto ng alak, at sinabi sa kanya ng isang doktor na hindi na siya mabubuhay nang matagal. Si Shmagi ay hindi nasisiyahan sa kanyang buhay at nagsimulang makaramdam ng pagnanais na makilala ang Diyos. Hiniling niya sa ilang Kristiyanong kaibigan na dalhin siya sa simbahan. Noong una, sinabi nila sa kanya na ang simbahan ay hindi para sa kanya. Pagkatapos ay sinabi nila sa kanya na maaari siyang pumunta sa simbahan, kung nangako siyang hindi makikipagtalo. Pumunta siya at naligtas sa edad na 22. Ang kanyang buhay ay ganap na nagbago.
Si Shmagi ay gumaling sa kanyang sakit sa atay. Hindi niya inaasahan na makakapag-aasawa siya dahil sa kanyang sakit, ngunit binigyan siya ng Diyos ng bagong kinabukasan. Ngayon ay mayroon na siyang asawa at tatlong anak na babae. Si Shmagi ay nagsisilbing pastor at tagapagsanay sa ministeryo.
Aralin 2 Mga Katanungan Pagbabalik-Aral
(1) Sa paanong paraan natatanggap ng mga tao ang Pangkalahatang Kapahayagan?
(2) Ano ang alam ng lahat ng tao patungkol sa Diyos kahitna wala ang Banal na Kasulatan?
(3) Ano ang Espesyal na Kapahayagan?
(4) Ano ang pagsamba sa diyos-diyosan?
(5) Magbigay ng dalawang paraan na nakakaapekto sa pag-iisip ng mga tao ang kasamaan.
Aralin 2 Takdang-aralin:
Sumulat ng isang pahina na naglalarawan ng kundisyon ng isang lipunan na hindi pa naririnig ang ebanghelyo subalit tinanggihan na ang Diyos. Ano ang kanilang nalalaman tungkol sa Diyos? Ano ang nangyari sa kanilang pag-iisip? Ilarawan ang kanilang kabuktutan. Ipaliwanag kung bakit hindi lahat ay nagpapakita ng parehong klase ng kabuktutan.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.