Anong Kautusan ang Pinag-uusap Natin?
Marami sa mga kautusan sa Lumang Tipan ang tila hindi na nailalapat sa mga tao sa ngayon. Narito ang ilan sa mga halimbawa:
- 
	
Huwag ninyong hayaang mabuhay ang isang mangkukulam (Exodo 22:18).
 - 
	
Patawarin ang lahat ng pagkakautang sa ikapitong taon (Deuteronomio 15:1-2).
 - 
	
Ipagdiwang ang Paskuwa sa loob ng pitong araw sa Jerusalem (Deuteronomio 16:1-6).
 
Hinati-hati ng ilang mga iskolar ang mga kautusan ng Lumang Tipan sa tatlong kategorya: mga batas sa seremonya, mga batas sa sibil, at mga batas na pangmoral.
Ang mga batas sa seremonya ay tungkol sa mga handog, ang disenyo ng lugar para sa pagsamba, ang mga gawain para sa pagsamba. Hindi ito sinusunod ngayon ng mga Kristiyano dahil ang sistemang iyon ay ginawang walang halaga dahil sa ginawa ni Kristo (Colosas 2:17, Hebreo 10:1).
Ang mga batas na sibil ay para sa Israel bilang isang bansa. Nagsilbi ang mga ito na regulasyon sa mga negosyo, nagprotekta sa mga karapatang pantao, nagbigay ng mga patakaran sa pagpapatupad ng batas, at binigyang proteksiyon ang pangrelihiyong pagkakakilanlan ng Israel. Hindi posibleng sundin ang mga ito ng Kristiyano sa kasalukuyan dahil ang mga batas na ito ay hindi ang mga batas ng kanilang bansa. Halimbawa, sa panahon ng Lumang Tipan, kapag ang isang tao ay dapat patayin dahil sa pagsamba sa diyos-diyosan, hindi iyon ginagawa sa sariling pagpapasya ng isang tao. Kailangang dinggin muna ng isang hukom ang kaso, at ang anumang aksiyon ay dapat suportahan ng mga tao (Deuteronomio 17:6-12).
► Bakit hindi posible para sa isang Kristiyano na sundin ang mga batas na sibil ng lumang Israel ayon sa orihinal na paraan?
Ang mga batas na pangmoral ay tumukoy sa ilang gawain bilang tama o mali sa lahat ng panahon. Halimbawa, ang Sampung Utos ay nag babawal ng pagsamba sa diyos-diyosan, paglapastangan sa Diyos, pangangalunya, at pagnanakaw (Exodo 20:5, 7, 14, 15).
Hindi ginagawa ng mga Kristiyano ang orihinal, tiyak na mga gawain na iniutos ng mga batas na pangseremonya at mga batas na sibil. Gayunpaman, ang mga batas na iyon ay mahalaga pa rin dahil inihahayag nila ang kalikasan ng Diyos, na hindi nagbabago. Bagaman hindi natin pinapatay ang mga sumasamba sa Diyos-Diyosan at mga nangangalunya, ipinapakita ng mga batas na iyon na ang mga kasalanang iyon ay kasuklam-suklam sa Diyos. Bagaman hindi tayo nag-iiwan ng mga butil sa bukid para sa mahihirap, alam natin na dapat nating kalingain ang mahihirap sa mga praktikal na pamamaraan. Bagaman hindi tayo nagdadala ng mga hayop sa lugar ng pagsamba bago patayin at ihandog ang mga ito, alam natin na lahat ng bagay ay pag-aari ng Diyos, at dapat tayong magbigay ng mga handog para sa mga bagay na tinatangkilik natin. Kaya’t hindi man natin isinasagawa ang mga orihinal na gawain, dapat tayong makakita ng mga bagong gawain na tumutupad sa mga prinsipyong iyon.
Isa pang dahilan na ang mga batas na sibil at pangseremonya ay mahalaga, dahil ang mga ito ay nagbibigay ang mga ito ng mga prinsipyo ng moralidad na ilalapat sa mga tiyak na paraan. Ang pagtanggi sa mga prinsipyong iyon ay katumbas na rin ng pagtanggi sa mga batas na pangmoral. Halimbawa, hindi natin kailangan ng harang sa paligid ng bubong ng ating bahay kung ang ating bahay ay hindi naman nakadisenyo na mayroong mga tao sa bubong (Deuteronomio 22:8). Subali’t ang sinaunang batas na ito ay nagsasabi sa atin na dapat nating gawing ligtas ang ating mga bahay at lupain para sa mga tao.
► Ano ang isang modernong gawain na dapat nating gawin upang matupad ang prinsipyo sa Deuteronomio 22:8?
Kaya’t ano nga ang batas ng Diyos na binabanggit ni Pablo sa aklat ng mga taga-Roma? Ito ang kalooban ng Diyos para sa tao, na ipinahayag sa kanyang mga kautusan (Lumang Tipan at Bagong Tipan). Bagaman ang ilan sa mga kautusan ay hindi matutupad sa orihinal na paraan, sa pangkalahatan ay iisa ang kalooban ng Diyos para sa tao. Ang paglabag sa kautusan ng Diyos ay kasalanan (1 Juan 3:4).