Ang liham sa mga taga-Roma ay nagpapaliwanag kung paano ang isang tao ay nakipag-ugnayan sa Diyos upang tumanggap ng kaligtasan at pagpapala. Ang kaugnayan sa Diyos ay batay sa biyayang natanggap sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang mensaheng ito ay nagdulot ng mga tanong tungkol sa mga tao ng Israel. Ano ang nangyari sa espesyal na relasyon sa pagitan ng Diyos at Israel? Paano maliligtas ang isang Hudyo? May plano pa ba ang Diyos para sa Israel? Sinasagot ng mga kabanatang ito ang mga tanong na iyon habang patuloy na ipinapaliwanag ni Pablo ang mensahe ng ebanghelyo.
[1]“Ngunit, sino ka, O tao, na makikipagtalo sa Diyos?” (Roma 9:20). Ginamit ang talatang ito ng ilang tao upang sawayin ang sinumang tao na sumusubok na suriin ang katarungan ng Diyos. Sinabi nila na ang katarungan ng Diyos ay masmataas kaysa sa atin kaya’t hindi natin maiintindihan ito.
Mayroon bang mas mataas na antas ng hustisya kung saan ang itim ay nagiging puti at ang kasamaan ay nagiging mabuti? Kung hahatulan ng isang taong hukom ang mga sanggol, hinatulan nang patas ang mga pagkakamali at sinasadyang mga krimen, at pinarusahan ang mga tao sa paggawa ng mga bagay na hindi nila mapipigilan, hindi natin sasabihin na siya ay humatol ayon sa isang mas mataas na antas ng katarungan, kundi siya ay hindi makatarungan.
Ang katarungan ng Diyos ay masmataas ngunit hindi kabaligtaran ng sa atin. Ang ating kahulugan ng hustisya ay nagmula sa Kanya at batay sa kanyang pamantayan. Inutusan niya tayong maging banal katulad ng kaniyang pagiging banal. Kung minsan, ang kanyang aksyon ay tila hindi makatarungan para sa atin, iyon ay sapagkat hindi natin nakikita ang lahat ng mga katotohanan, dahil ang ating mga pinahahalagahan ay masyadong temporal, at dahil ang ating mga pananaw ay binabaluktot ng ating sariling mga hangarin.
Hindi lamang sinasabi ng Diyos na siya ay makatarungan at hindi ipinaliliwanag ang kanyang mga paraan sa kanyang mga nilalang. Sa halip, binibigyang diin ng aklat ng Roma na ang hustisya ng Diyos ay nakikita. Ang mga tumatanggi sa Diyos ay walang maidadahilan (1:20) dahil kilala nila ang Diyos. Alam ng makasalanan na karapat-dapat sila sa paghatol (1:32). Ang Roma 2 ay tungkol sa walang kinikilingan at pagkakapantay-pantay ng mga paghatol ng Diyos. Ang gawain ng pagbabayad-sala ay upang ang Diyos ay maging makatarungan kahit na pinawawalang-sala Niya ang mga makasalanan (3:26).
Malinaw na nais ng Diyos na makita natin na siya ay makatarungan. Dahil dito, ipinaliwanag ng Diyos ang kanyang mga patakaran ng kaligtasan, na ipinapaliwanag kung bakit makatarungan ang mga ito. Hindi magiging posible para sa atin na tunay na sambahin ang Diyos maliban kung nakikita natin na siya ay makatarungan. Kung hindi tayo naniniwala na makatarungan ang Diyos, ang ating pagsunod sa kanya ay magiging tulad ng pagsunod sa isang mapang-api o magnanakaw.
Samakatuwid, pinahihintulutan ng Diyos na ilagay sa paglilitis ang kanyang sarili (3:4). Nagtitiwala siya na ang kanyang mga aksyon ay naaayon sa totoong hustisya. Ang isang matapat na pagsubok sa mga aksyon ng Diyos ay magpapakita na Siya ay matuwid at nagkasala ang makasalanan.
► Bakit mahalagang maunawaan natin ang hustisya ng mga aksyon ng Diyos? Paano natin nalalaman na nais ng Diyos na maunawaan natin ang kanyang katarungan?
Ang isang pananaw ayon sa Biblia sa soberenya ng Diyos ay:
Pinili ng Diyos na pahintulutan ang mga tao na gumawa ng tunay na mga pagpili na may mga kahihinatnan.
Tumutugon ang Diyos sa mga pagpili na ginagawa ng mga tao (Roma 1:24, 26, 28).
Ang Diyos ay makapangyarihan at may karunungan upang tuparin ang kanyang pangwakas na plano sa kabila ng ginagawa ng sinumang tao.
Ang bawat tao ay nagpapasya kung tatanggapin ba o hindi ang ebanghelyo at maliligtas o tatanggihan batay sa piniling iyon. Nag-aalok ang Diyos ng kaligtasan, binibigyan ng pagkakataon pagbulayan at kilalanin ang kanilang kasalanan, binibigyan sila ng pagnanais ng biyaya, at binibigyan sila ng kakayahang sumampalataya. Nagpapadala siya ng mga mensahero upang hikayatin ang mga hindi mananampalataya na magsisi. Ngunit ang indibidwal na tao ang magpapasya tungkol sa kanyang kaligtasan.
“Upang maging Diyos ng walang-hanggan, dapat siyang tumayo sa ibabaw ng akusasyon sa harap ng lahat ng mga demonyo, lahat ng mga anghel, at lahat ng mga kalalakihan. Walang sinumang may kakayanang (nang matuwid) na mag-akusa sa kanya ng pagiging hindi makatarungan.”
-R.G. Flexon,
Rudiments ng Roma
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 5, Talata 1
Pangunahing Punto ng Kabanata 9
Pinili ng Diyos ang paraan ng kaligtasan at walang sinumang maaaring maligtas sa ibang paraan.
Buod ng kabanata 9
Ang kabanatang ito ay madalas na binibigyang kahulugan na pinili ng Diyos kung sino ang maliligtas at mawawala sa isang batayan na hindi natin malalaman. Ang punto ay pinili ng Diyos ang paraan ng kaligtasan at walang sinumang maaaring maligtas sa ibang paraan. Ang kanyang soberanya ay hindi ipinakita sa pamamagitan ng pagpili ng ilang mga tao at pagtanggi sa iba nang walang anumang pamantayan. Ang kanyang soberanya ay ipinakita sa pagtatakda ng mga pamantayan – ang disenyo ng paraan ng kaligtasan.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 9:1-5 para sa grupo.
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo
(9:1-3) Nagpahayag si Pablo ng matinding kalungkutan para sa Israel dahil sila ay naligaw sa espirituwal. Binanggit niya na siya ay kanilang kapatid. Si Pablo ay nagtagumpay sa relihiyon ng mga Hudyo. Iginagalang niya ang kanilang mga iskolar. Ikinalungkot niya nang mapagtanto na tinanggihan si Krsito ng karamihan sa mga guro at mga pinuno, at ang karamihan sa mga taong pinaglingkuran nila.
(9:4-5) Ang Israel ay isang bansa na may dakilang espirituwal na mga pribilehiyo.
Una nilang naging Ama ang Diyos.
Una nilang nakita ang kaluwalhatian ng Diyos na inihayag.
Nagkaroon sila
Ang mga tipan bilang mga tuntunin ng kanyang pagpapala.
Ang batas.
Ang mga anyo ng pagsamba.
Ang mga pangako ng sukdulang kaligtasan.
Ang mga patriyarka ay mga Hudyo.
Si Hesus ay isinilang bilang isang Hudyo.
Sinabi ni Pablo sa 3:1-2 na ang mga Hudyo ay nagkaroon ng mga malaking kapakinabangan.
Hudaismo, ang Ugat ng Kristiyanismo
Ang Hudaismo ay maaaring masabing ang ugat ng Kristiyanismo. Kahit ngayon ang Hudaismo ay higit na katulad sa Kristiyanismo kaysa sa ibang relihiyon. Ang Hudaismo ay hindi naging isang maling relihiyon hanggang sa tinanggihan nito si Kristo.
Nakalista dito ang ilang mga koneksyon sa pagitan ng Kristiyanismo at Hudaismo.
1. Ang mga Kristiyano at tagasunod ng Hudaismo ay sumasamba sa parehong Diyos at tumanggap nga malinaw na pahayag mula sa Diyos.
2. Ang Hudaismo ay nagbigay ng teolohikal at pilosopikal na pundasyon ng Kristiyanismo. Ang Israel ay monoteistiko at naniniwala sa isang Diyos na walang hanggan, hindi nilikha, at banal. Ang lahat ng ginawa Diyos ay mabuti, ngunit ang kasamaan at pagdurusa ay dumating dahil sa kasalanan. Ang tao ay isang espesyal na nilikha sa imahe ng Diyos, na may isang maluwalhating kapalaran pagkatapos na siya ay matubos. Tinatanggap natin ang mga katotohanang ito, ngunit sumasalungat ang mga ito sa lahat ng mga relihiyon sa paligid ng sinaunang Israel. Ang mga katotohanang ito ay unang inihayag sa Israel.
3. Tinatanggap ng mga Kristiyano at mga taga-sunod ng Hudaismo ang lahat ng mga orihinal na Kasulatan ng Lumang Tipan, subalit ang mga taga-sunod ng Hudaismo ay hindi tinatanggap ng Hudaismo ang Bagong Tipan.
4. Si Hesus, ang pundasyon ng Kristiyanismo, ay isang Hudyo at pinatotohanan ang relihiyon ng kanyang mga kababayan. Itinuro niya ang tunay na mga prayoridad, at hinatulan ang mga pagkakamali ng mga Pariseo. Hindi niya sinasabing nagsisimula siya ng isang bagong relihiyon, kundi tinutupad ang dati.
5. Ang puso ng Hudaismo ay ang pag-asa sa Mesiyas. Ang mga unang Kristiyano ay mga Hudyo na naniniwala na si Hesus ang Mesiyas ng mga Hudyo.
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 5, Talata 1
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 9:6-16 para sa grupo.
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo (Patuloy)
(9:6-9) Ang ilan sa kanila ay naligtas; at ang Salita ng Diyos ay nagkaroon ng epekto. Ang bayan ng Diyos ay hindi lamang ang mga tunay na inapo ni Abraham. Ito ang mga tao na nailigtas sa pamamagitan ng paniniwala sa pangako ng Diyos.
Mula sa panahon na pinili ng Diyos si Abraham, ang kaligtasan ay binalak sa ganitong paraan. Ang plano ng kaligtasan ng Diyos, na magpapatuloy sa pamamagitan ni Isaac, ay pagkilos ng Diyos bilang tugon sa pananampalataya. Ang disenyo ng Diyos para sa kaligtasan ay pangako, pagkatapos ay pananampalataya, pagkatapos ay himala. Ang kapanganakan ni Isaac ay isang himala.
Isinilang si Ismael sa natural na paraan, hindi sa pamamagitan ng himala at hindi siya ginamit ng Diyos para sa plano ng kaligtasan. Sa parehong prinsipyo, hindi tinatanggap ng Diyos ang mga gawa para sa kaligtasan. Ang mga Hudyo na nagnais maligtas sa pamamagitan ng mga gawa ay tinanggihan ng Diyos katulad ng pagtanggi kay Ismael bilang ang ipinangakong anak.
► Paano naman ang tungkol kina Jacob at Esau? Iniisip ng ilang tao na ang mga talatang ito ay nagsasabi na pinili na ng Diyos kung sino ang maliligtas bago paman sila ipanganak. Ano ang totoongs inasabi ng mga talatang ito?
(9:10-13) Nang piliin ng Diyos si Jacob sa halip na si Esau, hindi niya pinipili kung sino ang ililigtas niya. Pinili niya ang gagamitin niya para matupad ang plano ng kaligtasan. Ito ang tema ng kabanata: Ang karapatan ng Diyos upang itakda ang pamamaraan ng kaligtasan. Ang tala ng buhay ni Esau sa Lumang Tipan ay nagpapakita na siya ay tunay na nagkaroon ng pagbabago ng puso at maaaring naligtas. Hindi siya tinanggihan mula sa kaligtasan, ngunit tinanggihan siya na maging ama ng piniling bansa at ng Mesiyas. Ang salitang kinamumuhian ay nangangahulugang “tinanggihan upang paboran ang isa pa,” tulad ng ibigsabihin nito nang sinabi ni Hesus na dapat nating “kamuhian” ang ating ama at ina kumpara sa ating katapatan sa kanya (Lucas 14:26).
Hindi pinili ng Diyos si Jacob dahil sa kanyang mga katangian o itinakwil si Esau dahil sa mga pagkakamali. Binibigyang diin ng sipi na hindi pa sila gumawa ng anumang kabutihan o kasamaan nang gawin ng Diyos ang kanyang pagpili. Siyempre, alam ng Diyos ang kanilang kinabukasan. Ang punto ay pumili ang Diyos ayon sa kanyang sariling plano.
► Sinasabi ng ilang tao na ang 9:14-16 ay nagpapatunay na pinipili ng Diyos kung sino ang maliligtas sa kadahilanan na hindi natin alam. Ang ating mga kilos at pagpili ay hindi magtatakda kung maliligtas ba tayo o hindi. Ano ang totoong sinasabi ng mga talatang ito?
(9:14-16) Pinipili ng Diyos kung kanino siya magpapakita ng awa. Hindi nangangahulugan na ginagawa niya ito nang walang batayan o sa isang batayan na hindi natin malalaman. Ipinakita ng Diyos ang batayan ng kanyang awa: “Lisanin ng masama ang kanyang lakad, at ng liko ang kanyang mga pag-iisip; at manumbalik siya sa Panginoon, at kanyang kaaawaan siya; at sa aming Diyos, sapagkat siya'y magpapatawad ng sagana” (Isaias 55:7).
Malinaw niyang sinasabi sa atin na tayo ay pinili para sa kaligtasan kung tayo ay naniniwala at tatanggihan kung hindi tayo maniniwala. Kaya nga, hindi ayon sa kalooban ng tao na magpasiya kung paano siya maliligtas. Ang kaligtasan ay dapat sa pamamagitan ng awa ng Diyos, matatanggap sa paraang ipinasiya niya.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 9:17-23 para sa grupo. Nilikha ba ng Diyos si Paraon upang maging isang masamang tao at pamunuan siya upang gumawa ng kasamaan?
(9:17-18) Hindi ipinanganak si Paraon upang maparusahan, ngunit inilagay siya sa mataas na posisyon sapagkat alam ng Diyos kung ano ang gagawin niya. Ang salitang binuhay ay hindi tumutukoy sa kanyang pagkalikha, kundi sa pagtatalaga sa kanya bilang pinuno. May awa ang Diyos sa mga naniniwala at pinagmamatigas ang mga hindi naniniwala. Ang pagmamatigas ay hindi nangangahulugang binago ng Diyos ang isang mabuting tao at naging isang masamang tao. Pinahintulutan ng Diyos ang Paraon na gawin ang nais na niyang gawin.
Ang mga may matigas na puso ay itinuturing na nagkasala para sa kanilang kalagayan. Samakatuwid, ayon sa hustisya, ang kanilang mga pagpili ay totoo. Sa 2:4-5, ang katigasan ng puso ay bahagi ng kundisyon ng kasalanan ng mga Hentil, at nakakonekta sa kanilang sinasadyang pagtanggi sa katotohanan. (Tingnan din ang Jeremias 19:15, Nehemias 9:25-29, Marcos 16:14, at Hebreo 3:7-13.) Hindi magkakaroon ng matigas na puso si Faraon kung hindi niya tinanggihan ang Diyos.
(9:19) Dito maaaring tumutol ang isang tao: “Kung kaya ng Diyos na kontrolin ang mga tao, tulad ng ginawa niya kay Paraon, paano huhusgahan ang sinuman? Wala pang nagtagumpay na tanggihan ang kanyang kalooban.” Ang tumututol ay nagpapahayag na tila ba ang isang tao ay dapat pagpaumanhinan sa paglaban sa Diyos kung sa wakas ay mapipilitan rin siyang gawin kung ano ang nais ng Diyos. Ngunit nalalaman ng Diyos kung sino ang taong kusang-loob na tumutugon sa kanya at ang mga hindi kusangloob ang pagtugon.[1]
(9:20-23) Ang Diyos ay maaaring pumili ng ilan para sa paghatol at ang ilan para sa awa, kahit na sa wakas ay luluwalhatiin siya ng lahat (sapagkat siya ay niluluwalhati kapwa sa kanyang paghatol at para sa kanyang awa). Mayroon siyang batayan para sa pagpili at sa kanya ang karapatang pumili. Itinatakda ng Diyos ang kanyang panuntunan para sa pagtanggap, at hindi ito magbabago.
Ang magpapalayok ay maaaring magpasya kung ano ang gagawin niya sa putik. Ang isang bahagi ay maaari niyang gawing isang plorera para sa mga bulaklak at isa pangbahagi ay gawing isang lalagyan ng basura. Sa parehong paraan, nagpasya ang Diyos na may mga taong nakatakda sa paghatol at ang ibang tao ay nakatakda para sa awa. Hindi tinukoy ng pandiwang Griyego kung sino ang gumawa ng aksyon. Maaaring mangahulugan ito na inihanda ng mga tao ang kanilang sarili para sa paghatol. Ito ay naaayon sa pahayag na tiniis ng Diyos ang kanilang paghihimagsik hanggang sa dumating ang oras para sa paghatol. Hindi sila nilikha ng Diyos para sa paghatol o ginawa silang mga makasalanan. Ang paghatol sa kanila ay para sa kanilang sariling mga pagpili. Ang katotohanan na ang Diyos ay may kapangyarihan sa kanyang pagpili ay hindi nangangahulugang pipili siya ng walang pasubali kundi pumipili siya ayon sa kanyang sariling pamantayan. Pinipili niya ang masama para sa paghatol at ang mga mananampalataya para sa kaligtasan.
Ang tanong na “Bakit mo ako ginawang ganito?” ay hindi nangangahulugang “Bakit mo ako nilikha para sa paghatol”, kundi “Bakit mo napagpasyahan na nararapat ako sa paghatol?” Ngunit may karapatan ang Diyos na tukuyin at ihayag ang kanyang katarungan.
Ang paglalarawan ng magpapalayok ay mula sa Jeremias 18:1-18. Ang mga pangunahing talata ay 18:7-10. Sinasabi 18:8, “Kung ang bansang iyon na aking pinagsalitaan ay humiwalay sa kanilang kasamaan ay magbabago ang isip ko tungkol sa kasamaan na binabalak kong gawin doon.”
► Paano mo maipapaliwanag ang ilustrasyon tungkol sa magpapalayok at luwad? Ginawa ba ng Diyos ang ilang tao para sa layunin na maipakita ang kanyang poot? Ano ang ibig-sabihin na gumagawa siya ng iba't-ibang uri ng mga bagay sa luwad?
[1]Tingnan ang mga tala sa isang katulad na sipi sa 3:5-8.
Ang Sariling Konklusyon ng Apostol
May mga tao na nagkonklusyon mula sa kabanatang ito na ang Diyos ay lumilikha ng ilang mga tao para sa layunin ng paghuhukom at ang iba ay para sa awa. Gayunman, sinabi mismo ni Pablo ang kanyang pangunahing punto sa pagtatapos ng kabanatang ito (9:30-33). Mahalaga na hayaan natin ang may-akda na gumawa ng kanyang sariling punto mula sa kanyang sariling paglalarawan. Hindi natin dapat ipangatwiran ang isang aplikasyon ng kuwento ng may-akda na taliwas sa kanyang isinasaad mismo. Ito ang pangunahing punto ni Pablo: Hahatulan ng Diyos ang isang indibidwal batay sa kung naniniwala o hindi ang taong iyon. Tulad ng magpapalayok, may karapatan siyang magpasya kung ano ang batayan ng pagtanggap.
Maaari tayong magalak sa soberanya ng Diyos dahil siya ay laging matalino, mabuti, mapagmahal, at makatarungan sa lahat ng kanyang ginagawa. Bagama't mayroon siyang ganap na awtoridad, hindi siya gumagawa ng anumang bagay na hindi makatarungan. Ang kanyang mga aksyon ay palaging naaayon sa kanyang sariling kalikasan.
Ang punto ng kabanata ay hindi nagsasabi na pinipili ng Diyos ang sinumang naisin niya nang walang batayan. Ang punto ay nagsasabi na inilalagay niya ang batayan upang matukoy kung sino ang kanyang pipiliin. Ang batayan ay ang pananampalatayang nakapagliligtas.
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 5, Talata 1
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 9:24-33 para sa grupo.
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo (Patuloy)
(9:24-26) Maraming mga Hentil ang naging bahagi ng bayan ng Diyos, bagaman hindi sila tinawag na bayan ng Diyos batay sa nasyonalidad. Ito ay nag-uugnay sa dakilang tema ng pagmimisyon ng sulat na ito: ang ebanghelyo ay maiaalok sa lahat ng tao sa buong mundo.
(9:27-29) Maraming mga Hudyo ang tatanggihan, at ilang nalalabi lamang ang maliligtas. Ang mga Hudyo ay hindi awtomatikong maliligtas dahil lamang sila ay mga Hudyo. Kung ang Diyos ay kumilos ayon sa hustisya nang walang awa, sila ay nawasak na ganap na katulad ng Sodoma.
(9:30-33) Narito ang konklusyon ng kabanata. Ang may akda ay dapat pahintulutan na magsulat ng kanyang sariling konklusyon. Ang tema ng kabanata ay naitakda na ng Diyos ang paraan ng kaligtasan. Ang mga taong nagsikap na magtatag ng kanilang sariling katuwiran batay sa kautusan ay nabigo. Ang taong naghahanap ng katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya ay nagtagumpay. Ang taong sumusubok na magtatag ng kanyang sariling katuwiran ay natitisod sa pundasyong bato na inilagay ng Diyos, subali’t ang sumasampalataya ay hindi mapapahiya.
Aralin 9 Mga Katanungan Pagbabalik-Aral
(1) Paano natin malalaman na nais ng Diyos na maunawaan natin ang kanyang katarungan?
(2) Bakit mahalaga na makita natin na ang Diyos ay makatarungan?
(3) Ano ang pananaw na ayon sa Bibliya tungkol sa kataas-taasang pamumuno ng Diyos?
(4) Ano ang pangunahing punto ng Roma 9?
(5) Ano ang mga espirituwal na pribilehiyo ng Israel?
(6) Ano ang limang koneksiyon ng Kristiyano at Hudaismo?
(7) Ano ang sinasabi ng Roma 9 tungkol sa pagpili ng Diyos kay Jacob?
(8) Bakit tayo maaaring magsaya sa soberanya ng Diyos?
Aralin 9 Takdang-aralin:
(1) Sumulat ng isang pahina na nagpapaliwanag kung paano ang Diyos ay may soberenya, gayunman ay sumasagot pa rin sa mga pagpili ng tao. Gamitin ang Roma 9, ngunit gumamit din ng iba pangtalata sa Banal na kasulatan.
(2) Ang mag-aaral ay dapat maghanda ng hindi bababa sa dalawang pakikipag-usap sa mga mananampalataya mula sa ibang mga iglesya. Dapat niyang hilingin sa kanila na ipaliwanag kung ano ang iniisip nila tungkol sa soberanya ng Diyos. Dapat niyang ipaliwanag ang mga sipi mula sa Roma na may kaugnayan sa paksa. Dapat siyang magsulat ng isang paglalarawan ng pag-uusap at ibigay ito sa tagapanguna sa klase.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.