Ang mga Kasulatan tungkol sa huling mga araw ay tumatalakay sa suliranin ng pagpapanatili sa pananampalataya sa kabila ng kasamaan at kawalang-katarungan sa mundo. Inilalarawan nito ang isang panahon kung kailan biglang mamagitan ang Diyos sa mundo, magpaparusa sa kasamaan at tutulungan ang kanyang mga tao.[1]
Ang isang salita na madalas na ginagamit upang tumukoy sa oras ng huling pamamagitan ng Diyos ay Ang Araw ng Panginoon. Ang ilan sa mga talata sa Lumang Tipan ay naglalarawan sa Araw ng Panginoon bilang ang panahon kung kailan ang mga bansang Hentil ay parurusahan dahil sa kanilang pakikitungo sa Israel.[2] Maraming Hudyo ang nagsimulang mag-isip na wala silang dapat ikatakot sa paghuhukom ng Diyos dahil sila ay mga Hudyo. Sinikap ipakita ng mga propeta na sila rin ay hahatulan kung sila ay makasalanan (Zefanias 1:12, Amos 5:18–27) at hindi sila ililigtas dahil lamang sa sila ay mga Hudyo; ngunit nanatili pa rin ang ganitong pag-iisip.
Para sa mga Hudyo mahirap tanggapin na silaman ay nangangailang iligtas. Halimbawa, ang pagbabautismo ay isang seremonya na kanilang ginagamit upang ibilang ang mga Hentil sa Judaismo. Hindi nila binabautismuhan ang mga Hudyo. Binautismuhan ni Juan Bautista ang mga Hudyo, at ang kanyang ginawa ay nakasama ng loob ng ilang Hudyo na nag-iisip na hindi na nila kailangang mabautismuhan o magsisi dahil sila ay mga anak ni Abraham (Mateo 3:9).
Sa aklat ng mga Roma, tinukoy ni Pablo ang “araw ng poot” (2:5) at ang “araw kung kailan maghuhukom ang Diyos” (2:16). Ang mga pagtukoy na ito ay kasunod ng kanyang tema sa 1:16-18, na ang ebanghelyo ang kaligtasan mula sa poot ng Diyos. Sa 2:2-3 ginimbal niya ang mga Hudyo na nagmamatuwid-sa-sarili sa katotohanan na siya man ay may dahilan upang katakutan ang araw ng Panginoon. Kahit ang mga Hudyo ay nangangailangan din ng kaligtasan.
[1]Kabilang sa mga apocalyptic scripture sa Lumang Tipan ang Daniel, Zacarias, Joel, Ezekiel 37-39, at Isaias 24-27. Sa bagong Tipan, naroon ang Mateo 24, Lucas 21, Marcos 13, 2 Tesalonica. 2, at Pahayag.
Sa araling ito, nagpapatuloy tayo sa pag-aaral ng Bahagi 2 ng aklat ng Roma: Sa huling aralin, pinag-aralan natin ang talata na naglalarawan sa pagkakamali ng mga Hentil. Ang talatang ito (2:1-29) ay naglalarawan ng “Pagkakamali ng mga Israelita.”
Ang Bahagi 2 ay 1:18-3:20. Ang pangunahing punto ng Bahagi 2 ay: Ang bawat isa sa mundo ay sumuway sa hinihingi ng Diyos at nasa ilalim ng kahatulan. Walang sinuman ang maaaring maligtas batay sa pagtugon sa mga hinihingi ng Diyos dahil ang bawat isang tao ay lumabag na sa mga iyon.
Una, ipinaliwanag ni Pablo na tinanggihan na ng mga Hentil ang pagkakilala sa Diyos at bumaling sa mga diyos-diyosan at makasalanang mga pagnanasa. Pagkatapos, inilarawan niya ang kalagayan ng mga Israelita, na nagtataglay ng kautusan ng Diyos subali’t hindi naman ito sinunod. Pag-aaralan natin ngayon ang talata tungkol sa mga Israelita.
Dito lumipat si Pablo mula sa pagtukoy sa ikatlong panauhan (sila) at lumipat sa ikalawang panauhan (kayo). Sa bahaging ito, nagsasalita siya sa sinumang tao na nag-iisip na hindi angkop para sa kanila ang ebanghelyo dahil natugunan na nila ang isang pamantayan ng pagiging matuwid. Karamihan sa mga Hudyo ay kabilang sa kategoryang ito, at ang seksiyong ito ay tuwirang nagsasalita patungkol sa kanila (2:17); subali’t ang mga Hentil na may mataas na pamantayang moral ay maaari ring kabilang sa parehong pagkakamali. Ipinapakita niya na ang taong nag-iisip na siya ay matuwid nang walang biyaya, sa katotohanan siya ay mapagkunwari at nagkakasala.
Pangunahing Punto ng Kabanata 2
Ang mga Hudyo ay nagkasala ng parehong mga kasalanan na ginawa ng mga Gentil at hahatulan din ng Diyos.
Buod ng Kabanata 2
Ang 2:1, 11 ay nagpapahayag ng pangunahing punto. 2:1 ay nagsasaad na ang mga Judio ay pare-parehong nagkasala; 2:11 ay nagsasaad na ang Diyos ay walang kinikilingan. Ang natitirang bahagi ng kabanata ay bumubuo ng isang kaso para sa mga pahayag sa mga talatang iyon. Ang mga ito ay hindi mapapatawad, tulad ng mga pagano ay walang dahilan (1:20).
Ipinakikita ng 2:13, 17 kung bakit inaasahan ng mga Hudyo na papaboran sila - dahil natanggap nila ang paghahayag ng Diyos at may relihiyong batay dito. Sa Roma 1, Itinatag ni Pablo ang katotohanan na ang mga Hentil ay karapat-dapat sa paghatol. Bawat Hudyo ay sasang-ayon dito. Ngunit sa 2:1, sinindak ni Pablo ang mga Hudyo sa pamamagitan ng paglalantad ng kanilang pagkakasala. Nilabag din nila ang batas at karapat-dapat sa parehong paghatol gaya ng mga Gentil! Inaasahan nilang mapapatawad sila dahil sila ay mga Hudyo na kumikilala sa batas ng Diyos at may tamang relihiyon.
Milyun-milyong tao ngayon ang nasa kategoryang ito. Iniisip nila na sila ay tinatanggap ng Diyos dahil naniniwala sila sa Diyos at nagsasagawa ng mga relihiyosong kaugalian habang patuloy silang gumagawa ng kasalanan.
► May mga tao ba sa inyong lipunan na nagkakamaling isipin na sila ay mga Kristiyano? Bakit ganun ang tingin nila?
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roman 2:1-29 para sa grupo.
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo
(2:1) Na ang mga Hudyo ay walang dahilan ay tumutugma sa kalagayan ng mga Hentil na walang dahilan (1:20). Ang ideyang iyon ay magiging kagulat-gulat sa isang makasarili na Hudyo, tulad ng sa modernong tao na nag-iisip na siya ay sapat na mabuti.
Sa paghatol sa iba, hinatulan na nila ang kanilang mga sarili, dahil sila ay nagkakasala ng parehong mga kasalanan. Ang kanilang kaalaman sa katotohanan ay nagpataas sa kanilang responsibilidad. Sinabi ni Hesus na may mga lunsod sa Israel na hahatulan nang masmabigat kaysa sa Sodom at Gomorra (Mateo 11:21-24).
Ang talatang ito ay tumutukoy sa isang taong nag-iisip na maaari niyang hatulan ang iba at ariin ang kanyang sarili bilang inosente. Ang mga huling bahagi ng kabanata ay naglalagay sa Diyos sa tungkulin ng isang hukom at ipinapakita kung paano naiiba ang kanyang paghatol kung ihahambing sa mga taong humahatol sa paraang nagbibigay ng pabor sa kanilang sarili.
(2:2-3) Ang paghatol ng Diyos ay batay sa lubos na pamantayan. Ang Diyos ay hindi humahatol sa pamamagitan ng nagbabago at hindi tiyak na pamantayan ng tao.
(2:4) Nagbigay ang Diyos ng espesyal na atensiyon sa mga Hudyo, kaya’t iniisip nila na babaluktutin din niya ang katuwiran para sa kanilang pabor. Ang totoo, ang kanyang kabutihan sa kanila ay may layuning akayin sila sa pagsisisi, at hindi ang alisin ang katarungan. Maraming tao ang namumuhi sa kabutihan ng Diyos sa pagtingin dito bilang kagandahang-loob lamang at pagpapabaya. Ang nais ng makamundong tao mula sa Diyos ay ang benepisyong materyal kasama ng pagsasawalang-kibo sa kanyang kasalanan. Kapag tiningnan natin ang kabutihan ng Diyos sa ganitong paraan ay katulad na rin ng pagkamuhi dito. Ang mga nakakikilala sa Diyos ay mas higit na may kasalanan dahil ang kanyang kabutihan ang nagbibigay sa kanila ng pagkakataon upang magsisi.
(2:5) Ang paglipas ng panahon na sila ay nagpapatuloy sa pagkakasala sa halip na magsisi ay nag-iipon ng poot. Dahil nalalaman nila ang katotohanan, sila ay may higit na pananagutan, at samakatuwid, ang poot ng Diyos ay dumarami laban sa kanilang pagsuway.
(Ang sumusunod na bahagi ay mahalaga sa pag-unawa sa mga natitirang bahagi ng kabanatang ito.)
Ang Paghatol sa Mga Gawa
► Kapag nagtungo tayo sa paghatol sa hukuman, magiging mahalaga ba ang mga ginawa natin sa mundo?
Ang pangwakas na paghatol ay ang pagbibigay halaga sa mga gawa. Parurusahan ng Diyos at gagantimpalaan ang mga tao ayon sa kanilang mga ginawa. Magkakaroon ng iba’t-ibang antas ng kaparusahan at gantimpala sa iba’t-ibang tao (Hebreo 2:2, Hebreo 10:28-29, Mateo 10:42, Lucas 12:47-48, 2 Corinto 5:10).
Ang kaisipan na ang mga makasalanan ay pinarusahan ng kamatayan dahil lamang sa hindi paniniwala ay hindi ayon sa kasulatan. Sa Pahayag 20:12, ang mga tao ay hinahatulan ayon sa talaan ng kanilang mga ginawa. Sinasabi ng 2 Corinto 5:10 na tayong lahat, kabilang ang mga mananampalataya ay hahatulan ayon sa ating mga gawa. Ang 1 Corinto 3:12-15 ay nagpapakita na ang mga Kristiyano ay tatanggap ng iba't ibang gantimpala depende sa kanilang motibo at kasipagan, at sa kalidad (ginto, pilak, mahalagang bato; kahoy, ginikan, dayami) ng kanilang pagkakagawa. Ang lahat ng Kristiyano ay gagantimpalaan para sa kanilang mga gawa dahil ang lahat ng tunay na Kristiyano ay nagbubunga ng mabubuting mga gawa. Ang mga gawa ng mananampalataya na hindi papasa sa pagsubok sa paghatol ay masusunog sa apoy.
Ipinahihiwatig ng Roma 2 na may mga taong hindi pa naririnig ang ebanghelyo ng Bagong Tipan ay hindi hahatulan dahil sa kanilang mga gawa (tingnan ang 2:7, 10, 13, 26-27). Hindi ito nangangahulugan na mayroong mga tao na hindi kailanman nagkasala at sa makatuwid ay maaaring matanggap dahil sa mga gawa nang hiwalay sa biyaya; sapagkat ang 3:19-20 ay nagsasabi na ang lahat ay nagkasala. Ang mga taong tinatanggap ang mga gawa ay mga taong may karanasan sa biyaya na tinatawag na pagtutuli ng puso. Ang kanilang mga gawa ay tinatanggap ng Diyos (2:29).
Ang pagkilos na ito ng biyaya sa puso ay ipinangako sa panahon ng Lumang Tipan:
Tutuliin ng Panginoon mong Diyos ang iyong puso at ang puso ng iyong binhi, upang ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso at kaluluwa mo, upang ikaw ay mabuhay (Deuteronomio 30:6).
Samakatuwid, nalalaman natin na ang sinaunang mga Hudyo ay naligtas dahil sa biyaya, hindi dahil sa mga gawa.
Ang biyayang ito ay para rin sa mga Hentil, nakatanggap man sila o hindi ng Espesyal na Kapahayagan.
Nagsimulang magsalita si Pedro at kanyang sinabi, “Tunay ngang nauunawaan ko na walang kinikilingan ang Diyos, kundi sa bawat bansa ang sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kanya” (Mga Gawa 10:34-35).
Ang matuwid na gawa ay sumusunod sa pagbabagong puso, bilang patunay ng pagsunod sa Diyos. Ang patunay na ito ang magiging batayan ng panghuling pagbibigay-katwiran na binanggit sa Roma 2:13, 16, ang pagbibigay-katwiran sa huling paghuhukom.
Hindi itinuturo ng talata na ang tao ay maliligtas sa pamamagitan ng mga gawa, kundi ang tunay na pagsunod ang mahalaga, hindi lamang ang pagtataglay ng kautusan. Ito ang sumusuporta sa punto ng talata: na ang mga Hudyo ay nangangailangan din ng kaligtasan dahil sila man ay sumuway rin.
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 2, Talata 2
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo (Patuloy)
(2:7) Nagbibigay ang Diyos ng buhay na walang hanggan sa mga taong hinahanap ang karangalang nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisikap sa mga gawaing nakalulugod sa Diyos.
(2:9) Makikita natin dito na ang mga pribilehiyo ng mga Hudyo ay may kalakip na mas malaking pananagutan. Dahil unang dumating sa kanila ang ebanghelyo, sila rin ang nararapat sa unang paghatol.
(2:11) Ito ang susing talata ng kabanata. Ang mga nabubuhay nang nagrerebelde laban sa Diyos ay hahatulan, na walang ibinibigay na pabor dahil sila ay mga relihiyoso.
Isang Pananaw Mula kay Santiago
Sinasabi ni Santiago na ang isang tao ay pinawawalang-sala hindi sa pananampalataya lamang, kundi sa pamamagitan din ng gawa (Santiago 2:24). Subali’t sinabi ni Pablo sa Efeso 2:8 na tayo ay naligtas sa pamamagitan ng biyaya at hindi sa pamamagitan ng mga gawa. Sa Roma 3:28, sinabi niya na ang isang tao ay inaaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya hiwalay sa mga gawa ng kautusan.
Kaya nga, tayo ba ay pinawawalang-sala sa pamamagitan ng magkasamang mga gawa at pananampalataya, o tayo ba ay inaaring-ganap lamang sa pamamagitan ng pananampalataya? Nagsasalungatan ba sina Santiago at Pablo? Hindi, sapagkat hindi sila nagsasalita tungkol sa parehong bagay.
Si Pablo ay nagsasalita tungkol sa kung paanong ang isang tao ay inaring-ganap sa harap ng Diyos. Ang isang tao ay ginawang matuwid sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya.
Si Santiago ay nagsasalita tungkol sa kung paanong ang isang tao ay inaaring-ganap sa harap ng ibang tao. Ang isang tao ay nagpapakita na siya ay may nakapagliligtas na pananampalataya sa pamamagitan ng pamumuhay nang tapat.
Ang pangunahing punto ng sulat ni Santiago ay pagpapatunay na ang tunay na pananampalataya ay inilalapat sa pamumuhay. Sinabi niya na si Abraham ay inaring-ganap, sa pamamagitan ng kanyang mga gawa. Ang isang tao ay ipinapakita na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya at paggawa ng mabuti. Alam natin na ang isang tao ay isang Kristiyano kung siya ay nagpapahayag na siya at namumuhay din tulad ng isang Kristiyano.
Pinatunayan din ni Pablo na ang mga mabubuting gawa ay sumusunod sa pananampalataya. Sa Efeso 2:10, kasunod agad ng kanyang pangungusap na tayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, sinabi ni Pablo na tayo ay nilikha ni Kristo Hesus para sa mabubuting gawa.
Hindi magsasalungatan sina Santiago at Pablo. Kapwa sila sasang-ayon na ang nakapagliligtas na pananampalataya ang kumikilos upang maging katanggap-tangap ang isang tao sa Diyos, at ang mabubuting gawa ay sumusunod sa pagbabalik-loob at nagpapakita na ang isang tao ay naligtas na.
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 2, Talata 2
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo (Patuloy)
(2:12) Ang nakasulat na kautusan ay hindi siyang gagamitin sa paghatol sa mga hindi panakarinig nito. Sila ay hahatulan sa pamamagitan ng kautusan na ipinahayag ng Diyos sa kanila sa ibang mga paraan. (Tingnan ang 1:20, 2:15.)
(2:13) Na sila ay ituturing na matuwid ay tumutukoy sa pangwakas na paghuhukom. May mga nag-iisip na sila ay ituturing na matuwid dahil taglay nila ang kautusan. Subali’t ang pagkaalam sa kautusan subali’t wala namang pagsunod ay hindi nagpapawalang-sala.
(2:14) Ang katotohanan na sila ay maaaring gumawa ng mabuti ayon sa likas nilang katangian ay hindi nangangahulugan na sila ay natural na mabuti nang wala ang Diyos. Ipinapakita ng 2:15 na dahil sa kautusan na isinulat ng Diyos sa kanilang mga puso at budhi kung kaya’t nagagawa nila ang tama. “Ayon sa likas na katangian” ay nangangahulugan na magagawa nila iyon ayon sa inihayag ng Diyos sa kanilang likas nang wala ang nakasulat na Kasulatan.
(2:15) Ang mga tao na wala ang nakasulat na kautusan ay nagtataglay pa rin ng kautusan sa kanilang moral na kalikasan at makagagawa ng mga espesipikong mga pagpili. Hindi ito nangangahulugan na ang konsiyensiya o budhi ay lubusang mapagtitiwalaan. Ang konsiyensiya ay hindi sa lahat ng detalye ay tumpak, dahil naiimpluwensiyahan ito ng kapaligiran at edukasyon; subali’t ito’y isang gabay nawasto sa pangkalahatan. Gayunman, ang lahat ng tao ay makasalanan, maging sa pamantayang iyon, dahil hindi nila laging ginagawa ang nalalaman nilang tama.
Ang 2:15, 16 ay nagpapakita nang paghuhukom ay hindi lamang para sa mga panlabas na gawain, ngunit pati ang mga motibo (Ang mga talatang ito ay nagsasalita patungkol sa puso, mga iniisip, konsiyensya at mga sekreto).
(2:16) Ang pagpapawalang-sala na tinalakay sa talatang ito (unang binanggit sa 2:13) ay hindi pampalit sa pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. Ito ang pangwakas na pagpapawalang-sala, upang maipahayag na matuwid sa huling paghuhukom.
Ang mga prinsipyong ito ng paghatol ay mahalaga sa ebanghelyo na ipinangaral ni Pablo. Ang mabuting balita ng kapatawaran ayon sa ebanghelyo ay hindi makahulugan kung walang pagkaunawa sa paghatol ng Diyos na darating sa mga hindi papinatatawad. Anumang pagkakamali na sumisira sa wastong pananaw sa katarungan ng Diyos ay sisira din sa ebanghelyo.
Pag-Asa para sa mga Di-mananampalataya na Hindi pa Naaabot ng Ebanghelyo
► Ano ang mangyayari sa mga di mananampalataya na hindi pa nakaririnig ng Ebanghelyo? Paano sila karapat-dapat sa paghatol para sa kasalanan kung wala silang alam?
Ipinahihiwatig ng Roma 2:14-16 na may mga tao na pinipili talaga ang paggawa ng tama, at, sagayun, hindi na sila hahatulan ng kamatayan. Gayunman, alam natin na walang sinumang maliligtas sa pamamagitan ng gawa. Ang bawat isa ay lumabag na sa kautusan at nararapat lang sa paghatol (3:9-10, 19-20). Walang sinumang tao ang maaaring maligtas sa pamamagitan ng merito ng kanyang mga gawa. Samakatuwid, kung ang isang taong di pa nakaririnig ng ebanghelyo ay maligtas, ito ay dapat sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pagbabayad-sala, kahit pa hindi pa niya naririnig ang ebanghelyo.
Kung ang isang tao ay gumagalang sa Diyos, ituturo sa kanya ng Diyos ang paraan upang magkaroon ng kaugnayan sa kanya. Sinasabi sa Awit 25:14, “Ang pakikipagkaibigan ng Panginoon ay para sa mga natatakot sa kanya, at ang kanyang tipan ay ipinaaalam niya sa kanila.” Ang tipan ng Diyos ay nagpapakita sa atin kung ano ang kinakailangan para sa kaugnayan sa kanya. Ang isang relasyon sa Diyos ay nangangailangan ng biyaya dahil lahat ng tao ay nagkasala.
May mga taong tulad nina Job, Balaam, at Noe na nakikilala ang Diyos bagaman wala silang Kasulatan. Naroon din si Melchizedek, na isang saserdote ng Diyos, bagaman wala siyang kaugnayan sa anumang sumunod na ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng Israel. Ipinapahayag ng Diyos ang kanyang sarili sa alinmang kultura at panahon (tingnan din ang Awit 19:1-4 at Roma 10:18). Ang mga sumasamba sa diyos-diyosan sa Roma 1 ay nasa kawawang kalagayan hindi dahil hindi nila kailanman nakilala ang Diyos, kundi dahil tinanggihan nila ang kanilang nalalaman na.
Ang isa bang di-mananampalataya ay maliligtas kahit hindi niya kailanman marinig ang ebanghelyo? Kung susundin ng isang tao ang katotohanang taglay niya, gagabayan siya ng Diyos upang maunawaan ang sapat upang hanapin at matagpuan ang kapatawaran. Ito ang kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya at hindi sa mga gawa. Ito ay kabaligtaran ng kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa na iniaalok ng karamihan sa mga relihiyon.
Kaya nga’t kung ang isang tao ay maaaring maligtas nang hindi naririnig ang ebanghelyo, bakit kinakailangan nating ibahagi sa iba sa lalong madaling panahon ang ebanghelyo? Ang tanong na iyan ay sasagutin sa mga susunod.
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 2, Talata 2
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo (Patuloy)
(2:17-20) Ang mga Hudyo ay mapagpaimbabaw dahil itinuturo nila ang kautusan habang sinusuway din ito. Ikinalulugod nila ang kanilang tungkulin bilang nagmamay-ari ng kautusan, nakaaalam ng tama, at tagapagturo ng mga walang nalalaman. Mayroong panunuya dito si Pablo habang inililista niya ang sobrang taas ng kanilang pagtingin sa sarili.
Maaaring maging mabentang aklat ang Bibliya kahit sa isang lipunang palayo na sa Diyos. Ipinapakita nito na kinikilala pa rin ng mga tao ang kahalagahan ng kautusan ng Diyos, kahit na hindi nila ito sinusunod.
Kadalasan ay pinapanatili ng mga tao ang isang anyo ng relihiyon bilang pantakip sa kasalanan pagkatapos mawala sa kanila ang espirituwal na realidad ng relasyon sa Diyos.
(2:21-24) Natutuwa ang mga Hudyo sa paghatol sa mga Hentil gamit ang kautusan, subali’t sila mismo ay hindi lubusang sumusunod dito. Nilapastangan nila ang Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay sa kasalanan habang inaangkin nila ang mataas na espirituwal na katayuan. Gayundin, ang pinaka-karaniwang pagtutol sa Kristiyanismo ay: ang mga Kristiyano ay hindi mabubuting halimbawa ng kanilang inaangkin na kanilang pinaniniwalaan.
(2:25) Hindi nila maaaring sabihing sila ay matuwid sa harapan ng Diyos batay sa kanilang pagiging tuli malibang tinutupad nila ang buong kautusan. Kung nilalabag nila ang kautusan, sila ay katulad din ng mga hindi tuli.
Ang Salitang Pagtutuli
► Ano ang kahulugan ng pagtutuli?
Nakikita ng mga Hudyo ang dalawang klase ng tao sa mundo: ang mga kuwalipikado upang makabilang sa tipan sa Diyos at ang mga hindi kuwalipikado. Ang pagtutuli ay ibinigay bilang isang tanda ng tipan sa pagitan ng Israel at Diyos, subali’t sa katagalan ay naging kinatawan ng buong set ng mga hinihingi para sa tipan. Samakatuwid, tinawag ng mga Hudyo ang dalawang grupo ng mga tao bilang ang mga tuli at ang mga hindi tuli. Sa wika ni Pablo, ang pagiging tuli ay karaniwang nangangahulugang paggamit ng buong sistema ng Judaismo bilangang paraan ng pagiging kabilang sa tipan. (Tingnan ang Galacia 5:2-3 para sa halimbawa ng paggamit ng salitang ito.) Ang pagiging tuli sa kahulugang iyon ay isang pagsisikap na maligtas sa pamamagitan ng gawa sa halip na sa pamamagitan ng biyaya.
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 2, Talata 2
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo (Patuloy)
(2:26) Kapag ang isang taong hindi tuli ay tumutupad sa tunay na intensiyon ng kautusan, hindi siya hahatulan ng Diyos dahil sa hindi siya tuli.
(2:27) Ang paghahambing sa pagitan ng isang matuwid na Gentil at ng isang makasalanang Hudyo ay nagpapakita na ang Hudyo ang may kasalanan, kahit pa taglay niya ang mga anyo ng Judaismo. Sa parehong kahulugan, hinatulan ni Noe ang mundo dahil sa kaniyang pagiging matuwid dahil ipinakita niya ang kahulugan ng tunay na pagsunod (Hebreo 11:7).
(2:28-29) Ang pagtutuli ay isang tanda ng pagkakakilanlan para sa isang Hudyo, na nagpapatunay na siya ay kabilang sa bayan ng Diyos. Sa Deuteronomio 30:6 at sa ilan pang lugar sa Bagong Tipan, ginamit ito bilang isang paglalarawan sa gawain ng Banal na Espiritu kapag binabago niya ang puso ng isang makasalanan upang magkaroon ng kakayahan na mahalin at sundin ang Diyos.[1] Ito ang kahalagahan ng pagtutuli para sa Kristiyano.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Deuteronomio 30:6 para sa grupo.
Ipinangako ng Diyos sa sinaunang mga Israelita na gagawa siya ng isang operasyon ng biyaya sa kanilang mga puso. Ito ay hindi lamang para sa kanilang mga salinlahi, kundi para sa mga taong nakaririnig ng mensahe sa panahong iyon.
Ang taong inilarawan sa kabanatang ito na gumagawa ng matuwid na gawain nang hindi nalalaman ang Kasulatan ay isang taong tumanggap ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, sa pagtanggap sa katotohanang taglay na niya.
Laging ninanais ng Diyos ang pagsunod mula sa puso, sa halip na pormalismo at legalismo, at nag-aalok ng biyaya sa mga tao sa bawat bansa. Pansinin natin ang mga talata mula sa Isaias 56:6-7.
At ang mga dayuhan na sumanib sa Panginoon, upang maglingkod sa kanya at ibigin ang pangalan ng Panginoon, at maging kanyang mga lingkod, bawat nangingilin ng Sabbath at hindi nilalapastangan ito, at nag-iingat ng aking tipan— sila ay dadalhin ko sa aking banal na bundok, at pasasayahin ko sila sa aking bahay dalanginan. Ang kanilang mga handog na sinusunog at ang kanilang mga alay ay tatanggapin sa aking dambana; sapagkat ang aking bahay ay tatawaging bahay panalanginan para sa lahat ng mga bayan.
Aralin 3 Mga Katanungan Pagbabalik-Aral
(1) Ano ang inilalarawan ng kasulatan tungkol sa mga huling araw?
(2) Bakit inaasahan ng mga Hudyo na sila ay papaboran?
(3) Paano ginagawang matuwid ang isang tao?
(4) Paano ipinapakita ng isang tao na mayroon siyang pananampalatayang nakapagliligtas?
(5) Ano ang kahalagahan ng pagtutuli para sa isang Hudyo, at ano ang sinisimbolo nito para sa isang Kristiyano?
Aralin 3 Takdang-aralin:
Sumulat ng isang pahina na naglalarawan ng maling pagkaunawa ng mga Hudyo na maling pag-aakala na sila ay dapat tanggapin ng Diyos. Ilarawan ang mga taong mayroon ding katulad na maling pagkaunawa sa ngayon.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.