Mga Taga-Roma
Mga Taga-Roma
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 4: Mga Kalagayang Unibersal

18 min read

by Stephen Gibson


Ang Biyaya na Naghahatid ng Kaligtasan

Kahit na may ibinigay na handog, ang isang makasalanan ay walang pag-asa kung wala ang biyaya ng Diyos na kumikilos sa kanyang puso. Ang isang makasalanan ay patay sa espirituwal dahil sa kanyang kasalanan, kontrolado ng mga maling pagnanasa, at nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas (Efeso 2:1-3) Wala siyang kapangyarihan upang baguhin ang kanyang ugali (Roma 7:18-19). Paano siya makatutugon sa ebanghelyo nang may pagsisisi at pananampalataya?

Sinikap na ng mga teolohiko na ipaliwanag kung paano ang biyaya ng Diyos ay tumutugon sa kundisyon ng tao.

 John Calvin[1]

Naniniwala si John Calvin na dahil ang tao ay lubusang makasalanan hindi niya pwedeng piliin na tumugon sa Diyos. Samakatuwid, ang Diyos ang siyang pumipili kung sino ang maliligtas at kung sino ang hindi. Dahil ilan lamang ang pinili ng Diyos upang maligtas, ang pagbabayad-sala ay para lamang sa kanila at hindi para sa lahat ng tao. Ang mga taong ito ay hindi makapili. Sa biyayang hindi kayang labanan, ang Diyos ang kumikilos upang sila ay magsisi at sumampalataya. Hindi sila kailanman maaaring humiwalay sa kaligtasan dahil ang kanilang kalooban ay nasa ilalim ng kontrol ng Diyos. Ito ang konsepto ni Calvin ng soberenya ng Diyos.

Hindi naniniwala si Calvin na ang nakapagliligtas na biyaya ay nakalaan para sa lahat. Naniniwala siya na walang sinumang maaaring magsisi at sumampalataya nang walang espesyal na biyaya, at naniniwala siyang ang biyayang ito ay hindi ibinigay sa karamihan sa mga tao.

Naniniwala si Calvin na ang isang tao ay hindi makagagawa ng anumang mabuti, tulad ng pagtupad sa isang pangako o pagmamahal sa kanyang pamilya, nang walang tulong mula sa Diyos. Naniniwala siya na binibigyan ng Diyos ang lahat ng tao ng biyaya na nagbibigay-daan sa kanila na gumawa ng mabubuting bagay. Tinawag niya ang biyayang ito “pangkalahatang biyaya.” Hindi siya naniniwala na ang pangkalahatang biyaya ay makapagdadala sa isang tao sa kaligtasan.

Si John Wesley ay may ibang pananaw sa biyaya ng Diyos. Nakita niya na ang Biblia ay patuloy na nananawagan sa mga tao upang tumugon sa Diyos. Dahil dito, naniniwala siya na tunay ang mga pagpili ng tao. Tulad ni Calvin, naniniwala siya na ang tao ay lubusang makasalanan at hindi makatutugon sa Ebanghelyo nang walang tulong mula sa Diyos, subali’t naniniwala siya na dumarating ang tulong sa lahat. Naniniwala siya na ang Diyos ay nagbibigay sa mga tao ng pagnanais at kakayahang tumugon, subalit hindi basta basta sila inililigtas. Hinahayaan ng Diyos ang pagpili ng mga tao. Ito ang unang biyaya na dumadating sa bawat tao. Tinatawag ito ng mga teolohiko na “prevenient grace” na ang ibigsabihin “naunang biyaya.”

Dumarating ang biyaya ng Diyos sa puso ng isang makasalanan, iminumulat siya sa kanyang mga kasalanan at ipinakikita sa kanya na siya lamang ang maaaring sisihin sa kanyang pagkakahiwalay mula sa Diyos. Ang biyaya ng Diyos ang nagbibigay sa kanya ng pagnanais na mapatawad at nagbibigay sa kanya ng kakayahang tumugon sa Diyos.

Kung wala ang biyaya, ang isang makasalanan ay ni hindi maaaring makalapit sa Diyos. Ang biyaya ay dumarating sa bawat tao bago niya simulang hanapin ang Diyos, kahit wala naman siyang ginagawang anuman upang maging karapat-dapat na tanggapin iyon.

Tandaan ang Efeso 2:1-3, anong walang pag-asang paglalarawan ang ibinibigay nito? Subali’t tingnan natin ang dalawang talatang nakikita natin pagkatapos ng paglalarawan na ito.

Ngunit ang Diyos, palibhasa'y mayaman sa awa, dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa atin, maging noong tayo'y mga patay sa pamamagitan ng ating mga pagsuway, binuhay niya tayo kay Cristo—sa pamamagitan ng biyaya kayo'y naligtas (Efeso 2:4‑5).

Kapag ang isang tao ay hindi ligtas, ito ay hindi dahil hindi siya tumanggap ng biyaya, kundi dahil ayaw niyang tumugon sa biyaya na taglay na niya.

► Alin ang unang dumarating, ang paghahanap ng tao sa Diyos o ang pagkilos ng Diyos sa kalooban ng tao? Paano mo iyon ilalarawan?


[1]Image: “Portretten van Johannes Calvijn..”, from the Rijksmuseum, retrieved from https://commons.wikimedia.org/w/index.php?curid=85920383, public domain.