Ang Roma 10 ay isang kasukdulan sa aklat ng Roma. Ipinaliwanag na ng apostol na ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya at ang lahat ng tao sa mundo ay nangangailangan nito. Dahil ang pananampalataya ay kinakailangan, ang mensahe ng ebanghelyo ay mahalaga: kailangang marinig ng mga tao ang mensahe upang maaari silang sumampalataya. Ang kabanatang ito ay mahalaga sa layunin ng aklat sa pagkat ang buong aklat ay nagbibigay ng batayan ng gawain ng pagmimisyon.
Ang Roma 11 ay tumutukoy sa ugnayan sa pagitan ng Israel at ng iglesya. Ang karamihan sa mga Hudyo ay tumanggi sa ebanghelyo. Ipinaliwanag ni Pablo na ang plano ng Diyos ay para sa buong mundo at ang mga Hudyo ay maaari ring maligtas. Balang-araw, bilang isang buong bayan, tatanggapin ng Israel si Kristo.
Ang katuwiran ay dapat matagpuan sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang pangangailangan ng pananampalataya ay ginagawang agarang mahalaga ang mensahe ng ebanghelyo.
Buod ng Kabanata 10
Isang pagkakamali na subukan na makamit ang pagiging matuwid sa pamamagitan ng personal na katuwiran. Ang katuwiran na tinatanggap ng Diyos mula sa tao ay ibinibigay niya sa tao bilang tugon sa pananampalataya. Ang mensahe ng ebanghelyo ay nagbibigay ng pagkakataon para sa pananampalataya.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 10 para sa grupo.
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo
(10:1-5) Ang mga Hudyo ay kailangan pa ring maligtas dahil hindi nila naiintindihan kung ano ang katuwiran na kailangan nila. Sinubukan nilang bigyang-katwiran ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang perpektong talaan ng personal na katuwiran, na hindi napagtatanto na imposible ito. Ang katuwiran na tinatanggap ng Diyos ay ang kanyang ginagawa sa isang tao bilang tugon sa pananampalataya ng mananampalataya.
Ang layunin ng kautusan ay upang dalhin tayo kay Kristo sa pamamagitan ng paghatol sa kasalanan at pagpapakita ng pangangailangan para sa isang Tagapagligtas. Kapag ang isang tao ay lumapit kay Kristo, ang kautusan ay hindi na ang batayan ng pagtanggap sa kanya ng Diyos, kaya si Kristo ang wakas ng paggamit na iyon ng kautusan (10:4). Hindi nangangahulugang hindi na ipinakikita sa atin ng kautusan kung paano sumunod sa Diyos, ngunit ang pagtanggap sa atin ng Diyos ay hindi nakasalalay sa pagkakaroon natin ng isang perpektong habambuhay na talaan ng pagsunod.
Ang teorya na ang mga tao na nabuhay bago dumating si Kristo ay naligtas ng mga gawa ay lubusang tinanggihan ng talatang ito. Malinaw na sinabi ni Pablo na ang mga nagsikap na magtatag ng kanilang sariling katuwiran sa pamamagitan ng mga gawa ay mali ang naging gabay at naligaw. Tiyak na pinaniwalaan nila ang katotohanan ng ebanghelyo na binanggit ni Pablo sa 10:6-8 mula sa Deuteronomio.[1]
(10:6-11) Ito ay isang sipi ng Deuteronomio 30:11, 14. Sinabi ni Moises sa mga Israelita na ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay hindi nakasalalay sa kabayanihan o superhuman na pagsisikap, tulad ng pag-akyat sa langit o pagtawid sa dagat. Sa halip, ito ay maisasakatuparan sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya.
Iniangkop ni Pablo ang pahayag upang tukuyin ang mga gawaing tulad ng pag-akyat sa langit o sa lupa at ipinakita na tinupad ni Kristo ang lahat ng kinakailangan.
Ang kaligtasan sa pamamagitan ng biyaya ay napakalapit na ito ay nasa ating mga puso at bibig. Nangangahulugan ito na tinatanggap natin ito sa pamamagitan ng pananampalataya (sa ating mga puso) at pagtatapat (sa pamamagitan ng ating mga bibig).
(10:12-13) Narito ang isa pangpagbibigay-diin na ang parehong paraan ng kaligtasan ay naroroon para sa bawat tao. Si Hesus ay Panginoon sa lahat ng bagay, at ang sinumang tao sa kahit saan sa mundo ay maaaring tumawag sa kanya.
(10:14-15, 17) Ito ay isang tawag para sa gawaing pagmimisyon. Ang mensaheng dala ng pagmimisyon ay napakahalaga dahil ang mga tao ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, kailangan nilang marinig ang mensahe upang sila ay maniwala. Ang mga talatang ito ay pangunahin sa layunin ng aklat.
[2]Dito ipinapahayag ni Pablo ang masidhing pagnanais para sa gawaing pagmimisyon at inilalarawan ang trahedya ng mga hindi pa nakaririnig ang ebanghelyo. Maaari silang mailigtas sa pamamagitan ng pananampalataya; ngunit paano sila sasampalataya maliban kung makaririnig, at paano nila makaririnig maliban kung ang isang misyonero ay hahayo?
► Nagsalita si Pablo tungkol sa pangangailangan na magpadala ng mga misyonero, na nangangahulugang tulungan silang magkaroon ng kakayahan at suportahan sila. Ano ang dapat mong ginagawa upang matulungan ang pagpapadala ng ebanghelyo sa mga taong malayo saiyo?
(10:16, 18-21) Isinama sa pagtawag sa pagmimisyon ang paalala na hindi lahat ay tutugon. Ang mga tao ay hindi naliligtas ng impormasyon ng ebanghelyo lamang. Ang mga Hentil ay may ilang kaalaman sa pamamagitan ng pangkalahatang kapahayagan (tinalakay sa 1:18-20), ngunit iyon ay hindi nagligtas sa kanila mula noong tinanggihan nila ito (10:18 ay sinipi mula sa Awit 19:1-4). Mas maraming natanggap na paghahayag ang Israel, gayunpaman maging sila ay hindi naligtas dahil nalalaman lamang nila ang kasulatan. Ihinula ni Isaias ang pagtanggi ng Israel sa Mesiyas (Isaias 53:1, 3).
Tumugon ang apostol sa mga pagtutol: Una, tungkol sa mga Hentil, maaaring sabihin na, “Hindi ba nila narinig?” Sumagot si Pablo, “Oo, ang kaalaman patungkol sa Diyos ay nasa lahat ng dako,” tulad ng inilarawan niya sa 1:20. Pagkatapos, ang tumututol ay nagtatanong tungkol sa mga Hudyo: “Hindi ba naunawaan ng Israel?” Sinasagot niya na patuloy na inabot ng Diyos ang mga Israelita, ngunit tumanggi silang sumunod. Ang tumututol ay nag-aalinlangan sa pagiging epektibo ng mensahe ng ebanghelyo dahil marami ang nakarinig gayunman ay hindi naligtas.
Ipinaliwanag ni Pablo na ang karamihan sa mga Israelita ay hindi tumugon nang may pananampalataya.[3] Ang mga tao ay hindi naliligtas sa pamamagitan ng mensahe malibang sila ay tumugon.
Ang pangangaral ay hindi nakakapagligtas sa taong tumatanggi – ang biyaya ng Diyos ay hindi sapilitan. Gayunman, ito ay nag-aalok ng pagkakataon ng kaligtasan. Bagamat may nalalaman ang lahat tungkol sa Diyos, ang ebanghelyo ay dumarating nang may higit na liwanag at may nakapanghihikayat na kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
“Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ni Pablo, iminumungkahi ng kanyang mga liham, ay may dalawang dakilang motibasyon: isang pakiramdam ng obligasyon na nagmula sa kung ano ang ginawa ng Diyos para sa kanya at inatasan siyang gawin para sa iba, at isang pagnanais na ang Diyos ay luwalhatiin ng maraming tao hangga't maaari. Dapat nating tularan si Pablo sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng ebanghelyo tulad ng ginawa niya.”
- Douglas J. Moo, Mga Romano
[3]Tingnan ang bahagi sa Aralin 4 na pinamagatang “Biyaya sa Lumang Tipan.”
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 5, Talata 3
Pangunahing Punto ng Kabanata 11
Walang sinumanang maliligtas nang hindi tinatanggap ang kaligtasan sa mga termino ng Diyos.
Buod ng Kabanata 11
Ang Israel sa pangkalahatan ay hindi naligtas dahil tinanggihan nila na maligtas ayon sa paraan ng Diyos. Maraming mga Hentil ang naliligtas, ngunit ang sinumang bumagsak sa pananampalataya ay nawawalan ng kaligtasan. Maliligtas ang mga Hudyo kung pipiliin nila, at balang-araw ang Israel sa kabuuan ay tatanggapin ang ebanghelyo. Tutuparin ng Diyos ang mga pangakong ginawa niya sa kanilang mga ninuno.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 11:1-15 para sa grupo.
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo
(11:1) Ang tanong ay, “Tinanggihan ba ng Diyos ang mga Hudyo?” Sumagot si Pablo, “Hindi, ako ay isang Hudyo.” Ang ilang Hudyo ay naligtas.
(11:2-5) Ang mga Kilala ng Diyos mula sa simula ay hindi tinanggihan. Syempre, ang lahat ay nakilala ng Diyos sa diwa na siya ay nakakaalam ng lahat, ngunit ang mga nakilala niya sa kahulugan ng talatang ito ay hindi maaaring lahat dahil ang talata ay nagsasalita tungkol sa mga partikular na tao ng Israel. Ang talata ay tumutukoy sa mga taong alam ng Diyos na tutugon sa kanyang biyaya.[1] Si Pablo ay nagbigay ng isang halimbawa ng mga taong alam na noon pa ng Diyos sa ganitong kahulugan at tinanggap - ang 7,000 na hindi yumukod kay Baal.
Ang mga nalabi na pinili ng Diyos (11:5) ay hindi pinili nang sinasadya o basta-basta. Sila ang mga taong alam ng Diyos na maniniwala sa kanya.
(11:6) Ang mga gawa at biyaya ay laging magkasama sa buhay Kristiyano, ngunit lubos silang magkabukod sa isa’t-isa bilang batayan para sa kaligtasan. Hindi sila maaaring pagsamahin bilang batayan para tanggapin tayo ng Diyos, gaya ng itinuturo ng ilang huwad na relihiyon.
(11:7-10) Ang 11:8, na isang sipi mula sa Isaias 29:10, ay nagpapakita na ang kawalang-katapatan ng mga tao ang naging dahilan ng kanilang espirituwal na pagkabulag. Naging matigas ang kanilang mga puso dahil sa patuloy nilang tinatanggihan ang katotohanan. Sinasabi rin sa Isaias 6:9-10 na ang mga tao ay nagiging bulag kapag patuloy nilang naririnig ngunit tinatanggihan ang alok ng awa. Ang mga talatang ito sa Roma ay hindi nangangahulugang tumanggi ang Diyos na mag-alok ng awa sa ilang tao. Ang sumpa ni David (Awit 69:22, 23), na sinipi ni Pablo sa Roma 11:9-10, ay hindi nagsasabi na ang mga taong nagsisisi ay tatanggihan, kundi ang masasamang tao ay parurusahan.
(11:11) Pinahintulutan ba sila ng Diyos na mahulog higit sa lahat ng pag-asa? Hindi. Ang pagtanggi ng Israel kay Kristo ay nagresulta sa kanyang pagkapako sa krus, na siyang paraan ng pagliligtas ng Diyos. Sa kahulugang ito, ang kanilang pagtanggi ay nagresulta sa pagtanggap sa mga Hentil. Kapag nakita ng mga Hudyo na naliligtas ang mga Hentil, maiintindihan nila na maaari silang maligtas sa parehong paraan.
(11:12-15) Ang mga Hentil ay masmakikinabang kapag ang Israel ay bumalik sa Diyos. Hindi kinakailangang pumili ng Diyos sa pagitan ng mga Hudyo at Hentil. Nais niyang mailigtas ang lahat.
► May mga teologo na naniniwala na dahil pinili ng Diyos na hindi iligtas ang ilang mga tao, pinigil niya ang kanyang biyaya sa kanila, na imposible para sa kanila na maligtas. Paano mo sasagutin ang ideyang iyon mula sa mga 11:12-15?
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 11:16-24 para sa grupo.
(11:16-24) Ang mga talatang ito ay gumagamit ng ilustrasyon ng kasanayan ng pagkuha ng mga sanga mula sa isang puno at ilagay ang mga ito sa isa pang puno. Ang Israel ay parang mga sanga na naputol mula sa puno ng Diyos, at ang mga Gentil ay mga sanga na idinagdag. Ang mga Hudyo ay naputol dahil sa kanilang kawalan ng paniniwala. Ang isang isinama dito ay aalisin din kung hindi siya magpapatuloy sa pananampalataya. Ang mga naputol na ay maaari pa ring maibalik.
Hindi sinabi ni Pablo na ang Diyos ay nagpasiya kung sino ang nasa punongkahoy at ang Kanyang desisyon ay hindi mababago. Sinabi niya na inaalis ng Diyos ang mga hindi sumasampalataya, ngunit sila ay idudugtong na muli kung sasampalataya sila. Ang mga Hentil ay idinagdag, ngunit sila ay muling puputulin kung sila ay nahulog sa kawalang-paniniwala. Tumutugon ang Diyos sa mga pagpili ng tao.
► Mula sa mga talatang ito, paano mo ipapaliwanag ang ilustrasyon ng mga sanga na idinaragdag o inalis?
Mahalaga na maunawaan kung ano ang tinuturo ng Biblia patungkol sa kasiguraduhan ng isang mananampalataya. Ang Biblia ay nagbigay ng maraming seryosong babala sa mga mananampalataya.
Sa Juan 15:2-10 ay ang tanyag na pagsasalarawan ng puno ng ubas at mga sanga. Sinasagot nito ang ilang mahahalagang tanong.
Paano tayo nananatili kay Kristo? “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay mananatili kayo sa aking pag-ibig” (15:10). Ang paghinto sa pananatili kay Kristo ay nangangahulugan na ang isang tao ay tumigil sa pagsunod sa kanya. Ano ang mangyayari pagkatapos?
“Kung ang sinuman ay hindi manatili sa akin, siya'y itatapong katulad ng sanga at matutuyo, at sila ay titipunin at ihahagis sa apoy at masusunog” (15:6). Kung ang isang tao ay huminto sa pagsunod, at sa gayon ay tumigil sa pananatili kay Kristo, siya ay tinanggihan. Ang ilustrasyon ng mga sanga na nahuhulog sa puno ng ubas at iniipon para itapon sa apoy ay nagpapakita ng pinaka kumpletong pagtanggi na maaari nating isipin.
“Kayo'y manatili sa akin, at ako'y sa inyo. Gaya ng sanga na hindi magbubunga buhat sa kanyang sarili malibang nakakabit sa puno, gayundin naman kayo, malibang kayo'y manatili sa akin” (15:4). “Ang bawat sanga sa akin na hindi nagbubunga ay inaalis niya” (15:2). Ang mamunga ay ang pamumuhay ng isang buhay na binago, pinagpala, at ginagabayan ng biyaya ng Diyos. Kung hindi tayo mananatili kay Kristo sa pamamagitan ng pagsunod, hindi tayo magbubunga. Ang taong hindi namumunga ay tinatanggihan.
Walang sinasabi sa atin ang Bibliya na magkakaroon tayo ng kaligtasan anuman ang ating gawin. Ang patuloy na biyaya para sa pamumuhay Kristiyano ay dumarating sa pamamagitan ng ating relasyon sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Si Kristo ay tulad ng isang baging kung saan dapat tayong patuloy na kumukuha ng buhay. Ang pagsasalarawan ng puno ng ubas ay nagpapakita na ang kaloob ng kaligtasan ay tinataglay sa pamamagitan ng relasyon. Ang mawalay sa kanya ay mahihiwalay sa kaligtasan. Pinapanatili natin ang nakapagliligtas na relasyong ito sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos.
Ang isang modernong ilustrasyon ay maaaring isang bumbilya at kuryente. Ang bombilya ay may ilaw habang ang kapangyarihan ng kuryente ay dumadaloy dito. Hindi mapapanatili ng bombilya ang liwanag nito kung ito ay nahiwalay sa pinagmumulan ng kuryente. Gayundin, mayroon tayong buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng ating kaugnayan kay Kristo. Ang kanyang buhay ay dumadaloy sa atin. Hindi natin mapapanatili ang buhay na iyon kung tayo ay lalayo sa kanya.
Binabalaan tayo ng Kasulatan na ang isang tao na minsang naligtas ay maaaring mawalan ng kaligtasan sa pamamagitan ng lubusang pagkatalo sa kasalanan. “Ang magtagumpay ay bibihisang gayon ng mapuputing damit; at hindi ko kailanman papawiin ang kanyang pangalan sa aklat ng buhay” (Pahayag 3:5). Ito ay mga taong naligtas, ngunit ang kanilang kaligtasan ay mawawala kung sila ay madadaig ng kasalanan.
Minsan, nag-alala si Pablo na baka tinalikuran na ng mga nagbalik-loob sa Tesalonica ang kanilang pananampalataya. Sinabi niya na kung nangyari iyon, ang kanyang pagpapagal sa pag-eebanghelyo sa kanila ay masasayang (1 Tesalonica 3:5). Ito ay nagpapakita na posible para sa isang mananampalataya na bumagsak nang lubusan mula sa kanyang pananampalataya na ang kanyang orihinal na pagbabalik-loob ay walang halaga.
Sa 2 Pedro 2:18-21 makikita natin na may mga huwad na guro na nanlilinlang sa ilang mananampalataya na “sila'y makatakas sa mga karumihan ng sanlibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.” Nalaman ng mga dating mananampalataya ang daan ng katuwiran ngunit iniwan ito. Sinasabi ng tekstong ito na mas mabuting hindi na nila alam ang daan kaysa bumalik sa makasalanang pamumuhay. Ito ay nagpapakita na posible para sa isang tao na mawala ang kanyang kaligtasan sa pamamagitan ng pagbalik sa kasalanan. Kung hindi posible para sa isang tao na mawala ang kanyang kaligtasan, ang isang tao ay hindi kailanman magiging mas masahol pa kaysa bago siya naligtas.
Nais ng Diyos na ang mga mananampalataya ay makaramdam ng kasiguraduhan, ngunit hindi sa pagbabatay ng kanilang mga damdamin sa isang maling katiyakan na naglalagay sa kanilang sarili sa tunay na espirituwal na panganib. Hindi tayo dapat mangako sa mga mananampalataya ng isang bagay na hindi ipinangako ng Diyos. Hindi Siya nangako na tayo ay makaksigurado na hindi mawawala ang ating kaligtasan anuman ang ating gawin.
Nangangako ang Diyos na sasamahan tayo, gagabay sa atin, at bibigyan tayo ng kapangyarihan upang mamuhay ng maykatugumpayan laban sa kasalanan. Nangangako Siya na tatanggap tayo ng espirituwal na buhay mula sa ating kaugnayan sa kanya. Ang mananampalataya ay mabubuhay nang walang takot dahil sa pangako ng Diyos ng patuloy na biyaya na natatanggap ng mananampalataya sa relasyon niya sa Diyos.
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 5, Talata 3
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo (Patuloy)
(11:25-29) Ang Israel bilang isang bansa (buong Israel) ay maliligtas. Hindi ibigsabihin na ang bawat indibidwal na Hudyo ay maliligtas, ngunit sa isang panahon sa hinaharap ang nalalabi sa bansa ay babalik sa Diyos. Ang kabuuan ng mga Hentil ay binanggit sa Lucas 21:24. (Ang iba pang-impormasyon tungkol sa kaligtasan ng Israel bilang isang bansa ay nasa Isaias 2:2-5, Isaias 60:1-22; Zacarias 12:7 - 13:9.)
(11:30-31) Tingnan ang tala sa 11:11.
(11:32) Kinategorya sila ng Diyos (pinagsama ang mga ito) lahat bilang mga hindi mananampalataya. Sinumpa ng Diyos ang lahat at ipinahayag ang hatol sa kanila, upang ang lahat ay pantay-pantay na mapabilang sa tatanggap ng awa. Ang salitang lahat ay ginamit nang dalawang beses sa talatang ito. Kung paanong ang lahat ay makasalanan, nais ng Diyos na maawa sa lahat. Kung paanong ang lahat ay hinatulan na, naghandog siya ng awa sa lahat.
Ang lahat ng mga tao ay inilalagay sa parehong kategorya upang maaari silang makatanggap ng parehong kaligtasan. (Tingnan sa 3:19-23.) Ang punto ay inilagay niya ang lahat sa ilalim ng paghatol upang maaari siyang mag-alok ng awa sa lahat sa parehong paraan.
(11:33-36) Ang mga talatang ito ay isang paghahayag ng papuri para sa karunungan ng Diyos. Ang dakilang plano ng kaligtasan ay higit sa maaaring magawa ng ating imahinasyon. Dapat nating tanggapin ito sa paraang nais niyang ibigay, sapagkat wala siyang utang sa atin (11:35). Ang ilan ay nasaktan ng plano ng kaligtasan ng Diyos, na para bang isang batong katitisuran; ngunit ito ang batong pundasyon ng awa.
Dispensasyonalismo Kumpara sa Teolohiya ng Tipan
Sinubukan ng mga teologo na maunawaan ang kaugnayan sa pagitan ng Israel at ng iglesya.
Kasama sa mga tanong ang: Ang mga tao ba sa Lumang Tipan ay naligtas sa ibang paraan kung ihahambing sa mga tao ng Bagong Tipan? Ang mga pangako ba ng Diyos sa Israel ay nailalapat din sa iglesya? Espesyal pa ba ang Israel sa plano ng Diyos?
Isang paliwanag tungkol sa ugnayan sa pagitan ng Israel at ng iglesya ay tinawag na “dispensasyonalismo.” Ang ibang mga teologo ay hindi sumang-ayon sa dispensasyonalismo at nakabuo ng isang paliwanag na kung minsan ay tinawagna “Teolohiya ng Tipan.”
Ang Dispensasyonalismo
Ang terminong dispensasyonalismo ay nagmula sa konsepto na may iba't-ibang mga panahon ng kasaysayan ng tao kung saan naiiba ang pakikitungo ng Diyos sa mga tao, na nagbibigay ng kaligtasan sa pamamagitan ng iba't ibang paraan. Ang panahon ng paggamit ng Diyos ng isang tiyak na plano ng kaligtasan ay tinawag na isang dispensasyon.
Ang ilang dispensasyonalista ay hinati ang kasaysayan ng tao sa maraming dispensasyon. Ang dalawang panahon na nakakaapekto sa interpretasyon ng Bibliya ay batay sa pagkakaiba sa pagitan ng Israel at ng iglesya. Ang mga Israelita sa Lumang Tipan ay naligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa batas ni Moises at sistema ng mga pahahandog; ang mga mananampalataya sa Bagong Tipan ay naligtas ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang iglesya ay ganap na naiiba sa Israel, at iba ang pakikitungo sa kanila ng Diyos.
Bagama't maraming mga pagkakaiba-iba ng dispensasyonal na teolohiya, isang tipikal na bersyon ng dispensasyonalismo ang nagtuturo ang lahat ng mga pangako ng Diyos sa Israel tungkol sa lupa at sa kaharian ay literal na matutupad.
Iniisip ng mga dispensasyonalista na ang dalawang plano ay hindi mangyayari nang sabay sa mundo; samakatuwid, naniniwala sila na ang iglesya ay aalisin muna sa mundo saloob ng pitong taon. Sa panahong iyon tatanggapin ng Israel si Hesus bilang kanilang Mesiyas. Pagkatapos ng panahong iyon ay ang panahon ng 1,000 taon kung kailan maghahari si Hesus sa Jerusalem.
Ang dispensasyonalista ay ginagawang hindi gaanong kapaki-pakinabang para sa mga Kristiyano ang Lumang Tipan sapagkat naniniwala sila na ito ay inihayag sa Israel sa ilalim ng ibang dispensasyon. Ginagamit nila ang mga kwento ng Lumang Tipan upang ilarawan ang mga katotohanan, ngunit madalas nilang tinatanggihan ang patunay ng doktrina mula sa Lumang Tipan at sinusubukang sundin lamang ang Bagong Tipan.
Maraming mga tao na hindi alam ang termino ng dispensasyonalismo ay naiimpluwensyahan ng mga ideya nito. Madalas tinatanggihan ng mga tao na tanggapin ang awtoridad ng Lumang Tipan, bagaman ang mga manunulat ng Bagong Tipan ay malinaw na itinuring ito bilang kanilang awtoridad.
Teolohiya ng Tipan
Ayon sa teolohiya ng tipan, ang bayan ng Diyos ay ang mga nagmamahal at naglilingkod sa kanya, sa anumang makasaysayang panahon sila ay nabuhay. Ang mga taong naligtas, maging sa Lumang Tipan o sa mga panahon ng Bagong Tipan, ay ang mga taong nagsisisi at nagtitiwala sa Diyos para sa kaligtasan.
Ang iglesya na ngayon ang bayan ng Diyos at tinatanggap ang mga pangako na ibinigay sa bayan ng Diyos, kasama na ang mga pangako na ibinigay sa Israel sa Lumang Tipan. Ang bansang Israel ay walang natatanging kahalagahan ngayon.
Sapagkat ang isang tao'y hindi Judio sa panlabas lamang; ni ang pagtutuli ay hindi panlabas o sa laman. Kundi ang isang tao'y Judio sa kalooban; at ang pagtutuli yaong sa puso, sa espiritu at hindi sa titik; ang kanyang pagpupuri ay hindi mula sa mga tao, kundi mula sa Diyos (Roma 2:28-29).
Kaya't inyong nakikita na ang mga sumasampalataya ay mga anak ni Abraham. At ang kasulatan, na nakakaalam nang una pa man na aariing-ganap ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya, ay ipinahayag ang ebanghelyo nang una pa man kay Abraham, na sinasabi, ‘Sa iyo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa.’ Kaya't ang mga sumasampalataya ay pinagpapalang kasama ng mananampalatayang si Abraham (Galacia 3:7-9).
Upang kay Cristo Hesus ang pagpapala ni Abraham ay dumating sa mga Hentil, upang ating tanggapin ang pangako ng Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya (Galacia 3:14).
Walang Judio o Griyego... At kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako (Galacia 3:28-29).
Ayon sa teolohiya ng tipan, ang mga pangakong ito ay matutupad para sa iglesya sa halip na sa Israel:
Ang trono ni Kristo na itinatag sa Jerusalem
Kapayapaan
Israel bilang pinuno ng mundo
Lahat ng mga bansa ay tuturuan ng Israel
Walang hanggang pag-aari ng lupang pangako, at pagpapaamo sa mababangis na hayop.
Ang lahat ng mga pangako ay binibigyang-kahulugan na may espirituwal na kahulugan, sa halip na literal na kahulugan. Ang lahat ng mga pangakong ito ay dapat matupad sa pamamagitan ng espirituwal na mga benepisyo upang matupad sa iglesya.
Karamihan sa mga taong naniniwala sa covenant na ito ay hindi naniniwala sa isang literal na paghahari ni Kristo sa mundo sa loob ng isang libong taon. Naniniwala sila na si Kristo at ang mga banal ay namumuno na ngayon sa espiritwal, sa pamamagitan ng impluwensya ng ebanghelyo. Naniniwala sila na ang pangako kay Abraham na ang kanyang mga inapo ay magmamay-ari ng Canaan magpakailanman ay natutupad na sa kasalukuyang mga naniniwala na nagtataglay ng kaligtasan.
Ayon sa teolohiya ng tipan, walang kasalukuyang kahalagahan sa bansa ng Israel ngayon, dahil tinanggihan nila si Kristo. Ang mga Hudyo ay maaaring maging bahagi ng bayan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap ng indibidwal na kaligtasan, tulad ng sinumang Hentil.
Isang Alternatibong Pananaw
Maraming mga teologo ngayon ang nagsikap na magkaroon ng balanse ayon sa banal na kasulatan sa pagitan ng dispensasyonalismo at teolohiya ng tipan.
Mayroong mga problema sa dispensasyonalismo. Sinabi ni Apostol Pablo kay Timoteo na ang mga Banal na Kasulatan (ang Lumang Tipan) ay nagturo ng kaligtasan (2 Timoteo 3:15). Sinabi ni Hesus na dapat nalalaman na ni Nicodemus ang tungkol sa bagong pagsilang dahil siya ay isang guro ng Lumang Tipan (Juan 3:10). Ang Bagong Tipan ay nagsasabi na ang isang mananampalataya ang ngayo’y tunay na Israelita at anak ni Abraham (Roma 2:28-29, Galacia 3:28-29). Sinabi rin nito na ang mga handog sa panahon ng Lumang Tipan ay hindi nag-alis ng mga kasalanan (Hebreo 10:4). Ang mga kasulatang ito ay nagpapakita na ang Diyos ay hindi naglaan ng iba't ibang paraan ng kaligtasan sa iba't ibang panahon ng kasaysayan.
Mayroonding mga problema sa teolohiya ng tipan. Ang pagsasabi na ang mga pangako ng Lumang Tipan ay natutupad sa espiritwal ay nagpapahintulot sa mga pang-haka-haka na interpretasyon na hindi masusuri. Gayundin, sa interpretasyong ito nawawala ang orihinal na kahulugan. Magiging imposible para kay Abraham o sa iba pa na maunawaan ang mga pangako, kahit na iniisip nila na nauunawaan nila iyon. Halimbawa, ipinangako ng Diyos kay Abraham na ang kanyang mga anak ay magkakaroon ng tiyak na lupain magpakailanman; maaari ba talagang ibig sabihin niyon na ang mga Hentil ay maliligtas?
Itinatanggi ng teolohiya ng tipan na ang Israel ay mahalaga pa rin sa plano ng Diyos, ngunit sinabi ni Apostol Pablo na ang Israel bilang isang bansa balang-araw ay maliligtas (Roma 11:26).
Ang isang Alternatibong pananaw sa Israel at sa iglesya ay dapat may pag-unawa sa iba't ibang mga pangako sa Lumang Tipan.
1. Mga Pangako ng Kaligtasan. Ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng biyaya at nakukuha sa pamamagitan ng pagsisisi at pananampalataya ng Hudyo at Hentil sa anumang panahon ng kasaysayan. Ang batayan ng pagtanggap ng Diyos sa isang indibidwal ay palaging pareho (Roma 4:3, Efeso 2:8). Walang pangangailangan para sa Israel at sa iglesya na magkaroon ng magkahiwalay na pagkakataon sa mundo sapagkat ang plano ng kaligtasan ay pareho para sa Israel at sa iglesya.
2. Mga pangako ng pangangalaga ng Diyos sa kanyang mga tao. Maraming mga pangako ang naglalarawan ng karaniwang paraan ng Diyos sa pag-aalaga sa kanyang bayan, sa sinumang nasa masunuring kaugnayan sa kanya. Ang isang halimbawa ay ang Awit 23. Ang mga pangakong ito ay nagpapakita ng katangian ng Diyos na ipinahayag sa relasyon. Ang mga prinsipyong ito ay hindi nagbabago sa anumang oras at lugar, kasama ang Israel o ang iglesya.
3. Mga Pangako sa Israel bilang Bansa. Si Hesus ang Mesiyas ng mga Hudyo. Balang-araw, ang Israel bilang isang bansa ay magbabalik kay Kristo (Roma 11:26). Ang mga pangako naginawa ng Diyos sa Israel bilang isang bansa ay literal na matutupad para sa nalalabing henerasyon ng mga mananampalatayang Hudyo.
► Aling mga pahayag sa alternatibong pananaw ang tumutugma sa dispensasyonalismo, at alin ang mga pahayag na naiiba dito? Alin ang mga pahayag na tumutugma sa teolohiya ng tipan at alin ang naiiba?
Aralin 10 Mga Katanungan Pagbabalik-Aral
(1) Ano ang pangunahing punto ng Roma 10?
(2) Paano sinubukan ng mga Hudyo na bigyang-katwiran ang kanilang sarili?
(3) Paano natin malalaman na ang mga taong nabuhay bago dumating si Kristo ay hindi naligtas sa pamamagitan ng mga gawa?
(4) Ano ang ibig sabihin na ang kaligtasan ay nasa ating puso at bibig?
(5) Bakit mahalaga ang mensahe ng misyonero?
(6) Ipaliwanag ang paglalarawan ng mga sanga ng puno sa Roma 11.
(7) Ilista at ipaliwanag ang tatlong klase ng pangako sa Lumang Tipan.
Aralin 10 Takdang-aralin:
(1) Sumulat ng isang pahina na nagpapaliwanag kung bakit mahalaga ang Lumang Tipan para sa mga Kristiyano ngayon. Magbigay ng mga halimbawa ng mga talata mula sa Lumang Tipan na lalong mahalaga.
(2) Tandaan na mag-ulat tungkol sa mga pag-uusap sa hindi bababa sa dalawang miyembro mula sa ibang mga simbahan.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.