Maraming usaping teolohikal ang pinagdebatihan na sa iglesya saloob ng libong taon. Ang aklat ng Roma ay tumatalakay sa mga kontrobersiyal na mga usaping teolohikal marahil higit pa sa alinmang ibang aklat ng Biblia. Narito ang ilang halimbawa ng mga tanong na sinagot dito sa liham.
Mga Teolohikal na Mga Tanong na Sinagot sa Roma.
Paalala para sa lider ng klase: Basahin ang bawat isang tanong at tumigil sandali upang makasagot ang ibang miyembro. Hindi dapat umubos ng mahabang oras sa alinmang tanong at hindi dapat sikaping magkaroon ng konklusyon. Ang layunin ng listahan ay upang ipakita na maraming opinyon tungkol sa mga tanong na ito.
1. Ano ang dapat pinaniniwalaan ng tao upang maligtas sa pamamagitan ng pananampalataya?
2. Ano ang ibigsabihin kapag sinabing ang Kristiyano ay hindi nagtatrabaho para sa kanyang kaligtasan?
3. Ipinasiya ba ng Diyos na iligtas ang ilang tao at hindi iligtas ang iba pa?
4. Paano pinipili ng Diyos kung sino ang maliligtas at kung sino ang hindi?
5. Ano ang mangyayari sa mga taong hindi pa nakaririnig ng ebanghelyo?
6. Paano masasabing makatarungan ang Diyos kung pinatatawad niya ang ibang makasalanan at pinarurusahan naman ang iba?
7. Ang isang mananampalataya ba ay makasalanan pa rin?
8. Anong klaseng espirituwal na tagumpay ang possible sa tunay na buhay?
9. Posible ba sa isang mananampalataya na mawala ang kaligtasan?
10. Mayroon pa bang plano ang Diyos para sa Israel?
Ang Layuninng Liham sa Mga Taga-Roma
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang 1:11-15 at 15:24 para sa grupo. Anong mga dahilan ang ibinigay ni Pablo sa kanyang pagnanais na magtungo sa Roma?
Ang layunin ng liham na ito ay upang ipakilala si Pablo at ang kanyang teolohiya ng kaligtasan sa mga mananampalatayang Romano, upang
1. Maaari siyang bumisita sa kanila upang palakasin ang loob ng mga mananampalataya (1:11-12) at Ipangaral ang ebanghelyo sa Roma (1:15).
2. Upang makapag simula siya ng isang bagong gawaing pangmisyon sa pamamagitan ng kanilang suporta (15:24).
Ginugol ni Pablo ang mga taong A.D. 47-57 sa pag-eebanghelyo sa mga teritoryo sa paligid ng Dagat Aegean. Isinulat niya ang liham sa mga taga-Roma marahil sa mga taong A.D 57.[1] Nagplano siyang maglakbay patungo sa Jerusalem, pagkatapos ay sa Roma. Nais niyang gamitin ang iglesya sa Roma bilang simula ng paglulunsad ng isang gawaing pangmisyon patungo sa Espanya (15:24), na pinakamatandang kolonya ng Roma sa kanluran at ang sentro ng sibilisasyon ng Roma sa bahaging iyon ng mundo.
Dahil hindi pa kailanman nakakapunta si Pablo sa Roma, ang liham ay nagsilbi bilang personal na pagpapakilala at paghahanda sa kanyang pagbisita. Marahil iyon ang dahilan para sa malawakang pagbati sa Roman 16.
Subali’t ang pagdalaw ni Pablo ay hindi nangyari ayon sa kanyang plano. Siya ay dinakip sa Jerusalem. Nang sa palagay niya ay hindi siya makatatanggap ng katarungan, umapela siya kay Caesar. Pagkatapos ng mapanganib na paglalakbay, kabilang ang pagkawasak ng barko, dumating siya sa Roma bilang isang bilanggo marahil sa taong A.D. 60. Bagaman siya ay nakakulong, malaya siyang nakakatanggap ng mga dalaw at nagministeryo siya sa kanila at sa pamamagitan nila (Mga Gawa 28:30-31). Sinabi ni Pablo na ang mga pangyayari ay nagaganap para sa “pagsusulong ng ebanghelyo” (Filipos 1:12). May mga nagbalik-loob maging sa sambahayan ni Caesar.
May ilang mga tagasalaysay ng kasaysayan ang naniniwala na si Pablo ay nakalaya makalipas ang dalawang taon. Walang nakakaalam kung siya ay naglakbay sa Espanya o hindi. Alam natin na kalaunan siya ay binitay sa Roma, ngunit maaaring iyon na ang kanyang ikalawang pagbisita sa lungsod.
Sa pagpapaliwanag sa teolohiya ng kaligtasan upang ipakita ang batayan ng kanyang gawaing pangmisyon, ipinakita ni Pablo ang batayan ng gawaing pangmisyon sa lahat ng lugar at panahon.
[2]May ilang katanungan ang natural na lalabas bilang tugon sa kahilingan ni Pablo na tulungan nila siya sa paglulunsad ng kanyang paglalakbay pangmisyon. Maaaring may mag tanong, “Bakit ikaw ang dapat humayo?” Kaya, sinimulan ni Pablo ang liham sa pagbanggit sa kanyang dedikasyon sa gawain ng pag-eebanghelyo (1:1). Pagkatapos ipinaliwanag niya ang kanyang espesyal na pagkatawag at tagumpay bilang apostol sa mga Hentil (15:15-20).
Maaaring may magtanong, “Bakit kinakailangang marinig ng lahat ng tao ang ebanghelyo? Marahil ang mensaheng ito ay hindi naman kailangan sa lahat ng lugar.” Subali’t ipinaliwanag ni Pablo ang potensiyal ng ebanghelyo para sa sangkatauhan sa buong mundo (1:14, 16, 10:12) at ang lubos na pangangailangan sa gawaing pangmisyon (10:14-15). Ipinakita niya na ang mensahe ay angkop sa bawat tao sa buong mundo, at ang bawat tao ay lubhang nangangailang makarinig nito.
[1]Ang mga petsang ito ay opinyon ng mga iskolar, at hindi natin nalalaman kung ang mga ito ay perpekto at tumpak.
“Ang pag-iisip ni Pablo ay ang maunawaan nang maikli sa liham na ito ang lahat ng buong pagkaalam sa ebanghelyo ni Kristo at upang maghanda ng introduksiyon sa buong Lumang Tipan”
-William Tyndale, “Prologue to Romans”.
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 1
Ngayon tingnan natin ang Talata 1 – Ang “Pagbati at Pagpapakilala ni Pablo”
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 1:1-17 para sa grupo.
Tala sa Istruktura
Inilalarawan ng 1:1-17 ang pagkatawag kay Pablo at ang motibasyon niya na palaganapin ang ebanghelyo. Pagkatapos nito, ipinapaliwanag ng 1:18-3:20 kung bakit kinakailangan ang ebanghelyo, dahil ang mga makasalanan ay nasa ilalim ng poot ng Diyos. Gayunman, nililikha ng 1:15-19 ang transisyon sa pagitan ng dalawang seksiyong ito. Gumagawa ng punto sa kanyang sarili, malinaw na ipinapahayag ang ebanghelyo: na ang mga makasalanan ay napatunayang may sala dahil alam naman nila iyon, sagayun, nasa ilalim ng poot; subali’t ang mananampalataya ay naligtas.
Pangunahing Punto ng 1:1-17
Si Pablo ay tinawag at may motibasyon upang ipalaganap ang ebanghelyo dahil ito ang mensahe ng kaligtasan para sa sinumang sumasampalataya.
Buod ng 1:1-17
Ang lahat sa 1:1-14 ay tumutukoy sa pangungusap sa 1:15. Malinaw na ipinapaliwanag ng 1:16-18 kung ano ang ebanghelyo at kung bakit kailangan ito ng bawat isa. Ang ebanghelyo ang mensahe na ang mga tao ay pinawawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang lahat ng tao ay nangangailangan ng mensaheng ito, dahil ang lahat ay nasa ilalim ng poot ng Diyos.
Ang buong aklat ng Roma ay pagpapaliwanag ng mga pangungusap sa 1:16-18.
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo
(Ang mga bilang sa panaklong ay ang mga kabanata at bersikulo na tinalakay.)
(1:1) Nagpahayag si Pablo ng tatlong pangungusap tungkol sa kanyang sarili.
Siya ay isang alipin ni Hesu-Kristo.
Siya ay isang apostol dahil sa pagkatawag ng Diyos sa kanya.
Siya ay itinalaga na sa gawaing ayon sa pagkatawag sa kanya.
Si Pablo ay dating isang Pariseo, subali’t ngayon ay nakatuon na sa ministeryo. Si Pablo ay isang mamamayan ng Roma, subali’t hindi niya binanggit ang katotohanang ito bilang bahagi ng kanyang pagkakakilanlan. Hindi makakatulong kung iuugnay siya sa karamihan sa mga mananampalatayang Romano. Karamihan sa mga taong nakatira sa Roma ay walang katibayan ng pagkakamamamayan dahil sila ay mga dayuhan o alipin. Kung binanggit ni Pablo ang kanyang pagkamamamayan, iuugnay siya nito sa mataas na antas ng lipunan sa Roma; mas mahalaga na banggitin ang kanyang tungkuling espirituwal.
(1:2) Ang ebanghelyo ay hindi lubusang bago dahil ito ang nilalaman ng mensahe ng mga propeta ng Lumang Tipan. Ipinapakita ng Roma 4 na ang ebanghelyo ay naunawaan ni Abraham at ni David.
(1:3-4) Sa kanyang natural na buhay, ang Anak ng Diyos ay ang inapo ni David, na ipinanganak sa linya ng hari, na hinulaang tungkol sa Mesiyas.
Ang Kristo ay ang Griegong salita para sa salitang Hebreo na Mesiyas.
Ang salitang Panginoon ay tumutukoy sa pagiging Diyos. Ang kahalagahan ng salitang Panginoon sa mga liham sa Bagong Tipan ay makikita sa paghahambing ng Filipos 2:10-11 sa Isaias 45:23. Tumutukoy ito sa pinakamataas sa lahat ng ibang awtoridad. (Tingnan din ang Mga Gawa 2:36.)
Ang salitang Panginoon ay hindi pare-pareho ng kahulugan sa mga Ebanghelyo sa Bagong Tipan, kung saan ang mga tao ay maaaring tinawag si Hesus na “Panginoon” bilang isang salita ng paggalang nang hindi talagang nauunawaan na siya ay Diyos.
Sa mga liham sa Bagong Tipan, ang pangalang “Kristo Hesus, aming Panginoon” ay naghahayag ng tatlong pangungusap ng pagkakakilanlan. Sinasabi nito na siya ang makasaysayang tao na nagngangalang Hesus, siya ang Mesiyas ng mga Hudyo, at siya ang Diyos.
Ang muling pagkabuhay ni Hesus ang nagpatunay ng kanyang pagiging Diyos. Sa Juan 10:18, inihayag niya na muli siyang mabubuhay. Ibinigay niya ang muling pagkabuhay bilang tanda para sa salinlahing iyon, at ang mga saksi sa muling pagkabuhay ay itinatag ito bilang tanda para sa lahat ng salinlahi. Ang isang tao na hindi Diyos ay walang kakayahang muling buhayin ang kanyang sarili mula sa mga patay; at hindi rin maaaring buhayin ng Diyos ang isang taong mali sa kanyang pag-angkin na siya ay Diyos, laluna na ang sinumang nag-aangkin na ang muling pagkabuhay ay magpapatunay ng kanyang pagkakakilanlan.
► May ibang tao na muling binuhay mula sa mga patay, subli’t hindi sila Diyos. Paano mo ipapaliwanag na ang muling pagkabuhay ay nagpatunay sa pagkakakilanlan ni Hesus?
(1:5) Ang pagkatawag at mga espirituwal na kaloob ng pagiging apostol ay ibinigay para sa layuning madala ang lahat ng tao mula sa lahat ng mga bansa sa pagsunod kay Kristo. Ang tanging wastong paggamit ng mga kaloob na espirituwal ay para sa gawain ng Diyos. Ang tanging wastong motibo sa gawain ng pagmiministeryo ay para sa kaluwalhatian ng pangalan ni Kristo. Ang mga motibo tulad ng pansariling kapakinabangan o personal na karangalan ay hindi mahalaga para sa isang lingkod ng Diyos.
Ang Pagiging katangi-tangi ng Pagkatawag na Maging Apostol
► Mayroon bang buhay na mga apostol sa ngayon?
Ang salitang apostol kung minsan ay ginagamit sa Biblia taglay ang pangkalahatang kahulugan na “isang taong isinugo”. Sa Mga Gawa 14:14, sina Pablo at Bernabe ay tinawag na mga apostol, kahit na si Bernabe hindi isa sa orihinal na labindalawa. Sa Galacia 1:19, sinabi ni Pablo na sa isang partikular na pagdalaw hindi niya nakita ang sinuman sa mga apostol maliban kay Cefas, (Pedro) at si Santiago ang kapatid ng Panginoon. Sa pagkakataong iyon, tinukoy niya si Santiago bilang isang apostol, kahit pa hindi siya kabilang sa orihinal na labindalawa.
Gayunman, ang labindalawang apostol ay normal na inaaring isang espesyal na grupo, na hindi na maaaring dagdagan pa. Sinabi ng Mateo 10:2 na “ang pangalan ng labindalawa ay ito…” (tingnan din ang Lucas 6:13). Sinabi ni Hesus sa mga apostol na sila ay uupo sa mga trono at huhukuman ang labindalawang tribong Israel (Lucas 22:30). Ang pangakong ito ay tila nagbibigay ng gantimpalang limitado lamang sa labindalawang lalaki. Ang mga pangalan ng labindalawang apostol ay nasa labindalawang pundasyon ng lunsod ng Diyos, na nagpapahiwatig ng katangi-tanging grupo ng labindalawang lalaki (Pahayag 21:14).
Hindi tinawag ni Judas, na kapatid ni Hesus, ang kanyang sarili na isang apostol, subali’t tinukoy ang kanilang awtoridad (ihambingang Judas 17 sa 2 Pedro 3:2). Ang mga apostol ay may natatanging awtoridad, at anumang kanilang isinulat sa mga iglesya ay inaaring mga rebelasyon (2 Pedro 3:15-16).
Pinili ng iglesya si Matias bilang kapalit ni Judas, dahil inaasahan nila na dapat mayroong labindalawa (Gawa 1:26) ; subali’t walang bahagi ng kasaysayan ang nagsasabi na ang unang iglesya ay nagpatuloy sa pagpapalit sa mga apostol kapag ang sinuman ay namatay.
Si Pablo ay tinawag ng Diyos na maging apostol (Roma 1:1). Ipinahiwatig ni Pablo na isa sa mga kuwalipikasyon sa kanyang pagiging apostol ay ang kanyang pagkakita kay Hesus (1 Corinto 9:1). Ito ang maglilimita sa pagiging apostol sa unang henerasyon lamang ng iglesya.
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 1
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo (Patuloy)
(1:6) Ang “Tinawag” ay tumutukoy sa pagtawag upang maligtas, upang maging banal na bayan, tulad ng nakikita sa sumusunod na talata (tingnan ang 8:30). Sinabi ni Pablo na ang mga apostol ay may ministeryo sa lahat ng bansa; ngayon itinuturo niya na ang mga Kristiyanong Romano ay mga mananampalataya ng mensahe ng mga apostol. Sa gayun, ipinapakita niya na may obligasyon sila na ariing seryoso ang kanyang awtoridad bilang apostol. Ang liham na ito ay hindi lamang nagmula sa isang misyonero na narinig nila. Kinakailangan nila siyang bigyang atensiyon at respeto, kahit na hindi siya ang nagsimula ng kanilang iglesya.[1]
(1:7) Ang pagtawag upang maligtas ay pagtawag upang maging banal. Ang pangungusap ay maihahambing sa pangungusap sa talatang 1, kung saan sinabi ni Pablo na siya ay isang apostol dahil sa pagkatawag sa kanya na maging isang apostol. Hindi ito nangangahulugan na sinisikap niya, o umaasa siya na maging apostol, kundi siya ay ginawang apostol dahil sa pagkatawag sa kanya. Ang mga mananampalatayang Romano ay naging banal dahil sa pagkatawag na maging banal. Kung paanong ang pagkatawag na maging apostol ay may kalakip na mga kaloob at kakayahan para sa ministeryong iyon, ang pagkatawag upang maging banal ay may kalakip ding kapangyarihan at paglilinis na nagpapaging banal sa atin. Ang pagtawag ng Diyos ay laging may kasamang biyaya upang tuparin ang pagkatawag.
Ang kabanalan na nagsisimula sa pagbabalik-loob ay hindi kumpleto sa lahat ng bahagi. Ang mananampalataya ay dapat ay nagpapatuloy sa pagbabago sa kanyang buhay upang maayon ito sa katotohanan ng Diyos habang natututuhan niya ito. Ang kabanalan ay hindi kumpleto sa oras ng pagbabalik-loob; subali’t ang kabanalan ay nagsisimula sa pagbabalik-loob kapag ang mananampalataya ay nagsisisi, itinalaga ang sarili na sundin ang Diyos, at ginawa siyang isang bagong nilalang (2 Corinto 5:17).
(1:8) Ang salitang sanlibutan ay karaniwang ginagamit upang tumukoy sa sibilisado, kilalang mundo sa halip na sa buong daigdig. Hindi pa nakakaabot ang ebanghelyo sa lahat ng panig ng daigdig.
(1:9) “Ang salitang latreuo [Ako’y naglilingkod] ay ginagamit sa Bagong Tipan lagi upang tumukoy sa paglilingkod na panrelihiyon.... Ang paglilingkod na ito ay maaaring sa pagsamba o sa pagtupad ng mga panlabas na tungkulin na may katangiang panrelihiyon.”[2] Naglingkod si Pablo sa Diyos hindi lamang sa mga anyong gawaing panrelihiyon, kundi sa pamamagitan ng kanyang espitiru.
(1:10-12) Dito sinabi ni Pablo na nagpaplano siyang bumisita sa Roma. Nais niyang paglakasin sila sa espirituwal at alam niyang mapapatibay sila ng pananampalataya ng bawat isa.
Sinasabi ng pahayag ni Pablo sa atin na may espirituwal na kapakinabangan ang mga mananampalataya kapag sila ay may pakikisama sa isa’t isa. Isinasagawa ng Banal na Espiritu ang karamihan sa kanyang gawain sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng iba pang mga mananampalataya. Ang isang tao na hindi nakikipag-ugnayan sa iba pang mga mananampalataya, ay mawawalan ng kapakinabangan sa pagpapatibay ng biyaya na nagmumula sa pakikisama. (Malinaw na ipinaliwanag ni Pablo ang pangangailangan ng bawat miyembro sa isa’t isa sa 1 Mga Taga-Corinto 12.)
(1:13) Nahadlangan si Pablo sa kanyang naunang balak na bisitahin sila –hindi dahil sa mga suliranin, kundi dahil sa prayoridad niya na ipangaral ang ebanghelyo sa mga lugar na hindi pa ito naririnig (Tingnanang 15:20-22) Dahil na ipangaral na ang ebanghelyo sa Roma, pumunta muna si Pablo sa ibang mga lugar. Gayunman, ang pagpunta doon sa ngayon ay hindi salungat sa kanyang prayoridad, dahil ang kanyang pagdalaw ay magiging isang hakbang patungo sa isang lugar na hindi pa naaabot (15:23-24).
(1:14) Ang mga “Griyego” ay ang mga may kultura at sibilisado ayon sa ipluwensiya ng Gresya. Ang salitang “barbaro” ay nangangahulugang “banyaga”, na tumutukoy sa isang tao na mula sa mas primitibong kultura na mas kaunti ang epekto ng kulturang Griego. Itinuturing ng mga Griego ang mga barbaro na hindi sibilisado at walang nalalaman.
Ang salitang matalino ay tumutukoy sa mga taong may pinag-aralan, espesyal ito lalo na sa pilosopiyang Griego; ang mga mangmang ay mga taong hindi pamilyar sa mataas na pinag-aaralan sa mundo. Ipinakita ni Pablo na ang kanyang ministeryo ay hindi limitado sa ilang tiyak na grupo ng mga tao. Ito ang naghanda ng kanyang ministeryo sa kanila, gayundin ipinakikita ang kanyang tungkulin bilang isang misyonero.
Sinabi ni Pablo nasiya’y may pagkakautang sa bawat isang dapat makarinig ng ebanghelyo. Hindi nagkautang si Pablo dahil dapat makarinig ang mga makasalanan, kundi dahil siya’y tumanggap na ng biyaya at ng tungkulin na ibigay iyon sa iba.
Paglalarawan: Kung may isang tao na nagbigay ng pera kay Juan upang ibahagi kay Tomas, ngayon may pagkakautang si Juan kay Tomas kahit wala pang nagagawa si Thomas upang matanggap ang perang iyon. Katulad nito, mayroon tayong pagkakautang sa mga hindi pa nakaririnig ng ebanghelyo, dahil ibinigay na ng Diyos sa atin ang tungkuling ibahagi iyon sa kanila.
► Ang bawat Kristiyano ba ay may pagkakautang na ibahagi ang ebanghelyo? Bakit?
(1:15) Nangaral si Pablo sa mga Griego at sa mga barbaro, at ngayon ay sabik na siyang ipangaral din ang ebanghelyo sa mga tao sa Roma.
Sinimulan niya ang kanyang pangunahing tema sa pagsasabing, “Nasasabik akong ipangaral ang ebanghelyo sa inyo,” pagkatapos ay maikling ipinaliwanag kung ano ang ebanghelyo at bakit ito kailangan ng mundo. Ang maikling paliwanag na ito ay pinalawak pa sa kabuuan ng liham.
Muling ipinakita ng 1:14-15 kung bakit kuwalipikadong pumunta sa kanila si Pablo. Mayroon siyang mensahe na para sa lahat ng tao sa mundo.[3]
(1:16) Ang ebanghelyo ay para sa Hudyo at sa Griego, at ang pangungusap na ito ay nagpapakilala sa paksa ng mga Hudyo at mga Gentil at ang kanilang katayuan sa harap ng Diyos. Ang paksang ito ay nagpapatuloy hanggang sa Roma 3. Hindi ikinahihiya ni Pablo ang ebanghelyo, kahit sa gitna ng kapangyarihan ng imperyo, dahil ang ebanghelyo ay ang kapangyarihan ng Diyos.
Kumikilos ang kapangyarihan ng Diyos sa mensahe ng ebanghelyo, at ito’y nagiging epektibo sa pagliligtas. Ang mga utos ng Diyos ay laging may kasamang kapangyarihang kinakailangang upang tuparin ang mga ito. Kumikilos ang kapangyarihan ng Diyos kapag binibigkas ang kanyang mga salita.[4] Ang mga mensahero ng ebanghelyo ay umaasa sa kapangyarihan ng ebanghelyo dahil habang ibinabahagi nila ang mensahe, ang Banal na Espiritu ay ginagawa itong nakakakumbinsi at nakakapagbigay-kapangyarihan sa mga nakikinig.
Para kay Pablo, ang paninindigan para sa ebanghelyo ay hindi lang pagtatanggol nito bilang tiyak na katotohanan, kundi ang pangangaral din nito bilang isang katotohanan na nagpapabago ng buhay. Ipinangaral niya ito nang may pagtitiwala na babaguhin nito ang mga makikinig.
[5]► Bakit dapat tayong magkaroon ng lakas ng loob kapag ipinapangaral natin ang ebanghelyo?
(1:17) Ang taong ginawang matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.[6] Ito ang sentral at pinakamahalagang pangungusap sa aklat ng Roma.
[7]Ang buong liham ng Roma ay tumutukoy sa paksa kung paano pinawawalang-sala ang tao;ibig sabihin, pinapaging matuwid (taglayang katuwiran ng Diyos). Ang pangangailangan patungkol sa usaping ito ay ipinakita sa sumusunod na talata, dahil ang poot ng Diyos ay nakahanda para doon sa nananatiling hindi makatwiran.
Ang katuwiran ng Diyos na binanggit dito ay hindi ang “Kanyang katangian ng pagiging matuwid… kundi katuwiran na umaagos mula sa kanya at katanggap-tanggap sa kanya,”[8] ang katuwiran ng Diyos ay kumilos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya. Ang kaparehong kaisipan ay nasa Filipos 3:9: “Ang katuwiran nanagmumula sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.” Ang mga tao ay hindi lamang itinuturing na matuwid dahil sa kapatawaran, subali’t sila’y nagsisimulang maging tunay na matuwid dahil binabago sila ng Diyos.
Sa pagpapatuloy ng liham (Roma 3:21-22), sinabi ni Pablo na ang katuwiran ng Diyos nasa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesus ay para sa lahat nang sasampalataya. Sa Roma 5:17-19 mababasa natin ang kaloob ng katuwiran na nagpapaging matuwid sa marami.
Ang parirala na “mula sa pananampalataya para sa pananampalataya” ay nagbibigay-diin na ang pananampalataya ang tanging paraan upang maging matuwid. Ito ay pareho sa binibigyang-diin ng Protestante na, sola fide bilang kinakailangan para sa kaligtasan.
Sa aklat ng Roma, ang salitang kamatayan ay tumutukoy sa paghuhukom ng Diyos. Ang mga ginawang matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ang siyang mabubuhay, ibig sabihin, hindi na hahatulan (tingnan ang 1:18) Ang poot ng Diyos ay ibubuhos sa lahat maliban sa mga nakakaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya.
► Ano ang ibigsabihin kapag sinabing ang tao ay nagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya?
► Sa talatang ito, ano ang kahulugan ng mabuhay? Ano ang kamatayan? Ano ang kahulugan ng mamuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.
“Ang pananampalataya ay isang buhay, matapang na pagtitiwala sa biyaya ng Diyos, napakasigurado at tiyak na ang isang tao ay maaaring magtaya ng kanyang buhay dito ng isang libong beses.”
Ang pangkalahatang layunin ng liham na ito ay ilathala ang walang hanggan, hindi nagbabagong layunin o pahayag ng Diyos, na “Siya na sumasampalataya ay maliligtas: Siya na hindi sumasampalataya ay hahatulan.”
Tatlong mga Dalubhasa sa Aral ng Diyos na Binago ng Aklat ng mga taga-Roma
Ang liham ay patuloy na nagsisilbi sa orihinal na layunin nito nang pagbibigay ng batayan para sa gawaing pagmisyon. Gayunpaman, higit pa ang natutupad nito. Habang ipinapaliwanag ni Pablo kung bakit kinakailangang marinig ng lahat ng tao ang mensahe, malinaw din niyang ipinaliwanag kung ano ang mensahe at bakit sa tanging paraang ito lamang sila maliligtas. Tumugon siya sa ilang karaniwang mga pagtutol. Ang paliwanag at depensang ito sa mensaheng kanyang ipinangaral ang paksa ng halos buong aklat at siyang nagkontrol sa istraktura nito.
Ang aklat ng Roma ay ang paliwanag ng teolohiya ng kaligtasan. Ang theolohiya ng kaligtasan mula kay Pablo ay nagbibigay ng agarang depensa laban sa mga Judaizers,[1] at gayundin nagsisilbi rin ito upang itama ang mga modernong pagkakamali tungkol sa doktrina ng kaligtasa.[2]
[3]Sa pamamagitan ng kasaysayan, ginamit ng Diyos ang liham sa mga taga-Roma upang ipanumbalik ang karamihan sa mahahalagang katotohanan na kanilanang nakalimutan.
Agustin
Bilang isang binata, si Augustine[4] ay naghahanap ng kasiyahan sa mga imoral na relasyon at pilosopikal at intelektwal na pag-aaral. Hinanap niya ang katotohanan at natagpuan ito sa Kristiyanismo. Ngunit ang kanyang pag-ibig sa kasalanan ay nagpabihag sa kanya. Nakita niya ang kanyang sarili na inilarawan sa Roma 7: Alam niya ang katotohanan ngunit ganap na hindi niya kayang mamuhay ng matuwid.
Noong A.D. 386, matapos basahin ang Roma 13:13-14, si Augustine, sa kanyang unang bahagi ng thirties, ay nangako na lisanin ang kanyang buhay ng kasalanan. Pinalaya siya ng Diyos mula sa pagkaalipin ng kasalanan at binigyan siya ng kakayanang makapamuhay ng makadiyos na buhay kay Cristo Hesus.
Sa natitirang mga taon ng kanyang buhay, si Augustine ay ginamit ng Diyos nang husto. Ipinagtanggol ng kanyang mga isinulat ang mga tamang doktrina laban sa mga maling pilosopiya. Ang isang popular na ideya noong panahong iyon ay ang paniniwala na ang mga tao ay may likas na kakayahan na gawin ang tama at samakatuwid ay maaaring piliin na huwag maging makasalanan. Mula sa Roma 5, itinuro ni Augustine na ang mga tao ay ipinanganak na may makasalanang kalikasan na nagtutulak sa kanila na sumuway sa Diyos. Ang kalikasang ito ay ginagawang imposible na ganap na bigyang kaluguran ang Diyos ng hiwalay sa biyaya. Si Augustine ay nagturo at nagpatotoo sa biyaya ng Diyos na ginagawang matuwid ang mga tao sa harapan ng Diyos.
Martin Luther
[5]Taong 1515, naunawaan ni Martin Luther ang kahulugan ng Roma 1:17, pagkatapos hanapin sa loob ng maraming taon ang katiyakan ng kaligtasan.[6] Sinikap niyang hanapin ange spirituwal na kapayapaan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ginagawa sa monasteryo nang may labis na sigasig. Siya ay nag-ayuno, isinagawa ang lahat ng ritwal ng Katolisismo, at pinahirapan din niya ang kanyang sarili. Habang siya’y gumagapang na may dumudugong mga tuhod sa mga baytang ng St. Peter’s Cathedral sa Roma kung saan bigla niyang natanggap mula sa Diyos ang pagkaunawa sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya.
Naunawaan niya na ang taong makaliligtas sa paghatol ng Diyos ay iyon lamang naniniwala sa pangakong pagpapatawad ng Diyos. Ang katiyakang ito ang naging batayan ng kanyang mensahe na tanging sa pananampalataya lamang ang paraan kung paano tayo maliligtas.
John Wesley
Taong 1738, natagpuan ni John Wesley ang katiyakan ng pansariling kaligtasan na maraming taon niyang hinanap.[7] Si Wesley ay naging isang masigasig na iskolar ng Biblia, at namuhay siya ng maingat, at relihiyosong buhay. Nagmisyonero din siya saloob ng dalawang taon sa mga katutubong Indiyano ng Amerika, subali’t hindi pa ganun kalinaw ang kanyang pagkaunawa sa ebanghelyo. Sa barko sa panahon ng bagyo, nakita niya ang mga pamilyang Moravian na mapayapang nagtitiwala sa Diyos at hindi natatakot sa kamatayan, at napagtanto niya na hindi siya nagtataglay ng gayung pananampalataya.
Nakita ni Wesley sa Banal na Kasulatan na ang pagbabalikloob ay biglang nangyayari. May nakilala rin siyang magkapatid na Moravian na nagpatotoo na sila ay may personal nakatiyakan ng kaligtasan. Nagsimulang mapagtanto niya na kailangan niyang maranasan ang tiyak na pagbabalik-loob. Ang kanyang pagbabalik-loob ay nangyari habang siya’y nasa isang pagpupulong ng grupo sa isang bahay upang mag-aral at manalangin. Habang may isang bumabasa sa paunang-salita ni Luther sa aklat ng Roma, naramdaman ni Wesley ang kanyang puso ay “may kakaibang init.” Sinabi niya, “Naramdaman ko na tunay na nagtiwala ako kay Kristo, kay Kristo lamang para sa aking kaligtasan; at ang katiyakan ay ipinagkaloob sa akin nang kinuha na niya ang aking mga kasalanan, ang aking sariling kasalanan, at iniligtas ako mula sa batas ng kasalanan at kamatayan.”[8]
Sa lahat ng tatlong lalaking ito, ang pagkaunawa sa mensahe ang naging motibasyon para sa masigasig napag-eebanghelyo. Nagagawa pa rin ng aklat ang layunin nito na magbigay ng batayan para sa mga misyon sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng teolohiya ng kaligtasan.
► Ano ang iyong maiisip na epekto ng aklat ng Roma sa iyong buhay at ministeryo?
[1] Inilarawan ang mga Judaizers sa ibang bahagi ng pag-aaral na ito.
[2] Madalas na magkasamang pinag-aaralan ang Roma at Galacia, dahil ang Galacia ay hindi kasing lalim na paliwanag ng ilan sa magkakatulad na tema sa ebanghelyo.
[3] “Kapag naintindihan ng sinuman ang Sulat na ito, mayroon siyang talatang binuksan upang maunawaan niya ang buong kasulatan.”
[5] “Ang Roman ang pangunahing bahagi ng Bagong Tipan at ang pinakadalisay na ebanghelyo.”
- Martin Luther
[6] Image: "Martin Luther, 1529" by Lucas Cranach the Elder, retrieved from https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Martin_Luther,_1529.jpg, public domain.
[7] Image: "Bildnis des John Wesley", by John Greenwood, retrieved from the Leipzig University Library https://www.flickr.com/photos/ubleipzig/17059576182/, public domain.
[8] John Wesley,The Works of John Wesley, Vol. I (Kansas City: Nazarene Publishing House), 103.
Aralin 1 Mga Katanungan Pagbabalik-Aral
(1) Bakit isinulat ni Pablo ang liham sa mga mananampalataya sa Roma?
(2) Bakit plinano ni Pablo na magtungo sa Roma?
(3) Ano ang kahulugan ng salitang Hesu-Kristo na ating Panginoon sa mga sulat sa Bagong Tipan?
(4) Paano pinatunayan ng muling pagkabuhay ang paggiging Diyos ni Hesus?
(5) Ipaliwanag ang salitang barbaro (Roma 1:14).
(6) Bakit may utang ang ebanghelista na ibahagi ang ebanghelyo?
(7) Ano ang sentro at pinakamahalagang katotohanan sa aklat ng Roma?
(8) Ano ang ibig sabihin ng kamatayan sa aklat ng Roma?
(9) Ayon sa Roma, sino ang naligtas mula sa paghatol ng Diyos?
Aralin 1 Takdang-aralin:
(1) Gamit ang talata galling sa araling ito, sumulat ng isang pahina tungkol sa ministeryo ng ebanghelyo. Ipaliwanag ang pagkatawag sa ministeryo, ang utang ng ebanghelista sa mga dapat makarinig nito, at ang kapangyarihan na ibinibigay ng Diyos sa mensahe.
(2) Sa mga linggo ng kursong ito, ang mag-aaral ay dapat maghanda ng tatlong sermon o aralin batay sa mga talata ng Roma at ipresenta ang mga iyon sa mga grupo bukod sa klase. Pagkatapos ng bawat presentasyon, dapat niyang hilingin sa ilan sa mga tagapakinig na sabihin sa kanya kung paano pa mapabubuti ang kanyang presentasyon. Dapat niyang bigyan ang tagapanguna ng klase ng kopya ng kanyang mensahe sa presentasyon, isang paglalarawan sa grupo at okasyon nang siya’y magsalita, at ang kanyang mga plano sa pagpapabuti ng kanyang presentasyon.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.