Ang Roma Bahagi 6 (12:1-15:7) ay naglalaman ng maraming praktikal na alituntunin para sa pamumuhay sa iglesya, sa ministeryo, sa mga pakikipag-ugnayang Kristiyano at sa relasyon sa pamahalaan.
Ipinakilta ng 12:1-2 ang ika-anim na bahagi, na nagsasabi sa atin na tayo ay dapat na ganap na nakatuon sa paglilingkod sa Diyos. Ito ay kasunod ng mga pahayag sa naunang kabanata: Utang natin ang lahat sa Diyos (11:35); at ang mga paraan ng Diyos ay ganap na matalino (11:33).
Ginamit ni Pablo ang ilustrasyon ng isang buhay na handog (12:1). Tulad ng isang handog na dapat patayin, tayo ay isinuko nang lubusan; ngunit sa halip na mamatay, nabubuhay tayo para sa Diyos. Ang pangako ay dapat mapanatili. Ang ilustrasyon ng isang buhay na handog ay nagbibigay-diin sa kabuuan ng ating kaloob. Hindi natin maaaring ilaan ang isang bahagi ng ating buhay para sa ating sarili ng hiwalay sa kalooban ng Diyos. Hindi natin mapoprotektahan ang ilang mga hangarin o ambisyon mula sa mga hinihingi ng kabuuang pangako sa Diyos.
Ang pag-aalay ng sarili bilang isang banal na handog ay isang espiritwal na pagsamba, kabaligtaran lamang sa pormal na relihiyon.[1]
Ang ganap na paglilingkod ay hindi posible kung walang pagbabago na inilarawan sa 12:2. Dapat tayong magbago sa pamamagitan ng pagpapanibago ng ating isipan. Hindi tayo dapat tumulad sa mga pinahahalagahan, pag-uugali, o opinyon ng mga taong makamundo. Ang taong isinasaalang-alang ang bawat tanong mula sa pananaw ng perpektong kalooban ng Diyos ay maiiba sa sanlibutan. Hindi siya nagbibigay ng pagkakataon para sa anumang makasalanang pagnanasa; hindi niya pinahihintulutan ang mga ito bilang normal.
Pansinin na ang katawan ay dapat maging banal. Ang kasalanan ay hindi isang mahalagang aspeto ng katawan na hindi maaaring linisin ng Diyos. Ang katawan ay hindi makasalanan sa ganang kanyang sarili at hindi nagkakasala nang hindi nito kalooban, ngunit maaaring magamit para sa kasalanan.
Ang mga talata mula 12:1-15:7 ay naglalarawan kung paano ipamuhay ang matapat at binagong buhay.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 12 para sa grupo.
(12:3) Ang biyaya na ibinigay kay Pablo ay tumutukoy sa kanyang awtoridad bilang apostol at kaloob ng pagpapahayag.
Dapat tayong magpakumbaba dahil ang lahat ng mayroon tayo ay bigay sa atin ng Diyos. Ang isang tao na mayroong spiritual na kaloob ay dapat maging mapagpakumbaba sa pagkakaunawa na ang kakayahan ay mula sa Diyos bilang isang regalo na hindi dahil sa sariling kakayanan at para sa layunin ng paglilingkod sa iba.
(12:4-5) Bilang mga bahagi ng katawan, kailangan natin ang iba at kinakailangan nating maglingkod sa iba. Ang talinghaga ng katawan ay pinaka-inilarawan sa 1 Corinto 12:12-26.
(12:6-8) Pinangalanan ng mga talatang ito ang maraming ministeryo. Ang bawat mananampalataya ay dapat sumunod sa ministeryo kung saan siya tinawag at pinagkaloob. Kung ang isang tao ay walang kababaang-loob na nakabatay sa biyaya, maaaring gugulin niya ang kanyang pagsisikap sa maling paraan, (marahil ay naghahanap ng pagsang-ayon ng tao), at mabigo ang kanyang tunay na tungkulin.
Ang mga nag mamay-ari ng mga kaloob ay binalaan laban sa mga posibleng maling paggamit. Halimbawa, ang nagbibigay ay dapat magbigay nang simple, hindi sa isang layunin ng pagpaparangal sa kanyang sarili. Ang tagapangasiwa ay dapat na masigasig– binibigyang pansin ang mga detalye at maaasahan sa lahat ng oras. Ang taong tumutulong sa mga nangangailangan ay hindi ito dapat gawin sa mapagmataas o masamaangloob na paraan na nagdudulot ng kahihiyan sa tatanggap.
► Paano naiiba mula sa mga taong makamundo ang paggamit ng mga Kristiyano ng kanilang mga espirituwal na kaloob?
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 6, Talata 2
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo
(12:9) Ang pag-ibig ay dapat na tunay at taos-puso. Tanggihan ang kasamaan at panghawakan ang mabuti. Ang pagtaas ng pag-ibig ay konektado sa masmabuting pag-unawa tungkol sa kung ano ang mabuti (Filipos 1:9-10).
(12:10) Ang iglesya ay ang pamilya ng Diyos, kasama ang maraming mga kapatid. Dapat tayong maging handa na mapunta sa iba sa halip na sa ating sarli ang karangalan.
(12:11) Huwag maging tamad sa mga responsibilidad. Ang isang Kristiyano ay dapat maging isang modelo ng mabuting etika sa trabaho. Wala siyang gaanong oras upang aksayahin kung nabubuhay siya ayon sa layunin ng Diyos. Dapat siyang magtrabaho na parang nagtatrabaho siya para sa Diyos (Efeso 6:6-7).
(12:12) Ang ating kagalakan ay hindi nakasalalay sa ating mga kalagayan, dahil may pag-asa tayo sa walang-hanggan. Ang pagiging mapagpasensya ay nangangahulugang magtiis sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang isang tao ay dapat magkaroon ng isang palagiang pag-uugali ng pag-asa sa Diyos, handang manalangin sa anumang oras.
(12:13) Tulungan ang ibang mga mananampalataya sa kanilang materyal na pangangailangan. Ang mabuting pakikitungo ay nangangahulugang pagtugon sa mga pangangailangan ng iba para sa pagkain at silungan.
(12:14) Huwag mong pakitunguhan ang mga tao ayon sa nararapat, kundi tulad ng pakikitungo ni Kristo sa kanila. Kung ibibigay mo sa tao ang inaakala mong nararapat sa kanila ay literal na panghuhusga, isang gawain na nakalaan lamang sa Diyos.
(12:15) Maging handa na makibahagi sa kalungkutan o pagsasaya ng iba.
(12:16) Huwag magkaroon ng kamalayan sa mga simbolo ng katayuan. Huwag papaboran ang mga taong nasa masmataas na kalagayan. Maging magalang kahit na sa mga mahihirap. Huwag maghanap ng mga paraan upang mailagay ang iyong sarili na masmataas o higit sa iba.
(12:17) Hindi kailanman tama na saktan ang isang tao dahil sinaktan ka niya. Hindi tayo tinawag upang parusahan ang mga tao, kundi upang magpatawad.
Mag pakita ng katapatan. Kung nais mong igalang ka, hindi sapat na alam mo at ng Diyos na ikaw ay matapat; panatilihin ang mga patakaran na nagpapakita ng katapatan para makita ng lahat. Mas madaling mapanatili ang isang mabuting reputasyon kaysa sa muli itong itayo pagkatapos na ito’y mapinsala.
(12:18) Hangga't nakasalalay saiyo, mamuhay nang mapayapa sa bawat isa. Ang pinakamagandang larawan ng kapayapaan ay ang mga relasyong may pagkakasundo. Paminsan minsan ang kapayapaan ay nangangailangan ng paghingi ng tawad, kahit na para sa hindi sinasadyang pagkakasala. Kung minsan kinakailangan din ang mahinahong pagsaway sa isang gumagawa ng kasalanan, upang malutas ang isang maling gawa na nakakahadlang sa inyong relasyon. Kung tatanggihan mo kapwa ang paghingi ng tawad o komprontahin iyon kung kinakailangan, hindi mo ginagawa ang lahat mong makakaya upang mapanatili ang kapayapaan.
(12:19) Huwag kang maghiganti; sa halip, mag-iwan ng pagkakataon para sa poot ng Diyos. Kung nais ng isang tao na siya ang magparusa, ipinapakita niya na hindi siya naniniwala na ginagawa ng Diyos ang kanyang trabaho nang tama.
(12:20) Gumawa ng mabuti sa iba, sa halip na subukang ibigay sa kanila kung ano ang nararapat sa kanila. Ang pagbubunton ng mga baga sa ulo ay hindi nangangahulugang maghihiganti sa mas banayad na paraan, sapagkat ito ay salungat sa pangunahing punto ng talata. Maaaring ito ay simbolong natutunaw na katigasan ng kalooban ng isang tao.
(12:21) Huwag hayaang baguhin ka ng kasamaan at talunin ka sa espirituwal. Gayunpaman, huwag itong salungatin sa pamamagitan ng kasamaan, kundi ng kabutihan. Ang pagiging mapait at tutulan ito sa maling paraan ay ang pagkatalo sa espirituwal, kahit na manaloka sa alitan.
► Pag-isipan kung paano hindi magagawang mabuti ng isang tao ang mga tagubiling ito kung hindi siya ganap na nakatuon sa Diyos. Ano ang isang bagay sa iyong buhay na dapat baguhin dahil sa mga tagubiling ito?
Pagbibigay Kahulugan sa Mga Sulat ng Apostol
Ang mga liham ni Pablo ay isinulat bilang tugon sa mga tukoy na sitwasyon: “Karaniwan ang isang sitwasyon ay isang uri ng pag-uugali na kailangan ng pagwawasto, o isang pagkakamali sa doktrina na kailangan ng pagtatama, o isang hindi pagkakaunawaan na nangangailangan ng karagdagang paglilinaw.”[1] Ang mga sulat ay hindi sa anyo ng sistematikong teolohiya, ngunit teolohiya na nabuo bilang tugon sa isang pangangailangan. Ang teolohiyang ito ay praktikal mula pa sa simula. Hindi ito binuo nang nakahiwalay sa tunay na buhay.
Ang mga sulat ng Bagong Tipan ay hindi mga gawaing pampanitikan para sa pangkalahatang publiko, ngunit inilaan ito para sa higit sa nag-iisang tatanggap at agarang aplikasyon. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Colosas na dapat nilang ipagpalit sa mga taga-Laodicea ang mga liham na natanggap ng bawat iglesya mula sa kanya (Colosas 4:16). Ang mga iglesya ay maagang nagsimulang kolektahin ang mga sulat ni Pablo at paikutin ang mga ito nang sama-sama. Kaya, alam natin na nakita nila ang mga sulat ay naaangkop sa iglesya sa lahat ng mga lugar at sa lahat ng oras.
Kahit na may agwat ng oras at kultura na umiiral sa pagitan natin at ng mga orihinal na sinulatan, ang mga sulat ay ginawa para sa mga Kristiyano ng Bagong Tipan na nahaharap sa mga problema na katulad din sa atin. Samakatuwid, ang mga sulat ni Pablo ay mas madaling gamitin sa makabagong iglesia kaysa sa ilang anyo ng panitikan na matatagpuan sa kasulatan. Hindi sila partikular naisinulat para sa bansang Hudyo, at hindi rin nila tinutugunan ang mga tao sa ilalim ng batas ng Lumang Tipan.
Ang orihinal na sitwasyon ng pagsulat ay nagbibigay sa tagasalin sa isang panimulang bahagi para sa modernong aplikasyon. Ang prinsipyo ng pagpapakahulugan ay: maaari nating maunawaan ang isang pagsulat nang masmahusay kung alam natin kung sino ang nagsulat nito, sino ang tumanggap nito, at kung bakit ito isinulat. Ang mga sulat ay nagbibigay sa tagasalin ng kalamangan ng pagka-alam ng mga pagkakakilanlan ng may-akda at mga tatanggap.
Ang aklat ng Roma ay ang pinaka-pormal sa mga sulat ni Pablo. Sumusunod ito sa isang nakaplanong istraktura. Ito ay halos sa anyo ng isang teolohikong kasunduan. Hindi binanggit ni Pablo ang mga tiyak na mga pagkakamali sa iglesya sa Roma. Hindi siya nangusap tungkol sa mga tiyak na sitwasyon, tulad ng ginawa niya sa kanyang mga liham sa mga iglesya na kanyang itinatag at dinalaw.
[1]Gordon Fee and Douglas Stuart, How to Read the Bible for All Its Worth, (Grand Rapids, MI: Zondervan, 1993) 48.
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 6, Talata 3
Pangunahing Punto ng 13:1-7
Ang mga mananampalataya ay dapat magpasakop sa gobyernong sibil sapagkat ang pamahalaan ay itinatag ng Diyos.
Paalala para sa lider ng klase: Marahil ay maaaring magkaroon pa ng maraming talakayan at hindi pagkakasundo habang pinag-aaralan ng grupo ang susunod na sipi. Dapat mong subukan na hikayatin ang mga mag-aaral na hayaan na itama ng bahagi ng kasulatan ang kanilang mga opinyon.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 13:1-7 para sa grupo.
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo
(13:1-2) Itinatag ng Diyos ang pamahalaan. Hindi ibigsabihin na ang bawat namumuno ay matuwid, ngunit nais ng Diyos na maitatag ang awtoridad ng tao. Ang pagtanggi na magpasailalim sa awtoridad ng tao ay katumbas ng paghihimagsik laban sa Diyos. Katulad lang din ito ng hindi tayo tunay na nagmamahal sa Diyos kung hindi natin iniibig ang kapatid na nakikita, at hindi rin natin maaangkin na nasa ilalim ng awtoridad ng Diyos habang tumatangging sumuko sa nakikitang awtoridad ng tao. Hindi dapat tratuhin ng Kristiyano nang walang paggalang ang mga opisyal ng batas.
(13:3-4) Isa sa mga layunin ng pamahalaan ay parusahan ang mga gumagawa ng masama. Kapag ang pamahalaan ay gumagana nang maayos, ang mga gumagawa ng masama ay natatakot dito. Sa ilalim ng mga normal na kalagayan ang mga Kristiyano ay hindi magkakaroon ng pagsalungat sa gobyerno dahil ang mga katangiang Kristiyano ay ginagawa siyang mabuting mamamayan. Pero, maraming beses sa nakalipas na panahon na sinubukan ng mga pinuno ng kasaysayan na hingin ang katapatan na tanging ang Diyos lamang ang nagmamay-ari, at pagkatapos ay nagiging taga-usig sila ng mga Kristiyano.
Ang pamahalaan na gumagana nang maayos ay umaayon sa awtoridad ng Diyos. Sinasabi sa atin ng talatala 4 na ang pamahalaan ay may awtoridad mula sa Diyos upang ipatupad ang mga batas kahit na sa pagpatay sa mga gumagawa ng masama.
Naniniwala ang mga Kristiyano sa ilang mga bansa na mali ang maglingkod sa posisyon ng gobyerno, lalo na ang isang posisyon na maaaring mangailangan sa kanila na gumamit ng karahasan. Maraming mga Kristiyanong may ganitong paniniwala ay naninirahan sa mga bansa kung saan inuusig ng gobyerno ang mga Kristiyano at sila ay labis na tiwali. Gayunpaman, kung ang pamahalaan ay gumagana nang maayos, hindi mali para sa isang Kristiyano na maglingkod sa posisyon ng gobyerno sa pagkat ang pamahalaan ay pinapayagan ng Diyos.
(13:5) Ang Kristiyano ay nararapat magpasakop sa awtoridad, hindi lamang dahil sa takot sa parusa ng gobyerno, kundi para sa isang malinis na budhi. Ang paghihimagsik laban sa pamahalaan o ang pagtanggi sa pagsunod sa mga batas ay ang pagtanggi sa tungkulin ng pamahalaan. Hindi lahat ng mga pagpapasya ay maaaring gawin ng mga indibidwal kung mayroong anumang gobyerno. Ang pansariling kalayaan ay dapat ipasakop sa awtoridad na nagpoprotekta sa mga indibidwal na karapatan, kahit na hindi tayo palaging sumasang-ayon sa paraan ng pagprotekta.
(13:6-7) Ang Kristiyano ay dapat magbayad ng mga lehitimong buwis ng pamahalaan. Sundin ang mga nakaugaliang paraan ng pagpapakita ng paggalang.
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 6, Talata 4
Pangunahing Punto ng 13:8-10
Tinutupad ng pag-ibig ang batas sapagkat ito ang nag-uudyok sa mananampalataya na gawin ang tama sa iba.
Ang mga talatang ito ay nagpapatunay na ang batas ay hindi nawawalan ng halaga sa mananampalataya. Ito’y napapanahon. Tinutupad ng mananampalataya ang kautusan, dahil sa biyaya maaari siyang magkaroon ng pag-ibig na inilarawan dito. Ang biyaya ay hindi lamang isang pantakip para sa mga paglabag sa batas. Kalakip ng biyaya ang gawain ng Diyos sa atin upang matupad ang kanyang kalooban para sa atin.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 13:8-10 para sa grupo.
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo
(13:8) Ang pagkakautang sa kahulugang ito ay nangangahulugang mabigo na ibigay ang nararapat sa isang tao. Ang ilang mga uri ng obligasyon ay nakalista sa nakaraang talata. Hindi mali na humiram at magbayad sa isang iskedyul, kung iyon ang napagkasunduang paraan upang matugunan ang ating mga obligasyon. Inuutusan tayo, tulad ng sa talata 7, na ibigay sa bawat tao ang nararapat sa kanya mula sa atin.
► Ano ang mga resulta kapag hindi binayaran ng isang Kristiyano ang hiniram niya?
(13:9-10) Kung tunay mong minamahal ang kapwa gaya ng iyong sarili, hindi mo siya nanakawan, hindi ka magsisinungaling sa kanya, hindi ka maiinggit sa kanyang pag-aari, o mangangalunya. Ang karaniwang pagkakaibigan at pagmamahalan na karaniwan sa mundo ay hindi laging nakakapigil sa mga pagkakamaling ito; ngunit ang pag-ibig ni Kristo na nasa atin ang siyang pipigil sa atin mula sa paggawa ng masama kahit sa mga hindi natin kakilala, sa mga nakasakit sa atin, o sa mga hindi makakapansin na sila ay ninakawan ng pera.
Karamihan sa mga kultura at relihiyon ay nagtuturo na may pananagutan tayong magmahal sa ilang tao, marahil ay sa mga miyembro ng ating pamilya o miyembro ng tribo. Ngunit para sa ibang tao sa sangkatauhan, wala tayong pananagutan na ibigin sila. Maaari nilang isipin na pinahihintulutan ang magnakaw mula sa mga dayuhan o amo at maging bastos sa mga estranghero. Iniuutos sa atin ni Kristo na ipakita ang pag-ibig sa bawat taong nakakasalamuha natin. Sa Lucas 10:25-37, upang mailarawan ang utos ng pag-ibig saiyong kapwa, ikinuwento ni Hesus ang tungkol sa isang Samaritano na tumulong sa isang sugatang hudyo.
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 6, Talata 5
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 13:11-14 para sa grupo.
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo
(13:11) Ang kaligtasan sa talatang ito ay tumutukoy sa tunay na kaligtasan sa pagbabalik ni Kristo. Hindi tayo dapat mamuhay na parang ang mundong ito ay mananatili magpakailanman. Dapat tayong mamuhay bilang mga taong umaasa sa mga bagay na mabilis na matutupad.
(13:12) Ang gabi ay isang uri ng salitang paglalarawan na tumutukoy sa oras na humahantong sa pagdating ng Panginoon. (Tingnan din ang 2 Pedro 1:19.) Ang kadiliman sa Bagong Tipan ay kadalasang iniuugnay sa mga makasalanang kilos. (Tingnan din ang 1 Tesalonica 5:4-8 at Efeso 5:11-14.)
(13:13) Inilarawan dito ang buhay ng walang ingat na makasalanan. Ito ang taong hindi nag-iisip tungkol sa hinaharap, at lalo nang hindi iniisip ang tungkol sa walang-hanggan. Nabubuhay siya para sa kasiyahan nang walang pag-aalala sa moralidad. Ang buhay ng isang Kristiyano ay lubos na kabaligtaran nito.
(13:14) Huwag gumawa ng anumang pahintulot para sa makasalanang pagnanasa. Huwag gamitin ang kalikasan bilang tao na isang dahilan para sa kasalanan. Mabuhay sa liwanag at huwag magkaroon ng anumang bagay sa iyong buhay na dapat mong ikahiya.
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 6, Talata 5
Palaging may mga isyu kung saan hindi sumasang-ayon ang mga taos-pusong mananampalataya. Ang kabanatang ito ay nagbibigay ng mga tagubilin tungkol sa kung paano ang mga Kristiyano ay naiiba sa ilang paniniwala at gawain ay maaari pa ring magmahalan, igalang ang isa't isa, sumamba at maglingkod nang sama-sama.
► Dapat basahin ng isang mag-aaral ang Roma 14:1–23 para sa grupo.
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo
(14:1) Ang mahinang kapatid ay isa na nakakaramdam ng pagkakasala sa isang aksyon na hindi talaga ipinagbabawal ng Diyos (tingnan ang 1 Corinto 8:7-12). Ang isang malakas na kapatid ay isa na maaaring gumawa ng isang aksyon na walang kasalanan dahil alam niyang ang aksyon ay hindi talaga pagsuway sa Diyos.
(14:2-3) Ang batas ng mga Hudyo ay may mga patakaran tungkol sa pagkain. Maraming mga Kristiyanong Hudyo sa iglesya at mga Hentil din na nag-aral ng mga batas ng Hudyo. Ang isang tao na nakakaramdam na malaya siya sa anumang mga paghihigpit tungkol sa pagkain ay maaaring matukso na hamakin ang taong nakakaramdam ng paghihigpit. Ang sumusubok na sundin ang mga patakaran tungkol sa pagkain ay maaaring matukso na hatulan ang iba bilang makasalanan.
(14:4) Hahatulan ng Diyos ang kanyang sariling mga lingkod at bibigyan sila ng biyayang kailangan nila. Huwag husgahan ang iba tungkol sa mga bagay na hindi malinaw sa Kasulatan.
Sa buong mundo ay may pagkakaiba-iba sa mga mananampalataya tungkol sa mga bagay tulad ng mga paraan ng pagbibinyag, mga paraan ng paglilingkod sa Hapunan ng Panginoon, pagpili ng salin ng Bibliya, pananamit, at libangan. Dapat nating mapanatili ang pagkakaisang Kristiyano ngunit hindi inaasahan ang pagkakapareho sa loob ng katawan ni Kristo. Ang ating moto ay dapat na: “Sa mga mahahalaga, pagkakaisa; sa mga hindi mahahalaga, kalayaan; ngunit sa lahat ng mga bagay, pag-ibig!”
(14:5-6) Maraming mga araw ng kapistahan ang mga Hudyo, na may mga espesyal na kaugalian para sa bawat isa. Naging kontrobersyal din ang araw ng Sabado. Ang simbahan ay nagsimulang magpulong at sumamba sa Araw ng Panginoon sa halip (Mga Gawa 20:7; 1 Mga Taga-Corinto 16:2; Pahayag 1:10) at nang maglaon ang Linggo ay naging katulad ng isang Kristiyanong Sabbath. Ang prinsipyo ng pahinga sa ikapitong araw ay mayroon pa ring mga pakinabang na dapat nating panatilihin, dahil ito ay isang prinsipyo ng paglikha at hindi lamang isang kaugalian na itinatag noong panahong ibinigay ang batas ni Moises.
“…Hayaang mapanatag ang bawat tao sa kanyang sariling pag-iisip” (14:5) ay nagpapakita na ang tiyak na mga opinyon ay kinakailangan. Ang isang tao ay hindi dapat maguluhan sa kanyang pinaniniwalaan sa mga isyu. Ang pagpaparaya sa ibang mga opinyon ay hindi nangangahulugang hindi natin alam kung ano ang ating sariling opinyon o hindi natin pinapansin ang ebidensya at pangangatwiran.
(14:7-9) Hindi natin pag-aari ang ating sarili. Ang bawat buhay ay dapat parangalan si Kristo. Ang kamatayan at pagkabuhay na muli ni Kristo ang tumutubos sa atin, at pag-aari niya tayo.
(14:10-12) Ang bawat tao ay mag-uulat sa Diyos sa paghuhukom. Samakatuwid, ang aming mga opinyon tungkol sa bawat isa ay hindi gaanong mahalaga.
(14:13-15) Mahalaga sa atin na subukang huwag maging sanhi ng pagkakatisod ng ibang mananampalataya. Para sa Kristiyano, ang mga bagay ay hindi marumi sapagkat lahat ng bagay ay sa Diyos. Ngunit kung ang isang tao ay nag-iisip ng isang bagay na mali at ginagawa pa rin ito, nakagawa siya ng kasalanan dahil pinili niyang gawin ang mali. Ginagawa nating madapa ang isang tao kung naimpluwensyahan natin siya na gumawa ng isang bagay na sa palagay niya ay mali. (Ang isa pang sipi tungkol sa isyung ito ay 1 Corinto 8.)
(14:16) Ang isang tao ay maaaring magkaroon ng tamang doktrina at gumawa pa rin ng pinsala dahil sa hindi pag-aalala sa kanyang impluwensya sa iba.
(14:17) Ang Kristiyanismo ay hindi binubuong alinman sa mga patakaran tungkol sa pamumuhay o sa kalayaan. Ito ay espirituwal na tagumpay at pamumuhay ayon sa Espiritu.
(14:18-19) Natutuwa ang Diyos kapag ipinapailalim natin ang lahat ng ating ginagawa kay Kristo at ginagawa ang ating makakaya upang mapalakas ang iba.
(14:20-23) Ang lahat ng mga bagay ay pag-aari ng Diyos, at ang taong isinasaisip ito ay maaaring magkaroon ng kalayaan. Gayunman, kung ang isang tao ay gumawa ng isang bagay na, sa palagay niya ay mali, siya ay nagkakasala sa pamamagitan ng pagpili niyon. Ang kapatid na may kalayaang gawin ang isang bagay ay dapat na pigilan ang kanyang kalayaan upang hindi maging sanhi ng pagkatisod ng iba.
Walang mga direksyon ang ibinibigay sa masmahinang kapatid, maliban na huwag niyang huhusgahan ang may higit na kalayaan. Ang masmahina ay nahigpitan ng kanyang budhi at hindi mababago ang kanyang pag-uugali, ngunit ang masmalakas na kapatid ay may mga pagpipilian.
Marahil ay magkakaroon ng maraming talakayan habang pinag-aaralan ang naunang sipi, ngunit ang ilang mga katanungan na dapat isaalang-alang ay:
Anong uri ng mga isyu ang kinahaharap ng ating iglesya na iniiwan sa mga miyembro ang pagpapasya?
Anong mga pagkakaiba ang nakikita natin sa ibang mananampalataya kung saan dapat tayong maging mas mapagparaya?
Paano tayo magiging tapat sa paglalapat ng mga prinsipyo ng talatang ito sa ating mga opinyon at pakikipag-ugnayan sa ibang tao?
Pagkilala sa mga Judaizers
Ang mga Judaizers ay hindi lamang mga tagasunod ng Judaismo, ang relihiyon ng mga Hudyo. Ang mga Judaizer ay mga Hudyo na nag-aangking Kristiyano ngunit naisip na ang mga Kristiyano ay dapat tuparin ang mga kinakailangan ng Hudaismo. Hindi ito problema para sa nagbalik-loob na mga Hudyo upang magpatuloy sa pagsasagawa ng Judaismo. Marami ang gumawa nito, lalo na sa unang henerasyon ng iglesya ng Bagong Tipan. Ang problema ay kapag ang mga Hudyo na nagsabing nagbalik-loob talaga ay hindi nauunawaan ang ebanghelyo ng biyaya.
Iniisip ng mga Judaizers na kinakailangan para sa isang nagbalik-loob na Hentil na tanggapin ang lahat ng mga patakaran ng Judaismo, kabilang ang pagtutuli, upang maligtas. Hinimok nila ang mga Hentil na nagbalik-loob na gawin ang lahat ng mga patakaran ng Judaismo, kabilang ang pagtutuli. Hindi nila ipinangaral ang ebanghelyo sa hindi mananampalataya. Sahalip, nangangaral sila sa mga nahikayat ng iba, na nagdala ng pagkalito at pagkakabaha-bahagi. Ang kanilang pinakadakilang naitala na tagumpay ay sa Galacia, kung saan iniligaw nila ang buong iglesya. Ang liham ni Pablo sa mga taga-Galacia ay inilaan upang maibalik sila sa totoong ebanghelyo.
Ang isyu ng mga hinhingi ng mga Hudyo ay dinala sa isang konseho sa iglesya, na naitala sa Gawa 15. Natanto ng mga apostol na ang pagsunod sa paraan ng mga Judaizers ay pagtanggi sa ebanghelyo ng biyaya at pagtanggi na ang ebanghelyo ay pareho ring inaalok sa mga Hentil. Ang desisyon ng konseho ay nagtuwid sa mga totoong mananampalataya na taos-pusong nailigaw, ngunit hindi nakapigil sa mga may maling motibo. Itinuring ni Pablo ang mga Judaizers bilang kaaway sa ebanghelyo.
Ang Roma 14:1-15:12 ay inilalapat ang katotohanan ng ebanghelyo na ipinaliwanag ni Pablo sa buong liham ang sagot sa katanungan ng hinihingi ng Hudyo. Hindi dapat husgahan ng mga mananampalataya ang isa't isa sa kanilang pag-obserba ng pag-aalinlangan sa relihiyon ng mga Hudyo. Ang seksyon ay nagtatapos sa isang pagbibigay-diin na ang ebanghelyo ay para sa buong mundo.
Kabilang sa iba pang mga talata tungkol sa paksang ito ay ang Roma 4; Gawa 15; Galacia 2, 3, 5; at Colosas 2:11-23.
Pag-aaral ng Talata – Roma Bahagi 6, Talata 6
Mga Tala Bersikulo-Bersikulo (Patuloy)
(15:1-4) Ang malakas sa pananampalataya, ang mga taong malaya ang pakiramdam, ay dapat maging handang iwan ang ilang mga pribilehiyo upang matulungan ang mga mahihina sa pananampalataya at hindi nakakaramdam na sila’y malaya sa labis na mga paghihigpit.
(15:5-7) Ang mga talatang ito ang tumapos sa bahaging ito ng kasulatan. Ang layunin ay pagkakaisa ng Kristiyano. Ang pag-ibig ni Kristo ang ating halimbawa.
Isang Kwento ng Pagkakaisa, Pagbabagong-loob, at mga Misyon
Noong 1722 isang Aleman na may-ari ng lupa na nagngangalang Zinzendorf ay nag-anyaya sa mga inuusig na mga mananampalatayang Moravian na lumipat sa kanyang pag-aari at magtayo ng isang kumonidad. Pagkalipas ng ilang panahon, daan-daang katao na ang nasa komunidad. Nahirapan sila sa mga dibisyon tungkol sa iba'tibang mga doktrina at mga ginagawa sa panahon ng pagsamba; ngunit noong 1727, binuo nila ang “Kasunduang Pangkapatiran” (na ngayon ay tinatawag na “Kasunduan ng mga Moravian para sa Kristiyanong Pamumuhay”) upang makatulong sa pagtataguyod ng pagkakaisa.
Sa taon ding iyon, nagsimula silang makaranas ng muling pagbangon. Nagkaroon sila ng isang buong magdamag na pagtitipon sa panananalangin at maraming mahabang gawain ng pagsamba na may di-pangkaraniwang pakiramdan ng presensya ng Diyos, kabilang ang isang pagkakataon kung saan ang tagapagsalita ay sumubsob sa lupa sa pagkamanghasa Diyos. Sa panahon nang banal na hapunan, ang Banal na Espiritu ay kumilos sa mga tao sa isang paraan nakalaunan ay tiningnan ni Zinzendorf ang araw na iyon bilang Pentekostes ng Renewed Moravian Church. Kung sino Ang dating mga nahati ay muling nagkasundo na may dakilang pakiramdam, at pinangunahan ni Zinzendorf ang isang panalangin ng pagkumpisal para sa mga pagkakahati sa kongregasyon. Sinimulan nila ang isang gawain ng pananalangin, kasama ang iba'tibang miyembro na nagsasalit-salit, at ito’yipinagpatuloy sa loob ng 100 taon.
Ang pamayanan ng Moravian ay naging isa sa pinakadakilang mga pagpapadala ng mga misyonero sa lahat ng panahon. Mula 1733 hanggang 1742, 70 na misyonero ang nagmula sa pamayanan ng 600. Maraming namatay na bata pa dahil sa pag-uusig at mahihirap na kalagayan. Taong 1760, pagkatapos ng dalawampu't walong taon, 226 na misyonero na ang naipadala; at libo-libo na ang bilang ng mga Moravians sa buong mundo.
Aralin 11 Mga Katanungan Pagbabalik-Aral
(1) Ipaliwanag ang ilustrasyon ng buhay na handog.
(2) Ano ang dapat mangyari sa atin upang tayo ay maging lubos na matapat sa Diyos?
(3) Bakit tayo dapat maging mapagpakumbaba?
(4) Ipaliwanag ang terminong mahinang kapatid at malakas na kapatid.
(5) Sino ang mga Judaizers?
Aralin 11 Takdang-aralin
(1) Sumulat ng isang pahina na nag-aaplay ng ilang mga praktikal na direksyon na makikita sa Roma 12:1-15:7 sa mga Kristiyano ngayon.
(2) Maghanda para sa panghuling pagsusulit sa pamamagitan ng pag-aaral sa listahan ng mga tanong na nasa Appendix ng kursong ito. Dapat kang kumuha ng pagsusulit nang walang tulong mula sa sinuman at nang hindi tumitingin sa anumang nakasulat na materyal.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.