Sa iyong ministeryo, matutuklasan mo na kailangan mong makipag-usap sa mga taong hindi pareho sa iyong kulturang pinagmulan. Maaaring ito’y isang taong nagmula sa ibang bansa, o isang nagmula sa ibang rehiyon, subali’t magkakaroon ng pagkakaiba sa pag-unawa at komunikasyon.
Ang kakayahang pagdugtungin ang mga pagkakaibang ito ay magiging daan upang ikaw ay maging mas epektibo bilang isang lingkod ng kaharian ng Diyos. Sa maikling araling ito, pag-aaralan natin ang ilang basic na prinsipyo ng komunikasyong cross-cultural.
► Talakayin ang isang pagkakataon na ikaw ay nakipag-usap sa isang taong nagmula sa ibang kultura. Ano ang mga kahirapang inyong hinarap? Naging matagumpay ka ba sa iyong pakikipag-ugnay sa kabila ng inyong mga pagkakaiba?
Komunikasyon ng Magkakaibang Kultura sa Biblia
Mga Halimbawa ng Komunikasyon ng Magkakaibang Kultura sa Lumang Tipan
Ang tipan ng Diyos kay Abraham ay nagpakita na ang ebanghelyo ay lalaganap sa buong mundo. Ang lahat ng pamilya sa mundo ay pagpapalain sa pamamagitan ng binhi ni Abraham (Genesis 12:1-3). Ito ay pagtanaw sa hinaharap kung saan ang komunikasyon ng magkakaibang kultura ay magiging mahalaga.
Kabilang sa mga halimbawang pakikipag-ugnayan ng bayan ng Diyos sa ibang kultura ay:
Nakamit ni Abraham at ni Jose ang respeto ng Ehiptiong Faraon.
Masayang tinanggap ni Solomon ang mga banyagang panauhin mula sa sinaunang mundo. Maraming mga iskolar ang nakakita ng pagkakatulad sa pagitan ng Kawikaan 22:17-24:22 at ng isang koleksyon ng mga kawikaan sa Ehipto na may pamagat na The Instruction of Amenemope. Ito ay nagpapahiwatig na si Solomon ay pamilyar sa kultura ng mga taga-Ehipto.
Si Daniel ay naging iginagalang na tagapayo ng mga tagapangunang taga Babilonia at Persia. Ipinapakita ng Daniel 1 na si Danielay isang kabataang lalaki na may matibay na pagpapasiya subali’t iginalang pa rin niya ang mga tagapangunang taga-Babilonia. (Daniel 1:8)
Ang isang kabataang babaeng Hudyo, si Ester, ay naging reyna ni Haring Asuero. Sa kaniyang kakayahan na pagsamahin ang lakas ng loob na lumapit sa hari (“…kung ako’y mamamatay, ako’y mamamatay”) at ang kahilingan ayon sa kulturang Persiano (pag-aanyaya sa hari sa hapunan sa halip na ihayag ang kanyang kahilingan nang walang paghahanda), ginamit siya ng Diyos upang iligtas ang kanyang mga kababayan (Ester 4:16, Ester 5:4, 8).
Mga Halimbawa ng Komunikasyon ng Magkakaibang Kultura sa Bagong Tipan
Inutusan ni Jesus ang kanyang mga disipulo na maging komunikador sa magkakaibang kultura.
“Kaya't sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan silang sundin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo” (Mateo 28:19-20).
Sinabi ni Jesus na ang mga alagad ay magiging mga saksi niya sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng mundo (Mga Gawa 1:8). Ang komunikasyon sa magkaibang kulura ay kinakailangan para sa mga mananampalataya dahil kung wala ito hindi natin natutupad ang Dakilang Paghayo.
Si Jesus ay nagbigay ng modelo ng komunikasyon ng magkakaibang kultura. Siya ay sang-ayon at may kakayahang magministeryo sa mga Hentil. Habang ang ibang tagapagturoay umiiwas sa mga rehiyon ng mga Hentil, si Jesus ay kusang-loob na naglakbay sa Decapolis (Marcos 7:31). Habang ang iba’y umiiwas sa Samaria, kusang-loob na kinatagpo niya ang babaeng Samaritana (Juan 4).
Si Apostol Pablo ay nagbigay din ng isang magandang halimbawa ng komunikasyon ng magkakaibang kultura. Nang magsalita siya sa isang opisyal na Romano, inangkin niyaang karapatan ng pagkamamamayang Romano (Mga Gawa 25:10-11). Habang nangangaral sa Athenas, ginamit niya ang wika ng pangangatwiran kung saan kilala ang mga Griegong palaisip sa mga ito. (Mga Gawa 17:16-34).
Pinagsumikapang mabuti ni Pablo na maibahagi ang ebanghelyo sa lahat ng tao. Mahalaga kay Pablo ang komunikasyon ng magkakaibang kultura dahil ang ebanghelyo ay mahalaga kay Pablo.
“Sa mahihina, ako ay naging mahina, upang mahikayat ko ang mahihina. Sa lahat ng mga bagay ay nakibagay ako sa lahat ng mga tao, upang sa lahat ng mga paraan ay makapagligtas ako ng ilan. Ginawa ko ang lahat ng mga bagay dahil sa ebanghelyo, upang ako'y magkaroon ng bahagi sa mga pagpapala nito” (1 Corinto 9:22-23).
Mga Praktikal na Pagsasa-alang-alang sa Komunikasyon sa Magkaibang Kultura
Makinig Bago Magsalita
Isinulat ni Santiago na tayo’y dapat mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita (Santiago 1:19). Sumusulat ang apostol tungkol sa pagkagalit, at sa dila, subali’t ang kanyang payo ay mabuti rin sa komunikasyon sa magkaibang kultura. Mas lalo tayong nakikinig, mas lalo tayong natututo.
Tila simple lamang itong pakinggan, subali’t dahil kailangan nating makinig nang matagal, ang matagumpay na komunikasyon sa magkaibang kultura ay nangangailangan din ng matagal na oras. Walang maipapalit sa oras. Ang pinakamabubuting cross-cultural na tagapag-ugnay ay iyong mga nag-uukol ng mahabang oras sa ibang kultura.
Maraming pagkakataon, tayo ay mabagal sa pakikinig at mabilis sa pagsasalita. Sobra tayong magsalita at kaunti lamang ang pagmamasid sa iba. Kung nais nating maunawaan ang iba, dapat tayong makinig. Ito ay totoo maging tayo’y naglalakbay sa ibang bansa, nag-eebanghelyo sa katabingpamayanan, nagtuturo sa ibang grupo o edad, o kahit ang pagbisita sa loob ng ating sariling mga pamilya. Talagang madalas, nabibigo tayong makinig bago tayomagsalita.
Si Duane Elmer, isang misyonero at propesor ng pag-aaral sa magkakaibang kultura ang nagsabi, “Hindi ka maaaring magsilbi sa isang tao na hindi mo naiintindihan. Kapag nagsikap kang maglingkod sa mga tao nang hindi sila nauunawaan, malamang sa ikaw ay tingnan bilang isang matulunging manlulupig.”[1] Ang ibig sabihin, maging ang iyong pagsisikap na tumulong ay maaaring magkaroon ng masamang epekto at hindi nila mauunawaan. Sa pagnanais mong makatulong, makakasama ka pa! Bakit? Dahil nabigo kang mag-ukol ng oras upang unawain muna ang taong nais mong tulungan.
Noong si John Seamands ay isang misyonerong ebanghelista sa India, natutuhan niya ang kahalagahan ng pakikinig. Kapag siya’y bumisita sa isang pamayanan at magsimulang mangaral, bahagya lamang nakikinig ang mga tao at magtataka, “Sino ba ang dayuhang ito? Bakit siya nagsasalita sa atin?”
Subali’t, kung nag-uukol si Rev. Seamands ng kahit isang araw sa pagbisita sa mga tagapanguna sa pamayanan, bumibisita sa mga local na paaralan, at nagtatanong, higit na naiiba ang naging pagtanggap sa kanya. Ngayon hindi na siya isang dayuhan; siya ay isang bisita. Ngayon nalalaman na niya ang kanilang mga pangangailangan at mga katanungan. [2]
Maging Maingat sa Pagpapatawa
Kahit mahalaga sa mga tagapangaral ang pagpapatawa, dapat itong gamitin nang maingat. Ang paggamit ng pagpapatawa sa konteksto ng magkakaibang kultura ay mahirap dahil ang pagpapatawa ay ayon sa kaangkupan nito sa kultura. Ang isang bagay na nakakatawa sa Tsina ay hindi nakakatawa sa Florida. Ang nakakatawa sa Indiana ay seryosong bagay sa India. Kapag plano mong gumamit ng pagpapatawa, ipagtanong mo kung ang kwentong gagamitin mo ay angkop sa bagong kultura. Maraming mga pulitiko ang nakasakit ng damdamin ng kanilang tagapanood sa paggamit ng katatawanan na hindi naaangkop sa ibang kultura.
Magkuwento
Maraming mga kuwento ang tumatawid sa kultural na mga hadlang. Ang mga kuwentong naglalarawan ng mga kilos at damdamin ng mga tao ay mabuting gamitin sa magkakaibang kultura. Gayunman, kapag ang kuwento ay naglalaman ng sobrang daming kultural na sangkap, hindi ito masyadong magiging katanggap-tanggap. Muli, makatutulong ng malaki kung makikipag-usap ka muna sa isang taong nagmula sa kulturang nais mo. Itanong mo, “Ano ang ibig sabihin ng kuwentong ito kapag narinig mo?”
Nagtuturo ang isang propesor ng isang kurso sa kolehiyo sa Kasaysayan ng Musika. Sa kursong iyon, madalas niyang ginagamit na halimbawa si Beethoven. Bagaman si Beethoven ay isang dakilang manunulat ng musika, hindi siya nakipag-ugnayan ng maayos sa mga tao. Siya ay magagalitin at madalas na nakakasakit ng damdamin ng maraming tao. Tinatawag siya ng kaniyang mga kaibigan ng “ang Dragon” dahil napakahirap niyang pakisamahan. Para sa isang galing sa Kanluran, ang isang dragon ay isang halimaw na bumubuga ng apoy.”
Minsan, nagturo siya tungkol kay Beethoven sa Tsina. Nang tawagin niya si Beethoven na “ang Dragon”, naguluhan ang kanyang mga mag-aaral. Sa Tsina, ang dragon ay isang simbolo ng mabuting kapalaran. Nagtaka sila, “Bakit ang taong ito na sobrang magagalitin ay binigyan ng ganoon kadakilang pangalan?” Kinailangang baguhin ng propesor ang kanyang kuwento upang higit na maunawaan ng mga mag-aaral na taga-Silangan ang kanyang mensahe.
Maging Sensitibo sa Kultura
Ang mabubuting komunikador ay gumagamit ng maraming paglalarawan at mga tayutay sa kanilang komunikasyon. Gayunman, ang mga paglalarawang ito ay dapat na aangkop sa kultura. Walang kabuluhan kung gagamit ka ng isang paglalarawan tungkol sa mga kompyuter sa grupo ng mga taong ni hindi pa nakakikita ng kompyuter.
Si Dating Presidente Bill Clinton ay magaling sa komunikasyon sa magkakaibang kultura. Minsan ikinuwento niya ang Mabuting Samaritano sa isang grupo ng mga Kristiyano at mga Muslim. Sinabi niya, “May isang lalaking nahulog sa kamay ng mga nasasandatahang magnanakaw. Dumating ang isang pari. Siya ay isang tagapanguna sa relihiyon. Sumunod na dumating ang isang lalaking galing sa isang kilalang tribo. Sa huli, isang lalaki mula sa kaaway na tribo ang dumating at nakita ang sugatang biktima.” Ipinapaliwanag ni Presidente Clinton ang kuwento sa paraang nauunawaan at naaangkop sa kultura.
Mahalaga rin ang galaw ng katawan. Sa Amerika, maaari kang kumaway gamit ang nakabukas na palad upang ipakita ang pakikipagkaibigan; sa Nigeria ang gayung kilos ay isang sumpa para sa kanila. Sa Amerika, maaari kang gumamit ng isang daliri upang palapitin ang isang tao; sa Tsina, ang kilos na iyon ay sa aso lamang ginagamit.
Ang distansiya sa pagitan ng mga tao ay nagkakaiba-iba sa iba’t-ibang kultura. Mayroong gusto ay maging malapit; ang iba naman ay gustong magkaroon ng kaunting pagitan. Maging ang lakas ng boses ay mahalaga. Ang mga Amerikano ay madalas nag-uusap at tumatawa ng mas malakas kaysa sa ibang taong nagmula sa ibang kultura. Sa ilang kultura, ang mga tao ay mas matahimik sa pag-uusap, laluna kung nasa publiko.
Madaling sabihin na, “Hindi mahalaga ang mga bagay na iyon; mga pangkulturang kaugalian lamang ang mga iyon.” Gayunman, dapat nating iwasan ang anumang magpapahirap sa atin upang maibahagi ang ebanghelyo. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga na matutuhan natin ang mga kaugaliang pangkultura ng mga taong nais nating pagministeryuhan.
Isang Aral Mula sa Unggoy
Nakita ng isang unggoy ang isang isda na lumalangoy sa ilog. Naisip ng unggoy, “Kawawa naman ang isdang iyon. Kailangan niya ng aking tulong! Komportable ako dito at ligtas sa tuyong lupa, samantalang siya’y nananatili sa tubig! Ako’y isang mabait na unggoy; tutulungan ko ang isda.”
Ang unggoy ay umakyat sa isang puno na nakayunggong sa may ilog. Kumapit siya sa isang sanga, bagaman ito’y mapanganib para sa kanya. Dumukwang siya sa tubig at hinango ang isda mula sa tubig. Bumaba ang unggoy mula sa puno at maingat na inilagay ang isda sa tuyong lupa. Sa loob ng ilang minuto, tila masiglang pumupusag ang isda, subali’t makalipas ang ilang sandali tumahimik na ito. Masayang umalis ang unggoy; sa isip niya nakatulong siya sa iba.
Nais ng unggoy na tumulong, subali’t sa halip ay napatay niya ang isda. Bakit? Dahil hindi niya nauunawaan ang kalagayan at pangangailangan ng isda. Ginawa niya kung ano ang nasa isip niya na mabuting gawin. Hindi sapat ang mabuting intensiyon lamang; dapat tayong makinig sa mga pinaglilingkuran natin. [3]
Maging Mapagmahal at Magalang sa Iba
Marahil ang pinakamahalagang payo na matututuhan natin para sa komunikasyon sa magkakaibang kultura ay ibinigay 2, 000 taon na ang nakalilipas: “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:39). Upang ilapatang prinsipyong iyon sa praktikal na paraan, sinabi ni Jesus, “Kaya, anumang bagay na ibig niyong gawin sa inyo ng mga tao, gayun ang gawin ninyo sa kanila; sapagkat ito ang Kautusan at ang mga propeta. (Mateo 7:12).
Madalas nagkakamali tayo sa pag-iisip na ang ating kultura ay mas mabuti kaysa sa kultura ng ibang tao. Dapat nating matutuhan na ang ating kultura ay hindi mas mabuti; ito ay naiiba. Kapag natutuhan nating igalang ang iba, malaki ang maitutulong nito upang mapabuti ang ating kakayahang makipagkomunikasyon.
Sa edad na 60, si Jason ay nahilingang magpastor sa isang iglesya sa Taiwan. Hindi pa siya kailan man nakakalabas sa U. S. Sa loob ng 40 taon, nagpastor siya sa maliliit na iglesya sa mga rural na komunidad sa Amerika; ang Kaohsiung sa Taiwan ay isang pangunahing lunsod. Hindi nakapagsasalita si Jason ng ibang wika; ang iglesya ay nagsasalita ng Mandarin. Malamang na mabibigo si Jason sa komunikasyon sa magkakaibang kultura.
Mayroon lamang isang positibong puntos si Jason sa kanyang komunikasyon sa magkakaibang kultura;mahal niya ang mga tao! Nanatili si Jason sa Kaohsiung sa loob ng dalawang taon. Hindi siya natuto ng Mandarin, subali’t gumugol siya ng maraming oras kasama ng mga tagapagsalin sa wika upang tiyakin na ang kanyang mensahe ay malinaw na nakakarating sa kabila ng pagkakaiba sa kultura. Pumupunta ang mga tao sa kanilang iglesya hindi dahil siya’y isang malakas at mahusay na tagapagsalita, kundi dahil sinasalubong niya sila sa daan, ngumingiti, at nakikinig habang sila’y nagsisipag-usap.
Makalipas ang dalawang taon, bumisita ang isang misyonero na nakapagsasalita ng Mandarin sa Kaohsiung. Habang naglalakad siya sa komunidad, isang may-ari ng tindahan ang kumaway sa kanya. Sa Chinese, itinanong niya, “Kilala mo ba si Pastor Jason?” “Opo. Bakit po ninyo itinatanong?” “Mahal ko si Pastor Jason.” “Kristiyano ka ba?” “Hindi, ako ay isang Buddhist. Subali’t kung ako’y magiging isang Kristiyano, pupunta ako sa sambahan ni Pastor Jason.” “Bakit” “Minahal niya ako! Araw-araw pumupunta siya rito at dinadalaw ang aking tindahan. Maraming oras kaming nag-usap tungkol sa maraming bagay.” Namangha ang misyonero. Hindi maaaring makipag-usap ng maraming oras si Jason sa isang taong hindi marunong ng Igles. Subali’t nagpakita siya ng pagmamahalsa isang Buddhist na may-ari ng tindahan.
Hindi ibig sabihin ng kuwentong ito na hindi mahalaga ang pag-aaral ng ibang wika, ngunit ipinaaalala nito sa atin na ang pag-ibig ang batayan ng lahat ng epektibong ministeryo. Kung susundin natin ang utos ni Jesus na “Mahalin ninyo ang inyong kapwa, ” maaaring gamitin ng Diyos maging ang napakalimitadong kakayahan para sa kanyang kaluwalhatian.
[1]Duane Elmer, Cross-Cultural Servanthood: Serving the World in Christlike Humility (Downers Grove: Intervarsity Books, 2009), Kindle location 148
[2]John T. Seamands, Tell It Well: Communicating the Gospel Across Cultures (Kansas City: Beacon Hill Press, 1981), 97.
[3]Hinango kay Duane Elmer, Cross-Cultural Servanthood: Serving the World in Christlike Humility (Downers Grove: Intervarsity Books, 2009), Kindle edition location 214.
Isang Modelo para sa Komunikasyon sa Magkakaibang Kultura at Paglilingkod
Isinulat ni Duane Elmer na ang paglilingkod sa iba ay nangangailangan ng pag-unawa, pagkatuto, pagtitiwala, pagtanggap, at pagiging bukas. Ginamit ni Dr. Elmer ang modelong ito upang magturo tungkol sa paglilingkod sa magkakaibang kultura. Ito ay kasinghalaga rin ng komunikasyon sa magkakaibang kultura.
Ang epektibong komunikasyon ay nangangailangan ng:
Pag-unawa. Ang pag-unawa ay hindi mangyayari kung walang pagkatuto.
Pagkatuto. Hindi ka maaaring matuto mula sa ibang tao hangga’t walang pagtititwala.
Pagtitiwala. Upang magkaroon ng tiwala, dapat malaman ng ibang tao na pinahahalagahan mo sila bilang mga tao. Dapat mayroong pagtanggap.
Pagtanggap. Upang makapagkomunikasyon ng pagtanggap, dapat kang magpakita ng pagiging bukas.
Pagiging bukas. Ang pagiging bukas ay ang kagustuhang tanggapin ang mga tao sa iyong presensiya at magkaroon sila ng pakiramdam na sila ay ligtas.
Pagiging Mas MabutingTagapakinig
► Talakayin ang isang pagkakataon na ikaw ay nakipag-usap sa isang mabuting tagapakinig. Anong mga katangian ang taglay nila kaya’t madaling makipag-usap sa kanila? Talakayinang isang pagkakataon na nakipag-usap ka sa isang hindi mabuting tagapakinig. Anong mga katangian nila ang nagpahirap sa iyong kausapin sila? Ikaw ba ay mabuting tagapakinig?
Dahil ang pakikinig ay lubhang mahalaga sa epektibong komunikasyon, dapat din tayong maging seryoso tungkol sa pagpapabuti sa ating kakayahang makinig katulad ng pagnanais nating mapabuti ang ating pagsasalita at pagsusulat. Ang pinakamatalinong tao na nabuhay ay nagbabala na isang kahangalan at kahihiyan ang sumagot bago makinig (Kawikaan 18:13).
Ikinuwento ni John Seamands ang tungkol sa isang misyonerong Kristiyano sa Sri Lanka na binisita ng isang paring Buddhist. Pumunta doon ang paring Buddhist upang humiram ng mga libro tungkol sa Kristiyanismo. Nagtanong ang Kristiyanong misyonero, “Interesado ka ba sa Kristiyanismo?” Sumagot ang paring Buddhist, “Hindi. Hindi ako interesado, subali’t sinasanay ko ang mga batang monghe na hahayo bilang mgamisyonerong Buddhist sa Kanluran. Sa palagay ko kailangan nilang matutuhan ang tungkol sa relihiyon ng mga tagaroon bago sila humayo.”[1]
Alam ng paring Buddhist na ito na kailangan niyang tulungan ang kaniyang mga mag-aaral na maunawaan ang relihiyon ng mga taong kanilang “eebanghelyuhan”. Mas lalong higit na mahalaga para sa mga Kristiyano na maunawaan ang mga katuruan ng mga taong dinadalhan natin ng tunay na ebanghelyo!
Sa bahaging ito, matututuhan natin ang ilang mungkahi para sa mas mabuting pakikinig. Ito ay para sa komunikasyon sa magkakaibang kultura, gayun din sa alin mang klase ng komunikasyon.
Mayroong pagkakaiba sa pagitan ng “naririnig” at “pakikinig”. Halimbawa, maaari mong marinig ang isang tao na nagsasalita ng ibang wika nang hindi nauunawaan ang alin man sa mga salita. Naririnig mo, subali’t hindi mo nauunawaan. Ang Lausanne Willowbank report ng mga Kristiyanong mga lider mula sa buongmundo ay nananawagan sa mga ebanghelista, mga misyonero, mga pastor at mga tagapangunang Kristiyano upang“sensitibong makinig upang maunawaan.”[2].
(1) Alisin ang mga nakakaabala sa atensiyon.
Nabubuhay tayo sa isang mundong puno ng mga nakakaabala sa ating atensyon. Humahati sa ating atensiyon ang telebisyon, radyo, internet, selpon, text messages, at iba pang mga kasangkapan. Kung talagang nais nating pakinggan ang isang tao, dapat nating isara ang ibang nakakaabala sa ating atensiyon at ituon sa kanila ang ating atensiyon.
May isang lalaki na malimit inihihinto ang pakikipag-usap upang sagutin ang tawag sa kanyang telepono. Sa bawat pagkakataon, sinasabi niya, “Ang pakikipag-usap sa iyo ay higit na mas mahalaga sa akin kaysa pagsagot sa telepono, subali’t paumanhinan mo ako sumandali habang sinasagot ko ang isang tawag na ito.” Sa loob ng isang oras, sumagot siya sa pitong tawag sa telepono. Sinasabi niya, “ikaw ay mas mahalaga”; subali’t ang kanyang mga kilos ay nagsasabing, “Mas mahalaga ang selpon para sa akin.”
Ang tunay na pakikinig ay nangangailangan na ituon natin ang ating atensiyon sa ating kausap. Maraming mga bagay ang nakapipigilsaatin sa tunay na pakikinig:
Pag-iisip tungkol sa ibang bagay (“Ano ba ang susunod kong gagawin sa aking listahan ng gawain?”)
Pagsisikap na mapahanga ang iyong kausap (“Sana makumbinsi ko sila na tama ako”)
Pagpaplano sa iyong sasabihin kapag sila’y tumigil sa pagsasalita.
Ang tunay na pakikinig ay nangangahulugan na isasaisantabi ang lahat ng bagay at itutuon ang atensiyon sa iyong kausap na nagsasalita.
May isang bata na kumakausap sa kanyang ama habang ito’y nagbabasa ng diyaryo. Nang magkuwento siya, sumasagot ang tatay sa mga tamang pagkakataon. Akala niya siya ay nakikinig, ngunit hindi naman. Minsan ang batang babae ay nagkuwento ng isang kakaibang kuwento habang ang ama ay patuloy sa pagbabasa. Nagpatuloy siya sa pagsagot, “Oo, mabuti yan, ” ang sabi nito. At hindi niya napagtanto na ang kuwento ng batang babae ay gawa-gawa lamang nito.
(2) Ipakita mo na ikaw ay nakikinig.
Isang mahalagang aspeto ng komunikasyon ay ang wika ng katawan. Hindi sapat na nakikinig lamang, dapat maging pakiramdam ng kausap mo na ikaw ay nakikinig.
Umupo kayo sa isang lugar na komportable at kung saan matitingnan mo sila sa mata. Madalas, nakakatulong na iwan mo muna ang iyong mesa, at umupo sa isang pantay na posisyon kapag nakikipag-usap sa isang miyembro ng iglesya, isang taong nasa ilalim ng iyong awtoridad, o isang taong humihingi ng payo. Madalas nag-aatubili ang isang tao na magsabi nang matapat sa taong nakaupo sa kanilang mesa. Upang maging mas mahusay na pag-uusap, gawin mo ang iyong makakaya upang palakasin ang loob ng iba at magrelaks at makipag-usap nang mas madali.
(3) Gumawa ng talaan.
Depende sa sitwasyon, ang pagkuha ng mga tala ay maaaring magpahayag na ikaw ay isang mabuting tagapakinig. Sa isang pormal na sitwasyon, tulad ng isang silid-aralan o miting ng board, ang pagsulat ng listahan ay magiging mabuting talaan ng iyong mga narinig. Sa pribadong usapan o sesyon sa pagpapayo, marahil kinakailangan mong humingi ng pahintulot mula sa iyong kausap. Simple mo lang sasabihin na, “Maaari ba akong kumuha ng listahan upang makatulong sa akin na mas magtuon ng aking isip.”
[1]John T. Seamands, Tell It Well: Communicating the Gospel Across Cultures (Kansas City: Beacon Hill Press, 1981), 17
[2]Willowbank Report.”Gospel and Culture” (Lausanne Committee for World Evangelization, 1978), 15.
Konklusyon
Kapag ikaw ay isang nagtitinda, nanaisin mong maunawaang mabuti ang iyong mga mamimili. Nais mong tiyakin na hindi mo mahahadlangan ang iyong mga benta dahil lamang nabigo kang malinaw na makipag-ugnayan sa kanila.
Bilang isang ministro o tagapangunang Kristiyano, hindi mo ibinibenta ang ebanghelyo, subalit ibinabahagi mo ang mabuting balita ng kaligtasan. Ang komunikasyon ay higit pang mas mahalaga sa isang ministro kaysa sa isang ordinaryong negosyante. Tulad ni Pablo, nais mong gawin ang lahat ng maaaring gawin upang mailapit ang ibang tao kay Cristo. Ang pag-uukol ng oras upang unawain ang iyong mga tagapakinig ay magbibigay sa iyo ng mas epektibong ministeryo.
Mga Takdang Aralin sa Aralin 9
(1) Sa simula ng susunod na aralin, kukuha ka ng pagsusulit batay sa araling ito. Maingat na pag-aralan ang mga tanong sa pagsusulit bilang paghahanda.
(2) Humanap ka ng isang lugar kung saan maaari kang makipagkuwentuhan sa isang mula sa ibang kultura. Ito’y maaaring sa isang restawrant, sa iglesya, o sa isang organisasyon sa komunidad. Sa iyong unang pagbisita, huwag mong sikaping mag-ebanghelyo. Sa halip, makinig ka at matuto. Magtanong ka sa kanya, maging palakaibigan, at magpakita ka ng pagmamahal. Pagkatapos ng iyong pagbisita, ibahagi ang iyong karanasan sa inyong klase. Ano ang iyong natutuhan sa pag-uukol ng oras kasama ng mga tao mula sa ibang kultura?
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Aralin 9
(1) Bakit kinakailangan ang komunikasyon sa magkakaibang kultura para sa mga mananampalataya?
(2) Maglista ng limang praktikal na pagsasa-alang-alangpara sa komunikasyon sa magkakaibang kultura na natutuhan mula sa araling ito.
(3) Bakit mahirap gamitin ang pagpapatawa sa komunikasyon sa magkakaibang kultura?
(4) Aling mga panuntunan ni Hesus ang nagbibigay sa atin ng pinakamahalagang payo para sa komunikasyon sa magkakaibang kultura?
(5) Ano ang limang sangkap na kinakailangan para sa epektibong paglilingkod at komunikasyon sa magkakaibang kultura?
(6) Maglista ng tatlong praktikal na hakbang upang maging mas mabuting tagapakinig.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.