Ang mga relasyon ng mga tao o relasyong pampubliko ay mahalaga sa paggawa ng anumang uri ng proyekto. Maraming tao na ang sumisira sa kanilang reputasyon at seryosong nakakahadlang sa ministeryo dahil sa di magandang relasyon ng mga tao. Maging ang mabubuting mga tao na may mabuting motibo ay nabigo sa mahahalagang pagkakataon sa minsteryo dahil sa kanilang di mabuting kakayahan sa pakikipag-ugnayan sa mga tao.
Ang mga pakikipag-ugnayan sa tao ay ang sining ng pagtatrabaho kasama ng ibang tao upang matupad ang isang gawain. Ang mabubuting relasyon ay nagbibigay ng magandang pakiramdam at sila’y nagiging bukas ang loob sa mga proyekto.
Ang mabubuting pakikipag-ugnayan ay isang mahalagang bahagi ng gawain ng isang pastor o Kristiyanong lider. Sa iyong pagbuo ng mabubuting pakikipag-ugnayan sa komunidad, nagbubukas ka ng mga pinto para sa ebanghelyo. Sa iyong pagbuo ng mga pakikipag-ugnayan sa iglesya at sa iba pang mananampalataya, nagkakaroon ka ng mga suporta para sa proyektong pangministeryo. Ang isang mahalagang bahagi ng komunikasyon ay ang kakayahang makipag-usap sa paraang nakukuha mo ang pakikiisa ng ibang tao. Ito ay nagpapalawak sa gawain ng Diyos.
Mga Relasyong Pantao sa Biblia
Ipinapakita ng Kawikaan ang kahalagahan ng positibong mga relasyon.” Ang mabuting pangalan ay dapat piliin, kaysa malaking kayamanan, at mabuti kaysa pilak at ginto ang magandang kalooban. (Kawikaan 22:1).
Ano ang malinis na pangalan? Ito ang reputasyon ng paggawa kung ano ang tama. Ito ang pagtingin ng mga tao sa iyo. Maaari mong tratuhin ang bawat isa nang makatarungan, subali’t kung may magsasabina ikaw ay hindi makatarungan, ikaw ay hahatulang di makatarungan. Kung minsan sinasabi nating, “Kung ano ang ating pagtanaw, iyon ang katotohanan.” Kung ano ang pinaniniwalaan ng tao tungkol sa iyo ay mahalaga; nakakaapekto iyon sa kanilang kagustuhan na makipagtulungan sa iyo. Ito ang relasyon ng tao: pagtatrabaho ayon sa pagtanaw. Ang pagkakaroon ng malinis na pangalan ay ang pananaw ng pagiging patas at kabutihan.
Si Rehoboam: Isang Halimbawa ng Masasamang Relasyon
Ang kuwento ni Rehoboam ay naglalarawan ng kahalagahan ng mabuting relasyon ng mga tao. Pagkamatay ni Solomon, ginawang hari si Rehoboam.
► Basahin ang kuwentong ito sa 1 Mga Hari 12:1-20.
Taglay ni Rehoboam ang lahat ng kanyang kailangan upang mamuno. Nasa kanya ang posisyon ng pagiging hari. Malinaw ng taglay niya ang basbas ng kanyang amang si Solomon. Si Jeroboam at lahat ng kongregasyon ng Israel ay nangako ng pakikipagtulungan sa kanya kung magiging mabait lamang siya sa mga tao. Ang buonghinaharap ng kanyang kaharian ay nakadepende sa kanyang kakayahang makipagrelasyon sa mga tao.
Sa isang maling pasya, tinanggihan ni Rehoboam ang matalinong payo ng mga nakakatandang lalaki at sa halip ay pinakinggan ang payo ng kanyang walang karanasang mga kabataang kaibigan. Bilang resulta ng pasya ni Rehoboam, ang bansa ay nahati, at ang Israel ay hindi na uli kailan man magiging iisang kaharian. Ang buong kasaysayan ng Israel ay nagdusa bilang resulta ng hangal na pasya ni Rehoboam.
Ano ang ilan sa mga pagkakamali sa mgapakikipag-ugnayan ni Rehoboam?
Hindi niya binigyang pansin ang mabuting payo ng matatalinong tao.
Hindi niya binigyang pansin ang pakiramdam at emosyon ng ibang tao.
Hindi niya binigyang pansin ang epekto sa ibang tao ng kanyang mga ginagawa.
Dapat mapagtanto ng mga Kristiyanong tagapanguna na hindi matatapos nang matagumpay ang isang proyekto kung walang tulong ng ibang tao. Hindi makapagtatrabaho ang sinuman kasama ng ibang tao kung wala siyang mabuting relasyon. Nagpakita si Rehoboam ng negatibong halimbawa ng mga relasyon. Mayroon ding mga positibong halimbawa sa Biblia na ating tatalakayin.
Si Pablo: Isang Halimbawa ng Mabuting Relasyon sa mga Tao
► Basahin ang 1 Corinto 9:15-23. Gumawa ng listahan ng mga prinsipyong kaugnay ng mga relasyon sa mga tao.
Nalalaman ni Pablo na mahalaga na maging sensitibo sanararamdaman ng iba. Ang sulat ni Pablo sa mga manananpalataya sa Corinto ay nagpapakita ng mga prinsipyo ng mabuting mga relasyon.
Isinuko ni Pablo ang Kanyang Sariling Personal na Karapatan.
Ang isang taong mabuti sa relasyong pantao ay handang isuko ang kanyang sariling karapatan. Sinabi ni Pablo na iniwan niya ang kanyang mga karapatan upang paglingkuran ang mga pangangailangan ng mga taga-Corinto.
Sa isang pagkakataon habang tumatakas mula sa kanyang mga kaaway, sinabi ni David na talagang nais niyang makainom ng tubig mula sa balon malapit sa kanyang tahanan sa Bethlehem. Marahil hindi niya iniisip na mayroong sinumang tutugon sa kanyang binanggit, subali’t tatlo sa kanyang pinakamahuhusay na sundalo ang dumaan sa hanay ng mga kaaway upang maikuha lamang siya ng tubig na iyon. Nang ibigay ang tubig kay David, ibinuhos niya iyon sa lupa (2 Samuel 23:14-17). Sinabi niya na ang kanyang naisin ay hindi sapat ang halaga upang ilagay sa panganib ang buhay ng iba. Iyon ay isang tugon tungkol sa relasyon ng mga tao. Maraming mga hari ang nagpahirap o nakamatay ng ibang tao para sa kanilang pagnanais, ngunit si David ay nagsuko ng kanyang karapatan na ituring nang naiiba kaysa sa ordinaryong tao. Dahil sa espiritung ito kaya’t naging napakataas ng respeto ng mga tao kay David.
Sa panahon ng isang krusadang pang-ebangheliko sa Jos, Nigeria, mayroong isang halimbawa ng ganitong uri ng relasyon sa mga tao. Sa panahon ng unang serbisyo, umulan nang napakalakas. Karamihan sa mga tao ay nakatayo sa ulan. Ang koro at lahat ng tinatawag na “mahahalagang tao” ay nasa entablado. Hindi pa oras upang mangaral; walang sasama ang loob kung ang tagapangaral at ang kanyang mga katulong ay umalis sa entablado at sumilong mula sa ulan. Sa halip, ang tagapangaral at ang kanyang buong grupo ay nanatili sa entablado at nagpatuloy sa pagsamba sa Panginoon sa kabila ng ulan. Ito ang nagbigay sa kanya ng tunay na advantage nang siya’y mangaral sa kongregasyon. Sa pagtalikod sa kanyang kaginhawahan, nagkaroon siya ng karapatang mapakinggan.
Ang Roma 14 ay nagbibigay ng isang nakakaakit na pag-aaral sa mga relasyong pantao.
► Basahin ang Roma 14.
Upang maunawaan ang kabanatang ito, dapat maunawaan kung ano ang ibig sabihin ni Pablo sa “ang malakas” at ang “mahina”. Ang “malakas” na tao na tinutukoy sa kabanatang ito ay yaong may malakas na konsiyensiya. Ang kanilang espirituwal na paggulang at pagkaunawa sa Salita ng Diyos ay nagpakita sa kanila na ang ilan sa mga usapin ay batay sa personal na kagustuhan, hindi ayon sa katuruan pamBiblia. Ang mahihinang tao ay yaong may mahinang budhi. Hindi pa sapat ang kanilang gulang sa pag-unawa sa Salita ng Diyos. Madaling masaktan ang kanilang budhi.
Maraming Hudyo ang may mahihinang budhi; sila ay natatakot na sumira sa mga tradisyon. Ang mga Hentil, sa kabilang dako, ay hindi nagtataglay ng ganitong mga tradisyon. Magagawa nila ang mga bagay na hindi magagawa ng mga Hudyo; makakain nila ang ilang klase ng pagkain na hindi ipinahihintulot sa mga Hudyo. Mahalagangtandaan na sa talatang ito na ang “mahina” at “malakas” ay hindi naglalarawan ng antas ng pagtatalaga ng sarili. Ang mga salitang ito ay patungkol lamang sa pagiging sensitibo ng budhi ng tao.
Kapag binabasa natin ang Roma 14, nakikita natin na talagang mahalaga kay Pablo na huwag makasakit sa iba. Hinikayat niya ang mga mananampalatayang Kristiyano na maging maingat sa kanilang mga ikinikilos. Ang kabanata ay isang magandang paglalarawanng mga prinsipyo ng mabuting relasyon ng mga tao. Ang mabuting pakikipagrelasyon at nangangailangan ng:
Paglalagay sa iba sa iyong unahan.
Pagtutuon ng pansin sa mga perception.
Pagtalikod sa iyong sariling personal na mga karapatan.
Pagiging sensitibo sa damdamin ng iba.
Hindi mo hahayaan ang maliliit na mga bagay na makalikha ng mga suliranin.
Isinuko ni Pablo ang kanyang mga personal na kagustuhan.
Ang nakababatang katuwang ni Pablo na si Timoteo ay may inang Hudyo, subali’t hindi pa siya tinutuli. Alam ni Pablo na hindi na kinakailangan ang pagtutuli para sa bayan ng Diyos. Sumulat na si Pablo ng isang mabigat na sulat tungkol sa pagtutuli (Galacia) at nakilahok sa Konseho ng Jerusalem na nagsabing hindi kinakailangan ang pagtutuli para sa mga Kristiyano.
Gayunman, hinikayat ni Pablo si Timoteo na magpatuli. Bakit? Upang gawing mas epektibo sa ministeryo si Timoteo. Alam ni Pablo na si Timoteo ay papasok sa mga sinagoga at magmiministeryo sa mga tagapakinig na Hudyo. Upang maiwasan ang mga katanungan tungkol sa isang taong hindi tuli na pumapasok sa sinagoga, mas mabuti para kay Timoteo na magpatuli. (Mga Gawa 16:3).
Sa isa pang pagkakataon sumang-ayon si Pablo na makibahagi sa sakripisyo ng paglilinis ng mga Hudyo. (Mga Gawa 21:18-26). Naniniwala ba siya na kinakailangang gawin ito upang malugod ang Diyos? Hindi, subali’t sumasang-ayon siya na gawin ito upang makahikayat ng mga kapatid na Hudyo para sa gawain ng Diyos. Nais niyang makasama sila upang sama-sama silang magtrabaho sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos. Bukal sa loob ni Pablo na isa-isantabi ang kanyang pansariling mga kagustuhan upang maisulong ang gawain ng Diyos.
Sa kabilang panig, tumanggi si Pablo na magkompromiso sa mga tungkol sa prinsipyo. Nang ang mga nagbalik-loob na Gentil sa Galacia ay hinigpitan na muling bumalik sa gawain ng pagtutuli, matibay ang kanyang paninindigan sa prinsipyo ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan lamang ng pananampalataya (Galacia 1-2, 5). Sa parehong dahilan, tinanggihan niyang pilitin ang isang Gentil na pastor, si Tito, upang magpatuli (Galacia 2:1-5) Kapag mayroong usapin tungkol sa prinsipyo, hindi makikipagkasundo si Pablo.
Gumamit si Pablo ng mga Pagpuri
Pansinin ang paraan nang pagsisimula ni Pablo sa kanyang mga sulat. [1] Pagkatapos ng pagbati karaniwan niyang pinupuri ang kanyang mga mambabasa. Kapag kailangan niyang sawayin ang mga tao sa iglesya, karaniwan siyang nagsasabi ng mga positibong mga bagay sa simula upang malaman ng mga tao na hindi siya laban sa kanila. Ito ay mabuting relasyon sa mga tao. Maging malaya sa mga pagpuri. Ito ay mabuting relasyon sa mga tao. Kapag nakikiharap sa ibang tao, dapat lagi mong sikapin na maging positibo. Maging isang tao na nagpapatatag ng iba, hindi taong nakakasira ng iba.
Si Pablo ay nakipagkaisa sa mga tao
Nalalaman ni Pablo kung paano makikipag-usap nang magalang sa mga tao at sa paraang sensitibo sa kultura. Nang magsalita siya sa harap ni Felix, sinabi ni Pablo:
“Yamang nalalaman ko na ikaw ay naging hukom sa loob ng maraming mga taon sa bansang ito, ay masigla kong gagawin ang aking pagtatanggol. (Mga Gawa 24:10).
Nang makipag-usap si Pablo kay Agrippa, sinabi niya:
“Itinuturing kong mapalad ako, Haring Agripa, na sa harapan mo ay gagawin ko ang aking pagtatanggol sa araw na ito laban sa lahat ng ipinaratang ng mga Judio; sapagkat bihasa ka sa lahat ng mga kaugalian at mga usapin ng mga Judio, kaya ipinapakiusap ko sa iyo na matiyaga mo akong pakinggan” (Mga Gawa 26:2-3).
Iginagalang ni Pablo ang mga posisyon ng mga awtoridad at hinarap sila nang may paggalang. May mga Kristiyano na nalimutan na ang kahalagahan ng pagiging magalang. Ang isang taong hindi gaanong magalang ay maaaring magsabi kay Felix, “Nalalaman kong ikaw ay hukom sa bansang ito, subali’t sumasagot lamang ako sa Diyos. Hindi mahalaga ang iyong opinyon!” Kung ito ang naging tugon ni Pablo, maaaring mawala sa kanya ang pagkakataon na ibahagi ang ebanghelyo sa opisyal na ito ng gobyerno. Bilang resulta ng paggalang ni Pablo, nakausap niya si Felix tungkol sa pananampalataya kay Kristo Jesus sa loob ng dalawang taon (Mga Gawa 24:24-27).
Pinag-aralan ni Pablo ang mga lugar kung saan siya magmiministeryo at nakatagpo ng mga paraan upang makipag-isa sa mga tao. Habang nangangaral sa Athens, binanggit ni Pablo ang isa sa mga paganong manunulat na popular sa mga Griego (Mga Gawa 17:28). Sensitibo siya sa kanyang mga tagapakinig.
Kung minsan, ang mga suliranin sa relasyon ay nalilikha ng mabubuting mga tao na tumitingin sa mga bagay-bagay mula sa kanilang sariling mga pananaw lamang. Nabibigo silang unawain kung ano ang pagtingin ng iba sa kanilang mga aksiyon. Sa halip na matupad ang isang mabuting layunin, ito’y lumilikha ng kasalungat na tugon. Ang kahalagahan ng mabuting relasyon ay humihingi sa atin na makiisa sa ibang tao at isa-alang-alang ang kanilang pananaw.
[1]Tingnan ang Roma 1:8, 1 Corinto 1:4-7, Filipos 1:3-6, Colosas 1:3-4, 1 Tesalonica 1:2-4, at 2 Tesalonica 1:3-4.
Mga Praktikal na Mungkahi para sa Mga Relasyong Pantao
Ang paglilinang ng mabuting pakikipagrelasyon sa ibang tao ay isa sa pinakamahalagang bagay tungkol sa isang proyekto. Maraming beses, ang mga suliraning kinakaharap natin sa ating mga proyekto ay dahil sa mahinang klase ng relasyon ng mga tao. Narito ang ilang panuntunan para sa mabuting relasyong pantao.
(1) Magsimula ka sa itaas.
Magsimula ka sa pakikipag-usap sa mga tao sa itaas ng isang organisasyon at unti-unting kumilos pababa. Ito ay mas madali kaysa magsimula ka sa ibaba at unti-unting kumilos paakyat sa taong kailangang gumawa ng desisyon. Ang impormasyon ay bumababa sa hagdan ng awtoridad nang mas mabuti kaysa sa paraang pataas.
Ang Africa ay isang lipunang awtoritarian. Malaking paggalang ang iniuukol sa taong nasa kapangyarihan. Ang mga tao sa ilalim ng awtoridad ay bihirang makagagawa ng anumang bagay nang walang pag-sang-ayon ng tao sa itaas. Ikinatatakot din ng mga tao ang pagiging malikhain at magmungkahi sa taong ito ng mga gagawin. Upang makaiwas sa kaguluhan, mabuti na dumiretso na sa kanya. Sa oras na makuha mo na ang permiso ng taong nasa posisyon, mas magiging kakaunti ang iyong mga suliranin sa pagtatrabaho sa mga nasa mas mababang posisyon. Kapag nagawa mo nang makuha ang pabor ng taong nasa itaas, malayo na ang narating mo sa paglutas ng mga suliranin. Ang iba pang mga manggagawa sa departamento na iyon ay magsisikap din upang matupad ang iyong proyekto.
Ang pinakamabuti mong magagawa para sa layunin ng mga relasyong pantao ay hindi lamang ang pagkuha ng pahintulot ng tao sa itaas kundi ang makuha rin ang kanilang pakikilahok. Subukin ding makuha sila upang maging kapwa isponsor sa iyong proyekto.
Si Dr. Danny McCain (ang sumulat ng kursong ito) at isang team ng iba pa ay nagtrabaho kasama ng 14 na Nigerian states upang lumikha ng Professional Certificate in Christian Education. Hindi lamang sila humihingi ng pagsang-ayon ng ministeryo ng edukayon ng mga estado. Hinihilingan din nila sila na maging co-sponsor ng mga proyekto. Pagkatapos, kapag ini-aadvertise nila ang programa, hindi lamang ito isang programa ng International Institute of Christian Studies; ito ay isang Plateau State proyekto ng pamahalaan. Ito ay isang matinding paghikayat sa kanilang pagsisikap sa kanilang relasyong pantao.
(2) Umayon ka sa takbo ng agos.
Ang pinakamabuting paraan upang matapos ang isang bagay ay humanap ng isang tao na nag-iisip na tungkol sa isang problema, o kaya’y interesado sa isang proyekto. Pagkatapos, humanap ka ng paraan upang tulungan silang lutasin ang problema, o palakihin ang proyekto. Mas madaling bentahan ng kompyuter ang isang tao na naghahanap ng mabibiling kompyuter kaysa sa isang tao na ni hindi alam na kailangan niya ito. Kung ikaw ay nagtatrabaho upang tuparin ang mga layunin ng isang tao, ang iyong proyekto ay nagiging kanila ring proyekto. Mas nagiging sa kanila rin ang proyekto, mas nagiging mabuti ang pakikipagtulungan.
Ang AIDS ay isa sa pinakamalaking suliraning kinakaharap ng Africa. Isang team ang lumikha ng isang proyekto na tutulong sa pamahalaang Nigeria upang matupad ang kanilang layunin ng pagsugpo ng AIDS. Gayunman, ginagawa iyon ng team gamit ang Biblia. Nakatagpo sila ng paraan upang tulungan ang pamahalaan na labanan ang AIDS habang ibinabahagi ang mensahe ng Biblia kasabay nito.
(3) Isama mo ang bawat isa sa iyo.
Laging maraming taong kasangkot sa isang matagumpay na proyekto. Dapat mong ipadama sa lahat ng kasama na sila ay bahagi ng proyekto. Ito ay isang napakahalagang prinsipyo. Upang makuha mo ang pinakamaraming suporta para sa anumang proyekto, kailangan mong maisali ang lahat ng posibleng makilahok dito.
May isang organisasyon sa US na pumunta sa Nigeria upang magdaos ng isang ebenghelistikong pagtulong. Sila ay mabubuting mga tao at naging matagumpay na sa ilang mabuting gawain. Gayunman, hindi nila naabot ang kanilang lubos na maaaring maabot. Ang ilang bahagi ng kanilang mga relasyon sa tao ay hindi epektibo. Halimbawa:
Wala silang sinumang lokal na tao sa entablado maliban sa tagapagsalin ng salita. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng lokal na tagapangunang Kristiyano sa entablado, maaari sana nilang natanggap ang pagpapala at respeto ng mga lokal na iglesya.
Hindi sila nakipagtulungan sa mga lokal na iglesya. Kung nakipagtulungan sana sila, ang mga lokal ay maaaring makilahok.
Dumating sila at ginawa nila ang karamihan sa gawain nang sila lamang. Binigyan nila ng pondo ang buong proyekto. Kaya’t nagtila sa kanila ang proyekto, sa halip na sa mga lokal na tao. Dahil dito, nabigo silang maisama ang lahat sa ministeryo.
(4) Kilalanin ang ibang tao.
Mahalaga na kilalanin ang kakayahan ng iba, kahit na hindi iyon nakahihigit sa iyo. Kapag ginawa mo iyon, nagpapakita iyon ng kababaang-loob, at ang kababaang-loob ay mabuti sa mga relasyon sa tao. Tulad ng nabanggit na sa una, malayang nagbigay ng mga pagpuri si Pablo sa mga taga-Tesalonica at iba pang mambabasa ng kaniyang mga sulat. Lagi siyang humahanap ng anumang bagay na maaari niyang matapat na bigyan ng pagpuri ang iba.
Kailangan nating maging sensitibo sa mga tao sa lahat ng antas. Humanap ng paraan upang kilalanin/purihin ang mga drayber sa kanilang pagmamaneho. Kapag nagpaayos ka ng iyong sasakyan, bigyang puri mo ang mekaniko. Batiin mo ang sekretaryang nakaupo sa harapan ng kompyuter at humanap ng paraan upang mapurisila sa kanilang kakayahan sa kompyuter. Mas lalo mong ipinadarama sa iba na magaling sila sa kanilang kakayahan, mas bubuti ang iyong relasyon sa kanila.
Sa pakikisosyo, magtuon ng atensiyon sa kabilang panig. Iparamdam mong mahalaga ang kasosyo mo. Tulungan mo siyang maunawaan na ang kaniyang bahagi ay isang mahalagang bahagi ng nasabing proyekto. Ipadama mo sa kasosyo mo na may pananagutan/responsible siya. Kung hindi niya nadarama ang pananagutan niya, kaunti lang ang kanyang gagawin. Kapag nagtatrabaho ka kasama ng ibang tao o organisasyon, ilagay mo ang pangalan ng taong iyon o ng organisasyon sa prominenteng lugar. Nakakatulong ito upang matupad ang gawain.
Tandaan na ang trabaho ang mahalaga, hindi kung sino ang gumawa. Kapag natapos ang gawin, at ibang tao ang tumanggap ng kredito, okay lang. Ang mahalaga ay nataposang proyekto.
(5) Maghanda ng mga kasulatang may propesyonal na kalidad.
Bagaman ayaw ng mga taong abala ang pagbasa ng mahahabang mga report, gusto rin nilang makita ang mga detalye. Ang isang detalyadong mungkahi na maraming mga pumapangalawang puntos para sa isang proyekto ay magbibigay ng larawang mukha ka ring propersyonal. Mas mukha kang propesyonal, mas malaki ang posibilidad ng pagtatagumpay.
Kapag nagpakita ka ng isang dokumento na puno ng mga detalye, nagpapakita iyon na alam mo kung ano ang iyong ginagawa. Kung sinisikap mong makuha ang permiso ng isang tao upang gawin ang isang proyekto, nais mong lumikha ng magandang impresyon. Isang paraan upang makapagpakita ng mabuting impresyon ay ang paghahanda ng mga dokumentong may kalidad. Mas propesyonal mong maipapakita ang iyong mga dokumento, mas magiging seryoso ang pakiharap ng mga tao sa iyo.
Naiwala ng Federal Ministry of Education sa Nigeria ang ilan sa mga dokumento na ibinigay ni Dr. Danny McCain sa kanila. Hiniling nila sa kanya na bigyan sila ng mga kapalit na kopya. Gumawa si Dr. McCain ng isang sama-samang rekord ng lahat ng kanilang correspondence. Gumawa siya ng napakagandang kopya nito at sama-samang inilagay sa isang maayos na folder. Humanga sila sa kanyang magiging propesyunal sa kanyang presentasyon. Lumikha ito ng higit pang mga pagkakataon para sa kanya upang makapagtrabahong kasama nila para sa kaharian ng Dios.
(6) Kilalanin na ang mabubuting mga relasyon ay kasinghalaga ng mabubuting mga kaisipan.
Sa mga proyekto, kinakailangan nating magtrabaho kasama ng ibang tao. Kung walang mabubuting mga relasyon, maging ang pinakamabuting proyekto ay babagsak. Hindi lamang kailangan mong magtrabaho sa iyong mga panukala, kailangan mo ring pagtrabahuhan ang pagpiprisinta ng panukalang iyon at ang paraan kung paano ka nakikiharap sa ibang tao. Maraming nagtitinda ang nakakukuha ng kontrata hindi dahil taglay nila ang pinakabuting produkto, kundi dahil sila ang may pinakamabuting personalidad. Para sa kapakanan ng kaharian ng Diyos, pagsikapan ninyong makalikha ng malalakas na relasyon sa ibang tao.
Sa positibong dahilan, dapat nating malaman kung sa anong bagay interesado ang ibang tao. Maging interesado ka sa kanilang mga interes. Sa negatibong dahilan, dapat nating malaman kung anong mga salita at parirala at mga gawain ang nagtataglay ng negatibong kahulugan. Dapat nating matutuhan ang pakikinig sa ating mga sinasabi sa pamamagitan ng tenga ng ibang tao. Ito ang dahilan kung bakit hinilingan ni Pablo si Timoteo na magpatuli; kung hindi tuli si Timoteo, malilimitahan ang kanilang ministeryo sa mga sinagoga.
May isang lalaki sa Abuja na napakahusay sa mga relasyong pantao. Lagi niyang sinasabi kung ano ang tamang sabihin upang maging relaks ang kanyang kausap at magkaroon ng mabuting pakiramdam tungkol sa kanyang trabaho.
Sa isang pagkakataon, pumasok siya sa opisina ng Kagalang-galang na Ministro ng Edukasyon, at sinabi niya sa sekretarya, “Marahil mabibigyan mo kami ng tatlong dahilan kung bakit hindi namin maaaring makita ang Kagalang-galang na Ministro ng Edukasyon ngayon. Ngunit alam na alam mo ang kanyang iskedyul. Maaari mo ba akong bigyan ng paraan upang makita ko siya?” Hindi ang sinabi niya ang mahalaga. Pinakamahalaga ay ang panahon na ginugol niya upang ituon ang atensiyon niya sa sekretarya at kilalanin ang kanyang kapangyarihan upang mapapasok siya sa opisina ng Ministro ng Edukasyon. Nag-ukol siya ng panahon upang kilalanin ang kanyang kahalagahan. Ang pagkilala sa kahalagahan ng ibang tao ay nagtatatag ng mga relasyon.
(7) Maging handang matuto.
Ang kagustuhan o kahandaang matuto ay isang magandang paraan upang magkaroon ng respeto. Kalikasan ng tao na laging hangaan ang isang taong handang matuto. Ang pag-amin na ikaw ay isa ring mag-aaral at hindi isang eksperto ay mabutingrelasyong pantao.
(8) Maging tapat.
Nang sumulat si Pablo kay Filemon para kay Onesimo, nagsimula siya sa pagpuri.
“Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos kapag naaalala kita sa aking mga panalangin, sapagkat nabalitaan ko ang iyong pag-ibig para sa lahat ng mga banal at ang pananampalataya mo sa Panginoong Jesus. Idinadalangin ko na ang pamamahagi ng iyong pananampalataya ay maging mabisa kapag nalaman mo ang bawat mabuting bagay na maaari nating gawin para kay Cristo. Sapagkat ako'y totoong nagalak at naaliw sa iyong pag-ibig, sapagkat ang mga puso ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid ko” (Felimon 1:4-7).
Pagkatapos ng kanyang papuri, humiling si Pablo:“Ako’y nakikiusap sa iyo para sa aking anak na si Onesimo na ako’y naging kanyang ama nang ako’y nasa bilangguan.” (Felimon 1:10). Taos-puso ang mga papuri. Tunay na naging pagpapala si Filemon kay Pablo at sa iba pang banal. Ang mga huwad na papuri ay walang kabuluhan. Maging tapat sa iyong mga relasyon sa ibang tao.
Mga Pagkakamaling Dapat Iwasan
Karamihan sa mga bagay sa araling ito ay isinulat mula sa positibong pananaw. Gayunman, may mga bagay na dapat nating pagsikapang iwasan. Ang mga bagay na ito ay nakakasira sa ating mga relasyon.
(1) Huwag magsentro sa sarili.
Ito ay napaka-basic na ideyang Kristiyano. Kung interesado lamang tayo sa ating sarili, ito ay madaling makita ng ibang tao. Sa wakas masasaktan nito ang ating proyekto. May isang masipag na lalaki na nakagawa ng maraming kabutihan. Gayunman, siya ay may masamang reputasyon dahil sa kanyang mga relasyon sa ibang tao. Magtatrabaho siya kasama ng isang tao hangga’t ang taong ito ay makakatulong sa kanya sa paggawa ng kanyang trabaho. Kapag ang taong ito ay hindi na kapaki-pakinabang sa kanya, iiwan na niya ito at kukuha ng bagong kasama.
Dapat tayong magsikap na mabuti upang maiwasan ang ganung pagtingin ng ibang tao. Hindi tayo dapat magbigay ng dahilan upang maniwala ang mga tao na tayo ay makasarili sa ating mga relasyon.
Kapag nagsasalita, iwasan ang labis na paggamit ng “ako, ” “ko, ” o “akin”. May mga pagkakataon na maaari kang magkuwento gamit nang epektibo ang mga pantukoy sa sarili. Gayunman, tandaan na ikaw ay bahagi ng isang team. Ang “tayo” ay mas masarap pakinggan kaysa sa “ako”.
(2) Huwag mong saktan ang ibang ministeryo.
Kung minsan tayo ay sobrang nakatuon sa ating sariling ministeryo, at di pinapansin ang ministeryo ng iba. Isa sa mga unang batas ng medisina ay “huwag kang magdulot ng kapahamakan.” Dapat ding ito ang isa sa pangunahing batas ng ministeryo. Dapat nating iwasan na makagawa ng kapahamakan.
(3) Huwag ninyong di-pansinin ang wastong panuntunan.
Ang wastong panuntunan ay napakahalaga sa maraming bansa. Mas mabuti na maging sobrang maingat kaysa maging sobrang walang ingat. Hindi binibigyang diin ng mga Amerikano ang protocol/panuntunan, at nahihirapan silang sundin ang wastong panuntunan sa ibang bansa. Gayunman, dapat mong igalang ang mga dapat igalang kung nais mong makapagtatag ng mga relasyon.
(4) Huwag mong madaliin ang mga bagay.
Ang isa sa pinakamalaking pagkakamali natin sa pagsasagawa ng anumang proyekto ay ang pagkabigo nating maglaan ng panahon upang makuha ang pakikipagtulungan ng ibang tao. Mabuting relasyon kapag naglaan ka ng oras –upang tiyakin na ang bawat isa ay nagtalaga ng sarili at maglagay ng mabuting pundasyon para sa iyong mga ginagawa. Kapag isinulong mo ang mga bagay nang masyadong mabilis, malamang na makasakitka ng ibang tao. Maglaan ka ng sapat na oras kapag nag-aayos ka ng proyekto.
(5) Huwag ninyong ikompromiso ang prinsipyo.
Tulad ng totoo sa lahat ng bagay, dapat magkaroon ng balanse sa mga relasyon. Kapag sobra tayong nagtuon sa mga relasyon ay makapagsisimula sa pagkokompromiso ng prinsipyo. Hindi kasalanan ang magkompromiso kapag hindi mo ikinokompromiso ang prinsipyo. Gayunman, dapat tayong magbantay laban sa pagkokompromiso ng mga prinsipyo. Tulad ng nakita natin sa itaas, hindi ikokompromiso ni Pablo ang mga prinsipyong Biblikal para sa kapakanan ng mga relasyon ng tao.
Konklusyon
Ang mabubuting relasyon ng mga tao ay isang mahalagang aspeto ng mabuting komunikasyon. Kung walang mabuting relasyon ng mga tao, ang lahat ng ating ibang komunikasyon ay mahahadlangan.
Marahil mararamdaman ninyo na ang paksang ito ay hindi mahalaga para sa inyo. Marahil iisipin ninyo, “Maliit lamang ang iglesyang pinagpapasturan ko. Hindi ko kailangang makipag-ugnayan sa mga opisyal ng pamahalaan. Bakit ko kinakailangang pag-aralan ang tungkol sa mga relasyong pantao?” Gayunman, ang bawat Kristiyanong tagapanguna ay nangangailangan ng relasyong pantao. Kahit pa malaki man o maliit ang inyong iglesya, ikaw ang kinatawan ng iyong iglesya (at ng kaharian ng Diyos) sa inyong pamayanan. Humanap ng mga oportunidad na magamit ang iyong presensiya sa komunidad upang maging kinatawan ng ebanghelyo. Humanap ng mga pagkakataon upang makipagtulungan sa ibang ministeryo at organisasyon upang maglingkod sa kaharian ng Diyos.
► Humahanap ka ba ng mga oportunidad upang magministeryo sa inyong komunidad? Available ka ba para sa mga gawaing pampubliko kung saan maaari mong katawanin ang iglesya at ang kaharian ng Diyos?
Mga Takdang Aralin sa Aralin 8
(1) Sa simula ng susunod na aralin, kukuha ka ng pagsusulit batay sa araling ito. Maingat na pag-aralan ang mga tanong sa pagsusulit bilang paghahanda.
(2) Mula sa isang diyaryo, magasin o mga mapagkukunan sa internet, humanap ng dalawang artikulo na maibabahagi mo sa inyong klase:
Isang artikulo kung saan ang isang lider ay nagpakita ng mabuting relasyong pantao. Pansinin kung ano ang ginawa niyang mabuti sa pakikipag-ugnayan sa publiko.
Isang artikulo kung saan ang isang tagapanguna ay nagpakita ng hindi mabuting relasyong pantao. Ano-ano ang mga resulta ng kanyang kabiguan? Sa paanong paraan sana mas epektibong paraan na isagawa ng tagapanguna ang sitwasyon? Anong aral ang matututuhan ninyo mula sa sitwasyong ito?
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Aralin 8
(1) Ano ang relasyong pantao?
(2) Ilista ang tatlo sa mga pagkakamali ni Rehoboam sa relasyong pantao.
(3) Ilista ang 3 sa 5 prinsipyo ng mabuting relasyong pantao na matatagpuan sa Roma 14.
(4) Ano ang dahilan na sumang-ayon si Pablo na isuko ang personal na kagustuhan?
(5) Maglista ng apat sa walong praktikal na mungkahi para sa relasyong pantao na ibinigay sa araling ito.
(6) Maglista ng limang pagkakamali sa relasyon sa mga tao na dapat iwasan.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.