Sa Aralin 1, nakita natin na ang Diyos ay isang komunikador, at ginagamit ng Diyos ang komunikasyon ng tao upang tuparin ang kanyang mga layunin. Sa Aralin 3, nakita natin na pinili ng Diyos ang kahangalan ng ating ipinapangaral upang iligtas ang mga sumasampalataya (1 Corinto 1:21). Sa Aklat ng mga Gawa, nakita natin na ang Diyos ay kumilos sa pamamagitan ng pangangaral ng mga lalaking tulad nina Pedro, Esteban, at Pablo upang abutin ng Ebanghelyo ang mundo.
Mahalaga ang pangangaral. Tayo na mga tinawag upang mangaral ay may tungkuling mangaral nang epektibo hanggang sa abot ng ating makakaya. Bagaman ang kapangyarihan sa pangangaral ay ultimong nagmumula sa paghirang ng Banal na Espiritu, dapat tayong maghanda sa pinakamabuting maaabot ng ating kakayahan. Ang tagapangaral ay dapat magsikap upang maging “manggagawang walang anumang dapat ikahiya, na gumagamit nang wasto sa salita ng katotohanan” (2 Timoteo 2:15).
Ang pangangaral ay isang kakayahang maaaring paunlarin. Tulad ng iba pang kakayahan, gumagamit ang pangangaral ng mga tiyak na kasangkapan at mga pamamaraan. Sa mga susunod na pahina, pag-aaralan natin ang mga proseso sa paghahanda, pagpiprisinta at pagtatago ng mga sermon. Ang ating pagsisikap ay hindi pumapalit sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Gayunman, inihahanda tayo nito upang magamit niya.
Mga Unang Ginagawa Sa Paghahanda ng Sermon
Sumulat ng mga Tala
Kapag nalalaman mo na mangangaral ka sa isang tiyak na talata o paksa, magsimula kang sumulat ng anumang ideya na naiisip mo tungkol sa talata o temang iyon. Maaari kang sumulat ng mga tanong, mga kaugnay na bahagi sa Biblia, obserbasyon, mga sipi, mga pagsasabuhay, mga paglalarawan, mga kuwento, o anumang kaisipang dumarating sa iyong isip. Isulat mo ang mga ideyang ito habang iniisip mo ang mga ito, nang hindi sinisikap na isaayos ang mga ito. Isasaayos mo ang iyong mga ideya sa ibang panahon, subali’t sa oras na ito dapat mong kunin ang mga ideya nang nakasulat sa pinakamabilis at pinakahustong detalye ayon sa kakayahan.
Isulat ang Tema
Ang tema ay isang-pangungusap na buod ng nais mong sabihin sa sermon. Tumutulong ang tema upang magtuon ka sa kung ano ang nais mong matupad sa sermon. Kung wala kang tiyak na layunin, hindi gaanong marami ang iyong matutupad.
Sumulat ng ilang posibleng tema. Magpatuloy ka sa pagsusulat hanggang makita mo ang pinakaangkop sa iyong sermon.
► Pagsasanay ng Kakayahan. Basahin ang sumusunod na mga teksto sa kasulatan: Galacia 5:16-26, Fiipos 2:1-11, at Pahayag 3:14-22. Para sa bawat teksto, sumulat ng isang pangungusap na tema na angkop para sa isang sermon sa teksto.
Sa oras na nakapagpasya sa tema, ang lahat ng ibang bagay sa sermon ay dapat nakaugnay sa temang iyon. Ang bawat punto at pangalawang punto, ang bawat paglalarawan, at bawat punto ng pagsasabuhay ay dapat nakaugnay sa ilang paraan sa tema. Habang naghahanda ka ng sermon, maaaring kailanganin mong baguhin ang tema upang mas maipahayag ang binibigyang-diin ng iyong materyal.
Ang tema ay maaaring banggitin nang paulit-ulit sa kabuuan ng sermon. Sa dulo ng bawat pangunahing punto at kung minsan kahit sa gitna ng mga puntos, uulitin mo ang tema. Kung maayos mong nabuo ang sermon, ang tema ay mauugnay sa bawat seksiyon ng sermon.
Gamitin ang Tema
Magsimulang sumulat ng mga punto sa balangkas. Ang mga punto sa balangkas ay dapat tumulong sa pagpapaliwanag ng tema. Ang bawat mabuting balangkas ay mayroong dalawa hanggang limang puntos, kayat magpatuloy ka sa pagsusulat ng mga puntos na maaaring maging puntos sa iyong balangkas.
Marahil sa ngayon ay makasulat ka na ng ilang pahina ng impormasyon. Ang mga impormasyong ito ay maaari o hindi man na makasama sa huling anyo ngsermon, ngunit ang mga notes ay pupukaw sa iyong pagkamalikhain habang inihahanda mo ang sermon.
Sumulat ng Simpleng Balangkas para sa Sermon
Ang balangkas ay dapat batay sa tema.
Ang bawat punto at pumapangalawang punto ng balangkas ay dapat batay sa temang pinili mo para sa sermon. Nakakatulong ito upang i-focus ang isip ng kongregasyon sa pangunahing mensahe na nais mong iparating.
Basahin ang Awit 146 at pagkatapos ay pag-aralan ang balangkas na ito para sa sermon na may pamagat na, “Purihin ang Panginoon.” Ang tema ng expositoryong pangangaral na ito ay pagpupuri para sa Panginoon.
Pansinin na ang lahat ng apat na pangunahing puntos ay nakaugnay sa tema ng pagpupuri sa Panginoon. Kung ikaw ay nangangaral patungkol sa pagpupuri sa Panginoon, hindi magiging angkop na maglagay doon ng isang punto patungkol sa kahalagahan ng bawtismo. Ang bawat punto sa balangkas ay dapat nakabatay sa tema ng sermon.
Halimbawa ng Isang Balangkas Para sa Expository Sermon
Pamagat:Purihin ang Panginoon
Text: Awit 146
A. Pinupuri Natin ang Diyos dahil sa Kung Sino Siya (146:1-5).
1. Siya si Yahweh (146:2a).
2. Siya ay Elohim (146:2b).
3. Siya ang Diyos ni Jacob (146:5).
B. Pinupuri Natin ang Diyos dahil sa Kanyang Ginawa (146:6a).
1. Nilikha ng Diyos ang kalangitan.
2. Nilikha ng Diyos ang daigdig.
3. Nilikha ng Diyos ang dagat.
4. Nilikha ng Diyos ang lahat ng iba pang bagay.
C. Pinupuri Natin ang Diyos dahil sa Kanyang Ginagawa (146:6b-9).
1. Iniingatan niya ang katotohanan (146:6b).
2. Iginagawad niya ang kahatulan para sa mga inaapi (146:7a).
3. Nagbibigay siya ng pagkain sa mga nagugutom (146:7b).
4. Pinalalaya niya ang mga bilanggo (146:7c).
5. Nagbibigay siya ng pisikal na kagalingan (146:8a).
6. Pinalalakas niya ang kalooban ng mga nanghihina ang loob (146:8b).
7. Minamahal niya ang matuwid (146:8c).
8. Tinutulungan niya ang nangangailangan (146:9a).
9. Pinahihirapan niya ang masasama (146:9).
D. Pinupuri Natin ang Diyos dahil sa Kanyang Gagawin (146:10).
1. Ano ang gagawin ng Diyos? “Ang Panginoon ay maghahari magpakailanman…”
2. Ano ang dapat nating maging tugon? “Purihin ang Panginoon.”
Ang balangkas ay dapat magtaglay ng magkakaagapay na kaisipan.
Ang karaniwang pagkakamali ng mga tagapangaral ay ang paghahanda ng mga balangkas na hindimagkakaagapay. Kapagganito ang paraan, nahihirapan ang mga tagapakinig na sundan ang kaisipan ng sermon. Tingnan ang balangkas ng sermon na may pamagat na “Si Cristo Jesus: Isang Maunawaing Punong Saserdote” batay sa Hebreo 8.
Halimbawa ng Isang Balangkas Na Hindi Magkakaagapay
Pamagat: Si Cristo Jesus: Isang Maunawaing Punong Saserdote
Teksto: Hebreo 8
A. Ang Pagiging Pari sa Pagsamba ng Israel
1. Tatlongtungkulin sa Israel.
a. Ang Hari
b. Ang Propeta
c. Ang Saserdote
2. Mga Ministeryo ng pari sa Pagsamba sa Israel
B. Si Jesus – Ang Perpektong Punong Saserdote
1. Si Jesus: Ang Punong Saserdote na Nilikha ng Diyos
2. Si Jesus: isang Perpektong Sakripisyo
3. Direktang nagtungo si Jesus sa presensiya ng Diyos sa Kalangitan, ang Walang Hanggang Tabernakulo
C. Si Jesus – Ang Perpektong Tagapamagitan
1. Si Jesus ang tagapamagitan sa Diyos at sa tao.
2. Taglay Niya ang perpektong pag-unawa ng tao at maaari Siyang matapat na maging kinatawan ng tao sa harap ng Diyos.
May dalawang suliranin sa balangkas na ito:
1. Ang ikalawa at ikatlong pangunahing puntos ay magkaagapay sa isa’t-isa, subali’t hindi ito magkaagapay sa unang punto.
2. Sa ilalim ng ikalawang pangkalahatang punto, mayroong tatlong sub-points. Ang unang dalawa ay magkaagapay; mayroon silang “si Jesus” na may tutuldok pagkatapos ng salita at pagkatapos ay isang paglalarawan kay Jesus. Gayunman, ang ikatlong punto ay isang buong pangungusap.
Ihambing ang sermong ito sa naunang sermon na may pamagat na “Purihin Ang Panginoon.” Makikita mo na ang naunang sermon ay mas madaling sundan.
1. Ang bawat pangunahing punto ay nagsisimula sa phrase na “Pinupuri natin ang Diyos dahil sa….”
2. Ang mga kasunod na puntos sa ilalim ng bawat pangunahing puntos ay magkaagapay sa isa’t-isa.
Ang unang set ay nagsisimula sa phrase na “Siya si/ay. .”.
Ang ikalawang set ay nagsisimula sa phrase na “Nilikha ng Diyos. .”
Ang ikatlong pangkat ay may “Siya ay. .” kasama ng isang pandiwang pangkasalukuyan tulad ng “Iniingatan Niya” at “Pinahihirapan Niya.”
Maraming benepisyo ang pagsusulat ng malinaw na balangkas batay sa tema ng iyong sermon.
1. Ang pagbabalangkas ay nagbibigay ng istruktura sa iyong sermon. Ang balangkas ay isang plano ng pag-oorganisa.
2. Ang pagbabalangkas ay nagpapanatili ng iyong pagtuon ng iyong pansin sa pangunahing tema. Kung wala kang mabuting balangkas na gagabay sa iyo, madaling mapalayo mula sa paksa. Gayunman, ang isang malakas na balangkas na binuo ayon sa tema ay magpapanatili ng focus ng sermon.
3. Ang pagbabalangkas ay tumutulong upang maunawaan at matandaan ng tagapakinig ang sermon. Bagaman hindi nila nakikita ang balangkas, mararamdaman nila ang pagkakaayos nito. Ang isang mabuting balangkas ay nakatutulong sa tagapakinig upang maalala nang mas matagal ang sermon dahil ang balangkas ay nagpapatibay sa tema. Kapag nagagawa nating madaling maalala ang mensahe ng sermon, makapagsasalita ang Diyos sa katotohanan sa mga tagapakinig sa maraming araw pa pagkatapos nating mangaral.
Nangangailangan ng dagdag na trabaho ang isang mabuting balangkas, subali’t sulit naman iyon sa huli. Ito ang mahirap na parte ng gawain ng pagiging isang manggagawang walang dapat ikahiya. Ang kabutihan lamang, mas matagal kang nagtatrabaho dito, nagiging mas madali ang gawain.
► Upang maintindihan kung paano nakakatulong sa atin ang modelo upang maalala ang impormasyon, sikaping isaulo ang bawat isa sa mga sumusunod na listahan. Alin ang mas madali? Bakit?
Mga Bilang: 24, 15, 3, 30, 9, 6, 18, 27, 12, 21
Mga Bilang ayon sa pagkakasunod-sunod (bumilang ng tatlo tatlo): 3, 6, 9, 12, 15, 18, 21, 24, 27, 30
Mga Pangalan: Ezra, Cain, Balaam, Gabriel, David, Felix, Adan
Mga Pangalang sunod-sunod ayon sa alpabeto: Adan, Balaam, Cain, David, Ezra, Felix, Gabriel
Pagsusulat ng Sermon
Sumulat ng Mas Pinahabang Balangkas para sa Sermon
Pinalalawak ng pinahabang balangkas ang balangkas na nasimulan mo na. Ang pinahabang balangkas ay gumagamit ng mga buong pangungusap subali’t inaayos nito ang mga kaisipan sa isang anyong balangkas sa halip na sa isang anyong talata. Ang pinahabang balangkas ay madaling gamitin sa pulpito. Kapag mayroon kang mga puntos, mga pumapangalawang puntos at ibang detalye na nakaayos sa ilalim ng punto na sinusuportahan nila, madaling makita ang punto at mga pumapangalawang puntos na kailangang gawin.
Isulat ang Pasimula
Dapat mong isulat nang buo ang iyong pasimula. Ang pasimula ang unang bagay na maririnig ng tagapakinig. Kapag hindi mo nahuli ang atensiyon ng tagapakinig sa unang ilang minuto, maaaring hindi ka na magkaroon ng pagkakataon na makuha ang kanilang atesiyon. Kahit hindi mo isusulat ang iyong buong sermon, mabuting isulat mo ang iyong pasimula dahil napakahalagang bahagi ito ng iyong buong sermon.
Ang pasimula ng inyong sermon ay karaniwang maglalaman ng mga sumusunod na pangkalahatang tala:
(1) Teksto mula sa kasulatan
(2) Pambungad na Pananalita (kung minsan ay nauuna sa teksto)
(3) Tema
Dapat mong isulat ang temang balak monggamitin sa sermon. Kung minsan, maaari mong sabihin sa tagapakinig kung ano ang tema sa pasimula; sa ibang pagkakataon, maaari mong banggitin sa ibang panahon. Gayunman, dapat mangibabaw ang tema sa iyong balangkas upang ipaalala sa iyo kung ano talaga ang nais mong talakayin.
(4) Pinagmulang Impormasyon
Dito dapat kang magbigay ng detalye ng pinagmulang impormasyon na kinakailangang malaman ng tagapakinig upang maunawaan ang sermon. Kabilang dito ang detalye ng background ng kasulatan. Maaari ring kabilang dito ang mga personal na detalye tulad ng kung paano mo pinili ang tekstong ito. Maaaring ito’y isang pangungusap tungkol sa pagtitipon kung saan ikaw ay nagsasalita, lalo na kung ikaw ay binigyan o may itinakdang paksa o teksto.
Palawakin ang iyong orihinal na balangkas gamit ang mas maraming detalye.
Sa hakbang na ito, magdaragdag ka ng mga detalye sa iyong orihinal na balangkas. Sa isang pinahabang ayos ng balangkas, gumagamit ka ng mga buong pangungusapna nagpapakita ng bawat mahalagang punto sa iyong sermon. Ang sumusunod ay isang angkop na pagkakatitik at pagkakabilang na paraan sa pagbabalangkas ng mga puntos at sub-points:
Pinahabang Anyo ng Balangkas
I. Pangunahing punto sa balangkas
A. Pangunahing Punto
1. Pumapangalawang Punto
a. Detalye
(1) Dagdag na detalye
(a) Dagdag na mga Kaisipan
(i) Iba pang kaisipan
(ii) Iba pang kaisipan
(b) Dagdag na mga Kaisipan
(2) Dagdag na mga Detalye
b. Mga Detalye
2. Pumapangalawang Punto
B. Pangunahing Punto
II. pangunahing punto sa balangkas
Humanap ng mga Angkop na Paglalarawan
Isa sa pinakamalaking pagkakaiba ng isang mabuting sermon at ng isang mahinang sermon ay ang paraan kung paano ang mga ito ay inilarawan. Sinabi ni Charles Spurgeon, “Ang sermon ang bahay. Ang mga paglalarawan ang mga bintana na nagpapapasok ng liwanag.” Ang mga paglalarawan ang nagbibigay liwanag at nagiging mas komportable ang kuwarto. Ang isang bahay na walang bintana ay nakapanlulumong lugar.
Maraming kabutihang idinudulot ang mga kuwento sa isang sermon.
1. Lumilikha ng interes ang mga kuwento. Karaniwang nakikinig nang mas mabuti ang mga tao kapag ikaw ay nagkukuwento.
2. Nagpapabuti sa pag-unawa ang mga kuwento. Madalas mas mauunawaan ng mga tao ang iyong sermon bilang resulta ng isang mabuting kuwento.
3. Tumutulong ang mga kuwento sa aplikasyon. Ang isang mabutingkuwento ay tumutulong sa iyong tagapakinig upang maunawaan kung paano gagamitin ang mga aral sa sermon sa kanyang sariling buhay.
4. Pinatataas ng mga kuwento ang ating memorya. Maaalala ng isang tagapakinig ang kuwento sa mahabang panahon kahit matagal na niyang nalimutan ang balangkas ng sermon. Ang isang kuwentong maingat na pinili ay malinaw na maglalarawan sa mensahe ng sermon kaya’t kapag naaalala ng tagapakinig ang kuwento, naaalala rin niya ang tema ng sermon.
5. Ang mga kuwento ay likas na pamamaraan sa pagtuturo. Sanay ang mga tao na makarinig ng mga kuwento at sila ay tutugon ng positibo sa mga ito. Ang mga pinakamahuhusay na tagapangaral at tagapagturo ay iyong nakapagbibigay ng magagandang kuwento. Mahirap humanap ng taong ayaw makarinig ng mabuting kuwento.
Si Jesus ang dalubhasa sa paggamit ng mga kuwento at mga paglalarawan. Nagkuwento siya mula sa kasaysayan, nagkuwento tungkol sa pang-araw-araw na buhay, at mga tradisyunal na kuwento na alam na alam sa kanyang kapanahunan. Gumamit di siya ng mga salitang-palarawan mula sa lahat ng antas ng buhay upang tulungan ang kanyang mga tagapakinig na maunawaan ang kanyang mensahe.
Bakit maraming ikinuwento si Jesus? Dahil Siya ang Manlilikha at nauunawaan niya ang ating kalikasan. Nauunawaan niya na pinakabuti tayong matututo sa pamamagitan ng mga kuwento.
► Upang maunawaan kung paano tumutulong ang mga kuwento upang maalala natin ang aral, isipin ninyo ang bawat isa sa mga kuwentong ito ni Jesus. Huwag ninyong hahanapin ang kuwento sa Biblia, naaalala ba ninyo ang aral na itinuro ni Jesus gamit ang kuwento?
Ang Mabuting Samaritano
Ang Alibughang Anak
Ang Lalaking Mayaman at si Lazaro
Ang Publikano at ang Pariseo na Nananalangin
"Dapat kang magsikap nang mabuti sa pag-iipon ng mga mabubuting paglalarawan at paggamit ng mga ito sa iyong mga sermon. Mabuti ring isulat mo nang buo ang mga kuwento upang alam mo kung paano mo ito ikukuwento sa pulpito."
Kahit hindi mo madalas inuulit ang mga sermon, maaarimongpaulit-ulit na gamitin ang mga kuwento. Kapag nakabuo ka ng mabuting kuwento bilang paglalarawan ng isang tiyak na punto, walang dahilan upang hindi mo muling gamitin ang kuwento upang ilarawan ang parehong punto sa ibang sermon, lalo na kung iba naman ang mga tagapakinig. Kapag nag-ulit ka ng isang mabuting kuwento, walang tatayo upang iwan ka. Ang totoo, gustong-gusto ng ilang bata na makinig sa pangangaral ng ilang piling ebanghelista dahil inuulit nila ang parehong magagandang kuwento. Nais nating marinig nang paulit-ulit ang mga awit. Karamihan sa mga tao ay natutuwa na mulingmarinig ang mga kuwento.
Laging naroon ang panganib na ang isang mangangaral ay magkukuwento upang libangin lamang ang mga tao. Ang paglibang ay hindi wastong dahilan upang gumamit ng mga kuwento sa mga sermon. Gayunman, malaki ang naitutulong ng mga kuwento sa pagpapanatili ng atensiyon ng iyong kongregasyon at sa pagliliwanag ng mga puntos sa iyong sermon.
► Dapat mag-praktis ang klase sa paghanap na mabuting ilstrasyon para sa ilang pamilyar na teksto sa sermon. Pahanapin ang mga mag-aaral ng istorya na naglalarawan sa pangunahing punto ng teksto sa kasulatan.
Deuteronomio 6:7-9. Ang kahalagahan ng pagtuturo at pagdisiplina ng ating mga anak.
Mateo 6:1-18. Ang motibasyon ng pagbibigay, pananalangin o pag-aayuno.
Roma 5: 6-8. Ang pag-ibig ng Diyos sa makasalanan.
Santiago 3:5-6. Ang kapangyarihan ng dila.
Mas mahaba ang sermon, mas makakatulong ang pagkakaroon ng mabubuting kuwento. Oras na magsimula kang magkuweto, ang mga natutulog ay nagigising; ang mga nag-iisip ng ibang mga bagay ay muling magpopokus ng kanilang atensiyon sa iyong mga sinasabi, at ang mga nakikinig ay matutuwa sa pagbabago.
Narito ang ilang mungkahi sa paghahanda at pagkukuwento:
1. Pagsanayan ang iyong mga kuwento. Ito ay talagang mahalaga lalo na kung ikaw ay hindi pa mahusay na tagapagkuwento.
2. Hanggang maaari gawing makatotohanan ang kuwento. Huwag kang gumamit ng “Si Mister A” at “Si Mister B”, “si Kuwan” at “si Ano” na mga pagsasalita. Gumamit ng mga tunay na pangalan at ilarawan ang mga kuwento nang makatotohanan hangga’t maaari, kahit na kailanganing baguhin ang pangalan o pangyayari upang maingatan ang mga kumpidensyal.
3. Magkaroon ng elemento ng sorpresa sa iyong kuwento. Huwag mong sasabihin, “May nakakatuwang kuwento ako sa inyo.” Pinakamabuti na huwag bumanggit ng kahit ano tungkol sa kuwento sa simula.
4. Gumamit ng mga kuwentong sarili mo. Ito ang mga kuwentong naranasan mo o kaya’y personal mong nalalaman. Ang mga kuwentong ito ay gumagamit ng mga pansariling panghalip tulad ng Ako, Ko, Akin, at Kami. Ito ang pinakaepektibong mga kuwento na magagamit mo.
5. Huwag magbigay ng masyadong maraming detalye. Dapat mas maging interesting ang kuwento mo gamit ang mga detalye, subali’t hindi ito dapat makalito sa iyong punto. Kapag tumigil ka upang ipaliwanag ang di-gaanong mahalagang detalye ng isang kuwento, malalayo iyon sa pangunahing punto ng kuwento. Mahalaga ang punto ng kuwento, hindi ang mga dagdag na detalye na hindi konektado dito.
6. Pumili ng mga salitang mauunawaan ng iyong tagapakinig. Huwag kang gumamit ng mga salitang hindi pamilyar ang iyong tagapakinig dahil sa kanilang kapaligiran o kakulangan ng edukasyon.
7. Huwag gumamit ng mga hiniram na kuwento na tila ba ito’y nangyari sa iyo. Walang masama sa paghiram ng kuwento mula sa iba. Gayunman, may mga taong nanghihiram ng kuwento na nangyari sa iba at ikinukuwento iyon na tila siya ang nakaranas noon. Kapag natuklasan ng iyong tagapakinig na hindi talaga sa iyo nangyari iyon, masisira ang kanilang tiwala saiba pang bagay na sinabi mo.
Pag-aralan mong maging isang mabuting tagapagkuwento. Ang isang tuntunin na dapat sundin ng bawat pastor ay ito: Huwag ka kailanman mangangaral nang hindi ka nagkukuwento.
Kung nais mong magtrabaho sa isang bahagi lamang ng iyong pangangaral sa susunod na taon, pag-aralan mo kung paano magpipresenta ng mabubuting paglalarawan. Agad mapapansin ng iyong mga tagapakinig ang pagkakaiba. Kapag natututuhan mo ang epektibong paggamit ng mga kuwento sa iyong mga sermon, mababago ko mula sa pagiging isang karaniwang tagapangaral at magiging isang mabuting tagapangaral o mula sa pagiging mabuting tagapangaral ay magiging mas mabuting mangangaral.
Isulat Mo Nang Buo ang Iyong Sermon
Ang pagsusulat ng iyong buong sermon ay malaking trabaho! Kung ikaw ay mangangaral linggo linggo, hindi mo ito magagawa sa bawat sermon. Gayunman, matutuklasan mo na ang pagsusulat ng iyong buong sermon ay isang mabuting paraan upang disiplinahin ang iyong sarili at upang mapabuti ang iyong mga sermon. Maraming dahilan kung bakit dapat isulat nang buo ng isang tao ang kanyang mga sermon.
Nakakatulong sa pagpapanatili ng atensiyon ang Pagsusulat.
Kapag tayo’y nag-aaral, ang ating isipan ay madaling malayo. Ang pagsusulat ay nakakatulong upang ituon ang ating atensiyon. Kapag ikaw ay nag-aaral, nakakatulong kung pipilitin mo ang iyong sarili na isulat ang isang tala tungkol sa bawat talata o parirala o kahit ang bawat salitang iyong pinag-aaralan. Ang pagtutuon ng isip sa paghahanap ng mga bagay na isusulat ay pipilit sa iyo na mag-isip; ang pag-iisip ay magbubunga ng mga insights/tagong isipan na hindi mo pa nakita sa nakaraang panahon. Ang proseso ng pagsusulat ng iyong mga iniisip ay magbubunga ng mas marami pang isipin.
Nakakatulong ang pagsusulat upang makita mo ang katotohanan na maaaring hindi mo makita kung hindi nakasulat.
Kapag pinipilit mo ang iyong sarili na sumulat ng kahit ano kaugnay sa bawat talata na iyongpinag-aaralan, hahanap ka hanggang sa makakita ng anumang maaari mong isulat. Maaaringiyon ay isang bagay na hindi mo pa nakita kailan man. Kapag pinilit mo ang iyong sarili na sumulat ng 10 mga bagay tungkol sa isang partikular na talata, kamangha-mangha ang maaari mong matutuhan.
Ang mga Puritano ay kilala sa kanilang kakayahan na makakita ng maraming katotohanan kahit sa iilang talata lamang ng Kasulatan. Nakukuha nila ang impormasyong ito dahil gumugol sila ng maraming oras sa pagbubulay-bulay ng mga talata sa Biblia at isinusulat nila ang kanilang mga kaisipan. Si Thomas Boston, isang pastor na Puritano, ang sumulat ng isang buong aklat batay sa isang talata lamang sa Ecclesiates: “Isaalang-alang mo ang gawa ng Dios; sinong makapagtutuwid sa ginawa niyang baluktot?” (Ecclesiates 7:13). Isipin mo kung gaano karaming oras ang ginugol niya sa pag-iisip sa talatang ito at pagsusulat ng kaniyang mga kaisipan!
Nakakatulong ang Pagsusulat upang ayusin ang iyong mga kaisipan.
Kapag tayo’y nag-aaral, nais nating mahuli ang lahat ng kaisipan na dumadating sa ating isip sa pagsusulat ng mga iyon. Ang ating mga kaisipang naitala ang magiging pangunahing materyal na gagamitin natin sa pagbuo ng ating sermon. Pagkatapos, inoorganisa natin ang mga kaisipang naitala at ilalagay ang mga iyon sa sermon. Ang proseso ng pagsusulat ng sermon ay pipilit sa atin na pag-isipan ang mga katotohanangiyon nang sapat na panahon upang mailagay ang mga iyon sa lohikal na kaayusan. Ang pagsusulat ng buong sermon ay nangangailangan at nagbibigay ng kakayahan na iorganisa ang ating mga iniisip.
Ang pagsusulat ang nag-iingat ng permanenteng talaan ng mga itinuturo ng Diyos sa iyo.
Ang Awit 137:4-6 ay humihikayat sa mga mambabasa na alalahanin ang mga pagpapala ng Diyos.
“Paano namin aawitin ang awit ng PANGINOON sa isang lupaing banyaga? O Jerusalem, kung kita’y kalimutan, makalimot nawa ang aking kanang kamay! Dumikit nawa ang aking dila sa aking ngalangala, kung hindi kita maalala, kung ang Jerusalem ay hindi ko ilagay sa ibabaw ng aking pinakamataas na kagalakan!
Hindi nais ng Diyos na limutin natin ang mga pagpapalang ipinagkaloob niya sa atin. Wala isa man sa atin ang may perpektong memorya; gayunman, kapag isinulat natin ang mga iyon, magkakaroon tayo ng talaan ng mga itinuturo ng Diyos sa atin sa ating pag-aaral ng kanyang mga Salita.
Nang humanap ang Diyos ng isang paraan upang mapangalagaan ang katotohanan mula sa isang henerasyon hanggang sa susunod pa, pinili niyang isulat iyon sa isang aklat. Ang hukuman ay sumusulat ng mga bagay bilang isang nakasulat na tala na nangangalaga ng mga opinyon sa hukuman. Isinusulat ng mga manggagamot ang kanilang pagsusuri na ibinibigay sa mga pasyente. Isinusulat ng mga arkitekto ang kanilang mga plano para sa mga gusali at ibang istruktura. Hindi ba natin karaniwang inaasahan na isusulat ng mga mangangaral ang ibinibigay ng Diyos sa kanila, upang maaari nilang balikan ang mga katotohanang ito sa hinaharap?
Ang pagsusulat ay nagbibigay sa iyo ng kapaki-pakinabang na gamit upang makatulong sa ibang tao.
Laging mayroong mga taong nagdaramdam na nangangailangan ng iyong tulong. Kung naging matapat ka sa pagsusulat ng mga aral na itinuro sa iyo ng Diyos, ang kasangkapan na ito ay magiging kapaki-pakinabang kahit man lang sa tatlong bagay:
1. Maaari mong pagbalik-aralan sa iyong alaala kung ano ang mga itinuro ng Diyos sa iyo.
2. Maaari mong ibahagi sa iba ang iyong sermon sa pamamagitan ng paggawa ng mga kopya para sa iba. Madalas na humihingi ang mga tao sa sumulat ng kursong ito ng nakasulat na kopya ng isa sa kanyang mga sermon. Naibahagi na niya ang mga nakasulat na sermon sa daan-daang katao. Nakatanggap na siya ng maraming positibong report mula sa mga natulungan ng kanyang mga sermon.
3. Ang pagsusulat ay kapaki-pakinabang sa mga sermon, mgaartikulo o mga aklat sa hinaharap. Halos lahat ng mga aklat ay nagsisimula sa mga miscellaneous notes. Kaunti lamang ang taong basta lamang uupo at susulat ng isang aklat mula simula hanggang wakas. Ang pagkolekta sa iyong mga notes mula sa mga sermon ay maaaring maging simula ng isang mas malaking gawain.
Pag-iingat ng mga Talaan ng mga Sermon
Kapag komunsulta ka sa isang doctor, susuriin ka niya at gagamutin. Pagkatapos, susulat siya ng mga tala tungkol sa kanyang naging pagsusuri at paggamot. Kapag bumalik ka sa doctor na iyon, mayroon siyang talaan ng iyong kasaysayang pangmedikal. Gayun din ang ginagawa ng mga abogado. Nagtatago sila ng mabubuting record tungkol sa kanilang trabaho.
Ang gawain ng Diyos ay higit na mas mahalaga kaysa sa mga sekular na gawaing iyon. Mahalaga na magtago ng mabubuting mga records ang mga mangangaral. Dapat lumikha ang mga mangangaral ng isang sistema ng pagtatago ng mga records at pag-aayos ng kanilang mga sermon. Narito ang ilang mungkahi sa pagliligpit at pagtatago ng mga record.
Maayos na Itago ang iyong mga Sermon
Mayroong ilang pamamaraan upang itago ang mga sermon. Maaari mong itago ayon sa mga teksto, ayon sa paksa, o ayon sa petsa. Maaari ka rin gumawa ng kumbinasyon ng dalawang pamamaraang ito.
Isang paraan ng pagsasaayos ay ang sumusunod na pangkat:
Halimbawa ng Pag-organisa ng Sermon File
Lumang Tipan
Mga Sermon mula sa Pentateuch
Mga Sermon mula sa Mga Aklat ng Kasaysayan
Mga Sermon mula sa Mga Aklat ng Karunungan
Mga Sermon mula sa Mga Awit
Mga Sermon mula sa Mga Propeta
BagongTipan
Mga Sermon mula sa Mga Ebanghelyo
Mga Sermon mula sa Mga Gawa
Mga Sermon mula kay Pablo
Mga Sermon mula sa Pangkalahatang Mga Liham
Mga SermongTopical
Mga Sermong Pangmisyon
Mga Sermong Pang-tagapanguna
Mga Sermon tungkol saTalambuhay
Mga Sermon na Nag-e-ebanghelyo
Magtago ka ng Mga Talaan ng Iyong Pangangaral
Dapat kabilang dito ang petsa, paksa o titulo, teksto, at iba pang detalye. Itinatago ng sumulat ng kursong ito ang lahat ng kanyang mga lumang sermon sa filefolders o nakatago sa isang computer. Itinatago niya ang mga pangkasalukuyang mga sermon sa isang malaking notebook.
Konklusyon
Ang komunikasyon ay kapwa isang sining at isang agham. Ito ay kapwa isang kaloob mula sa Diyos at ang resulta ng pagsisikap ng tao. Sinasabi ng Biblia, “Sa bawat binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kanya,” (Lucas 12:48).
Maraming mahahalagang katotohanan ang ipinagkaloob ng Diyos sa atin na mga mangangaral. Ang pinakamabuting magagawa natin ay italaga ang ating mga sarili sa pinakamabuting maaaring paraan upang maibahagi ang mabubuting mga bagay na ito. Pakaseryosohin ninyo ang inyong tungkulin na maghanda ng mga epektibong mga pangangaral.
Sinusunod ng pangangaral ang batas ng pag-aani. Kapag inihanda mo at itinanim nang mabuti ang binhi, magiging mabuti rin ang pag-aani. Kapag nabigo kang ihanda at itanim ang binhi, hindi ka makakaasa ng mabuting ani.
Ihandang mabuti ang lupa ng iyong puso. Itanim ang mga katotohanan ng Salita ng Diyos sa iyong mga sermon. Aanihin mo ang gantimpala ng matagumpay na pangangaral.
Mga Takdang Aralin sa Aralin 4
(1) Sa simula ng susunod na aralin, kukuha ka ng pagsusulit batay sa araling ito. Maingat na pag-aralan ang mga tanong sa pagsusulit bilang paghahanda.
(2) Para sa takdang-araling ito, gagawin natin ang mga hakbang sa paghahanda ng sermon. Pumili ng isa sa mga sumusunod na teksto bilang pagsasanay.
Awit 8
Isaias 55:1-9
Juan 3:1-21
1 Corinto 13
(A) Sumulat ng mga ideya na iniuugnay mo sa iyong talata o paksa.
(B) Sumulat ng isang pangungusap na tema na angkop para sa isang sermon sa teksto.
(C) Gamit ang mga gabay-tuntunin sa leksiyong ito, sumulat ng isang balangkas ng sermon para sa teksto.
(D) Sumulat ng isang pinalawak na balangkas para sa sermon.
(E) Humanap ng kahit man lang dalawang angkop na mga paglalarawan para sa iyong sermon.
(3) Tulad sa Aralin 3, iprisinta ang 8-10 minutong sermon sa klase. Ang bawat isang miyembro ng klase ay dapat magsagot ng isang assessment form sa likod ng gabay sa kursong ito.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Aralin 4
(1) Maglista ng apatsamga bagay na maaari mong isulat pagkatapos magpasya kung ano ang talata o paksa ng iyong pangangaral.
(2) Ano ang tema ng isang pangangaral?
(3) Ano ang pagkakamali sa sumusunod na balangkas ng sermon? (Piliin ang tamang sagot)
Hindi lahat ng mga puntos ay nakaugnay sa tema.
Ang balangkas ay hindi binubuo ng magkakaagapay na kaisipan.
Ang mga puntos ay hindi lahat nakaugnay sa tema at hindi rin magkakaagapay/parallel sa isa’t-isa.
Walang pagkakamali sa balangkas.
BALANGKAS NG SERMON
Ang tema: Purihin ang Panginoon.
Balangkas:
A. Pinupuri natin ang Diyos dahil sa kung sino Siya
B. Pinupuri natin ang Diyos dahil sa ginawa Niya
C. Dapat nating mahalin ang ating Kapwa
(4) Maglista ang tatlong benepisyo ng pagsusulat ng malinaw na balangkas para sa iyong sermon.
(5) Tama ba ito o Mali: Sa isang mas pinalawak na balangkas, pinalalawak mo ang bawat punto upang maging buo ang mga pangungusap.
(6) Kung ang isang sermon ay maihahambing sa isang bahay, ano ang mabubuting paglalarawan?
(7) Maglista ng tatlo sa limang mabubuting dahilan sa paggamit ng mga kuwento sa isang sermon.
(8) Maglista ng tatlo sa limang kapakinabangan sa pagsulat ng iyong buong sermon.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.