Sinasabi ng Biblia na pinili ng Diyos na iligtas ang mundo sa pamamagitan ng kahangalan ng pangangaral (1 Corinto 1:21). Ang pangangaral ang paraang pinili ng Diyos upang ipahayag ang kanyang katotohanan kapwa sa hindi mananampalataya at sa mananampalataya. Pangunahing naipalaganap ang Kristiyanismo sa pamamagitan ng pangangaral.
Ang pangangaral ay nagingbahagi ng Kristiyanismo mula pa sa simula. Si Juan Bautista ay dumating na nangangaral sa ilang ng Judea (Mateo 3:1). Pagkatapos ng pagtukso kay Jesus, mababasa natin, “Mula noon si Jesus ay nagpasimulang mangaral” (Mateo 4:17). Sa araw ng Pentekostes, tumayo si Pedro at nangaral (Mga Gawa 2:14). Ang salitang pangangaral ay iniugnay kay Pablo ng siyam na beses sa aklat ng Mga Gawa. Ang pangangaral ay patuloy na isa sa mga pinakamahalagang tungkulin ng mga tagapangunang Kristiyano.
Paglalarawan ng Pangangaral
Mga Kahulugan ng Pangangaral
Ang pangangaral ang pasalitang komunikasyon ng mga katotohanan ng Kristiyanismo sa isang pampublikong talakayan na may layuning makalikha ng pagbabago sa mga tagapakinig.
Sinabi ni John Stott, “Ang pangangaral ay ang pagbubukas ng tekstong kinasihan nang may katapatan at sensitibidad na ang tinig ng Diyos ay naririnig at sinusunod siya ng bayan ng Dios.”[1]
Kapag tayo’y nangangaral, dapat nating hayaan ang Diyos na magsalita sa pamamagitan natin (1 Pedro 4:11). Dapat maiparating ang kanyang mensahe sa mga tagapakinig. Dahil dito, ang Salita ng Dios, hindi ang ating mga kuro-kuro o palagay ang dapat maging teksto para sa ating pangangaral.
Mga Pangunahing Salita na Kaugnay sa Pangangaral
Sa Bagong Tipan, may dalawang pamilya ng mga salitang Griyego na tumutukoy sa pangangaral. Ang unang pamilya ng mga salita ay tumutukoy sa pagpapahayag ng anumang klase ng mensahe, mabuti man o masama, paghatol o pag-asa. Ngunit ang ikalawang pamilya ng mga salita ay nakatuon sa pangangaral ng isang mensaheng positibo, nanaghahayag ng mabuting balita.
Ang mga salita mula sa dalawang pamilyang ito ng mga salitang Griego ay ilang beses ng ginamit na magkasama. Halimbawa, sinasabi ng Mateo 4:23 nasi Jesus …” nilibot ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral (G2784)[2] ang ebanghelyo (G2098) ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.”
Ang Unang Pamilya ng mga Salitang Tumutukoy sa Pangangaral
1. (Pandiwa) Opisyal na nagpapahayag ng katotohanan (G2784).”Upang iparating bilang isang mensahero o magpahayag tulad ng isang mensahero.”[3] Ang salitang ito ay ginamit upang ilarawan ang ministeryo ni Juan Bautista (Mateo 3:1), ni Jesus (Mateo 4:17), ng mga disipulo (Mato 10:7), ni Felipe (Mga Gawa 8:5), at ni Pablo (Mga Gawa 9:20).
Ginamit ni Pedro ang salitang ito upang ilarawan ng kanyang sermon kay Cornelio; inutusan ni Jesus ang kanyang mga disipulo upang mangaral sa mga tao at patotohanan na siya ang itinakda ng Diyos upang siyang hahatol sa mga nabubuhay at sa mga patay (Mga Gawa 10:42).
2. (Ngalan) Ang mensaheng ipinahayag (G2782) “ng isang mensahero o pampublikong tagapagbalita, isang proklamasyon ng isang mensahero.”[4] Ang salitang ito ay ginamit nang 8 beses sa Griegong Bagong Tipan. Ito rin ay ginamit upang tumukoy sa mga pangunahing katuruan ng mga unang Kristiyanismo:
Tinupad ni Jesus ang Kasulatan ng Lumang Tipan na nangako sa pagdating ng isang Mesiyas.
Si Jesus ay pumunta sa iba’t-ibang lugar na gumagawa ng mabuti at nagsasagawa ng mga himala.
Si Jesus ay ipinako sa krus, namatay, muling nabuhay at umakyat sa langit.
Isang araw, si Jesus ay babalik sa lupa.
Magsisi, sumampalataya, at magpabautismo, at tatanggap ka ng kapatawaran sa iyong mga kasalanan at ng kapuspusan ng Banal na Espiritu.
Ang mga doktrinang ito ang nasa sentro ng mensahe ng mga apostol. Ito ang ipinapangaral ng unang iglesya.
3. (Ngalan) Ang taong naghahatid ng mensahe (G2783). Ang salita ay ginamit upang ilarawan ang isang sumisigaw sa bayan o sa isang pampublikong mensahero. Siya ang nagdadala ng mga opisyal na mensahe mula sa mga royal o opisyal ng pamahalaan. Katulad siya ng tagapagsalita ng pangulo sa ating panahon.
Ang salitang ito ay natagpuan ng tatlong beses lamang sa Bagong Tipan. Sa 1 Timoteo 2:7 at 2 Timoteo 1:11, ginamit ni Pablo ang salitang ito nang sabihin niya na siya ay hinirang bilang isang mangangaral. Sa 2 Pedro 2:5, inilarawan ng salitang ito si Noe bilang isang tagapangaral ng pagiging matuwid.
Ang Ikalawang Pamilya ng mga Salitang Tumutukoy sa Pangangaral
Mayroong ikalawang pamilya ng salitang Griego na ginamit sa Bagong Tipan na tumutukoy sa pangangaral. Ang lahat ng mga salitang ito ay nauugnay sa isang salita (G2097)na nangangahulugan ng magdala ng mabuting balita o magpahayag ng mabubuting mga bagay.
Ang unang pagkakataon na ang salitang iyon ay ginamit sa Bagong Tipan ay isang mabuting halimbawa ng salita: “Ang mga bulag ay nakakakita, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakakarinig, at ang mga patay ay muling binubuhay at ipinangangaral sa mga dukha ang magandang balita (Mateo 11:5). Ang mga bulag, pilay, ketongin, bingi at ang mga dukha ang siyang nangangailangan ng mabuting balita.
Ang pamilya ng mga salita:
1. (Ngalan) Ang mabuting balita na ipinahayag (G2098). Hindi ito basta isang mensahe lamang na ipinangaral, kundi ang positibong mensahe ni Cristo Jesus na nag-aalok ng kapatawaran ng kasalanan at ng isang makabuluhang buhay. Nagsisimula sa ganitong paraan ang Ebanghelyo ni Marcos: “Ang pasimula ng ebanghelyo ni Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos.” (Marcos 1:1). Nais ni Marcos na malaman ng kanyang mga mambabasa na ang pagdating ni Jesus ay isang napakabuting bagay.
2. (Ngalan) Ang taong nagpapahayag ng mabuting balita (G2099). Ang salitang ito ay isinalin na “ang ebanghelista/mangangaral”. Si Felipe ay inilarawan bilang isang tagapagbalita (Mga Gawa 21:8) at si Timoteo ayb hinikayat na gawin ang gawain ng isang ebanghelista (2Timoteo 4:5).
Isang Pamilya ng Mga Salita na Tumutukoy sa Pagtuturo
May isa pang pamilya ng mga salita na kailangan ng paliwanag, mga salitang nakaugnay sa pagtuturo. Ang pinakakaraniwang salita para sa pagtuturo (G1321) ay nangangahulugan na “pagkakaroon ng pagpapahayag sa iba sa layuning bigyan sila ng panuntunan.”[5] Ang salitang ito ay ginamit ng maraming beses sa Bagong Tipan, sa iba’t-ibang anyo. Madalas na inilalarawan si Jesus bilang isang tagaapagturo (Mateo 8:19, at hindi kukulangin sa 40 ibang beses). Isa sa mga posisyon sa unang iglesya ay ang posisyon ng tagapagturo (Mga Gawa 13:1, 1 Corinto 12:28).
Ang kakayahang magturo ang isa sa mga kuwalipikasyon ng tagapanguna sa glesya (1 Timoteo 3:2). Ang tagapagturo ay may tungkuling isalin ang karunungan at kaalaman mula sa kanya patungo sa isa pang tao. Dahil ang unang iglesya ay isang bagong kilusan, nangangailangan ito ng mabubuting tagapagturo na makapagsasalin sa iba tungkol sa mga bagong katuruan. Ang isa sa pinakamahalagang bagay na ginawa ni Jesus sa panahon ng kanyang huling tatlong taon sa lupa ay ang ihanda ang kanyang mga disipulo upang ituro ang mabuting balita.
Ano ang pagkakaiba ng pangangaral at pagtuturo? Bagaman ito’y tila labis na pinasimple, ang isa sa pinakamabuting pagkakaiba sa pagitan ng dalawa ay ito: Ang pagtuturo ay nakatuon pangunahin sa isipan samantalang ang pangangaral ay nakatuon pangunahin sa kalooban.
Ang layunin ng pagtuturo ay magkomunikasyon ng impormasyon. Ang layunin ng pangangaral ay palakasin ang loob ng tagapakinig upang gumawa ng isang pagpapasya. Ang mga ebanghelistikong pangangaral ay nagtatangkang hikayatin ang isang tao upang magpasya na tanggapin si Kristo. Ang pastoral na pangangaral ay nagtatangka na hikayatin ang isang tao na magpasya tungkol sa paksa na nilalaman sa sermon. Halimbawa, may isang pastor na nagsermon na may pamagat na “Sa Sinumang Marami ang Ipinagkaloob, Marami Rin ang Inaasahan.” Sinabi niya sa mga tao na kilalanin nila na binigyan sila ng Diyos ng mga napakalaking pag-aariat dapat nila itong gamitin para sa kaluwalhatian ng Diyos. Ito ang pangangaral na pampastoral.
Ang mga tao sa kongregasyon ay maaaring isipin na ang isang mangangaral ay katulad ng isang tagapagturo kapag ang kanyang istilo ay hindi kasing-dynamic nang inaasahan nila mula sa isang mangangaral. Gayunman, ang istilo ng pagsasalita ay hindi mabuting batayan upang paghambingin ang pangangaral at ang pagtuturo.
Ang bawat mabuting sermon ay dapat maglaman ng panuntunan at karamihan sa mga katuruan ay mayroong praktikal na aplikasyon na humihingi ng tugon. Hindi malaki ang pagkakaiba ng pangangaral at ng pagtuturo.
Mayroong dalawang pangkalahatang kategorya ng pangangaral.
Pangangaral na Pang-ebanghelismo
Ang layunin ng isang sermong pang-ebanghelismo ay upang hikayatin ang tagapakinig na magpasya na tanggapin si Cristo Jesus bilang Tagapagligtas. Ang pangangaral na pang-ebanghelismo ay karaniwang nakatuonsa mga di-mananampalataya. Nakakalungkot lamang, maraming mga pastor ang nangangaral ng mga sermon pang-ebanghelismo sa kanilang mga miyembro lamang. Bagaman maaaring angkop na mangaral paminsan-minsan ng sermon pang-ebanghelismo sa iglesya, bihirang makikita ng isang pastor na nangangaral ng sermon pang-ebanghelismo lamang na ang kanilang mga miyembro ay lumalago nang higit pa sa espirituwal na pagiging bata. Sinasabi ng sumulat ng Hebreo, “Kaya’t iwan na natin ang mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo’y magpatuloy sa kasakdalan, na huwag nating muling ilagay ang saligan ng pagsisisi….” (Hebreo 6:1).
Karamihan sa mga sermon sa Aklat ng mga Gawa ay ebanghelismo ang anyo. Kabilang dito ang mga sermon kapwa sa mga Hudyo at Hentil na hindi mananampalataya. Ang una sa mga ito ay ang sermon ni Pedro pagkatapos na pagkatapos ng Pentekostes (Mga Gawa 2:14-39). Ang isang halimbawa ng tipikal na sermon sa mga tagapakinig na Hudyo ay ibinigay sa sinagoga sa Pisidia, Antioch (Mga Gawa 13:16-41). Ang isang halimbawa na ibinigay sa mga Gentil na tagapakinig ay ang sermon ni Pablo sa mga pilosopo sa Athena (Mga Gawa 17:22-31).
► Ang bawat miyembro ng klase ay dapat pumili ng isa samga sermon mula sa Mga Gawa upang pag-aralan. Basahin ang sermon at gumawa ng listahan ng mga bagay na ipinangaral sa sermon. Ilan sa mga pangunahing katuruan ng Kristiyanismo na nakalista sa itaas ang nilalaman ng sermon? Talakayin at paghambingin ang mga sermon sa inyong klase.
Halimbawa ng Isang Ebanghelikong Sermon
Pamagat: Lumapit Kayo sa Akin
Text: Mateo 11:28-30
I. BAKIT TAYO ANG DAPAT LUMAPIT KAY HESUS?
A. Dahil sa Kung Sino si Hesus
Makatuwiran lang na itanong, “Sino si Hesus?” Ang sagot ay maaaring hatiin sa dalawang bahagi.
1. Si Hesus ay tao.
2. Si Hesus ay Diyos.
B. Dahil sa Kung Ano ang Katulad ni Hesus
1. Si Hesus ay “mahinahon at mababang-loob.” Siya ay mapagpakumbaba. Ito ay nagmumungkahi na:
a. Hindi siya taong marahas, kundi mabuti at mahinahong tao.
b. Hindi siya taong mayaman kundi isang karaniwang tao.
2. Si Hesus ay isang makapangyarihang tao.
C. Dahil Sa Ipinangako ni Hesus
1. Ipinangako ni Hesus na bibigyan ka ng kapahingahan sa iyong kaluluwa.
2. Ipinangako ni Hesus na ang kanyang pamatok ay magiging magaan at ang kanyang pasanin ay magaan.
II. PAANO TAYO LALAPIT KAY HESUS?
A. Lalapit Tayo Nang May Pagsisisi
1. Ang pagsisisi ay may kalakip na maka-Diyos na kalungkutan para sa kasalanan.
Ito ang klase ng kalungkutan ni David nang siya’y magkasala kasama ni Batseba.
2. Ang pagsisisi ay may kalakip na pagpapahayag ng kasalanan.
3. Ang pagsisisi ay may kalakip na pagtalikod sa kasalanan.
B. Lalapit Tayo Nang May Pananampalataya
1. Ang pananampalataya ay paniniwala sa Diyos.
Dapat tayong maniwala na siya nga ay Diyos at ngbibigay gantimpala sa kanila na matiyagang humahanap sa Kanya. (Heb. 11:6).
2. Ang Pananampalataya ay pagtatalaga ng sarili sa Diyos.
C. Lalapit Tayo nang May Pagpapahayag ng Kasalanan
1. Ang pagpapahayag ay ang pag-amin sa ating makasalanang kalagayan.
2. Ang pagpapahayag ng kasalanan ay lubusang pagbubukas sa harap ng Dios
Pangangaral na Pastoral
Ang layunin ng pampastoral na pangangaral ay ang itatag at palakasin ang mga mananampalataya. Ito ang pangunahing tungkulin ng isang pastor. Ang pangangaral na pastoral ang pinakakaraniwang anyo ng pangangaral sa mga kongregasyong Kristiyano.
Matapos magsimula ang pag-uusig sa Jerusalem, lumaganap ang iglesya pahilaga patungo sa Antioch sa Syria. Maraming Hentil ang naging mananampalataya. Narinig ito ng iglesya saJerusalem. Ang sumusunod ang tala ng kanilang tugon.
Nakarating ang balita tungkol sa kanila sa mga pandinig ng iglesya na nasa Jerusalem at kanilang sinugo si Bernabe sa Antioquia. Nang siya'y dumating at nakita ang biyaya ng Diyos, ay nagalak siya at kanyang hinimok ang bawat isa upang manatili sa Panginoon na may katapatan ng puso; sapagkat siya'y mabuting lalaki at puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya. At napakaraming tao ang idinagdag sa Panginoon. (Mga Gawa 11:22-24).
Ang ministeryo ni Bernabe sa Syria ay ministeryo sa mga mananampalataya. Ipinapakita ng talatang ito ang kapangyarihan ng pastoral na pangangaral. Bagaman nangaral si Bernabe sa mga mananampalataya, “maraming tao ang idinagdag ng Panginoon.” Ang mabuting pastoral napangangaral ay nagpapatibay sa mga mananampalataya at binibigyan sila ng kakayahang gawin ang gawain ng Diyos, kabilang ang pag-eebanghelismo.
Maraming mga halimbawa ng pangangaral sa mga di-mananamplataya sa Mga Gawa. Gayunman, may isa lamang halimbawa sa Mga Gawa ng sermon na ipinangaral sa mga mananampalataya (Mga Gawa 20:18-35). Ito ay ipinangaral nang anyayahan ni Pablo ang mga matatanda ng iglesya ng Efeso sa tabing-dagat upang magpaalam sa kanila. Kristiyano silang lahat at nagsalita si Pablo sa kanila bilang mga Kristiyano. Kung paanong ang sermong ito sa mga tagapangunang taga-Efeso ay naiiba sa tipikal na ebanghelikong sermon ni Pablo, ang ating pangangaral sa mga mananampalataya ay karaniwang maiiba rin sa pangangaral sa mga hindi mananampalataya.
Mga Klase ng Sermon
Maraming iba’t-ibang klase ng sermon tulad din ng iba’t-ibang personalidad ng mga tagapangaral. Gayunman, ang mga sermon ay nahahati sa ilang pangkalahatang kategorya. Ang alinman sa mga pamamaraang tatalakayin sa ibaba ay maaaring gamitin kapwa sa maka-ebanghelista o sa pastoral na pangangaral.
Topikal na Pangangaral
Kahulugan ng Topikal na Pangangaral
Ang topical sermon ay umiikot sa isang paksa o tema. Ang layunin ng sermon ay gumawa ng isang pangunahing punto. Ang balangkas ng sermon ay binubuo sa isang lohikal na paraan sa halip na buuin iyon mula sa isang partikular na teksto. Sinusuportahan ng tagapangaral ang mga punto sa sermon gamit ang mga teksto na nakaugnay sa paksa mula sa ibang bahagi ng Biblia.
Kapakinabangan ng Topikal na Pangangaral
Sa pagbibigay ng suportang Biblikal para sa isang topical sermon, maaaring gamitin ng sinuman ang pinakamahuhusay na talata sa partikular na paksang iyon sa halip na buuin ang punto mula sa isa lamang teksto sa Kasulatan. Sa isang topikal na pangangaral maaaring buuin ang tema sa paraang kapag ang tao ay umalis sa pagtitipon alam niya nang malinaw kung ano ang pinag-usapan. Sa maraming dahilan, ang isang topikal na pangangaral ang pinakamadaling maunawaang klase ng sermon. Ang mga topikal na pangangaral ay mas madali at mas mabilis na naihahanda kaysa karamihan sa ibang klase ng mga sermon.
Dalawang Panganib Na Kaugnay ng Topikal na Pangangaral
1. Maling paggamit ng Kasulatan. Mapanganib kung gagawa ng isang sermon at pagkatapos ay hahanap ng mga talatang susuporta sa mga puntos. Mali na gumamit ng isang talata upang suportahan ang isang punto, kapag ang talatang iyon ay hindi naman tunay na nakaugnay sa punto o hindi nangangahulugan nang ayon sa inaangkin mong kahulugan nito.
2. Nagiging hindi balanse sa pangangaral. Kapag nangangaral ng topical sermon, malamang na ipangaral ng mangangaral tungkol sa mga bagay na malakas ang kanilangpakiramdam. Karaniwang nangangahuluganito na napapabayaan nila ang ibang mahahalagang katuruan nula sa Kasulatan. Sa kabilang dako, kapag ang tao ay gumagamit ng expositional preaching (na tatalakayin natin sa ibang pagkakataon), ang teksto sa Biblia mismo ang tumutulong upang tukuyin ang mga paksa at tema.
Halimbawa ng Isang Topical na Sermon
Pamagat: Maraming Patunay: Isang Sermon Tungkol sa Muling Pagkabuhay
Teksto: Mga Gawa 1:1-3
I. Ang ebidensiya ng libingan na walang laman (Mateo 28:1-7;Juan20:1-9)
II. Ang ebidensiya ng mga pagpapakita pagkatapos ng muling pagkabuhay (Mateo28:16- 20; Lucas 24:13-35;Juan 20:11-29; 1 Corinto 15:3-8)
III. Ang ebidensiya ng mga nabagong buhay (Mga Gawa 4:1-13)
*Ang sermong ito ay mula sa How Sweet the Sound, isang koleksiyon ng mga sermon ni Rev. G. R. French. Ginamit nang may pahintulot ng Gospel Publishing Mission.
Tekstual na Pangangaral
Mga Katangian ng Textual na Pangangaral
Ang isang textual sermon ay batay sa isang teksto o talata mula sa Biblia. Halimbawa, maaaring mangaral ang sinuman sa isang teksto, “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan” (Roma 6:23). Sa isang textual nasermon sa talatang ito, maaaringmagsalita tungkol sa “kabayaran”, “kasalanan, ” at “kamatayan”. Ang tema atpangunahing mga puntos ng sermon ay karaniwang nanggagaling sa teksto. Ang mga katangian, kalakasan, at kahinaan ng isang textual sermon ay may malaking pagkakatulad sa isang topical sermon, dahil ang tagapangaral ay maaaring magbigay ng maraming ideya na hindi mula sa teksto mismo.
Ang mga Afrikano at African-American ay nangangaral ng mga textual sermon nang higit sa ibang anyo at nagagawa nila ito nang napakaepektibo. Isa sa mga tradisyunal na anyo ng pagkatuto sa Africa ay ang kawikaan, isang maikli at natatandaang pangungusap na nagtuturo ng mga puntos ng karunungan. Ang tekstongBiblikal ay isa ring maikli at natatandaang pangungusap na nagtuturo ng mga puntos ng karunungan. Ginagamit ng tekstual na pangangaral ang tradisyunal na anyo ng pagtuturo; ito ang nagpapaganda sa tekstual na pangangaral.
Isang Halimbawa ng Tekstual na Sermon
Pamagat: “Sa bawat binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kanya.”
Teksto: Lucas 12:48
1. Ang atingtinatangkilik (“Ngunit sa bawat binigyan ng maram”)
2. Ang atingresponsibilidad (“ay marami ang hihingin sa kanya”)
Isang Halimbawa ng Tekstual na Sermon
Pamagat: Pamumuhay Bilang Bayan ng Diyos
Text: Roma 12:1b-2
1. Huwag kayong umayon sa paraan ng mundo.
2. Magbago na.
3. Ang kalooban ng Diyos.
4. Ihandog ninyo ang inyong sarili sa Diyos.
Mga BiograpikongPangangaral
Mga Katangian ng Biograpikong Pangangaral
Ang isang biograpikong pangangaral ay batay sa isang tauhan sa Biblia. Ang pangangaral ay nagbibigay diin sa mabubuti o masasamang katangian nitoat magbibigay ng paglalapat sa buhay batay sa mga katangiang iyon.[1]
Dahil ang mga tao ay mas kawili-wili kaysa sa mga prinsipyo, ang biograpikong pangangaral ay mas tinatanggap kaysa sa ibang anyo ng mga sermon. Mayroong daan-daang tauhan sa Biblia na maaaring pagbatayan ng pangangaral ng mga biograpikong pangangaral. Halos ang lahat sa kanila ay naglalarawan ng positibo o negatibong mga katangian.
Ito ay napakaepektibong anyo ng pangangaral sa mga kulturang sanay sa mga kuwento. Ito ay isang napakanatural na anyo ng pangangaral at pagtuturo ng Biblia.
Mga Dahilan ng mga Biograpikong Pangangaral
Karamihan sa mga tauhan sa Bibliapara sa mga biograpikong pangangaral ay mga pamilyar sa tagapakinig. Mas madali nating naitutulad ang ating sarili sa mga tao sa Biblia kaysa sa mga pangkalahatang katuruan sa Biblia. Mas madaling makita ang mga prisipyo sa buhay ng mga tao kaysa sa mga pangkalahatang mga katuruan. Interesado ang mga tao sa ibang tao; kaya’t ang mga biograpikong pangangaral ay nagiging mas interesting kaysa sa ibang klase ng sermon.
Pamamaraan ng Paghahanda ng mga Biograpikong Pangangaral
1. Mabilis na basahin ang Kasulatang tumatalakay tungkol sa tauhan, at itala ang kanilang mga katangian at mga kahinaan.
2. Pumili ng tatlo hanggang walong katangian na madaling ipaliwanag.
3. Iayos ito sa isang balangkas na magkakapareho at hindi nagbabago.
4. Magpatuloy sa pagkuha ng mga tala sa iyong muling pagbasa at pag-aaral sa talata.
5. Pagkatapos mong piliin ang mga pangunahing puntos, humanap ng dalawa o tatlong ibang Kasulatan na naglalarawan ng mga parehong prinsipyo.
6. Magbigay ng mga tiyak na aplikasyon ng mga prinsipyong inilarawan sa tauhan na iyong pinag-aaralan. Tiyakin na ang mga aplikasyon ay nakabatay sa teksto. Ipaliwanag kung paanong ang iyong mga tagapakinig ay makasusunod sa isang mabuting halimbawang biblikal o iwasan ang pagsunod sa isang masamang halimbawa.
Mga Dapat Iwasan sa mga Biograpikong Pangangaral
(1) Huwag gawing isang alegorya ang sermon.
Ang alegorya ay gumagamit sa mga detalye ng kuwento bilang simbolo para sa ibang mga bagay. Ang aral ay nagmumula sa imahinasyon ng tagapagsalita sa halip na mula sa kasulatan mismo. Ang mga biograpikong pangangaral ay dapat makapaglabas ng mga aplikasyon mula sa Kasulatan mismo sa halip na sa mga alegorikong pagbibigay kahulugan.
Sa kuwento nina David at Goliat, hindi natin dapat ipakilalasi Goliat bilang si Satanas, si David bilang si Jesus, at ang bato bilang ang Salita ng Diyos. Sa halip, dapat nating subuking hanapin ang positibong katangian ng mga tauhan sa kuwento. Ang kuwento nina David at Goliat ay magtuturo ng mga aralin tulad ng katapangan, pananalig sa Diyos, pagtatalaga ng sarili sa isang layunin, at ang prinsipyo na ang Diyos ay gumagamit ng mahihinang mga bagay upang tuparin ang mga dakilang gawain.
(2) Huwag kang gumawa ng mga puntos na hindi lantad sa kuwento.
Ang mga punto na hinango sa isang kuwento ay dapat maging natural. Kapag narinig ito ng mga tagapakinig, dapat madali nilang maiintindihan ang punto. Kapag mas natural na lumalabas ang mga punto mula sa kuwento, mas madali para sa tagapakinig namaunawaan at maisabuhay ang sermon.
Halimbawa ng Biographical Sermon
Titulo: “Ano Ang Pangalan Mo?”
Teksto: Genesis 32
Sa maraming kultura, ang pangalan ng isang tao ay nagpapakita ng pangarap at pangarap ngmga magulang para sa kanilang anak. Ngunit ang pangalang Jacob ay hindi isang pangalan ng pag-asa. Nangangahulugan ito ng “nakahawak-sa-sakong” o “manlilinlang”. Sa gabi bago makipagkita si Jacob sa kanyang nakatatandang kapatid na si Esau, nakipagbuno si Jacob sa Dios. At binago ng Diyos si Jacob. Ang “manlilinlang” ay naging “Israel”, “Ang Nakipagbuno sa Dios”. Sa kuwentong ito, nakita natin ang proseso na ginamit ng Diyos upang baguhin ang pangalan, katauhan at direksiyon sa buhay ni Jacob.
(1) Binigyan ng Diyos si Jacob ng rebelasyon sa kalikasan ni Jacob (Genesis 32:27).
Ang tanong na “Ano ang iyong pangalan?” ang pumilit kay Jacob upang ipahayag na “Ako ay isang manlilinlang.”
(2) Binigyan ng Diyos si Jacob ng rebelasyon kung sino mismo ang Diyos (Genesis 32:30).
Nang ipahayag ni Jacob kung sino siya, inihayag ng Diyos ang kanyang sarili at kanyang biyaya sa isang bagongparaan.
(3) Binigyan ng Diyos si Jacob ng isang bagong hinaharap (Genesis 32:28)
Si Jacob na manlilinlang ay naging si Israel, ang ama ng isang bansa.
*Ang sermong ito ay mula sa How Sweet the Sound, isang koleksiyonng mga sermon ni Rev. G. R. French. Ginamit nang may pahintulot ng Gospel Publishing Mission.
Halimbawa ng Serye ng Biograpikong Sermon
Isang serye ng mga sermon para sa linggo ng pagbibigay diin sa espirituwal:
(1) Si Isaias, isang Lalaking Ginamit ng Diyos
(2) Si Jonas, Isang Lalaking Bahagyang Ginamit ng Diyos
(3) Si Gehazi, Isang Lalaking Maaari Sanang Ginamit ng Diyos
(4) Si David, Isang Lalaking Ginamit ng Diyos sa Maraming Henerasyon
Mga Expositoryong Pangangaral
Paglalarawan sa Expositoryong Pangangaral
Ang expositoryong pangangaral ay ipinakita sa isang pangyayari sa Nehemias. Pitong buwan matapos muling itayo ang mga pader ng lungsod, nagtipon-tipon ang mga tao para sa isang espesyal na pagdiriwang. Isa sa pinakamahalagang bahagi ng pagdiriwang ay ang pagbasa ng Batas ni Moses. Inilarawan ni Nehemias ang pangyayari nang ganito:
“…ang mga Levita ay tumulong sa taong-bayan upang maunawaan ang kautusan, samantalang ang taong-bayan ay nanatili sa kanilang kinatatayuan. aya't sila'y bumasa mula sa aklat, sa kautusan ng Diyos, na may pakahulugan. Kanilang ibinigay ang diwa, kaya't naunawaan ng mga tao ang binasa.” (Nehemias 8:7-8).
Ibinigay ng mga Levita ang kahulugan, upang maunawaan ng mga tao ang binasa. Ang layunin ng expositoryong pangangaral ay gawing malinaw ang Kasulatan, upang maunawaan ng mgatao kung ano ang binabasa.
Ang exspositoryong pangangaral ay ang pagpapaliwanag ng kahulugan ng isang talata sa Kasulatan at ang paggawa ng mga angkop na aplikasyon. Ipinapaliwanag nito ang pinakamahahalagang tema sa mga talata ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga ito sa teksto. Hindi ito lumalaktaw sa alinman mula sa teksto o kaya’y nagdadagdag ng anuman dito. Ang expositoryong pangangaral marahil ang pinakakaraniwang klase ng pangangaral sa mga unang iglesya. Kailanman ang mga iglesya o mga tagapanguna sa iglesya ay nakakatanggap ng liham mula sa mga apostol, maaaring binasa nila ito sa publiko at pagkatapos ay maikling ipinapaliwanag ang kahulugan ng iba’t-ibang bahagi ng liham.
Ang exspositoryong pangangaral ang pinakanatural at simpleng anyo ng pangangaral.
Mga Uri ng Expositoryong Pangangaral
Maraming iba’t-ibang type ng expositoryong pangangaral. Hahatiin natin ang expositoryong pangangaral sa tatlong kategorya.
(1) Maikling Exposition
Sa maikling exposition, ang tagapangaral ay nagbibigay ng maiikling komento tungkol sa bawat talata sa isang buong kabanata o isang mahabang bahagi ng Kasulatan. Ito ay ang pagbasa ng talata at pagkatapos ay ang pagbibigay ng mga komento tungkol dito. Sa pamamaraang ito, ang mga mahahalagang puntos lamang ang pinipili ng tagapangaral at tinatalalakay ang mga ito.
Sa mga unang henerasyon, epektibong ginamit ng African-American ang anyong ito ng pangangaral. Sa panahon iyon, maraming tagapangaral ang hindi marunong bumasa o sumulat, kaya’t ang ginagawa nila, may isang tumatayong tagabasa sa kanilang tabi habang sila’y nangangaral. Ipinababasa ng tagapangaral sa tagabasa ang isang talata o isang bahagi sa isang talata. Pagkatapos ipapaliwanag ito ng tagapangaral at magbibigay siya ng mga aplikasyon mula sa talata. Pagkatapos, sasabihin niya, “Basa, ” at ang tagabasa ay magpapatuloy sa susunod na talata. Ang tagapangaral at ang tagabasa ay magpapatuloy sa ganitong nagsasalitan na paraan ng pangangaral sa kabuuan ng sermon. Naging napakapopular ng ganitong anyo ngpangangaral kaya kahit ang mga kasunod na mga tagapangaral ay nakakabasa na, nagpatuloy pa rin sila sa ganitong pamamaraan ng pangangaral.
Paminsan-minsan magagamit ang maigsing ekspositoryong pamamaraan ng pangangaral nang napakaepektibo, partikular sa mga talata tulad ng Awit 73. Sa talatang ito, binabanggit ni Asap ang kanyang mga pag-aalinlangan. Tinatanong niya ang pagiging makatarungan ng Diyos na nagpapahintulot na umunlad ang masasama habang ang matuwid ay nagdurusa. Nagsimula si Asap sa mga alinlangan, subalit sa kalahatian ng kabanata, nagsimula siyang makita ang mga bagay ayon sa pananaw ng Diyos. Nagtatapos ang kabanata sa isang dakilang deklarasyon ng pananampalataya:
“Nguni’t para sa akin, ang pagiging malapit ng Diyos ay aking kabutihan; ginawa kong aking kanlungan ang Panginoong Dios, upang aking maisaysay ang lahat ng iyong mga gawa. ’’ (Mga Awit 73:28).
Hindi nangangailangan ang sinuman ng isang fancy na balangkas sa pangangaral mula sa kabanatang ito. Ang “basahin at magkomento” na pamamaraan ay nakakatulong ding mabuti.
Ang maigsing pamamaraang eksposisyon ay mabutingnagagamitsa pagpapaliwanag ng mga tungkulin ng mahina at ng malakas sa Roma 14.
(2) Lubusang Pagpapaliwanag (Thorough Exposition)
Sa lubusang pagpapaliwanag, ipinapaliwanag ng mangangaral ang halos bawat isang salita, doktrina, o kaisipan sa isang teksto. Dahil ang Biblia ay isang komprehensibong aklat, ang bawat kabanata ay puno ng maraming katotohanan. Napakadetalyado ang paggamit ng ganitong klase ng exposition. Kinakailangan ng mabuting kakayahan sa pagpapaliwanag ng Kasulatan at kagamitan upang talakayin ang isang talata sa ganito ka kumpletong pamamaraan.
Isipin ninyo ang pangungusap ni Pablo sa 2 Corinto 3:18.
“At tayong lahat, na walang talukbong ang mukha, na nakikita ang kaluwalhatian ng Panginoon gaya ng sa isang salamin, ay nababago sa gayunding larawan, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, sapagkat ito ay mula sa Panginoon na siyang Espiritu.”
Sa talatang ito, maraming katotohanan ang ating matutuklasan sa pamamagitan ng maingat na pagsasaliksik. Ang pagkaalam sa kasaysayan at teolohiya ng “kaluwalhatian” mula sa Lumang Tipan, partikular ang insidente kung saan kinailangan ni Moses na takpan ang kanyang mukha matapos makipagkita sa Diyos sa Bundok ng Sinai ay makakatulong upang maunawaan natin ang sinasabi ni Pablo. Ang pag-aaral ng mga salita ng mga susing salita tulad ng “kaluwalhatian”, “binabago”, at “kalarawan” ay magbibigay ng masaganang mga katotohanan. Kung maayos na gagawin ang pagpapaliwanag at pagsasalin ng Kasulatan, mas higit pang maraming nilalaman ang talatang ito kaysa sa maipapangaral ngtao sa isang sermon.
(3) Pagpapaliwanag Ayon sa Tema (Thematic Exposition)
Sa pagpapaliwanag ayon sa tema, namimili ang tagapangaral ng isang maikling bahagi ng Kasulatan tulad ng isang talata at gagamitin ang mga pangunahing tema sa seksiyong iyon. Tinatalakay nito ang mas maraming detalye kaysa sa karaniwang pagpapaliwanag, subalit hindi nito tinatalakay ang bawat salita o kaisipan sa Kasulatan. Sa uring ito ng pagpapaliwanag, ang sermon ay binubuo sa paligid ng pinakamahalagang tema sa seksiyon. Ang mga detalyeng sumusuporta sa tema ay ginagamit. Ang mga detalyeng hindi nakakadagdag sa temang iyon ay hindi na o bahagya lamang binabanggit.
Sa isang sermon sa tatlo o apat na talata, mahirap talakayin ang bawat posibleng kaisipan, subali’t maaari mong ipaliwanag at bigyang aplikasyon ang mga pangunahing kaisipan. May mga tao na naniniwala na ang pagpapaliwanag ayon sa tema ang pinakanatural na anyo ng pangangaral. Napananatili nito kung saan nakatuon ang sermon, gayundin natatalakay ang pinakamahahalagang katotohanan sa teksto ayon sa pagkakasunod-sunod na orihinal na ibinigay ang mga ito.
Halimbawa ng Isang Expository Sermon
Pamagat:Si Epafrodito, isang Pangkaraniwang Kristiyano
Text: Filipos 2:25-30
Si Epafrodito ay isang karaniwang mananampalataya na isinugo mula sa iglesya sa Filipos upang tulungan si Pablo habang ito’y nakabilanggo sa tahanan sa Roma. Pagkalipas noon, pinabalik siya ni Pablo sa Filipos na dala ang liham para sa mga taga-Filipos. Sa liham na iyon iniukol niya ang isang talata upang ilarawan ang gawain ni Epafrodito.
Kalakip ng buhay Kristiyano ang pagiging kapatid:“aking kapatid.”
Kalakip ng buhay Kristiyano ang Gawain:“kamanggagawa.”
Kalakip ng buhay Kristiyano ang pakikipaglaban:“kasamang kawal.”
Kalakip ng buhay Kristiyano ang paglilingkod sa iba:“inyong mensahero.”
Kalakip ng buhay Kristiyano ang mga hindi inaasahang mga pangyayari:“siya ay nagkasakit.”
Kalakip ng buhay Kristiyano ang karangalan at respeto:“igalang ninyo ang ganitong mga tao.”
Kalakip ng buhay Kristiyano ang pagsasakripisyo:“halos siya’y mamatay. . . inilagay sa panganib ang kanyang buhay”
Halimbawa ng Isang Expository Sermon
Pamagat:Kapag Hindi Sumasagot ang Diyos sa Panalangin
Teksto: 2 Corinto 1:3-10
Ito ay isang usapin na laging nahihirapan ang mga tao. Nais nilang malaman kung bakit hindi laging sinasagot ng Diyos ang kanilang mga panalangin. Ayon sa talatang ito, hindi laging sinasagot ng Diyos ang ating mga panalangin sa tatlong iba’t-ibang kadahilanan:
1. Upang Ihanda Tayo sa Paglilingkod.
2 Corinto 1:4, “na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian, upang maaliw natin ang nasa anumang kapighatian, sa pamamagitan ng kaaliwan na inialiw sa atin ng Diyos.”
2. Upang Ipakita Ang Kanyang Biyaya.
2 Corinto 1:5-6, pansinin ang mga salita “para sa inyong kaaliwan.”
3. Upang Ipahayag ang Kapangyarihan ng Diyos.
2 Corinto 1:9, “pang kami ay huwag magtiwala sa aming sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay.”
De-Seryeng Expositoryong Pangangaral
Ang isang mangangaral ay maaaring magbigay ng isang serye ng mga sermon mula sa isang aklat o isang bahagi ng Kasulatan, isang talata o isang parapo/talata sa bawat pagkakataon. Halimbawa, ang unang sermon sa isang serye sa Ebanghelyo ni Marcos ay magsisimula sa Kabanata 1:1 at marahil tatalakay sa pagpapakilala sa aklat. Ang susunod na sermon ay maaaring magmula sa 1:2-5 at ang susunod ay magmumula sa 1: 6-11. Gagawa ang tagapangaral ng serye ng mga sermon mula sa aklat isang talata sa bawat pagkakataon.
Ito ang klase ng pangangaral na pampastor na ginawa ng sumulat ng kursong ito sa halos kabuuan ng kanyang ministeryo bilang pastor. Halimbawa, nang siya’y naglilingkod bilang nakatataas na pastor ng isang iglesya, nangaral siya gamit ang mga sumusunod na mga aklat.
15 na pangangaral sa Santiago
25 na pangangaral sa 1 at 2 Tesalonica
62 na pangangaral sa Mga Taga-Galacia
32 na pangangaral sa Filipos
102 na pangangaral sa Ebanghelyo ni Marcos
Mga Dahilan sa Paggamit ng Pagpapaliwanag/Exposition
(1) Tumutulong ang expositoryong pangangaral sa iyo upang ituro ang katotohanan ng Biblia.
Kinukuha ng expositoryong pangangaral ang mga pangunahing puntos nito mula sa teksto mismo sa pinakanatural na paraan. Sa ganitong paraan nasasabi ng talata kung ano ang natural nitong sasabihin. Sinabi ni Jesus, “inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo” (Juan 8:32). Isa sa pinakamabuting paraan upang ipakita ang katotohanan ng Biblia ay ang pag-aaral dito isa-isang talata lamang at ipapaliwanag ang kahulugan nito.
(2) Tumutulong ang expositoryong pangangaral sa iyo upang bigyang diin kung ano ang binibigyang diin ng Kasulatan.
Kung habang nangangaral si Paul sa Roma at binanggit niya ang isang doktrina nang isang beses lamang, gayundin isang beses mo lang din iyong ipapangaral. Subali’t kung binanggit niya ang isang doktrina nang 10 beses, sa gayun, mayroon ka ring pagkakataon upang iyon ay banggitin nang 10 beses. Kapag nangangaral ka sa Ebanghelyo ni Marcos, sa tuwing pagkakataon na banggitin ni Jesus ang pananalangin, makakapangaral ka tungkol sa panalangin. Sa tuwing pagkakataon na hinikayat ni Jesus ang mga tao upang magsisi, maaari mo ring hikayatin ang mga tao upang magsisi.
(3) Tumutulong ang expositoryong pangangaral upang ikaw ay magkaroon ng sariwang kaisipan at maging higit na malikhain.
Madali para sa isang tagapangaral na makalikha ng isang gawaing nakasanayan at ipangaral ang parehong temasa lahat ng pagkakataon. Gayunman, kapag ang isang mangangaral ay gumagamit ng sunod-sunod na seksiyon sa Biblia, mapipilitan siyang lumikha ng bagong materyal/kasangkapan. Ang proseso ng pagbuo ng bagong kasangkapan ang magpapanatili at magpapatuloy ng pagkatuto at paglago. Sa gayun makatatayo siya sa harap ng pulpito nang may sariwang kaisipan at kasiglahan.
(4) Tumutulong ang pangangaral na expository upang makapagbigay ka sa mga tao ng iba’t-ibang espirituwal na pagkain.
Kung hahayaan ng mga mangangaral ang kanilang sariling personal na interes upang idikta kung ano ang kanilang ipapangaral, malamang sa paulit-ulit lamang nilang ipapangaral ang parehong tema. Subali’t kung ang gagawin nila ay de-seryeng pagpapaliwanag sa mga seksiyon sa Biblia, tatalakay sila ng maraming iba’t-ibang paksa, at ito’y magbibigay sa kanilang tagapakinig ng mas balanseng espirituwal na pagkain. Ito ay pipilit sa mga tagapangaral na mangaral tungkol sa mga temang hindi nila ordinaryong ipinapangaral o komportable sa kanilang pakiramdam. Ito ay magpapanatili sa kanilang patuloy na pagkatuto at tutulong sa kanila sa kanilang sariling paglagong espirituwal.
(5) Tumutulong ang expositoryong pangangaral upang maalis ang suliranin ng pag-iisip kung ano ang ipapangaral.
Pangkaraniwan na sa bawat pastor ang umaabot sa Sabado nang gabi na nag-iisip pa rin kung ano ang kanyang ipapangaral sa susunod na araw. Kapag ang pastor ay nangangaral mula sa isang seksiyon ng Biblia, hindi lamang sa alam na nila kung ano ang kanilang ipapangaral sa darating na Linggo kundi para sa marami pang Linggong darating. Ito ang isang kalamangan para sa mga musikero at iba pang nakikibahagi sa gawain ng iglesya, dahil maaari nilang iangkop ang kanilang mga bahagi sa gawain ayon sa kung ano ang ipapangaral ng pastor sa araw na iyon.
(6) Tumutulong ang expositoryong pangangaral upang harapin ang mahihirap na mga paksa sa natural na paraan.
Kapag nalalaman ng pastor na mayroong suliranin sa kanilang iglesya, sila ay natutuksong mangaral patungkol sa mga tiyak na indibidwal sa kongregasyon. Sa ganitong paraan nawawala ang respeto ng kongregasyon sa tagapangaral. Marami nang tao ang umalissa iglesya dahil ang pakiramdam nila ay ibinukod sila ng tagapangaral upang pangaralan tungkol sa kanilang kasalanan. Gayunman, kapag nangangaral ang isang mangangaral tungkol sa tema ayon sa pagkakasunod-sunod sa Kasulatan, hindi siya maaaring akusahan ng “pangangaral kay. . .” o sa isang partikular na tao. Tumutulong ang pangangaral na expository upang talakayin ang mahihirap o sensitibong mga paksa sa isang natural at hindi nakakasakit na paraan.
Namangha ang isang pastor nang makita kung paano kumikilos sa kanyang kapangyarihan ang Diyos para sa kanya upang maipangaral ang ilang tiyak na paksa sa tamang pagkakataon, kahit na ang tema ay simpleng tama lamang na siyang kasunod habang siya ay nangangaral sa isang partikular na aklat. Alam ng Diyos kung sino-sino ang darating sa ating mga gawain, at nalalaman rin niya kung kailan niya ipapangaral ang isang sermon. Madalas pinagsasama-sama niya ang mga ito sa paraang maaari lamang maunawaan bilang isang gawa ng Diyos.
(7) Nakakatulong ang expositoryong pangangaral upang makapangaral nang may mas higit na awtoridad.
Kapag tayo’y palagiang nangangaral mula sa Biblia, nagbibigay ito ng isang antas ng awtoridad na hindi natin nakukuha kapag tayo’y nangangaral ng pangangaral ayon sa paksa. Kapag ang lahat ng mga puntos ng sermon ay nagmumula sa teksto sa paraang madali itong nakikita ng tagapakinig, nakakatulongito upang kumbinsihin ang nakikinig na ang sermong ito ay mula sa Diyos at hindi mula lamang sa tao. Madaling sabihin na, “At sinasabi ng Panginoon” kapag gumagamit ka ng pangangaral na expository.
(8) Lubos na nagagamit ng expositoryong pangangaral ang iyong oras at mga mapagkukunan.
Kapag ikaw ay lubos na nangangaral sa isang libro, ang lahat ng impormasyon ng pinagmulan ay maaaring gamitin sa kabuuan ng aklat. Maaari kang gumamit ng mga komentaryo para sa mas malaking kapakinabangan. Kapag ikaw ay nangangaral mula sa isang malaking libro halimbawa ay isa sa mga ebanghelyo, ang kakayahang magamit ang parehong mapagkukunan kahit sunod-sunod na linggo ay makakatipid sa oras at mapagkukunan.
[1]Alfred P. Gibbs, The Preacher and His Preaching, (6th Edition). (Kansas City: Walterick Publishers, n.d.), 283
Isang Kalendaryo ng Pangangaral
Ang bawat mangangaral ay may pamamaraan kung saan siya ay pinakakomportable. Gayundin, Natutuklasan ng bawat mangangaral na may mga paksa na mas madaling ipangaral kaysa sa iba. Ang paghahanda ng isang kalendaryo para sa buong taon ay isang paraan upang maiwasan na makasanayan ang paulit-ulitna pangangaral sa iilan lamang na mgapaksa habang winawalang-halaga ang ibang mas mahahalagang mga paksa.
Narito ang isang halimbawa ng kalendaryo na makagagabay sa pastor na mangaral sa mahahalagang paksa para sa buhay Kristiyano. Sa pangangaral mula sa iba’t-ibang bahagi ng Biblia, ipinaaalala sa mga mananampalatayana “Ang lahat ng mga Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa katuwiran…” (2 Timoteo 3:16).
Isang Halimbawa ng Kalendaryo ng Pangangaral
Enero
Magtuon sa Ebanghelyo para sa mga hindi mananampalataya.
Tawagin ang mga mananampalataya sa pag-eebanghelyo at pagmimisyon.
Ang kurso ng Shepherds Global Classroon sapag-eebanghelyo at pagdidisipulo ay makakatulong sa iyo sa paghahanda ng mga sermong ito. Pakitingnan ang sumusunod na kurso: Biblikal na Pag-eebanghelyo at Pagdidisipulo
Pebrero
Mangaral mula sa Mga Awit.
Magtuon sa mga katangian (attributes) ng Dios.
Tawagin ang mga mananampalataya sa pananalanginat pagsamba.
Ang dalawang kurso ng Shepherds Global Classroom sa Paniniwalang Kristiyano at pagsambang Kristiyano ay makakatulong sa iyosa paghahanda ng mga sermong ito. Pakitingnan ang mga sumusunod na kurso: Mga Paniniwalang Kristiyano at Pambungad sa Pagsambang Kristyano.
Marso – Abril
Mangaral mula sa isa sa mga Ebanghelyo.
Magtuon sa buhay at pagtuturo ni Jesus.
Tawagin ang mga mananampalataya sa pananalangin, pag-aayuno at pagsisisi.
Magtapos sa pagkapako sa krus at muling pagkabuhay sa araw ng Muling Pagkabuhay.
Ang dalawang kurso sa Paghubog ng Buhay Espiritual at Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus mula sa Shepherds Global Classroom ay makakatulong sa iyo sa paghahanda ng mga sermon na ito. Pakitingnan ang mga sumusunod na kurso: Paghubog ng Espirituwal na Buhay at Ang Buhay at Ministeryo ni Hesus.
Mayo at Hunyo
Mangaral mula sa Mga Gawa o sa isang liham sa mga pastor (Timoteo o kay Tito).
Magtuon sa Pentekostes at sa Banal na Espiritu.
Tawagin ang mga mananampalataya sa aktibong pakikilahok sa lokal na iglesya.
Ang kurso ng Shepherds global Classroom tungkol sa iglesya ay makakatulong sa iyo sa paghahanda ng mga sermon na ito. Pakitingnan ang sumusunod na kurso: Doktrina at mga Gawain ng Iglesya.
Hulyo – Agosto
Mangaral mula sa isang aklat ng Pentateuch (Genesis – Deuteronomio).
Tawagin ang mga mananampalataya upang makita ang pangako ni Jesus sa Lumang Tipan.
Ang dalawang kurso mula sa Shepherds Global Classroom tungkol sa Pagbibigay Kahulugan sa Kasulatan at sa Lumang Tipan ay makakatulong sa iyo sa paghahanda ng mga sermong ito. Pakitingnan ang mga sumusunod na kurso: Mga Prinsipyong Pagbibigay Kahulugan sa Biblia at Timepagsasaliksik sa Lumang Tipan.
Septiembre – Nobyembre
Mangaral mula sa isang liham ni Pablo, ni Juan, ni Pedro o ni Santiago.
Tawagin ang mgamananampalataya sa mas malalim na paglakad kasama ng Dios.
Ang dalawang kurso mula sa Shepherds Global Classroom tungkol sa Praktikal na Pamumuhay Kristiyano at Ang Banal na Buhay ay makakatulong sa iyo sa paghahanda ng mga sermong ito. Pakitingnan ang mga sumusunod na kurso: Praktikal na Pamumuhay Kristiyano at Doktrina at Pagsasabuhay ng Isang Buhay na Banal.
Disyembre
Ang Advent (ang 4 na linggo bago magPasko) ay isang panahon upang maghanda kapwa para sa unang pagdating (bilang isang sanggol) at para sa kanyang pagbalik sa hinaharap.
Mangaral tungkol sa mga propesiya sa Lumang Tipan tungkol sa unang pagdating ni Jesus (sa Isaias o sa Mikas).
Tawagin ang mga mananampalataya upang maghanda para sa ikalawang pagdating ni Jesus (Tesalonica o Pahayag).
Tapusin ang taon sa pagdiriwang ng kapanganakan at pagkakatawang-tao ni Jesukristo.
Ang kurso mula sa Shepherds Global Classroom tungkol sa Eschatology ay makakatulong sa iyo sa paghahanda ng mga sermong ito. Pakitingnan ang sumusunod na kurso: Eschatology.
Konklusyon
Magagawa at ginagamit ng Diyos ang lahat ng pamamaraan ng pangangaral. Kapag ang isang tao ay nangangaral, dapat mong piliin ang paraan ng pangangaral na pinakaangkop sa pagkakataon, sa mga tagapakinig, ang mensahe, at ang iyong sariling personal na istilo. Dapat mong subukin ang iba’t-ibang istilo ng pangangaral upang makita ang istilo na pinaka angkop sa iyong personalidad at tagapakinig. Alalahanin na ang pinakamahalagang gawain ng isang mangangaral ay ang makatotohanang mai-communicate ang Salita ng Diyos at mahikayat ang mga tagapakinig na sundin ang Dios.
Mga Takdang Aralin sa Aralin 3
(1) Sa simula ng susunod na aralin, kukuha ka ng pagsusulit batay sa araling ito. Maingat na pag-aralan ang mga tanong sa pagsusulit bilang paghahanda.
(2) Upang mas maunawaan ang pagkakaiba sa pagitan ng bawat istilo, maghanda ng isang balangkas na nakasulat para sa bawat isang klase ng sermon.
Topikal na pangangaral
Tekstual na pangangaral
Biograpikong pangangaral
Isang expositoryong pangangaral
(3) Pumili ng isa sa mga sermon na inihanda mo sa Takdang-Aralin 2. Iprisinta ito bilang isang 8-10 minutong sermon sa harap ng klase. Ang bawat miyembro ng klase ay magsasagot ng isang assessment form na nasa likod ng gabay sa kursong ito. Sa pag-aaral sa assessment ng iyong mga kamag-aral, maaari mong i-evaluate ang iyong kakayahang epektibong mag-communicate.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Aralin 3
(1) Paano nagkakaiba ang pagtuturo at ang pangangaral?
(2) Ano ang layunin ng isang ebanghelikongpangangaral?
(3) Ano ang layunin ng pastoralng pangangaral?
(4) Bumanggit ng dalawang panganib kaugnay ng sermon na ayon sa paksa.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.