Ilang taon na ang nakakaraan, nabasa ni Samuel ang isang aklat ni Dr. Danny McCain at nagpasya siyang sundin ang ilan sa mga mungkahi ni Dr. McCain. Nagulat siyang makitana ang kanyang iglesya ay mabilis na naapektuhan ng mga pagbabagong kanyang ginawa. Nagpasya siyang pumunta sa Jos upang bisitahin si Dr. McCain at kumuha ng kopya ng bawat aklat na isinulat nito. Pagkatapos, maraming beses pa siyang pumunta sa Jos upang bumili ng mga aklat na ibinibenta niya sa kanyang mga kapwa pastor. Ang ibang mga tagapangunaay nagbahagi rin ng mga ideya mula sa mga aklat ni Dr. McCain sa libong bilang ng mga tao sa ilalim ng kanilang pangangasiwa. Ito ay isang halimbawa ng katotohanan na ang iyong mga isinusulat ay maaaring mangaral sa mga taong hindi mo pa nakikilala o nakikita. Ito ang pagpapala ng komunikasyon sa pamamagitan ng pagsusulat.
Pagsusulat sa Biblia
Nang makipag-usap ang Diyos sa mga tao, madalas na pinipili niya ang nakasulat na komunikasyon. Ang pagsusulat ay binanggit ng halos 500 beses sa kasulatan. Ang unang pagbanggit sa pagsusulat ay ang tala ng paghatol ng Diyos sa mga tao ni Amalek.
“Nilupig ni Josue si Amalek at ang bayan nito sa pamamagitan ng talim ng tabak. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, ‘Isulat mo ito bilang alaala sa isang aklat, at basahin mo ito sa pandinig ni Josue na aking lubusang buburahin ang alaala ni Amalek sa ilalimng langit.” (Exodo 17:13-14).
Ang huling pagbanggit sa pagsusulat ay ang pangako ng Diyos ng isang dakilang hinaharap para sa kanyang bayan.
At sinabi ng nakaupo sa trono, “Masdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay.” Sinabi rin niya, “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at tunay.” (Pahayag 21:5).
► Basahin ng mga talatang ito na nagpapakita ng kahalagahan ng pagsusulat. Isaias 30:8, Jeremias 36:1-2, at Mga Gawa 15:19-20.
Narito ang ilan sa mga bagay na iniutos ng Diyos na isulat ng kanyang mga tagapaglingkod.
Ang batas na siyang mamamahala sa Israel (Exodo 34:27, Deuteronomio 17:18, Deuteronomio27:3)
Ang mga Salita ng Diyos sa mga hamba ng pinto at sa mga pintuan ng mga tahanan (Deuteronomio 6:9, Deuteronomio 11:20)
Mga Awit (Deuteronomio 31:19)
Mga Salita Para sa Bayan ng Diyos (Isaias 8:1)
Isang aklat ng mga propesiya (Jeremias 30:2, Jeremias 36:2, 28)
Ang paglalarawan sa Templo (Ezekiel 43:11)
Mga Pahayag mula sa Diyos (Habakkuk 2:2)
Mga Mensahe para sa mga Iglesya (Pahayag 1:11, 19, Pahayag 2:1, 8, 12, 18, Pahayag 3:1, 7, 14)
Dagdag pa dito, ang Banal na Espiritu ang pumukaw sa mga manunulat ng Biblia upang isulat ang mga kasulatan. Ang Banal na Espiritu ang namahala at gumabay sa mga sumulat ng kasulatan, kaya’t ang kanilang mga ideya ay mga Salita ng Dios, at sila ay iningatan mula sa mga pagkakamali (2 Timoteo 3:16, 2 Pedro 1:21).
Alam ng Diyos ang lahat ng bagay. Nalalaman Niya ang pinakamabuting paraan upang makipagkomunikasyon at ipreserba ang katotohanan. Iyon ang dahilan kaya’t pinukaw ng Diyos ang mga tao upang isulat ang mga katotohanang nais ng Diyos na iparating sa atin. Ang sariling halimbawa ng Diyos ay demonstrasyon ng kahalagahan ng pagsusulat. Kung mahalaga ang pagsusulat para sa Diyos, dapat ding maging mahalaga ang pagsusulat para sa atin.
Mga Aral mula kay Jeremias
Ang Jeremias 36 ay nagbibigay sa atin ng isang nakawiwiling kuwento tungkol sa mga huling araw bago ang pagbagsak ng Jerusalem. Masyadong wasak na ang Juda na ang bansa ay malapit nang maging bihag. Hinuhulaan na ni Jeremias sa loob ng ilang taon ang tungkol sa darating na paghuhukom, subali’t tinanggihan ang kanyang mga mensahe. Sa isang pagkakataon, habang siya’y nagtatago, sinabi ng Diyos sa kanya na idikta at ipasulat kay Baruch ang lahat ng mensaheng ibinigay ng Diyos sa kanya. Pagkatapos isulat ang mga mensahe, sinabi ni Jeremias kay Baruch na pumunta sa Templo at basahin ang mga mensaheng iyon sa mga tao.
Habang nagbabasa si Baruch, narinig siya ni Mikaya. Sinabi niya sa mga tagapanguna sa pamahalaan ang tungkol sa kanyang narinig. Inanyayahan ng mga tagapanguna si Baruch at ipinabasa ang isinulat ni Jeremias. Nang mabasa ito ni Baruch sa kanila, natakot sila at nagpasya na kailangang marinig din ng hari ang mensaheng ito.
Dinala ang kasulatan sa hari at binasa ito sa kanya ni Jehudi. Malamig nang panahong iyon kaya’t mayroong apoy upang mainitan sa kuwarto ng hari. Habang binabasa ni Jehudi ang Kasulatan, pinupunit ng hari ang bawat bahaging nabasa na at inilalagay iyon sa apoy. Hiniling ng ilang opisyal sa hari na huwag sunugin ang kasulatan, subalit hindi siya nagpakita ng anumang pagsisisi dahil sa mensahe.
Matapos sunugin ng hari ang aklat, nagsalita ang Panginoon kay Jeremias upang muling isulat ang lahat ng nauna niyang isinulat. Walang sinumang nagnanais na gawin ang parehong trabaho nang dalawang beses, subali’t sumunod si Jeremias.
“Kaya’t kumuha si Jeremias ng isa pang balumbon, at ibinigay ito kay Baruc na kalihim, na anak ni Nerias, na sumulat doon mula sa bibig ni Jeremias ng lahat ng mga salita na nasa balumbon na sinunog sa apoy ni Jehoiakim na hari ng Juda. At maramipang kaltulad na mga salita ang idinagdag doon.” (Jeremias 36:32).
Ipinakita ni Jeremias ang Kahalagahan ng Pagsusulat
Nakakarating ang ating mga isinusulat sa mga lugar na hindi natin mapupuntahan.
Sa panahon na tinanggap ni Jeremias ang tagubilin ng Diyos upang magsulat, siya ay nagtatago. Sinabi ni Jeremias kay Baruch:
“At inutusan ni Jeremias si Baruch, na sinasabi, “Ako’y nakakulong. Hindi ako makakapasok sa bahay ng Panginoon; kaya’t pumunta ka, at sa isang araw ng pag-aayuno ay basahin mo sa pandinig ng buong bayan ang mga salita ng Panginoon mula sa balumbon na iyong pinagsulatan mula sa aking bibig. Babasahin mo rin ang mga itosa pandinig ng lahat ng mga taga-Juda na lumalabas sa kanilang mga bayan.” (Jeremias 36:5-6).
Bagaman hindi makapapasok si Jeremias sa Templo, ang kanyang komunikasyon ay makakapangaral sa anyong nakasulat.
Nawiwiling mangaral ang sumulat ng kursong ito. Ito ang kanyang paboritong tungkulin. Gayunman, lumalaki ang kanyang pagkatanto na ang kanyang mga isinusulat ay magkakaroon ng mas matinding epekto kaysa sa kanyang mga pasalitang sermon. Mahabang panahon pa kahit wala na siya, ang kanyang mga libro ay magpapatuloy pa sa pangangaral. Makakarating ang kanyang mga libro sa mga lugar na kailanman ay hindi niya mapupuntahan. Kamakailan lang, nakatanggap siya ng salin sa Spanish ng isa sa kanyang mga libro. Iyon ay isinalin sa Espanyol sa Bolivia, isang bansa na hindi pa niya nabibisita. Iyon ang kagandahan ng pagsusulat. Ang ating mga isinusulat ay makararating sa mga lugar na hindi natin kailanman mararating.
Makapagsasalita ang ating mga isinusulat sa paraang hindi tayo makapagsasalita.
Si Jeremias ay isang matapat na propeta. Nakapangaral at nakapanghula na siya nang maraming beses. Gayunman, nakakita siya ng pagkakataon upang makapagkomunikasyon sa isang bago at naiibang paraan. Pansinin ang kanyang mga salita:
“Marahil ay makakarating ang kanilang karaingan sa harapan ng Panginoon, at humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad; sapagkat malaki ang galit at poot na binigkas ng Panginoon laban sa sambayanang ito.” (Jeremias 36:7).
Natupad ng pagbasa ang ninanais na epekto. Pakinggan ang resulta sa salita ni Jeremias:
“Nang marinig ni Micaya na anak ni Gemarias, na anak ni Safan, ang lahat ng salita ng Panginoon mula sa balumbon, siya'y bumaba sa bahay ng hari patungo sa silid ng kalihim. Lahat ng mga pinuno ay nakaupo roon: si Elisama na kalihim, si Delaias na anak ni Shemaya, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemarias na anak ni Safan, si Zedekias na anak ni Hananias, at ang lahat ng mga pinuno.
“Sinabi sa kanila ni Micaya ang lahat ng mga salitang narinig niya nang basahin ni Baruc ang balumbon sa pandinig ng taong-bayan.
At sinugo ng lahat ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias, na anak ni Shelemias, na anak ni Cushi, upang sabihin kay Baruc, “Kunin mo ang balumbon na iyong binasa sa pandinig ng taong-bayan, at pumarito ka.” Kaya't kinuha ni Baruc na anak ni Nerias ang balumbon at pumaroon sa kanila.
Sinabi nila sa kanya, “Umupo ka at basahin mo iyan.” Binasa naman iyon ni Baruc sa kanila.
Nang kanilang marinig ang lahat ng mga salita, sila'y takot na humarap sa isa't isa, at sinabi nila kay Baruc, “Dapat nating iulat ang lahat ng salitang ito sa hari.” (Jeremias 36:11-16).
Kilala ni Micaya at ng iba pang opisyal si Jeremias. Malamang na lahat sila ay narinig nang magsalita si Jeremias. Gayunman, nang marinig nila ang kaniyang isinulat tumugon sila sa ibang paraan kaysa sa kanilang pagtugon sa kanyangpasalitang komunikasyon.
Ang komunikasyong nakasulat ay naghahatid ng mensahe sa ibang paraan kaysa sa pasalitang komunikasyon. May mga taong mas mabuti ang tugon sa pasalitang komunikasyon. Ang iba naman ay tumutugon nang mas mabuti sa nakasulat na komunikasyon. Ang nakasulat na komunikasyon ay nakaaabot sa ibang grupo ng mga tao at may epekto sa ibang paraan kaysa sa pasalitang komunikasyon.
Makapagsasalita pa rin ang ating mga isinusulat kahit sa panahong wala na tayo.
Isa sa pinakamahalagang paraan na maaari nating pangalagaan ang ating ministeryo ay sa pamamagitan ng pagsusulat. Halos 2, 500 taon nang patay si Jeremias, subali’t libong tao sa buong mundo ang bumabasa sa kanyang isinulat sa umagang ito. Si John Calvin ay patuloy na nangangaral nang mahigit sa 450 taon pagkatapos niyang mamatay. Mahigit sa dalawang daang taon pagkatapos mamatay, si John Wesley ay patuloy na nangangaral.
Tandaan, “sa bawat binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kanya” (Lucas 12:48). Kung biniyayaan ka ng Diyos ng kakayahang magsulat, dapat mong pangalagaan ang mga aral na ibinigay ng Diyos sa iyo. Matagal na panahon kahit wala ka na, magpapatuloy pa rin ang iyong ministeryo. Kahit na ang iyong pangunahing ministeryo ay pangangaral, tanungin mo ang Diyos kung makapaglilingkod ka sa kanyang kaharian sa pamamagitan ng pagsusulat.
Nagpakita si Jeremias ng Pagtitiyaga sa panahon na Pinanghihinaan ng Loob
Mahirap ang gawain ng pagsusulat. Nag-iisip ka, nagsusulat, inuulit ang isinulat, at sa huli nagagawa mo ang mensahe na eksakto ayon sa gusto mo. Isa sa pinakanakakapanghina ng loob na maaaring mangyari sa isang manunulat ay ang mawala ang isang bagay na isinulat na niya. Maaaring mamatay ang koryente bago mo pa maayos namai-save ang isang dokumento sa iyong kompyuter, o kapag nasira ang mga pahina na iyong isinulat. Nakakapanghina ng loob kapag sinisikap mong muling isulat ang anumang nawala na. [1]
Nangyari ito kay Jeremias. Nagtrabaho siya upang itala ang mga mensahe na ibinigay ng Panginoon sa kanya, pagkatapos nawala lamang iyon. Marahil labis itong nakapanghina ng kanyang loob. Gayunman, nagsalita ang Panginoon sa kanya at sinabi sa kanya na muling isulat ang lahat ng mga iyon.
Marami sa atin ang maaaring matukso na magreklamo. Marami sa atin ang maaaring magtanong sa Diyos: “Bakit hindi mo iningatan ang isinulat ko?” Gayunman, hindi na inabala ni Jeremias ang kanyang sarili sa mga tanong na iyon. Simpleng bumalik siya sa trabaho.
“Kaya't kumuha si Jeremias ng isa pang balumbon, at ibinigay ito kay Baruc na kalihim, na anak ni Nerias, na sumulat doon mula sa bibig ni Jeremias ng lahat ng mga salita na nasa balumbon na sinunog sa apoy ni Jehoiakim na hari ng Juda; at marami pang katulad na mga salita ang idinagdag doon.” (Jeremias 36:32, idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang resulta sa huli ay mas mabuti kaysa sa nauna. Nakapagdagdag pa si Jeremias sa dokumento higit kaysa sa nauna. Walang nawala subali’t may nadagdag pa. Ang Diyos, sa kanyang pagiging makapangyarihan ay nagpahintulot na pansamantalang mawala ang isinulat ni Jeremias. Gayunman, sa proseso ng muling pagsusulat niyon, isang mas mabuting dokumento ang naging bunga nito. Ang punto ay huwag nating hayaan na ang sarili natin ay masiraan ng loob. Sa lahat ng ating pakikipagkomunikasyon, nakasulat man o pasalita, dapat nating pagtiwalaan ang ultimong layunin ng Diyos. Siya ang may kontrol at siya’y mapagtitiwalaan natin.
[1]Ang mga manunulat ay pinapayuhang magtago ng maraming kopya ng kanilang isinusulat. Buong kapangyarihang ginamit ng Diyos ang pagkasira ng unang dokumento ni Jeremias. Gayunman, hindi natin maaaring laging asahan na mangyayari sa atin ang parehong bagay. Kung minsan nawawala sa mga mag-aaral ang kanilang ni-research para sa mga proyekto, maaaring manakaw o masunog. Kapag itinago mo ang mga bagay sa kompyuter, dapat regular mong itago ang mga dokumentong ito sa dalawang magkaibang lugar. Kapag ang iyong isinulat ay nasa papel dapat mong ipa-photocopy ang lahat ng dokumento at itago ang mga kopya sa isang ligtas na lugar.
Ang Kahalagaham ng Pagsusulat
Maraming dahilan kung bakit dapat tayong magsulat. Narito ang ilang dahilan na ang pagsusulat ay mahalaga para sa mga tagapangunang Kristiyano.
(1) Mas mapapabuti ng iyong isinusulat ang iyong pag-iisip nang higit kaysa sa iyong binabasa.
Mas ginagamit mo ang iyong utak, mas mag-iisip ka ng mga orihinal at malikhaing mga ideya. Ang pagbabasa ay nagpapasigla ng pag-iisip, subali’t ang pagsusulat ay nangangailangan ng higit na konsentrasyon. Ang pagsusulat kadalasan ay nagbubunga ng mas orihinal na mga kaisipan kaysa sa pagbabasa. Napakadali para sa ating isip na maglakbay habang tayo ay nagbabasa; mas mahirap para sa iyong isip ang maglakbay kapag ikaw ay nagsusulat. Mas marami kang isinusulat, mas lalo kang nag-iisip; mas lalo kang nag-iisip, mas lalong higit na orihinal (mga bagong kaisipan) ang maiisip mo.
(2) Ang iyong isinusulat ay mas malinaw na maihahayag kaysa sa iyong sinasabi.
Kung nagsasalita ang isang tao nang hindi tumitingin sa teksto, ang kaniyang komunikasyon ay agad-agad at direkta. Maliit ang pagkakataon na itama ang anumang pagkakamali sa komunikasyon. Gayunman, kapag ang isang tao ay may pagkakataon na sumulat nang mas maaga, maaari niyang masabi nang napakalinaw ang kaniyang nais sabihin.
Ang panahon ay may magandang paraan ng pagtulong upang ang ating komunikasyon ay maging ganap at mas mabuti. Kapag ang isang tao ay sumusulat ng sermon, magiging mas tiyak ang kanyang pagsasalita dahil nagkaroon siya ng oras upang pag-isipan anuman ang nais niyang sabihin. Mas marami kang isusulat, mas malinaw at mas direkta ang iyongmagiging komunikasyon.
(3) Ang iyong isinusulat ay mas madaling maiintindihan kaysa sa iyong sinasabi.
Kapag ang isang tao ay nakikinig sa isang sermon o talumpati, mayroon lamang siyang isang pagkakataon upang maunawaan iyon. Kapag mayroong bumulong sa kanya o inabala siya, may bahagi ng komunikasyon na hindi na niya maririnig. Subali’t kapag tayo ay nagbabasa, lagi tayong may pagkakataon na balikan kung saan tayo nagbabasa. Dagdag pa rito, kapag nasa harapan natin ang dokumento, mayroon tayong pagkakataon na magbasa ng mas mabagal at mapag-isipan ang ating binabasa. Dahil dito mas marami tayong matututuhan mula sa pagbabasa kaysa kung naririnig lamang natin.
(4) Ang iyong isinusulat ay maaalala nang mas matagal kaysa sa iyong sinasabi.
Ang isang sermon o talumpati ay malilimutan agad ng halos lahat nang nakarinig nito. Marahil matatandaan mo ang isa o dalawang mga bagay na binanggit ng tagapangaral sa araw ng Linggo. Gayunman, kung isinusulat ng tagapangaral ang kanyang sermon at nililimbag iyon sa isang libro, ang sermon ay patuloy pa ring mangangaral sa mahabang panahon kahit mamatay na ang tagapangaral.
Mga Mungkahi Para sa Mas Mabuting Pagsusulat
(1) Magsulat hangga’t maaari.
Ang pinakamabuting paraan upang matiyak na ikaw ay magiging isang mahusay na manunulat ay ang magkaroon ng maraming maraming pagsasanay. Isulat mo ang lahat ng bagay na maaari mong isulat. Ang isang mabuting simula ay ang pagsusulat ng mga talaan at obserbasyon sa iyong pagbubulay-bulay sa umaga. Magbibigay ito sa iyo ng isang matahimik at pansariling paraan upang magsanay sa pagsusulat. Maaari kang sumulat ng mga bagay na walang sinumang maaaring magkaroon ng pagkakataon na makita.
Sa pang-araw-araw na buhay, ang pagsusulat ay maaaring magsilbing paraan upang mawala o mabawasan ang bigat dulot ng mga problema at pressures. May mga pastor na hinihikayat na magsulat ang mga taong may problema. Ang pagsusulat ay magsisilbing pagpapahayag ng ating mga emosyon.
Lahat tayo ay nangangailangang maipahayag ang ating nararamdaman. Kapag pinanatili natin ang ating mga tanong at problema sa ating sarili lamang, magiging dahilan iyon ng problema sa atin kapag nagtagal. Kung minsan hindi tayo komportableng ibahagi sa iba ang ating mga iniisip. Kung minsan, makatutulong na isulat ang ating mga suliranin sa isang talaarawan. Isulat mo ang tungkol sa suliranin; isulat mo ang mga posibleng solusyon; isulat ang iyong mga nararamdaman; isulat ang iyong mga tanong at mga pagpapala. Ang mga taong sumubok gawin ang panukalang ito ay madalas na nakatatagpo ng malaking kaginhawahan.
Pagkatapos mahikayat na magsulat, ang isang babae ay nakapaglabas ng dose-dosenang pahina ng mga kaisipan, pagbubulay-bulay, tula at mga panalangin tungkol sa itinuturo ng Diyos sa kanya. Dumaraan siya noon sa isang matinding krisis sa kanyang buhay. Dagdag pa sa nakatulong sa kanya na ilagay sa mga salita ang mga usaping iyon, ang kanyang mga isinulat ay naging isang kapaki-pakinabang na instrumento sa pagtulong sa ibang taong nagdaraan sa mga katulad na mga kalagayan.
Dapat isulat ng mga mangangaral ang kanilang mga sermon. Kung ikaw ay isang tagapagturo sa pangLinggong Paaralan, isulat mo ang iyong aralin sa pangLinggong Paaralan. Isulat mo ang iyong mga sasabihin kapag ikaw ay maghahandog ng isang sanggol. Isulat mo ang mga luksang-parangal kapag ikaw ay nangungunasa libing. Isulat mo ang mga presentasyon na gagawin mo sa harap ng mga komite. Maging isang taong isinusulat ang lahat ng bagay.
Mahirap na gawain ang pagsusulat. Madali tayong panghinaan ng loob. Napapagod ang mga manunulat sa pagsusulat at nawawalan ng konsentrasyon. Nahihirapan silang mag-isip ng anumang bagay na maisusulat. Ang paraan upang mapagtagumpayan ang panghihina ng loob na ito ay ang pagpapatuloy sa pagsusulat. May mga panahon na kakailanganin mong tumigil o magpahinga mula sa pagsusulat. May mga pagkakataon, kailangan mong gumawa ng ibang bagay. Gayunman, upang maging isang mahusay na manunulat, magpatuloy ka sa tuloy tuloy na pagsusulat hangga’t maaari.
(2) Hangga’t maaari sumulat ng simple lang.
Ang layunin ng pagsusulat ay ang magbigay-alam, hindi upang magpakitang-gilas sa ibang tao gamit ang iyong bokabularyo. Ang atensiyon ng mga tao ay unti-unting umiigsi dahil sa telebisyon at video. Samakatuwid, ang mga mabubuting manunulat ay nagtutuon sa simpleng pagsusulat sa halip na sa mga komplikadong mga pagsusulat.
Gumamit ng mga karaniwang mga salita sa halip na mga matataas at pang-akademikong mga salita.
Gumamit ng maiikli sa halip na mahahaba at komplikadong mga pangungusap.
Gumamit ng maraming parirala sa halip na isang mahabang talata lamang.
Sumulat ng maiikling libro sa halip na mahahabang libro.
Madalas na nakakatulong para sa mga manunulat na hati-hatiin ang kanilang isinusulat sa maraming pamagat at pumapangalawang pamagat. Madali itong gawin kung ikaw ay sumusulat gamit ang isang balangkas. Ang ganitong klase ng pagsusulat ay tutulong sa mga mambabasa upang maunawaan ang iyong mga isinusulat.
Maging personal sa inyong pagsusulat. Kung inilalarawan mo ang isang bagay na nakita mo o ginawa mo, ilarawan mo iyon kung paano mo sasabihin iyon sa isang miyembro ng pamilya, gumamit ng “ako”, “ko”, “akin” at iba pang panghalipsa nagsasalita. Hangga’t maaari sumulat ka ayon sa personal na karanasan.
(3) Itama ang iyong isinulat.
Hindi sapat na isulat lang ang iyong mga iniisip. Dapat mong itama upang mapabuti ang iyong isinulat. Pinakamabuti na maghintay ng kaunting panahon pagkatapos mong isulat ang isang dokumento, at pagkatapos ay balikan ito upang itama. Kapag katatapos mo pa lang gumawa ng isang dokumento, ang iyong isipan ay nag-iisip tungkol sa isinulat mo. Babasahin mo kung ano ang iniisip mo na siya mong isinulat sa halip na kung ano ang totoong isinulat mo. Kung maghihintay ka ng isa o dalawang araw, mas magiging layunin mo ang pagbasa sa dokumento. Halimbawa, kapag sumulat ka ng sermon sa araw ng Martes, iwasto mo iyon sa Huwebes.
Kapag muli mong binasa ang isinulat mo, hanapin ang mga pagkakamali tulad ng maling baybay, hindi angkop na paggamit ng malaking titik, pagkakamali sa gramatiko at mga katulad na bagay. Nais mo ring makita kung ang mga argumento mo ay nabuo nang makatwiran at maingat. Nais mo ring makita kung ang mga paglalarawang ginamit mo ay angkop pa rin pagkalipas ng ilang araw. Nais mong tiyakin na angkop ang konklusyon.
(4) Magpatama sa ibang tao ng iyong isinulat.
Maaaring hindi makakuha ang pastor ng taong babasa ng bawat sermon na kanyang isinusulat. Gayunman, anumang dokumento na ipapalimbag ay dapat isumite sa iba para sa maingat na pagtatama nito. May mga taong babasa sa dokumento upang iwasto ito. Sila ang hahanap ng mga pagkakamali sa paglilimbag at sa grammar.
Mas mahalaga na magkaroon ng isang editor para alamin kung ang iyong mga pangangatwiran ay may natural na takbo at kung naaangkop ang iyong mga paglalarawan. Mahirap ang trabaho ng pagtatama, at masakit. Kapag binasa ng isang mabuting editor ang iyong dokumento at ibasura iyon, maaaring sumama ang iyong loob. Gayunman, kinakailangan ang pagtatama sa mabuting pagsusulat.
(5) Maging makatotohanan tungkol sa iyong pagsusulat.
Huwag mong asahan na ang unang librong iyong isusulat ay tatanggapin ng unang tagapaglimbag na makakikita rito. Ang bawat matagumpay na manunulat ay dapat magsumikap. Maging ang magagaling na mga manunulat ay mayroong mga isinulat na hindi kailan man nalimbag. Hindi ka dapat panghinaan ng loob kapag ang iyong libro ay hindi tinanggap nang may malaking kagalakan. Ipagpatuloy mo ang iyong gawain. Kung tunay na tinawag ka ng Diyos upang magsulat, mayroong makakikita ng iyong talento at sa takdang panahon mabibigyan ka ng tamang pagkakataon.
May mga tao na tinitingnan ang pagsusulat bilang isang paraan upang kumita. Gayunman, dapat kilalanin ng mga baguhang manunulat na kaunti lamang ang totoong kumikita sa pamamagitan ng pagsusulat. Dapat kang magsulat dahil sa pagmamahalmo sa pagsusulat at sa pagkakataon na mapalawak ang iyong ministeryo. Hindi mo dapat maging pangunahing motibasyon sa pagsusulat ang pagkita ng pera.
Konklusyon
Ang bawat pastor at mga tagapanguna sa iglesya ay dapat magsulat pa ng mas marami. Kailangang isulat ng mga pastor ang kanilang mga sermon. Kailangang isulat ng mga tagapagturo ang kanilang ituturo sa pag-aaral ng Biblia. Kailangang sumulat ang mga tagapangunang Kristiyano ng mga artikulo sa mga magasin at ibang babasahin. Mayroong dapat sumulat ng mga tracts para sa pag-eebanghelyo. Marami sa atin ang kinakailangang magsulat ng mga libro.
Ano angkinakailangan upang maging isang mabuting manunulat? Kailangan lamang ng ilang pangunahing mga kakayahan. Kinakailangan ang pagsisikap sa mahirap na trabaho. Kinakailangan ang kaluwagan ng loob na matuto. Hindi ka kailanman magiging mabuting manunulat malibang papayag ka na ang iyong trabaho ay itama ng ibang tao na maaaring magdulot sa iyo ng sama ng loob. Nangangailangan ito ng oras. Mahirap ang gawain ng pagsusulat, subalit napakahalaga nito para sa kaharian ng Diyos.
► Mayroon ka bang kakayahang magsulat? Pag-isipan mo na maglaan ng oras linggo-linggo upang magsulat. Ibahagi mo ang iyong mga isinusulat sa ilang kaibigang Kristiyano. Kapag ang iyong mga isinusulat ay nagmiministeryo sa mga kaibigang ito, maaaring gamitin ng Diyos ang iyong kaloob bilang isang manunulat upang magministeryo sa mas maraming mambabasa.
Mga Takdang Aralin sa Aralin 6
(1) Sa simula ng susunod na aralin, kukuha ka ng pagsusulit batay sa araling ito. Maingat na pag-aralan ang mga tanong sa pagsusulit bilang paghahanda.
(2) Magsanay ng simpleng isang-pahinang takdang-aralin sa pagsusulat. Pumili ng isang praktikal na paksa sa buhay Kristiyano mula sa listahan sa ibaba at sumulat sa mga kapwa mananampalataya. Ang iyong isinulat ay dapat magpalakas ng loob, maghikayat o magbigay ng biblikal na pananaw sa iyong paksa. Ang iyong isusulat ay dapat batay sa mga katotohanan sa kasulatan at ang iyong mga repleksiyon sa kasulatan ngunit hindi dapat maging isang sermon. Dapat mong samahan ito ng mga praktikal na ideya o mga halimbawa sa buhay. Pagkatapos mong maingat na maitama ang iyong isinulat, ibahagi ito sa ilang kapwa mananampalataya. Piliin ang isa sa mga sumusunod na paksa:
Pagharap sa panghihina ng loob
Ang kahalagahan ng araw-araw na pananalangin
Pagpapanatili ng espiritu ng pagpupuri
Pakikinig sa tinig ng Diyos sa iyong buhay
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Aralin 6
(1) Maglista ng tatlo sa maraming bagay na ipinasulat ng Diyos sa kanyang mga lingkod.
(2) Maglista ng tatlong paraan kung saan ipinapakita ni Jeremias ang kahalagahan ng pagsusulat.
(3) Maglista ng tatlo sa apat na dahilan kung paanong ang pagsusulat ay mahalaga para sa mga tagapangunang Kristiyano.
(4) Maglista ng tatlo sa limang mungkahi para sa mas mabuting pagsusulat.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.