Kung tayo ay mga kompyuter, magiging madali ang komunikasyon. Maaari nating ikabit ang kurdon sa isipan ng isang tao at isa pang kurdon sa isipan ng isa pang tao, pindutin ang buton at ang komunikasyon ay madaling lilipat at walang pagkakamali. Gayunman, hindi pinili ng Diyos na magkipag-usap sa gayung paraaan ang tao. Mayroong mas higit na mabuting plano ang Diyos. Ang totoo, dinesenyo ng Diyos ang komunikasyon upang maging isa sa pinakakasiya-siyang karanasan sa buhay.
Napansin ba ninyo na ginawang kasiya-siya ng Diyos ang mga gawaing kinakailangan sa buhay? Kinakailangan nating kumain upang magkaroon ng lakas, kaya’t ginawa ng Diyos na kasiya-siya ang pagkain. Kinakailangan nating magpahinga upang magpanibago ang ating lakas, kaya’t ginawang kasiya-siya ng Diyos ang pamamahinga. Sa gayun ding dahilan ginawa ng Diyos na kasiya-siya ang komunikasyon. Isang kasiyahan at katuwaan na makipag-usap at bumuo ng mga pakikipag-ugnayan sa ibang tao.
Ang komunikasyon ay binubuo ng tatlong bahagi: ang nagsasalita, ang tumatanggap at ang mensahe. Ang taong nagsasalita ay nagbibigay ng isang mensahe namatatanggap ng pangalawangtao.
Dalawang Dahilan na ang Isang Mensahe ay Hindi Matagumpay na Naipaparating
Maaaring Hindi Malinaw ang Pagkokomunikasyon ng Nagsasalita
Walang perpektong tagapagsalita. Lahat tayo ay may mga isiping mahirap ipahayag. Kung minsan nga mas mahirap pang ipahayag ang ating mga sarili sa Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit tinutulungan tayo ng Banal na Espiritu sa ating mga panalangin, nagpapahayag ng mga bagay na hindi natin nalalaman kung paano ipapahayag (Roma 8:26). Gaano man kagaling ang mga tao sa pagiging komunikador, hindi nila kailanman magagawang ipahayag ang lahat ng bagay sa kanilang isipan. Kung minsan nabibigo ang komunikasyon kapag ang nagsasalita ay nagsisikap na piliin ang kanyang mga salita o kapagang isang manunulat ay nagsisikap na sumulat ng isang dokumento. Nagkakaroon tayo ng suliranin sa komunikasyon sa tuwing ang tagapagsalita at ang tumatanggap ng mensahe ay gumagamit ng magkaibang mga salita. Maaaring masira ang komunikasyon dahil sa sumusulat o sa nagsasalita.
Maaaring Hindi Nauunawaan ng Tumatanggap ang Mensahe
Pangkaraniwan, ang isang tagapakinig ay hindi makapagtuon ng wastong atensiyon sa nagsasalita upang lubos na maunawaan ang sinasabi ng ikalawang tao, maging ito man ay pasalita o nakasulat na komunikasyon. Kahit pa nauunawaan ng isang tao ang lahat ng mga salita, mahirap maunawaan ang buong komunikasyon dahil sa maliliit na pagkakaiba-iba sa mga salita ay nagbabago sa bawat isang tao. Maaaring mabigo ang komunikasyon sa bahagi ngtagapakinig o ng bumabasa.
Kahit pa ang guro ay isang mabuting komunikador at ang mag-aaral ay isang mabuting tagatanggap, ang ilan sa orihinal na mensahe ay mawawala sa pagitan ng guro at ng mag-aaral. Ang ating layunin ay mabawasan ang di-pagkakaunawaan at mapabuti ang komunikasyon.
Ang komunikasyon ay isa sa pinakamahalagang bagay na ginagawa natin sa araw-araw. Nilikha tayo ng Diyos bilang mga nilalang na hindi tumitigil sa paglikha at pagtanggap ng komunikasyon.
Ang mahuhusay na komunikador ay nagpapatuloy sa higit na pagkatuto upang mapabuti ang kanilang kakayahang makipag-usap. Kung hindi tayo magpapatuloy sa pagkatuto at paglago, hindi tayo magiging epektibo at kawili-wiling mga komunikador.
Ano-ano ang Iba’t-ibang Anyo ng Komunikasyon?
Komunikasyon na Pasalita
Isa-sa-Isa na Komunikasyon
Ang isang tao na nakikipag-usap sa isa pang tao ang pinakamalapit at karaniwang pinakamatagumpay na anyo ng komunikasyon. Sa klaseng ito ng komunikasyon, madaling malalaman kung nauunawaan ka ng iyong kausap. Mayroon kang agarang puna o tugon na nagbibigay kakayahan sa iyo upang sukatin ang tagumpay ng komunikasyon. Maaari kang gumamit ng iba’t-ibang paliwanag upang matagumpay na maisalin ang impormasyon mula sa iyo patungo sa isa pang tao.
Ito ang pinakamaluwag at natural na anyo ng komunikasyon.
Maliliit na Grupo
Ito ang uri ng komunikasyon na nararanasan natin sa mga pamilya, sa trabaho, at sa hindi pormal na mga pagtitipon. Maaaring makabilang sa komunikasyon sa maliliit na grupo ang mga pag-uusap sa pamilya hanggang sa mas pormal na sitwasyon tulad ng klase sa Pang-Linggong Pag-aaral. Para sa maraming tao, ang pagharap sa malalaking grupo ay nakalilikha ng pag-aalala at hindi magandang pakiramdam. Gayunman, ang mga taong ito mismo ang madalas na nagsasalita sa mga pagtitipong pampamilya, hindi pormal na mga pagtitipon ng mga magkakaibigan at iba pang maliliit na grupo nang walang masyadong pag-aalala o takot.
Pagsasalitang Pampubliko
Sa pampublikong pagsasalita, ang tagapagsalita ay humaharap sa malaking grupo ng mga tao. Ang uring ito ng komunikasyon ay halos laging pormal, bagaman maaaring magkaroon ng hindi-pormal na kapaligiran. Ang pagsasalita sa malalaking grupo ng mga tao ang pinakaepektibong paraan ng pagpaparating sa kanila ng pinakamaraming impormasyon sa pinakamaikling haba ng oras. Ginagamit ang uring ito ng pagsasalitang pampubliko ng lahat ng mga gawain sa iglesya, pulitikal na pagtitipon, at iba pang malalaking pagtitipon. Kapag nagsasalita sa kapaligiran na katulad nito, mahirap tiyakin ng tagapagsalita kung nauunawaan nga ng mga tagapakinig ang mensahe. Mas may posibilidad na magkaroon ng pagkakamali sa komunikasyon. Karamihan sa mga tao ay may damdamin na ang pagsasalita sa publiko ang pinakamahirap na anyo ng pasalitang komunikasyon.
Hindi Pormal na Komunikasyon
Karamihan sa atin ay nakikilahok sa mga hindi pormal na mga uring komunikasyonaraw- araw. Karamihan sa mga komunikasyong hindi pormal ay hindi nangangailangan ng paghahanda; tumutugon lamang ang isang tao sa mga sitwasyon sa natural na paraan. Kahit sa mga hindi pormal na mga sitwasyon, may mga tao na mas may kakayahan kaysa sa iba sa pagpapahayag ng kanilang sarili.
Pormal na Komunikasyon
Ang pormal na komunikasyon ay karaniwang para sa mga okasyon na ipinaplano na nang mas maaga. Sa pormal na komunikasyon, kinakailangan ng tagapagsalita na ihanda ang kanyang pagpapahayag nang mas maaga. Ang pormal na komunikasyon ay karaniwang lumilikha ng pag-aalala at takot sa parte ng tagapagsalita, lalo na kapag ang taong ito ay hindi nasanay sa pampublikong pagsasalita. Ang pangangaral, pagbibigay ng lecture at mga katuladna okasyon ay mga pormal na pagpapahayag.
Maaaring maganap ang pormal na komunikasyon sa maliliit na grupo o maging sa sitwasyong isa-sa-isang pakikipag-usap. Kapag ikaw ay naanyayahan upang makaharap ang gobernador, malamang ito ay isang pormal na sitwasyon. Dapat mong seryosong paghandaan ang pagkikitang iyon na tila ba ikaw ay magpapahayag sa isang malaking grupo ng mga tao.
Nakasulat na Komunikasyon
Taglay ng nakasulat na komunikasyon ang marami sa parehong mga katangian ng komunikasyong pasalita, subali’t may mga katangiang tanging para sa nakasulat na komunikasyon lamang:
1. Ang nakasulat na komunikasyon ay karaniwang mas maikli kaysa komunikasyong pasalita. Ang nakasulat na komunikasyon ay karaniwang may limitasyon sa haba na hindi kinakailangan sa komunikasyong pasalita. Dahil dito ang isang nakasuat na liham ay karaniwang mas maigsi kaysa sa pag-uusap sa telepono.
2. Ang komunikasyong nakasulat ay madalas na mas diretso sa punto kaysa sa pasalitang komunikasyon. Dahil sa katotohanang nag-uukol ng panahon ang tao upang isulat ang kanyang ipapahayag, karaniwang nangangahulugan ito na ang komunikasyon ay mas direkta at mas tumpak. Dahil ang nakasulat na komunikasyon ay masusing titingnan, ang sumusulat ay kadalasang mas maingat upang maging lubusang tiyak sa punto.
3. Ang nakasulat na komunkasyon ay nagiging mas pormal kaysa sa komunikasyong pasalita. Dahil ang tagatanggap ng mensahe ay wala sa harap ng sumusulat, nagiging mas pormal ang paraan ng komunikasyon ng sumusulat kaysa kung ang taong tatanggap ng mensahe ay naroon mismo malapit sa kanya.
4. Ang nakasulat na komunikasyon ay karaniwang mayroong mas matinding epekto kaysa sa pasalitang komunikasyon. Ang pasalitang komunikasyon ay maaaring hindi kasing epektibo ng nakasulat na komunikasyon. Ang totoo, sa mga legal na sitwasyon, hindi opisyal ang komunikasyon kapag hindi ito nakasulat.
5. Mas nagtatagal ang nakasulat na komunikasyon kaysa sa pasalitang komunikasyon. Kapag ang isang tao ay nagsalita ng malakas, madaling makakalimutan kung ano ang sinabi. Subali’t kung mayroong isinulat, ang mensaheng iyon ay patuloy na magbibigay ng impormasyon hangga’t naroon pa ang papel na pinagsulatan.
Para sa ilang sitwasyon, ang nakasulat na komunikasyon ay mas epektibo kaysa sa pasalitangkomunikasyon. Upangmaging isang mabuting komunikador, kinakailangan ng isang tao na paunlarin ang kanyang kakayahang magsulat, gayundin ang kanyang kakayahang magsalita.
Paggamit ng Iba’t-ibang Anyo ng Komunikasyon
Dagdag pa sa pagsasalita at pagsusulat, maaari rin tayong makipagkomunikasyon sa pamamagitan ng drama, mga larawan, musika, kilos ng katawan, paghipo, at mga kilos. Karamihan sa mga tagapagturo ay nagkakasundo sa pagsasabi na ang pinakaepektibong paraan ng pagtuturo ay gumagamit ng sama-samang iba’t-ibang anyo ng komunikasyon. Kapag ang isang tao ay nakarinig ng isang mensahe at pagkatapos ay patototohanan iyon gamit ang isang larawan o object-lesson, mas higit ang kanyang matututuhan. Sinasabi ng ilang mananaliksik na:
Naaalala natin ang 10% ng ating binasa.
Naaalala natin ang 20% ng ating naririnig.
Naaalala natin ang 30% ng ating nakikita.
Naaalala natin ang 50% ng ating nakikita at naririnig.
Naaalala natin ang 90% ng ating ginagawa.
Inilalarawan nito ang katotohanan na ang sama-samang anyo ng komunikasyon ay nagpapataas sa pagkatuto. Kapag dinadagdagan natin ang isang anyo ng komunikasyon ng isa pang paraan, pinalalakas natin ang ating pagiging epektibo.
► Suriin mo ang iyong kakayahang magkipag-usap. Aling anyo ng komunikasyon ang iyong kalakasan: nakasulat o pasalita, maliit o malalaking grupo, pormal o hindi pormal? Sa aling anyo ka naman mahina?
Mga Bagay (Factors) na Nakakaimpluwensiya sa Komunikasyon.
Maraming mga bagay ang nakakaimpluwensiya sa tagumpay ng ating komunikasyon.
Ang Mensahe
Ang likas ng ating mensahe ay magkakaroon ng malaking epekto sa komunikasyson. Halimbawa, malaki ang pagkakaiba ng mensahe para sa patay at ng mensahe para sa isang kaarawan. May malaking pagkakaiba ang presentasyon tungkol sa HIV/AIDS sa Nigeria at ng presentasyon para sa seremonya ng pagtatapos sa kolehiyo. May mga pagkakaiba sa pagitan ng isang sermon, isang pormal na presentasyong pang-akademiko at sa mensahe sa isang politikal na pagtitipon.
Ang haba ng mensahe ay makakaimpluwensiya rin sa mensahe. Bagaman tila kataka-taka, kapag maikli ang mensahe, mas kailangang magtrabaho upang tiyaking nasa loob ng mensahe ang mahahalagang puntos sa nakatakdang limit ng oras. Kapag kailangan mong gumawa ng isang mahalagang presentasyon sa loob lamang ng maikling oras, mas kailangan mong maghandang mabuti para doon.
Minsan may nagtanong kay U. S. President Dwight Eisenhower kung gaano katagal bago siya makapaghanda ng isang talumpati. Sumagot siya, “Kung nais mo ng 15-minutongtalumpati, bigyan mo ako ng dalawang linggo. Kung nais mo ng 30-minutong talumpati, bigyan mo ako ng isang linggo. Kung nais mo ng isang oras na talumpati, bigyan mo ako ng dalawa o tatlong araw. Kung nais mo ng dalawang oras na talumpati, nakahanda na ako ngayon.” Ang kanyang punto ay ganito: kung mayroon kang limitadong haba ng oras, kailangan mong magtrabahong mabuti upang siguruhing tama ang iyongsasabihin.
Ang Paghahanda
Karamihan sa mga pampublikong tagapagsalita ay nangangailangan ng mahaba-habang oras sa paghahanda ng isang presentasyon. Karaniwang may direktang kaugnayan sa pagitan ng epekto ng presentasyon at ang haba ng paghahanda na ginugol para dito.
Isa sa pinakamalaking dahilan na ang maraming sermon ay may limitadong epekto ay ang kakulangan sa paghahanda. Maraming tao ang dumidepende sa kanilang natural na kakayahan upang matapos nila ang isang sermon. Dapat maging seryoso ang pananaw natin sa bawat pagkakataon upang magsalita. May mga tagapagsalita na isinusulat ang bawat salitang bibigkasin nila sa harap ng mga tao. Mas matagal na panahon ang ginugugol sa ganitong klase ng paghahanda, subalit ang premyo nito ay nasa pagiging epektibo ng presentasyon.
Ang Kapaligiran
Ang kapaligiran ng isang presentasyon ay nakakaapekto sa paraan ng paghahanda at pagpepresenta ng mensahe. Kung ang isang tao ay magsasalita sa isang krusada ng pag-eebanghelyo sa labas sa isang baranggay, talagang malaki ang pagkakaiba ng paghahanda niya kaysa sa komperensiya ng mga pastor sa isang kuwarto sa isang hotel. Mahalaga na kapag tatanggap ng isang paanyaya upang magsalita, kinakailangang malaman ang mga bagay-bagay patungkol sa pisikal na kapaligiran.
Ang Mga Kaganapan
Dapat mong malaman ang mga kaganapan na nagbunsod para sa paanyaya. Halimbawa, ang sumulat ng kursong ito ay naanyayahan upang magsalita tungkol sa “Pilosopiya ng Kristiyanong Edukasyon” para sa mga tauhan ng isang paaralan. Nalaman niyang muling pinag-iisipan ng school board ang kanilang pilosopiya. Ang mga kaganapan ay nagbago na sa nakaraang 60 taon at napapanahon na upang tiyakin ng paaralan na nauunawaan nila ang kanilang misyon. Nang malaman niya ang kaganapang ito, nakatulong ito ng malaki sa kanyang paghahanda ng kanyang mga presentasyon.
Ang Tagapakinig
Ilang mga bagay tungkol sa tagapakinig ang nakakaimpluwensiya sa komunikasyon:
Edad. Ang pagtuon ng atensyon ng mga bata ay hindi kasintagal ng isang may sapat na gulang. Kakailanganin mong iklian ang iyong pananalita o gumamit ng espesyal na pamamaraan upang panatilihin ang atensiyon ng mga bata.
Kasarian. Iba ang interes ng mga babae kaysa sa mga lalaki. Samakatuwid, iba ang iyong paghahanda para sa mga kalalakihan o kababaihang mga tagapakinig. Kapag magkahalo ang iyong tagapakinig, mapipilitan ka ring maghanda sa ibang paraan.
Mga Interes. Kapag magsasalita ka sa isang grupo ng mga abogado, maghahanda ka at magsasalita sa ibang paraan kaysa kung ikaw ay kakausap ng isang grupo ng mga atleta. Dapat laging bigyang halaga ang espesyal na interes ng mga tagapakinig.
Edukasyon. Kung ikaw ay nagbibigay ng akademikong papel sa isang grupo ng tagapanayam sa unibersidad, gagawin mo ang presentasyon nang naiiba kaysa kung ikaw ay nagtuturo ng isang aralin sa Biblia sa iang klase ng mga mga batang 12 taong gulang lamang.
Kalusugan at Kalakasan. Nagsasalita ang isang asawa ng pastor sa mga senior citizen linggo-linggo. Matatanda at mahihina na ang mga ito at hindi na nagtataglay ng haba ng atensiyon na katulad ng mga kabataan pa. Naghahanda siya at nagbibigay ng kanyang mensahe sa ibang pamamaraan kaysa kung siya ay humaharap sa mas nakababatang mga tagapakinig.
Tagal ng Panahon. Ang haba ng oras para ipresenta ang mensahe ay nagtatakda ng haba ng paghahanda para sa komunikasyon. Ang isang nagbebenta na binibigyan lamang ng sampung minuto upang ipahayag ang kanyang nais ay tiyak na magsasalita ng iba kaysa kung mayroon lamang siyang isang minuto para magpresenta.
Dahil ang mga bagay na ito ay nakakaapekto sa paghahanda at pagdadala ng isang mensahe, dapat sikapin ng tao na malaman ang mas maraming impormasyon tungkol sa kanyang tagapakinig bago pa man tanggapin ang isang takdang araw ng pagsasalita.
Mga Hadlang sa Komunikasyon
Takot sa Pagsasalita sa Publiko
Pinakamalaking takot para sa maraming tao ang pagsasalita sa harap ng publiko. May mga sundalo na walang takot isuong ang kanilang buhay sa isang digmaan, subali’t labis na natatakot kapag hinilingang magsalita kahit kaunti lamang sa harap ng labinlima o dalawampung katao.
Ang pinakamabisang lunas sa takot sa pagsasalita sa publiko ay karanasan. Mas madalas magsalita ang sinuman sa harap ng mga tao, mas nagiging komportable ang pakiramdam niya sa pagsasalita sa harap ng maraming tao. Nang ang isang kilalang tagapagsalita sa publiko ay pinapurihan sa kanyang kakayahang magsalita sa publiko, ngumiti siya at sinabi, ”Madalas po akong magpraktis.” Kinakailangan ang karanasan para maging komportable bilang isang tagapagsalita sa publiko.
Kakulangan sa Sapat na Paghahanda
Napag-usapan na natin ang kahalagahan ng paghahanda. Ang kakulangan sa sapat na paghahanda ay isa sa pinakamalaking dahilan ng hindi matagumpay na pagsasalita sa publiko. Ano ang ilan sa mga karaniwang suliranin ng mga tagapagsalita sa kanilang paghahanda?
Hindi Mabuting Pagsisimula/pagpapakilala. Kapag hindi naging mabuti ang pagsisimula ng isang tao, hindi maaasahang maging maganda ang presentasyon niya.
Hindi Mabuting Konklusyon. Ang isang mabuting pagtatapos ay kasing halaga ng isang mabuting pagsisimula. Ito ang huling maririnig ng mga tagapakinig; maaalala nila ang pangwakas.
Hindi Mabuting mga Paglalarawan. Isa sa pinakamahalagang bahaging isang presentasyon sa publiko ay ang paggamit ng mga pagsasalarawan na nakakatulong sa mga tagapakinig na higit na maunawaan ang mensahe.
Hindi Mabuting Pagkakasunod-sunod. Ang mabuting komunikasyon ay nabubuo sa pamamagitan ng organisadong paraan. Ang isang hindi organisadong tagapagsalita ay maaaring magsalita ng maraming mabubuting mga bagay, subali’t maaaring hindi maunawaan ng mga tagapakinig ang kanyang pangunahing mensahe.
Ang lahat ng ito ay mga usaping kaugnay sa paghahanda. Maaaring hindi natin maiwasanang magkaroon ng kaba kapag tumayo tayo sa harap ng mga tao. Maaaring hindi natin makontrol ang kapaligiran kung saan tayo magsasalita. Gayunman, mayroon tayong magagawa tungkol sa isang mabuting pasimula at sa mabuting pagtatapos. Maaari nating kontrolin ang mga paglalarawan o halimbawa sa ating mga presentasyon, at maaari nating kontrolin ang pagkaka-ayos ng ating mga presentasyon. Ang mga bagay na ito ay mahalagang bahagi ng paghahanda.
Walang maipapalit sa mabuting paghahanda. Hindi gawaing propesyonal ang mabigong maghanda nang sapat para sa isang presentasyong pampubliko.
Kabiguang Maging Sensitibo sa Tagapakinig
Hindi isang paraan lamang ang komunikasyon kapag nagsasalita sa publiko. Ang isang mabuting tagapagsalita sa publiko ay laging may kamalayan sa tugon o reaksiyon ng kanyang mga tagapakinig. Ang pinakamabuting paraan upang gawin ito ay magkaroon ng mabuting pagtingin sa mata ng mga tagapakinig. Makikita ng isang mabuting tagapagsalita sa publiko sa mata ng kanyang tagapakinig kung nagagawa niya o hindi na maiparating ang kanyang mensahe. Kapag naramdaman ng tagapagsalita na tila nawawala na ang interes ang mga tagapakinig, dapat siyang gumawa ng paraan upang ibalik ang kanilang atensiyon. Narito ang ilang bagay na maaaring gawin ng tagapagsalita:
Tumigil sa pagsasalita at maghintay. Ang ilang sandaling katahimikan ay makakatawag sa atensiyon ng mga tagapakinig.
Magkuwento. Ang isang kuwento ay nakakatulong upang muling ibalik ang atensiyon. Kung minsan, kailangan mong magkuwento nang mas maaga kaysa sa iyong plano.
Magbigay ng nakakagulat na katotohanan o statistic.
Gumamit ng pagpapatawa.
Magbigay ng praktikal na pagsasabuhay ng iyong paksa.
Gumamit ng isang bagay o sumulat sa isang board.
Makipag-usap sa isang tao na nasa mga tagapakinig.
Kapag ang mga nakikinig ay inaantok, patayuin at papag-unatin sila.
Kapag ang mga nakikinig ay inaantok, paawitin ang mga tagapakinig.
Ang isang tagapagsalita ay dapat laging napapansin ang mga bagay na nakakaagaw ng atensiyon ng mga tagapakinig. Kung may taong pumasok sa silid-aralan o kung mayroong tila kaguluhan sa labas ng silid-aralan, mas mabuting tumigil muna sa pagsasalita hanggang sa mawala ang nakakaagaw ng pansin. Kapag ang 50% ng mga tagapakinig ay nakatingin sa taong pumasok nang huli, kailangan mongtumigil at maghintay.
Kapag mayroong nakakaagaw ng pansin sa silid-aralan, kung minsan ay nakakatulong ang pagbibiro. Maaari mong sabihin: “Maghihintay ako ng isang minuto upang matingnan ninyo ang taong kapapasok lang dahil siya ay mas nakaaakit kaysa sa akin. Ako ay isang guro atnalalaman ng mga guro na walang dahilan upang magpatuloy sa pagsasalita kapag may nakakaagaw sa inyong pansin. Kapag nasiyahan na kayo sa pagtingin sa inyong kaibigan, tsaka ako magpapatuloy.” Karaniwang natatawa ang mga tao at muling ibinabalik ang atensyon sa iyo.
Pagpapanatili sa Atensiyon ng Inyong mga Tagapakinig
Naglista si Duane Liftin ng 10 bagay na makatutulong upangmapanatili ang atensiyon ng inyongmgatagapakinig.[1]
(1) Pagkagulat. Natutuon ang ating atensiyon sa mga bagay na naiiba kaysa sa ating inaasahan.
Nang ang isang dalubhasa sa Batas ni Moises ay magtanong kay Jesus, “Guro, ano po ang kailangan kong gawin upang magkamit ng buhay na walanghanggan?” Tumugon si Jesus gamit ang isang kuwento na may nakakagulat na katapusan. Ang kuwento ng “Ang Mabuting Samaritano” ay gumamit ng itinatakwil na Samaritano bilang bida sa kwento (Lucas 10:25-37). Ang kuwentong ito ang nagpanatili sa atensiyon ng mga tagapakinig ni Jesus!
(2) Pagkilos o Aktibidad. Kapag ang lahat ng bagay ay tahimik, ang pagkilos ay tatawag sa kanilang atensiyon; gayundin, kapag ang lahat ng bagay ay kumikilos, ang anumang nananatili ang makakatawag ng pansin. Ang mga magkasalungat ang humuhuli sa ating atensiyon.
Upang ipakita ng pagkadismaya niya sa kawalang hustisya ng mga tagapangunang panrelihiyon sa Templo,
“Pumasok si Jesus sa templo, at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo, at ibinaligtad niya ang mga mesa ng mga mamamalit ng salapi, at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati.” (Mateo 21:12).
Sa palagay mo, nakuha ba ni Jesus ang atensiyon ng mga tao sa Templo?
(3) Pagiging Malapit. Ang mga kasalukuyang pangyayari o mga bagay na malapit sa atin ang tatawag ng ating atensiyon.
Habang nagtuturo si Jesus,
“Nang panahong iyon, mayroong ilan na naroon na nagsabi sa kanya tungkol sa mga taga-Galilea, na ang dugo ng mga iyon ay inihalo ni Pilato sa mga alay nila.”
Tumugon si Jesus sa pamamagitan ng pagtuturo ng isang aralin batay sa “kasalukuyang pangyayari” at sa isa pang katatapos lang na trahedya na naganap sa Siloam (Lucas 13:1-5). Nalalaman niya na ang mga kasalukuyang mga pangyayari ang makakatawag ng pansin ng mga taga pakinig.
(4) Mga Bagay Nakikita. Ang mga bagay na tiyak na nakikita natin ang karaniwang masnakakatawag sa ating atensiyon mas higit kaysa sa mga abstract/hindi maunawaan, pangkalahatan, at ang ordinaryo. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang mga paglalarawan.
Kapag nagtuturo si Jesus, tinutukoy niya ang mga tiyak na bagay upang ilarawan ang kanyang itinuturo.
“Ito'y tulad sa butil ng binhi ng mustasa” (Marcos 4:31).
“Ipakita ninyo sa akin ang isang denario” (Lucas 20:24).
“Masdan ninyo ang puno ng igos” (Lucas 21:29).
(5) Pagiging Pamilyar. Sa mga pagkakataon na ang mga bagay-bagay ay hindi pamilyar at hindi alam, kung alin ang pamilyar ay siyang madali nating mapapansin.
Upang ituro ang ating tugon sa Salita ng Diyos, tinukoy ni Jesus ang isang pamilyar na tagpo sa mundong ito—isang magsasaka na nagsasabog ng binhi sa isang bukid. “Isang manghahasik ang humayo upang maghasik.” (Mateo 13:3).
(6) Salungatan. Sa kalagayan ng pagkakasundo at kapayapaan, ang pagsasalungatan sa pagitan ng dalawa o higit pang mga bagay ay siyang nakakaagaw ng ating pansin.
Paulit-ulit, binigyang-diin ni Jesus ang salungatan sa pagitan ng kanyang katuruan at ng katuruan ng mga Pariseo at iba pang mga tagapangunang pangrelihiyon. Ito ang nakatawag ng atensiyon ng mga pulutong.”Nang marinig ito ng napakaraming tao, namangha sila sa kanyang aral.” (Mateo 22:33).
(7) Kapanabikan. Kapag nasa sa atin ang buong larawan maliban sa ilang nawawalang mahahalagang piraso, tayo’y naaakit sa mga nawawalang piraso upang makita natin kung paano nagkakaugnay-ugnay ang mga ito sa kabuuan ng larawan.
Nang punahin ng mga tagapanguna sa relihiyon si Jesus nang siya’y kumain kasalo ng mga makasalanan, nagkuwento siya. Ikinuwento niya ang isang anak na naglayas nguni’t nagpasiyang bumalik sa sariling tahanan (Lucas 15:11-32). Ang mga nakikinig ay maaaring naghihintay na malaman: Ano ang mangyayari sa anak na ito?Tatanggihan kaya siya ng kanyang ama? Paaalisin kaya siya ng komunidad dahil binigyan niya sila ng kahihiyan? Ano kaya ang mangyayari sa rebeldeng anak na ito? Alam ni Jesus kung paano lilikha ng kapana-panabik na sitwasyon.
(8) Tindi. Kapag may isang bagay na namumukod-tangi bilang mas matindi kaysa sa mga bagay na nakapalibot dito, karaniwang dito natutuon ang ating atensiyon.
Paulit-ulit, ang mga taong nakarinig sa pagtuturo ni Jesus ay kumikilala sa kapangyarihan at awtoridad ng kanyang mga pagtuturo. Ang intensity ng kanyang pagtuturo ay nakamangha sa kanyang mga tagapakinig.”Namangha sila sa kanyang aral, sapagkat sila’y tinuturuan niyang tulad sa isang may awtoridad, at hindi gaya ng mga eskriba.” (Marcos 1:22).
(9) Katatawanan. Ang nasa gitna ng halos lahat ng katatawanan ay ang isang bagay na wala sa wastong lugar o hindi ayon sa tamang kalagayan nito. Halos sa lahat ng pagkakataon, ang katatawanan ay nakakatawag ng ating atensyon.
Marahil tumawa ang mga tagapakinig ni Jesus nang sabihin Niyang “Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang troso na nasa inyong sariling mata?” (Mateo 7:3).
(10) Kaugnayan sa pang-araw-araw ng buhay. Ang mga bagay na kaugnay sa ating pangunahing pangangailangan sa buhay at pang-araw-araw na karanasan at emosyon ang karaniwang tumatawag sa ating interes.
Nang nangangaral si Jesus sa mga ordinaryong tao na kaunti lamang ang pera o mga ipon, nagsalita siya tungkol sa mga bagay na kinakailangan nila sa pang-araw-araw na buhay.
“Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba higit ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit? At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Pansinin ninyo ang mga liryo sa parang, kung paano silang lumalaki; hindi sila gumagawa o humahabi man… Kaya huwag kayong mabalisa, na magsasabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’…Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:25, 28, 31, 33).
Nangusap si Jesus tungkol sa mga pangunahing pangangailangan sa buhay.
Kabiguang Makabuo ng Sentrong Tema
Ang kabiguang gumawa ng isang malinaw na sentrong tema ang isa sa dalawang pinakamahalagang suliranin sa maraming sermon at iba pang pampublikong mga pagsasalita o talumpati. Pakinggan ninyo ang isang pag-uusap isang Linggo nang hapon:
Mark: “Nasiyahan ka ba sa pananambahan kaninang umaga?”
Jasmine: “Oo, mabuti iyon.”
Mark: “Maganda ba ang sermon?”
Jasmine: “Napakaganda!”
Mark: “Tungkol saan ang sermon?”
Jasmine: “Ah, nagsalita siya tungkol sa kasalanan, at tungkol sa langit at tungkol sa isang sira-sirang kotse na nakita niya kahapon. Marami siyang sinabing mabubuting mga bagay.”
Maraming sinabing mabubuting bagay ang pastor, subali’t walang nagkakaisang mensahe sa kanyang sermon. Nakasisira ito sa kakayahan ng pastor na magkomunikasyon ng isang makapangyarihang mensahe. Sa pag-uwi ng kanyang mga tagapakinig, wala silang maaalalang sentrong tema mula sa sermon. Kapag ang isang tao ay lumakad palayo mula sa isang sermon o iba pang pampublikong talumpati o pagsasalita, dapat niyang mabigyan ng buod sa iilang salita ang mga sinabi ng tagapagsalita. Kung hindi iyon magagawa ng isang karaniwang tao sa mga tagapakinig, hindi talagang naging matagumpay ang tagapagsalita sa pagpapaabot ng kanyang mensahe.
Pagkatapos makabuo ang isang tao ng tema para sa kanyang presentasyon, kailangan niyang gumawa ng isang balangkas at mga paglalarawan at mga pagsasabuhay na nagtutuon ng atensiyon sa sentrong tema. Ang tema ng isang tagapangaral o mga layunin ng isang tagapagturo ang magbibigay ng tudlain para sa buong sermon o aralin.
Mahalaga na magsimula sa mga bagay na alam patungo sa mga bagay na hindi alam. Ang mga pampublikong tagapagsalita ay dapat magsimula sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na alam at komportable ang mga tagapakinig bago siya magpatuloy sa mga bagay na hindi nila alam. Ang mabubuting mga talumpati ay nagsisimula sa mga bagay na pamilyar sa mga tagapakinig at unti-unting lilipat sa mga bagong paksa. Pinananatili nila ang mga tagapakinig sa pagkilos patungo sa pangunahing tema ng kanyang talumpati.
Kabiguang Magbigay na Mahusay na Paglalarawan
Ang ikalawang dahilan ng di mabubuting sermon ay ang kabiguang gumamit ng mabubuting mga paglalarawan. Hindi lahat ng tao ay magiging mabuting tagapagkuwento. Gayunman, hindi ka makakita at makapagprisinta ng mga kawili-wiling mga kuwento at paglalarawan, hindi ka magiging epektibong tagapagsalitang pampubliko.
Ang isang tagapagsalitang pampubliko ay dapat laging naghahanap ng mga mabubuting paglalarawan at matuto ng mabuting paraan ng pag-aayos sa mga ito at itago ang mga ito para magamit sa hinaharap. Mas mahirap na gawainang paghanap at pag-aangkop ng mga paglalarawan o paglalarawan kaysa sa anu pamang bagay. Sa Leksiyon 4, pag-aaralan natin kung paano bubuo ng mabubuting mga paglalarawan sa sermon.
[1]Hinango kay Duane Litfin, Public Speaking, 2nd Edition (Grand Rapids: Baker Book House, 1996), 47. See also p. 239.
Konklusyon
Ang komunikasyon ay kapwa isang sining at isang agham. Ito ay isang agham sa dahilang ito ay maaaring suriin at sumusunod sa tiyak at mahuhulaang mga batas at tuntunin. Ito ay isang sining na maaaring linangin sa paraang maaari nitong maakit ang napakagandang bahagi ng kalikasan ng tao.
Ang komunikasyon ay kapwa isang kaloob at isang tagumpay. Karamihan sa mga tagapagsalitang pampubliko ay nagtataglay ng natural na kakayahan. Gayunman, ang natural na kakayahang iyon ay maaaring linangin at paghusayin. Ibinigay ng Diyos sa atin ang kaloob ng komunikasyon; dapat nating gamitin at linangin ang kaloob na ito sa pinakamabuting antas ng ating kakayahan.
Mga Takdang Aralin sa Aralin 2
(1) Sa simula ng susunod na aralin, kukuha ka ng pagsusulit batay sa araling ito. Maingat na pag-aralan ang mga tanong sa pagsusulit bilang paghahanda.
(2) Kapanayamin ang ibang miyembro ng inyong klase tungkol sa kanyang kabataan. Magtanong upang makakuha ng mga impormasyon para sa isang kawili-wiling pananalita. Pagkatapos magbigay ng tatlung-minutong pananalita sa klase kung saan ipinakikilala mo ang iyong kamag-aral.
(3). Ang araling ito ay nagbibigay ng 10 bagay na tumutulong upang panatilihin ang atensiyon ng ating mga tagapakinig. Humanap ng isang nakasulat o nakarekord na sermon upang pag-aralan. Basahin o pakinggan ang sermon at tingnan kung ilan sa mga katangiang ito ang makikita sa sermon. Ang bawat miyembro ng klase ay dapat bumasa ng ibang sermon. Sa susunod na pagkikita sa klase, paghambingin ang mga paraan kung paano pinanatili ng mga sermon ang atensiyon ng mga tagapakinig.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Aralin 2
(1) Ano-ano ang tatlong bahagi ng komunikasyon?
(2) Tukuyin ang dalawang dahilan kung bakit ang isang mensahe ay hindi matagumpay na naipaparating.
(3) Ano ang pinakamalapit at karaniwang pinakamatagumpay na anyo ng komunikasyon?
(4) Ano ang pinakamahirap na anyo ng pasalitang komunikasyon para sa pinakamaraming tao?
(5) Ilista ang tatlo sa limang katangian ng nakasulat na komunikasyon na tinalakay sa araling ito, at ipaliwanag kung paano ito naiiba sa pasalitang komunikasyon.
(6) Ilista ang tatlo sa limang salik/factor na nakakaimpluwensiya sa tagumpay ng ating komunikasyon.
(7) Ilista ang tatlo sa limang hadlang sa komunikasyon.
(8) Ilista ang tatlong bagay sa sampung iminungkahi upang mapanatili ang atensiyon ng mga tagapakinig.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.