(1) Maunawaan ang kahalagahan ng komunikasyon sa kaharian ng Diyos.
(2) Kilalanin ang mga paraan kung paano makipag-usap ang Diyos sa Trinidad, sa iba pang espirituwal na nilalang, at sa sangkatauhan.
(3) Pahalagahan ang iba’t-ibang paraan kung paano makipag-usap si Jesus habang nasa lupa.
(4) Kilalanin ang kakayahang makipag-usap bilang bahagi ng imahen ng Diyos sa sangkatauhan.
(5) Igalang ang kapangyarihan ng dila ng tao upang matupad ang mabuti o masama.
Pasimula
Ang komunikasyon ay ang paglilipat ng impormasyon mula saisang tao patungo sa isa pa. Kabilang sa komunikasyon ang pangangaral, pagtuturo, pakikipag-usap sa isa’t-isa, pagsusulat, drama, at iba pang paraan ng pagbabahagi ng impormasyon sa pagitan ng mga tao.
Para sa mga mangangaral at guro, talagang mahalaga ang komunikasyon. Kung ang isang mekaniko ay hindi makikipag-usap nang mabuti, hindi tayo nag-aalala. Kung makapag-aayos siya ng sasakyan, tayo ay masaya na. Ang isang mahusay na kusinero ay hindi kinakailangang maging isang mahusay na tagapagsalita. Kailangan lamang niyang malaman kung paano maghahanda ng masarap na pagkain. Ang isang magsasaka ay hindi kinakailangang maging mahusay sa pagsasalita kung nalalaman niya kung paano magtanim, magpalago at mag-ani ng mga pananim.
Gayunman, ang mangangaral o guro ay dapat may kakayahang makipag-usap. Ang pagkatawag upang mangaral o magturo ay isang tawag upang makipag-usap. Dahil dito, dapat higit ang kaalaman ng mga mangangaral atguro tungkol sa komunikasyon at pagsasalita sa harap ng publiko kaysa sa karamihan sa mga tao.
Ang tatlong pangunahing anyo ng komunikasyon para sa mga tagapangunang Kristiyano ay ang pangangaral, pagtuturo at pagsulat. Ito ang pangunahing pagtutuunan ng kursong ito.
Ang kakayahang makipag-usap ay hindi nangangahulugan na ang bawat guro o mangangaral ay dapat magkaroon ng kakayahan ng isang presidente o ng isang kilalang tagapagsalita. Maraming iba’t-ibang paraan ng komunikasyon. May mga taong nagiging mahuhusay na tagapagsalita, kahit na hindi sila mga dakilang tagapagsalita sa publiko. Ang layunin ng kursong ito ay maghanda ng mas mabubuting tagapasalita para sa paglilingkod sa kaharian ng Diyos.
Sa unang araling ito, makikita natin na ang komunikasyon ay mahalaga sa kaharian ng Diyos.
Ang Diyos ay Isang Komunikador
Ang Diyos ay isang personal na Diyos na nakikipag-usap sa iba. Di katulad ng mga hindi personal na mga diyos ng maraming relihiyon, ang Diyos ay isang komunikador. Ipinapakita ng Biblia ng komunikasyon ng Diyos sa pagitan ng Trinidad, komunikasyon sa mga anghel at maging kay Satanas, at komunikasyon sa mga tao.
Nakikipag-usap ang Ama sa ibang Persona ng Trinidad
Sa simula ng Biblia, mababasa natin,
“At sinabi ng Diyos, ‘Magkaroon ng liwanag, ’ at nagkaroon ng liwanag…. Sinabi ng Dios, “Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis; at magkaroon sila ng pamamahala sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa himpapawid, sa mga hayop, sa buong lupa, at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:3, 26).
Sino ang kausap ng Diyos? Nakikipag-usap ang Diyos sa Diyos. Ang isang persona ng Trinidad ay nakikipag-usap sa iba pang persona ng Trinidad; “Ating lalangin…”
Noong mga araw ni Noe, nakipag-usap ang Diyos sa buong Trinidad.
“Nalungkot ang PANGINOON na kanyang nilalang ang tao sa lupa at nalumbay ang kanyang puso. Kaya’t sinabi ng PANGINOON, ‘Lilipulin ko ang tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa—ang tao, hayop, ang mga gumagapang, at ang mga ibon sa himpapawid, sapagka’t ako’y nalulungkot na nilalang ko sila.” (Genesis 6:6-7).
Hindi natin nalalaman kung paano nakipag-usap ang mga persona ng Trinidad sa isa’t-isa, subalit bilang mga taong nangangatwiran, patuloy silang nakikipag-usap sa isa’t-isa.
Nakikipag-usap ang Diyos sa mga Espirituwal na Nilalang
Ang aklat ng Job ay nagkukwento tungkol sa pag-uusap sa pagitan ng Diyos at ni Satanas.
“Isang araw, ang mga anak ng Diyos ay dumating upang iharap ang kanilang sarili sa PANGINOON, at si Satanas ay dumating din namang kasama nila. Sinabi ngpanginoon KAY Satanas, ”Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas sa PANGINOON, “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pamamanhik-manaog doon.” (Job 1:6-7).
Wala tayong gaanong alam tungkol sa pag-uusap na ito, subali’t alam natin na nakipagtalastasan ang Panginoon kay Satanas, na isang nilikhang espiritu.
Nang hatulan si David dahil sa hindi wastong pagsasagawa ng senso (Exodo 30:12), nakipag-usap ang Diyos sa isang anghel. Ang anghel ang nagdala ng kahatulan sa pamamagitan ng lupain. Nang dumating ang anghel sa isang bukirin, inutusan ng Panginoon ang anghel na iligpit ang kanyang espada. (2 Samuel 24:16, 1 Cronica 21:27). Nakikipag-usap ang Diyos sa mga espiritung nilalang (Zacarias 1:13).
Nakikipag-usap ang Diyos sa mga tao
“Kaya’t nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos siya nilalang. Sila’y kanyang nilalang na lalaki at babae. Sila’y binasbasan ng Diyos at sa kanila’y sinabi ng Dios, ‘‘Kayo’y magkaroon ng mga anak at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at supilin ninyo ito. Magkaroon kayo ng pamamahala sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa himpapawid, at sa bawat bagay na may buhay mga gumagalaw sa ibabaw ng lupa. ’’ Sinabi ng Diyos, ‘‘Tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyo ang bawat halaman na nagkakabinhi na nasa ibabaw ng lupa, at ang bawat punungkahoy na may binhi sa loob ng bunga; ang mga ito ay magiging pagkain ninyo. Sa bawat mailap na hayop sa lupa, at bawat ibon sa himpapawid, at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa, sa bawat bagay na may hininga ng buhay ay ibinigay ko ang lahat ng halamang luntian bilang pagkain.” At ito ay nangyari. (Genesis 1:27-30).
Nang likhain ng Diyos ang mga tao, nilikha Niya sila sa kanilang sariling imahe. Bahagi ng imaheng ito ang kakayahang makipag-usap. Nagsalita ang Diyos kina Adan at Eba. Sa mga talatang ito, binigyan Niya sila ng dalawang kautusan. Natutuhan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin sa pamamagitan ng komunikasyon.
Sa kabuuan ng Biblia nakikita natin ang Diyos na nagpapatuloy sa pakikipag-ugnayan sa mga tao:
Nakipag-ugnayan siya kina Adan at Eba sa pamamagitan ng paglakad at pakikipag-usap sa kanila sa malamig na bahagi ng maghapon. (Genesis 3:8).
Nakipag-ugnayan siya kay Abraham sa pamamagitan ng pag-aanyong tao atbumisita sa kanya sa kainitan ng araw na iyon. (Genesis 18:1-3).
Nakipag-ugnayan siya kay Jose sa pamamagitan ng panaginip (Genesis 37:5).
Nakipag-ugnayan siya kay Moses sa pamamagitan ng nagliliyab na mababang puno (Exodo 3:2-4).
Nakipag-ugnayan siya kay Samuel sa pamamagitan ng isang pangitain (1 Samuel 3:4-15).
Nakipag-ugnayan siya kay David sa pamamagitan ng isang propeta. (2 Samuel 12:1).
Nakipag-ugnayan siya kay Jose sa pamamagitan ng mga panaginip (Mateo 1:20; Mateo 2:13, 19, 22).
Nakipag-ugnayan Siya kay Maria sa pamamagitan ng isang anghel (Lucas 1:26-28).
Nakipag-ugnayan siya kay Jesus sa pamamagitan ng isang tinig mula sa langit. (Mateo 3:17).
Nakipag-ugnayan Siya kay Pedro sa pamamagitan ng isang pangitain (Gawa 10:10-1 6).
Nakipag-ugnayan Siya kay Pablo sa pamamagitan ng mga pangitain (2 Corinto 12:1-7).
Nakikipag-ugnayan Siya sa atin sa ngayon sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu (Roma 8:16).
Si Jesus Ay Isang Komunikador
Gumugol si Jesus ng Maraming Oras saPakikipag-usap
Halos kalahati ng mga salita sa mga ebanghelyo ay binubuo ng mga salita ni Jesus. Mahigit sa 500 beses, ipinakikita ng mga ebanghelyo na si Jesus ay nagsasalita, nagtatanong, at sumasagot sa mga tanong ng mga tao. Sa ibang pagkakataon, nakikita natin Siya na nakikinig sa pagsasalita ng ibang tao. Pansinin ang ilan sa mga pakikipag-usap ni Jesus:
Nakipag-usap Siya sa kanyang mga kaibigan.
Nakipag-usap Siya sa kanyang pamilya.
Nakipag-usap Siya sa kaniyang mga tagasunod.
Nakipag-usap Siya sa babae sa may balon.
Nakipag-usap Siya sa magnanakaw sa krus.
Nakipag-usap Siya sa mga tao sa sinagoga.
Nakipag-usap Siya sa babaeng nahuling nangangalunya.
Nakipag-usap Siya sa may sakit at mga may kapansanan.
Nakipag-usap Siya kay Pilato, kay Herodes at sa ibang nagsasakdal sa kanya.
Nakipag-usap Siya sa malalaking grupo ng mga tao, kabilang ang 5, 000 na katao sa isang pagkakataon.
Nakipag-usap Siya sa mga Pariseo, mga Saduseo at iba pang grupo.
Pansinin ang ilan sa mga paraan ng pakikipagkomunikasyon ni Jesus:
Siya’y umawit.
Siya’y nagturo.
Siya’y nagpuri.
Siya’y sumaway.
Siya’y nangaral.
Siya’y nagpayo.
Siya’y nagkuwento.
Nagbigay Siya ng mga panayam.
Nagbigay Siya ng mga kawikaan.
Siya ay nagtanong.
Siya ay nagbigay ng mga pagkilala.
Sumagot Siya sa mga tanong.
Gumamit Siya ng mga bagay upang magturo ng aralin.
Bumigkas Siya ng mga talata mula sa LumangTipan.
Siya’y nanalangin sa publiko at maging sa pribado.
Nagsugo Siya ng mga mag-aaral sa pagsasanay sa pagmimisyon.
Dagdag pa sa pasalitang pakikipag-usap, gumamit din si Jesus ng dramatikong komunikasyon. Marami sa mga kilos ni Jesus ay nakatuon sa pagkokomunikasyon. Minsan siya’y yumuko upang sumulat sa lupa (Juan 8:6). Hindi natin nalalaman kung ano ang Kanyang isinulat, subali’t ang kanyang kilos ng pagsulat ay nagpahatid ng isang mensahe.
Nang itaboy ni Jesus ang mga nagpapalit ng pera at mga mangangalakal mula sa Templo, nagpapahayag siya ng kalungkutan sa kanilang mga ginagawa (Mateo 21:12-13). Sa ibang pagkakataon, isinumpa ni Jesus ang isang puno ng igos. Ang pagsumpa sa puno ng igos ay hindi ang paghatol sa puno ng igos mismo, kundi isang paraan upang ipahayag ang isang mensahe sa Kanyang mga alagad (Mateo 21:18-22).
Ang bawat isa sa mga himala ni Jesus ay nakadisenyo upang magturo ng isang bagay. Bahagi ng disenyong ito ay upang patotoohanan ang mensahe ni Jesus. Ang isang ordinaryong tao ay hindi makagagawa ng mga bagay na ginawa ni Jesus. Ang katotohanan na kaya Niyang gawin ang mga iyon ay nangangahulugan na Siya’y hindi isang ordinaryong tao lamang.
Ang tungkulin ng komunikasyon sa ministeryo ni Jesus, na lubos at tunay na Diyos, ay nagpapakita ng kahalagahan ng komunikasyon. Ang komunikasyon ay isang paraan upang tuparin natin ang idinisenyo ng Diyos at pagkatawag na gawin natin.
Binigyan ng Diyos ang mga Tao ng Kakayahang Magkipag-usap
Ang Komunikasyon ay Bahagi ng Imahen ng Diyos sa mga Tao
Nang likhain ng Diyos ang tao, sinabi Niya, “Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis.” (Genesis 1:26). Hindi natin nauunawaan ang lahat ng aspeto ng imahen ng Diyos sa sangkatauhan, subalit bahagi ng imaheng ito ay tila ang kakayahang makipag-usap.
Ang mga bagay na walang buhay ay walang kakayahang makipag-usap. Ang umiihip na hangin at ang umaagos na ilog ay lumilikha ng tunog, subali’t ang mga tunog ay hindi nangangahulugan ng komunikasyon. Ang komunikasyon ay nangangailangan ng talino, at ang mga bagay na walang buhay ay wala ring katalinuhan.
Ang mga hayop ay may limitadong kakayahan upang magkomunikasyon. Maaari nilang bigyang babala ang isa’t-isa kung may panganib. Maaari nilang ipabatid kung mayroong pagkain. Gayunman wala silang kakayahang magbigay ng detalyadong komunikasyon katulad ng mga tao.
Ang komunikasyon ay mahalagang bahagi ng ating pagiging tao. Ginagawa natin ang ating pang-araw-araw na gawain sa pamamagitan ng komunikasyon. Isinasalin natin ang karunungan ng isang henerasyon sa susunod na henerasyon sa pamamagitan ng komunikasiyon. Nililibang natin ang ating mga sarili sa pamamagitan ng komunikasyon.
Itinutuwid natin ang iba sa pamamagitan ng komunikasyon. Itinuwid ni Natan si David gamit ang isang kuwento. Itinuwid ni Pablo ang mga taga-Galacia gamit ang isang liham. Pinahahalagahan natin ang iba sa pamamagitan ng komunikasyon. Karaniwang nagsisimula ang liham ni Pablo sa isang pagbati at pagpapahalaga. Mahalaga ang komunikasyon sa sangkatauhan.
Ipinagbabawal ng Diyos Ang Pag-abuso sa Komunikasyon
Tulad ng ibang aspeto ng imahen ng Diyos sa sangkatauhan, ang kakayahang magkomunikasyon ay maaaring maabuso. Hindi maaaring lumikha ang diyablo; maaari lamang niyang baluktutin ang nilikha ng Dios. Sinisikap ni Satanas na baluktutin angating kakayahang makipag-usap. Ang pagsisinungaling, pagtitsismis at paninirang-puri ay mga anyo ng pagbaluktot sa komunikasyon.
Pinagbabawalan tayo ng Diyos sa:
(1) Pagsisinungaling.
“Kaya’t pagkatapos itakwil ang kasinungalingan, ang bawat isa ay magsalita ng katotothanan sa kanyang kapwa, sapagka’t tayo’y mga bahagi ng isa’t-isa.” (Efeso 4:25).
“Huwag kayong magsinungaling sa isa’t-isa yamang hinubad na ninyo ang datingpagkatao pati ang mga gawa nito.” (Colosas 3:9)
“Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama, at ang iyong mga labi sa pagsasalita ng pandaraya.” (Awit 34:13).
“Kaya’t iwaksi ninyo ang lahat ng kasamaan, pandaraya, pagkukunwari, inggitan, at lahat ng paninirang-puri.” (1 Pedro 2:1).
(2) Paninirang-puri.
“Huwag kang magpaparoo’t-parito sa iyong bayan bilang tagapagdala ng tsismis…” (Levitico 19:16).
“Mga kapatid, huwag kayong magsalita ng masama laban sa isa’t-isa. Ang nagsasalita laban sa kapatid, o humahatol sa kanyang kapatid ay nagsasalita ng masama laban sa kautusan, at humahatol sa kautusan.” (Santiago 4:11).
(3) Paglapastangan sa Dios.
“Huwag mong lalapastanganin ang Dios, ni lalaitin man ang pinuno ng iyong bayan.” (Exodo 22:28).
“Kaya’t sinasabi ko sa inyo, ang bawat kasalanan at paglapastangan ay ipatatawad sa mga tao;ngunit ang paglapastangan laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad.” (Mateo 12:31).
(4) Panunumpa at pag-abuso.
“Pagpalain ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo at huwag ninyong sumpain.” (Roma 12:14).
“Narinig ninyo na sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag kang papatay; at ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman at ang sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Raca,’ ay mananagot sa Sanhedrin; at ang sinumang magsabi, ‘Ulol ka,’ ay magdurusa sa nag-aapoy na impiyerno.” (Mateo 5:21-22).
Mga Prinsipyong Biblikal Tungkol sa Komunikasyon
Nagbibigay ang Biblia ng ilang prinsipyo sa paggamit ng ating mga salita upang matupad ang mabuti at iwasan ang kapahamakan.
(1) Huwag magsalita nang sobra.
Sa dami ng mga salita ay hindi mawawalan ng pagsalangsang, ngunit siyangnagpipigil ng kanyang mga labi ay may karunungan. (Kawikaan 10:19)
Maging ang isang hangal kapag tumatahimik ay maituturing na marunong, inaari siyang matalino, kapag mga labi niya’y itinitikom. (Kawikaan 17:28).
Huwag labis na magsalita. Ang isang labis na masalita ay hindi nagbibigay ng wastong pagpapahalaga sa kanyang sariling mga salita o maging sa mga salita ng iba. Sinasabi niya ang mga bagay na hindi niya tunay na ibig sabihin, at iniisip niya na gayun din ang ginagawa ng iba. Nagbibigay siya ng mga opinyon nang hindi nauunawaan. Hindi ka dapat magbigay ng opinyon tungkol sa isang bagay na hindi mo naman nalalaman; hindi magkakasing halaga ang bawat opinyon.
(2) Mag-isip ka muna bago magsalita.
Unawain ninyo ito, minamahal kong mga kapatid: ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, marahan sa pagsasalita, mabagal sa pagkagalit. (Santiago 1:19).
Inihihinga ng hangal ang kanyang buong galit, ngunit ang matalino ay nagpipigil nang tahimik. (Kawikaan 29:11).
Huwag mong hayaang ang iyong damdamin ang maging dahilan ng mga salitang maaari mong pagsisihan sa hinaharap.
(3) Huwag mong husgahan ang isang sitwasyon sa unang pagtingin.
Siyang sumasagot bago pa man makinig, ito’y kahangalan at sa kanya’y kahihiyan. (Kawikaan 18:13).
Ang nakikialam sa hindi naman niya away, ay gaya ng humahawak sa tainga ng asong nagdaraan. (Kawikaan 26:17).
Maraming kaguluhan ang batay sa hindi pagkakaunawaan. Ang maingat na pakikinig ay karaniwang nakakalutas sa mga ito. Maging mabagal sa paghusga sa isang sitwasyon. Kapag ang isang tao ay may reputasyon sa pagiging matapat ay nagbanggit ng isang bagay na tila mali para sa iyo, huwag maging mabilis sa paghusga sa kanya.
Iwasan ang mga di-pagkakasundo na hindi mo naman responsibilidad. Maaaring hindi sapat ang iyong nalalaman upang makagawa ng isang matalinong pagpapasya.
(4) Maging maingat sa katatawanan.
Tulad ng taong ulol na naghahagis ng mga nakakasakit na sandata, mga pana, at kamatayan; gayon ang taong nandaraya sa kanyang kapwa, at nagsasabi, “Ako'y nagbibiro lamang!” (Kawikaan 26:18-19).
Dahil sa epekto ng ating mga salita, ang hindi pinipigil na katatawan ay katulad ng isang sandata sa kamay ng isang taong baliw. Huwag hayaang magkamali ang mga tao dahil sa iyong mga biro. Huwag mong sabihin sa kanila na seryoso ka kapag hindi naman—hindi ka na nila paniniwalaan uli.
Huwag pagtatawanan ang mga pisikal na kapansanan. Huwag magbibiro tungkolsa mga pagkakamali ng ibang tao. Huwag nagsasabi ng mga birong nagpapawalang halaga sa kasalanan.
(5) Maging maingat sa pagtutuwid.
Mas mabuti ang hayag na pagsaway, kaysa nakatagong pagmamahal. Tapat ang mga sugat mula sa kaibigan, labis-labis ang mga halik ng kaaway. (Kawikaan 27:5-6).
Mayroong tamang panahon at tamang paraan ng pagtutuwid ng isang tao. Tiyakin na ang iyong pagtutuwid ay naglalayong magtatag at hindi upang sumira. Tiyakin na ang iyong pagtutuwid ay pribado, hindi sa publiko. Ipakita na ikaw ay nagmamalasakit sa taong iyong itinutuwid at naism mo silang tulungan. Mahalag ang isang malusog narelasyon bago tanggapin ang iyong pagtutuwid.
(6) Panatiling dalisay ang iyong pagsasalita.
Gayundin ang karumihan at hangal na pagsasalita, o mga pagbibiro na di-nararapat, kundi ang pagpapasalamat. (Efeso 5:4).
Huwag kayong magkuwento ng mga nakakahiyang bagay maliban na ikaw ang responsible upang ayusin ang sitwasyon. Huwag magsabi ng mga birong kailangan mong sabihin nang pasikreto. Ang mga hindi mananampalataya ay gumagamit ng mga salitang seksuwal o salita para sa mga maseselang bahagi ng katawan sa kanilang mga pabiglang-salita, ngunit hindi iyon naaangkop sa mga Kristiyano. Hndi kagalang-galang na gumamit ng mga salitang tumutukoy sa Diyos o kay Jesus bilang isang pabiglang-salita (exclamation) dahil sa stress malibang tunay kang matapat na humihingi ng tulong sa Dios.
(7) Huwag mong hatiin ang mga tao sa pamamagitan ng iyong mga salita.
Ang mandarayang tao ay nagkakalat ng kaguluhan, at ang mapagbulong ay naghihiwalay sa matatalik na magkaibigan. (Kawikaan 16:28).
Sapagkat sa kakulangan ng gatong ang apoy ay namamatay, at kung saan walang salita ng sitsit ay tumitigil ang alitan. (Kawikaan 26:20).
Huwag mong sikaping pagandahin ang iyong sarili kung ikasasama naman ng iba. Huwag kang maging dahilan ng kaguluhan para sa iba. Huwag mong sisirain ang pagiging epektibo ng ministeryo ng iba sa pamamagitan ng tsismis.
Bago ka magsalita, huwag lamang itanong, ”Totoo ba ito?” kundi itanong din, “Bakit ko kailangang sabihin ito?”
Pinakamahalaga, Pinakamapanganib
Isang matandang alamat ang nagkukuwento tungkol sa isang hari na nagsugo ng kanyang alipin upang hanapin ang pinakamahalagang bagay sa kaharian. Pagkatapos ng ilang linggong paghahanap, bumalik ang alipin at sinabi sa hari, “Ang Kanyang Kamahalan, ang pinakamahalagang bagay sa inyong kaharian ay ang dila. Gamit ang dila, maaaring kumbinsihin ng isang taong matalino ang ibang tao upang kumilos nang may katalinuhan; magagawa ng isang taong matuwid na kumbinsihin ang iba na gawin kung ano ang dapat gawin. Ang dila ang pinakamahalagang bagay sa inyong kaharian.”
Pagkatapos, muling sinugo ng hari ang kanyang alipin upang hanapin ang pinakamapanganib na bagay sa buong kaharian, upang kanilang maiwaksi ito. Ilang linggo ang lumipas, bumalik ang alipin at sinabi, “Ang Kanyang Kamahalan, ang pinakamapanganib na bagay sa inyong kaharian ay ang dila. Gamit ang dila, makukumbinsi ng isang hangal ang mga taong nakapaligid sa kanya upang kumilos nang may kahangalan. Gamit ang dila, ang isang taong masama ay makakakumbinsi sa iba na gumawa ng masama. Ang dila ang pinakamapanganib na bagay sa inyong kaharian.”
► Basahin ang Awit 15. Mula sa awit na ito, isulat ang mga maling paraan na tayo ay nagkokomunikasyon.
► Basahin ang Santiago 3:1-12. Talakayin ang kapangyarihan ng dila kapwa sa mabuti at sa masamang paraan.
Magagamit Para sa Kabutihan ang Komunikasyon
Sinasabi ni Santiago na ang bawat mabuti at perpektong kaloob ay nagmumula sa Diyos (Santiago 1:17).
Ang komunikasyon ay isa sa mga kaloob ng Diyos sa atin. Maraming kamangha-manghang mga bagay ang magagawa natin sa kaloob na ito:
Maaari tayong manalangin.
Maaari nating purihin ang Diyos.
Maaari nating sambahin ang Diyos.
Maaari nating aliwin ang iba.
Maaari nating palakasin ang loob ng iba.
Maaari nating ituro ang katotohanan sa iba.
Maaari nating ituwid ang mga gumagawa ng mali.
Pinili ng Diyos na gamitin ang komunikasyon ng mga tao upang palawakin ang Kanyang kaharian.
“Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, ‘Ang lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay na sa akin. Kaya't sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan silang sundin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At narito, ako'y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon.’” (Mateo 28:18-20).
Binigyan ni Pablo ang batang si Timoteo ng payo sa paggamit nang mabuti ng komunikasyon.
“At ang mga bagay na iyong narinig sa akin sa harap ng maraming saksi ay siya mo ring ipagkatiwala sa mga taong tapat na makakapagturo rin naman sa iba.” (2 Timoteo 2:2).
“Ang alipin ng Panginoon ay hindi dapat makipag-away, kundi maamo sa lahat, mahusay magturo, matiyaga.” (2 Timoteo 2:24).
Tayo ay May Pananagutan Para sa Ating Komunikasyon
Tayo ay may pananagutan sa pakikipagkomunikasyon sa Diyos.
Nilikha ng Diyos ang mga tao na may kakayahang makipagkomunikasyon sa Kanya. Tumutukoy ang Kasulatan sa maraming paraan kung paano tayo nakikipagkomunikasyon sa Diyos sa positibong paraan:
Makipag-usap sa Diyos (Genesis 17:18, Exodo 3:11, Bilang 22:10, Mga Hukom 6:36).
Manalangin sa Diyos (Genesis 20:17, Lucas 6:12, Mga Gawa 4:24, Roma 15:30).
Umiyak sa Diyos (Exodo 8:12, Awit 57:2, Awit 77:1).
Gumawa ng pangako sa Diyos (Mga Bilang 21:2, Mga Bilang 30:2; Eclesiastes 5:4).
Magsumamo sa Diyos (Deuteronomio 15:9, Job 5:8, Roma 11:2).
Luwalhatiin ang Diyos (Josue 7:19, Juan 9:24, Roma 4:20).
Magpuri saDiyos (Awit 66:20, Lucas 5:26, Lucas 17:18).
Maghain ng kahilingan sa Diyos (Daniel 9:20, Filipos 4:6).
Magpasalamat sa Diyos (Lucas 2:38, Mga Gawa 27:35, Roma 14:6).
Nagbababala rin ang Kasulatan laban sa mga negatibong paraan na ang mga tao ay pakikipag-usap sa Diyos:
Paglapastangan sa Diyos (Exodo 22:28).
Sumpain ang Diyos (Job 2:9).
Magsinungaling sa Diyos (Mga Gawa 5:4).
Laitin ang Diyos (2 Mga Hari 19:16).
Tayo ay may pananagutan sa ating pakikipagkomunikasyon sa isa’t-isa.
Nilikha tayo ng Diyos hindi lamang upang makipagkomunikasyon sa Kanya, kundi sa isa’t-isa rin. Maaari tayong magkomunikasyon kapwa sa positibo at sa negatibong mga paraan; tayo ay inuutusang pagpalain ang mga umuusig sa atin; pagpalain sila at huwag sumpain (Roma 12:14). Pansinin ang ilang positibong paraan na tayo’y makikipag-usap sa isa’t-isa:
Palakasin ang loob ng isa’t-isa (1 Tesalonica 5:11, Hebreo 3:13;Hebreo 10:25).
Binigyan tayo ng babala upang iwasan ang mganakakasamang mga komunikasyon:
Huwag ninyong linlangin ang isa’t-isa (Leviticus 19:11, Efeso 4:25).
Huwag ninyong hatulan ang isa’t-isa (Roman 14:13).
Huwag ninyong siraan ng puri ang isa’t-isa (Santiago 4:11).
Tayo ay may pananagutan na ikomunikasyon ang ebanghelyo.
Binigyan ni Jesus ang kanyang mga alagad ng tungkulin upang dalhin ang mabuting balita sa buong mundo. Dapat ibabahagi ng bayan ng Diyos ang ebanghelyo sa mga hindi mananampalataya sa pamamagitan ng ebanghelismo. Ang pangunahing paraan na pinili ng Diyos na gamitin upang ipalaganap ang mabuting balita ni Hesu-Kristo ay sa pamamagitan ng pasalitang komunikasyon. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga disipulo,
“Kaya't sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan silang sundin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19-20).
Konklusyon
Dahil ang komunikasyon ay isang mahalagang bahagi ng imahe ng Diyos sa mga tao, kinakailangang maunawaan ng mga tagapangunang Kristiyano ang sining at pagsasanay ng komunikasyon. Ang kursong ito ay makakatulong sa iyo upang pahalagahan ang iba’t-ibang anyo ng komunikasyon. Magagawa mo ring gamitin ang mga kakayahang pangkomunikasyon upang mas epektibong maglingkod sa Kaharian ng Diyos.
Mga Takdang Aralin sa Aralin 1
(1) Sa simula ng susunod na aralin, kukuha ka ng pagsusulit batay sa araling ito. Maingat na pag-aralan ang mga tanong sa pagsusulit bilang paghahanda.
(2) Maghanda ng isang tatlong-minutong pananalita sa klase kung saan magsasalita ka tungkol sa ministeryo kung saan ka tinawag ng Diyos. Maaari kang magsalita tungkol sa iyong kasalukuyang ministeryo gayundin ang iyong pangitain para sa hinaharap.
Mga Tanong sa Pagsusulit sa Aralin 1
(1) Ano-ano ang tatlong pangunahing anyo ng komunikasyon para sa mga tagapangunang Kristiyano?
(2) Kanino nakikipagkomunikasyon ang Diyos Ama?
(3) Maglista ng apat na pag-abuso sa komunikasyon na ipinagbabawal ng Dios.
(4) Ano ang pangunahing pamamaraan na pinili ng Diyos upang ipalaganap ang mabuting balita ni Jesukristo?
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.