Pambungad sa Pagsambang Kristyano
Pambungad sa Pagsambang Kristyano
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 9: Iba pang mga Katanungan

44 min read

by Randall McElwain


Mga Layunin ng Aralin

  1. Kilalanin ang kahalagahan ng katapatan sa Banal na Kasulatan habang isinasaalang-alang ang mga pagkakaiba ng kultura sa pagsamba.

  2. Suriin ang pagsamba na may kaugnayan sa Biblia at kultura.

Unawain ang mga partikular na hamon sa Pagsusuri ng mga estilong musika.

  1. Ilapat ang mga prinsipyo na matatagpuan sa Roma 14 hinggil sa usapin ng pagsamba.

  2. Pahalagahan ang importansya ng pakikilahok ng mga bata at kabataan sa pagsamba.

  3. Mag-ingat sa labis na pagbibigay pansin sa emosyon o sa hindi pagpansin sa emosyon ng pagsamba.

Paghahanda sa Araling ito

Isaulo ang 1 Corinto 14:15-17.

Pambungad

Isinulat si Warren Wiersbe tungkol sa kanyang karanasan sa isang simbahan na may maling pananaw sa pagsamba:

“Siguraduhin ninyong makababalik kayo ng ating serbisyo mamayang gabi,” habang ginagaya ang boses at ngiti ng isang emcee sa isang palaro sa telebisyon. “Magkakaroon tayo ng mga nakakatuwang gawain.”

Nang hapon ng Linggong iyon ay nagtataka ako sa kung ano ang ibig sabihin ng pangungusap niyang iyon. Ang sabi niya, “Magkakaroon tayo ng mga nakakatuwang gawain.” Ngunit ang pangungusap na ito ay ginagamit kapag nag-aanyaya ka para sa pagdiriwang ng isang kaarawan. Subalit, anong kinalaman nito sa grupo ng mga Kristiyano na magkakatipon upang sambahin ang maluwalhating Panginoon? Si Moises at ang taong-bayan ay hindi nagkaroon ng nakakatuwang sandali noong sila’y nagkatipon sa baba ng Bundok Sinai…

Si Juan ay nagkaroon ng mga dramatikong karanasan sa Isla ng Patmos, subalit hindi natin masasabi na nakakatuwa sa kanya ang mga sandaling iyon.[1]

Sa mga araling ito, matutunghayan natin na ang pagsamba ay higit pa sa sandali ng katuwaan; higit sa partikular na rituwal; at higit pa sa isang aktibidad tuwing umaga ng Linggo. Ang pagsamba ay pagbibigay sa Diyos ng luwalhating nauukol sa Kanya. Sa papel, madali lang itong sulatin; subalit sa tunay na buhay, ito’y isang hamon. Sa araling ito, tutunghayan natin ang mga katanungan na may kinalaman sa pagsamba. Sa iyong pag-aaral sa mga tanong ito, dapat mong tandaan na ang pinakamahalagang tanong ay hindi, “Ano ang gusto ko?” Ang pinakamahalagang tanong sa pagsamba ay, “Ano ang gusto ng Diyos? Ano ang maghahatid sa Kanya ng karangalan at kaluwalhatian?”


[1]Hango kay Warren Wiersbe, Real Worship (Grand Rapids: Baker Books, 2000), 169-170

Pagsamba at Kultura

► Talakayin ang estilo ng panambahan sa iyong simbahan. Anong mga aspeto ng inyong panambahan ang iniuutos ng Biblia at anong mga aspeto ang bunsod ng inyong kultura?

“Ang pinakamahirap na isyu sa usapin ng pagsamba dito sa aking bansa ay may kinalaman sa kaangkupan nito sa kultura. Maraming mga simbahan ang gumagamit ng mga estilo ng pagsamba na mula sa ibang bansa –kontemporaryo man o tradisyunal. Ang aming simbahan ay gumagamit ng estilong galing sa Kanluran na udyok ng simpleng dahilan na nais nilang maging napapanahon. Gayunma’y, kahit na tradisyunal o kontemporaryo ang ginagamit sa pagsamba, hindi pa rin ito tumitimo sa aming kalooban, sapagkat ang mga ito’y banyaga. Kaya’t paano kami sasamba sa paraang nagbibigay karangalan sa Diyos at nangungusap sa lipunang aming pinaglilingkuran?”

Kultura o Biblia?

Mayroong ikinasal na nagmula sa magkaibang mga kultura. Sa oras ng pagdiriwang, ang mga pagkain na nagmula sa bayan at kultura ng babaeng ikinasal ay inihanda. At habang ang mga pagkaing ito ay ibinibigay sa mga panauhin, naitanong ng lalaking bagong kasal, “Ano iyan?” Ang sabi ng babaeng bagong kasal, “Sa aming bayan, iyan ay espesyal na pagkain.” Ngunit nakasimangot na sagot ng lalaki, “Sa aming bayan, iyan ay di kaaya-aya!” Sa tagpong iyan ay makikita natin na ang pagkakaiba ng kultura ay isang matinding hamon.

Lahat tayo ay impluwensyado ng ating kultura. Ang dahilan kung bakit may ilang mga Kristiyano na gumagamit ng kutsara at tinidor habang kumakain, kaysa gumamit ng chopstick ay hindi dahil sa ang kutsara at tinidor ay mas biblikal na gamitin o kaya’y mas magandang gamitin. Kutsara ang ating ginagamit habang kumakain sapagkat lumaki tayo sa kulturang gumagamit ng kutsara. Gayunma’y, may mga Kapatirang Kristiyano na nasa ibang panig ng mundo na nakagawiang gumamit ng chopstick sa halip na kutsara.

Ang pagsamba natin ay impluwensyado ng ating kultura. Marami sa mga aspeto ng ating panambahan ay may kinalaman sa kultura. Ang mga taong lumaki sa isang tradisyunal na Amerikanong simbahan ay maaaring magustuhan ang tunog ng isang malaking piano sa simbahan. Subalit ang piano sa simbahan ay hindi masasabing mas biblikal kaysa sa gitara. Ang mga ito ay aspeto ng kultura.

Sa Lesotho, ang pag-awit ng simbahan roon ay ginagawa sa tugunan na pamamaraan sa pagitan ng tagapamuno at ng kongregasyon. Sa estilong ito, ang tagapamuno ay aawit muna ng isang kataga at tutugon naman ang kongregasyon sa pamamagitan ng pag-awit sa susunod na kataga. Ang ganyang napakagandang tugunang estilo ng pag-awit ay hindi matatagpuan sa isang Amerikanong simbahan. Kapag ginaya ng Amerikanong simbahan ang ganyang estilo, tiyak na malilito ang kanilang kongregasyon. Sa madaling salita, ang Sama-samang pag-awit kumpara sa tugunang pag-awit ay isang gawi na may kinalaman sa kultura; hindi ito biblikal na prinsipyo.

Mayroon tatlong katanungan na maaari nating itanong kapag nais nating suriin ang isang estilo ng pagsamba:

(1) Pinagsasalo ba natin ang kultura at Biblia?

(2) Sinasalungat ba ng ating kultura ang Biblia?

(3) Paanong ang ating pagsamba ay higit at mabisang makakapangusap sa mga tao, ayon na rin sa kulturang inilagay tayo ng Diyos?

Pinagsasalo ba natin ang kultura at Biblia?

Ang tanong na ito ay mahalaga sa Pagsusuri ng isang pagsamba na iba sa ating nakagawian. Sa sitwasyong ito, dapat nating tiyakin na hindi natin pinagsasalo ang kultura at Biblia. Napakadali para sa atin na basahin ang Biblia sa pamamagitan ng ating mga pinahahalagahang kultura. At kay lungkot na madalas na ipinagigiitan natin na dapat parehas sa atin ang ginagawang pagbabasa ng iba sa Biblia. Sa madaling salita, napakadali para sa atin na ipagpalagay na ang ating pamamaraan ang siyang biblikal na paraan.

Maaaring sabihin ng iba, “Ang piano ang siyang tama at nababagay na instrumento para sa musika sa loob ng simbahan. Ang mga gitara ay hindi dapat gamitin sa simbahan.” Subalit, sa ibang panig ng mundo, ang piano o organ ay hindi praktikal na gamitin kumpara sa gitara na madaling dalhin at gamitin sa oras ng awitan. Dagdag pa, napatunayang ang mga bahay-simbahan noong ikalawang siglo ay gumamit ng pipe organ o instrumentong ginagamitan ng hangin. Siyempre, maaaring may iba na magustuhan ang pipe organ, subalit hindi nila dapat sabihing biblikal na prinsipyo ang kanilang kagustuhan na bunsod lang naman ng kanilang kultura.

Si Paul Bradshaw, isang mananalaysay sa paksa ng pagsamba, ay nagsabi na maging sa naunang dalawang siglo ng Iglesia, may mga matatagpuang iba’t ibang paraan ng pagsamba. At sa paglaganap ng Iglesia, malabong isipin na may iisa lang na paraan ng pagsamba ang ginawa sa bawat lugar.[1]

Ano ang praktikal na bagay na gustong iparating ng ganitong tanong? Kapag sinusuri natin ang estilo ng pagsamba ng ibang tao, o kaya’y tumutugon tayo sa mga bagong ideya na nagmumula sa ating mga sariling simbahan, hindi natin dapat lituhin at paghaluin ang kultura at Biblia. Gayundin naman, hindi natin dapat tanggihan ang isang ideya ng dahil lamang sa sumasalungat ito sa ating kulturang panlasa. Kung ang isang gawi ng pagsamba ay hindi naman sumasalungat sa mga biblikal na prinsipyo, ibig sabihin, dapat nating hayaan ang iba na sumamba ayon sa paraang nagugustuhan nila.

Hindi ito nangangahulugan na bawat estilo ng pagsamba ay nararapat at nababagay sa bawat simbahan. Ang isang marunong na tagapanguna sa pagsamba ay gagamit ng estilo na angkop sa mga taong kanyang pinagmiministeryuhan.

Pagsusuri 1

May mga tinanggihan ka bang mga gawi sa pagsamba ng dahil sa iyong kulturang panlasa, sa halip na dahil sa mga prinsipyo ng Biblia? Maaari mo bang bigyan ng kalayaan ang ibang mga mananampalataya na sumamba

ayon sa kanilang pamamaraan, hangga’t ang kanilang ginagawa ay hindi lumalabag sa sinasabi ng Biblia?

Sinasalungat ba ng ating kultura ang Biblia?

Ang tanong na ito ay mahalaga kapag natutukso tayong ipagtanggol ang isang gawi ng pagsamba na karaniwan sa ating sariling kultura. Subalit kung matagpuan natin na ang bagay na karaniwan sa ating kultura ay labag pala sa sinasabi ng Biblia, dapat nating sundin ang Biblia kaysa ang nagugustuhan ng ating kultura.

Hinarap ng mga Repormista ang ganitong isyu noong nagsagawa sila ng malaki at dramatikong pagbabago sa pagsamba. Ayon sa Medieval na kultura, “Ang mga karaniwang tao ay walang karapatan na magbasa ng Biblia; hindi nila ito mauunawaan.” Subalit natuklasan nina Wycliffe, Huss, Luther, at ng iba pang mga Repormista na ang Biblia ay para sa lahat. Gayunma’y sinalungat ng Medieval na kultura ang katuruan ng Biblia. Subalit ibinuwis ng mga Repormista ang kanilang buhay sa pagharap sa pananaw ng kanilang kultura gamit ang katotohanan ng Biblia.

Kaya nga, kung sinasalungat ng ating kultura ang Biblia, dapat nating tanggihan ang kultura! Ang Salita ng Diyos ang ating ganap na kapamahalaan. Hindi natin dapat ikompromiso ang ating katapatan sa Biblia upang maging pasok lang tayo sa lipunang ating ginagalawan. Isang pagsasalin sa talata ng Roma 12:2 ang nagsasabi ng ganito, “Huwag ninyong hayaan na maging masyadong palagay ang inyong loob sa inyong kultura na anupa’t hiyang na hiyang kayo rito sa hindi ninyo namamalayang paraan.”[2] Sa madaling salita, hindi natin dapat hayaan na hubugin tayo ng kulturang ating ginagalawan.

Pagsusuri 2

May mga bagay at bahagi ba sa inyong pagsamba na sumasalungat sa mga prinsipyo ng Biblia?

Paanong ang ating pagsamba ay higit at mabisang makakapangusap sa mga tao, ayon na rin sa kulturang inilagay tayo ng Diyos?

Ang tanong na ito ay mahalaga sa pag-abot sa ating lipunan gamit ang ebanghelyo. Kung nais nating maabot ng ebanghelyo ang mga taong nasa paligid natin, ang ating pagsamba ay dapat na mangusap sa diwa at wikang kanilang naiintindihan.

Hinarap rin ni John Wesley ang katanungang ito noong nagsimula siyang mangaral sa mga lugar ng mga karaniwang tao. Katulad ng pananaw ng kanyang mga kasamahan na Anglikano, naging paniniwala rin ni Wesley noon na ang simbahan lang ang siyang nararapat na lugar para sa pangangaral. Subalit sa ilalim ng impluwensya ni George Whitefield, nagawang maunawaan ni Wesley na inuudyukan siya ng Dakilang Komisyon na mangaral sa labas ng simbahan.[3] Nalagay siya sa hamon na isaalang-alang ang tanong na, “Paano ko mabisang maipapangaral ang ebanghelyo sa mga taong nasa minahan na hindi pa nakakapunta sa simbahan, maliban lang kung may idinaraos na kasal at libing?” Siyempre, ang kanyang naging sagot ay ang mangaral sa labas ng simbahan o sa lugar na kinaroroonan ng mga taong iyon.

Noong Abril 2, 1739, si Wesley ay nagpasyang lumabas ng siyudad at nangaral sa mga taong nasa bukid na ang bilang ay umabot ng 3,000. Ito ang nagpasimula ng isang ministeryo na bumago sa mundo ng mga Ingles noong ika-18 siglo.

Noong una’y hindi rin naniniwala si Wesley sa pangangaral na nasa labas ng simbahan. Ang sabi niya, “Iniisip ko noon na ang pagliligtas ng mga kaluluwa ay magiging isang kasalanan kung ang pagsasagawa nito’y nasa labas ng simbahan.” Subalit noong maunawaan niya na ang ganitong kulturang pananaw ay hadlang sa pagsulong ng ebanghelyo, bukal sa loob niyang binago ang kanyang gawi. Suballit marami sa mga kaibigan niyang Anglikano ay hindi natuwa sa kanyang pagbabago. Sa loob lamang ng isang buwan noong pinasimulan niya ang pangangaral sa labas ng simbahan, isang Obispo ang nagsabi kay Wesley na hindi na siya tatanggapin na mangaral sa mga Anglikanong simbahan. Nagpapakita ito na ang paninindigang magpahayag ng laban sa iyong kinagisnang kultura ay may malaking sakripisyo. Sa lagay ni Wesley, hindi na siya iginalang ng mga Anglikano niyang kaibigan. Subalit ang panawagan ni Jesus tungkol sa ating pagiging asin at ilaw ng sanlibutan ay higit at dakilang prayoridad kaysa sa personal na kaaliwan.

Si Michael Cosper ay may iminungkahing tatlong katanungan upang maunawaan natin ang relasyon sa pagitan ng ating pagsamba at sa nakapaligid na kultura.

(1) Sino ang naririto?

Ang tanong na ito ay tumitingin sa ating kongregasyon. “Sino ang dumadalo sa ating serbisyo?” Minsan, masyado tayong abala sa lipunang ating inaabot ng ebanghelyo at nakakalimutan natin ang magministeryo sa ating simbahan. Ang pagsamba natin ay hindi magiging makatotohanan kung sinusubukan nating maging ganito at ganyan na hindi naman natin pagkatao. At dahil ang pagsamba ay dapat na mangusap sa ating kongregasyon, dapat nating itanong, “Sino ang naririto? Sino ang mga inilagay ng Diyos sa aming kongregasyon?”

(2) Sino ang nauna rito?

Ang tanong na ito ay nagbabalik-tanaw sa ating minanang kasaysayan. Bilang mga mananampalataya, tayo ay may mayamang kasaysayan na bumabalik sa sinaunang Iglesia at lumalaganap sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nangangahulugan ito na pagsusumikapan nating ipakikila at ipaawit sa ating kasalukuyang henerasyon ang mga nakaraang dakilang himno. Ito ay nangangahulugan rin na iuugnay natin ang ating mga Kapatiran ngayon sa kasaysayan ng Iglesia. Kailangan na maunawaan ng mga kabataang Kristiyano na sila ay kabahagi sa mayamang pamana ng kasaysayan na nagsimula bago pa lamang sila isilang at magpapatuloy hanggang sa ating pagpanaw. Tayo ay kabahagi ng pangkalahatan o unibersal na Iglesia na binubuo ng mga mananampalataya sa bawat salinlahi.

Ang ating pagsamba ay bumabalik sa pamanang kasaysayan ng Pentecostes, sa pahayag ng Diyos na ibinigay kay Moises sa Bundok ng Sinai, at maging sa ipinahayag ng Diyos kina Adan at Eba sa Hardin ng Eden. Dapat na ipagdiwang ng ating pagsamba ang kasaysayang ito. Kapag inaawit natin ang himnong “Ang Diyos ay Makapangyarihang Muog,” nakikibahagi tayo sa panambahan ng Repormasyon. Kapag sinasambit natin ang kredo na Sumasampalataya Ako, nakikiisa tayo sa pagsamba ng Iglesia noong ikalawang siglo. Kaya nga, sa pagsamba, ating itinatanong, “Sino ang nauna sa atin dito?”

(3) Sino ang dapat na naririto?

Ang tanong na ito ay tumitingin sa ating komunidad. Tinatanong natin dito, “Sino ang mga taong dapat na maging bahagi ng aming simbahan?” Nakapaloob na mga katanungan natin rito ang mga sumusunod:

  • Sino ang pinagsisikapan naming abutin ng ebanghelyo?

  • Kung ang mga tao sa aming komunidad ay pupunta sa aming simbahan, anong itsura ng serbisyo ang mayroon kami?[4]

  • Paano kami mananatiling tapat sa mensahe habang sumasamba kami sa paraang nangungusap sa mga taong inaabot namin sa aming lipunan?

Ang mga katanungang ito ay madaling isulat sa papel ngunit mahirap gawin sa totoong buhay! Pag-isipan mo ang apat na senaryo sa ibaba. Bawat simbahan ay may kinakaharap na hamon kung paano sila makikipag-ugnayan sa kanilang lipunan.

Simbahan A: Ang simbahan na nabigong itanong, “Sino ang naririto?”

Ang Simbahan A ay matatapuan sa isang komunidad na tinitirhan ng mga retiradong tao. Ang karaniwang edad na matatagpuan sa komunidad na iyon ay nasa edad 70 at ang karaniwang dumadalo sa simbahan ay nasa gulang na 70. Subalit sa nakalipas na dalawang taon, ang pastor sa simbahang ito ay nagpasyang umakay ng mga kabataang pamilya. At sa loob lang ng dalawang buwan, pinalitan niya ang dating organ, choir, at mga himno ng mga gitara, isang grupo ng mga mang-aawit, at projector.

Ngunit ang hindi maganda sa tagpong ito ay nakalimutan ng pastor na itanong, “Sino ang naririto?” Dahil rito, ang simbahan na binubuo ng 100 senior citizen ay paunti ng paunti hanggang sa naging 35 na lamang. Ito ay dahil sa hindi nila nagustuhan ang mga bagong awitin at musika, maging ang mga ipinapalabas sa projector, at ang maingay na tugtugan.

Dapat bang may akaying mga baguhan ang Simbahan A? Siyempre, dapat! Gayunpaman, ang mga taong mas maaakay sana nila ng marami sa gayong uri ng komunidad na para sa mga retirado ay ang mga senior citizen. Subalit dahil binalewala nila ang mga taong naroroon na sa kanilang simbahan, nabigo ang Simbahan A na sumamba sa paraang nangungusap sa mga miyembro ng kanilang simbahan at maging sa uri ng mga tao na nasa kanilang lipunan. Nabigong itanong ng Simbahan A, “Sino ang naririto?”

Simbahan B: Ang simbahan na nabigong itanong, “Sino ang nauna sa amin rito?”

Ang Simbahan B ay matatagpuan sa isang maunlad at lumalagong lungsod na tinitirhan ng maraming mga kabataang pamilya. Ang simbahan ito ay nangungusap sa wikang ginagamit ng kanilang komunidad. Ang kanilang pagsamba ay masaya at masigla.

Ang Simbahan B ay masigasig sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Gayunma’y, nabigong itanong ng Simbahan B, “Sino ang nauna sa amin rito?” Nakalimutan ng Simbahan B ang kanyang kasaysayan bilang isang masigasig na mangangaral ng katuruan tungkol sa pagkakaroon ng dalisay na puso at matagumpay na buhay Kristiyano. Iniwasan ng kasalukuyang pastor rito na mangaral ng doktrina sapagkat iniisip niya, “Ayaw ng mga tao na makarinig ng doktrina; ang gusto nila’y mga praktikal na sermon.” Iniwasan rin ng tagapanguna sa pag-awit ang pagpapa-awit ng mga awiting may malalim na biblikal na mensahe sapagkat iniisip niya, “Ayaw ng mga tao ang mga awiting may malalalim na kataga; ang gusto nila’y mga simpleng awitin.” At bunga nito, ang Simbahan B ay nagpalaki ng isang henerasyon ng mga “binyagang pagano.”[5]

Ang Simbahan B ay lumago sa bilang, subalit iilan lamang sa kanyang mga miyembro ang lumalago sa kabanalan. Maraming mga tao ang dumadalo sa simbahan sapagkat nakakatuwa ang ginagawa nila rito at hindi tumatawag ng seryosong pagtatalaga ng buhay. At dahil sa ang Simbahan B ay walang pakialam sa kanyang pamanang kasaysayan, marami sa kanyang mga naakay ay unti-unti ring nawala at napunta sa mga simbahang mas may mahusay at nakakatuwang mga pakulo. Nabigong itanong ng Simbahan B, “Sino ang nauna sa amin rito?”

Simbahan C: Ang simbahang nabigong itanong, “Sino ang dapat na naririto?”

Ang Simbahan C ay nagsimula halos 100 taon na ang nakakaraan sa isang maliit na komunidad na noon ay isa pa lamang na probinsya. Ang pagsamba, pangangaral, at musika ay ginagawa sa paraang nangungusap sa puso ng mga tao na nakatira sa bayang iyon. Subalit sa paglipas ng panahon, ang komunidad na ito ay ganap na nagbago. Ang Simbahan C ngayon ay nasa gitna na ng lungsod, ngunit ang kanyang panambahan ay nakadisenyo pa rin para sa mga taong nasa gitnang antas ng lipunan.

Maraming mga tao ang napapadaan malapit sa Simbahan C subalit wala silang kaalaman na ang simbahang ito ay may napakagandang kasagutan sa kanilang malalim na kagutuman sa puso. Ang Simbahan C ay may taglay na mensaheng tutugon sana sa pangangailangan ng kanyang komunidad, subalit wala siyang kakayahan na ipahayag ng malinaw ang mensaheng ito sa kanyang lipunan. Kung magagawa lang sana ng Simbahan C na sumamba sa paraang nakikipag-ugnayan siya sa Diyos at sa kanyang lipunan, magagawa niyang baguhin ang kanyang komunidad. Subalit ang Simbahan C ay unti-unting naglaho sapagkat nakalimutan niyang itanong, “Sino ang dapat na naririto?”

Simbahan D: Ang simbahang nangungusap sa komunidad.

Ang Simbahan D ay may mga katangian na katulad ng mga naunang simbahan. Ang kanyang komunidad ay lubos na nagbago simula ng siya’y maitatag 40 na taon na ang nakakaraan. Subalit di tulad ng ibang mga naunang simbahan, ang Simbahan D ay natutong makipag-ugnayan ng mabuti sa kanyang komunidad.

Nang malaman ng mga namumunong pastor na marami sa mga kabataang bagong akay ay walang kaalaman sa mga ipinapangaral na doktrina tuwing Linggo, sila’y bumuo ng mga grupong nagsasagawa ng pagdidisipulo, upang maihatid ang mga bagong mananampalataya sa paglagong Kristiyano. Nang malaman rin ng tagapanguna sa pag-awit na ang musika ay hindi nangungusap sa maraming kaanib ng kanilang komunidad, nagsimula siyang magbigay ng mga awiting totoo sa doktrina at kagiliw-giliw na musika.

At habang ang simbahang ito ay lumalago, nakapagpasimula rin sila ng mga bagong simbahan sa mga karatig na bayan at hinayaan ang mga bagong simbahan na iyon na tumugon sa pangangailangan ng kanilang mga komunidad. Ang mga bagong simbahang ito ay pinapasturan ng mga kabataang pastor na nagmula sa Simbahan D. Bawat simbahan ay magkakaiba, subalit bawat isa ay tapat sa ebanghelyo. Naging maunlad ang Simbahan D sapagkat natutuhan niyang itanong, “Sino ang naririto, Sino ang nauna rito, at sino ang dapat na naririto?” Natutuhan niyang ipahayag at ipangusap ang biblikal na katotohanan sa komunidad na pinaglagyan sa kanya ng Diyos.

Pagsusuri 3

Ang inyong panambahan ba ay nangungusap sa mga taong dumadalo sa inyong simbahan? Ang pagsamba ba ninyo ay sumasalamin sa pamanang kasaysayan ng simbahang Kristiyano? Ang inyong panambahan ba ay nangungusap sa mga taong nais abutin ng Diyos sa pamamagitan ng inyong simbahan?

Paano naman ang tungkol sa Musika?

Maraming mga musikero ng simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo ang kumakaharap ng hamon tungkol sa paghahanap ng mga awiting tapat sa Biblia at sensitibo sa kinalalagyang kultura. At tayo man ay naghahanap ng mga musikang nangungusap sa wika at puso ng inaabot nating komunidad. Maaaring ang isang banyagang musika ay hindi mabisa sa pag-abot sa ating kultura at maaari rin naman na may ilang mga awiting hango sa ating kultura na hindi tapat sa turo ng Biblia. Kaya’t paano nga tayo makakapili ng musikang parehas na tapat sa turo ng Biblia at sensitibo sa kulturang ating pinapasturan? Narito ang mga kasagutang mula sa mga pastor na humarap sa ganitong isyu:

Pagdating sa pagpili ng mga awiting para sa simbahan, hindi kinakailangan na pumili lang tayo ng isa sa pagitan ng pagiging tapat sa Biblia at pagiging sensitibo sa kultura. Tungkol sa “pagiging tapat sa Biblia,” ako ay naghahanap ng mga awiting totoo at malinaw. At tungkol naman sa “pagiging sensitibo sa kultura,” naghahanap ako ng mga awiting madaling awitin at makakayang sabayan ng kongregasyon.

Ang katapatan sa Biblia ay prayoridad. Subalit hindi natin kailangan na pumili sa pagitan ng dalawa. Kung bahagi ng layunin ng pag-awit ay komunikasyon, hindi ba marapat na pumili tayo ng mga musikang nababagay sa kulturang kinalalagyan ng ating simbahan? Isang kahangalan para sa atin na isipin na ang pagiging sensitibo sa kultura ay hindi kinakailangan. At sa isang banda, tayo rin ay hindi magiging napapanahon at hindi mahalaga kung ang ating mga awitin ay hindi totoo at hindi malinaw.

(Mula kay Murray Campbell, isang pastor sa Melbourne, Australia)

Sa aming pagsasanay sa mga Afrikanong pastor, pinapakiusapan namin silang maghanap ng mga awiting puno ng biblikal na katuruan, nakasentro sa Diyos, masigasig sa ebanghelyo, nagpapatibay ng loob, at madaling awitin. Ang mga ito ay pwede nilang hanapin sa mga luma at bagong awitin. Sa pamamagitan ng mga ito’y maaari silang sumamba na may kalayaan at sigla. Sa anumang kultura, ang mga tinawag ng Diyos ay nangangailangan ng mga awiting magtuturo sa kanila na mamuhay at mamatay ng para kay Cristo.

(Mula kay Tim Cantrell, guro sa Johannesburg, South Africa)

Ang kalipunan ng mga solidong theolohikal at angkop sa kulturang mga awitin sa Hindu ay napakaunti. Marami sa mga awiting naglalaman ng magandang theolohiya ay salin mula sa mga lumang himno ng Kanluraning mga bansa o di kaya’y mula sa mga kontemporyong awitin sa pagsamba. Bagamat ang mga salita ng awitin ay matapat sa Biblia, ang musika ay hindi katutubo. Tuloy, nahihirapan ang mga tao na awitin ang mga ito. Dagdag pa, ang mga gayong awitin ay nagpapatibay lang ng paghihinala ng mga tao sa bansang ito na ang Kristiyanismo ay relihiyon na ipinipuwersa sa kanila ng mga taga-Kanluran.

Sa kabilang banda, ang mga awitin sa Hindu na angkop sa kanilang kultura ay madalas na walang maayos na theolohiya. Madalas na paulit-ulit ang awit at salat sa turo ng Biblia. Minsan, may mga awiting ang tono ay katulad ng sa ginagamit sa kanilang mga templo. Ganitong mga awitin ang aming iniiwasan.

Ang unang bagay na hinahanap ko kapag ako ay pipili ng mga awitin ay ang kanyang maayos na doktrina. Kapag ang isang awitin ay hindi maayos sa theolohiya, hindi namin iyon aawitin gaano man kaangkop ang himig ng awiting iyon sa kanilang kultura. Gayundin naman, kung ang mga salita ay maayos ngunit ang tono ay hindi Indian, hindi pa rin namin ito aawitin. Ang mga awiting pinipili namin ay mga awiting ang tono ay Indian at ang mga salita ay tapat sa turo ng Biblia. Totoo na wala masyadong mga awitin na nasa ganitong kategorya, subalit unti-unti kaming nag-iipon ng mga ganitong uri ng awitin.

(Mula kay Harshit Singh, Pastor sa Lucknow, India)

Kung paanong ang wika ng puso ng isang tao ay nagbibigay sa kanya ng kakayahan at kalayaan na maipahayag ang kanyang malalim na saloobin, mayroon ring musikang wika na magbibigay sa atin ng malalim na kapahayagan ng ating kalooban.

Isipin mo ang isang misyonero na hindi natutuhan ang wika ng mga taong kanyang miministeryuhan. Maaari niyang sabihin (sa kanyang sariling wika), “Ako’y naririto upang ihatid sa inyo ang ebanghelyo. Hindi ninyo nauunawaan ang aking sinasabi, subalit magpatuloy lang kayong makinig at mayamaya’y mauunawaan rin ninyo ang aking sinasabi at malalaman ninyo ang mabuting balita.” Syempre, ang ganyang pananaw ay kahangalan! Ngunit, sa ganyan ring paraan, kapag nabigo tayong gamitin ang musikang wika ng isang kultura, ginagawa nating mahirap para sa kanila na maunawaan ang mabuting balita.[6]

Gaya ng sinabi ni Pastor Singh, kay lungkot na may mga kultura na salat sa mga awiting tapat sa turo ng Biblia at ang ginagamit ay ang katutubong wika ng Masa. Dulot nito, nalalagay sa dalawang pagpipilian ang mga simbahan na nasa ganitong kalagayan: una ay mga awiting tapat sa turo ng Biblia ngunit ang tono ay banyaga. Ang ikalawa ay mga awiting mahina sa biblikal na nilalaman subalit ang musika ay patok sa kultura. Kaya nga, kung nais nating gamitin ang musika upang patatagin ang Iglesia sa iba’t ibang panig ng mundo, dapat tayong maghanap ng mga musika at awitin na tapat sa Biblia at nangungusap sa puso at musikang wika ng mga tao. Ako ay naniniwala na ang Diyos ay tumatawag ng mga lingkod Niyang manunulat ng musika at awitin sa iba’t ibang kultura ng mundo.

Kung ikaw ay naglilingkod sa isang kultura na kakaunti lamang ang matatagpuan na mga pagsambang musika at awitin, maaari kang magpakilala o magbigay ng mga bagong musika. Ito ay nangangailangan ng pakikipag-ugnayan sa dalawang tao: taong magsusulat o magsasalin ng mga natatanging teksto at taong magsusulat o kakatha ng musika. Iilan lamang sa mga dalubhasang manunulat ng himno ang siyang naglapat ng tono sa kanilang mga isinulat. Kaya’t maaari ka ring maghanap ng mga masisigasig na musikerong Kristiyano at hayaan silang o silang lapatan ng tono o musika ang iyong kinathang himno na naglalaman ng biblikal na katuruan. Sa pamamagitan nito, magagawa ninyong umawit ng isang biblikal na mensahe sa musikang wika na nangungusap sa lipunan na iyong kinalalagyan.

Dapat nating laging isaalang-alang ang Ika-2 Tanong sa itaas: “Sinasalungat ba ng ating kultura ang Biblia?” Kung ang musika ng ating kultura ay sumasalungat sa Biblia, hindi natin ito dapat gamitin. Subalit, kung wala namang biblikal na prinsipyo na nasasagasaan, dapat tayong manguna sa pagsamba sa paraang ginagamit ang musikang wika ng mga mananambahan.

Habang nakikiisa sa pagsamba sa simbahan na kinabibilangan ng kanyang ama, isang binata na naghahandang pumasok sa ministeryo ang nakapansin na iilang mga tao lamang sa kanilang simbahan ang nakakaunawa sa mga awitin na kanilang inaawit. Sa halip na sumamba, mababa ang kanilang naipapakitang unawa sa mga katotohanang kanilang inaawit. Nang ireklamo ng binatang ito sa kanyang ama ang bagay na kanyang napansin, ang sagot ng kanyang ama, “Anak, tingnan natin kung mayroon kang magagawang mas makakabuti.” At mula noon, tinanggap ni Isaac Watts ang hamon na ito ng kanyang ama.

At hanggang ngayon, marami sa mga bansang Ingles ang patuloy na umaawit sa mga himnong kinatha ni Isaac Watts. Ito ay dahil sa mayroong isang kabataang pastor na pinandigan ang hamon na magsulat ng mga himnong nangungusap ng biblikal na mensahe at mayroong musikang wika na nauunawaan ng mga tao.[7] Sa ating henerasyon ngayon, kailangan natin ng mga manunulat ng himno at ibang mga awitin na nagpapahayag ng biblikal na katotohanan at humihipo sa puso ng mga bansa at kultura na hindi Ingles ang lengguwahe.


[1]Mula kay Paul Bradshaw, “The Search for the Origins of Christian Worship” na mababasa kay Robert Webber, Twenty Centuries of Christian Worship (Nashville: Star Song Publishing, 1994), 4
[2]Hango kay E. H. Peterson, The Message (Colorado Springs: NavPress, 2002)
[3]Ito ay may kinalaman sa Ika-2 Tanong – “Sinasalungat ba ng ating kultura ang Biblia?”
[4]Minsan pa, hinarap ni John Wesley ang isyu na ito. Naunawaan ng mga Anglikano na ang serbisyong dadaluhan ng mga nagtratrabaho sa minahan, ng mga babaeng may masamang nakaraan, at ng mga tinderang walang pinag-aralan ay magiging ibang-iba sa pormal na panambahan ng mga Anglikano na may mataas na antas sa lipunan. At dahil rito, maraming mga pari ang nagpasya na huwag hayaang magambala ang kanilang pagsamba ng mga taong nasa mababang antas ng lipunan. Ngunit ang ginawa ni Wesley ay humantong sa pagkakabuo ng isang gawain at lipunan na binubuo ng mga Methodista.
[5]Ito ay kataga ni Mark Dever para sa mga pakunwaring Kristiyano na walang biblikal na pundasyon.
[6]Ang halimbawang ito ay hango kay Ronald Allen at Gordon Borror, Worship: Rediscovering the Missing Jewel (Colorado Springs: Multnomah Publishers, 1982), 168.
[7]Ang mga himno sa Ingles na pinamagatang “Joy to the World,” “When I Survey the Wondrous Cross,” at “O God, Our Help in Ages Past” ay tatlo lamang sa 750 na mga himno na isinulat ni Isaac Watts.

Ilang Paglalagom na Kaisipan sa Estilo ng Musika

Sapagkat ang musika ay mahalagang bahagi ng buhay, marami sa atin ang nagtataglay ng malalim na paniniwala tungkol rito. Anumang diskusyon tungkol sa estilo ng musika sa pagsamba ay madalas na nauuwi sa hindi pagkakaunawaan.

Para sa iba na naniniwala na may ilang estilo ng musika na masama, sasabihin nila, “May ilang estilo lamang ng musika na maaaring gamitin para sa pagsamba.” Subalit, ang Biblia ay hindi nagbibigay ng partikular na tuntunin at paglalarawan sa gayong estilo ng musika.

Para naman sa iba na nagsasabi na ang estilo ng musika ay neutral sa usaping moral, sasabihin nila, “Maghanap kayo ng musika na nagugustuhan ng mga tao at awitin ninyo ang mga iyon. Hindi mahalaga ang estilo; awitin ninyo ang gusto ninyo.” Subalit, maliwanag na sinasabi ng Biblia na dapat nating iwasan ang mga bagay na maghahatid sa atin sa makalamang pag-uugali. At dahilan sa mga usaping pangkultura at pangdamdamin, may mga musika at awitin na hindi nababagay sa pagsamba.

Tungkol sa pagpili ng mga musika, hinati ni Scott Aniol ang kanyang pagtalakay sa paksang ito sa dalawang bahagi:[1]

(1) Teksto: ang tama at maling isyu. Anuman ang estilo ng musika, kung ang teksto nito ay hindi malinaw na nagpapahayag ng katotohanan, ito’y hindi nararapat gamitin sa pagsamba. Ang pagpapasyang ito ay may kinalaman sa punto ng tama at mali. Maraming mga awitin na gumamit ng tradisyunal na estilo ng musika subalit naglalaman ng mga tekstong hindi nagtuturo ng biblikal na katotohanan; ang mga ito ay hindi nararapat gamitin sa pagsamba. Maraming mga awitin na gumamit ng kontemporaryong estilo ng musika subalit ang teksto ay hindi nagtuturo ng biblikal na katotohanan; ang mga ito ay hindi nararapat gamitin sa pagsamba.

(2) Estilo ng musika: ang hindi maliwanag na isyu. Dahil ang Biblia ay hindi nagsasalita ng malinaw tungkol sa isyu ng estilo ng musika, dapat nating sundin ang prinsipyong matatagpuan sa Roma 14. Dapat nating iwasan ang mga musika na kaduda-duda ng dahil sa kanilang kaugnayan sa usong kultura. Gayunpaman, huwag nating hatulan ang budhi ng iba na nagpasyang sundin ang ibang direksyon ng musika.

Pagsusuri 4

Mayroon bang usaping pangkultura sa inyong pagsamba na humahadlang sa inyong kakayanan na abutin ng ebanghelyo ang inyong lipunan? Handa at kusa ka bang isuko ang iyong mga kagustuhan para sa kapakanan ng pag-abot sa iyong lipunan gamit ang ebanghelyo?

Paano naman ang usapin ng Pagpalakpak?

Ano naman ang masasabi natin tungkol sa pagpalakpak sa oras ng pagsamba? Ito ba ay tama o mali? Una sa lahat, ang pagpalakpak ay mayroong dalawang konteksto na mayroong dalawang magkaibang kahulugan.

Ang pagpalakpak bilang bahagi ng pagsamba.

Maraming mga simbahan na pumapalakpak bilang bahagi ng kanilang pagsamba. Ang pagpalakpak ay bahagi ng pagsamba ng kanilang kongregasyon. Ito ay bahagi ng pisikal na aspeto ng pagsamba na ipinapakita sa Biblia. “Ipalakpak ang inyong mga kamay, kayong lahat ng mga bayan! Sumigaw kayo sa Diyos nang malakas na tinig ng kalagakan!” (Awit 47:1). Ang mga mananambahang Judio ay masiglang sumamba. Ang kanilang panambahan ay madalas na magkaroon ng iba’t ibang tugtog ng instrumento, pagtataas ng kamay, at pagpalakpak.

Kung ang pagpalakpak ay bahagi ng inyong pagsamba, dapat tiyakin ng tagapanguna sa pagsamba na ito ay nararapat gawin sa awiting inaawit. Ang pagpalakpak sa oras na umaawit kayo ng isang panalangin ay hindi angkop sa mensahe ng awit. Ang pagpalakpak sa oras ng isang masayang awitin ay angkop. Kaya nga, ang tanong sa tagapanguna ay hindi, “Tama o mali ba ang pumalakpak?” Ang mas magandang tanong ay, “Ang pagpalakpak ba ay angkop na gawin sa awiting ito sa ganitong sandali ng pagsamba?”

Palakpakan bilang tugon sa pagsamba.

Marahil ang mas mahirap na isyu na pag-usapan ay ang palakpakan bilang tugon sa isang espesyal na awitin. Tungkol rito ay wala tayong makikitang pahiwatig sa Biblia na ang mga Judio o mga Kristiyanong mananambahan ay nagpapalakpakan bilang tugon sa isang pagsamba.

May ilang mga kultura ngayon na mabilis magpalakpakan bilang ekspresyon ng kanilang pasasalamat. Sa ganitong uri ng kultura, isang karaniwang bagay na purihin ang Diyos sa pamamagitan ng pagpalakpak. Samantala, may iba namang kultura na iniuugnay ang palakpakan bilang pagkilala sa isang mahusay na pagganap. Sa ganitong kultura, ang pagpalakpak bilang tugon sa awitin ng choir o sa mahusay na pagtugtog ng isang musikero ay maaaring iugnay sa isang konsyerto, sa halip na sa pagsamba.

Ang Biblia ay hindi tuwirang tumatalakay sa isyung ito. At dahil rito, dapat nating iwasan ang isang matalas na pananaw tungkol rito. Kung ang pagpalakpak ay isang karaniwang tugon ng isang masayang pagpupuri sa Diyos, ito ay maaaring tingnan na kilos ng pagsamba. Subalit kung ang isang pagpalakpak ay nagsasabi na, “Ang taong ito ay mahusay sa kanyang pagganap at kami’y kanyang pinasaya,” iyan ay maglalayo sa atin sa tunay na diwa ng pagsamba.

Kaya nga, ang kongregasyon at ang mga musikero nito ay dapat na suriin ang motibasyon ng pagpalakpak. Dapat itanong sa sarili ng mga tao sa kongregasyon, “Bakit ako pumapalakpak? Ang akin bang pagpalakpak ay udyok ng papuri sa Diyos o ito’y udyok ng papuri sa husay ng tao?”

Dapat ring magtanong ang isang musikero, “Bakit pumapalakpak ang kongregasyon? Ang akin bang awitin at musika ay nagbigay sa kanila ng inspirasyong magpuri sa Diyos o ito ay tumawag ng kanilang pansin sa husay ng aking kakayahan? Talaga bang napangunahan ko sila sa pagsamba?” Bilang mga tagapanguna sa pagsamba, dapat na mag-ingat tayo. Ang ating pagmi-ministeryo ay dapat na naglalapit sa mga tao sa Diyos at hindi sa ating mga kakayahan.

Pagsusuri 5

Ang inyo bang simbahan ay pumapalakpak sa oras ng pagsamba? Ito ba ay nagpapahayag ng papuri sa Diyos o ito ay ekspresyon ng papuri sa pagganap ng isang tao?

Ang Roma 14 at mga Estilo ng Pagsamba

► Basahin ang Roma 14:1-23.

Ang Roma 14 ay nagbibigay ng mga mahahalagang tuntunin hinggil sa mga usaping walang malinaw na sinasabi sa Biblia. Hinarap dito ni Pablo ang mga taong hindi sang-ayon sa pagkain ng mga karne o sa pagdiriwang ng mga espesyal na araw. Sa gitna ng ganitong usapin ay nagbigay si Pablo ng mga sumusunod na prinsipyo.

(1) Huwag mong hatulan ang iba tungkol sa mga usaping walang malinaw na sagot (Roma 14:1-13).

Sa mga bagay na walang malinaw na sagot ang Biblia, dapat tayong magbigay ng kalayaan ng konsensya sa mga taong hindi sumasang-ayon sa atin. Hindi natin dapat hinihigitan ang sinasabi ng Biblia!

(2) Huwag hayaang matisod ang mahihina (Roma 14:13-15).

Alam ni Pablo na ang isang mahinang mananampalataya ay maaring masaktan ng kalayaang ipinapakita ng isang malakas na mananampalataya. Sa ganitong kalagayan, ang batas ng pag-ibig ay nagsasabi sa atin na limitahan ang ating ipinapakitang kalayaan para sa kapakanan ng mahina. Hindi natin dapat saktan ang taong niligtas ni Cristo ng dahil lamang sa ating ginugustong kalayaan.

Ang pangungusap ni Pablo ay makapangyarihang modelo sa lahat ng bahagi ng pag-uugaling Kristiyano. Ang sabi niya, “Kaya, kung ang pagkain ay nakapagpapatisod sa aking kapatid, kailanman ay hindi ako kakain ng karne, upang ako'y huwag makapagpatisod sa aking kapatid” (1 Corinto 8:13).

(3) Gumawa ng mula sa pananampalataya, hindi mula sa pag-aalinlangan (Roma 14:23).

Ito ay napakahalagang prinsipyo para sa mga baguhan at kabataang Kristiyano. “Ang anumang hindi batay sa pananampalataya ay kasalanan” (Roma 14:23). Hindi natin dapat labagin ang ating budhi para lamang bigyang lugod ang iba. Wika ni Pablo, “Ngunit ang nag-aalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagkat hindi batay sa pananampalataya.”

Kapag gagamitin natin ang mga prinsipyong ito sa estilo ng pagsamba; ang mga ito ay magbibigay sa atin ng babala na:

(1) Huwag hatulan ang iba na gumagamit ng isang estilo na hindi ka komportable. Kung walang malinaw na sinasabi ang Biblia, huwag kang magmadaling hatulan ang iba.

(2) Huwag gumamit ng musikang nakakatisod sa bagong mananampalataya. Kung ang isang mananampalataya ay nagmula sa isang uri ng pamumuhay na ang ilang estilo ng musika ay nakaugnay sa mahalay na asal, ang estilong iyon ay hindi kailanman makakatulong sa gayong mananampalataya. Ang pag-ibig sa isang kapatid na Kristiyano ay dapat na magbigay sa iyo ng inspirasyon na iwasan ang mga bagay na makakahadlang sa kanyang espirituwal na paglago.

(3) Huwag kang maging malaya sa paggawa ng anumang bagay na labag sa iyong konsensya. Hindi mo dapat labagin ang mga hangganan. Ang pag-ibig sa Diyos ay dapat na magbigay sa iyo ng inspirasyon na iwasan ang anumang mga bagay na naglalagay ng pag-aalinlangan sa iyong konsensya.


[1]Hango kay Scott Aniol, Worship in Song (Winona Lake, IN: BMH Books, 2009), 135-140

Isama ang mga Bata at Kabataan sa Pagsamba

“Paano natin maisasali ang mga bata at kabataan sa pagsamba? Dapat ba natin silang ilagay sa isang hiwalay na serbisyo hanggang sa marating nila ang sapat na gulang upang makasali sa serbisyong para sa mga matatanda? Paano natin mapapasigla ang loob ng mga bata at kabataan na tunay na sumamba?”

Maraming mga simbahan na pinaghihiwalay ang mga bata, kabataan, at mga matatanda sa oras ng serbisyo. May dalawang dahilan para rito: una ay dahil sa ang mga bata ay maaaring makadisturbo sa panambahan ng mga matatanda, at ikalawa ay dahil sa maaaring hindi nila maunawaan ang nangyayari sa serbisyo.

Walang anumang sinasabi sa Bibllia na ipinagbabawal ang paghihiwalay sa mga bata o kabataan. Gayunpaman, may tatlong bagay na dapat nating isaalang-alang:

(1) Sa Biblia, ang pagsamba ay walang itinatanging gulang. Ang Biblia ay walang minumungkahi na ang bata at kabataan ay dapat tratuhing iba sa pagsamba. Sa panambahan sa Templo, ang bawat isa sa pamilya ay nananatili para sa rituwal na paghahandog. Walang anumang sinasabi sa Bagong Tipan na nagmumungkahi na ang sinaunang Iglesia ay may ginawang paghihiwalay ng mga bata at kabataan sa oras ng serbisyo.

(2) Ang pagsambang walang itinatanging gulang ay nagpapakita ng pagkakaisa sa Katawan ni Cristo. Kung paanong ang pagkakaroon ng hiwalay na serbisyo, kontemporaryo o tradisyunal man ang pagsamba, ay nagpapahina ng pagkakaisa sa Katawan ni Cristo, ang pagbibigay ng hiwalay na mga serbisyo para sa mga bata at kabataan ay maaaring magpahina ng kanilang kamalayan na sila’y bahagi ng isang pamilyang simbahan. Sa kabilang banda, kung ang mga bata at kabataan ay kasama sa panambahan ng simbahan bilang isang pamilya, mauunawaan ng bawat isa na sila’y mahalagang bahagi ng Katawan ni Cristo (1 Timoteo 4:12).

(3) Sa pamamagitan ng pagsambang walang itinatanging gulang, ang pananampalataya ay naipapasa sa susunod na henerasyon. Natututuhan nating sumamba sa pamamagitan mismo ng pagsamba. Malibang maingat na pinagplanuhan, ang serbisyo para sa mga bata ay maaaring maging oras lang ng paglilibang, sapagkat ayaw nating makadisturbo sila sa serbisyo ng mga nakatatanda. Subalit kung ganito ang mangyayari, kailan matututo ang mga bata na sumamba?

Ang Kabataan at mga Bata bilang Kabahagi ng Nagkakaisang Serbisyo at Panambahan

Ang mga kabataan at mga bata ay maaaring bigyan ng madalas na pakikilahok sa sama-samang serbisyo na kayang mangusap sa lahat ng edad. Maaaring magkaroon ng maikling sermon para sa mga bata na parehas sa paksa ng pangunahing sermon.

Kapag ipinapalagay natin na ang mga bata ay walang kakayahan na maunawaan ang malalim na katotohanan, hindi natin pinaniniwalaan na may espirituwal silang kakayahan na makaunawa. Dapat nating tandaan na ang Banal na Espiritu ang Siyang nagbibigay ng kaliwanagan sa bawat nakikinig, matanda man o bata (1 Corinto 2:10). Maging sa serbisyo na para sa mga matatanda, magagawa ng Banal na Espiritu na mangusap sa kanilang batang puso. Ang isama ang mga bata sa serbisyo ng mga matatanda ay nangangailangan ng pagtuturo sa kanila na sumamba. Maaari nating ipaliwanag sa mga bata ang serbisyo. Maaari nating bigyang kahulugan ang mga mahihirap na salita na ginagamit sa Biblia at sa mga himno. Madalas nga na maging ang mga matatanda ay nangangailangan rin na maunawaan ang kahulugan ng mga mahihirap na salitang iyon! Kaya nga, kapag nagbibigay tayo ng lugar para sa mga bata sa ating serbisyo, binibigyan natin sila ng pagkakataon na lumago bilang mga mananambahan kasama ang Kapatiran.

Ihiwalay ang Pagsamba para sa mga Kabataan at Bata[1]

Maraming mga simbahan na hinihiwalay ang mga kabataan at bata sa kanilang serbisyo. Ang mga serbisyong ito ay dapat na para sa pagsamba at hindi para sa kaaliwan. Kung ang mga bata at kabataan ay hindi matuturuan kung paano sumamba, hindi sila lalago sa espirituwal. Gaya ng isang bata na hindi magkakaroon ng pisikal na kalusugan kung ang ipapakain lamang ay kendi, ang isang bata ay hindi magkakaroon rin ng espirituwal na kalusugan kung ang kanyang espirituwal na pagkain ay hindi masustanya.

Kung ang isang simbahan ay nagsasagawa ng hiwalay na serbisyo para sa mga kabataan at bata, dapat nating tiyakin na ang kanilang serbisyo ay isang pagsamba. Ang serbisyo para sa mga bata at kabataan ay dapat na mayroong pagbabasa ng Kasulatan. Para sa mga bata, ang isang nakakatawag pansin na mga larawan ay maaaring magpasigla ng kanilang unawa sa katotohanan ng Biblia.

Ang serbisyo ay dapat na mayroong sermon o aralin sa Biblia na ginagamit ang Salita ng Diyos para tugunan ang pangangailangan ng mga kabataan at bata. Dapat na ang Biblia ay pinapahalagahan ng isang tagapagturo. Matututo ang mga kabataan at bata na igalang at gamitin ang Salita ng Diyos kung nakikita nila itong ginagamit ng may paggalang ng mga nakakatanda.

Ang serbisyo ng mga bata at kabataan ay dapat na naglalaman ng mga awiting nangungusap ng biblikal na katotohanan. Ito ay dapat na mayroong paghahandog na nagbibigay ng pagkakataon sa kanila na magbigay ng kanilang kaloob sa Diyos. Lahat ng elemento sa pagsamba ay dapat na kasama sa serbisyo na para sa mga bata at kabataan.


[1]Ginamit sa seksyon na ito ang materyal na mula kay Gng. Christina Black, Professor ng Edukasyon sa Hobe Sound Bible College.

Turuan ang mga bata na manalangin gamit ang: “Kamay ng Panalangin”

Ang hinlalaki ay nagpapaalala sa atin na dapat nating ipanalangin ang mga taong malapit sa atin (pamilya).

Ang hintuturo ay nagpapaalala sa atin na dapat nating ipanalangin ang mga taong umaakay sa mga tao tungo kay Jesus (mga pastor, guro, at misyonero).

Ang gitnang daliri ang siyang pinakamatangkad. Ito ay nagpapaalala sa atin na ipanalangin ang mga pinuno ng ating bansa, paaralan, simbahan, at tahanan.

Ang ikaapat na daliri ang siyang pinakamahina. Kung nais mong ipakita ang kahinaan nito, subukan mong iangat ang iyong ikaapat na daliri. Ito ay nagpapaalala sa atin na dapat nating ipanalangin ang mga mahihina at nangangailangan kay Jesus.

Ang ikalimang daliri ang siyang pinakamaliit. Ito ay nagpapaalala sa atin na ipanalangin ang ating mga sarili.

Ang pagtaas sa ating buong kamay ay nagpapaalala sa atin na purihin ang Diyos.

Ang kamay ng panalangin ay maaaring maging paraan upang pasiglahin ang kamalayan sa panalangin ng mga kabataang mananambahan.

Buod

Kung nais nating makita ang ating mga batang anak na maging malagong mananampalataya, dapat natin silang bigyan ng masustanyang espirituwal na pagkain. Sila man ay kasama natin sa serbisyo o may hiwalay na serbisyo, dapat nating turuan ang ating mga anak na sumamba.

Pagsusuri 6

Mayroon man tayong hiwalay na serbisyo para sa mga bata at kabataan o serbisyong kasama sila, ang mahalagang tanong ay, tinuturuan ba natin silang sumamba?

Emosyon sa Pagsamba

“Ang mga tao sa aking bayan ay napakamadamdamin at ang aming pagsamba ay madalas na sumalamin sa aming madamdaming paraan ng pamumuhay. Ang musika ng aming pagsamba ay karaniwang mabilis, maingay, at matunog. Nagbibigay ito sa amin ng paraan upang makibahagi at maipahayag ang aming nararamdaman. Subalit, nangangamba akong ang musika ay emosyon lamang. Hindi ko alam kung ang aming musika ay alinsunod sa tunay na pagsamba.”

Ang tunay na pagsamba ay pagsamba sa espiritu at katotohanan. Ito ay naglalaman ng emosyon subalit higit pa sa emosyon. May dalawang pagkakamali na may kaugnayan sa emosyon sa pagsamba na maaaring magligaw sa atin.

(1) Ang kamalian ng pagtanggi sa emosyon kapag tayo ay sumasamba.

[1]May mga mananambahan na ayaw sa emosyun kapag sila’y sumasamba. Tinitingnan nila ang pagsamba bilang isang intelektuwal o pangkaisipang pakikipagtagpo sa Diyos. Bigo silang kilalanin ang emosyonal na aspeto ng pakikipag-ugnayan sa Panginoon. Subalit ang tunay na pagsamba ay nangungusap sa emosyun. Ang ating serbisyo at pagsamba ay dapat na magbigay ng kalayaan sa mga mananambahan na ipahayag ang tugon ng kanilang damdamin sa kapahayagan ng Diyos.

(2) Ang kamalian ng labis na pagbibigay pansin sa emosyon kapag sumasamba.

Ang kabaligtarang panganib ay ang kamalian na puro damdamin lang ang pagsamba. Ang pagsambang nangungusap sa emosyon ngunit binabalewala ang isipan ay labag sa sinasabi ng 1 Corinto 14:15, “Ako ay aawit sa espiritu, at ako'y aawit din sa isipan.” Anumang aspeto ng pagsamba ay maaaring bumagsak sa ganitong tukso. Ito ay maaaring mangyari sa isang dramatikong sermon na hindi tapat sa sinasabi ng talata ng Biblia; sa isang madamdaming musika na bigong mangusap ng biblikal na katotohanan; at sa pagsambang gumagawa ng manipulasyon sa damdamin ng mga mananambahan. Ang pagsamba na nangungusap lamang sa emosyon ay hindi tunay na pagsamba.

Tunay na Pagsamba: Pagsamba sa Espiritu at sa Katotohanan

Ang biblikal na modelo ng pagsamba ay may paggalang sa kahalagahan ng damdamin habang maingat na sinusuri ang katotohanan na ating ipinapangaral at inaawit. Dahil ang musika ay isang daluyan ng damdamin, dapat na maging maingat tayo sa Pagsusuri ng nilalaman ng ating inaawit. Kapag ang musika ay ginagamit ng maingat, ito ay magiging mabisa sa pagpapahayag ng katotohanan sa isipan at damdamin.

Binigyan ni John Wesley ng pagpapahalaga ang emosyon sa pagsamba. May pagkakataon na inilarawan niya ang isang kongregasyon na “mga patay na bato – lubos na katahimikan at lubos na walang pakialam.” Sa madaling salita, naniniwala si Wesley na ang pakikipagtagpo sa katotohanan ay dapat na magpasigla ng emosyunal na tugon. Gayunma’y sa kabila nito, mabilis niya ring punahin ang mga madamdaming ekspresyon na naglalayo sa atin mula sa tunay na pagsamba.

Nagbigay ng babala si Wesley tungkol sa mga pagmamalabis; ito ay ang pagtanggi sa emosyun at ang hayaan ang emosyun na kontrolin tayo. Ang sabi niya, “Kinakailangan ba nating bumagsak sa dalawang pagmamalabis na ito? Nawa’y hindi tayo maipit sa gitna nito at nawa’y magkaroon tayo ng tamang pagitan mula sa maling gawi at maling sigasig. Nawa’y hindi natin pinipigilan ang kaloob ng Diyos at tinatanggihan ang napakagandang pagkakataon na bigay Niya sa atin na Kanyang mga anak!”[2] Ito ay magandang modelo para sa atin ngayon: na ating kinikilala ang halaga ng emosyun sa pagsamba, habang iniiwasan ang pagmamalabis na maaring maglayo ng ating pansin mula sa Diyos at sa Kanyang katotohanan.

Emosyon at Katotohanan: Karanasan ng Isang Kristiyano[3]

“Sa katangian, ako’y isang madamdamin at sensitibong tao. Ang musika ay may matinding impluwensya sa aking damdamin. Ngunit sa nakaraang mga taon, natutuhan ko ang isang aral tungkol sa labis kong paniniwala sa ginagawang tugon ng aking emosyun.

“Habang nakikinig ako ng isang awitin na may magandang melodiya, ako ay labis na natangay nito. At nang ang awitin ay dumating sa kanyang madamdaming himig, ako ay labis na napaiyak. At nang matapos ang awitin, nakadama ako ng isang tila malalim na espirituwal na karanasan.

“Subalit, sa ikalawang pagkakataon na napakinggan ko ang awiting iyon, natuklasan ko ang isang bagay na gumulat sa akin: ang awitin na iyon pala ay hindi naglalaman ng pagsamba sa Diyos ng Biblia. Ang awitin na iyon ay pagpupuri para sa diyos ng isang kulto. Ang mga salita na matatagpuan sa madamdaming awiting iyon ay kabulaanan.

“Nang araw na iyon natutuhan ko na ang aking emosyon pala ay madaling manipulahin, lalo’t sa pamamagitan ng musika. Siyempre, hindi ko gustong sabihin na lahat ng tugon sa musika ay walang kwenta, kundi dapat nating suriing mabuti ang nilalaman ng mga awiting ating inaawit. Sa madaling salita, natutuhan ko, na ika nga, ‘subukan ang mga espiritu’ upang tiyakin kung ito ba ay galing sa Diyos.”

Pagsusuri 7

Ang iyo bang pagsamba ay parehas na nangungusap sa isipan at damdamin? Maingat ka ba sa Pagsusuri ng iyong mga inaawit at itinuturo upang matiyak na ito ay tapat sa turo ng Biblia?


[1]

“Ang pag-awit ay paraan upang mapanghawakan ng bayan ng Diyos ang Salita ng Diyos at maiugnay ang kanilang damdamin at pagmamahal sa Diyos.”

Hango kay Jonathan Leeman

[2]Mula kay John Wesley, John Wesley’s Sermons, “The Witness of the Spirit”
[3]Liham mula kay Dr. Andrew Graham. Mayo 29, 2014.

Mga Panganib sa Pagsamba: Minamaliit ang Halaga ng Pagsamba

Ang araling ito ay nagsimula sa babala ni Warren Wiersbe tungkol sa pagtrato sa pagsamba bilang isang pagliliwaliw.[1] Nagbabala siya na minaliit natin ang halaga ng pagsamba kapag naghahanap tayo ng katuwaan sa halip na serbisyo sa ating Diyos. Wika niya, “Ginagamit pa rin ng mga simbahan ang salitang pagsamba subalit ang kahulugan nito ay nagbago. Madalas na ang salitang pagsamba ay ginagamit bilang relihiyosong kataga na patungkol sa mga bagay na planong ipagawa sa kongregasyon kahit na ang Diyos ay hindi pokus ng gayong gawain.” Paano ito nangyayari?

Pagbabagong mula Santuwaryo tungo sa Theatro

Ang pagsamba ay maaaring mangyari kahit saan. Naranasan ng mga Kristiyano na sumamba sa loob ng mga yungib habang sila ay nagtatago mula sa kanilang mga mang-uusig o kaya’y habang nagkakatipon sa paligid ng isang apoy habang nagkakampo sa kabundukan. Ang mga Kristiyano nananambahan sa kanilang mga pribadong tahanan o sa isang magandang gusali. Makikita silang sumasamba kahit na nakaratay sa banig ng karamdaman sa isang hospital, o kaya’y habang naglalakbay sakay sa eroplano o habang sila ay nagtratrabaho. Ang pagsamba ay maaaring mangyari kahit saan, gayunma’y, ang sama-samang pagsamba ay madalas na ganapin sa isang gusali. Sa madaling salita, “Ang kongregasyon ng isang simbahan ay dapat na magtipon sa isang lugar at ang lugar na iyon ay maaaring maging santuwaryo o isang theatro.”

Ano ang pagkakaiba ng dalawang ito? Ang santuwaryo “ay isang lugar na kung saan ang mga tao ay nagkakatipon upang sumamba at magbigay luwalhati sa Diyos.” Samantala, ang theatro ay isang lugar na kung saan ang mga tao ay nagkakatipon upang panoorin ang isang pagganap. Kaya’t ang tanong, ang gusali ba ng inyong simbahan ay isang santuwaryo o isang theatro?

Mula sa Kongregasyon tungo sa pagiging Manonood

“Ang kongregasyon ng mga Kristiyano ay nagkakatipon upang sambahin at luwalhatiin si Jesu-Cristo. Subalit ang mga manonood ay nagkakatipon upang masdan at pakinggan ang isang pagganap.” Ang kongregasyon ay nakapokus sa Diyos; ang pagiging manonood ay nakapokus sa pagganap ng isang artista. Ang kongregasyon ay binubuo ng mga tagapagbahagi, subalit ang pagiging manoood ay binubuo lamang ng mga taong tumitingin. Kaya’t ang tanong, namumuno ka ba sa isang kongregasyon o sa mga manonood?

Paglisan mula sa Ministeryo tungo sa Pagtatanghal

“Ang pangunahing layunin ng ministeryo ay ang ipahayag ang katotohanan ng Diyos; subalit ang layunin ng pagtatanghal ay ang magpakitang gilas sa mga tao. Batid ng isang ministro na ang Diyos ay nagmamasid at ang Kanyang kaluguran lamang ang siyang pinakamahalaga. Subalit ang isang tagapagganap ay naghahanap ng palakpak ng mga manonood.” Gayunma’y ang ministeryo ay maaaring maging isang pagganap sa iba’t ibang paraan: ito’y maaaring mangyari sa pamamagitan ng isang musikero na tutugtog upang pahangain ang mga nakikinig; o kaya’y sa pamamagitan ng grupo ng mga mang-aawit na naghahanap na isang partikular na tugon ng emosyun mula sa mga tao; o sa pamamagitan ng isang mangangaral na sinusukat ang bisa ng kanyang pangangaral sa pamamagitan ng reaksyon ng mga tao. Kaya nga ang tanong, ikaw ba ay nagmiministeryo o nagpapakitang gilas?


[1]Ang mga sitas sa seksyon na ito ay hango sa sulat ni Warren Wiersbe, Real Worship (Grand Rapids: Baker Books, 2000), 169-174.

Konklusyon: Patotoo mula sa isang Misyonero – Pagsasabuhay ng Roma 14

“Natutuhan ko ang isang mahalagang aral tungkol sa Pagsusuri sa estilo ng pagsamba noong ako ay dumalo sa isang seminar na para sa mga namumuno sa simbahan; kasama ko rito ang isang kaibigang misyonero at walong pastor na Filipino.[1]

“Pumasok kami sa isang napakaluwang na gusali at naupo sa bandang tuktok ng bulwagan na iyon. Makikita roon ang mga naglalakihang mga screen at mga speakers na nakakabikit sa mga dingdig at kisame. Ang tagapanguna sa pagsamba ay isang Filipina at sa likod niya ay grupo ng mga mang-aawit. Sila’y pumapalakpak at pinapangunahan ang masiglang kapulungan sa pag-awit ng, ‘Yes, Lord, Yes!’ Kumpara sa aking nakasanayan, ang gayong gawi sa pagsamba ay masyadong maingay at masigla para akin.

“Ang paulit-ulit na musika, maingay na awitin, at masiglang pagkilos ng mga katawan ay nakakabagabag sa akin. Lagi naming hamon sa aming mga sinasanay na pastor na maging banal na tagapamuno, ngunit ngayo’y dinala namin sila sa gayong uri ng pagsamba! Sa sandaling iyon, nakita ko sa isang tabi ang isang Filipinong pastor na maituturing kong mahusay na espirituwal na pinuno. Siya’y nakatayo lamang at nakayuko ang ulo. Siya’y tahimik na nananalangin at hindi nakikibahagi sa sigla ng serbisyo.

“Naguluhan ako at naitanong, ‘Ano ang dapat naming gawin?’ Ngunit mayamaya, nakita ko ang walang kibong pastor na iyon na pumapalakpak at umaawit ng buong puso. Maaaninag sa mukha niya ang sigla at para bang natangay siya sa isang masiglang panambahan.

“Nang gabing iyon, ibinahagi namin sa isa’t isa ang aming natutuhan mula sa konperensya. Habang kami ay nag-uusap, itinanong ko sa nasabing pastor kung ano ang nangyari sa kanya at biglang siyang nagbago ng kanyang gawi sa pagsamba. Ang tanong ko, “Bakit mula sa pagiging tila wala kang pakialam ay bigla kang natuwang makibahagi sa mga awitin at panambahan?”

“Ang kanyang sagot ay maituturing kong mahusay. Ang sabi niya, ‘Ang totoo niyan, nababagabag ako ng musikang aking napapakinggan. Subalit habang nanalangin ako ay ipinaunawa sa akin ng Diyos na ang tagapamuno sa pagsamba kasama ang mga tao sa kapulungang iyon ay sumasamba sa Diyos ng kanilang buong puso. Tila ang sabi sa akin ng Panginoon, “Maaari mo bang ibigay sa akin ang paghusga sa kanilang ginagawa? Ngunit ikaw, maaari mo bang ibigay sa akin ang iyong pagsamba na hindi hinahatulan ang iba?”

“At ang pastor nga na ito ay nagsimulang sumamba sa Diyos ng taus sa kanyang puso at ng ayon sa kanyang kinagawian; sa halip na panooring hinahatulan ang iba. Ngayon, nagbago ba ang pananaw ng pastor na ito sa kanyang gawi sa pagsamba? Hindi. Nang siya’y bumalik sa kanyang simbahan, hindi niya ginaya ang estilo ng pananambahan na kanyang nasaksihan nang linggong iyon.

“Bilang pinuno sa aming mga simbahan, madalas niyang hikayatin ang mga kapwa-pastor na magbigay ng kalayaan sa pagsamba at huwag manipulahin ang kongregasyon. Hinikayat niya ang mga kapwa-pastor na balansehin ang dalawang prinsipyo:

(1) Maingat na sundin ang mga biblikal na prinsipyo para sa pagsamba sa iyong simbahan.

(2) Iwasan na batikusin ang estilo ng pagsamba ng ibang mga simbahan.”


[1]Patotoo mula kay Rev. David Black, dating misyonero sa Pilipinas

Aralin 9, Pagbabalik Aral

(1) Pagsamba at Kultura

  • Kapag susuriin natin ang mga estilo ng pagsamba, hindi natin dapat paghaluin ang kultura at Biblia.

  • Kapag sinasalungat ng ating kultura ang Biblia, dapat tayong pasakop sa tuntunin ng Biblia kaysa sa sumunod sa inaasahan ng kultura.

  • Upang maabot natin ng ebanghelyo ang sanlibutan, dapat nating itanong kung paano makakapangusap ang ating pagsamba sa ating kultura.

(2) Anv tatlong katanungan ang makakatulong sa atin upang maunawaan ang ugnayan sa pagitan ng panambahan ng lokal na simbahan at sa nakapaligid na kultura:

  • Sino ang naririto? Ito ay tumitingin sa kongregasyon bilang bahagi ng Iglesia.

  • Sino ang nauna rito? Ito ay tumitingin sa ipinamana sa Iglesia.

  • Sino ang dapat na naririto? Ito ay tumitingin sa komunidad na tinatawag tayong ibahagi ang ebanghelyo.

(3) Sapagkat ang musika ay sentral sa ating kultural na kalagayan, ang mga simbahan ay dapat na pumili ng musikang parehas na tapat sa Biblia at sensitibo sa kultura.

(4) Kung ang pagpalakpak ay bahagi ng pagsamba, dapat nating itanong, “Ang pagpalakpak ba ay nararapat gawin para sa awiting ito at sa ganitong sandali ng pagsamba?”

(4) Kung ang pagpalakpak ay pagtugon sa isang espesyal na awitin, dapat nating itanong, “Ang pagpalakpak ko ba ay udyok ng papuri sa Diyos o paghanga sa isang tao?”

(5) Kung nais nating isama ang mga kabataan at bata sa ating serbisyo, dapat nating planuhin ang panambahang nangungusap sa lahat ng edad.

(6) Kung tayo ay may hiwalay na serbisyo para sa mga bata at kabataan, dapat nating tiyakin na ang kanilang serbisyo ay pagsamba at hindi pagliliw-aliw.

(7) Hindi natin dapat tanggihan ang damdamin o kaya’y lubos itong pagbuhusan ng pansin sa oras ng ating pagsamba.

Aralin 9, Takdang Aralin

(1) Ang aralin na ito ay naglalaman ng ilang mga “Pagsusuri” na tanong. Magsulat ka ng isang pahinang sagot para sa isa sa mga tanong na ibinigay. Ang iyong sagot ay dapat na naglalaman ng dalawang bahagi:

  • Isang Pagsusuri sa kung ano ang kasalukuyan mong ginagawa sa pagsamba.

  • Isang rekomendasyon ng mga pagbabago na gagawin sa iyong pagsamba na naaakma sa iyong kultura, ngunit hindi naman tataliwas sa mga biblikal na prinsipyo ng pagsamba.

(2) Sa pasimula ng susunod na aralin, magkakaroon kayo ng pagsusulit batay sa araling ito. Pag-aralang mabuti ang mga tanong bilang iyong paghahanda.

Aralin 9, Pagsusulit

(1) Paano tayo dapat tumugon sa mga gawi ng pagsamba na hindi alinsunod sa ating kultural na kagustuhan subalit hindi sumasalungat sa mga prinsipyo ng Biblia?

(2) Paano tayo dapat tumugon sa mga gawi ng pagsamba na tanggap sa ating kultura subalit salungat sa Biblia?

(3) Ano ang tatlong katanungan na dapat nating itanong upang maunawaan ang ugnayan sa pagitan ng pagsamba ng ating simbahan at ng ating nakapaligid na kultura?

(4) Mula sa Roma 14, maglista ng tatlong prinsipyo na may kaugnayan sa pagsamba.

(5) Ilista ang tatlong pagsasaalang-alang para sa pagsambang walang itinatanging gulang.

(6) Magbigay ng dalawang pagkakamali na may kaugnayan sa emosyon ng pagsamba.

(7) Isulat ang 1 Corinto 14:15-17 gamit ang memorya.

Next Lesson