Pambungad sa Pagsambang Kristyano
Pambungad sa Pagsambang Kristyano
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 10: Isang Pamumuhay na Pagsamba

23 min read

by Randall McElwain


Mga Layunin ng Aralin

  1. Alamin ang ugnayan sa pagitan ng publikong panambahan at buhay pagsamba.

  2. Maunawaan na ang buhay pagsamba ay bumabago sa mga pagpapahalaga ng isang tao.

  3. Asaming mamuhay na para sa kaluwalhatian ng Diyos.

  4. Manindigang mamuhay ayon sa diwa ng pagsamba na itinuturo sa Roma 12:2.

  5. Ipahayag ang teolohiya ng pagsamba na ayon sa Biblia.

Paghahanda sa Araling ito

Isaulo ang 1 Corinto 10:31.

Pambungad

Sa parehas na taon, ang Afrika ay nalagay sa dalawang balita: “Pinakamalaking populasyon ng Kristiyano sa Afrika” at “Pinakatiwaling bansa sa Afrika.”

Ang pastor ng isa sa pinakamalaking simbahan sa Asya ay nahatulan sa salang paglustay ng milyo-milyong dolyar.

Ang pinuno ng isang napakalaking simbahan sa Amerika ay nagbitiw sa katungkulan matapos umaming mayroon siyang kalaguyo.

Ano ang mali rito? Maraming mga bagay ang pwedeng bigyan pansin sa mga pangyayaring ito, subalit may isang bagay na parehas sa bawat isa sa kanila: Ang pagsamba sa araw ng Linggo ay hindi umapekto sa kanilang buhay sa araw ng Lunes. Ang Linggo ay itinuturing na “pagsamba” – yun ay ningas kugon na damdamin at sigasig. Samantala ang araw ng Lunes ang siyang “tunay na buhay” – na may mga hindi maiiwasang mga gawi ng pananamantala sa negosyo at pagbibigay lugod sa sarili. Marami ang naniniwala na ang serbisyo tuwing araw ng Linggo ay walang kakayahang bumago ng buhay.

► Talakayin kung paanong ang pagsamba ay nakakaapekto sa inyong pang-araw-araw na buhay. Paano naiiba ang operasyon ng iyong negosyo o hanap-buhay ng dahil sa iyong pagsamba? Paano nagbago ang iyong relasyon sa pamilya ng dahil sa iyong pagsamba? Ang iyong moralidad? Ang iyong pananaw sa pulitika? Ang iyong pananaw at gawi sa pananalapi? Ikaw ba ay namumuhay ayon sa diwa ng pagsamba?

Pagsamba: Higit pa bilang araw ng Linggo

[1]Ang problemang ipinakita natin sa pambungad ng araling ito ay hindi bago. Sa panahon pa lamang ni Amos, nagsalita na siya sa mga taong nagdadala ng kanilang mga handog at nagsasagawa ng mga rituwal sa Templo, ngunit bigong mamuhay ng banal (Amos 5:21-24). Si Jeremias ay nangaral rin sa mga taong sumisigaw ng “ang Templo, ang Templo,” ngunit hindi makita sa kanilang buhay ang realidad ng presensya ng Diyos (Jeremias 7:4). Ibinunyag rin ni Jesus ang mga taong masikap sa pagsasagawa ng mga detalye ng kautusan, nagkakaloob ng ikapu ng kahit sa maliit na bagay, laging nananalangin, ipinapangilin ang Sabbath at iba pang rituwal ng pagsamba, subalit ang kanilang puso ay nananatiling marumi (Mateo 23:23). Sinasabi ng mga taong ito na sila ay mga mananambahan, subalit ang kanilang pagsamba ay huwad o balat-kayo. Ang tunay na pagsamba ay may epekto sa lahat ng sulok ng ating buhay.

Noong panahon ni Pablo, sumulat siya sa mga mananampalataya na humarap sa isyu ng karneng inihain sa mga diyus-diyusan. At matapos niyang sagutin ang problema, tinapos niya ang isyu sa pamamagitan ng pangungusap na, “Kaya, kung kayo man ay kumakain, umiinom, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos” (1 Corinto 10:31). Bagamat sinagot lang rito ni Pablo ang isyu na may kinalaman sa karneng inialay sa mga diyus-diyusan, ang prinsipyo na kanyang ibinigay ay magagamit natin sa lahat ng bahagi ng ating buhay. Kung talagang tunay tayong sumasamba, ang pang-araw-araw nating pamumuhay ay iuukol natin para sa kaluwalhatian ng Diyos.

Ang isang kahulugan ng pagsamba ay “…tugon ng ating buong pagkatao sa lahat ng katangian ng Diyos.”[2] Ang kahulugang ito ay nagpapakita na ang pagsamba ay naglalaman ng lahat ng aspeto sa ating buhay. Kaugnay rito, mayroong dalawang prinsipyo na dapat balansehin kapag binibigyan natin ng kahulugan ang pagsamba.

Publikong Pagsamba: Pagsamba sa araw ng Linggo

Ang sama-sama o publikong pagsamba ay tumutukoy sa pagtitipon ng Kapatiran bilang isang katawan. Ang pagtitipon na ito ay maaring idaos sa isang gusali ng simbahan, sa loob ng isang bahay, o sa iba pang lugar na pwedeng pagdausan ng pagtitipon. Ang lugar ng pagtitipon ay hindi masyadong mahalaga; ang higit na mahalaga ay ang oras na ginugugol at itinatalaga upang idaos ang sama-samang pagsamba ng Kapatiran. Ang mga Kristiyano ay binigyan ng pribilehiyo at tungkulin na magtipon-tipon para sa kanilang sama-samang pagsamba (Hebreo 10:25).

Pagsamba bilang Pamumuhay: Pagsamba na Nakapaloob ang Lahat ng Bahagi ng Buhay

Sa Hardin ng Eden, kung sakaling matatanong natin sina Adan at Eba, “Anong araw kayo sumasamba?” ang kanilang sagot ay tiyak na, “Palagi kaming sumasamba. Ang lahat ng bahagi sa aming buhay ay sumasamba.” At Oo, iyan nga ang ibig sabihin ng pagsamba bilang pamumuhay.

Kaya nga, ang pagsamba ay parehas na sama-samang pagtitipon ng Kapatirang Kristiyano at isang pamumuhay na para sa kaluwalhatian ng Diyos. Sinabi ni Iraeneus na isang obispo noong ika-2 siglo, “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay isang taong ganap na buhay.” Ang pangungusap ito ay hindi humanismo na nagtataas sa sentralidad ng tao, kundi isang pananaw na nagtataas sa sentralidad ng Diyos. Ang nais lang sabihin ni Iraeneus ay: ang pinakadakilang layunin ng tao ay ang mamuhay ng para sa kaluwalhatian ng Diyos. Iyan ang tunay na diwa ng pagsamba.

[3]Bilang mga Kristiyano, ating ibinibigay sa Diyos ang lahat ng aspeto ng ating buhay, maging ang mga maliliit at ordinaryong mga bagay. Ang pagsamba ay hindi limitado tuwing araw ng Linggo. Sa halip, ang ating hanap-buhay, paglilibang, at mga karaniwang gawain sa araw-araw ay dapat na iukol para sa kaluwalhatian ng Diyos. Ipinapakita sa Roma 12:1 na bahagi ng ating pagsamba ang paghahandog ng ating katawan bilang buhay na alay sa Diyos; ito ang ating espirituwal na serbisyo. Kaya ang biblikal na pananaw sa pagsamba ay hindi limitado sa lingguhang pagtitipon; ito’y pagbibigay ng lahat sa ating buhay para sa Diyos.

Ang biblikal na pananaw sa pagsamba ay parehas na naglalaman ng sama-samang pagsamba ng mga Kristiyano at pang-araw-araw na pamumuhay ng bawat isa. Bawat aspeto ay mahalaga. Kung malilimutan natin na ang pagsamba ay kalakip ng pang-araw-araw na pamumuhay, maaari tayong dumalo sa ating serbisyo ngunit hindi kakikitaan ng pagbabago sa ating buhay. Maaari tayong makilahok sa sama-samang pagsamba subalit bigong mamuhay na may pagsunod sa Diyos sa araw-araw.

Sa kabilang banda, kung ang bibigyan lamang natin ng pansin ay ang “pamumuhay na pagsamba,” maaari nating makalimutan ang regular at itinakdang oras para sa isang pokus na pagsamba. Ang ating pakikilahok sa publikong panambahan ay nagpapaalala sa atin na tayo’y pinagkatiwalaan lamang ng Diyos ng mga bagay-bagay sa ating buhay.

Ang prinsipyo ng pagkakatiwalang ito ay makikita natin sa ikapu at sa Sabbath. Ang pagkakatiwalang Kristiyano ay nangangahulugan na lahat ng ating salapi ay sa Diyos; at ang paniniwala natin sa prinsipyong ito ay makikita sa ating pag-iikapu. Samantala, ang pagkakatiwalang Kristiyano na may kinalaman sa kanyang oras at panahon ay nangangahulugan na ang lahat sa ating buhay ay galing sa Diyos; ipinapakita natin ito sa pamamagitan ng pagtatalaga ng isang araw sa isang Linggo upang sumamba sa Diyos at magpahinga. Sa ganito ring paraan, lahat ng aspeto sa ating buhay ay bahagi ng pagsamba; at ipinapakita natin ito sa pamamagitan ng ating pakikilahok sa Kapatiran sa isang sama-samang pagsamba.

Ipinakita ni Bob Kauflin ang relasyon sa pagitan ng sama-samang pagsamba at pamumuhay pagsamba:

Maaaring ang araw ng Linggo ang siyang pinakamahalagang araw ng ating linggo, subalit hindi lamang ito ang mahalaga. Sa loob ng isang linggo, maaari tayong mamuhay sa diwa ng pagsamba sa pamamagitan ng pagpapadama ng pagmamahal sa ating pamilya, pagtanggi sa tukso, pagtatanggol sa kapakanan ng mga mahihirap, pakikibaka laban sa kasamaan, at pagbabahagi ng ebanghelyo. Sa tagpong ito, tayo ay maituturing na sumasambang simbahan sa iba’t ibang dako.

Gayunma’y, nakadarama rin tayo ng pagkapagod sa ating pakikipaglaban sa sanlibutan, sa pita ng laman, at sa Diyablo. Kailangan natin ng lakas at sigla sa pamamagitan ng Salita ng Diyos at pagmamalasakit ng Kapatiran. Nais nating makipisan o makipag-ugnayan sa mga taong pinagkaisa ng Diyos sa pamamagitan ng dugo ng Kanyang Anak. Sa tagpong ito tayo ay nagiging sumasambang simbahan na nagkakatipon sa isang dako.[4]


[1]

“Ang pagiging isang tagapamuno sa pagsamba ay ang pagiging huwaran ng buhay pagsamba na nakikita sa lahat ng bahagi ng buhay. Ang Diyos ang hinahanap ng tagapamuno sa pagsamba sa lahat ng bagay at pinangungunahan niya ang simbahan sa isang uri ng pagsamba na sumasakop sa lahat ng bahagi ng pamumuhay.”

Hango kay Stephen Miller

[2]Hango kay Warren Wiersbe, Real Worship. (Grand Rapids: Baker Books, 2000), 21
[3]

“Ang paghahandog ng ating buhay para sa paglilingkod sa Diyos sa bawat araw ay isang habambuhay na panawagan. Ang pagsamba natin sa umaga ng Linggo ay isang pagpapatuloy lang ng gayong panawagan.”

Barry Liesch

[4]Hango kay Bob Kauflin, Worship Matters (Wheaton: Crossway Books, 2008), 210

Pagsamba: Pamumuhay na para sa Kaluwalhatian ng Diyos

Ang Pagsamba ay Nagpapakita ng ating mga Pagpapahalaga

[1]Nilikha tayo para sa pagsamba. Lahat tayo ay may sinasamba. Ating sinasamba ang isang bagay na ating labis na pinapahalagahan. Ang pagsamba ay nagsasabi ng ganito, “Ito ang siyang may unang puwang at nauuna sa aking buhay.”

Maraming tao ang sumasamba sa pera, trabaho, katatayuan sa buhay, relasyon, at kalayawan. Ang mga bagay na ito ang siyang may unang puwang sa kanilang buhay. Ngunit paano mo malalaman kung ano ang iyong sinasamba? Masdan mo ang iyong buhay. Ano ang higit na umuubos ng iyong lakas, oras, at pera? Iyan ang bagay na iyong pinagpasyahang maging pinakamahalaga sa iyo; iyan ang bagay na iyong sinasamba.[2]

[3]Tanging ang Diyos lamang ang karapat-dapat sa ating pagsamba; lahat at anumang bagay ay sekondarya lamang kumpara sa Kanya. Ang isang buhay pagsamba sa Diyos ay ang unahin Siya sa lahat ng bagay. Ang tunay na mga mananambahan ay silang inilagay ang Diyos sa trono ng kanilang puso; Siya ang pinakamahalaga. Sa madaling salita, para sa mga tunay na mananambahan, ang bawat bahagi ng kanilang buhay ay para sa kaluwalhatian ng Diyos.

Ang Tunay na Pagsamba ay Bumabago ng ating mga Pagpapahalaga

Natunghayan natin sa Isaias 6 na ang tunay na pagsamba ay bumabago ng buhay. Ang pagsamba ay hindi lamang nagpapakita ng ating mga pinapahalagahan, ito’y bumabago rin ng ating mga pagpapahalaga sa buhay.

Ang pagsamba, ito man ay sa tunay na Diyos o sa isang idolo, ay bumabago ng ating pagkatao. Ipinapakita sa atin sa Awit 115:8 na ang pagsamba sa mga diyus-diyusan ay uudyok sa atin na gumawa ng kasamaan. “Ang mga gumawa sa kanila ay kagaya nila; gayundin ang lahat ng nagtitiwala sa kanila”. Ang mga sumasamba sa idolo ay natutulad sa kanilang idolo. Ang mga sumasamba sa pera ay nagiging mukhang-pera o ganid sa salapi. Silang mga sumasamba sa kalayawan ay nagiging alipin ng layaw. Silang mga sumasamba o nauuhaw na makilala ng madla ay nagkakaroon ng labis na pagtingin sa sarili. Sa madaling salita, tayo ay nagiging katulad nganumang ating sinasamba.

Sa ganito ring paraan, silang mga sumasamba sa tunay na Diyos ay nagiging katulad sa Kanya. “At tayong lahat, na walang talukbong ang mukha, na nakikita ang kaluwalhatian ng Panginoon gaya ng sa isang salamin, ay nababago sa gayunding larawan, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian” (2 Corinto 3:18). Sa pagsamba, tayo ay nababago tungo sa Kanyang Wangis.

Kapag tayo ay sumasamba, ang pagpapahalaga natin ay nagbabago. Kaya’t bilang mga mananambahan, dapat nating itanong, “Ang pagsamba ko ba ay bumabago ng aking buhay?”

Ang Pamumuhay para sa Kaluwalhatian ng Diyos ay Nangangahulugan ng Lahat ng Bahagi sa ating Buhay

Ang pagsamba bilang pamumuhay ay nangangahulugan na lahat sa ating buhay ay iuukol natin para sa kaluwalhatian ng Diyos. Gayunma’y, maraming mga Kristiyano na hinahati ang kanilang buhay sa dalawang magkahiwalay na bahagi: ang sagrado (Linggo) at ang sekular (Lunes-Sabado). Sila’y namumuhay bilang tinaguriang “Kristiyano kapag Linggo.” Dumadalo sila ng simbahan at sinasabing naniniwala sila sa mga katuruang Kristiyano, subalit ang kanilang pagsamba sa araw ng Linggo ay walang epekto sa kanilang negosyo sa araw ng Lunes, buhay-pamilya sa araw ng Miyerkules, at paglilibang sa araw ng Sabado.

Ang salitang sekular ay tumutukoy sa ating buhay sa mundong ito. Ang Kristiyano ay tinatawag na ipamuhay ang kanyang sekular na buhay para sa kaluwalhatian ng Diyos. Sa madaling salita, ang Kristiyano ay tinatawag na mamuhay sa araw ng Lunes na sumasalamin sa kanyang pagsamba sa araw ng Linggo. Kaya nga, sa bawat pagtatapos ng serbisyo, dapat nating itanong, “Ano ang aking gagawin sa kinabukasan na magsasabuhay ng aking pagsamba ngayon?” Ito ang buhay na ipinapamuhay para sa kaluwalhatian ng Diyos.

Ano ba ang Itsura ng Pamumuhay na para sa Kaluwalhatian ng Diyos?

Ang pamumuhay na para sa kaluwalhatian ng Diyos ay nangangahulugan na lahat sa ating buhay ay kontrolado ng maalab na damdamin para sa Diyos. Ito ay nangangahulugan ng pagmamahal sa Diyos na ang ating kasiyahan ay yaong bagay na nakalulugod sa Kanya. Mayroong nagsabi na ang pagmamahal daw sa isang tao ay nangangahulugan ng pagkasabik sa kanya. “Mahal mo ang isang tao (o bagay) kapag wala ka ng ibang iniisip kundi siya.”

Sa ganito ring paraan, mungkahi ni Louie Giglio na “malalaman natin ang pinakamahalagang bagay sa ating buhay sa pamamagitan ng lumalabas sa ating bibig.”[4] Lagi nating pinag-uusapan ang bagay na mahalaga sa atin.

Tila napakasimple ng bagay na ito, subalit isaalang-alang mo. Ano ang bagay na laging sinasambit ng isang taong maibigin sa salapi? Pera. Ang binibigyan nila ng kaluwalhatian ay ang pera. Ano ang bagay na laging sinasambit ng taong humaling sa sports? Sports. Kanilang laging pinapupurihan ang paborito nilang koponan ng mga manlalaro.

Subalit nangangahulugan ba ito na lagi na lang mamutawi sa bibig ng Kristiyano ang mga talata sa Biblia sa lahat ng sitwasyon? Hindi. Sa halip, nangangahulugan lamang ito na ang lahat ng ating sinasambit at pinag-uusapan ay dapat na para sa ikaluluwalhati ng Diyos. Kapag tayo ay gagawa ng pagpapasya sa ating mga negosyo, maaaring hindi natin iparinig na sinasabi sa ating kasama sa negosyo na, “Ang desisyon na ito ay dapat na magbigay na kaluwalhatian sa Diyos,” gayunma’y, alam natin na ang pagsa-alang-alang sa kaluwalhatian ng Diyos ay aapekto sa ating desisyon. Gayundin naman, kapag kinakailangan nating disiplinahin ang ating anak, maaaring hindi natin sabihin sa kanya, “Anak, ang aking gagawing pagpalo sa iyo ngayon ay para sa kaluwalhatian ng Diyos.” Ngunit, dapat nating itanong sa ating sarili, “Ang pagdisiplina bang gagawin ko ngayon ay magbibigay lugod sa Diyos o nais ko lamang ilabas ang galit na aking nararamdaman? Sa ganito bang paraan ako dinidisiplina ng aking Ama na nasa langit?”

Bilang mga Kristiyano, gumagawa tayo ng mga pagpapasya sa liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos. Ang pagsamba bilang pamumuhay ay nangangahulugan na ang Diyos at ang Kanyang kaluwalhatian ang siyang sentro sa lahat ng ating ginagawa.

Sa nakaraang aralin, natunghayan natin na kung wala ang biyaya ng Diyos, ang ating sama-samang pagsamba ay magiging legalistiko. Ating magiging tanong, “Paano tayo dapat sumamba sa paraang makakamit ang pabor ng Diyos?” Gayundin naman, kung wala ang biyaya ng Diyos, ang ating buhay pagsamba ay magiging pabigat na legalismo sa ating buhay. Magiging tanong natin, “Paano kung ang desisyong ito ay hindi pinakamagandang paraan upang maluwalhati ko ang Diyos? Kung magkakamali ba ako ay magagalit sa akin ang Diyos?”

Subalit kabaligtaran sa legalistikong pagsamba, ang pagsamba na nasa liwanag ng biyaya ng Diyos ay magiging isang napakagandang pribilehiyo. Ang publikong pagsamba na nasa liwanag ng biyaya ng Diyos ay magiging pagkakataon upang ipagdiwang ang katangian ng Diyos at ang Kanyang mga ginawa. Sa ganito ring paraan, ang pagsambang-pamumuhay (kapag ipinapamuhay sa liwanag ng biyaya ng Diyos) ay magiging pagkakataon upang luwalhatiin ang Diyos sa araw-araw.

Bunga nito, ang pagpapasya sa negosyo sa araw ng Lunes ay hindi magiging sapilitang pagsunod sa kautusan ng Diyos; ito ay magiging masayang pagkakataon upang luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng maayos na asal at gawi na alinsunod sa Kanyang katangian. Maging ang pagdisiplina sa ating mga anak ay hindi magiging pag-iwas na baka kagalitan tayo ng Diyos; ito ay magiging masayang pagkakataon upang maging modelo ng mapagmahal na katangian ng Diyos sa ating mga anak. Kaya nga, ang biyaya ay bumabago ng ating pagsambang-pamumuhay.


[1]

“Bawat isa ay mayroong altar. Bawat altar ay mayroong trono. Paano mo malalaman kung ano ang iyong sinasamba? Madali lang: sundan mo ang yapak ng pinagugugulan mo ng panahon, ng iyong damdamin, ng iyong lakas, ng iyong pera, at ng iyong pagtatalaga. Sa dulo ng yapak na iyon ay tiyak na matatagpuan mo ang isang trono. At anuman o sinuman ay nakaupo sa trono na iyon ang siyang pinakamahalaga sa buhay mo. Sa trono na iyon ay matatagpuan mo kung sino ang iyong sinasamba.”

Louie Giglio

[2]Hango kay Louie Giglio, The Air I Breathe: Worship as a Way of Life. (Sisters, OR: Multnomah Publishers, 2003).
[3]

Ang pagsamba ay hindi lamang tungkol sa bagay na ating ginagawa;
ang pagsamba ay mayroong ginagawa sa ating puso’t kalooban.

[4]Mula kay Louie Giglio, sa kanyang mensahe na “Psalm 16” in Matt Redman and Friends, Inside, Out Worship (Ventura: Regal Books, 2005), 78

Ang Pagsambang-Pamumuhay: Ang Biblikal na Modelo

Sa Roma 12:1, ang mga Kristiyano ay tinatawag na ihandog ang kanilang mga sarili bilang haing buhay, banal, at kasiyasiya sa harapan ng Diyos. Ito ang ating espirituwal na pagsamba. Sa Roma 12:2 ay ipinapakita kung paanong ang alay na ito ay maibibigay sa Diyos. Ang talatang ito ay partikular na mahalaga upang ating maunawaan ang buhay pagsamba.

Matapos ang 11 mga kabanata, na kung saan inilatag ni Pablo ang teolohikal na pundasyon para sa buhay Kristiyano, isinunod niya ang aplikasyon o pagsasabuhay para sa mga ito. Sa madaling salita, yamang tayo’y inaring ganap sa pamamagitan ng biyaya (Roma 1-11), dapat tayong mamuhay sa paraang nararapat rito (12-16). Ang mga kabanatang ito ay nagbibigay sa atin ng modelo para sa buhay pagsamba.

Ang Negatibong Aspeto ng Pagsambang-Pamumuhay

Nagsimula si Pablo sa pamamagitan ng negatibong kautusan: “Huwag kayong makiayon sa takbo ng sanlibutang ito.” Ibig sabihin, hindi tayo dapat mamuhay ng makamundo. Hindi tayo pwedeng sabay na maglingkod sa kaharian ng mundong ito at sa kaharin ng langit. Hindi tayo pwedeng sabay na sumamba sa Diyos at sa espiritu ng sanlibutang ito.

Gamit ang pagsasalin ni J.B. Philips, isinalin niya ang pangungusap ni Pablo sa ganitong paraan, “Huwag ninyong hayaan ang lipunang nakapaligid sa inyo na dikdikin kayo sa kanyang hulmahan.” Kapag ang isang luwad ay inilagay mo sa isang hulmahan, ang magiging hugis ng luwad na iyon ay ayon sa hugis ng hulmahan. Gayundin naman, nais ng mundong ito na dikdikin ang mga Kristiyano sa kanyang hulmahan upang maging hugis makamundo. Nais ng mundong ito na sapilitan tayong pasunurin sa kanyang mga kagustuhan. Subalit, dapat nating tanggihan ang impluwensya ng mundo at mamuhay sa diwa ng pagsamba.

Ang ganitong uri ng tukso ay mapanganib sapagkat maaari tayong makiayon sa takbo ng sanlibutan na hindi natin namamalayan. Halimbawa, ang isda na nabubuhay sa tubig ay hindi mag-iisip, “Ito ay tubig.” Para sa kanya, ang tubig ay ang mundong kanyang kinalalagyan. Gayundin naman, ang isang uod na gumagapang sa putik ay hindi mag-iisip, “Ito ay putik.” Para sa kanya, ang putik ay ang mundong kanyang ginagalawan. At sa ganito ring paraan, kapag hindi mag-iingat ang isang Kristiyano, hindi niya maiisip, “Ito ay makasalanang sanlibutan.” Sa halip, maaari siyang mamuhay sa paraang karaniwang mundo lang ang kanyang ginagalawan.

Ito ang dahilan kung bakit ang publikong panambahan ng mga Kristiyano ay mahalaga. Ang may akda ng Hebreo ay nagbigay sa atin ng babala na hindi natin dapat kaligtaan ang ating pagtitipon. Bakit? Sapagkat ito ang paraan upang maisakatuparan natin ang mga sumusunod na utos:

  • “Tayo'y lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya…” (Hebreo 10:22).

  • “Panghawakan nating matatag ang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-aalinlangan, sapagkat siya na nangako ay tapat...” (Hebreo 10:23).

  • “At ating isaalang-alang kung papaano gigisingin ang isa't isa sa pag-ibig at sa mabubuting gawa...” (Hebreo 10:24).

Sa pagsamba, naipapaalala sa atin na tayo ay hindi mga makamundong tao. Noong nasa Babilonya, malayo sa Templo, at walang kakayahan na makilahok sa panambahan ng kanyang mga kababayan, si Daniel ay laging nanalangin ng tatlong beses sa isang araw. Habang siya’y nananalangin, ang kanyang bintana ay nakabukas paharap sa Jerusalem (Daniel 6:10). Ang pagsamba ni Daniel ang nagpalakas sa kanya upang hindi makiayon sa takbo ng pamumuhay sa Babilonya. At habang siya’y nakaharap sa Jerusalem, laging napapaalalahan si Daniel na, “Hindi ako mamamayan ng Babilonya; ako ay mamamayan ng Jerusalem. Hindi ako sumasamba kay Marduk; naglilingkod ako kay Yahweh.”[1]

Ang buhay pagsamba ay nangangahulugan kung gayon na hindi tayo dapat patangay sa takbo ng sanlibutan. Hindi lang ito nangangahulugan ng pagtanggi sa mga tukso. Higit pa ito sa pagsunod sa mga tuntunin. Higit pa ito sa partikular na estilo ng pananamit, tuntunin ng pag-uugali, o relihiyosong kultura. Bagkus, ito ay buong gawi ng pag-iisip at pamumuhay. Ito ay nangangahulugan ng Pagsusuri sa lahat ng bagay alinsunod sa pananaw ng kaharian ng Diyos.

Bilang mga Kristiyano, hindi tayo kailanman masiyahang makibagay sa takbo ng nakapaligid na kultura. Matapos ang isang klase sa Tsina na tumalakay sa paksa ng Sermon ni Jesus sa Bundok, isang estudyante ang nagsabi, “Sa Tsina, napakahirap mamuhay ayon sa paraang itinuro ni Jesus.” Sagot naman ng guro, “Huwag kang magtaka. Maging sa Amerika ay napakahirap mamuhay ayon sa paraang itinuro ni Jesus.” Sa madaling salita, anuman ang kultura na ating kinalalagyan, ang buhay pagsamba ng isang Kristiyano ay laging laban sa espiritu ng sanlibutan.

Ang Positibong Aspeto ng Pagsambang-Pamumuhay

Matapos ibigay ang negatibong bahagi ng utos, ang Roma 12 ay nagpatuloy sa positibong tuntunin: “Kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.”

Ang kabaligtaran ng kamunduhan ay hindi lamang ang maging iba ka o kaya’y ang ipaggiitan ang iyong sariling personalidad na laban sa iba. Ang tunay na kabaligtaran ng kamunduhan ay ang maranasan ang pagbabago na maghahatid sa iyo sa pagkakaunawa sa kalooban ng Diyos. May ibang mga Kristiyano na may sinundan o sinang-ayunan na isang paraan ng pamumuhay na iba sa kanilang nakalakihang kultura; subalit hindi pa rin nila maranasan ang pagbabagong maghahatid sa kanila sa kalooban ng Diyos. Sa halip, ang pagbabagong kanilang naranasan ay ang pagkakaroon lang ng isang partikular na pananaw sa pulitika, lipunan, at paraan ng pananamit. Hindi talaga nila naranasan ang pagbabagong dulot ng pagbabago ng isipan.

Ayon sa pagsasalin ni J.B. Phillips, ganito ang sinasabi ng talata,““Huwag ninyong hayaan ang lipunang nakapaligid sa inyo na ilagay kayo sa kanyang hulmahan” (ang negatibo), “sa halip, hayaan ninyong hubugin kayo ng Diyos upang ang takbo ng inyong pag-iisip ay ganap na magbago” (ang positibo). At dito sa aklat ng Roma, ipinapakita sa atin itsura ng isang bagong isipan.

  • Roma 12: Ginagamit ng isang nagbagong mananampalatayang ang kanyang mga espirituwal na kaloob upang paglingkuran ang kanyang kapwa.

  • Roma 13: Ang isang nagbagong mananampalataya ay may paggalang sa sibil na kapamahalaan sa lipunan.

  • Roma 14: Iginagalang ng isang nagbagong mananampalataya ang paniniwala at paninindigan ng kapwa Kristiyano.

Kaya’t, ang buhay pagsamba ay higit pa sa gawi; ang pagsamba ay bumabago sa buong paraan ng ating pag-iisip. Pansinin mo ang epekto ng buhay pagsamba:

  • Ano kaya ang mangyayari sa bansang Afrika kung ang mga negosyante at pulitikong Kristiyano ay magkaroon ng pagbabago hinggil sa kanilang pag-uugali sa salapi at kapangyarihan?

  • Ano kaya ang mangyayari sa mga simbahan sa Asya kung ang mga pinuno nito ay makikita ang kanilang mga sarili na katiwala lamang ng salaping kaloob ng Diyos?

  • Ano kaya ang mangyayari sa relasyon ng mga mag-asawa sa Amerika kung makikita ng mga Kristiyano roon ang gawi ng kawalang-katapatan ayon sa nakikita ng Diyos at hindi ayon sa pananaw ng Hollywood?

Ang buhay pagsamba ay bumabago ng isipan ng isang mananampalataya. Ang binagong isipan ay makikita sa nagbagong buhay; at ang nagbagong mga buhay ay pinapatunayan ng isang nagbagong lipunan. Sa madaling salita, ang buhay pagsamba ay may gannap na kakayahang bumago ng ating mundo.


[1]Isang pagsasalin na mula kay Tim Keep, Bible Methodist Missions. Hango sa kanyang sermon na ipinangaral sa Hobe Sound Bible College, November 2013.

Mga Panganib sa Pagsamba: Pagsambang walang Pagsunod

Ang mga propeta ay nagpahayag ng babala laban sa pagsambang walang pagsunod. Halimbawa, ang mga tao noong panahon ni Jeremias ay naniniwala na iingatan raw sila ng Templo mula sa Babilonya. Subalit tugon ni Jeremias, “Huwag kayong magtiwala sa mapandayang mga salita, na sinasabi, ‘Ito ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon’” (Jeremias 7:4). Sa halip

Kung tunay na inyong babaguhin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa;

Kung kayo'y tunay na magsisigawa ng katarungan sa isa't isa;

Kung hindi ninyo aapihin ang dayuhan, ang ulila at ang babaeng balo, o hindi kayo magpapadanak ng walang salang dugo sa dakong ito, o susunod man sa ibang mga diyos sa ikapapahamak ng inyong sarili:

Kung gayo’y hahayaan ko kayong manirahan sa dakong ito, sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga magulang mula nang una hanggang magpakailanman (Jeremias 7:5-7).

Kay lungkot na naniwala ang bayan ng Israel na maaari nilang palitan ng rituwal ang pagsunod. Subalit ipinahayag ng mga propeta na ang rituwal na walang pagsunod ay walang kabuluhan.

Sa ibang mga tradisyon, ang pagsunod ay pinalitan ng liturhikal na rituwal. Ang mga elemento ng pagsamba ay naroroon. Ang mga awitin ay naglalaman ng katotohanan. Ang Biblia ay binabasa at ipinapangaral. Mayroong mga dasal na ginagamit sa panalangin. Subalit, ang isang bagay na wala ay ang pagsunod sa Salita ng Diyos. At dahil rito, ang buhay ay hindi nagbabago. Ang ganitong bagay ay rituwal lamang, hindi pagsamba.

Sa ibang mga tradisyon, ang pagsunod ay pinalitan ng emosyonal na pagtugon. Ang naging layunin ng serbisyo ay ilabas ang damdaming hinahangad. Ang musika ay ginagamit upang pukawin ang damdamin. Ang sermon ay nagtatapos sa pamamagitan ng paanyaya o sandali ng pagbibigay ng panata. Subalit, madalas na ang ganitong serbisyo ay hindi nakasalig sa buhay na sumusunod at sumusuko sa Diyos. Ito ay emosyon lamang, hindi pagsamba.

Ang pagsamba sa Templo ay isang pagdiriwang ng tipan ng Diyos para sa bayang Israel. Ito rin ay nagsisilbing paalala sa Israel tungkol sa kanyang panata at mga tungkulin sa Diyos. Noong sinaunang Iglesia, ang pagsamba ay pagdiriwang ng Bagong Tipan na itinatag sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus. Ito ay nagpapaalala sa mga Kristiyano ng kanilang tungkulin na mamuhay bilang banal. Ang pagsambang hindi namumunga ng pagsunod ay isang kabulaanan.

Ang tunay na pagsamba ay bumabago sa buhay ng mananambahan. At sa kursong ito, nakita natin na ang mga taong tunay na sumasamba sa Diyos ay nababago ang buhay. Ang layunin ng kurso nating ito ay hindi lamang para magkaroon tayo ng mas magandang pagplaplano at pamumuno sa pagsamba sa ating serbisyo, kundi upang tayo man ay maging mananambahan na binabago ng pagsamba. Sa pamamagitan nito ay mapapangunahan natin ang ating simbahan na sumamba sa paraang babago ng buhay ng bawat kaanib ng ating kongregasyon.

Konklusyon: Patotoo ng isang Pastor

Ano ang magiging epekto ng tunay na pagsamba? Pagisipan mo ang patotoo ng isang Pastor ng isang Spanish na simbahan.

“Noong 1991, ang espirituwal na kalagayan ng aming simbahan ay napakababa. May ilan sa aming mga miyembro na nahulog sa sala ng imoralidad. Nang dinisiplina namin ang mga nagkasalang miyembro, ang simbahan ay nahati. Subalit nang dumating kami sa yugto ng matinding espirituwal at emosyunal na pangangailangan, may isang bagong mananampalataya na nagmungkahi sa amin na dapat kaming mag-ayuno at manalangin sa buong araw ng Linggo. Ito nga ang aming ginawa at ang Diyos ay nagsimulang kumilos sa gitna namin.

Matapos ang ilang linggo, nagpasimula kami ng aming anwal o taunang pagtitipon. Ang ilang pagkakabaha-bahagi sa simbahan ay nananatili pa rin. Subalit habang nangangaral ang ebanghelista ng kanyang sermon nang gabi ng Miyerkules, nakadama siya ng udyok na galing sa Diyos na awitin ang himnong “How Great Thou Art” o “Kay dakila ng Diyos.”

“Habang inaawit niya ang napakagandang himno na ito, ang kaluwalhatian ng Diyos ay tila bumaba sa mga nauuhaw na kalooban ng mga tao. May iba na tumugon ng may pagpupuri; may iba naman na pumunta sa harapan ng altar. Samantala, may isang babae roon na may matinding hinanakit hinggil sa mga nangyaring hidwaan sa simbahan; siya’y bigla lang umiyak ng sagana. At habang nakatayo sa harapan ng 400 mga tao, ipinahayag niya, “Ako ang siyang pinakamalungkot na babae rito sapagkat ako’y nagkasala sa Diyos at sa simbahang ito ng dahil sa matagal na pagkimkim ng sama ng loob sa aking puso. Hiniling ko sa Diyos ang Kanyang kapatawaran at nakikiusap rin ako sa inyo bilang simbahan na sana’y patawarin ninyo ako sa aking mga kasalanan.”

“Nang mamutawi ang mga salitang ito sa kanyang bibig, ibinukas ng iba ang kanilang mga puso’t kalooban sa pagkakasundo. At nang gabing iyon, naipanumbalik sa aming simbahan ang pagkakaisa. Tunay nga na kapag ang mga anak ng Diyos ay magpapakumbaba ng kanilang mga sarili sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno; kung ang mga lingkod ng Diyos ay magiging masunurin sa pamumuno ng Banal na Espiritu, tayo ay maihahatid sa presensya ng Diyos. Ang ating mga kasalanan ay maipapahayag; at ang pagkakaisa sa simbahan ay manunumbalik. Ito ay bunga ng tunay na pagsamba.”[1]


[1]Patotoo na mula kay Reverend Sidney Grant, Hope International Missions

Aralin 10, Pagbabalik-aral

Ang publikong pagsamba ay nagaganap tuwing Linggo; ang buhay pagsamba ay nagaganap sa araw-araw. Bawat isa ay mahalaga sa pagkakaroon ng biblikal na pananaw sa pagsamba.

(1) Ang tunay na pagsamba ay nagpapakita ng ating tunay na pinapahalagahan.

(2) Ang tunay na pagsamba ay bumabago ng ating mga pinapahalagahan.

(3) Ang buhay pagsamba ay nangangahulugan na tayo ay mamumuhay ng para sa kaluwalhatian ng Diyos. Ito ay nangangahulugan na ang kalooban ng Diyos ang siyang sentro sa lahat ng ating buhay.

(4) Ang biblikal na modelo para sa buhay pagsamba ay makikita sa Roma 12:1-2. Nakapaloob rito ang…

  • Negatibong aspeto: “Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito”

  • Positibong aspeto: “Magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.”

Aralin 10, Takdang Aralin

(1) Magsulat ng 3-4 na pahina tungkol sa paksang pinamagatang, “Ang Teolohiya ng Pagsamba.” Ang sanaysay na ito ay dapat na nagpapakita kung paanong ang pagsamba ay nakasalig sa mga prinsipyo ng Biblia. Ang sanaysay na ito ay dapat na biblikal at praktikal.

(2) Mangaral ng isang sermon tungkol sa tunay na pagsamba na nakabatay sa Juan 4:23-24.

(3) Tapusin ang iyong proyekto para sa kurso: Magsulat ng isang pahina na pag-uulat na iyong ibibigay sa guro o tagapamuno sa klase; na nasasaad rito ang buod ng lahat ng iyong natutuhan mula sa iyong journal na “30-Araw na Paglalakbay sa Pagsamba.” Hindi mo na kinakailangan na tingnan at kopyahin ang iyong mga isinulat sa journal.

(4) Para sa iyong huling pagsusulit, isulat ang 1 Corinto 10:31 gamit ang iyong memorya.