Pambungad sa Pagsambang Kristyano
Pambungad sa Pagsambang Kristyano
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 2: Ang Diyos at ang Mananambahan

27 min read

by Randall McElwain


Mga Layunin ng Aralin

  1. Alamin ang biblikal na paglalarawan sa Diyos at ang Kanyang gampanin sa ating pagsamba.

  2. Maunawaan ang hinihingi ng Diyos sa Kanyang mananambahan.

  3. Magkaroon ng hangarin na sundin ang hinihingi ng Diyos sa Kanyang mga mananambahan.

  4. Masiyahan sa biyaya ng Diyos na nagpapahintulot sa tao na dumulog sa Kanyang presensya upang sumamba.

Paghahanda sa Araling ito

Isaulo ang Pahayag 5:9-14

Pambungad

Nagtipon ang isang maliit na grupo upang talakayin ang isang paksa sa kanilang lingguhang Bible study. Ang tanong na kanilang tinatalakay ay, “Sa ano ba maitutulad ang Diyos at paano natin Siya dapat sambahin?”

Unang nagsalita si Sarah, “Kapag iniisip ko ang Diyos, maihahalintulad ko Siya sa isang matandang lolo na may mahabang puting balbas. Minamasdan Niya tayo na parang Kanyang mga apo. Nalulungkot Siya kapag nagkakasala tayo, subalit mahal pa rin Niya tayo at nauunawaan na ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya. Sa palagay ko ay hindi mahalaga sa Diyos kung paano tayo sumamba basta’t ipinapakita natin na mahal natin Siya.”

Sumagot naman si Hannah, “Sa tingin ko, ang Diyos ay isang palautos na tatay. Hindi Siya malapit sa Kanyang mga anak, ngunit nagmamatyag Siya kung tayo’y sumusunod sa Kanya. Sa pagsamba, kailangan nating ipakita ang ating pagpapasakop at pagsunod. Hindi ko gusto ang mga awiting itinuturing ang Diyos na ating kaibigain; dapat nating tandaan na Siya ay Panginoon at tayo ay Kanyang mga lingkod. Pumupunta ako sa simbahan upang malaman ko kung ano ang hinihingi sa akin ng Diyos.”

Hindi nasiyahan si Abigail sa mga kasagutang ito. Wika niya, “Itinuturing ko ang Diyos bilang aking kaibigan. Sinasabi ng Biblia na nalulugod ang Diyos na magbigay ng mga mabubuting bagay sa Kanyang mga anak. Pumupunta ako sa simbahan upang malaman ang kalooban ng Diyos para sa akin. Nananalangin ako upang sabihin sa Kanya ang aking mga pangangailangan. Nakikinig ako ng sermon at musika upang malaman ko kung paano pinagpapala ng Diyos ang aking buhay. Nalulugod ang Diyos magbigay ng mga kaloob at pumupunta ako sa simbahan upang tanggapin ang mga iyon.”

Bawat isa sa mga kababaihang ito ay may iba’t ibang konsepto o pananaw tungkol sa Diyos. At dahil rito, bawat isa sa kanila ay may iba’t ibang pananaw sa kung ano ang pagsamba.

Ang pananaw ni Sarah sa Diyos ay tulad ng isang matandang lolo na walang pakialam sa detalye ng ating pananambahan. Ang kanyang kaisipan sa pagsamba ay, bawat isa ay may kalayaan na sumamba sa paraang gusto niya. Ngunit maaring ikagulat ni Sarah ang pagsamba na ginanap sa Tabernakulo. Doon ay makikita niyang ang Diyos ay may pakialam sa detalye ng ating pagsamba.

Para naman kay Hannah, ang Diyos ay malayo at mapagbawal. Ngunit siguradong magugulat siya sa mga matatamis na pangungusap na mababasa sa aklat ng mga Awit at sa matapat na pagbubuhos ni Job ng kanyang himutok sa Diyos. Ang pagsamba para kay Hannah ay pagpapanatili ng pagitan sa Diyos. Ibig sabihin, ang pananalangin ay dapat na pormal at may tuntunin. Ang musika ay dapat na maringal ngunit di personal. Subalit, magugulat si Hannah sa malapit na ugnayan ng pagsamba na ginanap sa kabahayan ng Sinaunang Iglesia.

Para naman kay Abigail, ang Diyos ay isang lingkod na laging nariyan upang tugunan ang ating mga pangangailangan. Sa tuwing nagtatapos ang panambahan, laging tanong ni Abigail, “Ano ba ang aking nakuha?” Para sa kanya, ang musika at awitin ay dapat na kasiya-siya sa kanyang panlasa. Ang panalangin ay dapat na nakatuon sa mga personal na pangangailangan. Ang sermon ay dapat na praktikal at nagungusap sa kanyang nadaramang pangangailangan. Subalit maaring madismaya si Abigail sa panambahan sa Templo. Ang panambahan sa Templo ay tungkol sa paghahandog sa Diyos at hindi tungkol sa ibibigay ng Diyos sa tao.

Bawat isa sa mga kababaihang ito ay naghanap ng isang uri ng panambahan na sumasalamin sa kani-kanilang pananaw sa Diyos. Kaya’t ang ating pananaw at pagkakaunawa sa Diyos ay may malaking epekto sa ating pagsamba.

► Talakayin ninyo ang inyu-inyong pananaw sa Diyos. Paanong ang konsepto natin sa Diyos ay nakaka-apekto sa ating pagsamba?

Sa araling ito, tatalakayin natin ang dalawang tanong.

(1) Sino ang ating sinasamba?

Dahil ang pagsamba ay pagbibigay ng parangal na nararapat sa Diyos, kapag higit natin Siyang kilala, higit rin tayong magiging handa sa tunay na pagsamba. Ang maling pagtingin sa Diyos ay magdudulot ng maling pagsamba.

Ang ganitong prinsipyo ay makikita natin sa larawan o diwa ng idolatria. Halimbawa, si Baal ay tinaguriang diyus-diyusan ng pertilidad at kalayawan. Paano siya sinamba ng kanyang mga propeta? Iyon ay sa pamamagitan ng silakbo ng damdamin at kawalang pagpipigil sa sarili. Pansinin mo ito, “At sila’y nagsisigaw ng malakas, at sila’y naghiwa sa kanilang sarili gamit ang mga tabak at mga patalim ayon sa kanilang kaugalian hanggang sa bumulwak ang dugo sa kanila” (1 Hari 18:28).

(2) Anong hinihingi ng Diyos sa Kanyang mga mananambahan?

Dahil ang Diyos ay banal, paano tayo dapat dumulog sa Kanyang presensya? Ano ang hinihingi o inaasahan ng Diyos sa mga sumasamba sa Kanya?

Ang mga diyus-diyusang sina Baal at Molek ay walang kabanalan at dahil rito’y ang kanilang mga mananambahan ay hindi kinakailangang maging banal. Ang mga mananambahan ni Baal ay natulad kay Baal; sila’y walang moral na kalinisan. Kaya’t nagpapakita ito na nahahawig tayo sa ating sinasamba.

Ang tunay na Diyos ay banal. Dahil rito, nangangailangan Siya ng isang banal na bayan. Ang mga mananambahan ni Yahweh ay dapat na matulad kay Yahweh. Ibig sabihin, sila’y dapat na maging banal sapagkat sila’y sumasamba sa Diyos na banal.

Sino Ang Ating Sinasamba?

Ipagpalagay natin na isang araw, bigla kang namangha sa napakagandang paglubog ng araw.[1] Ngunit bigla kang tumigil sa pagtingin rito sapagkat nais mong kunan ng litrato ang iyong sarili. Sa larawan ay nilagay mo: “Ako, habang papalubog ang araw.” Ang tawag natin diyan ngayon ay “selfie,” isang pagkuha ng larawan ng iyong sarili. Sa pagkuha ng larawang iyon, ibinaling mo ang iyong pansin mula sa napakagandang sikat ng lumulubog na araw tungo sa iyong sarili. Ang taong mahilig mag-selfie ay higit na nagbibigay pansin sa kanyang sarili sa halip na sa isang magandang nangyayari.

Ang Diyos ay nararapat sa ating pinakamainam na pagsamba. Subalit kung mas pinapansin natin ang kalidad ng ating pananambahan kaysa sa Diyos na ating sinasamba, tayo ay nagpapakita ng ‘banal-banalang selfie,’ yun ay, “Ako, habang sinasamba ang Diyos”. Ngunit hindi natin dapat hayaan na ang kaaliwan natin sa pagsamba ay humila ng ating pansin mula sa Diyos na ating sinasamba!

[2]Ayon kay C.S. Lewis, ang idolatria ay pagbibigay ng higit na pansin sa panambahan, sa halip na sa Diyos. Kaugnay nito, nagbigay babala rin si D.A. Carson sa ating gawi na “sambahin ang panambahan sa halip na sambahin ang Diyos.” [3]

Ang pagsamba ay hindi magiging tunay na pagsamba hangga’t hindi nawawala ang ating pansin mula sa ating mga sarili. Sa tunay na pagsamba, ang higit na dapat pagkatuunan ng pansin ay ang Diyos, sa halip na ang ating pinagsusumikapang ipakita sa pagsamba.

Natutunan natin sa Aralin 1 ang unang utos hinggil sa kung sino ang dapat nating sambahin. “Ako ang Panginoon mong Diyos…Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap ko” (Exodo 20:2-3). At dahil ang pagsamba ay pagbibigay ng nararapat na parangal sa Diyos, ang pag-aaral natin sa pagsamba ay dapat na magsimula sa tanong na, ‘Sino ang Diyos?’ Apat na himno sa aklat ng Pahayag ang magbibigay sa atin ng pangunahing kasagutan.

Sumasamba tayo sa Manlilikha (Pahayag 4)

► Basahin ng malakas ang Pahayag 4. Isaisip mo rito ang makalangit na tagpo. Ano ang sinasabi ng kabanatang ito tungkol sa Diyos na ating sinasamba?

Nagbukas ang kalangitan sa Pahayag 4 at ipinasilip sa atin ang katangian ng Manlilikha na ating sinasamba.

Ang Manlilikha ay Soberano o Hari ng sansinukob.

Ang Diyos ay matayog na nakaluklok at kataas-taasan sa anumang kaharian sa sanlibutan. Ginamit sa kabanatang ito ng 14 na beses ang salitang “trono” o luklukan. Ipinapakita rito na ang Diyos ay Panginoong Diyos na Makapangyarihan; Siya ay kataas-taasan sa lahat. Kaya’t sa pagsamba, ipinapahayag natin sa Diyos ang ating pagpapasakop. Totoong Siya ay mapagmahal na Ama, subalit Siya’y soberano, ang kataas-taasan sa lahat.

Ang Manlilikha ay banal.

Sa buong Biblia, ang Diyos ay ipinapakitang banal na Diyos.

  • Sinabi ng Diyos sa mga Israelita, “Kayo'y magpakabanal, sapagkat akong Panginoon ninyong Diyos ay banal” (Leviticus 19:2).

  • Ang Diyos ay pinapurihan na, “Ikaw ay banal, nakaluklok sa mga papuri ng Israel” (Awit 22:3).

  • Nakita ni Isaias ang mga anghel na sumasamba sa palibot ng trono habang nagsasabi, “Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo; ang buong lupa ay puno ng Kanyang kaluwalhatian” (Isaias 6:3).

  • Nakita pa ni Apostol Juan sa kalangitan ang mga matatanda na sumisigaw, “Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos, ang Makapangyarihan sa lahat, ang noon at ang ngayon at ang darating!” (Pahayag 4:8).

Sumasamba tayo sa banal na Diyos.

Ang Manlilikha ay walang hanggan.

Siya ang noon, ngayon, at ang darating (Pahayag 4:8).

Ipinakita naman sa atin ni David na ang mga kamahanga-hangang bagay sa sannilikha ay nagsisilbing bintana upang masilayan natin ang kaluwalhatian ng Diyos. Ang sabi niya, “Nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ang kalangitan, at ang mga gawa ng Kanyang kamay ay inihahayag ng kalawakan” (Awit 19:1). Dagdag pa, ang aklat ng Genesis ay nagbukas sa kapahayagan na ang Diyos ay Manlilikha. At sa huling aklat sa Biblia, ipinakita sa atin na ang Diyos ang Siyang Manlilikha; ang maghahari sa sannilikha magpakailanman.

Ang diin na ito ay nagpapakita sa nararapat na pokus o pansin ng pagsamba. Tayong mga nilalang ay dapat na sumamba sa Diyos na ating Manlilikha. Ang pagsamba ay nararapat na tungkol lamang sa Kanya, hindi tungkol sa ating sarili. Hindi dapat mamayani ang ating sarili sa tuwing sumasamba tayo sa ating Manlilikha.

Sumasamba tayo sa Manunubos (Pahayag 5)

► Basahin ng malakas ang Pahayag 5. Ano ang ipinapakita ng dakilang tagpo rito tungkol sa Diyos na ating sinasamba?

Bilang mga Kristyano, hindi dapat na maglaho sa atin ang paghanga sa Hari ng sansinukob na nagkaloob ng ating kaligtasan. Sa Pahayag 5, matutunghayan natin ang pagsamba sa Kordero ng Diyos, ang Manunubos. Si Jesus ay 28 beses na tinawag na “ang Kordero” sa aklat ng Pahayag. Ito ang isa sa pangunahing larawan na makikita sa aklat ng Pahayag.

Sinasamba natin ang Manunubos ng dahil sa kung sino Siya.

Siya ang Leon na mula sa lipi ni Juda. Siya ang Ugat ni David. Siya ang inihandog na Kordero. Siya ang Kordero na may pitong sungay at pitong mata (Pahayag 5:6), pawang mga sagisag ng kaganapan o kaperpektuhan. Kaya’t sa pagsamba, pinaparangalan natin si Jesus sa kung sino Siya. Ang pagsamba ay “pagdiriwang sa maluwalhating kasakdalan ni Cristo” (John Piper).

Sinasamba natin ang Manunubos ng dahil sa kung nasaan Siya.

Sa Pahayag 5:6, makikita natin si Jesus ang sentro ng panambahan sa langit. Siya ay nasa pagitan ng trono at ng apat na nilalang na buhay at kabilang sa mga matatanda. Kaugnay rito, nagpahayag ng magandang pangako ang may akda ng Hebreo na nagsasabing ang ating Tagapagtanggol ay nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos (Hebreo 12:2).

Sinasamba natin ang Manunubos ng dahil sa kung ano Kanyang ginawa.

Minsan, dahil sa pagsisikap na ibaling lang sa katangian ng Diyos ang pokus ng pagsamba, may iba na nagkakaroon ng maling kaisipan na ang pagsamba raw ay dapat lang na matuon sa kung sino ang Diyos, hindi sa kung ano ang ginawa Niya para sa atin. Subalit ipinakita ni Juan ang panambahang naganap sa langit na kung saan ay pinupuri ang Kordero ng dahil sa Kanyang ginawa. “Ang Kordero na pinaslang ay karapat-dapat tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian, at kapurihan” (Pahayag 5:12).

Ang prinsipyong ito ay makikita rin sa aklat ng mga Awit. Sa Awit 134, may utos sa atin na purihin ang Diyos. Hindi ito nagbigay ng dahilan, ngunit ipinapakita na dapat nating purihin ang Diyos sa kung sino Siya. Gayun pa man, sinundan ito ng Awit 135-136 na kung saan makikita natin na pinupuri ang Diyos ng dahil sa kung ano ang Kanyang ginawa sa kasaysayan ng Israel. Sa madaling salita, kapwa ang katangian ng Diyos at ang Kanyang mga ginawa ay karapat-dapat sa ating pagsamba. Ibig sabihin, dapat na purihin ang Diyos sa kung sino Siya at sa kung ano ang Kanyang ginawa.

Sumasamba tayo sa Hari (Pahayag 11:15-18)

Isang panibagong pananaw ng panambahan sa langit ang ating makikita sa Pahayag 11. Sa tagpong rito, makikita natin ang mga matatanda sa langit na sumasamba sa Hari habang Kanyang kinukuha ang luklukang ukol sa Kanya. Bagamat naghihimagsik sa Kanya ang mga kaharian sa lupa, sa bandang huli’y susuko sila sa Kanyang kapamahalaan. “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon at ng kanyang Cristo, at siya'y maghahari magpakailanpaman” (Pahayag 11:15).

Sa himnong ito, ang Hari ay pinapupurihan dahil sa Kanyang makatarungang hatol sa sanlibutan. Ito ay paalala sa atin na ang Diyos ay naghaharing may dakilang kapangyarihan. At bagamat galit sa Kanya ang mga bansa, makatarungan silang hahatulan ng Diyos.

Ang tunay na pagsamba ay pagsamba sa katotohanan. Hindi isinasantabi ng tunay na pagsamba ang kahanga-hangang kahatulan ng Diyos. Ang panambahang ipinapakita sa aklat ng Pahayag ay naaayon sa panambahan sa aklat ng mga Awit. Ang Awit 96 ay nagpapahayag ng bagong awit sa Panginoon. Sa awit na ito, ang Diyos ay dinadakila sa mga bansa. Siya ay kinatatakutan sa lahat ng mga diyos. Siya’y pinapupurihan sapagkat hahatulan Niya ang sangkatauhan ng buong katarungan. Ang pagkatakot sa Diyos ay mahalagang sangkap sa tunay na pagsamba. Dapat natin Siyang sambahin bilang ating Hari.

Sinasamba natin ang Mananagumpay na Lalaking Ikakasal (Pahayag 19:1-9)

Sa isang Bible survey na klase, tinanong ng guro ang kanyang mga estudyante, “Ilan sa inyo ang nagugustuhang basahin ang aklat ng Pahayag?” Iilan lamang ang nagtaas ng kamay. Kaya’t tanong ng guro, “Bakit hindi ninyo magustuhan ang aklat ng Pahayag?” Ang sagot ng isang estudyante, “Nakakatakot po kasi!”

Ang dahilan kung bakit ipinapalagay na nakakatakot ang aklat ng Pahayag ay dahil sa hindi nila binibigyang pansin ang pinakamagandang bahagi nito. Nakatuon lamang sila sa mga kahatulang ibinagsak sa mga mapaghimagsik laban sa Diyos. Totoo na ang mga ito ay bahagi ng mahalagang mensahe sa aklat ng Pahayag. Subalit para sa mga Kristyano, ang pangunahing mensahe ng aklat ng Pahayag ay tungkol sa dakilang tagumpay ng ating Diyos!

Ipinapakita sa Pahayag 19 ang mensaheng ito. Nakasaad sa kabanatang ito ang paglalarawan sa dagat-dagatang apoy ng asupre (Pahayag 19:20) na may mga buwitre na kumakain ng mga laman ng mga hari, ng mga kapitan, at ng mga makakapangyarihang tao…(Pahayag 19:18). Ito ang siyang kinahinatnan ng mga naghimagsik sa Hari. Subalit sa kanila na magalang na nagpasakop sa Hari, ang Pahayag 19 ay isang awit ng pagdiriwang. Maging ang tanyag na mahalay na babae na nagparumi sa daigdig sa pamamagitan ng kanyang immoralidad ay hinatulan rin (Pahayag 19:2). Sinakop ng lalaking ikakasal ang Kanyang mga kaaway. At matapos nito’y inanyayahan Niya ang Kanyang banal na kabiyak sa piging ng kasalan ng Kordero (Pahayag 19:9).

Bilang tugon sa dakilang tagumpay na ito, narinig ni Juan ang “tinig ng napakaraming tao, gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng dagundong ng malalakas na kulog na nagsasabi, ‘Aleluia! Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Tayo'y magalak at tayo'y magpakasaya at ibigay natin sa kanya ang kaluwalhatian, sapagkat dumating na ang kasal ng Kordero, at inihanda na ng kanyang magiging asawa ang kanyang sarili’” (Pahayag 19:6-7).

Sa pagsamba, pinupuri natin ang mananagumpay na Lalaking Ikakasal. Ang ating pagsamba dito sa lupa ay paghihintay lamang sa dakilang piging na inihahanda ni Jesus para sa Kanyang kabiyak. Isa sa mga dahilan kung bakit ang panambahan ay mahalaga ay dahil sa ang pagsamba ay nagpapalakas ng ating diwa na matagumpay na ipamuhay ang buhay Kristyano sa gitna ng mapang-usig na mundo. Sa pagsamba, inaalala natin na ang “ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula roon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Cristo, na siyang magbabago ng ating hamak na katawan upang maging katulad ng katawan ng kanyang kaluwalhatian, ayon sa kapangyarihan na kumikilos sa kanya upang maipailalim sa kanyang sarili ang lahat ng mga bagay.” (Filipos 3:20-21).

Masusulyapan natin sa apat na himno ng aklat ng Pahayag ang katangian ng Diyos na ating sinasamba. Sa pagsamba, inilalagak natin ang ating pansin sa Diyos at hindi sa ating mga sarili. Sa pagsamba, tayo ay lumuluhod sa ating Manlilikha; sa pagsamba, pinupuri natin ang ating Manunubos; sa pagsamba, ipinagdiriwang natin si Cristo bilang ating Hari; at sa pagsamba, hinihintay natin ang ating walang hanggang kalagayan sa piling ng ating Kabiyak, ang mananagumpay na Lalaking Ikakasal.

Ito ang Diyos na ating sinasamba. Subalit ito ay nagbubunga ng isa pang tanong, “Sino ang maaaring sumamba? Ano ang hinihingi ng Diyos sa mga taong dumudulog sa Kanyang presensya?”


[1]Marami sa mga aral rito ay hango sa aklat ni Warren Wiersbe, Real Worship, (Grand Rapids: Baker Books, 2000), Chapter 5.
[2]

“Aming Diyos, Ikaw ay…

Kataas-taasan sa lahat, ang dakila sa lahat;

ang mahabagin sa lahat, ang makatarungan sa lahat;

ang pinakamahiwaga, ang sumasalahat;

ang pinakamaganda, at ang pinakamalakas;

laging gumagawa, ngunit walang kapaguran;

nagtitipon subalit walang kakulangan

sabay na umaalalay at nag-iingat;

sabay na lumilikha at nangangalaga

naghahanap, ngunit pagmamay-ari ang lahat.”

Halaw sa panalangin ni Augustine

[3]Hango sa aklat ni D.A. Carson, Worship by the Book, (Grand Rapids: Zondervan, 2002), 31.

Ano ang Hinihingi ng Diyos sa Kanyang mga Mananambahan?

Sa Kanyang pakikipag-usap sa babaeng Samaritano, [1] si Jesus ay nagpahayag ng kapansin-pansing pangungusap. Matapos Niyang sabihin na ang mga tunay na mananambahan ay sasamba sa espiritu at katotohanan, idinagdag Niya na ang Ama ay naghahanap ng mga gayong tao na sasamba sa Kanya (Juan 4:23). Sa madaling salita, ang Diyos ay naghahanap ng isang uri ng mananambahan; isang taong sasamba sa Kanya sa espiritu at katotohanan. Ito ang Kanyang hinahanap na uri ng mananambahan.

Ano naman ang mga katangian na hinahanap ng Diyos sa Kanyang mga mananambahan? Sinuman ay maaaring dumalo ng panambahan sa simbahan; sinuman ay maaaring umawit ng papuri; sinuman ay may maaaring sumambit ng panalangin. Subalit, ang Diyos ay nagbigay ng mga partikular na tuntunin hinggil sa katangian ng Kanyang mga mananambahan. Isang kabanata na maaari nating puntahan ay ang Awit 15.

Basahin ang Awit 15. Ano ang sinasabi rito tungkol sa buhay ng isang mananambahan?

Ang Awit 15 ay liturhiyang salmo. Ipinapakita rito ang pag-uusap ng isang saserdote at ng mananambahan sa pasukan ng Templo. Ang mananambahan ay may pagnanasang dumulog sa banal na Templo ng Diyos. At bilang tugon sa kanyang tanong, “Sino ang maaaring pumasok?” ang saserdote ay nagbigay ng listahan ng mga kinakailangan. Ito rin ang siyang prinsipyong makikita natin sa Awit 24:3-6 at Mikas 6:6-8. Ang salmo na ito ay nahahati sa tatlong bahagi:

(1) Tanong: Sino ang maaaring sumamba?

(2) Sagot: Paglalarawan sa katangian ng mananambahan

(3) Panapos na bahagi: Isang` pangako sa mananambahan

Ang Tanong: Sino ang maaaring sumamba? (Awit 15:1)

Sa pasukan ng Templo, ang mananambahan ay nagtatanong, “O PANGINOON, sino sa iyong tolda ay manunuluyan? Sinong sa Iyong banal na burol ay maninirahan?” Ang tanong na ito ay nagpapahiwatig ng tatlong katangian ng isang mananambahan.

Nauunawaan ng tunay na mananambahan ang diwa ng pagkatakot sa Diyos.

Ipinapakita sa psalmong ito na ang pagpasok sa presensya ng Diyos ay hindi basta-bastang bagay. Nauunawaan ng isang tunay na mananambahan na ang Diyos ay banal at tayo bilang makasalanan ay nahiwalay sa Kanya.

Sa Banal na Kasulatan, mayroong diwa ng pagkatakot na laging nakaugnay sa presensya ng Diyos. Halimbawa, sa Bundok Sinai, binabalaan ang taong-bayan na lumayo sa bahagi ng bundok na kung saan ang Diyos ay nakipag-usap kay Moises (Exodo 19:7-25). Sa Bundok ng Pagbabagong Anyo ni Jesus, makikita rin natin roon ang mga alagad na natigib ng takot (Mateo 17:6).

Para sa isang mananampalataya, ang makaDiyos na pagkatakot ay hindi katatakutan na nagpapalayo sa kanya mula sa presensya ng Diyos. Sa halip, ito ay paggalang na nag-uudyok sa kanya na dumulog sa Diyos sa diwa ng kapakumbabaan. Ang ibig lang sabihin, ang mananambahan ay hindi dapat na lumapit sa Diyos na walang pag-iingat at paghahanda.

Ang tunay na mananambahan ay sumasamba sa diwa ng kapakumbabaan.

Tanong ng mananambahan, “Sino ang maaring manuluyan sa Iyong tolda?” Ang mga ‘manunuluyan’ rito ay mga dayuhan na mula sa ibang bayan. Sila ay mga panauhin na walang taglay na karapatan na gaya ng sa isang mamamayan.

Itinuturo sa Awit 15 na dapat kilalanin ng isang mananambahan na siya ay katulad ng isang panauhin o dayuhan sa presensya ng Diyos. At dahil sa ang Diyos ay banal at ang Kanyang tahanan ay banal, hindi tayo karapat-dapat na patuluyin roon bilang makasalanan. Kaya’t anuman ang ating katatayuan sa buhay, dapat tayong lumapit sa presensya ng Diyos na may ugali ng kapakumbabaan. Tayo ay Kanyang mga panauhin lamang.

Ipinagdiriwang ng tunay na mananambahan ang biyaya ng Diyos.

Sapagkat kinikilala natin ang kabanalan ng Diyos, ipinagdiriwang natin ang biyaya ng Kanyang pagpapatuloy sa atin tungo sa Kanyang tahanan. Ang mananambahan na nagtatanong, “Sinong sa iyong banal na burol ay maninirahan?” ay may kapanatagan na inaanyayahan ng Diyos na tumuloy sa Kanyang tahanan. Ang Diyos ay may itinatag na tipanang-relasyon sa Israel. Kaya’t ang pagsamba ng mga Judio ay pagdiriwang sa mapagbiyayang relasyon ng Diyos sa Kanyang bayan.

Ang Awit 103 ay isang panawagan ng pagsamba, “Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko.” Ang salmong ito ay napakagandang paalala sa atin tungkol sa biyaya ng Diyos na nagpaging dapat sa atin na makapasok sa presensya ng Panginoon.[2]

“Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya, gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya. Sapagkat ang ating kalagayan ay kanyang nalalaman, naaalala niya na tayo'y alabok” (Awit 103:13-14). Ang Diyos na lumikha sa atin mula sa alabok ay buong biyaya na nag-aanyaya sa atin sa pagsamba! Kapag tayo ay sumasamba, dapat nating alalahanin ang biyaya ng Diyos. Ang Kanyang biyaya ang siyang nagpaging dapat sa mga tulad nating alabok na makadulog sa Kanyang harapan na Siyang Manlilikha ng sansinukob.

Ang tunay na pagsamba ay may sangkap na banal na takot, kapakumbabaan, at biyaya. Bawat isa sa mga aspetong ito ay makikita sa panambahan sa Templo. Itinuturing ng mga Judio ang Templo bilang banal na tahanan ng Diyos.[3] Naghahanda silang mabuti upang maipakita sa Diyos ang kanilang kapakumbabaan. Sa kabilang banda, ang kanilang pagsamba ay isa ring pagdiriwang. Ito’y puspos ng mga awitin, tugtugan, halimuyak, at diwa ng pagdiriwang dahil sa biyaya ng Diyos sa Kanyang bayan.

Sa panahong ito, tayo man ay dapat na pumasok sa tahanan ng Diyos na may banal na pagkatakot. Dapat nating kilalanin ang ating di karapat-dapat na kalagayan. Sa kabilang banda, ang ating pagsamba ay dapat na may pagdiriwang sa Kanyang biyaya na siyang nagpapasok sa atin sa Kanyang presensya. Ayon sa isang matandang liturhiya sa nakaraan, “Kami’y lumalapit hindi dahil sa kami ay karapat-dapat, kundi dahil sa kami ay inaanyayahan.” Ito ang pagsamba na nagdiriwang sa biyaya ng Diyos.

Ang Kasagutan: Paglalarawan sa Katangian ng Mananambahan (Awit 15:2-5)

Bilang tugon sa tanong na, “Sino ang makakapasok sa tahanan ng Diyos?” ibinigay ng saserdote ang mga katangian ng mananambahan. Ang mananambahan ay dapat na lumalakad ng matuwid sa harapan ng Diyos. Dapat na maingat siya sa kanyang pakikitungo sa kapwa. Kanyang tinatanggihan mga lumalaban sa Diyos, ngunit iginagalang ang mga may takot sa Diyos. Sinisikap niyang i-ayon ang kanyang gawi at asal ayon sa katangian ng kanyang Diyos. Lahat ng ito ay nagpapakita na ang taong tunay na sumasamba sa Diyos ay higit na nakakamukha ng Diyos.

Ang sagot na ito ay nagpapaalala sa atin na ang pagsamba ay may epekto sa lahat ng bahagi ng ating buhay. Ang pagpasok sa presensya ng Diyos ay nangangailangan ng wagas na pagsunod. Tiyak na hindi maiintindihan ni David ang taong nagsasabi, “Ako ay anak ng Diyos subalit hindi ako namumuhay ng may pagpapasakop sa Diyos.” Hindi pinapanigan ng Biblia ang mga taong nagsasabi, “Si Jesus ang aking Tagapagligtas ngunit hindi Siya ang Panginoon ng lahat sa aking buhay.” Ang pagpasok sa presensya ng Diyos ay humihingi ng pagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan.

Ang tunay na mananambahan ay namumuhay ng banal

Ibinibigay sa atin sa Awit 15:2 ang pangunahing katangian ng isang mananambahan. Silang pumapasok sa presensya ng Diyos ay dapat na lumakad sa katuwiran. Sa madaling salita, ang bawat bahagi ng kanilang buhay ay dapat na kakikitaan ng integridad. Sila’y dapat na namumuhay sa katuwiran at taus pusong ipinapahayag ang katotohanan. Ang mga katangiang ito ay paglalarawan sa pamumuhay ng isang mananambahan. Lahat ng bahagi ng kanyang buhay ay naaapektuhan ng kanyang pagsamba.

Ang tunay na mananambahan ay may maayos na relasyon sa kanyang lipunan.

Kung paanong hindi maunawaan ni David ang isang taong nagsasabi, “Ako’y anak ng Diyos subalit hindi ako sumusunod sa utos ng Diyos,” gayundin naman, hindi rin niya mauunawaan ang pananalitang, “Ako ay matuwid sa harapan ng Diyos, ngunit hindi ko pinakikitunguhan ng matuwid ang aking kapwa.”

Ang taong dumudulog sa presensya ng Diyos ay taong may matuwid na relasyon sa kanyang lipunan.

  • Hindi siya mapanirang-puri.

  • Hindi siya gumagawa ng masama sa kapwa.

  • Hindi siya nakikinig sa tsismis laban sa kanyang kaibigan.

  • Tinatanggihan niya ang mga mapaghimagsik sa Diyos.

  • Pinaparangalan niya ang mga may takot sa Diyos.

  • Tapat siya sa kanyang salita.

  • Hindi siya mapagsamantala sa mahirap o nagpapatubo ng utang.

  • Hindi siya tumatanggap ng suhol at nananakit ng walang malay.

Ang taong tumutuloy sa tahanan ng Diyos ay isang taong matuwid, sa panloob man o panlabas. Ang tunay na mananambahan ay may integridad o katapatang-loob. Hindi niya hinahayaan na palitan ng rituwal na pagsamba ang kanyang araw-araw na pagsunod sa Diyos.

Panapos na Bahagi: Pangako sa Mananambahan (Awit 15:5c)

Ang Awit 15 ay nagtapos sa pangako para sa mananambahan; “Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi matitinag kailanman” (Awit 15:5). Sa madaling salita, ang taong sumusunod sa Diyos ay makakaasa sa pag-iingat ng Diyos. Ang Awit 15 ay may pagkakahawig sa Awit 1 sa punto ng kanyang paglalarawan sa banal na pamumuhay at banal na pangako at pagpapala ng Diyos sa matuwid.

Ang Awit 15 ay nagpapakita ng hinihingi ng Diyos sa mga taong sumasamba sa Kanya. Ang Awit 15 ay dapat na kapwa basahing utos (“Ito ang hinihingi ng Diyos”) at pangako (“Ito ang gagawin ng Diyos sa mga taong sumusunod sa Kanya”). Sa liwanag ng aral ng Isaias 6, natutuhan natin na ang Diyos ang Siyang nagpapalakas sa mananambahan upang sumunod sa Kanya; ang Diyos ang lumilinis ng makasalanang labi; Siya ang gumagawa ng paraan upang ang hinihingi sa Awit 15 ay masunod at maganap. Sa madaling salita, ang tunay na pagsamba ay nakasalig sa biyaya ng Diyos. Ito’y magagawa natin hindi sa pamamagitan ng ating mahinang pagsusumikap, kundi sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos na kumikilos sa buhay ng mga taong sumasamba sa Kanya. Kaya’t huwag na huwag nating kalilimutan ang biyaya ng Diyos sa ating pagsamba. Ang Diyos Ama ay naghahanap ng mga tunay na mananambahan at Siya rin ang gumagawa ng paraan upang ang pagsamba sa Kanya ay maisakatuparan.

Pagsusuri

Itanong mo sa iyong sarili, “Taglay ko ba ang puso at kamay ng isang tunay na mananambahan?” Basahin ang Awit 15 bilang iyong Pagsusuri. Sa bawat talata, itanong mo, “Makikita ko ba dito ang sarili ko? Handa ba talaga ako sa pagsamba?”

Basahing muli ang Awit 15 bilang isang personal na panalangin. “Panginoon, palakasin Mo akong mamuhay ng matuwid at gawin ang tama… Pagkalooban Mo ako ng biyaya na iwasan ang tsismis at paninirang-puri…” Tapusin mo ang iyong panalangin na sinasapuso ang pangako ng Diyos, “Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi matitinag kailanman.”


[1]Marami sa katuruan rito ay hango sa “The Worshipper’s Approach to God” ni Ronald E. Manahan, na matatagpuan sa Chapter 2 ng Authentic Worship, na edited ni Herbert Bateman. (Grand Rapids: Kregel Books, 2002).
[2]Ang pananaw rito ay mula kay Richard Averbeck, “Worshipping God in Spirit.”
[3]Noong panahon ni Jesus, ang paggalang sa presensya ng Diyos ay naglaho at ang pasukan sa Templo ay naging pamilihan. Ito ang dahilan kung bakit itinaboy Niya ang lahat ng nagtitinda at mamamalit ng salapi na hindi iginalang ang Templo at ginawa itong “pugad ng mga magnanakaw” (Mateo 21:12-13).

Mga Panganib sa Pagsamba: Kapaimbabawan

Nagsalita si Jesus sa mga taong itinuturing ang sarili na dalubhasa sa usapin ng pagsamba. Ang mga Pariseo at Eskriba ay maingat sa pagsunod ng mga tuntunin at detalyeng hinihingi sa pagsamba, ito man ay mula sa Kautusan o mula sa kanilang tradisyon. Bunga nito, mabilis nilang hatulan ang mga taong bigong sumunod sa bawat detalyeng hinihingi ng kanilang mga rituwal. Subalit, hinatulan ni Jesus ang kanilang panambahan sa pagsasabing sila’y mga mapagpaimbabaw.

Isang araw, nagreklamo ang mga Pariseo tungkol sa mga alagad ni Jesus sapagkat hindi sila sumusunod sa tuntunin tungkol sa paghuhugas ng kamay. Ngunit sumagot si Jesus, “Kayong mga mapagkunwari, tama ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa inyo nang sabihin niya, Iginagalang ako ng bayang ito sa kanilang mga labi, ngunit ang kanilang puso ay malayo sa akin. At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, na itinuturo nila bilang mga aral ang mga alituntunin ng mga tao” (Mateo 15:7-9). Ang mga Pariseo, katulad ng mga balat-kayong mga mananambahan noong panahon ni Isaias, ay tinawag rin ni Jesus na mga mapagpaimbabaw. Dalawang kabiguan ang dahilan:

(1) Ang kanilang pagsamba ay panlabas lamang, hindi bumubukal sa puso (Mateo 15:8)

(2) Ang kanilang pagsamba ay nakabatay sa alituntunin ng tao, hindi sa sinasabi ng Diyos (Mateo 15:9).

Dapat na maging maingat tayo na huwag mahulog sa panganib o bitag ng balat-kayong pagsamba. Ang pagsamba natin ay dapat na mula sa puso. Ang pagsamba natin ay dapat na ginagabayan ng Diyos, hindi ng mga tradisyon na ipinantay sa sinasabi ng Salita ng Diyos.

Konklusyon: Patotoo mula sa mga Mananambahan

Kapag babasahin natin ang Awit 15 na walang paggunita sa gawa ng biyaya ng Diyos sa ating buhay Kristyano, maaari tayong magkaroon ng maling ideya na ang pagsamba sa Diyos ay dapat nating pagsumikapan na kamtin. Subalit, ang Awit 15 ay nagpapakita sa atin ng ginagawa ng Diyos para sa atin, hindi ng kung ano ang gagawin natin para sa Kanya, upang maging karapat-dapat na tumuloy sa Kanyang tahanan.

Sino ang inaanyayahan na sumamba? Pagbulayan mo ang mga kapansin-pansing patotoo mula sa ilang mga mananambahan. Ipinakita nila na ang pagsamba ay hindi tungkol sa pagiging karapat-dapat; ito’y tungkol sa pakumbabang pagdulog sa presensya ng Diyos at sa pagbabagong ginagawa ng Kanyang biyaya sa ating buhay.

Patotoo ng isang Pariseo:

“Tiyak na maiintindihan ninyo kung bakit hindi ko matanggap ang katuruan ni Jesus. Ako’y isang mabuting tao. Hindi ko nilalabag ang Kautusan. Nag-aayuno ako at nagbibigay ng ikapu. Kung sinuman ang karapat-dapat na tumanggap ng parangal ng Diyos, ako yun! Pumapasok ako sa tahanan ng Diyos upang ipakita na ako’y mabuting tao. Paanong tatanggihan ng Diyos ang aking pagsamba?”

Patotoo ng isang Publiko:

“Sa totoo lang, nagulat rin ako na gaya ng Pariseo! Ni hindi sumagi sa isip ko na pwede akong makapasok sa Templo. Inilayo ko ang aking sarili sa lugar ng mga mabubuting tao upang hindi nila ako mapansin. Hiningi ko ang habag ng Diyos bagamat alam kong hindi ako karapat-dapat na tumanggap niyon. At sa aking lubos na pagtataka, umuwi akong nakatanggap ng kapatawaran. Ang buhay ko ay binago ng pagsambang iyon.”

Patotoo ng isang Mayaman:

“Malaking halaga ng pera ang ibinibigay ko sa Templong ito. Inisip kong hahanga si Jesus sa aking kaloob. Ganyan ang aking pagsamba. Kapag inihulog ko na ang halaga ng salapi doon sa kaban ng handog, alam ng marami na galing iyon kay ‘Ginoong Mayaman.’ Kaya’t sana naman ay napapansin rin ng Diyos ang halaga ng aking alay!”

Patotoo ng isang Mahirap na Balo

“Hiyang-hiya ako na ilagay ang aking kaloob sa kaban ng handog. Dalawang pirasong barya lang ang mayroon ako. Halos lahat ng kasabay ko ay nagbibigay ng malaking donasyon; samantalang ako’y kapiranggot at walang halaga. Subalit alam kong ang pagsamba ay ang pagbibigay ng anumang mainam na mayroon ka. Hindi iyon malaki, subalit iyon lang ang mayroon ako. Hindi ko nais na mapansin ng mga tao ang barya kong kaloob, subalit may isang nakapansin. Nakita ni Jesus ang aking ibinigay! Sinabi Niyang higit ang ginawa kong pagbibigay kaysa sa iba. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ni Jesus sa Kanyang sinabi, subalit natutuwa akong naibigay ko ang pinakamainam na mayroon ako!”

Tatalakayin ng Grupo

► Para sa praktikal na pagsasabuhay ng araling ito, talakayin ang mga sumusunod:

Matagal ng Kristyano si Juan. Alam niyang ang pagdalo sa simbahan, pagbabasa ng Biblia, at pananalangin ay mahalaga, subalit nahihirapan siyang maramdaman ang presensya ng Diyos sa mga gawaing ito. Tila ang mga ito ay panlabas na gawain lang. Paano mo matutulungan si Juan na makita ang Diyos sa kanyang pagsamba?

Aralin 2, Pagbabalik Aral

(1) Ang ating pagkakaunawa sa Diyos ay mahalaga sa pagsamba. Ang maling pagkakaunawa sa Diyos ay maghahatid sa maling pagsamba.

(2) Ang pagsamba ay dapat na nakatuon sa Diyos, hindi sa nakakaaliw nating pagsamba.

(3) Ang aklat ng Pahayag ay nagbibigay sa atin ng larawan ng pagsamba sa langit:

  • Ang makalangit na pagsamba ay pagsamba sa Manlilikha na soberano, banal, at walang hanggan.

  • Ang makalangit na pagsamba ay pagsamba sa Manunubos.

  • Ang makalangit na pagsamba ay pagsamba sa Hari.

  • Ang makalangit na pagsamba ay pagsamba sa Mananagumpay na Lalaking Ikakasal.

(4) Ang Awit 15 ay salmo ng pagsamba na kakikitaan ng pangunahing hinihingi ng Diyos sa Kanyang mga mananambahan. Ang mga tunay na mananambahan ay:

  • Nakakaunawa sa banal na takot sa Diyos.

  • Mapakumbabang sumasamba.

  • Nagdiriwang sa biyaya ng Diyos.

  • Namumuhay ng banal.

  • Namumuhay ng maayos sa lipunan.

  • Tumatanggap ng pangako ng pag-iingat at pagpapala.

Aralin 2, Takdang Aralin

(1) Ang Awit 120—134 ay kalipunan ng mga awit na ginawa para sa mga naglalakbay patungo sa Jerusalem. Ang mga salmong ito ay nagtuturo tungkol sa pagsamba na nasa iba’t ibang kalagayan. Basahin mo ang salmong ito habang iyong sinasagot ang mga tanong sa ibaba.

Awit Mga Katanungang Sasagutin
120 Nasaan ang Meshech at Kedar? Bakit ang pagsamba sa Jerusalem ay mahalaga para sa mga manlalakbay na galing sa Meshech o Kedar?
122 Ano ang itinuturo ng salmong ito tungkol sa ating ugali sa pagsamba?
123 Ano ang itinuturo ng ika-2 talata tungkol sa relasyon ng mananambahan sa Diyos?
124 Ano ang matututuhan mo sa salmong ito tungkol sa pagpupuri na nasa mahirap na kalagayan?
126 Paanong ang pagsamba ay nakaugnay sa misyon ng paghayo sa mga bansa? Pansinin mo ang sinasabi ika-2 talata.
130 Ano ang sinasabi ng salmong ito tungkol sa papel na ginagampanan ng paghingi ng tawad sa ating pagsamba?
131 Paano inihanda ng salmista ang kanyang sarili sa pagsamba? Ano ang mga praktikal na hakbang na magagawa mo upang tularan ang ginawa niya?
133 Ang Awit 133, Juan 17:20-23, at Efeso 4:1-16 ay nagpapahayag tungkol sa pagkakaisa; ito’y nakaugnay rin sa buhay ng Iglesia. Paanong ang pagkakaisang ito ay nakaugnay sa pagsamba at sa buhay ng Iglesia?
134 Paanong ang Awit 134 ay magandang panapos sa kalipunan o serye ng mga awiting pagsamba?

(2) Sa pasimula ng susunod na aralin, magkakaroon kayo ng pagsusulit batay sa araling ito. Pag-aralang mabuti ang mga katanungan sa pagsusulit bilang paghahanda.

Aralin 2, Pagsusulit

(1) Magbigay ng tatlong bagay na ating natutuhan tungkol sa Diyos bilang Manlilikha mula sa himno ng Pahayag 4.

(2) Magbigay ng tatlong dahilan sa pagsamba sa ating Manunubos ayon sa Pahayag 5.

(3) Ano ang pangunahing mensahe ng aklat ng Pahayag sa mga Kristiyano?

(4) Ang Awit 15 ay liturhiyang salmo na may tatlong bahagi. Ibigay ang tatlong bahaging ito.

(5) Ano ang dapat na asal ng isang mananambahan na nakakaunawang siya ay isang panauhin sa bahay ng Diyos?

(6) Ano ang dalawang mahalagang katangian ng tunay na mananambahan ayon sa Awit 15:2-5?

(7) Bakit tinawag ni Jesus na mapagimbabaw ang mga Pariseo?

(8) Isulat ang Pahayag 5:9-14 gamit ang iyong memorya.

Next Lesson