Bawat buwan ay nagtitipon ang isang grupo ng mga pastor upang talakayin ang mga isyu sa kanilang mga simbahan. Nitong nakaraan lang ay tinalakay nila ang paksa ng pagsamba. May mga lumitaw na mahahalagang pagkakaiba sa pagitan nila habang kanilang tinatalakay ang paksa. Bagamat sila ay nagkakaisa sa mahahalagang doktrina, sila’y may malaking pagkakaiba sa estilo o pamamaraan ng pagsamba.
Si James ay pastor ng isang simbahan na sumusunod sa tradisyunal na estilo ng pagsamba. Si Enoch ay nagpapastor sa isang lumalagong simbahan na gumagamit ng iba’t ibang napapanahong ideya sa pagsamba. Samantala, si Gideon ay kasalukuyang nag-iisip pa rin kung ano ang uri ng pagsamba na nababagay sa kanyang simbahan. Ang mga pastor na ito ay nagkaroon ng iba’t ibang pagtalakay tungkol sa pagsamba, subalit dismayado at bigo silang magkaisa sa pundamentong prinsipyo ng pagsamba.
Sabi ni Jason, “Marahil ay may mali sa ating pagtingin sa paksang ito. Madalas nating itanong, ‘Anong uri ng pagsamba ang nakalulugod sa atin? Paano ba tayo dapat sumamba?’ Siguro, ang dapat nating itanong ay, ‘Sa paanong paraan ba nais ng Diyos na Siya’y ating sambahin? Anong uri ng pagsamba ang nakalulugod sa Kanya? Kung ang Diyos ang magdi-disenyo ng pagsamba, anong itsura nito?’ Kung matututuhan natin ang tamang biblikal na pagsamba, ito ay maaaring magbigay sa atin ng modelo para sa ating pananambahan ngayon.”
► Kung ang Diyos ang magdi-disenyo ng pagsamba, ano kayang itsura nito? Sa maikling pangungusap ay ibahagi mo ang iyong nalalaman tungkol sa biblikal na pagsamba.
Pambungad: Nararapat na Pagsamba ang Nais ng Diyos
Sa Aralin 2, natutunan natin sa aklat ng Pahayag na ang tunay na pagsamba ay pagsamba sa banal na Diyos. Natutunan din natin sa Awit 15 na inaasahan ng Diyos sa Kanyang mga mananambahan na maging banal. Dito sa Aralin 3, ang tanong na pagtutuunan natin ng pansin ay, “Paano dapat dumulog sa banal na Diyos ang isang mananambahan?”
Sinasabi ng iba na ang Diyos raw ay walang pakialam kung paano tayo sumamba, ang mahalaga sa Kanya ay taus-puso natin itong ginagawa. Totoo na mula sa puso dapat nag-uugat ang pagsamba. Subalit, marami tayong mababasang patotoo sa Banal na Kasulatan na nagsasabing mahalaga rin sa Diyos kung paano natin Siya dapat sambahin.
Ang anyo ng pagsamba ay mahalaga sapagkat ang ating pagsamba ay nakaka-apekto sa ating pagkakaunawa sa Diyos. Sa nakaraang aralin ay natunghayan natin na ang maling pananaw sa imahe ng Diyos ay maghahatid sa atin sa maling pagsamba. At siyempre, ang maling pagsamba ay maghahatid rin sa atin sa maling pananaw sa imahe ng Diyos. Noong sinamba ng mga Israelita si Yahweh sa paraang sinasamba ng mga Cananeo ang kanilang mga diyus-diyusan, nalagay sila sa paniniwala na ang kalikasan ng Diyos ay tulad rin ng mga diyus-diyusan ng mga Cananeo. Nagsimula silang maniwala na ang Diyos ay mapaghiganti at hindi mapagkakatiwalaan, tulad ng mga diyus-diyusan ng mga Cananeo.[1]
Ang anyo ng pagsamba ay mahalaga sapagkat ang paraan ng ating pagsamba ay salamin kung bakit tayo sumasamba. Ang pusong puno ng pagibig ay nalulugod na maghatid ng pagsambang nagbibigay parangal sa Diyos; ang pusong alanganing sumunod ay sumasamba ng ayon sa kanyang gusto, sa halip na kung ano ang gusto ng Diyos.
Sa Kolehiyo, madalas hingin sa klase ang isang anyo ng maayos na pananaliksik o research paper. Kailangan sa isang maayos na research paper ang cover page, footnotes, at akmang margin. Ang mga detalyeng ito ay hindi maituturing na mahalagang bahagi ng research paper; ang nilalaman ang siyang mahalaga. Gayun pa man, natuklasan ng mga guro na ang estudyanteng maingat sa pagsasagawa ng mga detalyeng ito ay maingat rin sa pagsusulat ng nilalaman; ginagawa nila ang kanilang buong makakaya. Sa kabilang banda, ang mga estudyante na walang pakialam sa ganitong mga detalye ay wala ring ingat sa isusulat nilang nilalaman. Sa madaling salita, ang anyo ng research paper ay sumasalamin sa nilalaman nito. Kaya nga, ang paraan ng ating pagsamba sa Diyos ay sumasalamin sa nilalaman ng ating puso. Ang paraan ng pagsamba ay nakaugnay sa dahilan ng pagsamba. At dahil rito, mahalaga sa Diyos ang paraan ng ating pananambahan.
Si Cain ay nag-alay sa Panginoon. Siya ay isang magsasaka. Naghandog siya ng mula sa bunga ng kanyang pagsasaka. Subalit hindi kinalugdan ng Panginoon si Cain at ang kanyang handog. Ang kabiguan ni Cain na sambahin ang Diyos ng nararapat ay kapahayagan ng ugali ng kanyang puso. Ang hain ni Cain ay nakalulugod sa mata niya, subalit hindi tinanggap ng Diyos ang kanyang pagsamba (Genesis 4:1-5).
[2]Nagpagawa si Aaron ng gintong guya upang gamitin sa panambahan kay Yahweh. Ang sabi niya, “Bukas ay pista ng PANGINOON” (Exodo 32:1-5). Marahil inisip ni Aaron na mAaari niyang sambahin ang Diyos sa paraang nakalulugod sa mga tao. Subalit, hindi tinagngap ng Diyos ang kanyang pagsamba.
Nasaksihan nina Nadab at Abihu ang Diyos ng Israel sa Bundok Sinai (Exodo 24:1-11). Kumpara sa taong-bayan, at maliban kay Moises, nagkaroon sila ng pagkakataon na maging malapit sa Diyos. Subalit sa unang araw pa lang ng kanilang paghahandog bilang mga pari sa loob ng Tabernakulo, naghandog sila ng hindi nararapat na apoy sa Panginoon. Dahil rito, sinunog sila ng Panginoon. Ipinaliwanag ni Moises sa kanilang nagluluksang ama ang hatol ng Diyos, “Ito ang sinabi ng PANGINOON, ‘Ako’y magpapakita na banal sa mga lumalapit sa akin; at ako’y maluluwalhati sa harapan ng buong bayan’” (Levitico 10:1-7). Ang mga paring ito ay naghandog ng insenso ayon sa kanilang sariling pamamaraan, sa halip na ayon sa tuntunin ng Diyos. Hindi tinanggap ng Diyos ang kanilang pagsamba.
Si Uzias ay isang dakilang hari. Gumawa siya ng matuwid sa harapan ng Panginoon. Makikita sa 2 Kronika ang buod ng kanyang paghahari. “…siya’y kagila-gilalas na tinulungan hanggang sa siya’y lumakas” (2 Cronika 26:15). Subalit, hindi dito nagtapos ang kwento ng buhay ni Uzias. “Ngunit nang siya’y lumakas, siya’y naging palalo na siya niyang ikinapahamak. Sapagkat kanyang nilapastangan ang Panginoon niyang Diyos, at pumasok sa templo ng Panginoon upang magsunog ng insenso sa ibabaw ng dambana ng insenso” (2 Cronika 26:16). Sinubukan niyang sambahin ang Diyos sa sarili niyang paraan at dulot nito’y nagkaroon siya ng ketong (2 Cronika 26:1-21). Hindi tinanggap ng Diyos ang kanyang pagsamba.
Noong ang mga Judio ay nakabalik na sa kanilang lupain, sila’y ay nag-alay sa Templo ng mga may kapansanang handog. Ang kanilang di pagsunod na magbigay ng marapat na handog ay nagpakita ng ugali ng kanilang puso. Hindi talaga nila mahal ang Diyos, at dahil rito’y hindi rin tinanggap ng Diyos ang kanilang pagsamba (Malakias 1:6-14).
Mahalaga sa Diyos kung paano natin Siya sinasamba. Ang mga halimbawang nabanggit ay nagpapakita na sa ating sariling kakayahan ay di natin kayang lumapit sa Diyos sa paraang nakalulugod sa Kanya. Ang mga bagay na maaaring nakalulugod sa atin ay hindi nakalulugod sa Diyos. Kaya’t kailangan natin ang Kanyang gabay sa ating pananambahan.
Sapagkat ang pagsamba ay pagbibigay lugod sa Diyos, ang ating pagsamba ay dapat na umalinsunod sa Kanyang katangian at hindi sa ating kagustuhan. Sa ating sarili lamang ay hindi natin magagawang alamin ang nakalulugod sa Diyos; kailangan nating bumalik sa sinasabi ng Salita ng Diyos upang matutuhan ang paraan ng pagsambang nakalulugod sa Kanya.
[1]Sa Mikas 6:6-7, sinubukang suhulan ng mga pinuno ng relihiyon si Yahweh sa pamamagitan ng batang ihahandog sa Kanya. Inisip nilang hinihingi rin ni Yahweh ang ganitong uri ng pag-aalay na ginagawa sa diyus-diyusang si Molek.
“Kung ikaw ay isang saserdote sa Lumang Tipan, at pinaglilingkuran mo ang Diyos sa paraan na ginagawa mo ngayon, gaano kaya katagal ang lilipas bago ka patayin ng Panginoon?”
Warren Wiersbe
(hinggil sa taimtim na pagsamba)
Pamumuhay na kasama ang Diyos: Ang Pagsamba bilang Ugnayan sa Biyaya
Ang unang larawan ng biblikal na pagsamba ay matatagpuan sa Hardin ng Eden, “Narinig nila ang tinig ng PANGINOONG Diyos na lumalakad sa halamanan sa malamig na bahagi ng maghapon…” (Genesis 3:8). Dito ay makikita natin ang isang ideyal o nararapat na pagsamba: isang walang patid na ugnayan sa pagitan ng tao at ng kanyang Manlilikha. Bago naganap ang Pagbagsak, ang ugnayan sa pagitan ng tao at Diyos ay hindi nahahadlangan ng kasalanan. Ang pagsamba sa Hardin ay simple at hindi masalimuot.
Sa Hardin, matatagpuan natin roon ang kagustuhan ng Diyos na makipag-ugnayan sa Kanyang mga nilalang. Noong hindi pa Bumagsak sa pagkakasala ang tao, nasisiyahan siya sa buong pakikipag-ugnayan sa Diyos. Subalit nang sirain ng kasalanan ang kalikasan ng tao, siya’y nagsimulang magtago mula sa Diyos.
Sa Lumang Tipan, ang katagang pamumuhay na kasama ang Diyos o paglakad na kasama ang Diyos ay nagpapahiwatig na ang pagsamba ay may kalakip na pakikipag-relasyon sa Diyos. Si Enoch ay namuhay na kasama ang Diyos; si Noe ay namuhay na kasama ang Diyos; utos kay Abraham na mamuhay kasama ang Diyos (Genesis 5:24; Genesis 6:9; Genesis 17:1). Ang mga halimbawang ito ay nagpapakita na ang mga taong nagkaroon ng matibay na ugnayan sa Diyos ay naglaan ng panahon kasama Siya. Ang wastong pagsamba ay nakasalig sa wastong relasyon sa Diyos.
Ipinapakita sa Genesis 3:8 na ang pagsamba ay nakasalig sa relasyon. Ipinapakita nito na naging posible lang ang pagsamba ng dahil sa biyaya ng Diyos. Ang mga diyus-diyusan ng mga pagano ay laging humihingi ng paraan ng pagsamba na papawi ng kanilang galit. Subalit kumpara sa kanila, si Yahweh mismo ang nagbibigay sa atin ng marapat na paraan kung paano Siya sambahin. Tatlong halimbawa ang ating maibibigay upang ipakita ito.
Ginawang posible ng Diyos ang pagsamba para kina Adan at Eba
Matapos magkasala sina Adan at Eba, hindi na sana obligasyon ng Diyos na humingi o tumanggap ng pagsamba mula sa kanila. Nilabag nila ang Kanyang utos; sinira nila ang Kanyang mga nilikha; sila’y hindi na karapat-dapat na tumanggap ng anuman sa Kanya kundi kahatulan lamang.
Nang sila’y magkasala, nagtago sina Adan at Eba mula sa presensya ng Panginoon (Genesis 3:8). Wala ng magagawa sina Adan at Eba; kamatayan ang naghihintay sa kanila. Sa sandaling iyon, ang tanging nagawa nila ay ang magtago mula sa Diyos na Nagbigay ng Utos. Gayunman, ng dahil sa biyaya, ang Diyos ay tumawag kay Adan. Pahiwatig ito na nagagawa nating sumamba ng dahil sa biyaya ng Diyos. Kapag sa ating sarili lamang, wala tayong anumang paraan upang makalapit sa banal na Diyos. Tanging sa pamamagitan lamang ng Kanyang biyaya na tayo ay tinatawag Niya upang sumamba.
Ginawang Posible ng Diyos ang Pagsamba para kay Abraham
► Basahin ang Genesis 18:1-8.
Sa Aralin 1, natutunan natin na isa sa mga salitang Hebreo na ginamit para sa pagsamba ay (Shachah) na nangangahulugan ng “pagpapatirapa” o “pagluhod.” Unang ginamit ang salitang ito sa Genesis 18:2. Dito’y matatagpuan na ang Panginoon kasama ang Kanyang dalawang anghel ay dumating habang si Abram ay nakaupo sa tabi ng kanyang tolda. Nang sila’y makita niya, tumakbo si Abram upang sila’y salubungin at nagpatirapa sa kanilang harapan. Yumukod si Abraham—siya’y sumamba.
Dapat pansinin sa kwentong ito na ang Diyos mismo ang unang kumilos o gumawa ng paraan. Siya’y dumating upang makipag-usap kay Abraham. Ginawa Niyang posible ang pagsamba. Sa Lumang Tipan man o sa Bagong Tipan, ang pagsamba ay naging posible ng dahil lamang sa biyaya. Ang mga handog sa Lumang Tipan ay hindi mga paraan upang pawiin ang galit ng Diyos na para bang wala Siyang hangaring makipag-relasyon sa tao. Sa halip, ang mga ito’y pamamaraan ng Diyos upang magkaroon ng pagkakasundo sa pagitan Niya at ng makasalanang tao. Kaya’t maging sa Lumang Tipan, ang pagsamba ay naging posible ng dahil sa lamang sa biyaya ng Diyos. Kung sa ating sarili lamang, wala tayong kakayahan upang sumamba ng karapat-dapat.
Ginawang Posible ng Diyos ang Pagsamba para kay Jacob
► Basahin ang Genesis 28:10-22. Ano ang inihahayag ng kwentong ito tungkol sa gampanin ng Diyos sa pagsamba?
Isa sa mga kapansin-pansing larawan ng pagsamba ay matatagpuan sa Genesis 28:10-22. Dito’y makikita na walang anuman sa nakaraang buhay ni Jacob ang nararapat upang siya’y maging isang mananambahan. Hindi siya pasado sa katangiang hinihingi sa Awit 15. Hindi niya hinahanap ang Diyos. Ang katotohanan, tumatakas siya mula sa suliraning gawa ng kanyang panlilinlang. Walang libro tungkol sa pagsamba ang magsasabi, “Ang nakalulugod na pagsamba ay nagmumula sa isang mandarayang tao na tumatakas sa bunga ng kanyang pagkakasala.”
Subalit, ipinahayag ng Diyos ang Kanyang Sarili kay Jacob kahit na ang taong ito ay hindi karapat-dapat. Ginawang posible ng biyaya ng Diyos ang pagsamba ni Jacob, isang taong hindi karapat-dapat. Ayon kay Warren Wiersbe, “Mapagbiyayang kinakatagpo tayo ng Diyos sa panahong hindi natin inaasahan at hindi tayo karapat-dapat. Kapag ang pagsamba ay tumigil bilang karanasan sa biyaya, ito’y titigil rin bilang maluwalhating karanasan.”[1]
[2]Tanging sa pamamagitan ng biyaya tayo inaanyayahan ng Diyos tungo sa Kanyang presensya. Ang ating pagsamba ay pagtugon sa Kanyang biyaya. Walang anuman tayong ginagawa sa pagsamba na karapat-dapat sa Kanya. Tanging ang Kanyang biyaya ang nagpapalakas sa atin upang sumamba.
Ang kwento ng buhay ni Jacob ay patotoo hinggil sa malaking pagkakaiba ng pagsamba kay Yahweh at pagsamba sa mga diyus-diyusan. Ang mananambahan ng mga huwad na diyus-diyusan ay nagtayo ng kanilang mga altar upang kaluguran sila ng kanilang diyos. Sa Bundok Carmel, ang mga propeta ni Baal ay “tumawag sa pangalan ni Baal mula umaga hanggang tanghaling tapat, na nagsasabi, “O Baal, dinggin mo kami.” Ngunit walang tinig at walang sumasagot. At sila’y lumukso sa palibot ng kanilang ginawang dambana.” (1 Hari 18:26).
►Basahin ang 1 Hari 18:20-39 upang makita ang pagkakaiba ng tunay na pagsamba at huwad na pagsamba.
Sinubukan ng mga propeta ni Baal na kumbinsihin ang kanilang diyos na ihayag ang kanyang sarili. Ang ganitong tagpo ay madalas makita sa ginagawa ng mga mananambahan sa diyus-diyusan. Ang kanilang mga altar at handog ay pawang pagtatangka na kaluguran sila ng kanilang idolo.
Sa kabaligtaran, mapagbiyaya ang ating Diyos na ihayag ang Kanyang sarili sa Kanyang bayan. Nagtayo si Elias ng altar sapagkat natitiyak niyang ang Diyos na Kanyang pinaglilingkuran ay sasagot sa kanyang panalangin.
O Panginoon, Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel. Ipakilala mo sa araw na ito, na ikaw ay Diyos sa Israel, at ako ay iyong lingkod, at aking ginawa ang lahat ng bagay na ito sa iyong pag-uutos” (1 Hari 18:36).
Sa Genesis, ang mga Patriarka ay nagtayo ng mga dambana hindi upang mapansin sila ng Diyos, kundi upang alaalahanin ang ginawang pagpapahayag ng Diyos sa kanila sa lugar na iyon. Ang altar ay hindi itinayo upang kamtin ang kabutihan ng Diyos, kundi upang ipagdiwang ang Kanyang biyaya. Ipinakita ni Jacob na nagagawa nating sumamba ng dahil lamang sa biyaya ng Diyos. Kaya’t huwag nating isipin na sa ating pagsamba ay nagiging karapat-dapat tayo sa Diyos. Tayo ay sumasamba ng dahil sa biyaya.
Ano ang nangyayari kapag ginawang posible ng Diyos para sa atin ang pagsamba? Si Jacob ay nagbagong-buhay. Ang pagbabagong iyon ay umabot ng 30 taon bago naging ganap; iyon ay nagsimula sa Bethel. Ang pagsamba (maging ang di-perpektong pagsamba ng di-perpektong tao na gaya ni Jacob) ay bumabago ng ating pagkatao at ginagawa nito ang bagay na hindi natin kayang gawin sa sarili lamang natin.
Pagsusuri 1
Itanong sa iyong sarili, “Ako ba ay binabago ng pagsamba, o ako’y nakikisabay lang sa walang kabuluhang mga pamamaraan? Kailan ko huling nakita na may nagbago sa aking gawi, paniniwala, at ugali ng dahil nakatagpo ko ang Diyos sa pagsamba?”
[1]18 Hango kay Warren W. Wiersbe, Real Worship, (Grand Rapids: Baker Books, 2000), 72
Sa huwad na pagsamba, ang tao ay laging nagtatayo ng altar upang kalugdan ng kanyang idolo (gawa).
Sa tunay na pagsamba, ang tao ay nagtatayo ng altar upang ipagdiwang ang biyaya ng Diyos (biyaya).
Abraham: Ang Pagsamba ay Nangangailangan ng Pagsunod
► Basahin ang Genesis 22:1-19. Ano ang mga kinakailangan sa pagsamba batay sa kwentong ito?
Ang paghahandog ni Abraham sa kanyang anak ay isang dakilang kapahayagan ng pagsamba. Sa kwentong ito, pansinin mo ang pagbibigay diin sa pagsunod ni Abraham. Ang sabi ng Diyos, “Kunin mo ang iyong anak…umalis kayo…at ialay mo siya…” Tatlong utos ang makikita rito. Samantala, si Abraham, “dinala niya si Isaac…bumangon ng maaga at umalis…at kinuha ang patalim upang ialay ang kanyang anak.” Sa madaling salita, sinunod ni Abraham ang bawat kataga sa utos ng Diyos.
Ang paghahandog ni Abraham kay Isaac ay nagpapakita na ang tunay na pagsamba ay nangangailangan ng ganap na pagsunod. Ang pagsamba ay higit pa sa damdamin; ito’y higit pa sa pakikinig sa isang mang-aawit o mangangaral; ito ay aktibong pagtugon sa Diyos.
Balikan natin ang kwento ni Abraham sa Genesis 18. Sa pasimula ng kwento, makikita natin na ang pagsamba ay ganap na pagsunod. Mayroong tatlong estranghero na papalapit sa tolda ni Abraham. Nang sila’y dumating, siya’y nagpatirapa. Siya’y sumamba.
Makikita natin si Abraham sa tagpong iyon na abalang naglilingkod. Nag-alok siya na hugasan ang kanilang mga paa. Nagpaluto at nagpahanda siya ng mga pagkain kay Sarah. Pinaglingkuran niya ang kanyang mga panauhin na parang isang lingkod. Nakatayo siyang naghihintay sa ilalim ng puno habang sila’y kumakain. Lahat ng ginawa niya ay pagpapakita ng isang mainam na pagsisilbi sa isang panginoon. Kaya’t ang isang tunay na mananambahan ay may ugali ng kusang-loob na paglilingkod.
Ang kahalagahan ng pagsunod bilang sangkap ng pagsamba ay matutunghayan sa buong bahagi ng Lumang Tipan. Halimbawa, ang hain ni Abel ay tinanggap sapagkat nagawa niyang sundin ang hinihingi ng Diyos para sa isang handog. Inihandog ni Abel ang isa sa mga panganay ng kanyang kawan at inihandog ang pinakamainam na bahagi (Genesis 4:4). Mainam na sumunod si Abel sa nais ng Diyos. Sa kabaligtara’y naghandog naman si Cain sa paraang hindi siya mahihirapan.
Ang halaga ng pagsunod bilang sangkap ng pagsamba ay makikita rin sa buhay ni Saul. Noong sinuway ni Saul ang utos ng Diyos tungkol sa pagpatay sa mga ipinagbabawal na hayop ni Amalek, sinubukan niyang magpalusot sa pagsasabing ang mga hayop na iyon ay malulusog at magandang ihain sa Diyos. Ngunit sumagot si Samuel, “Ang Panginoon kaya ay may malaking kasiyahan sa mga handog na sinusunog at sa mga alay, gaya ng pagsunod sa tinig ng Panginoon? Tiyak, ang pagsunod ay mas mabuti kaysa alay, at ang pakikinig kaysa taba ng mga tupang lalaki” (1 Samuel 15:22).
► Basahin ang 1 Samuel 15:1-23
Hindi tatanggapin ng Diyos ang pagsambang mula sa mapaghimagsik na puso.
Ang tunay na pagsamba ay may pagnanasang lumago sa pakikipagrelasyon sa Diyos. Balikan nating muli ang kwento ni Abraham. Ang Genesis 18 ay nagsimula sa paglilingkod ni Abraham sa Diyos at nagtapos sa malalim na pakikipagrelasyon. Nagtanong ang Diyos, “Ililihim ko ba kay Abraham ang bagay na aking gagawin…?” Matapos mapakinggan ang nais gawin ng Diyos, si Abraham ay lakas-loob na namagitan para sa Sodoma. Ngunit bakit may ganitong tagpo? Sapagkat ang lingkod ng Diyos ay kaibigan rin ng Diyos.
Sa pagsamba ay tunay nating nakikilala ang Diyos. Sa pagsamba natin tunay na nauunawaan ang puso ng Diyos, nagkakaroon tayo ng lakas ng loob na humiling sa Kanya. Ang masunuring pagsamba ang nagpapalalim ng ating relasyon sa Diyos. Ang nakalulugod na pagsamba ay may sangkap na pagsunod (paglilingkod) at ugnayan. Si Abraham ay isang mananambahan na parehong lingkod at kaibigan ng Diyos.
Biblikal na Pagsamba sa Kasalukuyan
Naitanong mo na ba kung bakit may mga taong dumadalo sa simbahan at nararanasan ang presensya ng Diyos, samantalang may mga tao rin sa parehong serbisyo ngunit walang gayong karanasan? May ibang nagbibigay ng kaloob at pinagpapala; ngunit may ibang nagbibigay na hindi naman masaya. Ang pusong masunurin ang siyang ugat ng pagkakaiba.
Gaano man kaganda ang ating pagsamba, gaano man kahusay ang ating mga mang-aawit, at gaano man kasigasig ang isang sermon, kung ang pagsamba ay hindi mula sa pusong masunurin, ang ating pagsamba ay tulad lang ng kay Cain. Ang pagsamba ni Cain ay nagsasabi, “Maghahandog ako sa paraang gusto ko. Sapat na yun.” Ngunit ang tunay na pagsamba ay nagmumula sa pusong masunurin.
Pagsusuri 2
Itanong sa iyong sarili, “Ako ba ay isang masunuring mananambahan? Ang pagsamba ko ba ay nagmumula sa puso ni Abel o sa puso ni Cain?”
Mga Paghahandog: Pagsamba bilang isang Rituwal
Bago naganap ang Pagbagsak, ang pagsambang nangyayari sa pagitan ng Diyos at ng tao ay isang simpleng relasyon. Subalit matapos dungisan ng kasalanan ang kalikasan ng tao, ang tao ay nangailangan ng proseso sa paglapit sa presensya ng Diyos. Ayon sa Kanyang biyaya, ang Diyos ay nagkaloob ng sistema o pamamaraan ng paghahandog. Ang pagkakaroon ng sakripisyo o alay ay itinatag na ng Diyos doon pa lang sa Hardin nang pinatay Niya ang isang hayop roon upang gamitin ang balat nito na maging damit nina Adan at Eba. Sa Levitico, matatagpuan ang organisadong sistema ng pagsamba sa Israel (Levitico 1-7 at 16).
Kapag babasahin natin ang aklat ng Exodo at Levitico, magiging malinaw sa atin na ang detalye sa pagsamba ay mahalaga sa Diyos. Sa mga nagsasabing, “Hindi mahalaga sa Diyos kung paano tayo dapat sumamba, kundi, basta’t tayo’y sumasamba,’ malinaw na makikita sa Exodo at Levitico na mahalaga sa Diyos ang ating pamamaraan! Nagbigay ang Diyos na mga malinaw na tuntunin para sa pagsamba. At ang mga ito, gaya ng Kanyang ginawang kapahayagan kina Adan at Eba matapos ang kanilang Pagbagsak, ay tanda rin ng Kanyang biyaya. Nagbigay si Yahweh ng malinaw na tuntunin, “Ito ang paraan ng paglapit ninyo sa akin.” Iyan ay kilos ng biyaya ng Diyos.
Sa mga Israel, nagsisimula ang kanilang pagsamba bago pa man sila makapasok sa bahay ng Diyos. Ang proseso ng kanilang paghahanda sa pagsamba ay pagpapakita ng kanilang paggalang sa Diyos at sa Kanyang bahay. Ang tinaguriang Awit ng Pag-akyat ay pagpapakita na kahit na ang paglalakbay tungo sa Jerusalem ay isang pagsamba (Awit 120-134).
Ang mga Paghahandog ay Pagpapakita ng Ganap na Pagpapasakop sa Diyos
May ilang mga Kristiyano ang hindi nakaunawa sa sistema ng paghahandog sa Lumang Tipan. Madalas nilang isipin ang isang sistema na nilabag ng mga Israelita; nagbibigay ng walang kabuluhang handog at matapos nito ay magbabalik naman sa kanilang pagkakasala; kumbaga ay, walang taus pusong pagbabago.
Totoo na ang ganitong tagpo ay nangyari sa Israel sa iba’t ibang kalagayan. At bilang tugon, ang sabi ng Diyos, “Aking kinapopootan, aking hinahamak ang inyong mga kapistahan, at hindi ako malulugod sa inyong mga takdang pagtitipon. Bagaman inyong inihahandog sa akin ang inyong mga handog na sinusunog at mga handog na butil, hindi ko iyon tatanggapin” (Amos 5:21-22).
Subalit, ang mga bagay na ito ay gawa ng kabiguan ng tao, hindi ng Diyos. Ang sistema ng paghahandog ay nabigo sapagkat nabigo ang tao na sundin ang utos ng Diyos. Layunin ng Diyos sa mga paghahandog ay ang ipahayag ang taus pusong pagsisisi ng tao.
Ang mga kalakip na rituwal sa mga kapistahan sa Israel ay pagpapakita ng halaga ng kilos ng pagsamba. Bawat detalye rito ay nagpapahayag ng paggalang ng Israel kay Yahweh. Kaya nga, ang pagsamba ng Israel ay hindi sa walang kabuluhang rituwal. Ang mga rituwal ay sumasagisag sa realidad ng kanilang pagsuko at pagsunod sa Diyos. Halimbawa, kapag ipinapatong ng isang mananambahan ang kanyang kamay sa ulo ng hayop na ihahandog, kinikilala niya na ang sakripisyo at kamatayan ng handog na iyon ay para sa kanyang sarili. Sa pamamagitan nito’y ipinapahayag niya, “Ako dapat ang nasa lugar ng handog na ito. Ang kasalanan ko’y karapat-dapat ng parusang kamatayan” (Tingnan ang Levitico 1:4).
Kinikilala ng Diyos ang Tunay na Pagsamba sa pamamagitan ng Kanyang Presensya
Ang panambahan sa Israel ay higit pang naging organisado ng maipatayo ang Templo. Tulad ng sa Tabernakulo, bawat detalye sa Templo ay nagpapahiwatig ng magalang na pagsunod ng Israel sa Diyos (2 Cronika 1-7). Ang taimtim na pag-aalay ng mga handog at ang pormal na panambahan sa Templo ay pawang paalala sa Israel na si Yahweh ay dakila at tayo ay dapat dumulog ng may pagpapakumbaba.
Ang maingat na pagplaplano para sa mga isasagawang rituwal sa oras ng panambahan sa Templo ay hindi naging hadlang sa presensya ng Diyos. Maaaring ang pinaka-organisadong panambahan sa kasaysayan ay naganap noong dedikasyon ng Templo. Matagal na panahon na plinano ni David ang Templo. At nang ito ay matapos, pinangunahan ni Solomon ang dedikasyon nito nito sa pamamagitan ng isang napakagandang pagdiriwang na nasasaad sa 2 Cronika 5. Ang mga musikero ay gumamit ng mga pompiyang, alpa, at lira. Nagpatunog naman ang 120 saserdote ng mga trumpeta. Ang koro ay umawit ng mga papuri. At habang sila’y umaawit, “ang bahay ng Panginoon ay napuno ng ulap, kaya’t ang mga pari ay hindi makatayo upang makapaglingkod dahil sa ulap; sapagkat ang kaluwalhatian ng Panginoon ang pumuno sa bahay ng Diyos” (2 Cronika 5:13-14).
Biblikal na Pagsamba sa Kasalukuyan
May mga taong di sang-ayon sa anumang isinaayos na porma ng pagsamba. Paniniwala nila na ang planadong liturhiya ay hadlang sa taus-pusong pagsamba. Subalit ang biblikal na panambahan ay may pagkaka-ayos o istruktura.
Kung layunin natin na ibigay sa Diyos ang ating pinakamainam, ang pagsamba sa Kanya ay nangangailangan ng maingat na pagplaplano. Plinaplano natin ang gagawin hindi upang pahangain ang tao sa ganda ng ating panambahan, kundi upang maibigay sa Diyos ang ating pinakamagandang pagsamba.
Sa Biblia, ang planadong panambahan (gaya sa dedikasyon ng Templo) at ang di gaanong pormal na panambahan (tulad ng mga pagtitipon sa kabahayan ng Kapatiran noong unang siglo) ay kapuwa pinagpala ng presensya ng Diyos. At maaari rin na ang planadong panambahan (gaya ng sa Templo noong panahon ni Jeremias) at di gaanong pormal na panambahan (gaya ng sa magulong pagsamba sa Corinto) ay hindi dadalawin ng presensya ng Diyos. Ang isyu rito ay hindi sa istraktura; ang isyu ay tungkol sa pagsunod sa Diyos at pananabik sa Kanyang presensya.
Pagsusuri 3
Itanong sa sarili, “Ang panambahan ko ba sa publiko (gaano man ka-pormal o hindi) ay nagmumula sa masunuring puso?”
Ang Aklat ng mga Awit: Pagsamba bilang Papuri
Ang aklat ng mga Awit ay aklat sa panambahan ng Israel. Ito ang kanilang mga himno, ang kalipunan ng mga dasal, ang gabay sa maayos na pagsamba, at ang manwal para sa matuwid na pamumuhay. Ang aklat na ito ay napakahalaga sa kanilang pananambahan.
Papuri sa Pagsamba
[1]Ang aklat ng mga Awit ay nagpapakita na ang tunay na pagsamba ay may diin sa papuri. Maliban sa Awit 88, bawat salmo ay naglalaman ng pangungusap ng papuri. Ang rituwal sa Levitico ay paalaala hinggil sa taimtim na biblikal na pagsamba. Ang mga salmo naman ay paalala hinggil sa galak na mayroon sa biblikal na pagsamba. Ipinapakita sa Awit 120-134 ang kagalakan ng isang Judiong naglalakbay tungo sa Jerusalem upang sumamba. Ang papuri ay mahalagang sangkap sa pagsamba.
Ang mga papuring matatagpuan sa aklat ng mga Awit ay sumasalamin sa galak ng tunay na pagsamba. Ang papuri ay nagpapakita ng ating kaluguran sa Diyos. Sangkap sa tunay na pagsamba ang pagdiriwang sa Diyos at sa Kanyang mga ginawa.
Panaghoy sa Pagsamba
Ang mga salmo ng panaghoy ay isa pang aspeto ng biblikal na pagsamba. Sa pagsamba ay maaari tayong maging bukas at tapat sa Diyos. Sa ganitong uri ng salmo, ipinapahayag ng psalmista ang kanyang pagkadismaya sa mga nagaganap na katiwalian sa daigdig. Sa Awit 10:1, tanong ng salmista, “Bakit ka nakatayo sa malayo, O PANGINOON? Bakit ka nagtatago kapag magulo ang panahon?” Sa madaling salita, bakit hinahayaan ng Diyos ang mga masasama na maghimagsik at magyabang? At dahil sa ang pagsamba ay nakasalig sa relasyon sa Diyos, ang mananambahan ay may kalayaang magpahayag ng kanyang saloobin ng buong katapatan at walang paglilihim.
Ang Awit 10 ay nagtapos sa pahayag ng pagtitiwala sa Diyos.
“Ang Panginoon ay hari magpakailanpaman, mula sa kanyang lupain ang mga bansa ay mapaparam. O Panginoon, iyong maririnig ang nasa ng maamo; iyong palalakasin ang kanilang puso, iyong papakinggan ng iyong pandinig upang ipagtanggol ang mga naaapi at ulila, upang hindi na makapanakot pa ang taong mula sa lupa” (Awit 10:16-18)
Ang pahayag na ito ay nakaugat sa pagtitiwala sa Diyos. Bagamat ang mga masasamang tao ay patuloy na gumawa ng katiwalian, panatag ang salmista na gagawin rin ng Diyos ang makatuwiran.
Makikita rin natin ang ganitong matapat na saloobin sa Diyos sa aklat ng Job. Ang ganitong matapat na saloobin ay nakasalig sa malapit na ugnayan sa Diyos. Ito ang tunay na pagsamba na nakalulugod sa Diyos.
“Tiyaking napapanatili mo ang palagiang kasiyahan sa Diyos.”
Richard Baxter
Biblikal na Pagsamba sa Kasalukuyan
Ang aklat ng mga Awit ay naglalaman ng dalawang uri ng papuri. May mga salmo na kapariringgan ng dahilan ng papuri; ngunit may iba na bumukal lang ang pagpupuri kahit na walang sinasabing dahilan. Ang mga papuring ukol sa katangian at dakilang gawa ng Diyos ay tinatawag na “naglalarawan na papuri.” Samantala, ang mga papuri na walang partikularidad ay tinatawag na “nagbubunying papuri.” Ang halimbawa ng nangangaral na papuri ay Awit 19, 105, at 136. Ang halimbawa ng nagbubunying papuri ay Awit 148-150.
Sa kasalukuyang pananambahan, ang dalawang uri na ito ng pagpupuri ay madalas na makikita sa mga papuring awitin (nagbubunying papuri) at himno (nangangaral na papuri). Bawat isa ay dapat na bahagi ng panambahan. Ang simplisidad ng mga papuring awitin ay mabilis na nag-aanyaya sa mga mananambahan na purihin ang Diyos. Samantala, ang malalim na sinasabi sa mga himno ay nagtuturo sa mananambahan tungkol sa katangian ng Diyos.
Nagbubunying Papuri
O, sana’y may sanlibong labi upang
awitin ang papuri ng aking dakilang Hari;
Ang awitin ang Kanyang maharlikang kaluwalhatian
at biyayang hindi kaylanman mahahadlangan![1]
Naglalarawan na Papuri
Makapangyarihang kuta ang ating Diyos, ang tanggulang hindi matitibag;
Sa gitna ng hagupit ng kasakitan, Siya’y Katuwang na maaasahan;
Pagbagsak nati’y laging panukala, ng sinaunang Kaaway na tuso at dakila.
Sandata niya’y bagsik ng kasamaan,
sa lupa’y walang sinumang sa kanya’y lalamang. [2]
Pagsusuri 4
Ang papuri ng salmista ay nagpapakita ng kanyang kaluguran sa Diyos. Tanungin mo ang sarili mo, “Talaga bang nalulugod ako sa Diyos?”
[1]19 Charles Wesley, pagsasatagalog sa kanyang himno na “Oh, For a Thousand Tongues.” Accessed January 12, 2023. https://library.timelesstruths.org/music/Oh_for_a_Thousand_Tongues_to_Sing/
[2]20 Martin Luther, tr. By Frederick Hedge, “A Mighty Fortress Is Our God.” Accessed January 12, 2023. https://library.timelesstruths.org/music/A_Mighty_Fortress_Is_Our_God/
Ang mga Propeta: Pagsamba bilang Pagpapahayag
Ang mga tuntunin sa pag-aalay, ang Tabernakulo, at ang Templo ay nagpapakitang lahat tungkol sa halaga ng rituwal sa pagsamba. Subalit ayon sa mga propeta, ang rituwal na hindi sinasamahan ng taus-pusong pagsamba ay walang kabuluhan. At noong ang bayan ng Israel ay nagsagawa ng mga rituwal na hindi na mula sa masunuring puso, ang mga propeta ng Diyos ay nagsimulang mangaral ng mensahe ng kahatulan. Ipinahayag nila na hindi na kinalulugdan ng Diyos ang paghahandog ng isang tumalikod na bayan.
Ipinakita ng mga propeta na ang pagpapahayag ng mensahe ng Diyos ay isang pagsamba. Sa ating mga pananambahan, hindi natin dapat ihiwalay ang pagsamba mula sa pangangaral. Ang pangangaral ng Salita ng Diyos ay pagsamba sa diwa ng katotohanan. Pinapagtibay ng pangangaral ang kapamahalaan at karunungan ng Diyos sa ating buhay. Ito man ay pagsamba; ito’y nagbibigay ng parangal sa Diyos.
Ang Mensahe ng mga Propeta
Ang rituwal na walang realidad ay hindi pagsamba.
Ipinahayag ni Amos na tinanggihan ng Diyos ang mga alay ng Israel. Bakit? Sapagkat ang pamumuhay ng mga mananambahan ay masama (Amos 5:21-22). Ipinahayag rin ni Isaias na ang mga kapistahan sa Israel ay nakakapagod na sa Diyos. Bakit? Sapagkat napuno sila ng karahasan.
Bago sumamba, inuutusan ang isang mananambahan na: “Maghugas kayo ng inyong sarili, maglinis kayo; alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa sa aking paningin; tumigil kayo sa paggawa ng kasamaan, matuto kayong gumawa ng mabuti; inyong hanapin ang katarungan, inyong ituwid ang paniniil; inyong ipagtanggol ang mga ulila, ipaglaban ninyo ang babaing balo” (Isaias 1:13-17).
Hindi humahanga ang Diyos sa mga rituwal na hindi naman sumasalamin sa laman ng puso.
Ang tunay na pagsamba ay humihingi ng ating pinakamainam.
Inialay ni Abraham ang kanyang anak sa Diyos; inihandog niya ang kanyang pinakamainam. Inihandog ni Abel ang pinakapanganay sa kanyang kawan; ibinigay niya ang pinakamainam. Hinihingi sa Levitico ang paghahandog sa pinakamainam na hayop. Tumanggi si David na maghandog ng bagay na hindi niya pagkakagastusan ng mainam (2 Samuel 24:24). Sa anumang kalagayan, ang pagsamba ay humihingi ng ating pinakamainam.
Ang ganitong mensahe ay nagpatuloy sa panahon ng mga propeta. Nagbigay babala si Malakias laban sa mga handog na may pinsala (Malakias 1:6-8). Nagbabala si Haggai tungkol sa paparating na hatol sapagkat mas higit na pinahalagahan ng taong-bayan ang kanilang mga kabahayan kaysa sa ayusin ang bahay ng Diyos (Haggai 1:8-11). Ang tunay na pagsamba ay humihingi ng ating pinakamainam.
Ang tunay na pagsamba ay nakaugnay sa lahat ng bahagi ng ating buhay.
Nagbigay si Amos ng praktikal na sagot hinggil sa pagtalikod ng Israel. Ang solusyon ay hindi sa dami ng handog; ang solusyon ay matuwid na pamumuhay. “Paagusin ninyo ang katarungan na parang tubig, at ang katuwiran na parang batis na patuloy na umaagos” (Amos 5:24). Ang mga propeta ay hindi laban sa Templo at sa mga paghahandog.[1] Sila’y laban sa mga mananambahang hindi namumuhay ng matuwid.
Sa bawat kasaysayan ng Biblia, matutuklasan natin na ang tunay na pagsamba ay laging nakaugnay sa lahat ng bahagi ng ating buhay. Sa Pentateuch, ang tuntunin sa pagsamba ay nakaugnay sa mga tuntunin ng kabutihang asal at matuwid na pamumuhay; hindi magkahiwalay ang mga tuntuning ito. Sa mga Historikal na aklat, matutunghayan na ang pasaway na pamumuhay ng Israel sa araw-araw ang siyang naghatid ng pagkawasak sa lugar ng kanilang pagsamba, ang Templo. Ipinahayag ng mga Propeta na ang pagtanggi ng Diyos sa panambahan ng Israel ay dulot ng kanilang pagsuway. Samantala, sa Bagong Tipan, pinaalalahanan ni Jesus ang mga Pariseo na ang pangingilin sa araw ng Sabbath ay walang kabuluhan kung hindi dumadaloy sa kanilang buhay ang kahabagan (Mateo 12:7).
Ang Halimbawa ng mga Propeta: Ang Pangangaral at Pamamahayag ay Pagsamba
Ipinakita ng mga propeta na ang pamamahayag ng Salita ng Diyos ay pagsamba. Pakaisipin mo ng mabuti ang kawalang-saysay ng sasabihin ni Jeremias kung sabihin niya habang nakatayo sa harapan ng Templo, “Pumasok kayo sa Templo at umawit ng mga Psalmo at maghandog ng mga alay. Iyan ay pagsamba. Kapag tapos na kayo, ako naman ay mangangaral sa inyo.” Hindi! Ang pamamahayag mismo ni Jeremias ay isang kilos ng pagsamba. Ayon sa pangaral ni Jeremias, tinanggihan ng Diyos ang panambahan ng Kanyang bayan ng dahil sa kanilang masamang pamumuhay. Ang pamamahayag ay pagsamba. Kinikilala nito ang kadalisayan ng banal na Diyos na Siyang karapat-dapat ng ating pagsamba.
[1]21 May mga iskolar na nagsasabing binatikos raw ng mga propeta ang mga tuntunin o sistema sa Templo. Subalit, marami sa mga propeta ay may malapit na ugnayan sa Templo. Halimbawa, nakita ni Isaias ang Panginoon sa Templo. Nagpropesiya si Ezekiel tungkol sa naipanumbalik na Templo na puno ng kaluwalhatian ng DiyosPinalakas naman ni Haggai ang loob ni Zerubabel sa muling pagpapatayo ng Templo. Kaya nga, hindi laban ang mga propeta sa mga paghahandog; sila’y laban sa mga maling asal na paghahandog.
Biblikal na Pagsamba sa Kasalukuyan
May mga simbahan na hinihiwalay ang pagsamba at pangangaral. Madalas nilang sabihin ang ganito, “Magsisimula tayo sa oras ng ating pagsamba.” At matapos ang kanilang itinuturing na oras ng pagsamba, saka sila dadako sa pangangaral. Ang ganitong pananaw ay may dalawang hatid na panganib.
(1) Mangangahulugan ito na ang pagsamba ay nakaugnay lang sa musika. Ang ganitong pananaw ay nakatuon lang sa damdamin. Subalit ang tunay na pagsamba ay higit pa sa musika at awitin.
(2) Hinihiwalay nito ang pangangaral mula sa pagsamba. Ngunit lahat ng ginagawa natin sa simbahan ay dapat na ituring na pagsamba. Ang musika, ang panalangin, ang sermon, at maging ang paghahandog ay pawang bahagi ng pagsamba.
Pagsusuri 5
Itanong sa sarili, “Ang akin bang pangangaral ay kapahayagan ng pagsamba? Kapag ako ay nangangaral, naipapahayag ko ba bilang sugo ng Diyos ang karangalang nauukol sa Kanya?”
Mga Panganib sa Pagsamba: Di-balanseng Pagsamba
(1) Ang panganib ng masyadong di pormal na pagsamba
Kapag nalilimutan natin na ang biblikal na pagsamba ay nangangailangan ng pagpapasakop, maaari nating tratuhin ang Diyos bilang kaibigan na hindi nangangailangan ng paggalang. Ang isang pagsambang masyadong inpormal ay madaling mahulog sa ganitong asal. Dapat nating tandaan na ang Diyos ay isang kakilakilabot na Diyos na humihingi ng ating lubos na pagtalima. Siya ang “Haring walang hanggan, walang kamatayan, di-nakikita, tanging Diyos” (1 Timoteo 1:17). May mga simbahang nakakalimot sa kadakilaan ng Diyos, na ang pagsamba nila’y parang pakikipag-usap sa isang matagal na kaibigan habang sila’y nagkakape.
(2) Ang panganib ng masyadong pormal na pagsamba
Kapag nalimutan natin na ang biblikal na pagsamba ay pagsamba sa Diyos na gustong makipag-relasyon sa atin, maaari natin Siyang tratuhin na napakalayo. Ang masyadong pormal na pagsamba ay madaling matangay sa ganitong asal. May mga simbahan na hindi nagbibigay ng pagkakataon sa mga mananampalataya na magkaroon ng malapit na ugnayan sa Diyos; ang lagi nilang binibigyang diin ay ang kadakilaan ng Diyos.
Sa pagsamba, dapat kapuwa nating nararanasan ang kadakilaan ng Diyos sa Kanyang mga nilikha at ang Kanyang kalapitan sa Kanyang mga anak.
Pagsusuri 6
Balikan mo ang iyong katatapos pa lang na panambahan. Tanungin mo ang iyong sarili, “Anong bahagi sa aming panambahan ang humikayat sa mga mananambahan na parangalan ang kadakilaan ng Diyos? Umalis ba sila ng simbahan na nadama ang kadakilaan ng Diyos?” Itanong mo rin, “Anong bahagi sa aming panambahan ang humikayat sa mga mananambahan na maranasan ang kalapitan ng Diyos? Umalis ba sila ng simbahan na nadama ang matamis na pag-ibig ng Diyos?”
Konklusyon: Patotoo mula sa isang Nakasaksi sa Dedikasyon ng Templo
Ano kaya ang pakiramdam na masaksihan mo ang dedikasyon ng Templo? Marahil ay sa ganitong paraan mailalarawan:
“Naroon ako sa dedikasyon ng Templo. Hindi ko malilimutan ang araw na iyon. Inasam namin ang tagpong iyon sa matagal ng panahon.
“Panahon? Oo, panahon, maraming taon! Nagsimula kay Haring David ang plano ng pagpapatayo ng Templo at bago siya namatay ay ipinagkatiwala kay Solomon ang pagpapagawa nito. At nang ang Templo ay nakumpleto na, ang aming pinakahihintay na pagtatalaga para rito ay idinaos.
“Napakaganda ng tagpong iyon. Sobrang dramatiko ng panambahan. Isipin mo…
22,000 mga toro at 120,000 mga tupa ang inihandog
Ang salmo ni David ay inawit ng mga koro na may tig-iisandang mang-aawit
Ang orkestra ng mga pompiyang, alpa, lira at 120 mga trumpeta ay pambihira
Ang mga saserdote at Levita ay nakadamit ng maringal na puting lino
Dagdag pa, naroon kami sa isang napakagandang gusali na iyon na maituturing na isa sa mga kahanga-hanga sa kasaysayan
Mayroon kang makikita roon na mga ginto at pilak na ginagamit sa bawat kilos ng pagsamba
“Tunay na iyon ay napakagandang panambahan. Subalit ang kagandahan ng programa ay hindi gaanong mahalaga sa aking gunita. Ang aking higit na naaalala ay habang ang mga musikero ay tumutugtog at umaawit, ‘ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumuno sa bahay ng Diyos.’ Pinuspos ng presensya ng Panginoon ang Templo na anupa’t hindi makakilos ang mga saserdote upang gawin ang kanilang tungkulin. Ang panambahan na para sa Diyos ay mismong pinangunahan ng Diyos!
“Maraming taon na rin ang nagdaan simula ng gayong hindi malilimutang panambahan. Hindi ko sinasabi na bawat panambahan na nadaluhan ko ay minarkahan ng gayong nakikitang tanda ng presensya ng Diyos; iyon ay natatanging araw. Subalit, sa bawat panambahan na dinadaluhan ko, lagi kong hinihintay ang presensya ng Diyos.
“Minsan, ang pagdating ng Kanyang presensya ay dramatiko, at minsan naman ay banayad at tahimik. Minsan, ang Kanyang presensya ay nadarama sa pamamagitan ng awit; minsan ay nagsasalita Siya sa pamamagitan ng sermon. Minsan, hinihipo Niya ang iyong damdamin; minsan, ang katotohanan Niya’y nangungusap sa iyong isipan at kalooban. Minsan, lalabas ako na napalalakas ang loob, ngunit minsan, lumalabas akong tinamaan at hinahamon.
“Anuman ang paraan na piliin ng Diyos na ihayag ang Kanyang sarili, mahalaga para sa akin ang Kanyang presensya. Maaring hindi ko na masaksihan ang gayong dramatikong pagpapakita ng Kanyang presensya sa Templo, subalit alam kong maaari akong dumulog sa Kanyang presensya sa bawat oras na ako’y sumasamba.”
Tatalakayin ng Grupo
► Para sa praktikal na pagsasabuhay ng araling ito, talakayin ang mga sumusunod:
Si Esther ay isang matapat na Kristiyano. Nasisiyahan siyang dumalo sa panambahan sa isang simbahan na malapit sa kanilang barangay. Ang masiglang mga musika at masayang pakikitungo ay nakakapawi ng kanyang pagod mula sa abalang mga gampanin sa araw-araw. Nasisiyahan siya sa damdamin at emosyon na kanyang nararanasan habang siya’y taus-pusong sumasamba sa Diyos. Subalit, ang kasiglahang ito ni Esther tuwing Linggo ng pagsamba ay hindi niya magawa sa kanyang buhay bilang may-asawa at sa mga gampaning ginagawa niya sa araw-araw. Paano mo papayuhan si Esther?
Aralin 3, Pagbabalik Aral
(1) Mahalaga sa Diyos kung paano tayo sumamba sapagkat:
Ang anyo ng ating pagsamba ay nakakaapekto sa ating unawa sa Diyos.
Ang anyo ng ating pagsamba ay nagpapakita ng dahilan kung bakit tayo sumasamba.
(2) Ang pagsamba ay pakikipag-relasyon – Paglakad kasama ang Diyos.
Nagbigay ang Diyos ng pamamaraan ng pagsamba kina Adan at Eba.
Ang Diyos ang Siyang naunang kumilos upang maging posible ang pagsamba ni Abraham.
Ang biyaya ng Diyos ang kumilos para mangyari ang pagsamba ni Jacob.
Kapag tayo’y lumalakad na kasama ang Diyos, ang buhay natin ay nagbabago.
(3) Ang pagsamba ay nagsisimula sa pagsunod.
Ang pagsamba ay higit pa sa emosyon o damdamin.
Ang pagsamba ay aktibong tugon sa utos ng Diyos.
Ang pagsamba ay nagpapalalim ng ating relasyon sa Diyos.
(4) Ang pagsamba ay mayroong rituwal (gaya ng paghahandog sa Lumang Tipan).
Ang mga paghahandog ay sumasagisag sa ganap na pagpapasakop natin sa Diyos. (Roma 12:1)
Kinikila ng Diyos ang tunay na pagsamba sa pamamagitan ng pagdating ng Kanyang presensya. (2 Cronika 5)
Ang mga rituwal sa publiko ay dapat na magmula sa masunuring puso.
(5) Ang pagsamba ay may sangkap na papuri (Mga Awit).
Ang aklat ng mga Awit ay nagpapakita na ang pagsamba ay may sangkap na papuri.
Ang aklat ng mga Awit ay nagpapakita na ang pagsamba ay may sangkap na panaghoy.
(5) Ang pagsamba ay may sangkap na pamamahayag (Mga Propeta).
Ang pagsamba ay hindi lang pagpupuri; ito ay pamamahayag rin ng katotohanan. Ang pangangaral ay isang pagsamba.
Turo ng mga propeta na ang rituwal na walang realidad ay hindi pagsamba.
Turo ng mga propeta na ang tunay na pagsamba ay humihingi ng ating pinakamainam.
Turo ng mga propeta na ang tunay na pagsamba ay sumasakop sa bawat bahagi ng ating buhay.
Aralin 3, Takdang Aralin
(1) Magbigay ng tatlong prinsipyo tungkol sa pagsamba sa Lumang Tipan na iyong natutunan sa araling ito. Sa isang pahina ay isulat mo ang mga praktikal na pamamaraan na masasabuhay mo ang mga prinsipyong iyon sa iyong simbahan.
(2) Sa pasimula ng susunod na aralin, magkakaroon kayo ng pagsusulit batay sa araling ito. Pag-aralang mabuti ang mga tanong bilang iyong paghahanda.
Aralin 3, Pagsusulit
(1) Mula sa araling ito, magbigay ng dalawang biblikal na halimbawa ng pagsambang tinanggihan ng Diyos.
(2) Ang katagang “paglakad kasama ang Diyos” ay nagpapakita na ang pagsamba ay may sangkap na __________ sa Diyos.
(3) Mula sa araling ito, magbigay ng tatlong hindi karapat-dapat na tauhan na pinapaging-dapat ng biyaya ng Diyos upang sumamba sa Kanya.
(4) Ang paghahandog ni Abraham kay Isaac ay nagpapakita na ang tunay na pagsamba ay nangangailangan ng ganap na __________.
(5) Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pagsamba ni Abel at pagsamba ni Cain?
(6) Ano ang kahulugan ng pagpatong ng kamay ng mananambahan sa ulo ng hayop na ihahandog?
(7) Sa aklat ng mga Awit, may dalawang uri ng papuri. Ang papuri sa katangian at mga gawa ng Diyos ay tinatawag na__________papuri. Ang papuri na walang partikularidad ay tinatawag na___________papuri.
(8) Ipinakita ng mga propeta na ang______________ng mensahe ng Diyos ay pagsamba.
(9) Ibigay ang tatlong aspeto ng pagsamba ayon sa mensahe ng mga propeta.
(10) Ibigay ang dalawang panganib ng di-balanseng pagsamba.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.