Ang XYZ Church ay kilala sa kanilang oras ng panambahan. Ang kanilang serbisyo ay may ganitong pagkakasunod-sunod:
Utos ng Serbisyo ng Simbahan ng XYZ
Pambungad at mga Anunsyo
Oras ng Pagsamba (mga papuring awitin)
30 minuto
Paghahandog/Espesyal na Musika/Panalangin
15 minuto
Sermon
30 minuto
Oras ng pagsamba (papuring awitin)
15 minuto
Nagugustuhan ng mga tao ang musika sa XYZ Church. Kinagigiliwan ng mga bisita ang masiglang serbisyo. Subalit nababahala si Pastor Bill sa pangmatagalang resulta ng kanyang ministeryo. May mga bagong akay na madaling natatangay patungo sa ibang mga kongregasyon. At ang hindi maganda nito, natuklasan nila sa isang surbey na ang kanilang simbahan “ay hindi nagbubunga ng mga matitibay na disipulo ni Jesu-Cristo. Sa dami ng bilang ay Oo, subalit sa mga disipulo, hindi.”[1]
Naniniwala si Bill na bahagi ng problema ay may kinalaman sa pag-unawa ng simbahan tungkol sa pagsamba. Sa XYZ Church, ang katagang pagsamba ay kapantay ng musika. Nagsimulang magtanong si Pastor Bill, “Ang tunay bang pagsamba ay may sangkap na higit pa sa musika? Inihihiwalay ba namin ang Salita ng Diyos at panalangin mula sa pagsamba? Napapawalang bisa ba nito ang epekto ng pangangaral?”
► Subukan mong tugunan ang alalahanin ni Pastor Bill. Mayroon bang pagkakaiba sa pagitan ng pagsamba at pangangaral? Paano kaya maiuugnay ng XYZ Church ang lahat ng bahagi ng kanilang serbisyo sa isipan ng mga mananambahan?
[1]Ito ay hango sa isang surbey na isinagawa ng isa sa pinakamalaking mga simbahan sa America. Natuklasan nila na karamihan sa kanilang mga naakay ay hindi pa nakakarating sa punto ng tunay na pagiging alagad ni Cristo.
Ang Kahalagahan ng Banal na Kasulatan sa Pagsamba
Bilang ebanghelikal, itinuturo natin na ang ating mga doktrina at pagsamba ay ginagabayan ng Biblia. Naniniwala tayong ang Biblia ang siyang dapat na humahawak sa sentral na bahagi ng ating pagsamba. Ang Diyos ay nangungusap sa Kanyang mga tinawag sa pamamagitan ng pagbabasa ng Kanyang Salita. Simula pa lang sa Lumang Tipan, ang Banal na Kasulatan ay nasa sentral na bahagi na ng pagsamba.
Gayunpaman, nakakalungkot na bagamat sinasabi natin na ang Biblia ay nasa ugat ng ating pagsamba, maraming mga simbahan ang may maliit na pagpapahalaga sa Biblia sa kanilang mga serbisyo. Posible kang makadalo ng isang panambahan ngayon sa ilang mga simbahan na kakaunti lamang ang mapapakinggang mga talata mula sa Biblia. Ang ganitong kalagayan ay napakalayo sa biblikal na modelo ng pagsamba.
Ang Pagbabasa ng Biblia ay Mahalaga sa Biblikal na Panambahan
► Basahin ang Exodo 24:1-12
Sa Exodo 24:7, kinuha ni Moises ang aklat ng tipan at binasa sa pandinig ng taong bayan. Nagbigay ng panata ang bayan na susunod sila sa mga utos ng Diyos: “Lahat ng sinabi ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magiging masunurin.” Matapos ito, isinulat ng Diyos ang buod ng tipan (ang Sampung Utos) sa dalawang tapyas na bato. Mula noon, ang Israel ay naging taong-bayan ng Kasulatan. Ang naisulat na tipan ay naging sentral sa panambahan ng Israel.
Ang Salita ng Diyos ay naging sentral sa Tabernakulo at Templo. Ang mga taunang kapistahan ang siyang pinakamahahalagang pagdiriwang sa kalendaryo ng mga Judio. Tuwing Paskuwa, Pista ng mga Unang-Bunga, at Pista ng Tabernakulo, ilang bahagi ng Salita ng Diyos ay binabasa sa publiko. At sa bawat pitong taon, ang bayan ang nagtitipon upang pakinggan ang binabasang Kautasan; ang Tipan ay pinapanariwa sa kanilang puso.[1]
Sa Bagong Tipan, utos ni Pablo sa mga Kristiyano na basahin ang Banal na Kasulatan sa publiko. Kabilang rito ang Lumang Tipan, ang mga liham ni Pablo, at iba pang mga kasulatan na itinuturing na Biblia.[2] Kanya ring tinagubilinan ang isang nakababatang ministro na italaga ang sarili sa pagbabasa ng Biblia sa publiko, sa pangangaral, at sa pagtuturo (1 Timoteo 4:13). Lahat ng ito ay nagpapakita na ang Salita ng Diyos ay sentral sa panambahan ng Bagong Tipan.
Ang Pangangaral ng Salita ng Diyos ay Mahalaga sa Biblikal na Pagsamba
► Basahin ang Nehemias 8:1-18
[3]Matapos ang pagbabalik mula sa Pagpapatapon, binasa ni Ezra sa taong-bayan ang Kautusan. Nagtipon ang mga tao upang makinig habang binabasa ni Ezra ang Kautusan sa harapan ng mga kalalakihan, kababaihan, at sa kanilang may kakayahan na makaunawa. Ang taong-bayan ay nakinig ng mabuti sa sinasabi ng Kautusan (Nehemias 8:3). At bilang tugon, ang taong-bayan ay nagsabi ng “Amen” at nagpatirapa upang sumamba. Habang nagbabasa sina Ezra at ang kanyang mga kasamahan, ipinapaliwanag rin nila ang Kasulatan upang maunawaan ito ng mga nakikinig. Ito ang isang halimbawa ng biblikal na pangangaral, pagpapaliwanag, at pagsasabuhay ng Salita ng Diyos sa pangangailangan ng mga tao. Nagpapakita ito na ang tunay na biblikal na pangangaral ay nagbibigay inspirasyon sa pagsamba bilang tugon sa Salita ng Diyos.
Naging kaugalian ni Jesus na pumunta sa sinagoga tuwing araw ng Sabbath at sa isang pagkakataon ay binasa Niya ang isang talata mula sa Kasulatan ni Isaias. Nang matapos Niya ang pagbabasa, nangaral Siya ng sermon na kung saan ipinakita Niya na Siya’y dumating upang tuparin ang pangakong sinasabi sa Kasulatan ni Isaias (Lukas 4:16-29).
Sa kanyang sermon sa araw ng Pentecostes, ipinakita ni Pedro na ang mga pangako sa Lumang Tipan ay natupad sa ministeryo ni Jesus at sa pagdating ng Banal na Espiritu. Tinapos niya ang pagpapaliwanag ng Banal na Kasulatan sa pamamagitan ng paanyaya ng pagsisisi at pagpapa-bautismo (Gawa 2:14-41). Makikita natin rito na ang biblikal na pangangaral ay tumatawag ng tugon mula sa mga tagapakinig. Ang pangangaral ay nangungusap sa isipan, ngunit nangungusap rin sa puso. Ang pangangaral ay tumatawag ng tugon na mula sa kalooban. Nang ipinaliwanag ni Jesus ang Banal na Kasulatan doon sa daan patungo sa Emmaus, ang puso ng mga nakikinig sa Kanya ay nag-alab (Lukas 24:32).
Ang pangangaral ay mahalaga sa paglaganap ng sinaunang Iglesia. Sa aklat ng mga Gawa, ang salita ng Diyos ay 20 beses na nabanggit. Ipinangaral ng mga apostol ang salita ng Panginoon; ang salita ng Diyos ay kanilang ipinahayag ng may katapangan; itinuro nila ang salita ng Diyos. Bilang tugon, maraming tao ang tumanggap sa salita ng Diyos at ang salita ng Diyos ay lumago at lumaganap. Ang salita ng Diyos ay namayani at ang mga Hentil ay nagbigay luwalhati sa salita ng Panginoon. Sa madaling salita, ang Salita ng Diyos ang siyang pundasyon ng mensahe ng mga apostol.
Bagamat ang pangangaral ay hindi nag-iisang paraan upang makapagsalita ang Banal na Kasulatan, ito’y pangunahing pamamaraan upang ihatid ang Salita ng Diyos sa bayan ng Diyos. At upang maisakatuparan ang layuning ito, hindi dapat malimutan ng pastor na ang Salita ng Diyos ay dapat na maging sentral. Ang biblikal na pangangaral ay dapat na magsimula sa Salita ng Diyos, sa pagpapaliwanag ng Salita ng Diyos, at sa paanyayang tumugon sa sinasabi ng Salita ng Diyos.
Ang Pangangaral ng Salita ng Diyos ay Mahalaga sa Kasaysayan ng Iglesia
Ang pangangaral ay sentral sa panambahan noong sinaunang mga siglo ng Iglesia. Sa ikalawang siglo, isinulat ni Justin Martyr na ang mga Kristiyano ay nagtitipon tuwing Linggo upang basahin ang mga Liham at mga aklat ng mga Propeta at nakikinig sa pagpapaliwanag ng mga ito. Noong ikatlong siglo, ilang bahagi ng mga pangunahing seksyon sa Biblia ay binabasa tuwing panambahan.
Subalit noong Middle Ages, ang gampanin ng pangangaral ay pinaliit at pinababa ng Simbahang Romano Katoliko. Gayunma’y muling ibinalik ng mga Repormista ang sentral na lugar ng pangangaral sa panambahan. Ang layunin ng pangangaral ng mga Repormista ay hindi upang magbigay aliw sa mga nakikinig, sa personal na saloobin ng mangangaral, o kaya’y pagtuon sa hinihingi ng kultura. Ang layunin ng pangangaral ay maingat na pagpapaliwanag ng Salita ng Diyos; isang pagpapaliwanag ng Banal na Kasulatan na makapangyarihang kumikilos sa mga nakikinig at tumatawag ng pagbabago sa kanilang buhay.
[1]Hango kay Timothy J. Ralston, “Scripture in Worship” in Authentic Worship. Edited ni Herbert Bateman. (Grand Rapids: Kregel, 2002), 201
“Ang pagpapala ng tunay na pagpapaliwanag ng Biblia ay nag-aalab na puso, hindi mahanging isipan.”
Warren Wiersbe
Gawing Sentral ang Biblia sa Panambahan
Kung ang Salita ng Diyos ay dapat na maging sentral sa ating panambahan, paano natin maisasabuhay ang prinsipyong ito? Pag-isipan ang ilang mga praktikal na hakbang upang gawing sentral ang Biblia sa ating pananambahan:
Ang Banal na Kasulatan ay dapat na Isama sa Lahat ng Bahagi ng Pagsamba
Hindi natin kinakailangang hintayin ang sermon upang mapakinggan ang Banal na Kasulatan. Walang ibang magandang paraan upang pasimulan ang panambahan kundi sa pamamagitan ng Salita ng Diyos.
Pag-isipan ang dalawang paraan ng pagbubukas para sa panambahan na mababasa ibaba. Sa palagay mo, ano ang mabisang paanyaya tungo sa presensya ng Diyos?
(1) “Salamat sa inyong pagdalo sa simbahan ngayon. Alam kong pinahirap ng ulan ang pagpunta ng marami sa inyo rito, subalit salamat at nakarating kayo. Ating ituon ang ating pansin sa Diyos at sa pagsamba. Maaari ba kayong tumayo habang inaawit natin ang himnong ‘Banal, banal, banal?’”
(2) “Ako ay nagalak nang sabihin nila: ‘Pumunta na tayo sa bahay ng PANGINOON!’ Isang maligayang pagdating sa tahanan ng Diyos! Sa Templo ay nasaksihan ni Isaias ang matayog na kadakilaan ng Panginoon. Narinig niya ang mga anghel na umaawit, ‘Banal, banal, banal, ang Panginoon ng mga hukbo: ang buong kalupaan ay napupuno ng Kanyang kaluwalhatian.’ At sa sandaling ito, samahan ninyo kami sa pag-awit ng himnong ‘Banal, banal, banal.’”
Ang unang tagapamuno ay nagpapaalaala sa atin ng hirap ng pagpunta sa simbahan; samantalang ang ikalawang tagapamuno ay nagpapaalaala sa atin ng galak sa pagdalo sa panambahan. Ang unang tagapamuno ay nagsimula sa karaniwang salita, samantalang ang ikalawa ay nagsimula gamit ang Salita ng Diyos. Kaagad na ibinigay ng unang tagapamuno ang karaniwang himno upang awitin, samantalang ang ikalawang tagapamuno ay nagbigay muna ng pagpapaalaala na ang aawiting himno ay inawit rin ng mga anghel bilang papuri sa Diyos. Sa palagay mo, anong simbahan ang masiglang aawit ng papuri?
Matapos ang pagsalakay ng mga terorista noong Setyembre 11, 2001 sa Estados Unidos, maraming kongregasyon ang patuloy paring nagtipon-tipon sa mga simbahan tuwing Linggo. Sa tagpong iyon, paghambingin mo ang pagbubukas ng serbisyo mula sa dalawang simbahan:
(1) “Salamat na kami’y inyong sinamahan sa araw na ito. Batid natin ang nangyaring nakapanlulumong trahedya sa linggong ito sa ating bansa. Napakarami sa atin ang nagdadalamhati. Ngunit salamat sa inyong pagdalo sa panambahan kahit na sa ganitong madilim na sandali. Magpapasimula tayo sa pamamagitan ng pag-awit sa himnong, ‘The Old Rugged Cross.’”
(2) “Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan, at handang saklolo kung may kaguluhan. Maging sa ganitong napakahirap na kalagayan; dapat nating tandaan na ang Diyos ang ating pag-asa; Siya ang ating kanlungan. Sama-sama nating alalahanin at awitin ang himnong “A Mighty Fortress Is Our God,” Siya ang muog na hindi kailanman magugupo.’”
Sa unang tagapamuno, pinaalalahanan niya ang kongregasyon tungkol sa kanilang pagdadalamhati. Samantala, sa ikalawang tagapamuno, pinaalalahan niya ang mga tao na ang Diyos ang kanilang pag-asa. Ang Kasulatan at ang himno na ibinatay sa Kasulatan na iyon ay nagbigay sa mga tao ng solidong pundasyon para sa napakatinding linggo na sumubok sa pagtitiwala ng mga tao.
Ang Banal na Kasulatan ay maaaring gamitin sa iba’t ibang bahagi ng panambahan:
Sa pambungad na pananalita para sa pagbubukas ng serbisyo
Sa paanyaya na magbigay ng kanilang mga kaloob
Sa mga salita ng musika
Panalangin
Ang pagsamba natin ay dapat na maibabad sa at mapuspos ng Salita ng Diyos. Ang pagsamba ay pagtugon sa kapahayagan ng Diyos sa Kanyang Salita. Ang Banal na Kasulatan ay dapat na maging saligan ng bawat bahagi ng serbisyo.
Ang Pagbabasa ng Kasulatan ay Dapat na Tumanggap ng Sentral na Bahagi sa Panambahan
May narinig na ba kayong pastor na nagsabi, “Kinakapos tayo ng oras ngayon at mahaba ang aking sermon, kaya’t lalaktawan muna natin ang pagbabasa ng teksto ng Kasulatan?” Ngunit ano ba ang mahalaga, ang Salita ng Diyos o ang ating mga salita? Dapat na magbigay tayo ng panahon sa Banal na Kasulatan sa ating pagsamba.
Sapagkat ang pagbabasa ng Biblia ay pagsamba, dapat na magbigay tayo ng pansin kung paano natin ito binabasa. Ito’y dapat na basahing malinaw at namumukod tangi. Ang mambabasa (siya man ay pastor o karaniwang miyembro) ay dapat na magsanay na ito’y basahin bago ang araw ng serbisyo. Sa naunang tatlong siglo ng Iglesia, ang katatayuan ng pagbabasa ng Biblia ay isang banal na tungkulin. Dinadala ng mga mambabasa ang talata ng Kasulatan na itinakda sa kanilang basahin at sasanayin ang pagbabasa nito sa kanilang mga tahanan. Kaya’t kapag binasa na nila ito sa araw ng serbisyo, sila’y handa at madamdamin ang pagpapahayag.[1]
Tandaan natin na ang Biblia ay Salita ng Diyos na binabasa sa tahanan ng Diyos at sa harapan ng bayan ng Diyos bilang kilos ng pagsamba. Kung ang musikang pagsamba ay nangangailangan ng pagsasanay, gayundin naman ang dapat ibigay sa pagbabasa ng Salita ng Diyos. Hindi ito dahil sa pagmamayabang sa ating kakayahan; kundi, nais lang nating tiyakin na ang Salita ng Diyos ay naipapahayag sa mga nakikinig. Ang Kasulatan ay Salita ng Diyos; ito’y mahalaga!
Kaya nga, dapat nating gawing makabuluhan ang pagbabasa. Ang paggamit ng iba’t ibang paraan ng pagbabasa ay maaring magpanariwa ng Banal na Kasulatan sa mga nakikinig nito.
Minsan, maaaring basahin ng tagapamuno ang Biblia habang nakikinig ang kongregasyon sa sinasabi ng Diyos sa Kanyang Salita. Ang ganitong uri ng pagbabasa ay maaaring gawin sa maraming bahagi at kabanata ng Pentateuch at sa mga aklat ng mga propeta.
Minsan, maaaring salit-salitan na magbasa ang tagapamuno at ang kongregasyon. Maraming kabanata sa aklat ng mga Awit ang naangkop sa ganitong uri ng pagbabasa.
► Basahin ang Awit 136. Ibigay sa tagapamuno ng klase ang pagbabasa sa unang bahagi ng talata at tutugon naman ang klase gamit ang ikalawang bahagi ng talata na nagsasabing “sapagkat ang Kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.”
Ang Beautitudes o Ang Mga Mapalad ay angkop rin para sa salitan o tugunang pagbabasa (Mateo 5:1-10):
Tagapamuno: Mapapalad ang mga nagugutom, Kongregasyon: sapagkat sila’y bubusugin. Tagapamuno: Mapapalad ang mga mahabagin, Kongregasyon: sapagkat sila’y kahahabagan.
May ilang mga bahagi ng Kasulatan na maaaring sabay-sabay basahin ng kongregasyon. Gaya ng kongregasyong musika, ang sama-samang pagbabasa ng Biblia ay nagpapahayag ng pagkakaisa ng Iglesia bilang isang Katawan. Lahat ng kabahagi sa simbahan ay nakikilahok sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Ang panalangin na katulad ng matatagpuan sa Awit 124 ay angkop at magandang pakinggan sa sama-samang pagbabasa.
Ang itinalang pangyayari ni Nehemias hinggil sa pagbabasa ni Ezra ng Kasulatan ay nagpapakita ng epektong ginagawa ng Biblia kapag ito’y sentral sa ating panambahan.
► Basahing muli ang Nehemias 8 kung nais mong balikan ang tagpong ito.
Pansinin mo ang detalyeng ibinigay sa pagbabasa.
Binuksan ni Ezra ang Banal na Kasulatan sa paningin ng taong-bayan. Ipinapakita rito ng ugnayan sa pagitan ng paningin ng tao at ng Salita ng Diyos.
Siya ay tumayo sa isang ibabaw na nakikita ng taong-bayan. Ipinapakita rito na ang nagbabasa ay dapat na malinaw na nakikita at napapakinggan.
Nang siya’y magsimulang magbasa, lahat ng tao ay tumayo. Mayroong pisikal na tugon sa Salita ng Diyos.
Habang siya’y nagbabasa, ang mga tao ay sumasagot ng “Amen, Amen,” na itinataas ang kanilang mga kamay, yumuyukod, at sumasamba sa Panginoon habang nagpapatirapa sa lupa. Ipinakita nila ang kanilang pagpapasakop sa Salita ng Diyos.
Binasa ng mga Levita ang Kautusan ng Diyos at ipinaliwanag ang kahulugan nito upang maunawaan ng mga tao ang mga binasa sa kanila. Ibinigay nila ang kanilang pansin sa Salita. Ito rin mismo ang layunin ng pangangaral sa kasalukuyan.
Ang mga tao ay umiyak nang marinig nila ang salita ng Kautusan. Subalit ipinag-utos ni Nehemias na sila’y magalak “sapagkat ang kagalakan ng PANGINOON ang kanilang kalakasan.” Ang Salita ng Diyos ay nagbigay inspirasyon kapwa sa pagpapahayag ng pagsisisi at pagkakaroon ng kagalakan.
Bagamat hindi lahat ng detalye sa espesyal na tagpong iyon ay mauulit sa ating mga serbisyo, ipinapakita naman rito ang kapangyarihan ng Banal na Kasulatan. Kaya nga, dapat na panatilihin nating sentral ang Biblia sa ating panambahan.
Pagsusuri 1
Kinikilala ba ng iyong kongregasyon ang importansya ng Banal na Kasulatan sa inyong pagsamba? Ilarawan mo ang ilang mga asal at tugon na nakita mo habang pinagmamasdan ang inyong kongregasyon sa oras ng pagbabasa ng Biblia.
Sa isang karaniwang Linggo, ilang mga kabanata o talata ng Biblia ang napapakinggan ng inyong kongregasyon? Alam ba ng mga mananambahan kung bakit binabasa at isinama ang mga kabanata at talatang iyon sa inyong panambahan?
Ang Pangangaral ng Salita ng Diyos ay Dapat na Sentral sa ating Pagsamba
Kung paanong ang estilo ng musika ay nagbabago sa bawat henerasyon, ang estilo ng pangangaral ay nagbabago rin upang tugunan ang pangangailangan ng bawat henerasyon. Ang Biblia ay hindi nagbibigay kahulugan sa isang estilo ng musika bilang ang nag-iisang biblikal na estilo sa musikang pagsamba. Gayundin naman, hindi rin nagbibigay kahulugan ang Biblia tungkol sa isang metodolohiya o paraan ng pangangaral bilang ang nag-iisang biblikal na estilo para sa pangangaral.
[2]Ang estilo ay maaaring magbago sa bawat salinlahi at bawat kultura; ang nilalaman ang siyang dapat na hindi nagbabago. Walang binibigay na kahulugan ang Biblia sa estilo ng musika, subalit may binibigay siyang kahulugan sa nilalaman. At sa ganito ring paraan, ang estilo ng pangangaral ay maaaring magbago mula sa isang henerasyon tungo isa pang henerasyon, subalit ang nilalaman niya ay hindi dapat na magbago.
Ang mga ipinangaral na sermon sa Biblia ay nagpapakita na ang pamamahayag ng Salita ng Diyos ang siyang pangunahing tungkulin ng mangangaral na tumatayo sa harapan ng kongregasyon. Ang pokus sa Salita ng Diyos ay dapat na manatiling sentral sa kasalukuyan o kontemporaryong pangangaral. Maaaring maapektuhan ng pabago-bagong teknolohiya at estilo ng pagkatuto ang paraan ng pangangaral, subalit ang nilalaman nito ay dapat na manatiling nakaugat sa Biblia.
Ang Pangangaral bilang Pagsamba: Mga Praktikal na Implikasyon
Ano ang mga praktikal ng implikasyon sa pananaw na ang pangangaral ay isang pagsamba? Paano nito maaapektuhan ang ating pananaw at paraan sa pangangaral?
Ang pangangaral ay nangangailangan ng maingat na paghahanda.
Kung ang pangangaral ay pagsamba, pananagutan nating maingat na paghandaan ito. Dapat nating ihatid sa altar ang ating mainam na handog. Hindi payag si David na magbigay ng anumang hindi niya pinaghirapan at walang halaga. Gayundin naman, hindi tayo dapat na maghatid ng mga di-pinaghandaang sermon. Dapat natin itong paghandaang mabuti bago ang pagdaraos ng serbisyo (2 Samuel 24:24).
Ang pangangaral ay nangangailangan ng tugon mula sa kongregasyon.
Kung ang pangangaral ay isang pagsamba, ito’y nangangailangan ng tugon mula sa kongregasyon. Sa pagsamba ay nakikita natin ang Diyos, ang ating sarili, at ang pangangailangan ng ating mundo (Isaias 6:1-8; tingnan ang Aralin 1). Ang Diyos ay dapat na nahahayag sa ating sermon. Ang ating sermon ay dapat na pumupukaw sa pangangailangan ng nakikinig. Ang Iglesia ay dapat na nabibigyang inspirasyon ng ating mga sermon na abutin ang naliligaw na sanlibutan. Ang pangangaral bilang isang pagsamba ay maghahatid ng pagsisisi sa makasalanan at inspirasyon sa mananampalataya na ibahagi ang ebanghelyo.
Ang pangangaral ay nangangailangan ng tugon mula sa mangangaral.
[3]Kung ang pangangaral ay isang pagsamba, mararamdaman natin na ang pangangaral ay nangangailangan ng tugon mula sa atin. Kung paghahandaan natin ang pangangaral bilang handog at kilos ng pagsamba, makikita natin ang Diyos; makikita natin ang mga bahagi sa ating buhay na nangangailangan ng pagbabago. Makikita rin natin ang pangangailangan ng mundong nakapaligid sa atin. Ating magiging tugon ay tulad ng pahayag ni Isaias, “Narito ako, suguin Mo ako!” Ang tunay na pangangaral ay bumabago ng buhay ng mangangaral. Hindi natin dapat ihatid ang mensahe ng Diyos sa ating kongregasyon hangga’t ang Diyos ay hindi muna nagsalita sa ating puso at tayo naman ay tumugon.
Hindi sinaway ni Jesus ang mga eskriba (mangangaral) ng Kanyang panahon dahil sa kanilang pangit na sermon; sinaway Niya sila dahil sa kabiguang ipamuhay ang kanilang ipinapangaral. Alam nila ang Banal na Kasulatan at dalubhasa sila sa pagpapaliwanag nito; subalit hindi sila binago ng kanilang pag-aaral ng Biblia. Ang sabi ni Jesus, “Hindi nila ginagawa ang sinasabi nila” (Mateo 23:3). Kung ang pangangaral ay pagsamba, tayong mga pastor ay babaguhin ng katotohanang ating ipinapangaral. At bunga nito, ang Diyos ay magsasalita sa pamamagitan natin na maghahatid ng pagbabago sa puso at buhay ng mga taong makikinig sa ating pangangaral.
Ang mangangaral ay dapat na nasa ilalim ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
Kung ang pangangaral ay pagsamba, ang mangangaral ay dapat na bigyang kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kung paanong ang ibang bahagi ng panambahan ay umaasa sa Banal na Espiritu para sa tunay na kapangyarihan, ang mangangaral rin ay dapat na basbasan ng Espiritu ng Diyos upang maging mabisa.
► Basahin ang 2 Corinto 3:3-18
Dapat nating ihatid ang ating mainam na handog sa paghahanda ng ating sermon; subalit, matapos na magawa natin ang ating paghahanda, ang kapangyarihan para sa pangangaral ay nagmumula pa rin sa Banal na Espiritu. Kung wala ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu, maaari tayong makapangusap sa isipan; maaari nating pahangain ang kongregasyon, at maaaring makapagturo ng magandang nilalaman, subalit wala tayong mababagong buhay.
Pagsusuri 2
Ang iyo bang pangangaral ay kilos ng biblikal na pagsamba? Kung ang isang tao ay palagiang makikinig sa iyo, mapapakinggan ba nila ang balanseng biblikal na katotohanan?
[1]Hango kay Keith Drury, sa kanyang aklat na The Wonder of Worship, (Fishers, IN: Wesleyan Publishing House, 2002), pahina 35
“Kung ang pangangaral ay hindi magiging kilos ng pagsamba, ang simbahan ay hahantong sa paghanga at pagsamba sa mangangaral sa halip na sa pagsamba sa Diyos.”
“Ang pangangaral, kung hindi pagsamba, ay isang pamumusong…Ang tunay na sermon ay pagkilos ng Diyos, hindi pagpapakitang gilas ng isang tao.”
Hango kay J.I. Packer
Mga Panganib sa Pagsamba: Ang Pagkawala ng Salita
Nawalan ng lugar ang Biblia sa pang-araw-araw na buhay ng maraming nagsasabing sila’y mananampalataya. Nakakalungkot na ang ganitong kalagayan ay nangyayari sa lingguhang serbisyo ng maraming mga simbahan. Kung ang sinaunang Iglesia ay umawit ng mga salmo, ang mga simbahan ngayon ay umaawit ng mga awiting kapos o kakaunti ang biblikal na nilalaman. Kung ang sinaunang Iglesia ay nagbabasa ng mahabang kabanata sa Biblia, may ilang mga simbahan ngayon na kakaunti lamang ang talatang binabasa bago magsimula ang sermon. Sa maraming simbahan, ang lugar ng Banal na Kasulatan ay pinalitan ng mga awitin at ang sermon ay hindi masyadong nagbibigay pansin sa sinasabi ng Salita ng Diyos.
May ilang mga pinuno ng kontemporaryong panambahan na pilit na dinadahilan na ang publikong pagbabasa raw ng mga talata ng Biblia ay hindi napapanahon sa modernong pangangailangan. May isang kilalang pastor na humiling sa mga mangagawa sa simbahan na suriin ang kanyang pangangaral. Ang sagot nila, masyado raw siyang gumagamit ng maraming talata sa Biblia! Ang sabi nila, “Magandang nakabatay sa Biblia ang sermon mo, subalit dapat na mabilis mo itong mahanapan ng napapanahong pangungusap, dahil kung hindi ay, hindi na kami makikinig sa iyo.” Para sa mga manggagawa ng simbahang iyon, ang Biblia raw ay hindi napapanahon sa mga tao ngayon!
Bilang mga tagapamuno sa pagsamba, dapat nating panatilihin ang sentralidad ng Banal na Kasulatan sa pagsamba. Sa pagsamba, tayo ay nakikipag-usap sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin at awit ng papuri. Sa pagsamba, naririnig nating nakikipag-usap ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng pagbabasa at pamamahayag ng Kanyang Salita. Anuman ang estilo ng ating panambahan, hindi natin dapat walain ang sentralidad ng Salita ng Diyos sa ating panambahan.
► Balik-tanawin ang Nehemias 8. Gumawa ng listahan ng bawat kataga na nagpapakita ng pagpapahalaga ng mga tao sa pagbabasa ng Kautusan. Ikumpara ito sa pagbabasa ng Kasulatan sa inyong panambahan ngayon. Talakayin ninyo ang kahit isang praktikal na hakbang na magpapatingkad ng epekto ng Biblia sa inyong pagsamba.
Ang Kahalagahan ng Panalangin sa Pagsamba
Si Kathy[1] ay isang masigasig na Kristiyano. Kahit na siya ay nasa paaralan, nagbibigay siya ng panahon na manalangin sa Diyos sa bawat umaga. Bago mag-almusal, siya’y nagbibigay oras muna para sa Biblia at panalangin.
Subalit ngayon na siya’y isa ng ina ng apat na mga anak, ang panalangin at pagbabasa ng Biblia ay napakahirap na para sa kanya. Ang isa niyang anak ay sanggol at madalas siyang gisingin sa gabi at madaling araw. Nakita ni Kathy ang sarili na nahihirapang bumangon sa umaga bago magising ang kanyang mga anak. At sa gabi, pagod na pagod na siya upang makapokus sa pananalangin at pagbabasa ng Biblia.
Masaya si Kathy tuwing araw ng Linggo. Bawat Linggo ay nakakatanggap siya ng espirituwal na lakas at sigla sa oras ng pananambahan. Subalit sa buong linggo siya ay pinanghihinaan. Pakiramdam niya ay talunan siya sa kanyang debosyon sa Panginoon.
► Magbigay kay Kathy ng praktikal na payo para sa kanyang personal na debosyon.
Sinimulan natin ang araling ito sa pag-aaral sa Banal na Kasulatan para sa ating pagsamba. Ngayon ay magpapatuloy tayo sa pag-aaral sa panalangin para sa ating pagsamba. Sa Banal na Kasulatan, ang Diyos ay nagsasalita sa atin; sa panalangin, tayo ay tumutugon sa Diyos. Ang Banal na Kasulatan at panalangin ang dapat na pumuno sa ating pagsamba.
Ang Publiko at Pribadong Panalangin sa Biblikal na Pagsamba
Natunghayan natin na ang aklat ng mga Awit ay aklat ng mga himno para sa panambahang Judio. Ito rin ang kanilang ginagamit bilang “aklat ng panalangin.” Ang aklat ng mga Awit ay naglalaman ng mga panalanging pampubliko at pampribado. Ang publiko at pribadong pananalangin ay mahalaga sa panambahan ng mga Judio.
Sa kanilang tahanan, ang mga masigasig na Judio ay nananalangin ng tatlong beses sa isang araw (Daniel 6:10).[2] Marami sa mga salmo ay pribadong panalangin. Ito ay makikilala sa paggamit ng “Ako” sa halip na “Kami” sa pananalangin. Ilan sa mga halimbawa ng pribadong panalangin ay ang mga sumusunod:
Awit 18 – awit ng pasasalamat
Awit 32 – panalangin ng kagalakan dahil sa kapatawaran[3]
Awit 38 – panalangin ng pagsisisi
Awit 41 – panalangin ng paghingi ng awa
Awit 51 – panalangin ng pagsisisi
Awit 88 – panaghoy sa oras ng kahirapan
Awit 116 – awit ng pasasalamat para sa pangangalaga ng Diyos
[4]Sa loob ng Templo, ang mga mananambahang Judio ay nagkakatipon para sa publikong pananalangin. Sa pagtatalaga ng Templo, pinangunahan ni Solomon ang pambansang panalangin na hinihingi ang pagpapala ng Diyos para sa Kanyang bayan (2 Cronika 6). Ang ipinahayag na mensahe ni Isaias sa Juda, “Ang aking bahay ay tatawaging bahay panalanginan para sa lahat ng mga bayan” (Isaias 56:7). Matapos ang panahon ng Pagpapatapon, ang panambahan sa sinagoga ay natuon sa pagbabasa ng Kautusan at pananalangin. Ang mga serbisyo sa sinagoga ay pinapasimulan sa pamamagitan ng mga sunod-sunod na mga panalangin.
Ang batayan ng mga Hebreo sa panalangin ay nagpatuloy sa sinaunang Iglesia. Ang mga sinaunang Kristyano ay nananalangin ng tatlong beses sa isang araw sa kani-kanilang tahanan. Kapag ang mga Kristiyano ay nagtitipon, sila’y nagkakaisang manalangin na parang isang katawan. Ang dasal na Ama Namin ay laging bahagi ng kanilang serbisyo. Maliban rito ay may iba pang mga panalangin na itinataas sa Panginoon sa buong oras ng panambahan at serbisyo.
Panalangin sa Kasalukuyang Pagsamba
Kung ang panalangin ay mahalaga sa biblikal na panambahan, ito ay dapat rin na maging mahalaga sa ating pagsamba ngayon. Parehas na mahalaga ang publiko at pribadong pananalangin.
Ang Pribadong panalangin ay tulad ng pag-uugnay sa atin sa Puno na nagbibigay sa atin ng kalusugan at paglagong espirituwal. Ang kakulangan sa pribadong panalangin ay maaring dahilan kung bakit kulang sa kapangyarihan ang maraming mga simbahan. Kung si Jesus ay nangailangan ng panahon para sa pribadong panalangin noong Siya ay nagmi-ministeryo sa lupa, lalo’t higit tayo ay nangangailangang umasa sa panalangin para sa espirituwal na paglago at kapangyarihan sa ministeryo.
Ang Publikong panalangin ay isang mahalagang sangkap ng pagsamba. May ilang mga simbahan na hindi nagbibigay ng pansin sa panalangin. May isang pastor na ipinagtanggol ang kakulangan ng pananalangin sa kanyang simbahan sa pagsasabing, “Hindi mo mapapanatiling interesado ang mga tao kung nakapikit ang kanilang mga mata.[5] ” Siya’y naniniwala na ang pagbibigay lugod sa mga tao ang higit na mahalaga kaysa sa pagbibigay lugod sa Diyos.
Ang sama-samang pananalangin ay nagtutuwid sa maling ideya na ang Kristiyanismo ay tungkol lamang sa akin at sa aking relasyon sa Diyos. Tayo ay bahagi ng isang katawan. Kapag tayo ay nakikinig ng mga pakiusap at hiling sa panalangin at sama-samang nagkakaisa sa panalangin, tayo ay nagkakaroon ng kamalayan tungkol sa pinagdaraanang karamdaman, sakit ng kalooban, at kalagayan ng ating kapwa Kristiyano. Ang publikong panalangin ay nagpapaalala sa atin na ang mga kaanib ng Iglesia ay nasa iisang katawan. Ang sama-samang pananalangin ay nagpapaalala sa atin na ang Diyos ay nagmamalasakit sa kongregasyon na isang katawan.
Kung paanong ang Banal na Kasulatan ay kailangang gamitin sa buong oras ng panambahan, gayundin naman, ang panalangin ay dapat na itaas sa Panginoon sa buong oras ng serbisyo. Mula sa pagbubukas ng panalangin upang anyayahan ang presensya ng Diyos na dumating sa serbisyo, tungo sa taimtim na pananalangin para sa pangangailangan ng mga tao, hanggang sa panapos na panalangin ng pagpapala para sa mga dumalo, na sila man ay magministeryo sa kanilang lipunan, ang panalangin ay dapat na maghatid ng pokus sa ating panambahan.
[1]Ang kwento tungkol kay Kathy ay hango kay Keith Drury, The Wonder of Worship, (Fishers, IN: Wesleyan Publishing House, 2002), 17.
[2]Ang kaugalian ni Daniel ay karaniwang ginagawa ng mga masisigasig na Judio.
[3]Ang salmong ito ay maaaring kinatha ni David agad-agad matapos ang kanyang pagsisisi sa Awit 51.
“Napakaraming Kristiyano ang naniniwala sa personal na debosyon, sa halip na sa tunay na pagkakaroon nito.”
Keith Drury
[5]Hango kay Keith Drury, The Wonder of Worship, (Fishers, IN: Wesleyan Publishing House, 2002), 28.
Gawing Sentral ang Panalangin sa Pagsamba
Ano ang ilang mga praktikal na bagay na maari nating gawin upang ang panalangin ay maging makabuluhang bahagi ng publikong panambahan? Narito ang anim na praktikal na mungkahi.
Linangin Mo sa Iyong Buhay ang Pribadong Panalangin
[1]Walang sinuman ang magiging handa na pangunahan ang iba sa pagsamba kung siya ay hindi muna sumamba. Walang sinuman ang magiging handa na manguna sa publikong pananalangin kung siya ay hindi muna nanalangin ng pribado. Tanging ang paglinang sa ating pribadong panalangin ang maghahanda sa atin na manguna sa publikong panalangin. Bilang tagapanguna sa pagsamba, dapat nating italaga ang ating mga sarili sa displina ng araw-araw na pribadong panalangin.
Matuto kung Paano Manalangin
Ang mga alagad ni Jesus ay nagtanong, “Turuan mo kaming manalangin” (Lukas 11:1). Bilang tugon, itinuro sa kanila ni Jesus ang isang modelo ng panalangin na tinaguriang Ama Namin. Sa madaling salita, ang panalangin ay maaaring matutuhan.
Kung tutuusin, ang panalangin ay likas sa bawat anak ng Diyos. Gayunpaman, ang panalangin ay maaari pa ring matutuhan. Ang isang bata ay natututong magsalita na hindi kinakailangang dumaan sa mga araling tungkol sa pagsasalita. Gayunpaman, sa paglaki ng bata, natututo siya ng maraming bagay tungkol sa wika, bokabularyo, at tamang pagsasalita. Sa ganito ring paraan, ang isang baguhang Kristyano ay may likas na pagnanasang makipag-usap sa Diyos. Gayunpaman, habang tayo ay lumalago sa pananampalataya, ang ating pang-unawa at pagpapahalaga sa panalangin ay mas lalo ring lumalalim.
Ang mga aklat na tungkol sa panalangin ay maaaring magpalalim ng ating panalangin. Ilang mga klasikong libro tungkol sa panalangin na kapakipakinabang sa mga Kristiyano ay ang mga sumusunod:
Power Through Prayer ni E.M. Bounds
With Christ in the School of Prayer ni Andrew Murray
Mighty Prevailing Prayer ni Wesley Duewel
Gamitin mo sa Panalangin ang mga Salita ng Banal na Kasulatan
Walang ibang magandang lugar upang matutong manalangin kundi sa Biblia. Ang unang paaralan para sa pananalangin ay ang Biblia. Ang mga salmo at iba pang panalangin sa Biblia ay nagtuturo sa atin kung paano manalangin ng mabisa. Sa kasaysayan ng Iglesia, ang panalangin ng mga dakilang Kristyano ay laging puno ng mga talata sa Biblia. Ilan sa mga dakilang panalangin sa Biblia ay may sangkap na:
Panalangin ng pagsamba. Exodo 15:1-18, 1 Samuel 2:1-10, 1 Cronika 29:11-20, Lukas 1:46-55, Lukas 1:68-79, I Timoteo 6:15-16, at Pahayag 4:8-5:14.
Panalanging humihingi ng tawad. Ezra 9:5-15, Awit 51, at Daniel 9:4-19.
Panalangin ng pamamagitan. Genesis 18:23-33, Exodo 32:11-14, Efeso 1:15-23, at Filipos 1:9-11.
Magpokus sa Pakikipisan sa Diyos
Sa maraming pagkakataon, ang panalangin natin ay madalas na paghingi sa Diyos. May ilan na nagbibigay sa Diyos ng mga listahan ng kahilingan, nagpapasalamat sa Kanya sa pagsagot sa kahapong panalangin at nagtatapos sa katagang “Amen.” Subalit ang tunay na panalangin ay higit pa sa listahan ng mga hinihingi sa Diyos. Ang panalangin ay dapat na maging pakikipisan sa Diyos.
Ang Ama Namin ay nagbibigay sa atin ng modelo kung paano manalangin (Mateo 6:9-13). Ang Ama Namin ay may mga sangkap na:
Pagsamba: “Ama namin nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo.”
Pagpapasakop: “Dumating nawa ang kaharian mo. Masunod nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa.”
Kahilingan: “Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw.”
Paghingi ng Tawad: “At patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin.”
Paghingi ng Gabay: “At huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama.”
Papuri: “Sapagkat sa Iyo ang kaharian at kapangyarihan, at kaluwalhatian, magpakailanman. Amen.”
Ang apat na bahagi na modelo sa panalanging ito ang siyang madalas na alam at sinusunod ng maraming Kristiyano. Ang mga ito ay ang mga sumusunod: pagsamba, paghingi ng tawad, pasasalamat, at kahilingan.
Pagsamba
Hindi dapat naaalis sa panalangin ang pagsamba at papuri. Kapag tayo ay nagsisimula sa papuri, tinitiyak natin na ang ating panalangin ay higit pa sa mga listahan ng kahilingan. Ang aklat ng mga Awit ay nagbibigay ng modelo ng pananalangin na nakasalig sa papuri. Maging ang mga salmo ng panaghoy ay may kalakip na papuri. Kung ang panalangin ay isang tunay na pagsamba, ito ay may kalakip na pagsamba sa Diyos.
Paghingi ng Tawad
Natunghayan natin sa Isaias 6 na kapag namasdan natin ang Diyos (pagsamba), makikita rin natin ang ating mga sarili. Kapag nakita natin ang ating mga sarili sa liwanag ng dalisay na kaperpektuhan ng Diyos, nauunawaan rin natin ang ating pangangailangan na humingi ng tawad. Walang sinumang Kristiyano, gaano man kalago ang kanyang pananampalataya at kalalim ang pakikipag-ugnayan sa Diyos ang pwedeng makapagsabi na, “Hindi ko na kailangang humingi ng tawad. Ako ay ganap ng perpekto.” Ang sabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad, “Kapag kayo’y nananalangin, sabihin ninyo…patawarin ang aming mga kasalanan, sapagkat pinatatawad naman namin ang bawat nagkakautang sa amin” (Lukas 11:4). Ang tunay na pagsamba ay may sangkap na paghingi ng tawad.
Pasasalamat
Ang pagsamba ay nagpupuri sa Diyos sa kung sino Siya; ang pasasalamat ay nagpupuri sa Diyos sa kung ano ang ginagawa Niya sa daigdig. Ang pasasalamat ay kumikilala na ang bawat mabuting kaloob at bawat perpektong kaloob ay nagmumula sa kaitasaan (Santiago 1:17). Sa pasasalamat, nagpapasalamat tayo sa Diyos sa kung ano ang ginawa Niya sa ating buhay. Ang kwento tungkol sa 10 may ketong ay nagpapakita ng kahalagahan ng pasasalamat (Lukas 17:12-19).
Kahilingan
Sa Ama Namin, ipinakita ni Jesus na pinapahalagahan ng Diyos ang kahilingan ng Kanyang mga anak. Ang Diyos ay hindi katulad ng mga pinuno sa daigdig na abalang-abala at hindi dapat disturbuhin ng pangangailangan ng mga karaniwang mamamayan. Sa halip, ang Diyos ay isang perpektong Ama na nalulugod na ibigay ang mga mabubuting bagay sa Kanyang mga anak. Sa Ama Namin, pinapalakas ang ating loob na manalangin para sa ating mga ordinaryong pangangailangan (“bigyan Mo kami ng aming makakain sa araw-araw”) at pati na rin sa espirituwal na patnubay (“huwag mo kaming dalhin sa tukso”).
Sa Ama Namin, matututuhan natin ang magpasakop sa kalooban ng Diyos kapag tayo ay naghahatid ng mga kahilingan. Bilang mga anak Niyang nagtitiwala sa Kanya, matututuhan natin na ang Kanyang kalooban ay perpekto; ang Kanyang “hindi” ay para sa ating ikabubuti. Ang panalangin ay hindi tulad ng mahika na pinipilit natin ang kalooban ng Diyos na pasakop sa ating kagustuhan. Ang panalangin ay isang espirituwal na disiplina na naghahatid sa atin ng galak na magpasakop sa kalooban ng Diyos.
I-angkop ang Iyong mga Prayoridad sa Diyos
Madalas na ipakita ng panalangin kung ano ang pinakamahalaga sa atin. Ano ang nag-uudyok ng ating masigasig na pananalangin, mga pisikal na pangangailangan o espirituwal na pangangailangan?
Sa kanyang panalangin para sa mga Kristyano sa Tesalonika, sinabi ni Pablo, “Dahil din dito ay lagi naming idinadalangin kayo, na kayo'y ariin ng ating Diyos na karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo, at tuparin ang bawat hangarin sa kabutihan at gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan, upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay luwalhatiin sa inyo, at kayo'y sa kanya…” (2 Tesalonika 1:11-12). Ang masidhing alalahanin ni Pablo ay ang pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos sa kanilang buhay. Ang mga Kristiyanong ito ay inuusig, subalit hindi naging dalangin ni Pablo na sagipin sila ng Diyos mula sa paghihirap. Sa halip, nanalangin siya na ang pangalan ng Panginoong Jesus ay maluwalhati sa kanila.
Kung paanong ang ating mga kahilingan ay nagpapakita ng ating mga prayoridad, ang ating pasasalamat ay nagpapakita rin ng ating prayoridad. Kung ang madalas nating pasasalamat ay para sa materyal na pagpapala, maaaring ang materyal na mga bagay ang ating mas higit na pinapahalagahan. Samantala, kung ang higit nating pasasalamat ay ang tulong ng Diyos sa ating espirituwal na buhay, ang espirituwal na paglago ang siyang ating higit na pinapahalagahan.
Sa kanyang panalangin para sa mga taga-Tesalonika, si Pablo ay nagpasalamat sa Diyos sapagkat ang kanilang pananampalataya ay lumalago, ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa ay lumalakas (2 Tesalonika 1:3). Pansinin mo, ang kanyang higit na pasasalamat ay hindi sa temporal na mga pagpapala; ang kanyang higit na pasasalamat ay para sa kanilang espirituwal na paglago. Ano ang nagbibigay sa iyo ng malaking dahilan para magpasalamat, isang pinansiyal na pagpapala o katibayan ng espirituwal na paglago sa iyong buhay?
Makipag-usap ka sa Diyos, Hindi sa Kongregasyon
Sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan, ang Diyos ay nakikipag-usap sa kongregasyon. Samantala, sa pamamagitan ng panalangin, ang kongregasyon ay nakikipag-usap sa Diyos. Ang publikong pananalangin ay hindi pagkakataon para sa tagapamuno na iparinig sa mga tao (sa pamamagitan ng panalangin) ang nais niyang sabihin sa kanila! Ang panalangin ay dapat na pakikipag-usap sa Diyos.
Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad kung paano manalangin sa diwa ng tunay na pagsamba:
“At kapag kayo ay nananalangin, huwag kayong maging tulad sa mga mapagkunwari; sapagkat ibig nilang tumayo at manalangin sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng mga lansangan upang makita sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at pagkasara mo ng iyong pinto ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka. “At sa pananalangin ay huwag kayong gumamit ng walang kabuluhang paulit-ulit, na tulad ng ginagawa ng mga Hentil, sapagkat inaakala nilang sila ay pakikinggan dahil sa marami nilang salita. Huwag nga kayong tumulad sa kanila, sapagkat alam na ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago pa kayo humingi sa kanya” (Mateo 6:5-8).
Ang tunay na panalangin ay hindi paraan ng pagpapasikat sa Diyos o kaya’y sa kongregasyon; ito’y simple at malinaw na pagkikipag-usap sa ating Amang nasa langit.
► Ano ang iyong pwedeng magawa upang lumago sa iyong personal na pananalangin? Paano magiging makabuluhang bahagi ang panalangin sa inyong publikong pagsamba sa simbahan?
“Ang susi sa buhay Kristiyano ay ang araw-araw na karanasan sa pagsamba at pagpapahalaga sa Diyos bilang sentro ng ating personal na pamumuhay.”
Dennis Kinlaw
Ang Paghahandog bilang Tugon sa Salita ng Diyos
Ang panalangin ay likas na tugon sa Salita ng Diyos. Dahil rito, dapat nating laging isunod sa pagbabasa ng Biblia at sermon ang pananalangin. Sa pamamagitan ng panalangin, tayo ay tumutuguon sa katotohanan na ating tinanggap mula sa Salita ng Diyos; nagpapahiwatig ito ng pagtatalaga ng ating sarili na sumunod sa Diyos.
Ang paghahandog ay pagtugon rin sa Salita ng Diyos. Sa Lumang Tipan, ang hain (paghahandog) ay isang pagtugon ng mananambahan sa Kautusan (Salita ng Diyos). Sa Bagong Tipan, ang paghahandog ay sumasagisag sa pagsuko ng ating buong pagkatao sa Diyos.
Ang paghahandog ay bahagi ng pagsamba. Tinatawag ng salmista ang mga mananambahan na maghatid ng mga alay at pumasok sa lugar-panambahan (Awit 96:8). Iniugnay ng may akda ng Hebreo ang pagsamba sa pagbibigay. Ang sabi niya, “Huwag ninyong kaliligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pamamahagi, sapagkat ang Diyos ay nalulugod sa mga gayong handog” (Hebreo 13:16). Sinabi ni Pablo sa mga taga Filipos na ang kanilang mga kaloob ay isang mabangong alay na katanggap-tanggap at nakalulugod sa Diyos (Filipos 4:18).
Teolohiya ng Pagbibigay sa Diwa ng Pagsamba
Maraming mga dumadalo sa simbahan na tinitingnan ang paghahandog bilang paraan ng pagpuno sa mga bayarin ng simbahan. Tinitingnan nila ito na isang pinansiyal na transaksyon sa halip na espirituwal na kilos ng pagsamba. Ngunit ang Kristiyano bilang isang katiwala ay dapat na maunawaan na ang pagbibigay ay bahagi ng pagsamba. Ang mga sumusunod na prinsipyo ay dapat na maging bahagi ng ating teolohiya ng pagbibigay.
Ang pagbibigay sa diwa ng pagsamba ay udyok ng biyaya, hindi ng takot.
Ang pagbibigay ay kilos ng pagsamba na inuudyukan ng pasasalamat sa biyaya ng Diyos. Hiniling ni Pablo sa mga taga Corinto na magbigay sa mga nangangailangang Kristiyano sa Jerusalem. Hindi niya sila tinakot at sinabing, “Dapat kayong magbigay sapagkat balang araw ay maaaring mangailangan rin kayo.” Sa halip, tinapos niya ang kanyang kahilingan ng may papuri, “Salamat sa Diyos dahil sa kanyang di-mailarawang kaloob” (2 Corinto 9:15). Ang kanilang pagbibigay ay udyok ng pasasasalamat sa kaloob na biyaya ng Diyos. Kung ang paghahandog ay tunay na pagsamba, ito ay taus-puso.
Ang pagkakaloob sa diwa ng pagsamba ay udyok ng pag-ibig, hindi ng gantimpala.
Ang tunay na pagsamba ay udyok ng pag-ibig sa Diyos, hindi ng pagnanasa sa gantimpala. Ang pera bilang kaloob ay sagisag lamang ng ating pagkakaloob ng sarili sa Diyos. Pinapurihan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Macedonia sapagkat “ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos” (2 Corinto 8:5). Ang kanilang mga kaloob ay sagisag ng kanilang pagmamahal sa Diyos at pagmamalasakit sa mga Apostol na naghatid ng ebanghelyo sa kanilang lugar.
Kung ang musika at iba pang gawain sa panambahan ay maaaring gawin na may maling dahilan, ang pagbibigay ay maaaring udyukan rin ng pagnanasa sa gantimpala, sa halip na sa pagmamahal sa Diyos. May ibang mga ebanghelista na nagtuturo na susuklian raw ng Diyos ang ating mga ipinagkaloob na pera ng malaking pagpapala. Sa pamamagitan ng pambabaluktot sa mga talata na labas sa kanilang biblikal na konteksto, nangangako sila na ang Diyos raw ay may ibibigay na malaking pagpapala bilang sukli sa kanilang mga ipinagkakaloob. Subalit ang gayong uri ng pagbibigay ay hindi magiging kilos ng pagsamba, kundi tulad ng pagtaya sa lotto na kung saan umaasa kang manalo ng jackpot! Subalit hindi natin matatagpuan ang ganyang uri ng pagbibigay sa Biblia.
Sa halip, pinaparangalan ng Biblia ang pagbibigay na ginawa ni Maria. Nang kanyang binuhusan ng langis si Jesus, wala siyang anumang hinihintay na kapalit na gantimpala. Ipinagkaloob niya ang kanyang pinag-ipunan ng matagal na walang anumang hinihinging kapalit. Maging ang mga alagad ay nagalit sa kanyang ginawang pag-aaksaya. Tanging si Jesus lamang ang nakakita at nagbigay parangal sa kanyang ibinigay na kaloob; kaloob na udyok lamang ng wagas na pag-ibig (Mateo 26:6-13).
Ang pagkakaloob sa diwa ng pagsamba ay hindi lamang inuudyukan ng pag-ibig sa Diyos, kundi maging ng pag-ibig sa kapwa. Pinaalalahanan ni Juan ang kanyang mga mambabasa na ang tunay na pag-ibig ay higit pa sa salita; ito ay kilos. Ang pag-ibig ng mga taga-Filipos para kay Pablo ay nakita sa kanilang pagbibigay. Gayundin naman, ang pag-ibig ng isang mananampalataya para sa kanyang kapwa ay nakikita sa pagbibigay.
"Subalit ang sinumang may mga pag-aari sa sanlibutang ito, at nakikita ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagsasarhan niya ito ng kanyang damdamin, paanong nananatili ang pag-ibig ng Diyos sa kanya? Mga munting anak, huwag tayong umibig sa salita, ni sa dila kundi sa gawa at sa katotohanan" (1 Juan 3:17-18)
Ang pagkakaloob sa diwa ng pagsamba ay mapagbigay, hindi kuripot.
Hinamon ni Pablo ang simbahan sa Corinto na maging mapagbigay nang sinabi niya, “Kayo ay pinayayaman sa bawat bagay dahil sa inyong kagandahang-loob, na sa pamamagitan namin ay nagbubunga ng pasasalamat sa Diyos.” Ang kanilang pagkakaloob ay kapahayagan ng kanilang pasasalamat sa Diyos. “Sapagkat ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang pumupuno sa pangangailangan ng mga banal, kundi umaapaw rin sa pamamagitan ng maraming pasasalamat sa Diyos” (2 Corinto 9:11-12). Upang ang pagkakaloob ay maging tunay na pagsamba, ito ay dapat na maging mapagbigay.
Ang pagkakaloob sa diwa ng pagsamba ay udyok ng kapakumbabaan, hindi ng kayabangan.
► Basahin ang Mateo 6:1-4.
Sa Kanyang Sermon sa Bundok, nagbigay babala si Jesus hinggil sa maling motibasyon sa pagbibigay. May ilang nagbibigay upang purihin ng iba; ang kanilang hinahanap na gantimpala ay papuri. “Kanilang natanggap ang kanilang gantimpala.” May iba na tahimik na nagbibigay ngunit pinupuri ang sarili dahilan sa kanilang pinaniniwalaang kapakumbabaan; ang kanilang gantimpala ay kasiyahan ng sarili. Ngunit sabi ni Jesus, “Huwag mong hayaan na malaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanan.” Ibig sabihin, huwag mong purihin ang iyong sariling pagkakaloob. Sa halip, hayaan mong ang Ama mong nasa langit na nakakakita sa iyo ang Siyang magbigay sa iyo ng gantimpala ayon sa Kanyang kalooban.
Kwento ng Masayang Pagbibigay
Katatapos lamang ni John Wesley na mabili ang mga magagandang larawan na kanyang ididikit sa pader ng kanyang kwarto, nang makita niya ang isang ale na humihing ng tulong. Napakalamig ng panahon sa araw na iyon at napansin niya na manipis lamang na damit ang suot ng ale. Dumukot siya ng pera sa kanyang bulsa upang bigyan ang ale ng pambili ng balabal at diyaket, ngunit kaunting pera na lamang ang mayroon sa bulsa niya. Nasabi niya, “Mapapaganda ko ang pader ng aking bahay ng mga palamuting larawan na nabili ko, subalit wala man lang akong maibigay sa kawawang aleng ito sa panahon ng taglamig!”
Mula noon, nilimitahan ni Wesley ang kanyang mga bilihin upang magawa niyang makapagbigay sa mga mahihirap. Sa kanyang journal, naitala niya na sa loob ng isang taon ay mayroon siyang kinikitang £30 at ang kanyang gastusin sa pangangailangan ay £28. Kaya’t ibig sabihin, mayroon siyang natitirang £2 na maaaring ibigay. Nang sumunod na taon, naging doble ang halaga ng kanyang kinikita tungo sa £90, gayunma’y nanatili pa rin siya sa £28 na gastusin para sa pangangailangan upang makapagbigay ng £62 sa mga mahihirap. Nang ikaapat na taon, kumita siya ng £120, ngunit nanatili pa rin sa £28 na gastusin sa pangangailangan upang makapagbigay siya ng £92 sa mga mahihirap.
Nangaral si Wesley na ang mga Kristiyano ay hindi lamang dapat magbigay ng ikapu kundi magbigay rin ng pagpapalang labis na sa iyo. Naniniwala siya na kapag tumataas ang ating kita, dapat ring tumaas ang halaga ng ating binibigay. Isinabuhay niya ito sa buong panahon ng kanyang buhay. Kahit na noong ang kanyang kinikita ay umabot na sa libo-libong halaga, namuhay pa rin siya ng simple at ipinamahagi ang mga sobrang salapi. May pagkakataon na sa isang taon ay kumita siya ng mahigit £1,400. Nagtira lamang siya ng £30 at ipinagkaloob ang lahat na sobra.[1] Ayon sa kanya, hindi raw siya nagtabi ng pera na aabot ng higit sa £100. Ibinigay niya ang halos £30,000 na kinita niya sa buong panahon ng kanyang buhay.[2]
Ang punto ng kwentong ito ay hindi para magbigay ng legalistikong paraan na magpapahirap sa tao! Ang punto ng kwento ay tungkol sa pagbibigay na may galak at pagkukusa na sumunod a Diyos. Syempre, hindi lahat ay binibigyan ng Diyos ng parehas na sahod na katulad ng natanggap ni John Wesley. Hindi tayo tinatawag ng Diyos na magbigay ayon sa antas ng pagbibigay na ginawa ni John Wesley. Ang hamon ay hindi sa, “Ako ba ay nagbibigay na katulad ng halaga na binibigay ng iba?” Sa halip ang hamon ay, “Ako ba ay nagbibigay na may galak na sumunod sa Diyos?” Sa madaling salita, tinatawag tayo ng Diyos sa pagsambang may sakripisyong pagbibigay.
Ang Gawain ng Pagbibigay
Sapagkat ang pagbibigay ay isang kilos ng pagsamba, ang mga handog ay dapat na kinokolekta sa paraang nagpapatingkad ng diwa ng pagsamba. Isaalang-alang ang mga sumusunod na ideya.
Ang binibigyang pansin sa paghahandog ay dapat na pagsamba, hindi ang pangangailangan.
Marahil ang dahilan kung bakit maraming mga Kristiyano na nakikita ang paghahandog bilang paraan ng pagtugon sa mga bayarin ng simbahan ay dahil sa ang nabibigyang pansin sa oras ng paghahandog ay ang mga kinakailangang bayaran! Mas lalong lumalala ang kasong ito kapag nasadlak tayo sa isang pinansiyal na krisis at sasabihin natin, “Ang simbahan ay magsasara” o “Hindi natin magagawang makapagpadala ng misyonero” kung walang masaganang kaloob na maibibigay. Minsan naman, ang pastor ay humihingi ng pasensya sa oras ng kaloob; “Kung maari sana’y ayaw naming humingi sa inyo ng pera.” Subalit, ang pagkakaloob ay dapat na kapahayagan ng masayang pasasalamat.
Kapag magsasagawa tayo ng pagkakaloob, ang binibigyang pansin ay dapat na pagsamba. Ang oras ng pagkakaloob ay maaaring isagawa sa pamamagitan ng isang talata na nagpapaalala sa mananambahan ng layunin ng pagkakaloob. Ang mga talata sa Biblia gaya ng 2 Corinto 8:9, 2 Corinto 9:7, Exodo 25:2, Gawa 20:35, at maging ang Juan 3:16 ay nagtuturo sa atin ng tunay na motibasyon sa pagbibigay.
Ang pagkakaloob ay dapat na bahagi ng serbisyo.
Sa ibang kultura, karaniwan na hinihikayat ang mga tao na ibigay ang kanilang mga kaloob na hiwalay sa oras ng pagsamba. Bagamat ito ay maaaring dulot ng hangaring iwasan ang pagpapakitang tao at makatipid ng oras sa serbisyo, pwedeng mahiwalay nito ang pagbibigay sa pagsamba. Ang pagsasagawa ng pagkakaloob sa oras ng serbisyo ay makakatulong sa mga mananambahan na maunawaan na ang kanilang pagbibigay ay isang kilos ng pagsamba.
Dahil ang pagkakaloob ay tugon sa Diyos, maaaring isaalang-alang ang sandali ng pagkakaloob matapos ang sermon sa halip na bago magsermon. Ito ay nagpapahiwatig na, “Tayo ay nagbibigay sa Diyos bilang tugon sa Kanyang Salita.”
Dapat na ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak ang pagbibigay bilang kilos ng pagsamba.
Kung paanong tinuturuan natin ang ating mga anak na umawit, manalangin, at makinig sa pagbabasa at pangangaral ng Biblia, dapat rin natin silang turuan hinggil sa kagalakan ng pagbibigay. Habang natututuhan ng ating mga anak ang pagbibigay na isang masayang kilos ng pagpupuri, sila man ay nagiging mga mananambahan.
Ang musika sa oras ng pagbibigay ay dapat na pagsamba.
Kung ang pagkakaloob ay pagsamba, ang musika sa oras ng pagkakaloob ay dapat na pagsamba rin. Ang musikang ito ay maaaring himig ng instrumento o isang awitin; ang awit ay maaaring solo o aawitin ng kongregasyon; maaaring tahimik at mapagbulay o kaya’y masaya at may pagdiriwang. Anuman ang estilo na mapili, ito ay dapat na bahagi ng pagsamba. Silang nagbibigay ng musika sa oras ng pagkakaloob ay dapat na manalangin para sa espirituwal na patnubay, kung paanong ang tagapanguna sa pagsamba ay nananalangin para sa espirituwal na patnubay. Sa madaling salita, walang bahagi ng panambahan ang dapat na maliitin.
Ang pagkakaloob ay dapat na sundan ng panalangin ng dedikasyon.
Dahil ang mga handog ay kaloob na para sa Diyos, ang pagkakaloob ay dapat na sundan ng panalangin na itinatalaga sa Diyos ang mga kaloob. Magpapaalala ito sa mga mananambahan tungkol sa layunin ng pagbibigay. Ito rin ay magsisilbing nakikitang ebidensya ng pagbibigay bilang pagsamba.
Ang mga tagapamuno sa simbahan ay dapat na maging mabuting katiwala ng mga kaloob na ibinigay ng mga tao.
[3]Sa pagkakaloob, ipinagkakatiwala ng mga mananambahan ang kanilang mga handog sa pamamahala ng mga tagapamuno ng simbahan. Ang mga namumunong ito ay dapat na mabuting katiwala ng mga kaloob. Ang pag-uulat sa kongregasyon tungkol sa mga ginamit na pera ay magpapakita na ang mga kaloob ay ginamit para sa gawain ng Diyos. Ito ay higit na hihikayat ng patuloy na pagbibigay at maiiwasan ng liderato ng simbahan ang tukso ng kawalang-katapatan. Sa mundo na ang mga pinuno ng simbahan ay tinitingnan na may paghihinala, dapat nating gawin ang lahat ng paraan na maipakita ang ating mga sarili na walang bahid dungis.
Ang paghahandog ay higit pa sa paraan na matugunan ang mga bayarin; ito’y kilos ng pagsamba. Sa pamamagitan ng Kanyang Salita, ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang sarili sa mga mananambahan. Tayo naman ay tumutugon sa pamamagitan ng mga sakripisyong kaloob na mula sa masayang puso. Ito ay tunay na pagsamba.
Pagsusuri 3
Ang mga tao ba sa inyong simbahan ay nakadarama ng pagsamba sa tuwing sila ay nagbibigay, o pakiramdam nila’y tumutulong lang sila sa mga bayarin ng simbahan? Ano ang mga praktikal na bagay na maari mong gawin upang maging kilos ng pagsamba ang inyong pagkakaloob?
[1]Bilang pagkukumpara sa panahong ito, ito ay kasinghalaga ng kumita ng $200,000 na kung saan ibibigay mo ang lahat maliban sa $5,000 na para sa iyong personal na pangangailangan. Sa buong buhay ni Wesley, kumita siya at nagkaloob ng halos $3,000,000 ayon sa kasalukuyang halaga ng ating pera.
[2]Ang kwentong ito ay hango kay Charles Edward White, “Four Lessons on Money from One of the World’s Richest Preachers” Christian History 19 (Summer 1988): 24. Matatagpuan ito sa https://christianhistoryinstitute.org/uploaded/50cf76d05900d6.14390582.pdf July 22, 2020.
“Ang Banal na Hapunan ay oras ng pakikipagtagpo ng Panginoon sa Kanyang bayan. Silang naghihintay sa pakikipagtagpong ito ay buong tiwalang makakaasa sa pagdating ni Cristo.”
Franklin Segler at
Randall Bradley
Ang Hapunan ng Panginoon
► Talakayin ang ginagawang pagdiriwang ng iyong simbahan sa komunyon. Gaano kadalas ninyo ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon? Kapag ipinagdiriwang ninyo ang komunyon, ito ba ay nakikitang mahalagang bahagi ng serbisyo?
Kung paanong ang Diyos ay nahahayag sa nasusulat na Salita (pagbabasa ng Biblia) at sa nangungusap na Salita (pangangaral ng Kanyang Salita), Siya rin ay nahahayag sa demonstrasyon ng Salita gamit ang Hapunan ng Panginoon. [1] Ang Hapunan ng Panginoon ay isang pagpapaalala tungkol sa kamatayan ni Jesus para sa ating katubusan at isang pagdiriwang sa Kanyang muling pagkabuhay. Ang Hapunan ng Panginoon ay may kaugnayan sa Paskuwa, subalit ito ay naglunsad ng bagong tipan.
► Basahin ang Mateo 26:17-30 and 1 Corinto 11:17-34.
Sa Bagong Tipan, ang mga talatang may kinalaman sa Hapunan ng Panginoon ay matatagpuan sa aklat ng ebanghelyo at sa tuntunin na ibinigay ni Pablo sa simbahan sa Corinto.
Tatlong tanong ang madalas pag-usapan hinggil sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon.
Ano ang Kahulugan ng Hapunan ng Panginoon?
Gaano kadalas dapat ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon?
Paano dapat ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon?
Ano ang Kahulugan ng Hapunan ng Panginoon?
Ang pagdiriwang ng komunyon ay isang makabuluhang bahagi ng pagsamba. Sa kanyang sulat sa simbahan sa Corinto, ipinakita ni Pablo na sa Hapunan ng Panginoon:
(1) Nagbabalik tanaw tayo sa kamatayan ni Cristo (“ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon”).
(2) Naghihintay tayo sa pagbabalik ni Cristo (“hanggang sa Siya’y dumating”).
Kapag ipinagdiriwang natin ang Komunyon, ginugunita rin natin ang Kanyang sakripisyo at hinihintay ang Kanyang ipinangakong pagdating. Ang mga elementong kumakatawan sa katawan at dugo ni Cristo ay nagpapaalala sa atin tungkol sa ating pakikibahagi sa kamatayan ng Panginoon. "Ang kopa ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi ba ito'y pakikisalo sa dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputul-putol, hindi ba ito'y pakikisalo sa katawan ni Cristo?" (1 Corinto 10:16). Ang Hapunan ng Panginoon ay isang makapangyarihang simbolo ng namamalaging presensya ng ipinako at muling nabuhay na Panginoon.
Gaano Kadalas Dapat Ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon?
Ang Biblia man o ang Iglesia sa kasaysayan ay walang malinaw na sagot sa tanong na ito. Noong sinaunang Iglesia, tila ang Hapunan ng Panginoon ay ipinagdiriwang tuwing Linggo. Sa kasalukuyan, may ilang mga simbahan na ipinagdiriwang ang Komunyon na linggo-linggo, ngunit may iba na ipinagdiriwang ito ng minsan o dalawang beses lamang sa isang taon.
Hangga’t ang pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon ay isang taimtim na bahagi ng pagsamba, ang madalas na pagdiriwang nito ay hindi magpapawalang saysay sa kanya, kung paanong ang linggo-linggong pagbabasa ng Biblia ay hindi nagpapawalang bisa sa halaga ng Biblia sa pagsamba.
Paano Dapat Ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon?
Nagbigay babala si Pablo sa mga taga-Corinto tungkol sa kumakain at umiinom “sa paraang hindi nararapat” (1 Corinto 11:27).[3] Ilang praktikal na hakbang ang maaaring makatulong sa ating pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon sa paraang nararapat ayon sa pagpapahalagang Kristyano.
Ang Komunyon ay dapat na maging sentral na bahagi ng serbisyo, hindi dagdag na gawain.
Ang magandang oras sa Hapunan ng Panginoon ay ang isunod ito sa sermon. Sa ganitong paraan, ang sermon ay maghahatid sa atin sa malalim na pagkakaunawa sa Hapunan ng Panginoon. Ito ay maaaring gawin sa pamamagitan ng sermon na tuwirang tumatalakay sa Hapunan ng Panginoon o sa pamamagitan ng isang sermon na ang paksa ay nakaugnay rito (gaya ng pagtubos, kaligtasan, biyaya, at pagiging isang disipulo). Sa mga simbahang madalas ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon, maaring ang tema ng serbisyo ay hindi laging nakaugnay sa Komunyon. Gayunpaman, dapat na mayroong maliwanag na ugnayan sa pagitan ng Komunyon at ng idinaraos na serbisyo.
Ang Komunyon ay parehas na taimtim at masayang okasyon.
Ang Komunyon ay isang sandali ng taimtim na Pagsusuri ng ating mga sarili at isa ring masayang pagdiriwang ng biyaya ng Diyos. Ang taimtim na pagdiriwang ay sumasalamin sa paalalang ang Hapunan ng Panginoon ay pag-alaala sa Kanyang kamatayan. Ang masayang pagdiriwang ay sumasalamin sa pangako ng Kanyang muling pagbabalik.
May okasyon na ang pagdiriwang sa muling pagkabuhay at paghihintay sa pagbabalik ni Cristo ang siyang pangunahing pansin sa Komunyon. Sa ibang pagkakataon, ang mataimtim na pagdiriwang sa kamatayan ni Cristo at sa kahalagahan ng pasusuri sa sarili ang maaring bigyang ng pangunahing pansin. Bawat aspeto ay bahagi ng pagdiriwang sa Hapunan ng Panginoon.
Nagagalak tayo sa Komunyon sapagkat ang Hapunan ng Panginoon ay ginawang posible para sa atin ng biyaya ng Diyos. Sa Banal na Hapunan, tayo ay pinapaalalahan na ang biyaya lamang ang nagbigay sa atin ng kaligtasan. Kinikilala rin natin ang taimtim na bahagi ng Komunyon sapagkat inaalala natin na ang ating pakikibahagi sa Hapunan ng Panginoon ay nangangahulugan ng ating panata na lumayo sa kasalanan. Sa Hapag ng Panginoon, bawat mananambahan ay dapat na nagsusuri ng kanyang sarili.
Ang Komunyon ay sumasalamin sa pagkakaisa ng Iglesia
Nakakalungkot na ang Komunyon, ang ordinansiya na layuning magpahayag ng pagkakaisa ng Iglesia, ay madalas na nagiging dahilan ng pagkakabaha-bahagi. Ang pagkakaiba kung paano ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon (gaya ng, paggamit ng indibidwal na kopa, karaniwang kopa, pagsawsaw ng tinapay sa kopa) at pagkakaiba sa kung sino ang dapat na kumain nito (lahat ng nagsasabing Kristiyano, tanging ang mga nabautismuhan, tanging ang mga miyembro ng lokal na simbahan) ay humantong sa mga mainit na pagkakabaha-bahagi sa mga simbahan.
Nagpaalala si Pablo sa simbahan sa Corinto na habang sila’y nagsasalo-salo sa isang tinapay, ito ay nagpapakita ng kanilang pagiging isang katawan. “Sapagkat may isang tinapay, tayong marami ay iisang katawan, sapagkat tayong lahat ay nakikibahagi sa isa lamang tinapay” (1 Corinto 10:17).
Dapat nating tandaan na sa Komunyon, ang pagsamba ang siyang primaryo samantalang ang mga pamamaraan ay sekondarya. Ang simbahan kung gayon ay dapat na magpanatili ng mga pamamaraang tapat sa ebanghelyo at sa nasasaad sa 1 Corinto. Gayunpaman, anumang paraan ng pagdiriwang sa Hapunan ng Panginoon, ito ay hindi dapat na maging sanhi ng pagkakabaha-bahagi. Sa Banal na Hapunan, ipinagdiriwang natin ang pagkakaisa sa pamilya ng Diyos.
[1]Hango kay Franklin M. Segler and Randall Bradley, Christian Worship: Its Theology and Practice (Nashville: B&H Publishing, 2006), 178
[2]Imahe: "Hapunan ng Panginoon" kuha ni Allison Estabrook on Oct. 14, 2022, hango sa https://www.flickr.com/photos/sgc-library/52476662295/, may lisensya sa ilalim ng r CC BY 4.0.
[3]Ang kataga sa KJV ng Biblia na isinaling “umiinom ng hindi nararapat” ay madalas ipinapaliwanag na tumutukoy sa taong hindi karapat-dapat sa Hapunan ng Panginoon. Subalit ang katagang “sa paraang hindi nararapat” ay tila mas magandang salin. Walang sinuman sa atin ang karapat-dapat sa sakripisyo ni Cristo. Ang problemang itinutuwid sa Corinto ay walang kinalaman sa hindi karapat-dapat na kalagayan ng mananambahan kundi sa walang galang at hindi nararapat na paraan na ginagawa nila sa pagdiriwang ng banal na Hapunan.
Konklusyon: Makapangyarihang Impluwensya ng Pagsamba
Ang pagsamba ba ay mahalaga? Narito ang isang patotoo noong 1945 na nagpapakita kung ano ang mangyayari kapag ang isang ordinaryong tao ay sumasamba sa pamamagitan ng panalangin.
Noong WWII, may isang Budistang Japanese-American na estudyante sa Baylor University na naging instrumento ng revival o espirituwal na pagbangon. Siya si Reiji Hoshizaki na nagtratrabaho bilang isang janitor upang mabayaran ang kanyang pag-aaral. Sa tuwing siya ay naglilinis ng mga silid-aralan, lagi niyang ipinapanalangin ang bawat upuan.
Isang araw, matapos ang ilang linggong pananalangin, habang si Reiji ay nakaupo sa klase, bigla siyang nakaramdam ng isang marubdob na pangangailangan na ipanalangin ang kanyang mga kaklase na anupa’t lumuhod siya at nagsimulang umiyak. Tinanong siya ng mga estudyante, “Anong problema ni Reiji?” Walang problema si Reiji; sadyang ang kanyang upuan ay nagsilbing altar niya sa pananalangin.
At sa pamamagitan ng pananalangin ni Reiji, nanaig sa Baylor University ang isang espirituwal na pagbangon at lumaganap sa estado ng Texas. Maraming mga estudyante ang humayo tungo sa ibang karatig na lugar at sa buong timog-kanlurang bahagi ng Estados Unidos. Nagpapakita ito na ang panalangin ay isang mahalagang bahagi ng pagsamba. Kapag tayo ay sumasamba, ang ating mundo ay binabago ng kapangyarihan ng Diyos.
Aralin 7, Pagbabalik Aral
(1) Maaari nating gawing sentral ang Biblia sa ating pagsamba sa pamamagitan ng paglalakip nito sa bawat bahagi ng pagsamba.
(2) Dahil ang Biblia ay sentral sa ating pagsamba, dapat nating tiyakin na ito ay malinaw, madamdamin, at maparaang binabasa upang maihatid ng sariwa at maayos ang sinasabi nito.
(3) Dahil ang pangangaral ay bahagi ng pagsamba:
Ang pangangaral ay nangangailangan ng maingat na paghahanda.
Ang pangangaral ay nangangailangan ng tugon mula sa kongregasyon.
Ang pangangaral ay nangangailangan ng tugon mula sa mangangaral.
Ang mangangaral ay dapat na nasa ilalim ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
(4) Ilang praktikal na pamamaraan upang ang panalangin ay maging makabuluhang bahagi ng publikong panambahan:
Linangin ang iyong pribadong pananalangin.
Matutuhan kung paano manalangin.
Gamitin ang salita ng Banal na Kasulatan sa pananalangin.
Magpokus sa pakikipag-ugnayan sa Diyos.
I-angkop ang iyong mga prayoridad kaugnay sa Diyos.
Makipag-usap sa Diyos, hindi sa kongregasyon.
(5) Dahil ang pagkakaloob ay bahagi ng pagsamba:
Ang pagbibigay ay dapat na udyok ng biyaya, hindi ng takot.
Ang pagbibigay ay dapat na udyok ng pag-ibig, hindi ng gantimpala.
Ang pagbibigay ay dapat na bukas-palad, hindi maramot.
Ang pagbibigay ay dapat udyok ng kapakumbabaan, hindi ng kayabangan.
Ang paraan ng ating pagkolekta ng mga kaloob ay dapat na umaayon sa diwa ng pagsamba.
(6) Ang Hapunan ng Panginoon
Nagbabalik-tanaw sa kamatayan ni Cristo.
Naghihintay sa pagbabalik ni Cristo.
Dapat na ipagdiwang sa nararapat na paraan.
Dapat na ipagdiwang sa paraang taimtim at masaya.
Dapat na ipagdiwang sa paraang sumasalamin sa pagkakaisa ng Iglesia.
Aralin 7, Takdang Aralin
Sa aralin 6, pumili ka ng mga awitin na naka-ugnay sa limang magkakaibang paksa. Sa bawat isang paksa, maghanap ka ng 3-4 na mga talata sa Biblia na nagpapahayag sa paksang ito. Ang listahan mo ang siyang gagamitin sa susunod na aralin bilang iyong pagpaplano para sa isang gagawing serbisyo.
3-4 na mga talata na tungkol sa kalikasan ng Diyos
3-4 na mga talata na tungkol kay Jesus, sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay
3-4 na mga talata na tungkol sa Banal na Espiritu at sa Iglesia
3-4 na mga talata na tungkol sa pagtawag sa bayan ng Diyos na isuko ang kanilang buhay sa Diyos at mamuhay ng banal
3-4 na mga talata na tungkol sa ebanghelismo at misyon
Sa pasimula ng susunod na aralin, magkakaroon kayo ng pagsusulit batay sa araling ito. Pag-aralang mabuti ang mga tanong bilang iyong paghahanda.
Aralin 7, Pagsusulit
(1) Magbigay ng tatlong halimbawa na nagpapakita ng kahalagahan ng Banal na Kasulatan sa pagsamba.
(2) Ibigay ang tatlong bahagi sa serbisyong panambahan na kung saan ang Biblia ay maaring gamitin.
(3) Ilista ang apat na praktikal na implikasyon ng prinsipyong ang pangangaral ay pagsamba.
(4) Ilista ang tatlong praktikal na mungkahi upang ang panalangin ay maging makabuluhang bahagi ng publikong panambahan.
(5) Ilista ang apat na teolohikal na prinsipyo ng pagbibigay sa diwa ng pagsamba.
(6) Ilista ang apat na praktikal na ideya upang ang pagbibigay ay maging kilos ng pagsamba.
(7) Ilista ang dalawang aspeto ng Hapunan ng Panginoon na ipinapakita sa 1 Corinto.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.