[1]Ang mga pastor na sina James, Enoch, Gideon, at Jason ay muling nagkita-kita upang talakayin ang kanilang mga pinag-usapan tungkol sa pagsamba ayon sa Lumang Tipan.
Si James na higit na pumapanig sa tradisyunal na paraan ng pagsamba ay nagsabi, “Sa palagay ko’y pinapatunayan ng Lumang Tipan na ang pagsambang ginagawa namin sa aming simbahan ay tama. Ang pagsamba sa Templo ay pormal at organisado. Iyan ang aming pinagsusumikapang tularan.”
Natawa si Enoch, “Oo, pero hindi mo ba nabasa ang sinabi ng mga propeta? Ang pormal na pagsamba sa Templo ay walang kabuluhan. Ang pagsambang nakalulugod sa Diyos ay nagmumula sa puso. At iyan mismo ang ginagawa namin sa aming kontemporaryong estilo ng pagsamba; inaabot namin ang puso ng bagong henerasyon.”
Sa pagkadismaya, nasabi ni Gideon, “Hindi pa rin tayo nagkakaroon ng nagkakaisang pananaw simula ng pinag-aralan natin ang paksa ng pagsamba. Bakit kasi hindi na lang sinabi ng Diyos, “Ito ang paraan kung paano ninyo ako dapat sambahin!”
Sumagot si Jason, “Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Tayo ay mga mananampalataya ng Bagong Tipan. Marahil, mayroong sagot tayong matatagpuan sa Bagong Tipan. Pag-aralan natin ito at tingnan ang kanyang sinasabi.”
► Paano ba nagbago ang pagsamba sa Bagong Tipan? Paanong ang panambahan ng sinaunang Iglesia ay naiiba sa panambahan sa Tabernakulo at Templo? Ibahagi ang iyong nalalaman tungkol sa panambahang mayroon sa Bagong Tipan.
“Ang pagsamba ang siyang pinakamataas at ang natatanging kailangan gawin ng Iglesia. Kapag ang lahat ng gampanin ng Iglesia dito sa lupa ay lumipas na, ang pagsamba lang ang magpapatuloy sa kalangitan.”
W. Nicholls
Ang aklat ng mga Ebanghelyo: Ang Pagsamba ay Natupad kay Jesu-Cristo
Paulit-ulit na lumabas ang salitang pagsamba sa halos kalahati ng Bagong Tipan; ito’y sa aklat ng mga Ebanghelyo. Ipinapakita rito na si Jesus ang Siyang ganap na katuparan ng pagsamba. Tinupad Niya ang pagsamba sa dalawang kaparaanan.
(1) Sa Kanyang pagkatao, naging huwaran si Jesus ng pagsamba.
(2) Sa Kanyang pagkaDiyos, si Jesus ay sinamba.
Sa Kanyang Pagkatao, si Jesus ay naging Dakilang Huwaran ng Pagsamba
Ipinamuhay ni Jesus ang huwaran ng tunay na pagsamba. Sinabi Niya sa babaeng Samaritana na ang Diyos ay naghahanap ng mga mananambahang sumasamba sa espiritu at katotohanan (Juan 4:24). Sa Kanyang sariling gawi ng pagsamba (gaya ng pagbabasa ng Biblia, pananalangin, pagdalo sa sinagoga at Templo), ipinakita ni Jesus kung ano ang ibig sabihin ng pagsamba sa espiritu at katotohanan.
Kinaluluguran ni Jesus ang Lugar-Panambahan
Sa aklat ng ebanghelyo ni Lukas, ipinakita niya ang kasiyahan ni Jesus sa lugar ng pagsamba. Kahit noong Siya’y bata pa lang, alam na ni Jesus na ang Templo ay bahay ng Kanyang Ama (Lukas 2:41-49). Masigasig Siya para sa kadalisayan ng pagsamba sa Templo; dalawang ulit Niyang itinaboy ang mga taong umaabuso rito.[1]
Sa pagsimula ng Kanyang publikong ministeryo, si Jesus ay pumunta sa isang sinagoga sa Nazareth sa araw ng Sabbath, ayon na rin sa Kanyang kinagawian (Lukas 4:16). Sa buong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, Siya’y madalas bumisita sa mga sinagoga.
Tinanggihan ni Jesus ang pagsamba sa sinumang tao o alinmang bagay, kundi ang Diyos lamang.
Noong Siya’y nasa ilang, tinanggihan ni Jesus ang tukso ng Diyablo hinggil sa huwad na pagsamba.
Basahin ang Mateo 4:9-10.
Ang tuksong sambahin ang isang nilalang sa halip na ang Maylalang ay laging paksa na mababasa sa Banal na Kasulatan. Ito ang ugat ng idolatria sa Lumang Tipan. Sa aklat ng Pahayag ay ipinakita ang pagkakaiba ng pagsamba sa dragon at halimaw, kumpara sa pagsamba sa Diyos at sa Kordero. Tinanggihan ni Jesus na sambahin ang isang nilalang.[2]
Kaugalian ni Jesus na laging manalangin.
Mahalaga ang panalangin sa buong panahon ng ministeryo ni Jesus. Labing limang beses na naiulat sa aklat ng mga Ebanghelyo na si Jesus ay nanalangin. Sa ilang mga okasyon, Siya ay nanalangin ng magdamag at mag-isa sa Kanyang Ama. Bago Niya hirangin ang labin-dalawang apostol, Siya’y gumugol muna ng magdamag sa panalangin (Lukas 6:12). Sa Kanyang huling sandali sa piling ng Kanyang mga alagad, Siya’y nanalangin para sa kanila at para sa lahat na mananampalataya sa Kanya (Juan 17). Bago Niya dadanasin ang krus, pumunta Siya sa Gethsemane upang manalangin (Mateo 26:36-42). Ang panalangin ay mahalaga sa buhay-pagsamba ni Jesus.
Ipinaliwanag ni Jesus ang tunay na pagsamba.
Dagdag sa Kanyang pagiging huwaran sa gawi ng pagsamba, madalas ring magturo si Jesus tungkol sa pagsamba. Tinuruan Niya ang babaeng Samaritana tungkol sa tunay na pagsamba. Nagbigay Siya ng modelo para sa pagdarasal ng Kanyang mga alagad, at gumamit Siya ng mga talinghaga sa pagtuturo ng panalangin (Lukas 11:5-8; Lukas 18:1-14).
► Basahin ang Lukas 11:1-4.
Ipinapakita ng modelo ng pananalangin ni Jesus na ang pagdarasal ay dapat na mula sa puso ng pagsamba. Ang panalangin ay nagsisimula sa katagang, “Sambahin nawa ang ngalan Mo.” Ang pagsamba ay pagbibigay ng karangalan. Sa panalangin, kinikilala natin ang kabanalan ng Diyos.
Sinaway ni Jesus ang huwad na pagsamba.
Kung ang tunay na pagsamba ay sa espiritu at katotohanan, ang huwad na pagsamba ay anumang bagay na taliwas rito. Hindi kinalugdan ni Jesus ang:
(1) Mapagpaimbabaw o Hipokritong pagsamba
Sa Sermon sa Bundok, nagbabala si Jesus na posibleng gawin ang mga tamang bagay ngunit dahil sa mga maling dahilan. Ang pagbibigay sa mga mahihirap, ang pananalangin, at pag-aayuno ay mga aspeto ng pagsamba. Subalit nagbabala si Jesus sa mga gumagawa nito na ang layunin ay pahangain ang iba; sila’y mga mapagpaimbabaw o hipokrito (Mateo 6:1-18). Ang pagsamba ng tunay na mananambahan ay mula sa hangaring sambahin ang Diyos lamang.
Sa Mateo 23, hinatulan ni Jesus ang mga relihiyosong pinuno na nagtuturo ng mga tamang bagay tungkol sa pagsamba, subalit ang puso’y malayo sa Diyos. Ayon kay Jesus, tama ang kanilang tinuturo, subalit may mali sa kanilang puso; sila’y mga mapagpaimbabaw.
(2) Legalistikong Pagsamba
Mapanganib ang hipokritong pagsamba; ito ay pagsamba na ang layunin ay magpasikat sa mga tao sa halip na magbigay lugod sa Diyos. Mapanganib din ang legalismo; ito ay pagsamba na ang layunin ay makamtan ang pabor ng Diyos sa pamamagitan ng pagtupad sa mga hinihinging tuntunin. Kung ang layunin natinay makuha ang pabor ng Diyos sa pamamagitan ng ating pagsamba, nawawala natin ang realidad ng tunay na pagsamba. Kapag ganito ang mangyayari, ang pagsamba ay magiging sariling pagsisikap na makamit ang biyaya ng Diyos, sa halip na pagdiriwang sa Kanyang kabutihan.
Nasaktan ang kalooban ng mga relihiyosong pinuno ng nilabag ni Jesus ang kanilang mga tradisyon.[3] Subalit, hindi naman nilabag ni Jesus ang kautusan o kahit ang diwa ng kautusan; ang nilabag Niya’y ang tradisyon na itinatag ng mga legalistikong Pariseo. Para sa mga Pariseo, ang kanilang tradisyon ay kasinghalaga ng kautusan. Naniniwala sila na sa pamamagitan ng pagtupad sa kautusan ay makakamtan nila sa Diyos ang biyaya at pagpapala. Ito ang kahulugan ng legalismo: ang pagtatangkang kamtan ang biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pagtupad sa mga tuntunin. Mariing itinakwil ni Jesus ang legalismo at pagiging hipokrito.
Sa Kanyang PagkaDiyos, si Jesus ay Sinasamba
Matapos ang Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, si Jesus ay naupo sa kanan ng Diyos at tumatanggap roon ng pagsambang nauukol sa Kanya (Pahayag 5:12-14). Sinabi ni Pablo ang maluwalhatiang kalagayan na ito ni Jesus sa Filipos 2. Dahil sa si Jesus ay kusang-loob na nagpakumbaba, Siya ngayon ay itinaas na dakila at sinasamba.
Kaya siya naman ay itinaas ng Diyos, at siya'y binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan; upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod, sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa, at ipahayag ng bawat dila na si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama (Filipos 2:9-11).
Sa Mateo 18:20, si Jesus ay nagpatotoo na Siya ay karapat-dapat na sambahin. Sa tradisyon ng mga Judio, 10 miyembrong kalalakihan ang kinakailangan upang magkaroon ng pagkakatipon ng panalangin at pagsamba sa sinagoga. Subalit wika ni Jesus, “Sapagkat kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.” Sa Iglesia, ang presensya ni Jesus, hindi ang dami ng mga taong nagkakatipon ang siyang nagdidikta ng pagsamba.
Sa pamamagitan ng Kanyang mga ipinamalas na mga himala sa harapan ng maraming tao, ipinakita ni Jesus na karapat-dapat Siyang sambahin. Nang makita ng mga tao ang Kanyang mga himala, sila ay nagpuri sa Diyos, isang kilos ng pagsamba. Nang makita ng taong bayan ang Kanyang mga pagpapagaling, lahat sila ay namangha (Marcos 1:23-27).
Sa Kanyang huling hapunan sa piling ng Kanyang mga disipulo, nakisalo si Jesus sa pagdiriwang ng Paskuwa. At bagamat ang pagdiriwang na ito ay mayroong tradisyunal na kahulugan sa mga Judio, subalit binigyan ito ni Jesus ng bagong kahulugan. Wika Niya, ang tinapay ay sumasagisag sa “aking katawan na ibinibigay dahil sa inyo.” Ang kopa ay sumasagisag sa “bagong tipan sa aking dugo” (Lukas 22:19-20).
► Basahin ang Lukas 22:13-20.
Iniutos Niya na gawin ito bilang pag-alaala sa Kanya. Ang Hapunan ng Panginoon ay nakatuon kay Cristo na Siyang ganap na katuparan ng Paskuwa.
[1]Sa Juan 2:13-16 ay mababasa ang unang paglilinis sa Templo. Sa Mateo 21:12-27, Marcos 11:15-17, at Lukas 19:45-46 ay mababasa ang ikalawang paglilinis sa Templo na naganap sa huling bahagi ng ministeryo ni Jesus dito sa lupa.
[2]Si Jesus ay hindi katulad ng mga taong tinutukoy sa Roma 1:25.
[3]Mateo 12:1-14, Lukas 13:10-17, at Juan 5:8-18 at iba pa.
Biblikal na Pagsamba sa Kasalukuyan
Sinaway ni Jesus ang huwad na pagsamba. Ang Kanyang halimbawa sa tunay na pagsamba ay nagtuturo na ang pagsamba ay dapat na maging tapat, hindi pakitang tao. Ang tunay na pagsamba ay nakatuon sa pagbibigay lugod sa Diyos, hindi sa pagbibigay lugod sa mga tao.
Ito ay palagiang tukso sa mga namumuno sa simbahan. Dahil ang pangangaral at pangunguna sa pagsamba ay ginagawa sa mata ng publiko, maaari tayong matukso na gawin ito bilang pagpapakitang gilas, sa halip na pagsamba sa Diyos. Kaya kapag tayo’y nakatuon sa mga nakatinging tao, sa halip na parangalan ang Diyos, tayo ay nagpapakitang gilas sa halip na sumasamba.
Ano ang tukso sa isang pinuno na maglalagay sa kanya sa huwad na pagsamba?
Ang pagpili ng isang talata na sikat sa panlasa ng mga makikinig
Ang panalangin na higit na nangungusap sa mga nakikinig sa halip na sa Diyos
Ang pagkakaloob na tumatawag ng pansin sa kung sino ang nagbigay
Musikang humahatak ng papuri para sa musikero sa halip na sa Diyos
Ang katuruan at halimbawa ni Jesus ay nagpapaalala sa atin na ang tunay na pagsamba ay nauukol lang sa Diyos. Ang pagsamba ay tungkol sa Diyos, hindi tungkol sa atin.
Pagsusuri 1
Itanong sa sarili, “Sino ba ang napaparangalan sa aking pamumuno sa pagsamba? Ako ba ay nangangaral, umaawit, nananalangin, at nagkakaloob ng para sa kaluwalhatian ng Diyos, o ito’y para makilala ako? Ako ba talaga ay tunay na sumasamba?”
Mga Gawa: Pagsamba at Ebanghelismo
Ang pagsamba ay malapit na nakaugnay sa ebanghelismo. Ang mga di-mananampalataya ay nagiging mananambahan kapag napakinggan at tumutugon sila sa ebanghelyo. Ipinapakita sa aklat ng mga Gawa ang ugnayan sa pagitan ng pagsamba at ebanghelismo.
Ipinapakita sa Isaias 6:8 na ang pagsamba ay magbubunga ng ebanghelismo. Si Isaias, habang nasa panambahan ay nagsabi, “Narito ako, suguin Mo ako.” Kapag tayo ay tunay na sumasamba, nagkakaroon tayo ng sigasig na magbahagi ng ebanghelyo. Sa pagsamba, nakikita natin ang Diyos at sa pamamagitan ng Kanyang paningin ay nakikita natin ang tunay na pangangailangan ng ating lipunan. Ang pagsamba ay humuhubog ng mga magiging ebanghelista.
Ang pagsamba ay nagbibigay inspirasyon sa Iglesia na magbahagi ng ebanghelyo. At habang inaakay ng Iglesia ang mga di-mananampalataya tungo kay Cristo, nagkakaroon rin ng mga bagong mananampalataya na magiging mga mananambahan. Ang mga bagong mananambahan na ito ay magkakaroon rin ng sigla na ibahagi ang ebanghelyo.
Matatagpuan natin sa aklat ng mga Gawa ang daloy ng ganitong proseso. Matapos na mangaral si Pablo sa mga taga-Efeso, ang mga tao ay tumalikod mula kay Diana at mula sa pagsamba sa mga diyus-diyusang gawa ng kamay. Sila’y lumapit sa tunay na Diyos (Gawa 19:26-27). Kapag ipinapangaral natin si Cristo, may mga bagong mananampalataya na naaakay sa Kaharian ng Diyos; sila’y nagiging mga bagong mananambahan. Ang ebanghelismo ay lumilikha ng mga bagong mananambahan.
Ang Tunay na Pagsamba ay Nag-uudyok sa ating Ibahagi ang Ebanghelyo
Ang aklat ng mga Gawa ay nagsimula sa tagpo na ang mga alagad ay sumasamba. Sila ay nagkaisang italaga ang mga sarili sa pananalangin (Gawa 1:14). Ang aklat ay nagtapos sa tagpo na si Pablo ay nagbabahagi ng ebanghelyo sa Roma; kanyang “ipinangangaral ang kaharian ng Diyos at itinuturo ang mga bagay na tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo, na may buong katapangan at walang sagabal” (Gawa 28:31).
Ang pagsamba ng sinaunang mga Kristiyano ay naghatid sa kanila sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Ang panawagan kina Pablo at Barnabas ay naganap sa kalagayan ng pagsamba.
Samantalang sila'y sumasamba sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo sa gawaing itinawag ko sa kanila.” Nang magkagayon, nang sila'y makapag-ayuno na at makapanalangin at maipatong ang mga kamay nila sa kanila, ay kanilang pinahayo sila (Gawa 13:2-3).
Ang tunay na pagsamba ay nagbibigay inspirasyon sa ebanghelismo.
Ang Mabisang Ebanghelismo ay Lumilikha ng mga Bagong Mananambahan
Sa buong aklat ng mga Gawa, ang mga alagad ay laging matatagpuang nasa panambahan. Noong araw ng Pentecostes, 3,000 mga tao ang naligtas. Ang mga bagong mananampalataya na ito ay naging mga bagong mananambahan. Kanilang itinalaga ang kanilang mga sarili sa katuruan ng mga Apostol at sa pagtitipon, sa pagpipira-piraso ng tinapay, at pananalangin kasama ang Kapatiran (Gawa 2:42).
► Basahin ang Gawa 2:42-46 upang makita ang larawan ng panambahan sa sinaunang Iglesia.
Ang mga Kristiyanong Judio ay nagpatuloy sa kanilang pananambahan sa Templo. [1] Gayundin na, sila at ang mga naakay na Hentil ay sama-samang nagkakatipon rin sa sinagoga upang sumamba. Karamihan sa mga lungsod na pinuntahan ni Pablo, ang kanyang ministeryo ay sa sinagoga nagsimula at doo’y papatunayan na si Jesus ang katuparan ng mga pangako sa Lumang Tipan.[2] Ang panambahan ay idinaos rin sa kabahayan ng Kapatiran. Bahay-bahay nilang ginawa ang pagkakapatiran at pagsamba (Gawa 2:46). Sa mga liham ni Pablo ay may mga mababasa tayong pagbati sa mga simbahang idinaraos sa kabahayan ng mga kapatiran.[3] Ang paghayo at pagbabahagi ng ebanghelyo ng sinaunang Iglesia ay lumikha ng bagong komunidad ng mga mananambahan.
Ebanghelismo sa Mars Hill
Ang mensahe ni Pablo sa Mars Hill ay isang klasikong teksto na nagpapakita ng ugnayan ng ebanghelismo at pagsamba (Gawa 17:16-34). Hinarap ni Pablo sa Athenas ang isang kultura na lango sa idolatria. Dito’y ipinahayag ni Pablo ang matinding pagkakaiba ng huwad na pagsamba sa mga idolo at sa tunay na pagsamba kay Yahweh.
Ang mga taga-Athenas ay sobrang relihiyoso (Gawa 17:22)
Ang taong-bayan sa Athenas ay mga mananambahan, subalit hindi sila sumasamba sa tunay na Diyos. Ang kanilang pagsamba ay huwad. Kaya nga, patunay ito na ang pagsamba sa kanyang sarili lang ay hindi sapat, ito’y dapat na nakatuon sa tunay na pag-uukulan nito.
Ang mga taga-Athenas ay mangmang na mga mananambahan (Gawa 17:23).
Hindi nila kilala kung sino ang kanilang sinasamba. Subalit ipinahayag ni Pablo ang tunay na Panginoon na dapat nilang hanapin. Ipinangaral niya na ang Diyos ang Siyang naglagay ng pakiramdam sa mga bansa na Siya’y hanapin. Ngunit ang ginamit na kataga rito ni Pablo ay nangangahulugan ng pag-aapuhap o paghahanap sa dilim. Gayunpaman, ang pangangailangan ng puso ng tao sa Diyos ay nagbibigay sa atin ng pinto ng pagkakataon upang maibahagi ang ebanghelyo.
Ang mga taga-Athenas ay sumasamba sa mga di sapat at ganap na diyos.
Ang pagsamba kay Yahweh ay hindi nakasalalay sa kamay ng tao, na para bang kailangan Niya ang sinuman. Bagkus, Siya ang Diyos na nagkakaloob sa sangkatauhan ng kanilang buhay, hininga, at lahat na kinakailangan (Gawa 17:25). Ang pagsamba ng mga taga-Athenas ay huwad sapagkat ang kanilang diyos ay di sapat at ganap. Subalit ang tunay na Diyos ay nagbibigay buhay sa lahat; hindi Siya nangangailangan ng anuman o sinuman. Sinasamba natin ang Diyos hindi dahil kailangan Niya ang ating pagsamba kundi dahil karapat-dapat Siya.
Binigyan ni Pablo ng malaking pagkakaiba ang mga diyus-diyusan sa tunay na Diyos.
(1) Ang tunay na Diyos ay Manlilikha. Siya “ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto…Siya ang Panginoon ng langit at lupa” (Gawa 17:24). Di tulad ng mga idolong gawa lamang ng mga kamay ng tao, ang Diyos ang Siyang lumikha sa tao. Hindi Siya tulad ng paganong diyus-diyusan; (Gawa 17:18) Siya ang Manlilikha ng lahat ng bagay.
(2) Ang tunay na Diyos ay malapit. Hindi Siya malayo sa bawat isa sa atin (Gawa 17:27). Bagamat Siya ay kataas-taasan, pumasok Siya sa ating mundo at laging malapit sa Kanyang mga mananambahan.
(3) Hahatulan ng tunay na Diyos ang mga tumatangging magbalik-loob sa Kanya (Gawa 17:30-31). Ang pagsambang nasa diwa ng katotohanan ay kumikilala sa katarungan ng Diyos na hindi magpapalampas ng mga mapaghimagsik sa Kanya. Sa pagsamba, tayo ay nagpapasakop sa isang soberanong Diyos.
(4) Binuhay ng Diyos si Jesus mula sa mga patay upang ipakita na si Jesus ay karapat-dapat sa ating pagsamba (Gawa 17:31). Kusang-loob ang ginawang pagpapakumbaba ni Jesus kahit sa Kanyang kamatayan. Subalit ngayo’y matayog Siyang itinaas ng Diyos Ama “upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod, sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa, at ipahayag ng bawat dila na si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama” (Filipos 2:10-11).
Ang pangangaral ni Pablo sa mga taga-Athenas ay isang pagharap at pagbangga sa mga huwad na pagsamba. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo ng tunay na pagsamba sa Diyos na si Yahweh. Minsan pa, ang ebanghelismo ay lumilikha ng mga bagong mananambahan.
Panganib sa Pagsamba: Pagsambang walang Ebanghelismo
Maraming simbahan ang ginagawang hiwalay ang pagsamba mula sa misyon at ebanghelismo. May mga simbahang nagsasabi, “Masigasig kami sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Ang sigasig namin ay sa pag-akay ng mga ligaw na kaluluwa.” Madalas na ang mga ganitong simbahan ay hindi nagbibigay pansin sa pagsamba sapagkat nakikita nila ang sarili na ebanghelistikong simbahan. Samantala, sinasabi rin ng ibang mga simbahan, “Naniniwala kami na ang pangunahing layunin ng Iglesia ay pagsamba. Maaaring gawin ng iba ang ebanghelismo, subalit layunin ng aming simbahan ang sumamba.”
Ang aklat ng mga Gawa ay nagpapakita na ang Iglesia ay dapat na nakatalagang parehas sa pagsamba at sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Ang tunay na pagsamba ay magpapasigla sa atin na ibahagi ang Mabuting Balita. Ang mabisang ebanghelismo ay lilikha ng bagong mga mananambahan.
Hindi natin dapat ihiwalay ang pagsamba sa ebanghelismo. Ang pagsambang hindi nagpapasigla ng pagbabahagi ng ebanghelyo ay tiyak na hahantong sa pagsambang nakatuon sa sarili at bunsod lamang ng sariling inspirasyon. At sa kabilang banda, ang ebanghelismo na hindi humahantong sa pagsamba ay magbubunga ng mga Kristiyanong may mababaw na pananaw sa Diyos.
Sa biblikal na pagsamba, nagkakaroon tayo ng sariwang sigasig at sigla na ibahagi ang ebanghelyo. Tulad ni Isaias, ang ating pananaw sa Diyos ay may kalakip na kaalaman sa tunay na pangangailangan ng ating lipunan. Tulad ni Isaias, ang ating taus-pusong pagsamba sa Diyos ay uudyok sa atin na sabihin, “Narito ako! Suguin mo ako!”
Pagsusuri 2
Itanong sa sarili, “Pinapasigla ba ako ng pagsamba na ibahagi ang ebanghelyo sa mga di-mananampalataya? Mayroon ba akong maalab na pagnanasang maghatid ng mga bagong mananambahan sa Diyos?”
Ang mga Liham: Ang Pagsamba ng Sinaunang Iglesia
Hindi tulad ng Lumang Tipan na may partikular na mga tuntunin sa panambahan ng mga Judio, ang Bagong Tipan ay nagbibigay lamang ng ilang tuntunin tungkol sa buhay-pagsamba ng Iglesia.[1] Wala tayong mababasang kumpletong paglalarawan sa kung ano ang pananambahan sa Bagong Tipan. Gayunpaman, ang mga Liham nito ay kakikitaan ng mga sangkap sa panambahan ng sinaunang mga Kristiyano.
Pagbabasa ng Kasulatan
Ang pagbabasa ng Kasulatan ay mahalagang sangkap sa panambahan ng sinaunang Iglesia. Sa Colosas 4:16 at 1 Tesalonika 5:27 ay mababasa ang utos na basahin sa publiko ang mga liham ni Pablo. Sa 1 Timoteo 4:13, ipinaalala ni Pablo kay Timoteo na magbigay ng pansin sa pagbabasa ng Banal na Kasulatan sa publiko.
Mungkahi rin sa Colosas 3:16 ang halaga ng pagbabasa ng Kasulatan. Sinasabi rito na “Manirahan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo…ayon sa lahat ng karunungan.” Ipinakita naman ng salmista na ang mapalad na tao ay siyang nalulugod at nagbubulay sa Kautusan ng Diyos (Awit 1:2). Sa madaling salita, ang ating publikong panambahan ay dapat na kakitaan ng mataas na pagpapahalaga sa Banal na Kasulatan.
Pangangaral ng Salita
Kaalinsabay sa pagbabasa ng Banal na Kasulatan, tungkulin ng isang pinuno ng simbahan na ipangaral ang Salita ng Diyos (2 Timoteo 4:1-4, Tito 2:15). Mula pa sa panahon ni Ezra, ang mga eskriba ang siyang nagpapaliwanag ng Kasulatan para sa mga tao. Binabasang malinaw nina Ezra at ng kanyang mga kasamahan ang aklat ng Kautusan ng Diyos, at ipinapaliwanag ang mga ito, para maunawaan ng taong-bayan ang kanilang napakinggan (Nehemias 8:8). Ipinagpatuloy sa mga sinagoga ng Judio ang ganitong kaugalian (Gawa 13:14-15). Ang pagbibigay ng maayos na paliwanag sa Kasulatan ang siyang pundasyon ng pangangaral sa sinaunang Iglesia.
Ang mga sermon sa aklat ng mga Gawa ay nagpapakita ng nilalaman ng pangangaral noong sinaunang Iglesia.[2] Ilan sa mga mahahalagang paksa na nakapaloob sa kanilang mga sermon ay ang mga sumusunod:
Si Jesus ang Siyang katuparan ng mga propesiya sa Lumang Tipan.
Si Jesus ay gumawa ng mga tanda at kababalaghan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
Si Jesus ay ipinako sa krus at muling nabuhay mula sa mga patay.
Si Jesus ay kataas-taasan at Panginoon.
Ang mga nakikinig ay dapat na magsisi sa kanilang mga kasalanan at magpabautismo.
Publikong Panalangin
Ang publikong panalangin ay isang mahalagang sangkap sa panambahan ng sinaunang Kristiyano (1 Timoteo 2:1-3). Maraming iskolar ang naniniwala na ang mga isinulat na panalangin ni Pablo sa kanyang liham ay ginamit sa publikong panambahan. Ang “Amen” ng kongregasyon ay nagpapahiwatig ng kanilang pagsang-ayon sa panalangin.[3]
Awitin
Ang pag-awit ay mahalaga sa panambahan sa Templo, na hanggang sa panahon ng sinaunang Iglesia ay nagpatuloy ang mahalagang gampanin. Kaalinsabay sa mga Salmo na hango sa panambahan ng mga Judio, ang mga Kristiyano ay mayroong panibagong himno na nagbibigay papuri kay Jesus bilang Mesiyas. Ito ay ipinapahiwatig sa Efeso 5:19 at Colossas 3:16. Itinuturing ng mga iskolar ng Biblia na ang Filipos 2:5-11 ay isang sinunang himno ng mga Kristiyano. Gayundin ang awit ni Maria sa Lukas 1:46-55 at ang panalangin ni Simeon sa Lukas 2:29-32 ay maaaring inaawit sa panambahan ng mga Kristiyano.
Paghahandog
Sa ilang okasyon, ang paghahandog ay bahagi ng publikong pagsamba. Matutunghayan sa 1 Corinto 16:2 at 2 Corinto 9:6-13 ang alintuntuning bigay sa Iglesia sa Corinto hinggil sa paglikom ng mga handog na itutulong para sa mga naghihirap na Kristiyano sa Jerusalem.
Bautismo at Hapunan ng Panginoon
Ang ordinansiya ng bautismo at ng Hapunan ng Panginoon ay bahagi ng panambahang Kristiyano. Sumulat si Pablo ng pagtutuwid sa abusong ginawa ng mga taga-Corinto hinggil sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon. Sa halip na ito’y maging paggunita sa sakripisyo ni Cristo, ito’y tila naging pistahan. Nagbabala si Pablo sa kahalagahan ng Hapunan ng Panginoon. Ang komunyon ay paggunita ng isang Kristiyano sa isang napakabanal na pangyayari; hindi ito dapat maliitin at paglaruan.[4]
Maliban sa mga nabanggit na sangkap ng pagsamba, wala na tayong iba pang alam hinggil sa panambahan ng sinaunang Kristiyano. Ang mga liham ng mga Apostol sa Bagong Tipan ay walang ibinibigay na malinaw at partikular na ayos at lugar ng publikong panambahan ng sinaunang Iglesia. At dahil sa iba’t ibang relihiyoso at kultura na pumapalibot sa sinaunang Iglesia, maaaring ang publikong panambahan ay may pagkakaiba batay sa lugar na kanilang kinalalagyan. Ang panambahan ng mga Kristiyanong Judio ay maaaring may pagkakahawig pa rin sa panambahan sa sinagoga. Subalit ang mga Kristiyanong Hentil na hindi pamilyar sa gawi ng mga Judio ay maaaring may ibang pamamaraan ng pagsamba. Gayunpaman, nananatiling malinaw na ang panambahan ng sinaunang Iglesia ay bininigyang diin sa Banal ang Kasulatan at sa pangangaral at pagtuturo ng Salita ng Diyos.
[1]Karamihang nabanggit rito ay hango sa turo nina Franklin M. Segler at Randall Bradely, sa kanilang libro na Christian Worship: Its Theology and Practice. (Nashville: B&H Publishing, 2006), Chapter 2.
[2]Ang mga mahahalagang sermon sa aklat ng mga Gawa ay matatagpuan sa Gawa 2, 7, 10, 17.
[3]Ang 1 Corinto 14:16 ay nakabatay sa ganitong kinagawian.
Sa maraming simbahan, ang pagbabasa ng Biblia sa publiko ay tila madalang na. Karaniwan na lamang ngayon sa mga ebanghelikal na simbahan na magbasa ng ilang mga talata sa oras ng panambahan. Subalit, ang Banal na Kasulatan ay dapat na maging prayoridad natin sa pagsamba. Sa pamamagitan ng mga awiting nakabatay sa Biblia, pagbabasa ng Biblia, at sermon na may maingat na pagpapaliwanag sa Biblia, tayo ay makikilala bilang “komunidad na maka-Biblia.” Dapat nating panatilihin ang Biblia na sentro ng ating panambahan.
Pagsusuri 3
Itanong sa sarili, “Ang akin bang pagsamba ay kinapapalooban ng mga sangkap na matatagpuan sa panambahan ng sinaunang Iglesia?”
Ang Aklat ng Pahayag: Pagsamba bilang Adorasyon
Ang paksa ng pagsamba ay sentro na mensahe sa aklat ng Pahayag.
Si Juan ay nasa Espiritu ng marinig niya ang tinig ng Alpha at Omega sa araw ng Panginoon (Pahayag 1:10).
Isa sa pangunahing paksa ng aklat ng Pahayag ay ang pagbibigay ng malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga mananambahan ni Yahweh at ng mga mananambahan ng halimaw.
Ang aklat ng Pahayag ay makikita ang pangako na susupilin ng Diyos ang Kanyang mga kaaway at ang lahat ng bansa ay lalapit at sasamba as Kanya (Pahayag 15:4).
[1]Para maunawaan ang pagsamba sa Pahayag, makakakatulong sa ating maunawaan ito kung ating susuriin ang historikal na tagpo ng aklat ng Pahayag. Noong panahong iyon, ang mga Kristiyano ay humaharap sa dalawang magkalabang pahayag. Una, nananalig sila na si Jesu-Cristo ay Panginoon (Filipos 2:11). Ang pagsampalataya kay Cristo ay nangangahulugan ng pagtatalaga ng buhay sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan at pagka-Panginoon. Subalit sa kabilang banda, hinihingi ng emperyong Roma na ipahayag ng kanyang mga nasasakupan na si Caesar ay panginoon at diyos.
Isang napakahirap na bagay para sa mga Kristiyano noong panahong iyon na italaga ang kanilang buhay maliban sa Diyos. Ang pinakaugat ng alitan sa pagitan ng Roma at ng sinaunang mga Kristiyano ay, “Sino ang karapat-dapat sa aming pagsamba?” Iyan mismo ang tagpo at kalagayan na kinapalooban ng katagang “Si Jesus ay Panginoon” sa aklat ng Pahayag. Kaya’t kahit sa gitna ng lipunan na hindi kumikilala sa kapamahalaan ni Jesus, si Jesus ay Panginoon pa rin. Siya ay karapat-dapat pa rin ng pagsamba. Ang aklat ng Pahayag ay nagbibigay sa atin ng ganitong larawan ng tunay na pagsamba.
Ang Kaibahan ng Makalangit na Pagsamba sa Sablay na Pagsamba
Ang aklat ng Pahayag ay nagsimula sa pamamagitan ng mensahe sa pitong Iglesia sa Asia Minor. Ang Asia Minor ay lugar na katatagpuan ng malakas na paniniwala at pagsamba sa emperador. Matatagpuan sa mga lungsod nito ang mga templong itinalaga para sa emperador. Sa madaling salita, ang pagsamba sa emperador ay laganap sa buong lalawigan.
Ang mensahe sa pitong Iglesia ay nagpapakita ng kabiguan sa pagsamba ng ilang mga simbahan. Bagamat ang pitong Iglesia na nabanggit ay sumasamba sa Diyos, lima sa kanila ang sinaway ng Panginoon. Ang pagsaway ng Panginoon ay dulot ng kanilang kabiguan na sambahin ang Diyos sa nararapat na paraan.
(1) Ang kakulangan ng pagmamahal ay hadlang sa tunay na pagsamba. Maraming nagawa na magagandang bagay ang Ephesus, subalit nakalimutan nila ang kanilang unang pagibig. Ang kawalang-gana sa pagsamba ay maaaring sinyales na nanlamig ang ating pagmamahal sa Diyos na ating sinasamba.
(2) Ang maling katuruan ay hadlang sa tunay na pagsamba. Ang Pergamum at Thyatira ay kapwa naging mapagwalang bahala sa maling doktrina. Ang ganitong panganib ay makikita rin sa mga simbahan ngayon na higit na nagpapahalaga sa mga tinaguriang tanda at kababalaghan kaysa sa biblikal na katuruan.
(3) Ang patay na gawa ay hadlang sa tunay na pagsamba. Ang lungsod ng Sardis ay dalawang ulit na natalo sa digmaan ng dahil sa mga tulog na mga tagapagbantay na hindi nakita ang paparating na mga kaaway.[2] Binalaan ni Juan ang simbahan sa Sardis na natutulog sapagkat ang kanyang tiwala ay nakasalig sa kanyang sariling-gawa. Ang makakatagpo ang Diyos sa pagsamba ang siyang ay gigising sa simbahan ng Sardis mula sa kanyang pagkakahimbing.
(4) Ang kakulangan ng sigasig ay hadlang sa tunay na pagsamba. Ang Laodicea ay nagpakita ng maligamgam na diwa na madalas mangyari sa isang simbahan sa panahon ng kaginhawahan. Ang kanilang kawalang-sigla ay dulot ng kanilang kayamanan at tiwala sa sarili. Ang tunay na pagsamba ay laging magpapaalala sa atin na ang tiwala ay dapat na sa Diyos lamang.
Ang Makalangit na Pagsamba ay Nakatuon sa Diyos
Ang Pahayag 4-5 ay nagpapakita ng makalangit na panambahan na nakatuon sa Diyos at sa Kanyang kaluwalhatian. Ang mga mananambahan sa langit ay sumasamba sa Haring Walang Hanggan at sa Korderong Muling Nabuhay.
Ano kaya kapag sasabihin ng isang anghel kay Juan, “Mayroon bang bagay na maaari naming baguhin upang higit na maging komportable ang inyong panambahan?” Siyempre, wala! Ang pagsamba ay tungkol sa Diyos, hindi tungkol sa atin. Bagamat ang pagsamba ay naghahatid ng pagpapala sa mananambahan, hindi ito angpangunahing layunin ng pagsamba. Ang layunin ng pagsamba ay ang parangalan ang Diyos. Ang mga mananambahan na nakapaligid sa trono ng Diyos ay umawit ng isang himno ng papuri sa Diyos:
“Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Hari ng mga bansa. Sinong hindi matatakot at luluwalhati sa iyong pangalan O Panginoon, sapagkat ikaw lamang ang banal. Ang lahat ng mga bansa ay darating at sasamba sa harapan mo; sapagkat ang iyong mga matuwid na gawa ay nahayag” (Pahayag 15:3-4).
Ang makalangit na pagsamba ay nagaganap sa presensya ng Diyos. Mula ng pinalayas sa hardin sina Adan at Eba sa Hardin, ang tao ay nahiwalay sa Diyos. Subalit sa langit, ang pagsambang walang bahid ng kasalanan ay muling magaganap sa harapan ng presensya ng Diyos.
“Masdan ninyo, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao. Siya'y maninirahang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Ang Diyos mismo ay makakasama nila, at siya'y magiging Diyos nila" (Pahayag 21:3).
Ang Makalangit na Pagsamba ay Naghahayag ng Tunay na Realidad
Noong isinulat ni Juan ang aklat ng Pahayag, siya’y ipinatapon sa isang isla sa Patmos. Samantala, ang mga Kristiyano naman sa iba’t ibang dako ng emperyong Roma ay dumaraan sa mahigpit na pang-uusig. Sa makalupang pananaw, ang kanilang kinabukasan ay tila malabo at madilim. Subalit, ang aklat ng Pahayag ay nagpakita ng makalangit na pananaw gamit ang mga kaganapan sa lupa.[3]
Dito sa lupa, isang bahagi lamang ng kasaysayan ang ating nakikita. Madalas nating isipin na ang mga bagay na nakapaligid sa atin dito ang siyang tunay at ganap na realidad. Kaya’t ang pananaw tungkol sa pagsamba at sa kalangitan ay tila malayo sa tunay na hirap na nararanasan natin dito sa daigdig. Subalit ang mga pasulyap na tagpo ng panambahan sa kalangitan na ating matatagpuan sa Pahayag 4, 5, at 15 ay nagpapakita ng isang tunay na daigdig na higit pa dito sa lupa.
Para sa mga manggagawang Kristiyano, ang aklat ng Pahayag ay naglalaman ng mga mahahalagang paalala na ang paghihirap natin sa kasalukuyang daigdig ay pansamantala lamang. Ang pagsamba ay hindi lingguhang pagtakas sa realidad; bagkus, ipinapakita ng pagsamba ang realidad na ayon sa pananaw ng Diyos. Ito ang siyang bumabago ng ating pananaw sa mundong ating ginagalawan. Sa aklat ng Pahayag, sinasabi sa atin ng Diyos, “Ang tunay na anyo ng mga bagay-bagay ay di nakabatay sa panlabas na nakikita. Ang lahat ng bagay ay nasa ilalim pa rin ng aking kontrol. Hindi kailanman nagwagi si Satanas at ang kasamaan. Masdan mo ang aking ibinukas na pinto at sulyapan ang namamayaning realidad na aking ipinapakita. Ako pa rin ang Siyang nasa trono at ang naghahari sa lahat.”[4]
Hayaang aming mamasdan ang dakilang kaligtasan; ang perpektong pagkaka-ugnay sa Iyo lamang:
Pagbabago nami'y mula sa kaluwalhatian tungo sa luwalhati,
Hanggang kami ay makarating sa langit. Doo'y puspos ng pagkamangha, pagsinta, at
papuri kaming magpapatirapa,
taglay ang mga awitin at koronang Ikaw ang dinadakila.”
Charles Wesley
[2]Ito ay nangyari noong sumalakay si Cyrus taong 547 B.C. at noong sumalakay si Antiochus III taong 214 B.C
[3]Halimbawa: 6:1-7:8 ay sa lupa; 7:9-8:6 ay sa langit. 8:7-11:14 ay sa lupa; 11:15-19 ay sa langit.
[4]David Jeremiah. Worship. (CA: Turning Point Outreach, 1995), 72
Biblikal na Pagsamba sa Kasalukuyan
“Siya ay muling nabuhay!” “Siya ang Panginoon!” Ang mga pahayag na iyan ay sentro sa ating pagsamba. Ang muling pagkabuhay ang nagpatibay ng katotohanang si Jesus ang Panginoon (Roma 1:4).
Para sa sinaunang Iglesia, ang bawat Linggo ay pagdiriwang sa Muling Pagkabuhay; bawat Linggo ay itinuturing na Linggo ng Pagkabuhay. Ang mga Kristiyano ay hindi nag-aayuno tuwing araw ng Linggo kundi nagdiriwang.
Ang ating pagsamba ngayon ay dapat na isang pagdiriwang. Totoo na dapat na mayroong taimtim na pagdulog sa presensya ng Kataastaasang Diyos. Subalit hindi dapat mawala ang masayang pagdiriwang na si Jesus ay Panginoong Muling Nabuhay. Ang ating panambahan ay dapat na maglaan ng pagkakataon para sa pagdiriwang.
Sangkap sa pagsamba ang mga awit ng papuri at mga patotoo hinggil sa pagkilos ng biyaya ng Diyos sa buhay ng mga mananampalataya. Ang isang simbahan sa Nigeria ay puno ng pagdiriwang kapag sila’y nagbibigay ng mga handog. Batid nila ang ligayang hatid ng Muling Pagkabuhay. Kaya nga, sa pagsamba, dapat tayong maglaan ng pagkakataaon na maipagdiriwang ang tagumpay na nakamit natin sa pamamagitan ni Cristo laban sa kamatayan.
Pagsusuri 4
Itanong sa sarili, “Ang pagsamba ko ba ay pagdiriwang o pagtupad lamang sa tungkulin? Ako ba’y may galak na sumasamba, o dumadalo lang sa simbahan sapagkat tungkulin ko ito bilang Kristiyano?”
Pagsasabuhay 1
Maglaan ng panahon na pagbulayan ang Diyos na ating sinasamba. Bulayin ang sinasabi ng Biblia tungkol sa Kanya.
Siya ang Inialay na Kordero, ang Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon!
[1]Ito ay hango kay Vernon Whaley, Called to Worship. (Nashville: Thomas Nelson, 2009), 331-333.
Konklusyon: Patotoo ni Apostol Juan
“Ang pangalan ko ay Juan. Ang buhay ko ay binago ng pagsamba. Simula noong makilala ko si Jesus ng Nazareth, ako ay naging isang mananambahan.
“Naroon ako sa Bundok ng Pagbabagong-Anyo. Narinig namin roon ang tinig na mula sa langit at nasaksihan ang Kanyang kaluwalhatian habang nagpapatirapa kami at sinisidlan ng matinding takot (Mateo 17:6). Ang pagsamba namin ay di perpekto. Ang naging asal at kilos namin noong Linggo ng Kanyang Pagdurusa ay nagpapakita lang na hindi namin naunawaan ang nakita namin doon sa Bundok.
“Naroon rin ako sa bundok ng Galilea nang magpakita si Jesus sa amin matapos ang Kanyang muling pagkabuhay. Kami ay sumamba, bagamat may ilan na nag-aalinlangan (Mateo 28:17). Ang pagsamba namin ay di perpekto. Alam na namin na Siya’y muling nabuhay, subalit hindi namin nauunawaan ang kabuluhan niyon.
“Naroon rin ako na kasama ng Kapatiran sa itaas ng bahay, habang sama-sama kaming nananalangin (Gawa 1:14). Habang kami ay sumasamba, ang Banal na Espiritu ay dumating sa amin. Nang sandaling iyon, ang aming pagsamba ay naging pampasigla na ibahagi ang ebanghelyo. Humayo kami hatid ang ebanghelyo sa Jerusalem, Judea, Samaria, at sa iba’t ibang panig ng mundo.
“Habang ako ay lagalag sa Patmos, naranasan ko roon isang araw ng Linggo ang mapasa Espiritu. Narinig ko sa aking likuran ang malakas na tinig na tulad sa isang trumpeta. Iyon ang tinig ng Alpha at Omega, ang simula at ang wakas. (Pahayag 1:10-11)
“Naroon rin ako ng buksan ng Diyos ang pintuan ng langit at ipinahintulot Niyang masulyapan ko ang panambahang nagaganap sa palibot ng Kanyang trono.
“Alam kong ako ay mananahan magpakailanman sa bagong Jerusalem; isang lungsod na bababa mula sa langit (Pahayag 21:2). Sa lungsod na iyon, ang ating pagsamba ay magiging perpekto sapagkat masisilayan natin roon ng mukhaan ang ating sinasamba. Sa langit, “ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao. Siya'y maninirahang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Ang Diyos mismo ay makakasama nila, at siya'y magiging Diyos nila” (Pahayag 21:3).
“Ako si Juan at malugod kong gugugulin ang walang hanggan sa pagsamba sa aking Diyos at Manunubos!”
Pagsasabuhay 2
Bago mo iwan ang araling ito, maglaan ka ng panahon upang sumamba. Basahin mo ang awit ng pagsamba sa Pahayag 4, 5, at 15, o kaya ang Awit 19. Umawit ka ng papuri sa Diyos. Manalangin ka ng may pagsamba sa Diyos. Makinig ka sa Kanya. Maglaan ka ng oras na talagang sambahin mo ang Diyos.
Tatalakayin ng Grupo
► Para sa praktikal na pagsasabuhay ng araling ito, talakayin ang mga sumusunod:
Si Tim ay pastor ng simbahang masigasig sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Bawat buwan ay mayroong bina-bautismuhan na bagong mga miyembro. Iyon ay masayang sandali para sa simbahan.
Subalit, nababahala si Tim na ang simbahan ay walang tunay na pagsamba sa Panginoon. Madalas na ang pangangaral ay nakatuon sa mga di-mananampalataya at sa mga bagong akay. Alangan siyang magpa-awit ng mga himno sapagkat hindi alam ng mga baguhan ang mga awiting ito. Nababahala si Tim na ang kanyang simbahan ay lalago sa bilang subalit magiging mababaw sa espirituwalidad. Hangad niyang ituon ang simbahan sa tunay na pagsamba. Talakayin kung ano ang pwedeng gawin ni Tim upang mapanatili ang sigasig sa ebanghelismo ngunit nabibigyan pansin rin ang paglago ng simbahan sa tunay na pagsamba.
Aralin 4, Pagbabalik Aral
(1) Ipinapakita sa aklat ng mga Ebanghelyo na ang pagsamba ay natupad kay Jesu-Cristo:
Nagbigay si Jesus ng modelo ng pagsamba.
Tinanggihan ni Jesus ang tukso ng huwad na pagsamba.
Nagbigay halimbawa si Jesus sa kahalagahan ng panalangin.
Si Jesus ay sasambahin magpakailanman.
(2) Ang aklat ng mga Gawa ay nagpapakita ng ugnayan sa pagitan ng pagsamba at ebanghelismo.
Ang tunay na pagsamba ay nagbibigay inspirasyon sa ebanghelismo.
Ang mabisang ebanghelismo ay gumagawa ng mga bagong mananambahan.
Ang pagsambang hindi humahantong sa ebanghelismo ay matutuon sa sarili.
(3) Ang mga Liham sa Bagong Tipan ay nagpapakita ng mga mahahalagang sangkap ng pagsamba ng sinaunang Iglesia. Ang mga ito ay mga sumusunod:
Pagbabasa ng Kasulatan
Pangangaral ng Salita
Publikong Panalangin
Awitin
Paghahandog
Bautismo
Hapunan ng Panginoon
(4) Makikita sa aklat ng Pahayag na ang pagsamba ay adorasyon sa Diyos.
May pagpapalang hatid ang pagsamba sa mananambahan, subalit hindi ito ang pangunahing layunin ng pagsamba.
Ang pangunahing layunin ng pagsamba ay ang parangalan ang Diyos.
Ang pagsamba sa langit ay nagpapaalala sa atin na ang mundong ating nakikita ngayon ay hindi ang ganap na realidad.
Aralin 4, Takdang Aralin
(1) Magbigay ng tatlong prinsipyong natutunan mo mula sa aralin na ito tungkol sa pagsamba. Sa bawat prinsipyo, magbigay ng maikling pangungusap na nagpapakita ng paraan kung paano ito maisasabuhay sa inyong simbahan.
(2) Sa pasimula ng susunod na aralin, magkakaroon kayo ng pagsusulit batay sa araling ito. Pag-aralang mabuti ang mga tanong bilang iyong paghahanda.
Aralin 4, Pagsusulit
(1) Magbigay ng tatlong paraan na isinabuhay ni Jesus ang tunay na pagsamba.
(2) Ano ang ipinapaalala sa atin ng mga katuruan at halimbawa ni Jesus tungkol sa tunay na pagsamba?
(3) Ano ang dalawang pangungusap na binubuod ang ugnayan ng pagsamba at ebanghelismo?
(4) Paano inilarawan ang huwad na pagsamba sa Athenas, na mababasa sa Gawa 17?
(5) Paano inilarawan ang tunay na Diyos sa Gawa 17?
(6) Magbigay ng limang sangkap sa panambahan ng sinaunang Iglesia ayon sa sinasaad ng mga Liham sa Bagong Tipan.
(7) Magbigay ng dalawang hadlang sa pagsamba na nakita sa mga simbahan sa Asia Minor.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.