Maunawaan na ang tunay na pagsamba ay sumasakop sa bawat bahagi ng buhay.
Makita ang uri ng pagsamba na kalugod-lugod sa Diyos.
Kilanlin ang kahalagahan ng pagsamba sa buhay Kristyano.
Paghahanda sa Araling ito
Isaulo ang Juan 4:23-24
Pambungad
Umaga ng Linggo sa Amerika. Ang mga Kristyano ay buong gayak na nagbihis patungo sa kanilang napakagandang simbahan. Sila’y umawit ng mga sikat na himno sa saliw ng napakagandang tunog ng organ at mahusay na choir. Mayroong orkestra habang inaabot nila ang kanilang mga handog. Ang mga mananambahan ay tahimik na nananalangin habang ang kanilang pastor ay patayo upang manguna sa panalangin. Habang nangangaral ng sermon, ang pastor ay nagbabasa ng mga mahusay na pangungusap mula sa mga dakilang may akda, na ang mga libro ay matatagpuan sa kanyang malaking silid-aralan. Matapos ang sermon, ipinagdiwang ang komunyon gamit ang isang makinang na pilak na lagayan, mamahaling mga sisidlan at tinapay. Ito ay pagsamba.
Linggo ng umaga sa Tsina. 30 mananampalataya na simple lang ang mga pananamit ay nagkatipon sa isang apartment. Umawit sila ng mga papuring awitin at himno kahit walang tugtog ng instrumento. Ang tagapamuno ay nagbahagi ng isang katotohanan na mula sa kanyang kababasa pa lang na talata sa kasulatan. Sa kanilang mahabang pagdarasal, ipinanalangin nila ang pangangailangan ng bawat isa. Sa kanilang pag-alis, tahimik na inilagay ng bawat isa ang kanilang mga handog sa isang basket na nakasabit sa pintuan. Ang mga nalikom na handog ay gagamitin para sa kapatirang may higit na pangangailangan. Ito ay pagsamba.
Umaga ng Linggo sa Nigeria. Ang mga Kristyano roon ay nakabihis ng mga makukulay na damit upang dumalo sa isang masigla at masayang panambahan. Ang mga mang-aawit ay sinasabayan ng masiglang tunog ng gitara, keyboard, at tambol, habang ang mga awitin ay nakapaskil gamit ang projector. Ang banda ay umaawit at tumutugtog habang inaabot ng mga miyembro ang kanilang mga handog sa isang box na nasa harapan ng simbahan. Ang sermon ay praktikal at napapanahon sa pangangailangan ng lipunan sa Nigeria. Nagtapos ang panambahan sa pamamagitan ng kamayan, yakapan, at masayang pagdiriwang. Ito ay pagsamba.
Ang pagsamba ay may iba’t ibang anyo. Sa bawat bansa at kultura, ang panambahan ay may pagkakaiba. Ang pagsamba ay higit pa sa isang partikular na uri ng pananambahan. Ang totoo niyan, ang pagsamba ay higit pa sa serbisyo; ang pagsamba ay sumasakop sa lahat ng bahagi ng buhay Kristyano. Sa araling ito, titingnan natin ang biblikal na kahulugan ng pagsamba.
► Basahin ang Juan 4:1-29. Talakayin kung ano ang ibig sabihin ng pagsamba sa espiritu at katotohanan.
Aspeto ng Biblikal na Pagsamba
Ang pagsamba ay pagkilala at pagparangal sa kahalagahan ng Diyos. Ito’y pagbibigay ng nararapat sa Diyos.
► Sa ibaba ay mababasa ang tatlong pagpapakahulugan sa pagsamba. Isaulo mo ang kahulugan na kapansin-pansin sa iyo.
“Ang pagsamba ay pinakamamamahal na tugon ng tao sa Walang Hanggang Diyos.” – Evelyn Underhill
“Ang pagsamba ay pag-aabot ng ating puso sa Diyos bilang ating kusang-tugon sa Kanya.” – Franklin Segler
“Ang pagsamba ay tugon ng ating buong pagkatao sa kung sino ang Diyos.” – Warren Wiersbe
Ang Pagsamba ay Magalang na Pagpapasakop
Sa Biblia, ang salitang Hebreo at Griego para sa salitang “pagsamba” ay may ideya ng pagyukod sa harapan ng Diyos. [1] Ito’y nagpapahiwatig ng mapagpakumbabang pagpapasakop bilang sangkap ng pagsamba. Ang pisikal na kilos na pagyuko at pagluhod ay sumasalamin sa pagpapakumbaba ng puso. Noong ikalawang siglo, ang mga Kristyano ay mapitagang lumuluhod habang sila’y nananalangin.
Sa Pahayag 4:10-11, nasaksihan ni Juan ang pagsambang naganap sa langit.
Ang dalawampu't apat na matatanda ay nagpapatirapa sa harapan ng nakaupo sa trono, at sumasamba doon sa nabubuhay magpakailanpaman; at inihahagis nila ang kanilang mga korona sa harapan ng trono, na nagsasabi, “Karapat-dapat ka, O Panginoon at Diyos namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan, sapagkat nilikha mo ang lahat ng mga bagay at dahil sa iyong kalooban ay nabuhay sila at nalikha.”
Noong unang panahon, kapag ang isang nagaping hari ay dinala sa harapan ni Caesar, ang haring iyon ay inuutusang itapon ang kanyang korona sa paanan ni Caesar at lumuhod bilang pagsuko. Ipinakita ni Juan na ang Diyos, na higit na makapangyarihan kaysa kay Caesar, ay karapat-dapat sa ating pagpapakumbaba at pagpapasakop.
Sa Lumang Tipan, hindi kinalulugdan ng Diyos ang handog ng mga mapanghimagsik, “Ang bayang ito ay lumalapit sa pamamagitan ng kanilang bibig, at pinapupurihan ako ng kanilang labi, samantalang malayo ang kanilang puso sa akin, at ang kanilang takot sa akin ay utos ng mga tao na natutunan sa pamamagitan ng pagsasaulo”(Isaias 29:13). Sa panlabas, sila ay umaastang sumasamba; sinasambit nila ang mga angkop na salita at sumusunod sa tuntunin ng rituwal. Ngunit sa kalooban, ang kanilang puso ay malayo sa Diyos. Ang tunay na pagsamba ay magalang na pagpapasakop na mula sa puso.
Ganito rin ang katotohanang matatagpuan sa Bagong Tipan. Isang araw, nangatwiran ang babaeng Samaritana tungkol sa pisikal na lokasyon ng pagsamba; usapin hinggil sa Jerusalem laban sa Bundok Gerizim. Ngunit itinuro sa kanya ni Jesus ang espirituwal na lokasyon ng pagsamba, ito’y nasa puso. “Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa Kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at katotohanan” (Juan 4:24). Ang tunay na pagsamba ay nangangailangan ng pagpapasakop sa Diyos.
Ang tunay na pagsamba ay gumagalang sa sinasamba. Sa ilang mga simbahan, ang pananambahan ay kulang sa paggalang sa Diyos. Totoo na ang pagsamba ay may sangkap na pagdiriwang, subalit ito rin ay may sangkap na paggalang sa Diyos. Syempre, hindi ito nangangahulugan na may isang uri lang ng pagsamba na dapat gawin. Ipinapaalala sa atin ng unang kahulugan ng pagsamba, na sa ating gagawing pananambahan, itanong natin, “Ako ba ay nagpapakita ng paggalang sa Diyos sa aking pananambahan sa Kanya?”
Ang Pagsamba ay Paglilingkod
Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod. (Roma 12:1).
Pinag-uugnay ng talatang ito ang ating magalang na pagpapasakop sa araw-araw na pamumuhay. Kapag ipinapasakop natin ang ating sarili bilang buhay na handog, ang ating paglilingkod o pagsamba ay nagiging kalugod-lugod sa Diyos. Ang regular na pagdalo sa simbahan ay mahalaga; ang sinaunang Iglesia ay may pagpapahalaga sa sama-samang pagsamba. Subalit, ang pagsamba ay hindi nagtatapos sa sama-samang pananambahan. [2] Ang tunay na pagsamba ay sumasakop sa lahat ng sulok ng buhay.
Ang Pagsamba ay Papuri
Ang salitang papuri ay ginamit ng mahigit 130 ulit sa Aklat ng Mga Awit. May tatlong salitang Hebreo na isinalin para sa salitang “papuri.” Ang unang salita ay halal, ang ideya ay pagdiriwang o pagmamalaki. Ang ikalawang salita ay yadah, ito’y pagpupuri, pagpapasalamat, at pagpapahayag. Ang ikatlong salita ay zamar, ito ay nangangahulugan ng “pag-awit” o “awit ng papuri.”
Ang mga salitang ito, partikular ang salitang halal, ay nagpapahiwatig ng galak sa pagsamba. Halalang siyang salita na ginagamit ng mga Judio kung may nais silang ipagmalaki. Sa pagsamba, ang ipinagmamalaki natin ay ang Diyos; sa pagsamba, ang ipinagdiriwang natin ay ang Kanyang kabutihan; sa pagsamba, nagagalak tayo sa Kanyang kadakilaan.
Ang tunay na pagsamba ay gumagalang sa Diyos; gayunpaman, ang tunay na pagsamba ay nagdiriwang rin sa Diyos! Sa pagsamba, nagagalak tayo sa kabutihan ng Diyos. Sa Aralin 6, pag-aaralan natin ang puwang ng musika sa pananambahan. Mahalaga ang musika sa pananambahan sapagkat nagbibigay daan ito sa Kapatiran na makiisa sa pagdiriwang at pagpupuri sa Diyos.
Ang Pagsamba ay Ugnayan
Ang pagsamba ay ugnayan ng Diyos at ng tao. Ito ay may sangkap rin na ugnayan sa pagitan ng mga mananambahan. Ang salitang Griego na (koinonia) ay nangangahulugan ng ugnayan o pagbabahaginan ayon sa konteksto ng pagsamba. Halimbawa, itinalaga ng mga sinaunang Kristyano ang kanilang mga sarili sa katuruan ng mga Apostol at sa pakikipag-ugnayan (koinonia), sa pagpipira-piraso ng tinapay, at sa pananalangin (Gawa 2:42). Bilang mga mananampalataya, tayo ay tinawag upang magkaroon ng ugnayan (koinonia) sa Anak ng Diyos, ang Panginoong Jesu-Cristo (1 Corinto 1:9).
Ang modelo para maunawaan ang ugnayan sa pagsamba ay ang ugnayan na mayroon sa Banal na Trinidad. Kung paanong ang bawat miyembro ng Banal na Trinidad ay may ugnayan sa isa’t isa, gayundin naman, nagkakaroon tayo ng ugnayan sa isa’t isa at sa Diyos sa pagsamba. Sa isang basbas na iniugnay ang ating makalupang pagsamba sa walang hanggang Banal na Trinidad, isinulat ni Pablo, “Ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng Espiritu Santo ay sumainyo nawang lahat” (2 Corinto 13:14). Sa ating pakikipag-isa kay Cristo, tayo ay nakikibahagi sa pamamagitan ng Espiritu sa ugnayan ng Anak sa Ama. [3] Sa pagsamba, nararanasan natin ang mayamang ugnayan ng Banal na Trinidad. Ang ating pagsamba sa lupa ay iniayon sa modelo ng perpektong ugnayan na mayroon sa Banal na Trinidad.
Ang pagsambang nakatuon sa Banal na Trinidad ay karanasang dulot ng biyaya, hindi gawa. Naging posible para sa atin ang pagsamba sa pamamagitan ng ating Punong Saserdote na si Jesu-Cristo. Siya ang kumukuha ng ating di-karapat-dapat na pagsamba at pinababanal ito na walang batik at dungis sa harapan ng Ama. Ang ating pagsamba ay tinatanggap ng Ama ng dahil kay Jesus, at tayo ay may pagkakaisa kay Jesus sa Kanyang buhay sa Espiritu.
Tayo’y sumasamba hindi upang makamit ang lugod ng Diyos, kundi ng dahil sa biyaya, tayo ay nabigyan ng pagkakataon na magkaroon ng ugnayan sa Diyos.
Ang ating limitadong koinonia sa kasalukuyan (pagsambang ugnayan sa Diyos at ugnayan sa Kapatiran) ay patikim lamang ng pagsambang magaganap sa langit. Bilang mananambahan, ang ugnayan natin sa Kapatiran sa diwa ng pagsamba ay pagsasanay lang dito lupa para sa darating na walang hanggang pagsamba.
Ang Pagsamba ay Sumasaklaw sa Lahat ng Bahagi ng Buhay
Ang isa pang salita na ginagamit sa Bagong Tipan para sa pagsamba ay isinalin sa salitang “relihiyon”:[4]
Kung inaakala ng sinuman na siya'y relihiyoso, subalit hindi pinipigil ang kanyang dila, kundi dinadaya ang kanyang puso, ang relihiyon ng taong iyon ay walang kabuluhan. Ang dalisay na relihiyon at walang dungis sa harapan ng ating Diyos at Ama ay ito: ang dalawin ang mga ulila at ang mga balo sa kanilang kahirapan, at panatilihin ang sarili na hindi nadungisan ng sanlibutan (Santiago 1:26-27).
Ang salitang ito ay nagpapakita na ang pagsamba ay higit pa sa tagpong nagaganap tuwing Linggo. Ang biblikal na pagsamba ay sumasaklaw sa bawat bahagi ng buhay. Ang panambahan tuwing Linggo ay isang nakatuon na ekspresyon ng pagsamba, subalit ang panambahan tuwing Linggo ay hindi sapat sa kanyang sarili. Dapat na panatilihin natin ang pamumuhay na may pagsamba. Sa madaling salita, ang ating panambahan tuwing Linggo ay dapat na makita sa ating araw-araw na pamumuhay.
Ang tunay na pagsamba ay makikita sa ating araw-araw na pagpapasakop sa Diyos. Sinabi ni Santiago na kung ako ay umaawit ng papuri tuwing Linggo, subalit bigong kontrolin ang aking dila sa araw ng Lunes, ang aking pagsamba ay di kumpleto. Ang dalisay at walang dungis na pagsamba ay may sangkap na praktikal na paglilingkod (gaya ng pagbisita sa mga ulila at balo) at araw-araw na pagtalima sa Diyos (panatilihin ang sarili na hindi madungisan ng sanlibutan).
Sa Isaias 6, nasaksihan ng isang propeta ang kaluwalhatian ng Diyos sa Kanyang trono. Ang paglilingkod ni Isaias bilang propeta ay binago ng karanasang ito. Narinig ni Isaias ang tanong ng Panginoon, “Sinong susuguin ko, at sinong hahayo para sa atin?” Ang sagot ni Isaias, “Narito ako; suguin mo ako!” (Isaias 6:8). Ang tunay na pagsamba ay bumabago ng ating buhay. Ginagawa tayo nito na may pagkukusa at mabisang lingkod ng Diyos.
► Basahin ang Malakias 1:6-9, 1 Samuel 13:8-14, Leviticus 10:1-3, at Gawa 5:1-11. Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa pagsamba?
[1]Ang salitang Hebreo ay shachah, na isinalin na “pagsamba,” “pagluhod,” “pagpapatirapa” o “paggalang.” Ang salitang Griego naman ay proskuneo, na isinalin na “pagsamba,” o “pagpapatirapa” sa Bagong Tipan.
[2]Ang sama-samang pananambahan ay utos gaya ng sa Hebreo 10:25. Ang sama-samang pagsamba ay inaasahan gaya ng sa Gawa 2:46-47.
[3]James B. Torrance, Worship, Community, and the Triune God of Grace (Downers Grove: InterVarsity Press, 1996), 20-21
[4]Ang salitang Griego nito ay karaniwang tumutukoy sa panlabas na aspeto ng pagsamba. Gawa 26:5, Colosas 2:18, at Santiago 1:26-27.
Bakit Mahalaga ang Pagsamba?
Tinawag ni A.W. Tozer ang pagsamba na “nawawalang hiyas” sa modernong simbahan. Sinabi niya na alam natin kung paano mangaral, kung paano magbahagi ng ebanghelyo, at kung paano magkatipon bilang Kapatiran. Subalit sa lahat nating husay, madalas na bigo parin tayo sa ating panambahan. Nakatingin tayo sa mangangaral, nakikinig tayo sa choir, sa grupo ng mga mang-aawit, o sa isang soloista; nagkakaloob tayo ng mga abuloy at alay. Subalit bigo tayong maranasan ang tunay na pagsamba sapagkat hinahayaan nating manaig ang aktibidad sa halip na ang tunay na pagsamba.
Ang pagsamba ay dapat na mahalaga sa atin sapagkat ito’y mahalaga sa Diyos.
► Basahin ang Exodo 20:1-5 upang makita ang kahalagahan ng Diyos sa ating panambahan.
Ang unang dalawang utos ay nakaugnay sa pagsamba. Ang unang utos ay nagsasabi sa atin kung sino ang ating sinasamba. “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap ko” (Exodo 20:3). Ang ikalawang utos ay nagsasabi sa atin kung paano dapat sumamba “Huwag kang gagawa para sa iyong sarili ng inukit na larawan…” (Exodo 20:4). Sa huling mga talata ng Exodo 20, ibinalik ng Diyos ang paksa tungkol sa pagsamba. Ang mga talatang ito ay nagtuturo sa Israel kung paano nila itatayo ang kanilang mga altar at kung paano dudulog sa altar na iyon na may paggalang.
► Basahin ang Exodo 20:23-26. Ang Pagsamba ay mahalaga sa Diyos!
Ang pagsamba ay may mahalagang puwang sa Banal na Kasulatan. Ang aklat ng Exodu at Levitico ay nagbibigay ng mga partikular na tuntunin para sa panambahan ng Israel. Ang Mga Awit ay talaan ng mga awit ng pagsamba. Sa aklat ng Ebanghelyo, makikita natin ang mga tao na nagpapatirapa kapag sumasamba kay Jesus.
Sa aklat ng Mga Gawa, ang Iglesia ay nagkakatipon para sumamba. [1] Sa kanyang mga liham, tinugon ni Pablo ang usapin tungkol sa panambahan ng simbahan (1 Corinto 11 at 1 Timoteo 2). Sa aklat ng Pahayag, maari nating masilip ang panambahang kasalukuyang nagaganap sa harapan ng trono ng Diyos. Ang pagsamba natin dito sa lupa ay pagsasanay lang para sa panambahan natin sa langit (Pahayag 4-5). Ang pagsamba ay mahalaga sa Diyos.
Ang Pagsamba ay Mahalaga sapagkat sa Pagsamba nakikita natin ang Diyos
► Basahin ang Isaias 6:1-8. Talakayin ang karanasan ni Isaias sa Templo.
Ang Isaias 6 ay nagbibigay sa atin ng mahalagang larawan ng biblikal na pagsamba. Ipinapakita rito na sa pamamagitan ng pagsamba, nakikita natin ang Diyos. Sa Templo, nakita ni Isaias ang Panginoon bilang maluwalhati.
Ang katotohanang ito ay paulit-ulit na makikita sa Banal na Kasulatan. Habang si Juan ay nasa panambahan isang araw ng Linggo, nagkaroon siya ng mga pangitain sa langit (Pahayag 1:10). Habang si Pablo at Silas ay sumasamba sa pamamagitan ng panalangin at awitin, inihayag ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan (Gawa 16:25-26). Dumaan si David sa isang kahirapan na anupa’t umiyak siya sa Diyos, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Awit 22:1). Ngunit sa gitna ng kanyang kahirapan, nakita ni David ang Diyos sa pamamagitan ng papuri at pagsamba, “Ikaw ay banal, nakaluklok sa mga papuri ng Israel” (Awit 22:3). Sa pagsamba, nakikita natin ang Diyos.
Ang Pagsamba ay Mahalaga sapagkat sa Pagsamba Nakikita natin ang ating Sarili at Nagbabago
Hindi lamang nakita ni Isaias ang Panginoon sa Templo kundi maging ang kalagayan ng kanyang sarili. Nang makita ni Isaias ang Diyos sa Kanyang luklukan, naibulalas niya, “Kahabag-habag ako! Ako’y napahamak sapagkat ako’y lalaking may maruruming labi…” (Isaias 6:5). Sa tunay na pagsamba, nagagawa nating makita ang ating mga sarili ayon sa nakikita ng Diyos.
Ito ang dahilan kung bakit ang mga liturhiya ay tradisyunal na kinapapalooban ng kumpisal. Ang kumpisal o paghingi ng tawad sa Diyos ay hindi lamang nagsasabi, “Naghimagsik kami laban sa Kautusan ng Diyos at sinadyang magkasala.” Sa panalangin ng kumpisal, kinikilala natin, “Kahit na maging ang pinaka dalisay na puso ay may bahid dungis pa rin kumpara sa maluwalhating kadalisayan ng banal ng Diyos. Kami’y patuloy na humihingi ng iyong biyaya.”
Sa pagsamba, nakikita natin ang ating mga sarili ayon sa nakikita ng banal na Diyos. Kung wala ang pagsamba, ang ganitong pananaw ay magiging nakapangingilabot na karanasan. Subalit, dahil sa nakita natin ang Diyos, tayo’y naging malinis at hindi nahatulan. Kapag nasaksihan natin ang Diyos at ang Kanyang biyaya, matapat rin nating nakikita ang ating mga sarili, naikukumpisal ang ating mga pangangailangan, at humihingi ng Kanyang biyaya.
Nilalantad ng pagsamba ang ating tunay na sarili. Hindi naglalaho ang ating sarili sa pagsamba kundi natatagpuan natin ito. Sa liwanag ng kabanalan ng Diyos, nakita ni Isaias ang kanyang sarili na makasalanan. Subalit, sa halip na makadama ng kawalang pag-asa, ang pagsamba ay nagdulot ng pagbabago.
Nang magkagayo'y lumipad papalapit sa akin ang isa sa mga serafin na may baga sa kanyang kamay na kanyang kinuha ng mga sipit mula sa dambana. Inilapat niya ito sa aking bibig, at nagsabi, “Ngayong lumapat ito sa iyong mga labi, ang iyong kasamaan ay naalis na, at ang iyong kasalanan ay pinatawad na” (Isaias 6:6-7).
Si Isaias ay binago ng kanyang pagkakita sa banal na Diyos.
[2]Binabago ng tunay na pagsamba ang mananambahan – si Isaias sa loob ng Templo, ang Samaritano sa tabi ng balon, at ang mga alagad sa Bundok ng Pagbabagong Anyo ni Jesus. Ang pakikipagtagpo sa Diyos ay bumabago ng buhay ng mananambahan.
Ang Pagsamba ay Mahalaga sapagkat sa Pagsamba Nakikita natin ang ating Mundo
Sa pagsamba, nakita ni Isaias ang Diyos, nakita niya ang kanyang sarili, at nakita niya ang pangangailangan ng kanyang mundo. “Ako’y naninirahan sa gitna ng bayan na may maruruming labi” (Isaias 6:5). Bilang tugon, sinabi niya, “Narito ako; suguin mo ako!” (Isaias 6:8). Sa pagsamba, tayo ay napapalakas na maging mabisa sa paglilingkod sa ating nangangailangang lipunan.
Nasabi natin na ang tunay na pagsamba ay sumasakop sa lahat ng bahagi ng buhay. May ilang mga simbahan na inihiwalay ang pagsamba mula sa ebangelismo. Sinasabi nila, “Ang pansin ng aming simbahan ay ebanghelismo. Ang ibang simbahan ay maaring tumuon sa pagsamba.” O kaya sinasabi nila, “Ang aming layunin ay pagsamba. Ibibigay namin ang ebanghelismo at misyon sa ibang simbahan.” Ang mga ganitong pananaw ay nagpapakita ng maling unawa sa pagsamba. Sa pagsamba, hinahayaan natin ang Diyos na ipakita sa atin ang pangangailangan ng ating lipunan. Ang tunay na pagsamba ay kumikilos sa atin na ibahagi ang ebanghelyo.
Inihayag ng tunay na pagsamba ang pangangailangan ni Isaias – siya ay binago ng pagsamba. Ipinakita ng tunay na pagsamba ang pangangailangan ng mundo ni Isaias – at kanyang itinalaga ang kanyang sarili sa pagbabago ng mundong iyon. Sa pagsamba, nagkakaroon tayo ng sigasig upang paglingkuran ang ating mundo. Kaya’t ang nararapat na tugon sa tunay na pagsamba ay “Narito ako! Suguin mo ako.”
Nagbigay babala si Oswald Chambers sa mga nagnanasang maging misyonero, “Kung wala kang palagiang pagsamba sa araw-araw, kapag pumasok ka sa Gawain ng Diyos, hindi mo lamang makikita ang sarili na walang pakinabang, kundi hadlang sa mga nakapaligid sa iyo.” [3]
Naunawaan ni Chambers ang kahalagahan ng pagsamba bilang paghahanda sa mabisang paglilingkod. Sa pagsamba, ipinapakita ng Diyos ang pangangailangan ng ating mundo at inihahanda tayo sa pagtugon ng mga pangangailangan iyon.
Ang Pagsamba ay Mahalaga sapagkat ang Pagkabigong Sumamba ay Magpapalayo sa atin mula sa Diyos
►Basahin ang Roma 1:18-25. Ano ang kaugnayan ng bulaang pagsamba at kasalanan?
Sa pasimula ng kanyang liham sa Roma, ipinakita ni Pablo ang dahilan kung bakit ang tao ay nasa ilalim ng kahatulan ng Diyos. Sinabi niya na ang makasalanang kalagayan ng tao ay dulot ng kanyang pagtanggi na sumamba sa tunay na Diyos. Pansinin mo ang prosesong ipinakita ni Pablo sa Roma 1:21-25:
(1) Hindi nila sinamba ang Diyos. “Sapagkat kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni pinasalamatan man” (Roma 1:21). "Sapagkat pinalitan nila ng kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos at sila'y sumamba at naglingkod sa nilalang sa halip na sa Lumalang" (Roma 1:25).
(2) Bunga nito, “…naging walang kabuluhan sila sa kanilang mga pangangatuwiran at ang mga puso nilang walang katuturan ay nagdilim. Sa pag-aangking marurunong, sila'y naging mga hangal, at ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na hindi nasisira sa mga imaheng kahawig ng tao na nasisira, at ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa at ng mga gumagapang.” (Roma 1:21-23)
(3) At bilang hatol, “hinayaan sila ng Diyos sa karumihan, upang lapastanganin ang kanilang mga katawan sa kani-kanilang sarili...” (Roma 1:24)
Ipinakita ni Pablo na ang pagbagsak ng sangkatauhan sa kahangalan, kasamaan, at kahalayan ay dulot ng kanilang pagtanggi na sambahin ang Diyos. Hindi nila sinamba ang Diyos, sa halip, sinamba at pinaglingkuran ang nilalang kaysa sa ang Maylalang.
Bawat isa ay may sinasamba. Ang mga Kristyano ay sumasamba sa Diyos. Ang mga Muslim ay sumasamba kay Allah. Ang mga atheista ay sumasamba sa kanilang karunungan. Bawat isa ay may sinasamba. Kung tatanggihan nating sambahin ang Maylalang, sasambahin natin ang nilalang.
Ang pagsamba ay mahalaga. Ang tunay na pagsamba sa tunay na Diyos ay bumabago ng ating buhay ayon sa Kanyang wangis. Ang pagsamba sa bulaang diyos ay huhubog sa tao na matulad sa wangis ng diyos na iyon. Nagiging kawangis tayo ng anumang ating sinasamba.
[1]Ang mga sinaunang Kristyano ay nagpatuloy sa kanilang panambahan sa Templo at sinagoga (Gawa 2:46-47, Gawa 3:1-11, Gawa 5:12, 21, 42). Dagdag rito, ang mga Kristyano ay nagtitipon rin sa kanilang mga kabahayan upang manalangin, makinig ng pagtuturo, at magsama-sama. Lahat ng ito ay sangkap ng pagsamba (Gawa 2:46-47, 4:31, Gawa 5:42).
[3]Oswald Chambers, My Utmost for His Highest, (September 10 entry). Retrieved from https://utmost.org/missionary-weapons-1/ on July 21, 2020.
Tatlong Layunin ng Pagsamba
Si Marva Dawn ay may ibinahaging tatlong layunin ng tunay na pagsamba. [1] Sa pagsamba:
(1) Sa pagsamba, nakakatagpo natin ang Diyos.
Anumang panambahan na hindi tayo hinahatid sa Diyos ay malayo sa diwa ng tunay na pagsamba. Hindi ito nangangahulugan na ang ating panambahan tuwing Linggo ay dapat na maging madamdamin o dramatiko. Hindi ito nangangahulugan na bawat pagtitipon ng Kapatiran ay laging nasa paraan ng pagsamba. Sa halip, sa bawat pagtitipon upang sumamba, dapat nating matagpuan ang ating sarili na nasa presensya ng Diyos. Ito’y maaring sa pamamagitan ng katotohanang natutuhan natin mula sa sermon; ito’y maaring sa pamamagitan ng pagbabasa ng Salita ng Diyos; maaring sa pamamagitan ng awiting papuri sa Diyos; maaring sa oras ng panalangin na kung saan natatanggap natin ang lakas na mamuhay para sa Diyos. Sa anumang paraan, ang pagtitipon natin ay dapat na maghatid sa atin na makatagpo ang Diyos.
(2) Sa pagsamba, nahuhubog ang Katangiang Kristyano
Sa pagsamba, nakikita natin ang ating sarili at nagbabago. Sa pagsamba, natututuhan natin ang mga katotohanang huhubog ng katangiang Kristyano. Kapag ating sinasamba ang Diyos, ang ating katangian ay higit na nailalapit sa Kanyang wangis. Tayo’y nagiging kawangis ng ating sinasamba.
(3) Sa pagsamba, naitatatag natin ang Komunidad ng Kristyano
Sa pagsamba, nakikita natin ang mundong nakapaligid sa atin at naitatalaga ang ating sarili na paglingkuran ang pangangailangan ng ating lipunan. Kapag ginagawa natin ito, ang Iglesia ay naitatag at ang mga mananampalataya ay lumalago sa lahat ng paraan tungo sa kanyang Ulo na si Cristo (Efeso 4:15). Ang tunay na pagsamba ay kasangkapan sa pagtatatag ng tunay na Kristyanong lipunan.
[1]Marva Dawn, Reaching Out Without Dumbing Down (Grand Rapids: Eerdmans, 1995)
Anong Uri ng Pagsamba ang Nakalulugod sa Diyos?
► Anong uri ng pagsamba ang sa tingin mo ay katanggap-tanggap sa Diyos?
Sinabi ni Jesus sa babaeng Samaritana na ang tunay na mananambahan ay sumasamba sa espiritu at katotohanan (Juan 4:23-24). Mayroong tunay na pagsamba na kalugod-lugod sa Diyos; at mayroon ring huwad na pagsamba na hindi katanggap-tanggap sa Diyos. [1]
Madalas na tanong ng mga namumuno sa pagsamba, “Nagawa bang pukawin ng ating panambahan ang kongregasyon? Naipakita ba natin sa kanila ang estilong kasiya-siya?” Ngunit ipinapakita ng Biblia ang higit na mahalagang tanong, “Nagbigay parangal ba sa Diyos ang ating pagsamba? Sinamba ba natin ang Diyos sa paraang nais Niya? Kalugod-lugod ba sa Kanya ang ginawa nating pagsamba?”
Pagsambang Hindi Kalugod-lugod sa Diyos
Hindi katanggap-tanggap sa Diyos ang mangmang na pagsamba
Hindi alam ng babaeng Samaritana kung ano ang kanyang sinasamba (Juan 4:22). Sa Athenas, nasaksihan ni Pablo ang mga taong sumasamba sa hindi kilalang diyos (Gawa 17:23).
Sa Aralin 2, pag-aaralan natin ang katangian ng Diyos na ating sinasamba. Kapag hindi natin kilala ang Diyos, ang pagsamba natin ay magiging mangmang; ito’y nagiging pagsamba sa hindi kilalang Diyos. Maari tayong sumunod sa tuntunin ng liturhiya, [2] ngunit nananatiling hindi pa rin kilala ang Diyos na ating sinasamba. Dapat na mahayag sa pagsamba ang katangian ng Diyos na ating sinasamba. Dapat tayong umawit ng mga papuring nagpapahayag ng Kanyang katangian; dapat tayong magbasa ng mga Kasulatan na nagpapatotoo sa Diyos; dapat tayong mangaral ng mga sermon na nagpapahayag ng Kanyang katangian. Hindi natin dapat hayaan ang pagsamba na walang pagkakilala sa Diyos.
Hindi nakalulugod sa Diyos ang pagsamba sa idolo.
Ang idolo ay anumang bagay na nag-aalis ng karampatang puwang ng Diyos bilang supremong kapamahalaan sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Sa ibang panig ng mundo, ang mga idolo ay yaong mga estatwa ng mga paganong diyus-diyusan. Sa ibang bahagi ng mundo, ang mga idolo ay nasa anyo ng trabaho, account sa banko, magarang bahay, at mga libangan. Anumang bagay na nag-aalis ng nararapat na puwang ng Diyos sa ating buhay ay isang idolo. Kung tayo ay pumupunta sa simbahan tuwing Linggo ngunit hinahayaan natin ang ibang mga bagay na siyang maghari at masunod sa ating buhay, tayo ay naglilingkod sa isang idolo.
Hindi tinatanggap ng Diyos ang mababang uri ng pagsamba.
► Magbigay ng ilang halimbawa ng mababang uri ng pagsamba.
Nagbabala si propeta Malakias na ang panambahan ng Israel ay hindi na kalugod-lugod sa Diyos. Ngunit tanong nila, “Paanong ginawan namin ng masama ang Diyos?” Ang sagot ni Malakias,
"Kapag kayo'y naghahandog ng mga bulag na hayop bilang alay, di ba masama iyon? At kapag kayo'y naghahandog ng pilay at may sakit, hindi ba masama iyon? Subukan mong ihandog iyon sa iyong gobernador, masisiyahan kaya siya sa iyo o papakitaan ka kaya niya ng kabutihan?" sabi ng Panginoon ng mga hukbo (Malakias 1:8)
Ang mga Israelita ay hindi nagdadala ng pilay o sakiting hayop kapag nagreregalo sila sa kanilang gobernador. Subalit kapag naghahandog sila sa Diyos, na Siyang makapangyarihan sa lahat, ang mga handog na dinadala nila ay mga pilay at sakiting hayop.
May ibang naniniwala na ang panlabas na aspeto ng pagsamba ay hindi mahalaga sapagkat ang tinitingnan ng Diyos ay ang laman ng puso. Totoo na ang Diyos ay tumitingin sa puso. Subalit malinaw sa buong sinasabi ng Kasulatan na ang panlabas na aspeto ng pagsamba ay mahalaga rin sa Diyos. Ang mga aklat ng Exodo at Levitico ay nagbibigay sa atin ng detalyadong mga tuntunin tungkol sa mga bagay na hinihingi ng Diyos sa ating pagsamba. Ang mga tuntuning ibinigay para sa Tabernakulo ay malinaw at tumpak. Halimbawa, nagbigay ang Diyos ng mga detalyadong tuntunin para sa dapat maging kasuotan ng mga saserdote. Sa Exodo 39-40, ang katagang “ayon sa utos ng Diyos kay Moises” ay inulit ng 13 upang ipakita ang pagsunod ng Israel. Ang tumpak na pagsunod kung gayon ay mahalaga sa Diyos. Hinihingi Niya ang bagay na pinakamainam mula sa Israel.
Mababang uri ang ating pagsamba kung hindi natin ibinibigay sa Diyos ang pinakamahusay at pinakamainam na handog. Bagamat hindi na tayo ngayon nagdadala ng handog na hayop sa Diyos, ang prinsipyo ay patuloy paring umiiral. Ang mga katanungan sa Malakias ay mahahalagang katanungan parin sa ating pagsamba ngayon.
Pastor: “Paghahandaan ko bang mabuti ang aking sermon sakaling ang gobernador ay dadalo sa aming simbahan? Naghahatid rin ba ako ng pilay na alay sa Diyos?”
Manunugtog: “Pagbubutihin ko ba ang aking pagsasanay na tumugtog sakaling ang isang sikat na musikero ay dadalo sa aming simbahan? Naghahatid rin ba ako ng pilay na alay sa Diyos?”
Karaniwang Miyembro: “Mas makikinig ba ako ng mabuti sa sermon kung ang magsasalita ay ang presidente? Naghahatid rin ba ako ng pilay na alay sa Diyos?”
Hindi tatanggapin ng Diyos ang hambog na pagsamba
Hindi tinatanggap ng Diyos ang ating hindi mainam na alay. Subalit mayroong kabaligtarang panganib na dapat nating iwasan. Hindi tinatanggap ng Diyos ang mga handog ng pusong palalo at hambog. Bagamat dapat nating ialay sa Diyos ang ating pinakamainam na alay, ating tandaan na wala tayong wagas at karapat-dapat na alay para sa Kanya. Ang ating pinakamahusay na alay ay munting pasasalamat lang sa dapat na iukol natin sa Diyos. Kaya’t dapat na lumapit tayo sa Kanyang presensya sa diwa ng kapakumbabaan at hindi ng kayabangan at paghanga sa sarili.
Pagsambang Kalugod-lugod sa Diyos
Kung mayroong mga katangian ng pagsamba na hindi katanggap-tanggap sa Diyos, ano naman ang pagsambang kalugod-lugod sa Kanya?
Ang kalugod-lugod na pagsamba ay nakatuon sa Diyos
Tulad ng sa Isaias 6, ang Pahayag 4 ay kakikitaan ng bukas na pinto ng langit. Sa Pahayag 4, ang pansin ng mga mananambahan ay nakatuon sa nakaupo sa trono. Ang tunay na pagsamba ay nakatuon sa Diyos. Ang tunay na pagsamba ay nakaturo sa Diyos na Siyang karapat-dapat ng pagsamba.
Ang kalugod-lugod na pagsamba ay nagbibigay luwalhati sa Diyos sapagkat Siya’y karapat-dapat.
Ipinapakita sa Awit 96:7-8 ang layunin ng pagsamba:
“Ibigay ninyo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan, ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian at kalakasan. Ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang nararapat sa kanyang pangalan; magdala ng handog, at pumasok kayo sa kanyang mga bulwagan!”
Sa pagsamba ay ibinibigay natin sa Diyos ang kaluwalhatiang nauukol sa Kanya. Anuman ang ating mga awitin at damdamin, o tugon na nagmumula sa mga nanunuod sa atin, kung hindi tayo nakapagbibigay ng luwalhati sa Diyos, bigo tayong isakatuparan ang layunin ng pagsamba.
Ang layunin ng pagsamba ay hindi para tumanggap ng pagpapala para sa ating sarili; ang layunin ng pagsamba ay para magbigay ng parangal at luwalhati sa Diyos. Kapag tayo ay sumasamba, madalas na tayo ay pagpapalain – subalit hindi udyok ang ating pagpapala upang tayo ay sumamba. Ang udyok ng ating pagsamba ay ang parangalan ang Diyos.
Kapag nauunawaan natin ang layunin ng pagsamba, binabago rin nito ang ating mga katanungan tungkol sa pagsamba. Sa halip na itanong, “Nasiyahan ba ako sa panambahan ngayon?” ang ating tanong ay, “Ang panambahan ba ngayon ay nagbigay parangal sa Diyos?” Kapag ating nauunawaan ang layunin ng pagsamba, mababago rin ang ating pansin mula sa ating mga sarili tungo sa Diyos.
Ang kalugod-lugod na pagsamba ay pagsamba sa espiritu at katotohanan.
Sa pakikipag-usap ni Jesus sa isang babaeng Samaritana doon sa Juan 4, sinabi Niya na silang sumasamba sa Diyos ay dapat na sumamba sa espiritu at katotohanan (Juan 4:24). Ito ang tamang huwaran sa pagsamba.
Madalas na kapag pinag-uusapan natin ang mga pamamaraan sa pagsamba, ang pansin natin ay sa estilo ng musika, pagkakasunod-sunod na gawain sa ating liturhiya, at iba pang pamamaraan. May mga taong nadidismaya dahil wala silang makitang detalyadong impormasyon ng gawi sa pananambahan ng Iglesia sa Bagong Tipan. Pag-isipan natin ang mga bagay na hindi natin alam tungkol sa panambahan sa Bagong Tipan:
Alam natin na sila’y umaawit ng mga psalmo. Subalit hindi natin alam kung ano ang tono ng kanilang mga awit at kung ano ang mga instrumento na kanilang ginamit. Hindi rin natin alam kung ano ang bagong awit na kanilang inawit.
Alam natin na sila’y nananalangin. Subalit hindi natin alam kung sila’y nananalangin ng malakas ang tinig, kung ito ba ay nasa piling ng isang maliit na grupo, o kung may isang tagapamuno sa kanilang pananalangin. Hindi rin natin alam kung gumamit sila ng nakasulat na panalangin (gaya ng psalmo) o ang ginawa nila’y malayang pananalangin.
Alam nating sila’y may pangangaral. Ngunit hindi natin alam kung gaano ito katagal, o kung anong estilo ng pangangaral ang ginamit nila o kung sa bawat pananambahan ba nila ay kinakailangan na laging may sermon.
Bukod sa Bagong Tipan at sa isang tekstong naisulat sa paglipas ng ilang dekada, kakaunti lamang ang ating impormasyon tungkol sa paraan ng pagsamba ng sinaunang Iglesia.[3]
Para sa mga iskolar, ang ganitong kakulangan ng impormasyon ay nakakadismaya. Subalit, marahil ay nagpapakita ito na ang mga isyung mahalaga sa atin ay hindi ganun kahalaga sa Diyos! Noong tinalakay ni Jesus ang pamamaraan ng pagsamba, natuon Siya sa dalawang bagay: espiritu at katotohanan. At iyan ang isyung higit na mahalaga sa usapin ng tunay na pagsamba.
Ang pagsamba sa espiritu ay maaring tumutukoy sa ating espiritu. Ang pagsamba ay hindi dapat na sunod-sunuran sa rituwal; dapat may espiritu. Sa madaling salita, ang tunay na pagsamba ay yaong nagmumula sa puso.
[1]Ilang bahagi ng seksyon na ito ay halaw sa turo ni David Jeremiah. Worship. (CA: Turning Point Outreach, 1995), 20-24.
[2]Ang liturhiya ay isang plano tuwing may publikong pananambahan. Ang liturhiya ay maaaring organisado na may nakasulat na mga tuntunin. At maari rin naman na inpormal na walang nakasulat na tuntunin tungkol sa gagawin ng mga mananambahan. Sa kursong ito, ang katagang “liturhiya” na tinutukoy natin ay anumang plano sa pananambahan. May mga taong pinupuna ang lahat ng liturhiya sa paniniwalang ang planadong pagsamba ay hindi tunay na pagsamba. Ngunit gagamitin natin rito ang katagang “liturhiya” sa pangkalahatang punto. Mapa-anupaman, ang planadong pagsamba ay maaring maging walang laman o kaya’y maaring mapuspos ng presensya ng Diyos.
[3]Ang Didache (Ang Katuruan) ay isang maikling kasulatan na naisulat sa huling bahagi ng unang siglo o kaya’y sa pagbubukas ng ikalawang siglo. Ang Didache ay naglalaman ng katuruan hinggil sa pamumuhay Kristyano, rituwal, at pamamahala sa simbahan.
Pagsamba sa Espiritu
Noong 1994, ang Vineyard Church sa Toronto ay naiulat na mayroong ginanap na revival na kung saan ang mga tao ay tawa ng tawa, umuungal na parang
leon, at “sumusuka” (isang paraan ng pagsusuka na lumilinis raw ng emosyon). Sa kanilang pagtitipon, may tinatawag silang “banal na pagtawa” na anupa’t para silang baliw. Sa halip na magbigay sila ng pansin sa pagkilos ng Salita ng Diyos sa kanilang mga puso, binigyang pansin ng “Toronto Blessing” ang silakbo ng damdamin. Ito ba ay pagsamba sa espiritu? Ito ba ay tunay na pagsamba?
Ang pagsamba sa diwa ng katotohanan ay nakaugnay sa katuruan ng Biblia. Higit pa ito sa masarap na pakiramdam o anumang tugon ng damdamin. Bilang mga pastor at namumuno sa pagsamba, dapat na suriin natin ang bawat aspeto ng ating pagsamba at itinatanong, “Ito ba ay totoo?” Ang mga salitang ating pinapangaral, ang mga salitang ating inaawit, at ang mga salitang ating pinapanalangin ay dapat na tapat sa Banal na Kasulatan. Ang Diyos ay hindi humahanga sa mga walang kabuluhang salita; Siya ay naghahanap ng pagsamba na mula sa espiritu at katotohanan (Juan 4:24).
Pagsamba sa Diwa ng Katotohanan
Nauunawaan ni Pastor Bill ang kahalagahan ng musika sa panambahan. Nasisiyahan siya sa pag-awit ng mga lumang himno at bukas rin sa pag-awit ng mga makabago. May isang awit na naging sikat sa maraming mga simbahan na ang mga salita ay nagtuturo na ang mananampalataya raw ay patuloy na bumabagsak sa kusang pagkakasala ngunit magbabalik-loob rin sa Diyos pagkatapos. Ang awitin ay hindi nagtuturo ng matagumpay na pakikipaglaban sa kasalanan. Nang marinig ni Pastor Bill ang awit, nasabi niya, “Ang sinasabi ng awit na ito ay hindi tapat sa sinasabi ng Biblia. Ngunit ito ay isang awit lamang at nagugustuhan ng mga tao ang himig nito. Ang mga salita nito ay hindi natin dapat pahalagahan.” Ito ba ay pagsamba ayon sa katotohanan?
Mga Panganib sa Pagsamba: Mga Kapalit sa Tunay na Pagsamba
Si Jesus ay may sinabing tunay na pagsamba. Kung mayroong tunay na pagsamba, mayroon ring huwad na pagsamba. Madalas sambitin ni Martin Luther ang kawikaan ng mga Aleman na nagsasabing, “Saanman ang Diyos ay nagtatayo ng simbahan, nagtatayo rin si Satanas ng kapilya sa tabi nito.” Gustong-gusto ni Satanas na lagyan tayo ng mga maling ideya tungkol sa pagsamba. Madalas nating hayaan na masunod ang kagustuhan ng ating kultura kaysa sa sundin ang kagustuhan ng Diyos na ating sinasamba. Ano ba ang ilan sa mga inilalagay na pamalit sa tunay na pagsamba?
McWorship na Pagsamba
Ang tinaguriang McWorship ay isang panambahan na nakatuon sa personal na ginhawa, sa halip na sa pagbibigay lugod sa Diyos. Mayroong 35,000 McDonalds sa mundo. 68 milyon na kustomer o suki nito ay kumakain sa McDonalds araw-araw. Ang daming ito ay hindi dahil sa mas masarap ang pagkain na hinahain ng McDonalds kaysa sa iba. Hindi ito dahil sa ang kanilang pagkain ay mainam na diyeta. Ito ay dahil sa ang McDonalds ay nagbibigay ng ginhawa, maalwan, at kasiyasiyang paligid. Sa McWorship, ang ating pangunahing hanap ay kaginhawaan, kaalwanan, at kaaliwan.
Sa McDonalds at McWorship, ang sukatan ng tagumpay ay nasa bilang. Ipinagmamalaki ng McDonalds ang kanyang “mahigit 300 bilyon na napaglingkuran.” Sa McWorship, ipinagmamalaki nito na, “Dumami kami ng 17% nitong nakalipas na taon.” Kaya’t ang bilang sa halip na kabanalan ang siyang ginawang sukatan ng tagumpay.
May ilang hinihinging pangangailan sa mga binansagang McWorshippers. Ang McWorship ay nagbibigay ng magandang musika, nakatutuwang mga tagapagturo, at kaakit-akit na mga pagtatanghal – lahat ay sa mababang halaga. Humahatak ng maraming tao ang McWorship suballit ang espirituwal na pagkain na handog nito ay walang laman at hindi nagbibigay ng espirituwal na kalusugan. Magandang bagay na maakit natin ang mga tao na makinig ng ebanghelyo, subalit ang McWorship ay hindi tunay na pagsamba.
Museo na Pagsamba
Ang timpla ng kapaligiran sa museo ay naiiba sa McDonalds. Sa Museo, may matinding pansin sa pagpapanatili ng tradisyon. Ang mga tao ay buong taimtim na nagmamasid sa mga eksibit. Wala ritong personal na partisipasyon at paglilingkod. Walang paanyaya na pwede mong ilagay ang iyong sariling inukit o ginuhit sa kanilang mahahalagang pader ng Sining.
Sa Museo na pagsamba, ang pinag-uukulan natin ng pansin ay tradisyon at porma. Dito ay nakikiawit tayo sa mga palagiang awitin ng simbahan. Ipinagmamalaki natin rito ang ating katapatan sa tradisyon. Gayunpaman, posible na ang isang tao ay palaging dumadalo sa simbahan ngunit hindi kinakatagpo ng Diyos sa pamamagitan ng hamon na italaga ang kanyang buhay sa paglilingkod. Maari na ang isang tao ay dumadalo ng simbahan tuwing Linggo at tumitingin sa mga eksibit (sermon, mga awitin, panalangin) ngunit walang tunay na pagbabago. Mahalagang pinapahalagahan natin ang pamana sa atin, subalit ang Museo na pagsamba ay hindi tunay na pagsamba.
Classroom na Pagsamba
Sa classroom, ang guro ang siyang nangangasiwa. Ang guro ang siyang nagpapasya kung ano ang dapat matutuhan ng klase. Ang guro ang siyang nagbibigay ng lecture at ang mga estudyante ay nakikinig at nagsusulat ng mga natututuhan. Ang partisipasyon ay kontrolado ng guro.
Sa Classroom na pagsamba, ang pastor ang siyang sentrong tauhan. Ang sermon ang siyang sentro at pokus ng panambahan; lahat ng bagay ay pambungad lamang para rito. Ang kongregasyon ay naroon upang makinig at magsulat ng mga bagay na kanilang matututuhan. Ang pagsamba ay nauwi sa isang gawaing pangkaisipan. Mahalaga na naipapahayag ang katotohanan sa ating panambahan; dapat nating ipaliwanag ang katotohanan sa mga mananambahan. Subalit ang Classroom na pagsamba ay hindi tunay na pagsamba.
Tunay na Pagsamba
Ang tunay na pagsamba ay nakatuon sa Diyos. Ang tanong ng tunay na pagsamba ay, “Ano ang nakalulugod sa Diyos?” Nakikita natin sa tunay na pagsamba ang ating mga sarili ayon sa nakikita ng Diyos – ito ay hindi kaaya-aya sa pakiramdam ng taong ayaw magpabago sa Diyos. Ngunit ang tunay na pagsamba ay tungkol sa Kanya. Ito ay may kaakibat na krus, sakripisyo, at pagsuko. Binabago ng tunay na pagsamba ang mananambahan.
Konklusyon: Ang Patotoo ni Martha
Gaano Kahalaga ang Pagsamba? Makinig sa Patotoo ni Martha.
“Praktikal akong tao. Dapat na mayroong mag-aasikaso sa pagwawalis ng sahig, pagluluto, at iba pang gawaing bahay. Iyan ang aking kakayahan; isang kaloob ng paglilingkod.
Naalaala ko ang araw na bumisita si Jesus sa aming munting bahay doon sa Betania. Kinabahan ako sa pag-aasikaso sapagkat Siya’y kilalang guro. Nais kong maging perpekto ang lahat ng pag-aasikaso sa Kanya. Di naglaon, nagsulat si Lukas ng ganito tungkol sa akin, ‘Ngunit si Martha ay naaabala sa maraming paglilingkod’ (Lukas 10:40). Naging abala talaga ako na gawing perpekto ang lahat.
Habang abala ako sa pag-aasikaso sa bahay, si Maria naman ay nasa kabilang kwarto at nakaupong nakikinig kay Jesus. Hindi ko yun ikinatuwa; kailangan ko ang tulong niya! Isa pa, isa siyang babae; hindi siya kailangan roon na nakikinig sa isang Rabbi.
Dahil sa sama ng aking loob, pinuntahan ko sila at sinabi, ‘Panginoon, wala bang anuman sa iyo na pinabayaan ako ng aking kapatid na maglingkod na mag-isa? Sabihin mo nga sa kanya na tulungan ako’ (Lukas 10:40). Hindi ko malilimutan ang Kanyang sagot. Tiningnan ako ni Jesus at umiiling na sinabi sa akin, ‘Martha, Martha, nag-aalala ka at nababagabag tungkol sa maraming bagay; subalit isang bagay ang kailangan. Pinili ni Maria ang mabuting bahagi…’ (Lukas 10:41-42)
“Ano nga ang sinasabi sa akin ng Guro? Hindi Niya sinasabi na walang kwenta ang paglilingkod. Bago Siya dumalaw sa amin, nagkwento Siya ng talinghaga tungkol sa Mabuting Samaritano – isang kwento tungkol sa paglilingkod (Lukas 10:25-37). Hindi sinasabi ni Jesus na hindi mahalaga ang paglilingkod; gusto Niyang sabihin na ang aking paglilingkod ay dapat na bumukal mula sa aking pagsamba. Ang mahalagang bagay ay ang pagsamba. Kung ako ay sasamba, ang paglilingkod ay dadaloy na kusa; hindi ako ‘mababalisa at mababagabag.’ (Lukas 10:41).
“Nang araw na iyon, natututuhan ko ang isang aral sa buhay. Hindi ko dapat hayaan na ang aking paglilingkod ang siyang maging prayoridad kaysa pagsamba. Simula ng araw na iyon, naglaan ako ng oras kasama si Maria na makinig kay Jesus. Naglaan ako ng oras upang sumamba.”
Pagsusuri
Tanungin mo ang iyong sarili, “Paano ako magiging mabuting mananambahan?” Suriin mo ang anumang bahagi sa iyong buhay na kung saan ang iyong pagsamba ay dapat na mailapit sa biblikal na kahulugan ng pagsamba.
Aralin 1, Pagbabalik Aral
(1) Ano ang pagsamba?
Ang Pagsamba ay Magalang na Pagpapasakop (Pahayag 4:10-11)
Ang pagsamba ay paglilingkod (Roma 12:1)
Ang pagsamba ay papuri (Mga Awit)
Ang pagsamba ay ugnayan (Gawa 2:42)
Ang Pagsamba ay Sumasaklaw sa Lahat ng Bahagi ng Buhay (Santiago 1:26-27)
(2) Bakit mahalaga ang pagsamba?
sa Pagsamba nakikita natin ang Diyos (Isaias 6:1-8)
sa Pagsamba Nakikita natin ang ating Sarili at Nagbabago (Isaias 6:1-8)
sa Pagsamba Nakikita natin ang ating Mundo (Isaias 6:1-8)
ang Pagkabigong Sumamba ay Magpapalayo sa atin mula sa Diyos (Roma 1:18-25)
(3) Layunin ng pagsamba:
Sa pagsamba, nakakatagpo natin ang Diyos
Sa pagsamba, nahuhubog ang Katangiang Kristyano
Sa pagsamba, naitatatag natin ang Komunidad ng Kristyano
(4) Anong pagsamba ang kalugod-lugod sa Diyos?
Ang kalugod-lugod na pagsamba ay nakatuon sa Diyos (Pahayag 4)
Ang kalugod-lugod na pagsamba ay nagbibigay luwalhati sa Diyos sapagkat Siya’y karapat-dapat (Awit 96:7-8)
Ang kalugod-lugod na pagsamba ay pagsamba sa espiritu at katotohanan (Juan 4:23-24)
Aralin 1, Takdang Aralin
Paano inilalarawan ng Biblia ang pagsamba? Isulat ang sagot sa isang pahina batay sa mga sumusunod na talata:
Awit 111:1-2
Awit 147: 1
Awit 150
Isaias 6:1-8
Pahayag 4
Kung ikaw ay nag-aaral na kabilang sa grupo, talakayin mo ang iyong sagot sa susunod ninyong pagkikita sa klase.
Sa pasimula ng bawat kasunod na aralin, ikaw ay kukuha ng pagsusulit batay sa aralin na ito. Pag-isipan mong mabuti ang mga tanong bilang paghahanda.
Proyekto sa Kurso: 30-Araw na Paglalakbay sa Pagsamba
[1]Gagawin mo ang proyekto kaalinsabay sa kursong ito. Sa katapusan ng kurso, iyong iuulat ang mga natapos mo sa proyekto. Hindi mo ipapasa ang iyong journal sa tagapamuno ng inyong klase.
Sa bawat araw ng 30-araw, maglalaan ka ng sandali na pagbubulayan mo ang isa sa mga katangian ng Diyos. Mas maganda kung gagawin mo ang proyektong ito sa umaga upang magawa mong pagbulayan ang katangian na iyon sa buong araw. Ang pagbubulay ay nangangahulugan ng malalim na pag-iisip tungkol sa isang bagay.
Kumuha ka ng isang blanko na notebook bilang iyong journal. Pasimulan mo ang bawat araw sa panalangin; na hinihiling mo sa Diyos na ipahayag Niya ang Kanyang Sarili sa iyo. Pagkatapos, buksan mo ang Aklat ng Mga Awit at simulan mong basahin. Ang layunin ng proyektong ito ay pagbubulay, hindi maraming pagbabasa. Maari kang magbasa ng isang talata o kaya’y isang kabanata ng Psalmo.
Habang nagbabasa ka, hanapin mo ang katangian ng Diyos o paglalarawan sa Diyos. Ang katangian ng Diyos ay gaya ng habag, kabanalan, at kalinga. Ang paglalarawan sa Diyos ay paghahalintulad sa Diyos – pastol, bato, kanlungan.
Kapag nakatagpo ka ng katangian o paglalarawan na nangungusap sa iyo, isulat mo ang katangian na iyon sa itaas na pahina ng iyong journal. Sa ilalim nito, isulat mo ang talatang nasasaad ito.
Pag-isipan mo ang katangian na iyon at kung ano ang sinasabi nito tungkol sa Diyos. Matapos kang manalangin, isulat mo ang iyong kuro-kuro tungkol sa Diyos at sa katangian na iyon. Ang ginagawa mo ay hindi akademikong papel kundi personal na journal sa pagsamba. Sa buong araw, pag-isipan mo ang Diyos at ang Kanyang katangian. Purihin Mo Siya sa kung sino Siya. Kapag ginawa mo ito sa loob ng 30-araw, ikaw ay magkakaroon ng malalim na pagkakilala sa Diyos.
[1]Ang proyektong ito ay hango kay Louie Giglio, The Air I Breathe: Worship as a Way of Life (Sisters, OR: Multnomah Publishers, 2003).
Aralin 1, Pagsusulit
(1) Binigyan ka ng tatlong kahulugan tungkol sa pagsamba sa pasimula ng aralin na ito. Isulat mo ang kahulugan na iyong naisaulo.
(2) Ilista ang apat na aspeto ng biblikal na pagsamba.
(3) Nang ang babaeng Samaritana ay nangatuwiran tungkol sa pisikal na lokasyon ng pagsamba, itinuro ni Jesus ang ___________lokasyon ng pagsamba.
(4) Sa aklat ng Mga Awit, ang salitang _________ay nangangahulugan ng galak sa pagsamba.
(5) Ayon kay Santiago, ang pagsamba na dalisay at walang dungis ay mayroong dalawang aspeto?
(6) Ilista ang apat na dahilan kung bakit mahalaga ang pagsamba.
(7) Ayon sa Araling ito, ano ang tatlong katangian ng pagsamba na kalugod-lugod sa Diyos?
(8) Isulat ang Juan 4:23-24 gamit lang ang memorya.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.