Pinapahalagahan ni James ang tradisyunal na pagsamba. Isang araw, sa kanilang buwanang pagtitipon, si Enoch, na namumuno sa isang kontemporaryong pagsamba ay nagtanong sa kanya, “Bakit hindi mo subukan ang isang bagong paraan ng pagsamba sa inyong serbisyo?”
“Biblikal kami sa pagsamba,” tugon ni James. “Kung walang utos ang Biblia tungkol sa isang partikular na gawi ng pagsamba na ayon sa ginawa ng sinaunang Iglesia, wala tayong kalayaan na dagdagan ito. Sino tayo upang baguhin ang biblikal na pagsamba? Sa aming simbahan, umaawit lamang kami ng mga salmo. Ang mga awiting iyon ang siyang awitin ng sinaunang Iglesia; para sa amin, ito ay sapat na at mabuti!”[1]
Tugon ni Enoch, “Para bang sinasabi mo sa akin na ang kasaysayan ay huminto na sa aklat ng Pahayag. Subalit bakit natin lilimitahan ang ating mga sarili sa gawi ng pagsamba na 2,000 taon na ang tanda? Hangga’t walang sinasabing pagbabawal ang Biblia tungkol sa isang gawi o paraan ng pagsamba; hangga’t ang paraan na iyon ay hindi nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi sa Iglesia, dapat nating iangkop ang ating panambahan sa pangangailangan ng ating henerasyon. Sa aking simbahan, marami kaming mga bagong awitin. Kung talagang nais ipagbawal ng Diyos ang mga bagong awitin, malinaw dapat ang pagbabawal sa mga ito sa Biblia.”[2]
Praktikal ang sagot ni Jason. “Napag-aralan na natin ang sinasabi ng Biblia tungkol sa pagsamba. Alam na natin ang mga prinsipyo ng pagsamba ayon sa Biblia. Kailangan nating makita kung paano isinakatuparan ng mga Kristiyano ang mga prinsipyong ito sa bawat henerasyon. Ano ba ang itsura ng pagsamba sa kasaysayan ng Iglesia?”
Naunawaan ni Jason ang isang mahalagang prinsipyo kapag tinatalakay ang pagsamba. Bagamat ang mga biblikal na prinsipyo ng pagsamba ay hindi nagbabago, bawat karanasan sa pagsamba sa Biblia ay magkakaiba. Ang detalye ng pamamaraan ay may pagkakaiba, ngunit ang mga mahahalagang elemento ng pagsamba ay hindi nagbabago. Sa nakaraang dalawang aralin ay natunghayan natin ang mga mahahalagang prinsipyo ng pagsamba; ang detalye ng pagsasagawa sa mga ito ay natuklasan nating nagbabago. Isaalang-alang ang mga sumusunod:
Si Abraham ay nasa pinto ng kanyang tolda noong siya ay sumamba. May iba na kapag binasa ito ay maaring isipin, “Ang tunay na pagsamba ay nangyayari kapag ikaw ay nasa iyong tahanan.” Subalit…
Si Isaias ay nasa Templo noong makita niya ang kaluwalhatian ng Panginoon. May iba na kapag binasa ito ay maaaring isipin, “Ang tunay na pagsamba ay nangyayari kapag ikaw ay nasa simbahan.” Subalit…
Ang katawan ni Job ay nabalot ng mga pigsa mula ulo hanggang talampakan nang sinabi niya, “Narinig kita, ngunit ngayo'y nakikita na kita” (Job 42:5). Kaya’t may iba na kapag binasa ito ay maaaring isipin, “Aha! Ang tunay na pagsamba ay nangyayari kapag ikaw ay naghihirap.”
Nakikita mo ba ang punto rito? Ang pagsamba ay nangyayari sa iba’t ibang kalagayan, iba’t ibang pamamaraan, at iba’t ibang sinusundang huwaran. Madalas tayong nalilito sa nagbabagong kalagayan ng pagsamba sa hindi nagbabagong prinsipyo.
Sa araling ito, matutunghayan natin kung paano isinakatuparan ng Iglesia ang mga prinsipyo ng pagsamba sa buong kasaysayan. Magbibigay ito sa iyo ng kamalayan tungkol sa iba’t ibang paraan ng pagsamba ng bayan ng Diyos. Nawa’y makatulong ito sa iyo na makita na walang nag-iisang modelo sa pagsamba na kinakailangang sundin ng bayan ng Diyos sa lahat ng pagkakataon at kalagayan. Sa halip, dapat nating hanapin ang patnubay ng Espiritu ng Diyos upang malaman kung paano maisasabuhay ang mga biblikal na prinsipyo sa ating mga sariling kalagayan.
Sa araling ito, matutunghayan rin natin na ang paraan ng ating pagsamba ay sumasalamin sa atin mga paniniwala. Ang ating mga gawi sa pagsamba ay iniimpluwensyahan ng ating mga paniniwala tungkol sa Diyos at kung paano tayo lumalapit sa Kanya.
Ang kaunawaang ito ay napakahalaga sa iyong pagpapasya tungkol sa usapin ng pagsamba.Ginagawa mo ba ang inyong panambahan sa paraang naipapahayag ang iyong paniniwala, o nanggagaya ka lang ng pamamaraan ng iba? Kung ginagaya mo lang ang pamamaraan ng ibang simbahan, siguraduhin mong sumasang-ayon ka sa paniniwala ng simbahang iyon tungkol sa Diyos at sa paraan ng paglapit sa Kanya. Ang ating pagsamba ay dapat nagpapakita ng ating paniniwala.
► Bago ipagpatuloy ang araling ito, talakayin muna ninyo ang kasalukuyang kalagayan ng inyong serbisyo sa simbahan. Kung ang isang tao na dadalo sa inyong simbahan ay walang alam tungkol sa inyong doktrina, anong masasabi ng inyong estilo ng pagsamba tungkol rito? Ano ang matututuhan nila mula rito tungkol sa inyong pananaw sa Diyos, pananaw sa pakikipag-relasyon sa Kanya, at pananaw sa ebanghelismo bilang bunga ng inyong panambahan?
[1]Ito ay tinatawag na “regulatibong prinsipyo” ng pagsamba. Mula ito sa turo ni John Calvin na ipinagbabawal ang anumang gawi sa pagsamba na hindi isinagawa sa Biblia. Naging dahilan ito upang ipagbawal ang paggamit ng mga instrumentong pang-musika (sapagkat ang mga instrumento raw ay hindi nababanggit sa panambahan sa Bagong Tipan) o iba pang mga awitin liban sa Salmo. Ngunit may ilang mga simbahan na bagamat sumusunod sa prinsipyong ito ay nagpasyang magdagdag ng mga instrumento at himno sa kanilang pagsamba. Gayunma’y patuloy pa rin nilang iniiwasan ang mga makabagong paraan ng pagsamba.
[2]Ito ay tinatawag na “normatibong prinsipyo” ng pagsamba. Itinuturo ng prinsipyong ito na anumang paraan sa pagsamba na hindi ipinagbabawal sa Biblia ay maaaring gamitin, hangga’t ito’y hindi mapanira sa kapayapaan at pagkakaisa sa Iglesia.
Larawan ng Pagsamba noong Ikalawang Siglo
Matapos ang panahon ng Bagong Tipan, ang pinakaunang paglalarawan sa pagsamba ay nagmula sa isang liham noong A.D. 113. Si Pliny na gobernador ng Bithynia ay inilarawan ang panambahan na ginagawa ng mga Kristyano sa kanyang sulat kay Emperador Trajan.[1] Ayon sa kanya, ang mga Kristyano, “ay nagtitipon sa isang itinakdang araw bago magbukangliwayway. Sila’y umaawit ng himno kay Cristo na parang iniuukol sa isang diyos. Mayroon silang panata…na hindi magnanakaw, hindi mandaraya, hindi mangangalunya…Pagkatapos nito ay aalis sila at babalik para kumain ng sama-sama.”
Ayon kay Pliny, ang mga Kristyano ay nagtitipon tuwing Linggo bago sumikat ang araw upang umawit ng himno at magbigay ng panata ng mabuting pamumuhay. Maaaring ang mga ito ay tugon sa isang binasang banal na kasulatan. Matapos ito, ang mga Kristyano ay salo-salong kakain, na maaaring isang paraan ng pagdiriwang sa banal na Hapunan ng Panginoon.
Paglipas ng apatnapung taon, si Justin Martyr ay nagbigay naman ng detalyadong paglalarawan sa pagsambang Kristiyano.[2] Sumulat si Justin para ipagtanggol ang pagsambang Kristiyano. Ito’y dahil sa naging pag-aakala ng Romanong emperador na ang mga Kristiyano ay gumagawa ng immoralidad at paghihimagsik sa Emperyo habang sila’y nagtitipon. Ngunit tiniyak ni Justin sa emperador na ang pagsambang Kristiyano ay hindi banta sa bansang Roma. Ayon kay Justin, ang pagsambang Kristiyano ay may mga sangkap na sumusunod:
(1) Pagbabasa ng kasulatan.
(2) Sermon mula sa pinuno ng simbahan.
(3) Panalangin. Ang bawat isa ay tahimik na nanalangin; pagkatapos nito ay pangungunahan sila ng pastor sa pormal na panalangin, na kung saan ang kapulungan ay tutugon ng “Amen.” Sa katapusan ng panalangin, ang mga mananambahan ay magbibigay ng pagbati sa isa’t isa sa pamamagitan ng tinaguriang banal na halik, na siyang pahiwatig sa presensya ng Banal na Espiritu.
(4) Ang serbisyo ay nagtatapos sa Komunyon. Matapos ang panambahan, kukunin ng dalawang diyakono ang mga natitirang tinapay at alak upang ibigay ang mga ito sa mga Kristiyanong maysakit, o kaya’y sa kapatirang nasa bilangguan at naghihintay ng kamatayan bilang martir.
(5) Sa katapusan ng serbisyo, silang may mga pera o pagkain ay maghahatid ng kanilang mga kaloob sa pinuno. Ang mga kaloob na ito ay ibibigay sa mga “ulila at balo, sa mga nangangailangan na dulot ng karamdaman o iba pang dahilan, at sa kanilang mga bihag at dayuhan sa kapulungan.”
Isa sa lakas ng pagsamba noong ikalawang-siglo ay ang pakikibahagi ng kongregasyon. Sina Pliny at Justin Martyr ay kapuwa naglarawan ng isang simpleng panambahan, na iba sa mabusising ritwal ng mga pagano at misteryosong relihiyon sa Roma. Ang pagsamba ng mga Kristiyano ay may kalapitan sa isa’t isa, lalo’t kapag ang kanilang mga maliliit na grupo ay nagtitipon sa kani-kanilang mga pribadong tahanan.
Isa pang lakas ng pagsamba sa ikalawang siglo ay tungkol sa malinaw na ugnayan ng pagsamba at buhay. Nasasaad sa liham ni Pliny na ang mga Kristiyano ay may panatang mamuhay ng wasto at banal; si Justin Martyr naman ay may sinabing pag-aabuloy sa mga mahirap. Nagpapakita ito na sinasakop ng pagsamba ang bawat bahagi ng buhay.
► Anong aspeto ng pagsamba noong ikalawang siglo ang maaaring maging kapakipakinabang sa iyong pagsamba? May nakikita ka bang panganib sa pagsamba ng ikalawang siglo?
[1]Pliny, Letters 10.96-97, Hango sa https://faculty.georgetown.edu/jod/texts/pliny.html noong Enero 26, 2023.
[2]Justin Martyr, (Isinalin ni Marcus Dods), The First Apology of Justin (Chapter 67). Hango sa https://en.wikisource.org/wiki/Ante-Nicene_Christian_Library/The_First_Apology_of_Justin_Martyr#Chapter_67 noong Enero 26, 2023
Ang Larawan ng Pagsamba noong Middle Ages
Para sa ikalawang larawan ng pagsamba, dadako tayo sa ika-12 siglo. Sa panahong ito, ang Kristyanismo ay isa ng opisyal na relihiyon sa tinaguriang Banal na Emperyo ng Roma. Matapos ilunsad ni Constantine ang Edict of Milan noong A.D. 313, nagsimula na rin ang pagpapatayo ng mga magagarang mga gusali ng simbahan. Marami sa mga magagarang mga katedral sa Europa ay naipatayo sa panahong ito na tumagal ng 1,000 taon.
Noong Middle Ages, ang pagsamba ay naging maringal o engrande. Sa positibong pananaw, ang panambahan sa katedral ay nagpapakita ng kadakilaan ng Diyos. Ang mga salaming may larawan ay nagpapakita ng mga biblikal na pangyayari para sa mga taong hindi marunong bumasa. Ang koro ay umaawit ng mga magagandang mga awitin. Ang pagsamba ay naging maganda at dramatiko.
Kahinaan ng Pagsamba sa Middle Ages
Ang kagandahan ay higit na pinahalagahan kaysa sa espirituwalidad.
Ang paggamit ng mga magagandang bagay para sa pagsamba ay binigyang diin: nariyan ang insenso, mga mahuhusay na awitin at mang-aawit, mga kampana, at espesyal na kasuotan na para sa mga pari. Ang sining ay higit na pinahalagahan kaysa sa espirituwal.
Hindi nauunawaan ng mga tao ang serbisyo.
Ang serbisyo ay ipinagdiriwang sa wikang Latin, isang lingwahe na iilan lamang ang nakakaunawa. Ang mga pari sa kani-kanilang lokalidad ay hindi sanay sa pangangaral ng sermon. Ang mga panalangin ay mula sa mga pinagtagpi-tagping mga talata na galing sa iba’t ibang pinagmulan at madalas na hindi magkakaugnay ang paksa.
Ang mga tao ay mga tagamasid lamang, hindi mga aktibong mananambahan.
Wala masyadong pakikibahagi ang mga tao. Ang kapulungan ay tagapagmasid lamang na parang nanunuod ng isang drama, ang Misa. Ang mga pari ang tagapagganap sa panambahan samantalang ang mga tao ay tagapanuod. Ang pokus ng serbisyo ay ang Komunyon sa halip na ang Kasulatan.
Itinuturo ng Simbahang Romano Katoliko na ang tinapay at alak ay nagbabago tungo sa aktuwal na katawan at dugo ni Cristo (tinatawag itong doktrina ng transubstantiation). Ngunit ang mga karaniwang tao ay nakakatanggap lamang ng Komunyon tuwing araw ng Pagkabuhay. Iniinom ng pari ang alak at ang ibinabahagi sa kongregasyon ay ang mga tinapay lamang.
Ang ebanghelyo ay pinalitan ng rituwal.
Ang ating pagsamba ay humuhubog ng ating paniniwala. Iyan mismo ang prinsipyong makikita natin sa Middle Ages. Ang pagsamba ng Romano Katoliko ay humubog ng kanilang theolohiya. Ang tingin nila sa Diyos ay malayo at walang pagmamalasakit sa tao. Hindi maramdaman ng mga karaniwang tao na maaari silang lumapit sa Diyos. Sila’y nakikipag-usap sa Diyos sa pamamagitan ng pari. Ang pari ay naging tagapamagitan sa Diyos at tao.
Ang lakas ng panambahan noong Middle Ages ay ang kamalayan sa kadakilaan ng kahanga-hangang Diyos. Sa pamamagitan ng arkitektura, musika, drama, at magagandang sining, naihahayag sa pagsamba ang kadakilaan ng Diyos.
Subalit, ang kahinaan ng panambahan sa Middle Ages ay lubos na gumapi sa kanyang lakas. Ang isang ordinaryong Kristiyano ay tagapanuod lamang sa serbisyo ng pagsamba. Sa maraming paraan, ang panambahan noong Middle Ages ay isang matinding paglayo mula sa pagsamba ng Bagong Tipan.
Mga Panganib sa Pagsamba: Walang Kabuluhang Pagsamba
Dapat tayong magbigay ng panahon upang turuan ang ating kongregasyon kung bakit tayo sumasamba sa paraang ating ginagawa; sapagkat kung hindi, ang mga makabuluhang tradisyon ay ma`aaring maging walang kabuluhan sa mananambahan.
Nagtanong ang isang bagong mananampalataya sa kanyang pastor, “Pastor, bakit tayo nagsasabi ng ‘Amen’ sa katapusan ng ating mga panalangin? Ang ‘Amen’ ba ay isang mahikal na salita na nagtutulak sa Diyos na gawin ang ating hinihiling?” Dahil sa tanong na ito ay naisip ng pastor na dapat niyang ipaliwanag ang detalye ng pagsamba. Ang isang simpleng bagay na tulad ng “Amen” ay maaaring maging walang kabuluhan kung hindi natin tuturuan ang ating kongregasyon tungkol sa pagsamba.
Hindi kinakailangan na alisin ang simbolismo at misteryo mula sa pagsamba. Ang solusyon ay ang ituro sa kongregasyon ang kahulugan ng ating mga gawi sa pagsamba. Dapat nilang malaman kung bakit natin ginagamit ang mga kataga na ating ginagamit; dapat nilang malaman kung bakit ang pag-awit ng kongregasyon ay mahalaga para sa kongregasyon; at dapat nilang maunawaan ang ibig sabihin ng banal na kasulatan.
► Anong aspeto ng panambahan sa Middle Ages ang maaaring maging kapaki-pakinabang sa iyo? May nakikita ka bang panganib sa pagsamba ng Middle Ages?
Ang Larawan ng Pagsamba noong Repormasyon
Batid ng mga Repormista na ang ating pagsamba ay humuhubog sa ating theolohiya. Alam nila na ang mga theolohikal na katotohanan ng Repormasyon ay maaaring maglaho maliban na ang pagsamba ay sumalamin sa theolohiya ng Repormasyon.
Ang pangunahing theolohikal na pansin ng mga Repormista ay hinggil sa pagiging pari ng isang mananampalataya. Ang turong ito ay nangangahulugan na ang mananampalataya ay direktang sumasamba sa Diyos; hindi niya kailangan ang isang pari. Masidhi rin ang paniniwala ng mga Repormista na ang Salita ng Diyos ay dapat na taglay ng bawat mananampalataya.
Ang pagsamba noong Repormasyon ay naghahangad na bawat mananampalataya ay makabahagi. Ang pagsamba ay nasa sariling wika ng kapulungan, hindi sa Latin. Ang Kasulatan ay binabasa at ipinapangaral upang lahat ng mananambahan ay makaunawa ng Salita ng Diyos gamit ang kanilang wika. Ang pag-awit ng kongregasyon ay nagbibigay ng pagkakataon sa bawat mananambahan na makibahagi sa pagsamba. Si Martin Luther ay isang manunulat ng himno, at ang kanyang mga himno ay naging kasangkapan sa paglaganap ng Repormasyon.
Sa kabila ng pagkakaisa sa mga pananaw na ito, marami pa ring di pagkakaunawaan sa mga Repormista hinggil sa pagsamba. Halimbawa, pinanatili ng mga Lutheran at Anglican ang mga seremonya ng Simbahang Romano Katoliko. Naniniwala si Luther na, liban lang kung ipinagbabawal ng Kasulatan o nagdudulot ng hidwaan sa simbahan, ang bagong mga gawi sa pagsamba ay maaaring pahintulutan.
Si Calvin at ang kanyang mga tagasunod ay mayroon ring ilang mga rituwal na isinasagawa, subalit tinatanggihan nila ang mga gawi sa pagsamba na hindi partikular na tinatalakay sa Kasulatan. Hinikayat ni Calvin ang kanyang kongregasyon na umawit, subalit ang pag-awit lamang ng mga salmo. Naniniwala siya na “tanging ang Salita ng Diyos ang karapat-dapat sa pag-awit ng papuri ng Diyos.”[1] Ipinagdiwang niya ang Komunyon na may pakikibahagi ang kongregasyon. Mungkahi niya na ang Hapunan ng Panginoon ay dapat na ipagdiwang ng kahit isang beses sa isang buwan o makakabuti kung tuwing Linggo.
Ang mga Anabaptist at Puritan ay tumanggi sa pagsasagawa ng halos lahat ng seremonya. Sila’y nanumbalik sa simpleng paraan ng pagsamba. Sila’y madalas na nagtitipon sa kani-kanilang mga kabahayan at itinuturing ang kanilang grupo ang tunay na sumusunod sa panambahan ng unang siglo.
Ang lakas ng Repormasyong pagsamba ay nasa pagbabalik ng kongregasyon sa pakikibahagi. Bagamat may mga pagkakaiba pa rin sa mga simbahan ng Repormasyon, lahat ng mga Repormista ay nagkakaisa sa hangarin na isabuhay sa pagsamba ang turo tungkol sa pagkapari ng mananampalataya.
► Anong aspeto ng pagsamba noong Repormasyon ang magiging kapaki-pakinabang sa iyong pagsamba? May nakikita ka bang panganib sa pagsamba noong Repormasyon?
[1]Hango kay Donald P. Hustad, Jubilate II (Carol Stream: Hope Publishing Company, 1993), 194.
Larawan ng Pagsamba sa mga Free Churches
Pagkatapos ng Repormasyon, may ilang simbahan na tumangging pasakop sa kontrol ng pamahalaan. Ang mga simbahang ito ay tinawag na “Free churches.” Kabilang sa mga ito ang Anabaptists, Puritans, Nonconformists, Separatists, at Dissenters. Marami sa kanila ay ayaw sa liturhiya at rituwal.
Mga tampok sa panambahan sa Free churches:
(1) Ang pangangaral ay sentral.
(2) Ang pakikibahagi ng kongregasyon ay mahalaga.
Ang katangian ng pakikibahagi ng kongregasyon ay may pagkakaiba sa mga simbahan.
Sa ilang mga simbahan, ang kongregasyon ay umaawit ng himno. Sa ibang mga simbahan, walang musika na maririnig sa publikong panambahan.
Sa ilang mga simbahan, ang mga miyembro ng kongregasyon ay malakas na nananalangin. Sa ibang mga simbahan, ang pastor ang siyang nananalangin para sa kapulungan.
Mayroon ring kaunting pagkakaiba sa pagitan ng miyembro at ministro. Halos lahat ng simbahan sa Free churches ay walang espesyal na kasuotan para sa ministro.
(3) Lahat ng panambahan ay nasa wika ng kapulungan.
Ang balangkas ng serbisyo noong 1608 ay kinapapalooban ng mga sumusunod (ang serbisyo ay tumatagal ng apat na oras):
Panalangin
Pagbabasa ng Kasulatan (1-2 kabanata na mayroong pagpapaliwanag)
Panalangin
Sermon (Isang oras o higit pa)
Pahayag na kontribusyon ng kapulungan
Panalangin
Pagkakaloob
Ang pagsamba ay hindi na pinangingibabawan ng Komunyon at ng pari. Ang serbisyo ng Free churches ay halos nakakahawig sa panambahan ng Iglesia sa Bagong Tipan.
Sa kabila nito, mayroon pa ring mga panganib sa ganitong paraan ng pagsamba. Bagamat ang mga Free churches ay nagtuturo ng pagkapari ng mananampalataya, madalas na sa pagsasakatuparan nito, ang mangangaral ang siyang pumalit sa lugar ng pari bilang napagtutuunan ng pansin sa pagsamba. Sa ilang mga simbahan, bihira ang pakikibahagi ng kongregasyon.
Marahil, isa sa malaking panganib sa panambahan ng Free churches ay ang sobrang indibidwalismo. Kung ang doktrina ng pagkapari ng mga mananampalataya ay hindi titimbangin ng doktrina ng pagkakaisa ng Iglesia, ang simbahan ay magiging koleksyon ng mga indibidwal, sa halip na Katawan ni Cristo na nagkaisa sa pagsamba. Nangyayari ito kapag ang pagsamba ay nagiging tungkol kay “Jesus at ako,” na walang kamalayan sa Iglesia bilang isang Katawan.
► Anong mga aspeto ng pagsamba ang mayroon sa Free churches na magiging kapaki-pakinabang sa iyong pagsamba? Mayroon ka bang nakikitang panganib sa panambahan ng mga Free churches?
Larawan ng Pagsamba noong Wesleyan Revival
Si John Wesley ay parehas na naimpluwensiyahan ng tradisyon ng publikong panambahan na natanggap niya mula sa simbahan ng Anglican, at ng pagbibigay diin sa personal at espirituwal na karanasan na natanggap niya mula sa tradisyon ng Anabaptist. Sa panahong ang pagsamba ng mga Anglican ay sumusunod sa walang saysay na rituwal ng Simbahang Romano Katoliko, ang mga Wesleys, kasama ang kanilang mga tagasunod (na tinawag na Methodists) ay isinabuhay muli ang realidad ng pagsamba na hinahatid ang mga mananambahan sa presensya ng Diyos.
Ang binibigyang diin sa sinaunang pagsamba ng Methodist ay ang mga sumusunod:
(1) Pangangaral. Ang mga sermon ni John Wesley ay nailathala at naging dokrinal na pundasyon ng mga mananambahang Methodist.
(2) Madalas na Komunyon. Madalas tumanggap si Wesley ng komunyon, mga limang beses sa isang linggo. Hinikayat niya ang kanyang mga tagasunod na tumanggap ng komunyon ng kahit isang beses isang linggo.
(3) Pag-awit ng mga himno. Ang mga himno ni Charles Wesley ang nagpalaganap ng katuruan ng Methodist sa buong British Isles at pinaabot ito sa New World.
(4) Maliliit na gru[1]po. Ang pagtitipon ng mga maliliit na grupo ay sentral sa pagdidisipulo ng mga Methodist.
(5) Sama-samang Pagsamba. Madalas na nagtitipon ang mga Methodist, at bagamat marami sa Anglican na mga pari ay hindi kumikilala sa Methodists, hinikayat pa rin ni Wesley ang kanyang mga tagasunod na dumalo sa panambahan ng Anglican.
(6) Ebanghelismo. Libo-libong mga bagong akay ang naihatid kay Cristo dahilan sa ministeryo ng Methodist na gumawa ng espirituwal na pagbangon sa bansang England at sa iba pang mga bansa.
Ang panambahan ng mga Methodist ay kinapapalooban ng mga himnong nagbibigay luwalhati sa Diyos, pagdidisipulong humuhubog ng paglagong espirituwal, at pangangaral na nagpapahayag ng katotohanan sa Iglesia at sa nangangailangang lipunan.
► Anong aspeto ng panambahan sa tinaguriang Wesleyan revival ang magiging kapakipakinabang sa iyong pagsamba? Mayroon ka bang nakikitang panganib sa Wesleyan na pagsamba?
Ang pagbangon ng Methodismo ay reaksyon sa mga kabiguang mayroon sa pagsamba noong ika-18 siglo.
“Noong ang mga sakramento ay isinantabi sa buhay ng Iglesia, ibinalik sila sa sentro ng sinaunang Methodismo. Noong ang relihiyosong sigasig ay binalewala, ginawa silang mahalaga ng Methodismo. Noong ang relihiyon ay nakakulong lang sa mga simbahan, dinala ito ng Methodismo sa mga bukirin at lansangan.”
James White in Robert Webber
Twenty Centuries of Christian Worship
Larawan ng Pagsamba sa Sinaunang America
Ang mga taong English ay unang nanirahan sa silangang ibayo ng lupain na ngayon ay tinatawag na United States of America. Noong huling bahagi ng 1700 at sa mga sumunod pang panahon, ang mga tao ay patuloy na naglakbay tungo sa kanluran upang maghanap ng sariling lupain at magtayo ng mga tahanan sa di bagong lugar. Marami silang kinaharap na mga hamon habang patuloy na nagsisipag-usbungan ang mga simbahan, paaralan, at paraan ng pagpapatupad ng batas. Sa kasaysayan, ang teritoryong ito na unti-unting tinirhan ay tinatawag na American Frontier.
Ang layunin ng ating pag-aaral sa sinaunang kasaysayan ng America ay hindi upang imungkahi ang Amerikanong modelo ng panambahan sa lahat ng pagsamba. Sa halip, pag-aaralan natin ito upang ikumpara siya sa panambahang nabuo sa mga bagong simbahan na nasa iba’t ibang lugar. Parehas na hamon rin ang kinakaharap ng mga bagong simbahan na nasa iba’t ibang bansa.
Tampok sa pagsamba ng sinaunang America:
(1) Kalayaan mula sa mga denominasyon at pormal na paraan ng pagsamba. Ang mga simbahan ng American frontier ay mas gusto ang maging malaya mula sa kontrol ng denominasyon. Hindi sila masyadong nagbibigay pansin sa rituwal o planadong programa ng panambahan (bagamat ginamit ni John Wesley ang kanyang paraan ng pagsamba para gamitin sa mga kolonya). Ang mga gusali ng simbahan at serbisyo ng pagsamba ay simple at hindi magara.
(2) Madalang na pagkakataon para sa Komunyon. Sa bansang England, binigyang diin ng mga Wesley ang kahalagahan ng palagiang pagdiriwang ng komunyon. Subalit sa American frontier, dahilan sa kakulangan ng mga ordinadong ministro, ang mga mananampalataya roon ay hindi madalas makapagdiwang ng banal na Hapunan ng Panginoon.
(3) Pangangaral ng Salita. Ang pangangaral ay nagpatuloy na pangunahing pansin at diin sa panambahan. Maging ang mga kulang sa pagsasanay na mga mangangaral ay nagbabasa sa mga sermon ni Wesley at ng iba pang kilalang ministro. Ang pinagkakatuunan ng pansin sa simbahan ay ang pulpito, hindi ang lamesa ng Komunyon. Ang pangunahing pansin ay sa pangangaral ng Salita ng Diyos.
(4) Masisiglang awitin. Buhay na buhay ang mga awitan. Naging awitin ng mga Amerikanong simbahan ang mga himno ni Charles Wesley, kasabay ang mga simpleng awitin ng pagpapatotoo na nasa estilong madaling sundan ng mga taong walang mataas na pinag-aralan.
(5) Pananalangin, ebanghelismo, at revival. Ang pangangaral ay di-pormal at madalas na pinangungunahan ng mga hindi pastor. Mahalaga ang ebanghelismo at sa panahon ng mga ginanap na revival sa America, libo-libong mga tao ang naakay sa Panginoon. Ang sermon ay madalas na sinusundan ng paanyaya sa mga di-mananampalataya na lumapit sa harapan at sambitin ang panalangin ng pagsisisi. Ang pagbibigay pansin sa kabanalang Kristiyano ay pinalaganap sa America. Binigyang diin ang paanyaya sa mga Di-mananampalataya na tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Binigyang diin sa mga Mananampalataya ang pagtatalaga ng buhay sa ganap na kabanalan.
Katulad ng ibang tradisyon, mayroon ring matatagpuang lakas at panganib sa ganitong pagsamba. Ang lakas ay sa personal na pakikibahagi at sigasig. Ang panganib ay nasa pagbibigay pansin sa personal na karanasan na may kaunting pagpapahalaga sa doktrina. Madali para sa maling turo na lumaganap sa mga rehiyon ng Frontier sapagkat wala masyadong pag-uulat ng pananagutan.
► Anong aspeto ng pagsamba sa American frontier ang magiging kapaki-pakinabang sa iyong pagsamba? May nakikita ka bang panganib sa pagsamba ng mga simbahan sa American frontier?
Mga Panganib sa Pagsamba: Kalituhan sa pagitan ng Nagbabagong Gawi at Di-Nagbabagong mga Prinsipyo
Madalas tayong mahulog sa kalituhan sa pagitan ng nagbabagong gawi at di nagbabagong mga prinsipyo ng biblikal na pagsamba. Isaalang-alang ang mga sumusunod:
Sa ilang simbahan, ang mga mananambahan ay lumuluhod upang ipakita ang kanilang kapakumbabaan kapag sila’y nananalangin. Sa ibang mga simbahan, itinataas nila ang kanilang mga kamay kapag nananalangin.
Sa ilang mga simbahan, banayad na pinatutugtog ang piano habang nananalangin. Sa ibang mga simbahan, tahimik ang lahat habang si pastor ay nananalangin. At sa iba pang simbahan, bawat isa ay malakas na nananalangin.
Sa ilang mga simbahan, ang mga awitin ay ipinapaskil sa pader gamit ang projector. Sa ibang mga simbahan, ang kapulungan ay umaawit gamit ang mga aklat ng himno.
Sa ilang mga simbahan, nagbabasa ang pastor na mga talata sa kasulatan sa pasimula ng kanyang sermon. Sa ibang mga simbahan, isang kaanib ng simbahan ang pababasahin ng talata bagong mangaral ang pastor. Sa iba pang mga simbahan, may dalawa o tatlong mga pagbabasa ng kasulatan ang ginagawa.
Walang mali sa mga ito; sila’y mga gawi, hindi prinsipyo. Kaya’t hindi natin dapat isipin ng ating pamamaraan ang siyang tanging biblikal na paraan. Ang tunay na pagsamba ay hindi tungkol sa estilo, kundi tungkol sa presensya ng Diyos.
May ilang mga prinsipyo na hindi nagbabago. Natunghayan natin ang mga prinsipyong ito sa mga aralin ng pagsamba sa Biblia. Ang mga prinsipyong ito ay hindi pwedeng balewalain. Bilang mga Kristiyano, ang mga prinsipyong ito ay gabay natin sa pagdulog sa harapan ng Diyos.
Sa mga susunod na aralin, tatalakayin natin ang mga gawi sa pagsamba. Ang prinsipyo ay hindi nagbabago; ang gawi ang nagbabago sa iba’t ibang lugar at panahon. Dahil rito, dapat tayong maging maunawain sa iba na ang paraan ng pagsamba ay naiiba sa atin. Hindi ito nangangahulugan na ang gawi ay hindi mahalaga; kundi ang ibig lang sabihin, mayroong higit na kalayaan pagdating sa mga gawi kaysa sa mga prinsipyo.
Nagsulat si Oswald Chambers tungkol sa halaga ng pagbibigay ng puwang sa Diyos sa ating mga buhay. Ang kanyang sinabi ay may kinalaman rin sa pagsamba:
Bilang mga lingkod ng Diyos, dapat nating matutuhan ang magbigay ng puwang para sa Kanya…Tayo ay nagplaplano subalit nakakalimutan natin na magbigay ng lugar para sa pagkilos ng Diyos ayon sa paraang Kanyang pinili. Maaari kaya tayong masurpresa kung dumating ang Diyos sa ating pagtitipon o pangangaral sa paraang hindi natin inaasahan? Huwag nating hintayin ang Diyos na dumating sa isang partikular na paraan, bagamat dapat tayong maghintay sa Kanyang pagdating. Isang paraan upang magbigay ng lugar para sa Kanya ay ang asahan Siyang dumating, ngunit hindi sa paraang nakatuon lang tayo sa isang partikular na paraan…
Panatilihin mo ang iyong buhay na laging nakikipag-ugnayan sa Diyos upang ang Kanyang mapanurpresang kapangyarihan ay dumating sa anumang oras. Mamuhay ka sa palagiang paghihintay at laging maglaan ng lugar para sa pagdating ng Diyos sa anumang piliin Niyang paraan.[1]
[1]Oswald Chambers, My Utmost for His Highest (January 25 entry). Hango sa https://utmost.org/leave-room-for-god/ noong Hulyo 22, 2020.
Konklusyon: Larawan ng Pagsamba Ngayon
Anong itsura ng pagsamba saika-21 siglo? Ang tanong na ito ay hindi madaling sagutin. Ang pagsamba saika-21 siglo ay may iba’t ibang anyo at paraan. May ilang mga simbahan na nagpapahalaga sa rituwal at tradisyon; may iba naman na tumatanggi sa pagsasagawa ng mga ito at nagbibigay halaga sa personal na kalayaan ng pagsamba.
Sa halip na subukang ilarawan ang pagsamba ngayon, magbigay ka ng panahon na ilarawan ang iyong pagsamba. Anong itsura ng pagsamba sa inyong simbahan? Kung ikaw ay nag-aaral kasama ng isang grupo, talakayin ninyo ang mga pagkakaiba at pagkakatulad sa panambahan sa inyu-inyong mga simbahan.
Sa puntong ito ng kurso, ang layunin ng paglalarawan ay hindi Pagsusuri. Hindi tayo magtatanong ng, “Tama ba kami o mali?” Ang simpleng tanong ay, “Ano ang ginagawa namin sa aming panambahan?”
Ang dahilan ng paglalarawang ito ay upang maglagay ng pundasyon para sa susunod na mga aralin. Kapag mayroon ka ng malinaw na paglalarawan sa kasalukuyang ginagawa ninyo sa inyong panambahan, maaari mo ng itanong, “Bakit namin ginagawa ang aming ginagawa?” at “Paano namin ito mapapabuti pa?”
Ang desisyon natin hinggil sa pagsamba ay sasalamin sa ating theolohikal na paniniwala. Ang mga elemento sa ating pagsamba ay nagpapakita ng ating paniniwala sa Diyos at paraan ng pakikipag-ugnayan sa Kanya. Ang mga elemento sa ating pagsamba ay nagpapakita ng ating paniniwala tungkol sa simbahan at sa paraan ng ating pakikitungo sa isa’t isa. Ang mga elemento sa ating pagsamba ay nagpapakita ng ating paniniwala tungkol sa mga di-mananampalataya at sa kung paano sila maaakay sa pagsamba.
Gamitin natin ang isang halimbawa – Pag-awit ng Kongregasyon
Ang kawalan ng awit ng kongregasyon sa Simbahang Romano Katoliko ay nagpapakita ng paniniwala na ang mga karaniwang tao ay hindi makakaunawa sa banal na Kasulatan (maging mga talata sa kasulatan na inaawit). Kung paanong ang isang karaniwang tao ay hindi pinapahintulutan na magbasa ng banal na kasulatan sa sarili lang nila, hindi rin sila papahintulutan na umawit ng awiting pagsamba. Ang pagsamba ay ginagawa lamang ng pari.
Ang pagpapahalaga sa awit ng kongregasyon noong panahon ng Repormasyon ay sumasalamin sa paniniwala ni Luther na bawat Kristiyano ay maaaring sumamba bilang kabahagi ng katawan ni Cristo.
Ang pagtanggi ni Calvin sa pagpapaawit ng himno ay sumasalamin sa kanyang paniniwala na tanging ang Salita ng Diyos ay karapat-dapat sa pagsamba.
Ang pagbibigay diin ng mga Methodist sa awit ng kongregasyon at sa pagtuturo ng doktrina gamit ang mga himno ay sumasalamin sa paniniwala ni Wesley na ang bawat mananampalataya ay dapat na umawit at ang ating inaawit ay may epekto sa ating paniniwala.
Ang simpleng pag-awit ng mga Frontier ay nagpapakita ng paniniwala ng mga Methodist na ang kaligtasan ay para sa lahat. Dahil sa paniniwalang ito, isinasama nila ang lahat sa masiglang pag-awit.
Sa ating pagpapatuloy sa kursong ito, matutunghayan natin ang maraming elemento ng pagsamba. Maaaring ang unang tanong mo tungkol sa pagsamba ay, “Gusto ko ba ito?” Ngunit hindi iyan ang mahalagang tanong. Ang pinakamahalagang tanong ay, “Ano ang sinasabi ng aking pagsamba tungkol sa aking pinaniniwalaan? Nagpapakita ba ito ng matuwid na pagkakaunawa sa Diyos at ng pakikipag-ugnayan ng tao sa Kanya?”
Ang pagsamba natin ay humuhubog sa ating paniniwala. Subalit totoo rin ang salungat nito: Ang ating paniniwala ay humuhubog sa paraan ng ating pagsamba.
Aralin 5, Pagbabalik Aral
(1) Sa sinaunang Iglesia:
Ang pagsamba ay di-pormal at may malapit na ugnayan.
Ang pagsamba ay nagbibigay pansin sa pakikilahok ng mga karaniwang miyembro.
Ang pagsamba ay sumasakop sa lahat ng bahagi ng buhay.
(2) Ang panambahan noong Middle Ages ay:
Ang kagandahan ay higit na pinahalagahan kaysa sa espirituwalidad.
Hindi nauunawaan ng mga tao ang serbisyo.
Ang mga tao ay mga tagamasid lamang, hindi mga aktibong mananambahan.
Ang ebanghelyo ay pinalitan ng rituwal.
(3) Noong Repormasyon:
Ang pagsamba ay pagsasabuhay ng pagiging pari ng mananampalataya.
Ang pagsamba ay nasa wika ng karaniwang tao.
Sina Luther, Calvin, at ang mga Puritan ay may magkakaibang pananaw sa papel na ginagampanan ng rituwal sa pagsamba.
(4) Sa mga Free Churches na sumunod matapos ang Repormasyon:
Ang pangangaral ay sentral.
Ang pakikilahok ng kongregasyon ay mahalaga.
Ang doktrina ng pagkapari ng manananampalataya ay mahalaga.
Lahat ng panambahan ay nasa wika ng kapulungan.
Ang matinding indibidwalismo ay mapanganib.
(5) Ang sinaunang pagsamba ng Methodist ay kilala sa:
Pagbibigay diin sa pangangaral
Pagbibigay diin sa madalas na Komunyon
Pagbibigay diin sa pag-awit ng himno
Pagbibigay diin sa pagtitipon ng maliliit na grupo
Pagbibigay diin sa sama-samang pagsamba
Pagbibigay diin sa ebanghelismo
(6) Pagsamba sa sinaunang America:
Hinihikayat ang personal na pakikilahok at sigasig sa pagbabahagi ng ebanghelyo
Madalas na nagbibigay diin sa personal na karanasan kahit na minsa’y napapabayan ang integridad ng doktrina
(7) Ang pagsamba natin ngayon ay sumasalamin sa ating paniniwala sa Diyos at kung paano tayo makipag-ugnayan sa Kanya.
Aralin 5, Takdang Aralin
Inilarawan ni Justin Martyr ang pagsamba ng Iglesia noong ikalawang siglo sa ilang pangungusap. Siya’y nagsulat para sa mga taong hindi pa nasasaksihan ang panambahang Kristiyano. Magsulat ka rin ng 2-3 pangungusap na ilalarawan mo ang pagsamba sa inyong simbahan sa taong hindi pa nakakadalo sa inyong serbisyo. Maingat mong isipin kung ano ang pinakamahalaga sa inyong pagsamba. Paano mo maipapaliwanag ang inyong serbisyo sa paraang maipapahayag mo ang sentral na bagay sa pagsambang Kristyano?
Kung ikaw ay nag-aaral kasama ang isang grupo, talakayin ninyo ang sagot ng bawat isa sa susunod ninyong pagkikita.
Sa pasimula ng susunod na aralin, magkakaroon kayo ng pagsusulit batay sa araling ito. Pag-aralang mabuti ang mga tanong bilang iyong paghahanda.
Aralin 5, Pagsusulit
(1) Magbigay ng tatlong elemento ng pagsamba noong ikalawang siglo ayon sa paglalarawan ni Justin Martyr.
(2) Magbigay ng tatlong kahinaan ng pagsamba noong panahon ng Middle Ages.
(3) Ano ang dalawang pangunahing pagpapahalaga noong Repormasyon, na may kinalaman sa pagkapari ng mga mananampalataya?
(4) Kilalanin ang (mga) grupo noong Repormasyon na akma sa bawat paglalarawan.
Pinapahintulutan ang anumang gawi sa pagsamba na hindi ipinagbabawal sa banal na Kasulatan:___________
Hindi pinapahintulutan ang anumang gawi sa pagsamba na hindi tinatalakay sa banal na kasulatan: _______________
Tumatanggi sa halos lahat ng seremonya. Minsa’y nagkakatipon sa kani-kanilang tahanan upang sumamba: __________________
(5) Magbigay ng tatlong tampok na makikita sa pagsamba ng Free churches.
(6) Magbigay ng tatlong binibigyang diin sa pagsamba ng sinaunang Methodist.
(7) Magbigay ng tatlong katangian ng pagsamba sa sinaunang America.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.