Pambungad sa Pagsambang Kristyano
Pambungad sa Pagsambang Kristyano
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 6: Musika sa Pagsamba

41 min read

by Randall McElwain


Mga Layunin ng Aralin

  1. Kilalanin ang biblikal, theolohikal, at praktikal na mga dahilan para sa musika ng pagsamba.

  2. Unawain na ang musika ay nangungusap sa isip, puso, katawan, at kalooban.

  3. Manindigang sundin ang mga prinsipyo ng Biblia na gumagabay sa pagpili ng musika sa pagsamba.

  4. Gamitin ang mga tuntunin ng Biblia sa mga praktikal na tanong na may kinalaman sa musika ng pagsamba.

Paghahanda sa Araling ito

Isaulo ang Colosas 3:15-17.

Pambungad

Nais ni Matthew na magbitiw sa kanyang katungkulan bilang pastor sa kanyang simbahan. Dumating siya sa Lakeside First Church noon na may matinding pananabik at pag-asa. Mahilig siyang mag-aral at maghanda ng mga sermon. Nasisiyahan siyang bumisita sa mga tao at nagbibigay-aliw sa mga nasasaktan. Tuwang-tuwa siya na magkaroon ng pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo sa mga hindi mananampalataya. Gustung-gusto ng kanyang mga miyembro ang kanyang mga sermon. Dumarami ang dumadalong bisita. Dapat sana’y sabik si Matthew bilang isang pastor, ngunit parang may mali. Ito ay nagsimula sa hindi nila pagkakasundo sa musika.

Tuwing umaga ng Lunes, tumatawag si Josiah sa opisina ng simbahan. “Pastor, hindi maganda ang musika kahapon. Hindi ko alam ang huling awit. Ang tunog ng keyboard ay masyadong malakas. Hindi ko na matiis. Kailangang may gawin ka Pastor tungkol sa musika ng simbahang ito!”

Tuwing Martes, nagkikita sina Matthew at ang direktor ng musika na si Thomas. Si Thomas ay may sarili ring reklamo. “Pastor, bakit pa tayo umaawit ng maraming lumang himno? Sawa na ang mga mang-aawit natin sa mga awiting iyan. Noong Linggo, umawit tayo ng dalawang lumang himno at isang bagong awit lang. Bakit hindi na lang natin alisin ang mga himno na iyan? Lahat ng malalaking simbahan ay nagbago na. Hayaan mo na sana akong baguhin ang ating musika!"

Kinagabihan ng Martes, parang gusto ng sumuko ni Matthew. Gusto ng ibang miyembro ng Lakeside First Church ang umawit ng mga lumang himno at nagrereklamo sila sa tuwing may bagong awiting ipinapakilala. Sa kabilang banda, may ibang mga miyembro na ayaw ang mga lumang himno. Gusto nilang umawit lang ng mga papuri at pagsambang awitin. Hindi makahanap ng solusyon si Matthew.

► Anong payo ang maaari mong ibigay kay Pastor Matthew? Paano kaya makapagmiministeryo ang musika ng simbahan sa magkaibang grupo ng kongregasyon?

Mga Dahilan kung Bakit Mahalaga ang Musika sa Pagsamba

Sa isang panayam hinggil sa musika ng simbahan, isang pastor ang nagsabi na, “Hindi natin kailangan ng musika sa pagsamba. Kung ipapangaral ko ang Salita ng Diyos sa mabisang paraan, ang pag-awit ay hindi na kailangan.” Hindi nakita ng pastor na ito ang kahalagahan ng musika sa pagsamba.

► Paano mo sasagutin ang pastor na ito? Bakit mahalaga ang musika sa ating pagsamba?

Ang mga Kristiyano ay mga taong umaawit. Hindi nagtitipon ang mga Muslim upang umawit, gayundin ang mga Buddhist at mga Hindu. Subalit ang mga Kristiyano ay nagtitipon upang umawit. Hindi lahat ng Kristiyano ay nangangaral, nangunguna sa panalangin, o nagbabasa ng Biblia sa publiko. Subalit ang lahat ng Kristiyano ay kayang umawit at dapat na umawit. Ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit mahalaga ang musika sa Kristiyanong pagsamba.

Biblikal na Dahilan ng Musika sa Pagsamba

Mahalaga ang musika sa pagsamba dahil ang musika ay mahalaga sa Biblia. Mayroong halos 600 na mga talata sa Biblia ang tungkol sa pag-awit at musika. Apatnapu't apat na aklat sa Biblia ay may binabanggit tungkol sa musika.

Mga awitin sa Biblia na may kaugnayan sa iba’t-ibang kaganapan:

  • Pinuri ng Israel ang Diyos dahil sa nakamit nilang tagumpay laban sa hukbo ni Faraon (Exodo 15).

  • Pinuri ng Israel ang Diyos pagkatapos ng tagumpay ni Deborah laban kay Jabin (Hukom 5).

  • Ang mga mang-aawit ay sumamba noong itinalaga ang Templo (2 Cronica 5:11-14).

  • Pinangunahan ng mga mang-aawit ang pagsamba noong muling ipinatayo ang Templo (Ezra 3:10-12).

  • Ang aklat ng mga Awit ay isang kalipunan ng mga himno para sa pagsamba ng mga Judio at Kristiyano.

  • Si Jesus at ang Kanyang mga disipulo ay umawit ng isang himno noong Huling Hapunan (Mateo 26:30).

  • Sina Pablo at Silas ay umawit ng mga papuri sa bilangguan (Gawa 16:22-25).

  • Nakita ni Juan na ang pag-awit ay bahagi ng pagsamba sa langit (Pahayag 4 at 5).

Mga Theolohikal na Dahilan ng Musika sa Pagsamba

Ang mga mananambang Judio ay umaawit habang sila ay sumasamba. Ang mga sinaunang Kristiyano ay umawit rin ng may pasasalamat sa kanilang mga puso sa Panginoon (Colosas 3:16). Ang musika ay isang mahalagang bahagi ng Kristiyanong pagsamba.

Subalit noong A.D. 367 ipinagbawal ng Konseho ng Laodicea ang pag-awit ng kongregasyon. Hindi pinahintulutan ng Simbahang Romano Katoliko ang mga karaniwang tao na magbasa ng Biblia. Naniniwala ang simbahang ito na ang mga sinanay na pari lamang ang may kakayahang magbigay ng wastong kahulugan sa Salita ng Diyos. Ang ganitong parehas na pangangatwiran ang siyang nagbunsod sa konseho na ipagbawal rin ang pag-awit ng kongregasyon. Wika nila: “Kung ang isang mananampalataya ay walang kakayahan o pribilehiyo ng personal na interpretasyon sa Banal na Kasulatan, hindi rin siya dapat pahintulutang umawit ng mga awit ng Simbahan.”[1] Kaya’t noong Middle Ages, tanging ang mga sanay na mga mang-aawit ng simbahan ang umaawit ng pagsamba. Ang mga ordinaryong mananampalataya ay mga tagapanood lamang.

Ang isang mahalagang theolohikal bagay sa Repormasyon ay ang pagkasaserdote o pagiging pari ng mananampalataya. Ibig sabihin, ang bawat mananampalataya ay may pribilehiyo at responsibilidad na direktang lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Walang Kristiyano ang nangangailangan ng pari upang magsilbing tagapamagitan. Ang bawat mananampalataya ay may pribilehiyo at tungkulin na makinig sa Diyos na nagsasalita sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Kasulatan. Kaugnay nito, ang bawat mananampalataya ay may pribilehiyo at tungkulin na umawit sa pagsamba.

Nakita ni Martin Luther ang kaugnayan sa pagitan ng pagbabasa ng Biblia at pag-awit. Sinabi niya, “Hayaang tuwirang magsalita ang Diyos sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan; at hayaang ang Kanyang mga anak ay tumugon sa Kanya sa pamamagitan ng mga awit ng papuri.”[2] Kaya’t ang musikang pangkongregasyon ay nagpapahayag ng theolohikal na prinsipyo ng pagkasaserdote ng mananampalataya.

Ang ikalawang theolohikal na prinsipyo na ipinapahayag sa pamamagitan ng musika ay ang pagkakaisa ng Iglesia. Karamihan sa mga talata sa Biblia tungkol sa pag-awit ay tungkol sa pag-awit ng kongregasyon. Iniutos ni Pablo sa mga sinaunang Kristiyano na magturo at magbabala sa isa't isa sa pamamagitan ng mga awitin (Colosas 3:16). Habang sabay-sabay na umaawit ang mga mananampalataya, ipinapahayag nila ang pagkakaisa ng Iglesia.


[1]David Jeremiah. Worship (CA: Turning Point Outreach, 1995), 52
[2]Hango kay David Jeremiah, Worship (CA: Turning Point Outreach, 1995), 52.

Mga Panganib sa Pagsamba: Ang Pagkawala ng Awit ng Kongregasyon

Ayon sa isang kahanga-hangang himno na isinulat ni Isaac Watt,

“Ang mga tumatangging umawit ay silang hindi nakakakilala sa ating Diyos.
Ngunit ang mga anak ng ating Hari na nasa langit ay hayaang ipahayag ang kanilang galak hanggang sa mga karatig na bansa.”[1]

Sinabi ni Martin Luther, “Kung mayroong tao na hindi umaawit at nagpapahayag ng ginawa ni Cristo para sa atin ay nagpapakita lang na talagang hindi siya naniniwala rito.”[2] Ang pribilehiyo ng pag-awit ng kongregasyon na nawala noong Middle Ages ay ibinalik ng mga Repormista. Naniwala sila na ang pagsamba sa pamamagitan ng mga awitin ay para sa mga tao. Ngunit nakalulungkot na sa maraming simbahan, ang pribilehiyong ito ay muling naglalaho.

Ang musikang kapahayagan ng pagkasaserdote ng mananampalataya ay nanganganib dahil sa musika na hindi kayang awitin ng mga ordinaryong mang-aawit. Nangyayari ito kapag ang mga bihasang pangkat ng mga mang-aawit ay umaawit ng mga musikang napakahirap sundan ng mga karaniwang tao. Maaari rin itong mangyari kapag ang praise team ay umaawit ng mga bagong awitin na kaunting tao lang ang nakakaalam. Hindi natin dapat pahintulutan ang maliliit na grupong ito na palitan ang awit ng kongregasyon.

Ang musikang kapahayagan ng pagkakaisa ng Iglesia ay nanganganib sa mga simbahang hati ang kongregasyon gawa ng pananaw sa iba’t-ibang estilo ng pagsamba o kaya’y pagkakaiba ng kinalakhang henerasyon. Mahirap na makita ang isang simbahan na isang Katawan kung ang mga matatandang miyembro ay hindi maunawaan ang mga nakababatang miyembro.

Isipin mo kung ganito ang tuntuning ibinigay ni Pablo sa simbahan sa Efeso, na isinalin natin para sa mga modernong simbahan ngayon:

  • Silang mga umaawit ng salmo ay magtitipon-tipon tuwing umaga ng Linggo, 8:30am.

  • Silang mga umaawit ng himno ay magtitipon-tipon tuwing umaga ng Linggo, 11:00am.

  • Silang mga umaawit ng mga espirituwal na awitin ay magtitipon-tipon tuwing gabi ng Sabado, 7:00pm.

Hindi iyan ang sinasabi ni Pablo! Sa halip, ang tunay na tuntunin ni Pablo ay himukin ang lahat ng miyembro ng simbahan, na mapuspos ng Espiritu, magsalita sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo, himno, at mga awiting espirituwal; na sila’y nag-aawitan at gumagawa ng mga himig sa Panginoon (Efeso 5:18-19).

Sa praktikal na pagsasakatuparan, nangangahulugan ito na bawat bahagi ng katawan ni Cristo ay nagsusuko ng ilan sa kanilang mga kagustuhan para sa kapakanan ng pagkakaisa ng Katawan. Kaya ang isang kabataan ay aawit pa rin ng isang himno na may himig na hindi niya masyadong gusto. Bakit? Sapagkat siya ay bahagi ng katawan, at ang katawan ay umaawit ng isang lumang himno. Ang isang matandang miyembro ay makikiisa rin sa pag-awit ng isang bagong awitin na hindi niya gusto. Bakit? Sapagkat siya ay bahagi ng katawan, at ang katawan ay umaawit rin ng bagong awitin.

Ang isang bihasang musikero na nasa isang maliit na simbahan sa probinsya ay umaawit rin ng mga simpleng awitin na madaling tugtugin. Bakit? Sapagkat siya ay bahagi ng katawan, at ang katawan ay may mga miyembro na hindi mahilig sa musika. Ang isang di bihasang miyembro ng simbahan ay maaaring magsabi ng "Amen" sa dulo ng isang awitin na inaawit sa estilong hindi niya lubos na kinagigiliwan. Bakit? Sapagkat siya ay bahagi ng katawan, at ang katawan ay may mga miyembro na umaawit ng musikang hindi ayon sa kanyang kinagigiliwan.

Ang prinsipyong ito ay hindi lamang sa musika. Pwede rin ito sa isang pastor na gawin niyang simple ang kanyang sermon upang ito’y maunawaan ng mga bata at bagong mananampalataya. Ang mga bagong mananampalataya ay nag-aaral para unawain ang isang teksto ng sermon na lampas sa limitado nilang kaalaman sa Biblia.

Ang mga kabataan ay nakikinig sa isang tila napakahabang oras na serbisyo. Bakit? Sapagkat sila’y bahagi ng katawan at alam nila na ang ilang aspeto ng serbisyo ay di pa nila masyadong nauunawaan. Gayundin naman, tanggap rin ng mga matatandang miyembro ang malakas na pag-iyak ng isang sanggol sa oras ng serbisyo. Bakit? Dahil sila ay bahagi ng katawan, at sila ay nagagalak na ang katawan ay kinabibilangan rin ng mga bata na may maingay na buhay.

Lahat ba ng ito ay bahagi ng pagsamba? Oo! Ang mga ito ay bahagi sa biblikal na teolohiya ng pagsamba na may kinalaman sa pagkakaisa ng Iglesia. Nangangahulugan ito ng pagsusuko ng ating mga personal na kagustuhan para sa kapakanan ng buong katawan. Nangangahulugan ito ng pag-awit ng isang awit na hindi mo paborito. Kaya’t para sa mga namumuno, nangangahulugan ito ng pagpili ng mga awiting magmiministeryo sa lahat ng bahagi ng katawan, hindi lamang pagpili ng mga paboritong himno. Ang mga awit ng kongregasyon ay dapat na maglingkod sa buong kaanib ng simbahan, hindi lamang sa limitadong grupo.

► Isipin ang mga awit na inyong ginamit sa pagsamba noong nakaraang apat na linggo. Umawit ba kayo ng mga awiting nangungusap sa bawat miyembro ng inyong kongregasyon? Bilang isang tagapamuno, nagkusa ka bang pumili ng mga awiting hindi mo paborito, ngunit nangungusap naman sa kongregasyon? Ang iyong musika ba ay nagpapahayag ng pagkasaserdote ng mananampalataya at ng pagkakaisa ng Iglesia sa pamamagitan ng paghikayat sa bawat miyembro ng kongregasyon na makibahagi sa pagsamba?


[1]Isaac Watts, “We’re Marching to Zion.” Accessed January 12, 2023. https://library.timelesstruths.org/music/Were_Marching_to_Zion/
[2]Hango kay Ronald Allen and Gordon Borror, Worship: Rediscovering the Missing Jewel (Colorado Springs: Multnomah Publishers, 1982), 165.

Mga Dahilan na Mahalaga ang Musika sa Pagsamba (Pagpapatuloy)

Mga Praktikal na Dahilan para sa Musika ng Pagsamba

Kaugnay sa mga biblikal at theolohikal na mga dahilan, mayroon ring mga praktikal na dahilan upang pahalagahan ang musika sa pagsamba. Ang kapangyarihan ng musika ay nagmumula sa kakayahan nitong mangusap sa lahat ng aspeto ng ating pagkatao.

Ang musika ay nangungusap sa isipan.

Alam ng mga guro sa paaralan na ang mga aralin sa gramatika na nilagyan ng simpleng tono ay magpapadali para sa mga bata na matandaan ito. Gayundin naman, mas madaling maunawaan ang Banal na Kasulatan kapag ito ay inaawit. May mga nagsasabi, “Hindi ko kayang isaulo ang Biblia”, ngunit ang hindi nila alam, marami na silang mga alam na mga talata sa Biblia dahil inaawit nila ang mga ito sa mga awiting papuri. Ilan sa mga magagandang awiting papuri ay hango sa mga talatang nilagyan ng himig na madaling tandaan.

May dalawang prinsipyo na mahalaga, kaugnay sa musika at isipan.

(1) Ang musika ay dapat na mangusap sa isipan, hindi lamang sa damdamin.

Ang musika ay emosyonal; bahagi ito ng kanyang kapangyarihan. Walang masama sa emosyonal na kapangyarihan ng musika; ngunit dapat rin itong mangusap sa ating isipan.

May ilang mga mananambahan na nag-iisip na maaari nilang isarado ang kanilang isipan habang sila’y umaawit. Malakas ang gitara, mabilis ang tempo, emosyonal ang musika; tuloy, inaakala nilang sumasamba sila. Subalit, hindi natin dapat kalimutan ang sinabi ni Pablo, “Ano kung gayon ang aking gagawin? Ako'y mananalangin sa espiritu, at ako'y mananalangin din sa isipan; ako ay aawit sa espiritu, at ako'y aawit din sa isipan” (1 Corinto 14:15).

Tandaan natin na sa tuwing nangungusap ang musika sa ating emosyon na hindi naman nangungusap sa ating isipan, tayo ay malalagay sa panganib ng huwad na pagsamba. Minsan pa, walang mali sa musika na nangungusap sa ating damdamin. Ang mapanganib ay ang musika na nangungusap sa emosyon lang at hindi nangungusap sa isipan. Gayunma’y sinisigurado ng marunong na pastor na ang musika sa pagsamba ay hindi babalewala sa isipan.

(2) Dapat na totoo ang mensaheng inaawit natin.

[1]Dahil ang musika ay nangungusap sa isipan, maaari siyang maging makapangyarihang kasangkapan sa pagtuturo ng doktrina. Isa sa mga dahilan kung bakit kumalat ang mensahe tungkol sa katiyakan ng kaligtasan at biyaya para sa lahat, ay dahil sa mga himno ni Charles Wesley. Nangaral si John Wesley na ang biyayang kaligtasan ng Diyos ay para sa lahat. Ngunit ang awit ni Charles Wesley na “And Can It Be” ang naghatid ng mensaheng ito sa mga magsasakang walang kaalaman sa theolohiya. Ganito ang pagkakasalin:

“‘Kanyang habag na para sa lahat, kay lawak at walang bayad

Ako’y natagpuan at pinatawad.”[2]

Mga pastor, kung hahayaan ninyo ang mga awiting hindi nakabatay sa Biblia, pinapawalang bisa ninyo ang inyong ministeryo. Tandaan po natin na mas higit na natatandaan ng mga tao ang awitin, kaysa sa puntos ng ating sermon. Kaya nga, magbigay ng panahon sa pagpaplano ng musika sa inyong panambahan. Siguraduhin na ang mga awitin ay sumusuporta sa katotohanan na inyong ipinapangaral.

Pagsusuri 1

Ang inyo bang mga awit ng pagsamba ay nakabatay sa biblikal na doktrina? Maraming mga simbahan ang umaawit ng mga awiting nagtuturo ng kamalian o walang laman (walang katuturang mga salita). Ang mga awitin ba ninyo ay nagpapahayag ng katotohanan ng tagumpay laban sa kasalanan? Ang mga awitin ba ninyo ay nagpapahayag na ang kaligtasan ay para sa lahat? Ang mga awitin ba ninyo ay nagpapahayag ng panata na mula sa pusong dalisay?

Ang musika ay nangungusap sa puso.

Sinabi ni Jonathan Edwards na tayo ay umaawit ng mga papuri sa Diyos sapagkat ang pag-awit ay “nakakapukaw ng ating damdamin.”[3] Bagamat mapanganib ang pagtuon lamang sa damdamin, ang damdamin bilang pagtugon sa musika ay karaniwan at nararapat. Ang pag-awit ay nagdudulot ng emosyonal na tugon sa katotohanan. Ang musika ay nangungusap kapwa sa isip at sa puso.

May ilang mga Kristiyano sa Kanluran na natatakot sa musika na nangungusap ng malalim sa damdamin. Subalit ang mga tao sa Biblia na pumasok sa presensya ng Diyos ay palaging nakadarama ng emosyunal na tugon. Ang pinakamainam na musika sa pagsamba ay nangungusap sa isip at humihingi ng tugon mula sa puso. Pansinin mo ang himnong ito sa Ingles:

Mangyari ang kalooban Mo, Panginoon! Ito’y mangyari!

Magpapalayok ka ng luwad kong buhay.

Ako’y hubugin, sa Iyong naisin,

Tahimik at matalimang naghihintay sa Iyong pagdating.[4]

Ang musika ay nangungusap sa katawan.

Kapag pinagmasdan mo ang isang bata na nasa konsyerto, kung ang musika ay may mabilis na kumpas, siya ay sasayaw. Ang musika ay nangungusap sa katawan.

Dapat linawin na ang musika na nangungusap lamang sa katawan ay makalaman. Subalit, sa tuwing ang Biblia ay nagsasalita tungkol sa pagsamba, madalas nitong ilarawan ang pisikal na ayos ng mananambahan: gaya ng, nakataas ang mga kamay, nakaluhod, nagpapatirapa, at iba pang pisikal na kilos. Sa madaling salita, ang ating postura at pisikal na kilos ay makapangyarihang tagapagpahayag kaysa sa ating mga salita.

Sa Awit 149:3, tinawag ang Israel na “purihin ang pangalan ng Diyos sa pagsasayaw; purihin ang Kanyang ngalan sa saliw ng alpa at tambol.” Bagamat may ilang modernong kultura na sumasayaw sa makalamang paraan, ginagamit ng Biblia ang salitang sayaw upang tukuyin ang anumang pisikal na galaw sa pagsamba. Kinilala ng salmista kung gayon na maging ang pisikal na katawan ay kasali sa pagpupuri.

Ngunit dapat unawain na hindi ito katulad ng mga malalaswang sayaw sa nightclub, at hindi rin naman tulad ng tahimik na pag-upo lang sa simbahan. Kasali sa tinutukoy sa biblikal na sayaw ang ilang kilos sa oras ng pananambahan. Halimbawa, kapag itinaas natin ang ating mga kamay bilang papuri o kaya’y kapag gumagalaw tayo sa himig ng musika, kasali ang mga ito sa biblikal na kataga na sayaw.

Bagama't ang kahulugan ng mga pisikal na pagkilos ay magkakaiba sa bawat kultura at henerasyon, dapat lang nating tiyakin na hindi matulad ang ating banal na pagsamba sa Diyos sa paraan ng makasalanang kultura na nakapaligid sa atin.

► Balikan ang Exodo 32 na kung saan pinagsalo ang pagsambang sinasabing “pista sa Panginoon” (32:5) sa di banal na mga larawan ng pagsamba ng mga taga-Ehipto (32:4), at ang kahiya-hiyang gawain ng paganong kultura (32:25). Bagkus ang ating pagsamba ay dapat na umimpluwensya, gamit ang ebanghelyo, sa kulturang nakapaligid atin. Hindi dapat diktahan ng nakapaligid na kultura ang ating mga gawain sa pagsamba.

Ang marunong na pastor at tagapamuno sa simbahan ay maghahanap at pipili ng mga musikang umiiwas sa lapastangang pagsamba. Pipili siya ng mga musikang nangungusap sa buong pagkatao; na hinahatid ang kongregasyon sa tunay na pagsamba.

Pagsusuri 2

Ang inyo bang musika sa pagsamba ay nangungusap sa pisikal at paraang angkop sa pagsamba? Ang inyo bang mga mananambahan ay pisikal na nakapagpapahayag ng kanilang papuri at pagsamba na hindi ayon sa makalamang gawi ng sanlibutan?

Ang musika ay nangungusap sa kalooban.

Ang musika ay madalas na tumatawag ng pagtugon ng kalooban. Iniutos ni Pablo sa mga taga Colosas na magpaalalahanan sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo, himno, at awiting espirituwal (Colosas 3:16). Ang paalalang ito ay sa diwa ng pagwawasto ng mga kamalian. Ang pagsaway ay humihingi ng tugon; ang pagwawasto ay humihiling ng pagbabago sa ugali. Umaasa si Pablo na ang musika ay maging sanhi ng pagbabago.

Sa labas ng simbahan, makikita rin natin kung paano nangungusap ang musika sa kalooban. Noong ang mga Aprikanong Amerikano (na nangangampanya para sa mga karapatang sibil noong 1960s) ay umawit ng “We Shall Overcome,” ang awit na iyon ay nangusap kapwa sa puso at kalooban. Ang awit na iyon ay naging isang paanyaya, "Sasama ka ba sa amin sa laban para sa kalayaan?"

Kaya nga, tinatawag ng musika ang kalooban sa isang pagtugon. Isipin mo na lang ang panatang kalakip kapag inaawit natin ang himnong ito sa Ingles:

“Gamitin Mo ang buhay ko
Alay lamang sa Iyo
Bawat araw at sandali
Maging para sa Iyong ikapupuri.

Nawa’y kumilos ang aking kamay
Sa udyok ng pagibig Mong dalisay
Nawa’y ang aking mga hakbang
Manabik sa Iyong kagandahan

Itong aking kalooban
Ariin Mo at sa Iyo lamang
Ang tibok ng puso ko
Maging Iyong banal na trono.”[5]

Ang musika sa pagsamba ay mahalaga sapagkat nangungusap ito sa buong pagkatao. Kaya’t, ang musika ay maituturing na parehong mahalaga at mapanganib. Mahalaga ito dahil maaari nitong ipahayag ang katotohanan sa makapangyarihang paraan. Sa kabilang banda, ito’y mapanganib sapagkat maaari nitong gawing kaakit-akit ang mga huwad na turo. Babala ni Warren Wiersbe, “Kumbinsado ako na ang kongregasyon ay mas natututo ng theolohiya (mabuti man o masama) sa pamamagitan ng mga awiting kanilang inaawit, kaysa sa mga sermon na kanilang naririnig…. [Ang musika] ay maaaring maging isang kahanga-hangang kasangkapan sa kamay ng Espiritu o isang mapanganib na sandata sa kamay ng Kalaban. Ang walang muwang na kongregasyon ay aawit ng maling katuruan ng walang kamalay-malay sa sinasambit nilang kamalian.”[6]

Makapangyarihan ang musika; gamitin ito ng may karunungan.

Pagsusuri 3

Isipin ang mga awiting inyong inaawit sa nakaraang apat na linggo. Umawit ba kayo ng mga awiting nangungusap sa buong pagkatao?

  • Magbigay ng isang awit na nagturo ng doktrina sa kongregasyon.

  • Magbigay ng isang awit na nangusap sa damdamin ng inyong kongregasyon.

  • Magbigay ng isang awit na humamon sa inyong kongregasyon na lumalim pa sa relasyon sa Diyos.


[1]

Ang isang Methodist ay dapat na umawit na “itinataas ang diwa ng kanyang debosyon, pinapatibay ang kanyang pananampalataya, pinapasigla ang kanyang pag-asa, at pinapalago ang kanyang pagibig sa Diyos at kapwa.”

John Wesley

[2]Charles Wesley, “And Can It Be?” Accessed January 12, 2023. https://library.timelesstruths.org/music/And_Can_It_Be/
[3]Hango kay Bob Kauflin, Worship Matters (Wheaton: Crossway Books, 2008), 98
[4]Adelaide Pollard, “Have Thine Own Way, Lord.” Accessed January 12, 2023. https://library.timelesstruths.org/music/Have_Thine_Own_Way_Lord/
[5]Frances Havergal, salin sa Tagalog, “Gamitin Mo ang Buhay Ko.” Accessed January 12, 2023. https://library.timelesstruths.org/music/Take_My_Life_and_Let_It_Be/
[6]Warren Wiersbe, Real Worship (Grand Rapids: Baker Books, 2000), 136. Binigyang diin.

Mga Prinsipyo sa Pagpili ng Musika sa Pagsamba

Sinimulan natin ang araling ito sa isang kwento ng di pagkakaunawaan tungkol sa musika ng pagsamba. Kung ikaw ay isang pastor na humaharap sa katulad na di pagkakasunduan, tandaan mong hindi ito bago. Sa paglipas ng panahon, ang Iglesia ay humarap sa maraming pagsubok tungkol sa pagpili ng uri ng musika na angkop sa pagsamba. Para sa maraming simbahan, ang musika ay naging pinagmumulan ng alitan, sa halip na isang paraan ng tunay na pagsamba.

Ang musika ay sentro sa serbisyong pagsamba. Sa maraming simbahan, kalahati ng serbisyo ay may kasamang musika, gaya ng: pambungad na musika, awit ng kongregasyon, espesyal na awitin, panapos na awitin, at madamdaming musika habang nananalangin. At dahil mahalaga ang musika sa pagsamba, ang di pagkakaunawaan tungkol rito ay nagiging seryoso.

Ang mga tao ay may kanya-kanyang kagustuhan tungkol sa estilo ng musika. Subalit ang problema, maraming tao ang ayaw magparaya tungkol sa mga estilo ng musika na hindi nila kinagigiliwan.

Ang pagtatalo kung gayon ay nagmumula sa mga pagkakaiba ng opinyon tungkol sa moralidad ng mga estilo ng musika. Narito ang tatlong karaniwang pananaw:

(1) May ilang naniniwala na may mga estilo ng musika na masama. Dahil rito, pinipili lang nilang gamitin ang mga estilo na pinaniniwalaan nilang banal at dalisay.

(2) May ilan rin namang naniniwala na ang mga estilo ng musika ay hindi masasabing mabuti o masama sa kanilang sarili. Dahil rito, ang bawat estilo ay katanggap-tanggap. Sa ganitong pananaw, karaniwang ginagamit ang mga estilo ng musika na mula kultura upang gamitin sa pagsamba.

(3) May ilang naniniwala na ang mga estilo ng musika ay neutral sa usaping moral, gayunma’y, mayroong emosyonal at kultural na epekto sa pagsamba. At dahil rito, dapat suriin ang bawat estilo kung makatutulong ba sa pagsamba ng kongregasyon sa paraang nakaluluwalhati sa Diyos.

Sa seksyon na ito, tutunghayan natin ang mga prinsipyo ng Biblia na tumutugon sa musika ng ating pagsamba.

Ang Teksto ng Musikang Pagsamba ay Dapat na Malinaw na Nagpapahayag ng Katotohanan[1]

Ang pangunahing pinagtutuunan ng pansin ng Banal na Kasulatan ay ang sinasabi ng teksto ng awit, hindi ang estilo ng musika.

Anuman ang estilo ng musika, ang mga awiting may hindi wastong mensahe (o walang mensahe) ay hindi nararapat gamitin sa pagsamba. Babala ni Warren Wiersbe na maraming teksto na ginagamit sa pagsamba na “malabo, pandamdamin lang, at hindi theolohikal.”[2] Kaya’t isa sa Pagsusuri para sa mensahe ng musika ay, "Maaari bang awitin ng isang deist, Hindu, o Muslim ang teksto ng awit na ito na hindi nila binabago ang mga salita?" Kung pwedeng palitan lang ang pangalang Buddha sa teksto na hindi binabago ang mensahe ng awit, ito ay hindi natin dapat gamitin sa pagsamba. Kung hindi nagpapahayag ng malinaw na katotohanan ang isang awit, dapat lang na magduda tayo sa halaga nito sa pagsamba. Ang ating mga awit ay dapat na nagpapahayag ng ating pananampalataya; sapagkat kung hindi, ang mga awitin natin ay hindi magtutuon ng ating pansin sa Diyos.

Masdan ang isang awit na galing sa Banal na Kasulatan:

Purihin ang Panginoon!

Purihin ang Panginoon mula sa kalangitan;

Purihin Siya sa mga kaitaasan!

Purihin ninyo Siya, kayong lahat Niyang mga anghel;

purihin ninyo Siya, kayong lahat Niyang hukbo!

Purihin ninyo Siya, araw at buwan;

purihin ninyo Siya, kayong lahat na mga bituing maningning!

Purihin ninyo Siya, kayong mga langit ng mga langit,

at ninyong mga tubig na nasa itaas ng mga langit!

Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila!

sapagkat Siya'y nag-utos, at sila'y nalikha.

At Kanyang itinatag sila magpakailanpaman, Siya'y gumawa ng pasiya na hindi mapapawi. (Awit 148:1)

Ikumpara ito sa isang sikat na awitin sa Ingles:

“Ayos lang sumayaw, kung sumasayaw ka sa ngalan ni Jesus

Ayos lang sumayaw, kung sumasayaw ka para sa Panginoon…”[3]

Anong awit ang nagpapahayag ng salita ng Diyos? Nagbabala si Pablo laban sa pagsamba na hindi maintindihan. Sinabi niya, “Ano kung gayon ang aking gagawin? Ako'y mananalangin sa espiritu, at ako'y mananalangin din sa isipan; ako ay aawit sa espiritu, at ako'y aawit din sa isipan” (1 Corinto 14:15). Kaya nga, kapag pinag-aaralan natin ang mga awit ng Banal na Kasulatan, makikita natin na ang mga ito ay may malinaw na pagtuturo. Ang teksto ng ating musika sa pagsamba ay dapat na magpahayag ng katotohanan ng Biblia.

Evaluation Form ng Awitin[4]

PDF na handa nang i-print

Nae-edit na Word Doc

  Mababa Katatamtaman Mataas
Ang teksto ba ay nakabatay sa doktrina?      
Ang teksto ba ay tapat sa karanasang Kristyano?      
Mauunawaan ba ng kongregasyon ang teksto?      
An estilo ba ng musika ay angkop sa teksto?      
Ang tono ba ay madali para sa kongregasyon na sabayan at awitin?      

Pagsusuri 4

Biblikal ba ang inyong ang mga awiting pagsamba? Makikilala ba ng isang bagong mananampalataya ang Diyos ng Biblia sa mga awitin ng inyong simbahan?

Maaaring Magkakaiba ang mga Estilo ng Musika sa Pagsamba

Ang Diyos ay Diyos ng mayamang pagkakaiba-iba. Nagbigay Siya ng inspirasyon sa apat na tala ng Ebanghelyo sa Bagong Tipan, hindi lang sa isa. Nangusap Siya sa pamamagitan ng apat na manunulat na may magkakaibang personalidad. Lumikha Siya ng libo-libong uri ng isda, hindi lamang isa. Nilikha Niya ang ating mga mata na may kakayahang kumilala ng 8 milyong kulay. Ipinapakita ng sannilikha ang Kanyang kadakilaan sa pamamagitan ng pagkakaiba-iba at kagandahan. Lumikha Siya ng mga natatanging indibidwal, hindi lamang isang uri ng personalidad. Ang Diyos ay nagpapakita ng mayamang pagkakaiba-iba.

Kaugnay nito, ang ating musika ay dapat na sumasalamin sa malikhaing pagkakaiba-iba na ginawa ng ating sinasambang Diyos. Sa Colosas 3:16, nagbigay si Pablo ng tatlong uri ng mga awitin na dapat gamitin sa pagsamba: salmo, himno, at mga awiting espirituwal (basahin rin ang Efeso 5:19.). Hindi binigyang kahulugan ni Pablo ang mga ito, ngunit madaming mga manunulat ang nagbigay ng ganitong kahulugan:

  • Salmo ay maaaring tumutukoy sa aklat ng Mga Awit.

  • Himno ay maaring tumutukoy sa mga kathang awitin. Pananaw ng maraming manunulat na ito ay tumutukoy sa mga awiting para sa Diyos o awiting tungkol sa Diyos. Maaaring kabilang dito ang mga awiting nasa Biblia, maliban sa aklat ng mga Awit.

  • Ang mga Awiting espirituwal ang siyang pinakamahirap na tukuyin. Sa pananaw ng ibang manunulat, ito raw ay tungkol sa mga impormal na awitin. O kaya, mga awiting tungkol sa buhay ng Kristiyano at personal na patotoo.

Anuman ang kahulugan, ang mga talatang ito ay nagpapakita na ang sinaunang Iglesia ay umawit ng iba't ibang musika.

Si Warren Wiersbe ay may nabanggit na prinsipyo ng pagiging totoo sa pagsamba. Ayon sa kanya, "Ang mga kapahayagan sa pagsamba ay dapat na totoo at hindi sapilitan, kundi kakikitaan ng pagkakaiba-iba ng mga kultura ng tao.”[5] Ang tunay na pagsamba ay nagpapahayag ng buhay na Salita ng Diyos gamit ang wika ng bawat kultura. Sa bawat henerasyon, ang mga Kristiyano ay nakapagkatha ng mga awiting nagbibigay papuri sa Diyos batay sa sariling estilo ng kanilang kultura. Hindi natin dapat ipagpalagay na ang musika ng ating kultura ay ang tunay at nag-iisang sagradong musika. Maliban lang kung ang isang estilo ay malinaw na sumasalungat sa mga prinsipyo ng Banal na Kasulatan, dapat nating bigyang kalayaan ang bawat kultura at bawat henerasyon na purihin ang Diyos gamit ang kanilang sariling wika.

Pagsusuri 4

Ang musika ba sa inyong simbahan ay nagpapahayag ng pagkamalikhain ng ating Diyos?

Hindi Bawat Estilo ay Angkop sa Bawat Sitwasyon

Kahit na marami ang nagtangkang bigyang kahulugan ang estilo ng biblikal na musika, ang Biblia ay hindi nag-uutos ng isang partikular na estilo ng musika. Matapos pag-aralan ang pilosopiya ng musika, nasabi ni Francis Schaeffer, “Mariin kong sasabihin na walang estilo na masasabi mong ito ang makadiyos…”[6]

Ang tunog at himig ng musika ay hindi nagsasabi ng kung ano ang tama at mali. Walang tunog ng musika na maaaring magsabi, ito ang makadiyos at ito ang hindi makadiyos. Ngunit nangangahulugan ba ito na lahat ng musika ay angkop sa pagsamba? Hindi. Syempre, may ilang mga estilo na masyadong nakaugnay sa makasalanang kultura, na anupa’t hindi natin sila magamit upang maghatid ng makadiyos na mensahe sa pagsamba.

Parehas na natuklasan ng mga musikero at mga misyonero ang ganito: ang tugon ng mga tao sa tunog ng musika ay magkakaiba. Kapag may dalawang tao na makikinig ng parehong musika, ang isa ay maaaring maluha dahil nahipo ang kanyang kalooban, samantalang ang isa ay maaaring walang naramdaman na tugon sa musika.[7]

Ang ganap na sukatan para sa musika ng pagsamba ay hindi ang tanong na: “Nagustuhan ko ba ang awit?” o kaya’y “Nagbigay ba ito ng inspirasyon sa akin?". Ang ating ganap na sukatan ay walang iba kundi ang kaluwalhatian ng Diyos. Nangangahulugan ito na dapat nating suriin ang estilo ng musika na nangungusap at angkop sa kalagayan ng ating kultura. Dapat nating itanong, “Sa konteksto ng kultura na aking kinalalagyan, ang estilo ba ng musikang ito ay nagbibigay luwalhati sa Diyos?”

Bagamat ang lahat ng mga bagay ay maituturing na matuwid, hindi lahat ng mga bagay ay makapagpapatibay (1 Corinto 10:23). Kung ang isang layunin ng musika sa pagsamba ay upang patibayin ang mga mananampalataya, ang estilo na ating ginagamit ay hindi dapat maging hadlang sa layuning ito. Maaaring ang isang musika ay nakakatulong sa pagsamba ng isang kultura, ngunit hadlang naman sa iba. Kaya nga, ang isang maingat na tagapamuno sa pagsamba ay pipili ng musikang angkop sa mga taong kanyang pinapangunahan.

Paano natin malalaman na ang isang partikular na estilo ng musika ay naaangkop? Bilang isang tagapamuno, tungkulin mong tulungan ang kapulungan na sagutin ang tanong na ito ayon sa inyong kulturang kinalalagyan. Maaaring ang isang estilo ay angkop sa isang partikular na kultura subalit hindi angkop sa ibang kultura. O kaya, dahilan sa isang relihiyosong paniniwala hinggil sa isang partikular na estilo, o dahil ang isang estilo ay nakaugnay sa nauusong masamang gawi ng kultura, ang isang estilo ng musika ay maaring hindi angkop gamitin sa pagsamba. Sa madaling salita, dapat mong suriin kung ang isang musika ay naaangkop sa inyong kalagayan.

Utos sa atin ni Pablo na suriin ang lahat ng bagay at panghawakan ang bagay na mabuti (1 Tesalonika 5:21). Hindi natin dapat tinatanggap ang isang bagay na hindi muna natin sinusuri. Kabilang na rito ang musikang ating inaawit.

Pagsusuri 5

Umaawit ba kayo ng mga awiting hindi angkop sa inyong kultura? Ang musika ba nito ay nagpapahayag ng makalaman o makamundong estilo sa inyong kultura? Ang mensahe ba ng musika ay sumasalungat sa mensahe ng teksto?

Dapat na Mayroong Balanse sa ating Musika ng Pagsamba

Ang aklat ng mga Awit ay nagpapakita na pinapahalagahan ng Diyos ang pagkakaiba-iba sa pagsamba. Ang aklat ng mga Awit ay naglalaman ng mga papuri, panaghoy, paghingi ng tulong, at pasasalamat sa kaligtasan. Ang aklat ng mga Awit ay nangungusap sa lahat ng pangangailangan ng mga mananambahan.

Isang tanda ng maturidad sa simbahan ay ang pagkakaiba-iba (1 Corinto 12:4-6). Ang Katawan ni Cristo ay kinabibilangan ng iba't ibang kultura, iba't ibang wika, iba't ibang personalidad, at iba't ibang mga kaloob. Ang ating pagsamba, kabilang ang ating musika, ay dapat na mangusap sa lahat ng mga miyembro ng Katawan ni Cristo. Sa katunayan, ang ating pagsamba ay dapat na mangusap hindi lang sa simbahan, kundi, sa pamamagitan ng ebanghelyo, ay mangusap rin sa mga di-mananampalataya. Ang mga awitin sa Biblia ay nangungusap sa tatlong tagapagmasid o tagapakinig.[8]

Ang musika ay dapat na magpahayag ng papuri sa Diyos: “Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon” (Efeso 5:19).

► Basahin ang Awit 91.

Ipinapakita sa Awit 91 na tayo ay umaawit sa Panginoon. Ang musika ay dapat na magpahayag ng papuri sa Diyos. Mula sa awit ng papuri sa Exodo 15 hanggang sa makalangit na mga awitin sa aklat ng Pahayag, ang mga awitin sa Biblia ay pagpupuri sa Diyos ng dahil sa Kanyang kadakilaan. Ang pangunahing tema ng musika sa Biblia ay papuri. Ang mga salmo ng panaghoy, pakiusap, at papuri ay madalas na inuukol sa Diyos.

Gamit ang aklat ng mga Awit, mapapaawit ka ng:

  • “Nanaghoy ako sa Panginoon…”

  • “Sagutin mo ang aking panawagan, Oh Diyos na aking katuwiran!”

  • “Magpapasalamat ako sa Panginoon ng buong puso.”

  • “Aawit ako sa Panginoon.”

  • “Iniibig kita, Oh Panginoon.”

Dapat na ipinapahayag ng musika ang katotohanan sa Iglesia: “Magturo at magpaalalahanan sa isa’t isa” (Colosas 3:16).

Maraming mga tagapanguna sa pagsamba ang nagsasabi, “Hindi tayo dapat umaawit para sa ibang tagapagmasid o tagapakinig; umawit lang tayo para sa Diyos.” Subalit, marami sa mga salmo ang inaawit para sa Israel. Bagama't totoo na maraming awit sa Biblia ang tungkol sa Diyos, totoo rin naman na maraming awitin sa Biblia na nangungusap sa kongregasyon.

Sinasabi sa Efeso 5:19 na ang mga mananampalataya ay dapat na magsalita sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo, himno, at mga awiting espirituwal. Sa Colosas 3:16 ay higit na malinaw ang sinasabi tungkol sa layunin ng ating pag-awit: “Ang salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos.”

Sinabi ni Pablo na ang salita ni Cristo ay naipapahayag sa pamamagitan ng pag-awit ng simbahan. Habang tayo ay umaawit, ipinapahayag natin ang katotohanan ng Diyos sa ating kapwa-mananambahan. Sa pamamagitan ng awit, tinuturuan ng simbahan ang bawat isa. Sa pamamagitan ng awit, ang mga mananampalataya ay nagiging ganap, at ang Katawan ni Cristo ay nagiging matibay.

Ang musika ay dapat na nagpapahayag ng ebanghelyo sa sanlibutan: “Ipahayag ninyo sa mga bansa ang Kanyang kaluwalhatian, ang kagila-gilalas Niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan!” (Awit 96:3).

Tinatawag tayo ng salmista na umawit ng patotoo sa mga bansa:

O umawit sa PANGINOON ng bagong awit; umawit sa PANGINOON ang buong lupa. Umawit kayo sa PANGINOON, purihin ninyo ang pangalan Niya; ipahayag ninyo ang Kanyang pagliligtas sa araw-araw. Ipahayag ninyo sa mga bansa ang Kanyang kaluwalhatian, ang kagila-gilalas Niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan! (Awit 96:1-3)

► Basahin ang 1 Hari 8:41-43.

Sa tuwing pinupuri natin ang Diyos, ang ebanghelyo ay naipapahayag sa mga bansa. Sa paghahandog sa Templo, nanalangin si Solomon na sinabing kahit ang mga dayuhan ay sasamba sa Templo. Nanalangin siya na makilala ang pangalan ng Panginoon sa buong mundo. Sa tuwing tayo ay sumasamba, ang ebanghelyo ay naipapahayag sa nagmamasid na sanlibutan.

Ang ating musika ng pagsamba ay dapat na nangungusap sa Diyos at tungkol sa Diyos; ang ating musika ng pagsamba ay dapat na nangungusap sa Iglesia; ang ating musika ng pagsamba ay dapat na nagpapahayag ng ebanghelyo sa sanlibutan.

Kapag nakakaligtaan natin ang isa man sa tagapagmasid na ito, nabibigong kamtin ng ating pagsamba ang buong layunin ng Diyos para sa Iglesia. Kapag nakakalimutan natin na ang Diyos ang Siyang dakilang Tagapagmasid sa pagsamba, ang ating pagsamba ay mabibigong una sa lahat ay mangusap sa Diyos. Kapag nakakalimutan natin na ang Iglesia ay tagapagmasid sa pagsamba, mabibigo tayong turuan at palakasin ang loob ng isa’t isa sa pamamagitan ng pagsamba. Kapag nakakalimutan natin na ang pagsamba ay dapat na magpahayag ng ebanghelyo sa mundo, mabibigo tayong ibahagi ang ebanghelyo at isakatuparan ang Dakilang Komisyon.

Pagsusuri 6

Nangungusap ba sa Diyos, sa Iglesia, at sa mga di-mananampalataya ang inyong mga awitin? Hindi lahat ng awitin ay makapangungusap sa mga ito ng sabay-sabay, subalit sa buong oras ng pagdaraos ng serbisyo, dapat na mangusap tayo sa bawat tagapagmasid o tagapakinig na ito.


[1]

Ang Dalawangpung Taong Tuntunin

“Kung mayroong isang tao sa ating simbahan na lumaking inaawit ang ating mga awitin sa loob ng dalawangpung taon, gaano kaya kalalim ang kanyang magiging pagkakilala sa Diyos? Makikilala ba niya ang Diyos na banal, marunong, makapangyarihan, at soberano? Mauunawaan ba niya ang kaluwalhatian at sentralidad ng ebanghelyo?”

Bob Kauflin

Worship Matters

[2]Hango kay, Warren Wiersbe, sa kanyang libro na Real Worship (Grand Rapids: Baker Books, 2000), 137
[3]Hango kay James Roberson, “Everybody Dance!” o “Lahat ay Sumayaw!” Binuksan noong Enero 10, 2023. https://genius.com/James-roberson-everybody-dance-lyrics
[4]Hango kay Constance M. Cherry, The Worship Architect. (Grand Rapids: Baker Academic, 2010), 202-203.
[5]Warren Wiersbe, Real Worship (Grand Rapids: Baker Books, 2000), 139
[6]Hango kay Francis Schaeffer, sa kanyang libro na Art and the Bible o Sining at ang Biblia (Downers Grove:

InterVarsity Press, 1973), 51

[7]Hango kay Gerardo Marti, sa kanyang isinulat na, Pagsamba at Pagkakaiba ng mga Lahi: Relihiyosong Musika at

Kongregasyong Iba’t ibang Lahi. O sa orhinal na Ingles, Worship across the Racial Divide: Religious Music and

the Multiracial Congregation. (England: Oxford University Press, 2012)

[8]Ito ay hango kay Herbert Bateman, editor. Authentic Worship (Grand Rapids: Kregel Publications, 2002), 150-155.

Pagsasabuhay 1

Natunghayan natin kung bakit mahalaga ang musika sa pagsamba. Sinuri natin ang mga biblikal na prinsipyo para sa musika ng pagsamba. Tatapusin natin ang aralin na ito sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang ng mga praktikal na ideya para sa musika ng panambahan. Maaari mong gamitin at iangkop ang mga ito sa kalagayan ng iyong kongregasyon at simbahan.

Bilang tugon sa mga prinsipyong nabanggit sa itaas, naitanong ng isang estudyante, “Kung ang estilo ng musika sa pagsamba ay nagkakaiba at kung ang estilo ng musika ay hindi likas na mabuti o masama, mayroon bang mga alintuntunin na makakatulong sa amin na pumili ng musika na angkop sa aming simbahan?”

Oo, mayroong mga praktikal na mga alintuntunin na makakatulong sa atin. Ikaw ang magpapasya kung paano mo ito gagamitin sa iyong partikular na kalagayan; subalit may ilang mga pangunahing prinsipyo na gagabay sa ating pagpapasya hinggil sa musika ng ating simbahan.

Ang Pinakamahalagang Musika sa Iglesia ay ang Awit ng Kongregasyon

Dahil ang musika ng simbahan ay nagpapahayag ng pagkakaisa ng Iglesia at ng pagkasaserdote ng mga mananampalataya, ang ating pinakamahalagang musika ay ang awit ng kongregasyon. Bagamat ang koro, solo, praise teams, mga musikero, at iba pang gaya nito ay mahalaga, ang awit ng kongregasyon pa rin ang siyang pinakamahalagang musika sa panambahang Kristiyano. May ilang mga praktikal na hakbang upang linangin at pagandahin ang awit ng kongregasyon.

Tandaan:

(1) Ang mga instrumento ay hindi dapat na maingay at umaagaw ng pansin mula sa pag-awit. Sa Bagong Tipan, ang pag-awit ang siyang pangunahing musika ng simbahan. Hindi pangunahing musika ng simbahan ang mga tumutugtog ng organ, piano, gitara, at drums. Dapat nating hayaang umawit ang simbahan!

(2) May ilang mga awitin na mainam awitin na walang kasabay na mga instrumento. Ang awiting panalangin ay madalas na mainam na awiting banayad at walang kasabay na mga instrumento. Bibigyan nito ng pagkakataon ang kongregasyon na matuon sa mensahe ng awitin na hindi nagagambala ang kanilang pansin.

(3) Ang musika ay hindi dapat na mahirap awitin o kaya’y masyadong bago na hindi alam sabayan ng kongregasyon. Ang mga bagong awitin ay maganda, subalit dapat nating bigyan ng panahon ang kongregasyon na matutuhan ang mga ito bago tayo magdagdag ng mga bagong awitin. Ang madalas na pagpapa-awit ng mga bagong awitin ay makakabigla o makakalula sa kongregasyon, at hindi na nila manamnam ng maigi ang mensahe. Isang magandang tuntunin ay ang ang magdagdag ng isang bagong awit habang pinapanatili pa rin ang mga pamilyar na awitin.

(4) Ang pastor ay dapat na umaawit kasabay ng kongregasyon. Kung ang inaawit ng kongregasyon ay pagsamba, dapat ka ring sumamba. Kapag ang pastor ay may ginagawang ibang bagay sa oras ng pag-awit ng kongregasyon, ito ay parang nagsasabi, “Ang aking pangangaral ang siyang pinakamahalaga sa buong oras ng serbisyo.” Subalit dapat na maging modelo ang pastor sa kanyang kongregasyon.

Dapat Naaayon ang Musika sa Teksto

Dahil layunin ng musika ng pagsamba na ihayag ang kapurihan ng Diyos, ihayag ang katotohanan sa kongregasyon, at ipangaral ang ebanghelyo sa sanlibutan, ang teksto ang siyang pinakamahalagang elemento. Anuman ang estilo ng musika, kung ang musikang iyon ay humahadlang sa komunikasyon ng teksto, hindi natin naisasakatuparan ang ugnayan sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga salmo, himno, at mga awiting espirituwal.

Hindi ito nangangahulugan na hindi mahalaga ang musika ng mga instrumento. Ang mga instrumento ng musika ay nakakatulong sa atin na ituon ang ating isip, damdamin, at kalooban sa pagsamba. Ang instrumento ng musika ay mahalaga sa pagsamba, gayunma’y sa pag-awit ng kongregasyon, ang pangunahing pokus ay ang teksto ng inaawit.

Dapat tulungan ng tagapamuno ang kongregasyon na matuon sa kahulugan ng teksto.

Maaaring gawing makabuluhan ng mga tagapamuno ang teksto sa pamamagitan ng paraan ng kanilang pangunguna. Dalawang halimbawa ang ibibigay natin kung paano naiimpluwensyahan ng isang tagapanguna ang mensahe ng awitin.

Hindi pinag-isipang mabuti ni Amos ang mensahe ng kanyang ipapaawit sa kongregasyon. Noong nakaraang linggo, pinangunahan niya ang dalawang awit na tungkol sa Tatlong Persona ng Diyos. Ang unang pina-awit niya sa kongregasyon ay ang himno sa Ingles na, “Come, Thou Almighty King.” Ang sabi ni Amos, “Ang aawitin natin ay ang mga saknong na 1,2, at 4.”

Ngayon, ano ang mali sa pag-iwan sa saknong 3 ng himnong ito? Tingnan natin ang teksto. Ito ay himno na tungkol sa Tatlong Persona ng Diyos. Kung titingnan ng maigi ang himno, hindi magiging maganda at kumpleto kung mag-iiwan ka ng isang saknong na tungkol sa isa sa Tatlong Persona ng Diyos. Pansinin mo:

Saknong 1: Halina, Ikaw na Makapangyarihang Hari ….. (ito ay tungkol sa Diyos Ama)
Saknong 2: Halina, Ikaw na Nagkatawang-tao na Salita…. (ito’y tungkol sa Diyos Anak)
Saknong 3: Halina, Banal na Mang-aaliw…. (ito’y tungkol sa Diyos Espiritu Santo)
Saknong 4: Sa Iyo, dakilang Isa na Tatlo…. (ito’y tungkol sa Tatlong Persona ng Diyos)

Samantala, ang susunod na awit ay awit ng papuri. Bawat saknong ay papuri at pagsamba sa partikular na Persona ng pagkaTrinidad ng Diyos. Sinabi ni Amos, “Awitin natin ang huling dalawang saknong.” Muli, kung papansinin mo ang himno, nakalimutan rito ni Amos na ang awit para sa Tatlong Persona ng Diyos ay dapat awitin na kasama ang saknong tungkol sa Tatlong Persona. Kaya nga, ang pag-iwan sa isang saknong ng isang himno na hindi isinasaalang-alang ang teksto ay maaaring maging hadlang sa pagsamba ng kongregasyon.

Alam ni Seth na ang pag-awit ng kongregasyon ay mahalaga sa pagsamba. Noong Linggo, pinangunahan niya ang kongregasyon na umawit ng isang di pamilyar na himno. Nagsimula siya sa pagsasabing, “Bago sa atin ang awit na ito. Gayunma’y pakinggan natin ang sinasabi sa Awit 150; ito ang salmo na pinagbatayan ng himnong ito.” Sa ilang salita, tinulungan ni Seth ang kongregasyon na malaman ang kahulugan ng isang bagong awit.

Mayamaya sa serbisyo, muling pinangunahan ni Seth ang kongregasyon na umawit ng isang kontemporaryong koro, “Lubos na Dakila ang ating Diyos.” Ngunit bago sila umawit, binasa muna ni Seth ang 1 Timoteo 1:17, “Sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di-nakikita, tanging Diyos, ang karangalan at kaluwalhatian magpakailanpaman. Amen.” Sa pamamagitan nito, ang isang awit na maraming beses ng inaawit ng kongregasyon ay minsan pang naging sariwa sa mga mananambahan, gamit ang talata ng Kasulatan na nagbigay ng inspirasyon sa awit. Sa madaling salita, ang pag-uugnay sa isang himno sa biblikal nitong saligan ay humikayat ng pagsamba mula sa kongregasyon.

Kung kayo gumagamit ng projector, ang taong namamahala sa projector ay bahagi rin ng mga tagapanguna sa pagsamba.

Ang mga salita sa screen ay maaaring makatulong sa mga sumasamba na matuon sa teksto o kaya’y magambala ng teksto. Ang taong namamahala sa projector ay dapat na maging maingat sa kanilang ginagawa. Halimbawa, ang mga maling spelling ng mga salita, mga pagkakamali sa projector, o mga maling pagkakahanay ng mga taludtod sa awit ay makakagambala sa pagsamba.

Pansinin ang tatlong halimbawa sa ibaba. Ang mga awitin ay nasa wikang Ingles para higit nating makita ang punto ng ating halimbawa. Sa unang halimbawa, may ilang mga salita na mali ang spelling. Pwede itong makagambala sa ilang miyembro ng kongregasyon sapagkat ang kanilang pansin ay maaaring matuon sa maling spelling sa halip na sa pagsamba. Sa ikalawang halimbawa, ang mga salita ng awit ay naroroon, subalit ang pagkakahati ng mga linya ay nagpapahirap sa kongregasyon na makita ang ibig sabihin ng pangungusap. Sa ikatlong halimbawa, nauunawaang mabuti ng mga mang-aawit ang mensahe ng papuri para sa ating Makapangyarihang Diyos.[1]

Halimbawa 1

Purihin ang Panginoon, ang mapangyarihan, ang Hari ng sannelekha!

O aking kaluluwa, prihin Siya, sapagkat Siya ang iyong kalsugen at kalegtasen.

Halimbawa 2

Purihin ang Panginoon, ang Makapangyarihan,

ang Hari ng Sannilikha! O aking kaluluwa, purihin mo

Siya, sapagkat Siya ang iyong kalusugan at

Lahat ng nakikinig, dumulog ngayon sa Kanyang temple; samahan

n’yo ako sa masayang pagsamba!

Halimbawa 3

Purihin ang Panginoon, ang Makapangyarihan, ang Hari ng Sannilikha!

O aking kaluluwa, purihin mo Siya, sapagkat Siya ang iyong kalusugan at kaligtasan!

Lahat ng nakikinig,

dumulog ngayon sa Kanyang templo;

samahan n’yo ako sa masayang pagsamba!

Anong bersyon sa mga ito ang nakakatulong sa iyong makapokus sa mensahe ng papuri? Kaya nga, ang itsura ng mga salita na nasa screen ay nakakaapekto rin sa pag-awit ng kongregasyon.

Sa musika ng pagsamba, ang musika ay dapat na nakakatulong sa sinasabi ng awit. At dahil ito’y totoo, ang mga tagapanguna sa pagsamba ay dapat na tumulong sa kongregasyon na umawit ng may kabuluhan. Wala sa mga ito ang lumilikha ng pagsamba; ang pagsamba ay nagmumula sa puso. Gayunpaman, ang pagsasaalis ng mga gambala ay makakakatulong sa mananambahan na mapokus sa tunay na pinagkakatuunan ng pagsamba, ang Diyos.


[1]Hango kay Joachim Neander, tr. by Catherine Winkworth, “Praise to the Lord, the Almighty.” Accessed January 12, 2023. https://library.timelesstruths.org/music/Praise_to_the_Lord_the_Almighty/

Mga Praktikal na Hakbang para Mapaunlad ang Awit ng Kongregasyon

(1) Ituro ang kahalagahan ng pagsamba sa pamamagitan ng awit. Kung paanong dapat turuan ang mga Kristiyano sa kahalagahan ng panalangin at iba pang espirituwal na disiplina, dapat rin nilang matutunan ang paraang nais ng Diyos kapag sila’y umaawit.

(2) Tiyaking alam ng kongregasyon ang dahilan kung bakit nila inaawit ang isang awitin. Kung ito ay tungkol sa panalangin, paalalahanan sila. Kung ito ay tungkol sa awit ng pagtatalaga ng sarili, bigyang diin ito sa kanila. Kung ito ay tungkol sa pagbubulay sa naipangaral na mensahe, bigyang linaw ito sa kanila. Ang kongregasyon ay higit na masiglang aawit kung nalalaman nila ang dahilan kung bakit nila inaawit ang isang awitin.

(3) Piliin ang mga awiting pang kongregasyon, sa halip na awiting patimpalak. Ang mga awit at himig na pang-kongregasyon ay madaling awitin at sauluhin. Kung nais mong lahat ng tao sa kongregasyon ay umawit, itanong mo, “Magagawa bang awitin ng mga bata ang awit na ito habang sila’y papauwi sa bahay?”

(4) Bawasan ang ingay ng mga instrumento. Huwag hayaan ang mga gitara, piano, drums, o koro na tabunan ang tinig ng kongregasyon. Ang dapat na malakas na napapakinggan sa inyong dako ay ang tinig ng kongregasyon.

(5) Gumawa ng pagtitimbang sa pagitan ng makabago at makalumang mga awitin.

(6) Maghanda ng mga awiting kumakatawan sa malawak na karanasan ng mga Kristiyano. Kung ang lahat ng musika ay masaya, hindi ka makakapangusap sa miyembro ng kongregasyon na may pinagdaraanang kahirapan. Tulad ng Salmo, ang ating mga himno ay dapat na nangungusap sa mga masasayang Kristiyano, malulungkot na mga Kristiyano, natutuksong mga Kristiyano, at naghihirap na mga Kristiyano.

(7) Ang pastor at mga tagapanguna ng simbahan ay dapat na huwaran ng masiglang pag-awit, kahit sa pakiramdam nila’y di sila mahusay na umawit. Ang sablay sa tono na pag-awit ay di hamak na mas maganda kaysa sa hindi umaawit. Ang pastor na laging tumitingin sa kanyang sermon notes sa oras ng pag-awit ay parang nagsasabi, “Ang awit ng pagsamba ay hindi gaanong mahalaga.”

(8) Ipaalala mo sa kongregasyon na sila ang pangunahing instrumento sa inyong sama-samang pagsamba. Kung ang mga tao ay walang siglang umaawit, nabibigo ang musika ng kongregasyon na gawin ang kanyang layunin. Dapat turuan ang kongregasyon na kanilang pagkakataon at tungkulin na umawit na siyang kanilang kilos ng pagsamba.

Konklusyon: Patotoo ni Gloria

Ang Diyos ba ay nangungusap sa pamamagitan ng musika ng pagsamba? Pakinggan ang patotoo ng isang pastor sa Taiwan.

Nang mapunta si Gloria sa aming simbahan, hindi pa siya nakarinig ng ebanghelyo. Hindi siya roon naghahanap ng sermon at hindi interesado na maging Kristiyano. Hindi siya naghahanap sa Diyos, subalit ang Diyos ay naghahanap kay Gloria!

Napunta si Gloria sa aming simbahan upang mapaunlad ang kanyang pagsasalita ng Ingles. Narinig niya na ang aming simbahan ay libreng nagtuturo ng Ingles, kaya’t dumating siya upang mag-aral. Sa kanyang unang bisita, huli siyang dumating. At sa kanyang pagpasok sa simbahan, ang kongregasyon ay umaawit ng isang simpleng awitin na hango sa Awit 42:1, “Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos, gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.”

Paglipas ng isang taon, sa kanyang bautismo, naibahagi ni Gloria ang ganitong patotoo:

“Wala akong ibang naaalala sa serbisyong iyon kundi ang awitin na inyong inaawit habang ako ay nakaupo. Habang nakikinig ako sa awitin, ako’y napaiyak. Sa loob ng 30 taon, ang puso ko ay nauuhaw sa Diyos na gaya ng isang usa, subalit hindi ko alam kung ano ang aking kinauuhawan. Sinubukan ko ang edukasyon; sinubukan ko ang pera; sinubukan ko ang kaaliwan; sinubukan ko ang lahat – ngunit ako’y tigang at uhaw pa rin. Sinubukan ko ring matuto ng Ingles, kaya’t napunta ako sa inyong simbahan.

“Ngunit sa halip na Ingles, natagpuan ko ang tubig na aking kinakailangan. Habang ako ay nakaupo sa serbisyo, napaiyak akong naunawaan na ang Diyos pala ang hinahanap-hanap ng puso ko. Siya ang aking tunay na tagapagbigay ng ligaya. Nang araw na iyon, nagpasya akong ibigay ang aking puso sa Diyos. At hanggang ngayon, Siya ang mahalaga sa aking buhay.”

Aralin 6, Pagbabalik Aral

(1) Ang musika ay mahalaga sa ating pagsamba:

  • Sapagkat ang musika ay mahalaga sa panambahan sa Biblia.

  • Sapagkat ipinapahayag nito ang teolohikal na prinsipyo ng pagkasaserdote ng mananampalataya.

  • Sapagkat ipinapahayag nito ang teolohikal na prinsipyo ng pagkakaisa ng Iglesia.

(2) Musika:

  • Ito ay nangungusap sa isipan, kaya’t ang mensahe na ating inaawit ay dapat na totoo.

  • Ito ay nangungusap sa puso at humihipo ng damdamin.

  • Ito ay nangungusap sa katawan, kaya’t hindi dapat itulad sa mga di kanais-nais na gawi.

  • Ito ay nangungusap sa kalooban at humihingi ng tugon.

  • Ito ay nangungusap sa buong pagkatao. Kapaki-pakinabang siya kapag ginagamit sa pagtuturo ng katotohanan, ngunit mapanganib rin kapag ginagamit sa pagtuturo ng kabulaanan.

(3) Mga biblikal na prinsipyo para sa musika ng pagsamba:

  • Ang mga teksto sa musika ng pagsamba ay dapat na maliwanag na nagpapahayag ng katotohanan.

  • Ang estilo ng musika sa pagsamba ay maaring magkakaiba. Si Pablo ay may binanggit na salmo, himno, at mga awiting espirituwal. Sa pasimula pa lang, ang Iglesia ay mayroon ng iba’t ibang uri ng musika.

  • Hindi lahat ng estilo ay naaangkop sa bawat sitwasyon. Dapat nating itanong, “Sa konteksto ng aking kultura, ang estilo ba ng musikang ito ay magbibigay luwalhati sa Diyos?”

(4) Ang musika ay dapat na mangusap sa tatlong tagapagmasid o tagapakinig:

  • Ang musika ay dapat na magpahayag ng papuri sa Diyos.

  • Ang musika ay dapat na magpahayag ng katotohanan sa Iglesia.

  • Ang musika ay dapat na mapaghayag ng ebanghelyo sa sanlibutan.

(5) Mga prinsipyo para sa musika ng simbahan:

  • Ang pinakamahalagang musika ng simbahan ay ang awit ng kongregasyon.

  • Ang musika ay dapat na nakakatulong sa sinasabi ng teksto.

Aralin 6, Takdang Aralin

(1) Pahalagahan ang iba’t ibang musika na magagamit sa pagsamba; gumawa ng listahan ng 4 o higit pang mga awitin na nagpapahayag ng mga sumusunod na paksa. Ang listahan mong ito ay gagamitin mo sa iyong pagpla-plano ng panambahang serbisyo sa susunod na aralin. Maghanap ng mga awiting nangungusap sa isipan, puso, at kalooban.

  • 4 na awitin tungkol sa katangian ng Diyos

  • 4 na awitin tungkol kay Jesus at sa Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay

  • 4 na awitin tungkol sa Banal na Espiritu at sa Iglesia

  • 4 na awitin na tumatawag sa bayan ng Diyos na italaga ang kanilang sarili sa banal na pamumuhay

  • 4 na awitin para sa pagbabahagi ng ebanghelyo at misyon

Kung ikaw ay nag-aaral na kabilang sa isang grupo, ibahagi mo ang iyong listahan sa kanila at talakayin, “Gaano karami sa mga awiting ito ang inawit namin sa nakaraang taon? Naipapahayag ba namin ang buong ebanghelyo sa aming mga awitin?”

(2) Sa pasimula ng susunod na aralin, magkakaroon kayo ng pagsusulit batay sa araling ito. Pag-aralang mabuti ang mga tanong bilang iyong paghahanda.

Aralin 6, Pagsusulit

(1) Maglista ng tatlong awitin na mula sa Biblia.

(2) Anong paniniwala ang naghatid sa Konseho ng Laodicea na ipagbawal ang awit ng kongregasyon?

(3) Magbigay ng dalawang teolohikal na prinsipyo na dapat maipahayag sa musika ng ating pagsamba.

(4) Itala ang apat na praktikal na dahilan para sa musika ng pagsamba.

(5) Itala ang apat na prinsipyo na dapat gumabay sa ating pagpili ng musika sa pagsamba.

(6) Anong tatlong uri ng awitin ang naitala ni Pablo sa Colosas 3:16?

(7) Ano ang ganap na sukatan sa musika ng ating panambahan?

(8) Batay sa mga awiting nasa Biblia, itala ang tatlong paraan na ang musika ay dapat na mangusap sa iba’t ibang tagapagmasid o nakikinig.

(9) Ano ang itinuturo ng Colosas 3:16 tungkol sa layunin ng musika sa pagsamba?

(10) Isulat ang Colosas 3:15-17 gamit ang memorya.

Next Lesson