Pambungad sa Pagsambang Kristyano
Pambungad sa Pagsambang Kristyano
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 8: Pagplaplano at Pangunguna sa Pagsamba

44 min read

by Randall McElwain


Mga Layunin ng Aralin

  1. Kilalanin ang kahalagahan ng kahandaang espirituwal para sa pangunguna sa pagsamba.

  2. Unawain ang papel na ginagampanan ng istraktura at tema sa serbisyong pagsamba.

  3. Magplano ng balanseng panambahan na nangungusap sa buong katawan ni Cristo.

  4. Bigyang importansya ang katangiang kinakailangan para sa tagapanguna sa pagsamba.

  5. Makita ang pagkakaiba ng pamumuno at manipulasyon sa pagsamba.

  6. Isagawa ang mga praktikal na hakbang para sa mabisang pamumuno sa pagsamba.

Paghahanda sa Araling ito

Isaulo ang 2 Cronika 5:13-14.

Pambungad

► Gaano karaming panahon ang ibinibigay mo sa pagplaplano sa inyong lingguhang serbisyo? Naitutugma mo ba ang mga awitin sa ipapangaral na sermon? Ang pagplaplano ba na ginagawa mo ay kinakailangan o ang sobrang pagplaplano ay nakakahadlang sa kalayaan ng Banal na Espiritu para sa inyong panambahan?

Isipin mo ang isang maybahay na naghahanda ng pagkain para sa espesyal na mga panauhin na darating sa kanilang bahay. Sa pagdating ng mga panauhin sa oras ng hapunan, pwede niya bang sabihin, “Hindi ako naniniwala sa paggugol ng oras para sa paghahanda ng pagkain. Narito ang mga tira-tirang tinapay, karne, at gulay. Kayo na ang bahala kung paano ninyo ito paghahalu-haluin.” Ikaw, maaari mo bang gawin iyan sa isang espesyal na panauhin? Siempre hindi! Sa halip, ibibigay mo ang iyong pinakamainam na paghahanda para sa iyong panauhin.

Isipin mo ang isang pastor na naghahandog ng kanyang pagsamba bilang kanyang regalo sa Diyos. Isipin mo ang kanyang sasabihin na ganito, “Hindi ako naniniwala sa paggugol ng oras para sa pagplaplano ng panambahan. Nais kong bigyan ng kalayaan ang Banal na Espiritu na magsalita sa pamamagitan ko; kaya’t hindi ako magplaplano ng anumang bagay. Hahayaan kong gabayan ako ng Espiritu.”

May mga namumuno sa simbahan na naniniwala na ang Banal na Espiritu raw ay hindi makakikilos sa pamamagitan ng mga pinaghandaang sermon at pinagplanuhang serbisyo. Subalit ipinapakita sa atin ng Biblia ang kahalagahan ng pagplaplano para sa pagsamba. Mula sa maingat na paghahanda ng mga manunugtog sa Templo hanggang sa tuntunin ni Pablo tungkol sa pagsamba ng simbahan sa Corinto, ipinapakita sa atin ng Biblia na mahalaga ang pagplaplano para pamunuan ang ministeryo. Hindi tayo dapat maghatid ng handog na walang halaga para sa atin. At dahil ang pagsamba ay paghahandog sa Diyos, nararapat ang Diyos sa ating pinakamainam na pagsamba.

Sa araling ito, titingnan natin ang dalawang aspeto ng pamumuno sa pagsamba. Una, pag-aaralan natin ang kahalagahan ng pagplaplano para sa pagsamba. Pagkatapos ay titingnan natin ang mabisang pamumuno sa serbisyo.

Paghahanda para sa Serbisyo

► Basahin ang Exodo 28-29. Pansinin ang maingat na paghahanda ng mga namumuno sa panambahan ng Israel. Sa gayong paraan, paano ka rin naghahanda sa espirituwal, mental, at emosyonal para sa iyong pangunguna sa pagsamba?

Paghahanda sa Tagapanguna sa Pagsamba

[1]Ang pagplaplano at paghahanda para sa serbisyo ay mahalaga; ngunit ang paghahanda sa tagapamuno sa pagsamba ay higit na mahalaga. Hindi natin magagawang pangunahan ang mga tao sa lugar na hindi natin narating. Dahil rito, kailangan nating ihanda ang ating mga puso bago natin subukan na pangunahan ang iba sa pagsamba.

Sa aralin 2, natutuhan natin ang hinihingi ng Diyos sa mga mananambahan. Tinatawag Niya ang Kanyang mga mananambahan na magkaroon ng malinis na kamay at dalisay na puso. Ibig sabihin, bago gawin ang paghahanda para sa serbisyo, kailangan muna nating ihanda ang ating mga sarili bilang tagapamuno sa pagsamba. Dapat na handa tayo sa espirituwal upang magawa nating mamuno sa pagsamba.

Simulan ang iyong pagplaplano sa gagawing panambahan sa pamamagitan ng panalangin at pagbabasa ng Biblia. Maglaan ng panahon sa pagbabasa ng Salita ng Diyos para sa iyong paglagong espirituwal. Ang madalas na panganib na kinakaharap ng mga namumuno sa pagsamba ay ang hayaan ang kanilang ginagawang paghahanda sa ministeryo na maging pamalit sa personal na paglagong espirituwal. Maaari nating pag-aralan ang Biblia para maghanda ng sermon para sa iba, ngunit maaaring mabigo tayo na marinig ang Salita ng Diyos na mangusap sa ating sariling espirituwal na pangangailangan.

Bago ka pumili ng mga talata sa Biblia at ng mga awiting ipinapahayag ang Salita ng Diyos sa kongregasyon, maglaan ka muna ng panahon na ang Salita ng Diyos at ang Kanyang Espiritu ay personal na mangusap sa iyong puso. Matapos ito, maaari ka ng magsimulang magplano para sa serbisyo sa darating na Linggo. Hilingin mo sa Diyos na gabayan ka Niya sa pagpilli ng mga talata, ng paksa ng sermon, at ng mga musikang mangungusap sa pangangailangan ng mga tao.

Pagsusuri

Paano mo mapapaunlad sa iyong buhay ang isang malusog na gawi ng pribadong pagsamba? Ano ang mga hadlang na kinakaharap mo? Paano mo tinutugunan ang mga hadlang na iyon?

Pagplaplano sa Panambahang Serbisyo[2]

[3]Inilarawan ni Fred Bock ang paghahanda ng isang pastor na katrabaho niya, si John Lloyd Ogilvie. Pinaplano ni Dr. Ogilvia ang kanyang mga sermon para sa isang buong taon. Sa maraming pagkakataon, ang isang paksa ng sermon na pinili ng buwan ng Enero ay akmang-akma sa pangangailangan ng kongregasyon kapag ipinangaral sa buwan ng Hulyo. Bakit ito nangyayari? Iyon ay sapagkat “ang ating Diyos ay Diyos ng kahapon, ngayon, at bukas. Alam Niya ang ating pangangailangan bago pa man ito dumating o ating malaman. At kapag tayo ay handa at organisado, mas higit tayong nagiging mahusay at kapaki-pakinabang na daluyan para sa Banal na Espiritu.”[4] Ang Banal na Espiritu ang Siyang nakakaalam kung sino ang dadalo sa inyong serbisyo. Siya ang gagabay sa iyo sa mga awitin at talatang mangungusap sa kanilang pangangailangan.

Siempre sa isang banda, marahil ay hindi ka dapat magplano ng para sa buong taon; ang pagplaplano para sa panambahan ay mahalaga. Ang maingat na pagplaplano ay tumutulong sa atin na malayang makapokus sa oras ng panambahan, sa halip na mag-alala; gaya ng “Ano ang susunod na gagawin?” Kapag hindi tayo nagplaplano, maaari tayong bumalik at makulong lang sa ginawa natin noong nakaraang linggo. Subalit ang pagplaplano ay nagbibigay sa atin ng kalayaan na maging malikhain.

Magsimula na may istraktura.

Marami sa atin ang gustong may tuntunin at kaayusan na sinusunod sa buhay. Gusto natin na kumain ng agahan sa umaga at hapunan sa gabi. Sa pagbabasa ng libro ay madalas tayong nagsisimula sa unang kabanata hanggang sa katapusang bahagi ng libro kaysa ang basta-basta lang basahin ang mga pahina ng libro. Dagdag pa, walang sinumang manlalakbay ang gustong sumakay sa isang eroplano at marinig na sinasabi ng piloto, “Hindi pa namin napagpapasyahan kung anong rota ang tatahakin natin. Basta lilipad tayo at tingnan natin kung ano ang mangyari.” Sa madaling salita, gusto natin na mayroong istraktura sa mga bagay-bagay.

Ang istraktura sa pagsamba ay hindi naglilimita ng ating kalayaan na sumunod sa Banal na Espiritu kapag binabago Niya ang ating mga plano! Ang istruktura ay nagbibigay ng gabay sa pagsamba habang bukas tayong naghihintay sa pamumuno ng Banal na Espiritu, kung nais Niyang mangingibabaw sa ating istraktura. Sa pagtatalaga ng Templo, mayroong ginawang planadong istraktura, subalit binago ng pagdating ng presensya ng Diyos ang inihandang plano para sa serbisyo (2 Cronika 5:13-14).

Sa Appendix A ay makikita ang mga balangkas o outline na ginagamit ng ilang mga tagapamuno sa pagsamba para sa pagplaplano ng kanilang serbisyo. Maaring makatulong at magamit mo ang ilan sa mga ito sa inyong partikular na panambahan. Ang pormat ng mga ito ay maaari mong baguhin, ngunit may istraktura siyang maaari mong i-angkop sa pangangailangan ng inyong serbisyo.

Ilan sa karaniwang istraktura para sa pagplaplano ng panambahan ay ang mga sumusunod:[5]

(1) Istraktura na nakasentro sa sermon

  • Pamamahayag ng katotohanan: himno, Banal na Kasulatan, sermon

  • Pagtugon sa katotohanan: paanyaya, paghahandog, panapos na himno

(2) Istraktura na nakabatay sa gawain ng mga mananambahan ng Diyos sa pagsamba

  • Pagtitipon ng mga mananambahan ng Diyos: panawagan upang sumamba, himno ng papuri, panalangin

  • Pakikinig ng mga mananambahan sa Salita ng Diyos: pagbabasa ng Biblia at sermon

  • Pagtugon ng mga mananambahan sa Salita ng Diyos: himno ng paanyaya, paghahandog

  • Paghayo ng mga mananambahan: panapos na himno, bendisyon

(3) Istraktura na nagpapakita ng pag-uusap sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang bayan (batay sa Isaias 6)

  • Ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang Sarili (talatang 1): panawagan ng pagsamba

  • Pagtugon ng mga mananambahan na may papuri at pagpapahayag ng kasalanan (talatang 3-5): mga himno at panalangin

  • Pagsasalita ng Diyos sa Kanyang bayan (talatang 6-8): Biblia at sermon

  • Pagtugon ng mga mananambahan na may pagtatalaga at panata (talatang 8): himno at paghahandog

  • Pagsugo ng Diyos sa Kanyang mga mananambahan (talatang 9): bendisyon

(4) Istraktura na batay sa Awit 95

  • Lumapit ng may masayang pasasalamat (talatang 1-5): panawagan sa pagsamba, mga himno ng papuri

  • Magpatuloy sa taimtim na pagsamba (talatang 6-7): mga himno ng pagpapakabanal, panalangin

  • Makinig sa tinig ng Diyos (talatang 7-11): Banal na Kasulatan at sermon

Magpahayag ng nagkakaisang mensahe.

Ang pagsamba ay ang pakikipag-usap natin sa Diyos, ngunit ito’y nangungusap rin sa kongregasyon. Sa pagsamba, inihahatid natin ang Salita ng Diyos sa mga mananambahan. Sa pagplaplano ng serbisyo, makakatulong ang tanong, “Anong mensahe ang nais ng Diyos na ihatid sa Kanyang mga mananambahan sa serbisyong ito?”

Nakadalo ka na ba ng ganitong uri ng serbisyo?

Mga Himno

Si Jesus ay ating Kaibigan (Pakinabang ng panalangin)

Magbunyi sa Panginoon (Panawagan sa pagsamba)

Kapag tayo’y nasa Langit na (Pag-asang kalangitan)

Isang Espesyal na Awit Dumating ka Espiritu Santo (Pag-anyaya sa Banal na Espiritu sa ating buhay)
Sermon Ang Panawagan ni Jonas sa Nineve – Hamon sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Panapos na Himno Ngayon na ang Oras ng Pagsamba (Panawagan sa pagsamba)

Gamit ang istrakturang ito, ano sa palagay mo ang mensahe na manunuot sa mga mananambahan? Hindi natin alam. Sa loob ng 90 minuto, umaawit tayo ng tungkol sa kaaliwan sa oras ng kabagabagan, kalangitan, Banal na Espiritu, at panawagan sa pagsamba – lahat ng ito ay pumapalibot sa isang sermon na tungkol sa ebanghelismo. Sa palagay mo, sa susunod na linggo, matatandaan kaya ng mga tao ang hamon para magbahagi ng ebanghelyo? Marahil, ang istraktura ng serbisyong ito ay hindi nakakatulong para maalala ng mga tao ang tema ng serbisyo.

Ngayon ay tingnan naman natin ang serbisyo na plinano ayon sa tema ng “Ang Panawagan ni Jonas sa Nineve”:

Mga Himno

Ngayon na ang Oras ng Pagsamba (Panawagan sa pagsamba)

Oh Sana’y may Sanlibong Labi na sa Iyo’y Magpupuri (Iniuugnay ang ating papuri sa ebanghelismo)

Nagliligtas si Jesus (Ipinapahayag ang buong nilalaman ng mensahe ng ebanghelyo)

Kailangan natin ang Panginoon (Nagpapakita na kailangan ang pagbabahagi ng ebanghelyo)

Sermon Ang Panawagan ni Jonas sa Nineve – Hamon sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Isang Espesyal na Awit Sinusugo Kita (Isang komisyon para sa pagbabahagi ng ebanghelyo)
Panapos na Himno Pupunta ako sa Lugar na Gusto Mo (Pagtugon sa komisyon)

Sapagkat plinano ng mga tagapamuno ang serbisyo na magpahayag ng isang tema, maaaring tumimo sa puso ng mga tao ang tinig ng Diyos para sa buong Linggo; na ito ay magpapaalala sa kanila ng panawagan ng Diyos na ibahagi ang ebanghelyo. At dahil rito, sa kanilang pakikisalamuha sa mga taong ang buhay ay walang patutunguhan, maaari nilang maalala ang mensahe ng himno na “Kailangan natin ang Panginoon.” Habang sila ay nagtratrabaho sa araw ng Martes, marahil ay magagalak sila sa katotohanan ng himno na “Nagliligtas si Jesus,” at maaalala rin nila na dahil niligtas tayo ni Jesus, dapat rin nating ibahagi ang kagalakang ito sa iba.

Ang Diyos ba ay maaaring kumilos sa isang serbisyo na walang sentral na tema? Syempre, maaari! Subalit, natutulungan natin ang kongregasyon na magkaroon ng pokus sa mensahe kung nagbibigay tayo ng panahon para magplano. Kinakailangan bang laging ganito? Hindi. Minsan, ang isang serbisyo ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang paksa na gagamitin ng Diyos para mangusap sa iba’t ibang pangangailangan ng kongregasyon. Hindi tayo dapat mahulog sa paniniwalang ang Diyos ay kumikilos lang sa pamamagitan ng isang pamamaraan o sistema. Gayunpaman, mas natutulungan natin ang mga mananambahan na matuon sa mensahe ng serbisyo kapag mayroon tayong isang tema.

Panatilihin ang balanseng pagsamba.

Lahat tayo ay may mga paborito: paboritong pagkain, paboring musika, paboritong mga libro, paboritong mga laro, at paboritong mga aklat sa Biblia. Sa pagplaplano ng pagsamba, mahalaga na hindi lamang inilalagay ng tagapamuno ang kanyang mga paboritong awitin, mga paboritong talata, at paboritong tema ng sermon. Ang balanseng pagsamba ay nagpapahayag ng buong nilalaman ng ebanghelyo para sa buong kaanib ng kongregasyon.

(1) Ang balanseng pagsamba ay parehas na magpapakita ng kadakilaan ng Diyos at ng Kanyang presensyang sumasa atin.

Ang Diyos ay isang Kataas-taasang Diyos na naghahari sa buong daigdig. Subalit Siya ay Diyos rin na nananahan sa piling ng Kanyang bayan. Makikita natin ang balanseng pananaw na ito sa buong Biblia.

Matapos na makatawid sa Pulang Dagat, ang bayan ng Israel ay umawit ng papuri para sa kapangyarihan ng Diyos, “Sinong tulad mo, O Panginoon, sa mga diyos? Sinong gaya mo, dakila sa kabanalan, nakakasindak sa maluluwalhating gawa, na gumagawa ng mga kababalaghan?” Inawit nila ang pagmamalasakit ng Diyos, Iniunat mo ang iyong kanang kamay, nilamon sila ng lupa. “Iyong pinatnubayan sa iyong wagas na pag-ibig ang iyong tinubos na bayan, sa iyong kalakasan ay inihatid mo sila sa banal mong tahanan” (Exodo 15:11-13).

Nakita ni Isaias ang Panginoon na nakaupo sa Kanyang trono bilang kataastaasan sa lahat. Ang Diyos ay dakila at matayog sa lahat. Siya ay marangal na kataastaasan, subalit personal Siyang nangusap at nagbigay ng komisyon kay Isaias na sinasabi, “Humayo ka at ipahayag mo sa mga taong-bayan…” (Isaias 6:1-13).

Ang salmista ay nagpuri sa kataastaasan Diyos, “Panginoon, aming Panginoon, sa buong lupa ay napakadakila ng iyong pangalan! Sa itaas ng mga langit ay inaawit ang iyong kaluwalhatian.” Subalit ang kataastaasang Diyos na ito ay may malapit na pakikitungo sa sangkatauhan. Kaya’t nasabi rin ng salmista, “Ano ang tao upang siya'y iyong alalahanin, at ang anak ng tao upang siya'y iyong kalingain?” (Awit 8).

Sa pagsamba, tayo ay nagbibigay ng parehas na atensyon sa kadakilaan at presensya ng Diyos na nasa gitna natin. Kapag ang pagsamba natin ay nakakalimot sa kadakilaan ng Diyos, parang magiging kaibigan lang ang trato natin sa Diyos na walang hinihinging pagsunod at paglilingkod mula sa atin. Sa isang banda, kapag nakakalimutan naman natin ang malapit na pakikitungo sa atin ng Diyos, maaari natin Siyang sambahin bilang isang malayong Diyos na walang pagmamalasakit sa ating mga pangangailangan. Kaya’t sa pagplaplano ng pagsamba, dapat nating bigyang pansin ang dalawang aspeto ng relasyon ng Diyos sa sangkatauhan. Dapat nating parehas na ipaalala sa mga mananambahan ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at ang pagkalugod sa Kanya.


[1]

“Ang isang taong gumagabay sa iba tungo sa presensya ng Dakilang Hari ay dapat na nakapaglakbay mismo sa bayan at lupain ng Haring iyon at madalas na mukhaang nakikipag-usap sa Kanya.”

Charles Spurgeon

[2]Marami sa nilalaman ng pagplaplano para sa panambahan na nabanggit rito ay nagmula sa “The Nuts and Bolts of Worship Planning” na matatagpuan sa http://worship.calvin.edu/resources/resource-library/the-nuts-and-bolts-of-worship-planning binuksan noong Hulyo 22, 2020.
[3]

“Ang malayang kilos na walang sinusundang tuntunin ay magiging magulo, at ang tuntunin na walang malayang kilos ay magiging walang buhay.”

Franklin Segler at Randall Bradley

[4]Hango kay Lois at Fred Bock, Creating Four-Part Harmony, (Carol Stream: Hope Publishing, 1989), 43
[5]Ang mga istraktura na inilagay ko rito ay para sa buong oras ng serbisyo. May mga tagapanguna sa pagsamba na gumagamit lang ng istraktura para sa musikang bahagi ng serbisyo. Hindi ko inilagay ito dahil inihihiwalay nila ang pagsamba mula sa iba pang bahagi ng serbisyo. Sa Biblia, ang pagsamba ay may kinalaman sa bawat bahagi ng serbisyo, hindi lang sa espesyal na musikang panambahan na inihihiwalay sa sermon.

Pagsasabuhay 1

Ang pagsamba sa Diyos na Siyang parehas na Kataastaasan at sumasaatin ay nangangahulugan na aawit tayo ng mga awiting kumikilala sa Kanyang kadakilaan (gaya ng himnong, “O Sambahin ang Hari”) at ng mga awiting kumikilala sa Kanyang malapit na ugnayan sa sangkatauhan (gaya ng himnong, “Emmanuel, ang Diyos ay Sumasaatin”). Sa panalangin, pupurihin natin Siya sa Kanyang makapangyarihang mga gawa at ihahatid natin sa Kanya ang ating mga personal na pangangailangan.

(2) Ang balanseng pagsamba ay parehas na sama-sama at personal.

Ang Aklat ng mga Awit ay parehas na naglalaman ng publikong pagpupuri at personal na pagpupuri. May ilang mga salmo na nagpapakita ng “ating” papuri; may ilang salmo na nagpapakita ng “aking” papuri. Sa loob ng Templo, ang mga mananambahang Hebreo ay sama-samang sumasamba sa Diyos; at sa tahanan naman nila’y indibidwal silang nananalangin. Si Jesus ay madalas na pumunta sa sinagoga upang makiisa sa sama-samang panambahan; ngunit Siya rin ay madalas pumunta sa ilang na dako upang mag-isang gumugol ng panahon sa piling ng Kanyang Ama (Lukas 4:16 at Marcos 1:35). Kaya nga, ang biblikal na pagsamba ay parehas na publiko at personal. Sa pagsamba, dapat tayong magbigay ng pagkakataon sa kongregasyon na sama-samang sumamba bilang isang katawan at ng pagkakataon sa bawat indibidwal na maipahayag ang kanilang personal na debosyon sa Diyos.

Pagsasabuhay 2

Ang pagsamba na sama-sama at personal ay may epekto sa lahat ng bahagi ng serbisyo. Tayo ay umaawit ng mga awiting pangkalahatan (gaya ng “Lubos na Dakila ang ating Diyos”) at tayo ay umaawit rin ng mga personal na awitin (gaya ng “Ikaw ang aking Hari”). Tayo ay mananalangin ng “Ama naming nasa

langit” habang may pagkakataon na indibidwal na manalangin sa piling ng Kapatiran.

Higit sa anupamang panahon sa kasaysayan, ang publikong panambahan ay nasa gitna ngayon ng matinding hamon. Sa panahon na maraming

cellphones, tablets, texting, at palagiang access sa internet, maaari tayong manatiling nakaupo sa serbisyo, ngunit ang ating damdamin at espiritu ay malayo sa pagsamba. Ang seryosong pakikibahagi sa publikong pagsamba ay nangangailangan ng paglalayo ng ating mga sarili mula sa anumang mga distraksyon upang makasamba tayo kasama ang Kapatiran.

(3) Ang balanseng pagsamba ay naglalaman ng pamilyar at bago.

Ang balanseng ito ay praktikal sa halip na theolohikal. Ito ay mahalaga kung nais nating makitang aktibong nakikilahok ang kongregasyon sa pagsamba. Sa pagplaplano ng pagsamba, dapat nating balansehin ang pamilyar at bago.

Kapag higit na marami ang bago, ito ay magdudulot sa kongregasyon na maging tagapagmasid lamang sa halip na mananambahan. Hindi nila magagawang makibahagi sa pagsamba sapagkat hindi nila alam ang mga awitin. Minsan ay naging daing ni C.S. Lewis na maraming mga pastor ang nakakalimot sa, “Sinabi ni Jesus kay Pedro, ‘Pakainin mo ang aking mga tupa,’ hindi ‘Turuan ang aking mga aso ng mga bagong pakulo.’” Ang pagkakaroon ng maraming bagong bagay ay maaaring magpahirap sa mga tao na matuon sa pagsamba.

Gayundin naman, ang pagkakaroon ng maraming mga pamilyar na bagay ay maaaring maghatid ng kawalang kabuluhan sa ating mga nakagawian. Ang isang serbisyo na napuno ng kinagawian at madaling hulaan ay maaaring magdulot sa kongregasyon na mawalan ng pokus at sigla sa kanilang pagsamba.

Ang pagplaplano ng panambahan ay dapat na parehas na naglalaman ng pamilyar at bago. Halimbawa, ang “Lubos na Pagibig ng Diyos para sa atin” ay isang bagong himno na tungkol sa kaligtasan. Ang himnong ito ay nagtatapos sa katagang “Ang mga sugat Niya ang naging kabayaran sa ating mga kasalanan.” Ipinapahayag nito ang halaga ng ating kaligtasan. Ang bagong himnong ito ay maaaring sundan ng isang pamilyar na himno, “Binayaran ni Jesus ang Lahat.” Ang pamilyar na himnong ito ay tumatawag sa atin na tumugon sa sakripisyo ni Jesus. Sa madaling salita, ang balanseng paglalapat ng pamilyar at bago ay makakatulong sa kongregasyon na magkaroon ng aktibong pagsamba.

Pagsasabuhay 3

Ang pagsamba na nagbibigay balanse sa pagitan ng pamilyar at bago ay naglalaman ng mga luma at bagong awitin. Ito ay parehas na maglalaman ng

mga pamilyar at di gaanong pamilyar na mga talata sa Biblia na babasahin. Halimbawa, bago natin basahin ang isang pamilyar na talata sa Juan 3:1-21 na kung saan nagtuturo si Jesus ng tungkol sa muling pagsilang, maaari muna nating basahin ang di gaanong pamilyar na talata sa Ezekiel 36:16-38, na kung saan ang Diyos ay nangako na huhugasan Niya ang Israel at bibigyan ng bagong puso. Ang dalawang talatang ito ay magkaugnay sa tema. Ang pagbabasa sa mga ito ay magpapalalim ng unawa ng kongregasyon tungkol sa katuruan ni Jesus na mababasa sa Juan 3.

Kung ikaw ay magpapakilala ng isang bagong awit, dapat mong samahan ang awiting ito ng mga pamilyar na awitin. Kapag bubuksan natin ang panambahan sa pamamagitan ng di pamilyar na awitin, ang serbisyo ay maaring magsimula ng malamya at may pag-aalangan. Mainam na pasimulan ang pagsamba sa pamamagitan ng isang pamilyar na awitin at pagkatapos nito ay isunod ang isang di pamilyar na bagong awitin.

Ang isang simbahan sa Taiwan ay mayroong malikhaing pamamaraan sa pagpapakilala ng mga bagong awitin. Marami sa kanilang kongregasyon ay mga bagong mananampalataya at di alam ang marami sa mga awiting inaawit. Gayunpaman, ang simbahang ito ay mayroong pagsasanay muna bago magsimula ang serbisyo. Dalawangpung minuto bago ang serbisyo, inaawit muna nila ang mga bagong awitin na magiging bahagi ng serbisyo. Tutugtog ang pianista sa paraang madaling masundan ng lahat ang himig at tono. At dahil ang kanilang ginagawa ay pagsasanay lang, maaaring pahintuhin ng tagapanguna ang isang awit upang ulitin ang isang kataga hanggang sa mapamilyar ito sa kongregasyon. Pagdating ng 10:00am, kayang-kaya ng awitin ng mga tao ang mga bagong awitin.

Magplano bilang Grupo.

May praktikal na payo ang Ecclesiastes na ganito ang sinasabi, “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa isa; sapagkat sila'y may mabuting gantimpala sa kanilang pagpapagod” (Eclesiastes 4:9). Ang pagplaplano sa pagsamba ay dapat na gawain ng grupo. Bawat isang kabahagi sa pamumuno sa pagsamba ay dapat na may bahagi sa pagplaplano.

Kapag ang pastor, tagapamuno sa pag-awit, at ang iba pang namumuno ay magpupulong upang pag-usapan ang kalooban ng Diyos para gagawing serbisyo, ang kanilang mga kakayahan at kaloob ay magkakaisa. Kapag ganito ang mangyari, ang lakas at kakayahan ng bawat isa ay makakatulong sa pagplaplano para sa gagawing pagsamba.

Magplano para sa hinaharap.

Hindi natin magagawang ipahayag sa isang serbisyo ang buong mensahe ng Biblia. Subalit sa paglipas ng panahon, dapat na naipapahayag natin ang lahat ng aspeto ng ebanghelyo sa mga mananambahan. Bawat isa sa atin ay may mga paboritong paksa; subalit dapat nating udyukan ang ating mga sarili na ipangaral at awitin ang mga paksang hindi natin paborito.

May ilang mga pastor at tagapamuno sa pagsamba na gumagamit ng isang kalendaryo na naglalaman ng mga itinakdang mga tema na naituturo ang nilalaman ng Biblia sa loob ng tatlong taon.[1] May ilan naman na nagplaplano ng lingguhan at maingat na inilalagay ang kabuoang mensahe ng Biblia sa paglipas ng mga buwan.

Kahit na wala kang sinusunod na kalendaryong naglalaman ng mga itinakdang katuruan, ang kamalayan sa mga Kristyanong pagdiriwang sa loob ng isang taon ay makakatulong sa iyo upang maipahayag ang mahahalagang aspeto ng ebanghelyo. Ang mga mahahalagang pagdiriwang ng mga Kristyano sa loob ng isang taon ay ang mga sumusunod:

  • Adbiyento (apat na Linggo na magtatapos sa araw ng Pasko): Nakauton sa una at ikalawang pagdating ni Cristo.

  • Pasko: Ang pokus ay nasa pagkakatawang tao at kapanganakan ni Cristo.

  • Mahal na Araw (anim na Linggo na magtatapos sa araw ng Pagkabuhay): Ito ay nakatuon sa paghihirap at kamatayan ni Jesus, maging sa hamon sa bawat mananampalataya na maging isang tunay na disipulo.

  • Araw ng Pagkabuhay: Ito ay nakatuon sa pagkabuhay at pag-akyat ni Cristo sa langit.

  • Pentecostes: Ang pokus ay sa pagdating ng Banal na Espiritu at sa Iglesia.

Mayroon ka mang sinusundang pormal na pagkakasunod-sunod ng mga paksa o mayroong lingguhang plano, iyo lamang tiyakin na napapakinggan ng iyong kongregasyon ang lahat ng nilalaman ng ebanghelyo bilang bahagi ng inyong panambahan.

Magplano ng Payapa.

Ang pagsamba ay hindi tungkol sa atin; ito ay hain natin sa Diyos. Ang ating ginagawang pagplaplano sa pagsamba ay bahagi lang ng ating paghahandog sa Diyos. Hindi tayo nagplaplano ng panambahan na udyok ng budhing binabagabag ng tanong, “Nakalulugod na ba ito?” Dapat nating tandaan na sumasamba tayo sa Diyos ng biyaya. Ang ating pagsamba ay tinatanggap hindi dahil sa ito ay karapat-dapat sa kanyang sarili, kundi dahil sa tinatanggap ng Diyos ang kusang paghahandog ng Kanyang mga anak.

Ito ay mahalaga para maiwasan ang pagkabahala na, “Dapat na napapantayan natin ang ginagawa ng XYZ Church o ni ganito at ganyang simbahan.” Sa panahong ito ng teknolohiya at iba’t ibang media, maraming mga tagapamuno ng simbahan ang nakadarama ng patuloy na pagkabawala na sumunod sa uso ng panahon na gaya ng ginagawa ng ibang mga simbahan. Bunga nito, ang mga pastor ay nakikipagkompetensya sa pagkakaroon ng mga makabagong teknolohiya. Ang mga tagapamuno ng musika ay nakikipagligsahan tungkol sa mga makabagong awitin. At ang mga mananambahan ay laging naghahanap ng mga simbahang kakikitaan ng mga makabagong atraksyon.

Subalit hindi tayo dapat mahulog sa tukso ng pagpapakitang gilas sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga paghahandog. Huwag nating hayaan na ang mga kasangkapan para sa panambahan, gaya ng musika at teknolohiya ay maging pamalit sa tunay na pagsamba. Sa halip, ihatid mo sa Diyos ang iyong pinakamainam na alay dahil nalalaman mo na ang Diyos ng biyaya ay nagagalak sa matamis na samyo ng iyong alay. Ibigay mo sa Kanya ang iyong pinakamainam at pagtiwalaan Mo Siya na tatanggapin ang iyong handog. Ang pagsamba ay hindi pakikipagkompetensya sa ibang mga simbahan; ito ay isang kaloob ng Diyos.


[1]Matatagpuan sa online sa http://lectionary.library.vanderbilt.edu/calendar.php Hulyo 22, 2020.

Pamumuno sa Serbisyong Pagsamba

Ang Pinakamahalagang Tanong: Sino ang Tagapagmasid?

► Ano ang papel na ginagampanan ng kongregasyon sa pagsamba? Ano ang papel na ginagampanan ng mga tagapamuno sa pagsamba? Ano ang papel na ginagampanan ng Diyos?

Maraming tao na tinitingnan ang panambahan na parang isang konsiyerto. Ang kongregasyon ay nakikinig sa pagtatanghal ng pastor at ng mga manunugtog. Ang santuaryo ay parang isang bulwagan para sa konsiyerto.

Inilarawan ni Barry Liesch ang ganitong pananaw sa pagsamba na gaya ng sa laro ng football:[1]

  • Ang mga tagapanguna sa pagsamba ang mga manlalaro na gumagawa ng pagsamba.

  • Ang kongregasyon ang tagapagmasid na nakatayong nanunuod sa laro.

  • Ang Diyos ang Siyang coach na nagsasabi sa tagapamuno ng pagsamba kung ano ang gagawin.

Subalit ang biblikal na larawan ng pagsamba ay sobrang naiiba rito. Sa biblikal na pagsamba, ang kongregasyon ay sumasamba habang ang mga tagapamuno sa pagsamba ay tumatayong parang mga coach na gumagabay sa pagsamba:

  • Ang tagapamuno sa pagsamba ang coach na gumagabay sa kongregasyon.

  • Ang mga mananambahan ang mga manlalaro na gumagawa ng pagsamba.

  • Ang Diyos ang tagapagmasid na tumatanggap sa ating pagsamba.

Sa pagtatanghal ng isang drama, hindi mo napapansin ang direktor. Subalit nalalaman ng direktor ang lahat ng pangungusap at mangyayari bago pa man pumasok ang isang aktor upang gampanan ang kanyang papel. Kapag ginagawa niya maayos ang kanyang trabaho, hindi siya mapapansin ng mga manunuod. Iyan ang trabaho ng tagapamuno sa pagsamba. Ang ating trabaho ay hindi sumamba para sa mga tao; ang ating trabaho ay ang gabayan ang kongregasyon sa pagsamba. Ang kongregasyon ay sumasamba kasama ang pastor at ang tagapamuno ng musika tungo sa sa presensya ng Diyos. Ang ating layunin ay ang bigyang lugod ang Diyos. At sa biblikal na modelo ng pagsamba, ang Diyos ang tagapagmasid ng ating pagsamba.

Subalit, ang Diyos ay higit pa sa tagapagmasid; ang Diyos ang Siyang nagbibigay ng lakas sa lahat ng ating ginagawa sa pagsamba. At ang tagapamuno sa pagsamba ay higit pa sa isang coach o direktor. Ang tagapamuno sa pagsamba ay parehas na direktor at mananambahan. Ang pagsamba ay mayroong iba’t ibang ugnayan:

  • Ang Diyos ang nag-aanyaya sa mga mananambahan, ang tumatanggap ng kanilang pagsamba, at ang gumagabay sa mga tagapamuno ng pagsamba habang sila’y nagmiministeryo sa kongregasyon.

  • Ang mga tagapanguna sa pagsamba ang siyang gumagabay sa kongregasyon sa pagsamba, na makinig sa tinig ng Diyos, at makilahok bilang mga mananambahan.

  • Ang kongregasyon ay naghahandog ng pagsamba sa Diyos, nakikinig sa tinig ng Diyos, at nangungusap sa isa’t isa sa pagsamba.

Paano Iwasan ang Pagsamba bilang isang Pagganap[2]

(1) Umawit ng mga awiting madaling matutuhan. Awitin ang mga ito sa paraang madaling sabayan ng kongregasyon. Huwag masyadong gumamit ng maraming bagong awitin.

(2) Awitin at ipagdiwang ang kapangyarihan, kaluwalhatian, at kaligtasan ng Diyos. Paglingkuran ang iyong kongregasyon. Puspusin sila ng Salita ng Diyos. Huwag umawit ng mga awiting pangit ang liriko o pangit ang teolohiya.

(3) Ilagay sa ayos ang mga ilawan. Huwag magsalita ng labis. Huwag mong hayaan na matuon ang iyong pagkamalikhain sa mga palamuti, kutitap, ilaw, at mga panoorin na aagaw ng sentralidad ng ebanghelyo.

(4) Ang iyong pangunguna sa pagsamba at ang mga awiting gagamitin ay dapat na angkop sa nakakaraming kaanib ng iyong kongregasyon. Pangunahan mo sila sa pastoral na pamamaraan.

(5) Ituro mo ang kanilang pansin kay Jesus. Huwag kang tumawag ng pansin sa iyong sarili.

Mga Katangian ng Tagapanguna sa Pagsamba

Anuman ang iyong hinahawakang titulo, bilang tagapanguna sa pagsamba, ginagampanan mo ang papel ng isang pastor. Kung ikaw ay isang pastor, tiyak na nauunawaan mo na ito. Kung ikaw ay karaniwang manggagawa, dapat mong maunawaan na ang papel na iyong ginagampanan ay isang katatayuan ng espirituwal na pamumuno.

Sa pagpili ng tagapamuno sa pagsamba, dapat nating isaalang-alang ang espirituwal na katangian, hindi lamang ang kanilang personal katangian at kakayahan sa musika. Nang ang mga apostol ay pumili ng mga diyakono na mangangalaga sa mga balo ng Grecia, sila’y naghanap ng mga taong may magandang reputasyon, puspos ng Espiritu, at karunungan (Gawa 6:3). Ang etikal, espirituwal, at moral na mga katangian ay napakahalagang bagay.

Sa ibang mga simbahan, ang pagpili sa mga mangunguna sa pag-awit, ng mga manunugtog, at ng iba pang gampanin ng pamumuno ay nakabatay sa popularidad. Subalit kung ang mga diyakono na maglilingkod para sa mga materyal na pangangailangan ay pinili ng dahilan sa kanilang espirituwal na katangian, ang mga namumuno sa pagsamba ay dapat ring piliin ng dahil sa kanilang espirituwal na katangian.

Kung namumuno ka sa pagsamba sa iyong simbahan (bilang pastor, manunugtog, o anumang paraan ng pamumuno sa pagsamba), kailangan mong linangin ang mga katangian na gagawin kang mabisa sa pamumuno sa pagsamba.

  • Espirituwal na kamalayan. “Ako ba ay sensitibo sa pamumuno ng Banal na Espiritu?”

  • Sensitibidad. “Ako ba ay sensitibo sa pangangailangan ng kongregasyon? Pumipili ba ako ng mga awitin at talata na nangungusap sa kanilang pangangailangan?”

  • Pakikiisa. “Nakapaglilingkod ba ako ng maayos kasama ang isang grupo? Nakikipagtulungan ba ako kapag sinabi ng pastor na palitan ko ang panapos na awitin? Nagpapasakop ba ako sa pangkalahatang pangangailangan ng grupo?”

  • Kaalaman. “Ako ba ay lumalago sa aking kaalaman sa Salita ng Diyos? Ginagawa ko bang sentral ang Salita ng Diyos sa aking pagsamba?”

  • Karunungan. “Lumalago ba ako sa karunungan na maunawaan at tugunan ang usapin tungkol sa pagsamba? Dinidisiplina ko ba ang sarili ko na matutong makinig at maingat na magsalita?” (Santiago 1:19)

  • Tiyaga. “Mapagpasensya ba ako kapag ang kongregasyon ay mabagal tumugon sa aking plano para serbisyo?”

  • Kapakumbabaan. “Payag ba akong umawit ng mga awiting nangungusap sa mga simple at hindi pa sanay na mga miyembro ng kongregasyon? Ayos lang ba sa aking mangaral ng simple; sa paraang natutugunan ang pangangailangan ng mga di-edukadong miyembro ng kongregasyon? Namumuno ba ako ng may kapakumbabaan, o nakikita ko ang aking sarili na nakahihigit sa sinuman sa loob ng simbahang inilagay ako ng Diyos upang aking paglingkuran?” Bilang tagapamuno sa pagsamba, ang iyong pagkamalikhain ay dapat na pasailalim sa iyong pastoral na tungkulin. Ang iyong unang obligasyon ay ang maglingkod sa mga tao.

  • Pagkamalikhain. “Lagi ba akong naghahanap ng mga kaparaanan upang maging makabuluhan ang pagsamba? Iniiwasan ko ba ang paulit-ulit na gawi na kung saan ang bawat serbisyo ay magkakatulad na lang lagi?”

  • Disiplina. “Dinidisiplina ko ba ang aking pagkamalikhain upang maiwasan ang anumang distraksyon sa pagsamba? Iniiwasan ko ba na ang bawat serbisyo ay laging magmukhang bago na anupa’t ang mga tao ay hindi makapokus ng kanilang atensyon sa Diyos?”

  • Kahusayan. “Inihahandog ko ba ang aking pinakamainam na alay sa bawat linggo? Patuloy ba akong lumalago bilang tagapamuno sa pagsamba?”[3]

Mga Praktikal na Hakbang sa Pamumuno sa Pagsamba

Hindi mapipilit ng isang pinuno ang mga tao na sumamba. Gayunpaman, maaaring padaliin ng isang namumuno na ituon ang pansin ng kongregasyon sa pagsamba.

Pamumuno sa pamamagitan ng halimbawa

Isa sa kapakinabangan ng pamumuno sa pagsamba ay ang pagkakataon na sumamba kasama ang kongregasyon. Ang namumuno ay dapat na sumamba habang pinapangunahan niya ang kongregasyon sa pagsamba.

Subalit ang pagsamba ay maaaring maging hamon sa tagapamuno. Maaari tayong maging abala sa pangunguna sa pagsamba na nakakalimutan natin ang sumamba! Kung ikaw ay direktor ng musika, maaari mong makita ang iyong sarili na nahihirapang sumamba habang iniisip ang mga sumusunod:

  • “Hindi pa dumarating ang aawit ng solo. Sana’y magawa niyang makarating dito sa tamang oras para sa isang espesyal na awitin!”

  • “Hindi maayos ang pagkaka-awit ng mga tao sa unang himno. Mahirap ba para sa aming simbahan ang awiting iyon?”

  • “Parang ang bagal ng aming mga awitin. Maaari ko bang pabilisin ang awit sa susunod na talata?”

Kung ikaw ay pastor, maaari mong matagpuan ang iyong sarili na nahihirapang sumamba habang iniisip ang mga sumusunod:

  • “Kulang kami ng 10 tao ngayon kumpara sa nakaraang linggo. Nasaan na sila?”

  • “Dapat ko bang tapusin ang aking sermon sa isang paanyaya?”

  • “Ang awiting iyon ay hindi tugma sa aking sermon. Paano ako makakausad mula sa mga awiting tungkol sa langit tungo sa aking sermon na tungkol sa Kahatulan?”

Hindi natin dapat hayaan ang mga pamamaraan sa pangunguna sa pagsamba na palitan ang pagsamba sa ating buhay. Habang tayo ay nangunguna sa pagsamba, dapat tayong sumamba. Ito ang nagbibigay inspirasyon sa kongregasyon na sumamba. Isang tagapagsalita ang nagsabi, “Bilang mga tagapanguna sa pagsamba, hindi tayo mga asong nakabantay sa tupa na laging nakabantay sa kongregasyon upang pilitin silang sumamba sa paraang gusto natin. Tayo ay mga mananambahan na nag-aanyaya sa kongregasyon na sumama sa atin tungo sa presensya ng Diyos.” Ang kongregasyon ay hindi sumasamba kung sinasabi ng tagapamuno na sila’y sumamba. Sila’y sumasamba kapag ang tagapanguna ay sumasamba. Ang tagapamuno sa pagsamba ay namumuno sa pamamagitan ng halimbawa.

Pamumuno na nagpapalakas ng loob

Si Susanna ay gising hanggang alas 3:00 ng madaling araw ng dahil sa pangangalaga sa kanyang anak na may sakit. Pagkatapos ng tatlong oras na tulog, bumangon siya upang maghanda ng agahan at dumalo sa simbahan. Dahil kulang sa tulog, pagod siyang nakarating sa simbahan. Hindi rin maganda ang kanyang pakiramdam sapagkat napagalitan niya ang kanyang anak dahil nakalimutan nitong itabi ang laruan. Tigang rin ang kanyang espiritu sapagkat wala siya masyadong oras na naibigay sa Diyos nitong linggo.

Gusto makita ni Pastor Joel na maraming nakikibahagi sa pagsamba. Matapos ang unang awitin, pumunta siya sa pulpito at sinabi, “Ano bang nangyayari sa inyo? Tayo ay nasa presensya ng Diyos. Sumasamba tayo sa Hari at may iba sa inyo na para bang gustong umuwi sa bahay at matulog. Dapat kayong mahiya. Makiisa kayo sa pagsamba!”

Ang intensiyon ni Pastor Joel ay mabuti. Nais niyang maging aktibo sa pagsamba ang kongregasyon. Gayunma’y sa kanyang sinabi, ano ang naririnig ni Susanna? “Bigo ako bilang isang ina; pahirap ako sa aking anak. Bigo ako bilang isang Krisyano; hindi ako nakapagbigay ng oras sa aking debosyon kahapon. Bigo rin ako sa aking pagdalo sa simbahan; galit ang Dios sapagkat hindi ako umaawit.” Gamit ang pangongonsensya, mas lalong pinahirap ni Pastor Joel para kay Susanna ang pagsamba.

Bilang mga namumuno sa pagsamba, dapat na pinapalakas natin ang loob ng mga mananambahan. Ang ating buhay ay dapat na modelo ng pagsamba; at dapat na ibigay natin sa Diyos ang resulta. Ang biyaya ng Diyos ang dahilan kung bakit naging posible para sa atin ang sumamba. Ang biyaya ng Diyos ang nagpapalakas sa atin upang sumamba. Ang biyaya ng Diyos ang naglalapit ng ating puso upang sumamba.

Dapat na positibong mga salita ang ginagamit natin kapag humihikayat sa mga tao na sumamba. Hindi natin sila dapat hikayatin sa pamamagitan ng pangongosensya o pagpukaw sa kanilang mga damdamin sa hindi magandang paraan. Ang ating layunin ay ang ituro ang mga mananambahan sa Diyos. Siya ang nagbigay sa atin ng inspirasyon upang sumamba. Ang pagsamba ay hindi nakadepende sa ating mga teknik ng pangungumbinsi o pagmamanipula ng damdamin. Tayo bilang mga tagapanguna sa pagsamba ay hindi kinakailangang gawin ang bagay na trabaho lang ng Diyos!

Ang seksyon na ito ay nagsimula sa kwento ni Susanna. Ngunit tapusin na ito sa tunay na kwento ng isang mapagpakumbaba at mapagpalakas ng loob na tagapanguna sa pagsamba. Nahihirapan si David na makuha ang pansin ng mga kabataan na makiisa sa aktibong pagsamba. Mas higit silang abala sa pagti-text sa halip na sa pagsamba. Para sa ilang mga tagapamuno sa pagsamba, maaari nilang simulan ang serbisyo gamit ang ganitong pangungusap: “Mga kabataan, tayo ay naririto upang sumamba. Itabi nyo muna ang inyong mga cellphones at ituon ang inyong pansin sa pagsamba. Kayo ay nagiging walang galang sa Diyos!”

Subalit iba ang ginawa ni David. Habang tumutugtog ang gitarista ng isang banayad na himig, malumanay na sinabi ni David, “Habang tayo ay dumudulog sa presensya ng Diyos, alam kong hindi ninyo nais na maisturbo ang inyong mga katabi sa panambahan. Kaya’t maaari ninyong itabi muna ang inyong mga cellphones at magsimula tayong makinig sa tinig ng Diyos sa umagang ito.” Nang marinig ito, itinabi nga ng bawat isa ang kani-kanilang cellphone. Dito’y makikita natin na pakumbabang tinuruan ni David ang mga kabataan na sumamba.

Pangunguna o Pagmamanipula?

Pakinggan natin ang patotoo ng isang kontemporaryong tagapanguna sa pagsamba:

“Sa aking unang taon bilang isang mag-aaral, bumisita ako sa isang simbahan na malapit sa aming unibersidad. Ito ay masyadong mailaw at ang maingay na musika ay kasiyasiyang pakinggan. Ang tagapanguna sa pagsamba ay may kakaibang estilo ng buhok, nakasuot ng jeans, at may hawak na mamahaling gitara. Sa pasimula ng serbisyo, napansin ko ang isang di ginagamit na mikropono na inilagay sa isang tabi na ang taas ay hanggang sa kanyang baywang. “Ano ang layunin at gamit ng mikroponong iyon?” Naitanong ko na may pagtataka. Ngunit mayamaya ay itinaas ko ang aking mga kamay at naibaling ang sarili sa himig at tono ng mga awitin.

“Ang mga tugtugan ay magandang pakinggan, ang grupo na nagpupuri ay mahusay, at ang musika ay maingat na pinaghandaan hanggang sa huling awitin. Ngunit habang inaawit ng namumuno sa pagsamba ang mga pangungusap ng isang awitin (‘Ako’y lumuluhod at inihahandog ang lahat sa aking buhay’), siya’y lumuhod. Sa puntong ito naunawaan ko ang layunin ng mikroponong hindi ginagamit. Inilagay ito sa isang lugar na sakto ang taas sa kanyang tagiliran upang kapag lumuhod ang tagapamuno, maaari pa rin siyang tumugtog ng gitara at umawit. Ayokong batikusin ang intensiyon ng simbahan, subalit hindiko mapigilang mag-isip na para bang namanipula ako sa gayong madamdaming tagpo ng pagsamba, na kung tutuusin ay pinagplanuhang gawin sa pasimula pa lang.”[4]

Ang ganitong halimbawa ay nagmula sa isang kontemporaryong uri ng panambahan, subalit maaari rin tayong gumamit ng mga halimbawang galing sa tradisyunal na pagsamba. Dapat lang nating tandaan na ang problema ng pagmamanipula ay hindi limitado sa isang uri ng pagsamba. Anuman ang estilo ng ating musika o matapat na intensiyon, maaari nating tratuhin ang ating kongregasyon na katulad ng isang papet at manipulahin ang tugon ng kanilang damdamin.

May mali ba sa emosyon kapag tayo ay sumasamba? Siempre wala; ang totoo niyan, makakatagpo tayo ng ilang mga biblikal na halimbawa tungkol sa emosyunal na epekto ng pagsamba. Masama rin ba na hikayatin at pasiglahin ang tugon ng emosyun? Hindi; ang mabuting komunikasyon ay parehas na humihipo sa isipan at damdamin. Subalit kung hindi tayo mag-iingat, maaari tayong makagawa ng isang partikular na tugon ng emosyun na labas sa nais mangyari at gawin ng Banal na Espiritu.

Paano natin malalaman ang pagkakaiba sa pagitan ng pamumuno sa pagsamba sa manipulasyon sa pagsamba? Ang manipulasyon ay nangyayari kapag ang tugon ng kongregasyon ay nakadepende sa ginagawa ng namumuno sa halip na sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Marahil ay hindi natin talaga perpektong makikita ang pagkakaiba sa pagitan ng pamumuno at pagmamanipula, subalit mayroong mga tanda na nagpapahiwatig na ang ginagawa na natin ay pagmamanipula.

(1) Tayo ay nasa panganib ng pagmamanipula ng pagsamba kung itinuturing natin ang emosyun na isang pagsamba. Dito’y pakiramdam natin na tungkulin natin na lumikha ng tugon na bunsod ng damdamin. Ang totoo niyan, may ilang mga tagapamuno sa pagsamba na nangahas sabihin ang ganito, “Kahit na huwad ang nararamdaman mo, ituloy mo lang hanggang sa maging totoo. Kahit na hindi totoo ang iyong nararamdaman, sige lang ituloy mo lang hanggang sa maramdaman ng mga tao na ito ay totoo.” Ipinapakita sa ganitong pananaw na ang ating tungkulin ay ang gamitin ang emosyun upang lumikha ng pagsamba. Subalit ang mga tagapanguna sa pagsamba ay namumuno sa pagsamba, hindi lumilikha ng pagsamba.

(2) Tayo ay nasa panganib ng pagmamanipula ng pagsamba kapag itinuturing natin na ang pagkakaroon ng madamdaming karanasan ay kinakailangan para sa taus pusong pagbabago. Magagawa ng Diyos na kumilos sa isang panambahan na puspos ng damdamin, subalit magagawa rin Niyang kumilos sa isang tahimik na sandali sa ating mga tahanan. Nasa panganib tayo ng pagmamanipula sa ating kongregasyon kung pinaniniwalaan natin na sa pamamagitan lamang ng ating mga pagsusumikap ay magagawa ng Diyos na maghatid ng pagbabago sa puso ng mga taong pinaglilingkuran natin.

(3) Tayo ay nasa panganib ng pagmamanipula ng pagsamba kapag itinuturing natin na ang isang partikular na kilos o gawi ay katumbas ng pagsamba. Minsan, may mga nangunguna sa pagsamba na nais marinig ang tugon ng mga tao kung kaya’t sinasabi nila, “Kung mahal ninyo si Jesus, itaas ninyo ang inyong mga kamay.” Syempre, sa kongregasyon, posible na may isang tao riyan na hindi naman talaga tunay na umiibig kay Jesus ngunit magtataas ng kanyang kamay! O kaya, may isang tao sa kongregasyon na tunay na nagmamahal kay Jesus ngunit maaring hindi magtaas ng kamay. Ang pagsamba ay hindi katumbas ng isang partikular na pisikal na kilos. Ang pagpalakpak ng kamay habang umaawit ay hindi nagpapatunay na talagang tayo’y tunay na sumasamba. O kaya, ang kilos ng tahimik na pag-upo habang nasa oras ng panalangin ay nagpapatunay na talagang tayo’y nananalangin. Tanging ang Diyos lamang ang Siyang nakakakita ng puso ng isang mananambahan. “Kapag ginagawa ng mga tagapanguna sa pagsamba ang panlabas na kilos bilang pangunahing batayan ng panloob na katangian, sila’y nalalagay sa mapanganib na pananaw.[5]

(4) Tayo ay nasa panganib ng pagmamanipula ng pagsamba kapag sinusubukan nating gayahin ang ginawa ng Diyos sa isang partikular na lugar at panahon. Huwag nating ipagpalagay na purket pinagpala ng Diyos ang nakaraang linggong awitin, ay pagpapalain Niya pa rin ang parehas na awitin sa linggong ito. Kapag ang Diyos ay kumikilos, ginagawa Niya ito sa sarili Niyang pamamaraan. Dapat hayaan ng tagapamuno sa pagsamba na kumilos ang Diyos na malaya ayon sa Kanyang maibigan. Wala tayong mahikang sangkap na lilikha ng parehas na espirituwal na tugon sa bawat sitwasyon.

(5) Tayo ay nasa panganib ng pagmamanipula ng pagsamba kapag sinusukat natin ang ating ministeryo sa pamamagitan ng ating kakayahang makakuha ng tugon mula sa mga tao. Sinumang tagapagsalita sa publiko o isang musikero ay gustong makuha ang tugon ng mga tao; iyan ay normal sa kanila. Subalit kung susukatin natin ang bisa ng ating ministeryo sa pamamagitan ng reaksyon at tugon ng mga tao, tayo ay nasa panganib ng pananangan sa ating sarili sa halip na Banal na Espiritu.

Ang paksang ito ay mahirap. Sa maraming pagkakataon, ang parehas na salita na ipinahayag sa dalawang magkaibang sitwasyon ay maaaring magpahiwatig ng magkakaibang motibasyon. Sa isang banda, kung masyado tayong takot sa emosyun, maaring hindi tayo makapagbigay ng maayos na pamumuno.

Dahil rito, dapat na maging maingat at mabagal tayo sa paghusga sa pamumuno ng iba, ngunit mabilis sa Pagsusuri sa ating sariling pamumuno. Dapat nating hingin sa Diyos na ipakita sa atin ang motibo ng ating pamumuno. Dapat na maging maingat tayo sa pamumuno sa pagsamba na hindi minamanipula ang mga mananambahan na gawin ang isang partikular na pagtugon na gusto nating makita.

Mga Praktikal na Katanungan

Paano natin pinasisimulan ang serbisyo?

Isang maling halimbawa:

Alas 10:00 ay magsisimula ang serbisyo. Hinahanap ng pastor ang mangunguna sa pag-awit. May tatlong babae na nagbabahaginan ng kanilang mga resipe. Samantala, apat na kalalakihan naman ang nag-uusap-usap tungkol sa kakulangan ng ulan na dumarating para sa kanilang mga tanim. Paano tayo makakausad mula sa ganitong tagpo patungo sa pagsamba?

Isa sa mahalagang tungkulin ng tagapamuno sa pagsamba ay ang pagbubukas ng serbisyo. Paano natin aanyayahan ang mga tao tungo sa presensya ng Diyos?

  • May ilang mga simbahan na nagsisimula sa pamamagitan ng sandaling katahimikan. Sasabihin ng namumuno, “Samahan ninyo kami sa isang sandali ng tahimik na pananalangin habang tayo ay dumudulog sa presensya ng Diyos.”

  • May ilang mga simbahan na nagsisimula sa pamamagitan ng isang musika ng “Panawagan sa Pagsamba.” Ito ay maaaring sa pamamagitan ng pag-awit ng choir o ng isang indibidwal o kaya’y pag-awit ng kongregasyon ng isang korus. Sa ilang mga simbahan, ang pastor ay pupunta sa harapan at aawitin ang isang korus gaya ng, “Ako’y papasok sa tahanan ng Diyos na may taus pusong pasasalamat…”

  • May ilang mga simbahan na nagsisimula sa pamamagitan ng isang talata sa Biblia; madalas ay galing sa aklat ng mga Awit.

    O halikayo, tayo'y umawit sa Panginoon; tayo'y sumigaw na may kagalakan sa malaking bato ng ating kaligtasan! Lumapit tayo sa kanyang harapan na may pagpapasalamat; tayo'y sumigaw na may kagalakan sa kanya ng mga awit ng pagpupuri! (Awit 95:1-2)

    Ang mga salmo na umaanyaya sa mga mananambahan patungo sa presensya ng Diyos ay ang mga sumusunod na salmo: Awit 15, Awit 66:1-4, Awit 96:1-4, Awit 100, Awit 105:1-3, Awit 107:1-3, Awit 149:1-2, at Awit 150.

Ang mga anunsyo ba ay pagsamba?

May isang spanish pastor ay nagtanong ng ganito, “Saan natin ilalagay ang mga anunsyo sa panambahan? Sinusubukan natin sa ating mga simbahan na matuon sa pagsamba at sa presensya ng Diyos. Maganda ang ating serbisyo ngunit minsa’y nagtatapos sa mahabang listahan ng mga anunsyo. Ito ay nakakaapekto sa diwa ng idinaraos na serbisyo. Paano natin magagawang maging bahagi ng pagsamba ang mga anunsyo?”

Saan man natin ilagay ang anunsyo, maari itong makaisturbo sa serbisyo. Madalang na ang anunsyo ay nagiging pagsamba, sa halip, madalas na nakakaisturbo sa pagsamba. Ano kung gayon ang ating magagawa? Walang perpektong sagot sa tanong na ito subalit may ilang mga mungkahi na maaaring makatulong:

  • Kung maaari, i-print ang mga anunsyo sa halip na basahin ng malakas. Kung kinakailangan mo man na mag-anunsyo sa publiko, gawin mo itong maikli.

  • Maaari kang gumamit ng overhead projector para ipakita ang mga anunsyo bago magsimula ang serbisyo.

  • May ibang mga simbahan na ang ginagawa ay magbibigay muna ng mga anunsyo, oras ng panalangin, at pagkatapos ay magsisimula ang serbisyo. May isang simbahan na nagsisimula ng kanilang serbisyo ng alas 10:00. Ginagawa ng simbahang ito ang kanilang anunsyo ng 9:50. Ang sabi ng pastor, “May dalawang nagagawa ang ganitong bagay. Una, nahihikayat ang mga tao na dumating ng maaga sapagkat hindi nila mapapakinggan ang anunsyo kung hindi sila darating ng 9:50. Ikalawa, natutulungan kami nito na matuon sa pagsamba mula pa lang sa unang nasambit sa pagpapasimula ng serbisyo.”

  • Huwag nating hayaan na isturbuhin ng mga anunsyo ang diwa ng pagsamba. Sa halip, tingnan natin ang pagbibigay ng mga anunsyo bilang bahagi ng pagsasakatuparan ng ministeryo ng simbahan. Ibigay ang mga anunsyo at magpatuloy sa panambahan. Kung kinikilala natin na ang lahat ng gawain ng simbahan (pagtitipon sa panalangin, paglilingkod sa komunidad, mga paghayo, at mga proyekto ng simbahan) ay bahagi ng pagsamba, maging ang pagbibigay ng mga anunsyo ay bahagi rin ng pagsamba. Kung paanong ang isang ama ay maaaring tapusin ang debosyon ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa pamilya ng mga plano at gawain para sa linggo, maaari ring tapusin ng pastor ang serbisyo sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa simbahan sa kanilang gawain sa buong linggo. Ang mga anunsyo tungkol sa mga gawain ng simbahan ay nagpapaalaala sa atin na tayo ay isang pamilya; ang ugnayan ng pamilya ay isang mahalagang aspeto ng pagsamba.


[1]Hango kay Barry Liesch, The New Worship, 2nd edition (Grand Rapids: Baker Books, 2001), 123
[2]Hango kay Jamie Brown, “Are We Headed For A Crash? Reflections on the Current State of Evangelical Worship.” Matatagpuan sa https://worthilymagnify.com/2014/05/19/crash/ Hulyo 22, 2020.
[3]Ang kalidad ng kahusayan ay hindi nangangahulugan na tanging ang mga propesyunal na tagapamuno lamang ang mangunguna sa pagsamba. Binigyang kahulugan ni Harold Best ang kahusayan bilang “proseso ng pagiging mahusay ngayon kumpara sa ako ng kahapon.” At dahil ang pagsamba ay ating handog sa Diyos, patuloy tayong nagsusumikap na maging mahusay sa bawat pagkakataon. Hango kay Harold Best, Music through the Eyes of Faith (San Francisco: Harper Books, 1993), 108
[4]Hango kay Joel Wentz, “Confessions of a Former Worship Leader.” Matatapuan sa https://relevantmagazine.com/life5/1301-confessions-of-a-former-worship-leader/ Hulyo 22, 2020.
[5]Hango kay Warren Wiersbe, Real Worship (Grand Rapids: Baker Books, 2000), 215

Mga Panganib ng Pagsamba: “Ginagawa natin ito Sapagkat…”

May isang bagong kasal na babae na nagluto ng ham para sa kanilang linggong hapunan ng kanyang asawa. Bago niya inilagay ang ham sa oven, maingat niya munang hiniwa ang dulo ng ham at inilagay ito sa maliit na kawali. Natanong ng kanyang asawa, “Bakit mo ginawa iyan?”

Ang sabi ng maybahay, “Ito kasi ang paraan na natutuhan ko sa pagluluto ng ham. Laging pinuputol ng nanay ko ang dulong bahagi ng ham bago niya ito lutuin. Sa palagay ko ay nakakatulong ito sa lasa ng ham.” Ngunit nagsimulang magtaka ang babaeng bagong kasal, “Ano nga kaya talaga ang nagagawa ng paghiwa sa dulong bahagi ng ham? May kinalaman kaya ito sa lasa?” Kaya’t tinawagan niya ang kanyang ina at itinanong, “Nay! Bakit mo hinihiwa ang dulong bahagi ng ham?”

Tugon naman ng nanay niya, “Eh kasi ang lola mo, lagi niyang hinihiwa ang dulong bahagi ng ham bago niya lutuin. Siguro’y nakakatulong ito para sumarap ang lasa. Tanungin nga natin siya.”

Kaya’t tinawagan nila ang lola. Hindi na ito nagluluto, subalit sinagot niya ang tanong ng mag-ina. “Oo, naaalala ko na kung bakit ko hinihiwa ang dulong bahagi ng ham. Alam nyo kasi, noong ako at ang lolo mo ay bagong kasal, wala kaming pera para makabili ng mga kawali. Maliit na kawali lamang ang mayroon ako noon. At ang isang ham ay hindi magkasya sa aking maliit na kawali, kaya’t pinuputol ko ang dulong bahagi nito para magkasya!”

Sa loob ng 50 taon, ang kanyang anak na babae at ang kanyang apong babae ay nagpatuloy ng isang “tradisyon” na hindi nila naunawaan ang kahulugan. Hindi nila naitanong, “Bakit?”

Kaugnay ng kwento, bilang mga tagapamuno sa pagsamba, madalas na may mga ginagawa tayong mga bagay na hindi natin isinasaalang-alang ang tanong na “Bakit?”

Mga dahilan kung bakit ang mga simbahan ay may mga ginagawang mga partikular na bagay:

(1) Ginawa ito ng mga simbahan sa nakaraan. Mayroong halaga sa tradisyun. Kung ang mga simbahan sa narakaan ay mayroong ginawang isang bagay, hindi natin dapat pawalang halaga ang bagay na iyon na hindi itinatanong, “Bakit nila ginagawa iyon?” Maaaring makatagpo tayo ng magandang dahilan para panatilihin ang tradisyun. Subalit kung ang dahilan na “ginawa ito ng mga simbahan sa nakaraan” ang siyang ating tanging dahilan, ito ay hindi sapat na dahilan.

(2) Ginagawa ito ng mga malalaking simbahan. Mayroong kabuluhan ang matuto sa iba. Kung ang isang gawain ay kapaki-pakinabang sa ibang mga simbahan, dapat nating itanong, “Ang gawain bang ito ay kapaki-pakinabang rin sa amin? Bakit nila ito ginagawa?” Maaaring makatagpo tayo ng magandang dahilan upang gayahin ang gawain ng pagsamba ng isang simbahan. Subalit kung ang dahilan na “ginagawa ito ng mga malalaking simbahan” ang siyang ating tanging dahilan, hindi ito makakatulong sa ating sitwasyon.

(3) Nagugustuhan ito ng mga tao. Mayroong halaga sa pagsamba na nagpapalakas ng loob ng mga tao upang makiisa. Walang sinasabi sa Biblia na, “Ang pagsamba ninyo ay dapat na walang buhay!” Maaari nating masaksihan na ang isang paboritong awitin ng ating kapulungan ay tunay at wagas na pagsamba pala. At kung ganito nga ay mabuti, subalit kung magugustuhan ng ating kapulungan na umawit ng awiting nagtuturo ng maling doktrina, hindi natin ito dapat ipaawit sa kanila.

(4) Nagbibigay ito sa atin ng pagkakataon upang sambahin ang Diyos sa espiritu at katotohanan. Ito ang pinakadakilang dahilan sa ating ginagawa. Sa pagplaplano at pamumuno sa pagsamba, dapat nating itanong, “Ang awitin bang ito ay nakakatulong sa amin upang higit at mainam na sambahin ang Diyos? Ang pagkakasunod-sunod ba ng gawain sa aming panambahan ay naghahatid sa amin sa presensya ng Diyos? Ang imbitasyon ba ang siyang magandang paraan para anyayahan ang mga tao na tumugon sa sermon o mas maganda ba kung magtatapos kami sa awit ng papuri? Paano namin sasambahin ang Diyos sa espiritu at katotohanan sa linggong ito?”

Konklusyon: Kapag Nabigo tayong Sumamba

Sa pagbubukas ng serbisyo, ang kongregasyon ay umawit ng himno subalit parang hindi bukal sa puso. Ang choir ay nagpraktis naman subalit ang kanilang awitin nang umagang iyon ay hindi gayon kaganda ayon sa inaasahan. Nakalimutan ng soloista ang ilang mga salita sa kanyang awitin. Nagkamali rin ang nagpa-piano sa kanyang pagtugtog. Maging ang sermon ng pastor ay parang hindi nangungusap sa puso ng mga tao. Sa madaling salita, ang serbisyo ay hindi maayos. Ang ganito bang serbisyo ay nangyari na sa inyo? Ano ang ginagawa mo kapag nabigo ka sa pamumuno sa pagsamba?

(1) Tandaan, lahat ng pagsamba ay pagsasanay lamang.

Ang pagsamba natin dito sa lupa ay pagsasanay lamang sa ating panambahan sa langit. Tayo ay mga di-perpektong mga tao at ang ating mga pagsamba ay laging magiging di-perpekto. Gayunpaman, “Tayo ay tinatawag na ibigay ang ating pinakamainam, hindi ang maghandog ng kaperpektuhan.”[1]

(2) Darating ang susunod na linggo.

Huwag kang mawalan ng loob sa araw ng Lunes. Maghintay ka hanggang Martes upang suriin mo ang idinaos na serbisyo. Matuto ka sa mga pagkakamali at magpatuloy. Sa serbisyong nabanggit, ang pambukas na himno ay di pamilyar sa kongregasyon. Inakala ng direktor na alam ng kongregasyon ang himno ngunit hindi pala. Kaya’t naglagay siya ng pananda sa kanyang himno, “Ituro mo ang himnong ito sa choir bago awitin ng kongregasyon.” Sa madaling salita, matuto ka sa iyong pagkakamali; hanapin mo ang tulong ng Diyos, at asahan Siyang kumilos sa susunod ng Linggo.

(3) Tandaan, ang pagsamba ay tungkol sa biyaya.

Maraming mga tagapanguna sa pagsamba na perpeksyonista; mga taong hindi madaling masiyahan. Subalit ang pagsamba ay hindi tungkol sa pagiging perpekto kundi tungkol sa biyaya. Ang Diyos ay kumikilos maging sa ating mga kabiguan upang abutin ang Kanyang layunin. Ito ang dapat na mangyari! Kapag ating nauunawaan na ang Diyos ang Siyang nagpapalakas sa atin upang sumamba, tayo ay natututong magpakumbaba at magpasakop.

(4) Kapag ibinigay natin ang ating pinakamainam, hindi tayo nabigo.

Nang Linggong iyon, ang tagapanguna sa pagsamba ay umalis ng simbahan na pinanghinaan ng loob. Subalit habang siya’y papaalis, hinihintay pala siya ni Timothy. Si Timothy ay isang mahiyain at madalang magsalita, subalit ng umagang iyon, sinabi niya, “Ikaw ang tumugtog ng “Mahal ako ni Jesus” para sa paghahandog, di ba?” (Oo, alam ng namumuno na tinugtog niya ang awit na iyon – at para sa kanya, hindi maganda ang pagkakatugtog niya!). Subalit nagpatuloy si Timothy, “Kailangan ko muling mapakinggan ang awiting iyon. Nitong linggo ay sinabi sa akin ng doktor na mayroon akong kanser; at dahil rito’y kailangan ko laging mapaalalahanan na mahal ako ni Jesus sa kabila ng ganitong nararanasan ko.”

Kaya nga, kung alam nating ibinigay natin ang ating pinakamainam, hindi tayo nabigo. Bagamat tayo’y mahinang tao, ang Diyos ay kumikilos sa ating mga pagsusumikap upang ipahayag ang Kanyang Salita sa mga taong ating pinaglilingkuran.

► Tatalakayin ng grupo. Tingnan ang “Aralin 8, Pagbabalik Aral.” Marami bang mga puntos na nabanggit na hindi ka sang-ayon? Anong mga puntos ang pakiramdam mo na mas mahalaga at magagamit agad sa iyong kasalukuyang pangangailangan?


[1]Ang siping ito at ang mungkahing nabanggit sa seksyon na ito ay mula kina Franklin Segler and Randall Bradley, Christian Worship (Nashville: B&H Publishing, 2006), 274-275.

Aralin 8, Pagbabalik Aral

(1) Paano tayo makapaghahanda para sa serbisyo?

  • Ang paghahanda para sa serbisyo ay nagsisimula sa paghahanda ng tagapanguna sa pagsamba na gumugol ng oras sa Diyos.

  • Ang isang modelong sinusundan para sa pagplaplano ng pagsamba ay makakatulong para makapagbigay ng istraktura sa serbisyo.

  • Ang pagkakaroon ng tema para sa serbisyo ay makakatulong sa pagpapahayag ng isang sentral na mensahe.

  • Ang pagkakaroon ng balanse ay makakatulong sa panambahan na maipahayag ang buong katotohanan ng ebanghelyo sa buong kaanib ng simbahan.

  • Ang balanseng pagsamba ay parehas na magpapakita ng kadakilaan ng Diyos at ng Kanyang presensyang sumasa atin.

  • Ang balanseng pagsamba ay parehas na sama-sama at personal.

  • Ang balanseng pagsamba ay naglalaman ng pamilyar at bago.

  • Ang pagplaplano para sa pagsamba ay dapat na binubuo ng lahat ng namumuno sa simbahan.

  • Ang pagplaplano para sa pagsamba ay dapat na may plano para sa hinharapo.

  • Maaari tayong magplano na hindi nababagabag sapagkat ang pagsamba ay hindi tungkol sa atin kundi tungkol sa Diyos.

(2) Ano ang mahalaga sa pamumuno sa serbisyong pagsamba?

  • Ang pinakamahalagang tagapagmasid ay walang iba kundi ang Diyos.

  • Ang kongregasyon, ang mga tagapanguna sa pagsamba, at ang Diyos ay may ugnayan sa idinaraos na serbisyo. Ang mga namumuno ay hindi gumagawa ng pagsamba para sa mga taong nagmamasid.

  • Ang tagapanguna sa pagsamba ay dapat na sumasamba. Siya ay nangunguna sa pamamagitan ng halimbawa.

  • Ang tagapanguna sa pagsamba ay dapat nagpapalakas ng loob, hindi mapanghatol.

  • Ang tagapanguna sa pagsamba ay dapat na namumuno, hindi nagmamanipula.

  • Ang mga anunsyo ay dapat na gawin sa paraang hindi nakakadisturbo.

  • Matapos planuhin ang pagsamba, dapat nating hayaan ang Diyos na dumating sa ating serbisyo sa paraang ibig Niya.

Aralin 8, Takdang Aralin

Sa Aralin 6 at 7, pumili ka ng mga awitin at mga talata na may limang magkakaibang paksa. Magplano ka ng serbisyo batay sa limang paksa na ito. Maging detalyado sa pagplaplano kung maaari. Pagkaisahin ang mga paksa na naglalaman ng awitin ng kongregasyon, mga talata sa Biblia, paksa ng sermon at ang teksto, at iba pang mga bagay na ginagawa sa inyong serbisyo. Gumamit ng isa o higit pa na mga balangkas o outline na ibinigay sa Apendiks A para sa proyektong ito.

Sa pasimula ng susunod na aralin, magkakaroon kayo ng pagsusulit batay sa araling ito. Pag-aralang mabuti ang mga tanong bilang iyong paghahanda.

Aralin 8, Pagsusulit

(1) Ilista ang dalawang pangunahing seksyon ng istraktura ng pagsamba na naka-sentro sa sermon.

(2) Ilista ang apat na pangunahing seksyon ng istraktura ng pagsamba na nakabatay sa gawain ng bayan ng Diyos.

(3) Ilista ang tatlong pangunahing seksyon ng isktraktura ng pagsamba na nakabatay sa Awit 95.

(4) Ano ang tatlong bagay na dapat nating tandaan tungkol sa balanseng pagsamba?

(5) Sa biblikal na modelo ng pagsamba, sino ang tagapagmasid sa ating pagsamba?

(6) Maglista ng tatlong katangian ng mabisang tagapamuno sa pagsamba.

(7) Ano ang tatlong palatandaan na minamanipula ang pagsamba?

(8) Isulat ang 2 Cronika 5:13-14 gamit ang memorya.

Next Lesson