[1]Isipin mo na ikaw ay 75 taong gulang na naninirahan sa isang bansa ng mga sumasamba sa diyos-diyosan nang biglang marinig mo ang Diyos na nagsasalita! Paano ka tutugon?
Sinabi ng Diyos kay Abraham, “Umalis ka sa iyong lupain, sa iyong mga kamag-anak, sa bahay ng iyong ama, at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.” (Genesis 12:1). “Iwanan mo ang lahat at sumunod ka sa akin!” Hindi sinabi ng Diyos kay Abraham kung saan siya dadalhin. Sinabi lang niya, “Sumunod ka sa akin.”
Naniwala si Abraham sa Diyos at sumunod sa Diyos mula sa Ur patungong Haran, at mula sa Haran hanggang Canaan. Naglakbay si Abraham nang higit sa 1,000 milya sa pagsunod sa utos ng Diyos.
Si Abraham ay nagtiwala sa mga pangako na tila imposible. Naniniwala siya na bibigyan siya ng Diyos ng isang anak na lalaki, kahit na si Sarah ay wala na sa edad na magkaanak. Naniniwala siya na ibibigay sa kanya ng Diyos ang lupang pangako, kahit na wala siyang pag-aaring lupa sa Canaan. Naniniwala siya na gagawin siya ng Diyos na isang dakilang bansa, kahit na wala siyang anak.
Si Abraham, isang lalaki mula sa isang paganong lipunan, ay tinawag na kaibigan ng Diyos. (Santiago 2:23). Lumakad siya kasama ng Diyos.
► Hilingin sa tatlong miyembro ng iyong klase na magbigay ng patotoo sa kanilang paglakad kasama ng Diyos sa puntong ito. Paano nagsimula ang paglakad na ito? Anong mga aral ang natutunan mo sa iyong paglalakad?
Panginoon, isinusuko ko ang aking sariling mga plano at layunin,
Lahat ng aking sariling mga pagnanasa at pag-asa
At tanggapin ang Inyong kalooban para sa aking buhay.
Ibinigay ko ang aking sarili, ang aking buhay, ang aking lahat,
Lubos sa iyo na maging Iyo magpakailanman.
Puspusin mo ako at tatakan mo akong Iyong Banal na Espiritu,
Gamitin mo ako sa Iyong naisin,
Ipadala mo ako kung saan Mo Nais
Gawin ang iyong buong kalooban sa aking buhay
Sa anumang paraan ngayon at magpakailanman.
-Betty Stam
Isang Martirsa China
Ang Kabanalan sa Limang mga Aklat ni Moises: Paglakad kasama ng Diyos
Ang mga taong banal ay lumalakad kasama ng Diyos; gumugugol sila ng panahon sa Diyos. Habang lumalakad sila kasama ang Diyos, mas lumalago silana maging katulad niya. Ang pagiging banal ay nangangahulugang lumakad kasama ng Diyos, upang bumuo ng isang malalim na kaugnayan sa Diyos.
Lumakad ang Diyos kasama sina Adan at Eba sa Hardin ng Eden. Matapos masira ng kasalanan ang ideal na relasyon, si Adan at Eba ay nagtago mula sa Diyos. Ang pagkakasala ay naghiwalay sa tao mula sa Diyos.
Sinisira ng kasalanan ang kaugnayan sa Diyos; sinisira ng kasalanan ang relasyon sa pagitan ng mga tao; sinisi ni Adan si Eba. Si Adan at Ebaay naghati sa kasalanan, ngunit sinira ng kasalanan ang kanilang relasyon sa isa’t isa. Ang layunin ng Diyossa kanyang mga anak ay lumakad nang may kapayapaan sa kanyang sarili at sa isa’t-isa. Ang layunin ni Satanas ay sirain ang ating kaugnayan sa Diyos at sa isa’t-isa.
Sinira ng kasalanan ang relasyon sa pagitan ng Diyos at ng tao, ngunit nagbigay ang Diyos ng paraan upang mapanumbalik ang ugnayang ito. Ang mga handog ay nagbibigay ng paraan upang mapanatili ang kaugnayan sa Diyos na banal. Hindi tayo maaaring maging banal sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao; magiging banal tayo sa pamamagitan ng kaugnayan sa Diyos na banal.
Sa buong Lumang Tipan, nakita natin ang mga halimbawa ng mga taong banal na lumakad kasama ng Diyos. Hindi na sila lumakad kasama ang Diyos sa isang magandang hardin. Dahil sa kasalanan, ang mga tao ngayon ay lumalakad kasama ang Diyos sa isang madilim na mundo ng kasalanan. Ngunit kahit sa makasalanang mundo, posible na lumakad kasama ng Diyos. Ito ang kabanalan.
Ang Paglakad kasama ng Diyos ay Nangangailangan ng Disiplina sa Sarili
Ang malapit na paglakad kasama ng Diyos ay nangangailangan ng disiplina sa sarili na sabihing “ayaw” sa mga makasalanang pagnanais. (Tito 2:12). Si Jose ay isang tagapamahala para sa isang mahalagang sambahayan sa isang banyagang bansa. Sa panahong iyon naranasan ni Jose ang tuksong seksuwal. Ang relasyon ni Jose sa Diyos ang namamahala sa kanyang pagtugon sa tukso. Maaaring sabihin ng ibang tao, “Mukhang maganda ang kasiyahang ito; ii-enjoy ko ito.” Ngunit sinabi ni Jose, “Paano ko gagawin ang kasamaang ito at magkasala laban sa Dios?” (Genesis 39:9). Hindi pumapayag si Jose na sirain ang kanyang relasyon sa Diyos para lamang sa pisikal na kasiyahan.
Hindi tayo “nagkakamit” ng kabanalan sa pamamagitan ng pagdisiplina sa ating sarili. Ang biyaya ng Diyos lamang ang nagpapabanal sa atin. Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya; tayo ay pinagiging banal sa pamamagitan ng biyaya. Gayunpaman, ang biyaya ay hindi nangangahulugan na ang disiplina sa sarili ay hindi kinakailangan.
Isinulat ni Dallas Willard, “Ang biyaya ay hindi sumasalungat sa pagsisikap; Ang biyaya ay salungat sa pagkakamit.”[1] Ang paglalakad ay nangangailangan ng pagsisikap, ngunit maging ang pagsisikap ay dumating bilang resulta ng biyaya ng Diyos. Ang ating pagsisikap ay hindi dahilan ng pagkakamit ng biyaya ng Diyos; ang ating pagsisikap ay isang masayang tugon sa kanyang biyaya. Bilang mga anak ng Diyos, hindi natin nakakamit ang pabor ng Diyossa pamamagitan ng ating mga pagsisikap, ngunit kinikilala natin ang pangangailangan ng pagdisiplina sa sarili (1 Mga Taga-Corinto 9:25-27).
Ang Paglakad kasama ng Diyos ay Nangangailangan ng Pagsunod
Tinawag ng Diyos si Abraham sa lugar na hindi pa niya nakikita. “Kaya nagpunta si Abram, gaya ng sinabi sa kanya ng PANGINOON …” (Genesis 12:4). Si Abraham ay lumakad na kasama ang Diyos sa isang buhay ng pagsunod. Ang pusong banal ay isang masunuring puso:
Sa pananampalataya si Abraham, nang tawagin, ay sumunod upang pumunta sa isang lugar na kanyang tatanggapin bilang pamana; at siya’y pumunta na hindi nalalaman ang kanyang pupuntahan. (Hebreo 11:8).
[2]Ang Diyos ay hindi nagbigay kay Abraham ng isang mapa papunta sa Canaan. Hindi niya ibinigay kay Abraham ang mga detalye ng paglalakbay. Tinawag niya si Abraham upang sumunod - at sumunod si Abraham. Ang paglalakad kasama ang Diyos ay nangangailangan ng pagsunod. Ang buhay ng kabanalan ay nangangailangan ng pagsunod. (1 Pedro 1:2; Mga Taga-Roma 6:16, 22).
Ang Paglakad kasama ang Diyos ay May Kasamang Lumalagong Pananampalataya
Nang umalis si Abraham sa kanyang tahanan, walang katibayan para sa mga pangako ng Diyos. Lumakad si Abraham kasama ang Diyos sa isang buhay ng pananampalataya. Habang lumalakad tayo kasama ang Diyos, natututo tayong lubos na magtiwala sa kanya. Lumalalim ang ating pananampalataya habang gumugugol tayo ng panahon sa kanya. Mahalaga ito para kay Abraham dahil nahaharap siya sa isang mas malaking pagsubok kaysa sa pag-lisan mula sa kanyang sariling bayan.
Sa Canaan, tinawag ng Diyos si Abraham upang ihandog ang kanyang anak na si Isaac. Ipinangako ng Diyos kay Abraham na siya ay magiging ama ng isang dakilang bansa. Matapos ang maraming taon, nagkaroon ng isang anak na lalaki sina Abraham at Sara. Ngayon, hiniling ng Diyos kay Abraham na ibigay ang kanyang anak na si Isaac bilang isang handog. Sinasabi ng manunulat ng Hebreo, “Sa pamamagitan ng pananampalataya, nang subukin si Abraham, ay kanyang inihandog si Isaac” (Hebreo 11:17).
Dahil naglalakad si Abraham kasama ang Diyos, nagtiwala siya sa Diyos. Si Abraham ay lumakad na kasama ang Diyos, kaya nakapagtitiwala siya sa Diyos kahit na hindi niya lubusang maunawaan ang mga utos ng Diyos. Lumakad si Abraham kasama ng Diyos sa isang kaugnayan ng lumalagong pananampalataya.
Ang paglalakad kasama ng Diyos ay nangangailangang pagkatiwalaan natin siya. Kapag tayo ay lumalakad kasama ng Diyos, pinagkakatiwalaan natin siya kahit sa mahihirap na lugar. Pinahihintulutan nating gawin ng Diyos ang nakikita niyang pinakamabuti para sa ating buhay.
Ang prinsipyong ito ay makikita sa buong Banal na Kasulatan. Sa di-maisip na mga pagsubok, natutunan ni Job na maaari siyang magtiwala sa Diyos. Sa pagkatapon, dinala ni Jeremias ang pangako ng Diyos na magdadala siya ng mabuti mula sa trahedyang ito. (Jeremias 29:10-14). Sa pagdurusa mula sa isang masakit na “tinik sa laman,” natutunan ni Pablo na ang biyaya ng Diyos ay sapat para sa kanya, “sapagkat ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa oras ng kahinaan.” (2 Mga Taga-Corinto 12:9).
Ang kuwento tungkol kay Abraham at mga kuwento ng bayan ng Diyos sa pamamagitan ng kasaysayan ay nagtuturo sa atin na ang paglalakad kasama ang Diyos ay nangangailangan ng ganap na pagsunod sa kanyang mga utos at kumpletong pagtitiwala sa kanyang mga pangako. Habang naglalakad tayo kasama niya, lalong lumalaki ang tiwala natin sa kanya.
Ang Paglakad kasama ang Diyos ay isang Eksklusibong Pakikipag-ugnayan
[3]Ang larawan ng paglalakad ay pangkaraniwan sa Banal na Kasulatan. Nakalulungkot, madalas lumalakad ang Israel sa kasalanan sa halip na lumakad kasama ng Diyos. Marami sa mga hari ng Israel ang “lumalakad sa kasalanan.” Bumuo sila ng kaugnayan sa kasalanan. “Lumakad si Abijah sa lahat ng kasalanan na ginawa ng kanyang ama.” (1 Mga Hari 15:3). Ang iba namang mga hari ay “lumakad sa mga paraan ng kanilang mga ama” sa halip na lumakad kasama ang Diyos. Bumuo sila ng kaugnayan sa kasalanan; hindi sila lumakad kasama ng Diyos.
Ang paglalakad kasama ng Diyos ay isang eksklusibong pakikipag-ugnayan. Ang Diyos ay isang mapanibughuing Diyos. (Exodo 34:14; Deuteronomio 4:24; Josue 24:19). Hindi ka maaaring lumakad ng sabay kasama ang Diyos at ng kasalanan. Itinanong ng Salmista kung ano ang kinakailangan upang makapamuhay sa presensiya ng Diyos (Mga Awit 15:1). Ano-ano ang mga kinakailangan para sa pamumuhay sa presensya ng Diyos?
Siyang lumalakad na matuwid, at gumagawa ng katuwiran, at mula sa kanyang puso ay nagsasalita ng katotohanan; siyang hindi naninirang-puri ng kanyang dila, ni sa kanyang kaibigan ay gumagawa ng masama, ni umaalipusta man sa kanyang kapwa; (Mga Awit 15:2-3).
Sinabi ni Malakias, “Inyong niyamot ang Panginoon ng inyong mga salita.”Itinanong ng Israel, “Paano namin siya niyamot?” Sumagot si Malakias, “Sa inyong pagsasabi, “Bawat gumagawa ng kasamaan ay mabuti sa paningin ng Panginoon, at sila’y kanyang kinalulugdan.” (Malakias 2:17). Nais ng Israel na maging kaibigan ang Diyos habang nagpapatuloy sa sinasadyang kasalanan. Sa halip, binalaan ni Malakias na ang araw ng paghatol ay darating na parang mainit na apoy. Sa araw na yaon, ang mga gumagawa ng kasamaan ay magiging parang tuyong damo (Malakias 4:1). Hindi palalagpasin ng isang banal na Diyos ang kasalanan.
Hinatulan ng Diyos ang Israel dahil sa paggawa ng mga kasalanan ng ibang mga bansa sa halip na mamuhay na sumusunod sa kautusan ng Diyos. “Na ang mga tuntunin ay hindi ninyo sinunod, o inyo mang isinagawa ang aking mga batas, kundi kayo’y namuhay ng ayon sa mga kaugalian ng mga bansa na nasa palibot ninyo.” (Ezekiel 11:12). Hindi maaaring lumakad ang Israel kasama ng Diyos habang lumalakad sila sa kasalanan. Hindi maaaring lumakad ang Israel sa paraan ng Diyos at sa paraan ng kasalanan sa parehong panahon. Kahit na sila ay piniling bayan ng Diyos, pinarusahan sila ng Diyos dahil sa kanilang kasalanan. Hindi sila maaaring lumakad kasama ng Diyos habang lumalakad sa kasalanan.
[1]Dallas Willard, Hearing God (Westmont, IL; Inter Varsity Press, 2012), 254.
“Kung maglakad ako kasama ng mundo, hindi ako makalalakad kasama ang Diyos.”
Dwight L. Moody
Pagsasabuhay ng Kabanalan: Ang Paglakad kasama ang Diyos ay Isang Patuloy na Pakikipag-ugnayan
Habang naglalakad tayo kasama nag Diyos, lumalago tayo sa ating pakikipag-ugnayan sa kanya. Sa Deuteronomio 6, nagbigay si Moises ng isang larawan kung ano ang ibig sabihin ng paglakad kasama ng Diyos. Sinabi niya na dapat ituro ng mga mamamayan ng Israel ang kautusan ng Diyos sa kanilang mga anak. Kailan? Sa lahat ng oras:
At iyong ituturo nang buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasabihin sa kanila kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, kapag ikaw ay lumalakad sa daan, at kapag ikaw ay nahihiga, at kapag ikaw ay bumabangon. (Deuteronomio 6:7).
Ang isang taong lumalakad kasama ang Diyos ay nagpapanatili ng isang hindi nagbabagong pakikipag-ugnayan sa kanya. Walang pagkakaiba sa pagitan ng “normal na buhay” at “buhay sa iglesya.” Ang mga taong banal ay hindi “Mga Kristiyanongpang-Linggo lang” na naglilingkod sa Diyos sa iglesya. Ang mga taong banal ay nagnanais ng isang hindi nagbabago, lumalagong relasyon sa Diyos.
Nang hindi nabigyan ng pag-aalaga ng Israel ang araw-araw, lumalagong relasyon sa Diyos, sila ay madaling nalapit sa ibang mga diyos. Nang maging di-maingat si Solomon sa kanyang paglago tungkol sa pakikipag-ugnayan sa Diyos, kaagad siyang nalapit sa mga huwad na diyos ng kanyang mga asawa.
Maging ang unang iglesya ay naharap sa panganib na ito. Ang iglesya sa Efeso ay sinimulan ni Pablo sa isang kapansin-pansing pagbabagong-buhay. Si Apostol Juan ay nagsilbi bilang kanilang pastor sa loob ng maiksing panahon. Si Maria, ang ina ni Hesus, ay nanirahan sa Efeso. Mayroon silang kahanga-hangang kaalaman sa katotohanan ng ebanghelyo. Ngunit sa loob ng isang henerasyon, sinabi ni Juan ang babalang ito:
Ngunit ito ang hindi ko gusto laban sa iyo: iniwan mo ang iyong unang pag-ibig. Kaya’t alalahanin mo kung saan ka nahulog, magsisi ka at gawin mo ang mga bagay na ginawa mo noong una. Kung hindi, darating ako sa iyo at aalisin ko ang iyong ilawan mula sa kinalalagyan nito, malibang magsisi ka. (Apocalipsis 2:4-5).
Ano ang nangyari? Dahil sila ay nagkulang sa pagpapanatili ng kanilang pasyon sauna nilang pagmamahal at dahil nabigo silang magpatuloy sa paglago sa kanilang kaugnayan sa Diyos, ang kanilang pagmamahal ay nanlamig.
Nakita natin ito sa mga ugnayan ng tao. Kaya mo bang isipin ang isang lalaki na nag-asawa ng napakaganda, nagsabit ng isang “sertipiko ng kasal” sa pader, ngunit hindi kailanman gumugol ng oras sa kanyang asawa? Malusog ba ang kanilang kasal? Hindi! Kailangan ng higit pa sa isang sertipiko ng kasal upang bumuo ng isang malusog na pagsasama. Ang isang malusog na pagsasama ay lumalago sa pagdaan ng mga taon habang patuloy na lumalago ang dalawang tao sa kanilang pagmamahal sa isa’t isa.
Sa parehong paraan, tinawag tayo upang patuloy na lumago sa ating pagmamahal sa Diyos. Ang paglakad kasama ang Diyos ay nangangahulugang patuloy na gumugol ng panahon sa kaniya. Ang paglakad kasama ang Diyos ay nangangahulugang patuloy tayong lumago sa ating kaugnayan sa kanya. Ito ang kahulugan ng pagiging banal.
Ang paglakad ay isang tuloy-tuloy na pagkilos. Nagpapahiwatig ito ng tuloy-tuloy, nagpapatuloy na pakikipag-ugnayan. Ang isang taong banal ay patuloy na lumalago sa kanyang pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ang isang pagkakataon ng ating pagsuko sa Diyos ay hindi ang katapusan ng proseso. Ang buhay na banal ay may kasamangpaglakad na nagpapatuloy kasama ang Diyos. Ang ating paglakad kasama ang Diyos ay nagsisimula sa bagong kapanganakan at nagpapatuloy hanggang sa makita natin ang mukha ng Diyos. Ang buhay ng kabanalan ay isang nagpapatuloy na pakikipag-ugnayan.
Sa Bagong Tipan, itinuro ni Hesus sa kanyang mga alagad na ang espirituwal na buhay ay lubos na nakasalalay sa pagpapanatili ng kaugnayan sa kanya.
Kayo’y manatili sa akin, at ako’y sa inyo. Gaya ng sanga na hindi magbubunga buhat sa kanyang sarili malibang nakakabit sa puno, gayundin naman kayo, malibang kayo’y manatili sa akin. Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako’y sa kanya ay siyang nagbubunga ng marami. Sapagkat kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa. (Juan 15:4-5).
Iniisip ng ilang mga Kristiyanoang kanilang pakikipag-ugnayan sa Diyos bilang isang “Panalangin ng isang Makasalanan” na sinusundan ng isang buhay na may kaunting pagbabago. Ang larawan ng Biblia sa pakikipag-ugnayan sa Diyos ay malaki ang pagkakaiba. Ang buhay Kristiyano ay nakakabit sa Puno ng ubas (Juan 15:1-17). Ang ating espirituwal na buhay ay pinananatili sa pamamagitan ng pang-araw-araw na pakikipag-ugnayansa Puno ng ubas. Ang isang sanga na hindi nakakabit mula sa puno ay agad na mamamatay; ang isang Kristiyano na hindi nakakabit kay Kristo ay mamamatay.
Ang paglakad kasama ng Diyosay nangangailangan na gumugol tayo ng panahon kasama niya. Hindi ka maaaring maglakad kasama ang isang tao na walang paggugol ng oras sa kanila! Ang mga taong banal ay gumugugol ng panahon sa Diyos. Minsan ay nagsasakripisyo sila ng mga oportunidad para sa negosyo at libangan upang magkaroon sila ng oras kasama ang Diyos. Nauunawaan nila na walang mas mahalaga kaysa sa kanilang kaugnayan sa Diyos. Tulad ni Maria na nakaupo sa paanan ni Hesus, alam ng mga taong banal na ang “isang bagay na kailangan” ay oras kasama ang Diyos (Lucas 10:41-42).
Ang mga taong banal ay ginagawang prayoridad ang oras kasama ang Diyos. Alam nila na ang panalangin at Banal na Kasulatan ay mas mahalaga kaysa iba pang mga aktibidad - kahit gawain sa ministeryo. Naaalala nila na si Hesus ay madalas na “bumabangon nang maaga” upang manalangin sa kanyang Ama, kaya ginagawa nilang isang kaugalianang paggugol ng oras sa panalangin.
Nauunawaan ng mga taong banal na ang paglakad na kasama ng Diyos ay nangangahulugan ng pagsunod sa kanyang direksyon. Sila ay sensitibo sa kanyang pamumuno. Hindi lamang sila nagtatanong, “Ang gawain bang ito ay makasalanan?” Itinatanong nila, “Mas mailalapit ba ako nito sa Diyos?” Gusto nilang mabigyang lugod ang Diyos sa bawat pasya. Dahil ang mga taong banal ay may banal na puso, sila ay maingat sapagpapanatili ng kanilang mga kamay malayo sa kasalanan. Nauunawaan nila na ang kaugnayan sa Diyos ay nangangailangan na nakahiwalay tayo mula sa anumang bagay na hindi kasiyasiya sa kanya.
► Ano ang ilang praktikal na paraan upang magkaroon ng mas malalim na pakikipag-ugnayan sa Puno ng ubas?
► Ano ang tatlong hamon na nakakapigil sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos?
Natagpuan Niya ang Sikreto - Frances Ridley Havergal
Ang ama ni Frances Havergal[1] ay isang ministro sa Iglesya ng Inglatera. Sa edad na 14, nagpatotoo si Frances sa pananampalataya kay Kristo[2]. Para sa natitirang bahagi ng kanyang buhay, hinangad ni Havergal (1836-1879) na lumakad ng mas malapit sa Diyos. Isinulat niya, “O, upang magawa niya akong isang sisidlang pinabanal at (handa) para sa paggamit ng Panginoon! May mga oras na nararamdaman ko ang ganitong pagmamahal para sa Kanya na wala akong salita upang ilarawan ito ... ngunit gusto kong lumapit pa rin. Hindi ang pagka-alam sa doktrina, sa halip ay makasama siya, na magbibigay nito.” Habang lumalakad siya kasama ang Diyos, siya ay napapalapit sa Kanya.
Noong 1873, nagpatotoo si Havergal na siya ay “nalinis mula sa lahat ng kasalanan at patuloy na pinagiging banal sa pamamagitan ng nagpapabanalna kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos.” Walang anumang bagay na makakahadlang sa paglakad niya kasama ang Diyos. Ang kanyang panalangin ng pagsuko sa Diyos ay naging isang bantog na himno, “Kunin mo ang aking buhay at hayaan itong italaga, para sa Iyo, Panginoon.”
Isinuko ni Havergal ang lahat sa Diyos. Ito ang kahulugan ng paglakad kasama ang Diyos. Ito ay upang maging malapit sa kanya na ang lahat ng bagay ay sa kanya. Pagkatapos ng isang buhay na paglakad kasama ang Diyos, ang mga huling salita ni Havergal ay, “Maganda! Kahanga-hanga na maging malapit sa mga pintuan ng langit! Mapalad na kapahingahan!” Isinulat ng kanyang kapatid na ang kanyang mukha “ay sobrang nagagalak, na parang nakikipag-usap siya sa Kanya.”
Si Ms. Havergal ay lumakad kasama ang Diyos; Siya ay isang taong banal. Ang paglakad kasama ng Diyos ay hindi lamang para sa mga taong nabubuhay sa panahon ng Biblia. Maaari kang lumakad kasama ang Diyos ngayon; maaari kang maging banal.
[1]Larawan: "Frances Ridley Havergal", Christmas Sunshine with Love and Light for the New Year (1886), retrieved from https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Frances_Ridley_Havergal.jpg, public domain.
[2]Ang kuwentoniFrances Havergalay hinangomula kay Wesley L. Duewel, Heroes of the Holy Life (Grand Rapids: Zondervan, 2002), p. 80-89.
Kunin mo ang aking buhay at hayaan ito – Frances Havergal
Kunin mo ang aking buhay at hayaan ito
Italaga, Panginoon, para sa Iyo.
Kunin ang aking mga sandali at ang aking mga araw,
Hayaan silang dumaloy sa walang katapusang papuri.
Kunin ang aking mga kamay at hayaan silang kumilos
Ayon sa tibok ng Iyong pagmamahal.
Kunin ang aking mga paa at hayaan silang maging
Maliksi at maganda para sa Iyo.
Kunin mo ang aking tinig at hayaan mo akong umawit,
Lagi, para lamang sa aking Hari.
Kunin mo ang aking mga labi at hayaan silang
Mapuno ng mga mensahe mula sa Iyo.
Kunin mo ang aking pilak at ginto,
Isang kusing man ay hindi ko ipagkakait.
Kunin mo ang aking pag-iisip at gamitin
Ang bawat lakas ayon sa Iyong naisin.
Kunin mo ang aking kalooban at gawin itong Sa Iyo,
Hindi na ito magiging akin.
Kunin mo ang aking puso, ito ay Iyong Sarili,
Ito ang magiging Iyong banal na trono.
Kunin mo ang aking pagmamahal,
aking Panginoon, aking ibubuhos
Sa Iyong paanan, ang lahat nitong yaman.
Kunin mo ang aking sarili at Ako’y magiging
Kailanman, tanging sa iyo, lahat para sa Iyo.
Aralin 2 sa Isang Pahina
(1) Ang pagiging banal ay nangangahulugangpanatilihin ang pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ang kabanalan ay paglakad kasama ang Diyos.
(2) Ang paglakad kasama ang Diyos ay nangangailangan ng disiplina sa sarili na magsabi ng “hindi” sa mga maling pagnanasa.
(3) Ang disiplina sa sarili ay hindi tinatanggihan ang kapangyarihan ng biyaya. Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya; tayo ay pinagiging banal sa pamamagitan ng biyaya.
(4) Ang paglakad kasama ang Diyos ay nangangailangan ng ganap na pagsunod sa mga utos ng Diyos. Hindi tayo maaaring lumakad kasama ang Diyos at lumakad sa kasalanan nang sabay.
(5) Ang paglakad kasama ang Diyos ay nangangailangan ng lubos na pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos.
(6) Ang paglakad kasama ang Diyos ay nangangahulugang pagbuo ng hindi nagbabago, pang-araw-araw na pakikipag-ugnayan sa Diyos.
(7) Ang isang buhay na banal ay nangangailangan ng pang-araw-araw na pakikipag-ugnayan sa Puno ng ubas. Ang ating espirituwal na buhay ay lubos na nakasalalay sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Mga Takdang Aralin sa Aralin 2
(1) Isipin mo na sinabi sa iyo ng isang bagong Kristiyano, “Gusto kong magkaroon ng mas malalim na kaugnayan sa Diyos. Mahal na mahal ko ang Diyos, ngunit mahirap malaman kung paano lumago sa aking kaugnayan sa kanya. Hindi ko makita ang Diyos, kaya parang ang layo niya. Ano ang maaari kong gawin?” Sumulat ng isang pahinang liham upang matulungan mo ang mananampalataya na maunawaan kung paano lumago sa kanyang pakikipag-ugnayan sa Diyos. Sa susunod mong klase, dapat basahin ng bawat mag-aaralang kanilang sagot at magkaroon ng panahon upang talakayin ang mga sagot.
(2) Simulan ang susunod na sesyon ng klase sa pamamagitan ng pagbigkas sa 1 Juan 1:6‑7.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.