Si Pedro: Ang Katitisurang Bato na Naging Malaking Bato
Tinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Sumagot si Hesus: “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat hindi laman at dugo ang nagpahayag nito sa iyo kundi ang aking Ama na nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magwawagi laban sa kanya.” (Mateo 16:15-18). Ito ay isa sa pinakamaliwanag na araw ng buhay ni Pedro.
[1]Pagkaraan ng ilang sandali, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad na siya ay mamamatay sa Jerusalem. Nang sinaway siya ni Pedro, tumugon si Hesus, “Layuan mo ako, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin” (Mateo 16:23). Ang parirala “isang katitisuran” ay nangangahulugang “nakakatisod na bato.” Tinawag muna ni Hesus si Pedro na “isang bato”; ngayon ay tinawag niya siyang isang “nakakatisod na bato.” Ito ay isang madilim na araw sa buhay ni Pedro.
Ang kuwento ni Pedro ay lalong naging madilim sa gabi ng pagdakip kay Hesus. Matapos ipangako na hindi niya kailanman itatakwil ang kaniyang Guro, itinanggi ni Pedro si Hesus at tumakbo sa takot. Nabigo ang “bato” sa oras ng pagsubok.
Pagkatapos ng kabiguan, ang isang tao na nagbabasa ng mga Ebanghelyo ay maaaring ipalagay na si Pedro ay hindi magkakaroon ng papel sa iglesya. Sa aming sorpresa, si Pedro ay naging isang pinuno sa unang iglesya. Ano ang nagdala ng tulad ng isang dramatikong pagbabago? Ang sagot ay Pentekostes.
Pagkatapos ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, ipinangako ni Hesus sa mga disipulo, “Ngunit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo; at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Mga Gawa 1:8). Ang pangakong ito ay natupad sa Gawa 2. Ang mga alagad ay napuspos ng Banal na Espiritu at nagsimulang mangaral. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, 3,000 katao ang napagbagong loob sa unang Pentekostes.
Binago si Pedro ng Pentekostes. Ang “katitisuran” ay naging isang “bato” na nanguna sa Iglesya sa mga mahahalagang unang araw nito. Si Simon Pedro ay nangaral sa buong Imperyo ng Mga Taga-Roma, sumulat ng dalawang liham ng Bagong Tipan, at sa kalaunan ay ipinako sa krus dahil sa pananampalataya.
Ano ang nagdala ng pagbabagong ito? Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na nagpapabago, isang mangingisda sa Galilea ang naging lider sa iglesya noong unang siglo. Natutuhan ni Pedro na ang pagiging banal ay nangangahulugan na mabuhay sa kapuspusan ng Banal na Espiritu.
► Hilingin ang mga miyembro ng iyong klase na magpatotoo sa pagbabago na ginawa ng Banal na Espiritu sa kanilang buhay. Paano ka binibigyan ng Espiritu ng kapangyarihan para sa ministeryo, tagumpay laban sa kasalanan, at kagalakan sa buhay Kristiyano?
Hindi lamang si Pedro ang nagbago noong Pentekostes. Ang bawat tagasunod ni Hesus ay binago ng Banal na Espiritu. Ang mapag-aalinlangangsi Thomas ay naging tapat na misyonero. Ang “Anak ng Kulog” ay naging “Apostol ng Pag-ibig.” Ang mga tagasunod ni Hesus ay binago mula sa mga takot na disipulo sa isang makapangyarihang puwersa para sa ebanghelyo. Ipinapakita ng Mga Gawa ang epekto ng Banal na Espiritu sa mga unang mananampalataya. Ang unang Iglesya ay epektibo hindi dahil sa hindi pangkaraniwang mga kaloob mayroon ang mga apostol, kundi dahil sa hindi pangkaraniwang kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Natutunan ng mga alagad na ang isang buhay na banal ay pamumuhay sa kapuspusan ng Espiritu.
Ipinangako nang Banal na Espiritu
Tiyak na ito ang isa sa mga nakakagulat na bagay na narinig ng mga alagad na sinabi ni Hesus: “Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan. Makakabuti sa inyo na ako’y umalis” (Juan 16:7). Iniwan ng mga alagad ang lahat upang sumunod kay Hesus. Isipin ang kanilang pagkabigla nang sinabi ni Hesus, “Kung hindi ako aalis, ang Tutulong sa inyo ay hindi darating. Ngunit kung aalis ako, ipapadala ko siya sa inyo.”
Sa Huling Hapunan, ipinaliwanag ni Hesus kung paano mag miministeryo ang Espiritu sa mga mananampalataya. Ang Banal na Espiritu ay:
Magiging isang Katuwang (Mang-aaliw) (Juan 14:16-17)
Magiging isang Tagapag-turo (Juan 14:26)
Magpapatotoo sa Anak (Juan 15:26)
Hahatol sa mundo (Juan 16:7-11)
Ibubunyag ang lahat ng katotohanan (Juan 16:13-15)
Matapos ang Muling Pagkabuhay, inulit ni Hesus ang kanyang pangako na ipapadala niya ang Banal na Espiritu:
Habang kasalo nila, ipinagbilin niya sa kanila na huwag umalis sa Jerusalem, kundi hintayin ang pangako ng Ama. Sinabi niya, “Ito ang narinig ninyo sa akin; sapagkat si Juan ay nagbautismo sa tubig; subalit hindi na aabutin ng maraming araw mula ngayon, na kayo’y babautismuhan sa Espiritu Santo… Ngunit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo; at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Mga Gawa 1:4-8).
Ang ministeryo sa lupa ni Hesus ay hindi natapos sa krus, at sa walang laman na libingan, o kahit na sa pag-akyat niya sa langit. Ang ministeryo ni Hesus ay natupad noong Pentekostes. Ang isang kilalang tanda ng ministeryo ni Hesus ay magbabautismo siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at apoy (Lucas 3:16). Ang kaloob ng Espiritu Santo ay ang pagtatapos ng ministeryo sa lupa ni Hesus.
Natanggap ang Banal na Espiritu
Sa Mga Gawa, ang Banal na Espiritu ay nagkaloob saiglesyang kakayahan para sa ministeryo. Noong araw ng Pentekostes, natupad ang pangako ng isang Makakatuwang. Pagkatapos ng Pentekostes, patuloy na naroroon ang Banal na Espiritu sa iglesya. Ang mga palatandaan ng Espiritu sa kanyang pagdating ay nagpapakita ng kanyang ministeryo sa mga mananampalataya.
Una, “dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng isang humahagibis na hanging malakas” (Mga Gawa 2:2). Ito ay nagpapahiwatig ng kapangyarihan ng pagdating ng Espiritu. Sa Mga Gawa, nakita natin ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu na kumikilos sa pamamagitan ng mga mananampalataya. Pagkatapos ng araw ng Pentekostes, nagsisilbi ang iglesya na may bagong kapangyarihan at bisa. Ang Banal na Espiritu ay naging aktibo sa mundo bago ang araw ng Pentekostes.[1] Ngunit pagkatapos ng Pentekostes, ang kapangyarihan ng Espiritu ay patuloy na nasa ministeryo ng Iglesya.
Pangalawa, “may nagpakitang parang mga dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila.” (Mga Gawa 2:3). Sa Kasulatan, ang apoy ay madalas na kumakatawan sa kadalisayan. Ang tanda ng Banal na Espiritu ay isang dalisay na puso. Nagpatotoo si Pedro sa Konseho ng Jerusalem tungkol sa ginagawa Diyos sa mga Hentil:
Ang Diyos na nakakaalam ng puso ng tao ay nagpatotoo sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng Espiritu Santo tulad nang nangyari sa atin; at tayo’y hindi niya itinangi sa kanila, kundi nilinis ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya. (Mga Gawa 15:8-9).
Ikatlo, ang mga nasa silid sa itaas “nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.” (Mga Gawa 2:4). Pinagkaloob ng Espiritu ang mga alagad upang makapagpatotoo sa lahat ng mga bansa. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, matutupad ng mga disipulo ang Dakilang Komisyon ni Kristo. Sa Babel, hinatulan ng Diyos ang kasalanan sa pamamagitan ng pagkalito sa mga wika ng mga tao. Noong araw ng Pentekostes, pinahintulutan ng Diyos ang bawat tagapakinig na marinig ang ebanghelyo “sa kaniyang sariling wika.” Noong araw ng Pentekostes, sinimulan ng Diyos na baligtarin ang mapanglinlang na epekto ng kasalanan. Ang mga wika noong araw ng Pentekostes ay kumakatawan sa pangako ng Diyos na maaabot ng ebanghelyo ang lahat ng mga bansa at lahat ng mga tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na kumikilos sa pamamagitan ng Iglesya.
Noong araw ng Pentekostes, sa wakas ay naunawaan ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng sabihin ni Hesus na, “Makakabuti sa inyo na ako’y umalis” Ang Banal na Espiritu ay hindi “ikalawa sa pinakamahusay” na kapalit ni Hesus Kristo. Habang ang nagkatawang-tao na si Hesus ay maaaring naroroon lamang sa isang lugar, ang Banal na Espiritu ay maaaring naroroon sa lahat ng dako. Pinagkalooban ng Espiritu Santo ang mga alagad upang matupad ang Dakilang Komisyon ni Hesus. Ang Banal na Espiritu ay nagbibigay kapangyarihan sa mga Kristiyanoupang mamuhay ng isang buhay na banal na magpapatotoo sa buong mundo.
[1]Mga halimbawa ng pagkilos ng Banal na Espiritu sa LumangTipan kabilang ang: Gen. 1:2; Gen. 6:3; Exod. 31:3; Bilang 11:25-29; Hukom 3:10; 6:34; 13:25; 1 Sam. 10:6-10; 2 Cron.. 28:12; Neh. 9:20; Isa. 63:10-14; Zac. 4:6-9.
Ang Kabanalan sa Unang Iglesya: Ang Buhay sa Kapuspusan ng Espiritu
Ipinapakita ng Mga Gawa ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa buhay ng bawat mananampalataya. Dahil sa Banal na Espiritu, ang mga Kristiyano ay may kapangyarihan para sa pagpapatotoo (Mga Gawa 1:8), lakas ng loob sa harap ng pag-uusig (Mga Gawa 4:31), tagumpay laban sa sinasadyang kasalanan (Mga Taga-Roma 8:2), at mga espirituwal na kaloob para sa ministeryo (Mga Gawa 2:17-18; 1 Mga Taga-Corinto 12:7-11). Ang mga unang mananampalataya ay banal dahil sila ay namumuhay sa kapuspusan ng Banal na Espiritu.
Ipinapakita sa Mga Gawa ang pagtupad ng unang iglesya sa panawagan ni Hesus na gumawa ng mga disipulo ng lahat ng bansa, ang kanyang panawagan na “maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal” at ang kanyang pangako na “at lalong dakilang mga gawa kaysa rito ang gagawin niya [ninyo]” (Juan 14:12). Ito ay magagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ang aklat ng Mga Gawa ay nagpapakita ng mga resulta ng pagkakaroon nang presensya ng Banal na Espiritu sa buhay ng mga unang mananampalataya na ito.
Kapangyarihan para sa Ministeryo
Kung paanong si Hesus ay “puspos ng Banal na Espiritu” nang siya ay naharap kay Satanas (Lucas 4:1), si Pedro ay napuspos ng Banal na Espiritu nang harapin niya ang mga awtoridad ng mga Judio (Mga Gawa 4:8). Inilarawan ni Lucas ang buhay ni Pedro sa parehong talatang ginamit niya upang ilarawan ang buhay ni Hesus. Ang gawa ng Espiritu na nakita sa pamumuhay sa lupa ni Kristo Hesus ay pribilehiyo gayon ng lahat ng mananampalataya.
Noong araw ng Pentekostes, mas maraming mananampalataya ang idinagdag sa iglesya kaysa sa panahon ng buong ministeryo ni Kristo Hesus sa lupa. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ang mga alagad ay naglingkod na may kapangyarihan at awtoridad. Ang mapaghimalang mga pagpapagaling ay nagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos sa isang di-sumasampalatayang mundo. Ang mga tao ay napuno ng pagkamangha at lubhang pagtataka (Mga Gawa 3:10-11). Sa paglilingkod ng mga apostol na may kapuspusan ng Banal na Espiritu, ang kanilang ministeryo ay minarkahan ng kapangyarihan ng Diyos. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, matutupad ng mga apostol ang komisyong ibinigay ni Hesus na “gumawa ng mga alagad sa lahat ng mga bansa” (Mateo 28:19).
Espirituwal na Katapangan
Ang mga apostol ay matapang sa pagpapahayag ng ebanghelyo.
[1]Ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu na nagpapabago ay malinaw na makikita sa buong Mga Gawa. Ilang buwan pa lamang nang tumakas ang mga alagad noong dakpin si Hesusay ngayo’y nangangaral ng may katapangan.
Di-nagtagal pagkatapos ng Pentekostes, inaresto ng mga lider ng relihiyon sina Pedro at Juan. Ilang linggo pa lang ang nakaraan, tinanggi ni Pedro si Kristo. Ngayon, si Pedro, ay napuspos ng Banal na Espiritu” ay nangaral nang buong tapang. Ang mga lider ng relihiyon ay “mga namangha” sa mga salita ng mga hindi nakapag-aral, na pangkaraniwang mga tao (Mga Gawa 4:2-13).
Sa pamamagitan ng pagpuspos ng Banal na Espiritu, ang mga apostol ay may lakas ng loob na ipangaral na may kapangyarihan at pagtatalaga. Mula sa isang grupong mangingisda na may takot sa Diyos, mga maniningil ng buwis, at mga ordinaryong manggagawa, ang mga disipulo ay naging mga lalaking nagbaligtad sa mundo (Mga Gawa 17:6).
Ang mga apostol ay matapang sa harap ng pag-uusig.
Kapag humaharap sa mga pagsalungat, ang mga apostol ay nananalangin na huwag alisin ang pag-uusig, sa halip ipinapanalangin nilang bigyan sila ng katapangan na ipahayag si Kristo sa kabila ng pag-uusig. “At ngayon, Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga pagbabanta at bigyan ang iyong mga tagapaglingkod upang ipagpatuloy ang pagbabahagi ng iyong salita nang buong katapangan…” Sinagot ng Diyos ang kanilang panalangin. “Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang dakong pinagtitipunan nila at silang lahat ay napuno ng Espiritu Santo, at kanilang ipinahayag na may katapangan ang salita ng Diyo” (Mga Gawa 4:29-31).
Ang isang hindi mapag-aalinlangang marka ng pagkilos ng Banal na Espiritu sa iglesya ay katapangan na ipahayag ang ebanghelyo sa harap ng pagsalungat. Sa pagtatapos ng unang siglo, ang ebanghelyo ay kumalat mula sa 120 katao sa silid sa itaas hanggang sa mga lungsod sa bawat sulok ng Imperyo ng Mga Taga-Roma.
Matagumpay na Buhay
Sa bawat henerasyon, ang mga Kristiyano ay nakaharap sa tukso upang maging “Mga Kristiyano Tuwing Linggo” - mga taong dumalo sa iglesya ngunit ang mga buhay ay hindi nagpapakita ng malalim at pangmatagalang pagbabago. Ang unang iglesya ay nabago sa lahat ng bahagi ng buhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
Sa Lumang Tipan, nakita natin ang mga pasisikap ng mga taong nais tuparin ang tipan, ngunit natagpuan nilang hindi nila ito magagawa dahil mayroon silang pusong nag-aalinlangan. Inilarawan ng psalmist ang mga mamamayan ng Israel: “Sapagkat ang puso nila ay hindi tapat sa kanya, ni naging tapat man sila sa tipan niya.” (Mga Awit 78:37).
Sa pamamagitan ni Ezekiel, ipinangako ng Diyos ang isang araw kung kailan ang kanyang bayan ay mababago.
Bibigyan ko kayo ng bagong puso, at lalagyan ko kayo ng bagong espiritu sa loob ninyo. Aking aalisin ang batong puso sa inyong laman, at aking bibigyan kayo ng pusong laman. Aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo nang ayon sa aking mga tuntunin, at magiging maingat kayo sa pagsunod sa aking mga batas. (Ezekiel 36:26-27).
Bago ang araw ng Pentekostes, sinunod ng mga disipulo ang parehong paraan tulad ng mga anak ni Israel. Nais nilang sundin si Kristo, ngunit patuloy silang nabigo. Nagduda sila; nakipagkumpitensya sila para sa posisyon; tumakas sila dahil sa takot. Noong araw ng Pentekostes, natupad ang pangako ni Ezekiel. Ang mga disipulo ay pinagkalooban ng Banal na Espiritu upang mamuhay ng isang buhay na matagumpay. Sa halip na ang pagsunod ay hindi taos sa puso, lumakad sila ng may kagalakan sa pagsunod sa kautusan ng Diyos. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, naging pangkaraniwan na magkaroon ng isang matagumpay na buhay ang bayan ng Diyos.
Gabay para sa Ministeryo
Bago ang araw ng Pentekostes, kontrolado ng ambisyon at takot ang mga alagad. Ang kanilang mga pagtatangka na paglingkuran si Hesus ay limitado dahil sa kanilang personal na mga pagkakamali. Pagkatapos ng Pentekostes, ginagabayan ng Banal na Espiritu ang mga apostol upang maging epektibo sa ministeryo.
Ginabayan ng Banal na Espiritu ang iglesya sa mahihirap na desisyon na nakakaapekto sa mga relasyon ng mga Hudyo at Hentil na mga Kristiyano (Mga Gawa 10-11; 15). Pinangunahan ng Espiritu Santo ang pagpili ng mga pinuno ng Iglesya (Mga Gawa 13:2-3). Pinangunahan ng Banal na Espiritu si Pablo sa Macedonia (Mga Gawa 16:6-10). Pinangunahan ng Banal na Espiritu si Pablo na bumalik sa Jerusalem sa kabila ng panganib na siya ay maaresto (Mga Gawa 19:21; Mga Gawa 20:22-23). Ang ministeryo ng unang Iglesya ay pinangunahan ng Banal na Espiritu.
Pagkakaisa
Marahil ang pinaka-kapansin-pansin na katibayan ng pagkilos ng Banal na Espiritu sa unang Iglesya ay ang pagkakaisa sa mga mananampalataya. Sa Panalangin ng Punong Saserdote, nanalangin si Hesus para sa pagkakaisa ng iglesya. Nanalangin siya:
Upang sila’y maging isa, na gaya naman natin na iisa. Ako’y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang sila’y maging ganap na isa upang malaman ng sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin at sila’y iyong minahal kung paanong ako’y iyong minahal. (Juan 17:22-23).
Ang panalangin ni Hesus ay sinagot noong araw ng Pentekostes. Sa Gawa 2:42 ay nagpapakita ng pagkakaisa sa buhay ng iglesya: isang pangako sa mga katuruan ng mga apostol, pakikisama, pagdiriwang ng Banal na Hapunan, at pananalangin. Ang pagkakaisang ito ay nakita sa pag-aalaga ng iglesya para sa isa’t isa. Pinatotohanan ni Lucas na “walang taong naghihirap sa kanila” dahil ang mga Kristiyano ay nagmamalasakit pangangailangang material ng bawat isa (Mga Gawa 4:34).
Anim na beses, tinukoy ni Lucas ang pagkakaisa ng iglesya sa Mga Gawa.[2] Hindi ito nangangahulugan na sumang-ayon ang mga Kristiyano sa lahat ng bagay. Lalo na ang mga seryosong usapin na may banta sa pagkakahati ng iglesya. Ang mga mananampalatayang Judio at Hentil ay hindi sumasang-ayon tungkol sa mga kautusan ni Moises (Mga Gawa 15:1-29). Hindi magkasang-ayon si Pablo at si Bernabe tungkol kay Juan Markos (Mga Gawa 15:39-40). Ngunit hindi alintana ang pagkakaiba, ang iglesya ay pinag-isa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Bilang mga mananampalataya na sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu, ang iglesya ay pinagsasamasama sa pamamagitan ng “iisang layunin.”
Kung nakita mo at nakita ko ang mga disipulo noong mga araw bago ang pagdakip kay Hesus, hindi natin maiisip na ang mga lalaking ito ay magiging epektibo sa ministeryo. Sila ay natatakot, naninibugho sa isa’t isa, at puno ng pagdududa. Pagkalipas ng ilang buwan, ang mga lalaking ito ay ganap na nabago. Ano ang nangyari?
Bago ang araw ng Pentekostes, sinubukan ng mga disipulo na mamuhay katulad ng buhay ni Kristo sa pamamagitan ng kanilang sariling lakas - at sila ay paulit-ulit na nabigo. Pagkatapos ng araw ng Pentekostes, namuhay ang mga alagad sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ito ang lihim ng isang buhay na banal at epektibong ministeryo.
“Hindi kami napuspos ng Banal na Espiritu upang gumawa ng anumang espesyal na gawain, ngunit upang ipaalamlam ang sa Diyos na magtrabaho sa pamamagitan namin.”
- Oswald Chambers
[2]Mga Gawa 1:14; Mga Gawa 2:1, 46; Mga Gawa 4:24; Mga Gawa 5:12; Mga Gawa 15:25.
Ang Kabanalan Ngayon: Tayo ay Banal Lamang Kung Tayo ay Puspos ng Espiritu
Maraming mga Kristiyano ang nagsisikap na mamuhay ng isang buhay na banal sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap - at sila ay nabigo. Sa pamamagitan ng ating sariling disiplina sa sarili, maaaring posible na mapanatili ang tagumpay sa panlabas na kasalanan nang ilang sandali. Sa sarili nating lakas, posibleng nating mahalin ang ating kapwa nang ilang panahon. Gayunpaman, mabibigo tayo sa lalong madaling panahon sa kabila ng ating mga pagsisikap.
Bakit tayo nag-iistruggle? Dahil sinusubukan nating mabuhay ng isang buhay na banal sa pamamagitan ng ating sariling lakas. nakakapagod na subukan mamuhay ng isang buhay Kristiyano sa ating sariling kapangyarihan. Nakikibaka tayo sa makasalanang mga saloobin; nakikibakatayo sa kakulangan ng perpektong pagmamahal; nakikibaka tayo dahil sa isang pusong hati. Sa kabaligtaran, ang buhay sa Espiritu ay isang masaganang buhay ng pagtatagumpay.
Hindi kailanman ninais ng Diyos na mamuhay tayo ng isang buhay na banal sa pamamagitan ng ating sariling pagsisikap. Ginawa Niya tayo upang mamuhay sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sa unang iglesya, posible lamang ang isang buhay na banal sa pamamagitan ng kapangyarihan nang Banal na Espiritu. Sa iglesya ngayon, posible lamang ang isang buhay na banal sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ang mga katangian na nagmamarka sa unang iglesya ay mamarka sa iglesya ngayon kung tayo ay nabubuhay sa kapuspusan ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, maaari tayong magkaroon ng pusong banal at mga kamay na banal.
Ang kapangyarihan sa ministeryo, espirituwal na katapangan, tagumpay laban sa kasalanan, at pagkakaisa sa pagitan ng mga mananampalataya - lahat ay nanggagaling sa presensya ng Banal na Espiritu. Habang tayo ay puspos ng Espiritu, tayo ay binigyan ng kapangyarihan na ipamuhay ang masaganang buhay Kristiyano na nilalayon ng Diyos para sa kanyang bayan.
Ipinapakita ng mga sulat ni Pablo na ang paging banal ay pagiging katulad ni Kristo. Ang pagiging banal ay pag-iisip, pagsasalita, at pagkilos katulad ng gagawin ni Kristo. Ito ay isang magandang idea, ngunit mabilis nating nalalaman na sa ating sariling lakas ay hindi natin kayang magisip, magsalita, o kumikilos katulad ni Kristo.
[1]Ang ilang mga Kristiyano ay nagsusuot ng WWJD na simbolo sa kanilang damit. Ang WWJD ay nangangahulugang “Ano Ang Gagawin Ni Hesus?” (“What Would Jesus do?”) Ipinaaalaala nito sa atin na tayo ay tinawag upang mamuhay katulad ng pamumuhay ni Hesus; tayo ay mga tagatulad ni Kristo. Gayunpaman, mas madaling magsuot ng simbolo ng WWJD kaysa mamuhay sa halimbawa ni Hesus. Hiwalay sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, wala tayong kakayahang magsagawa nang tuloy-tuloy kung ano ang gagawin ni Hesus.
Isipin mong sinabi mo sa isang hindi naman athletic o mahilig sa laro, “Upang maging mas mahusay kang manlalaro ng basketball, dapat kang maglaro katulad ni Michael Jordan. Bago ang bawat pagtira ng bola, tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ang gagawin ni Michael Jordan?’” Ang payong ito ay hindi makakatulong, dahil ang taong iyon ay hindi nagtataglay ng kakayahan ni Michael Jordan.
Gayunpaman, isipin mo na ang taong ito ay binigyan ng mga kaloob na mayroon si Michael Jordan. Isipin na kaya niya - sa pamamagitan ng espiritu ni Michael Jordan - gawin ang lahat ng ginawa ni Michael Jordan. Ngayon posible para sa kanya na tularan ang mahusay na manlalaro ng basketball!
Ang WWJD (What Would Jesus Do? Ano Ang Gagawin Ni Hesus?) ay hindi sapat. Sa sariling lakas, wala tayong kapangyarihang tularan si Hesus. Gayunpaman, ang Banal na Espiritu na nagbibigay kapangyarihan sa ministeryo ni Hesus ay magagamit natin. Sa pamamagitan ng kapuspusan ng Espiritu, ikaw at ako ay maaaring maging katulad ni Kristo. Ito ang epekto ng Banal na Espiritu sa buhay ng isang mananampalataya.
Ang Banal na Espiritu ay nagbigay kapangyarihan kay Hesus para sa matagumpay na buhay at mabungang ministeryo; ang kapuspusan ng Banal na Espiritu ay ang lihim ng matagumpay na mga buhay at mabungang ministeryo para sa mga apostol; ang kapuspusan ng Banal na Espiritu ay ang lihim para sa isang matagumpay na buhay at mabungang ministeryo ngayon.
Isinulat ni Pablo, “Subalit sinasabi ko, lumakad kayo ayon sa Espiritu, at huwag ninyong bigyang-kasiyahan ang mga pagnanasa ng laman” (Galacia 5:16). Mayroong lamang dalawang pagpipilian: paglalakad sa pamamagitan ng Espiritu o sundin ang mga hangarin ng laman. Hindi natin maaaring madaig sa ating sariling kapangyarihan ang mga hangarin ng laman. Oo, maaaring magtagumpay tayo para sa isang araw o isang linggo, ngunit ang tanging paraan upang makakuha ng pangmatagalang tagumpay laban sa mga nais ng laman ay ang pagpapasakop sa Banal na Espiritu.
► Basahin ang Mga Taga-Roma 8:1-17
Sa buod ng kanyang dakilang buhay na puspos ng Espiritu sa Mga Taga Mga Taga-Roma 8, pinaghambing ni Pablo ang dalawang paraan ng pamumuhay - buhay ayon sa laman at buhay sa pamamagitan ng Espiritu.
Sapagkat kung mamuhay kayo ayon sa laman, kayo ay mamamatay, subalit kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, kayo ay mabubuhay. Sapagkat ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay sila ang mga anak ng Diyos. (Mga Taga-Roma 8:13-14).
Sa Mga Taga-Roma 7, ipinakita ni Pablo ang kanyang mga nakaraang pagsisikap upang matupad ang kautusan ng Diyos sa kanyang sariling lakas. Nabigo ang mga pagsisikap na iyon. Bakit? Sapagkat sa kanyang laman ay naglingkod siya sa kautusan ng kasalanan (Mga Taga-Roma 7:25).
Sa Mga Taga-Roma 8, nagagalak si Pablo na, “Ngayon nga’y wala nang kahatulan sa mga na kay Cristo Hesus.” Malaya tayo sa paghatol hindi dahil ang Diyos ay nagpasiya na huwag pansinin ang ating kasalanan; tayo ay malaya mula sa paghatol “sapagkat ang kautusan ng Espiritu ng buhay ang nagpalaya sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan.” Malaya tayo sa paghatol dahil tayo ay nabubuhay ngayon sa Espiritu.
Ipinakikita ni Pablo na mayroong dalawang paraan upang mabuhay. Ang unang paraan ng pamumuhay ay “sa laman.” Ito ang pag-iisip ayon sa mundo. Ang pag-iisip ayon sa mundo ay “pagrerebelde sa Diyos.” Imposible para sa taong nabubuhay sa laman na mapaluguran ang Diyos. Ang makalamang paraan ng pamumuhay ay humahantong lamang sa kamatayan: “Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan” (Mga Taga-Roma 8:6).
Ang ikalawang paraan upang mabuhay ay may isip na “nakatuon sa Espiritu.” Ang taong nabubuhay ayon sa Espiritu ay tumutupad ng “tamang hinihingi ng kautusan.” Mayroon tayong “buhay at kapayapaan” dahil “ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo sa ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos” (Mga Taga-Roma 8:16).
Sa Mga Taga-Roma 6, itinuro ni Pablo na dapat tayong mamuhay nang higit sa sinasadyang kasalanan. “Tayong mga namatay na sa pagkakasala, paano nga tayong mabubuhay pa roon?” (Mga Taga-Roma 6:2). Sa sarili nating lakas, imposibleng mamuhay ng isang buhay na higit sa sadyang kasalanan. Tayo ay ipinanganak na makasalanan at malayo sa Diyos. Paano natin matutupad ang mga hinihingi ng Mga Taga-Roma 6? Ang sagot ay matatagpuan sa Mga Taga-Roma 8. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, maaari nating “patayin ang mga gawa ng katawan.” Maaari tayong mabuhay nang banal dahil sa Espiritu ng Diyos na kumikilos sa atin.
Isinulat ni Robert Coleman:
Ang pamumuhay sa kapuspusan ng Banal na Espiritu ay tulad ng pribilehiyo ng mga tagasunod ni Kristo sa ngayon kagaya ng mga unang alagad na nanatili sa silid sa itaas. Ang katotohanang sumasaklaw sa lahat, ang kabanalan ng Espiritung taglay ni Kristo ay pangunahing Kristiyanismo sa Bagong Tipan.[2]
Ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu sa isang tao na lubos na nagpasakop ng kaniyang kalooban sa Diyos ay pinagiging possible ang banal na buhay. Kung wala ang Banal na Espiritu, imposible ang pagigign katulad ni Kristo. Ginagawang possible ng Banal na Espiritu para sa atin ang isang buhay na buhay.
Nakita ni propeta Zacarias ang isang pangitain ng isang ginintuang kandelero na may dalawang punong olibo. Ang isang mangkok ay nagbigay ng patuloy na supply ng langis para sa pitong ilawan. Ipinaliwanag ng isang anghel ang kahulugan ng pangitain. Si Zerubbabel, ang gobernador ng Juda, ay itinalaga upang muling itayo ang Templo. Ang napakalaking gawaing ito ay parang isang bundok. Ipinangako ng Diyos na ang gawain ay magagawa “hindi sa pamamagitan ng lakas, ni sa pamamagitan ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking Espiritu.” Hindi sa pamamagitan ng lakas, ni ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking Espiritu (Zacarias 4:6-7).
Sa parehong paraan, ang Kristiyano sa ngayon ay dapat magkaroon ng patuloy na kapuspusan ng Banal na Espiritu. Iniutos ni Pablo sa mga Kristiyanong taga-Efeso na mapuspos ng Espiritu (Efeso 5:18). Ang utos ay pangkasalukuyan; ito angdapat nating maging regular na paraan ng pamumuhay. Ang ating pang-araw-araw na buhay ay kinakailangang kontrolado niya. Naranasan natin ang kagalakan ng isang buhay na banal habang nabubuhay tayo sa kapuspusan ng Espiritu.
“Banal na Espiritu, puspusinmoakohanggangako ay umaapaw. Hindi akomakakahawaknanglabis, ngunitmaaarikongibahagiangisangmahusaynapakikitungo.”
- Nabanggitni Dr. David Bubb
[2]Robert E. Coleman, The Mind of the Master (CO: Waterbrook Press, 1977), pgs. 35-36.
Ang Pagsasabuhay ng Kabanalan: Mga Katangian ng Buhay na Banal
Isipin mo na nagawa mong alisin ang bawat kasalanan sa iyong buhay. Isipin na ikaw ay malaya sa lahat ng makasalanang pagkilos at makasalanang saloobin. Walang makapagturo ng anumang mali. Magagawa ba nito na matupad ang layuning Diyos ng buhay na banal?
Hindi! Ang kabanalan ay higit pa sa pag-iwas sa kasalanan. Ang kabanalan ay pagbubunga. Ang kabanalan ay hindi ligalistik, negatibong diskarte sa buhay. Ang kabanalan ay isang maligayang ugnayan sa Diyos. Nakikita ang kabanalan kapag ang Espiritu Santo ay nagbubunga ng kanyang bunga sa ating buhay.
Ang Bunga ng Espiritu
► Basahin ang Galacia 5:13-26.
Sa Mga Taga Galacia 5, ipinagkumpara ni Pablo ang buhay na nasa Espiritu at sa buhay na nasa laman. Hanggang sa puntong ito sa Galacia, binabalaan ni Pablo ang mga mananampalataya sa Galacia tungkol sa panganib na iwanan ang kanilang kalayaan bilang Kristiyano at bumalik sa pagkakaalipin ng mga ritwal at kautusan ng Juda. Sila ay napalaya mula sa kanilang mga pagsisikap na magkamit ng kaligtasan sa pamamagitan ng mabubuting gawa at hindi sila dapat bumalik sa pagkaalipin.
Gayunman, kinikilala ni Pablo ang isa pang panganib. Kapag ang isang tao ay napalaya mula sa pagkaalipin, maaariitong matuksong gamitin ang kanyang bagong-natagpuang kalayaan upang maghangad ng kanyang sariling mga nais. Kaya binabalaan ni Pablo ang mga mananampalatayang taga-Galacia, “Sapagka’t kayo ay tinawag na maging malaya, mga kapatid. Huwag ninyong gamitin ang iyong kalayaan bilang isang pagkakataon para bigyang kasiyahan ang nais ng laman, ngunit sa pamamagitan ng pagmamahal maglingkod kayo sa isa’t isa.”
Pinaghambing ni Pablo ang dalawang paraan ng pamumuhay. Ang isang huwaran ng pamumuhay ay “bigyang-kasiyahan ang mga hangarin ng laman”; ang isa naman ay “paglakad sa pamamagitan ng Espiritu.” Ipinagkukumpara ni Pablo ang dalawang paraang ito sa pamamagitan ng pagpapakita ng “bunga” ng bawat huwaran ng buhay.
Una, ipinakita ni Pablo ang “mga gawa ng laman.” Ito ang produkto ng katangian ng tao na wala sa ilalim ng kontrol ng Banal na Espiritu. Kasama sa mga gawa ng laman:
Mga Seksual na kasalanan: seksual na imoralidad, karumihan, kahalayan
Mga Relihiyosing kasalanan: pagsamba sa diyus-diyusan, pangkukulam
Mga Panlipunang Kasalanan: alitan, pagkakagalit, paninibugho, pakikipagbuno, mga pakikipagtunggali, mga pagtatalo, dibisyon, inggit
Mga Kasalanan ng gana: paglalasing, mga paglalabis sa pagtatalik.
Nagtapos siya, “Binabalaan ko kayo, gaya ng babala ko sa inyo noon, na yaong mga gumagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”
Ipinakita ni Pablo ang “bunga ng Espiritu.” Ito ang produkto ng buhay na namuhay sa ilalim ng kontrol at sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ang bungang ito ay isang bunga, hindi isang pangkat ng mga bunga. Sa 1 Mga Taga-Corinto 12, inilista ni Pablo ang isang grupo ng mga kaloob at sinasabing ang bawat mananampalataya ay bibigyan ng isa sa mga kaloob ng Espiritu, na nagbahagi sa bawat isa ayon sa kalooban niya (1 Mga Taga-Corinto 12:5-11). Gayunman, sa Galacia, mayroon lamang isang bunga, na natural na lumalago sa puso ng bawat taong naglalakad kasama ang Espiritu.
Ang bunga ng Espiritu ay hindi isang listahan ng mga katangian na maaari nating buuin o pagsumikapan sa ating sariling kapangyarihan. Ito ay bunga na likas na lumalaki at lumalago kapag tayo ay puspos ng Espiritu. Ganito ang hitsura ng isang buhay na banal. Ito ay ang likas na produkto ng isang banal na puso.
Inilista ni Pablo ang 15 gawa ng laman. Inilista niya ang siyam na aspeto ng bunga ng Espiritu:
Bunga na kaugnay sa Diyos: pag-ibig, kagalakan, kapayapaan
Bunga na kaugnay sa kapwa: pagtitiis, kahinahunan, kabutihan
Bunga n kaugnay sa ating panloob na katangian: pananampalataya, kaamuan, pagpipigil
Ang ugat ng lahat ng mga katangiang ito ay pagmamahal. Ang pagmamahal ang nagbubuklod sa lahat ng bagay sa perpektong pagkakaisa (Colosas 3:14). Ang pagmamahal ay tumutupad sa kautusan at nagbibigay ng lupa kung saan ang bungang ito ay lalaki at lalago.
Manatili sa Paghakbang kasama ang Espiritu
Ang bunga ng Espiritu ay ang likas na pag-unlad ng buhay kapag napuspos tayo ng Espiritu. Ito ang pangunahing diin ni Pablo sa mga taga-Galacia kung saan niya tinutugunan ang mga tao na maaaring subukang “lumago” ang bungang ito sa pamamagitan ng kanilang maingat na pagsunod sa kautusan. Gusto ni Pablo na maunawaan nila na hindi nila makakamtan sa sariling lakas ang bungang ito; ito ay ang bunga ng buhay kasama ng Espiritu.
Ang katotohanang ito ay palaging balanse kay Pablo sa pamamagitan ng isang paalala na ang buhay na banal ay ipinamumuhay ng may intensyon. Ang kabanalan ay hindi aksidente; kailangan nating magsikap tungo sa layunin (Filipos 3:12-14). Sa Colosas, lumilitaw na maraming mga bagong mananampalataya ang nag-iisip na maaari silang magpatuloy sa kanilang lumang pamumuhay. Doon, binigyang diin ni Pablo ang pagsisikap na kabilang sa pamumuhay ng isang buhay na banal. Sa Colosas, isinulat ni Pablo ang tungkol sa pagsusuot ng mga katangian ng buhay na banal. Ipinahihiwatig nito ang patuloy na disiplina na may kaugnayan sa kabanalan:
Bilang mga hinirang ng Diyos, mga banal at minamahal, magbihis kayo ng kahabagan, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kaamuan, at ng katiyagaan. Pagtiisan ninyo ang isa’t isa, at kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kanino man, magpatawaran kayo sa isa’t isa, kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayundin naman ang inyong gawin. At higit sa lahat ng mga bagay na ito ay magbihis kayo ng pag-ibig na siyang tali ng kasakdalan. (Colosas 3:12-14).
Sa katulad na paraan, ayaw ni Pablo na ang mga Kristiyano sa Galacia ay ipalagay lamang na ang buhay na banal ay maaaring ipamamuhay nang walang disiplina sa sarili at walang pagsisikap. Sa kanilang reaksyon sa ligalismo, hindi sila dapat maging panatag. Sa Galacia 5:16-25, sinabi ni Pablo,
“Lumakad kayo ayon sa Espiritu” (talatang 16). Ang paglalakad ay isang pagkilos na nangangailangan ng pagsisikap.
Kayo’y dapat “pinapatnubayan ng Espiritu” (talatang 18). Upang magabayan, kailangan kong sumunod. Nangangailangan ito ng pagsisikap.
“Nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu” (talatang 25). Ang pamumuhay ay isang desisyon at pagkilos. Nangangailangan ito ng pagsisikap.
“Lumakad din tayo sa patnubay ng Espiritu.” (talatang 25). Ito ang pinakamalakas sa apat na pandiwa. Ito ay isang militar na termino na nagmumungkahi sa mga sundalo na nagmamartsa sa isang linya. Ang pagmamartsa alinsunod sa Espiritu ay nangangailangan ng pagsisikap at disiplina.
Bilang mga Kristiyano na napuspos ng Espiritu, hindi natin dapat isipin na tayo ay espirituwal nang ganhap na hindi tayo kailanman maaaring mahulog sa kagustuhan ng laman (Galacia 5:17). Gayunpaman, hindi natin dapat pahintulutan si Satanas na kumbinsihin tayo na hindi tayo magiging malaya sa kontrol ng mga hangarin ng laman sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu. Habang patuloy tayong sumusunod sa Espiritu, tayo’y magbubunga ng bunga ng Espiritu sa ating buhay.
► Pagkatapos pag-aralan ang epekto ng araw ng Pentekostes sa unang mga disipulo at pagkatapos suriin ang bunga ng Espiritu, talakayin kung ano ang magiging hitsura ng buhay na puspos ng Espiritu ngayon? Paano dapat makaapekto ang pagiging puspos ng Espiritu sa ating mga pag-uugali, pang-araw-araw na paglakad bilang Kristiyano, at pagsisikap sa ministeryo?
Natagpuan Nila ang Sikreto - Jonathan at Rosalind Goforth
Sina Jonathan at Rosalind Goforth ay mga misyonerong Canadian Presbyterian sa Tsina mula 1888-1933. Sinubukan ni Gng. Goforth na sundin ang halimbawa ni Hesus sa kanyang buhay, ngunit siya ay paulit-ulit na nabigo. Matapos ang 20 taon ng pakikibaka, natutunan ni Rosalind Goforth na ang sikreto sa isang matagumpay na buhay Kristiyano ay sa pamamagitan ng pamumuhay sa atin ng Banal na Espiritu at pagbubunga ng katangian ni Kristo sa ating buhay. Sinabi ni Gng. Goforth na ang kanyang buhay pagkaraan ng panahong ito ay maaring ibuod sa isang salita, “Pamamahinga.”
Habang pinahihintulutan nila ang Banal na Espiritu na kumilos sa kanila, nakita ng mga Goforths ang kamangha-manghang pagkilos ng Diyos. Nag-istruggle si Jonathan Goforth nang maraming buwan upang matutunan ang wikang Tsino. Kapag sinusubukan niyang mangaral sa wikang Tsino, iilang mga tagapakinig lamang ang nakakaunawaan sa kanya. Isang araw habang siya ay nangangaral, bigla siyang nagsimulang mangaral nang malinaw, gamit ang mgasalitang hindi naman niya pangkaraniwang ginagamit. Pagkatapos noon ay nalaman na mayisang grupo ng mga estudyante sa Canada na nanalangin sa araw na iyon para sa kanyang ministeryo. Mula sa araw na iyon, si Jonathan Goforth ay nagkaroon ng matatas na pananalita sa wikang Tsino. Kung ano ang hindi maaaring gawin ni Goforth, ginawa ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng isang lingcod na nagpapasakop.
Pinangunahan ng Diyos sila Goforth sa mga lugar sa Tsina na hindi pa nararating ng ebanghelyo. Libu-libo sumampalataya sa pamamagitan ng ministeryo ng Goforths. Ang susi sa kanilang tagumpay ay hindi mahusay na kakayahan; ang susi ay ang pamumuhay sa kapuspusan ng Banal na Espiritu.
Sa kanyang libing, ang pastor ng Knox Presbyterian Church ay nagbigay patotoo sa sikreto sa tagumpay ni Jonathan Goforth. “Siya ay isang taong puspos ng kapuspusan ng Diyos–lubusang nagpapasakop at nakatalaga sa Diyos. Nabautismuhan siya sa Espiritu Santo at sa apoy. Siya ay napuspos ng Espiritu sapagkat iwinaksi na niya ang kanyang sariling kalooban.”[1]
Nauunawaan ni Jonathan at ni Rosalind Goforth ang kahalagahan ng paglakad kasama ang Espiritu araw-araw. Nauunawaan nila ang panalangin ng manunulat ng himno na si Edwin Hatch: “Hingahan mo ako, O Hininga ng Diyos, hanggang ang aking puso’y maging dalisay.” Kapag ang ating puso ay dalisay, gugustuhin natin ang nais ng Diyos.
[1]Hinango mula kay Wesley L. Duewel, Heroes of the Holy Life (Grand Rapids: Zondervan, 2002), pgs. 52-64.
Hingahan mo Ako, Hininga ng Diyos - Edwin Hatch
Hingahan mo ako, O Hininga ng Diyos,
puspusin mo ako ng bagong buhay,
upang mahalin ko ang iyong minamahal,
at gawin kung ano ang iyong gagawin.
Hingahan mo ako, Hininga ng Diyos,
hanggang ang aking puso ay maging dalisay,
hanggang sa piling mo naisin ko ang iyong kalooban,
upang gawin at upang matiis
Aralin 9 sa Isang Pahina
(1) Ang pagiging banal ay upang mamuhay sa kapuspusan ng Banal na Espiritu.
(2) Sa kanyang buhay sa lupa, naglingkod si Hesus sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ipinangako ni Hesus ang parehong kapangyarihang ito sa kanyang mga tagasunod. Dahil sa pangakong iyon, tiniyak niya sa kanyang mga disipulo na “ang pag-alis koay para sa inyong ikabubuti.”
(3) Nang ang mga disipulo ay napuspos ng Espiritu Santo noong araw ng Pentekostes, ang kanilang buhay ay nabago. Minarkahan ng tatlong tanda ang bagong aktibidad ng Banal na Espiritu:
Ang tunog tulad ng isang dagunot ng malakas na hangin ay nagpapahiwatig ng kapangyarihan ng pagdating ng Espiritu.
Ang pagdating nang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila ay kumakatawan sa kadalisayan na nauugnay sa Banal na Espiritu.
Ang kakayahang magsalita sa ibat’ibang mga wika ay nagbigay kakayahan upang makapagpatotoo sa lahat ng mga bansa ang mga disipulo.
(4) Habang namumuhay ang unang iglesya sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, naranasan nila ang:
Dagdag na kapangyarihan para sa ministeryo
Katapangan upang ipahayag ang ebanghelyo
Katapangan sa harap ng pag-uusig
Matagumpay na buhay
Gabay para sa ministeryo
Pagkakaisa sa pagitan ng mga mananampalataya
(5) Kung paanong naging banal lamang ang mga alagad sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, tayo ay banal lamang habang namumuhay tayo sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kung wala ang pagpuspos ng Banal na Espiritu, hindi natin kayang sundin ang halimbawa ni Kristo Hesus. Sa kapangyarihan lamang ng Espiritu kaya tayo nakakapamuhay katulad ng kay Kristo.
(6) Habang namumuhay tayo sa Espiritu, ipapakita ng ating buhay ang bunga ng Espiritu bilang likas na produkto ng isang buhay na banal.
Mga Takdang Aralin sa Aralin 9
(1) Magsulat ng isang liham sa isang kabataang Kristiyano na nagsasabi sa iyo, “Alam ko na ako ay isang Kristiyano, ngunit patuloy akong nakikibaka sa mga makamundong saloobin at mga bahagi kung saan ako mahina sa harap ng tukso.” Tulungan ang kabataang Kristiyano na maunawaan ang kahalagahan ng pagiging puspos ng Espiritu.
(2) Simulan ang susunod na sesyon ng klase sa pamamagitan ng pag-sipi sa Galacia 5:22‑25.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.