Si Ezekiel: Isang Lalaking Nakita ang Plano ng Diyos para sa Hinaharap
Ang Israel ay hindi na isang banal na bansa. Sumamba siya sa mga dios-diosan; inapi niya ang mahihirap; nilapastangan niya ang Araw ng Pamamahinga. Bilang paghatol, hinayaan ng Diyos ang kanyang mga tao sa pagkatapon. Pinayagan niya ang hukbo ng Babilonia na lupigin ang Jerusalem at sirain ang Templo. Yamang hindi na banal ang bayan ng Diyos, hindi na niya tinanggap ang kanilang pagsamba. Sapagkat ang bayan ng Diyos ay hindi na hiwalay sa kasalanan, hindi na niya tinanggap ang kanilang pagsamba.
Gayunpaman, ang Diyos ay mayroon pa ring layunin para sa kanyang baya. Sampung taon pagkatapos ng pagkawasak ng Templo, nagbigay ang Diyos ng pangitain kay Ezekiel, isang propeta na naninirahan sa pagkabihag malapit sa Babilonia. Nakita ni Ezekiel ang plano ng Diyos para sa hinaharap.
Sa pangitain ni Ezekiel, natapos na ang pagkatapon; ang paghatol ay natapos; nagbalik na ang presensya ng Diyos. Ang Templo ay puno ng kaluwalhatian ng Diyos. Hinugasan ng Diyos ang kanyang bayan sa pamamagitan ng tubig at nilinis ang mga ito mula sa panlabas na kalikuan. Inalis niya ang “pusong bato” at binigyan sila ng isang “bagong puso at isang bagong diwa.” Tinupad niya ang kanyang pangako: “Aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo nang ayon sa aking mga tuntunin, at magiging maingat kayo sa pagsunod sa aking mga batas.” (Ezekiel 36:25-27). Ang Israel ay banal, sa loob at sa labas.
Nakakita si Ezekiel ng templo na nagpapala sa lahat ng bansa. Dumadaloy ang sariwang tubig mula sa isang naibalik na templo patungo sa Dagat na Patay. Ang mga puno ay nagbigay ng prutas para sa pagkain at mga dahon para sa pagpapagaling. Ang kagandahan ng Eden ay naibalik.
Ang pinaka-maluwalhating bahagi ng pangitain ay ang huling pangungusap: “At ang magiging pangalan ng lunsod mula sa araw na yaon ay, Ang Panginoon ay naroroon.” (Ezekiel 48:35). Ang layunin ng Diyos para sa kanyang mga tao ay natupad: ang banal na bayan ay naninirahan sa presensya ng isang banal na Diyos! Isang araw sa hinaharap, ang Diyos ay darating sa isang banal na bayan sa isang banal na lungsod.
► Talakayin ang mga panlabas na ebidensya na ang isang tao ay banal. Anong mga panlabas na aksyon ang dapat nating asahan mula sa isang tao na ang puso ay banal?
Ang Problema ng mga Propeta: Ang Israel ay Hindi Matuwid
Dinala ng mga propeta ang mga pagsasakdal ng Diyos laban sa isang bansa na sumira sa tipan. Sa mga Aklat ng Mga Propeta, tulad ng sa Pentateuch, ang salitang “banal” ay tumutukoy sa isang bagay na nauukol sa Diyos at itinakda sa kanya. Ang Jerusalem at ang Templo ay banal dahil ang mga ito ay pag-aari ng Diyos.
Ang Diyos ay Banal
Dalawampu’t isang beses, binanggit ni Isaias ang “Ang Banal ng Israel.” Ang mga serapim ay umawit: “Banal, banal, banal ang PANGINOON ng mga hukbo; ang buong lupa ay puno ng kaniyang kaluwalhatian!” (Isaias 6:3).
Ang Diyos ay ang Diyos na nagpapakita ng kanyang sarili na banal sa katuwiran (Isaias 5:16). Nakita ni Ezekiel ang isang araw kung kailan ibubunyag ng Diyos ang kanyang kabanalan sa lahat ng mga bansa. “Ipakikita ko ang aking kadakilaan at ang aking kabanalan at ipakilala ang aking sarili sa paningin ng maraming bansa. At kanilang malalaman na ako ang PANGINOON.” (Ezekiel 38:23).
Ipinakikita ng mga hatol ng Diyos ang kanyang banal na katangian. Nagbabala si Mikas na dahil sa kasalanan ng Israel, “ang Panginoon ay dumarating mula sa kanyang dako, at siya’y bababa at lalakad sa matataas na dako ng lupa.” (Mikas 1:2-3). Hinusgahan ng Diyos ang Israel sapagkat ang isang banal na Diyos ay hindi maaaring pahintulutan na hindi maparusahan ang kasalanan.
Ang pagliligtas ng Diyos sa Israel ay nagpapakita na siya ay banal. Tinubos ng Diyos ang Israel hindi dahil siya ay nararapat na iligtas, kundi alang-alang sa kanyang banal na pangalan sa mga bansa.
Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Hindi ito alang-alang sa inyo, O sambahayan ni Israel, na malapit na akong kumilos, kundi alang-alang sa aking banal na pangalan na inyong nilapastangan sa mga bansa na inyong pinuntahan. Aking pawawalang-sala ang aking dakilang pangalan na nilapastangan sa mga bansa, na inyong nilapastangan sa gitna nila. (Ezekiel 36:22-23).
Hindi pinahihintulutan ng Diyos na ang kanyang banal na pangalan ay mapahiya dahil sa kasalanan ng Israel. Ipinangako niya na ibabalik ang Israel sa lupain upang ipakita ang kanyang kabanalan sa harap ng ibang mga bansa.
Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kapag aking tinipon ang sambahayan ni Israel mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan, at aking ipahayag ang aking kabanalan sa kanila sa paningin ng mga bansa, sila nga’y magsisitahan sa kanilang sariling lupain na aking ibinigay sa aking lingkod na si Jacob. (Ezekiel 28:25).
Ito ay isang kahanga-hangang pangako. Ipinangako ng Diyos na ipakita ang kanyang kabanalan sa pamamagitan ng pagtubos sa Israel at pagdadala sa kanyang tahanan. Ipinangako ng Diyos na ipahayag ang kanyang kabanalan sa mismong mga tao na ipinadala niya sa pagkatapon. Sa Diyos ang kabanalan.
Ang Israel ay Hindi Banal
Yamang ang kabanalan ay pag-aari ng Diyos, tayo ay banal lamang kapag tayo ay nabubuhay na may kaugnayan sa isang banal na Diyos. Ipinahayag ng mga propeta na ang Israel ay hindi na banal sapagkat siya ay nabubuhay ayon sa kanyang makasalanang mga pagnanasa kaysa sa pamumuhay sa isang masunurin at mapagmahal na kaugnayan sa Diyos.
Sa Isaias, sinabi ng Diyos na Siya ay nahiwalay sa Judah dahil sa kanilang kasalanan. Tinanggihan ng Diyos ang Israel dahil tumanggi silang mabuhay nang matuwid.
Ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasamaan, at ang mararahas na gawa ay nasa kanilang mga kamay. Ang kanilang mga paa ay tumatakbo sa kasamaan, at sila’y nagmamadaling nagpapadanak ng dugong walang kasalanan, ang kanilang mga pag-iisip ay mga pag-iisip ng kasamaan, pagwasak at paggiba ang nasa kanilang mga daan. (Isaias 59:6-7).
Inutusan ng Diyos si Jeremias na ibaon ang isang linong damit-panloob. Ang puting lino ay isang simbolo ng kadalisayan. Ibinaon ni Jeremias ang damit-panloob hanggang sa nasira ng putik at dumi ang tela. Ito ang sumisimbolo sa kahalayan ng Juda. Pinili ng Diyos ang Juda upang maging isang mabuting bayan. Sa halip, ang bayan ng Diyos ay namuhay nang makasalanan (Jeremias 13:1-11).
Sa Ezekiel, hinatulan ng Diyos ang Israel bilang isang bansa ng mga rebeldeng matitigas ang ulo ‘na nagrebelde laban sa kanya. (Ezekiel 2:3). Sa halip na sundin ang isang banal na Diyos, ang Israel ay naninirahan tulad ng paganong mga bansa. “Na ang mga tuntunin ay hindi ninyo sinunod, o inyo mang isinagawa ang aking mga batas, kundi kayo’y namuhay ng ayon sa mga kaugalian ng mga bansa na nasa palibot Ninyo” (Ezekiel 11:12). Ang Israel ay hindi na matuwid.
Sa panahon ng Pagkakatapon, ipinahayag ni Daniel na ang bayan na napili upang igalang ang Diyos sa harap ng mga bansa ay karapat-dapat na sa bukas na kahihiyan (Daniel 9:7). Bakit?
Lahat ng Israel ay lumabag sa iyong kautusan at lumihis, tinanggihan na sundin ang iyong tinig. At ang sumpa at panunumpa na nakasulat sa Batas ni Moises na lingkod ng Diyos ay ibinuhos sa amin, sapagkat kami ay nagkasala laban sa kanya. (Daniel 9:11).
Hinatulan ng mga minor na propeta ang Israel dahil sa kanyang kasalanan. Inakusahan ni Hoseas ang Israel ng “panunumpa, pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw, at pangangalunya (Hoseas 4:2). Nangaral si Mikas sa mga tao na napopoot sa mabuti at nagmamahal sa kasamaan (Mikas 3:2).
Si Sefanias ay isang inapo ni Hezekias. Siya ay kabilang sa isa sa pinakamakapangyarihang mga pamilya sa Juda, ngunit hindi siya nag-atubili na sisihin ang mga pinuno ng Juda para sa kanyang kasalanan.
Ang mga pinunong kasama niya ay mga leong umuungal; ang mga hukom niya ay mga asong ligaw sa gabi; sila’y walang inilalabi hanggang sa kinaumagahan. Ang kanyang mga propeta ay walang kabuluhan at mga taksil; nilapastangan ng kanyang mga pari ang bagay na banal, sila’y nagsigawa ng karahasan sa kautusan. (Sefanias 3:3-4).
Mula sa kanyang mga opisyal sa pulitika hanggang sa kanyang mga lider ng relihiyon, ang Israel ay nagkasala laban sa batas ng Diyos. Ano ba ang naging problema? Nakalimutan ng Israel na ang kabanalan ay mas malalim kaysa ritwal ng relihiyon. Pinapalitan ng Israel ang tunay na katuwiran ng mga walang kabuluhang mga seremonya.
Ang Kabanalan ay Higit kaysa sa Mga Ritwal at Propesyon
Ang isang layunin ng Batas ay magturo sa Israel na siya ay pag-aari ng Diyos. Sa kasamaang palad, madaling nakalimutan ang Israel ang tunay na kahulugan ng Batas. Sinunod ng mga tao ang tamang ritwal, ngunit ang kanilang mga puso ay hindi banal. Ang bansang ito na itinakda ng Diyos upang mailarawan ang Kanyang imahen, ngayon ay hindi na malinis. Itinuro ng Mga Aklat ng mga Propeta na ang maging banal ay nangangahulugang maging matuwid sa loob at sa labas.
Si Ezekiel ay dinala sa Babilonia noong 597 B.C. Nang si Ezekiel ay 30 taong gulang, ang Diyos ay nagsimulang makipag-usap sa propeta sa pamamagitan ng serye ng mga pangitain. Nakita ni Ezekiel ang mga matatanda ng Juda na sumasamba sa mga diyos-diyosan sa Banal na Lugar (Ezekiel 8). Inutusan ng Diyos ang mga anghel na magdala ng paghatol hanggang sa ang mga bulwagan/korte sa Templo ay puno ng mga bangkay. Ang kaluwalhatian ng Diyos ay umalis sa Templo (Ezekiel 10). Ang Templo at ang mga ritwal nito ay walang kabuluhan dahil ang mga tao ay hindi banal.
Ang Buhay na Banal ay Higit Kaysa sa Mga Rituwal
Sinabi ng Israel na siya ay banal, ngunit siya ay makasalanan at marumi. Sinunod ng mga tao ang mga ritwal ng kabanalan, ngunit hindi sila namumuhay nang matwid. “Tinalikuran nila ang Panginoon, hinamak nila ang Banal ng Israel, sila’y lubusang naligaw.” (Isaias 1:4). Sinunod ng mga tao ang wastong mga ritwal, ngunit sila ay nabubuhay na makasalanan. Ang mga propeta ay nangaral na ang mga ritwal ay walang kabuluhan kung ang mga tao ng Israel ay nabubuhay na makasalanan. Ang kabanalan ay higit pa sa mga kapistahan at sakripisyo.
Sinabi ni Isaias na di tinanggap ng Diyos ang mga sakripisyo ng Juda sapagkat hindi siya namuhay nang matuwid.
Huwag na kayong magdala ng mga walang kabuluhang alay; .... hindi ko na matiis ang kasamaan at ang banal na pagpupulong. Ang aking kaluluwa ay namumuhi sa inyong mga bagong buwan at sa inyong mga takdang kapistahan, ang mga iyan ay pasanin para sa akin. Ako’y pagod na sa pagpapasan ng mga iyan (Isaias 1:13-14).
Habang nakatayo sa harapan ng Templo, sinabi ni Jeremias, “Huwag kayong magtiwala sa mapandayang mga salita, na sinasabi, ‘Ito ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon.’” (Jeremias 7:4). Ang Templo ay hindi na banal. Bakit? Sapagkat ang mga sumasamba ay hindi namumuhay nang matuwid. Nagbabala ang Diyos, “Kapag sila’y mag-aayuno, hindi ko papakinggan ang kanilang daing; at kapag sila’y maghahandog ng handog na sinusunog at ng alay na butil, hindi ko tatanggapin ang mga iyon” (Jeremias 14:12). Ang Diyos ay nangangailangan ng higit sa mga walang-kahulugang mga ritwal.
Sinabi ng Diyos kay Hoseas, “Nalulugod ako sa katapatan, kaysa alay, ng pagkakilala sa Diyos kaysa mga handog na sinusunog.” (Hoseas 6:6). Naghandog ang Israel ng mga sakripisyo ngunit sinira ang kanyang tipan sa Diyos. Ang isang handog na sinunog nang walang matuwid na pamumuhay ay walang kabuluhan. Kahit na sa kabila ng mga sakripisyo ng Israel, aalalahanin ng Diyos ang kanilang kasamaan at parurusahan ang kanilang mga kasalanan (Hoseas 8:13). Bakit?
Sapagkat walang katapatan o kabaitan man, ni kaalaman tungkol sa Diyos sa lupain. Naroon ang panunumpa, pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw, at pangangalunya; sila’y gumagawa ng karahasan, upang ang pagdanak ng dugo ay masundan ng pagdanak ng dugo. (Hoseas 4:1-2).
Si Amos ay nangaral sa hilagang kaharian sa maikling panahon bago ito sinakop ng Asiria. Nag-alok si Amos ng huling pagkakataon para sa pagsisisi. Hinarap ni Amos ang Israel sa kanyang kasalanan. Ang nag-aangking “bayan ng Diyos” ay nagkasala ng bawat kasalanan mula sa mga kahila-hilakbot na panlipunang kawalang-katarungan hanggang sa kahiya-hiyang mga gawaing sekswal. Ang mayayamang Israelita ay nagpataw ng di-makatarungang multa at ginamit ang pera upang bumili ng alak para sa pagdiriwang na panrelihiyon (Exodo 22:26; Amos 2:8). Dahil ang kanilang pamumuhay ay makasalanan, ang kanilang pagsamba ay walang kahulugan. Sinabi ng Diyos:
Aking kinapopootan, aking hinahamak ang inyong mga kapistahan, at hindi ako malulugod sa inyong mga takdang pagtitipon. Bagaman inyong inihahandog sa akin ang inyong mga handog na sinusunog at mga handog na butil, hindi ko iyon tatanggapin; ni akin mang pagmamasdan ang mga handog pangkapayapaan ng inyong mga pinatabang hayop. Ilayo mo sa akin ang ingay ng iyong mga awit; hindi ako makikinig sa himig ng iyong mga alpa. (Amos 5:21-23).
Kahit pagkatapos ng pagpapatapon, sinubukan ng Judah na ipalit ang ritwal sa lubos na pagsunod. Noong 516 BC, sinimulang muling itayo ng mga tao ang Templo. Bagaman gumagawa sila ng gawaing panrelihiyon, ang kanilang buhay ay hindi dalisay. Ipinaalaala ni Ageo sa mga tao na ang isang saserdote na humipo ng bangkay ay nagiging marumi. Sa katulad na paraan, ang karumihan na sanhi ng kasalanan ng mga tao ay nagparumi rin sa kanilang gawain sa Templo. (Ageo 2:10-14). Ang mga ritwal na walang katuwiran ay mga kilos na walang laman; ang kabanalan ay higit pa sa ritwal.
Nagbabala muli si Malakias na tinanggihan ng Diyos ang pagsamba ng Juda. “Hindi ko kayo kinalulugdan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at hindi ako tatanggap ng handog mula sa inyong kamay.” (Malakias 1:10). Tumanggi ang Diyos na tanggapin ang mga handog ng Juda dahil sa kasalanan ng mga tao.
Ang mga Mga Aklat ng mga Propeta ay malinaw na nagsasalita: ang kabanalan ay higit pa sa ritwal. Ang isang taong hindi namumuhay nang matuwid na buhay ay hindi banal. Hindi natin maaaring sambahin ang Diyos nang may maruming kamay.
Ang Buhay na Banal ay Higit pa kaysa sa Propesyon ng Pangalan ng Diyos
Tinanggihan ng Diyos ang mga taong nag-angkin ng kanyang pangalan dahil ayaw nilang talikuran ang kanilang mga kasalanan. Sa Bagong Tipan, nagbabala si Hesus:
Hindi lahat ng nagsasabi sa akin “Panginoon, Panginoon,” ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. Sa araw na iyon ay marami ang magsasabi sa akin, “Panginoon, Panginoon, hindi ba nagpropesiya kami sa iyong pangalan, at nagpalayas ng mga demonyo sa iyong pangalan, at sa iyong pangalan ay gumawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?” At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila, “Hindi ko kayo kilala kailanman; lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan!” (Mateo 7:21-23).
[1]Ang kabanalan ay higit pa sa pagpapahayag ng pangalan ng Diyos. Ang kabanalan ay nasa loob ng katuwiran na nakikita sa panlabas na pag-uugali. Inaasahan ng Diyos ang isang banal na puso at banal na mga kamay.
Ngayon, tulad noong araw ni Jeremias, ang Diyos ay nagsasalita sa mga pastor na nagtatayo ng mga magagarang mansyon mula sa mga handog ng mga mahihirap. “Kahabag-habag siya na nagtatayo ng kanyang bahay sa kawalang-katuwiran, at ng kanyang mga silid sa itaas sa pamamagitan ng kawalang-katarungan” (Jeremias 22:13).
Ngayon, tulad ng panahon ni Amos, nagsasalita ang Diyos sa mga musikero ng iglesya na namumuhay nang makasalanan. “Ilayo mo sa akin ang ingay ng iyong mga awit; hindi ako makikinig sa himig ng iyong mga alpa.” (Amos 5:23).
Ngayon, tulad ng sa panahon ni Mikas, ang Diyos ay nagsasalita sa mga negosyante na inaangkin ang pangalan ni Hesus habang nandaraya ng mga mamimili. “Ipinakita niya sa iyo, O tao, kung ano ang mabuti. At ano ang itinatakda ng Panginoon sa iyo, kundi ang gumawa na may katarungan, at umibig sa kaawaan, at lumakad na may kapakumbabaan na kasama ng iyong Diyos?” (Mikas 6:8).
Ang kabanalan ay higit sa ritwal o propesyon. Ngayon, tulad ng panahon ng mga propeta, hinahanap ng Diyos ang matuwid na asal.
Pinakamapagmahal na Panginoon,
Bigyan mo ako ng matatag na puso;
Bigyan mo ako ng di nalulupig na puso;
Bigyan mo ako ng isang matuwid na puso;
Bigyan mo ako ng pang-unawa upang makilala kita; tiyaga upang hanapin ka, at katapatan upang yakapin ka.
-Sinipi kay Thomas Aquinas
Ang Kabanalan ay Katwiran
Ang isang banal na puso ay nakikita sa matuwid na asal. Ang isang banal na puso ay makikita sa banal na mga kamay. Hindi maaaring angkinin ng Israel na sila’y banal na bayan habang nabubuhay ng di-matuwid na buhay.
Sapagkat ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, ang kanyang bayan ay dapat maging matuwid. Ang bayan ng Diyos ay dapat magkaroon ng katangian ng kanilang Diyos. Ang mga sumasamba sa mga diyos-diyosan ay nagsasagawa ng moral na katangian ng kanilang mga idolo; ang mga sumasamba kay Jehova ay dapat magkagayon sa moralidad ni Jehova. Ang layunin ng Diyos ay lumikha ng isang matuwid at banal na mga tao.
Inilarawan ni Isaias ang katangian ng Diyos. “Ang Panginoon ay dinakila, sapagkat sa mataas siya’y tumatahan, kanyang pupunuin ang Zion ng katarungan at katuwiran” (Isaias 33:5). Sa parehong mensahe, inilarawan ni Isaias ang taong matuwid na maaaring mabuhay sa presensya ng Diyos.
Sino sa atin ang makatatahang kasama ng lumalamong apoy? Sino sa atin ang makatatahang kasama ng walang hanggang pagsunog? Siyang lumalakad nang matuwid, at nagsasalita nang matuwid; siyang humahamak ng pakinabang ng pang-aapi, na ipinapagpag ang kanyang mga kamay, baka mayroon silang hawak na suhol, na nagtatakip ng kanyang mga tainga sa pagdinig ng pagdanak ng dugo, at ipinipikit ang kanyang mga mata sa pagtingin sa kasamaan; (Isaias 33:14-15).
Tanging isang tao na may matuwid at makatarungan na katangian ng Diyos ang maaaring mabuhay sa presensya ng Diyos. Ang mga taong banal ay kumikilos katulad ng Diyos; isinasalamin nila ang likas na katangian ng isang banal na Diyos.
Ang Kabanalan Ay Pangloob na Katwiran: Ang Puso
Nagsisimula ang tunay na katuwiran sa puso. Alam ng mga propeta na ang mga ritwal ng Batas ay hindi sapat sa kanilang sarili. Ang panlabas na pagsunod nang walang panloob na katuwiran ay humahantong sa pagpapaimbabaw. Ang katuwiran ay nagsisimula sa puso.
Tinanggihan ng Israel ang Batas sapagkat tinanggihan niya ang Diyos na nagbigay ng Batas. Ang pagsuway ay nagsisimula sa puso. Sinira ng Israel ang mga utos ng Diyos dahil ang kanilang puso ay sumunod sa kanilang mga diyos-diyosan (Ezekiel 20:16). Nakita ng Diyos na ang kanilang puso ay huwad (Hoseas 10:2).
Ang pagsuway ay nagsisimula sa puso; ang katuwiran ay nagsisimula sa puso. Nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ni Isaias, “Makinig kayo sa akin, kayong nakakaalam ng katuwiran, ang bayan na ang puso ay kinaroonan ng aking kautusan.” (Isaias 51:7). Yaong mga nakakaalam ng katuwiran ay yaong mga nagtataglay ng kautusan ng Diyos sa kanilang puso.
Tinatanaw nina Jeremias at Ezekiel ang araw kung kailan itatatag ang kautusan ng Diyos sa mga puso ng bayan ng Diyos.
Ngunit ito ang tipan na aking gagawin sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon: Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat iyon sa kanilang mga puso; at ako’y magiging kanilang Diyos at sila’y magiging aking bayan. (Jeremias 31:33).
Bibigyan ko sila ng isang puso, at lalagyan ko sila ng bagong espiritu. Aalisin ang batong puso sa kanilang laman, at aking bibigyan sila ng pusong laman, upang sila’y makasunod sa aking mga tuntunin, at maganap ang aking mga batas at magawa ang mga iyon. Sila’y magiging aking bayan at ako’y magiging kanilang Diyos. (Ezekiel 11:19-20).
Ang katuwiran ay nagsisimula sa puso. Si Joel ay nanawagan sa mga tao na magsisi hindi lamang sa mga panlabas na gawain. Ang pag-aayuno at pag-iyak ay dapat magmula sa isang pusong nagsisisi.
“Gayunma’y ngayon,” sabi ng Panginoon, “manumbalik kayo sa akin nang inyong buong puso, na may pag-aayuno, at may pagtangis, at pagdadalamhati. At punitin ninyo ang inyong mga puso at hindi ang inyong mga damit.” Manumbalik kayo sa Panginoon ninyong Diyos; sapagkat siya’y mapagbiyaya at mahabagin, hindi magagalitin, at sagana sa tapat na pag-ibig at nalulungkot sa kasamaan. (Joel 2:12-13).
Ang mga panlabas na pagpapakitang-tao ay hindi sapat. Ang katuwiran ay dapat magsimula sa puso.
Ang Kabanalan Ay Pang-labas na Katwiran: Ang Mga Kamay
Sa Mga Aklat ng mga Propeta, ang moral na pag-uugali ay ang pangsukat sa kabanalan. Ang kabanalan ay nangangailangan ng matuwid na pagkatao at asal. Ang isa sa pinakasimpleng paglalarawan sa Lumang Tipan tungkol sa isang matuwid na buhay ay nagmula sa Mikas. Tinukoy ni Mikas ang mga inaasahan ng Diyos para sa kanyang mga tao.
Ipinakita niya sa iyo, O tao, kung ano ang mabuti. At ano ang itinatakda ng Panginoon sa iyo, kundi ang gumawa na may katarungan, at umibig sa kaawaan, at lumakad na may kapakumbabaan na kasama ng iyong Diyos? (Mikas 6:8).
Ito ang kahulugan ng pamumuhay ng isang matuwid na buhay: katarungan at awa sa ibang tao, at kapakumbabaan patungo sa Diyos. Sa mga Aklat ng mga Propeta ang katarungan, habag, at kababaang-loob ay tumutukoy sa isang matuwid na buhay.
Ang Katwiran Ay Katarungan at Awa Sa Ibang Tao
Gusto ng ilang tao na paghiwalayin ang puso at ang mga kamay. Sinasabi nila, “Ang aking puso ay banal, ngunit ang aking mga kamay ay makasalanan. Gustung-gusto ko ang Diyos sa aking puso, ngunit hindi ko makapamumuhay ng isang matuwid na buhay.” Hindi pinapayagan ng mga Aklat ng mga Propeta ang paghihiwalay na ito. Ang isang banal na puso ay makikita sa panlabas na katuwiran. Ang dalisay na puso ay magreresulta sa tamang asal. Ang banal na mga tao ay may mga banal na kamay.
Tinukoy ni Zacarias ang katuwiran bilang tamang asal sa iba.
Ganito ang sinasabi ng Panginoon ng mga hukbo, “Magbigay kayo ng tunay na hatol, magpakita ng kaawaan at kahabagan ang bawat isa sa kanyang kapatid. Huwag ninyong apihin ang balo, ni ang ulila man, ang dayuhan, ni ang dukha man; at sinuman sa inyo ay huwag mag-isip ng kasamaan sa inyong puso laban sa kanyang kapatid.” (Zacarias 7:9-10).
Si Amos ay nangaral sa isang bansa na nakalimutan na ang katuwiran. Ang Israel ay naging “na ginagawa ninyong mapait na kahoy ang katarungan, at inihahagis sa lupa ang katuwiran!” Ano ang solusyon sa lubos na pagtalikod sa relihiyon ng Israel? “Paagusin ninyo ang katarungan na parang tubig, at ang katuwiran na parang batis na patuloy na umaagos.” (Amos 5:7, 24).
Ibinahagi ni Isaias ang pagmamahal ni Amos para sa katuwiran. Ang unang mensahe ni Isaias ay tumatawag sa Judah sa isang matuwid na buhay:
Maghugas kayo ng inyong sarili, maglinis kayo; alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa sa aking paningin; tumigil kayo sa paggawa ng kasamaan, matuto kayong gumawa ng mabuti; inyong hanapin ang katarungan, inyong ituwid ang paniniil; inyong ipagtanggol ang mga ulila, ipaglaban ninyo ang babaing balo. (Isaias 1:16-17).
Nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ni Jeremias upang tawagin ang Juda sa katarungan at katuwiran.
Ganito ang sabi ng Panginoon: “Gumawa kayo nang may katarungan at katuwiran, at iligtas ninyo ang ninakawan mula sa kamay ng mapang-api. At huwag ninyong gawan ng masama o karahasan ang mga dayuhan, ang mga ulila at ang mga balo, o magpadanak man ng walang salang dugo sa dakong ito.” (Jeremias 22:3).
Ang pamantayan ng Diyos para sa kanyang bayan ay katarungan, katuwiran, at awa. Kinailangan ng Diyos ang kanyang bayan na mamuhay nang matuwid, upang kumilos tulad ng pagkilos ng Diyos.
Ang Katuwiran Ay Kapakumbabaan Patungo sa Diyos
Hinahanap ng Diyos ang mga taong nagtatrato sa iba nang may katarungan at awa; ito ang dapat na saloobin natin sa ating kapwa. Tinitingnan ng Diyos ang mga taong lumalakad sa harap niya nang may kapakumbabaan; ito ang dapat nating maging saloobin sa Diyos.
Sumamba ang Juda sa mga diyos-diyosan sa isang mataas at matayog na bundok. Sumagot ang Diyos sa pamamagitan ng pagpapaalala sa Juda na siya lamang ang Nag-iisang tunay na naninirahan sa mataas na dako.
Sapagkat ganito ang sabi ng Mataas at Matayog na tumatahan sa walang hanggan, na ang pangalan ay Banal: “Ako’y naninirahan sa mataas at banal na dako, at gayundin sa may pagsisisi at mapagpakumbabang-loob, upang buhayin ang loob ng mapagpakumbaba, at upang buhayin ang puso ng may pagsisisi.” (Isaias 57:7, 15).
Naaabot natin ang mataas at matayog na Diyos sa pamamagitan ng isang magsisisi at mapagpakumbabang espiritu. Kalakip ng pagiging matuwid ang pagiging mapagpakumbaba patungo sa Diyos. Ito ang tunay na kabanalan.
Si Hoseas ay nangaral sa isang bansang tumalikod sa Diyos. Alam ng propeta na tatanggihan ng bansa ang kanyang mensahe. Ngunit kahit na ang bansa ay tumangging magsisi, nagtapos si Hoseas na may paanyaya sa mga indibidwal na Israelita na humahanap sa Diyos. Bagaman maaaring tanggihan ng bansa ang Diyos, ang matuwid na tao ay maaari pa ring lumakad sa mga daan ng Diyos. Pararangalan ng Diyos ang taong nagpaparangal sa kanya. Pagpapalain ng Diyos ang taong lumalakad sa katuwiran.
Sinuman ang pantas, unawain niya ang mga bagay na ito; sinumang may pang-unawa, alamin niya ang mga ito; sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay matuwid, at nilalakaran ng mga taong matuwid, ngunit natitisod sa mga iyon ang mga makasalanan. (Hoseas 14:9).
Ang Pagsasabuhay ng Kabanalan: Ang Etika ng isang Buhay na Banal
Nagsisimula ang kabanalan sa puso, ngunit nakikita ito sa panlabas na pag-uugali. Sa pagtatalaga ng Templo, hinamon ni Solomon ang mga tao, “Kaya’t maging tapat nawa ang inyong puso sa Panginoon nating Diyos, na lumakad sa kanyang mga tuntunin, at sundin ang kanyang mga utos, gaya sa araw na ito” (1 Mga Hari 8:61). Ang panloob na kabanalan ay nagbubunga ng panlabas na kabanalan; kung ikaw ay banal sa pang-loob, ikaw ay mabubuhay nang matuwid sa pang-labas.
Ang mga propeta ay sumalungat sa mga sinaunang Israel na nagtuturo na hindi dapat sundin ng bayan ng Diyos ang kautusan ng Diyos. Tinututulan ng mga propeta ang mga nasa iglesya ngayon na nagtuturo na hindi maaaring lubos na matugunan ng Kristiyano ang mga hinihiling ng Diyos para sa banal na pamumuhay.
Maraming mga mangangaral ngayon ang nagtuturo, “Sinasabi ng batas ng Diyos na mamuhay nang matuwid, ngunit alam niya na hindi mo matutupad ang kanyang batas.” Hindi iyon ang mensahe ng mga propeta. Sinabi ng mga propeta, “Sinasabi ng batas ng Diyos na mamuhay nang matuwid; ito ang hinihiling ng Diyos. Ang bayan ng Diyos ay susunod sa batas ng Diyos.”
Ang isang halimbawa mula sa Kautusan ni Moises ay magpapakita kung paano nakakaapekto ang isang banal na puso sa ating pang-araw-araw na pagkilos. Sinabi ng Diyos, “Huwag mong gigipitin ang iyong kapwa o pagnakawan siya. Ang sahod ng isang upahang lingkod ay hindi dapat manatili sa iyo sa buong gabi hanggang sa umaga.” (Levitico 19:13). Sa sinaunang mundo, ang isang manggagawa ay binabayaran sa pagtatapos ng bawat araw. Walang mga checking account o credit card. Ang bayad sa Lunes ay ibinibili ng pagkain para sa araw ng Martes. Ang pagtanggi na bayaran ang isang manggagawa sa bawat araw ay magpapahirap sa kanila na bumili ng pagkain. Sinabi ng Batas, “Bayaran mo ang iyong mga manggagawa sa katapusan ng bawat araw. Ang isang matuwid na mangangalakal ay haharapin nang may katarungan ang kanyang mga manggagawa.”
Nakita natin ang diin sa katuwiran, katarungan, at awa sa mga Propeta. Ang mga Pangkalahatang mga Liham sa Bagong Tipan ay nagbabahagi ng parehong mensahe. Ito ay nakikita nang malinaw sa sulat ni Santiago. Isinulat ni Santiago sa mga nag-aangkin na bayan ng Diyos, ngunit hindi namumuhay nang matuwid. Ipinakikita niya na ang tunay na kabanalan ay nakikita sa matuwid na pamumuhay.
Ang mga banal na tao ay gumagawa ng higit pa kaysa sa nagpapahayag ng kabanalan; maka-Diyos ang kanilang pamumuhay. “Ngunit maging tagatupad kayo ng salita, at hindi tagapakinig lamang, na dinadaya ninyo ang inyong mga sarili.” (Santiago 1:22).
Ang mga banal na tao ay nagpapakita ng pakikiramay sa mga ulila at mga babaing balo. “Ang dalisay na relihiyon at walang dungis sa harapan ng ating Diyos at Ama ay ito: ang dalawin ang mga ulila at ang mga balo sa kanilang kahirapan, at panatilihin ang sarili na hindi nadungisan ng sanlibutan.” (Santiago 1:27).
Ang mga banal na tao ay walang kinikilingan maging ito’y mga mayaman o mahihirap. “Subalit kung kayo’y nagpapakita ng pagtatangi, kayo ay nagkakasala at kayo’y inilalantad ng kautusan bilang mga lumalabag.” (Santiago 2:9).
Kinokontrol ng mga banal na tao ang kanilang pananalita. “Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa pananalita, ito ay isang taong sakdal, may kakayahang pigilan ang buong katawan.” (Santiago 3:2).
Ang mga banal na mangangalakal ay tumatrato sa kanilang mga manggagawa nang may katarungan. “Tingnan ninyo, ang sahod ng mga manggagawa na gumapas sa inyong mga bukid na inyong ipinagkakait ay umiiyak; at ang pag-iyak ng mga umani ay nakarating sa pandinig ng Panginoon ng mga hukbo.” (Santiago 5:4).
[1]Binabago ng kabanalan kung paano tayo nabubuhay sa bawat bahagi ng ating buhay, kabilang ang ating negosyo at karera. Ang banal na tao ay namumuhay nang matuwid. Kung tayo ay banal sa harap ng Diyos, kikilos tayo nang maayos sa harap ng iba. Ang mensahe ng mga propeta at mga apostol ay malinaw: ang isang banal na puso ay bumabago sa ating mga aksyon. Ang mga banal na tao ay mabubuhay nang matuwid sa lahat ng bahagi ng buhay. Ang layunin ng Diyos ay makahubog ng mga taong matuwid sa kanilang puso at sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Ano ang larawan ng katuwiran sa pang-araw-araw na buhay? Ano ang hitsura ng kabanalan sa ating pang-araw-araw na pakikipag-ugnayan sa mundo sa ating paligid? Tingnan natin ang ilang mga halimbawa sa tunay na buhay. Ang lahat ng ito ay nagmula sa mga taong nagsasabing sila ay banal. Binago ang mga pangalan. Nakalulungkot, totoo ang mga kuwento.
Si Pastor Tomas ay isang manggagawa. Ang kanyang trabaho bilang manggagawa ay sumusuporta sa kanyang ministeryo bilang isang pastor ng ebanghelikong iglesya. Bumili si Tomas ng isang kasangkapan sa halagang ₱1,000.00. Ginamit niya ito para sa pagtatayo ng bahay at pagkatapos, hindi na niya kailangan ang kasangkapan. Nang handa na siyang ibenta ang kasangkapan, sinabi niya sa bumibili, “Noong bago ito, binili ko ito sa halagang ₱2,000.00. Ibibenta ko ito sa iyo sa halagang ₱1,500.00.”
Sinabi ni Pastor Tomas, “Iyon ay magandang negosyo. Tumubo ako sa pamamagitan ng pagpapalaki ng orihinal na presyo na aking binayaran. Walang kailangang makaalam. Tutal, gagamitin ko ang pera para sa gawain ng Diyos.” Sinabi ng Diyos, “Ang banal na tao ay tapat sa kanilang pakikitungo sa negosyo.” Sumulat si Pablo:
Huwag kayong magsinungaling sa isa’t isa, yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ang mga gawa nito, at kayo’y nagbihis na ng bagong pagkatao (Colosas 3:9-10).
Si Elizabeth ang sekretarya para sa isang negosyo. Nang dumalaw ang kanyang pastor sa kanyang bahay, sinabi niya, “Kung kailangan po ninyo ng anumang mga gamit sa opisina, maaari ko itong ibigay sa inyo. Mag-uuwi ako ng mga lapis, papel, at iba pang mga bagay mula sa trabaho. Walang sinuman ang nakapapansin.”
Sinabi ni Elizabeth, “Maliit na bagay lamang.” Sinasabi ng Diyos, “Ang mga banal na tao ay tapat kahit sa maliliit na bagay.” Isinulat ni Pablo na ang mga “nilikha ayon sa wangis ng Diyos sa tunay na katuwiran at kabanalan” ay mabubuhay sa isang bagong paraan:
Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi magtrabaho at gumawa siya sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay ng mabuting bagay, upang siya’y may maibahagi sa nangangailangan. (Efeso 4:24, 28).
Nagpapatakbo si Joshua ng isang negosyo. Dapat siyang magtabi ng mga rekord at magbayad ng mga buwis sa pagtatapos ng taon. Noong nakaraang taon, kumita si Joshua ng ₱50,000.00 sa kanyang negosyo, ngunit nang magbayad siya ng kanyang mga buwis, nag-ulat siya ng tubo na ₱40,000.00. Kung minsan nagbabayad siya ng suhol sa isang opisyal ng gobyerno upang makakuha ng magandang kontrata.
Sinabi ni Joshua, “Alam ko kung paano ang takbo ng negosyo sa aking bansa. Kailangan kong “maglagay ng ‘grasa sa mga gulong’” para sa aking kumpanya. Bukod doon, nagbabayad ako ng ikapu at ginagamit ang aking pera para sa mabubuting layunin. Sinasabi ng Diyos, “Ang mga banal na tao ay tapat sa kanilang pakikitungo sa gobyerno.” Isinulat ni Pablo sa mga mamamayan ng Imperyong Mga Taga-Romano: Ang bawat tao ay magpasakop sa mga namamahalang awtoridad. (Mga Taga-Roma 13:1).
Hindi nalulugod si Abigail sa kanyang trabaho. Gusto niyang gugulin ang kanyang oras na nagtatrabaho para sa iglesya. Sa halip, may trabaho siyang paglilinis ng mga bahay para sa mga mayayaman. Binabayaran siya sa trabaho mula 8:00 a.m. hanggang 5:00 p.m., ngunit madalas siyang dumarating nang huli at umaalis nang maaga. Sinabi ni Abigail sa kanyang pastor, “Mas gugustuhin kong mag-ukol ng oras sa pagdarasal sa umaga at magtrabaho nang huli. Mas gugustuhin kong umalis sa trabaho nang maaga at pumunta sa iglesya sa gabi. Wala akong pakialam tungkol sa pagtatrabaho sa buong oras na binabayaran ako upang magtrabaho.”
Sinabi ni Abigail, “Hindi naman malalaman ng amo ko kung hindi ako nagtatrabaho nghustong oras.” Sinabi ng Diyos, “Ang mga taong banal ay tapat sa kanilang pag-uugali sa trabaho. Ibinibigay nila ang kanilang pinakamahusay sa lahat ng lugar kung saan inilalagay ng Diyos ang mga ito.” Sumulat si Pablo:
Mga alipin, sumunod kayo sa lahat ng mga bagay sa mga panginoon ninyo sa lupa, hindi naglilingkod kung may tumitingin, na gaya ng pagbibigay-lugod sa mga tao, kundi sa katapatan ng puso, na may takot sa Panginoon. Anuman ang inyong ginagawa, ay inyong gawin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao; yamang inyong nalalaman na sa Panginoon ay tatanggapin ninyo ang gantimpalang mana. Paglingkuran ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo. (Colosas 3:22-24).
Si John ay isang misyonero. Minamahal niya ang Diyos at nagsusumikap, ngunit ang kanyang dila ay matalim! Maraming beses, ang mga tao sa paligid niya ay nasasaktan sa pamamagitan ng kanyang masasakit na mga salita.
Sabi ni John, “Sinasabi ko lang kung ano ang iniisip ko! Kailangan mong tanggapin kung ano ang paraan ko.” Sinabi ng Diyos, “Pinipigilan ng banal na tao ang kaniyang dila.” Isinulat ni Santiago:
At ang dila’y isang apoy. Ang dila na kasama ng ating mga sangkap ay isang sanlibutan ng kasamaan… Sa pamamagitan nito ay pinupuri natin ang Panginoon at Ama, at sa pamamagitan nito ay nilalait natin ang mga taong ginawa ayon sa larawan ng Diyos. Mula sa iisang bibig ay lumalabas ang pagpupuri at panlalait. Mga kapatid ko, hindi dapat maging ganito. (Santiago 3:6-10).
► Sa iyong kultura, ano ang mga bahagi ng tukso sa etika para sa mga Kristiyano? Saang bahagi pinakanatutukso ang mga Kristiyano na ipakita ang kawalang katapatan sa kanilang pang-araw-araw na buhay? Paano tinutugunan ng mensahe ng isang banal na buhay ang bahaging ito ng tukso?
“Ang kabanalan ay nangangahulugan ng walang dungis na paglakad ng mga paa, walang-bahid na pakikipag-usap gamit ang dila, walang malay na pag-iisip – bawat detalye ng buhay sa ilalim ng pagsusuri ng Diyos.”
- Oswald Chambers
Natagpuan Niya ang Sikreto - Chiune Sugihara
Si Chiune Sugihara ay isang Kristiyanong Hapon na nagtrabaho para sa Ministeryong-Banyaga o Foreign Ministry sa Manchuria. Noong 1939, ipinadala siya sa Lithuania upang maglingkod bilang konsul ng Hapon. Doon niya nakilala ang isang babaeng Judio at narinig kung paano pinangangasiwaan ng gobyerno ng German Nazi ang mga Hudyo.
Nakipag-ugnayan si Sugihara sa kanyang gobyerno na humihingi ng pahintulot na magbigay ng bisa sa mga Hudyong tumatakas mula sa Alemanya at Poland. Tinanggihan ng gobyerno ng Hapon ang kahilingan ni Sugihara.
Noong tag-araw ng 1940, alam ni Sugihara na dapat niyang ipakita ang katarungan at awa. Sinabi niya sa kanyang asawa, “Ayaw kong sumuway sa aking pamahalaan. Ngunit hindi ko maaaring suwayin ang Diyos. Dapat kong sundin ang aking budhi.”
Nagsimulang magbigay si Sugihara ng sulat-kamay na visa upang makalabas para sa mga takas. Tinataya na iniligtas niya ang buhay ng halos 10,000 na Hudyo na sana ay papatayin ni Hitler. Nang maglaon, nahuli si Sugihara ng hukbo ng Rusya at nanatili ng 18 buwan sa isang bilangguan sa Russia. Nang siya ay palayain mula sa bilangguan at ipinadala pabalik sa Japan, tinanggal siya sa tungkulin ng Ministeryong-Banyaga o Foreign Ministry dahil sinuway niya ang kanilang mga utos.
Matapos matanggal sa trabaho, wala nang hanapbuhay si Sugihara. Nahirapan siya maging sa pagbili man lang ng pagkain ng kanyang pamilya. Nang ang mga kaapu-apuhan ng mga Hudyo na iniligtas niya sa nagdaang panahon ay hinanap siya, itinanggi ng pamahalaang Hapon na nagtrabaho siya sa kanila. Sa wakas, noong 1968, natagpuan ng isang nakaligtas na Judio si Sugihara at dinala siya sa Israel.
Nakatanggap si Sugihara ng maliit na pagkilala sa lupa para sa kanyang mga sakripisyo, ngunit sinunod niya ang Diyos dahil siya ay matuwid. Alam ni Sugihara na ang isang anak ng Diyos ay dapat na mamuhay nang matwid. Hindi niya maaaring balewalain ang paghihirap ng mga nakapaligid sa kanya. Alam niya na ang pagiging matuwid ay ang gumawa ng hustisya, mahalin ang awa, at lumakad nang may pagpapakumbaba sa Diyos. Ipinamuhay ni Chiune Sugihara ang isang banal na buhay.
Isang Tungkuling Meron Ako Na Dapat Kong Tuparin - Charles Wesley
Isang tungkuling kailangan kong tuparin
Isang Diyos na dapat luwalhatiin,
Iligtas ang isang kaluluwang di-mamamatay
At ihanda ito para sa Langit
Upang maglingkod sa kasalukuyang panahon
Tuparin ang pagkatawag sa akin:
O nawa’y lahat kong lakas ay ibuhos
Sa paggawa ng kalooban ng aking Panginoon!
Sandatahan mo ako ng malasakit,
Upang mamuhay sa Iyong Paningin;
At ang Iyong lingkod, Panginoon ay ihanda
Isang mahigpit na pagsusulit ang ibibigay!
Tulungan mo akong magmasid at manalangin
At sa Iyo lamang umaasa,
May katiyakan, kapag ang tiwala ko’y nawawala.
Ako’y mamamatay sa walang hanggan.
Aralin 6 sa Isang Pahina
(1) Upang maging banal ay maging matuwid, parehong sa loob at sa labas.
(2) Pinahintulutan ng Israel ang panlabas na ritwal at propesyon upang palitan ang tunay na katuwiran.
(3) Kung walang matuwid na buhay, ang mga relihiyosong ritwal at propesyon ay walang kabuluhan.
(4) Ang katuwiran ay dapat na sa pang-loob - dapat itong maging pagsunod mula sa puso.
(5) Dapat maging pang-labas ang katuwiran-dapat itong makaapekto sa kung paano natin tinatrato ang mga nakapaligid sa atin.
(6) Ang mga propeta ay nagturo na ang Diyos ay nangangailangan ng tatlong bagay sa isang taong matuwid:
Katarungan tungo sa ibang tao
Awa tungo sa ibang tao
Kapakumbabaan tungo sa Diyos
(7) Inulit ng mga Liham sa Bagong Tipan ang mensahe ng matuwid na pamumuhay. Ang isang banal na tao ay dapat na mabuhay ng isang etikal at matuwid na buhay.
Mga Takdang Aralin sa Aralin 6
(1) Sumulat ng isang sanaysay na 2-3 pahina sa “Pagiging Matuwid sa Mundo Ngayon.” Kumuha ng isang lugar na kung saan ang etikal na kasalanan ay karaniwang tinatanggap at ipinapakita kung ano ang itinuturo ng Biblia tungkol sa lugar na ito ng kasalanan. Magbigay ng praktikal na pagtuturo para sa mga taong iyong pinaglilingkuran.
(2) Simulan ang susunod na sesyon ng klase sa pamamagitan ng pagbigkas sa Mikas 6:8.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.