Nawala ang lahat kay Job. Ang kanyang kayamanan ay nawala. Ang kanyang mga anak ay namatay sa isang bagyo. Ang kanyang kalusugan ay nawasak. Siya ay nakaupo sa isang tumpok ng abo nang nagkakaskas ng mga bukas na mga sugat gamit ang isang pirasong basag na palayok. Sinabi sa kanya ng kanyang asawa na sumpain ang Diyos at mamatay. Inakusahan siya ng mga kaibigan niya ng mga kasamaan. Yaong mga nagparangal sa kanya sa nakaraang panahon ngayon ay nililibak siya.
Sa kanyang pagdurusa, hindi nanalangin si Job na, “Diyos, ibalik ang aking kayamanan” o kahit na “Diyos, pagalingin mo ang aking katawan.” Sa halip, sumigaw siya, “O kung alam ko lamang kung saan ko siya matatagpuan, upang ako’y makalapit maging sa kanyang upuan!” (Job 23:3). Nanangis si Job sapagkat hindi niya makita ang Diyos na lubos niyang kilala. “Ako’y lumalakad pasulong ngunit wala siya roon; at pabalik, ngunit hindi ko siya maunawaan; sa kaliwa ay hinahanap ko siya, ngunit hindi ko siya namataan, bumaling ako sa kanan, ngunit hindi ko siya mamasdan.” (Job 23:8-9).
Naaalala ni Job ang mga araw nang ang pagkakaibigan ng Diyos ay nasa aking tolda (Job 29:4). Ngunit ngayon:
Inihagis ako ng Diyos sa lusak, at ako’y naging parang alabok at abo. Ako’y dumadaing sa iyo, at hindi mo ako sinasagot; ako’y tumatayo, at hindi mo ako pinapakinggan. Sa akin ikaw ay naging malupit, sa kapangyarihan ng kamay mo, ako’y iyong inuusig. (Job 30:19-21).
Ito ay ang sigaw ng isang tao na nararamdaman ang pagtataksil mula sa kanyang pinakamalapit na kaibigan. Ito ay ang sigaw ng isang tao na nagmahal sa Diyos.
Ang kuwento ni Job ay hindi nagtatapos sa kawalan ng pag-asa. Matapos magsalita ang Diyos mula sa ipoipo, tumugon si Job, “Narinig kita sa pakikinig ng tainga, ngunit ngayo’y nakikita ka ng aking mata” (Job 42:5). Hindi naaliw si Job dahil sa pagbabalik ng kanyang mga ari-arian, kalusugan, o pamilya, kundi ng pagbabalik ng presensya ng Diyos. Naaliw si Job nang makita niya ang Diyos. Ang yaman, kalusugan, at pamilya ni Job ay naibalik sa kalaunan, ngunit hindi ito ang susi sa ginhawa ni Job. Si Job ay isang banal na tao; minamahal ni Job ang Diyos.
Ang Kabanalan sa Poetic na mga Libro: Pagmamahal sa Diyos
► Ano ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos? Paano magiging tunay na nagmamahal sa Diyos ang iyong mga prayoridad para sa iyong oras at pera? Paano maaapektuhan ng pag-ibig sa Diyos ang iyong pananaw sa kanyang mga utos?
Ang aklat ng Job at ang Mga Mga Awit ay uulit sa mensahe na nakita natin sa Limang mga Aklat ni Moises: ang kabanalan ay relasyon sa Diyos. Tayo ay banal lamang habang nabubuhay tayo sa kaugnayan sa Diyos. Ang pagiging banal ay nangangahulugang ganap na mahalin ang Diyos.
Si Enoc, Noe, at Abraham ay banal sapagkat lumakad sila kasama ng Diyos. Sa katulad na paraan, si Job at si David ay banal dahil lumakad sila kasama ng Diyos. Ang Aklat ng Job ay nagkukuwento tungkol sa isang tao na nagmahal sa Diyos nang husto. Ang Aklat ng Mga Mga Awit ay naglalaman ng mga panalangin at mga Mga Awit ng isang tao na ang pinakadakilang kagalakan ay matalik na pakikisama sa Diyos.
Ang Mga Banal na Tao ay Nagagalak sa Diyos
[1]Ang mga banal na tao ay nagagalak sa Diyos; natatagpuan nila sa Kanya ang kanilang pinakamalalim na kagalakan. Ang kumukontrol na pagnanais ng isang banal na tao ay ang mabigyang kaluguran ang Diyos.
Sa mga sumusukat sa kabanalan sa pamamagitan ng isang listahan ng mga “gagawin at hindi dapat gawin,” ito ay tila simple. Maraming tao ang nag-iisip ng kabanalan bilang tungkulin lamang, sa halip na kasiyahan. Ipinakikita ng Kasulatan na ang mga banal na tao ay nalulugod sa Diyos. Walang higit na ninanas si Job kundi ang pagpapanumbalik ng kanyang kaugnayan sa Diyos. Nagpatotoo si David sa kagalakan ng isang matalik na kaugnayan sa Diyos. Natagpuan niya ang kanyang pinakamalalim na kagalakan sa Diyos.
May isang guro na nagtuturo sa isang lungsod kung saan ang inuming tubig ay hindi ligtas. Isang mainit na araw, nakalimutan niyang dalhin ang kanyang water filter/salaan ng tubig. Nang matapos ang kanyang klase, iisa lamang ang nasa isip niya, “Kailangan ko ng tubig!” Kung papipiliin mo siya: ₱100 o isang baso ng malinis na inuming tubig, siguradong pipiliin niya ang tubig. Dahil tunay na siya’y nauuhaw, ang tubig ay mas mahalaga kaysa sa anupamang bagay.
Nang gabing iyon, tinanong niya ang kanyang sarili, “Nauuhaw ba ako para sa Diyos katulad ng pagkauhaw ko ngayon para sa tubig? Mas mahalaga ba siya sa akin kaysa sa anumang bagay sa mundong ito?”
Si David ay nauuhaw sa Diyos. “Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos, gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos. Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos, sa buháy na Diyos.” (Mga Awit 42:1-2). Inihambing ni David ang kanyang pagnanais sa Diyos sa uhaw ng isang tumatakbong usa. Ang pinakananais ng usa ay ang tubig; ang pinakadakilang pagnanais ng banal na tao ay ang matalik na kaugnayan sa Diyos. Ang isang banal na tao ay “nagugutom at nauuhaw sa katuwiran” (Mateo 5:6).
Pinaghahambing ng Mga Mga Awit/Salmo ang mga kaluguran ng mga makasalanan sa kasiyahan ng isang banal na tao. Ang mga makasalanan ay nagagalak sa digmaan; sila ay nalulugod sa mga kasinungalingan; gustung-gusto nila ang pagmumura (Mga Awit 62:4; Mga Awit 68:30; Mga Awit 109:17). Sa kabaligtaran, natatagpuan ng mga banal na tao ang kalubusan ng kagalakan sa presensya ng Diyos; gustung-gusto nila ang bahay ng Diyos at ang lugar kung saan naninirahan ang kanyang kaluwalhatian (Mga Awit 16:11; Mga Awit 26:8). Tinutukoy ng salmista, “liban sa iyo’y wala akong anumang ninanasa sa lupa” (Mga Awit 73:25). Natutuklasan ng mga banal ang kanilang pinakamalalim na kaluguran sa Diyos.
Ipinakikita ng Mga Awit 63 ang kagandahan ng pagninilay sa Diyos. Si David ay tumatakas mula kay Saul. Ang kanyang buhay ay nasa panganib. Sa sitwasyong iyon, ano ang iisipin mo? Karamihan sa mga tao ang matutukso na pagbulaya ang panganib. Sinabi ni David, “Naaalala kita sa aking higaan, ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi” Kahit nasa panganib, ang mga kaisipan ni David ay nasa Diyos. Natagpuan niya ang pagmumuni-muning ito bilang nakasisiya tulad ng masaganang pagkain (Mga Awit 63:5-6).
Ang mang-aawit ng Mga Mga Awit ay nalulugod sa Diyos; siya ay may pag-ibig sa Diyos. Ang mga taong banal ay nagagalak sa Diyos. Isaalang-alang ng ilang sandali: Ano ang nakauuhaw sa iyo? Nagagalak ka ba sa Diyos?
Ang Mga Banal na Tao ay Nagagalak sa Batas ng Diyos
Ang banal na tao ay nalulugod sa kautusan ng Diyos. Ipinakikita ng Mga Mga Awit na ang batas ng Diyos ay hindi isang banta sa kanyang mga tao; Gustung-gusto ng mga banal na tao ang kautusan ng Diyos. Sinabi ni David, “Kinaluluguran kong sundin ang iyong kalooban, O Diyos ko” (Mga Awit 40:8). Hindi siya nahirapang sundin ang Diyos; natagpuan niya ang kagalakan sa pagsunod sa Diyos.
Ang kagalakan sa batas ng Diyos ay tumatakbo sa lahat ng mga Mga Awit. Ang tema ng Mga Awit 119 ay Salita ng Diyos. Pakinggan ang kagalakan ni David:
Buksan mo ang aking mga mata upang makita ko, ang kahanga-hangang mga bagay sa kautusan mo. (Mga Awit 119:18).
Ang kautusan ng iyong bibig ay higit na mabuti sa akin kaysa libu-libong pirasong ginto at pilak. (Mga Awit 119:72).
Dumating nawa sa akin ang iyong habag upang ako’y mabuhay, sapagkat ang kautusan mo’y aking katuwaan. (Mga Awit 119:77).
O, mahal na mahal ko ang iyong kautusan!Ito’y siya kong binubulay-bulay sa buong araw. (Mga Awit 119:97).
O Panginoon, ang iyong pagliligtas ay aking kinasasabikan, at ang iyong kautusan ay aking kasiyahan. (Mga Awit 119:174).
Ang batas ng Diyos ay nagpapakita ng pagmamahal ng Diyos.
“O Panginoon, ang lupa ay punô ng tapat na pag-ibig mo, ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo!” (Mga Awit 119:64). Ipinakikita ng Diyos ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng kanyang kautusan: “Pakitunguhan mo ang iyong lingkod ng ayon sa iyong tapat na pag-ibig, at ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin.” (Mga Awit 119:124). Ang mga banal na tao ay nalulugod sa kautusan ng Diyos sapagkat alam nila na ang kautusan ng Diyos ay nagpapakita ng pag-ibig ng Diyos.
Sinabi ni Moises na ang pagkamasunurin ng Israel sa kautusan ng Diyos ay magpapanibugho sa ibang mga bansa sa kanilang karunungan!
Tuparin ninyo at inyong gawin, sapagkat ito ang inyong magiging karunungan at kaalaman sa paningin ng mga tao na makakarinig ng mga tuntuning ito, at magsasabi, “Tunay na ang dakilang bansang ito ay matalino at may pagkaunawa.” (Deuteronomio 4:6).
Tinanong ni Moises, “At aling dakilang bansa ang may mga tuntunin at mga batas na napakatuwid na gaya ng buong kautusang ito na aking inilagay sa harapan ninyo sa araw na ito?” (Deuteronomio 4:8). Hindi inalipin ng kautusan ng Diyos ang Israel; pinagpala ng batas ng Diyos ang Israel.
[2]Ngayon, karaniwan na marinig ang mga mangangaral na nagtuturo na ang batas ng Diyos ay isang mabigat na pasanin na hindi masunod. Sinasabi ng ilang mga Kristiyano na ang batas ng Diyos ay isang “tudlaan” na walang makakaabot. Gayunpaman, si Moises, si David at iba pang mga banal sa Lumang Tipan ay nagalak sa batas ng Diyos. Naniniwala sila na ito ay isang kagalakan upang igalang ang pangalan ng Diyos at ang Araw ng Pamamahinga ng Diyos. Ayaw nilang yumukod sa mga huwad na diyos-diyosan.
Hindi sila naniniwala na magiging mas maligaya sila kung nilapastangan nila ang kanilang mga magulang, pumapatay at nangangalunya, o nagnakaw at nagsinungaling. Alam nila na mas mainam na maging kontento kaysa sa pagnasaan kung ano ang pagmamay-ari ng kanilang kapwa. Ang batas ng Diyos ay hindi isang pasanin. Ibinigay ng Diyos ang kanyang batas mula sa isang pusong may pag-ibig. Ang batas ang gumagabay sa mga banal na tao sa kanilang kaugnayan sa isang banal na Diyos. Ang batas ng Diyos ay kasiya-siya sa kanyang mga tao.[3]
Inihahayag ng kautusan ng Diyos ang katangian ng Diyos.
Kung minamahal natin ang Diyos, mamahalin natin ang kanyang batas. Ipinahayag ng salmista, “Kahanga-hanga ang mga patotoo mo, kaya’t sila’y iniingatan ng kaluluwa ko.” (Mga Awit 119:129). Hindi sinabi ni David, “Ang iyong kautusan ay mahirap, subalit susubukan kong sumunod.” Hindi; Sinabi ni David, “Ang batas ng Diyos ay kahanga-hanga!”
Ang mga banal ay nalulugod sa kautusan ng Diyos. Minamahal ng salmista ang kautusan ng Diyos dahil alam niya na ang batas ay higit pa sa isang listahan ng mga alituntunin; Ipinahayag ng kautusan ng Diyos ang katangian ng Diyos.
► Basahin ang Mga Mga Awit 111 at 112.
Ang Mga Mga Awit 111 at 112 ay magkatambal na Mga Awit. Sama-sama, ipinakikita nila ang kahalagahan ng kautusan ng Diyos para sa banal na tao. Inilarawan sa Mga Awit 111 ang karakter ng Diyos: Ang Diyos ay matuwid, mabait, at maawain.
Nagsimula ang Mga Awit 112, “Mapalad ang tao na natatakot sa PANGINOON, na lubos na nagagalak sa kanyang mga utos!” Ang taong nalulugod sa mga utos ng Diyos ay pagpapalain. Paano? Siya ay magiging katulad ng Diyos. Siya ay magiging “mapagbiyaya, maawain, at matuwid.” Ito ang parehong katangian na naglalarawan sa Diyos sa Mga Awit 111. Sa ating kaluguran sa kautusan ng Diyos, tayo ay nagiging higit na katulad ng Diyos.
Ang Pentateuch ay nagtuturo na ang isang banal na tao ay sumasalamin sa larawan ng Diyos. Ang Mga Mga Awit 111 at 112 ay nagpapakita na ang isang tao na nalulugod sa kautusan ng Diyos ay nabago sa larawan ng Diyos. Ang taong nalulugod sa kautusan ng Diyos ay nagiging katulad ng Diyos.
Kung tunay na mahal natin ang Diyos, tutuparin natin ang kautusan ng Diyos. Itinanong ni David, “Sinong aakyat sa bundok ng Panginoon? At sinong tatayo sa kanyang dakong banal?” Sino ang maaaring mabuhay sa presensya ng Diyos? Isang taong may malinis na kamay at isang dalisay na puso (Mga Awit 24:3-4). Ang pamumuhay sa presensya ng Diyos ay nangangailangan ng pagsunod sa kautusan ng Diyos. Ipinakikita ng Mga Aklat ng Tula na hinihingi ng Diyos ang pagsunod sa mga nag-aangking nagmamahal sa kanya.
Ipinakikita rin ng Aklat ng Tula na ang Diyos ay ginagawang possible ang matapat na pagsunod. Ito ang pangako ng Diyos sa mga nagmamahal sa kanya.
Ang kuwento ni Job ay nagsisimula, “May isang lalaki sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job. Ang lalaking iyon ay walang kapintasan, matuwid, may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan.” (Job 1:1). Nang akusahan ng kasalanan ni Elipaz si Job, tumugon si Job:
Lubos na sumunod sa kanyang mga hakbang ang mga paa ko, ang kanyang landas ay aking iningatan, at hindi ako lumiko. Ako’y hindi humiwalay sa utos ng kanyang mga labi; pinagyaman ko ang mga salita ng kanyang bibig sa aking dibdib. (Job 23:11-12).
Maaaring magtanong ang isang tao, “Paano sasabihin ni Job na hindi niya nilabag ang mga utos ng Diyos? Ang bawat tao’y nagkakasala araw-araw.” Tumugon si Job, “Mahal ko ang Diyos at nagagalak ako sa maingat na pagsunod sa kanya.” Naglakad si Job nang malapit sa Diyos. Iningatan niya ang “utos ng kanyang mga labi.” Posible ba ang isang banal na buhay? Sumagot si Job, “Oo.” Alam ni Job na ginagawang possible ng Diyosang matapat na pagsunod sa mga umiibig sa kanya.
Ang banal na buhay ay hindi batay sa ating sariling lakas; ito ay mula sa pang-araw-araw na pagtitiwala sa Diyos. Si Job ay walang kapintasan hindi dahil di-karaniwan ang kanyang disiplina. Siya ay walang kapintasan dahil sa kanyang matalik na paglakad kasama ng Diyos. Naintindihan ni Job na hinihiling ng Diyos ang tapat na pagsunod at ginagawang posible ng Diyos matapat na pagsunod.
Ang katotohanang ito ay may malaking epekto sa pang-araw-araw na buhay ng mananampalataya. Hinihiling ng Diyos na ang kanyang mga tao ay maging banal at ginagawang banal ng Diyos ang kanyang mga tao. Sa pamamagitan niya na tayo ay ginawang banal at dalisay. Hinihingi ng Diyos ang kabanalan at ang Diyos ay nagbibigay ng kabanalan. Ang Diyos ay nagbibigay ng lahat ng bagay na hinihiling ng kanyang Salita.
Ang mga Nagagalak sa Diyos ay Tumatanggap ng Nais ng Kanilang Puso
Ipinakikita ng Mga Awit 37 ang resulta ng kasiyahan sa Diyos. “Sa Panginoon ikaw ay magpakaligaya, at ang mga nasa ng iyong puso sa iyo’y ibibigay niya.” (Mga Awit 37:4).
Iniisip ng ilang mga mambabasa na ang Mga Awit 37:4 ay nagtuturo, “Kung naglilingkod ako sa Diyos, ibibigay niya sa akin ang anumang hinihiling ko. Gagawin Niya akong mayaman.” Hindi nangangaral sa David ng ebanghelyo na nagsasabing,” Nais ng Diyos na ang kanyang mga anak ay maging mayaman.” Sinabi ni David ang isang bagay na mas mahalaga: “Kung ang iyong pinakamalalim na hangarin ay ang Diyos, ibibigay ng Diyos ang kanyang sarili sa iyo.” Kung nais mo ang Diyos, matatanggap mo ang Diyos.
Kung sumusunod ka sa Diyos upang makatanggap ka ng kalusugan, kayamanan, at katanyagan, ikaw ay mabibigo sa pamamagitan ng mensahe ng Mga Awit 37:4. Kung susundin mo ang Diyos para sa mga materyal na pagpapala, ikaw ay mabibigo kapag nakita mo na ang iyong gantimpala ay .... ang Diyos!
Para sa isang taong makasarili, ang pagtanggap sa Diyos ay hindi isang malaking gantimpala. Ang taong makasarili ay hindi nagnanais sa Diyos. Ngunit para sa isang taong nagnanais sa Diyos, ang Mga Awit 37:4 ay isang dakilang pangako. Sa banal na tao, ang Diyos ang pinakadakilang kaloob na posible.
Sa mga nagnanais sa kanya, ang Diyos ay nagbibigay ng malalim na ugnayan sa kanyang sarili. Ang kagalakan sa Diyos ay hindi laging nagdudulot ng pinansiyal na pagpapala o kalayaan mula sa pagdurusa. Ang mga taong nalulugod sa Diyos ay maaaring kinasusuklaman ng isang kaaway. Ang mga banal ay madalas na nagdurusa. Gayunman, natuklasan nina David at Job na kahit sa panahon ng pagdurusa, pinararangalan ng Diyos ang mga nagagalak sa kaniya.
Ang kabanalan ay pagmamahal sa Diyos. Ang mga banal na tao ay nagagalak sa Diyos; bilang tugon, malayang ibinibigay ng Diyos ang kanyang sarili sa mga nagugutom at nauuhaw sa kanya.
Iniisip natin na anumang hindi kasiya-siya ang siya nating tungkulin! Gayun ba ang espiritu ng ating Panginoon? "Nagagalak akong gawin ang Inyong kalooban, O Diyos ko.”
- Oswald Chambers
[3]Sinipi kay Dennis F. Kinlaw, This Day with the Master (Grand Rapids: Zondervan, 2004).
Ang Kabanalan sa Mga Ebanghelyo: Pagmamahal sa Diyos
Isang nagtuturo sa relihiyon ang nagtanong kay Hesus, “Guro, anong gagawin ko upang magmana ng buhay na walang hanggan?” Itinuro ni Hesus ang Batas ni Moises. “Ano ang nasusulat sa Kautusan? Paano mo ito binabasa?”
Sinipi ng abugado ang Deuteronomio 6:5 at Levitico 19:18. Ang mga Kasulatang ito ay nagbubuod sa Batas. “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong lakas mo, at nang buong pag-iisip mo, at ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” Sumagot si Hesus, “Tumpak ang sagot mo, gawin mo ito at mabubuhay ka.” (Lucas 10:25-28). Ang kabanalan ay perpektong pagmamahal.
Makalipas ang ilang buwan, si Hesus ay nasa Jerusalem. Ang isang eskriba ay nagtanong, “Alin ang pangunahing utos sa lahat?” (Marcos 12:28). Ang mga Pariseo ay nakabilang ng 613 na mga batas mula sa Lumang Tipan. Madalas nilang pinagtatalunan kung aling batas ang pinakamahalaga. Tumugon si Hesus:
Ang pangunahin ay, “Pakinggan mo Israel: Ang Panginoon nating Diyos, ang Panginoon ay iisa. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.” Ang pangalawa ay ito, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” Wala nang ibang utos na higit pang dakila sa mga ito. (Marcos 12:29-31).
Tinukoy ni Hesus ang kabanalan bilang pag-ibig sa Diyos at pagmamahal sa iba. Ang tunay na kabanalan ay ipinapahayag sa pamamagitan ng pag-ibig. Lumalago tayo sa kabanalan habang lumalago tayo sa pag-ibig na tulad ng kay Kristo. Ang pagiging banal ay ang pag-ibig gaya ng pagmamahal ni Hesus; ito ay perpektong pag-ibig.
Sa Aralin 5, nakita natin na ginagamit ng mga manunulat ng Lumang Tipan ang salitang “perpekto” upang tumukoy sa isang puso na hindi nahahati. Upang maging perpekto ay dapat na hindi nahahati ang katapatan ng isang tao sa pangako niya sa Diyos. Ginagamit ng mga manunulat ng Bagong Tipan ang salitang “perpekto” sa katulad na paraan. Iniutos ni Hesus sa kanyang mga tagasunod na “maging sakdal” (Mateo 5:48). Sa mga Ebanghelyo, nakita natin na upang maging perpekto ay magkaroon ng isang walang humpay na pag-ibig sa Diyos at sa ating kapwa. Upang maging perpekto ay umibig nang walang pag-aalinlangan. Ito ay perpektong pag-ibig.
Ang mensahe ng perpektong pag-ibig ay hindi bago sa mga Ebanghelyo. Ipinaalaala ni Hesus sa Israel na palaging hinihiling ng Diyos ang pag-ibig sa Diyos at pagmamahal sa ating kapwa. Ipinakikita ng Deuteronomio 6 na ang pag-ibig ang pundasyon ng Batas. Ang pagsunod nang walang pag-ibig ay humahantong sa ligalismo. Itinuro ni Hesus na upang maging banal dapat ibigin ang Diyos. Kung minamahal natin ang Diyos, susundin natin siya. Ang pagiging banal ay pagmamahal sa Diyos nang buong puso mo.
Ang pag-ibig sa Diyos ay higit pa sa damdamin. Tinukoy ni John Wesley ang pag-ibig sa Diyos sa ganitong paraan:
…upang magkaroon ng kasiyahan sa kanya, magalak sa kanyang kalooban, patuloy na pagnanais na mapaluguran siya, hanapin at matagpuan ang ating kaligayahan sa kanya, at kauhawan sa araw at gabi ang mas lubos na kasiyahan sa kanya.[1]
Binabago ng pag-ibig sa Diyos ang buong direksyon ng ating buhay. Ang kasiyahan sa Diyos ay nagiging ating pinakamataas na ambisyon at ang ating pinakamalaking kagalakan. Ipinakita ni Hesus kung ano ang ibig sabihin ng ganap na pag-ibig sa Diyos. Sa Hesus, nakikita natin ang banal na pag-ibig na hinahangad ng Diyos para sa bawat Kristiyano.
Ipinakita ni Hesus ang Perpektong Pag-ibig para sa Diyos sa Kanyang Buhay
Nagpakita si Hesus ng perpektong pagmamahal para sa kanyang Ama. Si Hesus ay namuhay sa masayang pagsuko sa kalooban ng kanyang Ama. Hindi ito ang ipinatutupad na pagpapasakop ng isang alipin; ito ay ang mapagmahal na pagpapasakop ng isang anak.
Ang pagtukso ay nagpapakita ng pagmamahal ni Hesus sa Ama.
Bago simulan ang kanyang paglilingkod sa publiko, hinarap ni Hesus ang pagtukso sa ilang. Ang bawat pagtukso ay nakatuon sa pagsira sa kaugnayan ng Ama at ng Anak.
Tinukso ni Satanas si Hesus na laktawan ang Ama at magbigay ng tinapay para sa kanyang sarili. Tinukso ni Satanas si Hesus na talikuran ang pagsamba sa Ama upang makakuha ng awtoridad sa mga kaharian ng mundo. Tinukso ni Satanas si Hesus upang subukin ang Ama sa pamamagitan ng pagtalon mula sa tuktok ng Templo (Lucas 4:1-12). Ang bawat pagtukso ay isang pagsubok sa pagmamahal ni Hesus sa Ama. Tumugon si Hesus sa pagpapakita ng lubos niyang tiwala sa kanyang makalangit na Ama.
Sa halip na gawing tinapay ang bato, binanggit ni Hesus ang Deuteronomio 8:3: “Nasusulat, ‘hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao”‘ Ipinaalaala ni Moises sa Israel na ang Diyos ay naglaan ng mana sa disyerto; Maaaring magtiwala ang Israel sa mapagmahal na pagkakaloob ng kanilang Ama. Sa katulad na paraan, pinagkakatiwalaan ni Hesus ang mapagmahal na probisyon ng Ama.
Sa halip na yumukod kay Satanas, binanggit ni Hesus ang Deuteronomio 6:13; “Dapat mong sambahin ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang paglilingkuran mo.” Dahil minamahal niyang ganap ang Diyos, tinanggihan ni Hesus ang tukso na yumukod kay Satanas.
Sa halip na subukan ang kanyang Ama sa pamamagitan ng paglukso mula sa taluktok ng Templo, binanggit ni Hesus ang Deuteronomio 6:16: “Huwag ninyong susubukin ang Panginoon ninyong Diyos,” Sapagkat lubos niyang minahal ang Diyos, tumanggi si Hesus na subukan ang pangako ng proteksyon ng Ama.
Ang paglilinis ng templo ay nagpapakita ng pagmamahal ni Hesus sa Ama.
Kahit na bata pa, mahal ni Hesus ang bahay ng kanyang Ama (Lucas 2:49). Mahal niya ang kanyang Ama, kaya mahal niya ang bahay ng kanyang Ama.
Nang makita ni Hesus ang di-tapat na mga negosyante sa Templo, tumugon siya nang may matuwid na galit.
Gumawa siya mula sa mga lubid ng isang panghagupit at itinaboy niya silang lahat papalabas sa templo kasama ang mga tupa at mga baka. Ibinuhos din niya ang salapi ng mga mamamalit, at itinaob ang kanilang mga mesa. (Juan 2:15).
Bakit nagalit si Hesus? Dahil nilalapastangan ng mga mangangalakal na ito ang bahay ng kanyang Ama: “Huwag ninyong gawing bahay-pamilihan ang bahay ng aking Ama.” (Juan 2:16). Mahal ni Hesusang kanyang Ama at tumugon nang galit na galit sa kawalang respeto sa bahay ng kanyang Ama.
Si Hesus ay may normal na emosyon ng tao. Sa harap ng kasamaan, nadama niya ang galit - ngunit hindi siya nagkasala (Marcos 3:5; Efeso 4:26). Hindi pinawi ng kabanalan ang damdamin ni Hesus. Sa halip, dahil siya ay banal, ang damdamin ni Hesus ay nagpapakita ng damdamin ng kaniyang Ama. Nagalit si Hesus sa mga bagay na ikinagalit ng kanyang Ama.
Ang pagpapasakop ni Hesus ay nagpapakita ng pagmamahal niya sa Ama.
Sa kanyang mensahe ng pamamaalam, itinuro ni Hesus ang kanyang pagsunod bilang patotoo sa kanyang pagmamahal sa Ama. “Ginagawa ko ang ayon sa iniutos sa akin ng Ama, upang malaman ng sanlibutan na minamahal ko ang Ama.” (Juan 14:31). Ipinakita ni Hesus ang kanyang pagmamahal sa Ama sa pamamagitan ng handang pagsuko sa kalooban ng Ama. Ito ay perpektong pag-ibig.
Kahit sa panghuling pagsubok, si Hesus ay masunurin sa kalooban ng Ama. Alam ni Hesus na magtitiis siya ng isang kahiya-hiyang pagsubok na sinundan ng hindi mailarawan ng isip na sakit sa krus. Siya ay mahihiwalay mula sa Ama dahil sa kasalanan ng tao. Si Hesus ay nanalangin, “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito” (Lucas 22:42). Hinarap ni Hesus ng Nazaret ang pinakahuling pagsubok ng pagpapasakop sa Ama.
Sa kanyang pagiging tao, nanalangin si Hesus para sa pagkakatubos. Ngunit sa kanyang pigiging tao, ipinakita ni Hesus ang kanyang pagnanais na magpasakop sa Ama. “Gayunpaman, hindi ang aking kalooban, kundi ang sa iyo,” ay nagpapakita si Hesus ng ganap na pag-ibig sa Ama sa pamamagitan ng kanyang pagsuko sa kalooban ng Ama.
Ang buhay ni Hesus ay nagbibigay ng isang modelo ng perpektong pag-ibig. Ang pagiging banal ay ang pag-ibig sa Diyos tulad ng pagmamahal ni Hesus sa kanyang Ama.
Itinuro ni Hesussa Kanyang Mga Tagasunod na Lubusang Mahalin ang Diyos
Ang pagmamahal sa Diyos ay higit pa sa damdamin. Ito ay isang pangmatagalang pangako na bumabago sa mga pangunahing priyoridad ng ating buhay. Tinukoy ni Hesus ang pag-ibig sa ganitong paraan:
Kung ang sinuman ay lumalapit sa akin at hindi napopoot sa kanyang sariling ama, ina, asawang babae, mga anak, mga kapatid na lalaki, at mga kapatid na babae, at maging sa kanyang sariling buhay ay hindi maaaring maging alagad ko. Sinumang hindi nagpapasan ng kanyang sariling krus at sumusunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. (Lucas 14:26-27).
Para sa mga Hudyong tagapagturo, ang salitang “mapoot” ay nangangahulugan ng “mas mababang pag-ibig kaysa sa ibang bagay.” Ang tagasunod ni Hesus ay dapat umibig kay Hesus ng higit kaninoman, maging ang sarili niya. Iyan ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos - pag-ibig sa Diyos higit sa lahat.
Sinabi ni Hesus, “Walang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa, o kaya’y magiging tapat sa isa at hahamakin ang ikalawa” (Lucas 16:13). Ang pag-ibig ay eksklusibo. Kung mahal mo ang Diyos, siya ang pangunahin sa lahat ng bagay sa buhay.
Itinuro ni Hesus na ang tapat at handang pagsunod ay nagpapakita ng pagmamahal. “Siyang mayroon ng aking mga utos at tinutupad ang mga iyon ay siyang nagmamahal sa akin” Ang gantimpala para sa mapagmahal na pagsunod ay isang matalik na kaugnayan sa Diyos. “At ang nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama, at siya’y mamahalin ko, at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya.” (Juan 14:21).
Pagkalipas ng maraming taon, naalaala ni Juan ang mga salita ni Hesus sa silid sa itaas. Isinulat ni Juan, “Sinumang tumutupad ng kanyang salita, tunay na naging ganap sa taong ito ang pag-ibig ng Diyos.” (1 Juan 2:5). Ang kabanalan ay perpektong pag-ibig sa Diyos. Ang mga banal na tao ay kusang nagpapasakop sa kalooban ng Ama. Sinusunod ng mga banal na tao ang modelo ng pagkamasunurin ni Hesus.
Kapag minamahal natin ang Diyos, natutuwa tayong sundin ang kanyang kalooban. Kapag lubos na mahal natin ang Diyos, kusang loob nating ipapasakop ang ating kalooban sa kalooban ng ating Ama. Kapag minamahal natin ang Diyos nang perpekto, nananalangin tayo tulad ni David:
Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang aking puso; subukin mo ako, at alamin mo ang mga pag-iisip ko! At tingnan mo kung may anumang lakad ng kasamaan sa akin, at patnubayan mo ako sa daang walang hanggan. (Mga Awit 139:23-24).
Ang perpektong pagmamahal ay nagbibigay sa atin ng matinding pagnanais na bigyang lugod ang ating makalangit na Ama. Tinatanggihan natin ang anumang bagay na makagagambala sa ating kaugnayan sa kanya. Ang kabanalan ay perpektong pag-ibig sa Diyos.
Ang Kaugnayan sa pagitan ni Hesus at ng Ama ay isang Huwaran para sa mga Kristiyano
► Basahin ang Juan 17.
Nagbigay si Hesus ng larawan ng kabanalan sa kanyang Panalangin ng Punong Saserdote. Sa Juan 17, nanalangin si Hesus para sa kanyang sarili, para sa kanyang mga disipulo, at pagkatapos ay para sa lahat ng mga mananampalataya. Ipinakita ni Hesus na ang kanyang matalik na kaugnayan sa Ama ay ang huwaran para sa kaugnayan ng mga Kristiyano at ating Ama.
Nanalangin si Hesus para sa kanyang sarili (Juan 17:1-5).
Sa pagharap sa kamatayan, nagagalak si Hesus na natapos niya ang gawain na ipinagagawa sa kanya ng Ama: ”Pinarangalan kita sa lupa, nang matapos ko ang gawaing ibinigay mo sa akin.”
Sa dulo ng panalanging ito, sinabi ni Hesus,
Pabanalin mo sila sa katotohanan; ang salita mo ay katotohanan. Kung paanong ako’y iyong sinugo sa sanlibutan, sila ay sinugo ko rin sa sanlibutan. At dahil sa kanila’y pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay pabanalin sa katotohanan. (Juan 17:17-19).
Ang salitang Griego na ginamit nang tatlong beses sa mga talatang ito ay maaaring nangangahulugan ng “upang gawing banal” o “upang italaga at ibukod.” Dahil walang kasalanan si Hesus, hindi siya kailangang gawing banal. Sa panalanging ito, ang “pagpabanal” ay nangangahulugang “upang italaga at ibukod.” Ibinukod ni Hesus ang kaniyang sarili upang matapos ang gawain na ibinigay sa kaniya ng Ama. Inilaan ni Hesus ang kanyang sarili sa gawain na ibinigay sa kanya ng Ama.
Nanalangin si Hesus para sa kanyang mga alagad (Juan 17:6-19).
Nanalangin si Hesus na ang mga alagad ay mapabanal sa katotohanan. “At dahil sa kanila’y pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay pabanalin sa katotohanan.” Kung paanong ibinukod si Hesuspara sa paglilingkod sa mundo, nanalangin siya na ang mga disipulo ay itatakda rin para sa paglilingkod. Ang kaugnayan ng Anak at Ama ay isang modelo para sa kaugnayan ng mga disipulo at ng Ama. Habang sinusunod ng mga disipulo ang huwaran ni Hesus, inilaan sila upang ibahagi ang kanyang katotohanan sa mundo.
Nanalangin si Hesus para sa lahat ng mga mananampalataya (Juan 17:20-26).
Nanalangin si Hesus para sa lahat ng mga taong maniniwala sa kanya. Nanalangin siya na ang lahat ng mga Kristiyano ay makikibahagi sa pagkakaisa na taglay niya at ng Ama. Ipinanalangin ni Hesus na tayo ay maging ganap na isa. Ito ang parehong salita na ginamit sa Mateo 5:48: “Maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal.” Ang salitang ito ay nagpapahiwatig ng pagkatupad ng isang layunin. Ang layunin ay perpektong pag-ibig, ang pag-ibig na nakikita sa loob ng Trinidad.
Tayo bilang mga mananampalataya ay iniimbitahan na makibahagi sa banal na pag-ibig ng Ama at ng Anak. Nanalangin si Hesus “na ang pagmamahal mo (ang Ama) sa akin ay maging sa kanila rin, at ako sa kanila.” Ang pag-ibig sa pagitan ni Hesus at ng Ama ang huwaran para sa bawat mananampalataya. Ito ang ibig sabihin ng maging banal: upang magkaroon ng perpektong pagmamahal na ginawa ni Hesus.
Ang Pagsasabuhay ng Kabanalan:Minamahal Ko Ba ang Diyos?
May tanong si Simon para sa kanyang pastor. “Pastor, gusto kong maging banal. Tulad ni Abraham, gusto kong maging kaibigan ng Diyos. Ngunit may problema. Ginagawa ko ang ilang bagay na alam kong mali. Mahal ko ang Diyos, ngunit ayaw ko Siyang sundin. Maaari ba akong maging kaibigan ng Diyos kung hindi ko siya sinusunod?”
Sinagot ni Hesus ang tanong ni Simon mahigit 2,000 taon na ang nakararaan. “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.” (Juan 14:15). Hindi sinasabi ng Diyos, “Kung mahal mo ako, maaari kang manatili sa sinasadyang kasalanan.” Sa halip, sinabi ni Hesus, “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.” Nagpatuloy si Hesus, “Ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita” (Juan 14:24).
Sinasabi ng ilang nag-aangking Kristiyano ang kanilang pag-ibig sa Diyos habang patuloy silang namumuhay sa sinasadyang kasalanan. Sa mga taong ito, ang pagmamahal sa Diyos ay isang emosyon lamang. Sinasabi nilang mahal nila ang Diyos, ngunit hindi ito bumabago sa kanilang buhay. Gayunpaman, ang pagmamahal sa Diyos ay higit pa sa damdamin o pakiramdam. Ang pagmamahal sa Diyos ay nangangailangan ng kusang pagsunod sa kanyang mga utos.
Si Sarah ay may tanong para sa kanyang pastor. “Pastor, gusto kong maging banal. Tulad ni Job, nais kong maging walang kapintasan at matuwid. Ako ay maingat tungkol sa pagsunod sa bawat utos. Ngunit may problema. Hindi ko talaga minamahal ang Diyos. Sinusunod ko siya dahil sa takot na magagalit siya kung sumuway ako. Sumunod ako sa Diyos, ngunit hindi ko siya minamahal. Maaari ba akong maging banal kung hindi ko minamahal ang Diyos?”
Sinagot ni Hesus ang tanong ni Sarah mahigit 2,000 taon na ang nakararaan. Si Hesus ay nagbigay ng mensahe sa Iglesya sa Efeso. Pinuri niya ang kanilang mabubuting gawa at wastong doktrina. Pinuri niya sila dahil sa kanilang katapatan sa harap ng pag-uusig. Ngunit, sinabi niya, “Ngunit ito ang hindi ko gusto laban sa iyo: iniwan mo ang iyong unang pag-ibig.” Seryoso na tinukoy ni Hesus ang kanilang kakulangan ng pag-ibig, kaya’t siya ay nagbanta na aalisin ang kanilang ilawan mula sa lugar nito kung hindi sila magsisi at mabawi ang kanilang unang pag-ibig (Apocalipsis 2:2-5).
May mga Kristiyano ay naniniwala na makukuha nila ang pabor ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod, ngunit ang kanilang pagsunod ay hindi sinasamahan ng pagmamahal. Naniniwala sila na ang kabanalan ay isang bagay ng pagsunod sa isang listahan ng mga patakaran. Nakalimutan nila na ang ugat ng kabanalan ay ang pag-ibig sa Diyos.
Sa puso, sina Simon at Sarah ay kapwa may parehong ugat ng problema;sinuman sa kanilang dalawa ay hindi tunay na nagmamahal sa Diyos. Ang kawalan ng pagmamahal ni Simon sa Diyos ay nakikita sa pag-ayon niya sa sanlibutan. Sinasabi ng kamunduhan, “Mahal ko ang mundong ito kaysa sa pag-ibig ko sa Diyos.”
Ang kakulangan ng pagmamahal ni Sarah sa Diyos ay nakikita sa ligalismo. Sinasabi ng ligalismo, “Sinusunod ko ang Diyos hindi dahil sa pag-ibig kundi dahil sa pagnanais na tumanggap ng pabor mula sa Diyos.” Wala sa mga ito ang naguudyok ngpagmamahal para sa Diyos. Ang sagot kapwa sa pag-ayon sa sanlibutan at sa ligalismo ay pareho—ang pag-ibig sa Diyos.
Ang Sagot sa Pagka-makamundo: Pagmamahal sa Diyos
Ano ang ibig sabihin ng pagiging makamundo? Maraming beses, tinutukoy natin ang kamunduhan sa pamamagitan ng isang estilo ng damit, isang uri ng libangan, isang pagnanais para sa pampublikong pag-apruba, pagpapakita, o iba pang panlabas na palatandaan. Ang mga ito ay maaaring mga sintomas ng kamunduhan, ngunit ang pagiging makamundo ay mas malalim. Ito ang kailangang itanong upang bigyang kahulugan ang pagiging makamundo: “Ano ang nagdudulot sa akin ng tunay na kagalakan?”
Ang pagiging makamundo ay ang masiyahan sa daigdig na ito. Ang isang makamundong tao ay naghahanap ng tunay na katuparan mula sa mundong ito. Ang pagiging makamundo ay ang pagpapahalaga sa mga bagay ng mundong ito nang higit sa mga bagay ng Diyos.
Nakita ni Lot na ang Lambak ng Jordan ay natutubigan nang mabuti. “Pinili Niya ang lambak na napakaganda sa kanyang mga mata” (Genesis 13:10-11). Si Lot ay makamundo; Nagagalak siya sa mga kasiyahan sa mundong ito.
Inabandona ni Demas ang kaniyang ministeryo dahil natagpuan niya ang kaluguran sa mundong ito. Isinulat ni Pablo, “Sapagkat iniwan ako ni Demas, na umibig sa sanlibutang ito, at nagtungo sa Tesalonica” isang maunlad na lunsod (2 Timoteo 4:10). Si Demas ay makamundo; mahal niya ang mundong ito.
Natatagpuan ng isang maka Diyos ang kaniyang pinakamalalim na kaluguran sa Diyos. Isinulat ng salmista, “At liban sa iyo’y wala akong anumang ninanasa sa lupa.” (Mga Awit 73:25). Ang Salmista ay maka Diyos; minamahal niya ang Diyos.
Ang sagot sa kamunduhan ay hindi isang hanay ng mga patakaran. Ang sagot sa kamunduhan ay pag-ibig sa Diyos. Si Thomas Chalmers, isang pastor na Scottish noong ika-19 na siglo ang nangaral tungkol sa “Ang Ekspulsibong Kapangyarihan ng Bagong Pagmamahal” Sinabi ni Rev. Chalmers na mayroong dalawang bagay na dapat nating gawin kung gusto nating pigilan ang pagmamahal sa mundo.
1. Dapat nating hubarin ang isang bagay. Dapat nating kilalanin ang kahungkagan ng mundong ito. Habang nakikita natin ang kawalang-kabuluhan sa mga bagay ng mundong ito, ang ating pagmamahal sa mundong ito ay humihina. Ngunit iyon mismo ay hindi sapat.
2. Dapat nating palitan ang bagay na iyon. Dapat nating palitan ang pagmamahal sa mundong ito ng isang mas higit na kaibig-ibig. Kapag nagkaroon tayo ng pagmamahal sa Diyos, inaalis ng ating bagong pag-ibig ang lumang pag-ibig sa mundo.
Ang lunas sa pagmamahal sa mundong ito ay ang pagmamahal sa Diyos. Sinabi ni Hesus ang isang talinghaga tungkol sa isang mangangalakal na nagbenta ng lahat ng pag-aari niya upang bumili ng isang mahalagang perlas.
Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas; at nang makatagpo ng isang mamahaling perlas ay umalis at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon. (Mateo 13:45-46).
Isipin mo kung sinabi mo sa mangangalakal na ito, “Nalulungkot ako para sa iyo! Nakakalungkot na kailangan mong ibenta ang napakarami mong ari-arian.” Tatawa lamang sa iyo ang mangangalakal! Sasabihin niya. “Isang sakripisyo? Hindi ako nagsasakripisyo; bibili ako ng isang perlas na may napakalaking halaga. Ang mga bagay na ibinibenta ko ay walang halagakung ihahambing sa magandang perlas na ito.” Ang negosyante ay nakatagpo ng isang bagong pagmamahal. Siya ay nahulog sa pag-ibig sa isang bagay na nag-alis sa kanyang lumang pag-ibig.
Ang sagot sa kamunduhan ay matutong umibig sa Diyos. Ang pag-ibig sa Diyos ay mag-aalis ng ating pagmamahal sa salapi, sa palakpak, sa pagpapakitang-gilas, at sa lahat ng bagay na ginagamit ng mundo upang akitin ang bayan ng Diyos. Gustung-gusto ng mga banal na tao ang Diyos - at ang pagmamahal na iyon ay nag-aalis ng pagmamahal sa mundong ito.
Kapag taimtim nating ninanais na mabuhay ng isang banal na buhay, matutukso tayong lumampas sa prinsipyo ng Biblia ng “Kristiyanong Kalubusan” at nagiging ligalistikong “perpeksiyonismo.”
Ang Kristiyanong kalubusan ayon sa Biblia ay isang puso ng lubos na pag-ibig sa Diyos. Ang kasakdalan ng Kristiyano ay nagpapakita ng isang puso na nagsisikap upang mapaluguran ang Diyos sa bawat bahagi ng kanyang buhay. Kinikilala nito na kahit na ang matapat na puso ng pag-ibig ay hindi maaaring magdala sa atin sa isang antas ng perpektong pagganap. Tayo ay limitado sa pamamagitan ng ating kahinaan bilang tao. Ang isang banal na tao ay hindi kusang susuway sa batas ng Diyos, ngunit ang pinakabanal na tao ay patuloy na umaasa sa biyaya ng Diyos sa mga bahagi na hindi natin sinasadyang magkulang sa lubos na mga pamantayan ng tama at mali ng Diyos.
Ang “Perfectionism,” sa kabilang banda, ay umaakay sa atin na asahan ang perpektong pagganap sa bawat bahagi ng buhay. Ang pagiging perpekto ay nakatuon sa akin at sa pagganap ko bilang isang banal na tao sa halip na tumuon kay Hesus at sa kanyang kapangyarihan sa buhay ko.
Ang Perpeksiyonismo ay madalas na humantong sa isang ligalistik na pagsisikap upang matam ang pabor ng Diyos sa pamamagitan ng paghihiwalay. Kadalasan ay sumusukat sa kabanalan sa pamamagitan ng isang listahan ng mga bagay na hindi ko ginagawa (hindi ako naninigarilyo, hindi umiinom ng mga inuming nakalalasing, hindi ako nagsusuot ng mga damit na walang kahinhinan) o mga bagay na ginagawa ko (nag-aayuno ako, nananalangin ako, nagbibigay sa iglesya.)
Tulad ng nakita natin sa Aralin 4, nanaisin ng isang taong banal na manatiling hiwalay sa anumang bagay na hindi nakalulugod sa Diyos. Ang pagsasabing, “Mahal ko ang Diyos nang buong puso” at pagkatapos ay mamumuhay ng isang buhay na nagnanais na masiyahan ang makamundong mga pagnanasa ay mali.
Gayunpaman, hindi natin dapat pahintulutan ang ating pagnanais para sa isang hiwalay na puso at hiwalay na buhay upang patnubayan tayo sa isang punto ng paniniwala na masusukat natin ang ating kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng isang listahan ng “dapat gawin at hindi dapat gawin.” Ang kabanalan ay pangunahing matter ng puso at isang relasyon ng pag-ibig sa Diyos. Ang kaugnayan na iyan ay nagbigay inspirasyon sa ating pagnanais na mabuhay ng may kabanalan, hiwalay na buhay para sa Diyos. Ang kabaligtaran ay hindi gagana: Ang isang hiwalay na buhay na nakatuon sa sarili ay hindi kailanman nagbibigay ng inspirasyon sa isang relasyon ng pag-ibig sa Diyos.
Dapat nating hangarin na maging perpekto katulad ng iniutos ng Diyos. Hindi tayo maghangad nang pabor ng Diyos sa pamamagitan ng pagiging perpekto. Ang perpektong puso ay isang puso na lubos na nagmamahal sa Diyos.
► Alin ang mas malaking tukso sa iyong iglesya, kamunduhan o ligalismo? Talakayin kung paano ang isang malalim na pag-ibig sa Diyos ay maaaring magbigay ng tamang sagot sa alinman sa mga problemang ito. Talakayin ang mga praktikal nahakbang para mapalakas ang pagmamahal sa Diyos sa mga taong iyong pinag mi ministeryo han.
Ang Susi sa Isang Buhay na Banal: Pagmamahal sa Diyos
Mahal natin ang Diyos kung lubusan lamang natin siyang sinusunod. Lubos nating sinusunod ang Diyos kung tunay lamang natin siyang mahal. Bilang mga anak ng Diyos, maaari tayong kumilos sa paglilingkod sa Diyos bilang isang tungkulin. Maaari nating maabot ang punto kung saan nalulugod tayo sa paglilingkod sa kanya. Ang kagalakang ito ay darating lamang sa pamamagitan ng pagmamahal. Ang isang bata na sumusunod sa kanyang mga magulang dahil lamang sa takot o tungkulin ay hindi kailanman nakakatagpo ng kagalakan sa pagsunod. Ang isang bata na sumusunod dahil sa pagmamahal ay nahahanap ang pagkamasunurin bilang isang kagalakan.
Kapag pinag-aaralan ng isang bata ang byolin, dapat siyang magsanay araw-araw. Sa simula, ang pagsasanay ay maaaring maging tungkulin sa halip na isang kagalakan. Ngunit kung ang bata ay maging isang mahusay na byolinista, dapat niyang maabot ang punto kung saan ang pag-tugtog ng byolin ay higit pa sa isang tungkulin. Ito ay dapat na isang kasiyahan. Ang tungkulin ay kapag ang isang bata ay nagsasanay dahil ang kanyang ina ay nagsabi, “Dapat kang magsanay.” Ang kagalakan ay kapag ang isang bata ay tumutugtog dahil siya ay nasisiyahan sa pagtugtog. Ang totoong byolinista ay natutuwa sa tungkulin ng pagsasanay.
Totoo rin ito sa ating espirituwal na buhay. Binabasa ng isang taong banal ang Salita ng Diyos bilang isang espirituwal na disiplina, ngunit siya rin ay nalulugod sa Salita ng Diyos. Ang pagiging masunurin sa Diyos ay nagiging tungkulin at kasiyahan.
Isipin ang kaibahan kapag pinaglilingkuran natin ang Diyos dahil sa kagalakan,sa halip na tungkulin. Ang pagiging masunurin ay nagiging kagalakan, hindi isang pasanin. Ang panalangin, Salita ng Diyos, at mga disiplina ng buhay Kristiyano ay nagiging kagalakan. Ito ang kahulugan ng pagmamahal sa Diyos. Ang mga taong banal ay sumusunod na may kagalakan dahil mahal nila ang Diyos.
Si George Croly, isang paring Anglican noong ika-19 na siglo, ay nanalangin na alisin siya ng Diyos mula sa pagmamahal sa sanlibutan at puspusin siya ng isang dalisay na banal na pagnanais para sa Diyos. Ang himnong ito ay nananatiling isang makapangyarihang panalangin para sa bawat Kristiyano na naghahangad namahalin ang Diyos ng perpekto, walang pag-aalinlangang pagmamahal.
Espiritu ng Diyos, Bumaba Sa Aking Puso - George Croly
Espiritu ng Diyos, bumaba sa aking puso;
alisin ito mula sa sanlibutan; sa pamamagitan ng lahat ng pagkilos ngpulso nito;
pahintuin ang aking kahinaan, makapangyarihang gaya mo,
at pagandahin ako sa iyo kung ano ang dapat kong mahalin.
Turuan mo akong mahalin bilang minamahal ng iyong mga anghel,
isang banal na pagnanasa na pinupunan ang lahat ng aking frame;
ang bautismo ng bumaba mula sa langit na Kalapati,
ang aking puso ay isangdambana, at ang iyongpagibig ay ang apoy
Natagpuan Niya ang Sikreto - John Sung
Si John Sung ay isa sa mga pinakatanyag na ebanghelista ng ikadalawampung siglo. Siya ay anak ng isang pastor ng Methodist sa Fujian Province, China, at naging isang Kristiyano sa edad na siyam.
Si Sung ay dumating sa Estados Unidos upang mag-aral sa edad na 19. Isang magaling na mag-aaral, natapos ni John Sung ang kanyang bachelor’s, master’s, at PhD degrees sa kemika sa anim na taon lamang. Sa kasamaang palad, sa panahong ito, sinimulan ni Sung na mag-alinlangan sa mga aral ng Biblia na natutuhan niya mula sa kanyang ama.
Nagpasya si Sung na maglaan ng ng isang taon sa Union Theological Seminary upang hanapin ang mga sagot sa kanyang mga katanungan. Sa halip na magbigay ng mga sagot, ang mga liberal na propesor sa Union ay lalong nagpahina sa pananampalataya ni Sung.
Noong 1926, pumasok si John Sung sa isang serbisyo sa Harlem. Nang gabing iyon, isang 15 taong gulang na batang babae ang nagpatotoo tungkol sa pagbabago na ginawa ng Diyos sa kanyang buhay. Sinimulan ni Sung na maghanap ng isang nabagong relasyon sa Diyos. Ang mga propesor ng seminaryo ay kumbinsido na si John Sung ay may sakit sa pag-iisip at ang pangulo, si Henry Sloan Coffin, ay dinala at ipinasok si Sung sa hospital ng mga baliw. Sa kanyang 193 araw sa asylum, binasa ni John Sung ang buong Biblia ng 40 beses.
Kasunod ng kanyang paglaya, bumalik si John Sung sa China. Alam ni Dr. Sung na makakakuha siya ng posisyon sa pagtuturo sa anumang prestihiyosong unibersidad ng China. Gayunpaman, sa barko, tinawag ng Diyos si Sung sa isang mas malalim na pagsuko ng kanyang buhay. Isang araw, bilang isang simbolo ng kanyang pagsuko at bilang isang paraan upang masira ang anumang relasyon sa isang tungkulin sa pagtuturo, tinipon ni Dr. Sung ang kanyang mga diploma at akademikong mga parangal at inihagis ang mga iyon sa dagat.
Dumating si John Sung sa China hindi bilang “Dr. John Sung, Propesor ng Kemika” ngunit bilang “John Sung, Lingkod ng Diyos.” Si Sung ay nagsimulang mangaral at nagkaroon ng makapangyarihang ebanghelistikong ministeryo. Tinataya ng mga mananalaysay na mahigit sa 100,000 na tao ang napagbalik loob sa ministeryo ni John Sung sa pagitan ng kanyang pagbabalik sa China noong 1927 at ang kanyang kamatayan noong 1944 sa edad na 41.
Ang buhay ni John Sung ay nagpapakita na ang pagmamahal sa Diyos ay higit sa emosyon. Dahil sa kanyang pagmamahal sa Diyos, isinuko ni Dr. Sung ang kanyang ambisyon para sa isang prestihiyosong pagtuturo sa isang unibersidad sa China at sumagot sa tawag ng Diyos na mangaral. Dahil sa kanyang pag-ibig sa Diyos, isinuko ni John Sung ang ginhawa nang isang may mataas na bayad na posisyon at nanirahan sa isang simpleng buhay, kumakain ng pagkain ng isang magsasaka. Dahil sa kanyang pagmamahal sa Diyos, si John Sung ay gumugol ng oras bawat araw sa panalangin at pag-aaral ng Biblia. Ang kanyang buhay ay nasakop ng kanyang pagmamahal sa Diyos, at dahil sa pagmamahal na iyon, ginamit ng Diyos si John Sung upang ilapit ang libu-libong tao kay Kristo.
Aralin 7 sa Isang Pahina
(1) Upang maging banal ay dapat mahalin ang Diyos
(2) Ang mga taong banal ay natatagpuan ang kanilang pinakamalaking kagalakan sa Diyos.
(3) Dahil alam nila na ang utos ng Diyos ay sumasalamin sa kanyang pag-ibig, ang mga taong banal ay nagagalak sa mga utos ng Diyos.
(4) Ang mga nagagalak sa Diyos ay natatagpuan na ang Diyos ay ibinigay ang kanyang sarili para sa kanila.
(5) Nagbigay si Hesus ng perpektong modelo para sa ibig sabihin ng pagmamahal sa Diyos.
(6) Ang sagot sa kamunduhan ay isang malalim na pagmamahal sa Diyos.
(7) Ang sagot sa ligalismo ay isang malalim na pagmamahal sa Diyos.
Mga Takdang Aralin sa Aralin 7
(1) Isipin na sinabi sa iyo ng isang bagong Kristiyano, “Gusto kong magkaroon ng mas malalim na kaugnayan sa Diyos. Mahal ko ang Diyos, ngunit mahirap malaman kung paano lumago sa aking kaugnayan sa kanya. Hindi ko makita ang Diyos at sa gayon siya ay tila malayo. Ano ang maaari kong gawin?” Sumulat ng isang 1-2 pahinang liham kung saan tinutulungan mo ang mananampalatayang ito na maunawaan kung paano lumago sa kanyang relasyon sa Diyos. Magsama ng mga praktikal na hakbang sa pagbabasa ng Banal na Kasulatan, pagbuo ng buhay-panalangin, at pagbabahagi ng iyong pananampalataya. Sa iyong susunod na pagtitipon ng klase, dapat basahin ng bawat mag-aaral ang kanilang sagot at magkaroon ng panahon upang talakayin ang mga sagot.
(2) Simulan ang susunod na sesyon ng klase sa pamamagitan ng pag-sipi sa Markos 12:29‑31.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.