Sa pagtatapos ng araling ito, ang mag-aaral ay dapat:
(1) Pahalagahan ang kagandahan ng kabanalan ng Diyos at ang kanyang planong gawin tayong banal.
(2) Tanggihan ang mga maling konsepto ng kabanalan at kilalanin ang mga biblikal na konsepto patungkol sa kabanalan.
(3) Magkaroon ng kakayahang ipaliwanag sa isang bagong mananampalataya kung ano ang ibig sabihin ng pagiging banal.
(4) Maisaulo ang 1 Pedro 1:14-16.
Panimula
Ang kabanalan ay isa sa mga pangunahing sentrong tema ng Biblia. Ang mensaheng ito ay ipinakita sa buong Biblia. Sa Banal na Kasulatan, ipinakita sa atin ng Diyos kung sino siya: siya ay isang banal na Diyos. (Levitico 19:2). Pagkatapos, ipinakita ng Diyos sa atin kung sino tayo maaaring maging sa pamamagitan ng kanyang biyaya: maaari tayong maging taong banal. (1 Pedro 1:15-16).
Sa bawat totoong mananampalataya, mayroong kagutuman para sa kabanalan. Bilang mga anak ng Diyos, naghahangad tayong maging katulad niya. Nakalulungkot, marami sa mga modernong Iglesya ang tumanggap na sa maling ideya na imposible ang kabanalan. Sa halip na maghangad na maging katulad ni Kristo, maraming mga nagsasabing sila ay Kristiyano ang piniling manatili sa talunan, sa makasalanang buhay. Sa halip na isang matagumpay na buhay Kristiyano, maraming Kristiyano ang piniling manatili sa “pamamahala ng kasalanan.”
Mahigit sa 100 taon na ang nakalilipas, sinabi ni John Hyde, isang tanyag na misyonero sa India, “Ang kailangan natin ngayon ay ang muling pagpapanumbalik ng kabanalan.” Kung totoo ito noon, tiyak na totoo ito sa makasalanang mundo ng ika-21 siglo.
Kung ang kabanalan ay napakahalaga sa Diyos, dapat nating itanong, “Ano ang ibig sabihin ng maging banal?” Kung ang kabanalan ay inuutos sa Banal na Kasulatan, kailangan nating itanong, “Posible bang mabuhay nang may kabanalan?”
Sa kursong ito, matututuhan natin kung ano ang ibig sabihin ng Diyos kapag sinasabi niyang, “Magpakabanal kayo, sapagkat Ako ay banal.” Sa ating pagkaunawa sa mensahe ng kabanalan sa Biblia, makikita natin na ang banal na buhay ay posible para sa bawat Kristiyano. Kabilang sa bawat aralin ang tatlong elemento:
1. Pag-aaralan natin ang kahulugan ng mga biblikal na salita tulad ng “banal,” “pagpapabanal,” at “perpekto/ganap.” Ang bahaging ito ay isang Biblikal na teolohiya ng kabanalan.
2. Pag-aaralan natin ang mga praktikal na aspeto ng banal na buhay. Matututunan natin ang itinuturo ng Biblia tungkol sa isang banal na buhay, isang dalisay na puso, at isang katulad ni Kristo sa espiritu.
3. Titingnan natin ang buhay ng isang Kristiyano na nagpapakita kung ano ang ibig sabihin ng maging banal. Makikita natin kung paano kumikilos ang isang taong banal sa pang-araw-araw na buhay.
Banal na Kasulatan na Basahin at Talakayin
Bago magpatuloy sa araling ito, basahin nang maingat ang bawat sumusunod na talata ng Banal na Kasulatan at talakayin ang mga tanong. Ipakikilala nito ang ilan sa mga paksang ating pag-aaralan sa mga araling ito.[1]
► Basahin ang Levitico 19:2. Ayon sa talatang ito, bakit kailangang maging banal ng Israel?
► Basahin ang 1 Pedro 1:15-16. Anong uri ng pag-uugali ang dapat taglay ng mga mananampalataya?
► Basahin ang Hebreo 12:14. Ayon sa talatang ito, anong dalawang katangian ang dapat pagsikapan ng mga Kristiyano kung nais nilang makita ang Panginoon?
► Basahin ang 1 Mga Taga Tesalonica 4:3-8. Tinatawag ng Diyos ang bawat mananampalataya na umiwas sa anong mga kasalanan? Sa ano tinawag ng Diyos ang kanyang bayan?
► Basahin ang Apocalipsis 20:6. Ano ang espirituwal na katangian ng mga taong makikibahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli?
[1]Ang mga tanong na ito ay kinolektani Rev. Timothy Keep.
Ang Kagandahan ng Kabanalan
► Kapag naririnig mo ang isang tao na inilarawan bilang “banal,” anong larawan ang pumapasok sa iyong isip? Ang iyo bang larawan ay positibo o negatibo? Bakit?
Isang misyonero ang minsang dumalaw sa isang matandang pinunong Aprikano. Ang pinuno ay nagtanong, “Ano ang isang Kristiyano?” Sumagot ang misyonero, “Ang isang Kristiyano ay isang taong hindi nagnanakaw ng mga hayop ng kanyang kaaway. Ang isang Kristiyano ay hindi tatakas na kasama ang asawa ng kanyang kaaway. Ang isang Kristiyano ay hindi pumapatay ng kanyang kaaway.”
Sinabi ng pinuno, “Naiintindihan ko. Ang pagiging isang Kristiyano ay kapareho ng pagiging matanda! Noong bata pa ako, sinalakay ko ang aking kaaway at ninakaw ang kanyang asawa at mga baka. Ngayon ako ay sobrang tanda na upang salakayin ang aking kaaway; Ako ay isang Kristiyano!”
Nakalulungkot, ganito ang tingin ng maraming tao sa mensahe ng banal na buhay. Iniisip nila na ang kabanalan ay isang listahan lamang ng mga kasalanan na dapat maiwasan. Nalampasan nila ang kagandahan ng kabanalan gaya ng itinuro sa Salita ng Diyos.
Maling mga Ideya ng Kabanalan
Ang Diyos ay isang banal na Diyos. Ang bayan ng Diyos ay dapat maging banal. Ang mensaheng ito ay sentro ng Biblia. Gayunpaman, maraming mga maling paniniwala tungkol sa kabanalan.
1. May mga naniniwala na ilang tao lamang ang maaaring maging banal. Hinahati nila ang mga Kristiyano sa dalawang grupo. Ang unang grupo ay Kristiyano sa kanilang mga paniniwala, at tinanggap nila si Kristo bilang kanilang Tagapagligtas, ngunit hindi nila tapat na sinusunod ang Diyos sa kanilang mga aksyon at pag-uugali. Ang ikalawang grupo ay binubuo ng mga Kristiyano na nakarating sa mas mataas na antas - mga pari, pastor, o mga banal. Ayon sa ideyang ito, iilan lamang ang mga Kristiyanong banal.
2. May mga naniniwala na tayo ay magiging banal sa pamamagitan ng pamumuhay nang hiwalay sa ibang tao. Maraming taon na ang nakalilipas, ang ilang “taong banal” ay nagpunta sa disyerto upang doon mamuhay. Isang tao ang gumugol ng 37 taon sa isang platform na nakataas sa ibabaw ng lupa. Naniniwala siya na tayo ay magiging banal sa pag-iwas sa ibang tao.
3. May mga naniniwala namagiging banal lamang tayo kapag tayo ay namatay. Naniniwala sila na hindi natin matutupad ang layunin ng Diyos sa buhay na ito, ngunit tayo ay magiging banal kapag tayo ay namatay. Sa paniniwalang ito, ang kamatayan ay hindi ating kaaway kundi ang ating kaibigan. Sa kamatayan, ay nakamit natin sa wakas ang layunin ng Diyos para sa kanyang bayan.
4. May mga naniniwala namagiging banal tayo sa pagsunod sa mga alituntunin. Naniniwala sila na magiging banal tayo sa pagbibihis sa isang estilo o sa pamamagitan ng pagsunod sa isang listahan ng “dapat gawin at hindi dapat gawin.” Naniniwala sila na ang kabanalan ay tungkol sa panlabas na itsura, hindi sa isang nabagong puso.
5.May mga naniniwala na ang katibayan kung ang isang tao ay banal ay kung meron siyang isang espesyal na kaloob ng mga wika o mga himala. Sinusukat nila ang kabanalan hindi sa pamamagitan ng isang banal na buhay, ngunit sa pamamagitan ng mga tanda at kababalaghan.
6. Sa wakas, maraming tao ang naniniwala na ang kabanalan ay imposible! Naniniwala sila na ang kabanalan ay isang ideya na ibinigay ng Diyos upang hamunin tayo na gawin ang ating makakaya, ngunit hindi ito makatotohanan sa mundong ito. Sa paniniwalang ito, walang makagagawa sa utos ng Diyos na “Maging banal.”
Gayunpaman, ang utos ng Diyos na “maging banal” ay isang utos na nais niyang sundin natin. Ang Diyos ay isang mabuting Ama; hindi niya iniutos sa atin na gumawa ng isang bagay na imposible sa pamamagitan ng kanyang biyaya. Ang pagiging banal ay pagiging kung ano ang plano ng Diyos sa paglikha sa atin. Sa ating sariling kapangyarihan, ang isang banal na puso ay imposible, ngunit sa kapangyarihan ng Diyos, ang isang banal na puso ay posible para sa bawat mananampalataya. Ang kabanalan ay mula sa biyaya ng Diyos, hindi mula sa ating mga pagsisikap.
► Alin sa mga maling ideya ng kabanalang ito ang pinakakaraniwan sa lugar kung saan ka naglilingkod? Ang kabanalan ba ay nakikitang maganda sa mga Kristiyano sa inyong komunidad?
Ang Larawan ng Kabanalan sa Biblia
Hindi tulad ng mga negatibong ideya ng kabanalan na nakalista sa itaas, ang Biblia ay nagpapakita ng kabanalan bilang magandang posibilidad para sa mga anak ng Diyos. Isipin nyo ang mga bagay na tinatawag na banal sa Biblia. Wala sa kanila ang pangit at kasuklam-suklam; ang mga ito ay maganda at kaakit-akit.
Ang banal na katangian ng Diyos ay maganda at maluwalhati. (Isaias 6:1, 3; Mga Awit 105:3).
Ang Templo ng Diyos at ang mga banal na gamit na ginamit sa pagsamba ay maganda (Lucas 21:5, Isaias 64:11, Exodo 28:2).
Ang Israel ay tinawag upang maging banal na bansa na maglalapit ng ibang tao sa Diyos. (Isaias 49:3). Ang kanyang kabanalan ay nakakaakit ng mga tao (1 Mga Hari 8:41-43); hindi nito itinataboy ang mga tao.[1]
Ang iglesya ay tinatawag upang maging banal na bayan (1 Mga Taga-Corinto 1:2, 1 Pedro 2:9). Siya ay magiging isang magandang babaing ikakasal na inihanda para sa kanyang Kasintahang Lalaki (Efeso 5:27, Pahayag 19:7, Apocalipsis 21:2).
Ang bawat isa sa mga larawang ito ay kaakit-akit. Ipinapakita ng Biblia na ang tunay na kabanalan ay hindi abusado at nakakatakot. Sa halip, ito ay ang mapagmahal na regalo ng ating Ama sa langit. Kung nakita natin ang kabanalan para sa kung ano ito, dapat nating lubos na naising magkaroon ng isang banal na puso at banal na buhay. Kung ipinangangaral natin ang kabanalan gaya ng itinuturo ng Biblia, ang ating mga tao ay dapat magnais na magkaroon ng banal na puso at banal na buhay. Ang kabanalan ay isang magandang regalo mula sa mapagmahal na Ama .
[1]Maaari mong sabihin, “Ngunit ano ang tungkol sa mga Pariseo? Sila ay itinuturing na ‘banal’ na mga tao, ngunit pinapa-alis/itinataboynila ang iba.” Makikita natin sa mga araling ito na ang “kabanalan” ng Pariseo ay hindi tunay na kabanalan. Ang kanilang pagiging matuwid ay isang panlabas na propesyon, hindi tunay na kabanalan.
Ang Kagandahan ng Kabanalan ay Nakikita sa Orihinal na Nilikha ng Diyos
Nilikha ng Diyos ang isang Perpektong Mundo
Magsimula sa Eden, isang magandang hardin. Isipin mo ang pinakamatamis na prutas na iyong nakain; ang bunga sa Eden ay mas matamis. Isipin mo ang pinakamagandang bulaklak na iyong nakita; ang mga bulaklak sa Eden ay mas maganda. Nilikha ng Diyos ang isang perpektong mundo, isang mundo na walang mga epekto ng kasalanan. Gumawa siya ng mundo na walang sakit, luha, o kamatayan.
Ang pinakamahalaga, nilikha ng Diyos ang isang mundo ng matalik na pagkakaibigan sa pagitan ng Diyos at tao. Walang naghihiwalay sa tao mula sa kanyang Manlilikha. Bawat araw, binibisita ng Diyos sina Adan at Eba. Walang ibang nilalang ang nagkaroon ng pribilehiyong ito. Nilikha ng Diyos ang tao para sa isang espesyal na kaugnayan sa kanyang sarili. Sa Hardin ng Eden, mayroon itong perpektong kapayapaan sa pagitan ng Diyos at ng tao.
Sinira ni Satanas ang Perpektong Mundo ng Diyos
Nais ni Satanas na sirain ang perpektong mundo. Kinamumuhian ni Satanas ang lahat ng nilikha ng Diyos. Higit sa lahat, kinapootan ni Satanas ang malapit na pagkakaibigan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Determinado siyang sirain ang relasyon ng pagmamahal at pagtitiwala.
Hindi kaya ni Satanas na direktang wasakin ang tao, kaya ninais niyang sirain ang kaugnayan ng Diyos at ng tao. Alam ni Satanas na ang Diyos ay banal at nilikha ng Diyos ang tao sa kanyang larawan. Nais ni Satanas na sirain ang banal na larawan ng Diyos sa tao. Ang Banal na Diyos at taong banal ay magkakaroon sana ng hindi sirang relasyon, ngunit maaaring sirain ni Satanas ang ugnayang ito sa pamamagitan ng pagtukso sa tao na magkasala.
Dumating si Satanas kay Eba sa anyo ng isang ahas. Binatikos ng ahas ang mga utos ng Diyos. Tinanong niya, “Huwag ninyong kakainin ang mula sa alinmang punungkahoy sa halamanan?” Gusto niyang magduda si Eba sa kabutihan ng Diyos. Sumagot si Eba, “Makakain namin ang bunga ng mga punungkahoy sa halamanan; subalit sinabi ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang bunga ng punungkahoy na nasa gitna ng halamanan; huwag din ninyo itong hihipuin, kundi kayo’y mamamatay.” (Genesis 3:1-6).
Inakusahan ng ahas ang Diyos na ipinagkakait ang mabuti mula kay Adan at Eba. Sinabi ng ahas, "Tiyak na hindi kayo mamamatay.
Sapagkat nalalaman ng Diyos na kapag kayo’y kumain noon ay mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo’y magiging kagaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”‘ Tinutukso ng ahas si Eba na maging mapagmataas: “Kayo’y magiging kagaya ng Diyos” (Genesis 3:4-5).
Kumain si Eba ng bunga, ibinigay ito kay Adan, at kumain din siya. Alam nina Adan at Eba na nilabag nila ang utos ng Diyos. Nang dumating ang Diyos sa hardin, nahiya sila at nagtago mula sa kanya. Ang malapit na pagkakaibigan sa pagitan ng Diyos at ng tao ay nasira.
Hindi Sinukuan ng Diyos ang Kanyang Nilikha
Dahil sa kanilang kasalanan, pinalayas ng Diyos sina Adan at Eba sa labas ng Hardin ng Eden. Winasak ng kasalanan ang relasyon ng Diyos at ng tao. Sinira ng kasalanan ang larawan ng Diyos sa tao. Ngunit dahil sa kanyang pagmamahal, hindi iniwan ng Diyos ang tao sa kakila-kilabot na kalagayan. Maaaring sinabi ng Diyos, “Adam, ginawa mo ang kapahamakang ito. Problema mo na ito! Aalis na ako.” Sa halip, ang isang mapagmahal na Diyos ay naging bahagi ng ating mundo at nagbigay ng lunas para sa ating kasalanan.
Ang lunas na ito ay may kasamang landas patungo sa kapatawaran. Nagbigay ang Diyos ng paraan upang ibalik ang ugnayan sa pagitan ng isang banal na Diyos at ng taong nagkasala. Palaging ipinangangaral ng Iglesya, “Ang mga makasalanan ay maaaring maging matuwid sa Diyos.” Sa pamamagitan ng krus, tayo ay mapapatawad sa ating mga kasalanan.
Ito ay kahangahangang balita! Ngunit kung minsan ay nalilimutan ng iglesya ang isa pang bahagi ng lunas ng Diyos. Ang lunas ng Diyos para sa kasalanan ay hindi lamang isang landas patungo sa kapatawaran kundi isang landas sa pagpapanumbalik. Nagbigay ang Diyos ng isang paraan upang ibalik ang kanyang larawan sa tao.
Hindi nasisiyahan ang Diyos na sabihin, “Maaari kang maging malaya mula sa parusa ng kasalanan, ngunit hindi ka magiging malaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan.” Hindi! Nagbigay ang Diyos ng paraan sa mga tao upang sila ay maaaring gawing banal. Lumakad ang Diyos sa hardin kasama ng banal na bayan; hindi siya maaaring lumakad kasama ng taong makasalanan. Nais ng Diyos ng kaugnayan sa kanyang bayan, kaya nagbigay siya ng isang paraan upang gawin tayong banal.
Sa buong Banal na Kasulatan, nakita natin ang Diyos ay kumikilos upang gawing banal ang tao kung saan siya maaaring magkaroon ng kaugnayan. Hindi sinasabi ng Diyos, “Alam kong makasalanan ka, ngunit ipipikit ko ang aking mga mata sa iyong kasalanan at magpapanggap na ikaw ay matuwid.” Sa halip, ipinangako ng Diyos na gagawin niyang banal ang kanyang bayan.
Itatatag ka ng Panginoon na isang banal na bayan para sa kanya, gaya ng kanyang ipinangako sa iyo, kung iyong gaganapin ang mga utos ng Panginoon mong Diyos, at lalakad ka sa kanyang mga daan. (Deuteronomio 28:9).
Nais ng Diyos na gawing banal ang kanyang bayan. Ito ang layunin ng Diyos para sa kanyang bayan. Ipinapangako ng Diyos na ang kanyang bayan ay “tatawaging Ang Banal na Bayan, Ang Tinubos ng PANGINOON.” (Isaias 62:12).
Ang Kagandahan ng Kabanalan ay Nakikita sa Katangian ng Diyos
Dahil sa pagkahulog sa kasalanan, ang tao ay hindi na banal. Agad nating nalimutan ang banal na katangian ng Diyos. Nilikha tayo ng Diyos “sa kanyang larawan.” Ngayon, lumilikha tayo ng mga Diyos sa ating larawan - naninibugho, napopoot, at mapagmalaki.
Ang mga taga-Babilonia ay nagkwento tungkol kay Marduk na naging punong diyos sa pamamagitan ng pagpatay sa kanyang ina. Ang mga Griyego ay nagkwento tungkol kay Zeus nagkaroon ng maraming asawa. Ang mga Mga Taga-Romano ay nagkwento tungkol kay Bacchus, ang diyos ng paglalasing at kahalayan.
Ang mga diyos na ito ay hindi banal. Ang mga taong sumasamba sa mga diyos na ito ay katulad ng kanilang mga diyos. Ang mga tao ay nagsisinungaling, nagnanakaw, at nanlilinlang tulad ng kanilang mga diyos na nagsisinungaling, nagnanakaw, at nanlilinlang. Ang makasalanang tao ay gumagawa ng makasalan ang mga diyos. Dahil dito, nagpapatuloy sa kasalanan ang tao dahil sa mga diyos-diyosan. Tayo ay naging katulad ng mga diyos na sinamba natin.
Si Jehova ay hindi katulad ng mga huwad na diyos na ito. Ang Diyos ay banal. Paulit-ulit, ang Banal na Kasulatan ay nagpapatotoo sa kabanalan ng Diyos. Pagkatapos ng pagtawid sa Dagat na Pula, pinuri ng bayan ng Israel ang kanilang banal na Diyos. Inawit nila, “Sinong tulad mo, O Panginoon, sa mga diyos? Sinong gaya mo, dakila sa kabanalan…” (Exodo 15:11).
Ang psalmist ay umawit, “Gayunman ikaw ay banal, nakaluklok sa mga papuri ng Israel.” (Mga Awit 22:3). Pinuri ng Israel ang Diyos dahil sa kanyang kabanalan. Tinawag ng psalmist ang Diyos na ang “Banal ng Israel.” (Mga Awit 71:22; Mga Awit 78:41, Mga Awit 89:18).
Ang mga propeta ay nagpatotoo na ang Diyos ay banal. Tulad ng psalmist, tinawag nila ang Diyos na ang “Banal ng Israel.”[1] Pinarangalan ni Isaias “ang sabi ng Mataas at Matayog na tumatahan sa walang hanggan, na ang pangalan ay Banal” (Isaias 57:15). Ang kabanalan ay higit sa isang bahagi ng katangian ng Diyos na para sumumpa ang Diyos “sa pamamagitan ng kanyang kabanalan” ay kapareho ng panunumpa “nang sa pamamagitan niya.” (Amos 4:2; Amos 6:8). Pinatotohanan ni Habakuk na ang Diyos ay “ikaw ay banal, ayaw mong tumingin sa kasamaan.” (Habakuk 1:13). Alam ng mga propeta na ang Diyos ay banal.
Sa langit, ang pagsamba sa Diyos ay pagdiriwang ng kanyang kabanalan. Ang seraphim ay umaawit, “Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo.” (Isaias 6:3). Nakita ni Juan na Tagapaghayag ang apat na nilalang na nagpupuri sa Diyos. Sila ay umaawit, ‘Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos, ang Makapangyarihan sa lahat, ang noon at ang ngayon at ang darating!” (Apocalipsis 4:8). Ang Diyos ay isang banal na Diyos.
Ang Kagandahan ng Kabanalan ay Nakikita sa Plano ng Diyos para sa Kanyang mga Bayan
Nilikha ng isang banal na Diyos ang sangkatauhan para sa kaugnayan sa kanyang sarili, ngunit ang ating kasalanan ay naghihiwalay sa atin mula sa Diyos. Gayunpaman, ang Diyos ay nagnanais na ibalik ang kaugnayan sa nilikha niyang tao. Yamang ang mga taong banal lamang ang maaaring mabuhay sa presensya ng isang banal na Diyos, nagbigay siya ng isang paraan upang gawin tayong banal. Itinuro ng Diyos ang kahulugan ng kabanalan sa mga taong hindi banal. Mayroong dalawang bahagi sa prosesong ito:
1. Itinuro ng Diyos sa tao ang katangian ng isang banal na Diyos. Sina Marduk, Zeus, at Bacchus ay malakas ngunit imoral. Ipinakilala ng Diyos ang kanyang sarili bilang makapangyarihan at banal.
2. Itinuro ng Diyos sa tao ang katangian ng banal na bayan. Sinabi ng Diyos, “Kayo’y magpakabanal, sapagkat akong Panginoon ninyong Diyos ay banal.” (Levitico 19:2). Dahil ang Diyos ay banal, ang kanyang bayan ay dapat maging banal.
Si Isaias ay nangaral sa isang makasalanang bansa. Winasak ng kasalanan ang kagandahan ng bayan ng Diyos. Mula sa mga piniling bayan ng Diyos, ang Israel ay nahulog sa kahiya-hiyang kalagayan ng isang nasakop na bansa na dinala sa pagkabihag. Hindi na siya maganda; siya ay isang kahiya-hiyang alipin. Ngunit nakita ni Isaias na darating ang araw kung saan ang “katuwiran ng Israel ay lalabas na parang liwanag.” Sa araw na iyon, ang Israel ay “magiging isang magandang korona sa kamay ng Panginoon.” (Isaias 62:1-3).
Ang mga taong hindi maunawaan ang mensahe ng kabanalan sa Biblia ay kadalasang naglalarawan ng kabanalan sa mga tuntunin ng ligalismo, mahigpit na mga panuntunan, at mga seryosong mukha. Ito ay hindi isang Biblikal na pagtingin sa kabanalan. Sa halip, upang maging banal ay ang pagpapakita ng kagandahan ng sariling kabanalan ng Diyos. Ang pagiging banal ay nagbibigay ng maligayang kalayaan upang mabuhay sa matalik na kaugnayan sa isang banal na Diyos. Sa Biblia, ang kabanalan ay hindi kailanman isang madilim na termino; ito ay isang termino ng kagalakan at kagandahan!
Sa Biblia, inihahayag ng Diyos ang kanyang banal na katangian. Pagkatapos, tinuturuan ng Diyos ang kanyang bayan kung paano ipamuhay ang isang buhay na banal. At mas mahalaga pa, ipinakikita ng Diyos na bibigyan niya ng kapangyarihan ang kanyang bayan na maging kung ano ang pagkakatawag niya sa atin. Sa pamamagitan ng kanyang biyaya, maaaring gawin ng Diyos ang isang banal na bayan. Hindi binabalewala ng Diyos ang kasalanan sa kanyang mga anak; sa halip, ginagawa niya tayong banal. Ang isang banal na Diyos ay nagnanais na makipag-ugnayan sa isang banal na bayan.
Ano ang Ibig Sabihin ng Maging Banal?
Sa pamamagitan ng kanyang Salita, tinuruan ng Diyos ang kanyang bayan kung ano ang ibig sabihin ng maging banal. Nang sinimulan ng Diyos na turuan ang kanyang bayan, wala silang alam tungkol sa kabanalan. Hindi pa sila nakakita ng isang banal na Diyos o isang taong banal. Itinuro ng Diyos ang kahulugan ng kabanalan na katulad ng pagtuturo ng wika sa isang bata.
Kapag nagtuturo tayo sa isang bata, itinuturo natin ang isang upuan at sinasabing, “Upuan.” Itinuturo natin ang isang kotse at sasabihin, “Kotse.” Sa bawat hakbang, ang bata ay natututo ng kahulugan ng mga salita. Natututuhan ng bata ang kahulugan ng salitang “pagmamahal” sa pamamagitan ng karanasanng pagmamahal sa kanyang ina. Natututuhan ng bata ang kahulugan ng salitang “katarungan” kapag ang isang magulang ay nagbibigay ng matuwid na parusa para sa pagsuway.
Itinuro ng Diyos ang kahulugan ng kabanalan sa parehong paraan. Bilang mga taong nagkasala, hindi natin alam kung ano ang ibig sabihin ng maging banal. Unti-unting inihayag ng Diyos ang kahulugan ng kabanalan sa kanyang bayan sa pamamagitan ng mga salitang naglalarawan at nagpapakita kung ano ang ibig sabihin ng maging banal. Habang binabakas natin ang kahulugan ng salitang kabanalan sa pamamagitan ng Biblia, makikita natin:
1. Ang pagiging banal ay pagpapanatili ng isang malapit na kaugnayan sa Diyos (2 Mga Taga-Corinto 6:16-18). Ang mga taong banal sa Genesis (mga lalaki tulad nina Enoc at Abraham) ay mga lalaking may malapit na kaugnayan sa Diyos. Sila ay “lumakad kasama ng Diyos.” Sa pagpapakita ng buhay na may kabanalan, ipinahayag ng Diyos na ang isang taong banal ay isang taong may malapit na kaugnayan sa Diyos.
2. Ang pagiging banal ay pagpapakita ng larawan ng Diyos (Colosas 3:10, 2 Mga Taga-Corinto 3:18). Ang kabanalan ay hindi isang likas na katangian ng tao. Ang kabanalan ay isang katangian ng Diyos lamang. Ang Israel ay tinawag na “maging banal, sapagkat ako ang PANGINOON mong Diyos ay banal.” (Levitico 19:22 Mga Taga-Corinto). Ang pagiging banal ay nangangahulugan na maipakita natin ang larawan ng Diyos sa ating buhay. Ang pagiging banal ay nangangahulugang maging katulad ng Diyos.
3. Ang pagiging banal ay pagtatalaga nang ating sarili para sa Diyos (Exodo 29:44, Levitico 20:26). Sa unang pagkakataon na ang salitang “banal” ay ginamit sa Biblia, ito ay tumutukoy sa isang araw na itinakda para sa mga espesyal na layunin ng Diyos. (Genesis 2:3). Ang Araw ng Pamamahinga ay banal; ito ay nakabukod, o itinakda, mula sa iba pang anim na araw. Tulad ng isang bata na natututo ng kahulugan ng “upuan,” itinuturo ng Diyosang ikapitong araw at sinabi, “Ito ay banal.”
4. Ang pagiging banal ay pagkakaroon ng isang hindi nahahating puso (1 Mga Hari 8:61). Sa Mga Aklat ng Kasaysayan, ginamit ng Diyos ang salitang “sakdal” upang ilarawan ang mga taong may “hindi nahahati ang puso.” Ang pagiging banal ay nangangahulugang pagiging tapat sa ating pagtatalaga ng sarili sa Diyos. Mahal ng isang pusong banal ang Diyos nang walang kahati.
5. Ang pagiging banal ay pamumuhay ng matuwid (Colosas 1:22, Tito 2:12,14). Ang mga propeta ay nangaral sa isang bayang nag-iisip, “Kami ay sumasamba sa Templo at nag-aalay ng mga handog. Kami ay banal.”Ipinakita ng mga propeta na hindi sapat ang pagsunod sa mga ritwal. Ang pagiging banal ay nangangahulugang mabuhay nang matuwid tungo sa Diyos at sa iba. Ang mga taong banal ay “makatarungan, at mapagmahal sa kapwa, at lumalakad kasama ng Diyos nang may kababaang-loob.” (Mikas 6:8).
6. Ang pagiging banal ay pagkakaroon ng perpektong pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa (Mateo 22:36-40). Ipinakikita ng mga Ebanghelyo ang buong pagpapahayag ng kabanalan ng Diyos sa buhay ni Hesu-Kristo. May banal na puso si Hesus na ganap na nagpapasakop sa kalooban ng Ama. Si Hesus ay may banal na mga kamay na kumilos sa perpektong pagmamahal sa iba. Ipinakita ni Hesus na ang pagiging banal ay nangangahulugang mahalin ang Diyos at mahalin ang ating kapwa tulad ng ating sarili.
[1]7. Ang pagiging banal ay pamumuhay sa kapuspusan ng Banal na Espiritu (Ezekiel 36:27, Efeso 5:18). Sa Mga Gawa, nakita natin ang halimbawa ng mga Kristiyano na napuspos ng Espiritu ng Diyos. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, namuhay sila ng isang buhay na banal. Tayo ay banal lamang habang nabubuhay tayo sa kapuspusan ng Banal na Espiritu.
8. Ang pagiging banal ay pagiging katulad ni Kristo (Mga Taga-Roma 8:29). Si Hesus ang perpektong halimbawa ng isang banal na puso at banal na mga kamay. Ipinapakita ng Mga Sulat na posible para sa mga karaniwang Kristiyano na sundin ang halimbawa ni Hesu-Kristo. Ang Mga Sulat ay nagbibigay ng mga praktikal na alituntunin para sa pamumuhay ng isang buhay na banal sa araw-araw. Itinuturo sa atin ng mga sulat na ito kung paano mamuhay bilang mga taong katulad ni Kristo.
9. Ang kabanalan ay naghahanda sa atin upang makita ang Diyos (1 Juan 3:2-3, Hebreo 12:14). Sa Eden, naghanda ang Diyos ng hardin kung saan maaaring mabuhay ang isang taong banal sa perpektong kaugnayan sa ating Ama. Dahil sa kasalanan, tayo ay pinalayas mula sa hardin. Ngunit ang Diyos ay hindi sumuko sa kanyang plano. Sa Apocalipsis , nakita natin na darating ang araw na makikita ng bayanng Diyosang kanyang mukha. Walang makasalanan ang makakatingin sa kanya, ngunit naghahanda ang Diyos ng banal na bayan na gugugol sa walang-hanggan sa kanyang presensya. Ito ang layunin ng Diyos para sa kanyang bayan.
Dapat tayong maging banal, sapagkat ito ay isang dakilang layunin kung bakit dumating si Kristo sa mundo.
Ang pag-uusap ng mga tao na naligtas mula sa konsensya ng kasalanan nang hindi naligtas mula sa kapangyarihan nito sa kanilang mga puso ay salungat sa patotoo ng lahat ng Kasulatan.
Si Hesus ay isang ganap naTagapagligtas. Hindi lamang niya inaalis ang konsensya ng kasalanan; pinuputol niya ang kapangyarihan nito.
Pakahulugan sa ibang pangungusap mula kay Bishop J.C. Ryle
Konklusyon: Tinatawag ng Isang Banal na Diyos ang Kanyang Bayan upang maging Banal
Si Dr. John Stott ay isa sa mga tanyag na tagapangunang Kristiyano noong ika-20 siglo. Sa isa sa kanyang mga huling pangaral, nagsalita si Dr. Stott tungkol sa layunin ng Diyos para sa kanyang bayan.[1] Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya; tayo ay dinala mula sa kamatayan patungo sa buhay. Bakit? Ang layunin ng Diyos sa pagliligtas sa atin ay upang gawin tayong katulad ni Kristo. Sinabi ni Dr. Stott, “Ang pagiging katulad ni Kristo ay ang kalooban ng Diyos para sa kanyang bayan.”
Ipinakikita ng tatlong teksto sa Bagong Tipan kung paano ang ating paglago sa pagiging katulad ni Kristo dito sa mundo ay naghahanda sa atin sa buhay na kasama ang Diyos. Ang mga tekstong ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng kabanalan sa buhay ng mananampalataya.
Ang Mga Taga-Roma 8:29 ay tumitingin sa nakaraan at nagpapakita ng walang hanggang layunin ng Diyos para sa kanyang mga anak:
Sapagka’t sa simula’t simula pa’y alam na ng Diyos kung sino ang sa kanya at sila ay itinakda din niya na maging katulad ng kaniyang Anak, upang siya’y maging panganay sa maraming magkakapatid.
[2]Ang walang hanggang layunin ng Diyos ay upang tayo’y “sumunod sa larawan ng kanyang Anak.” Mula sa pasimula, ang layunin ng Diyos ay upang gawintayong katulad ni Kristo. Ipinangakosa Mga Taga-Roma 8:28 na “Ang lahat ng mga bagay ay para sa ikabubuti ng lahat ng mga umiibig sa Diyos.” Ang pangakong ito ay para sa “mga tinawag ayon sa kanyang layunin.” Ano ang kanyang layunin? Ang itinakdang layunin ng Diyos ay upang gawing kalarawan ni Kristo ang kanyang mga anak. Iniligtas tayo ng Diyos upang gawin tayong banal.
Pinaalalahanan ni Pablo ang mga Kristiyanong nasa Colosas sa kamangha-manghang pagbabago na ginawa ng Diyos sa kanilang buhay: “At kayo, na nang dati ay hiwalay at mga kaaway sa pag-iisip, sa pamamagitan ng masasamang gawa, ay pinakipagkasundo niya ngayon sa kanyang katawang laman.” Sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo, ang mga taong ito na naging “kaaway” ng Diyos ay ngayon ay “pinagkasundo” sa kanya. Pinaalalahanan ni Pablo ang mga mananampalataya sa layunin ng Diyos sa pagkakasundo sa kanila sa kanyang sarili: Ipinakipagkasundo niya sila “upang iharap kayo ng banal at walang kapintasan at walang batik sa harapan niya.” (Colosas 1:21-22).
Hindi lang sinabi ni Pablo, “Ikaw ay pinagkasundo sa Diyos upang maaari kang manatili ng walang-hanggan sa langit.” Ito ay napakagandang balita! Ngunit hindi ito ang kumpletong Mabuting Balita. Sinabi ni Pablo, “Ikaw ay pinagkasundo sa Diyos upang ikaw ay maging banal.” Ang layunin ng Diyos ay upang gawing banal at walang kapintasan ang kanyang mga anak.
Ang 2 Mga Taga-Corinto 3:18 ay tumitingin sa kasalukuyan at nagpapakita kung paano ang layuning ito ay naisasagawa sa buhay ng mananampalataya ngayon:
At tayong lahat, na walang talukbong ang mukha, na nakikita ang kaluwalhatian ng Panginoon gaya ng sa isang salamin, ay nababago sa gayunding larawan, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, sapagkat ito ay mula sa Panginoon na siyang Espiritu.
Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, tayo ay “binago mula sa isang antas ng kaluwalhatian patungo sa isa pa.” Ang layunin ng Diyos ay naisasakatuparan sa pagbabago ng kanyang mga anak sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Araw-araw, tayo ay ginagawang mas katulad ni Kristo.
Ang 1 Juan 3:2 ay tumitingin sa hinaharap at nagpapakita ng tunay na katuparan ng layunin ng Diyos:
Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Diyos at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin na kung siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad niya, sapagkat siya’y ating makikita bilang siya.
[3]Ang Aklat ng Apocalipsis ay tumitingin sa araw kung kalian makikita natin nang mukhaan ang Diyos. Sa araw na iyon, tayo ay magiging katulad niya. Ang layunin ng Diyos ay matutupad nang ganap at walang hanggan. Bilang pangwakas, sinabi ni John Stott, “Makakasama natin si Kristo, magiging katulad ni Kristo, magpakailanman.”
Bilang mga Kristiyano, ang paghahangad na makamitang isang buhay na banal ay naghahanda sa atin para sa araw kung kailan makikita natin ang Diyos at ang kanyang layunin ay natupad sa ating buhay. Ito ay dapat magbigay sa atin ng isang maiging pagnanais tungkol sa ating paglago sa kabanalan. Tayo ay patuloy na binabago araw araw para maging higit na katulad ng kanyang larawan.
Habang tayo ay naghahanapna mas lalong maging katulad niya, tayo ay nakikipagtulungan sa walang hanggang layunin ng Diyos. Ang kabanalan ay walang hanggang layunin ng Diyos para sa bawat mananampalataya. Bilang mga anak ng Diyos, dapat tayong magkaroon ng pagnanasang makita ang layuning ito na maganap sa ating mga puso at buhay.
[1]John Stott Address at Keswick. (June 20, 2014). Nakuha mula sa https://www.leightonfordministries. org/2014/06/20/john-stott-address-at-keswick/ December 20, 2019.
“Ang Diyos ay may isang nakatakdang wakas para sa sangkatauhan - kabanalan. Ang kanyang layunin ay ang paggawa ng mga banal. Dumating siya upang iligtas ang mga tao sapagkat nilikha Niya sila upang maging banal.”
Ipakita sa amin ang iyong dakilang kaligtasan na lubusang naibalik sa amin:
Binabago mula sa luwalhati hanggang sa kaluwalhatian,
Hanggang sa langit kamtin ang aming lugar,
Umawit at ialay ang aming mga korona sa iyong paanan,
Punong puno ng paghanga, pag-ibig at pagpupuri.
-Charles Wesley
Natagpuan Niya ang Sikreto - Samuel Kaboo Morris
Noong 1873, si Samuel Morris[1] ay isinilang sa Liberia, West Africa bilang Prinsipe Kaboo, ang anak ng isang pangulo ng tribo. Nang ang kanyang ama ay natalo sa labanan, si Kaboo ay dinakipupang ipatubos. Isang araw, nakakita si Kaboo ng isang nakakasilaw na liwanag at narinig ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi sa kanya na tumakbo. Ang mga lubid na nakagapos sa kanya ay nahulog sa lupa, at si Kaboo ay tumakbo sa gubat.
Lumakad siya sa gubat sa loob ng ilang araw hanggang siya ay dumating sa lungsod ng Monrovia. Sa lunsod, isang batang lalaki ang nag-imbita kay Kaboo sa iglesya. Nang bumisita si Kaboo sa iglesya, isang misyonero ang nagkukwento ng pagbabalik-loob ni Pablo. Habang sinasabi niya ang tungkol sa nakakasilaw na liwanag at tinig mula sa langit, nakilala ni Kaboo na ito ang tinig na narinig niya sa gubat! Di nagtagal ay tinanggap niya si Kristo bilang kanyang Tagapagligtas at nabinyagan sa pangalan na Samuel Morris.
Sa sumunod na dalawang taon, nagpintura si Samuel Morris ng mga bahay upang suportahan ang kanyang sarili habang pinag-aaralan niya ang Biblia. Siya ay partikular na interesado sa pag-aaral tungkol sa Banal na Espiritu at buhay sa kapangyarihan ng Espiritu. Pagkatapos sabihin sa kanya ng isang misyonero na itinuro na niya sa kanya ang lahat ng alam niya, itinanong ni Morris, “Sino ang iyong guro?” Sinabi niya sa kanya ang tungkol sa isang tagapangaral sa Amerika na nagngangalang Stephen Merritt. Bagaman walang pera at walang transportasyon, si Morris ay lumakad sa pinakamalapit na daungan upang humanap ng barko patungo sa Amerika. Determinado siyang higit pang matuto tungkol sa pamumuhay sa Espiritu.
Siya ay natulog sa dalampasigan habang naghihintay para sa isang barko. Nang lumapag ang isang barko, hiniling ni Morris sa kapitan na dalhin siya sa Amerika. Tumanggi ang kapitan, ngunit pagkaraan lamang ng maiksing panahon, tumakas ang dalawa sa kanyang mga tripulante. Sinabi ng kapitan noon kay Morris na maaari siyang magtrabaho bilang kapalit ng transportasyon patungo sa New York. Sa panahon ng paglalayag, siya ay hindi pinakitunguhan ng maayos ng ibang tripulante at binigyan ng pinakamapanganib na mga gawain sa barko. Gayunpaman, ipinakita ni Samuel ang pagmamahal ni Kristo sa kanyang mga kasamahan sa barko, hanggang, sa oras na dumating ang barko sa New York, ang kapitan at karamihan ng mga tauhan ay nagbalikloob.
Nang dumating si Morris sa New York, natagpuan niya ang misyon ni Stephen Merritt at sinabi niya ang kanyang pagnanais na higit pangmatuto patungkol sa Banal na Espiritu. Kinailangan ni Mr. Merritt na pumunta sa isang pagpupulong ngunit iniwan si Morris sa misyon para sa gabing iyon. Nang bumalik siya, natagpuan niya si Samuel na nangunguna sa isang samasamang pananalangin. Sa kanyang unang gabi sa Amerika, pinangunahan ni Samuel Morris ang halos 20 tao patungo kay Kristo.
Tinulungan ni Stephen Merritt si Samuel Morris na mag-enroll sa Taylor University upang maihanda siya sa pag-eebanghelyo sa Liberia. Dumating si Morris sa campus sa Indiana nang walang pera, ngunit may lubos na pananampalataya sa ipagkakaloob ng Diyos. Sinabi niya sa pangulo, “Pakiusap bigyan mo ako ng isang silid na walang ibang may nais.” Sa kalagitnaan nggabi, naririnig siya ng kanyang mga kapwa mag-aaral na “nakikipag-usap sa kanyang Ama.” Ang kanyang lubos na pagtitiwala sa Diyos ay nakaimpluwensya sa kampus pati na rin sa mga nakapaligid na iglesya.
Bagaman nagplano si Morris na bumalik sa Liberia, may ibang plano ang Diyos. Sa loob ng dalawang taon mula sa kanyang pagdating sa Taylor University, namatay si Samuel Morris dahil sa pulmonya. Siya ay 20 taong gulang lamang, ngunit siya ay may kapayapaan sa plano ng Diyos. Sinabi ni Samuel sa pangulo ng unibersidad, “Hindi ko iyon trabaho. Ito ay sa kanya. Natapos ko na ang trabaho ko. Magpapadala siya ng ibang mas mahusay kaysa sa akin upanggawin ang trabaho sa Africa.”
Ang buhay ni Morris ay nakaapekto sa maraming tao kaya’t daan-daang tao ang naglinya sa mga lansangan para sa prosesyon ng libing. Ang ilang mga kapwa mag-aaral ay nagpunta sa Africa bilang mga misyonero, naglilingkod “bilang pag-ala-ala kay Prinsipe Kaboo.” Sinabi ng presidente ng Unibersidad ng Taylor, “Si Samuel Morris ay mensahero ng Diyos sa Unibersidad ng Taylor. Inisip niya na dumating siya dito upang ihanda ang kanyang sarili para sa kanyang misyon. Sa halip, ipinadala siya ng Diyos upang ihanda ang Unibersidad ng Taylor para sa kanyang misyon sa buong mundo. Ang lahat ng nakakilala sa kanya ay napahanga sa kanyang kahanga-hanga, ngunit simpleng pananampalataya sa Diyos.”
Ngayon, mababasa sa isang pang-ala-alang lapida sa libingan ni Samuel Morris sa Fort Wayne sa Indiana, ang ganito:
Samuel Morris
1873-1893
Prinsipe Kaboo
Nagmula sa Kanlurang Africa
Bantog na Kristiyanong Mistik
Apostol ng Simpleng Pananampalataya
Nagsusul0ng ng Buhay na Puspos ng Espiritu
Ang maikling buhay ni Samuel Morris ay nagpapakita na ang bawat mananampalataya ay maaaring mabuhay sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ang isang banal na puso at isang banal na buhay ay layunin ng Diyos para sa bawat mananampalataya.
[1]Image: "Samuel Morris", Samuel Morris: A Spirit Filled Life (1921), retrieved from https://commons.wikimedia.org/w/index.php?curid=39596012, public domain.
Aralin 1 sa Isang Pahina
(1) Ang kagandahan ng kabanalan ay nakikita sa orihinal na nilikha ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang isang perpektong mundo na walang kasalanan.
(2) Ang kagandahan ng kabanalan ay nakikita sa katangian ng Diyos. Ang Diyos ay isang banal na Diyos.
(3) Ang kagandahan ng kabanalan ay nakikita sa plano ng Diyos para sa kanyang bayan. Kahitnapinsala ng kasalanan ang kalikasan ng tao, hindi sumuko ang Diyossa kanyang plano para sa kanyang banal na bayan. Upang maibalik ang kaugnayan sa pagitan ng isang banal na Diyos at sangkatauhang nahulog sa kasalanan, itinuro ng Diyos:
Anoang katulad ng isang Diyos na banal
Anoang katulad ng isang taong banal
(4) Maramingmga maling ideya tungkol sa kabanalan. Kabilang dito ang:
Iilang tao lamang ang maaaring maging banal
Magiging banal tayo sa pamamagitan ng pamumuhay ng nakabukod sa iba pang mga tao
Magiging banal lamang tayo kapag tayo ay namatay
Magiging banal tayo sa pagsunod sa ilang mga alituntunin
Ang katibayan na banal ang isang tao ay nakikita sa isang espesyal na kaloob ng mga wika o mga himala
Ang kabanalan ay impossible.
(5) Ang katotohanan tungkol sa kabanalan ay simple. Ito ang kahulugan ng pagiging banal:
Ang pagiging banal ay angpagpapanatili ng isang malapit na kaugnayan sa Diyos.
Ang pagiging banal ay ang pagpapakita nglarawan ng Diyos
Ang pagiging banal ay ang pagbukod para lang sa Diyos
Ang pagiging banal ay ang pagkaroon ng hindi nag-aalinlangang puso
Ang pagiging banal ay ang pamumuhay ng matuwid
Ang pagiging banal ay angpagkakaroon ng perpektong pagmamahal para sa Diyos at ating kapwa
Ang pagiging banal ay ang pamumuhay sa kapuspusan ng Banal na Espiritu
Ang pagiging banal ay ang pagiging katulad ni Kristo
Ang kabanalan ay paghahanda sa atin upang makita ang Diyos
(6) Tatlong teksto sa Bagong Tipan na nagpapakita ng kahalagahan ng kabanalan sa buhay ng mananampalataya.
Mga Taga-Roma 8:29 ay nagpapakita ng walang hanggang layunin ng Diyos upang hubugin tayo sa larawan ng kanyang Anak
2 Mga Taga-Corinto 3:18 ay nagpapakita na ang layunin ng Diyos ay nagaganap habang tayo ay nababago araw-araw sa larawan ni Kristo
1 Juan 3:2 ay nagpapakita ng katuparan ng layunin ng Diyos; kapag nakita natin ang Diyos, tayo ay magiging katulad niya
Mga Takdang Aralin sa Aralin 1
(1) Isipin mo na sinabi sa iyo ng isang bagong Kristiyano, “Nabasa ko sa Biblia na tinatawag tayo ng Diyos upang maging banal dahil siya ay banal. Iyon ay tila imposible! Ano ang ibig sabihin ng maging banal?” Sumulat ng isang pahinang sagot para sa bagong mananampalataya. Sa susunod mongklase, dapat basahin ng bawat estudyante ang kanilang sagot. Magbigay ng oras upang talakayin ang mga sagot bilang isang klase.
(2) Simulan ang susunod na sesyon ng klase sa pamamagitan ng pagbigkas sa 1 Pedro 1:14-16.
(3) Kasama sa kursong ito ang isang pangwakas na proyekto na ipapasa sa huling araw ng klase. Dapat mong simulan na ngayon ang paggawa sa proyektong ito. Tingnan ang dulo ng kurso para sa mga detalye tungkol sa proyektong ito.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.