Ang Buhay at Ministeryo ni Hesus
Ang Buhay at Ministeryo ni Hesus
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 9: Pag-iiwan ng Pamana

31 min read

by Randall McElwain


Mga Layunin ng Aralin

Kapag natapos ang araling ito, ang mag-aaral ay dapat:

(1) Nauunawaan ang huling pamana ni Jesus sa kanyang mga disipulo at sa iglesya.

(2) Pahalagahan at pasalamatan ang kahalagahan ng misyon sa pamana ni Jesus.

(3) Kilalanin ang nagpapatuloy na epekto ng ministeryo ni Jesus sa pamamagitan ng kanyang mga disipulo sa Mga Gawa.

(4) Bumuo ng mga praktikal na hakbang sa pag-iiwan ng iyong sariling pamana sa ministeryo.

Prinsipyo para sa Ministeryo

Ang pagsubok sa ating ministeryo ay kung ano ang ating iiwan kapag tayo ay wala na.

Pasimula

Malapit nang magretiro si Tim matapos ang maraming taon niya bilang isang nirerespetong pastor.  Tinanong ko siya, “Paano mo inihahanda ang iglesya para sa iyong pagreretiro? Ano ang pangitain ng iglesya para sa susunod na sampung taon?” Nagulat ako sa kanyang tugon. “Wala na ako roon, kaya’t hindi na mahalaga sa akin kung ano ang mangyayari kapag wala na ako.” Hindi nauunawaan ng pastor na ito ang mahalagang prinsipyo sa ministeyo; ang ultimong pagsubok sa ating ministeryo ay kung ano ang mangyayari kapag tayo ay wala na.

Ihambing ang pastor na ito kay Pete. Biglang namatay si Pete matapos ang dalawampu’t-limang taon sa ministeryo. Sa panahong iyon, nanguna si Pete sa ilang ministeryo sa kanyang lokal na iglesya. Nakabuo sila ng isang ministeryo sa mga taong walang matirhan, isang drug rehabilitation program, at isang outreach sa mga lider ng mga negosyo.  Sa libing ni Pete, ang tagapanguna sa drug rehabilitation ministry ay nagsabi, “Noong isang buwan, nagkita kami ni Pete upang pag-usapan ang budget para sa susunod na taon.” Ang lider ng ministeryo sa mga walang tahanan ay nagpakita ng isang sketch ng isang bagong gusali upang magbigay ng pansamantalang pabahay sa mga pamilya. Maingat na naiplano ni Pete ang hinaharap ng ministeryo.  Nag-iwan siya ng isang pamana.

Sa huling araling ito, pag-aaralan natin ang mga huling pagtuturo ni Jesus sa mga disipulo, ang kanyang huling habilin sa mga disipulo, at ang ministeryo ng mga disipulo matapos umakyat sa Langit si Jesus. Matututuhan natin ang mga leksiyon tungkol sa pag-iiwan ng pamana.

► Kung ikaw ay mamamatay sa gabing ito, anong pamana ang iyong maiiwan?

  • Ano ang iyong pamana para sa iyong pamilya?
  • Ano ang iyong pamana sa iyong komunidad?
  • Ano ang iyong pamana sa iyong ministeryo?

Ang Talumpati ng Pamamaalam ni Jesus

Maaaring ihambing ang Juan 13-16 sa mga “pamamaalam” nina Jacob, Moises, Josue, at David[1] sa Lumang Tipan. Ang “Talumpati ng Pamamaalam” ni Jesus ay nagbibigay ng ilan sa kanyang pinakamahalaga at pinakamalapit sa pusong mga pagtuturo.

Ibinibigay ng Juan 13:1 ang tagpo ng kanyang pagtuturo na may pamamaalam: “Nalalaman ni Jesus na dumating na ang kanyang oras upang lumisan sa mundong ito pabalik sa Ama.” Kung nalalaman mo na mamamatay ka na sa loob ng apatnapu’t walong oras, ano ang iyong sasabihin sa mga taong magpapatuloy sa iyong ministeryo? Ang mga salitang iyon ang kakatawan sa iyong pinaniniwalaan na pinakamahalaga para sa iyong mga tagasunod.

Sa Huling  Hapunan, ipinakita ni Jesus ang kanyang lubos na pagmamahal  sa mga disipulo kapwa sa pamamagitan ng kanyang gawa (paghuhugas ng kanilang mga paa), at maging sa kanyang mga salita.  “Minahal ni Jesus ang mga kanya na nasa sanlibutan.” Ngayon, “minahal niya sila hanggang wakas.”[2]  Ang “hanggang sa wakas” ay may dalawang kahulugan: 

  1. Nangangahulugan ito na “minahal niya sila hanggang sa wakas” ng kanyang panahon na kasama nila.
  2. Nangangahulugan ito na “minahal sila ni Jesus nang sukdulan”. Minahal sila ni Jesus nang lubusan.

Basahin ang Juan 13:31-14:31.

Mga Utos at Pangako sa Talumpati ng Pamamaalam ni Jesus

Isang Utos: Mahalin Ninyo ang Isa’t-isa (Juan 13:34).

“Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo, mahalin ninyo ang isa’t-isa: kung paanong minahal ko kayo, gayun din naman mahalin ninyo ang isa’t-isa.” Para sa isang grupo ng mga disipulo na kilala sa kanilang pagtatalo-talo kaysa sa kanilang pagmamahal sa isa’t-isa, ito ay isang mahirap na utos.

Bakit ito naging “isang bagong utos”? Maging ang Lumang Tipan  ay nag-utos sa bayan ng Dios na “mahalin ninyo ang inyong kapwa.” Mayroong dalawang “bagong” aspeto sa pagtuturo ni Jesus tungkol sa pag-ibig.[3]

Una, nagbigay si Jesus ng isang modelo ng pag-ibig na kanyang iniutos. Dapat silang umibig kung paano siya umibig. Matapos mapagpakumbaba niyang hugasan ang kanilang mga paa, sinabi ni Jesus, “Sa parehong paraan na kayo’y minahal ko, magmahalan din kayo. Nagkatawang–tao siya at ang pag-ibig ay ipinahayag niya sa mapagpakumbabang paglilingkod. Ang mga disipulo, noon at ngayon, ay dapat magmahal kung paano nagmahal si Jesus. Ang pag-ibig na ito ay kumukuha ng tuwalya upang maglingkod. Ang pag-ibig na ito ay naglilingkod kahit sa nagtatwa. Ang pag-ibig na ito ay nagpapakasipag hanggang sa punto ng kamatayan.

Pangalawa, ang pag-ibig sa pagitan ng mga Kristiyano ay dapat maging natatanging saksi sa katotohanan ng mensahe ni Jesus. “At dahil dito malalaman ng lahat ng tao na kayo ay aking mga tagasunod, kung minamahal ninyo ang isa’t-isa.” Matapos iyon, nanalangin si Jesus na “at nang sila’y maging isa, upang malaman ng mundo na ikaw ang nagsugo sa akin.”[4] Ang pagmamahalan at pagkakaisa ng iglesya ay magiging patotoo sa mensahe ni Jesus.

Maraming Kristiyano ang nakatuklas na mas madaling mahalin ang isang kapitbahay na hindi mananampalataya kaysa sa isang kapatid na Kristiyano na punong-puno ng mga kapintasan ang pagkatao. Subali’t bilang mga Kristiyano, tayo ay inuutusang “magmahalan kayo”.  Limampung taon pagkalipas, ipinaalala ni Juan sa iglesya ang mensaheng ito:

“Kung ang sinuman ay nagsasabing ‘Minamahal ko ang Dios’, at namumuhi sa kanyang kapatid, siya ay sinungaling; dahil kung hindi niya minamahal ang kanyang kapatid na kanyang nakikita, hindi niya maaaring mahalin ang Dios na hindi niya nakikita. At ang utos na ito ay mula sa kanya: Ang sinumang nagmamahal sa Dios ay dapat ding magmahal sa kanyang kapatid.”[5]

Sinimulan ni Jesus ang kanyang mensahe ng pamamaalam sa utos na magmahalan sa isa’t-isa. Ang utos na ito ang pundasyon ng lahat ng iba pa niyang ipinahayag sa kanyang mensahe.

Isang Utos: Huwag Kayong Mabalisa; Maniwala (Juan 14:1).

Tulad ng madalas niyang ginagawa, inabala ni Pedro si Jesus  upang magtanong, “Panginoon, saan po kayo pupunta?” Sa kanyang tugon, ihinula ni Jesus ang pagtatatwa ni Pedro. Pagkatapos, nagpatuloy si Jesus sa isang mensahe kay Pedro, sa mga disipulo at para sa atin din sa ngayon. “Huwag mabalisa ang inyong mga puso.”

Dahil may chapter break pagkatapos ng Juan 13:38, madalas nating binabasa ang Juan 14:1 na tila ito’y nagsisimula ng isang bagong mensahe. Ang Juan 14:1 ay bahagi ng tugon kay Pedro. Basahin ito sa ganitong paraan:

“Pedro, itatatwa mo ako ng tatlong beses. Higit kang mas mahina kaysa sa iyong iniisip. Subali’t huwag kang mag-alala; mayroon akong mensahe ng pag-asa para sa iyo, Pedro, at para rin sa inyong lahat na tatakbo palayo dahil sa takot sa oras ng pagdakip sa akin. ‘Huwag mabalisa ang inyong mga puso. Maniwala kayo sa Dios; maniwala rin kayo sa akin.’”

Kailangang malaman ni Pedro na sa kabila ng kanyang kabiguan, mayroong mensahe ng pag-asa si Jesus. Kailangang malaman ng mga disipulo na sa kabila ng kanilang takot, may mensahe ng pag-asa si Jesus. “Huwag mabalisa ang inyong mga puso,” ay nasa pangkasalukuyan. Dahil sa mga babalang ibinigay ni Jesus at sa mga pagsalungat ng mga lider ng relihiyon, natatakot na ang mga disipulo. Sinasabi ni Jesus, “Tumigil na kayo sa pagkabalisa…. Maniwala (kayo) sa Dios; maniwala rin kayo sa akin.”

Ang tanging paraan na maiiwasan nating “mabalisa” ng mga stresses ng ministeryo ay ang “maniwala”.  Isinusulat ko ang leksyong ito ng Lunes ng umaga. Sa alinmang Lunes, may mga pastor sa iba’t-ibang lugar na pinanghihinaan ng loob.  Kahapon, matapat kang nangaral—at isa sa iyong mga miyembro ay nagalit. Nangaral ka ng mensahe ng pagsisisi—at wala isa mang tumugon. Nag-anyaya ka ng mga hindi mananampalataya—at wala isa mang dumating.

Sa ilang bansa, ang iglesya ay may banta ng pagsalungat ng pamahalaan. Sa ibang mga bansa, ang iglesya ay may banta ng militanteng mga Islam. Sa ilang mga bansa, ang iglesya ay may banta ng social indifference—walang sinumang may pakialam sa iba. Sinasabi ni Jesus, “Huminto na kayo sa inyong pagkabalisa. Maniwala kayo sa Dios, maniwala rin kayo sa akin.”

Isang Pangako: Ako ang Daan (Juan 14:6).

Pinalakas ni J esus ang loob ng kanyang mga disipulo sa pagsasabing siya’y maghahanda ng lugar para sa kanila. Si Tomas naman ang biglang sumagot ngayon, “Panginoon, hindi po namin nalalaman kung saan kayo patungo. Paano naming malalaman ang daan?”

Ang tugon  ni Jesus ay nagtuturo ng mahalagang prinsipyo para sa buhay Kristiyano. Hindi sinabi ni Jesus, “Dito ako patungo.” Sa halip, sinabi niya, “Ako ang daan.” Hindi itinuro ni Jesus ang isang landas o direksiyon; itinuro niya ang kanyang sarili. Wala nang mas malinaw pang pangungusap sa Kasulatan na ang tanging daan patungo sa Ama ay sa pamamagitan ni Cristo. Taliwas sa mga sinasabi ng mga liberal na theologians, malinaw na ipinahayag ni Jesus na siya lamang ang tanging daan patungo sa Dios.

Isang Pangako: Gagawa Kayo ng Mas Dakilang Mga Bagay (Juan 14:12-14).

Ipinangako ni Jesus na “sinumang naniniwala sa akin ay gagawa din ng mga bagay na aking ginawa; at mas dakilang mga bagay pa kaysa rito ang kanyang gagawin, dahil pupunta na ako sa Ama.”  Magiging mas dakila ang mga gawang ito hindi dahil ang mga ito ay mas kahanga-hanga, kundi dahil mayroon silang mas malawak na maaabot. Sa panahon ng ministeyo sa lupa, ang mga ginagawa ni Jesus ay limitado sa isang lugar. Ngayon, dahil isinugo ni Jesus ang Espiritu, ang mga ginagawa ng iglesya ay aabot sa mundo.

Nagpatuloy si Jesus, “Anuman ang inyong hingin sa aking pangalan, gagawin ko iyon, upang ang Ama ay maluwalhati sa pamamagitan ng Anak.” May dalawang kundisyon na nakaugnay sa pangakong ito:

(1) “Humingi kayo sa aking pangalan.”

Ito ay higit pa sa pagdaragdag ng “sa pangalan ni Jesus” sa dulo ng isang panalangin. Ito ay hindi isang salitang sinasabi natin upang pilitin si Jesus na ibigay ang ating mga hinihingi. Sa buong Biblia, ang “pangalan” ng Dios ay kumakatawan sa kanyang karakter. Ang “pananalangin sa pangalan ni Jesus” ay nangangahulugang mananalangin sa paraang katugma ng karakter at kalooban ni Jesus.

Ang pananalangin “sa aking pangalan” ay maaari ring mangahulugan ng “paglapit sa Ama sa pamamagitan ng awtoridad ng Anak”. Nang si Moises ay “lumapit sa Faraon upang magsalita sa inyong pangalan,” lumapit siya sa awtoridad ng Dios na nagsugo sa  kanya.[6]  Ang pananalangin sa pangalan ni Jesus ay nangangahulugan ng pananalangin na may pahintulot at awtoridad niya. Lumalapit tayo sa Ama sa pamamagitan ng Anak na “nananatiling buhay upang maging tagapamagitan para sa kanila.”[7]

(2) “…upang ang Ama ay maluwalhati sa Anak.”

Ang ating mga panalangin ay dapat para sa kaluwalhatian ng Dios. Binigyang-babala si Santiago ang mga “humihingi ngunit hindi nakatatanggap, dahil humihingi sa maling dahilan, upang gamitin iyon sa inyong sariling mga kagustuhan.”[8]  Kapag inaangkin natin ang pangako ni Jesus, dapat nating tiyakin na nananalangin tayo para sa kaluwalhatian ng Dios, hindi para sa ating sariling mga layunin.

Isang Utos: Sundin Ninyo ang Aking mga Utos (Juan 14:15).

Nagbigay si Jesus ng panuntunan na magagamit natin upang sukatin ang ating pagmamahal sa kanya. “Kung iniibig ninyo ako, susundin ninyo ang aking mga utos.” Naalala ni Juan ang pangungusap na ito nang isulat niya ang kanyang unang liham: “Sinuman ang sumusunod sa kanyang mga salita, sa kanya tunay na nalulubos ang pag-ibig ng Dios.”[9]  Taliwas sa itinuturo ng ilang makabagong tagapangaral, kailanman hindi itinuro ni Jesus na ang kanyang mga disipulo ay maaaring mamuhay sa sinasadyang pagsuway sa kanyang mga utos. Nakikita ang pag-ibig sa buong-pusong pagsunod.

Isang Pangako: Bibigyan Niya Kayo ng Isang Patnubay (Juan 14:16).

Ang salitang isinalin na “Katulong/Patnubay” sa Juan 14:16 ay Paraclete.[10] Ito ay salitang tumutukoy sa isang “katuwang na dumarating upang ipagtanggol ang isang tao.” Tumutukoy ito sa isang “katulong” o isang “mang-aaliw na nagbibigay ng pagdamay sa oras ng kaguluhan.”

Sinabi ni Jesus na “magbibigay ang Ama ng isa pang Patnubay, na makakasama ninyo sa habangpanahon.” Ipinahihiwatig nito na ang ministeryo ng Banal na Espiritu ay magiging katulad ng ministeryo ni Jesus. Ang Espiritu ay dumating hindi bilang isang hindi personal na “puwersa” kundi bilang isang persona, kung paanong si Jesus ay isang persona.

Ang Paraclete ay ang Banal na “Espiritu ng katotohanan” na maninirahan “kasama ninyo at sasa inyo”. “Ituturo niya sa inyo ang lahat ng bagay na sinabi ko sa inyo.” Magiging napakamakapangyarihan ng kanyang ministeryo na tiniyak ni Jesus, “ito ay sa inyong ikabubuti na ako ay aalis, dahil kung hindi ako aalis, hindi darating sa inyo ang Patnubay.”[11]

Paano mangyayari na ito’y sa kapakinabang ng mga disipulo kung si Jesus ay aalis? Ipinaliwanag ito ni Robert Coleman:

“Habang kasama nila siya sa anyong may katawan, hindi nakikita (ng mga disipulo) ang pangangailangan na umasa sa Espiritu, kaya’t hindi pa nila tunay na nalalaman nang mas malapit sa puso ang mas malalim na katotohanan ng Kanyang Buhay. Sa kanyang pag-alis, gayunman, wala silang suportang nakikita ng mata. Upang patuloy na mamuhay, kailangan nilang matutuhan ang sikreto ng Kanyang panloob na pakikipag-isa sa Ama. Mula sa kanilang pangangailangan, mararanasan nila ang higit na pakikipag-kaisa kay Cristo kaysa sa alin mang karanasan nila noon.”[12]

Buhay sa Puno ng Ubas

Basahin ang Juan 15:1-16:37.

Nagpatuloy si Jesus sa isa sa kanyang pinakamakapangyarihang imahen. “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang siyang tagapag-alaga.” Paulit-ulit na tinukoy sa Lumang Tipan ang Israel bilang puno ng ubas.[13] Gayunman, dahil sa kanyang kasalanan, hindin kailanman natupad ng Israel ang layunin ng Dios para sa magandang puno na kanyang itinanim. Sa halip, habang lumalago sa materyal ang Israel, nagtayo siya ng mga altar para sa mga diyus-diyosan.[14] Sa halip na mamunga na magiging pagpapala sa mga bansa, ang Israel ay namunga ng “ubas na ligaw”[15]  Naging labis na makasalanan ang Israel kaya’t walang magawa ang Dios sa baging na ito kundi ang sunugin ang  kahoy nito bilang panggatong.[16]

Naparito si Jesus bilang ang “tunay na puno ng ubas”. Dumating siya upang tuparin ang nabigong tuparin  ng bayang Israel; dumating siya upang tuparin ang pagkatawag sa Israel na maging pagpapala sa mga bansa.

Sinabi ni Jesus sa mga disipulo na siya ang puno ng ubas at tayo ang mga sanga. Malinaw ang mensahe ni Jesus: ang pagiging mabunga ay lubusang nakadepende sa ating kagustuhang “manatili sa kanya.”

“Ako ang puno ng ubas; kayo ang mga sanga. Sinumang nananatili sa akin at ako sa kanya, siya ang nagbubunga ng marami, dahil kung hiwalay kayo sa akin, wala kayong magagawa.”

Kung hiwalay sa puno ng ubas, walang magagawa ang mga disipulo; kung hiwalay sa puno ng ubas, wala tayong anumang magagawa ngayon. Kapag sinisikap nating magministeryo sa ating sariling lakas, nakatakda tayong mabigo at mawalan ng kalakasan. Bakit? Dahil hindi tayo kailanman nakalaan na magbunga sa ganang sarili lamang natin.

Ang ating espirituwal na buhay ay nagmumula sa ating nagpapatuloy na kaugnayan sa puno ng ubas. Kung ang sinuman ay hindi nananatili sa puno ng ubas, “itatapon siya tulad ng isang sanga at malalanta; at ang mga sanga ay iipunin, itatapon sa apoy, at susunugin.” Bagaman ang talatang ito ay isang babala, ito rin ay isang malaking pagpapalakas-loob. Kung hiwalay tayo sa puno ng ubas, wala tayong silbi at halaga. Subali’t  kung nananatili tayo sa puno ng ubas, mayroon tayong buhay at pamumunga. Ang ating espirituwal na buhay ay hindi depende sa ating sariling kalakasan; nabubuhay tayo “sa puno ng ubas.”  

Muling nakita ang temang ito sa Hebreo. Si Jesus, ang ating punong pari, ay “laging nabubuhay upang mamagitan para sa kanila” na “lumalapit sa Dios.”[17] Pinalakas ni Howard Hendricks ang loob ng mga nahihirapang mga pastor na ang pakiramdam sila’y nag-iisa: “Kapag walang nananalangin para sa iyo, huwag mong kalilimutang nananalangin si Cristo para sa iyo.” Siya ang ating tagapamagitan; siya ang pinagmumulan ng ating espirituwal na buhay.

Pinaalalahanan ni Jesus ang kanyang mga disipulo na kailangan nilang manatili sa puno ng ubas.  Totoo pa rin ito sa ating panahon. Bilang mga pastor at lider ng iglesya, hindi ka nagmiministeryo sa iyong sariling kalakasan.

Sa kabuuan ng huling talumpati ni Jesus, tinuruan niya muli ang mga disipulo na mahalin ang isa’t-isa. Inihanda niya sila upang harapin ang pagkamuhi ng sanlibutan. Namuhi ang mundo kay Jesus; mamumuhi din ang mundo sa mga tunay na tagasunod ni Jesus.

Pagkatapos ipinaliwanag pa ni Jesus ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa simula ng talumpati, ipinangako niyang susuguin ang Espiritu.  Ngayon tinuruan niya sila ng tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu.  Ang Espiritu ang magpapamulat sa kasalanan sa sanlibutan; siya ang gagabay sa mga disipulo sa lahat ng katotohanan; at luluwalhatiin niya ang Anak.

Muli, ipinaliwanag niya sa kanila ang tungkol sa kanyang paglisan “sa malapit na panahon”. At muli siyang nagsalita sa kanila tungkol sa kapayapaan sa kaguluhan. “Huwag magulumihanan ang inyong mga puso.  Maniwala kayo sa Dios, maniwala rin kayo sa akin.”[18] Tinapos niya ang talumpati gamit ang isang katulad na pagpapalakas-loob: “Sa sanlibutan magkakaroon kayo ng kapighatian. Subali’t magpakatatag kayo; napagtagumpayan ko na ang mundo.”[19]

Pansinin na sa dalawang pagkakataon, ang ating pag-asa ay nakay Cristo lamang. Hindi tayo dapat magulumihanan kung tayo’y naniniwala “rin sa akin.” Dapat tayong “magpakatatag” dahil “napagtagumpayan ko na ang sanlibutan.” Ang buhay sa puno ng ubas ay isang buhay ng mapagtiwalang kapayapaan. Ang ating pagtitiwala ay hindi nakabatay sa mga pangyayari sa sanlibutan; ang ating pagtitiwala ay nakabatay kay Cristo at sa kanyang tagumpay laban sa sanlibutan.


[1] Gen. 49; Deut. 32-33; Josue. 23-24; 1 Cron. 28-29.

[2] Juan 13:1.

[3] Darrell L. Bock, Jesus According to Scripture (Grand Rapids: Baker Book House, 2002), 498.

[4] Juan 17:23a

[5] 1 Juan 4:20-21.

[6] Exod. 5:23.

[7] Heb. 7:25.

[8] Santiago 4:3.

[9] 1 Juan 2:5.

[10] Helper, English Standard Version; Comforter, King James Version; Advocate, New International Version.

[11] Juan 16:7.

[12] Robert E. Coleman, The Mind of the Master (Colorado Springs: WaterBrook Press, 2000), 29.

[13] Awit 80:8-9; Isa. 5:1-7; 27:2-6; Hosea 10:1-2.

[14] Hos. 10:2.

[15] Isa. 5:2.  Ang “ligaw” ay may ideya ng pagiging “maasim” ang lasa sa halip na matamis mula sa isang sadyang  inaalagaang ubasan.

[16] Ezek. 15:1-6.

[17] Heb. 7:25.

[18] Juan 14:1

[19] Juan 16:33.

Mas Malapit na Pagtingin: Ang Huling Hapunan

Ang Mishnah ay isang talaan ng mga sinaunang tradisyong Judio.[1]  Ang isang bahagi ng  Mishnah ay nagpapakita kung paano isinasagawa ng mga Judio ang hapunang pamPaskuwa. Sa Huling Hapunan, malamang na sinunod nina Jesus at kanyang mga disipulo ang tradisyong ito na patuloy pa ring sinusunod makalipas ang 2,000 taon.

Isinisilbi ang unang saro ng alak na hinaluan ng tubig. Ang pagpapala sa sarong ito ay may kasamang pangako mula sa Exodo:”Ilalabas ko kayo.”

Ang ikalawang saro ng alak ay tinitimpla ngunit hindi pa isinisilbi. Ang pinakabatang anak ay magtatanong, “Bakit po naiiba ang gabing ito sa iba pang mga gabi?” Ang ama ay tutugon ng kuwento ng pagliligtas ng Israel mula sa Ehipto.

Pagkatapos ng kuwento, aawitin ng pamilya ang unang Passover Hallel, mula sa Awit 113-114. Iinumin nila ang ikalawang saro na may ganitong pangako: “Palalayain ko kayo mula sa pagkaalipin sa kanila.”

Pagkatapos ng pagpapala, isisilbi ang pagkain. Ang pagkain ay binubuo ng mapapait na herbs, tinapay na walang pampaalsa, tupa at ang sarsa na prutas na hinaluan ng spices at suka. Naghuhugas ng kamay ang ama, hinahati-hati at pinagpapala ang loaves, kumukuha ng kapirasong tinapay, binabalot ito sa mapapait na herbs, isinasawsaw ito sa sarsa, at kinakain. Pagkatapos nagpapasalamat siya at kumakain ng kapirasong karne ng tupa. Pagkatapos kumakain na ang bawat miyembro ng pamilya.

Ang ikatlong saro ay pagpapalain na may pangako ng Paskuwa: “Tutubusin ko kayo.”

Ang ikaapat na saro ay pagpapalain na may pangako ng Paskuwa: “Kukunin ko kayo bilang isang bansa.”

Aawitin ng pamilya ang huling Passover Hallel, mula sa Awit 115-118.[2]

Sa hapunang pamPaskuwa, inaalala ng mga Judio na iniligtas ng Dios ang Israel mula sa pagkaalipin. Higit na mas mahalaga, tinatanaw nila sa hinaharap ang lubos na katuparan ng mga pangako ng Dios kapag sila’y lubusan nang iniligtas ng Mesiyas mula sa pagkaalipin.

Sa araw pagkatapos ng Huling Hapunan, mamamatay si Jesus bilang ang perpektong Korderong pamPaskuwa. Sa krus, natupad ang pangako ng katubusan.


[1] Maaari ninyong panoorin ang video tungkol sa pamPaskuwang hapunan ng Mesiyas ng mga Judio sa  https://www.youtube.com/watch?v=bVolBDlWloQ.  Maaari mo ring basahin sa http://www.crivoice.org/haggadah.html.

[2] Ito ang huling Awit na inawit ni Jesus kasama ng kanyang mga disipulo bago siya magtungo sa Getsemane (Mateo 26:30).

Ang Panalangin ng Punong Pari

Basahin ang Juan 17.

Ang huling panalangin ni Jesus na nakatala kasama ng kanyang mga disipulo ay mahalaga upang maunawaan ang kanyang pamana sa kanyang mga disipulo at para sa iglesya sa kasalukuyan. Ang panalanging ito ay tinatawag ring “Ang Kabanal-banalan sa mga panalangin ni Jesus.” Ito ang kanyang pinakamalapit sa pusong panalangin.

Nanalangin si Jesus Para sa Kanyang Sarili (Juan 17:1-5)

Ipinanalangin ni Jesus na “luwalhatiin ng Ama ang iyong Anak upang maluwalhati siya ng Anak.” Bagaman hindi nauunawaan ng mga disipulo ang panalanging ito, agad nilang malalaman ang nakabibiglang katotohanan na ang panalanging ito ay tutugunin sa isang krus ng mga Romano.

Sa araw ng Lunes ng Linggo ng Pasyon, sinabi ni Jesus, “Ako, kapag ako’y itinaas na mula sa lupa, ay maglalapit ng lahat ng tao sa aking sarili.” Ipinaliwanag ni Juan, “Sinabi niya ito upang ipakita kung anong klaseng kamatayan siya mamamatay.”[1] Niluwalhati si Jesus hindi sa pamamagitan ng tagumpay, kundi sa pamamagitan ng tila malinaw na pagkatalo. Niluwalhati si Jesus sa pamamagitan ng krus.

Ipinanalangin ni Jesus ang Kanyang mga Disipulo (Juan 17:6-19)

Tatlong bagay ang ipinanalangin ni Jesus para sa kanyang mga disipulo. Ipinanalangin niya sa Ama na “ingatan po ninyo sila sa iyong pangalan.” Ipinanalangin niya na sila’y ilayo “sa Masama.” At, ipinanalangin niya na “pabanalin sila ng Ama sa katotohanan.”

Ipinanalangin ni Jesus ang Lahat ng Mananampalataya (Juan 17:6-19)

Nanalangin si Jesus para sa lahat ng “sasampalataya sa akin” sa hinaharap. Ipinanalangin niya na “sila’y maging iisa.” Ang pagkakaisang ito ay patotoo sa sanlibutan: “upang maniwala ang sanlibutan na isinugo ninyo ako.”

Hindi ipinanalangin ni Jesus ang sanlibutan: “Hindi ako nananalangin para sa sanlibutan kundi para sa mga ibinigay mo sa akin.” Sa halip, nanalangin siya para sa mga Kristiyano, upang maniwala ang sanlibutan. Sa kanyang huling panalangin para sa iglesya, ipinanalangin ni Jesus na tayo ay maging patotoo sa sanlibutan sa pamamagitan ng ating pagkakaisa at katapatan.

Ang pamana ni Jesus ay isang grupo ng mga mananampalataya na tutupad ng kanyang layunin sa mundo. Sa Lumang Tipan, pinagpala ng Dios ang Israel upang maging daluyan ng pagpapala sa lahat ng bansa.[2]  Sa Bagong Tipan, ang iglesya ay pinagpala ng Dios upang maging daluyan ng pagpapala sa lahat ng tao. Ipinanalangin ni Jesus na tutuparin natin ang ating tungkulin upang maging pagpapala sa lahat ng tao.


[1] Juan 12:32-33.

[2] Gen. 12:1-3.

Ang Huling Tagubilin ni Jesus sa Mga Disipulo

► Basahin ang Mateo 28:16-20; Marcos 16:15; Lucas 24:44-49; Mga Gawa 1:6-11

Ang nananatiling impluwensiya ng isang lider ay inihahayag ng kanyang kakayahan na ibahagi ang kanyang pangitain sa iba. Sa ngayon tinatawag natin itong “pagpapahayag ng isang pangitain.” Nagbigay si Jesus ng isang modelo ng pagpapahayag ng pangitain sa paraang magiging inspirasyon ng mga matapat na tagasunod. Dahil sa kaniyang pangitain, iniukol ng mga disipulo ang kanilang mga buhay sa pagpapalaganap ng mensahe ng kaharian ng Dios sa buong lupain ng Imperyong Romano.

Kasama sa mga Ebanghelyo ang tatlong pangungusap sa tagubilin ni Jesus.  Ang bawat pangungusap ay nakatuon sa ibang bahagi ng tagubilin. Binigyang-pansin ni Mateo ang awtoridad na kailangan para sa misyon. Binigyang pansin ni Marcos ang maaabot ng tagubilin: “sa lahat ng nilikha.” Binigyang-buod ni Lucas ang nilalaman ng mensahe na ipapangaral ng mga apostol.

Ang pinakakumpletong pangungusap ng huling tagubilin ni Jesus ay nasa Mateo 28:18-20.

“Ang lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa ay ipinagkaloob na sa akin. Kaya’t humayo kayo at gawing alagad ang lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu, turuan silang sundin ang lahat ng iniuutos ko. At narito, kasama ninyo ako lagi, hanggang sa wakas ng panahon.”

Ang pangunahing utos sa tagubiling ito ay “gawin ninyong mga disipulo.” Upang matupad ang utos na ito kailangan nating humayo, bautismuhan ang mga bagong mananampalataya, at turuan ang mga batang mananampalataya. Ang mga gawaing ito ay sumusuporta sa sentrong utos na “gawing disipulo.” Ang pag-eebanghelyo, social work, edukasyon, at lahat ng ibang aspeto ng ministeryo ay ginagabayan ng sentrong prayoridad: tayo ay tinatagubilinang gumawa ng mga disipulo.

Ang Layunin ng Pastor

Kumain ng hapunan si Ed Markquart, isang Amerikanong pastor, kasama ni Richard Wurmbrand, isang pastor na Romanian na nag-ukol ng maraming taon sa isang komunistang bilangguan. Habang kumakain, nagtanong si Wurmbrand sa isang miyembro ng iglesya ni Markquart, “Mabuti bang pastor ang inyong pastor?” Sumagot ang miyembro, “Oo.”

Nagtanong si Wurmbrand, “Bakit mo nasabing siya’y mabuting pastor?” Sumagot ang miyembro, “Dahil nangangaral siya ng mabubuting sermon.”

Muling nagtanong si Wurmbrand, “Subali’t gumagawa ba siya ng mga disipulo?” Sinabi ni Pastor Markquart na ang tanong na ito ang bumago sa direksiyon ng kanyang buong ministeryo. Sinabi niya:

“Ang layunin ng Dios para sa lahat ng pastor ay ang paggawa ng mga disipulo ni Jesukristo. Mga tao na nagmamahal kay Cristo, na sumusunod kay Jesukristo, na tumatawag kay Jesukristo na kanilang Panginoon. Tinawag tayo para gawin ito: gumawa ng mga disipulo ni Jesukristo. Hindi para gumawa ng mga miyembro ng iglesya. Hindi para gumawa ng mga paaralang pangLinggo. Hindi para gumawa ng mga gusali. Tayo ay dapat gumawa ng mga disipulo ni Jesukristo. Ito ang dahilan ng lahat ng ito.”

Mas Malapit na Pagtingin: Ang Misyon ni Jesus

Ang  mga pangyayari sa huling linggo ng ministeryo ni Jesus ay nagpapakita ng kanyang misyon na lumikha ng isang kaharian na binubuo ng lahat ng mga bansa, lahi, at tao.  Ang mga tagpo mula sa huling linggo ng ministeryo ay naglalarawan ng kanyang misyon sa lahat ng bansa.

  • Pumasok si Jesus sa lungsod na sakay ng isang asno. Binanggit nina Mateo at Juan ang propesiya ni Zacarias,“Narito, ang inyong hari ay dumarating sa inyo, mapagpakumbaba, at nakasakay sa isang asno.” Inilarawan ni Zacarias ang paghahari ng haring ito. “Magsasalita siya ng kapayapaan sa mga bansa; ang kanyang paghahari ay mula sa dagat hanggang sa kabilang dagat.”[1]
  • Nang linisin niya ang templo ng mga Hentil, binanggit ni  Jesus si Isaias: “Hindi ba’t nasusulat, ‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan para sa lahat ng bansa’?”[2] Binago ng mga lider na Judio ang templo kung saan nagkakatipon  ang mga Hentil upang manalangin at ginawa itong isang palengke para sa nagpapalit ng pera at nagbebenta ng mga kalapati.
  • Nang punahin ng mga disipulo si Maria dahil sa “pag-aaksaya” ng mamahaling pabango, tumugon si Jesus: “At tunay na sinasabi ko sa inyo, saanman ipangaral ang ebanghelyo sa buong mundo, ang kanyang ginawa ay babanggitin sa pag-alala sa kanya.”[3]
  • Sa sermon sa Bundok ng Olibo, ihinula ni Jesus ang araw na ang “ebanghelyo ng kaharian ay ipapahayag sa buong mundo bilang patotoo sa lahat ng mga bansa, at pagkatapos darating ang wakas.”[4] Sa mga disipulong Judio na nag-akala na ang kaharian ay para lamang sa piniling bayan, sinabi ni Jesus na ang ebanghelyo ay ipapahayag sa buong mundo.

Ipinakita ng mga propeta ng Lumang Tipan na ang Mesiyas ay darating para sa lahat ng bansa. Sa kanyang huling linggo ng ministeryo sa publiko, itinuro ni Jesus sa kanyang mga disipulo na kabilang sa kaharian ng Dios ang lahat ng tao mula sa lahat ng bansa. Ang pangako ng mga propeta ay matutupad sa pamamagitan ng iglesya.


[1] Mateo 21:5; Zac. 9:9-10.

[2] Marcos 11:17, binabanggit ang Isaias 56:7.

[3] Marcos 14:9.

[4] Mateo 24:14.

Ang Pamana ni Jesus: Ang Iglesya sa Mga Gawa

Maraming libro tungkol sa buhay ni Cristo ang nagtatapos sa pag-akyat sa Langit. Gayunman, ang muling pag-akyat ay hindi ang wakas ng ministeryo sa lupa ni Cristo.  Ang ministeryo ni Jesus ay hindi lamang patungo sa krus o maging sa libingang walang laman; ang kanyang ministeryo ay humantong sa Pentekostes. Ipinangako ni Jesus na magpapadala siya ng “isa pang Patnubay na makakasama ninyo sa habang-panahon.”[1] Ang pangakong ito ay natupad sa Mga Gawa. May dalawang tagpo na nagpapakita ng katuparan ng pamana ni Jesus.

Ang Iglesya sa araw ng Pentekostes

► Basahin ang Mga Gawa 1:4-11 at 2:1-41.

Bago siya umakyat sa langit, nagtanong ang mga disipulo, “Panginoon, muli po ba ninyong itatatag ngayon ang kaharian ng Israel?” Inaasahan nila na itatatag ni Jesus ang isang panlupa, at kahariang pulitikal. Sa kanilang isipan, pinagtibay ng muling pagkabuhay ang posibilidad ng isang kaharian sa lupa. Sa isip nila, ang kailangan lamang gawin ni Jesus ay gamitin ang kanyang kapangyarihan upang ibagsak ang Roma. Tumugon si Jesus:

“Hindi ninyo kailangang malaman ang oras o panahon na itinakda ng Ama ayon sa kanyang awtoridad. Subali’t tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating na sa inyo ang Banal na Espiritu at kayo ay magiging mga saksi ko sa Jerusalem, at sa Judea at Samaria, hanggang sa dulo ng mundo.”

“Ang oras ng kaharian ay hindi ninyo responsibilidad”, pahiwatig ni Jesus. “Sa halip, dapat ninyong tuparin ang misyon na ibinigay ko sa inyo: maglingkod kayo bilang mga saksi ko hanggang sa dulo ng mundo. Subali’t bago kayo humayo, dapat kayong maghintay.” Sa Lucas, sinabi ni Jesus, “Subali’t manatili kayo sa lungsod hanggang sa kayo ay tumanggap ng kapangyarihan mula sa kaitaasan.”[2]

Limampung araw pagkalipas ng Paskuwa, habang nagkakatipon ang 120 disipulo sa silid sa itaas, natupad ang pangako ng Banal na Espiritu. Nagsimula silang magsalita sa wika ng mga taong natitipon mula sa iba’t-ibang bansa para sa Pista ng Pentekostes ng mga Judio. Sumisimbolo ito sa katuparan ng plano ni Cristo na buuin ang kanyang iglesya mula sa lahat ng bansa.

Ang listahan ng mga bansa sa Mga Gawa 2 ay nagpapaalala sa atin ng listahan ng mga bansa sa Genesis 10. Sa Genesis 11, hinatulan ng Dios ang pagtatangka ng tao na magtatag ng isang pangkalahatang kaharian sa Babel nang guluhin ang kanilang mga wika. Sa Mga Gawa 2, sinimulang itayo ng Dios ang kanyang kaharian sa pagbaligtad sa pagkalito sa mga wika.

Ang Pentekostes ang simula ng “mas higit na dakilang mga bagay kaysa rito” na ipinangako ni Jesus.[3] Dahil sa pagkilos ng Banal na Espiritu, mas maraming tao ang sumampalataya sa araw ng Pentekostes kaysa sa buong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa. Nagsimula na ang katuparan ng pamana ni Jesus. Aktibo na sa ministeryo ng mga apostol ang ipinangakong Banal na Espiritu. Mula sa oras na ito, magsisimulang tuparin ng Iglesya ang  dakilang layunin ng Dios na pagbuo ng kanyang kaharian. Tulad ng paglilinaw sa sermon ni Pedro, ang mga pangako ng Lumang Tipan ay natutupad na ngayon sa pamamagitan ng iglesya.

Ipinaliwanag ni John Stott ang apat na aspeto ng Araw ng Pentekostes.[4]

  • Ang Araw ng Pentekostes ang huling gawa ng pagliligtas ni Jesus sa mundo.
  • Ang Araw ng Pentekostes ang nagbigay ng kakayahan sa mga apostol para sa Dakilang Tagubilin.
  • Ang Araw ng Pentekostes ang nagsimula sa bagong panahon ng Espiritu. Sa buong Lumang Tipan, ang Banal na Espiritu ang nagbigay lakas sa mga lingkod ng Dios sa mga espesyal na pagkakataon sa ministeryo. Pagkatapos ng Pentekostes, ang mga Kristiyano sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar ay magbebenepisyo mula sa kanyang ministeryo.
  • Ang unang revival na Kristiyano ay nagsimula sa Pentekostes.

Ang mga epekto ng Pentekostes ay nakikita sa kabuuan ng Aklat ng mga Gawa. “Espesyal” ang mga tanda sa araw ng Pentekostes. Ang kaligayahan, ang pagsasama-sama ng mga mananampalataya, kalayaan sa pagsamba, katapangan sa pagpapatotoo, at kapangyarihan para sa ministeryo ay dapat maging “normal” na ebidensiya ng ministeryo sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu.                                                                                                                    

Pang-araw-araw na Buhay sa Unang Iglesya

Basahin ang Mga Gawa 2:42-47.

Ang ikalawang  tagpo na nagpapakita ng katuparan ng pamana ni Jesus ay nasa dulo ng Mga Gawa 2. Ipinapakita ng tagpong ito ang pang-araw-araw na buhay ng unang iglesya.

Sa kanyang Panalangin ng Punong Pari, ipinanalangin ni Jesus ang pagkakaisa ng kanyang mga tagasunod. Ipinanalangin niya na sila ay magiging iisa tulad ng tayo ay iisa.”[5]  Ang tugon sa panalanging ito ay nagsisimula sa Mga Gawa 2. “Ang lahat ng sumampalataya ay nagsama-sama”; sila ay “dumadalo ng sama-sama sa templo at nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan”; at idinadagdag ng Dios sa “kanilang bilang sa araw-araw ang mga inililigtas.”

Sa Mga Gawa, ang talatang “nagkakaisa” ay kumakatawan sa pagkakaisa ng unang iglesya. Sa kabila ng mga kahirapan ng pagbuo ng isang iglesya ng mga Judio at mga Hentil, pag-uusig mula sa mga lider na Judio, at mga personal na di-pagkakaunawaan sa mga apostol, nanatiling nagkakaisa ang iglesya. Sa kabila ng lahat ng pangyayari, ang panalangin ni Jesus “na sila ay maging iisa” ay natupad.

► Ang larawan ba ng iglesya sa Mga Gawa 2:41-47 ay katulad ng inyong iglesya? Nagmiministeryo ka ba sa kapangyarihan ng Espiritu? Kung hindi, ano ang mga roadblocks na nakakahadlang sa trabaho ng Espiritu sa at sa pamamagitan ng iyong ministeryo? Pagiging di-masunurin ba? Kawalan ng pananalangin? Kulang sa pananampalataya? Kakulangan ng pagkakaisa? Paano kayo makakikita ng bagong pagbuhos ng Espiritu sa inyong ministeryo? 


[1] John 14:16.

[2] Luke 24:49.

[3] John 14:12.

[4] John W. Stott, The Message of Acts (Westmont, Illinois: InterVarsity Press, 1990), 60-61.

[5] Juan 17:22.

Aplikasyon: Pag-iiwan ng Pamana

Sa paghahanda ng leksiyong ito, nag-interview ako ng mga retiradong lider ng ministeryo.[1] Tinanong ko sila tungkol sa kanilang pamana, ang kanilang paghahanda sa pag-alis sa pamumuno, at mga aralin sa pagbabago/transition. Ang bahaging ito ay batay sa kanilang mga tugon.

(1) Ang mga lider na nag-iiwan ng pamana ay nagpaplano para sa hinaharap.

Isipin ninyo na kayo’y nagtatanong sa isang nagtatayo ng gusali, “Ano ang itinatayo mo?” Tiyak na magugulat ka kung sasagot siya ng, “Hindi ko pa alam. Hinihintay ko pa kung ano ang mangyayayri.”

Bago niya simulan ang gusali, ang tagapagtayo ay nagpaplano muna para sa matatapos na gusali. Nalalaman ng mga lider na nag-iiwan ng pamana kung ano ang nais nilang ipamana.

Nalalaman ng lider na nakakatapos nang mabuti ang pamana na nais nilang iwan. Hindi sila tila bulag na gumagawa sa ministeryo. Naniniwala ang mga lider na ito na “Ito ang dahilan ng pagkatawag ng Dios sa akin, na kailangan kong tuparin sa aking lugar ng ministeryo.

Ang pamana ni Jesus ay isang grupo ng mga disipulo na nakahandang pangunahan ang iglesya.  Mula sa simula ng kanyang ministeryo, nagbigay siya ng sapat na panahon at lakas upang ihanda ang mga lalaking ito bilang kanyang pamana.

Kung nais mong mag-iwan ng isang pamana, dapat kang magplano para sa hinaharap.[2] Nakakalungkot na maraming tao ang nag-aayos ng buhay na walang intensiyon sa layunin. Kapag tinanong mo sila sa edad 30, 50, 0 kahit 70 taong gulang, “Ano ang iyong ginagawa sa iyong buhay? Ang sagot ay “Hindi ko alam. Naghihintay pa ako upang makita kung ano ang mangyayari.”

(2) Ang mga lider na nag-iiwan ng pamana ay maingat na naghahanda para sa transition.

Isipin mo na bumisita ka sa isang tagapagtayo na malapit nang makatapos sa isang malaking proyektong itinatayo niya. Tapos na ang mga pader; kumpleto na ang mga bubong, at halos maaari na iyong tirhan. Tanungin mo siya, “Ano ang mga natitira pang hakbang bago matapos ang gusali?”

Talagang magugulat ka kapag sumagot siya sa iyo ng, “Hindi ko alam! Hindi ko pinag-iisipan ang mga huling hakbang.” Hindi! Ang tagapagtayo ay mag-iiwan ng isang bagay na mas tatagal kaysa sa kanya. Maingat niyang pinaplano ang bawat hakbang. Maaari niyang sabihin sa iyo, “Ito ang araw na matatapos namin ang gusali.  Ito ang petsa na ang may-ari ay maaaring lumipat dito.” Ang lahat ay nakaplano para sa transition.

Ang mga lider na nag-iiwan ng pamana ay maingat na naghahanda para sa transition. Kung maaari, pinaplano nila ng mas maaga ang kanilang pagreretiro, nagbibigay ng panahon sa organisasyon upang pumili ng kapalit, at binibigyan ang kapalit ng panahon upang paghandaan ang mga bagong responsibilidad. Sa ilang pagkakataon, ang papaalis at ang padating na mga lider ay may oras ng “kapwa naroon” kung saan ang bagong lider ay nagsisimulang gumawa ng mga pagpapasiya samantalang ang naunang lider ay naroon pa upang magbigay ng pagpapayo at paggabay.

Inihahanda nila ang mga tao upang magtrabaho pa rin ng maayos sa ilalim ng susunod na lider. Tinitiyak nila na ang mga tao sa organisasyon ay may pakiramdam ng seguridad sa transition. Isinulat ng isang lider, “Ang aking layunin ay gawin iyong napakalinis na ang mga empleyado ay halos hindi mapapansin ang aking pag-alis.”

(3) Nalalaman ng mga Lider na nag-iiwan ng pamana kung kailan ang tamang panahon para umalis.

Dapat bukal sa loob ng lider ang paglilipat ng tungkulin sa kaniyang kapalit at “lumakad palayo nang walang panghihinayang”. Ang mga dating lider ay dapat naroroon pa rin para sa pagpapayo, kapag hinihingi lamang ng kanyang kapalit.

Sa kursong ito, nakita natin kung paano inihanda ni Jesus ang mga disipulo upang maging tagapanguna sa iglesya. Maaga pa, binigyan niya sila ng  maingat na pagsasanay.  Pagkatapos, isinugo niya sila upang magministeryo at bumalik para sa evaluation. Sa huling Hapunan, binigyan niya sila ng huling tagubilin para sa ministeryo.  Bago pa man ang muling pag-akyat sa langit, binigyan niya sila ng huling paalala ng kanilang pinakadakilang tagubilin.  Maingat na pinaghandaan ni Jesus ang transition.

Nakakalungkot lamang, maraming lider na Kristiyano ang nagbibigay ng kaunting atensyon sa transition. Iniisip nila, “Gagawin ko ang aking gawain hanggang sa ako’y mapalitan.  Pagkatapos niyan, problema na iyan ng ibang tao.” Syempre, may mga panahon ng biglaang pagkakasakit, kamatayan, o isang pangunahing pagbabago sa ministeryo kaya’t nagiging imposibleng sapat na paghandaan ang transition. Subali’t kung maaari, dapat nating paghandaang mabuti ang transition para sa susunod na tagapanguna. Ito ang isa sa pinakamahalagang hakbang sa pagpapanatili ng isang pamana para sa hinaharap.


[1] Kabilang sa mga interviewee sa seksiyong ito ang mga sumusunod na lider:
+ Dr. Michael Avery, dating presidente ng God’s Bible School and College, Cincinnati, OH
+ Rev. Paul Pierpoint, dating pastor ng Hobe Sound Bible Church and president of FEA Missions, Hobe Sound, FL
+ Rev. Leonard Sankey, retiradong  pastor at lider ng maraming organisasyong pangmisyon.
+ Dr. Sidney Grant, dating president ng  FEA Missions, Hobe Sound, FL

[2] “Itinatayo mo ang iyong pamana araw-araw, hindi sa dulo ng iyong buhay.”
-Alan Weiss

Mga Takdang-Aralin ng Aralin

Sumulat ng 3-5 pahina ng essay (mga 1200-1350 na salita) na sumasagot sa tatlong tanong na ito:

(1) Umisip ng isang lider ng ministeryo o isang miyembro ng pamilya na nag-iwan ng pamana na nakaimpluwensiya sa iyong buhay Kristyano at ministeryo.  Sa isang pahina, bigyang buod ang kanilang impluwensya sa iyong buhay.  Sagutin ang dalawang tanong.

  • Ano ang impluwensya nila sa iyong buhay?
  • Ano ang kanilang ginagawa o sinabi na nagkaroon ng ganun kahalagang epekto?

(2) Anong pamana ang nais mong iwan kapag ikaw ay namatay? Maging specific sa iyong tugon. Sumagot sa 1-2 pahina.

  • Anong pamana ang nais mong iwan sa iyong pamilya?
  • Anong pamana ang nais mong iwan sa iyong komunidad?
  • Anong pamana ang nais mong iwan para sa iyong ministeryo?

(3) Para sa bawat isa sa tatlong paksa sa sagot 2, tukuyin ang specific na gawain na dapat mong sundin sa ngayon upang ipamana ang pamamaraang nais mong iwan.  Sagutin sa 1-2 pahina.

Itabi ang papel na ito at pagbalik-aralan ito linggo-linggo para sa susunod na anim na buwan.  Gamitin ito upang simulan ang iyong pagplaplano para sa pamana para sa susunod na henerasyon.