Ang Buhay at Ministeryo ni Hesus
Ang Buhay at Ministeryo ni Hesus
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 2: Pananalangin Tulad ni Hesus

28 min read

by Randall McElwain


Mga Layunin ng Aralin

Kapag natapos ang araling ito, ang mag-aaral ay dapat:

(1) Kilalanin ang kahalagahan ng panalangin sa buhay at ministeryo ni Hesus.

(2) Matutuhan ang mga prinsipyo ng pananalangin mula sa pagtuturo ni Hesus.

(3) Maunawaan ang kahalagahan ng pananalangin sa ating ministeryo ngayon.

(4) Makagawa ng sariling praktikal na mga hakbang patutungo sa pagiging isang taong mapanalanginin.

Prinsipyo Para sa Ministeryo

Kung nais nating magministeryo tulad ni Hesus, Dapat tayong manalangin tulad ni Hesus.

Pasimula

Sa isang mensahe tungkol sa panalangin, sinabi ni Propesor Howard Hendricks na:

“Hindi mahalaga kay Satanas kung binabasa mo ang Biblia, basta huwag ka lang mananalangin, dahil hindi nababago ng Kasulatan ang iyong buhay.  Maaari ka pa nga nitong bigyan ng matinding kaso ng espirituwal na pagmamataas, dahil alam na alam mo iyan.

“Hindi mahalaga kay Satanas kung ibinabahagi mo sa iba ang iyong pananampalataya, basta hindi ka makakapanalangin, dahil alam niya na mas mahalaga na makipag-usap sa Dios tungkol sa mga tao kaysa makipag-usap sa tao tungkol sa Dios.

“Hindi mahalaga kay Satanas kung ikaw ay makisama sa ministeryo ng isang lokal na iglesya, nang sa gayun hindi ka makapanalangin, dahil maaari kang maging aktibo subali’t hindi gayun karami ang iyong natutupad.”[1]

Pangunahin sa ministeryo sa mundo ni Hesus ang pananalangin. Walang nakahihigit sa pagiging pangunahin kaysa sa pananalangin. Ang ministeryo ni Hesus ay nakatatag sa kanyang relasyon sa kanyang Ama sa langit. Ang relasyong iyon ay pinanatili sa pamamagitan ng pananalangin at malapit na pakikisama sa Dios.

 

 

► Bago pag-aralan ang araling ito, alamin ang tungkulin ng panalangin sa iyong buhay at ministeryo.  Itanong:

  • Tuloy-tuloy ba ang aking buhay pananalangin?
  • Kailan ang huling pagkakataon na nakita ko ang tiyakang sagot  sa panalangin?
  • Ano ang pinakamalalaking hamon sa aking buhay pananalangin?
  • Lumalago ba ako sa aking buhay pananalangin?[2]

[1] Hinango sa “Prayer – the Christian’s Secret Weapon.” ni Howard G. Hendricks, Reprinted in Veritas, January 2004.

[2] “Ang pananalangin ang gymnasium ng kaluluwa.”
- Samuel Zwemer,“Apostol sa Islam”

Halimbawa ng Pananalangin ni Hesus

Sa buong ministeryo ni Hesus, nakikita natin siyang nananalangin sa mga mahahalagang pagkakataon.  Nagtala ang mga Ebanghelyo ng 15 tiyakang pagkakataon na si Jesus ay nanalangin. Hindi kailanmang naging pangalawa ang panalangin; pangunahin ang panalangin sa kanyang buhay.

Higit sa sinumang ibang manunulat, binigyang pansin ni Lucas ang pananalangin sa ministeryo ni Hesus.  Tanging si Lucas ang nagsabi sa atin na nanalangin si Hesus buong magdamag bago pinili ang labindalawang disipulo.[1] Tanging si Lucas ang nagsabi na ang pagbabagong-anyo ay naganap nang isama ni Hesus sina Pedro, Santiago at Juan sa bundok upang manalangin.[2]  Ang pagbibigay-diin ay nagpatuloy sa Mga Gawa sa pagsusulat ni Lucas ng tatlumpu’t limang beses tungkol sa tungkulin ng pananalangin sa sinaunang iglesya.

Pananalangin sa Pang-araw-araw na Ministeryo ni Hesus

► Basahin ang Marcos 1:32-39.

Ang kuwentong ito mula sa umpisa ng ministeryo ni Jesus ay nagpapakita kung paano nagkakaugnay ang pananalangin at ang paglilingkod.  Pansinin ang sunod-sunod na pangyayari sa kuwentong ito.  Nang sinundang gabi, nagtipon-tipon ang mga tao sa labas ng bahay na tinutuluyan ni Jesus, at pinagaling niya ang marami sa kanila.

Pagkaumaga, nagtungo si Jesus sa “labas, sa isang kubling lugar” upang manalangin.  Hinanap siya ni Simon Pedro dahil “Hinahanap kayo ng lahat.” Tumugon si Jesus, “Tumuloy tayo sa kabilang bayan, upang makapangaral din ako doon, dahil ito ang dahilan kung bakit ako lumabas.”  Ang pattern ng ministeryo ni Jesus ay panalangin na sinasamahan ng paglilingkod.

Ito dapat ang huwaran para sa ministeryo. Kung walang panalangin, ang ating paglilingkod ay nagiging kapaguran sa espirituwal.  Kung walang serbisyo, ang ating buhay panalangin ay nasesentro sa sarili; hindi tayo sumusubok upang maglingkod sa mga pangangailangan ng mga nasa paligid natin.  Ipinakita ni Hesus na ang panalangin at paglilingkod ay dapat magkaugnay.

Pananalangin sa Pananahon ng Pagpapasya

► Basahin ang Lucas 6:12-16.

Isa sa pinakamahalagang pagpapasya sa ministeryo ni Hesus ay ang pagpili sa labindalawang apostol.  Mula sa libong nakinig sa kanyang pangangaral, marami sa kanila ang maaari nang tawaging “tagasunod”.[3] Pitumpu’t dalawa ang halos pwede nang maging kinatawan ni Hesus sa paglalakbay sa pangangaral.[4]  Subali’t labindalawang lalaki lamang ang pinili ni Hesus upang maging kanyang mga “alagad/apostol”.

Nag-ukol ng maraming oras ang labindalawa kasama ni Hesus. Kasama niya sila sa katapusan ng kanyang ministeryo sa lupa.  Pagkatapos niyang umakyat sa langit, labing-isa sa mga apostol ang naging tagapanguna sa unang iglesya.

Ang pagpili sa Labindalawa ay isang napakahalagang pasya.  Hindi sumulat ng anumang libro si Hesus o nagtatag ng anumang paaralan.  Ang kanyang pamana ay tinaglay ng mga lalaking ito.

Ano ang ginawa ni Hesus bago piliin ang Labindalawa? Nanalangin siya.  Dahil nakaharap sa isang napakahalagang pasya, iniukol ni Hesus ang magdamag sa pananalangin. Kung ang Anak ng Dios ay nanalangin nang mataimtim bago ang isang mahalagang pasya, mas lalong dapat magkaroon ng pangunahing parte sa ating mga pagpapasya ang pananalangin!

Pananalangin sa Harap ng mga Pagsubok/Paghihirap

► Basahin ang Mateo 26:36-46.

Ilang oras bago ang pagdakip kay Hesus, nagtungo siya sa Getsemane upang manalangin.  Naghanda siya para sa paghihirap sa pamamagitan ng pananalangin.  Kailanman hindi ginamit ni Hesus ang kanyang pagiging Dios upang takasan ang mga paghihirap ng kanyang pagiging tao. Sa halip, nagtiwala siya sa pananalangin para sa kalakasan upang harapin ang paghihirap.

Ang panalangin ni Hesus sa hardin ay isang modelo para sa atin sa ngayon.  Hindi artipisyal ang kanyang panalangin; hinarap ni Hesus ang katotohanan ng paghihirap.  Nakakalakas ba ng iyong loob na malaman na si Hesus ay tumugon sa paghihirap/sakit sa paraan bilang isang tao? Sa pagharap sa sakit, nanalangin si Hesus para sa kaginhawahan:

“Hindi niya ipinanalangin sa hardin na, ‘O Panginoon, nagpapasalamat ako na pinili ninyo ako upang maghirap para sa iyong kapakanan.’ Hindi. Naranasan niya ang kalungkutan, takot, pagtalikod, at ang bagay na parating kahit ang kawalang-pag-asa. Gayunman, siya’y nagtiis dahil nalalaman niyang sa sentro ng sanlibutan ay nabubuhay ang kanyang Ama, isang Dios ng pag-ibig na maaari niyang pagtiwalaan anuman ang maging itsura ng mga bagay o pangyayari.”[5]

Sa harap ng paghihirap, hindi tayo dapat magkunwari na mas malakas kaysa totoong kalagayan.  Tulad ni Job maaari tayong umiyak sa harap ng ating paghihirap. Sa kanyang pagiging tao, gayundin ang ginawa ni Hesus. Gayunman, tulad ni Hesus, maaari tayong manatiling matapat dahil alam natin na ang  ating mapagmahal na Ama sa Langit ang may ultimong kontrol.

Sa panalangin natin matatanggap ang kalooban ng ating Ama.  Ang susi sa panalangin ni Jesus sa harap ng paghihirap at ang susi sa ating panalangin sa paghihirap ay ang pagsuko sa kalooban ng Ama: “Gayunpaman, hindi ang aking kalooban, kung hindi ang iyong kalooban.”


[1] Lucas 6:12.

[2] Lucas 9:28.

[3] Juan 6:60, 66.

[4] Lucas 10:1.

[5] Philip Yancey, The Jesus I Never Knew (Grand Rapids: Zondervan, 1995), 161.

Ang Katuroan ni Hesus Tungkol sa Pananalangin

Hindi lamang ipinakita ni Hesus ang kahalagahan ng pananalangin sa pamamagitan ng kanyang halimbawa, iniukol niya ang maraming panahon ng kanyang pagtuturo sa pananalangin.  Alam ni Hesus na ang buhay espirituwal ng kanyang mga tagasunod ay nangangailangan ng malusog na buhay ng pananalangin. Dahil dito, sinanay niya ang kanyang mga disipulo sa pananalangin.

Ang Turo ni Hesus sa Sermon sa Bundok

► Basahin ang Mateo 6:1-18.

Sa Sermon sa Bundok, nagturo si Hesus tungkol sa tatlong bahagi ng gawaing espirituwal: pagbibigay sa mahihirap, pananalangin at pag-aayuno. Malinaw sa kanyang pagtuturo na inaasahan ni Hesus na ang mga ito ay maging normal na gawain para sa kanyang mga tagasunod.  Hindi sinabi ni Hesus, “Kung kayo’y magbibigay sa mahihirap” o “kung kayo’y mananalangin” o “kung kayo’y mag-aayuno.”  Inaasahan niya ang kanyang mga tagasunod na maging mapagbigay, mapanalanginin at mga tagasunod na “may disiplina sa sarili.”

Ipinakita ni Hesus na ang mabubuting gawaing ito ay mawawalan ng kahulugan kapag ang mga ito ay nagmumula sa maling motibo.  Sa lumang panahon, ang isang “hipokrito” ay isang tauhan sa dula na nagsusuot ng iba’t-ibang maskara upang gumanap sa iba’t-ibang katauhan sa isang palabas.  Posible siyang “gumanap ng isang relihiyosong katauhan” sa harap ng iba.

  • Maaaring magbigay sa mahihirap upang ipakita sa mga tao ang ating pagiging mapagbigay.  Sinabi ni Jesus, “Natanggap na nila ang kanilang gantimpala.”
  • Maaaring manalangin upang magpakitang gilas sa mga nakikinig gamit ang ating magagandang salita. Subali’t sinabi ni Hesus, “Natanggap na nila ang kanilang gantimpala.”
  • Maaaring mag-ayuno upang magpakitang gilas sa ating pagiging relihiyoso at disiplina sa sarili. Subali’t sinabi ni Hesus, “Natanggap na nila ang kanilang gantimpala.’

Dapat ang motibasyon para sa mga espirituwal na gawaing ito ay ang pagbibigay lugod sa ating Ama sa langit. Maging ito man ay pagbibigay sa mahihirap, pananalangin o pag-aayuno, ang ating gantimpala ay ang Dios mismo. Hindi natin dapat gawin ang mga espirituwal na gawaing ito para sa palakpak ng mundo. Sa halip, gawin natin ang mga bagay na ito mula sa nagpapatuloy na lumalalim na pagnanais sa Dios.

Tinuruan ni Hesus ang kanyang mga disipulo kung paano manalangin sa simple at direktang paraan:

“Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang iyong pangalan. Ikaw nawa ang maghari sa amin. Sundin nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit. Bigyan mo kami ng pagkaing aming kailangan sa araw-araw; at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad sa mga nagkakasala sa amin. At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok, kundi ilayo mo kami sa masama.”[1]

Ito ay hindi isang panalangin na dapat bigkasin nang hindi nag-iisip tulad ng “Walang lamang mga talata” na tinanggihan ni Hesus sa Mateo 6:7-8. Sa halip, ang panalanging ito ay modelo ng attitudes na dapat gumabay sa ating mga panalangin”

Relasyon

“Aming Ama sa langit” ay nagpapakita ng ating malapit na relasyon sa Dios.  Sa halip na isang malayong dios, kinikilala natin ang Dios bilang Ama na nagnanais magbigay ng mabubuting bagay sa kanyang mga anak.[2] Ang talatang ito ay nagpapahiwatig ng pagiging malapit (“Aming Ama”) at awtoridad (“sa langit”).  Ang Dios ay kapwa majestic at personal.

Respeto

“Sambahin ang pangalan mo” ay nagpapakita ng distansiya sa pagitan natin at ng ating Ama “sa langit.” Bagaman ang Dios ay isang mapagmahal na Ama, siya ay banal.[3] Tulad ng natuklasan ng matalinong lalaki sa Ecclesiastes, hindi natin dapat kailanman ipagwalang-bahala ang pagitan na naghihiwalay sa tao sa banal na Dios.[4]  Pumapasok tayo sa kanyang presensiya nang may paggalang at pagkamangha.

Pagpapasakop

“Dumating nawa ang iyong kaharian, mangyari nawa ang iyong kalooban, sa lupa gayundin sa Langit” ay kumakatawan sa ating kagustuhang magpasakop sa kanyang awtoridad.  Habang natutupad nang perpekto ang kalooban ng Dios sa langit, dapat nating ipanalangin na matupad din ito sa lupa.

Probisyon

“Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw araw” ay may espesyal na kahalagahan sa mundo noong wala pang refrigerators at koryente.  Ibinibigay ang pagkain sa bawat araw.  Ang talatang ito ay nagpapahiwatig ng ating araw-araw na pagtitiwala sa Ama.  Bilang kanyang mga anak, pinagtitiwalaan natin siya na nagbibigay ng ating mga pangangailangan.

Pagpapahayag ng Kasalanan

“At patawarin mo kami sa aming mga utang, tulad ng pagpapatawad namin sa nagkakautang sa amin.” Sa Lucas 11:2-4, ang parehong panalangin ay may ganitong salita: “Patawarin mo ang aming mga kasalanan kung paanong pinatatawad namin ang mga nagkakasala sa amin.” Dahil ang ating kasalanan ay “utang natin sa Dios” ang kahulugan ay pareho lamang kapwa sa Mateo at Lucas.[5]

Sa pamamagitan ng pag-uugnay ng ating pagpapatawad sa iba sa ating kapatawaran mula sa Dios, hindi itinuro ni Hesus na kailangan nating “kitain” ang kapatawaran. Sa halip, tayo na mga pinatawad ay buong pusong magpatawad sa mga taong nagkasala sa atin.  Ang talinhaga ni Hesus tungkol sa aliping ayaw magpatawad ay nagpapakita ng relasyon sa pagitan ng ating kapatawaran at ng ating kagustuhang magpatawad sa iba.[6]

Tagumpay

“At huwag mo kaming itulot sa tukso, sa halip iadya mo kami sa masama” ay isang panalangin para sa tagumpay laban sa tukso at pagsubok.  Hindi tinutukso ng Dios ang kanyang mga anak,[7] subali’t ang bawa’t isa sa atin ay haharap sa mga panahon ng pagsubok at pagtukso.[8] Sa mga pagkakataong ito, hindi pahihintulutan ng Dios na tayo’y matukso nang higit sa ating makakaya.[9]

Ang Turo ni Hesus Tungkol sa Matapang na Panalangin

► Basahin ang Lucas 11:1-13.

Sinundan ni Lucas ang Panalangin ng Panginoon ng isang talinhaga na nagtuturo sa atin na magkaroon ng lakas ng loob na manalangin sa Ama na gustong gustong magbigay ng mabubuting bagay sa kanyang mga anak.  Sa Gitnang Silangan, karaniwan na ang humiram sa mga kapitbahay upang mag-istima ng isang bisita.  Kapag malakas ang loob ng isang tao sa paghingi, ibibigay ng kanyang kapitbahay ang anumang kailangan niya.  Sa kanilang kultura, itinuturing na magaspang na ugali ang pagtanggi sa isang paghingi ng tulong. Kahit pa ayaw abalahin ng kapitbahay ang kanyang pamilya, hindi niya tatalikuran o tatanggihan ang tawag para tumulong.

Mas higit pa sa nakasanayan, nais ng Dios na ibigay ang mabubuting mga bagay sa kanyang mga anak  na matapang ang loob sa paghingi.  Kung paanong ang lalaki sa talinhagang ito ay matapang ang loob na humingi, makakalapit tayo sa ating Ama sa Langit nang may pagtitiwala. Bakit? Hindi dahil mahihiya ang Dios kapag tinanggihan niya ang ating kahilingan, kundi tayo ay binigyan na niya ng pahintulot na “humingi, humanap at kumatok.”

Mas Malapit na Pagtingin: Mga Istilo ng Pagtuturong Hebreo

Sa Lucas 11:1-13, ikinuwento ni Hesus ang tungkol sa isang lalaking ayaw bumangon sa higaan para tulungan ang kapitbahay na kailangang humiram ng pagkain para sa bisita nito.

Upang maunawaan ang talinhagang ito, dapat nating maunawaan ang paraan ng pagtuturo ng Hebreo—“ang mas kaunti papalaki/papadami” na pangangatwiran.  Ang paraang ito ng pagtuturo ay nagsasabing, “Kung ang A (mas kaunti) ay totoo, sagayun, mas higit ang B (ang mas marami) ay tiyak na totoo.”  Sa ngayon, maaari nating sabihin, “Kung ang isang tao ay magpapakain ng isang nagugutom na dayuhan (A), mas lalong higit na ang isang mapagmahal na Ama ay magpapakain ng kanyang mga  anak (B).”

Kapag binabasa mo ang talinhaga, huwag mong isipin. “Ang Dios ay tulad ng nag-aatubiling kapitbahay.  Kailangan ko siyang himukin na sagutin ang aking mga panalangin.”  Sa halip, inihahambing ni Hesus ang nag-aatubiling kaibigan sa isang Ama sa langit na bukas ang loob sa pagbibigay.  Kung ang isang kapitbahay sa lupa ay tutugon sa isang malakas ang loob na kahilingan, gaanong higit pa kaya na tutugon ang makalangit na Ama sa kanyang mga anak.

Ang panalangin ay relasyon.

Kung nais ng Dios na sagutin ang mga panalangin ng kanyang mga anak, bakit kung minsan ay natatagalan ang kanyang mga sagot? “Humingi, humanap at kumatok” ay mga utos na pangkasalukuyan.  Ibig sabihin magpatuloy lamang tayo sa paghingi, paghanap at pagkatok.  Bakit?

Isang dahilan, ang pananalangin ay higit pa sa pagbibigay ng listahan ng ating mga kahilingan.  Ang pananalangin ay isang nagpapatuloy na relasyon sa ating makalangit na Ama.  Kung paanong inuutusan tayo ni Pablo na “Manalangin nang walang humpay,”[10] inuutusan tayo ni Jesus na magpatuloy sa paghingi, paghanap at pagkatok. Sa pamamagitan ng nagpapatuloy na pakikipag-usap sa Dios, ang ating relasyon ay mas lumalalim pa.  Ang pananalangin ay higit pa sa isang listahan ng mga kahilingan; ang panalangin ay isang relasyon.[11]

Ang Talinhaga tungkol sa Mapilit na Panalangin

Sa Lucas 17, tinanong ng mga Pariseo si Jesus kung kailan darating ang kaharian ng Dios.  Sinabi niya sa kanila na hindi sila dapat umasa na mayroong mga kamangha-manghang mga tanda. Sa halip, ang “kaharian ng Dios ay nasa kalagitnaan na ninyo.”[12] Ang kaharian ng Dios ay naroroon na sa mga sumusunod kay Hesus.

Pagkatapos, bumaling si Hesus sa kanyang mga alagad at tinuruan sila tungkol sa kaharian ng Dios.  Inasahan nila na magtatatag si Hesus ng isang kahariang pampulitika, subali’t inihanda sila ni Hesus upang maghintay maging pagkatapos ng kanyang kamatayan.  Habang naghihintay, dapat silang maging mataimtim sa pananalangin at “huwag mawawalan ng pag-asa.” Pagkatapos, ikinuwento ni Hesus ang tungkol sa matapat na panalangin.

► Basahin ang Lucas 18:1-8.

Sa maraming sinaunang lungsod, ang mga hukom ay hindi matapat.  Walang sinumang makakakuha ng paglilitis kung hindi sila magsusuhol.  Ang babaeng balong ito ay walang pera para suhulan ang hukom, kaya’t tumanggi siyang pakinggan ang kaso ng babae.  Gayunman, ang mapilit na balo ay tumangging sumuko.  Sa wakas, ang di-matuwid na hukom ay nagsabi, “Dahil ang balo ay nagpapatuloy sa pang-aabala sa akin, bibigyan ko siya ng hustisya.”

Ginagamit din ng talinhagang ito ang “kaunti at paparami” na istilo katulad ng talinhaga tungkol sa malakas ang loob na kapitbahay.[13]  Kapag binasa mo ang talinhagang ito, unawain na:

  • Ang Dios ay hindi isang di-makatarungang hukom. Nais ng ating Ama na “bigyan ng hustisya ang kanyang mga pinili.”
  • Hindi tayo ang balo.  Siya ay isang dayuhan; tayo ay mga anak ng Dios.
  • Hindi siya makalapit sa hukom; sa pamamagitan ni Jesus, makakalapit tayo sa Dios.

Ito ay isang talinhaga ng pagsasalungatan.  Kung ang isang di-makatwirang hukom ay tumutugon sa mapilit/mataimtim na balo, gaano pa kaya higit na tutugon ang ating Ama sa langit sa mga panalangin ng kanyang mga anak.

Ang Talinhaga Tungkol sa Mapagpakumbabang Panalangin

► Basahin ang Lucas 18:9-14.

Ang sumunod na talinhaga ni Jesus tungkol sa panalangin ay inihayag sa “mga nagtitiwala sa kanilang sarili na sila ay matuwid at tinatrato ang iba nang may pagkamuhi.” Itinuturo ng talinhaga ang matuwid na kaisipan sa pananalangin.

Ang tema ng talinhaga ay nasa hulihan: “ang sinumang itinataas ang sarili ay ibababa, subali’t ang nagpapakababa ay itataas.” Iniisip ng mga Pariseo na ang panalangin ay sinasagot dahil sa kanilang pagiging matuwid. Ipinakikita ni esus na sinasagot ang mga panalangin dahil sa biyaya ng Dios para doon sa mga walang sariling katwiran. Walang sinumang nararapat tumanggap ng tugon sa ating mga panalangin; tumutugon ang Dios sa panalangin dahil sa kanyang biyaya para doon sa mga hindi karapat-dapat tumanggap ng anuman.


[1] Mateo 6:9-13.

[2] Mateo 7:11.

[3] Ang salitang “hallowed” ay nangangahulugang “banal” o “ibinukod.”

[4] Eccl. 5:2.

[5] Col. 2:14.

[6] Mateo 18:21-35.

[7] Santiago 1:13.

[8] 1 Pedro 1:6-7.

[9] 1 Cor. 10:13.

[10] 1 Tes. 5:17.

[11] “Ang pananalangin ay hindi tunkol sa paghingi ng mga bagay at makuha ang nais natin. Ang pananalangin ay tungkol sa paghindi sa Dois at pagtanggap sa ating kailangan.”
- Philip Yancey

[12] Lucas 17:20-21.

[13] "Ang panalangin ay hindi naaabot ang pag-aatubili ng Diyos. Ang panalangin ay  paghawak ng pagpayag ng Diyos.”
-Martin Luther

Pagsasabuhay: Ang Pananalangin sa Buhay ng Kristiyano

Ang mga taong katulad ni Cristo ay mga taong nananalangin.  Pinag-aralan ni J.C. Ryle, ang Obispo ng Liverpool noong ika-19 na siglo ang buhay ng mga dakilang Kristiyano sa buong kasaysayan. Sinabi niya na ang ilan ay mayaman, ang iba ay mahihirap.  Ang ilan ay may pinag-aralan, ang iba ay hindi nakapag-aral.  Ang ilan ay Calvinists, ang iba ay Arminian.  Ang ilan ay gumagamit ng liturhiya, ang iba ay malaya. “Subali’t isang bagay lang ang taglay ng lahat ng mga ito.  Silang lahat ay mga lalaking mapanalanginin.”[1]

Sa buong panahon ng kasaysayan ng iglesya, ang mga taong katulad ni Cristo ay mga taong nananalangin.  Si. E.M. Bounds, isang dakilang Krisktiyanong lider ay nanalangin mula ika-4 hanggang ika-7 tuwing umaga.  Isinulat niya, “Ang Banal na Espiritu ay hindi umaagos sa pamamagitan ng mga pamamaraan kundi sa pamamagitan ng mga tao. Hindi siya dumarating sa mga makinarya kundi sa mga tao.  Hindi niya ina-anoint ang mga plano kundi mga tao—mga lalaking nananalangin.”[2]

Nangasiwa si George Müller ng mga ampunan para sa libo-libong mga bata.  Ipinasya niyang hindi siya kailanman hihingi ng tulong sa kanino pa mang tao, subali’t magtitiwala siya sa panalangin lamang. Tumanggap siya ng mahigit $7,000,000 sa pamamagitan lamang ng panalangin.  Hindi lamang niya nasuportahan ang kanyang mga ampunan, nagbigay rin si Müller ng libo-libo para sa ibang ministeryo. Nalalaman ni George Müller ang kapangyarihan ng pananalangin.

Bakit Tayo Nananalangin?

Nananalangin tayo dahil nakadepende tayo sa Dios.

Sa kanyang pagiging tao, umasa si Hesus sa pananalangin para makipag-ugnayan sa kanyang Ama.  Ang panalangin ay isang kilos ng pagdepende sa Dios.  Ipinapakita nito na hindi tayo umaasa sa ating sarili kundi sa Dios[3].

► Basahin ang Mateo 26:31-46.

Ang pagbagsak ni Simon Pedro ay nagpapakita ng kahalagahan ng pananalangin.  Binigyang babala ni Hesus ang mga disipulo, “kayong lahat ay lalayo dahil sa akin sa gabing ito.” Mas direkta, binigyang babala ni Hesus si Pedro, “Simon, Simon, tingnan mo, ninanais ni Satanas na makuha ka.”[4]  Bumagsak si Pedro dahil sa dalawang kahinaan.

  1. Masyadong nagtitiwala sa sarili si Pedro.  Ipinilit niya, “Kahit na tumalikod silang lahat dahil sa iyo, hindi ako kailanman tatalikod …Kahit na kailanganin kong mamatay nang kasama mo, hindi kita ikakaila!”[5] Ang pagmamataas ay nagbigay kay Pedro ng sobrang pagtitiwala sa kanyang sariling kalakasan.
  2. Nabigong manalangin si Pedro.  Dahil siya’y nagtitiwala sa kanyang sariling lakas, hindi umasa sa Dios si Pedro.  Sa halip na sumama kay Hesus upang manalangin, natulog si Pedro. Tayo’y mas mataimtim sa pananalangin kapag nauunawaan natin ang ating lubos na pagdepende sa Dios. Isinulat ni Dick Eastman, “Tanging sa panalangin lamang natin lubos na isinusuko ang ating mga suliranin sa Dios.”[6]

Nananalangin tayo upang lubusang makilala ang Dios.

Isa sa pinakamalaking kahinaan ng modernong iglesya ay ang ating mababaw na kaalaman tungkol sa Dios.  Madalas, ang ating panalangin pangkahilingan ay binubuo lamang ng pangangailangang materyal at personal na kasiyahan.  Marami sa atin ang nag-uukol ng maraming oras sa pananalangin. “O, Dios, tulungan mo po ang aking mga anak upang makahanap ng mabuting trabaho” sa halip na “O Dios, hubugin mo po ang aking mga anak sa iyong wangis.” Mas taimtim tayong nananalangin para sa pisikal na kagalingan kaysa sa espirituwal na kagalingan.  Nagpapakita ito kung gaano kaliit ang ating pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng pananalangin.

Isa sa mga pangunahing layunin ng panalangin ay ang mas higit na makilala ang Dios.  Sa pananalangin, tayo ay nakaugnay sa puso ng Dios.  Ang panalangin ay hindi tungkol sa pagpapagawa sa Dios ng mga bagay na nais nating gawin niya.  Binibigyan tayo ng panalangin ng kaalaman sa puso ng Dios hanggang gustuhin natin kung ano ang gusto niya.[7]

Kapag narating natin ang puntong ito, sinasabi ni Hesus, “Anuman ang hingin ninyo sa panalangin, maniwala kayo na tinanggap na ninyo ito, at ito ay kakamtin ninyo.”[8] Dahil ang ating puso ay nakatono sa puso ng Dios, hindi tayo hihingi ayon sa mga maling motibo o sa pagsalungat sa kalooban ng Dios.[9] Ang kaalamang ito sa puso ng Dios ay nagmumula sa nagpapatuloy na pananalangin.

Sinabi ng mga Puritans na dapat tayong “manalangin hanggang sa kayo’y manalangin.” Sa ibang salita, dapat tayong matagal na manalangin at matiyagang manalangin upang makalampas sa mga salitang walang laman at pumasok sa presensiya ng Dios. Dapat tayong manalangin hanggang magkaroon tayo ng kasiyahan sa Dios.

Magbigay ng isang pagkakataon na ang panalangin ay nagbigay sa iyo ng mas malalim na pagkaunawa sa Dios at sa kanyang kalooban.

Paano Tayo Mananalangin?

Sa pag-aaral sa halimbawa ni Hesus tungkol sa pananalangin, matututuhan natin ang mahahalagang aralin patungkol sa epektibong pananalangin.

Matiyaga tayong mananalangin.

Si Hesus ang Anak ng Dios.  Maaaring inaasahan natin na ang kanyang buhay panalangin ay simpleng pagsasabi lamang ng “Ama ano ang nais mong gawin ko?” at tatanggap na agad ng sagot! Sa halip nakita natin siya na magdamag na naghintay sa pananalangin bago pinili ang Labindalawa.  Nakita natin siyang nakikipagbuno sa panalangin sa garden ng Getsemane.  Ang panalangin, kahit para kay Hesus ay nangangailangan ng tiyaga at panahon.  Ang pananalangin ay paghihintay sa Dios.

Sinabi ni Glenn Patterson, sa pagsulat niya tungkol sa kahalagahan ng paghihintay sa panalangin, “Kung ano ang ginagawa ng Dios sa atin habang tayo’y naghihintay ay kasinghalaga ng bagay na ating hinihintay.[10]  Ang paghihintay ay bahagi ng proseso ng Dios sa paggawa sa atin na maging kung ano ang nais niya.” Habang naghihintay tayo sa Dios, natututo tayong mas makilala siya nang mas mabuti.

Itinuturo ng Awit 37:1-9 ang mahahalagang leksiyon tungkol sa pananalangin.  Tingnan  ang mga utos na ito:

  • Huwag magreklamo.
  • Magtiwala sa Panginoon.
  • Magkaroon ng kasiyahan sa Panginoon.
  • Ipagtiwala ang iyong mga daan sa Panginoon.
  • Magtiwala sa kanya.
  • Maging mapayapa sa harap ng Panginoon.
  • Matiyagang maghintay sa kanya.
  • Umiwas sa pagkagalit.
  • Huwag kang mag-reklamo (uli!)

Ang mga utos na ito ay tumutukoy sa matiyagang pagtitiwala sa isang Dios na kumakalinga sa iyo at “magbibigay ng mga ninanais ng iyong puso.”  Sa pamamagitan ng matiyagang pananalangin, tayo’y naging mga taong mapagtiwala na siyang nais ng Dios sa atin.

Isang Modelo ng Matiyagang Panalangin

Sa simula ng kaniyang buhay Kristiyano, nagsimulang manalangin si  George Müller para sa pagbabalik-loob ng lima sa kanyang mga kaibigan. Makalipas ang maraming buwan, isa sa kanila ang lumapit sa Panginoon.  Sampung taon pagkalipas, dalawa pa ang nagbalik-loob.  Dalawampu’t limang taon pa bago naligtas ang ikaapat.

Nagtiyaga si Müller sa panalangin hanggang sa kanyang kamatayan para sa kanyang ikalimang kaibigan.  Sa loob ng 52 taon, hindi siya sumuko sa pananalangin na tatanggapin ng kaibigang ito si Cristo! Ilang araw matapos ang libing ni Müller, ang ikalimang kaibigan ay naligtas.  Naniwala si Müller sa matiyagang panalangin.

Nananalangin tayo nang may kababaang-loob.

Nanalangin si Hesus, “Nawa’y matupad, hindi ang aking kalooban, kundi ang sa Iyo.”[11] Alam ni Jesus na maaari niyang pagtiwalaan ang perpektong kalooban ng kanyang Ama.

Ang pananalangin ay isang gawain ng kababaang-loob.  Nananalangin tayo para sa iba dahil hindi natin sila matutulungan sa ating sariling talino; dapat tayong umasa sa Dios. Nananalangin tayo para sa ating sarili dahil hindi natin mapapamahalaan ang ating buhay sa ating sariling lakas; dapat tayong umasa sa Dios.

Sa pananalangin kinikilala natin ang ating pangangailangan sa tulong ng Dios.  Kapag ang pakiramdam natin ay nagtitiwala sa ating kakayahan na pagtagumpayan ang mga suliranin ng buhay, hindi maaasahan na tayo’y mananalangin ng mataimtim. Kapag kinikilala natin na hindi natin kayang pamahalaan ang ating buhay sa ating sariling kakayahan, nananalangin tayo nang may kababaang-loob.

Ang ating mga panalangin ay dapat may “mapagtiwalang pagpapakumbaba.” Habang naghihintay tayo sa Dios sa kanyang sagot, maaari tayong magkaroon ng katiyakan at kapayapaan dahil nananalangin tayo sa Dios Ama na nagmamahal sa atin at nagnanais ng pinakamabuti para sa kanyang mga anak.  Sa mga pressures ng buhay at ministeryo, ang mapagpakumbabang panalangin ay nagbibigay sa atin ng payapang pagtitiwala sa Dios.

Nananalangin Tayo nang Personal

Tinuruan ni Hesus ang kanyang mga alagad na simulan ang panalangin sa personal na pagtukoy sa Dios, “Aming Ama.”  Ang tunay na panalangin ay ‘personal’.  Isinulat ni Paul Miller, “Maraming tao ang nahihirapang matutuhan kung paano mananalangin dahil nakatuon ang isip nila sa panalangin, hindi sa Dios.”[12] Madalas, tayo’y “nagsasalita lamang ng mga panalangin” sa halip na makipag-usap sa Dios.  Ito ang nasa puso ng babala ni Jesus laban sa paggamit ng “walang kabuluhang mga talata.”[13]

Isipin ninyo ang isang tao na pagdating sa hapag kainan na may taglay na isinaulong mga talumpati.  Sasabihin niya, “Nais kong magkaroon ng pakikipag-usap sa ating pamilya, kung kaya’t mayroon akong mga salitang isinaulo.” Ito ay hindi isang tunay na pagkikipag-usap! Inaasahan natin na ang taong ito ay magtuon ng pansin sa mga taong kaharap sa mesa, hindi sa mga salitang kanyang gagamitin.

Sa parehong dahilan, ang pananalangin ay nakatuon sa Dios sa halip na sa isang set ng isinaulong mga salita.  Ang pananalangin ay hindi isang sistema; ang pananalangin ay isang relasyon.  Ang pananalangin ay dapat personal.

Paano Tayo Magiging Mga Tao Ng Panalangin?

Sa ika-5 siglo, si Anicia Faltonia Proba, isang Romanong babae na marangal, ay humingi ng payo kay Augustine tungkol sa panalangin.  Nais malaman ni Proba kung paano magiging mapanalanginin ang tao. Mahaba ang sulat ni Augustine na naglalaman ng matalinong payo patungkol sa pananalangin.[14].  Sa seksiyong ito, ating susuriin ang mga prinsipyo sa panalangin ni Augustine.

Anong klaseng tao ang maaaring maging tao ng panalangin?

Una, sinasabi ni Augustine na ang isang taong nananalangin ay dapat isang taong walang ibang pinagkukunan. Ang isang taong nananalangin ay taong umaasa lamang sa panalangin.

Si Proba ay balo ng isa sa pinakamakapangyarihan at pinakamayamang tao sa Roma.  Tatlo sa kanyang mga anak na lalaki ay naglingkod bilang Roman consul.  Nagsimula si Augustine sa pagsasabi kay Proda na dapat niyang “ariin ang sarili mong nag-iisa sa mundong ito.” Gaano pa man tayo kayaman, kakapangyarihan o katagumpay, dapat nating kilalanin ang ating kawalang kakayahan sa harap ng Dios.  Kung hindi gayun, ang ating mga panalangin ay magiging katulad ng mga panalangin ng mga Pariseo sa halip na katulad ng mga panalangin ng publikano.

Ano ang dapat nating ipanalangin?

Nagbigay si Augustine ng isang nakapagtatakang sagot kay Proba. Sinabi niya, “manalangin ka para sa isang masayang buhay.”  Maaaring ito ay tila isang makasariling panalangin ngunit ipinaliwanag ni Agustine na ang tunay na kaligayahan ay tanging sa Dios lamang nagmumula.  Ang isang tao ay “tunay na masaya kung nagtataglay siya ng lahat ng kanyang ninanais at ninananais na huwag magkaroon ng anumang hindi niya dapat hilingin.”

Ang Kristiyano ay masaya dahil mayroon siyang Dios at hinihiling na hindi magkaroon ng anumang hindi kalooban ng Dios na taglayin niya.  Tulad ng Salmista, tayo’y nasisiyahan sa presensiya ng Dios.

“Isang bagay lamang ang hinihiling ko sa PANGINOON, na aking hahanapin: Na ako’y manahan sa tahanan ng PANGINOON sa lahat ng araw ng aking buhay, upang masdan ang kagandahan ng PANGINOON at mag-inquire sa kanyang templo.”[15]

Kung tunay nating ninanais ang presensiya ng Dios nang higit sa anupaman, maaari nating ipanalangin ang kaligayahan dahil alam nating tutugunin ng Dios ang ating pinakamalalim na ninanais sa pagbibigay ng kanyang sarili sa atin!

Paano tayo dapat manalangin sa panahon ng kaguluhan?

Ipinaaalala ni Agustin kay Proba na kinilala ni Pablo na may mga pagkakataon na “hindi natin alam kung ano ang dapat nating ipanalangin, kahit alam nating dapat manalangin.”[16] Paano tayo mananalangin kapag dumating tayo sa punto ng kawalang-kakayahan?

Tinitingnan ni Augustine ang tatlong Kasulatan. Una, itinuturo niya ang halimbawa ni Pablo nang ito’y manalangin upang iligtas mula sa “tinik sa laman.” Sa halip na kaligtasan, ipinangako ng Dios, “Ang aking biyaya ay sapat para sa iyo, dahil ang aking kapangyarihan ay nagiging ganap sa kahinaan.” Nagpatotoo si Pablo, “Kaya’t buong galak na ipagmamapuri ko ang aking kahinaan upang palakasin ako ng kapangyarihan ni Cristo… dahil kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.”[17]

Pangalawa, itinuturo ni Augustine ang halimbawa ni Hesus sa Getsemane.  Inamin ni Hesus ang kanyang mga naisin sa Dios.  Ipinanalangin ni Hesus ang kaligtasan: “Aking Ama, kung maaari, alisin mo ang sarong ito mula sa akin.” Subali’t nagwakas siya sa pagsasabing, “Gayunman, huwag ang aking kalooban, kundi ang iyong kalooban ang mangyari.”[18]

Sa pangwakas, itinuro ni Agustin ang Roma 8:26.  Kapag hindi natin nalalaman kung paano mananalangin, ang Banal na Espiritu ang gumagabay sa ating mga puso. “Tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan” at “lumuluhog para sa atin nang may pagsusumamo, mas malalim kaysa mga salita.” Kapag wala tayong magamit na mga salita, ang Banal na Espiritu ang nagdadala nito sa Ama, na tumatanggap dito at nagpapahintulot na “ang lahat ng bagay ay nagkakalakip-lakip para sa ikabubuti ng lahat ng tinawag ayon sa kanyang layunin.”[19]  


[1] Binanggit sa The Accountability Connection (Victor Books, 1992) ni Matt Friedeman.

[2] Edward M. Bounds, Power Through Prayer (Wisconsin: Treasures Media, n.d.), p. 2.

[3] “Kung may magagawa ka nang walang panalangin, talaga bang dapat itong gawin?”
- Dr. Howard Hendricks

[4] Lucas 22:31.

[5] Mateo. 26:33, 35.

[6] Dick Eastman, The Hour That Changes the World (Grand Rapids: Baker Book House, 1995).

[7] “Tinitingnan natin ang panalangin bilang isang paraan upang makuha ang isang bagay para sa ating sarili; ang ideya ng panalangin sa Biblia ay upang mas higit nating makilala ang Dios mismo.”
- Oswald Chambers

[8] Marcos 11:24.

[9] Santiago 4:3 at 1 Juan 5:14.

[10] " Maaaring iwaksi ng mga tao ang aming mga apela, tanggihan ang aming mensahe, tutulan ang aming mga argumento, hamakin ang aming mga persona; ngunit wala silang magawa laban sa ating mga panalangin.
- J. Sidlow Baxter

[11] Lucas 22:42.

[12] Paul E. Miller, A Praying Life: Connecting with God in a Distracting World (NavPress, 2009).

[13] Mateo 6:7.

[14] Philip Schaff, ed. The Confessions and Letters of St. Augustine (Nicene and Post-Nicene Fathers, First Series, Vol. 1. (Buffalo, NY: Christian Literature Publishing Co., 1886).

[15] Awit 27:4

[16] Roma 8:26.

[17] 2 Cor. 12:8-10.

[18] Mateo 26:39.

[19] Roma 8:26-28.

Konklusyon: Kapag Hindi Mo Alam Kung Paano Mananalangin

Kung minsan ang pananahimik ang pinakamabuti mong magagawa.[1] Nais mong manalangin, subali’t hindi mo alam kung paano; hindi ka makapanalangin.  Ano ang gagawin mo? Isang sikreto ay unawain na si Cristo ang ating Dakilang Punong Saserdote.

Bilang mga ebanghelikong Kristiyano, naniniwala tayo sa pagiging saserdote ng lahat ng mga mananampalataya. Ang dakilang doktrinang ito ng Reformation ay nagtuturo na ang bawa’t isa sa atin ay may kakayahang lumapit sa Ama.  Gayunman, kung mali ang pagkaunawa, ang doktrinang ito ay maghahatid ng espirituwal na agam-agam. Mapupuno ako ng mga pag-aalinlangan: “Sapat ba ang aking pananalangin? Nagawa ko ba talaga ang aking parte?”

Sa isang komperensiya noong 2013, nagbigay si Propesor Alan Torrance ng kanyang patotoo tungkol sa kaniyang mga paghihirap sa mga tanong na ito.

“Noong Enero, 2008, namatay sa cancer ang aking asawang si Jane. Siya ang pinakawonderful na Kristiyanong babae, asawa at ina. Napakahirap na pagmasdan siyang mamatay sa sakit habang kumakalat ang cancer sa kanyang katawan. Labis labis na hirap ang makita ang mga anak mo na maging saksi sa kanyang paghihirap.  May mga pagkakataon na sa aking pagdurusa, nahirapan akong malaman kung paano mananalangin at kung ano ang dapat ipanalangin. Hindi ko alam kung paano mananalangin.

“Sa oras na iyon, ang pagiging saserdote ni Cristo ay naging mas napapanahon kaysa magsimula pa na magsalita.  Habang yakap ko si Jane, ang umakyat sa langit na saserdote (si Hesu-Cristo) ay nananalangin para sa amin. Maaari kaming magpahinga sa kanyang presensiya.

“Ang panalanging pinanghawakan ko sa panahong iyon ay ang Panalangin ng Panginoon. Hindi ako naiwan upang manalangin sa aking sarili lamang.  ‘Aking Ama, na nasa langit—na napakalayo sa aking kinalalagyan.’ Sa halip, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ako’y nanalangin, ‘Aming Ama, na nasa langit, sambahin ang ngalan mo, dumating nawa ang iyong kaharian, maganap nawa ang iyong kalooban.’

“Upang tuklasin ang kahalagahan ng nagpapatuloy na pagiging saserdote ni Cristo ay ang pagtuklas sa ebanghelyo sa paraang bumabago sa bawat parte ng ating mga buhay at pagsamba.”

Mali ang pagkaunawa natin sa pagiging saserdote ng lahat ng mananampalataya kung iisipin natin na ang kahulugan nito ay dapat nating maabot ang Ama, sa ating sariling espirituwal na kalakasan.  Ito’y isang pagkakamali.  Ang pagiging saserdote ng lahat ng mananampalataya ay nagbibigay diin na wala tayong kailangang iba pang tagapamagitan bukod pa kay Cristo.  Siya ang namamagitan para sa atin, tinatanggap ang ating bigong pagtatangka na manalangin at inihaharap ang mga iyon sa Ama bilang katanggap-tanggap na mga alay.  Ang ating panalangin ay binibigyang kapangyarihan ng Espiritu at sa pamamagitan ng ating Kataas-taasang saserdote, si Cristo Hesus.

Kapag hindi mo alam kung paano mananalangin, huwag mawalan ng pag-asa.  Mayroon tayong isang nananalangin para sa atin, nakaluhod sa ating tabi, namamagitan sa Ama at sinasabi ang hindi natin masabi.


[1] Hinango sa, Everyday Theology ni Marc Cortez.

Mga Takdang-Aralin ng Aralin

(1) Gamit ang isang concordance o Bible search program, humanap ng tatlong halimbawa ng panalangin sa Biblia. Ihambing ang bawat panalangin sa Panalangin ng Panginoon.  Aling elemento ng Panalangin ng Panginoon ang matatagpuan rin sa ibang panalangin sa Biblia?

Panalangin sa Biblia

Kasulatan

Mga Elemento sa Panalangin

Panalangin ni Nehemias

Neh. 1:5-11

  • Relasyon: “tinutupad ang kasunduan”
  • Paggalang: “dakila at kahanga-hangang Dios”
  • Pagpapasakop: “panalangin ng iyong lingkod”
  • Probisyon: “bigyan ng tagumpay ang iyong lingkod”
  • Confession: “ipinapahayag ang mga kasalanan ng bayang Israel”

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Mag-click dito para sa Word document na naglalaman ng talahanayang ito.

Mag-click dito para sa PDF document na naglalaman ng talahanayang ito.

(2) Gumawa ng prayer journal sa loob ng isang buwan. Itala ang iyong mga kabiguan sa pananalangin, ang iyong mga tagumpay sa panalangin, at mga sagot ng Dios sa panalangin.  Gamitin ang journal na ito upang hikayatin ang paglago sa iyong buhay panalangin.

Next Lesson