Bilang mga kinatawan ng kaharian ng Dios, pinalalawak ng mga Kristiyano ang kanyang awtoridad sa ating mundo.
Pasimula
Pangunahing tema sa Bagong Tipan ang kaharian ng Dios.[1] Ang salitang “kaharian” ay ginamit ng limampu’t apat na beses sa Mateo, labing-apat na beses sa Marcos, tatlumpu’t siyam na beses sa Lucas at limang beses sa Juan.[2]
Halos kalahati ng mga talinhaga ni Hesus ay nagtuturo tungkol sa kaharian ng Dios. Siya ay nagpapagaling at nagpapalayas ng mga demonyo upang ipakita ang kapangyarihan ng kaharian. Matapos siyang umakyat sa langit, ang unang iglesya ay nagpatuloy sa pangangaral ng mensahe ng kaharian.[3]
Sa araling ito, pag-aaralan natin ang kaharian ng Dios sa ministeryo ni Hesus at ang epekto ng kaharian sa ministeryo ngayon. Sa katapusan ng leksiyon, isinama ko ang isang mensahe na ipinangaral sa Nigeria tungkol sa kaharian ng Dios. Ang pangaral ito ay nagpapakita kung paanong ang mensahe ng kaharian ay nakakaapekto sa ministeryo sa ating mundo.
[1] Kabilang sa mga sources na ginamit sa kabanatang ito:
+ D. Matthew Allen, “The Kingdom in Matthew” at http://www.bible.org, 1999.
+ Darrell L. Bock, Luke, Baker Exegetical Commentary on the New Testament (Grand Rapids: Baker Books, 1994-1996).
+ J. Dwight Pentecost, The Words and Works of Jesus Christ (Grand Rapids: Zondervan, 1981).
+ Martyn Lloyd-Jones, Studies in the Sermon on the Mount (Grand Rapids: Eerdmans, 1959).
[2] Karaniwang tinutukoy ni Mateo ang “kaharian ng Langit” at si Lucas ay tinutukoy ang “Kaharian ng Dios.” Ang unang mga tagapakinig ni Mateo ay mga Judio; iniiwasang gamitin ng mga Judio ang pangalan ng Dios at madalas ginagamit ang “Langit” upang tumukoy sa Dios. Lumilitaw na pinalitan ni Mateo ang “kaharian ng Dios” ng “Kaharian sa Langit” sa maraming pagkakataon. Sa leksiyong ito, gagamitin ko ang “kaharian ng Dios” maliban kung binabanggit ko si Mateo.
May dalawang tanong na nagsisimula sa pag-aaral ng kaharian ng Dios.[1]
Ano ang kaharian ng Dios?
Kailan itinatag ang kaharian ng Dios?
Ano ang Kaharian ng Dios?
► Basahin ang Mga Gawa 1:1-8.
Sa loob ng apatnapung araw pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay, kasama ni Hesus ang kanyang mga disipulo at “nangungusap tungkol sa kaharian ng Dios”. Bago ang muling pag-akyat sa langit, itinanong ng mga disipulo, “Panginoon, ibabalik na po ba ninyo sa panahong ito ang kaharian ng Israel? Ang mga disipulo ay umasa sa:
Isang madaliang kaharian: “sa panahong ito.” Inaasahan nila na itatatag agad-agad ni Hesus ang kaharian.
Isang pampulitika at geographic na kaharian: “ibaballik.” Inaasahan nila na pababagsakin ni Hesus ang Roma at ibabalik ang pampulitikang awtoridad ng Israel.
Isang kaharian para sa buong bansa: “ang kaharian ng Israel.” Inasahan nila na pamumunuan ni Hesus ang bansa katulad ng mga hari sa panahon ni David sa Lumang Tipan.[2]
Tumugon si Hesus, “Hindi para sa inyo na malaman ang oras at panahon na itinakda ng Ama ayon sa kanyang sariling awtoridad. Subali’t tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang Banal na Espiritu, at kayo ay magiging mga saksi ko sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria, at sa dulo ng daigdig.”
Ang sagot ni Jesus ay nagpapakita na ang kanyang kaharian ay:
Kahariang hindi saklaw ng panahon: “panahon at sandali na itinakda ng Ama.”Ang kaharian ni Hesus ay hindi depende sa panahon ng tao kundi sa panahon ng Ama.
Isang sobrenatural na kaharian: “kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang Banal na Espiritu.” Ang kaharian ni Hesus ay nakabatay sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, hindi sa awtoridad na pampulitika.
Isang kahariang unibersal: “hanggang sa dulo ng daigdig.” Ang kaharian ni Hesus ay aabot sa lahat ng bansa. Hindi ito limitado sa Israel.
Sinabi ni Hesus sa mga disipulo na hindi nila kailangang malaman kung kailan. Sa halip, dapat nilang pag-isipan ang dalawang bagay: ang pagtanggap sa Banal na Espiritu at ang pagiging mga saksi “hanggang sa dulo ng daigdig.”
Kailan itinatag ang Kaharian ng Dios?
Sa mga teolohiko, may tatlong panguahing pananaw patungkol sa “Kaharian ng Dios.”[3]
Darating ang Kaharian.
May mga teolohiko na nakikita ang kaharian sa katapusan ng panahon na itatatag kapag si Hesus ay naghahari sa daigdig sa panahon ng millennium. Tinitingnan ng mga manunulat na ito ang Mateo 24-25 na nagbibigay-diin sa pampulitika at pangteritoryong aspeto ng kaharian.
Dumating na ang Kaharian.
Ang ibang mga teolohiko ay nagtuturo na ang kaharian ni Hesus ay itinatag na noong siya ay nasa lupa. Binibigyang diin ng Kasulatan ang mga pangungusap ni Hesus na “ang kaharian ng langit ay narito na” at “ang kaharian ng Dios ay dumating na sa inyo.”[4] Ang pananaw na ito sa kaharian ay nakatuon sa espirituwal na likas ng kaharian at sa paghahari ng Dios sa puso ng mga mananampalataya.
Dumating na ang Kaharian, Subali’t Hindi Pa Ito Lubusang Natutupad.
Maraming theologians ang nagsasabi na ang kaharian ay binubuo ng kasalukuyan at panghinaharap na aspeto. Itinuturo ng pananaw na ito na ang kaharian ng Dios ay sinimulan sa panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa; at nagpapatuloy sa paglaganap sa pamamagitan ng pagkilos ng iglesya; at lubusang matutupad kapag bumalik si Jesus upang maghari.[5] Sa pagbalik ni Hesus, ihahatid niya ang “Kaharian ng Dios Ama matapos wasakin ang bawa’t paghahari at bawat awtoridad at kapangyarihan.”[6] Ito ang lubusang katuparan ng kaharian ng Dios.
► Alin sa mga pananaw na ito tungkol sa kaharian ang pinanghahawakan mo? Ano ang praktikal na epekto ng bawat pananaw sa ministeryo?
Sa araling ito, makikita nating ang mga aspeto ng kaharian na kumikilos sa kasalukuyan at mga aspeto ng kaharian na hinihintay pang matupad. Ang mga kaharian ay may:
Isang hari: Mula sa mga maggi sa kanyang pagsilang hanggang sa nakaukit sa krus, dumating si Hesus bilang isang hari.
Awtoridad: Ipinamalas ni Hesus ang kanyang awtoridad sa pamamagitan ng kanyang mga himala at tagumpay sa kamatayan.
Batas: Ibinigay ni Hesus ang buod ng batas ng kaharian sa Pangaral sa Bundok.
Teritoryo: Itinuro ni Hesus na ang kanyang kaharian ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig at kabilang ang mga tao mula sa lahat ng wika at lahi.
Mga Tao: Lahat ng mga tinubos ng Hari at kanyang paghaharian ay mga mamamayan sa kaharian ni Hesus.
[1] Para sa isang video lecture sa kaharian ng Dios, maaari mong panoorin ang “What and Where is the Kingdom of God?” ni Scot McKnight sa http://www.seedbed.com/where-is-the-kingdom-of-god/
[2] John Stott, The Message of Acts (Westmont, Illinois: InterVarsity Press, 1990), 41.
[3] “Dumating ang Kaharian;;
Dumarating ang Kaharian;|
Darating pa ang Kaharian.”
- Martyn Lloyd-Jones
[5] Ginagamit ng mga commentators ang salitang “inagurasyon ng kaharian” upang tukuyin ang simula ng kaharian sa panahon ng ministeryo ni Hesus sa lupa. Ang “katuparan ng kaharian” ay ang pangwakas na katuparan ng mga pangako sa kaharian sa pagbabalik ni Cristo.
Ang unang pagbanggit sa kaharian ng Dios sa Bagong Tipan ay matatagpuan sa pangangaral ni Juan Bautista. Bilang huli sa mga propeta ng Lumang Tipan, itinakwil ni Juan ang pagiging mapagkunwari ng mga lider relihiyoso ng Israel. Bilang unang mensahero ng Bagong Tipan, inihanda niya ang daan para sa isang bagong Hari. “Magsisi kayo, dahil parating na ang kaharian ng langit.”[1]. Ang saliitang “parating” ay nagpapahiwatig na ang kaharian ay mabilis na dumarating. Hindi pa ito dumarating, subali’t napakalapit na nito. Nangaral si Juan upang ihanda ang Israel para sa pagdating ng Mesiyas na siyang maghahatid/ magdadala ng bagong kaharian.
Maikling panahon lamang matapos na si Juan ay dakpin, sinimulan ni Jesus ang kanyang ministeryo sa publiko. Naglakbay siya sa buong Galilea na “ipinapahayag ang ebanghelyo sa kaharian.” Tulad ni Juan Bautista, ipinahayag ni Hesus, “Magsisi kayo, dahil ang kaharian ng Langit ay naririto na.”[2]
► Basahin ang Mateo 10:5-42.
Isinugo ni Hesus ang labindalawang disipulo upang ipangaral ang mensahe ng kaharian sa “naliligaw na tupa sa tahanan ng Israel.” Katulad ni Juan Bautista at ni Jesus, ipinangaral nila, “Ang kaharian ng langit ay malapit nang dumating.”[3]
Ang ministeryo ng mga disipulo ay nakagaya sa ministeryo ng kanilang Panginoon. Tulad ni Hesus kailangan nilang ipahayag ang kaharian at tugunan ang mga pisikal na pangangailangan ng mga tao. Katulad ni Hesus, nagpagaling sila ng mga maysakit at nagpalayas ng demonyo bilang tanda na ang kaharian ng Dios ay nakapasok na sa teritoryo ni Satanas. Isinugo ni Hesus ang kanyang mga kinatawan upang “Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo.”[4]
Ang pangako ng kaharian ay hindi bago. Ang mga propeta ng Lumang Tipan ay nangako ng kaharian sa hinaharap. Gayunman, ipinahayag ni Hesus na ang kaharian ay hindi lamang basta pag-asa sa hinaharap, kundi isang agad na katotohanan. Ipinahayag ni Jesus ang inagurasyon ng kaharian ng Dios. Ang kaharian ng Dios ay matatagpuan saanman naroroon si Hesus.
Dahil sa kanyang kapangyarihan laban sa mga demonyo, ipinakita ni Hesus ang awtoridad ng Hari na nagtagumpay na sa kaharian ni Satanas. Matapos niyang pagalingin ang isang lalaking inaalihan ng demonyo, sinabi ng mga Pariseo na si Jesus ay “nagpapalayas ng mga demonyo” sa pamamagitan ng kapangyarihan ni “Beezebul, ang prinsipe ng mga demonyo.” Sumagot si Hesus na ginagapi niya ang kaharian ni Satanas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios: “Kung sa Espiritu ng Dios ako nagpapalayas ng demonyo, sagayun, dumating na sa inyo ang kaharian ng Dios.”[1] Nagapi na ni Hesus ang kaharian ni Satanas.
► Basahin ang Mateo 11:1-24.
Ang mga himala ni Hesus ay mga tanda ng inagurasyon ng kanyang kaharian. Ang ebanghelyo ni Juan ay gumagamit ng salitang “tanda” para sa mga himala ni Hesus. Ang mga himala ay mga tanda ng pagiging Dios ni Hesus at ebidensiya ng bagong kaharian.
Ipinahayag ni Juan Bautista na ang “kaharian ng langit ay naririto na.” Inasahan niya ang isang kahariang pampulitika na maghahatid ng kalayaan sa Israel. Sa halip, natagpuan ni Juan ang kanyang sarili na nasa piitan at nahaharap sa kamatayan! Isinugo niya ang kanyang mga disipulo upang magtanong, “Kayo po ba ang ihinula na darating o maghihintay pa kami ng iba?” Ang ministeryo ni Hesus ay hindi tumugma sa mga inaasahan ni Juan na isang Mesiyas na pampulitika na magtatatag ng isang kaharian sa lupa.
Tumugon si Hesus sa pagtuturo sa kanyang mga ginawa bilang tagapagligtas.
“Humayo ka at sabihin mo kay Juan ang iyong narinig at nakita; nakakikita ang bulag at nakakalakad ang pilay, malinis na ang ketongin at nakarinig ang bingi at muling binuhay ang patay at ang mga mahihirap ay may mabuting balitang ipinapangaral sa kanila. At pinagpala ang sinumang hindi nasaktan sa akin.”
Itinuro ni Hesus kay Juan na matiyagang maghintay para sa mahahayag na plano ng Dios.
Bagaman napuri ni Hesus ang lakas at tapang ni Juan, ipinahayag niya na ang “pinakamababa sa kaharian ng langit ay mas higit” kaysa kay Juan. Bakit? Dumating si Hesus upang itatag ang isang bagong tipanan kasama ang lahat ng pribilehiyo ng kaharian. Ang pinakamababang mananampalataya ng Bagong Tipan ay nagtataglay ng mga pribilehiyo na hindi nakita maging ng pinakadakilang santo ng Lumang Tipan. Nakita ng mga mananampalataya ng Bagong Tipan ang katuparan ng mga pangako sa Lumang Tipan. Ang pangakong kaharian ay nasimulan na.
Ang pinakamahabang nag-iisang pangaral na naitala sa Ebanghelyo ay ang Pangaral ni Jesus sa Bundok. Ang kaharian ng Dios ang nagbubuklod na tema ng pangangaral na ito. Ito ay nakikita sa ilang paraan:
Ang unang “ang mapalad” (beatitude) ay nagtuturo na ang kaharian ng Langit ay para sa “mga aba” ang huling “ang mapalad” (beatitude) ay nagtuturo na ang kaharian ng Langit ay para sa “mga pinag-uusig para sa pagiging matuwid.” Ang dalawang ito ay lumilikha ng buklod sa paligid ng iba pang “ang mapalad” (beatitudes) na nagpapakita na ang pangunahing tema ng mga “ang mapalad” (beatitudes) ay ang kaharian ng Langit.
Inaangkin ni Hesus ang awtoridad upang bigyang kahulugan ang Batas.[1] Ito ay pagkilos ng isang hari na may awtoridad upang bigyang kahulugan at isabuhay ang mga batas ng kanyang kaharian.
Tinuruan ni Hesus ang mga disipulo upang manalangin, “Dumating nawa ang iyong kaharian, mangyari nawa ang iyong kalooban sa lupa at gayundin sa langit.”[2]. Tinawag tayo upang manalangin para isulong ang kaharian ng Dios sa lupa. Kapag ang mga tao ng Dios ay nabuhay ayon sa Pangaral sa Bundok, ang kaharian ay lumalawak at ang awtoridad ng Dios ay iniaabot sa mga bagong mamamayan ng kaharian.
Sa dulo ng pangaral, itinuro ni Hesus na ang “mga dakilang gawa” lang ay hindi sapat upang “pumasok sa kaharian ng langit.” Tanging “ang sinumang tumutupad sa kalooban ng aking Ama” ang makakapasok sa kaharian.
Mga Prinsipyo sa Pagbasa ng Pangaral sa Bundok
Dapat nating tandaan ang tatlong prinsipyo habang binabasa natin ang Pangaral sa Bundok.
(1) Ang pagsunod sa mga utos sa Pangaral sa Bundok ay hindi paraan “upang maging mamamayan” sa kaharian ng langit.
Hindi natin dapat isipin, “Mamuhay kayo sa ganitong paraan at magiging Kristiyano ka.” Sa halip, dapat nating basahin ang pangaral na ito bilang isang gabay sa buhay at bilang isang mamamayan ng kaharian: “Mamuhay kayo sa ganitong paraan dahil ikaw ay isang Kristiyano. Tanging sa biyaya lamang tayo naligtas; pagkatapos, bilang mga miyembro ng kaharian ng Dios, susundin natin ang kanyang mga ut0s.
(2) Ang Pangaral sa Bundok ay para sa mga tagasunod, hindi sa mga di-mananampalataya.
Hindi ito ang konstitusyon para sa sekular na bayan. Huwag kang magugulat kung ang iyong di-mananampalatayang kapitbahay ay tumangging mamuhay ayon sa mga prinsipyong ito! Ito ay isang paglalarawan ng buhay sa kaharian ng Dios, hindi buhay sa kaharian ng tao.
(3) Ang Pangaral sa Bundok ay para sa bawat mananampalataya.
Maraming tao ang nagsikap na iwasan ang mga kahilingan ng Pangaral sa pagsasabing ang mga prinsipyong ito ay hindi mailalapat sa ordinaryong mananampalataya. May mga nagsasabi, “Ang batas na ito ay para sa hinaharap na millennial na kaharian.” May mga nagsasabi, “Ito ay para sa iilang banal. Karamihan sa mga Kristiyano ay hindi makasusunod sa mga utos.” May mga nagsasabi, “Ang Pangaral ay nagpapakita na hindi natin kailanman maaaring matupad ang mg autos ng Dios. Kapag nakikita natin na kailanman ay hindi natin matutupad ang mga kahingian ng Dios, sa biyaya lamang tayo aasa.”
Gayunman, binasa ng unang iglesya ang Pangaral bilang gabay sa bawat manamapalataya. Ang sulat ni Santiago at 1 Pedro ay nag-uulit ng marami sa mga utos sa sermong ito. Tumanggi si Hesus na pahinain ang pamantayan ng kabanalan ng Dios. Sa halip na mas mababang panuntunan kaysa sa mga Pariseo, inilagay ni Hesus ang kanyang mga tagasunod sa mas mataas na panuntunan: “Malibang ang inyong katuwiran ay humihigit pa sa mga eskriba at Pariseo, hindi kayo kailanman makakapasok sa kaharian ng Dios.”[3]
Buhay sa Kaharian ng Dios
► Basahin ang Mateo 5-7.
Kung sinimulan ni Hesus ang kaharian sa panahon ng kanyang ministeryo sa lupa, namumuhay tayo ngayon sa kaharian ng Dios. Inilalarawan ng Pangaral sa Bundok ang karakter ng isang mamamayan ng kaharian ng Langit. Narito ang isang maikling paunang-pagtanaw ng mga tema ng Pangaral.
(1) Ang mga pinahahalagahan ng kaharian ng Dios ay salungat sa mga pinahahalagaham ng mundong ito.
Walang tagapanguna sa mundo ang magsasabi na pinagpala ang maging dukha, ang magdalamhati, magsuko ng kanilang mga karapatan o ang pag-usigin. Inihahayag ng “Ang Mapalad” (Beattitudes) ang eksaktong kabaligtaran ng mga pinahahalagahan ng Imperyong Romano sa panahon ni Hesus, at ng ating mundo sa kasalukuyan. Ang kaharian ng Dios ay naiiba sa kaharian ng tao.
(2) Ang mga mamamayan ng kaharian ng Dios ay dapat magkaroon ng epekto sa kanilang mundo.
Ang Essenes ng panahon ni Hesus ay nagsabi: na ang matutuwid ay dapat humiwalay sa lipunan at itatag ang kaharian ng Dios nang nakabukod. Sinabi ni Hesus, “Hindi!” Dapat kayong maging asin na nagpepreserba at nagbibigay lasa sa inyong mundo. Dapat kayong maging liwanag na nagdadala ng kaluwalhatian sa ‘inyong Amang nasa langit.” Bagaman ang kaharian ng Dios ay pangunahing espirituwal, ang ating mundo ay dapat makinabang sa pampulitika, pang-ekonomiya at panlipunan mula sa presensiya ng mga mamamayan ng kaharian.
Makapaglilista tayo ng maraming halimbawa ng mga Kristiyano na asin at ilaw sa isang sekular na lipunan. Pinangunahan ni Willian Wilberforce ang Parliamento upang alisin/itigil ang pangangalakal ng mga alipin sa Emperyong Briton; ang revival ng Methodist ay nagdala ng mga pagbabagong panlipunan sa lahat ng lebel ng lipunang English; nilabanan ni Willian Carey ang legal na pagpatay sa mga sanggol at sari sa India; pinalaganap ng mga Kristiyano ang pag-aaral, nagtatag ng mga ospital, at ampunan at naglingkod sa mahihirap at nangangailangan sa malaking bilang ng bansa.[4]
(3) Ang mga mamamayan ng kaharian ng Dios ay lumalampas pa sa pinakamaliit na bilang ng mga kailangan ng Batas upang ipakita ang pag-ibig ng Ama.
Hindi dumating si Hesus upang palitan ang Batas, sa halip upang “tuparin” ang Batas. “Hindi ako dumating upang alisin ang mga iyon, sa halip ay tuparin ang mga iyon.” Ang pagtupad sa isang bagay ay “gawin ito upang matapos”, o “upang i-accomplish o tuparin iyon”. Dumating si Hesus hindi upang burahin ang Batas kundi upang ihayag ang espiritu sa likod ng Batas. Sa serye ng anim na halimbawa, ipinakikita ni Hesus na ang katuwiran ng mga mamamayan ng kaharian ay dapat “humigit kaysa sa katwiran ng mga eskriba at Pariseo.”
Ang Batas
Mamamayan ng Kaharian
Ang Batas ay nagbabawal
ng pagpatay.
Nilulutas ng mamamayan ng kaharian ang ugat na pinagmumulan nito –ang galit.
Ang Batas ay nagbabawal
ng pangangalunya.
Ang mga mamamayan ng kaharian ay hindi “tumitingin ng may mahalay na pag-iisip sa isang babae.”
Ang Batas ay nangangailangan ng “kasulatan ng paghihiwalay.”
Ang mamamayan ng kaharian ay humahanap ng paraan upang manatili sa isang pagsasama, sa halip na mga dahilan para umalis dito.
Ang Batas ay nagbabawal
ng maling panunumpa.
Ang “Oo o Hindi” ng mamamayan ng kaharian ay sapat na.
Nililimitahan ng Batas ang pagganti (“mata sa mata”).
Ang mamamayan ng kaharian ay kumikilos dahil sa pag-ibig, hindi sa paghihiganti.
Hinihingi ng Batas
ang pag-ibig sa kapitbahay.
Ang mamamayan ng kaharian ay nagmamahal kahit sa kanyang mga kaaway. Sila ay nagiging salamin ng pag-ibig at awa ng kanilang Ama sa langit.
* Hindi nag-uutos ang Lumang Tipan sa mga Israelita na “mapoot ang inyong kaaway.” Ito ay isang karaniwang hindi pagkakaintindihan ng Luman Tipan noon.
** Lucas 6:36
(4) Mas mahalaga sa mamamayan ng kaharian na mabigyang-lugod ang Dios kaysa malugod ang iba.
Nais ng mga Pariseo na makita ng mga tao ang kanilang pag-aabuloy; ang mga mamamayan ng kaharian ay nagbibigay nang palihim. Nais ng mga mapagpaimbabaw na marinig ng iba ang kanilang mahahabang pagdarasal; ang mga mamamayan ng kaharian ay nananalangin ng simple at mataimtim. Nais ng mga Pariseo na igalang sila ng iba dahil sa kanilang mahahabang pag-aayuno; ang mga mamamayan ng kaharian ay nag-aayuno para lamang sa gantimpala ng Ama.
(5) Hindi nagtitiwala sa kanilang kayamanan ang mamamayan ng kaharian o nag-aalala kaya sa kanilang mga pangangailangan.
Sa halip, nagtitiwala sila sa suporta ng Ama sa langit.
(6) Hindi humahatol sa iba ang mga mamamayan ng kaharian.
Gayunman, maingat sila sa pagkilatis sa masamang bunga ng mga bulaang tagapagturo.
(7) May kumpiyansa sa kanilang panalangin ang mamamayan ng kaharian.
May kumpiyansa sa kanilang panalangin ang mamamayan ng kaharian dahil nalalaman nila na ang kanilang “Ama na nasa Langit ay nagbibigay ng mabubuting mga bagay sa mga humihingi sa kanya!”
(8) Nauunawaan ng mga mamamayan ng kaharian na mayroon lamang dalawang landas.
Mayroong isang malapad na pintuan at isang makipot na pintuan. Mayroong isang mabuting puno at isang masamang puno. Mayroong isang matalinong tagapagtayo at isang hangal na tagapagtayo. Nakauunawa ang mga mamamayan ng kaharian.
Pamumuhay Ayon sa Mga Prinsipyo ng Kaharian
Paano tayo mamumuhay ayon sa mga prinsipyo ng Pangaral sa Bundok? Ang susi ay Mateo 5:48. Ang mga mamamayan sa kaharian ay tinatawag na maging katulad ng ating Ama sa langit. Ganoon kasimple ang katuruan ni Hesus – at ganun din kahirap. Tanging ang biyaya ng Dios ang nagbibigay lakas sa atin upang makapamuhay ayon sa katuruan ni Hesus. Sa ating sariling kalakasan, hindi tayo kailanman makapamumuhay ayon sa mga hinihingi ng Pangaral. Tanging ang Espiritu ang makagagawa ng paraan upang maging posible ang buhay sa kaharian.[5]
Dapat nating maunawaan ang prinsipyong ito kapag ipinapangaral natin ang Pangaral sa Bundok. Kung ipinapangaral natin ang Pangaral bilang isang batas lamang, maiiwan ang mga tao na frustrated at pinanghihinaan ng loob. Tanging kapag ipinapangaral natin ang Pangaral bilang modelo para sa buhay sa kaharian—ipinagkaloob ng biyaya ng Dios, binili ng sakripisyo ng Anak at binibigyang lakas ng Banal na Espiritu—na ang Pangaral sa Bundok ay nagiging tunay na ebanghelyo, “mabuting balita.”
► Pagkatapos basahin ang Pangaral sa Bundok at pagbalik-aralan itong buod, talakayin:
Aling mga katuruan mula sa Pangaral ang pinakamahirap para sa mga Kristiyano sa inyong lipunan?
Aling mga katuruan mula sa Pangaral ang pinakamahirap para sa iyo bilang isang tagapangunang Kristiyano?
[4] “Ang may dalisay na puso ay hindi lamang nakakikita sa Dios kundi nagiging sulat kung saan nakikita ng lipunan ang Dios.”
- Leon Hynson
[5] “Ang Pangaral sa Bundok ay isang babala laban sa pagmamahal na may ibang intensiyon, pagmamahal para sa sariling pakinabang o di-pagpansin sa tawag sa tunay na katuwiran, Tunay, ang pangaral ay isang panawagan upang ipakita ang klase ng kapatawaran, pagbibigay, pasasalamat, at mahabaging pag-ibig na katulad ng Dios.”
- Darrell Bock
Ang Misteryo ng Kaharian: Mga Talinhaga ng Kaharian
Nalalaman ng mga tagapagturong Judio na mas maaalala natin ang mga kuwento nang mas matagal kaysa maaalala natin ang mga propositional statements. Dahil dito, ang mga talinhaga ay isang popular na paraan ng pagtuturo para sa mga rabbi na Judio. Gumamit si Jesus ng mga talinhaga upang ipahayag ang malalalim na katotohanan tungkol sa kaharian ng Dios.
Sa simula ng kanyang ministeryo, ang paggamit ng mga talinhaga ay naging paraan upang maturuan ni Hesus ang kanyang mga disipulo habang umiiwas sa direktang di pagkakaunawaan sa kanyang mga kaaway. Sa paglipas ng panahon, direkta nang kinokompronta ni Hesus ang mga tagapagturong ito, ang kanyang pukos ay ang pagtuturo sa mga disipulo.
Maraming tao ang nakarinig sa mga talinhaga subalit hindi nakaunawa. Sila’y “nakarinig subalit hindi nakaunawa”; sila’y “nakakikita subali’t hindi nauunawaan”. Bakit? Dahil pinatigas na nila ang kanilang mga puso. Ihinula na ni Isaias:
“Ang puso ng mga taong ito ay naging mapurol at ang kanilang mga tenga ay halos hindi makarinig, at ang kanilang mga mata ay ipinikit nila, at malibang makakita sila gamit ang kanilang mga mata, at makarinig gamit ang kanilang mga tenga at umunawa gamit ang kanilang mga puso at magbalik-loob, at sila’y aking pagagalingin.”[1]
Sa pamamagitan ng mga talinhaga, naturuan ni Hesus ang mga taong bukas ang mga pandinig.
Inihayag ng Mateo 13 ang serye ng mga talinhaga tungkol sa “mga lihim ng kaharian”.[2] Ang mga talinhagang ito ay naghahayag ng kalikasan ng kaharian ng Dios sa mga tagasunod ni Hesus, samantalang ikinukubli ang kanyang mga katuruan mula sa mga tagapangunang hindi naniniwala.
► Basahin ang Mateo 13:1-52. Sa iyong pag-aaral sa bawat talinhaga, ibuod ang pangunahing tema sa isa o dalawang pangungusap. Sa bawat talinhaga, humanap ng isang aplikasyon para sa ministeryo sa ngayon. Tinapos ko na ang unang talinhaga bilang halimbawa.
Mga Talinhaga ng Kaharian
Talinhaga
Tema
Aralin para sa Ministeryo Ngayon
Ang Maghahasik
Ang ating tugon sa binhi ang magsasabi ng kanyang pagiging mabunga.
Habang ako’y nangangaral at nagtuturo, dapat akong magtiwala sa Dios para sa mga resulta. Hindi ako responsable para sa ani; responsible ako na matapat na maghasik ng binhi.
Ang Talinhaga ng Maghahasik (Mateo 13:3-9, 18-23; Lucas 8:5-18)
Ang unang talinhaga sa seryeng ito ng mga talinhaga tungkol sa kaharian ay nagtuturo na ang ating tugon sa binhi ang siyang magtatakda ng pagiging mabunga nito. Sa kaharian sa langit, ang ilan ay maniniwala at magbubunga samantalang ang iba ay tatangging maniwala o kaya’y tatalikod na rin pagkatapos ng unang pagtugon.
Ang talinhagang ito ay maaari ring tawagin na talinhaga ng mga lupa dahil ito ay isang kuwento tungkol sa iba’t-ibang klase ng lupa, hindi iba’t-ibang tagapaghasik. Sa bawat halimbawa, pareho lamang ang binhi at ang tagapaghasik; ang naiba ay ang lupa. Sa ating pagpapahayag ng mensahe ng kaharian, hindi tayo dapat magulat kapag ang ilang tagapakinig ay hindi gaanong tatanggap tulad ng iba. Hindi tayo dapat panghinaang ng loob. Itinuro ni Hesus na may mga tagapakinig na magiging mabungang lupa samantalang ang iba ay patitigasin ang kanilang sarili laban sa Salita.
Ang konklusyon ni Lucas sa talinhaga ng manghahasik ay nagpapaklita ng ito ay isang talinhaga tungkol sa pakikinig sa katotohanan. “Mag-ingat kayo kung paano kayo nakikinig, dahil kung sino ang mayroon na, bibigyan pa siya, at sa taong wala na, kahit ang iniisip niyang nasa kanya na ay aalisin pa.”[3] Kapag positibong tumutugon ang isang tao sa katotohanan, tumatanggap sila ng higit pang katotohanan. Bago mgbigay ng iba pang talinhaga sa pangaral, tinuruan ni Hesus ang kanyang mga tagapakinig kung paano makikinig bilang matabang lupa.
Ang Talinhaga ng mga Damo (Mateo 13:24-30, 36-43)
Inaasahan ng mga Judio na ang kaharian ng Dios ay magdadala ng agarang paghatol sa mga masasama. Inihanda ni Hesus ang kanyang mga disipulo para sa isang pansamantalang panahon kung saan ang mga mananampalatay at hindi mananampalataya ay magkasamang namumuhay sa mundo. Sa kuwentong ito, “ang bukid ay ang mundo.”[4] Tanging “sa wakas ng panahon” iipunin ng mga anghel ang mga damo at susunugin sila sa apoy. Ang kaharian ng Dios ay mabubuo sa takdang panahon ng Dios, hindi sa takdang panahon ng tao.
Ang Talinhaga ng Buto ng Mustasa (Mateo 13:31-32)
Walang sinumang nagmamasid sa ministeryo ni Hesus ang nakakahula sa paglaganap ng iglesya sa buong mundo. Ang mga disipulo ay walang pinag-aralan, mahihirap lamang at natatakot. Kulang sila sa karisma, kalagayan o posisyon sa lipunan, o kapangyarihang pulitikal. Katulad sila ng maliit na “buto ng mustasa”. Subali’t kung paanong ang isang maliit na buto ng mustasa ay tumubo at naging malaking puno o bush, ang kaharian ng Dios ay umabot rin sa buong mundo.
Maaaring nagulat ang mga tagapakinig ni Hesus na marinig siyang ihambing ang kaharian ng Dios sa isang buto ng mustasa. Inasahan ng mga guro na Judio na ang kaharian ng Dios ay darating na may kapangyarihan at kaluwalhatian. Umasa sila sa pagpapakita ng paghatol sa mga makasalanan; umasa sila sa isang pag-aalsang militar laban sa Roma; umasa sila sa panlipunang pag-aalsa habang itinatatag ang bagong kahariang Judio. Sa halip, inihanda ni Hesus ang kanyang mga disipulo para sa isang hindi kapansin-pansing simula ng kaharian.
Kapag binabasa natin ang Bagong Tipan, maaari nating malimutan na hindi ganun kahalaga ng Judea sa unang siglo. Ang Judea ang sentro ng Bagong Tipan, subali’t malayo ito sa pagiging sentro ng mundo sa unang siglo. Isipin ninyo ang kapitolyo ng inyong bansa. Hindi ito ang tungkulin ng Judea sa unang siglo, ang pangungunang iyon ay sa Roma. Umisip kayo ng isang lungsod na may dakilang unibersidad at sistemang pang-edukasyon. Hindi ito ang tungkulin ng Judea sa unang siglo; ang tungkuling iyon ay sa Athens o Alexandria.
Ang Judea ay hindi mahalaga sa paksang pampulitika; hindi ito mahalaga para sa ekonomiya; hindi ito mahalaga sa lipunan. Isipin ang isa sa pinakahindisikat na bayan sa inyong bansa; iyan ang lugar ng Judea sa Imperyong Romano.
Ang talinhaga ng buto ng mustasa ay nagpakita ng pag-unlad ng kaharian ng Dios mula sa maliit na grupo ng mga lalaki mula sa maliit na sulok ng Imperyo ng Roma hanggang sa puno na nakaabot sa lahat ng bansa.[5] Itinuro ng mga rabbi na Judio na ang kaharian ng Dios ay limitado lamang para sa mga Judio; itinuro ni Jesus na ang kaharian ng Dios ay aabot hanggang sa dulo ng mundo.
Ang Talinhaga ng Lebadura (Mateo 13:31-32)
Ang talinhaga ng lebadura ay naglalarawan ng supernatural na paglago ng kaharian. Bagaman ang lebadura ay karaniwang may negatibong kahulugan sa Kasulatan,[6] ginamit ni Jesus ang lebadura bilang isang simbolo ng paglaganap ng kaharian. Ang tatlong sukat ng yeast ay maaaring makagawa ng tinapay para sa isang daang tao. Sa kabila ng di-kahalagahang simula, ang kaharian ay lumago at naging napakamakapangyarihan.
Ang talinhaga ng lebadura ay nagpapakita ng nagpapatuloy na paglago ng kaharian. Hindi nakakatakaw-pansin ang lebadura; hindi ito sumasabog tulad ng dinamita; matahimik itong humahalo sa masa ng tinapay. Itinuro ng mga rabbi na Judio na ang kaharian ng Dios ay ipapakilala gamit ang mga tanda sa buong mundo; ipinakita ni Hesus na ang kaharian ay lalago nang dahan-dahan, subali’t tuloy-tuloy, hanggang ito’y umabot sa buong mundo.
Ang Talinhaga ng Nakatagong Kayamanan at ang Perlas ng May Malaking Halaga (Mateo 13:44-46)
Ang dalawang talinhagang ito ay tungkol sa kaligayahan sa kaharian. Sa dalawang ito, may isang lalaking nakatagpo ng isang bagay na may malaking halaga kaya’t ipinagbili niya ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon.” Ang focus ng mga talinhaga ay hindi ang sakripisyo ng lalaki, kundi ang kanyang kaligayahan nang matagpuan ang isang bagay na may malaking halaga. “Sa kanyang kaligayahan, siya’y umuwi at ipinagbili ang lahat.” Ang mga tunay na disipulo ay nagdiriwang upang ibigay ang lahat upang sumunod kay Cristo.
Ang mga talinhagang ito ay nagpakita ng napakataas na halaga ng kaharian. Ang kaharian ng Dios ay nakakaapekto sa ating attitude sa kabuuan ng buhay. Sa ibang lugar, sinabi ni Jesus na “kung ang iyong mata ang nagiging dahilan upang ikaw’y magkasala, dukitin mo ito. Mas mabuti para sa inyo na pumasok sa kaharian ng Dios nang isa ang mata kaysa may dalawang mata na mapatapon sa Impiyerno.”[7] Ang pagpasok sa kaharian ng Dios ay mas mahalaga pa sa anumang sakripisyo sa mundo.
Ang Talinhaga ng Lambat (Mateo 13:47-50)
Ang mga bangkang pangisda sa Dagat ng Galilea ay naghahatak ng malaking lambat, humuhuli ng isda, nakakain man o hindi. Sa pagbalik nila sa pampang, ihinihiwalay ng mga mangingisda ang mabubuting isda sa masasamang isda.
Tulad ng talinhaga ng mga damo, ang talinhagang ito ay nagpaalala sa mga disipulo na ang paghatol ay darating “sa katapusan ng panahon.” Sa halip na umasa sa dagling paghatol, dapat nilang ipangaral ang kaharian dahil alam nila na ang Dios, sa kanyang takdang panahon, ay hahatol sa masasama at sa matuwid. Magkakaroon ng pagwakas na paghatol na maghihiwalay ng mabuti mula sa masama, subalit kailangan nating ipaubaya ang takdang panahon sa Dios.
Ang Talinhaga ng Panginoon ng Bahay (Mateo 13:51-52)
Sinimulan ni Hesus ang seryeng ito ng mga talinhaga sa pagtuturo sa mga disipulo na sila ay dapat maging matabang lupa. Tinapos niya ang serye sa pagtuturo sa kanila ng kanilang tungkulin na ibahagi ito sa iba. “Ang bawat eskriba na nasanay na” ay dapat maglabas mula sa kanyang kayamanan ng isang bagay upang turuan ang iba. Hindi tayo natututo para sa ating sariling pakinabang lamang. Ang mga disipulo ay sinanay upang sila man ay makapagsanay rin ng ibang disipulo.
Ang Talinhaga ng Sampung Minas (Lucas 19:11-27)
► Basahin ang Lucas 19:11-27.
Ang talinhagang ito ay nagmula sa Lucas, subali’t si Mateo ay nagsama ng katulad na talinhaga na ibinigay ni Hesus sa kanyang Pangaral sa Bundok ng Olibo. Ibinigay ni Hesus ang talinhaga ng sampung dalaga nang siya’y malapit sa Jerusalem, “dahil inakala nila na ang kaharian ng Dios ay agad agad na lilitaw.”
Habang palapit si Hesus sa Jerusalem, ang mga tao ay lalong naging masigasig sa kanilang inaasahang isang pampulitikang Mesiyas. Ibinigay ni Hesus ang talinhagang ito upang turuan ang kanyang mga disipulo na manatiling matapat habang sila’y naghihintay para sa kaharian. Hindi nila dapat pag-ingatang itago ang ibinigay ng Panginoon sa kanila; sa halip, kailangan nilang gamitin ang kanilang ari-arian para sa pagsulong ng kaharian.
Karamihan sa mga unang katuruan ni Hesus ay nakatuon sa agarang inagurasyon ng kaharian. Habang palapit siya sa katapusan ng kanyang ministeryo sa lupa, nangusap si Hesus ng mas marami tungkol sa katuparan ng kaharian sa mga huling panahon. Ang Pangaral sa Bundok ng Olibo sa Mateo 24 at 25 ay ang pinakamahabang turo tungkol sa hinaharap na katuparan ng pangako ng kaharian.
Mas Malapit na Pagtingin: Ang Templo ni Herodes
Noong 19 B.C., sinimulan ni Herod the Great ang malawakang pag-aayos sa templo.[1] Ang templong ito, na nabuo noong 516 B.C. ni Zerubbabel, ay mas maliit at mas simple kaysa sa orihinal na templo ni Solomon. Ninais ni Herodes na ibalik ang templo sa dati nitong ganda. Nagsimula siya ng isang construction project na tumagal ng mahigit 8 taon. Nagtalaga si Herodes ng 10,000 mahuhusay na manggagawa para sa pagtatayo at nagsanay ng 1,000 Levita upang magtrabaho sa mga bahagi ng templo na hindi bukas para sa karaniwang Judio.
Ninais ni Herodes na maalala siya bilang ang tagapagtayo ng pinakadakilang templo sa mundo. Sa panahon ng pagmiministeryo ni Jesus, nagpapatuloy pa ang trabaho sa apatnapu’t anim na taon.[2] Ang buong complex ng templo ay hindi nabuo hanggang 63 A.D. –at nagiba pitong taon lamang pagkalipas kasunod ng pagsakop sa Jerusalem ng Romanong Heneral Titus noong 70 A.D.
Sa panahong natapos na ang “Templo ni Herodes”, ito ay halos doble na sa laki sa templo ni Solomon at may sapat na espasyo para sa libu-libong Judiong manlalakbay/pilgrims na dumarating sa Jerusalem para sa mga kapistahan. Ito ay isa sa mga dakilang kahanga-hangang istruktura ng Imperyong Romano.
Sa huling linggo ni Hesus sa Jerusalem, ang mga “disipulo ay dumating upang ituro sa kanya ang mga gusali ng templo.” Dahil ang pagtatayo ng templo ay nagpapatuloy pa, marahil itinuturo nila ang isng bahagi na nabago simula noong huling beses silang dumalaw sa templo.
Tumugon si Hesus sa isang propesiya tungkol sa pagkawasak ng templo, “Nakikita ninyo ang lahat ng ito, di ba? Tunay na tunay, sinasabi ko sa inyo, walang isa mang bato ang maiiwan dito na nakapatong sa isa pa na hindi itatapon sa ibaba.” Nagtanong uli ang mga disipulo, “Sabihin po ninyo sa amin, kailan magaganap ang mga bagay na ito, at ano ang mga tanda ng iyong pagdating at ng wakas ng panahon?”
Ang tanong ng mga disipulo ay may dalawang bahagi; ang tugon ni Hesus ay may dalawang bahagi. Kung paanong ang mga propesiya sa Lumang Tipan ay naghahayag ng malapit at malayong mga aspeto, ang propesiya ni Hesus ay naglalaman ng ilang pangyayari na magaganap sa nalalapit na panahon at ilan na mangyayari sa “wakas ng panahon.”
Itinanong ng mga disipulo, “Kailan magaganap ang mga bagay na ito?” “Ang mga bagay na ito” (ang pagkawasak ng templo hanggang “walang isa mang matitirang bato na nakapatong sa iba pang bato”) ay naganap noong 70 A.D.
Itinanong ng mga disipulo, “Ano ang magiging tanda ng inyong pagdating at ng wakas ng panahon?” Inihayag ni Hesus ang muling pagbalik sa hinaharap ng “Anak ng Tao na dumarating sa mga ulap ng kalangitan nang may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.”[3]
Ipinakita ni Hesus na kabilang sa kaharian ang lahat ng tao mula sa lahat ng bansa, kapwa Judio at Hentil. Ipinakita niya na ibibilang ang mga Hentil sa kaharian dahil ito ang plano ng Dios “mula pa sa pundasyon ng mundo.”[4] Ang kaharian ng Dios ay ang walang hanggang plano ng Dios para sa kanyang bayan.
Ang dalawang talinhaga sa Pangaral sa Bundok ng Olibo ay nagtuturo na dapat tayong maging matapat habang hinihintay natin ang kaharian. Ang limang hangal na mga dalaga ay naghintay—subali’t walang sapat na paghahanda. Ang lingkod na may isang talento ay naghintay—subali’t hindi tama ang pagiging katiwala. Bilang mga mamamayan ng kaharian, tinawag tayo upang maging matapat at matiyaga sa paglilingkod sa Hari.
Sa huling paghuhukom, magaganap ang paghihiwalay ng mabuti at masama na ipinangako sa Mateo 13. Ang pangunahing aralin ay hindi tungkol sa kung kailan at paano magaganap ang paghuhukom na ito. Sa halip, ang itinuturo ni Hesus ay tungkol sa kung paano dapat mamuhay sa kasalukuyan ang mga mamamayan ng kaharian bilang paghahanda sa huling paghuhukom. Sa araw na iyon, ang Hari ay magsasabi, “Tunay, sinasabi ko sa inyo, kung ano ang ginawa ninyo sa pinakaaba sa aking mga kapatid, ginawa ninyo iyon sa akin.” Dapat tayong mamuhay na palagiang handa para sa pagbalik ng Hari. Dapat tayong matagpuang matapat sa kanyang pagbabalik.
[1] "Temple Comparison" larawan, copyright Faithlife / Logos Bible Software (www.logos.com). Ginamit nang may pahintulot.
Aplikasyon: Ang Katumbas na Halaga ng Pagiging Disipulo
►Basahin ang Lucas 9:21-27.
Ang pagiging mamamayan ng kaharian ng Dios ay tanging sa biyaya lamang. Hindi tayo nagiging mamamayan ng kaharian sa pamamagitan ng mabubuting mga gawa. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na walang katumbas na halaga ang buhay ng pagiging disipulo. Sa Lucas 9, itinuro ni Hesus sa kanyang mga tagasunod ang tungkol sa halaga ng pagiging disipulo.
Isinulat ni Dallas Willard na ang, “Biyaya ay hindi salungat sa pagsisikap; ang biyaya ay salungat sa isiping kaya nating kitain ang pagiging disipulo.”[1] Ang mga pagsisikap natin bilang disipulo ay hindi salungat sa biyaya. Sa katotohanan, ang tanging paraan na mayroon tayong kakayahang ipagpatuloy ang pagiging disipulo ay dahil sa biyaya ng Dios.
Pansinin ang pattern ng pagtuturo ni Hesus: ang krus at pagkatapos ay kaluwalhatian.
Ihinula ni Hesus ang kanyang kamatayan at muling pagkabuhay (Lucas 9:21-22). Ito ang halagang ibinayad ni Hesus upang pagkalooban tayo ng pagkamamamayan sa kaharian.
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga tagasunod kung ano ang katumbas na halaga ng maging kanyang disipulo (Lucas 9:23-25). “Kung ang sinuman ay susunod sa akin, kalimutan niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus sa araw-araw at sumunod sa akin.” Hinarap ni Hesus ang krus upang itatag ang kaharian; dapat nating pasanin ang krus kung nais nating mamuhay sa kaharian.
Nagsalita si Hesus tungkol sa kaharian ng Dios (Lucas 9:26-27). “Dahil kung ikakahiya ako ng sinuman at ang aking salita, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao kapag siya’y dumating sa kanyang kaluwalhatian at sa kaluwalhatian ng Ama at ng mga banal na anghel.”
Hindi tayo maaaring makihati sa kaluwalhatian ng kaharian nang hindi nakikihati sa krus. “Ibinaba” ni Hesus ang kanyang sarili…hanggang kamatayan, kahit sa kamatayan sa krus. Samakatuwid, siya ay lubusang niluwalhati ng Dios….”[2]
Bilang mga anak ng Dios, susundan natin ang parehong huwaran. “At matapos ninyong magtiis ng sandaling panahon, ang Dios ng lahat ng biyaya, na tumawag sa inyo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo…”[3] Ito ang hugis ng buhay sa kaharian. Nagdusa si Cristo sa krus bago siya itaas sa kaluwalhatian. Dapat “pasanin” ng kanyang mga tagasunod “ang krus” bago ma-enjoy ang “kanyang walang hanggang kaluwalhatian.”
Hinanap ni Hesus ang mga disipulong nagtatalaga ng sarili. Hindi niya kailangan na ang disipulo ay may matalinong kaisipan; kailangan lamang niya na magkaroon sila ng matapat na puso. Ano ang katumbas na halaga ng pagiging isang disipulo? “Kung ang sinuman ay susunod sa akin, iwan niya ang kanyang sarili at pasanin ang krus araw-araw at sumunod sa akin.”
Dapat itakwil ng disipulo ang kanyang sarili. Mahirap magsabi ng “hindi” sa sarili.
Dapat pasanin ng disipulo ang kanyang krus. Nauunawaan ng mga tagasunod ni Jesus na ang krus ay nangangahulugan ng kamatayan. Kinakatawan ng krus ang paghihirap at kahihiyan. Subali’t ang mga unang Kristiyano ay nakakaalam na ang pagdidisipulo ay nangangailangan ng krus. Sa paglalakbay ni Ignatius sa Roma upang mamatay bilang isang martir, sinabi niya, “Nagsisimula na akong maging isang disipulo.” Nangangailangan ng krus ang pagdidisipulo.
Dapat manatiling sumusunod kay Hesus ang disipulo sa karakter at sa ugali. Ang salitang “sumusunod” ay sa pangkasalukuyan at nagpapatuloy.”
Makatwiran ba ang katumbas na halaga ng pagdidisipulo? Nagbigay si Hesus ng tatlong dahilan upang maging disipulo. Nakakapagtaka lamang, ito ang mismong mga dahilan kaya’t maraming tao ang umiiwas sa pagdidisipulo. Bakit natin dapat ibigay ang katumbas na halaga ng pagdidisipulo?
Pagiging Ligtas. Ang sinumang nagsisikap na iligtas ang kanyang sarili sa pag-iwas sa krus ay mamamatay. (Lucas 9:24).
Tunay na kayamanan. Ang sinumang tumatanggi na makilala kasama ni Cristo ay mawawalan ng lahat (Lucas 9:25).
Gantimpala. Tanging ang mga sumusunod kay Cristo ang tatanggapin sa kaharian. (Lucas 9:26-27).
►Basahin ang Lucas 14:25-33.
Pinalawak pa ni Jesus ang kanyang pagtuturo sa pagdidisipulo. Ang kanyang mga tagubilin ay hinati-hati sa tatlong seksiyon:
Ang halagang katumbas ng pagdidisipulo (Lucas 14:26-27)
Ang kahangalan ng pagiging isang disipulo nang hindi binibilang ang katumbas na halaga (Lucas 14:28-32)
Isang paalala sa halaga ng pagdidisipulo (Lucas 14:33)
Kung ikaw ay bibili ng kotse, kung minsan itinatago ng ahente ang tunay na halaga. Sasabihin niya, “Tingnan mo ang magandang sasakyang ito!” “Pakiramdaman mo ang lakas ng sasakyang ito!” Tanging pagkatapos mong magustuhan nang husto ang sasakyan at tsaka niya sasabihin sa iyo ang presyo.
Hindi naghandog si Hesus kailanman sa kanyang mga tagasunod ng madaling daan patungo sa kaharian. Nagsimula siya sa nakalagay na presyo:
“Kung ang sinuman ay lumapit sa akin subali’t hindi kinamumuhian ang sariling ama at ina at asawa at mga anak at mga kapatid na lalaki at kapatid na babae, oo at maging ang kanyang sariling buhay, hindi siya maaaring maging disipulo ko. Sinumang hindi magpasan ng kanyang sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging disipulo ko.”
Ang salitang “mamuhi” ay isang idyomang Judio na medyo iba sa ating salitang Ingles. Ang “mamuhi” sa isang bagay ay nangangahulugang mahalin ito ng mas kaunti kaysa iba pang bagay. Sinasabi ni Hesus, “Hindi ka maaaring maging disipulo ko malibang mahalin mo ako nang higit pa sa iyong sariling ama, ina, asawa, anak, kapatid na lalaki o babae, kahit ang iyong sarili mismo!”
Magkano ang halagang katumbas ng pagiging disipulo? Ang lahat lahat! Ang pagiging disipulo ni Cristo ay higit pa sa pakikibahagi sa kaligayahan sa mga propesiya tungkol sa Mesiyas; nangangailangan din ito ng pakikibahagi sa krus.
►Ang Ebanghelyo ni Juan ay nagbibigay ng tatlong dagdag na kundisyon sa pagiging disipulo. Basahin ang Juan 8:3; 13:35; at 15:8. Batay sa mga kundisyon para sa pagdidisipulo sa Lucas at Juan, nagdidisipulo ka ba sa iyong ministeryo?
[1] Dallas Willard, The Great Omission: Reclaiming Jesus’s Essential Teachings on Discipleship(New York: HarperOne, 2006).
Hanggang sa muling pagbalik ni Cristo, hindi natin mauunawaan ang lahat ng detalye ng kanyang katuruan tungkol sa kaharian. Gayunman, ang mga Ebanghelyo ay nagpapakita ng maraming katangian ng kaharian ng Dios:
Ang kaharian ng Dios ay isang espirituwal na kaharian. “Dahil ang kaharian ng Dios ay hindi tungkol sa pagkain at pag-inom kundi tungkol sa katuwiran at kapayapaan at kaligayahan sa Banal na Espiritu.”[1] Ang bagong kapanganakan ay nagliligtas sa atin sa kapangyarihan ni Satanas at tayo’y nagiging bahagi ng kaharian ng Dios.
Makakabilang sa kaharian ng Dios ang pisikal at pulitikal na paghahari sa wakas ng panahon.
Unibersal ang kaharian ng Dios; hindi ito limitado sa bayang Judio lamang.
Ang kaharian ng Dios ay “pwersa” hindi “lugar”. Ito ang kapangyarihan ng Dios na kumikilos sa mundo, hindi isang pisikal na lokasyon. Sa talinhaga ng 10 minas, ang kaharian ay ang awtoridad upang maghari, hindi ang geographic na lokasyon.[2]
Ang kaharian ng Dios ay sobrenatural. Inihahasik ng tao ang binhi; hindi niya iyon mapatutubo. Ang kaharian ay lumalago sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios.
Ang kaharian ng Dios ay higit pa sa isang malabong pag-asa sa hinaharap; ito ay isang reyalidad/katotohanan sa kasalukuyan na humihingi ng dagliang pagtugon.
Ang kaharian ng Dios ay sinimulan sa pamamagitan ng ministeryo ni Hesus. Ang kanyang kapangyarihan laban sa maga demonyo ay nagpapakita ng tagumpay ng kaharian ng Dios laban sa kaharian ni Satanas.
Ang kaharian ng Dios ay nagpapatuloy sa pagsulong sa pamamagitan ng gawain ng iglesya. Ang Sermon sa Bundok ay nagpapakita kung paano tinatawag upang mamuhay ang mga mananampalataya sa kasalukuyang panahon.
Ang kaharian ng Dios ay matutupad ng lubusan sa huling pagbabalik ni Cristo upang maghari sa kaluwalhatian. Mawawasak ang kapangyarihan ni Satanas at ang Dios ay maghahari magpasawalanghanggan.
[2] Lucas 19:11. Ang “mina” ay isang yunit ng pera noon, katumbas ng halos tatlong buwan na sahod para isang mangagawa.
Mga Takdang-Aralin ng Aralin
Maghanda ng isang serye ng tatlong sermon batay sa Pangaral sa Bundok ni Hesus. Ang tema ng iyong mga mensahe ay: “Buhay sa Kaharian ng Dios.” Ipakita kung paano tayo dapat mamuhay sa kasalukuyan bilang mga mamamayan sa kaharian ng Dios. Tiyakin na ipapangaral mo ang Mensahe bilang “mabuting balita.” Ipakita kung paanong ang biyaya ng Dios ay nagbibigay ng kapangyarihan sa atin upang mamuhay bilang mga mamamayan sa kaharian ng Dios.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.