Ang epektibong pangangaral ay hindi bunga ng gawain ng tao lamang; ang epektibong pangangaral ay pinalalakas ng Banal na Espiritu.
Pasimula
Pakinggan ang tugon ng maraming tao sa pangangaral ni Hesus.
“At nang matapos ni Jesus ang mga araling ito, namangha ang maraming tao.”[1]
“Ang lahat ng tao ay namangha sa kanyang pagtuturo.”[2]
“At masaya siyang pinakinggan ng malaking pulutong.”[3]
Makapangyarihan ang pangangaral ni Hesus. Libo-libo ang nagkakatipon upang makinig sa kanyang pangangaral. Tunay na ang paraan ng kanyang pangangaral ay dapat maging modelo para sa atin. Tandaan na sa lupa, nagministeryo si Hesus sa kanyang kalikasang tao. Huwag ninyong isipin, “Siyempre, si Hesus ay makapangyarihang mangangaral, siya ay Dios.” Sa halip, isipin, “Si Hesus – bilang tao – ay nangaral sa paraang nagpakita ng kapangyarihan at awtoridad. Ang kanyang pangangaral ay nag-akay ng mga tagapakinig sa katotohanan. Ano ang matututuhan ko mula kay Jesus upang ako’y maging mas epektibong tagapangaral ng Mabuting Balita?”
►Isipin mo na ikaw ay nabuhay noong 30 A.D. at narinig mong mangaral si Hesus. Ano ang inaasahan mong makita at marinig?
Nang mangaral si Hesus sa Capernaum, ang mga tao ay “namangha sa kanyang pagtuturo, dahil ang kanyang salita ay nagtataglay ng awtoridad.”[1] Pagkatapos ng Sermon sa Bundok, “ang mga pulutong ay namangha sa kanyang mga turo, dahil nagtuturo siya sa kanila bilang isang may awtoridad, at hindi tulad ng kanilang mga eskriba.”[2] Ang mga eskriba ay tumutukoy ng ibang tagapagturo upang suportahan ang kanilang mga teoriya, subali’t si Jesus ay nagturo nang may awtoridad.
Bilang mga pastor, dapat tayong mangaral nang may awtoridad. Ang ating awtoridad ay iba kaysa sa awtoridad ni Hesus. Ang kanyang awtoridad ay taglay na niya noon pa, ang ating awtoridad ay ibinigay sa atin bilang kinatawan ni Cristo Hesus, ang ating awtoridad ay nagmumula sa mensaheng ating ipinangangaral.
Nangangaral tayo nang may awtoridad bilang kinatawan ni Cristo Jesus.
Sinabi ni Hesus, “Ang lahat ng awtoridad sa Langit at sa lupa ay ipinagkaloob na sa akin.” Sa susunod na talata inatasan niya ang kanyang mga tagasunod, “Humayo kayo at gawin ninyong alagad ang lahat ng bansa. At ngayon, ako’y kasama ninyo sa lahat ng panahon, hanggang sa wakas ng panahon.”[3] Mayroon tayong awtoridad dahil tayo ay tinagubilinan na bilang mga kinatawan ni Cristo.
Noong 1783, nagkita-kita ang mga kinatawan ng Estados Unidos at kinatawan ni Haring George III upang lagdaan ang Kasunduan ng Paris (Treaty of Paris) na nagwakas sa Rebolusyonaryong Digmaan sa Amerika/American Revolutionary War. Hindi naglakbay si Haring George III sa Paris upang lagdaan ang Kasunduan. Hindi nilagdaan ni George Washington ang kasunduan. Ang mga kinatawan ng bansa ay may awtoridad na lumagda sa kasunduan sa pangalan ng kanilang mga pinuno.
Sa parehong paraan, nangangaral tayo bilang mga kinatawan ni Hesu-Cristo. Isinulat ni Pablo, “Dahil ang aming ipinapahayag ay hindi sa ganang aming sarili, kundi si Cristo Hesus bilang Panginoon, at ang aming sarili bilang inyong mga alipin para kay Hesus.”[4] Ang awtoridad ni Pablo ay hindi sa kanyang sarili. Siya ay “isang alipin” subali’t siya ay kinatawan ni “Cristo Hesus bilang Panginoon.”
Nangangaral tayo nang may awtoridad dahil sa mensaheng ipinagkaloob sa atin.
Ang ating awtoridad ay batay sa Kasulatan na ating ipinapangaral. Isinulat ni Pablo, “Tinalikuran namin ang lahat ng lihim at kahiya-hiyang gawain. Hindi kami nanloloko ng mga tao, at hindi namin pinipilipit ang Salita ng Dios. Sa halip hayagan naming ipinapangaral ang katotohanan. Kaya’t maaari kaming suriin ninuman sa harapan ng Dios.”[5] Tumanggi si Pablo na gumawa ng anumang bagay na di-matapat o anumang magpapahina ng kanyang mensahe ng Salita ng Dios.
Sa America, maraming pastor ang tumalikod na sa kanilang pagtitiwala sa awtoridad ng Kasulatan. Ang ilan sa kanila ay nag-aral sa mga kilalang unibersidad, subali’t hindi na sila nangangaral nang may awtoridad. Sa halip, sila ay puno ng alinlangan. Bakit? Nag-aalinlangan sila sa awtoridad ng Biblia; nagtiwala sila sa katalinuhan ng tao lamang. Bilang mga alipin ng Dios, ang ating awtoridad ay dapat nakabatay sa Salita ng Dios.
Minsan nakarinig ako ng isang liberal na pastor na ikinukwento ang kwento ni Hesus na lumalakad sa tubig.[6] Sinabi ni Marcos na namangha ang mga disipulo! Ang pastor na ito ay hindi naniwala na si Hesus ay lumakad sa tubig. Sinabi niya na si Hesus ay lumakad sa mababaw na tubig sa dalampasigan.
Sinabi ng pastor, “Ang Marcos 6 ay hindi isang kwento ng isang himala; ito ay isa lamang magandang kwento na nagpapakita kung paanong ang mga disipulo ay na-impress ni Hesus.” Pagkatapos ng gawain, narinig ko na may nagsabi ng, “Bakit namangha ang mga tao? Lumakad lamang si Hesus sa dalampasigan! Hindi iyon kamangha-mangha!”
Hindi nagtitiwala sa Biblia ang pastor na ito, wala siyang tiwala sa awtoridad ng Kasulatan. Walang dahilan upang ipangaral ang Salita ng Dios kung hindi ka naman naniniwala sa mensahe nito. Maaari tayong mangaral nang may awtoridad tanging kapag pinagtitiwalaan natin ang mensahe ng Salita ng Dios.
Ang pag-unawa na ang ating awtoridad ay nagmumula kay Hesus at mula sa mensaheng ipinapangaral natin ay makatutulong upang maunawaan natin ang dalawang panganib para sa mga pastor.
(1) Ang unang panganib ay ang aroganteng pag-iisip na nagsasabing, “Ako ang pastor. Ako ang boss! Walang sinumang maaaring magtanong sa akin.”
Ang pagiging aroganteng ito ang nagpapalayo sa mga tao mula sa ebanghelyo. Sinabi ni Pablo, “Ang ating ipinapahayag ay hindi sa ganang ating sarili, kundi si Cristo Hesus.” Ang ating awtoridad ay nagmula kay Hesus at sa Salita ng Dios.
Dapat tayong magtaglay ng kababaang-loob upang aminin na tayo ay nagkamali. Sinabi minsan ng isang pastor sa akin, “Hindi ko kailanman sinasabi sa iglesya kapag ako’y nagkakamali. Mawawalan sila ng tiwala sa aking awtoridad.” Nalimutan ng pastor na ito na ang ating awtoridad ay hindi nakabatay sa ating sariling katangiang hindi maaaring magkamali; ang ating awtoridad ay nakabatay sa Salita ng Dios. Dapat nating ituro ang ating kongregasyon sa huling awtoridad ng Salita ng Dios. Ang aking mga salita ay hindi mahalaga; ang Salita ng Dios ay may ultimate na kahalagahan.
(2) Ang ikalawang panganib ay ang huwad na kababaang-loob na nagsasabing, “Pastor lamang ako. Wala akong awtoridad. Ang mga propesyunal na tagapayo ang mas nakakaalam ng mas maraming bagay tungkol sa psychology; mas maraming nalalaman tungkol sa pinagmulan ng mundo ang mga siyentipiko; ang mga sociologists ay mas maraming nalalaman tungkol sa mga pagnanais na seksuwal ng tao. Hindi ko kayang magsalita tungkol sa mga pangangailangang emosyonal, sa paglikha o moralidad dahil hindi naman ako eksperto.”
Sinabi ni Pablo, “Tayo ay mga lingkod subali’t mayroon tayong awtoridad bilang mga kinatawan ni Cristo Jesus. Bilang isang lingkod dapat tayong mabuhay nang may kababaang-loob. Subali’t bilang mga kinatawan ni Cristo Hesus, dapat tayong mangaral nang may pagtitiwala. Naglilingkod tayo nang may awtoridad ng Hari ng sanlibutan.
Ang mga Pangaral ni Hesus ay Nagdala ng “Mabuting Balita” sa mga Nangangailangan
Nagsalita si Hesus tungkol sa pangangailangan ng kanyang mga tagapakinig. Habang “naglalakbay si Hesus sa Galilea na ‘ipinapahayag ang Ebanghelyo ng kaharian’, mayroon siyang habag para sa napakaraming tao “dahil sila’y inuusig at walang pag-asa.”[1] Ang mga Judio ay nakabilanggo sa Roma, kaunti lang ang pag-asa ng mahihirap na makakaalis pa sila sa kanilang kahirapan; ang mga ketongin ay itinataboy sa labas ng bayan; ang mga maniningil ng buwis ay tinatanggihan ng lipunan. Sa bawat isa sa kanila, naghandog si Hesus ng pag-asa.
Kapag ikaw ay nangungusap sa mga pangangailangan ng mga tao, nahuhuli mo ang kanilang atensiyon. Kung ako’y namumuhay sa isang disyerto at sasabihin mo, “Sa araw na ito, ako’y mangangaral tungkol sa tubig ng buhay.” Makikinig akong mabuti! Kung ako’y matanda at mahina na at sasabihin mo sa akin, “Sa araw na ito ipapangaral ko sa inyo ang tungkol sa Dios na nagbibigay sa inyo ng lakas tulad ng mga agila,” siguradong ako’y makikinig!
Laging inaalala ni Hesus na ang “ebanghelyo” ay nangangahulugan ng “mabuting balita.” Dumating siya upang maghatid ng mabuting balita sa lahat ng nangangailangan ng pag-asa. Ang epektibong pangangaral ay dapat magdala ng pag-asa sa mga nakaririnig sa atin. Tulad ni Hesus, dapat nating itanong, “Kanino ba ako nangangaral? Ano ang kanilang mga pangangailangan?”
Isipin mo na ikaw ay nasa isang aksidente sa kotse at nanganganib na mamatay dahil sa pagdurugo. Sa ospital, ang doktor ay nagpakita ng isang tsart na may kulay na may listahan tungkol sa mga aksidente sa sasakyan. Ipinaliliwanag niya ang kasaysayan ng pagbuo ng stethoscope. Sa huli, nagbabala siya sa iyo tungkol sa panganib ng di maingat na pagmamaneho.
Ang lahat ng sinasabi ng doktor ay totoo, subali’t hindi natutugunan nito ang iyong pangangailangan. Kailangan mo ng isang taong mag-aasikaso sa iyong mga sugat at magbibigay ng gamot para sa iyong mga sugat at magbibigay ng gamot para sa iyong mga sakit. Ang pangangaral ay dapat gumawa ng higit pa sa magsabi ng mga katotohanan; ang pangangaral ay dapat magsalita sa mga pangangailangan ng mga tagapakinig.
Madaling makita ang “masamang balita” ng ating wasak na mundo. Mas may magagawa ang ebanghelyo; nagdadala ito ng pag-asa sa isang wasak na mundo. Laging nagdadala ng pag-asa si Hesus sa kanyang mga tagapakinig. Hindi kailanmang nag-compromiso si Hesus ng katotohanan, at hindi rin natin dapat i-compromise ang katotohanan. Subalit alam ni Jesus ang katotohanan, kung maayos na naipangaral ay nagdudulot ng pag-asa. Sinabi ng isang matandang mangangaral, “Dapat mong kamutin kung saan ang tao’y nagkakati.” Dapat kang mangusap sa pangangailangan ng mga sinisikap mong maabot.
Ang mga Pangaral ni Hesus ay Katotohanang Karapatdapat Panaligan
Nagsimula si Hesus sa mga pangangailangan ng kanyang mga tagapakinig, subalit ang kanyang layunin ay mas malalim kaysa simpleng paglalagay lang nga benda sa kanilang mga sugat. Ang mga sermon ni Hesus ay nangusap sa kanilang budhi at bumago sa kanilang mga buhay.
Hindi natatakot si Hesus na harapin ang kanyang mga tagapakinig ng mensahe ng paghuhukom dahil sa kanilang kasalanan. Sinabi ni Hesus sa babaeng natagpuang nangangalunya, “Hindi rin kita hinahatulan,” subali’t sinabi rin niya, “Humayo ka, at huwag nang magkasala pa.”[1]
Isa sa aking paboritong kuwento sa ministeryo ni Hesus ay ang kuwento ng lalaking lumpo sa imbakan ng tubig sa Betesda. Matapos siyang pagalingin, sinabi ni Hesus, “Tingnan mo, magaling ka na! Huwag ka nang magkasala, upang wala nang mas masamang mangyari sa iyo.”[2] Hindi natakot si Hesus na harapin ang kasalanan.
Nang mangaral si Hesus, ang kanyang mga tagapakinig ay nakonsiyensiya. Hindi tulad ng maraming kapanahong tagapangaral, ipinangaral ni Hesus ang pangangailangan ng matuwid na buhay. Hindi sinabi ni Hesus na, “Hindi inaasahan ng aking Ama na sundin ninyo ang kanyang mga utos.” Sa halip, sinabi ni Hesus, “Malibang ang inyong pagiging matuwid ay hihigit sa katuwiran ng mga eskriba at Pariseo, hindi kayo kailanman makakapasok sa kaharian ng Langit.”[3] Kailangan ni Hesus ang higit pa sa relihiyosong mga tagapanguna sa kanyang panahon. Ang pangangaral ni Hesus ay nagdulot ng pananalig sa katotohanan sa bawat isang nakarinig sa kanya.
Sa panahon ng Digmaang Sibil sa Amerika, dumalo si Presidente Abraham Lincoln sa isang iglesya na si Dr. Phineas Gurley ang pastor. Pagkatapos ng isang gawain nagtanong ang isang kaibigan, “Ano ang palagay mo sa mensahe?” Sinabi ni Lincoln, “Mahusay ang pagkakaprisinta noon at nagbigay ng magagandang kaisipan.”
Kaya’t sinabi ng kaibigan, “Ibig sabihin nagustuhan mo iyon?” Nag-atubili ni G. Lincoln at nagsabi, “Hindi. Naniniwala ako na nabigo sa gabing ito si Rev. Gurley.” Nagulat ang kaibigan niya. “Bakit mo naman nasabi ‘yan?” Sumagot si Lincoln, “Hindi niya tayo pinagawa ng anumang dakilang bagay.” Naniniwala si Presidente Lincoln na ang isang mensahe o pangaral ay dapat humihingi ng tugon. Naniwala siya na ang pangaral ay dapat bumago ng mga buhay.[1]
► Basahin ang Mateo 18.
Nangaral si Hesus upang bumago ng buhay. Praktikal ang pangangaral ni Jesus. Inirekord ng Mateo 18 ang Pangaral ni Hesus sa “Mga Relasyon sa Kaharian ng Langit.” Nagturo si Hesus tungkol sa:
Ang Kahalagahan ng kababaang-loob (18:2-6)
Pagtugon sa tukso (18:7-9)
Pagtugon sa mga naliligaw (18:10-14)
Pagtugon sa mga nagkakasala laban sa iyo (18:15-20)
Ang pangangailangan ng Pagpapatawad (18:21-35)
Ang mga ito ay mga praktikal na paksa ng pang-araw-araw na buhay. Naangusap si Hesus sa mga tunay na pangangailangan ng kanyang mga tagapakinig. Nangaral siya upang baguhin ang mga buhay.
Para sa isang tao na isinilang na bulag, nagkaloob ng kagalingan si Hesus—at pagkatapos ay binigyan ng mensahe na babago sa buhay ng lalaki sa pangwalang hanggan.
“Sinabi ni Hesus, ‘Naniniwala ka ba sa Anak ng Tao?’ Sumagot siya, ‘At sino po siya, Ginoo, at nang ako’y maniwala sa kanya?’ Sinabi ni Hesus sa kanya, ‘Nakita mo na siya at ako nga ito na nagsasalita sa iyo.’ Sinabi niya, ‘Panginoon, ako’y naniniwala’, at siya’y sinamba niya.”[2]
Sa mga taong nagugutom, nagbigay si Hesus ng tinapay at pagkatapos ay ipinangaral ang katotohanan na babago sa kanilang buhay sa panghabangpanahon. “Ako ang tinapay ng buhay; sinumang lumalapit sa akin ay hindi magugutom at sinumang naniniwala sa akin hindi kailanman mauuhaw.”[3]
Ang pangangaral na bumabago sa mga buhay ay pinagsasama ang katotohanan ng Salita ng Dios at ang pangangailangan ng mga tao. Ang epektibong pangangaral ay nangungusap ng katotohanan ng Dios sa mga pangangailangan ng mga tao.
Nang mangaral si Hesus, nangusap siya sa isip, sa damdamin at sa kalooban. Ang tatlong ito ay sama-sama sa tunay na pagbabago.
Nangusap si Hesus sa kaisipan
Ginamit ni Juan ang salitang “Salita” upang ilarawan si Hesus. Ang “Salita” ay isang Griegong salita na nagpapahiwatig ng karunungan at pananaw. Kapag binasa ninyo ang pangaral ni Hesus sa Mateo 18, binabasa ninyo ang pinakamatalinong katuruan tungkol sa relasyon na naipagkaloob na. Isipin ninyo ang isang lipunan kung saan ang pagpapatawad ang karaniwang gawain. Nangusap ng karunungan si Hesus sa isipan ng kanyang mga tagapakinig.
Nangusap si Hesus Damdamin
Tatlumpu’t-apat na beses na ginamit sa Ebanghelyo ang salitang “namangha”, “nagtaka”, at “nagulat” sa mga tagapakinig ni Hesus. Ang mga disipulo sa daan sa Emaus ay nagsabi, “ Hindi ba’t ang ating mga puso ay nag-aalab sa ating dibdib habang kausap natin siya sa daan, nang buksan niya sa atin ang mga Kasulatan?”[4] Ang mga nakarinig kay Hesus ay nakadama ng galak sa kanyang maawaing mga salita, kalungkutan sa kanilang mga kasalanan, at higit sa lahat, pag-asa para sa hinaharap.
Nangusap si Hesus sa Kalooban
Hindi kailanman nasiyahan si Hesus sa tagapakinig lamang; tumawag siya ng mga tagasunod. Hindi kailanman nasiyahan si Hesus sa panlabas na pagbabago lamang; naghintay siya ng binagong mga puso at buhay. Maging iyon man ay isang babaeng Samaritana na may makasalanang nakaraan o isang mayamang kabataang lalaki na maingat na sumunod sa Batas, tinawag ni Hesus ang kanyang mga tagasunod upang isuko ang kanilang kalooban sa Dios. Kapag tayo’y nangangaral nang tulad ni Hesus, tatawagin natin ang ating mga tagapakinig sa isang bagong paraan ng pamumuhay.
[1] “Ang Biblia ay hindi ibinigay para lamang dagdagan ang ating kaalaman kundi para baguhin ang ating mga buhay.”
- Sinipi kay D.L. Moody
Mas Malapait na Pagtingin: Ipinapangaral Mo Ba ang Ebanghelyo?
May isang pastor na nangaral mula sa Roma 1 laban sa kasalanan ng homosexuality. Ipinangaral niya ang katotohanan. Subali’t may isang bagay na kulang.… Nakaupo malapit sa akin ang isang kabataang lalaki na nag-struggle sa atraksiyon sa parehong kasarian. Alam ng kabataang ito na kasalanan ang homosexuality at nagsimulang manalangin para makaahon sa kasalanan. Nalalaman niya ang katotohanan ng kanyang kasalanan; kailangan niyang marinig ang mabuting balita (ang Ebanghelyo) na ang Dios ay makapagbibigay ng tagumpay laban sa tukso.
May isang pastor na bumanggit sa babala ni Hesus laban sa diborsiyo. Ikinalungkot niya ang mga batas na nagpapahintulot ng madaling paghihiwalay. Ipinangaral niya ang katotohanan. Subali’t may isang bagay na kulang…sa linggong iyon, may isang kabataang bagong mag-asawa na may dalawang anak ang dumalaw sa abogado ng diborsiyo dahil hindi nila malutas ang di-pagkakaunawan na siyang sumisira sa kanilang pagsasama. Alam nila na kasalanan ang diborsiyo; kailangan nilang marinig ang mabuting balita (ang Ebanghelyo) na si Hesus ay nakapagdadala ng paghilom sa mga nagdurusang pagsasama ng mag-asawa.
Isinigaw ng isang pastor na “Ang aborsiyon ay pumapatay sa inosenteng sanggol.” Ipinangaral niya ang katotohanan. Subali’t may isang bagay na kulang…Sa kanyang kongregasyon ay may isang nasa kalagitnaang-edad na babae na umiiyak sa tuwing maaalala niya ang araw na siya’y palihim na pumasok sa isang klinika na nagsasagawa ng aborsiyon dahil siya ay isang kabataan na walang asawa. Dalawampung taon makalipas iyon, patuloy pa rin siyang nagdududa kung patatawarin siya ng Dios sa kaniyang kasalanan. Alam niya na kasalanan ang aborsiyon; kailangan niyang marinig ang mabuting balita (ang Ebanghelyo) na si Hesus ay nag-aalok ng kapatawaran para sa kanyang nakaraan.
Kailanman hindi ikinompromiso ni Hesus ang katotohanan, subali’t hindi niya kailanman kinalimutan na magdala ng pag-asa. Alam niya na bumabago ng buhay ang Ebanghelyo. Sa isang kabataang lalaki na nag-struggle sa pang-akit ng kaparehong kasarian, sasabihin ni Hesus, “Ang biyaya ko’y sapat upang bigyan ka ng tagumpay laban sa tukso.” Sa mag-asawang nahaharap sa pagkawasak ng pag-aasawa, sasabihin ni Hesus, “Maaari kong ibalik ang puso ng pagmamahal kahit para sa asawang tila hindi kaibig-ibig.” Sa babaeng nagkasala laban sa kanyang anak na hindi pa isinisilang, sasabihin ni Hesus, “Patatawarin ko ang kasalanan ng aborsiyon, katulad ng pagpapatawad ko sa ibang kasalanan. Humayo ka at huwag nang magkakasala pa.”
Ang ebanghelyo ay may kasamang mensahe ng paghatol sa kasalanan. Dapat nating ipangaral ang paghuhukom nang may awtoridad. Subali’t upang mangaral tulad ni Hesus, hindi natin dapat kalimutan ang kapangyarihan ng biyaya upang bumago ng mga buhay. Dapat nating dalhin ang mabuting balita ng biyaya ng Dios sa isang wasak na mundo.
Ang Ebanghelyo ay laging naglalaman ng dalawang piraso ng Mabuting Balita. Una, sinasabi sa atin ng Mabuting Balita kung ano ang ginawa ng Dios para sa atin.
Nagdadala ito ng pag-asa sa isang mundong walang pag-asa. Pagkatapos, sinasabi sa atin ng ebanghelyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu kung ano ang kahihinatnan natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Hindi tayo kailanman iniiwan ng ebanghelyo sa ating kalagayan; hinahamon tayo nito sa mas malalim na paglakad kasama ng Dios.
Simple at Madalingang Maalala mga Pangaral ni Hesus
Madalas sinasabi ni Dr. Howard Hendricks . “Kasalanan kapag nainip mo ang mga tao dahil sa Biblia!” Kahit kailan hindi nainip ni Hesus ang mga tao dahil sa katotohanan. Nalalaman niya kung paano mangaral sa simple at direktang paraan. Ang kanyang pangangaral ay makahulugan, subali’t ito’y mauunawaan ng bawat tagapakinig. Nagpahayag siya ng malalalim na katotohanan, subali’t napanatili niya ang interes ng pinakawalang pinag-aralang tao na nakikinig sa kanya.
Ang layunin ng isang epektibong mangangaral ay hindi para magmagaling sa nakikinig sa kanyang malalim na kaalaman. Ang layunin ng tagapangaral ay dapat maipahayag ang Salita ng Dios sa simple at makapangyarihang paraan—at hayaan ang Banal na Espiritu ang magmulat sa kasalanan sa tagapakinig sa pamamagitan ng katotohanan ng Salita ng Dios.
Paano ginagawa ni Hesus na ang kanyang mga pangaral ay simple at kawili-wili?
Nagkuwento si Hesus
Madalas marinig ng mga nakinig sa mga sermon ni Hesus ang ganitong mga salita, “May ikukuwento ako sa inyo..” Ang kanyang mga kuwento ay humuli sa atensiyon sa kanyang mga tagapakinig at binuksan ang kanilang mga tenga sa kanyang mensahe.
Karamihan sa atin ay makaaalala ng isang kuwento nang mas matagal kaysa sa isang 3-point outline. Ang magagandang kuwento ay nagpapakita ng sermon sa paraang nakakatulong sa atin na alalahanin ang pangunahing punto sa isang pangaral. Ang isang magandang kuwento ay nagbubuod sa mensaheng nais iparating ng mangangaral.
►Talakayin ang huling kuwento na narinig ninyo sa isang pangaral. Naipahayag ba nito nang epektibo ang mensahe ng mangangaral? Naaalala ba ninyo ang layunin ng kuwento? Ang pangaral kaya ay naging ganoon kaepektibo at madaling maalala kung wala ang kuwento?
Gumamit si Hesus ng mga simpleng salita.
Nagturo ako ng isang klase para sa mga guro ng piyano. Bilang parte ng klase, nagtakda ako ng isang konsepto at sinabihan ang bawat guro na ipaliwanag ito sa isang batang piyanista. Mas mabuti ang pagkaunawa ng guro sa konsepto, mas simple na maipapaliwanag niya ito sa mag-aaral. Ang isang guro na gumagamit ng mga komplikadong salita upang ituro ang konsepto ay madalas na itinatago ang kanyang kakulangan sa pagkaunawa. Kapag mas naiintindihan mong maigi ang isang bagay, mas simple at madali mo itong maipaunaawa.
Alam ni Hesus kung paano isasalin ang katotohanan sa lenguwahe ng kanyang tagapakinig. Nangaral siya sa mga magsasaka tungkol sa paghahasik ng binhi. Nangaral siya sa mga pastol tungkol sa mga tupa. Nangaral siya sa mga mangingisda tungkol sa pangingisda. Maraming tao ang tumanggi sa mensahe ni Jesus, subali’t walang isa mang nainip sa kanyang mga sermon.
Ang mensahe ni Hesus ay nauunawaan ng mga mangingisda, magsasaka, at mga ginang ng tahanan. Subali’t maaari itong makasama sa kalooban ng mga iskolar, mga tagapangunang relihiyoso, at opisyal na pampulitika. Nangusap sa lahat ng antas ng lipunan ang kanyang pangangaral. Ang simple ay hindi nangangahulugan na mababaw. Dapat ipahayag ng ating mga sermon ang mga dakilang katotohanan ng ebanghelyo nang may kalinawan at simple lang.
Gumamit si Hesus ng pag-uulit
Minsan, bumisita ako sa isang pastor na nasisiraan ng loob sa kanyang kongregasyon. Sinabi niya, “Dapat alam na nila ito; ipinangaral ko na ito noong dalawang taon na ang nakararaan.” Ipinaalala ko sa kanya na ipinangaral ni Hesus ang parehong mensahe nang maraming beses bago naunawaan ng kanyang mga disipulo.
Tinanong ko ang pastor na ito. “Sa palagay mo, mas mabuti ba ang pangangaral mo kaysa kay Hesus?”
“Hindi naman!”
“Sa palagay mo mas matatalino ba ang mga miyembro ng iglesya mo kaysa sa mga disipulo?”
“Hindi!”
“Kung gayun, kailangan mong ulitin ang mga katotohanan tulad ng ginawa ni Hesus.”
Paulit-ulit na ipinangaral ni Hesus ang parehong katotohanan. Paulit-ulit niyang itinuro sa mga disipulo ang tungkol sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Maraming beses niyang ipinangaral ang mensahe ng kaharian. Alam ni Hesus na ang mga katotohanang ito ay mahalaga, kaya’t ipinangaral niya ang mensahe nang maraming beses ayon sa kailangan upang maabot ang kanyang mga tagapakinig.
Mas Malapit na Pagtanaw: Nauunawaan ba ng Iyong mga Tagapakinig ang Iyong Mensahe?
Basahin ang sermon ito.
Ito ang unang 12 verses of Sermon ni Jesus sa Bundok. Ito ay isang makapangyarihang sermon, subali’t malibang ikaw ay nakakabasa ng Arabic, hindi ka makatatanggap ng benepisyo sa pagbasa nito. Bakit? Hindi ito nakasalin sa iyong lengguwahe. Posible na ipangaral ang katotohanan nang hindi ito isinasalin sa mas simpleng lengguwahe na mauunawaan ng ating mga tagapakinig. Upang mangaral na katulad ni Hesus, dapat tayong mangaral sa simple at memorable na paraan.
Tunay o Totoo ang mga Pangaral ni Hesus
Tunay o totoo ang pangangaral ni Hesus. Ang kanyang buhay ay kaayon sa kanyang mensahe. Hindi lamang simpleng ipinangaral ni Hesus ang tungkol sa maka-Dios na pamumuhay; namuhay siya ng maka-Dios na buhay. Walang makatutukoy ng anumang pagsasalungatan sa mensahe at sa pamumuhay ni Hesus. Ipinamuhay ni Hesus ang kanyang mga ipinapangaral.
Isipin ninyo na gusto ninyong matutong magmaneho ng kotse. Mayroong dalawang guro na nag-alay ng pagtuturo sa inyo ng pagmamaneho. Ang isang guro ay hindi pa kailanman nakapagmaneho ng sasakyan subali’t nabasa niya ang maraming libro tungkol sa pagmamaneho. Ang isang guro ay may listahan ng pagiging maingat na drayber sa loob ng maraming taon.[1] Aling titser ang pipiliin mo?
Ngayon, isipin mo na nais mong matutong mamuhay ng buhay Kristiyano. May dalawang pastor. Ang isang pastor ay namumuhay nang makasalanan, subali’t magaganda ang kanyang mga pangaral. Ang isang pastor ay namumuhay sa paraang nagpapakita ng kanyang malapit na relasyon sa Dios. Aling pastor ang pipiliin nyo?”
Ang ating pangangaral ay dapat tunay o totoo. Dapat nating ipamuhay ang ating ipinapangaral. Maraming tagapangaral ang nakatuklas na posibleng gawing huwad ang integridad sa maikling panahon. Maaaring malinlang ang mga tao ng isang mangangaral na ipinapangaral ang katapatan samantalang nagnanakaw ng pera mula sa lalagyan ng kaloob. Maaaring iligaw ang mga tao ng isang mangangaral na ipinapangaral ang moralidad samantalang may itinatagong ibang asawa. Maaari silang linlangin ng isang pastor na nangangaral ng pag-ibig samantalang sinasaktan ang kanyang asawa. Subali’t sa katagalan, lalabas din ang katotohanan. Ang isang pusong walang laman ay magreresulta sa ministeryong walang taglay na kapangyarihang espirituwal. Ang Dios ay kumikilos sa pamamagitan natin kapag hinayaan nating kumilos siya sa atin.
Huwag ninyo kailanman hayaan ang pang-akit ng pangangaral ay magtago ng makasalanang pamumuhay. Ang epektibong pangangaral ay nagsisimula sa pusong nakakikilala sa Dios.
[1] “Hindi kailanman sinabi ni Jesus, ‘Makikilala mo sila sa laki ng kanilang ministeryo!’ Sinabi niya, ‘Makikilala ninyo sila sa kanilang bunga’—sa kanilang pagiging masunurin sa kalooban ng Dios.”
- Craig Keener
Pagsasabuhay: Ang Pastor Bilang Pastol
► Basahin ang Marcos 6:30-34.
Isa sa pinakamagandang larawan ng pastor ay ang pastol. “Nakita” ni Hesus “ang napakaraming tao, at siya’y nahabag sa kanila, dahil sila’y tulad ng mga tupa na walang pastol. At siya’y nagsimulang magturo sa kanila ng maraming mga bagay.” Tumingin si Hesus sa napakaraming tao at ang nakita niya ay tupang nangangailangan ng pastol.
► Isipin ninyo kung sino-sino ang maaaring kasama sa 5000 tao sa Marcos 6. Gumawa ng listahan.
Kabilang ba sa iyong listahan ang mga maniningil ng buwis na nagnanakaw sa mga tao? Nandoon sila. Maaaring madali na isigaw ang paghusga sa mga di-malapit na publikanong ito. Subali’t ang nakikita ni Hesus ay tupang naliligaw na dapat iligtas.
Kabilang ba sa iyong listahan ang mapanghusgang mga Pariseo na umasang mahuhuli si Hesus sa isang patibong? Nandoon sila. Maaaring maging madali para kay Hesus na hiyain sila sa harap ng napakaraming tao, subali’t ang nakita ni Hesus ay matitigas ang ulong tupa na kailangang ibalik sa tamang landas.
Kabilang ba sa iyong listahan ang lalaking di-matapat sa asawa na ang puso’y humusga sa kanyang sarili dahil sa kanyang pangangalunya? Nandoon siya. Nakita ni Hesus ang isang nadapang tupa na nangangailangan ng pagtutuwid at pagkatapos ay pagpapagaling.
Kabilang ba sa iyong listahan ang mga kabataang nagrebelde sa kanilang tahanan at lumabas mula sa paaralan upang makisama sa isang grupong hindi kilala? Nandoon sila. Nakita ni Hesus ang naliligaw na tupa na kinakailangang akayin pabalik sa tamang landas bago pa man sila tuluyang maligaw.
Sino ang iyong nakikita kapag ikaw ay nangangaral? Nakikita nyo lang ba ang mga kapintasan ng iyong kongregasyon, o ang nakikita mo ay ang malalim na pangangailangan ng iyong tupa? Nakikita lamang ba ninyo ang isang galit na board member o nakikita mo ang isang sugatang tupa na nananakit sa iba? Nakikita mo lamang ba ang isang bumalik sa dating buhay o nakikita mo ang isang tupa na nagdurusa dahil sa kasalanan? Nakita ni Hesus ang mga tupang nangangailangan.
► Basahin ang Juan 10:1-18.
Bilang mga pastor, tayo ay tinawag upang maging mga pastol. Paano naglilingkod ang pastol sa mga tupa? Nagbibigay ng isang modelo ang Juan 10.
Pinangungunahan ng pastol ang mga tupa.
Kung pagmamasdan mo ang isang pastol, hindi mo siya makikita na may hawak na pamalo na nagtataboy sa tupa. Sa halip, ginagabayan/inaakay niya ang mga tupa sa tamang direksiyon. Sinabi ni Hesus, “Naririnig ng tupa ang kanyang tinig, at tinatawag niya ang kanyang sariling tupa sa kanilang pangalan at inaakay sila palabas. Kapag nailabas na niya ang lahat ng sa kanya, nauuna siya sa kanila at ang mga tupa ay sumusunod sa kanya, dahil nakikilala nila ang kanyang tinig.”[1]
Sa ating pagbasa sa mga Ebanghelyo, maraming beses na iniisip natin na dapat paluin ni Hesus sina Pedro, Juan o Tomas! Paulit-ulit silang nasasama sa gulo. Subali’t sa halip na pamalo, gumagamit si Jesus ng tungkold upang itayo ang mga mahihina at nahihirapang mga disipulo at ilagay sila sa tumpak na landas.
Bilang isang pastol, inaakay mo ba ang tupa na inilagay ng Dios sa inyong iglesya o itinataboy mo sila? Ikaw ba ay isang pastol na nangunguna sa tupa o isang namamahala na nagsasabi sa mga tupa upang sumunod?
Ang pastol ay nangangalaga sa mga tupa.
Kung minsan, iniisip ba ninyo, “Gusto ko ng isang gawaing nagsisimula sa 9:00 a.m. at natatapos ng 5:00 p.m. at may “off” sa weekend at walang tumatawag paglampas ng 5 p.m.?” Kung minsan masarap pakinggan ang ganito! Subali’t hindi ganyan ang buhay ng isang pastol.
Pinangangalagaan ng pastol ang mga tupa kapag nangangailangan sila ng tulong, hindi lamang sa panahon ng “office hours.” Hindi maaaring sabihin ng isang pastol sa nasugatang tupa, “Manatili ka riyan hanggang 9:00 bukas kapag naka-duty na ako.” Lumalabas ang pastol kahit gabi upang iligtas ang tupa.
Sa parehong paraan, ang pastor ay nangangalaga sa kaniyang mga tupa kapag nangangailangan sila ng tulong. Ang pangangalaga sa espirituwal na mga tupa ay higit pa sa pangangaral. Kalakip nito ang pangangaral, subali’t kasama rin dito ang pagpapayo, pagdalaw, pakikinig, pananalangin at kung minsan ay ang basta pag-upo lamang kasama ng isang nagdurusang tupa.
Oo. Mga pastor, dapat din ninyong pangalagaan ang inyong sarili. Hindi ka magiging epektibong pastol kung papagurin mo ang iyong sarili sa pisikal, emosyonal at espirituwal. Naglaan si Hesus ng oras para sa kanyang sarili, at kayo’y dapat ring maglaan ng oras upang mapag-isa. Subali’t may iba pang pagkakataon na alam ni Hesus na kailangan niyang isakripisyo ang kanyang sariling kasiyahan upang mangalaga sa mga tupa.
Ang balanse sa ministeryo at pamamahinga ay maaaring mahirap. Bilang matalinong pastor-pastol, dapat kang maging sensitibo sa paggabay ng Banal na Espiritu at matalinong payo mula sa mga nakapaligid sa iyo. Pakinggan ang tinig ng Espiritu kapag sinasabi sa iyong, “Oras na para tumigil muna upang mamahinga at magpanibagong-lakas.” Makinig ka sa tinig ng iyong asawa o kaibigan kapag sinasabi sa iyong, “Kailangan mong mamahinga naman!” Bumalik ka mula sa oras ng pahinga at pagpapanibagong lakas nang may taglay na bagong pasyon upang pangalagaan ang mga tupang ipinagkatiwala ng Dios sa iyo.
Pinoprotektahan ng pastol ang mga tupa.
Inihambing ni Hesus ang isang upahang manggagawa na tumatakbo palayo kapag nakakita ng panganib sa isang mabuting pastol na nagpoprotekta sa tupa kahit pa malagay sa panganib ang sariling buhay. Ang upahang manggagawa ay “walang malasakit para sa tupa” subali’t ibibigay ng pastol “ang kanyang buhay para sa tupa.”[2]
Kahit sa kanyang mga huling oras, inalagaan ni Jesus ang kanyang mga disipulo. Sa Huling Hapunan, inihanda niya sila sa pagsubok na malapit na nilang kaharapin. Sa hardin, nagpatuloy siya sa pagtuturo kay Pedro, Santiago, at Juan. Sa krus, inilagay niya si Maria sa pangangalaga ni Juan. Hanggang sa wakas, ang Mabuting Pastol ay nangangalaga para sa kanyang mga tupa.
Itinalaga ni Pablo ang mga matatanda ng iglesya sa Efeso upang maglingkod bilang mga pastol. Mangangalaga sila sa kawan na binili ng mismong dugo ni Hesus. Sa susunod na talata, nagbabala si Pablo tungkol sa “mababangis na lobo” na aatake sa kawan. Pananagutan ng mga pastol ang pangangalaga sa kawan.[3]
Bilang pastor-pastol, pinoprotektahan mo ba ang tupa na inilagay ng Dios sa inyong iglesya? Pinoprotektahan mo ba sila laban sa mga maling doktrina, sa pag-atake sa kanilang kasal at pamilya, at mula sa ibang espirituwal na pag-atake. Ikaw ba ay isang pastol o isang upahang manggagawa?
Bago ka mangaral sa susunod na Linggo, hilingin sa Dios na ipakita sa iyo ang mga pangangailangan ng iyong mga tupa. Hilingin sa kanya na ipakita sa iyo ang mga wasak na puso sa iyong kawan. Sa iyong pangangaral, hanapin ang mga tupang “inuusig at walang kakayahan sa sarili” at ang nangangailangan ng pagmamahal ng isang maka-Dios na pastol.
Ginamit ni Hesus ang mga salitang “Sa aba ninyo!” nang nangungusap siya sa mga lunsod na tumanggi sa kanya,[1] sa mga Pariseo at eskriba na nagligaw sa mga tao,[2] at tungkol kay Judas na siyang nagkanulo sa kanya.[3] Kung minsan binabasa natin ang mga “sa aba ninyo” nang may pagkagalit na nalilimutan ang pag-ibig ni Hesus, kahit para sa mga taong tumanggi sa kanya.
Mayroong paghatol sa salitang “aba”, subali’t mayroon ding kalungkutan. Ang “aba” ay naglalaman kapwa ng “paghatol at kalungkutan at pagkaawa” para sa hinahatulan. Inihahayag nito ang “kalungkutan” ni Hesus “para sa mga nabigong kilalanin ang tunay na kalungkutan sa kanilang kalagayan.”[4] Ipinapahayag ng “sa aba!” ang matinding lungkot at gayundin ang babala.
Tinapos ni Hesus ang kanyang pahayag na kahatulan sa mga tagapangunang relihiyoso sa pamamagitan ng pagluha sa kapalaran ng mga lungsod na kanyang minahal. “O Jerusalem, Jerusalem, ang lungsod na pumatay sa mga propeta at bumato sa mga isinugo sa inyo! Gaano kadalas ko na bang inipon ang iyong mga anak tulad ng isang inahing manok na lumulukob sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at kayo ay hindi sang-ayon dito!” Tumangis si Jesus sa kapalaran ng lunsod na siyang magpapako sa kanya sa krus.[5]
Ito ang dapat nating maging modelo sa pangangaral ng kahatulan. Ang ating pangangaral ay dapat may kalakip na babala laban sa kasalanan at ang mensahe ng paghatol para sa mga tumatangging magsisi. Subali’t ang ating mensahe ay dapat magpakita ng ating kalungkutan dahil sa kasalanan, hindi galit para sa makasalanan.
May isang rebeldeng tinedyer ang umuwi matapos marinig ang isang sermon tungkol sa impiyerno. Itinanong ng kanyang ama, “Anak, ano ang palagay mo tungkol sa sermon?” Sumagot siya, “Hindi ko iyon nagustuhan. Nagalit ako dahil doon!” Nang sumunod na linggo, narinig ng anak ang isa pang mangangaral na nagsermon tungkol sa impiyerno. Muli tinanong siya ng ama, “Ano ang palagay mo tungkol sa sermon?” Tumugon ang anak, “Dapat akong maglingkod kay Hesus. Hindi ko kailanman nais mapunta sa napakasamang lugar na iyon!”
Nagulat ang ama. “Noong isang linggo, ang sermon tungkol sa impiyerno ay ikinagalit mo. Sa linggong ito, ang sermon tungkol sa impiyerno ay naging dahilan upang ikaw ay magsisi. Ano ang pagkakaiba?” Sinabi ng batang lalaki, “Ang mangangaral na ito ay umiyak nang ako’y bigyang babala niya tungkol sa impiyerno.”
Lumuluha ka ba kapag nangangaral ka tungkol sa paghatol? Lumuluha ka ba habang naghahanda ng isang pangaral tungkol sa impiyerno? Ikaw ba ay isang pastol na nagmamahal sa mga tupa—kahit pa kailangan mo silang bigyang babala tungkol sa paghatol?
[4] Martin H. Manser, Dictionary of Bible Themes (London: Martin Manser, 2009). Tingnan din ang Dictionary of Jesus and the Gospels nina Joel B. Green at Scot McKnight, (Westmont, Illinois: InterVarsity Press, 1992).
Konklusyon: Ang Gampanin ng Banal na Espiritu sa Pangangaral
Bilang mga mangangaral, dapat tayong umasa sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang magbunga ng pagkilala sa kasalanan sa ating mga tagapakinig. Kapag gumagamit tayo ng mga pamamaraan ng tao lamang upang makalikha ng emosyonal na pakiusap, maaari tayong makakita ng mabibilis na resulta, subali’t kulang ng espirituwal na resulta. Tanging ang Banal na Espiritu ang makalilikha ng nagtatagal at nananatiling pagbabago sa ating mga tagapakinig.
► Basahin ang 1 Corinto 2:1-16.
Nauunawaan ni Pablo na ang espirituwal na pagbabago ay nangyayari lamang sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Nang lisanin niya ang Athens kung saan nakipagdebate siya sa mga pilosopo sa Areopagus, pumunta siya sa Corinto.[1] Sa Corinto, ipinasiya niyang hindi gumamit ng “malalalim na pananalita o mataas na karunungan” kundi mangaral ng “walang iba sa inyong kalagitnaan kundi si Cristo Jesus na ipinako sa krus.” Nangaral siya bilang “patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan.”[2]
Alam ni Pablo na ang Espiritu ang nagbibigay kahulugan sa “mga espirituwal na katotohanan para sa mga espirituwal.”[3] Pinahalagahan ni Pablo ang edukasyon; siya ay isang dakilang iskolar. Naunawaan niya ang epektibong pagsasalita sa publiko; napag-aralan niya ang mga dakilang orador na Griego. Nalalaman niya kung paano binubuo ang isang logical argument; ang sulat sa mga taga-Roma ay isang obra maestra ng strukturang lohikal. Subali’t sa kabila ng lahat, pinahalagahan ni Pablo ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Alam niya na ang tunay na pagkilala sa kasalanan ay nagmumula lamang sa pagkilos ng Espiritu.
Pinaalalahanan ni Pablo ang mga taga-Corinto na “taglay natin ang kayamanang ito sa mga bangang yari sa luwad, upang ipakita na ang hindi masukat na kapangyarihan ay tanging sa Dios lamang at hindi sa atin.”[4] Ang lalagyan ay hindi ang kayamanan! Tayo bilang tagapanguna sa ministeryo ay mga sirang banga, na yari sa luwad. Subali’t mayroon tayong espesyal na pribilehiyo na magdala ng kayamanan, ang ebanghelyo, sa mga taong ating pinaglilingkuran.
Ito ay isang makapangyarihang babala sa mga tagapanguna sa ministeryo. Madaling magpukos sa “banga” sa halip na sa kayamanang laman ng banga. Maaari tayong magbigay ng mas maraming atensiyon sa ating pagpapahayag kaysa sa mensahe; maaari tayong magbigay ng mas maraming atensiyon sa banga kaysa sa kayamanan. Ipinaaalala sa atin ni Pablo na sinadya ng Dios na gumamit ng luwad na banga upang ipakita na ang “kapangyarihan ay sa Dios at hindi sa atin.” Hindi tayo dapat humadlang sa daan ng kapangyarihan ng Dios. Hindi natin dapat kunin ang kaluwalhatian na para sa kanya lamang. Dapat tayong mangaral sa kapangyarihan ng Espiritu.
(1) Ang Ebanghelyo ni Mateo ay naglalaman ng limang pangunahing mga pangaral. Basahin ang bawat pangaral at tukuyin ang isang katangian ng pangaral kaya’t naging epektibo. Walang tama o maling sagot sa takdang-araling ito. Itanong, “Paano ipinaalam ni Hesus ang aking mga kasalanan upang magsisi, nagbigay inspirasyon sa akin at tinulungan akong alalahanin at isabuhay ang kanyang mensahe?”
Pangaral
Mga Katangian
Pangaral sa Bundok
(Mateo 5-7)
Pagsusugo sa mga Apostol
(Mateo 10)
Mga Talinhaga ng Kaharian
(Mateo 13)
Buhay sa Kaharian
(Mateo 18)
Ang Pangaral ni Hesus sa Bundok ng mga Olibo
(Mateo 24-25)
(2) Sa iyong paghahanda ng iyong susunod na ipapangaral, pagbalik-aralan ang mga katangiang nakita mo sa mga pangaral ni Hesus. Gamitin mo ang kanyang mga pangaral bilang modelo upang epektibong makapagmensahe. Ibahagi ang pangaral na ito sa mga kasama sa klase. Pag-aralan ang pangaral gamit ang tanong na: “Iniakma ko ba ang aking sermon sa modelo ng pangaral ni Hesus?”
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.