Kapag natapos ang araling ito, ang mag-aaral ay dapat:
(1) Kilalanin si Hesus bilang ating huwaran para sa ministeryo.
(2) Pahalagahan at pasalamatan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Dios sa paghahanda sa kanyang mga tinawag.
(3) Sumuko sa pagtawag ng Dios, maging ito man ay sa pamumuno o sa isang pumapangalawang tungkulin.
(4) Sumunod sa mga hakbang ni Hesus tungo sa tagumpay laban sa pagtukso.
Paghahanda para sa Araling Ito
Bago simulan ang leksiyong ito, basahin muna ang Mateo 1-4, Lucas 1-3, at Juan 1. Babalikan mo ang mga kabanatang ito sa kabuuan ng leksiyon.
Prinsipyo para sa Ministeryo
Inihahanda ng Dios ang mga tinatawag niya para sa ministeryong inilaan niya para sa kanila.
Pasimula
Sa Ang Buhay at Ministeryo ni Cristo Hesus, pag-aaralan natin si Hesus bilang huwaran para sa ating ministeryo sa kasalukuyan. Sinabi ni Hesus, “Sapagkat binigyan ko kayo ng isang halimbawa, na inyo ring gagawin tulad ng ginawa ko para sa inyo.”[1] Ang buhay ni Hesus sa lupa ay isang modelo para sa kanyang mga tagasunod.
Nauunawaan ni Pablo ang prinsipyong ito. Nang marinig niya ang di-pagkakasundo ng mga Kristiyano sa Filipos, itinuro ni Pablo ang halimbawa ni Hesus. “Dapat sumainyo ang pag-iisip na ito, katulad ng nakay Cristo Hesus..”[2] Nalalaman ni Pablo na kung sinusunod ng mga Kristiyanong ito ang halimbawa ni Hesus, ang kanilang kababaang-loob ay lulutas sa mga sigalot sa iglesya.
Sa isang paglalakbay sa Africa, si David Plotz, isang journalist na Judio ay naiwan sa Malawi airport. Nakilala niya doon ang isang pastor na African. Isinama siya nito sa kanyang bahay, pinakain sa loob ng dalawang araw, at nagpatotoo sa kanya tungkol kay Hesus, ang Mesiyas. Makalipas iyon, isinulat ni David Plotz, “Hindi ko man pinaniniwalaan ang lahat ng pinaniniwalaan ng lalaking ito, subali’t ako’y namamangha sa kanyang mga pinaninindigan. Nararamdaman niya si Cristo na kumikilos sa kanyang buhay na siyang dahilan kung bakit kinupkop niya ang isang estranghero, pinatira sa kanyang bahay, pinakain at dinamitan.” Nauunawaan ng pastor na Africanong ito na tayo’y tinawag upang sundan ang halimbawa ni Hesus.
Ang kursong ito ay hindi isang kumpletong pag-aaral sa buhay ni Hesus. Sa halip, itutuon natin ang pag-aaral sa mga bahagi ng buhay ni Jesus na magbibigay ng modelo para sa ating miniteryo sa kasalukuyan. Matututuhan rin nating igaya ang ating ministeryo ayon sa halimbawa ni Hesus.
Sa unang araling ito, makikita natin ang paghahanda ni Hesus para sa ministeryo. Ilalarawan nito ang prinsipyo na inihahanda ng Dios ang bawat isang taong tinatawag niya para sa ministeryo ayon sa kanyang pagkatawag sa kanila.
Inihanda ng Dios ang Pamilyang Pinagmulan ng Kanyang Lingkod
► Isipin ninyo ang inyong pamilyang sinilangan at kabataan. Paano ginamit ng Dios ang iyong pinagmulan upang ihanda ka para sa ministeryo?
Ang listahan ng salinlahi sa mga Ebanghelyo ay nagpapakita na inihanda ng isang makapangyarihang Dios ang daan para sa kanyang lingkod libong taon na mas maaga sa kapanganakan ni Hesus. Mahabang panahon bago pa isilang si Hesus, inihanda na ng Dios ang daan para sa kanyang pagdating.
Ang listahan ng mga salinlahi ay sumasagot sa tanong na “Sino si Jesus?”. Ipinakikita ng listahan ng salinlahi ang kahalagahan nina Abraham at David. Mahalaga si Abraham sa mga ninuno ni Hesus dahil pinangakuan ng Dios si Abraham, “dahil sa iyo ang lahat ng pamilya sa daigdig ay pagpapalain.”[1] Natupad ang pangakong ito kay Hesus ng Nazareth.
Mahalaga si David sa listahan ng mga salinlahi dahil ipinangako ng Dios na ang trono ni David ay matatatag sa habang panahon.”[2]. Sa kapanganakan ni Hesus, mahigit nang 500 taon mula nang ang huling hari na lahi ni David ay naluklok sa trono. Ipinakita nina Mateo at Lucas na si Hesus ang katuparan ng pangako kay David.
Si Hesus ay ang Anak ni David (Mateo 1:1-17)
Sa Bagong Tipan ng Griego, ang unang dalawang salita ni Mateo ay biblios genesis, isang parirala/phrase na magpapaalaala sa mga unang bumabasa ng Mateo sa aklat ng Genesis.[3] Kung paanong ipinahahayag ng Genesis ang pagiging makapangyarihan ng Dios sa sannilikha, ipinapahayag ni Mateo ang pagiging makapangyarihan ng Dios sa kasaysayan. Ang genealogy ni Mateo ay nagpapakita na ang buong kasaysayan ng Israel ay naghahatid sa atin sa kapanganakan ng Mesiyas.
Ang listahan ng salinlahi ni Mateo ay nagtatala ng tatlong grupo ng labing-apat na pangalan. Ito ay isang karaniwang paraan ng mga Judio upang magsaulo. Ang mga regular na grupo ay nakatulong sa mga mag-aaral upang magsaulo ng mahahabang listahan ng mga pangalan. Ang mga mambabasa ng listahan ng salinlahi ni Mateo ay nakakaalam na ang listahang ito ay hindi nagtala ng lahat ng bawat isang ninuno sa pagitan ni Abraham at Jose. Ang talata ni Mateo na “na ama ni..” ay maaaring tumukoy sa sinumang ninuno. Ang mga listahan ng salinlahi na Judio ay karaniwang lumalaktaw sa ilang henerasyon. Itinuon ni Mateo ang atensiyon sa mahahalagang miyembro ng listahan ng salinlahi ni Hesus at lumaktaw sa ibang mga pangalan.
Dahil lumaktaw si Mateo ng ilang henerasyon, ang mga pangalan na isinama niya ay partikular na nakakainteresado. May layunin kung bakit pinili ni Mateo ang mga pangalang iyon. Halimbawa, naglista si Mateo ng apat na babae. Hindi ito pangkaraniwan sa Judiong listahan ng salinlahi. Ang bawat isang pangalang ito ay nagtataglay ng mga questionable na background. Sina Rahab at Ruth ay kapwa taga-ibang lugar. Sina Tamar, Rahab at Batseba ay nauugnay sa kahihiyang pangseksuwal. Katulad din nito, ang ilan sa mga lalaki sa listahan ay nagdanas rin ng pagkapahiya. Pinakitunguhan ni Juda si Tamar nang may kahihiyan. Ang salinlahi ni Jechoniah ay nawalan ng karapatan sa trono ng Israel.[4] Pinakakapansin-pansin, tinukoy ni Mateo si David hindi dahil sa kanyang mga tagumpay, kundi bilang “ang ama ni Solomon sa asawa ni Urias.”
Ang mga pangalang ito ay iniugnay kay Jesus sa makasalanang sangkatauhan. Isinugo ng Dios ang kanyang Anak sa mundo hindi sa pamamagitan ng isang walang dungis na family line, kundi bilang inapo ng mga ordinaryong mga makasalanan. Kinutya ng mga lider na Judio ang hindi kagalang-galang na kapanganakan ni Hesus at tinanggihan siya at sinabing di-karapat-dapat.[5] Ipinakita ni Mateo na “Kung ang Mesiyas ay maaaring isilang sa ganitong klaseng mga ninuno, maaari siyang maging manunubos para sa lahat ng uri ng tao, kahit pa sa mga hindi kagalang-galang na mga tao.”[6].
Si Hesus ay ang Anak ni Adan (Lucas 3:23-38)
Tinunton ni Mateo ang listahan ng salinlahi ng “Hari ng mga Judio” kay Abraham. Tinunton ni Lucas ang listahan ng salinlahi ni Hesus kay Adan. Tumutugma ito sa pagbibigay-diin ni Lucas kay Hesus bilang ang “Anak ng Tao.” Ang listahan ng salinlahi ni Lucas ay nagbibigay-diin sa pagiging tao ni Hesus. Inilagay ni Lucas ang listahan ng salinlahi bago ang kwento tungkol sa pagtukso kay Hesus. Ito ay nagpapaalala sa mambabasa na si Hesus, ang ikalawang Adan, ay nagtagumpay kung saan ang unang Adan ay nabigo.
Mas Malapit na Pagtanaw: Ang Listahan ng Salinlahi Ayon kay Mateo at Lucas
Nagbigay ang Mateo 1 at Lucas 3 ng magkaibang listahan ng salinlahi ni Hesus. Ang Mateo ay kumilos mula kay Abraham patungo kay Haring Solomon hanggang kay Jose. Tinunton ni Lucas ang salinlahi mula kay Jose pabalik kay Nathan (isa sa mga anak ni David) pabalik kay Adan.
Pareho ang listahan ng salinlahi sa pagitan nina Abraham at David. Gayunman, sa pagitan nina David at Jose, ang dalawang listahan ng salinlahi ay tumunton sa dalawang magkaibang linya ng ninuno. Ang hinihinalang paliwanag para sa pagkakaibang ito ay dahil si Mateo ay nagtala ng ninuno ni Jose at si Lucas ay nagtala ng mga ninuno ni Maria.[7]
Ang mga ninuno ni Jose ayon kay Mateo ay isang “royal” na listahan ng salinlahi na tinutunton ang linya sa pamamagitan ni Solomon. Ito ay tumutugma sa tema ni Mateo na si Hesus ang Hari. Ito ang legal na ninuno ni Hesus—na dapat dumating sa pamamagitan ni Jose.
Ang mga ninuno ni Maria ayon kay Lucas ay ang “pisikal” na salinlahi na tinutunton pabalik sa anak ni David na si Nathan. Ang listahan ng salinlahi na ito ay tumutugma sa pagbibigay-diin ni Lucas kay Hesus bilang “Anak ng Tao.” Upang ipakita ito, tinutunton ni Lucas ang pisikal ng listahan ng salinlahi ni Hesus sa pamamagitan ni Maria.
Ang salinlahi ni Maria ay naghahayag ng kaugnayan sa dugo ni David. Ang salinlahi ni Jose ay naghahayag ng karapatan sa trono sa pamamagitan ni Solomon.
Si Jesus ay ang Anak ng Dios (Juan 1:1-18)
Ang Ebanghelyo ni Juan ay nagsisimula sa isang makadios na talaangkaanan, si Hesus ang Anak ng Dios. “Ang buhay ni Hesus ay hindi nagsimula…sa oras ng kanyang kapanganakan. Dumating siya sa mundo mula sa isang kalagayang naroon na mula pa sa simula upang tuparin ang isang tiyak na misyon.”[8]
Sa Lumang Tipan, ang kaluwalhatiang shekinah ay nanirahan kasama ng Israel sa tabernakulo. Sa ngayon, ang kaluwalhatian ng Dios ay nananahan kasama natin sa katauhan ni Cristo Hesus.[9] Ang makaDios na kaluwalhatian ng Dios ay nahayag na sa anyong tao.
Ang Salita ay walang hanggan. “Ang Salita ay kasama ng Dios, at ang Salita ay Dios.”[10] Ang Ama at ang Anak ay nabuhay sa walang hanggang kaugnayan.[11] Bakit dumating sa ating mundo si Hesus? Upang ipahayag ang Ama. Wala pang sinumang nakakita sa Ama, maliban kay Hesus, “na nagpakilala sa Kanya sa atin.[12] Kapag nakita natin si Hesus, nakita na rin natin ang Ama.
Sa ngayon maraming tao ang nagpapakita kay Hesus bilang isang mapagmahal na kaibigan at ang Ama bilang isang mabagsik na hukom. Gayunman, ang Juan 1 ay nagpapakita na ang katangian ni Hesus ay kapareho ng katangian ng Ama. Kapag nakita natin si Hesus, nakita na rin natin ang Ama.
Inihanda ng Dios ang Kanyang Lingkod sa Pamamagitan ng isang Mahimalang Kapanganakan
Isinilang si Hesus sa Bethlehem sa Judea tinatayang mga 5 B.C.[13] Naglakbay si Jose patungo sa Bethlehem bilang pagtugon sa isang sensus ng Romano. Ang layunin ng sensus ay upang panatilihin ang talaan ng buwis para sa mga lalawigang nasa ilalim ng pamamahala ng mga Romano.
Ang karaniwang pamamaraan ng Roma ay ipatala ang tao sa lungsod kung saan sila nakatira at nagtatrabaho. Gayunman, upang panatilihin ang kapayapaan sa isang populasyong Judio na madaling magrebelde, ipinahintulot ng Roma sa mga probinsiyang Judio na sundin ang pamamaraang Judio na pagpapatala sa tahanan ng kanilang pinagmulang lipi. Bunga nito, naglakbay ng 100 kilometro mula Nazareth hanggang Betlehem sina Jose at Maria. Bagaman tanging ang lalaking ulo ng sambahayan ang kailangang magparehistro, isinama ni Jose si Maria sa Betlehem. Marahil ayaw iwan ni Jose si Maria sa mga tsismosang mga kapitbahay sa maliit na pamayanan ng Nazareth.
Sa unang tingin, ang pagpapatala para sa buwis ay ideya ng Roma. Gayunman, inihahanda ng Dios ang daan para sa kanyang lingkod. Kumikilos ang Dios sa pamamagitan ng mga pangyayari sa mundo upang tuparin ang kanyang mga layunin. Sa kanyang kapangyarihan, niloob ng Dios na ang isang paganong emperador ay “piliin” ang pagpapatala ng mga Judio upang tuparin ang mga layunin ng Dios. “Ang puso ng hari ay isang bukal ng tubig sa kamay ng Panginoon; pinaaagos niya ito saan man niya ito naisin.”[14] Bilang manggagawa sa kaharian ng Dios, dapat itong magbigay ng pagtitiwala na tinutupad ng Dios ang kanyang mga layunin kahit pa tila nananaig at nagkokontrol ang masasamang tao.
Ang pagpapatalang ito para sa buwis ay isa sa maraming halimbawa na nagpapakita kung paano inihanda ng Dios ang mundo para sa kapanganakan ni Hesus. Kumilos ang Dios sa pamamagitan ng kultural background ng Imperyong Griego, ang legal na sistema ng Imperyong Romano, at ang mga prinsipyong panrelihiyon ng pananampalatayang Judio upang ihanda ang ating mundo para sa Mesiyas. Upang pag-aralan ang background na ito, tingnan ang Aralin 1 ng kursong Pagsasaliksik sa Bagong Tipan galing sa Shepherds Global Classroom.
Ang Pagdalaw ng mga Pastol (Lucas 2:8-20)
Ang unang mga nakatanggap ng pagpapahayag ng kapanganakan ni Hesus ay ang mga pastol sa labas ng Betlehem. Ito ay kahanga-hanga dahil ang mga pastol ay karaniwang tinatanggihan ng mga sinaunang Judio sa unang siglo. Napakababa ng estadong panlipunan ng mga pastol kung kaya’t ang kanilang patotoo ay hindi tinatanggap sa korte ng mga Judio. Sa pagbibigay pahalaga sa mga pastol, ipinahihiwatig ni Lucas na, “Kung ang mga pastol ay tinatanggap, sa gayun ang sinuman ay tinatanggap sa kaharian ng Dios!” Sinabi ng anghel sa mga pastol, “Ako’y nagdadala ng mabuting balita ng malaking kagalakan na para sa lahat ng tao.”[15]
Ang ebanghelyo ay hindi limitado sa iisang bansa (Israel) o sa isang tanging kalagayang panlipunan, ang ebanghelyo ay para sa lahat ng tao. Ang temang ito ay nakikita sa kabuuan ng Ebanghelyo ayon kay Lucas. Nagbigay si Lucas ng espesyal na atensiyon sa ministeryo ni Hesus sa mga babae, sa Samaritana, at sa mga itinakwil ng lipunan tulad ni Zaqueo.
Ang Pagdalaw ng mga Pantas (Mateo 2:1-12)
Ang Ebanghelyo ni Mateo ay pangunahing nakatuon sa mga tagapakinig na Judio. Habang si Lucas ay nagtuon ng pansin sa mensahe ni Jesus sa lahat ng tao, si Mateo ay nagtuon una sa mensahe ni Hesus tungkol sa kahariang makalangit. Sa halip na sa mga pastol, ipinakita ni Mateo ang pagdalaw ng mga lalaking marurunong, ang mga Pantas. Nangyari ang pagdalaw na ito matapos lumipat ang pamilya ni Jesus sa isang permanenteng tahanan, marahil ilang buwan pagkatapos niyang isilang.[16] Ito ay ayon sa kautusan ni Herodes na patayin ang lahat ng lalaking sanggol na mas bata kaysa dalawang taong gulang.
Ang mga pantas ay mga nag-aaral sa kalawakan at naghihintay ng mga di-pangkaraniwang pangyayari. Sa panahon na ang paglalakbay ay mapanganib, sila ay naglakbay ng malayong distansiya upang saliksikin ang di-karaniwang tanda na nakita nila sa kalawakan.
Unang dumating sa Jerusalem ang mga Pantas, ang lohikal na lugar upang hanapin ang isang haring Judio. Nang makarating kay Herodes ang balita tungkol sa posibleng kaagaw sa trono, siya ay “nagulumihanan, at ang buong Jerusalem kasama niya.”[17] Ang talatang “buong Jerusalem” ay paunang pahayag sa pagtanggi kay Hesus ng mga tagapangunang pangrelihiyon sa Jerusalem sa sumunod na mga panahon.
Ang pagdalaw ng mga Pantas ang unang pagpapahayag ng Mesiyas sa mga Hentil. Taliwas sa mga nasa Jerusalem na “nagulumihanan” dahil sa mga tanda, ang mga pantas ay tumugon nang may pananampalataya. Dumating si Hesus bilang Hari ng lahat ng bansa, hindi lamang bilang Hari ng mga Judio.
Hindi binanggit ni Mateo kung ilang pantas ang naglakbay upang sumamba kay Hesus. Ang tradisyon ng “tatlong pantas” ay batay sa tatlong regalo na binaggit sa Mateo 2:11. Ang bawat regalo ay kumakatawan sa bawat aspeto ng ministeryo ni Hesus.
Ang ginto ay regalo para sa isang hari. Gayunman, maghahari si Hesus hindi mula sa isang trono, kundi mula sa Krus.
Ang insenso ay regalo para sa isang saserdote. Sa mga paghahandog, ginamit ang insenso bilang pabango. Dumating si Hesus bilang saserdote na pinapaging posible sa lahat ng tao na pumasok sa presensiya ng Dios.
Ang mira ay ginamit sa pagbabalsamo ng patay. Isinilang si Hesus upang mamatay para sa sangkatauhan.
[11] Pinabubulaanan ng Juan 1:3 ang inaangkin ng mga Saksi ni Jehovah na si Jeus ay isang nilikha. Naroon si Jesus sa oras ng paglikha. “Ang lahat ng bagay ay nalikha sa pamamagitan niya, at kung wala siya, walang anumang nilikha ang maaaring nalikha.”
[13] Hindi nabuo ang Gregorian calendar hanggang taong 1582. Ang kalendaryong ito ay approximate, hindi precise. Namatay si Herod the Great marahil mga 4 B.C. Ayon sa petsang ito, maaaring ipinanganak si Jesus mga 5-6 B.C.
Bago ang pagsilang kay Jesus, nagsalita kay Jose ang isang anghel sa kanyang panaginip upang ihayag ang plano ng Dios. Pagkatapos ng pagdalaw ng mga pantas, binigyang babala ng isang anghel si Jose upang tumakas patungo sa Egipto. Nanatili ang pamilya sa Egipto hanggang sa mamatay si Herodes (marahil mga 4 B.C.)
Sa maraming kaparaanan, si Herod the Great ay isang disenteng tagapanguna. Iginalang niya ang mga Judio, sinusunod niya maging ang mga batas ng Judio sa pagkain dahil sa mataas na pagtingin sa kanyang mga nasasakupan. Sinimulan niya ang pagsasaayos ng templo, na nagpatuloy sa buong buhay ni Hesus. Sa panahon ng taggutom noong 25 B.C., ginamit niya ang sariling pera upang bumili ng pagkain para sa mga nagugutom na tao sa Judea.
Gayunman, lubhang matatakutin si Herodes. Pinatay niya ang isa sa kanyang mga asawa, si Mariamne, at ang ina nito na si Alexandra nang magsuspetsa siya na ang mga ito ay nagsasabwatan laban sa kanya. Ipinapatay niya ang tatlo sa kanyang mga anak na lalaki nang ang mga ito ay dumating sa edad na maaari na silang maging banta sa kanya. Para sa isang lalaking kasing labis na matatakutin ni Herodes, ang pagpatay sa mga sanggol sa Betlehem ay hindi isang kagulat-gulat na bagay. Ang pagpatay sa ilang dosenang mga sanggol para protektahan ang kanyang posisyon ay isa lamang maliit na inconvenience.
Nagpatuloy ang kalupitan ni Herodes hanggang sa kanyang kamatayan. Nang malapit na siyang mamatay, iniutos niyang hulihin lahat ng pangunahing mamamayan ng Jerusalem at ipinapatay nang siya ay mamatay. Naniwala siya na ito ay upang tiyakin na ang araw ng kanyang kamatayan ay araw ng pagluluksa. (Sa halip, pinawalan ng balo ni Herodes ang mga bihag, na nagtalaga ng araw ng pagdiriwang sa buong Palestina.)
Nang mamatay si Herodes, hinati sa kaniyang tatlong anak na lalaki ang kanyang teritoryo. Binigyan si Antipas ng kontrol sa Galilea at Perea; si Felipe ay binigyan ng awtoridad sa hilagang-silangang bahagi ng Palestina; si Archelaus ay itinalagang tagapanguna sa Judea, Idumea at Samaria. Ang mga sinaunang historyador ay nagsabi na si Archelaus ay nagtataglay ng lahat ng kahinaan ng kanyang ama, ngunit wala siya ng alinman sa mabubuting katangian ng kanyang ama. Kinamuhian siya ng mga Judio at inalis sa kanyang posisyon taong 6 A.D. dahil sa mga reklamo ng mga Judio kay Cesar. Matapos ito, ang Judea ay pinamunuan ng mga Romanong procurators tulad nina Poncio Pilato.
Pagkatapos mamatay ni Herodes, muling nagpakita ang isang anghel sa panaginip ni Jose upang utusan siyang bumalik sa Israel. Gayunman, dahil si Archelus ay kasingmapanganib tulad ni Herod the Great, dinala ni Jose ang kanyang pamilya sa Nazaret sa halip na bumalik sa Betlehem.
► Noong siya ay isang bata, si John Wesley ay mahimalang nailigtas sa isang nasusunog na bahay. Naniwala siya na iningatan siya ng Dios para sa isang espesyal na layunin. Tinutukoy ni Wesley ang kanyang sarili bilang “isang brand mula sa sunog!” Hikayatin ang mga miyembro ng inyong klase upang magbahagi ng kuwento kung paanong sila’y iningatan ng Dios, para sa ministeryo –maging ito’y sa pamamagitan ng mahimalang proteksiyon o sa pamamagitan ng kalooban ng Dios.
Isang Malapitang Pagtingin: Mateo 2:23
Higit sa alinmang Ebanghelyo, ipinakikita ni Mateo na ang ministeryo ni Jesus ay tumupad sa mga propesiya ng Lumang Tipan. Sumusulat sa mga Judiong mambabasa, ipinahayag ni Mateo na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas:
Ang kapanganakan ni Hesus sa isang birhen (Mateo 1:22-23) ay tumupad sa Isaias 7:14.
Ang kapanganakan ni Hesus sa Betlehem (Mat. 2:5-6) ay tumupad sa Mica 5:2.
Ang pagtakas patungo sa Egipto (Mat. 2:14-15) ay tumupad sa Hosea 11:1.
Ang pagpatay sa mga sanggol sa Bethlehem (Mat. 2:16-18) ay tumupad sa Jeremiah 31:15.
Ang pagpasok sa Jerusalem (Mat. 21:1-5) ay tumupad sa Zacarias 9:9.
Isa sa mahihirap na halimbawa ng pagtupad sa propesiya ay matatagpuan sa Mateo 2:23. Isinulat ni Mateo, “At siya ay nagtungo at nanirahan sa lunsod na kung tawagin ay Nazaret, upang kung ano ang ipinahayag ng mga propeta ay matupad, na siya ay tatawaging isang Nazareno.”
Ang kahirapan ay dahil walang tala mula sa propesiya ng Lumang Tipan na ang Mesiyas ay “tatawaging Nazareno.” Dalawang ideya ang maaaring nasa likod ng talata:
Sa panahon ni Hesus, ang Nazaret ay isang pamayanan na walang importansiya (Juan 1:46). Inasahan ng mga Judio na ang Mesiyas ay magmumula sa Judea, hindi mula sa rehiyong pangkalakalan ng Galilea (Juan 7:41, 52). Ang katotohanan na si Hesus ay nagmula sa hamak na lugar tulad ng Nazaret ay tumupad sa mga propesiya tulad ng Isaiah 49:7 at 53:3.
Ang Isaias 11:1 ay nagpropesiya na ang Mesiyas ay magiging isang “sanga”. Ang Hebreong salita para sa sanga (netzer) ay katunog ng salitang “Nazareth.” Maaaring nakita ng mga mambabasang Judio ng Mateo ang wordplay na ito.
Inihanda ng Dios ang Daan Para sa Kanyang Lingkod sa Pamamagitan ng Isang Nauunang Tagapahayag
Pinsan ni Hesus si Juan Bautista. Ang kuwento ni Juan ay nagsisimula nang ang kanyang ama na si Zacarias ay nagsusunog ng insenso para sa kapakanan ng bayan, isa sa pinakamahalagang gawain ng isang pari.[1]
Habang tinutupad ni Zacarias ang kanyang sagradong tungkulin, isang anghel ang nagpakita sa gawing kanan ng altar ng insenso. Sa tradisyong Judio, ito ang lugar kung saan nakatayo ang Dios sa panahon ng paghahandog. Sinabi ng anghel Gabriel kay Zacarias na sinagot na ang kanyang panalangin para sa isang anak na lalaki.
Dahil si Elizabeth ay lampas na sa edad na maaaring magkaanak, nag-alinlangan si Zacarias sa pangako ng anghel. Dahil sa kanyang pag-aalinlangan, siya ay ginawang pipi hanggang sa isilang si Juan. Bilang isang saserdote at mag-aaral ng Kasulatan, alam ni Zacarias ang kuwento nina Hanna at Raquel sa Lumang Tipan at dapat pinaniwalaan niya ang pangako ng Dios na mahimalang buksan ang sinapupunan ni Elizabeth.
Tatlumpung taon pagkalipas, sinimulan ni Juan ang kanyang ministeryo. Sa halip na maglingkod bilang pari sa Jerusalem, nagministeryo si Juan bilang isang propeta sa ilang ng Judea. Isinugo si Juan bilang nauunang lingkod para sa Mesiyas. Sa pangangaral ni Juan, itinatanong ng mga tao, “Si Juan ba ang ipinangakong Mesiyas?” Tumugon siya, “Siya na nakahihigit kaysa sa akin ay darating, na ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng kanyang sandalyas.”[2] Isa sa pinakamababang tungkulin ng isang alipin ay pangalagaan ang sandalyas ng kanyang panginoon, subali’t sinabi ni Juan, “Ang darating na lubos na mas mataas kaysa sa akin kaya’t hindi ako karapat-dapat kahit sa mababang tungkuling ito.” Nagbigay si Juan ng isang modelo ng paglilingkod na may kababaang-loob.
Sa buong Kasulatan, gumamit ang Dios ng mga tao upang ihanda ang daan para sa iba. Tingnan ang halimbawa nina Bernabe at Pablo. Nang inuusig ni Saulo ang mga mananampalataya, si Bernabe ay isa nang iginagalang na tagapanguna sa iglesya. Sinuportahan ni Bernabe si Pablo sa panahong kaunting Kristiyano lamang ang maaaring magtiwala sa taong ito na umuusig sa iglesya.
Nang simulan nila ang unang paglalakbay pangmisyon sa Mga Gawa, tinukoy ang samahan bilang “Si Bernabe at si Saulo.”[3] Makalipas iyon, nakilala sila bilang “Si Pablo at si Bernabe.”[4] Si Bernabe ang “nauunang tagapahayag”. Subali’t sumasang-ayon siya na si Pablo ang maging tagapanguna.
Kung minsan ang iyong bahagi ay maaaring katulad ni Juan Bautista o ni Bernabe, naghahanda ng daan para sa iba. Nakahanda siyang maging “nauunang tagapahayag,” sa halip na ang “pangunahing tauhan.” Saan man pinili ng Dios na gamitin ka, ibigay mo ang iyong pinakamabuti. Kapag inilagay ka ng Dios sa isang pangsuportang tungkulin, huwag mong tanggihan ang ministeryo. Mapagtitiwalaan mo ang Dios upang magamit ka sa pinakaepektibong paraan.
Nakita natin ang kababaang-loob ni Juan Bautista nang ituro niya ang kanyang mga tagasunod kay Hesus.[5] Ang layunin ng isang tagapagturo ay ang magkaroon ng mga tagasunod na susunod at rerespeto sa kanilang guro. Sa halip, itinuro ni Juan sa kaniyang mga tagasunod ang isang mas dakilang guro. Nauunawaam niya na ang kanyang tungkulin ay ituro ang isang mas dakila kaysa sa kanyang sarili. Pinagmasdan lamang ni Juan nang iwan siya ng kanyang mga tagasunod upang sumunod kay Hesus. Ang kanyang layunin ay ang kaharian ng Dios, hindi ang kanyang sariling kaluwalhatian. Bilang mga tagapangunang Kristiyano, hindi natin kailanman dapat kalimutan na ang ating layunin ay ituro sa mga tao si Hesus, hindi upang kamtin ang tagumpay para sa ating sarili.
Mas Malapit na Pagtingin: Ano Ang Ibig Sabihin ng Pagsisisi?
► Basahin ang Mateo 3:1-6.
Ipinangaral ni Juan ang mensahe ng pagsisisi. Sa ngayon, may mga nagsasabi na ang pagsisisi ay nangangahulugan lamang ng pagbabago ng iyong isip. Maraming nagpapahayag na sila ay Kristiyano ang nagpapakita ng ilan lamang tanda ng isang nabagong buhay.
Gayunman, ang salitang “pagsisisi” ay nangangahulugan ng mas higit pa sa pasyang pangkaisipan lamang. Ginamit ng mga sumulat sa Bagong Tipan ang salitang “pagsisisi” sa parehong paraan ng mga propetang Hebreo. Nangangahulugan ito ng lubos na “pagbabago ng buhay.” Sa Bagong Tipan, ang pagsisisi ay nangangahulugang:
Baguhin ang iyong pag-iisip at paniniwala at
Baguhin ang iyong mga pagkilos at paraan ng pamumuhay
Kamakailan lamang nabasa ko ang tungkol sa isang pop singer sa America na kilala sa kanyang makasalanang istilo ng pamumuhay. Sinabi ng mang-aawit na ito, “Naging Kristiyano ako at napuspos ng Espiritu. Nagpatuloy akong mamuhay tulad ng dati, subali’t ngayon ay isa na akong Kristiyano. Kapag ako’y namatay, pupunta ako sa Langit.” Ang “pagsisisi” ng lalaking ito ay walang kasamang anumang pagbabago sa kanyang paraan ng pamumuhay. Hindi ito totoong pagsisisi.
Itinuro ni Juan na ang pagsisisi ay bumabago sa paraan ng pamumuhay. Sinabi ni Juan na kailangang ang mga nagnanais na magpabautismo ay “mamunga” nang ayon sa kanilang pagsisisi.”[1] Sa ibang salita, itinanong niya na “Ano ang mga patunay na nabago na ang iyong buhay?” Hindi dapat maging isang walang kahulugang ritwal ang bautismo: “Sumasampalataya ako, kaya’t bautismuhan mo na ako.” Ang bautismo ay dapat isang testimonya sa tunay na pagsisisi at ng isang buhay na nagbago.
Ihinahanda ng Dios ang Kanyang Lingkod sa Pamamagitan ng Pagsubo
Ang tagumpay ni Hesus sa pagsubok ay nagbibigay sa atin ng isang halimbawa kapag tayo’y nahaharap sa tukso. “Dinala si Hesus ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo.”[1] Dumating ang pagsubok bago magsimula si Hesus ng kanyang ministeryong pampubliko. Bago siya nangaral sa iba, ipinakita ni Hesus ang kanyang lubos na pagsunod sa kalooban ng Ama.
Inilagay ni Mateo ang pagtukso agad agad pagkatapos ng pagbabautismo kay Hesus. Ang ating pinakamalaking pagkatukso ay kadalasang kasunod ng espirituwal na tagumpay. Dagli pagkatapos ng tagumpay ni Elias sa Bundok ng Carmelo, makikita natin siya na tinukso upang mawalan ng pag-asa at mag-alinlangan habang tumatakas para sa kanyang buhay.[2]
Inilagay ni Lucas ang kuwento ng pagtukso matapos tuntunin ang ninuno ni Hesus kay Adan. Ipinakikita ni Lucas na kung saan nabigo si Adan, si Hesus na Anak ng Tao ay nagtagumpay.[3] Tinukoy ni Jesus ang kanyang sarili sa pagiging tao at binigyang halimbawa kung paaanong ang ordinaryong Kristiyano ay magkakaroon ng tagumpay laban sa kasalanan.
Ang Mga Pagtukso
Ang Pagtukso na Gawing Tinapay ang mga Bato
Tinukso ni Satanas si Hesus upang gamitin nito ang kanyang kapangyarihan upang gawing tinapay ang bato. Ito ay pagkatukso upang maging indepediente. Tinukso ni Satanas si Hesus upang gamitin nito ang kanyang kapangyarihan para sa sariling kapakinabangan sa halip na umasa sa Ama. Isinuko ni Hesus sa Ama ang kanyang “karapatan” sa pagkain.[4]
Sa harap ng ipinagbabawal na bunga, ang unang Adan ay sumuway sa Dios. Sa harap ng ipinagbabawal na tinapay, naging matapat ang ikalawang Adan.
Ang Pagtukso na Tumalon Mula sa Tuktok n g Templo
Tinukso ni Satanas si Hesus upang tumalon mula sa tuktok ng templo (91 metrong mas mataas sa Lambak ng Kidron). Makakamangha ito sa mga tao habang sinusubok ang pangako ng pag-iingat ng Ama.
Binanggit ni Satanas ang pangako sa Awit 91:11-12 upang tuksuhin si Hesus na subukin ang mga pangako ng kanyang Ama. Sa pagsubok na ito, gagawin ni Hesus na kanyang alipin ang Ama—nasa ilalim ng kanyang mga kahilingan at mga inaasahan. Ito ay pagtukso sa pagpapalagay.
Tumanggi si Hesus na gamitin ang pangako ng Awit 91 sa isang sitwasyon na hindi naman siyang pinatutungkulan ng pangako. Bilang tugon kay Satanas, binanggit niya ang Deuteronomio 6:16, “Huwag mong subukin ang Panginoon mong Dios.” Bilang mga anak ng Dios, hindi natin maaaring ilagay sa pagsubok ang ating Ama sa Langit.
[4] “Pinapalakpakan natin ang mga nagsasabi na, ‘Patutunayan ko ang aking lakas sa pamamagitan ng asserting ang aking mga karapatan.’ Subalit ang perpektong Tao ay nagpakita na ang tunay na lakas ay ang pagsusuko ang kalooban ng tao sa kalooban ng Dios.”
- mula kay G. Campbell Morgan
Mas Malapit na Pagtingin: Pananampalataya o Pag-aakala?
May ilang Kristiyano na nagsasabi, “Ang bawat pangako sa Aklat ay sa akin.” Bagaman ang bawat pangako sa Kasulatan ay totoo, dapat nating laging itanong, “Ang pangako bang ito ay naaangkop sa sitwasyong ito?” Nalalaman ni Jesus na ang pangako sa Awit 91 ay hindi ang kalooban ng Dios sa sitwasyon na kinakaharap niya sa ilang. Paano tayo makatitiyak na ating inaangkin ang pangako ng Dios sa tunay na pananampalataya sa halip na sa maling pag-aakala?
(1) Dapat alam natin ang Salita ng Dios.
Mas nalalaman ko ang konteksto ng isang pangako sa Biblia at ang mga kundisyon na nakaugnay dito, mas mabuti kong masusukat ang paglalapat nito sa aking sitwasyon.
May mga pangakong ibinigay sa tiyak na mga tao sa partikular na mga pagkakataon. Sa Lumang Tipan, nangako ang Dios ng pisikal na mga pagpapala kapag ang Israel ay naging matapat sa tipan. Ang kanilang lupain ay magbubunga ng sagana, ang kanilang mga imbakan ay mapupuno, at sila ay magtatagumpay sa mga digmaan. Ang mga pangako sa Bagong Tipan ay mas madalas na espirituwal sa katangian. May mga taong nabibigo kapag nalalaman ito, subali’t tayo’y dapat magdiwang. Pansamantala lamang ang halaga ng mga materyal na kasaganaan; ang espirituwal na kasaganaan ay may pangwalanghanggang halaga. Kinukuha ng presumption ang mga pangako ng Dios nang labas sa kanilang kontekstong Biblikal at inilalapat ang mga ito sa aking personal na mga naisin; ang pananampalataya ay nagtitiwala sa Dios upang tuparin Niya ang kanyang mga pangako sa kanyang sariling paraan.
(2) Dapat nating malaman ang pagkakaiba ng tiyak (specific) at pangkalahatang (general) mga pangako.
Kapag nakabasa tayo ng pangkalahatang pangako, dapat nating tanungin kung ibinibigay ng Dios ang pangako para sa ating specific na sitwasyon. May mga pangako na pangkalahatan, hindi universal.
Ang Awit 103:3 ay nagpupuri sa Dios na “nagpapagaling sa lahat ng iyong mga karamdaman.” May mga Kristiyano na inangkin ito bilang isang universal na pangako na ang Dios ay magpapagaling sa bawat karamdaman ng bawat sumasampalatayang Kristiyano. Gayunman, ipinapakita ng Kasulatan na hindi lahat ng pisikal na karamdaman ay gumagaling. Nanalangin si Pablo na siya ay pagalingin, at sinabi ng Dios, “Hindi”[1] Kung minsan pinipili ng Dios na pagalingin ang kanyang mga anak sa isang karamdaman; kung minsan pinipili niyang bigyan sila ng biyaya upang tiisin ang paghihirap.
Dapat tayong tumugon katulad ng tatlong kabataang Hebreo. Nang pagbantaan sila ni Haring Nebucodonosor na itatapon sa pugon, sinabi nila, “Ang aming Dios na pinaglilingkuran ay kaya kaming iligtas sa naglalagablab na pugon, at ililigtas niya kami mula sa iyong mga kamay, O aming Hari. Subali’t kung hindi man, dapat ninyong malaman, aming Hari, na hindi kami maglilingkod sa inyong dios o sambahin ang ginintuang imahen na inyong inilagay.”[2] Alam nila na may kapangyarihan ang Dios na iligtas sila; subali’t kung pipiliin ng Dios ang ibang paraan, sila’y nagtalaga ng sarili na matapat pa ring maglilingkod sa Dios.
Maililigtas ng Dios ang kanyang mga anak, subali’t hindi laging iyon ang pinipili niyang daan. Hangga’t hindi ipinapakita ng Dios na ang isang Biblikal na pangako ay tiyakang para sa iyo, pagtiwalaan ang Dios na gagawin niya ang anumang pinipili niya. Ibinigay ni Apostol Juan ang pangakong ito: “At ito ang katiyakang taglay natin patungkol sa kanya, na kung hihiling tayo ng anumang bagay ayon sa kanyang kalooban, pakikinggan niya tayo. At kung alam natin na naririnig niya tayo sa anumang hinihiling natin, alam natin na tatanggapin natin ang kahilingang hinihingi natin sa kanya.”[3]
Ang pag-aakala ay umaasa na ang bawat Biblikal na pangako ay mailalapat sa aking specific na kalagayan. Sinasabi ng pananampalataya, “Hihingi ako ‘ayon sa kanyang kalooban” Matutukso akong mag-akala kung aangkinin ko ang bawat pangako bilang pansariling pangako. Sa halip, dapat kong itanong kung ang pangako ay inilaan para sa aking sitwasyon.
(3) Dapat tayong manalangin “sa pangalan ni Hesus.”
Ipinangako ni Hesus, “Anuman ang hilingin ninyo sa aking pangalan, ito ay aking gagawin, upang ang Ama ay maparangalan sa Anak.”[4] Ang pananalangin “Sa pangalan ni Hesus” ay nangangahulugan na panalangin nang tuloy-tuloy ayon sa kanyang kalooban at katangian. Nangangahulugan ito na manalangin upang ang Ama ay maparangalan.” Hinahanap ng presumption ang aking sariling kalooban; hinahanap ng pananampalataya ang kaluwalhatian ng Dios.
Ang pananalangin “upang maparangalan ang Ama” ay nangangahulugang nagpapasakop tayo sa lubusang layunin ng Dios sa ating buhay. Nangako ang Dios sa Israel, “Dahil alam ko ang mga layunin ko para sa iyo, pahayag ng Dios, plano para sa iyong ikabubuti at hindi sa ikasasama, upang bigyan ka ng hinaharap at pag-asa.”[5] Dapat nating tandaan na ang pangakong ito ay ibinigay sa Israel habang hinaharap nito ang pitumpong taon ng pagkaalipin sa Babilonia. Kahit ang pagkaalipin sa Babilonia ay tutupad ng mabuting bagay para sa bayan ng Dios; sa kanilang pagdurusa, tumatawag ang Israel sa Dios at pinakikinggan Niya sila.
Maaangkin ba natin ang pangakong ito sa atin ngayon? Oo! Ang katangian ng Dios ay hindi nagbabago, nagdudulot siya ng kabutihan sa kanyang mga anak. Hindi lahat ng nangyayari ay magiging mabuti, subali’t makakapanalangin tayo nang may pagtitiwala “sa pangalan ni Hesus”, dahil alam natin na tinutupad ng Dios ang kanyang layunin sa lahat ng bagay na nangyayari sa ating buhay.
Ihinahanda ng Dios ang Kanyang Lingkod sa Pamamagitan ng Pagsubo (Patuloy)
Ang Iniaalok ng mga Kaharian ng Mundo
Ang huling pagtukso ni Satanas ay naghahandog ng kompromiso, isang paraan upang matupad ang paghahari ni Hesus sa hinaharap nang hindi kinakailangan ang krus. Kung yuyukod si Hesus kay Satanas, maaari niyang lagpasan ang paghihirap sa krus. Tumugon si Hesus gamit ang Deuteronomio 6:13, “Dapat mong sambahin ang Panginoon mong Dios at Siya lamang ang dapat mong paglingkuran.”
Ang Tagumpay ni Jesus Laban sa Pagtukso
Upang makinabang mula sa halimbawa ni Hesus laban sa pagtukso, dapat nating tandaan na si Hesus ay lubusang tao. Siya ay tinukso “sa lahat ng paraan… tulad natin, gayunma’y hindi nagkasala.”
► Basahin ang 1 Cor. 10:13 at Heb. 4:15. Ano ang itinuturo nila tungkol sa pagtukso?
Sa 1 Juan 2:16, tinukoy ng alagad ang tatlong pamamaraan sa pagtukso, “pagnanasa ng laman, at ang mga naisin ng mata at pagmamataas sa buhay.” Si Hesus ay tinukso sa bawat isa sa mga pamamaraang ito.
Tinukso ni Satanas ang mga pagnanasa ng laman nang nagugutom si Hesus para sa tinapay.
Tinukso ni Satanas ang mga pagnanasa ng mata nang ipakita kay Hesus ang mga kaharian sa mundo.
Tinukso ni Satanas ang pagmamataas sa buhay sa pamamagitan ng pagtukso kay Hesus sa isang damatikong gawain na maging kahanga-hanga sa mga manunuod.
Ang tagumpay ni Hesus sa pagtukso ay hindi niya nagawa sa pamamagitan ng paggamit ng makaDios na kapangyarihan. Si Hesus ay lubusang tao at tinalo niya ang tukso sa kanyang pagiging tao. Ang kanyang tagumpay ay magbibigay sa atin ng isang halimbawa na magagamit sa panahon ng pagsubok. Pansinin ang tatlong bagay na ginamit ni Hesus upang mapagtagumpayan ang tukso.
Ang Kapangyarihan ng Espiritu
Lumakad si Hesus sa gabay ng Banal na Espiritu. Ginawa niya ang iniatas sa kanya ng Banal na Espiritu. “Si Hesus na puspos ng Banal na Espiritu, ay bumalik sa Jordan at dinala ng Espiritu sa ilang.”[1]
Sa panahon ng Kanyang ministeryo sa lupa, kumilos si Hesus sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Pinaalis niya ang mga demonyo sa kapangyarihan ng Espiritu.[2] Nilukuban ng Dios si Hesus ng Nazaret ng Banal na Espiritu at kapangyarihan. Nagpatuloy siya sa paggawa ng mabuti at pagpapagaling sa lahat ng inaalihan ng demonyo, dahil ang Dios ay sumasakanya.”[3]
Tinupad ni Hesus ang kanyang ministeryo sa lupa sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Kung nais mong maging malakas sa harap ng pagtukso, dapat tayong mamuhay sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
Ang Kapangyarihan ng Panalangin
Tinukso si Hesus matapos ang apatnapung araw ng pag-aayuno at pananalangin. Ang pananalangin ang naghanda sa kanya sa espirituwal na laban. Sa isang aralin sa hinaharap, makikita natin ang pagiging sentro ng panalangin sa buhay at ministeryo ni Hesus. Kung si Hesus ay nanangan sa panalangin, paano pa kaya tayo makaaasa na magtagumpay sa mga espirituwal na labanan kung walang panalangin?
Madalas inaatake tayo ni Satanas matapos na tayo’y maging pabaya sa ating buhay pananalangin. Nalalaman niyang magiging mahina tayo sa harap ng pagtukso/pagsubok kung hindi natin pinananatili ang ating matibay na buhay pananalangin.
Ang Kapangyarihan ng Salita
Tumugon si Hesus sa bawat pagtukso gamit ang mga salita ng Kasulatan. Paano niya nalaman ang mga Kasulatan? Isinasaulo ng mga batang Judio ang Torah bilang bahagi ng kanilang pag-aaral. Nang tuksuhin si Hesus, ang mga salita sa Kasulatan ay madaling naalala ni Hesus.
Bilang mga Kristiyano, dapat nating itanim sa ating mga puso ang Salita ng Dios. Sa panahon ng pagsubok, bibigyan tayo ng Kasulatan ng lakas upang harapin ang tukso.
Sa pagharap sa tukso, ginamit lamang ni Jesus ang mga kasangkapang mayroon din tayo. Dapat nating harapin ang tukso tulad ng ginawa ni Jesus, sa kalakasang mula sa Espiritu, ang kapangyarihan ng panalangin at ang kapangyarihan ng Salita. Kung wala ang mga sandatang iyon, tayo ay magagapi ng mga atake ni Satanas.
Ang mga sinaunang Kristiyano sa pangkalahatan ay nagkakaisa na si Hesus ay Dios. Bagaman ang mga heretic tulad ni Arius ay itinanggi ang pagiging Dios ni Jesus, itinuro ng mga Orthodox na Kristiyano na si Jesus ay Dios.
Itinuro rin ng mga Orthodox na Kristiyano na si Jesus ay lubusang tao. Madalas tanggihan ng mga erehe (heretics) ang doktrinang ito. Kahit sa kasalukuyan, hindi tinatanggap nang seryoso ng maraming ebangheliko ang pagiging tao ni Hesus. Maraming Kristiyano ang tumatanggap na si Hesus ay lubusang Dios, subali’t ang kanyang pagiging tao ay hindi totoo. Iniisip nila na siya’y “humiram” lamang ng isang katawan ng tao, at siya’y hindi lubusang tao.
May mga paglalarawang sermon na tumutulong sa maling ideyang ito. May mga tagapangaral na nagkuwento tungkol sa isang hari na nagkunwaring isang magsasaka upang maglakbay. Gayunman, si Hesus ay hindi Dios na nagkukunwaring isang tao. Siya ay naging isa sa atin.
Ang doktrina ng si Hesus ay tao ay mahalaga para sa ating karanasan bilang Kristiyano. Kung si Hesus ay hindi lubusang tao, ang kanyang buhay ay hindi isang makatotohanang modelo para sa atin. Sinabi ng isang teologo: “Kung si Hesus ay hindi tunay na katulad natin, sa gayun tayo ay may dahilan na hindi maging katulad niya.”[1]
Maraming naniniwala na dapat tayong palagiang mahulog sa sinasadyang kasalanan. Ipinakita ni Hesus, sa kanyang pagiging tao, na ang mga karaniwang Kristiyano ay maaaring manatiling matagumpay laban sa kasalanan sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
Kung si Hesus ay naging bahagi ng ating wasak na katauhan, kung naranasan niya ang ating pangangailangan para sa kapangyarihan ng Espiritu at kung siya ay tinukso katulad din natin, sagayun ang kanyang tagumpay sa pagtukso ay nagpapakita sa atin kung paano tayo magtatagumpay sa ating pang-araw-araw na buhay. Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, maaari tayong magkaroon ng matagumpay na buhay.
► Alin ang mas mahirap para sa iyo na unawain, ang doktrina ng pagiging Dios ni Hesus o ang doktrina ng kanyang pagiging tao? Talakayin kung paanong ang bawat isa sa mga doktrinang ito ay mahalaga sa atin sa ating buhay Kristiyano at ministeryo.
[1] Cherith Fee Nordling, “Open Question” in Christianity Today, April 2015, 26-27.
Konklusyon: Inihahanda ng Dios ang Kanyang Mga Lingkod
Sa araling ito, nakita natin kung paano inihahanda ng Dios ang landas para sa ministeryo ni Hesus. Sa pamamagitan ng kanyang mga ninuno, sa pamamagitan ng Imperyong Romano, sa pamamagitan ng mahimalang kapanganakan, sa pamamagitan ng ministeryo ni Juan Bautista, at maging sa pamamagitan ng pagtukso, inihanda ng Dios ang daan para kay Hesus.
Paulit-ulit nating nakikita ang katotohanang ito sa kabuuan ng Biblia. Tingnan ang halimbawa ni Pablo. Lumaki sa Pablo sa lunsod ng Tarsis sa Roma. Mula sa pagkabata, mayroon siyang mga kaibigang Hentil. Di tulad ng karaniwang mga Hudio, si Pablo ay komportable kasama ng mga Hentil.
Mamamayang Romano ang ama ni Pablo, kaya’t taglay ni Pablo ang pinahahalagahang karapatan ng pagiging mamamayang Romano. Hudio ang kanyang ina, kaya’t natanggap ni Pablo ang maagang pagsasanay sa Kasulatang Lumang Tipan. Matalino siya at nag-aral ng teologia ng Hebreo sa ilalim ng dakilang guro na si Gamaliel. Dahil sa kanyang Romanong pinagmulan, nag-aral siya ng Griego at ng mga katuruan ng mga Griegong pilosopo.
Dahil sa kanyang pinagmulan, hindi nakakagulat na tinawag ng Dios si Pablo upang maging misyonero para sa mga Hentil. Mula sa pagkapanganak, inihanda ng Dios si Pablo upang maging unang Apostol para sa mga Hentil. Isipin ninyo ang paghahanda ng Dios para sa kaniyang ministeryo:
Dahil sa pagiging mamamayang Romano malayang nakapaglakbay si Pablo.
Ang pagsasanay na Hebreo at Griego ni Pablo ay nagbigay sa kanya ng mga paraan at kakayahan upang makasulat ng pinakaprofound na aklat ng Bagong Tipan.
Ang pag-aaral ni Pablo ng Griegong pilosopiya ay nagbibigay kakayahan sa kanya upang magsalita sa mga Griegong pilosopo sa mga lugar na tulad ng Athens.
Marahil tutugon ka, “Hindi ako binigyan ng Dios na mataas na pinag-aralan tulad ni Pablo. Wala akong dakilang pamilyang pinagmulan.” Ayus lang iyan! Tingnan ang isa pang tagapanguna sa iglesya sa unang siglo.
Si Simon ay lumaki bilang mangingisdang mangangalakal. Hindi siya nagtataglay ng edukasyon at katalinuhang tulad ni Pablo. Sa katotohanan, may pagkakataon na sinabi ni Pedro na si Pablo ay sumulat ng mga bagay na “mahirap intindihin.”[1] Subali’t ginamit ng Dios si Pedro sa makapangayarihang paraan. Ang mga taong masyadong “nalulunod” sa malalalim na panananlita ni Pablo ay nakakaunawa sa mga simpleng sermon ni Pedro.
Inihanda ka ng Dios para sa iyong bahagi sa paglilingkod. Kung isusuko mo ang iyong pagsasanay, ang iyong pinagmulan, at lahat ng ipinagkaloob ng Dios sa iyo, gagamitin ka niya upang tuparin aang kanyang layunin. Inihahanda ng Dios ang sinumang kanyang tinatawag para sa ministeryo kung saan niya sila tinatawag.
(1) Sa araling ito, nakita natin ang halimbawa ni Hesus na tagumpay laban sa tukso. Maglista ng tatlong Biblikal na halimbawa ng mga tao na nanatiling matagumpay sa tukso. Pansinin ang isang bagay na nagpalakas sa kanila sa harap ng pagtukso.
Halimbawa ng Tagumpay Laban sa Pagtukso
Kasulatan
Ano ang Nagbigay
ng Tagumpay?
Si Jose at ang Asawa ni Potifar
Gen. 39
Pokus sa Dios
(Gen. 39:9)
Maglista ng tatlong halimbawa mula sa Biblia ng mga taong nahulog sa tukso. Sa bawat kaso, tukuyin ang isang bagay na naging dahilan sa kanilang pagkahulog.
(2) Batay sa mga halimbawang iyong inilista, maghanda ng sermon o Bible study tungkol sa pagtukso. Ilakip/isama ang halimbawa ni Hesus gayundin ang mga halimbawa na inilista ninyo sa inyong tsart.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.