Ang Buhay at Ministeryo ni Hesus
Ang Buhay at Ministeryo ni Hesus
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 3: Pangunguna Katulad ni Hesus

36 min read

by Randall McElwain


Mga Layunin ng Aralin

Kapag natapos ang araling ito, ang mag-aaral ay dapat:

(1) Malaman ang mga katangian kaya’t si Hesus ay naging isang dakilang tagapanguna.

(2) Pahintulutan ang iyong misyon at pagkatawag na mula sa Dios ang siyang gumabay sa iyong pang-araw-araw ng mga prayoridad.

(3) Makabuo ng isang proseso sa pagsasanay ng mga tagapanguna sa hinaharap at sa pagtatatag ng isang ministry team.

(4) Pahalagahan ang iyong tungkulin bilang isang lingkod sa mga taong iyong pinangungunahan.

Prinsipyo para sa Ministeryo

Ang mga Tagapanguna ay pinakakatulad ni Hesus kapag sila ay naglilingkod sa iba.

Pasimula

Ang “Pamumuno” ay isang salita na nagsisimula ng matitinding damdamin. Kapag ang mga taong ang isip ay patungkol lamang sa mundo ay nag-iisip tungkol sa pangunguna, ang iniisip nila ay kapangyarihan at posisyon.  Ang maging tagapanguna ay ang maging “boss”.  Ang mga ambisyosong tagapanguna ay nagnanais na “umakyat sa hagdan” at panalunan ang pinakamataas na titulo.  Kahit ang mga pastor ay maaaring magkaroon ng ganitong takbo ng pag-iisip. Maaari silang magtuon ng kanilang atensiyon sa pagkakaroon ng malalaking iglesya, mas mataas na posisyon at mas mataas na respeto.

Bilang tugon sa makamundong takbo ng pag-iisip na ganito, ang ilang Kristiyano ay tumutugon laban sa salitang “pangunguna”.  Minsan sinabi ng isang pastor sa akin, “Ayaw kong maging tagapanguna sa aming iglesya, gusto ko lang maglingkod.” Gayunman, bagaman ang kanyang sinabi ay tila mapagpakumbaba, ang kanyang iglesya ay tila nawalan ng sense ng direksiyon o layunin.  Ang lahat ng organisasyon, kahit mga iglesya ay nangangailangan ng tagapanguna.

Dapat tandaan ng mga pastor na ang ugat ng kahulugan ng salitang “pastor” ay “pastol.” Ang isang pastol ay hindi nagtataglay ng napakaimpressible na gawain! Iniuukol ng isang pastol ang kanyang mga araw kasama ng mga nangangamoy na mga tupa.  Kabilang  sa kanyang trabaho ang mga nakakainip na gawain –paghanap ng pagkain at tubig, paghabol sa mga batang tupa na lumalayo sa kawan, at pag-aalaga sa mga nasusugatang tupa.

May mahalagang tungkulin ang pastol. Tinutupad ng pastol ang maraming mababang gawain, subali’t nagpapasan rin ang pastol ng mabigat na tungkulin na pangunahan ang kawan hanggang sa ligtas na lugar.  Ang kawan ay nakadepende sa isang pastol na siyang tagapanguna nila.

Nagbigay si Hesus ng ideyal na modelo ng isang tunay na tagapanguna.  Siya ay isang pastol na naglingkod nang may kababaang-loob subali’t may malalin na sense ng layunin.  Malakas siya subali’t puno ng kahabagan.  Hindi siya naghangad ng posisyon, subali’t siya’y may tiwala sa kanyang misyon. Nagbigay si Hesus ng modelo para sa lingkod na tagapanguna.

Isipin ang pinakamatagumpay na tagapanguna na kilala mong personal.  Maglista ng tatlo o apat niyang katangian na siya ay naging mabuting lider.  Ang mga katangian bang ito ay nakikita sa ministeryo ni Hesus? Ang mga katangian bang ito ay nakikita sa iyong ministeryo?

Ipinapakita ni Hesus na ang tunay na tagapanguna ay may kasamang mapagpakumbabang paglilingkod. Ang kababaang-loob ay hindi nangangahulugan ng kahinaan o indecisiveness; malakas si Hesus.  Paulit-ulit na ipinakita ng mga Ebanghelyo ang awtoridad ni Hesus.[1]  Gayunman, nagkaroon ng awtoridad si Hesus hindi sa paghingi ng respeto, kundi sa paglilingkod.  Nang ang kanyang mga alagad ay nagtalo tungkol sa posisyon sa kaharian, sinabi ni Hesus.

“Ang mga hari ng mga Gentil ay tumupad ng pagiging panginoon sa kanila at ang mga may awtoridad sa kanila ay tinatawag na benefactors. Subali’t hindi ganoon sa inyo. Sa halip, hayaang ang pinakadakila sa inyo ay maging katulad ng pinakabata, ang lider ay siyang maglilingkod. Dahil sino ang nakahihigit, ang isang nakahilig sa mesa o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakahilig sa mesa?  Subali’t ako ay kabilang sa inyo bilang ako ang naglilingkod.”[2]

Sa leksiyong ito, titingnan natin ang mga katangian na nagpaging dakilang tagapanguna kay Hesus.  Matututuhan natin kung paano magiging mas epektibong lider sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Hesus.


[1] Mateo 7:28-29; Marcos 1:22-28; Lucsas 4:32-36; Lucas 20:1-8.

[2] Lucas 22:25-27.

Nalalaman ng Isang Epektibong Tagapangunang Kristiyano ang Kanyang Misyon

Ang isang dakilang tagapanguna ay may malinaw na misyon at may lakas ng isang-kaisipan na nakatuon sa misyong iyon.  Alam ni Jesus ang kanyang misyon.  Binuod ang misyon ni Jesus sa Mark 10:45: “At kahit ang Anak ng Tao ay dumating hindi para paglingkuran kundi para maglingkod, at upang ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos para sa marami.”

Sa kanyang unang pampublikong sermon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga tagapakinig na dumating siya upang tuparin ang misyong inihula ni Isaias:

“Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon, dahil hinirang niya ako upang iproklama ang mabuting balita sa mahihirap.  Sinugo niya ako upang iproklama ang kalayaan sa mga bihag at nagbibigay paningin sa bulag, upang palayain ang mga inaapi, upang iproklama ang taon ng Pabor ng Panginoon.”[1]

Ang misyon ni Hesus ang gumagabay sa kanyang pag-araw-araw na pagpapasya.  Habang naglalakbay mula sa Judea hanggang Galilea, ang kanyang misyon ang gumabay sa ruta ni Hesus.  Madalas naglalakbay ang mga Rabbi na Judio sa silangang bahagi ng Ilog Jordan upang umiwas na “marumihan” sa mga taga- Samaria. Ang ruta ni Jesus, gayunman, ay ginagabayan ng kanyang misyon na “ipahayag ang taon ng pabor ng Panginoon sa isang babaeng Samaritana. Dahil dito, “kailangan niyang dumaan sa Samaria.”[2] Bilang isang tagapangunang Kristiyano, ang iyong misyon ang dapat gumabay sa iyong pang-araw-araw na pagpapasya.

Bilang isang tagapanguna, higit na marami ang kailangang gawin kaysa kaya nating matupad.  Paano  mo pipiliin ang iyong mga prayoridad?  Hindi mo magagawa ang lahat; at hindi mo dapat gawin ang lahat ng bagay. Dapat mong timbangin ang mga pagkakataon ayon sa iyong misyon. Ang bawat tagapanguna ay dapat mayroong dalawang listahan:  isang listahan ng “Dapat Gawin” at ang listahan ng “Hindi Dapat Gawin.” Ang listahan ng “Dapat Gawin” ay ang mga bagay na dapat mong tuparin o tapusin. Ang listahan ng “Hindi Dapat Gawin” ay mga bagay na nakaaabala sa iyo mula sa iyong misyon.  Dapat kang kumuha ng iba para gawin ang mga bagay na ito, hindi na dapat ikaw. Ang iyong misyon ay dapat gumabay sa iyong pang-araw-araw na prayoridad.

Si Apostol Pablo ay isang halimbawa ng tagapanguna na nakakaalam sa kanyang misyon.  Tinawag si Pablo para magsimula ng mga iglesya sa mga pangunahing lungsod ng Imperyong Romano.  Ayaw niyang “magtayo sa pundasyong itinayo ng iba,” kundi dalhin ang ebanghelyo sa mga taong hindi pa nakaririnig nito.[3]  Ang misyong ito ay gumabay kung saan naglakbay si Pablo, kung gaano katagal siya nanatili sa bawat lokasyon, at maging ang mensaheng kanyang ipinangaral.  Ang misyon ni Pablo ang gumabay sa bawat desisyon niya.

► Talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang misyong ibinigay ng Dios sa iyo? Bigyang buod ang iyong misyon sa ilang salita.
  • Naipahayag mo na ba ang iyong misyon sa mga sumasama sa iyo sa ministeryo?
  • Ang iyong misyon ba ang gumagabay sa iyong pang-araw-araw na desisyon?

[1] Lucas 4:18-19, binabanggit si Isaias 61:1-3.

[2] Juan 4:4.

[3] Roma 15:20.

Ang Epektibong Kristiyanong Tagapanguna ay Nagsasanay ng Iba Pang Mga Tagapanguna

Mula sa simula ng kanyang ministeryo, maingat na pinili at sinanay ni Hesus ang grupo ng disipulo na siyang magpapatuloy ng kanyang ministeryo pagkatapos niyang bumalik sa Ama.  Nag-aral sa kanya ang kanyang mga disipulo, nag-ukol ng oras kasama niya, nagministeryo kasama niya at ipinakalat ang kanyang mensahe sa buong mundo. Tinatakan ni Hesus ang kanyang mga alagad ng kanyang imahen at pagkatapos ay ginamit sila sa pagtatayo ng kanyang iglesya.

Sumulat si Lucas tungkol sa mga ‘pressures’ ng ministeryo. “Sa panahong ito, sa panahong libo ang bilang ng mga taong nagtipon-tipon na halos magtapakan sa isa’t-isa, nagsimula siyang magsalita una sa mga disipulo.”[1] Hindi maaaring magambala si Hesus mula sa kanyang ministeryo sa kanyang mga disipulo, kahit pa ang ministeryo sa libong iba pa ay maaaring mas nakapupukaw. Nalalaman niya na upang itatag ang kaharian, kailangan niyang sanayin ang kanyang mga disipulo upang manguna sa iglesya.  Sa pagsasanay sa mga disipulo, inihanda niya ang mga tagapanguna para sa sususnod na henerasyon.[2]

Sinundan ni Pablo ang parehong desinyo. Nangaral siya sa maraming tao, subali’t itinuon niya ang kanyang atensiyon sa pagsasanay sa ilan lamang tagapanguna sa bawat lungsod. Ito ay nagbibigay ng modelo para sa mga tagapanguna ngayon.  Inaaatasan ni Pablo ang mga pastor na “bigyang kasanayan ang mga banal para sa gawain ng ministeryo.”[3] Hindi tungkulin ng pastor na gawin ang lahat ng trabaho sa iglesya; tungkulin niya na sanayin at bigyang kakayahan ang mga miyembro para sa gawain ng iglesya.  Ang epektibong mga tagapanguna ay nagsasanay ng iba pang tagapanguna.


[1] Lucas 12:1.

[2] “Hindi kailanman sumulat si Hesus ng anumang aklat.  Sa halip isinulat niya ang kanyang mensahe sa mga tao-sa kanyang mga apostol.”
-William Barclay

[3] Efeso 4:12.

Ang Modelo ni Hesus sa Pagtuturo sa mga Alagad

Dapat Maingat na Piliin ng Isang Tagapagturo ang mga Alagad[1]

► Basahin ang Juan 1:35-51, Juan 2:1-11, Mateo 4:18-22, Lucas 5:1-11, Lucas 6:12-16

Sa iyong pagbabasa sa mga talatang ito, napansin mo ba ang proseso? Sa panahon ng kanyang unang linggo ng ministeryong pampubliko, inanayayahan ni Jesus sina Andres at Juan upang sumunod sa kanya.  Dinala ni Andres si Simon Pedro kay Hesus.  Tinawag ni Hesus si Felipe, na nakatagpo kay Nataniel.[2]  Ito ang unang hakbang sa kanilang pagkatawag.  Ito ay pagtawag upang sumunod kay Hesus.  Pagkalipas noon, tinawag sila sa buong-panahon na pagiging alagad.

Ang Juan 2 ay isang mahalagang hakbang sa prosesong ito.  Sa kasalan sa Cana, “ipinakita ni Hesus ang kanyang kaluwalhatian” sa mga alagad.  Hindi alam ng ibang panauhin ang tungkol sa himala; ang tandang ito ay para sa mga alagad.  Inihayag ni Hesus ang kanyang sarili sa kanyang mga tagasunod upang magtiwala sila sa kanya. “At ang kanyang mga alagad ay naniwala sa kanya.”[3]

Ang Mateo 4:18-22 ay nangyari matapos lumipat si Hesus sa Capernaum mula sa Nazareth, at magsimulang mangaral.[4] Habang naglalakad sa baybayin ng Dagat ng Galilea, tinawag ni Hesus sina Simon, Andres, Santiago, at Juan upang sumunod.” Agad agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.”[5] Pagkatapos ng unang pagtawag sa Juan 1, ang mga disipulo ay nagpatuloy sa kanilang mga gawain bilang mga mangingisda. Ngayon, tinawag sila ni Hesus upang maglingkod: “Simula ngayon kayo’y magiging mangingisda ng mga tao.”[6]

Ang sumunod na hakbang sa prosesong ito ay ang pagpili ni Hesus sa labindalawang apostol.  Mula sa maraming tagasunod (na tinawag na “disipulo” sa Juan 6), pumili si Hesus ng labindalawa na naging kanyang pinakamalapit na mga kasama.

Hindi nagmadali si Jesus sa pagpili sa Labindalawa. Ang proseso ay tila tumagal ng ilang buwan.  Nagbigay ito ng panahon kay Hesus upang mag-ukol ng oras para sa bawat isa sa Labindalawa.  Madalas, ang isang tagapanguna ay mabilis sa pagpili ng susunod sa kanya nang hindi naglalaan ng oras upang makilala ang tao. Ang matalinong tagapanguna ay nagtatakda ng mga tungkulin na nagbibigay ng pagkakataon upang alamin ang mga kakayahang mamuno ng isang tao.

Ang Tagapagturo ay Dapat Maglaan ng Oras Kasama ng Kanyang mga Disipulo

► Alin ang mas nakapupkaw, pag-abot sa marami o ang pagtuturo sa kakaunti? Alin ang mas mahalaga para sa pangmatagalan? Bakit nag-ukol si Hesus ng napakaraming panahon at pagtuturo sa labindalawang lalaki?

Iniukol ni Hesus ang maraming oras niya sa Labindalawa. “Humirang siya ng Labindalawa na tinawag niyang apostol) upang sila’y makasama niya at maisugo niya upang mangaral at magkaroon ng awtoridad na magpalaya ng demonyo.”[7]  Una, kailangan nilang maglaan ng oras na makasama siya upang matutuhan ang kanyang mga pamamaraan. Pagkatapos lamang noon sila magiging handa upang isugo sa ministeryo.

Itinala ni Marcos ang isa sa mga paglalakbnay ni Hesus sa Galilea: “At ayaw niyang malaman ng sinuman, dahil tinuturuan niya ang kanyang mga disipulo.”[8] Ang pangunahing naisin ni Hesus ay hindi ang pagbuo ng isang programa upang abutin ang maraming maraming tao, kundi sa pagsasanay ng mga lalaking siyang mangunguna sa iglesya.

Nangaral si Hesus sa libo-libo, subali’t ang kaniyang pinakamalaking prayoridad ay ang pagsasanay sa ilang tao lamang para sa ministeryo sa hinaharap.  Alam ni Hesus na ang pagsasanay ay mas epektibo kapag ito ay nakatuon sa maliit na grupo lamang .  Nagbabala si Robert Coleman, “Mas lumalago ang iyong ministeryo, mas magiging mahirap na makahanap ng oras upang idisipulo ang bawat indibidwal.  Subali’t mas lumalago ang iyong ministeryo, mas magiging mahalaga na mag-ukol ng oras upang idisipulo ang mga indibidwal.”

Habang binabasa mo ang mga Ebanghelyo, mapapansin na bihirang magministeryo si Hesus nang walang kasama. Kahit man lang tatlong disipulo, laging may kasama siya. Madalas umatras sa mga tagong lugar sina Hesus at mga disipulo niya para sa mga sesyon ng pagsasanay. Malapit sa dulo ng kanyang ministeryo sa lupa, gumugol pa si Hesus ng mas maraming oras kasama ng kanyang mga alagad.  Sa huling linggo nila sa Jerusalem, bihirang mawaglit sa kanyang paningin ang kanyang mga alagad. Ang pagsasanay sa mga lalaking ito ang isa sa kanyang pinakamahalagang tungkulin.

Sinabi ng isang kawikaaang Judio: “Ang isang disipulo ay yaong kumakain ng alikabok ng kanyang panginoon.” Ang isang disipulo ay lumalakad nang napakalapit sa kanyang panginoon kung kaya’t nasasagap niya ang alikabok na nalilikha ng paa sa paglakad ng kanyang panginoon.  Kinakain ng disipulo kung ano ang kinakain ng panginoon; pumupunta ang disipulo kung saan pumupunta ang panginoon niya; nakalaan ang sarili ng disipulo sa mga turo at halimbawa ng panginoon. Gumugol ng oras ang mga tagasunod ni Hesus; ng maraming oras kasama niya hanggang sa maging katulad sila ng karakter ng kanilang guro. Sa paglipas ng panahon, tinawag silang “mga Kristiyano”; naging katulad na sila ng kanilang tagapagturo.

Sa parehong paraan, laging may tagasunod na kasama si Pablo tulad nina Timoteo, Tito, Lucas, at Tychicus. Sinanay sila ni Pablo para sa ministeryo sa pamamagitan ng paglalaan ng oras kasama nila.

Muli, ito ay nagbibigay sa atin ngayon ng isang modelo.  Sa iyong pagmiministeryo, maaari mong hikayatin ang mas nakababatang miyembro ng team upang sumunod sa iyo, upang matuto rin silang magministeryo. Sinabi ng isang matagumpay na tagapanguna sa iglesya, “Hindi ako kailanman nagmiministeryo nang hindi nagsasama ng isang mas batang manggagawa.  Ang pagsasanay ng mga tagapanguna sa iglesya sa hinaharap ay kasing halaga sa akin ng mismong ministeryong aking isinasagawa.” Nauunawaan ng pastor na ito na ang epektibong tagapanguna ay nagsasanay ng iba pang tagapanguna.

Ang Isang Tagapagturo ay Dapat Magbigay ng Halimbawa sa Ministeryo para sa Kanyang mga Disipulo

Matapos hugasan ang paa ng mga disipulo, sinabi ni Hesus, “Binigyan ko kayo ng isang halimbawa, na dapat din ninyong gawin tulad ng ginawa ko sa inyo.”[9] Nagturo si Hesus sa pamamagitan ng halimbawa.  Alam niya na hindi sapat na sabihin lamang, “Gawin ninyo ito.” Dapat nating ipakita kung paano iyon ginagawa.  Hindi inutusan ni Hesus ang kanyang mga disipulo na gawin ang isang bagay hangga’t hindi pa niya naipapakita kung paano ito gagawin.

Nakita ng mga disipulo na nanalangin si Hesus kaya’t humiling sila, “Panginoon turuan mo kaming manalangin.”[10] Hindi basta lang nagbigay si Hng “leksiyon sa pananalangin.” Siya’y nanalangin. Habang pinagmamasdan siya ng kanyang mga alagad habang nananalangin, naging masigasig silang maunawaan ang pananalangin.  Kapag ang mga mag-aaral ay masigasig/nagnanais upang matuto, mas madali silang matututo!

Narinig ng mga disipulo na gumamit si Hesus ng Kasulatan sa kanyang pangangaral.  Binanggit ni Hesus ang Lumang Tipan nang mahigit animnapung beses. Nagmodelo siya ng pangangaral ayon sa Biblia.  Natutuhan ba ito ng mga disipulo? Tiyak yun! Nang mangaral si Pedro sa Mga Gawa 2, binanggit niya ang Joel, Awit 16 at Awit 110. Natutuhan ni Pedro kay Hesus na ibatay ang kanyang pangangaral sa Kasulatan. Ang bawat sermon sa Mga Gawa ay bumanggit sa Lumang Tipan.

Ganito rin ang paraang sinundan ni Pablo. Paulit-ulit niyang isinulat, “Nakita ninyo ang aking halimbawa. Sundan/Gayahin ninyo ang aking ginawa.”[11] Nagturo si Pablo sa pamamagitan ng halimbawa.  Natutong magpastor ang mga disipulong sina Tito at Timoteo sa pagsunod sa halimbawa ng kanilang guro na si Pablo.

Sa ngayon, kailangan nating ipakita ang modelo ng ministeryo sa ating mga sinasanay. Nangangailangan ito na tayo’y maging bukas na aklat sa kanila. Makikita nila ang ating mga pagkabigo, subali’t makikita nila tayong umaamin sa ating mga kahinaan.  Makikita nila tayong nadadapa, subali’t makikita nila tayong hindi sumusuko. Natututuhan ng mga disipulo ang katotohanan ng ministeryo sa panonood sa ating mga halimbawa.

Dapat Idelegado ng Isang Tagapagturo ang mga Tungkulin sa Kanyang mga Disipulo

► Basahin ang Mateo 10:5-11:1.

Mula sa simula, ang layunin ni Hesus ay ihanda ang mga ministro/pastor para sa ministeryo. Tinawag niya sila upang sumunod sa kanya upang magawa niya silang “tagapangisda ng mga tao.”[12]

Sa panahon ng unang taon na kasama nila si Hesus, inobserbahan nila ang ministeryo niya.  Natuto sila mula sa kanyang halimbawa.  Matapos silang mag-obserba, isinugo ni Hesus ang mga disipulo upang magministeryo. Ipinakita ng Mateo 10 kung paano itinalaga/ipinasa ni Hesus ang mga tungkulin sa kanyang mga disipulo.

Binigyan niya sila ng awtoridad (Mateo 10:1).

Bago niya sila isinugo, binigyan muna ni Hesus ng awtoridad ang mga disipulo upang magawa ang misyon na iniaatas niya sa kanila. Kung minsan natatakot ang mga tagapanguna na pagtiwalaan ng awtoridad ang kanilang mga katulong. Gayunman ang responsibilidad na walang kasamang awtoridad ay nag-aalis ng kakayahan sa iyong mga sinasanay. Hindi natin dapat bigyan ng responsibilidad ang ating mga katulong malibang binibigyan natin sila ng sapat na awtoridad upang tugunan ang responsibilidad.[13]

Binigyan niya sila ng Malinaw na Tagubilin (Mateo 10:5-42).

Ibinigay ni Hesus sa kanyang mga disipulo ang malinaw na mensahe: Ipangaral ang kaharian. Malinaw ang kanilang takdang gawain.  Natitiyak nila kung ano ang inaaasahan ni Hesus na gagawin nila.

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga disipulo kung saan sila dapat magministeryo: “sa mga naliligaw na tupa sa tahanan ng Israel.” Pagkatapos noon, ang mga apostol ay nangaral sa mga Gentil, subali’t habang sila’y natututong magministeryo, sinabi ni Hesus sa kanila na magsimula malapit sa sariling tahanan.  Dapat nating gawin ang lahat ng maaaring gawin upang tulungang magtagumpay ang ating mga mag-aaral.  Magsimula sa isang gawain na madaling tuparin. Nagtakda si Hesus ng mga makatwirang layunin.

Nagbigay si Hesus sa kanyang mga disipulo ng alituntunin tungkol sa pag-uusig. Darating ang pag-uusig hindi dahil nabigo ang kanyang mga disipulo sa kanilang ministeryo, kundi si Hesus mismo ang magiging dahilan ng pagkakahiwalay sa pagitan ng kanyang mga tagasunod at ng mga taong tumatanggi sa kanya.

Isinugo niya sila nang may kapares (Marcos 6:7).

Ipinakita ni Hesus ang kahalagahan ng may kapares sa ministeryo.  Isinugo niya ang mga disipulo nang dala-dalawa. Ilang buwan makalipas iyon, isinugo niya ang Pitumpo nang dala-dalawa.  Ito ang naging modelo para sa ministeryo sa sinaunang iglesya.  Sina Pedro at Juan ay magkasamang nagministeryo.  Magkasamang naglakbay sina Bernabe at Saulo.  Nagministeryo nang magkasama sina Pablo at Silas.

Dapat Subaybayan ng Isang Tagapagturo ang Kanyang mga Disipulo

Pagkatapos buumalik ang mga disipulo mula sa ministeryo, nag-ulat sila kay Hesus.[14] Ang follow-up ay isang mahalagang bahagi ng pagsasanay ni Hesus sa kanyang mga disipulo. Hindi sapat na ipasa lamang ang responsibilidad o tungkulin; ang isang epektibong tagapanguna ay pinag-aaralan o sinusubaybayan ang pagtupad sa tungkulin ng mga disipulo.  Ang pagpapasa ng tungkulin nang walang pagsubaybay ay magreresulta sa mahinang klase ng pagtupad sa tungkulin.

► Basahin ang Mateo 17:14-21.

Itinuro ni Howard Hendricks na ang pagkabigo ay isang mahalagang bahagi ng proseso ng pagkatuto. Itinanong mga mga disipulo “Bakit hindi namin mapalayas ang masamang espiritu sa mga lalaking ito?” Sumagot si Hesus sa pagtuturo sa kanila tungkol sa pananampalataya. Mas mabuting mabigo sa simula pa lang ng ministeryo kaysa pagkatapos na bumalik si Hesus sa langit!

Ang epektibong pagsubaybay sa isang disipulo ay dapat may kasamang pag-aaral sa resulta.  Kapag nabigo sa isang gawain ang disipulo, hindi siya “tinatanggal sa grupo.”  Sa halip, dapat nating suriin ang dahilan ng pagkabigo at magplano para sa pagpapabuti nito sa hinaharap.

Ipinakita ni Hesus ang pattern na ito sa Lucas 9.

  • Sa 9:1-6, pinahayo ni Hesus ang labindalawang disipulo.
  • Sa 9:10, nag-ulat sila sa kanya tungkol sa kanilang paglalakbay.
  • Sa 9:37-43, nabigong palayasin ng mga disipulo ang masamang espiritu.
  • Sa 9:46-48, tinuruan sila ni Hesus tungkol sa pagiging dakila sa kaharian ng Dios.
  • Sa 9:49-50, sinaway ni Hesus si Juan dahil sa isang maling pasya sa ministeryo.
  • Sa 9:52, nagsugo si Hesus ng mga disipulo upang maghanda para sa pagdalaw sa lugar ng Samaria.
  • Sa 9:54-55, sinaway ni Hesus sina Santiago at Juan dahil sa isa pang maling pasya sa pagmiministeryo.  
  • Sa 10:1, isinugo ni Hesus ang mas malaking grupo (ang Pitumpo) upang magministeryo.

Pinagsalit-salit ni Hesus ang pagtuturo, pag-aatas sa iba ng trabaho at pag-aaral sa resulta.  Hindi siya sumuko sa mga disipulo, kahit pa sila nabigo.  Sa halip, ginamit niya ang kabiguan bilang pagkakataon upang magturo.

Sinundan din ni Pablo ang ganitong proseso. Itinalaga niya si Tito upang pangunahan ang iglesya sa isla ng Creta, at si Timoteo para magpastor sa Efeso.  Pagkatapos, sumulat siya sa kanila upang bigyan sila ng dagdag na pagsasanay.  Pagkatapos ng pagtatatag ng mga iglesya sa panahon ng unang paglalakbay bilang misyonero, bumalik si Pablo sa ikalawang paglalakbay upang bigyan ng pagsubaybay ang mga iglesya.[15]

Ang proseso ng pagsasanay na ito ay epektibo pa rin sa kasalukuyan.  Maraming tagapanguna ang nagsusugo ng batang misyonero na walang nagpapatuloy na pagsubaybay o pananagutan—at nagugulat kapag nabigo ang ministeryo. Hindi natin dapat isipin na, “Itinuro ko ang leksiyon, upang magawa nila iyon ng tama.” Sa halip, ang pagsubaybay ay isang nagpapatuloy na proseso. Kung nais mong magsanay ng mga tagapanguna, dapat kang maglaan ng oras para sa pagsubaybay.

Naglista si Howard Hendricks ng apat na stages sa pagsasanay ng mga bagong manggagawa:

  1. Pagkukwento: Ituro sa kanila ang nilalaman. Ipinangaral ni Hesus ang mensahe ng kaharian sa kanyang mga disipulo.
  2. Pagpapakita: Magbigay ng modelo ng ministeryo.  Ipinakita ni Hesus ang ministeryo sa mga disipulo.
  3. Pagsasabuhay: Ministeryo ito na may direktang pagsubaybay. Isinugo ni Hesus ang mga disipulo upang magministeryo at pagkatapos in-evaluate ang kanilang karanasan.
  4. Pagsasagawa: Ito ay ministeryong walang direktang pagsubaybay. Pagkatapos ng Pentekostes, nagministeryo ang mga disipulo nang walang pagsubaybay ni Hesus.

► Ano ang ginagawa mo upang sanayin ang mga tunay na disipulo para sa pangunguna?  Sa mga hakbang na napag-aralan natin alin ang nagagawa mo ng epektibo?  Aling mga hakbang ang nangangailangan pa ng pagpapabuti?  Bilang grupo, talakayin kung paano magiging mas epektibo sa pagtuturo ng mga tagapanguna sa hinaharap.  Ang talakayang ito ay dapat magpatuloy hanggang magkaroon kayo ng plano para sa pagbubuo/pagtatatag ng mga tagapanguna sa inyong ministry setting.

Ang Ating mga Disipulo Ay Dapat Magbunga ng iba Pang Disipulo

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga disipulo, “Hindi kayo ang pumili sa akin, kundi ako ang pumili sa inyo at nagtalaga sa inyo upang kayo’y humayo at magbunga at ang inyong bunga ay dapat manatili..”[16] Sinanay ni Hesus ang kanyang mga disipulo upang magbunga ng marami pang disipulo.

► Basahin ang Mateo 13:31-32.

Ang talinhaga ni Hesus tungkol sa buto ng mustasa ay nagpapakita na ang kaharian ng Dios ay lalago nang lampas pa sa kanyang orihinal na laki.  Kung paanong ang isang maliit na buto ng mustasa ay lalago nang higit pa sa inaasahan ng sinuman.  Sa Lumang Tipan, ang mga ibong nakadapo sa isang puno ay kumakatawan sa isang dakilang kaharian na binubuo ng maraming bansa.[17] Ipinangako ni Hesus na habang dumadami ang disipulo, ang iglesya ay lalago ng higit pa sa orihinal na laki nito at aabot sa lahat ng mga bansa.

Isinulat ni Dr. Robert Coleman na ang ating pinakamataaas na pag-aaral ng ating  ministeryo ay nasa pagpaparami. “Narito sa wakas tayong lahat ay dapat mag-evaluate kung paanong ang ating buhay ay dumarami. Magkakaroon din ba ng pangitain sa Dakilang Pagsusugo ang mga taong ito na ipinagkatiwala sa atin ng Dios? Pagkatapos, kanila bang ibabahagi iyon sa matatapat na mga lingkod na magtuturo rin naman sa iba?  Darating ang oras sa napakadaling panahon na ang ating ministeryo ay malilipat na sa kanilang mga kamay.”[18]


[1] Hinalaw sa The Master Plan of Evangelism ni Robert Coleman (Grand Rapids: Baker Book House, 1963).

[2] Juan 1:35-51.

[3] Juan 2:11.

[4] Mateo 4:12-17.

[5] Mateo 4:20.

[6] Lucas 5:10.

[7] Marcos 3:14-15.

[8] Marcos 9:30-31.

[9] Juan 13:15.

[10] Lucas 11:1.

[11] Kabilang sa mga halimbawa ang 1 Cor. 11:1; Filipos 3:17; Filipos 4:9.

[12] Mateo 4:19.

[13] Nawawalan ng kakayahan ang mga sinasanay kapag ang responsibilidad ay walang awtoridad. 

[14] Marcos 6:30.

[15] Gawa 15:36.

[16] Juan 15:16.

[17] Dan. 4:12 at Ezek. 31:6.

[18] Robert E. Coleman, “The Jesus Way to Win the World: Living the Great Commission Every Day.” Evangelical Theological Society, 2003.

Mas Malapit na Pagtingin: Ang Panalangin ng Punong-Pari na si Hesus

Ang gitnang bahagi ng Panalangin ng Punong-Pari na si Hesus ay nakatuon sa kanyang nga disipulo.[1] Ang panalanging ito ay nagtuturo ng mahahalagang leksiyon sa sermon  tungkol sa paraan ni Hesus sa pagtuturo sa mga disipulo.[2]

(1) Sa una, iniingatan natin ang mga tinuturuan natin.

Ipinanalangin ni Hesus, “Habang ako’y kasama nila, iningatan ko sila.” Dalawampung beses sa mga Ebanghelyo na sinabihan ni Hesus ang kanyang mga disipulo na “mag-ingat” sa panganib.  Binantayan niya sila laban sa pagkakamali.  Sa ating pagsasanay ng mga disipulo, dapat natin silang protektahan laban sa mga panganib ng kanilang mundo.  Dapat maging praktikal ang ating pagsasanay.

► Ano ang mga panganib na hinaharap ng mga batang misyonero sa inyong kultura?  Bilang tagapagturo, paano mo sila ihahanda laban sa mga panganib na ito?

(2) Habang sila’y lumalalim sa pananampalataya, pinagtitiwalaan natin ang ating mga tinuturuan.

Nanalangin si Hesus, “Hindi ko hinihiling na alisin mo sila dito sa mundo, sa halip, iadya mo sila mula sa Masama.”  Alam ni Hesus na ang mga disipulo ay haharap sa mga tukso, subali’t mayroon siyang pagtitiwala sa kanyang mga sinasanay.  Dapat nating matutuhan na magtiwala sa mga batang tagapanguna na ating sinasanay. Kinakailangan nating isuko ang “authoritarian” na pamamaraan sa pagiging tagapanguna at ipagtiwala sa iba ang mahahalagang pagpapasiya.

Isinulat ni Ajith Fernando na may dalawang paraan kung paano titingnan ng mga tagapanguna ang kanilang mga tagasunod:

  • Ang mahihinang tagapanguna ay nakatuon sa mga kahinaan ng kaniyang mga tagasunod.
  • Ang mga epektibong tagapanguna ay nakatuon sa kalakasan ng kanilang tagasunod habang patuloy na nagtatrabaho sa mga kahinaan.  Nakikita ng mga epektibong tagapanguna ang iba “sa pamamagitan ng mga mata ng pag-asa.”

(3) Matapos silang sanayin, isinusugo natin ang ating mga disipulo upang maglingkod sa mundong ito.

Ipinanalangin ni Hesus, “Kung paanong isinugo mo ako dito sa mundo, gayundin naman isinusugo ko sila sa mundo.”  Pagkatapos ng Pentekostes, sinimulan ng mga disipulo ang dakilang misyon kung saan sila inihanda ni Hesus. Tinuturuan natin ang mga disipulo upang sila naman ang magdala ng ebanghelyo sa nangangailangang mundo.

Isinulat ni Hesus, “Ako ay naluluwalhati sa kanila.” Sa pagsusugo natin sa ating mga sinanay, dapat nating tiyakin na si Hesus ang tumatanggap ng pagluwalhati.  Maaari tayong matukso na tanggapin ang parangal mula sa ating mga sinanay.  Maaari tayong matukso na tanggapin ang parangal mula sa ating abilidad na magdisipulo ng iba. Sa halip, dapat nating tiyakin na ang karangalan at pagluwalhati ay sa Dios lamang.


[1] Juan 17:6-19.

[2] Sinipi  mula sa Jesus Driven Ministry ni Ajith Fernando, (Wheaton, Illinois: Crossway Books, 2002),172-173.

Aplikasyon: Ang Kahalagahan ng Koponan sa Ministeryo

Ang halimbawa ni Hesus ay nagpapakita ng kahalagahan ng mga koponan sa ministeryo.  Kalakip sa koponan sa ministeryo ang pagtuturo sa mas nakababatang kamanggagawa at pagtatatag ng mga relasyon sa iba pang pastor.  Tayo ay nilikha para sa mga relasyon sa ibang tao.  Bakit napakahalaga ng mga koponan?

Nagbibigay ng balanse ang mga koponan

Pumili si Hesus mula sa iba’t-ibang pinagmulan.  Sina Pedro at Juan ay palagi nang nagsasalungatan. Nagtrabaho si Mateo para sa Roma, samantalang si Simon the Zealot ay nagnanais na itaboy paalis sa Judea ang mga Romano. Magkakasalungat ang mga lalaking ito.  Sa pagpili sa kanyang mga disipulo, pumili si Hesus ng iba’t-ibang klase ng mga tao.

Bagamam madalas nating nakikita ang hirap ng mayroong nagkakasalungatang mga miyembro ng team, hindi natin dapat ipagwalang bahala ang benepisyo ng ganitong iba’t-ibang personalidad.  Ang isang apostol na katulad ni Pedro ay madaling magbigay ng malalaking kapahayagan.  Siya ay nabalanse ng mga maiingat na apostol tulad nina Tomas at Andres.  Nakinabang ang unang iglesya sa pagkakaroon ng iba’t-ibang personalidad sa pamunuan.

Ang matatalinong tagapanguna ay nakatatagpo ng team members mula sa iba’t-ibang pinagmulan.  Ang malakas na team ay nagdadala ng iba’t-ibang kalakasan sa pamunuan ng iglesya.  Ang isang team member ay maaaring nagtataglay ng mas mabuting pagkaunawa sa usapin sa pananalapi, ang isa ay maaaring malakas sa personal na relasyon; ang isa pa ay maaaring makatagpo ng malalalim na biblikal insights.  Ang lahat ay nagkakasama-sama upang magbigay ng balanseng pamumuno sa iglesya.

Ang mga Koponan ay Magbibigay ng Matalinong Payo

Sa kanyang pagsasanay sa kanyang mga disipulo, alam ni Hesus na naglalatag siya ng pundasyon para sa iglesya. Pagkatapos ng Pentekostes, magkakaroon ng maraming mahihirap na desisyon na kakaharapin ng unang iglesya. Alam ni Hesus na kakailanganin ng mga disipulo ang isa’t-isa sa kanilang mga pagpapasya.

Ang isa sa mga unang desisyon na kinaharap ng iglesya ay “Paano magiging bahagi ng iglesya ang mga mananampalatayang Gentil? Kailangan ba nilang sundin ang lahat ng aspeto ng batas ng mga Judio?” Bagaman ito’y mukhang simple lamang para sa atin, ito ay isang mahirap na pasya. Hindi ito ayon lamang sa personal na kagustuhan; ang mga batas sa pagkain at pagtutuli at ang pagtutuli mismo ay nakabase sa Lumang Tipan mismo. Ang pasyang ito ay may pangmatagalang bunga.  Sa kasalukuyan, ikaw at ako ay apektado ng pasyang ito; kung iba ang naging desisyon ng Konseho ng Jerusalem, ang mga mananampalatayang Gentil sa ngayon ay kakailanganing tumupad pa sa mga batas ng Judio.

Ipinakita ng Gawa 15 kung paano pinasyahan ng unang iglesya ang mahalagang usaping ito. Matapos marinig ang magkakaibang papanaw, gumawa sila ng pagpapasya.  Sa kanilang sulat sa iglesyang Gentil, ang mga apostol ay gumamit ng isang magandang talata upang ilarawan ang pasiya, “Dahil ito’y naging mabuti sa Banal na Espiritu at sa atin din.”[1]  Nanguna ang Espiritu sa pagsasama-sama sa mga tagapanguna ng iglesya, hinayaang magbahagi ng kanilang mga kuro-kuro, at pagkatapos ay ginabayan ang grupo sa tamang desisyon.

Binigyang-diin ng sumulat ng Kawikaan ang kahalagahan ng maraming pananaw kapag gumagawa ng isang pagpapasya.

  • Ang akala ng mangmang ay siya lamang ang tama ngunit handang tumanggap ng payo ang taong may unawa.[2]
  • Pag marami ang nagpapasya ang tagumpay ay halos tiyak.[3]
  • Ang digmaan ay naipagtatagumpay dahil sa mahusay na pamamaraan pagkat ang tagumpay ay bunga ng mahusay na plano.[4]

Ito ay isang mahalagang prinsipyo para sa mga tagapanguna sa iglesya. Kung ikaw ay hindi nakahandang makinig sa iba, sinasabi ng Kawikaan na ikaw ay hindi matalino.  Ang isang mangmang ay laging nag-iisip na siya ay tama, subali’t ang matalinong tao ay handang makinig sa iba.

Kung ang layunin ng team ay magbigay ng matalinong pagpapayo, kailangan natin ng mga taong iba ang pag-iisip kaysa sa atin. Dapat nating tiyakin na sa pagpili ng team hindi tayo hahanap ng mga taong kopya lamang ng ating sarili. Hindi natin kailangan ng “yes men” o yung mga oo lamang ng oo sa ating mga sinasabi.

Nagpapalakas ng loob ang Koponan 

Inilalarawan ng Ang Mangangaral ang benepisyo ng koponan. “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa isa, dahil sila ay mayroong mabuting premyo para sa kanilang pinagpaguran. Dahil kung sila ay mabigo, may isang bubuhat sa kanyang kapatid.  Subali’t kawawa naman ang taong kapag siya’y nadapa ay wala man lang sinumang magtatayo sa kanya!”[5]

Kapag humaharap sa pagsalungat ang iglesya, ang mga apostol ang nagpapalakas ng loob ng isa’t-isa.  Ginamit ni Lucas ang talatang “sa iisang layunin” upang ilarawan ang suporta sa isa’t-isa sa pagitan ng mga miyembro ng iglesya.

Inilarawan ng dakilang misyonerong si Hudson Taylor ang prinsipyong ito.  Nagtungo si Taylor sa Tsina taglay ang alab sa puso para sa ministeryo, subali’t malaon ay pinanghinaan siya ng loob.  Ang ilan sa kanyang mga tagasuporta ay tumigil sa pagpapadala ng tulong pinansiyal.  Ang mga matatag nang misyonero ay naging mapunahin sa kanya.  Kahit ang gobyernong Britaniya ay tumutol sa kanyang gawain.  Ang kanyang kasintahan na nasa England ay sumulat sa kanya na nagsasabing hindi na nito natitiyak na gusto niyang makapag-asawa ng isang misyonero.  Pinanghinaan ng loob si Taylor at handa na siyang umuwi.

Sa panahong ito, may isang matandang Scottish na misyonero na nagngangalang William Burns ang kasama ni Hudson Taylor sa loob ng pitong buwan sa isang ebanghelikong paglalakbay sa loob ng bansa ng Tsina.  Magkasamang naglakbay, nanalangin, at nangaral ang dalawang lalaking ito.  Sa paglalakbay na iyon, muling nabuhay ang pangitain ni Taylor para sa Tsina.  Isinulat ni John Pollock, “Iniligtas ni William Burns si Hudson Taylor mula sa kanyang sarili.”

Matapos iyon, itinatag ni Hudson Taylor ang China Inland Mission at siya’y nakilala bilang isa sa pinakadakilang misyonero ng modernong panahon; halos hindi kilala si William Burns. Gayunman dapat ding bigyang pagkilala si William Burns para sa libo-libong nagbalik-loob sa pamamagitan ng China Inland Mission.  Pinalakas ni Burns ang loob ni Hudson Taylor sa panahong kailangang kailangan nito.  Nagbibigay ng lakas ng loob ang koponan.

Ang Koponan ay Nagbibigay ng Pananagutan (accountability)

Ang bawat isa sa atin ay may kahinaan. Dinadala natin sa ministeryo ang mga kahinaang nagmula sa ating mga pamilyang pinagmulan, mula sa ating buhay bago tayo naging Kristiyano, at mula sa ating personalidad/pagkatao. Nakakaapekto ang mga bagay na ito sa ating ministeryo.

Hindi natin nakikita sa ating sarili ang mga kahinaan na ito, subali’t ang ibang miyembro ng team ay maaari tayong bigyang babala sa mga bahaging ito na maaaring makasira sa ating ministeryo. Ang sumulat ng Hebreo ay nananawagan sa mga Kristiyano upang “Sikapin nating mapukaw ang damdamin ng bawat isa sa pag-ibig sa kapwa at sa paggawa ng mabuti.”[6]  Ang salitang “sikaping mapukaw” ay may ideya ng pagtapik o pagsundot sa iba. Kung minsan hindi ito katanggap-tanggap.  Walang sinuman ang nagnanais na matapik, subali’t mahalaga ang pananagutan.  Ang bawat tagapangunang Kristiyano ay dapat mayroon kahit man lang isang tao na makapagsasabi sa kaniya, “Ang ikinilos/ginawa mo ay hindi matalinong pasya.  Dapat mo itong pag-isipang mabuti uli.”

Mula sa mga monasteryo ng Gitnang Kapanahunan at ang pagtitipon-tipon sa klase nina Wesley sa mga modernong grupo tulad ng  Promise Keepers, ang mga tagapangunang Kristiyano ay may mahabang tradisyon ng pananagutan.  Ang mga tagapangunang Kristiyano sa ating panahon ay nakikinabang sa lingguhang pagpupulong tungkol sa pananagutan.  Maaari itong gawin one-on-one, sa maliliit na grupo, o maging sa telepono.  Ang grupong-pananagutan ay maaaring magbigay babala sa atin sa espirituwal na panganib bago pa man tayo sobrang mapalayo sa kanila.

Ang mabuting pananagutan (accountability) ay nangangailangan ng lubusang katapatan sa bawa’t partner at lubusang pagiging Kumpidensyal sa mga partners. Maaari kang makahanap ng maraming halimbawa ng mga tanong sa pananagutan.  Ang isang listahan ay naglalaman ng mga tanong na:

  • Sa linggong ito, nag-ukol ka ba ng panahon sa Dios sa regular na pagbubulay at panahon?
  • Sa linggong ito, naikompromiso mo ba ang iyong integridad sa anupamang paraan?
  • Sa linggong ito, naging dalisay ba ang iyong pag-iisip?
  • Sa linggong ito, nakagawa ka ba ng anumang kasalanang seksuwal?
  • Sa linggong ito, ano ang mahalagang bagay na nagawa mo para sa iyong asawa?
  • Sa linggong ito, naibahagi mo ba ang iyong pananampalataya sa isang di-mananampalataya?
  • Naging matapat ka ba sa bawa’t isa sa iyong mga sagot?

Ang pananagutan ng isang koponan ay mahalaga sa panahon ng tukso. Nang sumulat sa isang batang pastor, nagbigay ng payo si Pablo kung paano magtatatag ng ministeryong nananatili.  Nagbigay babala si Pablo kay Timoteo na “takasan ang mga pagnanasa ng kabataan at sikapin ang katwiran, pananampalataya, pag-ibig at kapayapaan, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon nang may dalisay na puso.[7] Nauunawaan ni Pablo na ang espirituwal na buhay ni Timoteo ay makikinabang sa pagsama sa ibang tagasunod ng Dios na “tumatawag sa Panginoon nang may dalisay na puso”.

► Kung ikaw ay bahagi ng isang koponan sa ministeryo, ibahagi ang ilan sa mga pakinabang  na nakukuha mo mula sa iyong koponan.  Ano ang ilan sa mga hamon ng pagiging bahagi ng isang koponan sa ministeryo?

Pagtatrabaho Kasama ng Isang Koponan

Hinubog ni Hesus ang isang grupo ng mga taong may iba’t-ibang personalidad sa isang nagkakaisang koponan.  Kinuha ni Hesus ang kanilang mga pagkakaiba-iba at lumikha ng team na siyang mangunguna sa unang iglesya. Kinakailangan ng iglesya ang matapang na pangunguna ni Pedro, at kailangan din nito ang matahimik na espiritu ni Felipe. Isa sa pinakamalaking hamon para sa isang tagapamuno ay ang paghubog ng isang grupo ng mga tagasunod sa isang team.

Naiintindihang mabuti ni Ajith Fernando, isang tagapanguna sa iglesya mula sa Sri Lanka, ang mga hamon ng pagtatatag ng isang team.  Isinulat niya:

“Marahil ang trahedya sa ebanghelikong iglesya ay madalas na natatalo ng pakiramdam ang teolohiya sa pagtatakda kung paano tayo magpapasiya at kumikilos. Ang Kristiyanong Biblikal ay nagsasabi, ‘Anuman ang aking pakiramdam tungkol sa taong ito, tatanggapin ko siya dahil iyon ang nais ng Dios na gawin ko. At hihilingin ko sa Dios na bigyan ako ng biyaya upang  magtrabaho na may pakikipagkaisa kasama niya.’ Ang ating teologia ay nagsasabi na ang pagsisikap na ito na magtrabaho kasama ng taong ito ay magtatagumpay, kahit na ang ating mga pakiramdam ay nagbibigay ng ibang mensahe.  Ang ating teologia ang nag-uudyok sa atin na magtrabaho nang mabuti para sa relasyong ito.  Ipinapanalangin natin ang taong ito at tungkol sa relasyon natin sa kanya.  Regular natin siyang nakikita.  Sinisikap nating ipakita sa kanya ang pag-ibig ng Kristiyano at gawin ang lahat ng ating makakaya para sa kanyang personal na kabutihan.  Bumubuo tayo ng mga pangarap para sa kung ano ang maaaring magawa, sa pamamagitan ng team.”[8]

Itinuturo ng 1 Corinto na sa katawan ni Cristo, wala tayong karapatan na tanggihan ang tao dahil lamang sa simpleng ayaw natin sila. Kapag nagtayo ka ng isang iglesya, magkakaroon ka ng mga miyembrong hindi mo masyadong gusto. Bilang tagapangunang Kristiyano, dapat mong sabihin, “Anuman ang aking personal na pakiramdam, tatanggapin ko ang taong ito dahil inilagay siya ng Dios sa aking pangangalaga.  Hihilingin ko sa Dios na bigyan ako ng biyaya upang magtrabaho kasama niya at hihilingin ko sa Dios na pagpalain siya at paunlarin siya sa ministeryo.”


[1] Mga Gawa 15:28.

[2] Kawikaan 12:15.

[3] Kawikaan 11:14.

[4] Kawikaan 24:6.

[5] Eccl. 4:9-10.

[6] Heb. 10:24.

[7] 2 Tim. 2:22.

[8] Ajith Fernando, Jesus Driven Ministry (Wheaton, Illinois: Crossway Books, 2002), 133.

Ang Isang Epektibong Tagapangunang Kristiyano Ay Isang Lingkod/Alipin

Minsan tinanong ko ang isang nagnanais maging pastor, “Bakit nais mong maging pastor?” Ang kabataang ito ay sumagot, “Sa paliparan, may nakita akong isang lalaki na nagbibitbit ng maleta ng kanyang pastor.  Nais kong may isang magbitbit din ng aking maleta!”

Ibang-iba ang pananaw ni Hesus! Nais ng kaibigan ko na mapaglingkuran; nais ni Hesus na maglingkod. “Dahil kahit ang Anak ng Tao ay dumating hindi para paglingkuran, kundi upang maglingkod; at upang ibigay ang kanyang buhay bilang katubusan para sa marami.”[1] Ipinapakita ni Hesus na ang tunay na pangunguna ay may kalakip na paglilingkod.  Si Hesus ay nagpakababa, “Kinuha ang anyo ng isang lingkod.”[2]

► Basahin ang Juan 13:1-20.

Maraming bahagi sa Ebanghelyo kung saan maaari nating pag-aralan ang modelo ni Hesus ng pagiging lingkod-tagapanguna, subali’t isa sa pinakamalakas na halimbawa ay ang kuwento ng paghuhugas ni Hesus ng paa ng mga disipulo. Sa tagpong ito, ipinapakita ni Hesus ang ibig sabihin ng pagiging isang lingkod.

May mga iglesya na nagsasagawa ng “Paghuhugas ng paa” upang alalahanin ang ginawa ni Hesus sa Huling Hapunan. Ito ay maaaring maging isang magandang gawain, subali’t maaaring maging mas makahulugan kung mapagtatanto natin na hindi ginawa ni Hesus ang isang espesyal na seremonya.  Sa halip, simple lang na tinupad niya ang isang gawain na kailangang isagawa.

Dahil sa maalikabok na mga daan ng Jerusalem, karaniwan nang may upahang alipin na naghuhugas ng paa ng mga panauhin sa isang formal na pagtitipon.  Ito ay isang mababang uri ng tungkulin  na itinatalaga sa mga pinakamababang alipin.  Sa pagsama ni Hesus sa kanyang mga disipulo sa Pista ng Paskuwa, walang alipin sa silid. Walang isa man sa mga disipulo ang nagkusa na gawin ang tungkuling ito; sila ay umaasa ng mataas na posisyon sa kaharian ni Hesus. Lumuhod si Hesus at nagsimulang gawin ang tungkulin ng pinakamababang alipin.

Ang tagpong  ito ay nagpapakita ng pagkaunawa ni Hesus sa pagiging tagapanguna.  Ang ibang tao ay nagnanais na maging tagapanguna para sa posisyon at kapangyarihan. Ang kanilang layunin ay makarating sa pinakamataas na lugar sa organisasyon.  Si Hesus ay nasa itaas na; siya ang Panginoon ng mga disipulo.  Subali’t kusang loob niyang kinuha ang pinakamababang posisyon.

Ito ang kahulugan ng pagiging tagapangunang katulad-ni-Cristo. Ang tagapangunang tulad-ni-Cristo ay tumutupad ng mga gawaing walang sinumang gustong gumawa. Nai-inspire ng isang tagapangunang tulad-ni-Cristo ang iba hindi sa kaniyang kakayahang sumigaw ng mga utos, kundi sa pamamagitan ng kanyang halimbawa ng mapagpakumbabang paglilingkod.

May nagsabi, “Ang pagsubok sa isang espiritung naglilingkod ay ‘Paano ako tutugon kapag ako’y itinuturing na tulad sa isang alipin?’” Ang isang tagapanguna na sumusunod sa halimbawa ni Jesus ay hindi sumasama ang loob kapag siya’y itinuturing na tulad sa isang alipin.  Sa buong buhay niya, si Hesus ay itinuring na tulad sa isang alipin, subali’t siya’y tumangging tumutol tungkol dito.  Huwag ninyong kalimutan na hinugasan ni Hesus ang paa ni Judas, kasama ng iba pang disipulo. Mai-imagine ba ninyo ang mapagpakumbabang paghuhugas ng paa ng lalaking nakapagpasiya nang ikaw ay ipagkanulo?[3]

Nang matapos na siyang hugasan ang paa ng mga disipulo, sinabi ni Hesus sa mga lalaking ito na nagnanais ng posisyon, “Binigyan ko na kayo ng halimbawa, na dapat din ninyong gawin ang katulad ng ginawa ko sa inyo.”[4] Tatlimpung taon pagkalipas, maaaring naalala ni Simon Pedro ang kababaang-loob ni Hesus nang kanyang isulat, “Damitan ninyo ang inyong sarili, lahat kayo, ng kababaang loob para sa isa’t-isa.”[5] Kung paanong ibinigkis ni Hesus ang tuwalya sa kanyang baywang upang maglingkod sa mga disipulo, gayundin dapat nating itali ang kababaang-loob sa ating sarili upang maglingkod sa iba.

Bilang mga tagapangunang Kristiyano, maaari tayong matukso na hanapin ang posisyon sa halip na mga pagkakataon upang maglingkod. Ipinakita ni Hesus na ang pangungunang Kristiyano ay nangangahulugan ng paglilingkod.


[1] Mark 10:45.

[2] Phil. 2:7.

[3] “Ang mga pang-ulong mesa ay pumalit na sa tuwalya at palangganang hugasan bilang simbolo ng pagiging tagapanguna sa mga tao ng Dios… napapanahon na upang ibalik ang tuwalya.”
- C. Gene Wilkes

[4] Juan 13:15.

[5] 1 Pedro 5:5.

Konklusyon: Ang Kahalagahan ng Pagtuturo ng Ibang mga Manggagawang Kristiyano

Sa dulo ng iyong buhay, ang iyong epekto bilang isang tagapagturo ng ibang manggagawang Kristiyano marahil ang magiging pinakadakilang pamana mo sa iyong ministeryo.  Kapag nagturo ka ng labindalawa lang na ibang manggagawang Kristiyano sa panahon ng iyong ministeryo, ang iyong epekto ay mapaparami  ng labindalawang iyon at ng mga manggagawang kanila namang tuturuan.

Nakakalungkot lamang, na bagaman karamihan sa mga tagapangunang Kristiyano ay nakakaalam sa kahalagahan ng pagtuturo, kaunti lamang tagapanguna ang naglalaan ng oras na kinakailangan upang magturo sa iba. Bakit natin kinaliligtaan ang aspetong ito ng ministeryo?

Isang dahilan ay ang halaga ng pagtuturo.  Nangangailangan ang mentoring/pagtuturo ng mahalagang oras.  Madalas naniniwala tayo na ang oras na iniukol sa pagtuturo ng mga nakababatang tagapanguna ay mas mabuti sanang ginugol sa pagmiministeryo sa malalaking grupo.

Isa pang dahilan ay ang pagkabigo/disappointment na kaugnay sa pagtuturo. Magandang pakinggan kapag sinasabing “Sinasanay ko ang susunod na henerasyon ng mga tagapanguna.”  Ang katotohanan ay madalas na hindi ganun nakakapukaw.

Maraming beses marahil na nakaramdam si Hesus ng pagkabigo sa mabagal na progreso ng kanyang mga  disipulo. Pagkatapos ng tatlong taon na kasama ni Hesus, nagtanong si Felipe, “Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama; at sapat na ito para sa amin.”[1] Ilang lingo matapos pakainin ni Hesus ang limang libo, ang mga disipulo ay humarap sa grupo ng apat na libo.  Nagtanong sila, “Paano niya pakakainin ng tinapay ang mga taong ito sa ganitong ilang na lugar?”[2]

Naranasan din ni Apostol Pablo ang malaking pagkabigo. Tumigil si Juan Marcos sa panahon ng unang paglalakbay.[3] Pagkatapos ng ilang buwan ng pagsasanay kay Demas, sumulat si Pablo mula sa isang malungkot na kulungan, “Si Demas na nagmamahal sa sanlibutang ito, ay iniwan ako.”[4]

Ang pagtuturo ay may katumbas na malaking halaga at maaaring maging dahilan ng pagkabigo, subali’t ito’y mahalagang bahagi ng gawain ng isang tagapanguna.  Ang bawa’t isang matibay at sapat sa gulang na Kristiyano ay dapat nagtuturo ng mga tagapanguna sa hinaharap. Gayundin naman ang bawat Kristiyanong tagapanguna ay nangangailangan ng isang tagapagturo na nagbibigay suporta sa mga panahon ng kahirapan.

Sinabi ni Howard Hendricks na ang bawat tao ay nangangailangan ng tatlong tao sa kanyang buhay:

  1. Bawat tao ay nangangailangan ng Pablo, isang tagapagturo na humahamon sa iyo sa nagpapatuloy na paglago.
  2. Bawat tao ay nangangailangan ng Bernabe, isang kaibigan na sapat ang pagmamahal sa iyo upang maging matapat sa iyo tungkol sa iyong mga kahinaan.
  3. Bawat tao ay nangangailangan ng isang Timoteo, isang nakababatang Kristiyano na maaaring idisipulo at turuan sa ministeryo.

► Tapusin ang araling ito sa pagtatanong:

  • “Sino ang aking Pablo?”
  • “Sino ang aking Bernabe?”
  • “Sino ang aking Timoteo?”

[1] Juan 14:8.

[2] Marcos 8:4.

[3] Mga Gawa 13:13.

[4] 2 Tim. 4:10.

Mga Takdang-Aralin ng Aralin

(1) Maglista ng apat na halimbawa nang inobserbahan ng mga disipulo ang ministeryo ni Hesus. Pansinin kung ano ang natutuhan ng mga disipulo sa kanilang pag-oobserba kay Hesus.

Halimbawa

Kasulatan

Leksiyon para sa mga Disipulo

Pinagaling ni Hesus ang batang lalaking inaalihan ng demonyo

Mateo 17:14-21

Ang kapangyarihan ng pananampalataya

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Mag-click dito para sa Word document na naglalaman ng talahanayang ito.

Mag-click dito para sa PDF document na naglalaman ng talahanayang ito.

(2) Maglista ng dalawa o tatlong tao na maaari mong turuan para sa ministeryo sa hinaharap. Sumulat ng maikling talata kung saan sasagutin mo ang dalawang tanong na ito:

  • Ano ang mga katangiang nais kong makita sa isang taong aking tuturuan?
  • Ano ang nais kong makita na tuparin ng Dios sa taong aking tuturuan? (Maging tiyak.)

Magsimulang gumawa ng mga hakbang upang turuan ang mga taong iyong inilista. Hilingin sa Dios na ipakita sa iyo kung paano mo sila maihahanda para sa mga pagkakataong magministeryo.

Next Lesson