Ang Epektibong ministeryo ay nakaugat sa Krus at sa muling pagkabuhay.
Pasimula
Ang climax ng mga Ebanghelyo ay ang kuwento ng pasyon. Tatlumpu sa walumpu’t siyam na kabanata sa mga Ebanghelyo ay iniukol sa linggo sa pagitan ng matagumpay na pagpasok sa Jerusalem at ng muling pagkabuhay. Halos kalahati ng Juan ay iniukol sa linggong ito. Ito ang climax kung saan nakaturo ang buong buhay at ministeryo ni Jesus. Sa araling ito, pag-aaralan natin ang huling linggo ng ministeryo ni Jesus sa lupa upang matutuhan natin ang mga leksiyon para sa ating buhay at ministeryo.
► Bago ipagpatuloy ang aralin, talakayin ang dalawang tanong:
Ano ang kahulugan ng pagpapako sa krus para sa akin, ayon sa theology at personal?
Ano ang kahulugan ng muling pagkabuhay sa akin, ayon sa theology at sa personal?
Mga Tugon kay Jesus: Ang Huling Linggo ng Pampublikong Ministeryo ni Jesus
Isa sa pangunahing binibigyang-diin ng mga ebanghelista ay ang tugon ng mga taong nakasalamuha ni Jesus. Halimbawa, sa simula ng buhay ni Jesus, ikinumpara ni Mateo ang pagsamba ng mga maggi sa tugon ni Herodes, na nagtangkang patayin ang kanyang karibal na Hari. Ikinumpara ni Juan ang patanong na tugon ni Nicodemus, isang rabbi na Judio, sa isang walang pinag-aralang Samaritana sa balon.
► Basahin ang Mateo 10:32-39.
Walang sinumang maaaring manatiling walang pinapanigan patungkol sa mensahe ni Jesus; maaari nating tanggapin ang kanyang mga inaangkin o maaari natin siyang tanggihan. Inilarawan ni Jesus ang kanyang ministeryo bilang isang espada na naghahati sa mga ito sa dalawang grupo. Ang mga pamilya ay nahahati dahil sa kanilang tugon kay Jesus; kahit ang sariling pamilya ni Jesus ay humarap sa pagsubok na ito.[1] Walang sinumang mananatiling walang pinapanigan.
Ang mga tugon na nagkakasalungatan kay Jesus ay naging mas dramatiko sa huling linggo ng kanyang ministeryo sa publiko. Ang pagsasalungatang ito ay nagpapatuloy hanggang sa krus mismo, kung saan ang dalawang magnanakaw ay talagang magkaiba ng tugon kay Jesus.
Mga Tugon sa Pagbuhay na Muli Kay Lazaro
►Basahin ang Juan 11:1-57.
Maging bago pa muling buhayin si Lazaro, ang mga lider ng relihiyon ay sumalungat na kay Jesus. Nang bisitahin ni Jesus ang templo sa panahon ng Pista ng Pagtatalaga sa simula ng taglamig, inakusahan siya ng mga lider na Judio ng paglapastangan sa Dios at tinangka siyang batuhin. Dahil hindi pa oras para sa kanyang sakripisyo, tumakas si Jesus at naglakbay patungong Jordan malayo sa sentro ng relihiyon ng Jerusalem.[2]
Nang dumating ang balita na namatay si Lazaro, nalalaman ng mga disipulo na mapanganib para kay Jesus na bumalik sa Judea. Madalas na tinutuligsa ng mga mambabasa ang pagiging mapag-alinlangan at kahinaan ng loob ni Tomas, subali’t ako’y na-impress ng kanyang pagiging matapat sa kanyang Panginoon. Inisip niya (na tama naman) na si Jesus ay papatayin sa Judea, subali’t si Tomas ay matapat. Nang ipilit ni Jesus na bumalik sa Judea, sinabi ni Tomas sa kanyang mga kapwa disipulo, “Pumunta rin tayo doon, upang tayo’y mamatay nang kasama niya.” Hindi alintana ang mga pag-aalinlangan ni Tomas sa mga sumunod na pagkakataon, hindi natin dapat kalimutan ang katapatan ng matatakuting disipulong ito. Nakakagulat ba na pagkatapos ng muling pagkabuhay, si Tomas ay namatay bilang isang martir dahil sa pagdadala ng Ebanghelyo sa India?
Sa isang maliit na pamayanan na tulad ng Betania, ang muling pagbuhay kay Lazaro ay hindi maaaring maitago. Walang paraan para sa mga lider ng relihiyon upang maitago ang ganun ka-dramatikong pangyayari. Ipinakikita ni Juan ang iba’t-ibang tugon sa himalang ito.
Ang Tugon ng mga Tao
Sa pagkalat ng balita ng muling pagbuhay kay Lazaro, ang publiko ay kumbinsido na ibabagsak ni Jesus ang Roma at muling itatatag ang trono ni David sa Jerusalem. Kumbinsido sila na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. “Sagayun, marami sa mga Judio, na sumama kay Maria at nakakita sa kanyang ginawa, ang naniwala sa kanya.”[3] Napakaraming naniwala kay Jesus kaya’t nasabi ng mga Pariseo na “Tingnan ninyo, sumunod na ang mundo sa kanya.”[4] Ito ang nakahikayat sa sigasig ng mga tao nang pumasok si Jesus sa Jerusalem sa isang asno.
Ang Tugon ng mga Lider ng Relihiyon
Ang muling pagbuhay kay Lazaro ay sumira sa anumang pagkakataon para sa mga lider ng relihiyon upang ipagsawalang-kibo ang pag-angkin ni Jesus na siya ang Mesiyas. Dahil ang mga tao ay bumaling kay Jesus, ang mga lider ng relihiyon ay may dalawa lamang na pagpipilian:
Tanggapin na si Jesus ay siya nga ayon sa kanyang inaangkin. Gayunman, ito ay nangangailangang isuko nila ang kanilang ambisyon para sa kapangyarihan. Kinondena na ni Jesus ang kanilang mapagpaimbabaw na ugali. Kapag tinanggap nila na si Jesus ang Mesiyas, mawawala ang kanilang posisyon bilang lider ng mga Judio.
Dakpin at patayin si Jesus. Kapag tumanggi silang tanggapin si Jesus bilang Mesiyas, kailangan nila siyang patayin.
Ipinagtanggol ng mga lider ng relihiyon ang kanilang pasya na patayin si Jesus bilang ito ang pinakamabuti para sa bansa. Tulad ng mahihinang lider sa buong panahon ng kasaysayan, sinikap nilang bigyang dahilan ang kanilang pasya. “Ano ang gagawin namin? Dahil ang taong ito ay gumagawa ng maraming tanda. Kapag hinayaan namin siyang magpatuloy nang ganito, maniniwala sa kanya ang lahat ng tao, at ang mga Romano ay darating at aalisin kapwa ang ating lugar at ang ating bansa.”[5]
Ang “ating lugar” marahil aa tumutukoy sa templo at ang ““ating bansa” ay tumutukoy sa mga kalayaang ipinahihintulot ng Roma sa mga Judio.[6] Bagaman ang Judea ay nasa ilalim ng kontrol ng Roma, ang mga Judio ay pinahihintulutang sumamba sa templo, magpatupad ng mga batas panrelihiyon, at sa pamamagitan ng Sanhedrin magkaroon ng sibil na pamahalaan. Ang lahat ng ito ay mawawala kapag ang Roma ay pumigil ng rebelyon.
Tiniyak ni Caiaphas sa Sanhedrin na mas mabuti na mamatay ang isang tao kaysa magdusa ang buong bansa.[7] Kabaligtaran dito, matapos patayin si Jesus, nagkatotoo ang mga ikinatatakot ng Sanhedrin. Apatnapung taon matapos mapatay si Jesus, pinigil ng Roma ang isang rebelyon ng mga Judio sa pamamagitan ng pagwasak sa templo, pag-aalis ng mga karapatan ng mga Judio, at ginawa ang lahat ng bagay na sinikap iwasan ni Caiaphas.
Dahil hindi nila maitago ang himala nang hindi sinisira ang lahat ng katibayan, nagpasya ang Sanhedrin na patayin kapwa sina Jesus at Lazaro upang “protektahan ang bansa.”[8] Hindi laging nakakakumbinsi ng hindi mananampalataya ang mga himala. Madalas nating iniisip na, “Kung ‘patutunayan’ lamang ng Dios ang kanyang sarili sa pamamagitan ng isang himala, ang lahat ay maniniwala.” Gayunman, maaari lamang patigasin ng himala ang isang di-madaling maniwala sa kanyang di-paniniwala.
Sa kuwento ng mayamang lalaki at ni Lazaro (hindi ang Lazaro na binuhay ni Jesus), ang mayamang lalaki ay nakiusap kay Abraham na suguin si Lazaro upang bigyang-babala ang kanyang mga kapatid. Sinabi ni Abraham, “Kung ayaw nilang pakinggan si Moises at ang mga Propeta, hindi rin sila maniniwala kahit pa may isang bumalik mula sa mga patay.”[9] Sapat na ang Kasulatan bilang patotoo sa katotohanan. Kung tatanggihan natin ang Kasulatan, kahit ibang ebidensiya ay hindi tayo kayang kumbinsihin.
Mga Tugon kay Jesus: Si Maria
►Basahin ang Mateo 26:6-13 at Juan 12:1-11.
Sa buong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, si Maria, na kapatid nina Lazaro at Martha, ay isa sa kanyang pinakadebotong tagasunod. Sa isang naunang kuwento, nagreklamo si Martha dahil si Maria ay naupong nakikinig kay Jesus samantalang si Martha ay nagsisilbi. Sa kuwentong iyon, pinuri ni Jesus si Maria na “pinili niya ang mas mabuti, na kailanman ay hindi aalisin sa kanya.”[10]
Kulang sa isang linggo bago siya mamatay, bumisita si Jesus at ang kanyang mga disipulo sa tahanan ni Simon na ketongin. Si Lazaro at ang kanyang mga kapatid ay inanyayahan upang sumama sa grupo. Habang kumakain, binuhusan ni Maria ng isang bote ng mamahaling pabango ang ulo at mga paa ni Jesus. Ang pabangong ito ay nagkakahalaga ng tatlong daang dinaryo, katumbas ng halos isang buong taong suweldo. Sa panahong iyon na wala pang bangko, ito marahil ang katumbas ng ipon ni Maria.
Nagalit ang mga disipulo na sinayang ni Maria ang gayun kalaking halaga ng pera,[11] subalit ang mahalaga kay Maria ay ang opinyon ng isang tao lamang, si Jesus. Kumilos siya dahil sa kanyang pagmamahal at naging bulag siya sa sasabihin ng ibang tao. Hindi mahalaga sa kanya kung magkano ang pabango at hindi rin mahalaga sa kanya kung ano ang iniisip ng ibang tao. Sinasamba niya ang kanyang Panginoon at wala nang iba pang mahalaga.
Nang magreklamo ang mga disipulo sa ginawa ni Maria, sinaway sila ni Jesus: “Hayaan ninyo siya…gumawa siya ng mabuting bagay para sa akin.”[12] Dahil nalalaman niyang ilang araw na lang at haharapin na niya ang krus, kinilala ni Jesus ang simbolo ng ginawa ni Maria: “Ginawa niya iyon bilang paghahanda sa aking libing.” Pinarangalan ni Jesus ang babaeng ito na nagbigay ng kanyang pinakamabuti sa isang di-makasarili at mapagmahal na pagsamba.
Sa ating pagbasa ng kuwento ni Maria na nagbuhos ng pabango kay Jesus, dapat din nating itanong, “Gaano ko ba kamahal si Jesus? Mas pinahahalagahan ko ba siya o ang sasabihin ng mga nagmamasid sa akin?” Tunay na minahal ni Maria si Jesus.
Tugon kay Jesus: Ang Matagumpay na Pagpasok
►Basahin ang Mateo 21:1-11 at Juan 12:12-19.
Sa araw ng Linggo, pumasok si Jesus sa Jerusalem sakay ng isang asno. Sa isang ordinaryong araw, walang kakaiba sa pangyayaring ito; isang gurong taga-Galilea na sinusundan ng isang maliit na grupo ng mga tagasunod at pumapasok sa Jerusalem para sa Pista ng Paskuwa. Subali’t ito ay hindi isang ordinaryong pagkakataon. Ang muling pagbuhay kay Lazaro ang bumago sa paglalakbay na ito para sa Paskuwa at naging isang pagpapahayag na panrelihiyon at pampulitika.
Binigyang pansin ni Mateo ang panrelihiyong kahulugan ng pagpasok ni Jesus sa Jerusalem. Ipinakikita ni Mateo na ang pagpasok ni Jesus ay katuparan ng propesiya ni Zacarias. Ang mga salita ng mga tao ay galing sa Awit 118, isang awit pamPaskuwa na naglalarawan sa matagumpay na pagpasok sa Jerusalem.[13] Ang prusisyong ito ay puno ng mga kahulugang pampulitika:
Inilatag ng mga tao ang kanilang balabal sa kalsada bilang pagpapasakop sa isang hari.[14]
Mula sa panahon ng Macabeo, ang mga dahon ng palma ay sumisimbolo sa tagumpay laban sa isang kalabang militar.[15]
Ang “Hosanna!” ay nangangahulugang “Iligtas mo kami,” isang panawagan para iligtas.
Ang “Anak ni David” ay isang royal at titulong para sa Mesiyas.
Naniwala ang mga tao na pumasok si Jesus sa Jerusalem upang ibagsak ang Roma at itatag ang kanyang kaharian. Ang kanilang matagal na paghihintay sa hari mula sa lahi ni David ay tapos na. Ang mga pangako ng mga propeta ay matutupad na.
Ilang araw lamang makalipas iyon, marami sa mga taong ito mismo ang sisigaw ng, “Ipako siya sa krus!” Bakit? Dahil ipinagbubunyi nila si Jesus sa maling dahilan.Naniwala sila na ibabagsak niya ang Roma, subali’t wala siyang intensiyon na manguna sa isang rebolusyong militar. Humahanap sila ng isang kahariang pampulitika, subali’t siya’y nagdadala ng esapirituwal na kaharian. Sa kanilang pagkabigo, tumalikod laban kay Jesus ang mga taong ito.
Nakapagpasya na ang mga miyembro ng Sanhedrin, mga makapangyarihan sa pulitika at matataas ang katungkulan sa lipunan, na patayin si Jesus; ang mga walang kapangyarihan ay tumalikod na sa kanya. Dahil nalalaman ni Jesus ang darating, tinangisan ni Jesus ang kapalaran ng lungsod na tatanggi sa kanya.[16] Tinawag natin iyong “ang matagumpay na pagpasok”; alam ni Jesus na iyon ang “landas patungo sa krus.” Binanggit ng mga tao ang Awit 118:26, “Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon!” Alam ni Jesus ang susunod na talata ng salmo, “Igapos ang handog sa mga sungay sa altar!”[17] Pumasok si Jesus sa Jerusalem bilang haing-handog at siya’y itatali sa “altar”, isang krus ng Romano.
Mas Malapit ng Pagtingin: Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos
► Basahin ang Marcos 11:12-25.
Ang bawat isa sa mga Buod na Ebanghelyo ay bumanggit sa kuwento ng pagsumpa ni Jesus sa isang puno ng igos na walang bunga sa kanyang huling linggo ng ministeryo sa publiko. Sinumpa ni Jesus ang puno ng igos araw ng Lunes nang siya’y dumating sa Jerusalem matapos magpalipas ng gabi sa Betania. Araw ng Martes, nakita ng mga disipulo na nalanta na ang puno sa loob lamang ng dalawampu’t-apat na oras.
Bagaman hindi “panahon ng igos” noon (Marcos 11:13), ang mga dahon ay nagpapahiwatig na dapat mayroong berdeng bunga ng igos sa puno. Ang bunga ng igos ay lumilitaw sandaling panahon lamang pagkatapos ng mga dahon. Kapag ang puno ay may mga dahon nguni’t walang maagang bunga, ang puno ay hindi na mamumunga sa buong taon.
Ang kuwentong ito ay isang “isinadramang talinhaga” tungkol sa kabiguan ng Israel na mamunga.[18] Ang Israel ay pinili ng Dios upang maging pagpapala sa mga bansa.[19] Sa halip, ipinahiya ng Israel ang pangalan ni Jehovah.
Ang templo ay dapat isang lugar para sa pananalangin “para sa lahat ng tao.”[20] Sa halip, ang templo ay naging isang “lungga ng mga magnanakaw,” kung saan ang mga mahihirap ay nililinlang ng mga makapangyarihang punong pari.
Walang bunga ang puno ng igos; ang Israel ay walang bunga. Tinanggihan ang puno ng igos; tatanggihan din ang Israel sa malapit na panahon.
Ang pagsumpa sa puno ng igos ay isa sa serye ng mensahe ng paghatol sa panahon ng mga huling araw ng ministeryo ni Jesus sa publiko:
Ang nakikitang talinhaga ng puno ng igos na walang bunga (Marcos 11:12-14, 20-25).
Ang paglilinis sa templo (Marcos 11:15-19).
Ang talinhaga ng di-matapat ng kasama sa bukid (Marcos 12:1-12).
Ang kontrobersiya sa mga lider ng relihiyon (Marcos 12:13-40).
Ihinula ni Jesus ang pagkawasak ng templo (Marcs 13:1-37).
Mga Tugon kay Jesus: Ang mga Lider ng Relihiyon
► Basahin ang Mateo 21:23-22:46.
Matapos muling buhayin si Lazaro, buo ang pasiya ng mga lider ng relihiyon na patayin si Jesus. Gayunman, naging mahirap iyong gawin dahil sa kanyang pagiging popular sa pangkaraniwang mga tao. Kailangan nilang humanap ng paraan upang pabulaanan si Jesus sa paningin ng mga tao. Sa mga araw matapos ang matagumpay na pagpasok ni Jesus, ang mga lider ng relihiyon ay nagsagawa ng serye ng mga komprontasyon sa templo. Sinisikap nilang bitagin si Jesus, subali’t paulit-ulit silang nabigo. Sa halip, pinanood ng mga tao kung paano paulit-ulit na ipinahiya ni Jesus ang mga lider ng relihiyon sa kanyang karunungan at pangangatwiran.
Una, hinamon ng “mga punong pari at matatanda” ang kanyang awtoridad upang linisin ang templo at magturo sa publiko. Tumugon si Jesus sa paghuli sa kanila sa tanong tungkol kay Juan Bautista.
Nagbigay si Jesus ng tatlong talinhaga na humatol sa mga lider ng relihiyon. Ang talinhaga ng dalawang anak na lalaki ay nagpakita na ang pagsunod, hindi lang ang pagsasabi, ang nagpapatunay sa relasyon sa kaharian ng Dios. Ang talinhaga ng masamang kasama sa bukid ay naglalarawan ng bunga ng pagtanggi kay Jesus bilang Mesiyas. Sa huli, ang talinhaga ng handaan sa kasalan ay nagpapahiwatig na ang mga lider ng relihiyon na inanyayahan sa handaan ay tinatanggihan na para palitan ng ibang tao na mukhang hindi karapat-dapat, gayunman ay tumugon sa paanyaya.
Matibay ang pagnanais na pabulaanan si Jesus, naghanda ang mga lider ng relihiyon ng serye ng mga tanong upang sikaping bitagin siya. Ang kanilang layunin ay hindi ang matutuhan ang katotohanan; ang kanilang layunin ay sirain si Jesus. Alam ni Jesus na hindi naman nila ninanais ang katotohanan, kaya’t hindi niya pinansin ang bawat isa sa kanilang mga tanong.
Matapos mabigong bitagin si Jesus, sumuko na ang mga lider. Tinapos ni Mateo ang bahaging ito sa pagpapakita ng kanilang kabiguan: “At walang sinumang nakasagot sa kanya, kahit isang salita, at mula sa araw na iyon walang sinumang nagtangkang magtanong sa kanya.”[21] Nagtapos si Marcos sa pagbanggit sa kaligayahan ng karaniwang tao na nakasaksi sa mga komprontasyong ito, “At ang napakaraming tao ay nakinig sa kanya nang may kagalakan.”[22]
► Bilang isang pastor o lider Kristiyano, madalas kang mahaharap sa mahihirap na katanungan. Paano mo mapipili ang isang sinserong pagtatanong sa isang nais lamang na bitagin ka? Paano magkakaiba ang iyong mga tugon sa dalawang klaseng pagtatanong? (Tingnan ang Kawikaan 26:4-5 para sa isang halimbawa ng pagkakaibang ito.)
Dalawampung taon matapos ang muling pag-akyat sa Langit ni Jesus, nagsimula si Pablo ng isang iglesya sa Corinto. Binubuo ang iglesyang ito ng mga bagong mananampalataya mula sa maraming iba’t-ibang pinagmulan. Kabilang sa iglesyang ito ang mga Judio na nakakaalam ng Kasulatang Hebreo at mga Hentil na walang anumang nalalaman tungkol sa tunay na Dios.
Ang iglesya sa Corinto ay nahahati ng di-pagkakasundo at banta ng mga maling katuruan. Sa pagtugon sa mga suliraning ito, ipinaalala ni Pablo sa mga taga-Corinto ang mensahe na una niyang ipinangaral. Ang mga unang mensahe ni Pablo sa lungsod na karamihan ay pagano ay nakatuon sa apat na pangyayari sa kasaysayan:
Namatay si Cristo dahil sa ating mga kasalanan.
Siya ay inilibing.
Siya ay muling nabuhay sa ikatlong araw.
Muli siyang napakita sa mga tao –kay Cephas, sa labindalawa, sa limandaang kapatiran sa isang pagkakataon, kay Santiago, sa lahat ng mga apostol, at sa huli kay Pablo.
Ang unang bahagi ng mensahe ni Pablo sa Corinto ay tungkol sa krus: “Si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan.” Ang mensahe ng krus ay pangunahin sa pananampalatayang Kristiyano.
Sa Lumang Tipan, ipinapatong ng taong nagdadala ng kordero upang ihandog bilang sakripisyo ang kanyang kamay sa ulo ng kordero bilang simbolo ng kanyang pakikiisa sa sakripisyong kamatayan. Sa pagpapatong ng kanyang kamay sa ulo ng kordero, ang sumasamba ay nagsasabi, “Ang korderong ito ay mamamatay sa aking lugar, bilang kapalit ko. Karapat-dapat akong mamatay dahil sa aking kasalanan.” Sa parehong dahilan, dapat din tayong mamatay dahil sa ating mga kasalanan, subali’t namatay si Cristo sa ating lugar. Nararapat tayong mamatay; namatay siya upang tayo’y magkaroon ng buhay.
Ang Pagdakip
►Basahin ang Mateo 26:1-5, 14-56.
Sa araw ng Miyerkoles ng Linggo ng Pasyon, ihinula ni Jesus ang kanyang kamatayan “pagkatapos ng dalawang araw.” Pinaplano ng Sanhedrin na arestuhin si Jesus kapag nakaalis na ang mga tao sa lunsod pagkatapos ng Paskuwa, mga siyam na araw mula sa oras na kanyang ihinula. Gayunman, nang ialok ni Judas na ipagkanulo ang kanyang Panginoon, nagpasya silang arestuhin si Jesus habang mayroon pa silang pakikiisa ng isa sa kanyang mga tagasunod.[1]
Bakit kailangan ng mga punong pari si Judas? Alam nila kung sino si Jesus at kung saan siya matatagpuan. Nagtuturo siya sa templo araw-araw. Ang pangunahing gagawin ni Judas ay hindi ang kilalanin si Jesus sa mga opisyal na aaresto; ang pangunahing gagawin niya ay ang maging saksi labang kay Jesus sa paglilitis. Para sa anumang capital crime, ang batas Romano ay nangangailangan ng saksi. Sa pagkakanulo kay Jesus, sumasang-ayon si Judas na maging saksi. Pagkatapos ng pag-aresto, “nagbago ng isip” si Judas at nawala ang pangunahing saksi ng mga lider na Judio laban kay Jesus.[2]
Matapos nilang magsalo sa hapunang pamPaskuwa kasama ng mga disipulo, nagtungo si Jesus sa garden ng Getsemane upang manalangin. Sa pagharap sa pisikal na paghihirap sa krus at sa espirituwal na pighati ng pagkawalay sa Ama, nanalangin si Jesus, “Aking Ama, kung maaari, alisin mo ang sarong ito sa akin; gayunman, hindi ayon sa aking kalooban, kundi ang kalooban mo ang masunod.” Kahit sa pinakamatinding pagsubok, nagpasakop si Jesus sa kalooban ng Ama.
Nang gabing iyon, dumating si Judas kasama ang “maraming tao” upang dakpin si Jesus.[3] Matapos tukuyin ni Judas si Jesus sa pamamagitan ng isang halik, nagsalita si Jesus sa mga sundalo. “Nang sabihin ni Jesus sa kanila, ‘Ako nga siya’, sila’y umatras at dumapa sa lupa.”[4] Ang malaking grupong ito ng mga sundalo ay natatakot sa lalaking may kapangyarihan sa kamatayan.[5] Si Jesus, hindi ang kanyang mga kaaway ang may kontrol! Isinulat ni Octavius Winslow, isang mangangaral ng ika-labinsiyam na siglo, “Sino ang nagbigay kay Jesus upang mamatay? Hindi si Judas, para sa pera. Hindi si Pilato, dahil sa takot. Hindi ang mga Judio, dahil sa inggit. Kundi ang Ama, dahil sa pag-ibig!”[6]
Ang Paglilitis
►Basahin ang Mateo 26:57-27:26; Lucas 22:54-23:25; Juan 18:12-19:16.
Ang paglilitis kay Jesus ay kapwa paglilitis ng Judio at paglilitis na Romano. Ang batas ng Judio ang pinakamakatao sa lahat ng sistemang legal sa sinaunang panahon; ginagawa ng batas ng Judio ang lahat ng magagawa upang panatilihin ang buhay. Ang batas ng Romano ay kilala sa mga istriktong mga panuntunan at pagiging komprehensibo. Ito ang dalawang pinakamabuting sistemang legal ng sinaunang mundo, subali’t hindi nito napigilan ang mga makasalanan sa pagpatay sa Anak ng Dios.
Sa loob ng panahon matapos dakpin si Jesus, siya’y naiharap sa anim na pagdinig o paglilitis. Kabilang dito ang panrelihiyong paglilitis ng mga Judio at ang sibil na paglilitis ng mga Romano. Ipinakita ng mga historyador na ang paglilitis ng mga Judio ay illegal ayon sa batas ng mga Judio. Sa kanilang pagmamadali na hatulan si Jesus, ang Sanhedrin ay:
Nagsagawa ng paglilitis sa gabi (illegal)
Hindi gumawa ng pormal na sumbong bago dakpin si Jesus (illegal)
Hindi pinahintulutan si Jesus na tumawag ng mga saksi para siya ipagtanggol (illegal)
Minadali ang paglilitis na mas mabilis kaysa itinatakda ng batas ng Judio (illegal)
Kabalintunaan, ang lahat ng ito ay naganap upang maipapako nila si Jesus at ang kanyang katawan ay maialis sa krus bago ang Paskuwa. Pinatay nila ang Kordero ng Dios upang makain nila ang kordero ng Paskuwa sa tamang oras!
Ang Sunod-sunod na Paglilitis
(1) Ang pagdinig na Judio sa harap ni Annas (Juan 18:12-14, 19-23)
Itinalaga si Annas bilang punong pari habangbuhay. Kahit matapos palitan ng mga Romano si Annas ng kanyang manugang na si Caifas, karamihan sa mga Judio ang nagpatuloy sa pagtawag kay Annas sa titulong “Punong Pari”. Hindi opisyal ang unang pagdinig na ito sa harap ni Annas. Wala itong kasamang mga paratang o mga saksi.
(2) Pagdinig na Judio sa harap ng Sanhedrin (Mateo 26:57-68)
Ang unang pagdinig sa harap ng buong Sanhedrin marahil ay ginawa sa maagang oras na ika-dalawa ng umaga. Bagaman hindi sila maaaring magsagawa ng legal na paglilitis bago sumikat ang araw, nais ng mga lider na Judio na kumilos nang mabilis. Bagaman ang isang pormal na paglilitis sa gabi ay illegal, nagdaos ng hindi pormal na pagdinig ang Sanhedrin kung saan hinatulan si Jesus ng paglapastangan sa Dios/pamumusong at ipinasiya nilang dapat sa kanya ang hatol na kamatayan.
(3) Formal na paglilitis na Judio sa harap ng Sanhedrin (Lucas 22:66-71)
“Nang mag-umaga na,” nagdaos ng isang pormal na paglilitis ang Sanhedrin. Sa paglilitis na ito, opisyal na hinatulan ng Sanhedrin si Jesus ng paglapastangan sa Dios/pamumusong.
(4) Unang paglilitis na Romano sa harap ni Pilato (Lucas 23:1-5; Juan 18:28-38)
Hindi binigyan ng Roma ang Sanhedrin ng awtoridad na pumatay ng mga kriminal.[7] Upang makuha ang sentensiya ng kamatayan mula kay Pilato, binago ng mga lider na Judio ang kanilang paratang mula sa pangrelihiyong paratang na paglapastangan sa Dios/pamumusong, ginawa nilang isang paratang na pampulitika ng pagpapasimula ng rebelyon. Inakusahan nila si Jesus ng “pagliligaw sa ating bansa at pagbabawal sa atin na magbayad ng buwis kay Caesar, at pagsasabi na siya mismo si Cristo, ang hari.”
Sa panahon ng Paskuwa, hindi maaaring pumasok ang mga Judio sa alinmang gusali sa takot na maging marumi at pagbawalang kumain ng pagkaing pamPaskuwa. Dahil hindi sila makapasok sa palasyo, idinaos ni Pilato ang pagdinig sa daanan sa labas ng pinto ng palasyo.
(5) Paglilitis na Romano sa harapan ni Herod Antipas (Lucas 23:6-12)
Alam ni Pilato na walang kasalanan si Jesus, subalit ayaw naman niyang pagalitin ang mga lider na Judio. Nang marinig niya na si Jesus ay “hinihikayat ang mga tao, nagtuturo sa buong Judea, mula sa Galilea hanggang sa lugar na ito,” nagpasiya si Pilato na mayroon siyang paraan upang tumakas sa dilemmang ito. Si Herod Antipas na namamahala sa Galilea, ay nasa Jerusalem. (Sa linggo ng Paskuwa, ang bawat opisyal na Romano sa Palestina ay nagtutungo sa Jerusalem upang tumulong kung sakaling mayroong pag-aalsa). Ipinadala ni Pilato si Jesus kay Herodes, subali’t tumanggi si Herodes na mamagitan.
(6) Ang Huling Romanong Paglilitis sa Harapan ni Pilato (Mateo 27:15-26; Lucas 23:13-25; Juan 18:39-19:16)
Nang ibalik si Jesus sa kanyang korte, humanap si Pilato ng ibang solusyon. Alam ni Pilato na inosente si Jesus. “Matapos ko siyang suriin sa inyong harapan, narito, hindi ko natagpuang may kasalanan ang taong ito sa alinman sa inyong mga paratang laban sa kanya.”[8] Ayaw ni Pilato na hatulan ng kamatayan si Jesus, wala itong kasalanan.
Nang magbanta ang mga lider na irereport nila siya kay Cesar dahil sa kawalang katapatan, pinagbigyan ni Pilato ang kanilang kahilingan. Mahinang tagapamuno si Pilato. Sa isang naunang usapin, pinahintulutan ni Pilato ang mga kawal na pumasok sa Jerusalem dala ang imahen ng emperador. Isang grupo ng mga Judio ang nagprotesta sa labas ng palasyo ni Pilato sa loob ng limang araw. Nang pagbantaan niyang papatayin ang mga nagpoprotesta, inihayag nila na mas gugustuhin nilang mamatay kaysa pahintulutan ang imahen ni Cesar sa loob ng Banal na Lunsod. Napilitang umatras si Pilato.
Dahil sa karanasang ito, natatakot si Pilato sa mga Judio. Dagdag pa sa rito, ang kanyang nakatataas na opisyal sa Roma, si Sejanus, ay hindi nagtitiwala sa kakayahan ni Pilato na pigilin ang mga tao sa Judea. Nang pagbantaan nilang isusumbong siya kay Cesar kapag pinalaya niya si Jesus, “ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang ipapako.”[9] Hinatulan ni Pilato ng kamatayan si Jesus hindi dahil naniniwala siyang may kasalanan si Jesus, kundi dahil sa kanyang sariling kahinaan.
Sa panahon ng paglilitis, Itinatwa ni Pedro si Jesus.
Sa hapunang pamPaskuwa, binigyang babala ni Jesus si Pedro, “Tunay na sinasabi ko sa iyo, bago tumilaok ang manok, itatatwa mo ako ng tatlong beses.”[10] Gayun nga, sa panahon ng paglilitis kay Jesus, tatlong beses na itinatwa ni Pedro si Jesus.
Sa ating pagbasa sa nakahihiyang pagbagsak ni Pedro, dapat nating tandaan na hindi lamang si Pedro ang bumigo kay Jesus sa gabing iyon. Tanging sina Pedro at Juan ang dumalo sa paglilitis. Ang ibang disipulo ay tumakbo palayo dahil sa takot.
Malinaw, mahal ni Pedro si Jesus. Kaya’t bakit siya bumagsak? Nauna rito, pinag-aralan natin ang pagtukso kay Jesus upang matutuhan ang mga leksiyon sa pagharap sa tukso. Mula sa pagbagsak ni Pedro, makikita natin ang tatlong babala upang tulungan tayo kapag tayo’y tinutukso. Dalawang katangian ang naging dahilan ng pagbagsak ni Pedro:
(1) Sobrang tiwala sa sarili
Nang bigyang babala ni Jesus si Pedro tungkol sa pag-atake ni Satanas, nagyabang si Pedro, “Kahit pa kailangan kong mamatay nang kasama ninyo, hindi ko kayo itatatwa!”[11] Kapag tayo’y sobrang tiwala sa sarili, nanganganib tayong bumagsak. Nabubuhay tayo ng matagumpay na buhay Kristiyano tanging sa kapangyarihan lamang ng Espiritu. Ang sobrang tiwala sa sarili ang unang hakbang sa espirituwal na kabiguan.
(2) Kawalan ng panalangin
Sa Garden, binigyang babala ni Jesus ang kanyang mga disipulo, “Manalangin kayo nang hindi kayo mahulog sa tukso.”[12] Sa halip na manalangin para sa kalakasan upang harapin ang padating na pagsubok, si Pedro ay natulog.
Ang kawalan ng pananalangin ay siguradong humahantong sa espirituwal na kabiguan. Imposible na panatilihin ang matagumpay na buhay Kristiyano nang hiwalay sa isang malusog na buhay panalangin. Sinisikap ni Satanas na ilagay ang mga manggagawang Kristiyano sa maraming gawain hanggang sa wala na tayong panahon para manalangin. Alam niya na kapag tayo’y labis na abala upang manalangin, hindi magtatagal at tayo’y babagsak.
► Lumingon ka sa kabuuan ang iyong buhay Kristiyano at ministeryo. Isipin mo ang mga pagkakataon na ikaw ay bumagsak sa tukso, o muntik nang bumagsak sa kasalanan. Ano- ano ang mga naging dahilan ng pagbagsak? Nakararanas ka ba ng tagumpay sa ministeryo na nauwi sa sobrang tiwala sa sarili? Naging labis ka bang abala at nabigo kang mag-ukol ng sapat na oras sa pananalangin? Mayroon pa bang ibang bagay na maaaring magsilbing babala o paalala para sa hinaharap?
Sa panahon ng Paglilitis, Nagpakamatay si Judas.
Agad, pagkatapos ng kuwento ng pagtatatwa ni Pedro, ikinuwento naman ni Mateo ang pagbibigti ni Judas. Nang makita niya ang bunga ng kaniyang pagkakanulo, “nagbago ang isip ni Judas at ibinalik ang tatlumpung pirasong pilak sa punong pari at sa matatanda, at sinabing, “Ako’y nagkasala nang ipagkanulo ko ang isang taong walang kasalanan.”[13] Inihagis ni Judas sa sahig ng templo ang salaping pilak na ibinayad sa kanyang pagkakanulo at “lumabas at nagbigti ng sarili.”[14] Pinili ni Judas ang magpakamatay sa halip na habang buhay na sumbat ng budhi.
Ang mga kuwento ni Mateo ay naglagay ng magkatabi sa pagsisisi ni Pedro at ang kalungkutan sa kasalanan ni Judas. Nanghinayang kapwa sa kanilang ginawa sina Pedro at Judas. Gayunman, para kay Judas, gumamit si Mateo ng salitang naghahayag ng ideya ng pagbabago ng isip, hindi ang karaniwang salita para sa tunay na pagsisisi.[15] Mahalaga ang pagkakaibang ito sa pag-unawa sa tugon ng mga tao kapag iminumulat sila sa kasalanan.
Isinulat ni Pablo ang pagkakaiba ng remorse (lungkot dahil sa resulta ng kasalanan) at pagsisisi (kalungkutan para sa kasalanan mismo at ang pagbabago ng direksiyon). Isinulat ng apostol: “Sapagkat ang kahapisang nagmumula sa Dios ay nagbubunsod sa inyo upang magsisi at magbago sa inyong ikaliligtas. Ngunit ang kahapisang galing sa sanlibutan ay humahantong sa kamatayan.”[16]
Ang “maka-Dios na kalungkutan” ay nagbubunga ng tunay na pagsisisi, na humahantong sa kaligtasan at buhay. Ang “kalungkutan mula sa sanlibutan” ay nagbubunga ng remorse/lungkot dahil sa kasalananna humahantong lamang sa guilt at kamatayan. Kapwa nalungkot sina Pedro at Judas, ngunit si Pedro lamang ang tunay na nagsisi.
Nakita ni Judas ang bunga ng kanyang pagtataksil at pinili niya ang kamatayan kaysa sa kahihiyan at sumbat ng budhi; nakaramdam siya ng kalungkutan dahil sa kanyang kasalanan subali’t hindi siya nagsisi. Nakita ni Pedro ang resulta ng kanyang pagkakamali at pinili niya ang tunay na pagsisisi. Ang resulta ng kalungkutan ni Judas ay kamatayan; ang resulta ng pagsisisi ni Pedro ay habambuhay na mabungang ministeryo.
►Nakakita na ba kayo ng taong nakaramdam ng kalungkutan dahil sa kasalanan, subali’t hindi tunay na nagsisi? Ano ang nangyari? Sa ating pangangaral, paano natin madadala ang tao sa tunay na pagsisisi?
Ang Judea ay isang mahirap na lugar para matalaga ang isang Romanong kawal. Kinamumuhian ng mga tao ang mga kawal na Romano at ang mga Zealots ay nagplano na patayin sila. Sa panahon ng Paskuwa, ang hukbo ay inilalagay sa patuloy na alerto para sa mga pag-aalsa. Wala nang mas mahirap pang assignment para sa isang kawal. Kapag ang isang Judiong bilanggo ay nahatulan ng kamatayan, inilalabas ng mga kawal ang kanilang pagkamuhi sa taong nahatulan.
Ang ginawa nila kay Jesus—ang pagbugbog, pag-alipusta, ang koronang tinik—ay nagpapakita ng kalupitan ng mga matigas ang pusong mga kawal na namumuhi sa kanilang takdang gawain, na namumuhi sa mga tao sa kanilang paligid, at nasisiyahang magparusa sa isang taong hindi makakalaban sa kanila. Ang lahat ng ito ay tiniis ni Jesus nang wala man lang isang salita ng pagkagalit sa mga kawal na ito.
Maraming manunulat ang nag-aral sa kuwento ng pagpapako sa krus sa pamamagitan ng pagtingin sa pitong pangungusap ni Jesus mula sa krus. Ang mga huling salita ng isang tao ay nagpapakita kung ano ang mahalaga para sa taong iyon. Sa pagharap niya sa kamatayan, ano ang sinabi ni Jesus?
Mga Salita ng Pagpapatawad
Nang ipako nila siya sa krus, nanalangin si Jesus, “Ama, patawarin mo sila, pagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”[18] Hanggang sa wakas, ipinakita niya ang pag-ibig at pagpapatawad.
Para sa isang magnanakaw na nararapat lamang na mamatay, ipinangako ni Jesus, “Tunay, sinasabi ko sa iyo, sa araw na ito isasama kita sa paraiso.” [19]
Mga Salita ng Pagkahabag
Itinalaga ni Jesus si Juan upang siyang mag-alaga sa kanyang ina nang sabihin niya, “Ginang, narito ang iyong anak!”, at kay Juan, “Narito ang iyong ina!”[20] Mas maaga rito, itinuro ni Jesus na ang pinakamalalim na kaugnayan sa pamilya ay espirituwal. “Narito ang aking ina at mga kapatid na lalaki! Dahil kung sinuman ang tumutupad sa kalooban ng aking Ama sa langit ay siya kong mga kapatid at ina.”[21]
Sa oras ng kanyang kamatayan, ang mga pisikal na kapatid-sa-ina ni Jesus ay mga hindi mananampalataya; hindi sila bahagi ng kanyang espirituwal na pamilya. Kaya’t ipinagbilin niya ang kanyang ina sa pangangalaga ng isang espirituwal na kapatid, si Juan, ang Minamahal.
Mga Salita ng Pisikal na Pagdurusa
Ang pagiging Anak ng Dios ay hindi nagligtas kay Jesus mula sa pisikal na pagdurusa sa krus. Dinanas niya ang lahat ng pisikal na paghihirap ng isang kriminal na hinatulan ng kamatayan. Matapos ang maraming oras nang walang tubig sa matinding sikat ng araw, sumigaw si Jesus, “Ako’y nauuhaw.”[22]
Mga Salita ng Espirituwal na Pagdurusa
Itinala nina Mateo at Marcos ang isa lamang sa mga salita, subali’t ito na marahil ang pinakanakakawasak ng pusong mga salita mula sa krus: “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?”[23]
Tunay na ang pinakamatinding pagdurusa ni Jesus ay ang mawalay sa kanyang Ama. Ang Ama at ang Anak ay nabuhay sa isang hindi napuputol na pagsasama mula pa sa walang hanggan. Ngayon dahil pinasan niya ang ating mga kasalanan, si Jesus ay nahiwalay sa Ama.
Doon sa krus, “ibinilang siyang makasalanan ng Dios, siya na walang kasalanan, upang sa pamamagitan niya tayo’y maging matuwid sa harapan ng Dios.”[24] Sa Isaias 53, nagsalita ang propeta tungkol sa “nagdurusang Alipin” na magpapasan ng ating mga kasalanan.[25] Ipinapakita ni Pablo ang pamalit na pagbayad-utang na ito ay natupad sa krus.
Si Jesus ay naging kasalanan para sa atin “upang sa pamamagitan niya tayo’y maging katuwiran ng Dios.” Hindi na tayo nabubuhay sa pagkaalipin ng kasalanan; sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus, tayo ay ginawang matuwid. Hindi lamang sinasabi ni Pablo na “sa kanya” tayo ay tinatawag na matuwid. Sa halip, “sa kanya tayo ay magiging katuwiran ng Dios.” Sa pamamagitan ng ginawa ni Cristo sa krus, isang tunay na pagbabagong-anyo ang nagaganap. Si Cristo ay naging kasalanan upang tayo’y maging matuwid.
Mga Salita ng Pagsuko
“Ama ko, sa iyong mga kamay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!”[26] Sa buong buhay niya, si Jesus ay nabuhay sa matapat na pagpapasakop sa Ama. Sa pagharap sa krus, ipinanalangin niya, “Hindi ang aking kalooban, kundi ang iyong kalooban.”[27] Ngayon ibinigay niya ang huling pangungusap ng pagpapasakop sa kalooban ng Ama.
Mga Salita ng Pagtatagumpay
“Naganap na.”[28] Sa sigaw na ito ng tagumpay, ipinapahayag ni Jesus na natupad na niya ang gawain na ipinagagawa sa kanya ng Ama. Bayad na ang kabayaran sa kasalanan; nagapi na si Satanas. Ang pagbabayad-utang na ipinapahiwatig ng mga kordero sa Lumang Tipan at ipinangako sa Isaias 53 ay natupad na.
Ang Paglilibing
► Basahin ang Mateo 27:57-61.
Sa mensahe ni Pablo sa mga taga-Corinto, ipinangaral ni Pablo na si Jesus ay “namatay para sa ating mga kasalanan” at “siya’y inilibing.”[29] Para kay Pablo at sa unang iglesya, mahalaga ang paglilibing.
Maraming mga ginagawa sa kasalukuyan sa Linggo ng Pasyon ang kumikilos nang diretso mula sa Biyernes Santo patungo sa Linggo ng Pagkabuhay. Subali’t para sa marami sa kasaysayan ng iglesya, ang “Sabado de Gloria” ay kinikilala bilang isang mahalagang bahagi ng Pagbabantay sa Muling Pagkabuhay. Ano ang kahalagahan ng paglilibing?[30]
Kahalagahan ayon sa Kasaysayan
Ang paglilibing ay nagpapakita na si Jesus ay tunay ngang patay. Kabaligtaran sa inaangkin ng mga Islam na si Jesus ay nasa “matinding pagtulog”/ “swoon” kung saan pagkatapos siya ay nagising. Ang paglilibing ay nagpapatunay na siya nga ay tunay na patay. Alam na alam ng mga Romano kung paano papatayin ang isang hinatulang bilanggo. Hindi nila ibababa mula sa krus ang isang tao malibang ito ay patay na.
Dagdag pa rito, ang mabigat na bato at ang mga kawal ang tumiyak na walang sinumang makakatakas mula sa libingan. Kahit pa kung ang mga kawal na Romano ay nagkamaling ilibing si Jesus bago pa siya namatay, hindi maaaring mangyari na ang isang tao na nagdusa ng mahabang oras sa krus ay makakawala sa damit panglibing, maitutulak ang mabigat na bato, at matatalo ang isang grupo ng mga propesyonal na mga kawal. Ang paglilibing ay nagpatotoo sa katotohanang pangkasaysayan na patay nga si Jesus na taga-Nazareth.
Kahalagahan ayon sa Propesiya
Sa pagsulat tungkol sa korderong dinala sa katayan, inihula ni Isaias na “Iginawa nila siya ng libingan kasama ng mga masasama at kasama ng isang mayamang lalaki sa kanyang kamatayan.”[31] Ang paglilibing kay Jesus ay katuparan ng propesiya tungkol sa Mesiyas.
Matapos mamatay si Jesus, nagpunta si Jose na taga-Arimatea kay Pilato upang hingin ang katawan. Si Jose ay miyembro ng Sanhedrin, subalit hindi siya sumang-ayon sa paghahatol ng kamatayan kay Jesus. Kahit pagkatapos na ang karamihan sa mga lider ay tumalikod laban kay Jesus, mayroon pa ring “naghahanap sa kaharian ng Dios.” Si Jose ay isa sa mga sikretong disipulo. Inilibing nila ni Nicodemo ang katawan ni Jesus sa libingan ni Jose.[32]
Isipin ninyo ang lakas ng loob na kailangan dito. Pagkatapos na kahit ang mga disipulo ay iniwan si Jesus, si Jose ay lumantad upang makiisa sa isang hinatulang kriminal. Sa ginawa niyang ito, inilagay niya sa panganib ang kanyang posisyon sa Sanhedrin at sa kanyang kalagayan sa komunidad. Malamang na siya’y inalis sa kanyang posisyon sa Sanhedrin bilang kapalit ng kanyang hayagang pakikiisa kay Jesus.
Dagdag pa rito, hinamon ni Jose ang galit ni Pilato. Bihirang pinahihintulutan ng mga opisyal na Romano na ang mga kaibigan o kamag-anak ang siyang maglibing sa katawan ng sinumang nahatulan ng kamatayan sa krus. Ang katawan ay iniiwan sa nakikita ng publiko upang magsilbing babala sa ibang kriminal. Ang pagpapahintulot ni Pilato ay isa pang ebidensiya na alam ni Pilato na inosente si Jesus sa anumang krimen.
Kahalagahan Ayon sa Theology
Itinumbas ni Pablo ang ating bautismo sa paglilibing kay Jesus:
“Alam ba ninyo na tayong lahat na binawtismuhan kay Cristo Jesus ay binawtismuhan din sa kanyang kamatayan? Tayo’y inilibing samakatuwid kasama niya sa bawtismo hanggang sa kamatayan, upang, kung paanong si Cristo ay muling binuhay mula sa mga patay sa kaluwalhatian ng Ama, tayo rin ay makakalakad sa isang bagong buhay.”[33]
Ang paglilibing ay pagpapatotoo sa publiko sa kamatayan ni Jesus. Sa parehong paraan, ang bawtismo ay isang pampublikong pagpapatotoo sa ating pakikiisa sa kamatayan ni Jesus. Sa bawtismo, tayo ay ipinapahayag na mga patay na sa ating lumang paraan ng pamumuhay.[34]
Ang paglilibing ang huling hakbang sa pagkilala sa kamatayan ng isang tao. Sa Kanluran, ang mga nakikiramay ay naghahagis ng lupa sa nakabaon na ataul upang kilalanin na ito na ang huling huling “paalam” dito sa lupa. Binibigyang-diin ni Pablo ang katapusan ng ating kamatayan sa kasalanan. Dahil si Cristo ay patay, tayo ay patay na sa kasalanan. Ang pagbabalik sa kasalanan matapos na tayo’y ilibing kasama ni Cristo ay tulad ng paghukay uli sa isang bangkay. Tayo ay inilibing kasama ni Cristo; hindi na tayo nabubuhay sa kasalanan.
Ang Muling Pagkabuhay
Nangaral si Pablo sa Corinto tungkol sa krus; namatay si Cristo dahil sa ating mga kasalanan at siya’y inilibing. Pagkatapos, nangaral si Pablo tungkol sa muling pagkabuhay. Si Cristo ay muling binuhay sa ikatlong araw at nagpakita sa maraming saksi.[35] Ang muling pagkabuhay ay pangunahin sa pananampalatayang Kristiyano.
► Basahin ang Mateo 27:62-28:15.
Ang Mateo 27:62-66 ay isa sa aking mga paboritong tagpo sa kuwento ng Muling Pagkabuhay. Una rito, nang hilingin ng mga lider ng relihiyon kay Pilato na baguhin ang nakasulat sa krus, siya ay tumanggi. Ipinako niya si Jesus sa ilalim ng isang kumukutyang karatula na nagsasabing, “Jesus ng Nazareth, ang Hari ng mga Judio.”[36]
Pagkatapos ng pagpapako sa krus, muling pumunta ang mga lider ng relihiyon kay Pilato, na humihingi ng bantay na Romano upang bantayan ang libingan.
“Ginoo, naaalala namin kung paano sinabi ng mapagpanggap na iyon, noong siya’y nabubuhay pa, ‘Pagkatapos ng tatlong araw ako’y muling mabubuhay.’ Kaya pabantayan po ninyong mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw. Kung hindi, maaaring dumating ang kanyang mga disipulo, nakawin ang bangkay at sabihin sa mga tao, ‘Siya’y muling nabuhay mula sa mga patay.’ At ang pandarayang ito ay magiging mas masahol pa kaysa sa una.”
Sinabi ni Charles Spurgeon na muling kinukutya ni Pilato ang mga lider na Judio nang siya’y sumagot, “‘Kumuha kayo ng mga kawal at pabantayan ninyong mabuti ang libingan.’ Subali’t kung tunay ngang siya ang Mesiyas, wala kayong magagawa upang panatilihin siya sa libingan!”
Tunay nga bang natatakot ang mga lider na nanakawin ng mga disipulo ang bangkay? Marahil hindi. Nakita nila ang mga disipulo na tumakbo dahil sa takot; alam nila na kulang sa tapang ang mga disipulo upang nakawin ang katawan. Kung ito ang kanilang ikinatatakot, maaaring ipadakip ng Sanhedrin ang mga disipulo. Hindi banta ang mga disipulo.
Kaya’t bakit sila humingi ng bantay? Natatakot sila na gawin ni Jesus ang mismong ipinangako niya. Nakita na nila ang kanyang kapangyarihan higit sa kamatayan nang muling buhayin si Lazaro. Ipinahayag na ni Jesus na siya’y bubuhaying muli mula sa mga patay. Kahit na ang mga disipulo ay labis na nagulat nang maunawaan ang prediksiyon ni Jesus, nauunawaan ng nga lider na Judio ang kanyang ibig sabihin—at sila ay natatakot!
Sa pahintulot ni Pilato, kanilang nilagyan ng tatak ang libingan at naglagay ng mga bantay mula sa grupong dumakip kay Jesus sa garden. Bigla:
“Biglang lumindol nang malakas sapagkat bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon. Iginulong nito ang batong nakatakip sa libingan at umupo sa ibabaw niyon. Ang kanyang mukha ay nakasisilaw na parang kidlat at puting-puti ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga bantay nang makita ang anghel at sila’y nabuwal na parang mga patay.”
Nabuhay nang muli si Jesus!
► Basahin ang Juan 20:1-29.
Itinala ng mga Ebanghelyo ang maraming pagpapakita ni Jesus matapos na siya’y muling mabuhay. Nagpakita siya sa maraming tao sa maraming iba’t ibang pagkakataon.
Ang mga hindi madaling maniwala ay nangangatwiran, “Ang mga babae sa libingan ay hallucinating. Nakita nila ang inaasahan nilang makita.” Gayunman, ang mga saksing ito ay hindi umaasa na makikitang buhay si Jesus; alam nila na siya ay patay. Hindi pa nila nauunawaan ang mga propesiya ng kanyang muling pagkabuhay.[37] Kahit nang sabihin ng mga unang saksi na nakita nila si Jesus, ang ibang disipulo ay nag-alinlangan pa rin.[38] Hindi nila inasahan na si Jesus ay muling mabubuhay mula sa mga patay.
Unti-unti, sa pamamagitan ng pagpapakita kay Maria Magdalena[39], sa dalawang disipulo na naglalakad patungo sa Emmaus,[40] sa Labindalawa,[41] at maging sa isang grupo ng limang daan,[42] naunawaan ng mga tagasunod ni Jesus na tunay ngang siya’y muling nabuhay. Ang unang iglesya ay nagsisimula ng pagsamba sa mga salitang, “Siya ay buhay. Siya ay tunay na muling nabuhay!”
“Bantayan ninyong mabuti ang libingan,” ang utos ni Pilato. Nalaman niya pagkatapos na walang tagapamuno sa mundo ang makatatalo sa kapangyarihan ng muling pagkabuhay ni Jesus. Siya ay muling nabuhay. Tunay ngang siya’y muling nabuhay!
[1] “Siya ba ay pinahirapan?
Iyon ay upang sa pamamagitan ng kanyang mga latay tayo ay gumaling.
Siya ba ay hinatulan, kahit walang kasalanan?
Iyon ay upang tayong pawalang-sala, kahit may kasalanan.
Siya ba ay nagsuot ng koronang tinik?
Iyon ay upang magsuot tayo ng korona ng kaluwalhatian.
Siya ba ay hinubaran ng kanyang kasuutan?
Iyon ay upang tayo’y suutan ng walanghanggang katuwiran.
Siya ba ay tinuya at hinamak?
Iyon ay upang tayo’y parangalan at pagpalain.
Siya ba ay itinuring na gumawa ng kasamaan, at ibinilang sa mga makasalanan?
Iyon ay upang ituring tayong walang kasalanan, at pinawalang-sala sa lahat ng kasalanan.
Siya ba ay ipinahayag na walang kakayahang iligtas ang kanyang sarili?
Iyon ay upang lubusan niyang mailigtas ang iba.
Namatay ba siya sa wakas, at iyon ang pinakamasakit at pinakanakakahiyang kamatayan? Iyon ay upang tayo’y mabuhay magpakailanman, at papurihan sa pinakamataas na kaluwalhatian.”
- Si Bishop Ryle
[3] Tinukoy sa Juan 18:3 ang grupong ito bilang isang “samahan” o “cohort” ng mga sundalo. Ang isang Romanong cohort ay karaniwang binubuo ng 600 na lalaki.
[5] “Hindi hinanap ni Jesus sa kanyang pagiging Dios ang kaginhawahan mula sa paghihirap bilang tao; nanganlong siya sa pananalangin.”
- Sinipi kay T.B. Kilpatrick
[6] Hinango sa TheMessage of Romans ni John Stott, (Westmont, Illinois: InterVarsity Press, 1994), 255.
[17] “O Pag-ibig ng Dios, Ano ang iyong ginawa!
Ang walang-hanggang Dios ay namatay para sa akin!
Ang katulad na walanghanggang Anak ng Dios Ama Pinasan ang lahat kong kasalanan sa Krus.
Ang walang hanggang Dios para sa akin ay namatay:
Aking Panginoon, aking Pag-ibig, ay napako sa krus!
Ipinako sa krus para sa iyo at sa akin,
Upang tayong rebelde ay ibalik sa Dios.
Maniwala, paniwalaan ang tunay na tala,
Tayong lahat ay binili ng dugo ni Jesus
Patawad ay umaagos mula sa kanyang tagiliran:
Aking Panginoon, aking Pag-ibig ay napako sa Krus!
Pagmasdan ninyo siya, lahat kayong dumadaan,
Ang nagdurugong Prinsipe ng buhay at kapayapaan!
Halina, mga makasalanan, masdan ang iyong Tagapagligtas ay mamatay,
At sabihin, “May hihigit pa ba sa kahapisang ito?”
Halina, damahin natin ang kanyang dugong ipinambayad:
Aking Panginoon, aking Pag-ibig ay napako sa Krus!
Aplikasyon: Ministeryo sa Kapangyarihan ng Krus at ng Muling Pagkabuhay
Maraming mga liberal ng theologians ang nagsikap na ituro na ang muling pagkabuhay ay isa lamang kathang-isip. Gayunman, ang pananampalataya ng mga apostol ay nakaugat hindi sa “isang magandang kuwento tungkol sa nananatiling epekto ng buhay ni Jesus,” kundi sa matibay na katotohanan ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Nalalaman ng mga apostol na si Jesus ay namatay at siya’y muling nabuhay mula sa mga patay. Ito ang nagbigay sa kanila ng pagtitiwala upang harapin ang mga pag-uusig at maging ang kamatayan. Paano nangungusap sa ministeryo sa kasalukuyan ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus?
Pagmiministeryo sa Kapangyarihan ng Krus
► Basahin ang 1 Corinto 1:17-2:5.
Sa kanyang ikalawang paglalakbay pangmisyon, naglakbay si Pablo sa Corinto mula sa Athens kung saan siya’y nangaral sa Areopagus. Mukhang limitado lamang ang nakitang resulta ni Pablo sa kanyang ministeryo sa Athens.[1] Hindi siya nagtatag ng iglesya sa Athens at ang mga philosophically minded na taga-Athens ay nilibak ang kanyang mensahe ng Muling Pagkabuhay. Mula sa Athens, naglakbay si Pablo ng pitumput-limang kilometro hilaga sa Corinto, ang pinakamaimpluwensiyang lungsod sa probinsiya ng Achaia.
Nagtungo si Pablo sa Corinto matapos ang pagsalungat sa tatlong magkakasunod na lungsod: sa Tesalonica, sa Berea at sa Athens. Marahil ito ang dahilan na sinabi niya, “Kasama ninyo ako sa kahinaan at sa takot at matinding panginginig.” Bagaman ang mga tagapakinig na Griego ay humahanap ng malalalim at katalinuhang pangkaisipan, ipinasiya ni Pablo na ang krus lamang ang ipangaral. Ang kapangyarihan ng kanyang mensahe ay nagmula hindi sa kanyang husay sa pagsasalita” kundi sa krus mismo. Nangaral si Pablo “hindi sa pamamagitan ng mga salitang nagtataglay ng malalalim na karunungan, upang ang krus ni Cristo ay hindi mawalan ng kapangyarihan nito.”
Sa Corinto, ipinasiya ni Pablo na “walang ibang ipapaalam sa inyo maliban kay Jesukristo at siya na ipinako sa krus.” Alam ni Pablo na ang mensahe ng krus ay makaka-offend sa marami.
“Dahil ang mga Judio ay humihingi ng mga tanda at ang mga Griego ay humahanap ng katalinuhan, subali’t ipinapangaral namin si Cristo na ipinako sa krus, isang katitisurang-bato sa mga Judio at isang kahangalan sa mga Hentil.”
Ang mensaheng ito ay isang “katitisurang bato” o “iskandalo” para sa mga Judio. Humahanap sila ng mga “tanda” na magpapatotoo sa Mesiyas. Sa kanilang isipan, ang ideya na ang isang lalaking ipinako sa krus ang siyang piniling Mesiyas ay hindi kapani-paniwala/absurd. Sinabi ng Batas, “ang isang lalaking ibinitin ay sinumpa ng Dios.”[2] Ang angkinin na ang ipinako sa krus na si Jesus ang Mesiyas ay eskandalo para sa mga tagapakinig na Judio.
Ang mensahe ng krus ay “kahangalan para sa mga Hentil.” Nirerespeto ng mga Griego ang marangal na kamatayan ng isang martir. Kung si Jesus ay napatay sa labanan laban sa mga Romano, maaari siyang parangalan ng mga pilosopong Griego dahil sa kanyang katapangan. Subalit ang pagpapako sa krus ang nag-alis ng karangalan sa biktima; ito ay hindi marangal na kamatayan. Ang mga biktima ng pagpapako sa krus ay karaniwang hindi binibigyan ng maayos na paglilibing. Ang laman ay kinakain ng mga ibon o mga daga, at ang mga buto ay itinatapon sa isang malaking hukay. Ang pag-angkin na ang ipinako sa krus na karaniwang Judio bilang “Panginoon” ay di kapani-paniwala/absurd sa tagapakinig na Hentil.
Ang krus ay “iskandalo” sa mga Judio at “kahangalan” sa mga Hentil, subalit ipinangaral ni Pablo ang mensahe ng krus nang walang pag-aatubili. Ang halimbawa ni Pablo ay nagsisilbing modelo para sa atin. Sa ngayon, tulad ng sa unang siglo, ang krus ay hindi katanggap-tanggap sa ilan at tila kahangalan sa iba, subali’t ito ang mensaheng dapat nating ipangaral.
Ang ating tiwala bilang mga minister at lider ng iglesya ay nagmumula hindi sa ating kakayahan; ang ating tiwala ay nakabatay sa mensahe ng krus. Si Pablo ay may kahanga-hangang pinag-aralan, may matalinong kaisipan, at kaya niyang makipagtalo sa pinakamatatalino sa kanyang panahon. Subali’t ang kanyang ultimate na pagtitiwala ay nasa krus. Kapag nakumbinsi natin ang mga tao sa pamamagitan ng mga pangagatwiran lamang, ang kanilang pananampalataya ay “nakabatay lamang sa katalinuhan ng tao”, nguni’t kapag itinuro natin sila sa krus, ang kanilang pananampalataya ay nakabatay “sa kapangyarihan ng Dios.”
Pagmiministeryo sa Kapangyarihan ng Muling Pagkabuhay
►Basahin ang Mga Gawa 2:22-36.
Ipinapakita ng Mga Gawa na ang Muling Pagkabuhay ang pangunahing paksa ng unang pangangaral na Kristiyano. Sa Pentekostes, itinuro ni Pedro ang Muling Pagkabuhay bilang ebidensiya na si Jesus ang katuparan ng mga pangako ng mga propeta.
Sa pagtatanggol niya sa sarili sa harap ni Agrippa, inihayag ni Pablo na siya ay nahaharap sa paglilitis “dahil sa aking pag-asa sa pangakong ginawa ng Dios sa ating mga ninuno. Ang pangako ring iyan ang inaasahang makamit ng aming labindalawang lipi.” Ano ang pangakong ito? Ang Muling Pagkabuhay. “Bakit hindi mapaniwalaan ng mga naririto na maaaring muling buhayin ng Dios ang mga patay?”[3]
►Basahin ang 1 Cor. 15:12-34.
Sa 1 Corinto, ipinakikita ni Pablo na ang kanyang ministeryo ay nakaugat hindi lamang sa kapangyarihan ng krus, kundi sa kapangyarihan ng Muling Pagkabuhay. Ipinilit ni Pablo na kung hiwalay sa Muling Pagkabuhay, walang kahulugan ang kanyang ministeryo. “At kung si Cristo ay hindi muling binuhay, sa gayun ang ating pangangaral ay walang halaga at ang ating pananampalataya ay wala ring halaga.” Kung wala ang Muling Pagkabuhay, si Jesus ay isa lang ding nabigong Mesiyas. Kung hiwalay sa Muling Pagkabuhay, si Jesus ay isa lamang martir, subali’t hindi siya ang ipinangakong Mesiyas.
Ang Muling Pagkabuhay ang batayan ng ating pananampalatayang Kristiyano. “At kung si Cristo ay hindi muling nabuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan at kayo ay nasa inyong kasalanan pa.” Sa krus ibinigay ni Cristo ang kapalit-pambayad sa ating mga kasalanan, subali’t ang Muling Pagkabuhay ang nagpatunay sa kapangyarihan ni Cristo laban sa kamatayan at kasalanan. Kung walang Muling Pagkabuhay, sinasabi ni Pablo, ang iyong pananampalataya ay walang halaga at ikaw ay patuloy na nakagapos sa iyong mga kasalanan.
Ang Muling Pagkabuhay ang batayan ng ating pag-asang Kristiyano. “At sa pamamagitan ng isang tao ay dumating ang kamatayan, dahil din sa isang tao ay dumating ang Muling Pagkabuhay mula sa mga patay. Dahil kay Adan ang lahat ay namatay, kaya’t nang dahil kay Cristo ang lahat ay mabubuhay.” Binigyang katiyakan ni Pablo ang mga taga-Corinto na sila’y may pag-asa ng muling pagkabuhay dahil si Cristo ay muling binuhay mula sa mga patay.
Sa ikalawang siglo, si Lucian, isang nobelistang Griego, ang kumutya sa mga Kristiyano dahil sa kanilang paniniwala sa Muling Pagkabuhay. Sinabi niya, “Ang mga kawawang wretches ay kumbinsido na sila ay mabubuhay magpawalanghanggan. Dahil dito kinutya nila ang kamatayan at payag silang isakripisyo ang kanilang buhay para sa kanilang pananampalataya.” Kinukutya ni Lucian ang mga Kristiyano, subali’t ang kanyang mga salita ay totoo. Tulad ng sinabi ni Lucian, ang mga Kristiyano sa ikalawang siglo ay naniwala na sila ay mabubuhay magpawalanghanggan. Dahil sa paniniwalang iyon, payag silang mamatay dahil sa kanilang pananampalataya.
Dapat ay totoo pa rin ito sa atin ngayon. Kung tunay tayong naniniwala na si Cristo ay muling binuhay mula sa mga patay, dapat itong magbigay sa atin ng pagtitiwala sa harap ng pag-uusig at maging sa kamatayan. Ang Muling Pagkabuhay ang batayan ng ating pag-asang Kristiyano.
Ang Muling Pagkabuhay ang batayan ng ating buhay Kristiyano. Gumawa si Pablo ng kamangha-mangha at praktikal na pagsasabuhay ng doktrina ng Muling Pagkabuhay. “Kung ang patay ay hindi muling bubuhayin, ‘Tayo’y kumain at uminom, dahil bukas tayo’y mamamatay’ …Gumising kayo mula sa inyong kalasingan, na siyang tama, at huwag nang magpatuloy sa pagkakasala.”[4] Kung walang muling pagkabuhay, sinasabi ni Pablo, tayo’y dapat mamuhay nang tulad ng mga Epicurean na nagsasabi, “Kumain at uminon dahil malapit na tayong mamatay.” Walang dahilan upang mamuhay para sa walanghanggan kung walang muling pagkabuhay. Subali’t nagpatuloy si Pablo, na dahil mayroong muling pagkabuhay, gumising at mamuhay ng buhay na malaya sa kasalanan. Ang ating tagumay laban sa kasalanan ay dahil sa ating pagtitiwala sa muling pagkabuhay.
Ang kuwento ng muling pagkabuhay ay dapat magpaalala sa atin sa ating pagkukulang sa pananampalataya sa harap ng mga hamon ng ministeryo. Ilang beses nating inasahan na hindi sasagutin ang ating mga panalangin? Bakit? Dahil nalilimutan natin ang kapangyarihan ng muling pagkabuhay! Ilang beses tayo humaharap sa tukso na kaunti lamang ang pagtitiwala na magtatagumpay? Bakit? Dahil nalilimutan natin ang pangako ni Pablo: “Kung ang Espiritu niya na muling bumuhay kay Jesus mula sa mga patay ay nananahan sa inyo, siya na bumuhay kay Cristo Jesus mula sa mga patay ay magbibigay ng buhay sa inyong mortal na katawan sa pamamagitan ng Espiritung nananahan sa inyo.”[5]
Kung si Cristo ay nananahan sa atin, hindi na tayo nabubuhay ayon sa laman; hindi na tayo bilanggo ng kasalanan. Ito ang buhay sa kapangyarihan ng muling pagkabuhay. Ang kapangyarihang bumuhay kay Jesus mula sa libingan ang nagbibigay sa atin ng araw-araw na tagumpay laban sa kasalanan. Ito ang ibig sabihin ng pamumuhay at pagmiministeryo sa kapangyarihan ng muling pagkabuhay.
Konklusyon: Ang Mga Tanda ng Buhay at Ministeryong Katulad-ni-Cristo
Ang buhay mo ba ay katulad ni Cristo?
Isinulat ni Lucas, “At sa Antioch ang mga disipulo ay unang tinawag na mga Kristiyano.”[1] Habang pinagmamasdan ng mga tao ang mga mananampalataya sa Antioch, nagsimula silang magsabi, “Ang mga taong ito ay kumikilos na tulad ni Cristo. Dapat natin silang tawaging mga ‘Kristiyano’”. Nang mabasa ko ang talatang ito, madalas kong tinatanong ang aking sarili, “Tatawagin din ba akong ‘Kristiyano’ ng aking mga kapitbahay kung pagmamasdan nila ang aking ikinikilos, mga pananalita, at pag-uugali? Katulad ba ako ni Cristo?” Ang mga mananampalataya sa Antioch ay namuhay sa paraang nasasalamin ang karakter ni Jesukristo; sila ay mga Kristiyano.
Pagkatapos ng maraming taon bilang pastor, naglilingkod ngayon si Dr. H.B. London bilang isang mentor ng mga batang pastor. Binigyang babala niya sila tungkol sa mga espirituwal na panganib na kinakaharap ng mga pastor. “Ang isang tao ay maaaring maging malapit sa mga bagay na banal nang hindi nagiging banal. Maaaring mangaral tungkol sa kapatawaran at hindi magpatawad. Ang mga ministro ay maaaring mag-ukol ng maraming lakas sa ministeryo na nakakaligtaan na ang kalusugan ng kanilang sariling kaluluwa.”[2] Posibleng mangaral sa iba ngunit ikaw mismo ay maligaw.[3]
Nagmungkahi si Dr. London ng ilang praktikal na tips upang tulungan ang mga pastors na iwasan ang kabiguang espirituwal habang nangunguna sa iba. Ang mga ito ay mga paksang makakatulong sa atin na panatilihin ang buhay na tulad-ni-Cristo. Isinulat niya:
Ipamuhay mo ang iyong ipinapangaral. Huwag mong ipapangaral sa iba ang bagay na hindi mo pa unang nagamit sa iyong sariling buhay.
Alagaan ang iyong kaluluwa. May mga doktor ng medisina na hindi malusog. Pinangangalagaan nila ang iba, subali’t ipinagwawalang bahala ang sariling kalusugan. May mga pastor na hindi malusog sa espirituwal. Bilang pastor, mag-ukol ng panahon upang alagaan ang iyong espirituwal na buhay.
Maging mapagpakumbaba. Alalahanin na ang isang pastor ay isa ring pastol, hindi presidente ng bangko. Maging isang lingkod ka.
Lumago ka sa pamamagitan ng mga pagkabigo. Mabibigo ka sa ministeryo. Mayroon kang tinuturuan na maliligaw pa rin. Tatalikuran ka ng isang malapit na kaibigan. Tatanggihan ka ng mga miyembro ng iglesya. Huwag kang mawalan ng pag-asa dahil sa mga kabiguang ito. Ipinagkanulo ni Judas si Jesus. Iniwan ni Demas si Pablo. Sa kabila ng mga luha, magpatuloy ka sa paglago at sa pangangalaga sa iyong kawan.
Ang iyo bang ministeryo ay katulad ng kay Cristo?
Sa mga araling ito sa buhay at ministeryo ni Jesus, nakita natin ang mgaraming katangian ng ministeryo ni Jesus. Nakikita ba ang mga katangiang ito sa iyong ministeryo?
Narito ang ilang mga tanong upang i-evaluate ang iyong ministeryo:
Naliligtas ba ang mga makasalanan? Nang mangaral si Jesus, tumanggap ang mga tao ng bagong buhay. Nag-aakay ka ba ng mga tao sa bagong kapanganakan?
Napupuspos ba ng Espiritu ang mga mananampalataya? Ipinangako ni Jesus na “isusugo ang Espiritu” sa kanyang mga anak. Natutupad ba ang pangakong ito sa iyong mga pinaglilingkuran?
Nagagapi ba si Satanas? Nawawasak ba ang mga tanggulan ni Satanas? Ang ministeryo ni Jesus ay nagtataglay ng espirituwal na awtoridad.
Nakatatagpo ba ng kagalingan ang mga taong nagdurusa? Nagkakasundo ba ang mga wasak ng pamilya? Nabubuo ba ang mga sirang buhay? Nababalik ba ang mga sirang relasyon? Pinagaling ni Jesus ang mga dumaranas ng pisikal, emosyonal at espirituwal ng mga sugat.
Nakakikita ba ang mga tao ng biyaya at katotohanan? Inilalapit ko ba ang mga tao kay Jesus o itinataboy ko sila palayo kay Jesus? Ipinangaral ni Jesus ang katotohanan nang may conviction at may biyaya.
► Sa inyong pagtalakay sa mga tanong na ito, hanapin ang mga bahagi kung saan ang inyong ministeryo ay lalago sa pagiging katulad ni Cristo. Alalahanin na sa bawat manggagawa/minister mayroon pang lugar para lumago, kaya’t ituring mo ang listahang ito bilang isang hamon para sa paglago sa halip na isang paraan upang hatulan ang sarili.
(1) Maghanda ng isang sermon o aralin sa Biblia sa Pitong Salita sa Krus. Bigyang-diin ang mensahe ng mga salitang ito ni Jesus para sa mga Kristiyano ngayon.
(2) Maghanda ng isang sermon o aralin sa Biblia sa kahulugan ng Muling Pagkabuhay sa pang-araw-araw na buhay Kristiyano. Gamitin kapwa ang kuwento ng Muling Pagkabuhay mula sa mga Ebanghelyo at sa mga salita ni Pablo sa 1 Corinthians 15:15-17 sa iyong paghahanda.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.