Ang Buhay at Ministeryo ni Hesus
Ang Buhay at Ministeryo ni Hesus
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 4: Pagtuturo Tulad ni Jesus

40 min read

by Randall McElwain


Mga Layunin ng Aralin

Kapag natapos ang araling ito, ang mag-aaral ay dapat:

(1) Kilalanin ang mga katangian na nagpaging dakilang guro kay Hesus.

(2) Matuto ng mga praktikal na pamamaraan para maging mas mabuti bilang isang guro.

(3) Magplano ng mga takdang aralin na magpapabuti sa kahandaan ng mga estudyante para sa klase.

Prinsipyo Para sa Ministeryo

Kapag sila ay lubusang nasanay, ang ating mga estudyante ay magiging katulad ng kanilang guro.

Pasimula

Walang takdang aralin sa dulo ang leksiyong ito. Sa halip, may maiikling takdang aralin na kasama sa loob ng leksiyon.  Ang ilan sa mga ito ay nangangailangan ng pagsusulat o mga praktikal na gawain. Ang iba naman ay mga takdang aralin na “dapat  pag-isipan o talakayin.” Gawin ninyo ang bawat takdang aralin habang nagpapatuloy sa pag-aaral sa materyal ng leksiyon.

Isa sa pinakamakahulugang pangungusap na nabanggit tungkol sa kapangyarihan ng pagtuturo ay nagmula kay Hesus.  “Ang disipulo ay hindi mas mataas kaysa sa kanyang panginoon, subali’t ang bawat isa kapag siya ay lubusang nasanay ay magiging katulad ng kanyang guro.”[1] Alam ni Hesus na kapag nasanay na niya ang kanyang mga disipulo, magiging repleksiyon sila ng Kanyang karakter. Dahil dito, naglaan si Hesus ng maraming panahon at lakas sa pagtuturo sa Labindalawa.

Sa ilang mga iglesya, ang tungkulin ng isang guro ay halos hindi pinapansin.  Ang mga guro sa pang-Linggong mga klase na walang karanasan ay binibigyan lamang ng kaunti o halos walang pagsasanay. Kaunti lamang ang iniuukol na panahon sa pagtuturo sa mga bagong mananampalataya o mga kabataan.

Bilang mga tagapanguna sa iglesya, dapat nating bigyan ng kaparehong pagpapahalaga ang pagtuturo tulad ng ibinigay ni Hesus sa pangangaral.  Kung ang mga mag-aaral “ay magiging katulad ng kanilang guro,” ang tungkulin ng pagtuturo ay lubhang napakahalaga.  Dapat nating sanayin ang mga guro na sundan ang halimbawa ni Hesus, ang Dalubhasang Guro.

► Isipin kung ano na ang nalalaman mo tungkol sa istilo ng pagtuturo ni Hesus. Maglista ng tatlo o apat na katangian na siya ay naging isang dakilang guro. Ngayon isipin ninyo ang pinakamabuting guro na iyong naranasan. Maglista ng tatlo o apat na katangian niya kaya’t siya’y naging isang dakilang guro. Ilan sa mga katangiang ito (sa dalawang listahan) ang magkatulad sa dalawang listahan?


[1] Lucas 6:40.

Ang Puso ng Dalubhasang Guro: Karakter

Ang nilalaman ng pagtuturo ni Jesus ay nakabatay sa karakter ng Guro.  Ang puso ni Jesus ang siyang pundasyon ng kanyang pagtuturo.  Ano ang puso ng isang dakilang guro?

Si Hesus, ang Dalubhasang Guro, Nauunawaan ang mga Pangangailangan ng Kanyang Mag-aaral

► Basahin ang Lucas 4:16-21.

Ang mga guro sa paaralan ay naghahanda ng “lesson plans” para sa bawa’t araw ng klase.  Ipinapakita  ng Lesson Plan kung ano ang dapat matupad ng guro sa bawa’t klase.  Ang lesson plan ay naglalaman ng katulad nito:

  • Layunin: Ang mga mag-aaral ay matututong mag-‘add’ ng mga fractions.
  • Gawain: Gagawin ng mga mag-aaral ang mga Pagsasanay 1-20 sa pahina 89 sa class workbook.

Nang magsimula akong ihanda ang Shepherds Global Classroom course, naghanda ako ng lesson plan na nagbuod sa mga bagay na nais kong matupad sa bawat aralin.  Si Hesus ay mayroong “lesson plan” para sa kanyang ministeryo, subali’t ang kanyang lesson plan ay hindi naglista ng mga pahina sa isang workbook.  Sa halip, ang lesson plan ni Hesus ay nakatuon sa mga pangangailangan ng kaniyang mga mag-aaral.  Sinabi ni Hesus sa kanyang mga tagapakinig kung ano ang kailangan niyang matupad sa kanyang pagdating:

  • Ipahayag ang mabuting balita sa mga dukha. 
  • Ipahayag ang kalayaan sa mga bilanggo. 
  • Ipahayag ang pagbalik ng paningin ng mga bulag.
  • Bigyang kalayaan  ang mga inaapi
  • Ipahayag ang Taon ng Pagdiriwang.[1]

Ang mga layunin ni Hesus ay nakatugon sa mga pangangailangan ng kanyang mga mag-aaral.  Ang mga mag-aaral ni Hesus ay hindi ang mayayamang mga Saduceo na siyang nagkokontrol sa templo sa Jerusalem at humahawak sa kapangyarihang pampulitika ss Sanhedrin. Ang kanyang mga mag-aaral ay mga ordinaryong mga Judio na pinahihirapan ng Roma. Ang ilan sa kanila ay bulag o pilay.  Marami sa kanila ay mga taong mahihirap na naghihirap dahil sa mataas na buwis.

Simple ang lesson plan ni Hesus; tutugunan niya ang mga pangangailangan ng kanyang mga mag-aaral.  Ililigtas niya ang mga nakabilanggo. Padidilatin niya ang mga bulag. Sa kalendaryong Judio, ang “Taon ng Pagdiriwang” ay panahon ng pagdiriwang. Padidilatin niya ang mga bulag.  Sa kalendaryong Judio ang “Taon ng Pagdiriwang” ay panahon ng pagdiriwang. Kinakansela ang mga utang; ibinabalik sa orihinal na pamilyang may-ari ang mga lupa; pinalalaya ang mga alipin.  Inihayag ni Hesus na dumating siya upang magdala ng Taon ng Pagdiriwang sa mga pinahihirapan.

Sa buong panahon ng kanyang ministeryo sa lupa, tinugunan ni Hesus ang mga pangangailangan ng kanyang mga mag-aaral.  Hindi laging ibinibigay ni Hesus ang gusto ng mga tao subali’t ibinibigay niya kung ano ang kanilang kailangan.  Gusto ng babaeng Samaritana ng tubig; kailangan niya ng katubusan.[2] Nais ni Pedro na manghuli ng isda; kailangan niya ng misyon.[3].  Sa bawat pagkakataon, tinugon ni Hesus ang malalim na pangangailangan ng kanyang mag-aaral.

Kamakailan lang, kailangan kong bumili ng sasakyan. Maraming nagbebenta ang nagsisimula, “Ito ay isang mahusay na sasakyan.  Narito ang mga dahilan na dapat mong bilhin ang sasakyang ito.” May nakilala akong isang nagbebenta na higit na naiiba sa kanila. Nagsimula siya sa pagtatanong. Itinanong niya, “Gaano kalayo ang minamaneho ninyo sa araw-araw?” “Magkano ang kaya ninyong ibayad para sa isang sasakyan?” “Alin ang mas mahalaga para sa iyo—isang komportableng sasakyan o isang sasakyan na mas matipid sa gasolina?” Nang matapos kong sagutin ang kanyang mga tanong, sinabi ng salesman, “Ito po ang pinakamabuting sasakyan para sa inyong pangangailangan.” Habang ako’y nakikinig, napagtanto ko, “Ito ang ginawa ni Jesus nang siya ay magturo.  Nagsimula siya sa pakikinig sa mga kailangan ng kanyang mga mag-aaral.”

► Basahin ang Marcos 10:17-22.

Sa kwentong ito ng isang kabataang mayamang lalaki na lumapit kay Hesus, sinabi ng nagkukwento. “Si Hesus, habang pinagmamasdan siya, ay minahal siya.” Ang salitang “masdan” sa talatang ito ay higit pa sa simpleng obserbasyon lamang.  Ito’y nangangahulugan ng “tingnan nang malapitan at malinaw na unawain”.  Nakita ni Hesus ang puso ng kabataang ito.  Ang iba ay maaaring nakita lamang ang isang mayamang kabataan; nakita ni Hesus ang isang nauuhaw na puso.

► Basahin ang Marcos 16:1-8.

Isipin ninyo ang kahihiyan ni Pedro matapos niyang ipagkaila si Hesus.  Kahit ang kaligayahan ng maling pamumuhay ay nabahiran ng kanyang kahihiyan nang maalala niya ang pagtilaok ng tandang. Sa sitwasyong ito, sinabi ng anghel kay Maria, “Subali’t humayo ka, sabihin mo sa kanyang mga alagad at kay Pedro na siya ay mauuna sa Galilea.  Doon makikita ninyo siya, tulad ng sinabi niya sa inyo noon.” Alam ni Hesus na sa lahat ng disipulo, ang pinakamangangailangan ng reassurance ay si Pedro. Ang iba ay makikita ng isang duwag na itinanggi ang kanyang panginoon. Nakita ni Hesus  ang isang disipulong ba dapa na nangangailangan ng maibalik o mapanumbalik.

Alam ni Hesus na hindi natin matuturuan ang mga mag-aaral kung hindi natin sila nauunawaan.  Sinasabi ng mga mangingisda, “Kung nais mong mangisda, dapat kang mag-isip tulad ng isda. Kung nais mong makuha ang puso ng isang mag-aaral, dapat kang mag-isip tulad ng mag-aaral. Dapat mong maunawaan ang puso ng iyong mga tinuturuan. Bilang guro, dapat mong pag-aralan ang leksyon, pero higit pa roon, dapat mong pag-aralan ang iyong mga mag-aaral. Dapat mong maunawaan ang pangangailangan ng iyong mga mag-aaral.

Isabuhay ang Aralin

► Isipin mo ang iyong mga tinuturuan (maging formally o informally). Ituon ang isip sa isang mag-aaral na nahihirapan. Gumawa ng listahan ng mga praktikal na bagay na maaari nating gawin upang paglingkuran ang pangangailangan ng mag-aaral na ito.

Si Hesus, ang Dalubhasang Guro, Ay Matiyaga

Si Hesus ay matiyaga sa mga taong tumalikod sa kanya.

► Basahin ang Juan 6:41-71.

Nangyari ang kwentong ito sa isa sa mga mahahalagang pagbabago sa ministeryo ni Hesus.  Nang nakaraang taon, naranasan ni Hesus ang maging talagang popular.  Ang mga tao ay tunay na namangha sa kanyang mga himala at nasiyahan sa tinapay at isda. Ipinahayag niya, “Ako ang tinapay ng buhay.” Nagsasabi siya ngayon ng mga bagay na nakagugulo sa isip ng kanyang mga tagapakinig. “Tunay na tunay, sinasabi ko sa inyo, malibang kainin ninyo ang katawan ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay.”  Pagkatapos nito, marami sa kanyang mga tagasunod ang tumalikod at hindi na lumakad kasama niya.”

Nagturo si Hesus sa libo-libo, alam niya na marami ang hindi tatanggap sa kanyang turo.  Tinuruan niya ang Labindalawa, alam niyang “ang isa sa inyo ay sa diyablo.” Siya ay isang matiyagang guro. 

Matiyaga si Hesus sa mga hindi nakauunawa sa kanya.

► Basahin ang Marcos 8:27-33.

Matiyaga si Hesus sa mga mag-aaral na mabagal matuto.  Pansinin kung ilang beses binanggit ni Hesus ang mga pag-aalinlangan at kabulagan ng mga disipulo. Kahit nang kilalanin ni Pedro na “Ikaw nga ang Cristo”, hindi lubusang nauunawaan ni Pedro ang kahulugan nito.  Ilang talata pagkatapos noon, sinaway ni Hesus si Pedro dahil sa kanyang mga maling ideya.

► Basahin ang Juan 3:1-21.

Matiyaga si Hesus sa isang Pariseo na hindi nakauunawa sa kanyang itinuturo.  Nang magulumihanan si Nicodemo, tinanong siya nang may pagkagulat ni Hesus, “Isa kang guro ng Israel gayunma’y hindi mo naiintindihan ang mga bagay na ito?” Dapat ay alam ni Nicodemo na inihula na ni Ezekiel ang isang araw kung kailan ang Israel ay isisilang sa tubig at sa Espiritu.  Matiyagang itinuro ni Hesus ang leksiyon sa isang mag-aaral na hindi nakauunawa.[4]

Narito ang isang pagsubok sa aking tiyaga bilang isang guro: “Ilang beses ba ako payag na ituro ang leksiyon bago sumuko?” Matiyagang tinuruan nang paulit-ulit ni Jesus ang kanyang mga mag-aaral. Hindi niya kailanman sinabi, “Naituro ko na ang araling iyan. Kung hindi mo iyon napag-aralan, nahuli ka na.” Kapag nakatatagpo siya ng mga mag-aaral na bukas sa kanyang mga turo, nagpapatuloy si Hesus sa pagtuturo.  Si Hesus, ang Dalubhasang Guro, ay matiyaga.

Isabuhay ang Aralin

► Natutukso ka ba na sumuko sa mga mag-aaral na mabagal? Nagiging frustrated ka ba kapag hindi sila tumutugon sa iyong pagtuturo? Paano mo maipapakita ang tiyaga ng Dalubhasang Guro sa mga tinuturuan mo?

Minahal ni Hesus, ang  Dalubhasang Guro, ang Kanyang mga Mag-aaral

► Basahin ang Marcos 6:30-34.

Dinala ni Hesus ang kanyang mga disipulo sa ibayo ng Dagat ng Galilea upang humanap ng isang tagong lugar kung saan maaari silang magpahinga mula sa walang tigil na pressure ng napakaraming tao at ministeryo. Libo libo ang nakakita kung saan siya patungo kaya’t sila’y tumakbo pasabay sa baybayin upang salubungin si Hesus. Pumunta sa pampang si Hesus at natagpuan doon ang pulutong ng limang libong lalaki, kabilang ang mga babae at mga bata.  Nang makita niya ang nagkakatipong mga tao “nahabag siya sa kanila, dahil katulad sila ng tupa na walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila ng maraming mga bagay.”[5]  Nagturo si Hesus, ang Dalubhasang Guro, dahil mahal niya ang kanyang mga mag-aaral.

Sa simula ng araling ito, nabasa natin ang kwento ng kabataang mayamang lalaki na “lumisan nang may kalungkutan” dahil ayaw niyang bayaran ang halaga ng pagsunod kay Hesus.[6] “Si Hesus, sa pagtingin sa kanya, ay minahal siya.”[7] Minahal ng Dalubhasang Guro ang kanyang mag-aaral, kahit maging ang mag-aaral na tatalikod sa kanya.

Tinitingnan ni Hesus nang may pagkahabag ang napakaraming taong natitipon, mga indibidwal at maging ang mga taong tumatanggi sa kanya.  May isang tagapangaral na nagsermon na ang pamagat ay  “Si Judas, ang Disipulong Minahal ni Hesus.” Kinilala ng mangangaral na ito na nagpakita si Hesus ng pagmamahal kahit pa kay Judas. Nalalaman man ni Hesus na ipagkakanulo siya ni Judas, minahal pa rin ni Hesus ang mag-aaral na ito hanggang sa wakas.

Madaling mahalin ang isang mag-aaral na maagang dumarating sa klase, na laging tinatapos ang lahat ng kanyang takdang-aralin, at nagpapakita ng kagustuhang matuto. Mahirap mahalin ang Judas na nagkanulo sa atin, ang mayamang kabataang tumalikod sa atin, at ang Pedro na paulit-ulit na nabibigong umunawa. Si Hesus, ang Dalubhasang Guro, ay nagpapakita na kailangan nating mahalin kahit ang mga mag-aaral na mahirap mahalin.

Isabuhay ang Aralin

► Isipin ang isang mag-aaral na mahirap mahalin. Marahil siya ay isang tauhan na tumatanggi sa iyong pamumuno. Marahil siya ay isang miyembro ng iglesya na pumupuna sa iyo. Magsimulang manalangin, “O Dios, nahihirapan akong mahalin ang taong ito, subali’t alam kong minamahal mo sila. Tulungan mo akong makita sila sa pamamagitan ng iyong mga mata. Tulungan mo akong mahalin sila kung paanong minahal ni Hesus ang kanyang mga mag-aaral.”


[1] Lucas 4:18-19.

[2] Juan 4:7-42.

[3] Mateo 4:18-22.

[4] Itinuro ng Juan 3:5 ang  pangako ng  Ezekiel 36:25-27. Nakita ni Ezekiel  ang isang araw kung saan ang tao ng Dios ay nahuhugasan ng tubig (ito ang maglilinis sa kanila mula sa pagiging marumi at mga dios-diosan) at bibigyan ng isang bagong Espiritu (Ito ang nagbibigay ng pagnanais na tuparin ang iniuutos ng Dios).

[5] Marcos 6:34.

[6] Marcos 10:17-22.

[7] Marcos 10:21.

Ang Mga Kamay ng Dalubhasang Guro: Pamamaraan

Sa “Ang Puso ng Dalubhasang Guro” nakita natin ang karakter ni Hesus.  Ang lahat ng itinuro ni Hesus ay nakabatay sa kanyang karakter.  Sa “Ang mga Kamay ng Dalubhasang Guro”, makikita natin ang mga pamamaraang ginamit ni Hesus.  Kung nais nating magturo tulad ni Hesus, dapat nating sundan ang kanyang mga pamamaraan.

Inihayag ni Jesus, ang Dalubhasang Guro, ang Kanyang mga Layunin

► Basahin ang Lucas 5:1-11.

Habang nagtuturo si Hesus sa baybayin ng Dagat ng Galilea, nasiksik siya ng mga tao hanggang sa kinailangan niyang sumakay sa bangkang pangisda ni Simon Pedro.[1] Matapos magturo, humarap siya kay Simon at sinabi, “Pumalaot tayo sa mas malalim at ihulog mo ang iyong lambat upang humuli ng isda.”

Isang bihasang mangingisda si Simon.  Buong magdamag na siyang nangingisda subali’t wala man lang nahuli.  Alam niya na balewala na na magsikap pang humuli ng anuman.  Gayunman, sinunod niya ang iniutos ni Hesus.  Sa pagkagulat ni Pedro, nakahuli ang mga mangingisda ng di-kapani-paniwalang dami ng isda! Sinabi ni Hesus kay Simon, “Simula ngayon ikaw ay magiging mangingisda na ng mga tao.”

Si Hesus, tulad ng lahat ng mabubuting guro, ay nagpahayag nang malinaw ng kanyang layunin sa kanyang mga mag-aaral.  Sa araw ng Pentekostes, ipinakita ni Pedro na handa na siyang tuparin ang layunin na itinakda ni Hesus para sa kanya.

Inihahayag ng mga epektibong guro ang kanilang layunin.  Sinasabi nila sa mag-aaral, “Ito ang inyong matututuhan sa araw na ito.”  Sa dulo ng aralin, itinatanong niya, “Ano ang natutuhan ninyo sa araw na ito?” Tinitiyak nila na nakikita ng mga mag-aaral na natupad nila ang layunin ng aralin.

Isabuhay ang Aralin

► Sa susunod na pagkakataon na ikaw ay magtuturo, isulat mo ang iyong layunin para sa aralin sa isang pisara na makikita ng mga mag-aaral.  Tiyakin na malinaw ang layunin at madaling maunawaan.  Ipahayag ang layunin sa simula ng aralin. Sa katapusan ng aralin, itanong sa mga mag-aaral, “Natupad ba natin ang ating layunin?”

Si Hesus, ang Dalubhasang Guro, ay Nagbigay ng mga Pagkakataon sa Ginagabayang Pagsasanay/Pagsasabuhay.

Ang epektibong pagtuturo ay higit pa sa mga lectures.  Ang tunay na pagkatuto ay nangangailangan ng pagsasanay.

► Basahin ang Lucas 10:1-24.

Hindi pa lubos ang kasanayan ng mga disipulo, gayunman hinayaan ni Hesus na isabuhay nila ang mga araling kanyang itinuturo. Nang bumalik ang mga disipulong ito mula sa kanilang paglalakbay pangministeryo, nag-ulat sila kay Hesus.  Nakita niya na hindi nila naunawaan ang mga aralin, kaya’t binigyan niya sila ng dagdag na tagubilin.  Pinalakas din niya ang kanilang loob, “Mapalad ang mga matang nakakikita sa mga nakikita ninyo!” Ginabayan ni Hesus ang kanilang pagpapraktis.

Hindi sapat na ibigay lamang ang pagkakataon para magpraktis/magsanay; ang praktis ay dapat alamin ang nagging resulta at sundan pa ng mas maraming pagsasanay.  Ang isang sikat na kawikaan ay nagsasabi na “Ang pagsasanay ay nagiging dahilan upang maging perpekto.” Hindi ito lubusang totoo.  Ang maling pagsasanay ay hindi magreresulta sa mas mabuting pagganap. Mas mabuting sabihin na, “Ang ginabayang pagsasanay ay nagiging perpekto.” Ang isang epektibong guro ay nagbibigay sa mag-aaral ng mga pagkakataon para magpraktis, nagbabalik-tanaw sa praktis kasama ng mga mag-aaral at pagkatapos ay pinalalakas ang loob at ginagabayan ang mga ito.

Minsan sinubok kong mag-aral na mag-golf.  Pumalo ako ng maraming bola at nagsanay sa loob ng maraming oras, subali’t hindi ako naging mahusay. Bakit? Nag-iisa ako sa isang lugar ng laro nang walang gumagabay.  Kapag ang bola ay pumunta sa maling direksiyon, walang nagsasabi sa akin na “Ito ang maling ginawa mo.”  Kapag ang bola ay gumulong ng ilang piye lamang sa aking harapan, walang nagsasabi, “Ganito ang gawin mong paghawak sa pamalo…” Nagpraktis ako pero balewala ang aking praktis.

Nalalaman ni Pablo ang kahalagahan ng praktis na may paggabay.  Sinanay niya sina Timoteo at Tito at pagkatapos ay inilagay sila sa ministeryo.  Sa mga Sulat ng Pastor, sinulatan ni Pablo sina Timoteo at Tito upang bigyan sila ng dagdag na tagubilin.  Ginabayan niya ang kaniyang mga mag-aaral, habang pinapraktis nila ang mga prinsipyo sa ministeryo na kanyang itinuro.

Minsan dinalaw ko ang isang paaralang Kristiyano sa Timog Africa. Isinaulo at binigkas ng bawat mag-aaral ang 1 Corinto 13 sa klase. May isang mag-aaral na nahirapan sa takdang araling ito sa loob ng ilang linggo. Hindi siya nakapagsaulo nang mabuti at talagang mahiyain sa harap ng ibang mag-aaral. Nang araw na ako’y bumisita, sa wakas naging matagumpay ang mag-aaral sa pagbigkas sa buong kabanata sa klase.

Nang siya ay matapos, tumayo ang ibang mag-aaral at binati ang kabataang ito.  Bakit? Ang kabanatang ito ay tungkol sa pag-ibig at itinuro ng guro sa mga mag-aaral na ang pag-ibig ay nagpapalakas ng loob sa iba.  Sa kanilang pagbati sa kanilang kamag-aral, isinasabuhay ng mga mag-aaral na ito ang leksiyon sa 1 Corinto 13! Ang epektibong guro ay humihikayat sa kanilang mga mag-aaral na isabuhay ang mga prinsipyo na kanilang natututuhan.

Isabuhay ang Aralin

► Bigyan ng pagkakataon ang iyong mga mag-aaral na isabuhay ang kanilang natututuhan. Kung ikaw ay nagsasanay ng mga batang pastor, bigyan sila ng pagkakataong mangaral, bumisita sa isang maysakit, o ibahagi ang ebanghelyo sa isang di-mananampalataya. Kapag sila’y natapos, alamin ang resulta ng kanilang ministeryo, magbigay ng mga mungkahi para sa ikabubuti ng ginagawa nila at palakasin ang kanilang loob sa pagpansin sa mga bahaging sila’y naging matagumpay.

Si Hesus, ang Dalubhasang Guro, ay Umaakma

Isipin ang maraming lugar at pagkakataon na nagturo si Hesus. Nagturo siya:

  • Sa may baybayin ng dagat (Lucas 5)
  • Sa panahon ng bagyo (Lucas 8:22-25)
  • Hinayaan niyang mahirapan ang mag-aaral (Mateo 14:25-33)
  • Nang ang kanyang aralin ay naabala ng mga panauhin (Mateo 12:46-50)
  • Sa pagdalaw sa templo (Mateo 24)
  • Nang may sumira sa bubong ng kanyang silid-aralan (Lucas 5:18-26)

Isipin ang mga “mag-aaral” na umuwi matapos ang himala sa Lucas 5:18-26.  Hindi nila nalimutan ang araling ito na natutuhan nila tungkol sa kapangyarihan ni Hesus.  Isinulat ni Lucas na “nagulat silang lahat, at niluwalhati nila ang Dios at sila’y napuspos ng pagkamangha, at nagsabing, ‘Nakakita kami ng mga di pangkaraniwang mga bagay sa araw na ito.’”[2]

Si Hesus ay nakakaakmang sapat upang malaman na ang isang dakilang guro ay nakakikita ng mga pagkakataon upang magturo kapag handang matuto ang mga mag-aaral. Nagbigay si Lucas ng halimbawa sa prinsipyong ito.  “Si Hesus ay nananalangin sa isang lugar, at nang siya’y matapos, isa sa mga disipulo ang humiling sa kanya, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin.”[3] Kinuha ni Hesus ang pagkakataong ito upang magturo tungkol sa pananalangin.

Ang walong taong gulang na si Sabrina ay dumating para sa kanyang aralin sa piyano.  Bigla siyang umiyak, “Namatay ang aking pusa ngayong umaga.” Wala siyang interes para mag-aral ng piyano,  Gayunman, nang iabot ko sa kanya ang kopya ng musika na may pamagat na “Ang Aking Paboritong Kuting,” nagpasya si Sabrina: “Nais ko itong matutuhan bilang pag-alala sa aking pusa!”

Bilang mga guro, dapat tayong makinig sa ating mga mag-aaral at  tumugon sa kanilang sitwasyon.  Tulad ni Hesus, ang Dalubhasang Guro, dapat din tayong marunong umakma sa ating pagtuturo. Dapat payag tayong iakma ang ating leksiyon sa mga pangangailangan ng ating mga mag-aaral.

Isabuhay ang Aralin

Nag-aakma ka ba  sa iyong pagtuturo?  Magplano ng dalawang magkaibang paraan kung paano ituturo ang isang aralin.  Kung karaniwang nagbibigay ka ng lecture, magplano ng isang araling walang lecture. Kung karaniwan kang gumagamit ng powerpoint o ibang teknolohiya, magplano ng isang aralin na hindi nangangailangan ng koryente. Kung magtuturo ka sa isang silid-aralan, magplano ng aralin sa labas at isama ang kalikasan sa iyong aralin.

Si Hesus, ang Dalubhasang Guro, ay naging Malikhain sa Kanyang Pagtuturo

Hindi kailanman naupo si Hesus at sinabing, “Sa araw na ito babasahin natin ang pahina 212 mula sa ating textbook. Pedro, basahin mo ang unang talata para sa atin.”  Sa halip, nakakita siya ng mga bagong paraan upang maging malikhain sa pagpapahayag ng aralin.

Basahin ang bawat isang halimbawa ng malikhaing pagtuturo ni Hesus.

  • Lucas 6:39-42. Isipin ninyo ang irony ng isang bulag na nag-aakay sa isa pang bulag. Isipin ninyo ang isang lalaki na may troso sa mata na nagsisikap na alisin ang puwing sa mata ng isa pang tao.
  • Lucas 18:18-30. Posible bang gamitin ang mga kayamanan sa mundo upang makapasok sa kaharian ng Panginoon? Isipin kung paano palulusutin ang isang kamelyo sa mata ng isang karayom!
  • Lucas 9:46-48. Ginamit ni Jesus ang isang bata bilang isang buhay na object lesson tungkol sa kababaang-loob.
  • Lucas 15:1-7. Paano tumutugon ang Dios sa isang naligaw na kaluluwang umuuwi?  Itinuro ni Jesus sa mga magsasaka ang kahalagahan ng isang tupa.
  • Lucas 15:11-32. Ang pagtuturo sa mga tao sa isang lipunang makaama kung saan ang ultimong awtoridad ay nakasalalay sa ama, ikinuwento ni Jesus ang talinhaga kung saan ginulat ng isang ama ang mga saksi nang patakbo niyang sinalubong ang kanyang rebeldeng anak.

Bihirang sinasagot ni Jesus nang direkta ang mga tanong sa kanya.  Sa halip, tumutugon siya gamit ang isang kuwento o isa ring tanong. Sa Lucas 10, nagtanong ang isang hukom kay Hesus, “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” Sinagot siya ni Hesus sa pamamagitan ng kwento ng Mabuting Samaritano.”[4]

Alam ni Hesus kung paano magtatanong ng mahuhusay na tanong. Bihirang magtanong si Hesus ng mga tanong na ang sagot ay simpleng “Oo” o “Hindi”. Sa halip nagtatanong siya kung saan ang tagapakinig ay napipilitang buksan ang kanyang mga mata sa mga bagong posibilidad.

► Basahin ang mga halimbawang ito:

  • Lucas 7:36-50. Sa isang Pariseo na pumuna sa kanya, itinanong ni Hesus, “Sino ang higit na nagmamahal, siya na mas maraming kasalanan ang pinatawad, o siya na pinatawad sa kaunting kasalanan lamang?”
  • Marcos 8:36. Sa pagtuturo tungkol sa pagdidisipulo, nagtanong si Hesus, “Ano nga ang mapapakinabang ng tao kung makamit man niya ang buong mundo kung mawawala naman sa kanya ang kanyang kaluluwa?”
  • Lucas 6:46. Para sa mga ayaw sumunod, sinabi ni Hesus, “Bakit ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon’ gayunman ay hindi ninyo ginagawa ang sinasabi ko sa inyo?”

Alinman sa mga tanong na ito ay hindi nagbibigay sa atin ng madaling sagot.  Ang bawat isa ay pinapaisip tayo ng mas malalim tungkol sa itinuturo ni Hesus.

May dalawang paraan kung saan ang mga guro ay nabibigong magtanong nang mahusay.

  1. Masyadong simple ang ating mga tanong. Nagkakasya na tayo sa mga “Oo” o “Hindi” na mga tanong. Kung nais nating mag-isip ng mas malalim ang ating mga mag-aaral, dapat tayong magtanong nang higit pa ang sagot sa mga galing sa kanilang textbook.
  2. Hindi tayo naghihintay nang sapat para sa kanilang sagot. Sinasabi ng mga mananaliksik na karamihan sa mga guro ang naghihintay ng wala pang isang segundo bago tumawag ng ibang mag-aaral para sumagot.  Kailangan ng halos walong segundo para maunawaan ng mag-aaral ang tanong at magsimulang bumuo ng kanyang sagot.  Upang mapabuti ang iyong pagtatanong, laging bumilang ng hanggang pito bago tumawag ng ibang mag-aaral para sumagot.

Isabuhay ang Aralin

Malikhain ka ba sa iyong pagtuturo? Maghanda ng aralin sa Galacia 6:7-8. Maghanda ng mga tanong na makakatulong sa mga mag-aaral upang mag-isip nang mas malalim tungkol sa prinsipyo ng paghahasik at pag-aani. Pagkatapos mong maihanda ang iyong mga tanong, tingnan ang footnote sa ibaba para sa mga dagdag na tanong na maaari mong itanong.[5]

Mas Malapit na Pagtingin: Pagbibigay Kahulugan sa mga Talinhaga

Ang talinhaga ay isa sa mga paboritong paraan ng pagtuturo ni Hesus.  May nagpakahulugan sa talinhaga bilang “isang kuwentong makalupa na may makalangit na aralin.” Ang mga talinhaga ni Hesus ay gumagamit ng mga karaniwang rural na setting (magsasaka, pastol, at tupa), mga pamilyar na mga tao (ang Samaritano, pari, publikano, at Pariseo) at pamilyar na  sitwasyon (isang nawawalang tupa, nawawalang barya at naglayas na anak) upang umugnay sa mga interes ng kanyang mga mag-aaral).

Ang kurso ng Shepherds Global Classroom na Mga Prinsipyong Pagbibigay Kahulugan sa Biblia ay naglalaman din ng bahagi tungkol sa pagbibigay kahulugan sa mga talinhaga.  Narito ang isang buod ng mga prinsipyong itinuro sa kursong iyon. Kapag nag-aaral ng isang talinhaga, dapat nating itanong:

(1) Anong tanong o sitwasyon ang pinagmulan ng talinhagang ito?

Ang talinhaga ng Mabuting Samaritano ay sumagot sa tanong ng hukom na, “Sino ang aking kapitbahay?” Ang kuwento ni Hesus ay sumagot, “Ang sinumang taong nangangailangan na nasa aking landas ay ang aking kapitbahay at aking responsibilidad.”[6]

Ikinuwento ni Hesus ang talinhaga ng Alibughang Anak sa mga tagapanguna ng relihiyon na pinuna ang kanyang pakikipagkaibigan sa mga makasalanan. “Ngayon ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumapit sa kanya. Ang mga Pariseo at ang mga eskriba ay nagbulung-bulungan at sinasabing, ‘Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at nakikisalo pa sa kanila.’ Kaya’t ikinuwento niya sa kanila ang talinhagang ito.”[7]

  • Nawala ang tupa ng isang pastol. Nagdiwang siya nang matagpuan niya ang tupa!
  • Nawala ang barya ng isang babae. Nagdiwang siya nang matagpuan niya ang barya!
  • Nawala ng isang ama ang kanyang anak. Nagdiwang siya nang bumalik ang kanyang anak!

Ipinahiwatig ni Hesus, “Hindi kayo dapat magulat na ako’y kumakain kasama ng mga makasalanan, Nagdiriwang ang langit sa isang makasalanang nagsisisi!”

Kung ang ating pakahulugan ay hindi sumasagot sa tanong o tumutugon sa sitwasyon na pinagmulan ng kuwento ni Hesus, hindi natin nakita talaga ang layunin at aralin ng talinhaga.

(2) Ano ang panguhaning punto (o mga layunin) ng talinhaga?

Ang talinhaga ay madalas na mayroong isang pangunahing punto para sa bawat isang pangunahing tauhan sa kuwento.  Ang pangunahing leksiyon ng talinhaga ay direktang nakaugnay sa tanong o sa sitwasyon na pinagmulan ng talinhaga.  Ang ibang mga leksiyon ay magmumula sa mga tauhan ng kuwento.

May tatlong tauhan ang kuwento ng Alibughang Anak.  Nakita na natin na ang pangunahing leksiyon ng kuwento ay ang kaligayahan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi.  Ang araling ito ay sumasagot sa sitwasyon na naka-inspire sa kuwento ni Hesus.  Ang bawat tauhan sa talinhaga ay maaaring magturo ng leksiyon kaugnay sa pangunahing mensahe ng kuwento.  Itinuturo ng ama ang kahanga-hangang pag-ibig ng ating Ama sa Langit.  Itinuturo ng alibughang anak ang halaga/presyo ng kasalanan at ang posibilidad ng pagsisisi.  Ang mas nakatatandang kapatid ay nagbababala na maaari nating maipag-walang bahala at ma-miss ang mga pribilehiyo ng pag-ibig ng ama kahit pa sa panahong tila tayo ang “mabuting anak.”

(3) Ano ang mga detalyeng pangkultura ang mahalaga sa talinhaga?

Madalas ang mga talinhaga ni Jesus ay sumasalungat sa nakasanayan o norms sa kanyang kultura.  Ito ang dahilan kung bakit nagiging madaling maalala ang talinhaga: isang amang tumakbo upang salubungin ang anak na rebelde; bayani ang isang Samaritano; isang walang lakas na balo ang tumalo sa makapangyarihang hukom. Mas nauunawaan natin ang takda ng kultura ng isang talinhaga, mas mauunawaan natin ang mensahe ni Hesus.


[1] Ang “Lawa ng Genesaret” ni Lucas, ang “Dagat ng Tiberias” ni Juan,  ang “Dagat ng Galilea” nina Mateo at Marcos, at ang “Dagat ng Kinnereth” (Mga Bilang 34:11) ni Moses ay tumutukoy sa malaking lawa na mahalagang lugar sa ministeryo ni Jesus.  Ang ilan sa mga disipulo ni Jesus ay mga mangingisda sa lawang ito at malaking bahagi ng kanyang ministeryo ay naganap sa baybayin ng Dagat ng Galilea.

[2] Lucas 5:26.

[3] Lucas 11:1.

[4] Lucas 10:25-37.

[5] Mga tanong tungkol sa prinsipyo ng paghahasik at pag-aani sa Galacia 6:7-8.
(1) Ano ang ilang halimbawa mula sa kalikasan o lipunan na naglalarawan ng prinsipyo ng paghahasik at pag-aani?
(2) Sino ang ilan sa mga tauhan ng Biblia na naglalarawan sa prinsipyong ito?
(3) Mayroon ka bang personal na halimbawa ng prinsipyong ito?
(4) Sa iyong personal na buhay, naghahasik ka ba  ng mga binhi na hindi mo nais na anihin?

[6] Lucas 10:36-37.

[7] Lucas 15:1-3.

Aplikasyon: Pitong Batas ng Guro

Nagturo si Dr. Howard Hendricks[1] sa Dallas Theological Seminary nang mahigit sa animnapung taon.  Sa panahon ng kanyang pagtuturo, naturuan niya ang mahigit sa 10,000 mag-aaral.  Isa sa kanyang pinakamaimpluwensiyang aklat ay isang maliit na aklat.  Nagbubuod ito sa kanyang pilosopiya sa pitong “batas ng guro”.  Ang mga batas na ito ay nakabatay sa istilo ng pagtuturo ni Hesus. Sa iyong pagsasabuhay sa mga prinsipyong ito, ikaw ay magiging mas epektibong guro.

Ang Batas ng Guro

Ang Batas ng Guro: Kapag ikaw ay tumigil sa paglago sa araw na ito, titigil ka sa pagtuturo bukas.

Itinanong ni Dr. Hendricks, “Alin ang mas gugustuhin mo: Uminom sa isang di umaagos at gumagalaw na tubig o mula sa umaagos na batis?” Ang sariwang tubig mula sa isang umaagos na batis ay mas mabuti kaysa sa tubig na di gumagalaw at di nakahihikayat.

May mga guro na lumilipas ang mga taon na hindi man lang bumabasa ng bagong libro tungkol sa kanilang aralin o hindi man lang nagkakaroon ng dagdag na bagong kaalaman.  Ang kanilang pagtuturo ay maitutulad sa pond sa kaliwa; walang agos at panis/mabaho.  Bilang mga guro, dapat tayong patuloy na lumago sa ating trabaho. Gayundin naman ang mga pastor ay dapat patuloy na mag-aral upang magkaroon ng mga bagong insights sa Salita ng Dios.

Isabuhay ang Aralin

► Halimbawang tanungin ka ng isang mag-aaral, “Guro, ano po ang natutuhan ninyo sa Biblia?” Ang sagot mo ba ay manggagaling sa linggong ito, sa buwang ito, sa taong ito o mula sa matagal na panahon na nakalipas? Lumalago ka ba araw-araw sa iyong kaalaman sa Salita ng Dios?

Ang Batas ng Edukasyon

Ang Batas ng Edukasyon: Ang paraan kung paano natutut0 ang mga tao ang magsasabi kung paano ka magtuturo.

Tinuruan ni Hesus ang mga pastol sa pagkukuwento tungkol sa mga tupa, tinuruan niya ang mga mangingisda sa pagkukuwento tungkol sa “pangingisda ng mga tao”, tinuruan niya ang babae sa balon sa pagkukuwento tungkol sa tubig.  Alam ni Hesus na ang epektibong guro ay umaayon sa mga pangangailangan ng bawa’t mag-aaral.[2]

Inihahambing ni Dr. Hendricks ang pagtuturo sa gawain ng isang football coach.  Hindi naglalaro ang coach sa mismong laro; nagbibigay lamang siya ng pagkasabik at direksiyon sa mga manlalaro.  Sa ganun ding paraan, ang pinakamabuting guro ay hindi ginagawa ang lahat ng trabaho sa pamamagitan ng mga lektura.  Ang pinakamabuting guro ay nagbibigay ng inspirasyon sa bawat mag-aaral upang matuto sa paraang epektibo sa bawat isang mag-aaral.

Si Morris ay isang mag-aaral sa aking klase sa Bibliya. Inaasahan ko ang mga mag-aaral na maingat na isulat ang mga mahahalagang punto bilang paghahanda sa pagsusulit.  Ayaw magsulat ni Morris.  Sa halip,  habang ako’y naglelektura, gumuguhit siya ng mga larawan sa kanyang notebook.  Bilang guro, natatakot ako na si Morris ay hindi nakikinig sa akin. Ilang beses kong sinabi, “Morris, maaari bang huwag kang gumuhit ng mga larawan. Isulat mo ang aking itinuturo.” Sinikap niyang gawin ang sinasabi ko, subali’t naging labis na nagulumihanan si Morris.

Pagkatapos, naalala ko ang Batas ng Edukasyon ni Dr. Hendricks.  Sinabi ko, “Morris, mag-eksperimento tayo. Maaari kang magdrowing kung maipapakita mo sa akin na natatandaan mo kung ano ang aking sinasabi sa klase.” Tagumpay ang eksperimento.  Natuto si Morris sa pagguguhit sa larawan ng mga salitang naririnig niya.  Natutuhan kong baguhin ang aking mga inaasahan dahil “kung paano natututo ang tao ang siyang magsasabi kung paano ka magtuturo.”

Isabuhay ang Aralin

► Mayroon ka bang mag-aaral na natututo sa ibang pamamaraan kaysa isa lahat ng bata sa klase? Ano ang ginagawa mo upang tulungan ang mag-aaral na mas epektibong matuto?

Ang Batas ng Aktibidad

Ang Batas ng Aktibidad: Mas maraming gawain na kasali ang Mag-aaral, mas maraming Matututuhan.

Alam ni Hesus na dapat isabuhay ng mga mag-aaral ang aralin na kanyang itinuturo.[3]  Isinugo niya sila sa mga pangmisyong paglalakbay: namigay sila ng tinapay at isda sa napakaraming tao, dinala niya sila sa ilang upang manalangin; binigyan niya sila ng mga pagkakataon upang isabuhay ang kanilang natututunan. Ano ang resulta? Ang mga apostol ay nakilala bilang ang mga taong “binaligtad ang mundo.”[4]

Sinasabi ng mga psychologists na naaalala natin ang wala pa sa 10% ng ating naririnig, naaalala natin ang wala pa sa 50% ng ating nakikita at naririnig, subali’t naaalala natin ang hanggang 90% ng ating nakikita, naririnig at ginagawa. Talagang napatataas ng aktibong pagsali ang pagkatuto.

Isabuhay ang Aralin

Sa iyong paghahanda para sa iyong susunod na aralin, maghanda ng activity na magbibigay ng pagkakataon upang isabuhay ang prinsipyong iyong itinuro.

Ang Batas ng Komunikasyon

Ang Batas ng Komunikasyon: Upang tunay na magturo, dapat tayong magtayo ng tulay sa mga mag-aaral.

Bilang mga guro at pastor, tayo ay nasa gawain ng komunikasyon.  Ang ating trabaho ay mas malaki kaysa pagbibigay ng impormasyon; ang ating trabaho ay magpahayag ng katotohanan sa ating mga tagapakinig. Ang “communication” ay nagmula sa salitang Latin na communis, na ibig sabihin “common” (pareho).  Sa komunikasyon, nangangailangang makita ang kalagayan na magkatulad kayo (common ground). Sa komunikasyon kailangang magtayo ng tulay patungo sa ating mag-aaral.

Nagbigay si Hesus ng isang modelo sa pagtatayo ng tulay patungo sa mga mag-aaral.  Upang maabot ang babaeng Samaritana, si Hesus ay tumawid sa mga hadlang na pangkultura, panglahi, pangrelihiyon at panglipunan. Si Hesus ay Judio, siya ay Samaritana.  Si Hesus ay lalaki, siya ay babae.  Si Hesus ay isang iginagalang na rabbi; siya ay may imoral na nakaraan.  Paano makakapagtayo ng tulay si Hesus sa kabila ng mga hadlang na ito? Humanap siya ng magkatulad na kalagayan/common ground; kapwa sila nauuhaw. Ang pisikal na pangangailangan ay nagbigay ng tulay patungo sa isang pagtatagpong nakakabago ng buhay.[5]

Isinulat ni Dr. Hendricks na ang komunikasyon ay dapat magkaroon ng tatlong antas:

  1. Kaalaman – Isang bagay na alam ko. Ito ang pinakasimpleng antas ng komunikasyon.
  2. Kinalulugdang gawin (Passion) – Isang bagay na aking nararamdaman.  Ito ay mas malalim na antas ng komunikasyon.
  3. Pagkilos – Isang bagay na aking ginagawa.  Ang antas na ito ng komunikasyon ay bumabago sa ating mga mag-aaral.

Nakinig ako habang ang isang tagapamahala sa seminaryo sa Africa ay nagprisinta ng kanyang pangitain sa isang mayamang donor.  Hiningan niya ng pera ang donor nang mas marami pang pera kaysa sa kaya kong isipin! Bakit? Nagpahayag ang tagapamahala ng seminaryo sa tatlong antas.

  1. Kaalaman – Alam niya ang pangangailangan ng pagsasanay sa seminaryo sa Africa.
  2. Kinalulugdang gawin (Passion) – Kinalulugdan niya ang pagsasanay ng mga tagapanguna sa mga iglesya sa Africa.
  3. Pagkilos – Inilaan niya ang kanyang buhay sa Africa at marami na siyang naisakripisyo para sa pagsasanay ng mga tagapanguna sa iglesya. Malinaw na naipahayag ng tagapamahala kung ano ang kanyang ginagawa sa Africa.

Upang epektibong makapagturo, dapat mayroon tayong passion para sa ating paksa.  Isipin ninyo ang pag-uusap na  ito sa maraming mga silid-aralan ng Sunday school:

          Guro: “Sa araw na ito, pag-aaralan natin ang pagpapakain sa 5,000 sa Juan 6.”

Mag-aaral: “May tanong po ako. Sinasabi ng Biblia na binilang nila ang mga lalaki lamang. Bakit po?”

          Guro: “Hindi ko alam.  Hindi iyon mahalaga.  Yung leksiyon na lang ang isipin mo.”

Bigla ang isang exciting na kuwento sa Biblia ay nawalan ng buhay. Ikatutuwa ng mga bata na malaman kung paano pakakainin ni Hesus ang 20,000 tao gamit lang ang kaunting tinapay at ilang isda.  Paano natin iyon ginawang walang buhay? Ang guro ay hindi nagpahayag ng kaalaman; hindi niya napag-aralan ang background upang maunawaan kung bakit ang mga lalaki lamang ang binilang ng mga manunulat na Judio. Walang passion ang guro para sa kanyang exciting na kuwento. Marahil  ang buhay ng gurong ito ay hindi pa nabago ng araling ito sa paraang magagawa rin niyang  baguhin ang buhay ng mga mag-aaral.

Isabuhay ang Aralin

Sa iyong paghahanda ng aralin, isipin mo ang layo ng mundo mo sa mundo ng iyong mga mag-aaral. Maglaan ng oras upang mapalapit (magtayo ng tulay) sa iyong mga mag-aaral. Humanap ng paraan upang iugnay ang aralin sa mga interest ng iyong mga mag-aaral.

 

Ang Batas ng Puso

Ang Batas ng Puso: Ang Epektibong pagtuturo ay higit pa sa ulo sa ulo; ito ay puso sa puso.

Nang matapos ni Hesus ang Sermon sa Bundok, “ang mga tao ay namangha sa kanyang mga turo dahil nagtuturo siya tulad sa isang may awtoridad; at hindi tulad ng kanilang mga eskriba.”[6]  Nagmula sa kanyang puso ang mga pagtuturo ni Hesus at humipo ito sa puso ng kanyang mga tagapakinig.

Paulit-ulit na ipinakita ng mga Ebanghelyo ang kahabagan ni Hesus.  Nahipo ng kanyang pagkahabagan ang mga tao.  Naabot ng kanyang puso ang puso ng mga tao.  Ipinakikita ni Howard Hendricks ang mga elemento ng epektibong pagtuturo.

Ang karakter ng guro ay nagbibigay ng pagtitiwala sa mga mga mag-aaral.

Kapag ang mag-aaral ay nagtitiwala sa karakter ng guro, mayroon siyang tiwala sa itinuturo sa kanya.  Bilang mga pastor at guro, hindi natin dapat sirain kailanman ang pagtitiwalang iyon. Ang pinakamahirap na muling ibalik ay ang pagtitiwala.  Ang matalinong tagapangunang Kristiyano ay tumatakas sa anumang makaaakay sa kanya sa mga pagkakamaling moral o etikal.  Ang iyong karakter ay dapat nagdudulot ng tiwala sa iyong mga mag-aaral.

Ang kahabagan ng guro ay nagbubunga ng motibasyon sa mga mag-aaral.

Kapag nararamdaman ng mag-aaral ang kahabagan ng tagapagturo, nahihikayat siyang matuto.  Sumunod ang mga alagad kay Hesus dahil nalalaman nila na mahal niya sila.  Kung hindi mo mahal ang iyong mga mag-aaral, kaunti lamang ang kanilang motibasyon para matuto mula sa iyo.

Sa pakikipag-usap sa mga guro sa maliliit na bata, sinabi ni Dr. Hendricks na, “Kung may bagong sapatos si Joanne, dapat mong pansinin muna ang kanyang bagong sapatos, o hindi na niya pakikinggan ang iyong bagong leksiyon!”  Matapos mong magpakita ng interes sa mag-aaral (dahil sa iyong pagmamahal), handa na rin silang matutuhan ang leksiyon na iyong ituturo.

Ang nilalaman ng aralin ng guro ay nagbibigay ng pang-unawa sa mag-aaral.

Tanging kapag ang mag-aaral ay mahikayat na matuto, ikaw ay magiging handa na ring ituro ang iyong nilalaman ng leksiyon.  Matapos mong makuha ang kanilang pagtitiwala, maaari kang magsalita mula sa iyong puso sa puso ng iyong mag-aaral.

Isabuhay ang Aralin

► Mahal mo ba ang iyong mga mag-aaral? Kasinghalaga nito, alam ba nila na mahal mo sila? Paano mo higit na maipapadama ang iyong puso sa mga mag-aaral na dinala ng Dios sa iyo?

Ang Batas ng Pagpapalakas-loob

Ang Batas ng Pagpapalakas-loob: Pinakaepektibo ang pagtuturo kapag ang mag-aaral ay maayos na nahikayat.

Kapag naririnig mo ang salitang “hikayatin/motivation,” maraming guro ang nag-iisip ng kendi, sertipiko, grades o ibang paraan ng paghikayat sa mga mag-aaral.  Ang mga ito ay external o “extrinsic” na panghikayat. Nanggagaling ang mga ito sa labas ng mag-aaral. Kabilang sa mga extrinsic na panghikayat ang mga gantimpala (“magsaulo ka ng 100 talata, at bibigyan ka naming ng isang tropeo”) at kahihiyan (kapag hindi ka nagsaulo ng mga talata ng Biblia, ikaw ay hindi mabuting Kristiyano”).  Maraming guro ang halos lubusang umaasa sa mga panlabas na panghikayat.

Maaaring magamit ang mga panlabas na panghikayat sa maikling panahon, subalit ang epekto nito ay pansamantala. Kapag ang isang mag-aaral ay magsaulo ng mga talata sa Biblia dahil lamang sa isang sertipiko, lilipas ang panahon na hindi na ito makahihikayat sa kanila. Ang sertipiko kapag nagtagal ay hindi na sapat ang panghikayat upang makaingganya ng maraming pagsisikap.  Kapag ang isang mag-aaral ay nagsasaulo dahil sa nahihiya, ang pagkahiya ay lilipas at mawawala ang kapangyarihan nito. Magpapasiya sila, “Sa palagay ko, maaari akong maging isang Kristiyano nang hindi kailangang gawin ang dagdag na trabaho ng pagsasaulong ito!”

Ang panloob o “intrinsic” motivators ay mas malalim. Nanggagaling ito mula sa kalooban ng mag-aaral.  Naglista si Dr. Hendricks ng ilang panloob na panghikayat:

  • Pagmamay-ari. “Ito ang aking iglesya.  Upang tulungan itong lumago, mag-iimbita ako ng mga bisita.”
  • Pangangailangan. “Kailangan ko ang Salita ng Dios upang magapi ang tukso, kaya’t ako’y magsasaulo ng Kasulatan.”
  • Pagtanggap. “Mahal ko ang aking guro at nais kong masiyahan siya, kaya’t ako’y mag-aaral ng aking aralin.”

Ang mga motibasyong ito ay tumatagal nang mas mahaba kaysa sa kendi o mataas na grado. Kapag ginagamit natin ang mga pamamaraan ng motibasyon na ito, hinihikayat natin ang ating mga mag-aaral para sa pangmatagalang pagkatuto.

Isabuhay ang Aralin

► Gumawa  ng listahan ng mga panghikayat/motivators na ginagamit mo sa iyong mga mag-aaral.  Alin ang extrinsic at alin ang intrinsic?

Ang Batas ng Kahandaan

Ang Batas ng Kahandaan: Pinakaepektibo ang pagtuturo kapag ang mag-aaral at  guro ay kapwa may sapat na kahandaan.

Ito ba ay katulad ng normal na leksiyon sa paaralang Lingguhan sa inyong iglesya?

Guro: “Sa araw na ito, pag-aaralan natin ang Efeso 5. Pakibuksan ninyo ang inyong mga Biblia.”

          Iniisip ng mag-aaral: “Bakit kailangan naming pag-aralan ang Efeso 5?”

Gumugol ang guro ng isang oras sa pagtuturo ng Efeso 5.  Mahusay siyang guro. Pagkatapos ng isang oras, ang mga mag-aaral ay nakakuha ng inspirasyon sa mensahe ni Pablo.  Nang matapos ang leksiyon, umuwi na ang mga mag-aaral.  Pagkalipas ng isang lingo, maririnig naman natin ang ganito:

Guro: “Sa araw na ito, pag-aaralan natin ang Efeso 6. Pakibuksan ang inyong Biblia.”

Iniisip ng mag-aaral: “Bakit kailangan naming pag-aralan ang Efeso 6?”

Higit na mas mabuti kung napag-aralan ng mga mag-aaral ang Efeso 6 bago magklase! Mas marami bang matututuhan ang mag-aaral kung darating sila sa klase na may listahan ng mga tanong? Siyempre! Paano mo ito magagawa? Iminumungkahi ni Propesor Hendricks na magbigay ng mga takdang-aralin sa bahay na maghahanda sa mga mag-aaral para sa leksiyon.  Halimbawa:

  • Magbigay ng mga takdang-aralin kung saan ang mga mag-aaral ay mag-iisip tungkol sa aralin na kanilang pag-aaralan sa susunod na linggo. “Bago ang susunod na Linggo, basahin ang Mga Gawa 19 upang matutuhan kung paano sinimulan ni Pablo ang iglesya sa Efeso.”
  • Magbigay ng takdang-aralin na nagpapakita ng background o basehan para sa leksiyon. “Bago sa susunod na Linggo, basahin sa isang Bible dictionary ang tungkol sa templo ni Artemis sa Efeso.  Makakatulong ito upang ipaliwanag ang pagbibigay-diin ni Pablo sa espirituwal na labanan sa Efeso 6:10-20.”
  • Magbigay ng takdang-aralin na makakatulong upang magkaroon ng kakayahan ang mag-aaral na mag-aral mag-isa. “Basahin ang Efeso 6 isang beses araw-araw sa loob ng linggong ito. Sa iyong pagbabasa, sumulat ng isang tanong araw-araw tungkol sa kabanatang ito.  Sa susunod na Linggo, tatalakayin natin ang inyong mga tanong.

Isabuhay ang Aralin

Sa susunod na klaseng iyong tuturuan, bigyan ng takdang-aralin ang mga mag-aaral upang ihanda sila sa susunod na aralin. Tiyakin na ang takdang-aralin ay maghahanda sa kanila para sa mas mabuting pagkaunawa sa aralin na kanilang pag-aaralan.


[1] Ang materyal na ito ay sinipi mula sa Teaching to Change Lives ni Howard Hendricks, (Multnomah Books, 1987).

[2] “Ang ultimong pagsubok sa pagtuturo ay hindi kung ano ang iyong ginagawa o kung gaano mo kahusay ginawa iyon, sa halip, ano at paano kahusay iyon ginawa ng mag-aaral.”
- Dr. Howard Hendricks

[3] “Narinig ko… nakalimutan ko.
Nakita ko… at aking naalala.
Ginawa ko… at aking naunawaan.”
- Kawikaang Chinese

[4] Mga Gawa 17:6.

[5] Juan 4:1-42.

[6] Mateo 7:28-29.

Konklusyon: Ang Kahalagahan ng Karakter ng Guro

Nalalaman ni Hesus na “ang bawa’t isa kapag siya’y lubos nang nasanay ay magiging katulad na ng kanyang guro.”[1] Ang prinsipyong ito ay ipinamalas ng kanyang mga disipulo.  Dahil siya ay sinanay sa modelo ng perpektong pagmamahal, si Juan ang “Anak ng Kulog” ay naging si Juan ang “Apostol ng Pag-ibig”.  Dahil siya ay sinanay sa modelo ng pananampalataya, ang “Mapag-alinlangang si Tomas” ay naging si Tomas, ang “Apostol sa India.” “Nang sila’y lubos nang nasanay, ang mga disipulo ay katulad na ng kanilang guro.

Ang unang hakbang para sa isang guro ay maging kung ano ang nais mong maging sa mga mag-aaral mo. Hindi maaaring gawin ng Dios ang mabuway na si Pedro upang maging “ang Bato” malibang si Hesus ay isang modelo ng katatagan. Dapat tayong maging kung ano ang nais natin  ang ating mga mag-aaral ay maging.  

Naunawaan ni Pablo ang prinsipyong ito. Sinabi niya sa mga taga-Corinto, “Tularan ninyo ako, tulad ng pagtulad ko kay Cristo.”[2] Napakatapang na pangungusap! Ipinahihiwatig ni Pablo, “Kung nais ninyong mamuhay sa tamang uri ng buhay, kopyahin ninyo ako.” Dahil sinusunod ni Pablo si Cristo, ligtas na sundan ng mga taga-Corinto si Pablo.

Kung magiging katulad ko ang aking mga mag-aaral, dapat kong itanong, “Nagpapakita ba ako ng karakter/o katangiang ikahihiya ko kung gagayahin ng aking mga mag-aaral?” Kung tumutugon ako sa mga mag-aaral nang may pagkagalit at kawalang-tiyaga, hindi ako dapat magulat kung “kapag sila ay lubos na ang pagsasanay” ay magpapakita rin ng pagkagalit at kawalang-tiyaga sa iba.

Sentro ang karakter sa isang guro.  Hindi mo maaaring madevelop sa iyong mga mag-aaral ang mga katangian ng karakter na hindi nila nakikita sa iyong buhay.  Higit na mas mahalaga na ang isang guro ay nagpapakita ng maka-Dios na karakter kaysa sa magpakita siya ng mataas na pinag-aralan.  Dapat tayong maging kung ano ang nais nating maging ang ating mga mag-aaral.

Isabuhay ang Aralin

► Sa ating pagtatapos sa araling ito sa pagtuturo nang katulad ni Hesus, hilingin sa Dios na ipakita sa iyo kung mayroon kang karakter trait na ayaw mong magaya ng iyong mga mag-aaral. Hilingin ang biyaya ng Dios upang gawin ang kinakailangang pagbabago upang kung ang iyong mag-aaral ay “sapat na ang pagsasanay” makikita mo ang karakter ng Dios ay nasasalamin sa kanilang mga buhay.”


[1] Lucas 6:40.

[2] 1 Cor. 11:1.

Mga Takdang-Aralin ng Aralin

Ang mga takdang-aralin para sa araling ito ay ginawa na sa kabuuan ng aralin.  Kung nakumpleto mo ang bawat gawain na nakalista sa panahon ng aralin, wala nang dagdag na takdang aralin para sa Aralin 4.

Listahan ng lahat ng mga paksang "Isabuhay ang Aralin" sa buong aralin:

► Isipin mo ang iyong mga tinuturuan (maging formally o informally). Ituon ang isip sa isang mag-aaral na nahihirapan. Gumawa ng listahan ng mga praktikal na bagay na maaari nating gawin upang paglingkuran ang pangangailangan ng mag-aaral na ito.

► Natutukso ka ba na sumuko sa mga mag-aaral na mabagal? Nagiging frustrated ka ba kapag hindi sila tumutugon sa iyong pagtuturo? Paano mo maipapakita ang tiyaga ng Dalubhasang Guro sa mga tinuturuan mo?

► Isipin ang isang mag-aaral na mahirap mahalin. Marahil siya ay isang tauhan na tumatanggi sa iyong pamumuno. Marahil siya ay isang miyembro ng iglesya na pumupuna sa iyo. Magsimulang manalangin, “O Dios, nahihirapan akong mahalin ang taong ito, subali’t alam kong minamahal mo sila. Tulungan mo akong makita sila sa pamamagitan ng iyong mga mata. Tulungan mo akong mahalin sila kung paanong minahal ni Hesus ang kanyang mga mag-aaral.”

► Sa susunod na pagkakataon na ikaw ay magtuturo, isulat mo ang iyong layunin para sa aralin sa isang pisara na makikita ng mga mag-aaral.  Tiyakin na malinaw ang layunin at madaling maunawaan.  Ipahayag ang layunin sa simula ng aralin. Sa katapusan ng aralin, itanong sa mga mag-aaral, “Natupad ba natin ang ating layunin?”

► Bigyan ng pagkakataon ang iyong mga mag-aaral na isabuhay ang kanilang natututuhan. Kung ikaw ay nagsasanay ng mga batang pastor, bigyan sila ng pagkakataong mangaral, bumisita sa isang maysakit, o ibahagi ang ebanghelyo sa isang di-mananampalataya. Kapag sila’y natapos, alamin ang resulta ng kanilang ministeryo, magbigay ng mga mungkahi para sa ikabubuti ng ginagawa nila at palakasin ang kanilang loob sa pagpansin sa mga bahaging sila’y naging matagumpay.

Nag-aakma ka ba  sa iyong pagtuturo?  Magplano ng dalawang magkaibang paraan kung paano ituturo ang isang aralin.  Kung karaniwang nagbibigay ka ng lecture, magplano ng isang araling walang lecture. Kung karaniwan kang gumagamit ng powerpoint o ibang teknolohiya, magplano ng isang aralin na hindi nangangailangan ng koryente. Kung magtuturo ka sa isang silid-aralan, magplano ng aralin sa labas at isama ang kalikasan sa iyong aralin.

Malikhain ka ba sa iyong pagtuturo? Maghanda ng aralin sa Galacia 6:7-8. Maghanda ng mga tanong na makakatulong sa mga mag-aaral upang mag-isip nang mas malalim tungkol sa prinsipyo ng paghahasik at pag-aani. Pagkatapos mong maihanda ang iyong mga tanong, tingnan ang footnote sa ibaba para sa mga dagdag na tanong na maaari mong itanong.[1]

► Halimbawang tanungin ka ng isang mag-aaral, “Guro, ano po ang natutuhan ninyo sa Biblia?” Ang sagot mo ba ay manggagaling sa linggong ito, sa buwang ito, sa taong ito o mula sa matagal na panahon na nakalipas? Lumalago ka ba araw-araw sa iyong kaalaman sa Salita ng Dios?

► Mayroon ka bang mag-aaral na natututo sa ibang pamamaraan kaysa isa lahat ng bata sa klase? Ano ang ginagawa mo upang tulungan ang mag-aaral na mas epektibong matuto?

Sa iyong paghahanda para sa iyong susunod na aralin, maghanda ng activity na magbibigay ng pagkakataon upang isabuhay ang prinsipyong iyong itinuro.

Sa iyong paghahanda ng aralin, isipin mo ang layo ng mundo mo sa mundo ng iyong mga mag-aaral. Maglaan ng oras upang mapalapit (magtayo ng tulay) sa iyong mga mag-aaral. Humanap ng paraan upang iugnay ang aralin sa mga interest ng iyong mga mag-aaral.

► Mahal mo ba ang iyong mga mag-aaral? Kasinghalaga nito, alam ba nila na mahal mo sila? Paano mo higit na maipapadama ang iyong puso sa mga mag-aaral na dinala ng Dios sa iyo?

► Gumawa  ng listahan ng mga panghikayat/motivators na ginagamit mo sa iyong mga mag-aaral.  Alin ang extrinsic at alin ang intrinsic?

Sa susunod na klaseng iyong tuturuan, bigyan ng takdang-aralin ang mga mag-aaral upang ihanda sila sa susunod na aralin. Tiyakin na ang takdang-aralin ay maghahanda sa kanila para sa mas mabuting pagkaunawa sa aralin na kanilang pag-aaralan.

► Sa ating pagtatapos sa araling ito sa pagtuturo nang katulad ni Hesus, hilingin sa Dios na ipakita sa iyo kung mayroon kang karakter trait na ayaw mong magaya ng iyong mga mag-aaral. Hilingin ang biyaya ng Dios upang gawin ang kinakailangang pagbabago upang kung ang iyong mag-aaral ay “sapat na ang pagsasanay” makikita mo ang karakter ng Dios ay nasasalamin sa kanilang mga buhay.”


[1] Mga tanong tungkol sa prinsipyo ng paghahasik at pag-aani sa Galacia 6:7-8.
(1) Ano ang ilang halimbawa mula sa kalikasan o lipunan na naglalarawan ng prinsipyo ng paghahasik at pag-aani?
(2) Sino ang ilan sa mga tauhan ng Biblia na naglalarawan sa prinsipyong ito?
(3) Mayroon ka bang personal na halimbawa ng prinsipyong ito?
(4) Sa iyong personal na buhay, naghahasik ka ba  ng mga binhi na hindi mo nais na anihin?

Next Lesson